Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan at Pagpapasakop sa Diyos Maaaring Matamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon (Unang Bahagi)

Ang higit na nakararami sa inyo ay nananalig sa Diyos nang, humigit-kumulang, hindi bababa sa sampung taon, kaya anong yugto sa inyong karanasan sa buhay ang narating na ninyo? Sa anong yugto kasalukuyang nakatayo ang inyong tayog? (Kapag nakikita ko ang aking sarili na patuloy na nagpapakita ng tiwaling disposisyon, napagpapasyahan ko na hindi ako isa sa mga tao ng Diyos kundi isang tagapagsilbi lamang; pagkatapos ay nagiging negatibo at nag-aalala ako na hindi ako karapat-dapat tumanggap ng kaligtasan.) Ang magkaroon ng takot kapag natutukoy na ang isang tao ay tagapagsilbi: ito ay isang palatandaan na ang iyong tayog ay isip-bata at wala pa sa gulang. Ang pagiging isip-bata ng tayog ay nangangahulugan ng kawalan ng karunungan, kawalan ng normal na kakayahan na timbangin at pag-isipan ang mga problema, kawalan ng mga prosesong pangkaisipan ng isang nasa hustong gulang, at palaging napipigilan ng mga pagkakataon sa hinaharap at kapalaran ng isang tao. May iba pa bang gustong magsalita nang kaunti? (Kapag, sa paggawa ko sa aking tungkulin, lumilihis ako sa aking landas, palagi akong nag-aalala, nag-iisip kung ibubunyag ako ng Diyos at ititiwalag.) Bakit kayo natatakot na matiwalag? Ang bagay na ito na itinuturing ninyo na “pagtitiwalag”: sa huling pagsusuri, ano ang kahulugan nito? (Ang humantong sa hindi magandang katapusan.) Kapag itinuturing ninyo na ang kahulugan ng “pagtitiwalag” ay ang hindi pagpapahintulot na gawin ang tungkulin mo, o ang pagkawala ng anumang pagkakataon ng kaligtasan na maaaring mayroon ka, ito ba—ang bagay na itinakda mo—ay katulad ng paraan kung paano ka nakikita at tinatrato ng Diyos? Bilang isang likas na gawi, haharapin ng mga isip-bata ang tayog ang lahat ng bagay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa halip na ayon sa salita ng Diyos o sa katotohanan. Ngunit haharapin ng mga may hustong gulang at nahinog na sa buhay ang lahat alinsunod sa salita ng Diyos at sa katotohanan; ang pagsusuri sa isang isyu sa ganitong paraan ay mas wasto. Kapag ginagawa ang tungkulin ng isang tao, karaniwan ang masadlak sa mga paglihis at paghihirap; kung siya ay ititiwalag sa unang pagkakamali, walang sinumang maayos na makakagawa ng kanyang tungkulin. Dapat ninyong maunawaan na ang buong layon ng paggawa sa tungkulin ng isang tao ay upang ang tiwaling disposisyon niya ay madalisay sa pamamagitan ng karanasan ng paghatol ng Diyos, upang sa paggawa ng isang tao sa kanyang tungkulin ay maunawaan niya ang katotohanan at makapasok sa realidad, at upang sa paggawa niya sa kanyang tungkulin ay makalaya siya sa pagpapahirap ng impluwensiya ni Satanas at makatanggap siya ng kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na, sa paggawa sa kanilang tungkulin, matutunan nila kung paano hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, at lutasin ang mga problema alinsunod sa salita ng Diyos: Ito ay isang kinakailangang pagsulong sa karanasan sa buhay. Sa mga ordinaryong pangyayari, walang sinumang indibidwal ang dalubhasa sa lahat ng bagay, ni wala ring sinumang indibidwal ang may taglay ng mga kasanayang sumasaklaw sa lahat, kaya halos imposibleng maiwasan ng isang tao ang magkamali sa paggawa sa kanyang tungkulin. Ngunit hangga’t hindi ito isang sinasadyang gawa ng panggugulo, saklaw ito ng mga hangganan ng mga normal na inaasahan. Gayunman, kung ito ay nangyayari sa pamamagitan ng pakana ng tao, kung ito ay isang masamang bunga na dala ng isang sinadyang maling gawa, may mali sa pagkatao ng taong sangkot dito, at ito ay magiging isang kaso ng sinasadyang panggugulo at paninira. Ang buktot na tao ay lubusang ibubunyag. Gumagawa ang Diyos, sa Kanyang mga sariling mata, ng tamang pagsukat at pagsusuri ng mga tao; ibig sabihin, sa paggamit sa isang tao, sa pagpapagawa sa kanya ng isang bagay, tiyak na ang Diyos ay may mga pamantayan na hinihingi Niyang matugunan ng taong ito. Hindi nais ng Diyos na ikaw ay maging higit sa tao, maging makapangyarihan sa lahat; sa halip, may mga hinihingi Siya sa iyo, at ipinagkakaloob sa iyo ang pagtrato, batay sa saklaw ng kakayahan ng isang ordinaryong tao. Ayon sa kaalamang mayroon ka, sa iyong kakayahan, ang mga kondisyon ng iyong pamumuhay, at ang lahat ng pagkaunawa na iyong nakamit, kabilang ang saklaw ng iyong kapasidad nang may pagsasaalang-alang sa iyong kasalukuyang gulang at karanasan, itatakda ng Diyos ang pinakatumpak at pinakanararapat na pamantayan para sa pagsusuri sa iyo. Ano ang pamantayan ng pagsusuri ng Diyos? Ito ay para siyasatin ang layon, mga prinsipyo, at mga mithiin sa pamamaraan mo ng paggawa ng mga bagay-bagay, upang tingnan kung ang mga ito ay umaayon sa katotohanan. Marahil ay umaayon ang ginagawa mo sa mga pamantayan na itinakda para sa iyo ng ibang tao, at dapat kang makakuha ng perpektong puntos para dito; ngunit paano ka sinusuri ng Diyos? Ang pamantayan kung paano ka sinusukat ng Diyos ay kung may kakayahan ka bang ibigay ang buo mong puso, pag-iisip, at lakas, kung darating ka ba sa punto na maibibigay mo ang lahat ng mayroon ka, maihahandog ang iyong pagkamatapat. Ito ang pamantayan ng pagsusuri ng Diyos. Kung naihandog mo na ang lahat ng mayroon ka, makikita ng Diyos na naabot mo na ang pamantayan. Ang lahat ng hinihingi ng Diyos sa mga tao ay saklaw ng kakayahan nilang maibigay, at hindi lumalagpas sa anumang kaya nilang maabot.

Paminsan-minsan, gumagamit ang Diyos ng isang partikular na bagay upang ibunyag ka o disiplinahin ka. Kung gayon ba ay nangangahulugan ito na tiniwalag ka na? Nangangahulugan ba ito na dumating na ang katapusan mo? Hindi. Para itong kapag sumuway at nagkamali ang isang bata; maaari siyang kagalitan at parusahan ng kanyang mga magulang, ngunit kung hindi niya maarok ang intensyon ng kanyang mga magulang o maunawaan kung bakit nila ginagawa ito, magkakamali siya ng pag-unawa sa kanilang layon. Halimbawa, maaaring sabihin ng mga magulang sa bata, “Huwag kang aalis ng bahay nang mag-isa, at huwag kang lalabas nang mag-isa,” ngunit pumasok lamang ito sa isang tainga at lumabas sa kabila, at tumakas pa ring mag-isa ang bata. Sa sandaling malaman iyon ng mga magulang, pagagalitan nila ang bata at bilang parusa, patatayuin nila siya sa sulok para pag-isipan ang kanyang inasal. Hindi nauunawaan ang mga intensyon ng kanyang mga magulang, ang bata ay nagsisimulang magduda: “Ayaw na ba sa akin ng mga magulang ko? Talaga bang anak nila ako? Kung hindi nila ako anak, ibig sabihin ba nito ay ampon ako?” Pinagninilayan niya ang mga bagay na ito. Ano ang mga tunay na intensyon ng mga magulang? Sinabi ng mga magulang na masyadong mapanganib na gawin iyon at sinabihan ang anak nila na huwag itong gawin. Ngunit hindi nakinig ang anak, at pumasok iyon sa isang tainga at lumabas sa kabila. Samakatuwid, kinailangang gumamit ng mga magulang ng isang uri ng kaparusahan para maturuan nang wasto ang kanilang anak at hayaan siyang matuto mula sa kanyang mga pagkakamali. Ano ang nais makamit ng mga magulang sa paggawa nito? Para lamang ba matuto ang bata mula sa kanyang pagkakamali? Hindi ganitong uri ng pagkatuto ang nais nilang makamtan sa huli. Ang layunin ng mga magulang sa paggawa nito ay para sundin ng bata ang sinabi sa kanya, kumilos alinsunod sa kanilang payo, at hindi gumawa ng anumang pagsuway para mag-alala sila—ito ang magiging epekto na hinahangad nilang makamtan. Kung nakinig ang anak sa kanyang mga magulang, ipinapakita nitong bumuti na ang kanyang pang-unawa, at dahil dito ay mababawasan ang iniisip ng kanyang mga magulang. Hindi ba’t masisiyahan na sila sa kanya kung gayon? Kakailanganin pa rin ba nilang parusahan siya nang ganoon? Hindi na nila kailangan pang gawin iyon. Katulad lang nito ang paniniwala sa Diyos. Dapat matutuhan ng mga tao na pakinggan ang mga salita ng Diyos at unawain ang Kanyang puso. Hindi sila dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Sa katunayan, sa maraming pagkakataon, ang pag-aalala ng mga tao ay nagmumula sa kanilang pansariling mga interes. Sa pangkalahatan, natatakot sila na baka wala silang kahinatnan. Palagi nilang iniisip, “Paano kung ibunyag, itiwalag, at tanggihan ako ng Diyos?” Ito ang maling interpretasyon mo sa Diyos; ang mga ito ay isang panig na pala-palagay mo lamang. Kailangan mong alamin kung ano ang layunin ng Diyos. Kapag ibinubunyag Niya ang mga tao, hindi ito para itiwalag sila. Ibinubunyag ang mga tao para ibunyag ang kanilang mga pagkukulang, pagkakamali, at kalikasang diwa, para makilala nila ang kanilang sarili, at maging kaya nila ang tunay na pagsisisi; sa kadahilanang ito, ang pagbubunyag sa mga tao ay para tulungan ang buhay nilang lumago. Kung walang dalisay na pagkaunawa, malamang na magkamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos at maging negatibo at mahina. Maaari pa nga silang magpatangay sa kawalan ng pag-asa. Sa katunayan, ang maibunyag ng Diyos ay hindi naman nangangahulugan na ititiwalag ka. Ito ay para tulungan kang malaman ang sarili mong katiwalian, at pagsisihin ka. Kadalasan, dahil suwail ang mga tao, at hindi naghahanap ng kasagutan sa katotohanan kapag nagbubunyag sila ng kanilang katiwalian, kailangang magdisiplina ng Diyos. At dahil dito, minsan, ibinubunyag Niya ang mga tao, ibinubunyag ang kanilang kapangitan at pagiging kaawa-awa, tinutulutan silang makilala ang kanilang sarili, na nakakatulong para lumago ang kanilang buhay. Ang pagbubunyag sa mga tao ay may dalawang magkaibang implikasyon: Para sa masasamang tao, ang maibunyag ay nangangahulugan na itiniwalag na sila. Para sa mga nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang paalala at isang babala; pinagninilay sila tungkol sa kanilang sarili, para makita ang kanilang tunay na kalagayan, at para huminto na ang kanilang pagiging suwail at walang ingat, sapagkat magiging mapanganib ang magpatuloy nang ganito. Ang pagbubunyag sa mga tao sa ganitong paraan ay para paalalahanan sila na baka, sa pagsasagawa nila ng kanilang tungkulin, sila ay maguluhan at hindi mag-ingat, hindi maging seryoso sa mga bagay, makuntento sa kaunting resulta, at mag-isip na nagampanan nila ang kanilang tungkulin ayon sa katanggap-tanggap na pamantayan samantalang, ang totoo, kapag sinukat ayon sa hinihingi ng Diyos, nagkulang silang masyado, subalit kampante pa rin sila, at naniniwalang ayos lang sila. Sa gayong mga sitwasyon, didisiplinahin, babalaan, at paaalalahanan ng Diyos ang mga tao. Kung minsan, ibinubunyag ng Diyos ang kanilang kapangitan—na malinaw na para magsilbing isang paalala. Sa gayong mga pagkakataon dapat mong pagnilayan ang iyong sarili: Hindi sapat ang gampanan mo nang ganito ang iyong tungkulin, may paghihimagsik sa iyong kalooban, napakaraming negatibong elemento, lahat ng ginagawa mo ay basta-basta lang, at kung hindi ka pa rin magsisisi, makatarungan na, dapat kang maparusahan. Paminsan-minsan, kapag dinidisiplina ka ng Diyos, o kaya ay ibinubunyag ka, hindi ito nangangahulugang ititiwalag ka. Dapat harapin ang bagay na ito nang tama. Kahit itiwalag ka pa, dapat mo itong tanggapin at magpasakop ka rito, at magmadaling magnilay-nilay at magsisi. Bilang pagbubuod, ano man ang kahulugang nakapaloob sa pagbubunyag sa iyo, dapat mong matutunang magpasakop. Kung nagpapakita ka ng pasibong paglaban, at sa halip na maayos ang iyong mga kapintasan ay patuloy pa itong lumalala, ikaw ay tiyak na maparurusahan. Samakatuwid, sa pagharap sa mga usapin na may kinalaman sa pagbubunyag, dapat magpakita ng pagpapasakop ang isang tao, ang puso niya ay dapat na mapuspos ng takot, at dapat siyang magkaroon ng kakayahang magsisi: Saka lamang aayon ang isang tao sa mga layunin ng Diyos, at tanging sa pagsasagawa lamang sa ganitong pamamaraan na maliligtas niya ang kanyang sarili at maiiwasan ang kaparusahan ng Diyos. Dapat ay nagagawang makilala ng mga makatwirang tao ang mga sarili nilang kamalian at naiwawasto ang mga ito, kahit paano ay nakararating sa punto na sumasandig sila sa kanilang konsensiya upang gawin ang kanilang tungkulin. Dagdag pa rito, dapat din nilang abutin ang katotohanan, nakararating hindi lamang sa punto kung saan may prinsipyo ang kanilang pag-uugali, kundi maging sa punto ng pagbibigay nila ng kanilang buong puso, buong kaluluwa, buong isipan, at buong lakas: Ang pagsasagawa lamang nito ang katanggap-tanggap na paraan ng pagtupad sa kanilang tungkulin, tanging sa paggawa lamang nito sila nagiging mga taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Ano ang dapat na ituring ng isang tao bilang pamantayan para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos? Dapat ibatay ng isang tao ang kanyang mga kilos sa mga katotohanang prinsipyo, na ang pangunahing aspekto ay bigyang-diin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, na isaisip ang kabuuang larawan, at hindi tumutok sa alinmang isang aspekto sa panganib na mawala ang pansin sa iba pa, at na ang maliit na aspekto ay maisagawa niya nang tama ang kanyang gawain, at matupad ang ninanais na epekto ayon sa hinihingi sa kanya, nang hindi gumagawa nang pabasta-basta, nang hindi nagdadala ng kahihiyan sa Diyos. Kung makakabisado ng mga tao ang mga prinsipyong ito, hindi ba’t bibitiwan nila ang kanilang mga alalahanin at maling paniniwala? Sa oras na isantabi mo ang iyong mga alalahanin at maling paniniwala, at wala kang anumang di-makatwirang ideya tungkol sa Diyos, ang mga negatibong elemento ay unti-unting mawawalan ng dominanteng posisyon sa loob mo, at haharapin mo ang mga ganitong uri ng bagay sa tamang paraan. Samakatuwid, mahalagang hanapin ang katotohanan at sikaping maunawaan ang mga layunin ng Diyos.

Kapag gumaganap ng kanilang tungkulin, ang ilan ay madalas na nasa kalagayan ng pagiging negatibo at pasibo, o lumalaban at may maling pagkaunawa. Lagi silang natatakot na mabubunyag at matitiwalag sila, at laging napipigilan ng kanilang hinaharap at tadhana. Hindi ba ito ang pagpapahayag ng isang mababang tayog? (Oo.) Laging sinasabi ng ilang tao na natatakot silang hindi nila magagampanang mabuti ang kanilang tungkulin, at kung hindi susuriing mabuti ang mga detalye maaaring isipin ng isang tao na tapat naman siya. Ano ba talaga ang ipinag-aalala nila sa kanilang mga puso? Nag-aalala sila na kung hindi nila magagawa nang mabuti ang kanilang tungkulin, matitiwalag sila at wala silang magandang destinasyon. Sinasabi ng ilang tao na natatakot silang maging mga tagapagsilbi. Kapag naririnig ito ng ibang mga tao, iniisip nilang ibig sabihin nito ay dahil ayaw ng mga taong iyon na maging mga tagapagsilbi, gusto lamang nilang magampanan nang mabuti ang kanilang tungkulin bilang isa sa mga tao ng Diyos, at mapagkamalang mga taong may paninindigan. Ang totoo, sa kanilang mga puso, iniisip ng mga taong iyon na takot maging mga tagapagsilbi na, “Kapag naging tagapagsilbi ako, mapapahamak lang din ako sa huli at hindi magkakaroon ng magandang destinasyon, at hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng langit.” Ito ang ipinahihiwatig ng kanilang mga salita; nag-aalala sila tungkol sa kanilang kahihinatnan at destinasyon. Kapag sinabi ng Diyos na sila ay mga tagapagsilbi, hindi nila gaanong pinagsisikapan ang pagganap sa kanilang tungkulin. Kapag sinabi ng Diyos na isa sila sa Kanyang mga tao at sinang-ayunan sila ng Diyos, medyo mas pinaglalaanan nila ng pagsisikap ang paggawa sa kanilang tungkulin. Ano ang problema rito? Ang problema ay kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hindi sila kumikilos ayon sa katotohanang prinsipyo. Lagi nilang isinasaalang-alang ang sarili nilang mga hinaharap at kapalaran, at lagi silang napipigilan ng titulong “tagapagsilbi.” Bilang resulta, hindi nila nagagawa nang maayos ang kanilang tungkulin, at kahit na gusto nilang isagawa ang katotohanan, wala silang lakas na gawin ito. Lagi silang nabubuhay sa estado ng pagiging negatibo, at naghahanap ng kahulugan sa mga salita ng Diyos, sinusubukang tiyakin kung sila ba ay mga tao ng Diyos o mga tagapagsilbi. Kung sila ay mga tao ng Diyos, pipilitin nila ang kanilang mga sarili para isagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Kung sila ay mga tagapagsilbi, pabasta-basta lamang ang pagsasagawa nila ng kanilang tungkulin, na nagdudulot ng maraming negatibong elemento, at nalilimitahan ng titulong “tagapagsilbi,” walang kakayahang palayain ang kanilang mga sarili. Minsan, matapos mapungusan nang matindi, sinasabi nila sa kanilang sarili, “Wala ng pag-asa para sa akin, ganito na talaga ako. Gagawin ko na lang kung ano ang makakayanan ko.” Nilalabanan nila ito nang may mga kaisipang pasibo, negatibo, at lumalala, at isinasagawa nila ang kanilang tungkulin nang may pag-aatubili. Magagawa ba nilang gampanan ang kanilang tungkulin nang maayos? Ang pagbabahaginan sa mga pagtitipon ay laging tungkol sa katotohanan, pagmamahal sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, pagsandig sa salita ng Diyos para mamuhay, at pagpapakita ng pagkamatapat sa Diyos—pero hindi niya naisasagawa ang anuman sa mga ito; iniisip lamang niya ang kanyang mga sariling inaasahan at kapalaran, habang panahon na nalilimitahan ng kanyang kasakiman para sa mga pagpapala, walang kakayahang tanggapin ang anumang aspekto ng katotohanan. Sa ganitong paraan, siya ay nakikipaglaban at sumasalungat, negatibo at puno ng reklamo, sa puso niya ay palaging may kinikimkim na mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, hinahadlangan ang Diyos, at inilalayo ang Diyos. Palagi siyang nakabantay laban sa Diyos, takot na makita ng Diyos ang totoo sa kanya, kontrolin siya, at kumilos ng laban sa kanyang mga interes. At, sa kanyang pagsunod, lagi siyang nag-aatubili at masama ang loob, hinihila ng mga taong nasa harap niya, at itinutulak paharap ng mga taong nasa likuran, na tila ba nahulog siya sa putik at ang bawat hakbang ay labis na paghihirap, at ang pagiging buhay ay labis na pagdurusa! Paano humantong dito ang mga bagay-bagay? Naging ganito ito dahil ang puso ng tao ay sobrang mapanlinlang, palaging mali ang pagkaunawa sa ginagawa ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Anumang pagtrato ang gawin ng Diyos sa kanila, palaging magdududa ang mga tao, iniisip, “Ang ibig sabihin ba nito ay ayaw na sa akin ng Diyos? Ililigtas ba ako ng Diyos sa huli o hindi? Para sa isang katulad ko, may silbi ba ang pagpapatuloy sa mga hinahangad ko? Makakapasok ba ako sa kaharian?” Kapag ang mga tao ay patuloy na nagkikimkim ng mga negatibo at salungat na kaisipang gaya ng mga ito, hindi ba nito maaapektuhan ang kakayahan nila na gampanan ang kanilang tungkulin? Hindi rin ba nito maaapektuhan ang paghahangad nila sa katotohanan? Kung hindi maglalaho ang lahat ng mga negatibong elementong ito, kailan pa sila makakapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos? Mahirap itong masabi. At dahil dito, ang mga taong tumatangging tanggapin ang katotohanan ang pinakamahirap pangasiwaan, at sa huli ang tanging magagawa sa kanila ay ang itiwalag sila.

Sa tiwaling sangkatauhan, may ilang salungat na mga elemento ang namalagi na nang malalim sa kanilang puso, halimbawa, ang mga bagay gaya ng karangalan, kayabangan, katayuan, kasikatan at pakinabang, at iba pa. Kapag nananalig ka sa Diyos, kung nais mong tanggapin ang katotohanan, nangangahulugan ito nang walang tigil na pakikipaglaban sa mga salungat na mga elementong ito, at pakikipagbuno sa lahat ng uri ng mahirap na karanasan at pakikipaglaban. Hangga’t ang katotohanan ay hindi nagiging buhay at namamayani sa mga tao, hindi hihinto ang labanan. Sa panahong ito, kapag naunawaan ng mga tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos at nagkamit ng matatag na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sisimulan nilang isagawa ang katotohanan at maghimagsik laban sa laman. Pagdating ng oras na ang katotohanan ay maging buhay nila, magiging posible na para sa kanila ang gamitin ang katotohanan para itapon ang mga negatibo at salungat na elementong ito. Ang kayabangan at personal na katanyagan, kasikatan, pakinabang, at katayuan, mga pagnanasa ng tao, maruruming hangarin, mga maling pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, ang kanilang mga pagpipilian at kagustuhan, ang kanilang pagmamatuwid sa sarili, pagmamataas, panlilinlang, at kung ano pa man—ang lahat ng problemang ito ay unti-unting magkakaroon ng solusyon matapos maunawaan ng mga tao ang katotohanan. Sa katunayan, ang proseso ng pananalig sa Diyos ay walang iba kundi ang proseso ng pagtanggap sa katotohanan, ang proseso ng paggamit sa katotohanan upang mapagtagumpayan ang laman, at ang proseso ng walang sawang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos, paghahanap sa katotohanan, at paggamit sa katotohanan na naunawaan mo, ang salita ng Diyos na nalaman mo, at ang mga katotohanang prinsipyo na naintindihan mo upang lutasin ang mga problemang ito. Ang magkaroon ng buhay pagpasok ay ang pagdaan sa mga karanasang ito, at dahil dito, ang mga tao ay unti-unting magbabago. Ang mga tiwaling elementong ito ay nasa lahat ng tao, at walang kahit isang indibidwal ang hindi nabubuhay para sa pakinabang at kasikatan. Ang lahat ng tao ay nabubuhay para sa mga bagay na ito; tanging ang paraan kung paano pinangangasiwaan ng bawat tao ang mga ito at ipinapahayag ang kagustuhan para sa mga ito ang maaaring magkaiba. Ngunit ang ipinapakita nila, sa diwa, ay magkapareho. Malakas magsalita ang ibang tao, ang iba ay hindi; ipinapakita ng iba ang sarili nila sa paraang kapansin-pansin, samantalang ang iba ay nagtatangkang magtago, ginagamit ang lahat ng uri ng paraan para pagtakpan ang mga bagay-bagay at pinipigilan na mabunyag ang mga ito, para hindi sila makilala ng iba. Ang hindi pagpapahintulot sa ibang tao na makilala ka, at ang pagtatakip sa mga bagay-bagay—sa palagay mo ba, sa paggawa nito, maitatago mo ito sa Diyos? Sa palagay mo ba, kung gagawin mo ito, ang tiwali mong disposisyon ay mawawala na? Ang tiwaling diwa ng bawat isang indibidwal ay pare-pareho—ano ang pagkakaiba sa pagitan ng isang indibidwal at ng iba? Ang saloobin kung paano hinaharap ng isang tao ang katotohanan ay maaaring iba sa isa pang indibidwal at sa susunod. Nagagawang tanggapin ng ilang tao ang katotohanan sa oras na matapos nila itong marinig. Tinatanggap nila ito gaya ng paglunok nila sa gamot na mapait sa bibig pero mabuti para sa pagpapagaling, ginagamit ito para gamutin ang mga karamdaman at lutasin ang mga problema na nagpapahirap mula sa kanilang kalooban. Sa pamamahala nila sa mga bagay, pagkilos, paggawa sa kanilang tungkulin, pakikisalamuha sa iba, at pagtatakda ng kanilang mithiin at oryentasyon sa buhay, hinahanap nila ang mga sagot sa salita ng Diyos at ginagamit ang salita ng Diyos para lutasin ang mga problema na nakakaharap nila sa buhay, unti-unting isinasagawa ang nauunawaan nila. Halimbawa, noong sinabi ng Diyos, “Lahat kayo ay dapat na magsumikap na maging mga tapat na tao,” ang gayong indibidwal ay mag-iisip, “Paano ako magiging isang tapat na tao?” Hinihingi ng Diyos na maging tapat ang mga tao; dapat ang mga salitang binibigkas nila ay tapat, buksan nila ang kanilang puso sa pakikipagbahaginan sa mga kapatid, at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Ito ang mga nakapaloob na prinsipyo, at isasagawa ito ng gayong uri ng tao oras na marinig niya ang mga ito. Natural na may mga pagkakataon sa panahon ng pagsasagawa niya na maaari siyang lumiko sa kaliwa o sa kanan, hindi makita ang mga tamang prinsipyo gaano kahirap man niya ito hanapin, at may mga pagkakataon na, may kaunting pagkabaluktot sa kanyang pagsasagawa. Ngunit sa walang tigil na pagsusumikap na maabot ang pamantayan ng pagiging isang matapat na tao, sa loob ng ilang taon ay mapapalapit siya nang mapapalapit sa inaasam na epekto. Habang mas lalo siyang nabubuhay, siya ay mas nagiging tao at mas mararamdaman niya na siya ay nasa presensya ng Diyos, at mas bumubuti ang pag-usad niya sa buhay. Gayon ang mga taong pinagpala ng Diyos. Gayon ang mga tao na nasa unang uri.

Ngayon na natapos na nating pag-usapan ang mga unang uri ng tao, pag-usapan naman natin ang ikalawang uri. Bagama’t pareho silang nakikinig sa mga sermon at nagbabasa ng salita ng Diyos, ang unang uri ng tao ay may kakayahang maunawaan ang katotohanan, at kapag nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon, nagagawa nilang magnilay-nilay tungkol sa kanilang sarili at ihayag ang kanilang sarili, nagsasabing, “Mayabang ako at nag-aakalang mas matuwid ako kaysa sa iba. Gusto kong magpakitang-gilas sa paggawa ko ng mga bagay-bagay, palaging kinikimkim ang mga sarili kong layunin at hilig, natutuwa sa katayuan at ikinagagalak ang pakikipagtagisan para sa kasikatan at pakinabang.” Sa pagsasabi nito, naging may kakayahan silang magkaroon ng kaalaman sa sarili at abutin ang katotohanan. Ngunit naiiba dito ang ikalawang uri. Ang ganitong tao ay maaaring umamin na siya ay tiwali sa kanyang sarili, at kapag humaharap sa pagpupungos ay maaari pang umamin na may nagawa siyang pagkakamali, pero hindi lang talaga siya magbabago. Gaano man siya kadalas makinig sa mga sermon, at gaano man karaming mga salita at doktrina ang maintindihan niya, tinatanggihan niyang isagawa ang katotohanan, at ipinagpapatuloy gawin kung ano ang gusto niyang gawin. Nagagawa rin ng ganitong tao na maging bukas sa pagbabahaginan, at tanggapin ang pagpupungos, pati na rin ang pagdidisiplina ng Diyos. Pero sa pagtanggap niya rito, itinuturing niya itong doktrina, tapos na siya sa oras na maunawaan niya ito, at pagkatapos ay bumabalik siya sa dati niyang pamamaraan, nananatiling walang pagbabago. Ang pag-angkin sa katotohanan at pagturing dito na tila isang doktrina—ano ang magiging kahihinatnan para sa ganitong tao? Tiyak na mapagkakamalan niyang ang pagsunod sa mga regulasyon ay pagsasagawa ng katotohanan. Ang ganitong tao ay hindi gumagawa sa kanyang tungkulin ayon sa salita ng Diyos o sa mga hinihingi ng Diyos, kundi sinusubukang lutasin ang mga problema ayon sa pilosopiya ni Satanas sa mga makamundong pakikitungo at sa mga daan at kaparaanan na ibinuod niya para sa kanyang sarili. Para sa lahat ng ito, maaari siyang sumang-ayon sa pananalita para kilalanin ang salita ng Diyos bilang katotohanan at ang pilosopiya ni Satanas bilang kamalian, nagsasagawa pa rin siya ng mga satanikong kamalian sa totoong buhay, at nakakaramdam pa ng kapayapaan sa isipan sa ginagawa niyang ito. Ang isang taong kumikilala sa salita ng Diyos bilang katotohanan ngunit bigo na isagawa ito—hindi ba’t nililinlang ng taong ito ang Diyos? Para sa lahat ng ito, maaari niyang kilalanin ang salita ng Diyos bilang katotohanan at ang pilosopiya ni Satanas bilang kamalian, nararamdaman niyang maaari ring mapakinabangan ang pilosopiya ni Satanas, kaya gumagamit siya ng isang paraan ng kompromiso, pinipiling lumakad sa linya sa pagitan ng dalawang ito, at itinuturing ito bilang pagsasagawa ng katotohanan. Sa hindi pagtayo sa panig ng Diyos o sa panig ni Satanas, na sa gayong paraan ay hindi napapasama ang loob ng sinuman, nakikita pa niyang siya ay napakatalino, nag-iisip na, “Ako ay isang taong gumagawa sa kanyang tungkulin, at isa ring naghahangad sa katotohanan, kaya tiyak na matatanggap ko ang pagsang-ayon ng Diyos.” Sabihin ninyo sa Akin, ang ganitong uri ba ng tao ay isang nagsasagawa ng katotohanan? (Hindi.) Taimtim siyang nakikinig sa salita ng Diyos, taimtim na isinusulat ito at kinakabisado, at naglalaan pa nga ng panahon para pag-isipan itong mabuti, ngunit ano ba talaga ang ginagawa niya sa salita ng Diyos? Ano ang layunin niya sa pakikinig sa salita ng Diyos? (Ginagamit niya ito para ipaliwanag sa iba, para lang magpasikat.) Isang aspekto iyan. May iba pa ba? (Ginagamit niya ito bilang mga regulasyong dapat sundin.) Minsan itinuturing niya ito bilang mga regulasyong dapat sundin, ngunit ano pa? Maraming mga sitwasyon dito. Ginagawa ng ilang tao ang salita ng Diyos na mga regulasyong dapat sundin, sinusunod ang literal na kahulugan ng salita ng Diyos at iyon lang. Halimbawa, kapag ang lahat ay nagbabahaginan tungkol sa kung paano maging isang matapat na tao, nakikibahagi siya sa kanila. At kapag may isang taong nagsabing, “Nasaan ang iyong aktuwal na karanasan sa pagiging isang matapat na tao?” sasabihin niya, “Ah, titingnan ko lang ang notebook ko.” Kung may karanasan talaga siya, hindi ba’t sasabihin na lang niya ito? Kung ito talaga ay sarili niyang karanasan, bakit niya kailangang magbasa mula sa isang script? Lubos nitong inilalantad na siya ay walang anumang realidad. At may mga tao rin na, kapag tapos na silang makinig sa mga sermon, naniniwala silang naunawaan nila ang mga ito, at kung makakapagbigay sila ng ilang linya ng doktrina, naniniwala silang naunawaan na nila ang katotohanan: Hindi ba’t isa itong maling paraan ng pag-iisip? Ang ganitong tao ay nagsasabing, “Nagagawa kong maarok ang katotohanan, mayroon akong espirituwal na pang-unawa, kaya kong maunawaan ang bawat aspekto ng salita ng Diyos at bawat aspekto ng narinig ko tungkol sa mga sermon, at nangangahulugan itong taglay ko ang katotohanang realidad.” Bulag siya sa katunayang ang salita ng Diyos ay katotohanan, na ito ang bumubuo sa buhay ng isang tao, na hindi lamang dapat maisagawa ang katotohanan, kundi dapat din itong magamit sa paglutas sa bawat problema at paghihirap na lumilitaw sa isang tao. Dahil ang ganitong tao ay walang kakayahang tanggapin ang katotohanan, sa tuwing nagrerebelde siya sa Diyos palagi niyang sinusubukang gumawa ng kapani-paniwalang kaso para sa kanyang pag-uugali. Hindi batid na ito ay pagrerebelde sa Diyos, nagiging imposible para sa kanya na hanapin ang katotohanan para lutasin ang problemang ito ng kanyang sariling paghihimagsik. Kung ganoon, paano nakakahanap ng solusyon sa kanilang mga paghihirap ang mga ganitong uri ng tao, alam mo ba? Para sa isang tao na hindi itinuturing ang salita ng Diyos bilang katotohanang prinsipyo, sa oras na matapos niyang mapakinggan ang salita ng Diyos, pag-iisipan niya ang sumusunod: “Talaga bang ako ay nagiging mapaghimagsik? Maipagpapaumanhin naman ito dahil sa mga pangyayari. Ganito rin ang iisipin ng sinuman, isang paraan lang ito ng pag-iisip, at hindi ito maituturing na paghihimagsik. Magiging maayos kung hindi ako mag-iisip ng ganito sa susunod, magiging mabait at mapagpasakop ako!” Pagkatapos, patuloy pa rin niya itong pinag-iisipang mabuti, “Kung kaya kong maging mapagpasakop, ibig sabihin ay isa pa rin akong taong nagmamahal sa Diyos, isang taong kinaluluguran ng Diyos.” Kaya, sa ganitong paraan, pinalulusot niya ang kanyang sarili. Hindi niya hinihimay kung bakit kaya niyang magrebelde sa Diyos o kung ano ang pinagmumulan ng kanyang pagrerebelde, hindi niya hinahangad na makilala ang kanyang sarili sa bagay na ito, at gaano man kadaming pagrerebelde ang kinikimkim niya, hindi niya pinagninilay-nilayan ang kanyang sarili—ito ay isang taong hindi naghahangad sa katotohanan. Dahil hindi itinuturing ng ganitong tao ang katotohanan bilang buhay, anuman ang kanyang gawin, at anuman ang rebelyon o katiwaliang inihahayag niya, hindi niya sinusubukang pumantay o humanap ng kaugnayan sa katotohanan at matuto ng isang aral. Sapat na ito para patunayan na hindi niya minamahal ang katotohanan at na hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Kapag nahaharap sa isang isyu, hindi niya sinusuri ang kanyang sarili kahit kailan, hindi inaabot ang katotohanan kahit kailan, hindi sinusubukang hanapin ang kaugnayan sa katotohanan kahit kailan—hindi ba’t tulad siya ng isang taong walang pananampalataya? Gaano man siya katagal ng mananampalataya, hindi pa siya nagkakaroon ng kahit kaunting buhay pagpasok, at ang ginagawa lang niya ay patuloy na sundin ang ilang regulasyon at subukan na kaunti lamang ang magawang masasamang gawain: Paano ito matatawag na pagsasagawa ng katotohanan? Paano makukuha ng ganitong paraan ng pananalig sa Diyos ang pagsang-ayon ng Diyos? Maraming tao ang nagpapahayag ng paniniwala sa Diyos sa loob ng sampu o dalawampung taon at kayang bumanggit ng maraming salita at doktrina. Sa pakikinig sa kanila, ang isang taong nagsisimula pa lamang manalig ay labis na hahanga, ngunit wala sila kahit isang tuldok ng katotohanang realidad, ni hindi nila nagagawang magbahagi ng tunay na patotoong batay sa karanasan. Paano ito nangyari? Ang kawalan ng katiting na tunay na patotoong batay sa karanasan ay nagiging isang problema. Nangangahulugan ito ng kawalan ng ni katiting na buhay pagpasok! Kapag ang iba ay nakikipagbahaginan sa kanya tungkol sa katotohanan, ang ganitong tao ay magsasabi, “Itabi mo iyan; nauunawaan ko ang lahat, at naintindihan ko ang lahat ng doktrina.” Ano ang basehan niya sa pagsasabi nito? At ano ang mali sa pagsasabi niya nito? Kapag nakikinig siya sa mga sermon at nagbabasa ng salita ng Diyos, bakit kaya doktrina lamang ang nauunawaan niya at hindi ang katotohanan? Alam niya kung paano pag-usapan ang doktrina ngunit hindi ang kung paano maranasan ang salita ng Diyos, na ang bunga ay wala siyang kakayahang lutasin ang anumang problema kahit gaano pa siya katagal nang isang mananampalataya. Paano ito nangyari? (Hindi niya tinatanggap ang katotohanan.) Iyan na iyon. Ito ay dahil hindi niya tinatanggap ang katotohanan. Gaya ng kaso ng isang doktor na laging ginagamot ang sakit ng kanyang mga pasyente, nagbibigay ng mga reseta at nagsasagawa ng mga operasyon sa kanila; maaaring nauunawaan niya ang bawat aspekto ng doktrina sa likod ng medikal na pagsasanay, ngunit nang matuklasan na siya mismo ay may cancer, sasabihin niyang, “Walang sinumang makapagpapagaling ng karamdaman ko.” Kapag may nagsabi sa kanya, “Kailangan mong magpa-chemotherapy, kailangan mong maoperahan!” ang isasagot niya ay, “Hindi mo ito kailangang sabihin sa akin, alam ko ang lahat ng tungkol dito.” Ngunit kung, sa kabila ng lahat ng kaalaman niya tungkol dito, wala siyang gagawing hakbang para gamutin ang sarili niyang sakit, gagaling ba siya? Ang pagiging doktor ay walang mabuting maidudulot sa kanya. Ang isang taong nakakaintindi ng lahat ng aspekto ng doktrina, at sa kabila nito ay hindi ito isasagawa—ito ang ikalawang uri ng tao. Sa lahat ng panlabas na kaanyuan, tila tanggap ng ganitong uri ng tao ang pagpupungos, ang makinig sa mga sermon at palagiang makibahagi sa mga pagtitipon, at maging masigasig sa paggawa ng trabaho, ginagawa ang tungkulin, tinitiis ang mga paghihirap, at ginugugol ang sarili. Ngunit may isang punto kung saan nabibigo ang ganitong tao, at ito ay isang pagkabigo ng pinakamalubhang kalikasan: Hindi niya kailanman itinuturing ang mga naririnig niyang sermon o ang salita ng Diyos bilang katotohanan na kailangang isagawa. Nangangahulugan ito na hindi niya tinatanggap ang katotohanan. Ano ang pangunahing problema sa taong hindi tumatanggap sa katotohanan? (Hindi niya minamahal ang katotohanan.) Para sa isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, ano ang kanyang pananaw, ano ang kanyang saloobin sa Diyos? Bakit hindi minamahal ng ganitong tao ang katotohanan? Ang pangunahing dahilan ay hindi niya itinuturing na katotohanan ang katotohanan. Kung titingnan sa kanyang pananaw, ang katotohanan ay isang mabuting doktrina lamang. Alam ba ng ganitong uri ng tao kung paano kilatisin ang mga maling pananampalataya at maling pangangatwiran ni Satanas sa lahat ng iba’t ibang anyo ng mga ito? Tiyak na hindi, dahil ang mga maling pananampalataya at maling pangangatwiran ni Satanas ay nagmimistulang magandang doktrina sa mga tao. Maging ang masamang tao, sa paggawa ng masasamang gawain, ay naghahanap ng mga dahilan na magandang pakinggan upang ilihis ang iba, sang-ayunan siya, at makitang nasa tama siya. Kung nakikita ng isang taong nananalig sa Diyos ang katotohanan bilang isang magandang doktrina, iyan ay talagang labis na hindi makatwiran. Hindi lamang kulang ang ganitong uri ng tao ng kakayahang makaarok, madali rin para sa kanya ang malinlang ng iba at magsilbing isang kasangkapan ni Satanas. Kaya sinasabi Ko ito: Sinuman ang walang kakayahan na maunawaan ang katotohanan, siya ay isang taong walang espirituwal na pang-unawa. Iniisip niya na ang maunawaan ang katotohanan ay nangangahulugang maunawaan ang doktrina, at hangga’t alam ng isang tao kung paano magsasalita ng mga doktrina, ibig sabihin nito ay naunawaan niya ang katotohanan. Ang ganitong uri ng tao ay tiyak na hindi nakakaunawa kung paano isasagawa ang katotohanan, ni hindi niya mauunawaan kung ano ang kahulugan ng prinsipyo. Ang kaya niya lamang gawin ay subukang sundin ang mga regulasyon ayon sa sarili niyang pagkakaunawa sa doktrina. Sa paniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, at sa pagkakaunawa sa maraming doktrina, susundin niya ang ilan pang regulasyon at gagawa ng ilan pang mabuting gawa, o kaya ay magsasakripisyo nang kaunti, magtitiis ng maraming paghihirap nang walang reklamo. Itinuturing niya ang mga bagay na ito bilang pagsasagawa ng salita ng Diyos, bilang pagsasagawa ng katotohanan. Sa katunayan, gaano man magmukhang tila sinusunod ng isang tao ang mga regulasyon sa panlabas, at gaano man nagdurusa ang isang tao at gaano man kalaking halaga ang binabayaran ng isang tao nang walang reklamo, walang kahit isa rito ang nangangahulugang siya ay nagsasagawa ng katotohanan, lalo na ang nagpapasakop sa Diyos.

Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ano ang pamantayan sa pagsasagawa ng katotohanan? Paano sinusukat ng isang tao kung isinasagawa mo ang katotohanan o hindi? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ikaw ba ay nakikinig at tumatanggap sa salita ng Diyos—paano ito tinitingnan ng Diyos? Tinitingnan ng Diyos ang mga sumusunod: Habang nagpapahayag ng paniniwala sa Diyos at nakikinig sa mga sermon, inalis mo ba ang mali mong panloob na kalagayan, ang iyong pagrerebelde sa Diyos, at ang lahat ng iba’t ibang anyo ng iyong tiwaling disposisyon, at pinalitan ang mga ito ng katotohanan? Nagbago ka ba? Panlabas na pag-uugali at kilos lamang ba ang nagbago sa iyo, o nagbago na ba ang buhay disposisyon mo? Sinusukat ka ng Diyos ayon sa mga konsiderasyong ito. Sa pakikinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, at sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, ang mga pagbabago ba sa kalooban mo ay mababaw o sila ba ay likas na mahalaga? Nagbago ka na ba sa iyong disposisyon? Ang pagrerebelde mo ba sa Diyos ay nabawasan? Kapag nahaharap sa isang isyu at ang iyong pagrerebelde ay naibunyag, may kakayahan ka bang magnilay-nilay sa iyong sarili? May kakayahan ka bang magpakita ng pagpapasakop sa Diyos? Ang saloobin mo ba sa iyong tungkulin at sa atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ay dumaan sa anumang pagbabago? Ang katapatan mo ba ay lumago? May mga karumihan pa ba sa kalooban mo? Ang mga intensyon, ambisyon, hilig, at plano na kinikimkim mo bilang isang indibidwal—ang mga ito ba ay nalinis na noong mga panahong nakikinig ka ng mga sermon? Ang lahat ng mga ito ay pamantayan sa pagsusuri. Bilang karagdagan sa nauna, ilan sa mga kuru-kuro at maling akala mo tungkol sa Diyos ang natanggal? Pinanghahawakan mo pa rin ba ang mga hindi malinaw na kuru-kuro, imahinasyon, at kongklusyon mula dati? Mayroon ka pa rin bang kinikimkim na sama ng loob, paglaban, o mga negatibong emosyon sa mga pagsubok at pagpipino? Kung ang mga negatibong elementong ito ay hindi pa tunay na natutugunan, at kung hindi ka pa nakakaranas ng tunay na pagbabago, pinapatotohanan nito ang isang katunayan—na ikaw ay isang taong hindi nagsasagawa ng katotohanan. Tulad nito, kapag ang isang binhi, matapos itong itanim sa lupa, ay diniligan at nilagyan ng pataba at sa kabila nito ay nabigo pa ring tumubo matapos ang maraming araw, pinapatunayan nito na ang binhi ay walang buhay. Halimbawa, may ilang taong nananalig sa Diyos dahil, dati, lagi silang tinatakot, itinatakwil, at hinahamak, at sila ngayon ay nananalig sa Diyos upang sa hinaharap ay maaari silang makapagmalaki. Sa paghahayag nila ng kanilang paniniwala sa loob ng ilang panahon, ang ganitong tao ay patuloy na nagkikimkim ng ganitong intensyon habang ginagawa ang kanyang tungkulin at ginugugol ang kanyang sarili, at nagpupursige siya nang husto sa paggugol ng kanyang sarili hanggang sa siya ay maging lider sa iglesia, at pagkatapos ay nararamdaman niyang maaari na siyang magmalaki. Sa kanyang kalooban, ang kanyang intensiyon ay hindi pa rin nalulutas, iniisip niya: “Kung ako ay magiging mas dakila pang lider, hindi ba’t mas maipagmamalaki ko ang aking sarili? Ang manalig sa Diyos ang daan para rito!” Ang pagpunta niya sa sambahayan ng Diyos ay para lamang sa pagkakaroon ng magandang kalagayan para maipagmalaki ang kanyang sarili, at ang ganitong intensyon ay nananatiling hindi nalulutas sa kabuuan. Marami na siyang nagawang trabaho sa loob ng maraming taon, nakinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, at kumain at uminom ng salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, ngunit bigo pa rin siyang tugunan ang problemang ito. Hindi ba’t ang paniniwala niya sa Diyos sa ganitong paraan ay pagpapabaya sa mga nararapat niyang gawain? Ang isang tao ay nakikinig sa mga sermon at nagbabasa ng salita ng Diyos para sa pagkakamit ng katotohanan, sa pagkakamit ng buhay, pero nagpahayag siya ng paniniwala sa loob ng maraming taon nang hindi nagkakamit ng anumang aspekto ng katotohanan o buhay. Ito ay isang problema na karapat-dapat pag-isipan. Ang ilang tao, bagama’t hindi nila alam kung paano makikipagbahaginan tungkol sa katotohanan o magpapatotoo sa Diyos, ay may ilang tunay na karanasan. Kapag nahaharap sa pagpupungos, kaya nilang magnilay-nilay sa sarili, at kaya nilang tanggapin ang katotohanan, pagkatapos ay tunay silang gumagawa ng mga pagbabago upang ituwid ang kanilang sarili. Pinapatunayan nito na ang mga taong ito ay may tunay na pananampalataya. Gaano man karami ang mga paghihirap at kamalasang ibigay sa kanila, hindi sila umuurong, ngunit ang kanilang mapagmahal-sa-Diyos na puso ay lalo pang nagiging tunay. Sa pamamahala sa mga gawain, sila ngayon ay ginagabayan ng mga prinsipyo, ang katiwaliang inihahayag nila ay labis na nabawasan, at sila ay may mas malakas na diwa ng pananagutan kapag ginagawa ang kanilang tungkulin. Masasabi mo ba, sa ganitong uri ng tao, na hindi niya nauunawaan ang katotohanan? Nakikita mula sa pananaw ng mga pagbabago sa kanya, tiyak na ipinapamuhay ng taong ito ang realidad ng katotohanan. Tanging sa paggawa lamang nito niya natutunan ang salita ng Diyos hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso. Bagama’t wala siyang kaloob na talino sa pagsasalita, alam niya kung paano isasagawa ang katotohanan, at ginagabayan siya ng mga prinsipyo sa pangangasiwa niya sa mga gawain, ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya upang gawin ang mga tiyak niyang mithiin at pinagtitiisan ang lahat ng uri ng paghihirap nang walang kahit isang reklamo. Patunay ito na kumikilos ang salita ng Diyos sa kanya, isinasakatuparan ang epekto nito, at nagsisimulang maging buhay niya.

Ngayon lamang ay pinag-usapan natin ang dalawang uri ng mga tao. Ang unang uri ng pag-uugali ng tao ay simple: Matapos marinig ang salita ng Diyos, nagagawa niyang isagawa ito. Ang ikalawang uri, matapos makinig nang mabuti sa salita ng Diyos, ay hindi ganap na bigo na isagawa ito. Sa sarili niyang isipan, nakikita niya ang kanyang sarili na nagsasagawa nito, dahil tinalikuran niya ang kanyang pamilya at trabaho at inihandog ang lahat niya. May ilan pa nga na ibinibigay ang buong buhay nila sa Diyos, pinili ang landas ng hindi pag-aasawa, tinanggihan ang paghahangad ng yaman, at inihandog ang lahat, ngunit ang kalagayan ng kanilang kalooban ay hindi nagbabago. Ang kanilang mga hinaing, maling pagkaunawa, kuru-kuro, at imahinasyon tungkol sa Diyos, maging ang kanilang mapagmataas na disposisyon, mapagmalupit at pabago-bagong pag-uugali—ang lahat ng ito ay nananatiling walang pagbabago magpakailanman, at patuloy silang nabubuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, na wala halos pinagkaiba sa walang pananampalataya. Ang ganitong uri ng tao ay puro lamang salita sa pananalig sa Diyos, at bahagya lamang na mas mabuti kaysa sa walang pananampalataya dahil hindi sila gumagawa ng mga gawa ng labis na kasamaan. Sa panlabas, ang ganitong tao ay mukhang mabuti. Ngunit hindi niya hinahangad ang katotohanan, at gaano man siya makinig sa mga sermon, wala siyang binabago sa kanyang buhay disposisyon. Ano ang ginagawa ng ganitong uri ng tao sa salita ng Diyos? Itinuturing niya itong isang mabuting doktrina. Itinuturing niya ang salita ng Diyos bilang katotohanan, ngunit sa katunayan, ang itinuturing niyang katotohanan ay isang doktrina—isang bagay na may likas na katangian ng doktrina, isang bagay na hindi lubhang masama. Kaya niyang sundin ang ilang mga regulasyon, pero ang kanyang buhay disposisyon ay hindi nagbago kahit kaunti. Ito ang ikalawang uri ng mga tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.