Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili (Ikatlong Bahagi)
Dapat ka ring maging pamilyar sa ikaanim na uri ng tiwaling disposisyon: ang kabuktutan. Magsimula tayo sa kapag nangangaral ng ebanghelyo ang mga tao. Naghahayag ang ilang tao ng buktot na disposisyon kapag nangangaral sila ng ebanghelyo. Hindi sila nangangaral ayon sa prinsipyo, at hindi rin nila alam kung anong uri ng mga tao ang nagmamahal sa katotohanan at may taglay na pagkatao; naghahanap lang sila ng isang miyembro ng kabilang kasarian na katugma nila, na gusto nila at nakakasundo nila. Hindi sila nangangaral sa mga taong hindi nila gusto o na hindi nila nakakasundo. Hindi mahalaga kung nakaayon ang isang tao sa mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo—kung isa itong tao na interesado sila, hindi nila ito susukuan. Maaaring sabihin sa kanila ng ibang tao na ang taong iyon ay hindi tugma sa mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, pero ipipilit pa rin nilang mangaral dito. May disposisyon sa loob nila na kumokontrol sa kanilang mga kilos, na ginagawa silang bigyang-kasiyahan ang mahahalay nilang pagnanasa at kamtin ang sarili nilang mga mithiin habang nagpapanggap sila na ginagawa nila ito para ipalaganap ang ebanghelyo. Ito ay walang iba kundi buktot na disposisyon. Mayroon pa ngang mga taong alam na alam na mali ang gawin nila ito, at na ang paggawa nito ay pagkakasala sa Diyos at paglabag sa Kanyang mga atas administratibo—pero hindi sila tumitigil. Isa itong uri ng disposisyon, hindi ba? (Oo.) Isa ito sa mga pagpapamalas ng isang buktot na disposisyon, pero hindi lamang ang mga pagpapakita ng mahahalay na pagnanasa ang dapat na ilarawan bilang buktot; ang saklaw ng kabuktutan ay mas malawak kaysa sa pagnanasa lang ng laman. Pag-isipan ninyo: Anu-ano pang ibang mga pagpapamalas ng isang buktot na disposisyon ang mayroon? Dahil isa itong disposisyon, higit ito sa paraan lang ng pagkilos, napapaloob dito ang maraming iba’t ibang kalagayan, pagpapamalas, at pagpapakita, iyon ang tumutukoy rito bilang isang disposisyon. (Ang pagsunod sa mga makamundong kalakaran, ang hindi pagbitaw sa mga bagay na may kinalaman sa mga kalakaran ng mundo.) Ang hindi pagbitaw sa mga buktot na kalakaran ay isang uri. Ang pagkatali sa mga buktot na kalakaran ng mundo, paghahabol sa mga ito, pagiging abala sa mga ito, paghahangad sa mga ito nang may matinding pagnanasa. May ilang taong hindi kailanman pinakakawalan ang mga bagay na ito paano man bahaginan ng katotohanan, paano man sila pungusan at iwasto; umaabot pa nga ito sa punto ng pagkahumaling. Ito ay kabuktutan. Kaya kapag sinusunod ng mga tao ang masasamang kalakaran, anong mga pagpapamalas ang nagpapakita na mayroon silang buktot na disposisyon? Bakit nila mahal ang mga bagay na ito? Ano ang mayroon sa masasamang makamundong kalakarang ito na nagdadala sa kanila ng kasiyahan ng isip, na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan, at nagbibigay-kasiyahan sa kanilang mga pagkahilig at pagnanais? Ipagpalagay, halimbawa, na mahilig sila sa mga artista sa pelikula: Ano sa mga artistang ito ang pumupukaw sa pagkahumaling na ito at nagsasanhi sa kanilang sumunod sa mga ito? Ito ay ang gilas, galing, itsura, at kasikatan ng mga taong ito, pati na ang uri ng marangyang buhay na inaasam nila. Ang lahat ng bagay na ito na sinusundan nila—lahat ba ng ito ay buktot? (Oo.) Bakit sinasabi na buktot ang mga ito? (Dahil taliwas ang mga ito sa katotohanan at sa mga positibong bagay, at hindi nakaayon ang mga ito sa hinihingi ng Diyos.) Ito ay doktrina. Subukan ninyong suriin ang mga sikat na tao at mga artistang ito: ang kanilang pamumuhay, ang kanilang pag-uugali, maging ang pampublikong katauhan at mga kasuotan na labis na sinasamba ng lahat. Bakit sila ganoon mamuhay? At bakit nila nahihimok ang iba na sumunod sa kanila? Matindi nilang pinagsisikapan ang lahat ng ito. Mayroon silang mga tagalagay ng kolorete at mga personal na tagaayos para mabuo ang imahe nilang ito. Kaya ano ang minimithi nila sa pagbuo ng imahe nilang ito? Ang maakit ang mga tao, mailigaw sila, ang mapasunod sila—at ang makinabang dito. Kaya, sinasamba man ng mga tao ang kasikatan, o itsura, o pamumuhay ng mga artistang ito, talagang hangal at katawa-tawang pagkilos ang mga ito. Kung may taglay na katinuan ang isang tao, paanong sasambahin niya ang mga diyablo? Ang mga diyablo ay mga bagay na nagliligaw, nanlilinlang, at nagpapahamak sa mga tao. Hindi nananalig sa Diyos ang mga diyablo at wala silang anumang pagtanggap sa katotohanan. Ang lahat ng diyablo ay sumusunod kay Satanas. Anu-ano ang mga mithiin ng mga sumusunod at sumasamba sa mga diyablo at kay Satanas? Nais nilang tularan ang mga diyablong ito, na gawin nilang huwaran ang mga ito, sa pag-aasam na isang araw ay magiging isa silang diyablo, kasingganda at kasingseksi ng mga diyablo at sikat na taong ito. Gusto nilang masiyahan sa pakiramdam na ito. Sinumang sikat o tinitingalang tao ang sinasamba ng isang tao, pare-pareho lang ang sukdulang minimithi ng mga artistang ito—ang magligaw ng mga tao, ang mang-akit ng mga tao, at ang mapasamba at mapasunod nila ang mga tao. Hindi ba’t ito ay isang buktot na disposisyon? Isa itong buktot na disposisyon, at labis itong malinaw.
Ang mga buktot na disposisyon ay naipamamalas din sa isa pang paraan. Nakikita ng ilang tao na ang mga pagtitipon sa sambahayan ng Diyos ay laging kinapapalooban ng pagbabasa ng salita ng Diyos, pagbabahaginan sa katotohanan, at mga pagtalakay tungkol sa pagkakilala sa sarili, sa wastong pagganap ng tungkulin, kung paano kumilos nang ayon sa mga prinsipyo, kung paano matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, kung paano maunawaan at isagawa ang katotohanan, at iba’t iba pang aspekto ng katotohanan. Matapos makinig sa lahat ng taong ito, nagsisimula silang lalong mayamot habang lalo silang nakikinig, at nagsisimula silang magreklamo, sinasabing, “Hindi ba’t ang layunin ng pananampalataya sa Diyos ay ang magkamit ng mga pagpapala? Bakit natin laging pinag-uusapan ang katotohanan at ang pagbabahaginan tungkol sa salita ng Diyos? Wala ba itong katapusan? Nayayamot na ako rito!” Pero ayaw nilang bumalik sa sekular na mundo. Iniisip nila, “Sobrang nakakabagot ang manampalataya sa Diyos, nakakainip ito—paano ko ito magagawang medyo mas kawili-wili? Kailangan kong makahanap ng isang bagay na kawili-wili,” kaya nagtatanung-tanong sila, “Ilang nananalig sa Diyos ang mayroon sa iglesia? Ilang lider at manggagawa ang mayroon? Ilan na ang napalitan? Ilan ang kabataang estudyante sa unibersidad at mga graduate student? May nakaaalam ba ng bilang?” Itinuturing nila ang mga bagay na ito at ang impormasyong ito bilang ang katotohanan. Anong disposisyon ito? Ito ay kabuktutan, karaniwang tinatawag na “kasamaan.” Napakarami na nilang narinig na katotohanan, pero wala ni isa sa mga ito ang pumukaw ng sapat na atensyon o pagtutuon sa kanila. Sa sandaling may tsismis o balita sa iglesia ang isang tao, agad silang nagkakainteres, takot silang mapalagpas ito. Kasamaan ito, hindi ba? (Oo.) Ano ang katangian ng masasamang tao? Wala sila ni katiting na interes sa katotohanan. Interesado lamang sila sa mga panlabas na usapin, at walang kapaguran at buong kasakiman silang naghahanap ng tsismis at mga bagay na walang kinalaman sa kanilang pagpasok sa buhay o sa katotohanan. Inaakala nila na ang pag-intindi sa bagay na ito, sa lahat ng impormasyong ito, at paglalagay ng lahat ng ito sa isip nila, ay nangangahulugan na taglay nila ang katotohanang realidad, na isa nga talaga silang miyembro ng sambahayan ng Diyos, na tiyak silang pupurihin ng Diyos at makapapasok sa kaharian ng Diyos. Sa tingin ba ninyo ay ganito nga talaga ang kaso? (Hindi.) Nakikita ninyo kung ano ba ang katotohanan dito, pero maraming bagong nananalig sa Diyos ang hindi ito magawa. Nakatuon sila sa impormasyong ito, inaakala nila na ang pagkaalam sa mga bagay na ito ay ginagawa silang miyembro ng sambahayan ng Diyos—pero ang totoo, ang mga ganitong tao ang pinakakinamumuhian ng Diyos, sila ang pinakabanidoso, pinakamapagpaimbabaw, at pinakamangmang sa lahat ng tao. Nagpakita na sa katawang-tao ang Diyos sa mga huling araw upang gawin ang gawain ng paghatol at pagdadalisay ng mga tao, na ang epekto ay ang ibigay sa mga tao ang katotohanan bilang buhay. Pero kung hindi nakatuon ang mga tao sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos at palagi nilang sinusubukang maghanap ng tsismis at lalo pang alamin ang tungkol sa mga nagaganap sa loob ng iglesia, hinahangad ba nila ang katotohanan? Sila ba ay mga taong gumagawa ng wastong gawain? Para sa Akin, sila ay mga buktot na tao. Hindi sila mga mananampalataya. Ang mga ganitong tao ay matatawag ding masasama. Kailanman ay nagtutuon lang sila sa sabi-sabi. Binibigyang-kasiyahan nito ang kanilang pagkausyoso, pero kinamumuhian sila ng Diyos. Hindi sila mga taong tunay na nananalig sa Diyos, lalong hindi sila mga taong naghahangad ng katotohanan. Sila ay mga tagapaglingkod lang ni Satanas, na dumarating upang gambalain ang gawain ng iglesia. Bukod pa riyan, ang mga taong laging sinusuri at sinisiyasat ang Diyos ay mga tagapaglingkod at mga alagad ng malaking pulang dragon. Ang mga taong ito ang pinakakinamumuhian at pinakakinasusuklaman ng Diyos sa lahat. Kung nananalig ka sa Diyos, bakit hindi ka nagtitiwala sa Diyos? Kapag sinusuri at sinisiyasat mo ang Diyos, hinahanap mo ba ang katotohanan? May anuman bang kaugnayan ang paghahanap sa katotohanan sa pamilyang kinapanganakan ni Cristo o sa kapaligirang kinalakhan Niya? Ang mga taong laging sinisiyasat nang todo ang Diyos—hindi ba’t kasuklam-suklam sila? Kung palagi kang may mga kuru-kuro tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pagkatao ni Cristo, dapat kang gumugol ng mas marami pang oras sa paghahangad na malaman ang mga salita ng Diyos; kapag nauunawaan mo ang katotohanan ay saka mo lamang magagawang lutasin ang problema ng iyong mga kuru-kuro. Mabibigyang-daan ba ng pagsusuri sa impormasyon tungkol sa pamilya ni Cristo o sa Kanyang kapanganakan na makilala mo ang Diyos? Bibigyang-daan ka ba nito na matuklasan ang banal na diwa ni Cristo? Ganap na hindi. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iginugugol ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ito lang ang makatutulong na malaman ang banal na diwa ni Cristo. Pero bakit palaging gumagawa ng kasamaan ang mga taong palaging sinisiyasat ang Diyos? Ang mga mala-basurang taong ito na hindi nakauunawa sa mga espirituwal na bagay ay dapat na magmadaling umalis sa sambahayan ng Diyos! Napakaraming katotohanan na ang naipahayag, napakarami nang napagbahaginan sa mga pagtitipon at mga sermon—bakit mo kailangan pa ring siyasatin ang Diyos? Ano ang ibig sabihin ng palagi mong pagsisiyasat sa Diyos? Na ikaw ay napakabuktot! Bukod pa riyan, mayroon pa ngang mga taong nag-aakala na nagbibigay sa kanila ng kapital ang matutunan ang lahat ng maliliit na impormasyong ito, at lumilibot sila para ipagmalaki ito sa mga tao. At ano ang nangyayari sa huli? Sila ay karima-rimarim at kasuklam-suklam sa Diyos. Mga tao pa ba sila? Hindi ba’t mga nabubuhay na demonyo sila? Paano sila naging mga taong nananalig sa Diyos? Iginugugol nila sa kasamaan at kabuktutan ang lahat ng kanilang iniisip. Na para bang inaakala nila na kapag mas marami silang alam na sabi-sabi, mas lalo silang miyembro ng sambahayan ng Diyos, at mas lalo nilang nauunawaan ang katotohanan. Ang mga ganitong tao ay ganap na katawa-tawa. Sa sambahayan ng Diyos, wala nang mas kinamumuhian pa kaysa sa kanila.
Ang ilang tao ay palaging nakatuon sa mga hindi makatotohanang bagay sa kanilang pananampalataya. Halimbawa, ang ilang tao ay palaging sinusuri kung paano ba ang kaharian, kung nasaan ba ang ikatlong langit, kung paano ba ang mundo ng mga patay, at kung nasaan ba ang impiyerno. Palagi nilang sinusuri ang mga misteryo sa halip na pinagtutuunan ang pagpasok sa buhay. Ito ay kabuktutan, ito ay kasamaan. Gaano man karaming sermon at pagbabahagi ang marinig nila, mayroong mga taong hindi pa rin nauunawaan kung ano ba talaga ang katotohanan, at wala rin silang kamalayan sa kung paano nila ito dapat isagawa. Tuwing mayroon silang oras, sinusuri nila ang salita ng Diyos, sinisiyasat ang pagkakasabi, naghahanap ng kung anong uri ng mararamdaman, at palagi rin nilang sinisiyasat kung natupad na ba ang mga salita ng Diyos. Kung natupad na ang mga ito, naniniwala sila na gawain ito ng Diyos, at kung hindi pa, itinatanggi nila na gawain ito ng Diyos. Hindi ba’t katawa-tawa sila? Hindi ba’t kasamaan ito? Lagi bang kayang makita ng mga tao kung natupad na ang mga salita ng Diyos? Hindi naman laging kayang makita ng mga tao kung natupad na ang ilan sa mga salita ng Diyos. Ang ilan sa Kanyang salita ay tila hindi pa natutupad para sa mga tao, pero natupad na para sa Diyos. Walang paraan ang mga tao para malinaw na makita ang mga ito; masuwerte na sila kung kaya nilang maunawaan ang kahit man lang 20% nito. Ang ilang tao ay ginugugol ang buong oras nila sa pag-aaral ng salita ng Diyos pero hindi nila pinapansin ang pagsasagawa ng katotohanan o pagpasok sa realidad. Hindi ba’t pagbabalewala ito sa mga wastong tungkulin ng isang tao? Napakarami na nilang narinig na katotohanan pero hindi pa rin nila nauunawaan ang mga ito, at palagi silang naghahanap ng katunayan na natupad na ang mga propesiya, tinatrato nila ito na kanilang buhay at motibasyon. Halimbawa, kapag nananalangin ang ilang tao, sinasabi nila ang mga bagay na gaya ng, “Diyos ko, kung nais Mong gawin ko ito, gawin Mo akong magising nang alas-sais ng umaga bukas; kung hindi naman, hayaan mo akong matulog hanggang alas-siyete.” Madalas ay ganito sila kumilos, ginagamit nila ito bilang isa nilang prinsipyo, isinasagawa ito na para bang ito ang katotohanan. Kasamaan ang tawag dito. Sa kanilang mga kilos ay palagi silang nakabatay sa damdamin, nakatuon sa kahima-himala, nakabatay sa sabi-sabi, at iba pang hindi makatotohanang mga bagay; palagi nilang itinutuon sa masasamang bagay ang kanilang lakas. Ito ay kabuktutan. Paano mo man ibahagi sa kanila ang katotohanan, iniisip nila na walang silbi ang katotohanan, at na hindi ito kasingtumpak ng pagbatay sa damdamin o pagpapatunay sa pamamagitan ng paghahambing. Ito ay kasamaan. Hindi sila naniniwala na pinamamahalaan at isinasaayos ng Diyos ang tadhana ng mga tao, at kahit na sinasabi nilang kinikilala nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, sa puso nila ay hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan, hindi nila kailanman tinitingnan ang mga bagay-bagay gamit ang mga salita ng Diyos. Kung may sasabihin ang isang tanyag na tao, maniniwala silang katotohanan ito, at susundin nila ito. Kung sasabihin sa kanila ng isang manghuhula o mambabasa ng mukha na sa susunod na taon ay itataas sila para maging tagapamahala, paniniwalaan nila ito. Hindi ba’t kasamaan ito? Naniniwala sila sa panghuhula at mga kahima-himalang bagay, at sa masasamang bagay lang na ito. Kagaya lang ito ng kung paanong sinasabi ng ilang tao na, “Nauunawaan ko ang bawat katotohanan, kaya lang hindi ko maisagawa ang mga ito. Hindi ko alam kung ano ang problema.” Ngayon ay may kasagutan na tayo sa tanong na ito: Masasama sila. Hindi mahalaga kung paano mo ibahagi ang katotohanan sa ganitong mga tao, hindi nila ito maiintindihan, at wala ka ring makikitang anumang epekto. Ang mga taong ito ay hindi lamang nayayamot sa katotohanan, kundi taglay pa nila ang isang buktot na disposisyon. Ano ang pinakamahalagang pagpapamalas ng pagiging nayayamot sa katotohanan? Iyon ay na nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, pero hindi niya ito isinasagawa. Ayaw niya itong marinig, nilalaban niya ito at kinamumuhian. Alam niyang tama at mabuti ang katotohanan, pero hindi niya ito isinasagawa, ayaw niyang tahakin ang landas na ito, at ayaw niya ring magdusa o magbayad ng halaga, lalo na ang mawalan ng anuman. Hindi ganito ang mga buktot na tao. Inaakala nila na ang mga buktot na bagay ang katotohanan, na iyon ang tamang daan, at hinahabol nila ang mga ito, at sinusubukang tularan ang mga ito, at palagi nilang pinagtutuunan ng lakas ang mga ito. Madalas na pinagbabahaginan ng sambahayan ng Diyos ang mga prinsipyo ng panalangin: Maaaring manalangin ang mga tao kailanman o saanman nila gusto, nang walang mga limitasyon sa oras, kailangan lang nilang lumapit sa harapan ng Diyos, sabihin ang mga salitang nasa puso nila, at hanapin ang katotohanan. Dapat ay madalas na marinig ang mga salitang ito at dapat ay madaling maunawaan ang mga ito, pero paano ito isinasagawa ng masasamang tao? Tuwing umaga kapag nagkokoro sa bukang-liwayway, walang kabiguan silang humaharap sa timog, lumuluhod, at inilalapat sa lupa ang dalawang kamay, nagdarasal nang nakadapa sa harap ng Diyos hangga’t kaya nila. Iniisip nila na sa ganitong mga oras lamang maririnig ng Diyos ang kanilang panalangin, dahil ito ang oras kung kailan hindi abala ang Diyos, mayroon Siyang oras, kaya nakikinig Siya. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Hindi ba’t buktot ito? Mayroong iba na nagsasabing ang pinakaepektibong oras para manalangin ay ala-una o alas-dos ng madaling-araw, kung kailan tahimik ang lahat. Bakit nila ito sinasabi? Sila rin ay mayroong sarili nilang mga dahilan. Sinasabi nila na sa ganoong oras ay tulog ang lahat; may panahon lang ang Diyos na asikasuhin ang nangyayari sa kanila kapag hindi Siya abala. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Hindi ba’t buktot ito? Paano mo man ibahagi sa kanila ang katotohanan, tumatanggi silang tanggapin ito. Sila ang pinakakatawa-tawang tao at hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan. May ibang nagsasabi na, “Kapag nananalig sa Diyos ang mga tao, kailangan ay gumawa sila ng mabubuting bagay at maging mabait, at kailangan ay hindi sila pumatay o kumain ng karne. Ang pagkain ng karne ay pagpatay, pagkakasala, at ayaw ng Diyos sa mga taong gumagawa nito.” May anumang batayan ba ang mga salitang ito? May ganito bang sinabi ang Diyos kailanman? (Wala.) Kaya, sino ang nagsabi nito? Sinabi ito ng isang hindi nananalig, ng isang kakatwang tao. Ang totoo, ang mga taong nagsasabi nito ay hindi naman laging hindi kumakain ng karne—o maaaring hindi nila ito kinakain sa harap ng ibang tao, pero kumakain sila ng marami nito sa pribado. Napakagaling ng mga taong ito na magpanggap, at magpakalat ng mga maling paniniwala saanman sila magpunta. Ito ay kabuktutan. Napakasama ng ganitong mga tao. Itinuturing nila ang mga maling pananampalataya at maling paniniwalang ito bilang mga kautusan at panuntunan, at isinasagawa at pinanghahawakan pa nga nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan, o mga hinihingi ng Diyos, at masigla at walang kahihiyan nilang tinuturuan ang iba na gawin din ito. Bakit Ko sinasabing ang pamamaraan ng mga taong ito ng paggawa ng mga bagay-bagay, ang paraan nila ng pagsasabi ng mga bagay-bagay, at ang paraan nila ng paghahangad, ay masasama? (Dahil walang kaugnayan ang mga ito sa katotohanan.) Kung gayon, buktot ba ang anumang walang kaugnayan sa katotohanan? Malaki ang problema sa ganitong interpretasyon. May mga bagay sa mga pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao na walang kaugnayan sa katotohanan. Hindi ba’t pagbabaluktot ng mga katunayan ang sabihing buktot ang mga ito? Ang hindi kinokondena ng Diyos ay hindi masasabing buktot, ang kinokondena ng Diyos lang ang mailalarawan na buktot. Magiging malaking pagkakamali na tukuyin ang lahat ng walang kaugnayan sa katotohanan bilang buktot. Ang mga detalye ng mga kinakailangan sa buhay—halimbawa, ang pagkain, pagtulog, pag-inom, pagpapahinga—may kaugnayan ba ang mga ito sa katotohanan? Buktot ba ang mga ito? Ang lahat ng ito ay normal na pangangailangan, bahagi ang mga ito ng pang-araw-araw na ginagawa ng mga tao, hindi buktot ang mga ito. Kaya bakit itinuturing na buktot ang mga pagkilos na kasasabi Ko lang? Dahil ang mga paraang iyon ng paggawa ng mga bagay-bagay ay dinadala ang mga tao sa isang landas na mali at katawa-tawa—dinadala sila ng mga ito sa landas ng relihiyon. Ang pagsasagawa nila sa ganitong paraan at ang pagtuturo nila sa iba na kumilos nang ganito ay dinadala ang mga tao sa landas ng kasamaan. Isa itong resultang hindi maiiwasan. Kapag sinasamba ng mga tao ang masasamang makamundong kalakaran at tinatahak nila ang landas ng kasamaan, saan sila nauuwi? Sila ay nagiging ubod ng sama, nawawalan sila ng katwiran, wala silang kahihiyan, at sa huli, ganap silang natatangay ng mga kalakaran ng mundo, at tinatahak nila ang pagkawasak, hindi naiiba sa mga hindi nananalig. Ang ilang tao ay hindi lamang itinuturing ang mga maling pananampalataya at maling paniniwalang ito bilang mga panuntunang dapat sundin o mga kautusang dapat sundin, kundi pinanghahawakan pa nila ang mga ito bilang ang katotohanan. Ito ay isang katawa-tawang taong ganap na walang espirituwal na pagkaunawa. Sa huli, maaari lamang siyang paalisin. Makagagawa ba ang Banal na Espiritu sa sinumang napakabaliko ang pagkaunawa sa katotohanan? (Hindi.) Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa ganitong mga tao, sa kasong ito ay ang masasamang espiritu ang gumagawa, dahil ang landas na tinatahak ng mga taong ito ay ang landas ng kasamaan, sila ay nagmamadaling tumatahak sa landas ng masasamang espiritu—na siya mismong kailangan ng masasamang espiritung ito. At ang resulta? Sinasaniban ng masasamang espiritu ang mga taong ito. Noon, sinabi Ko na, “Ang diyablong si Satanas, gaya ng isang leong umaatungal, ay umaali-aligid, naghahanap ng mga taong masisila.” Kapag tinatahak ng mga tao ang buktot at masamang landas, tiyak silang susunggaban ng masasamang espiritu. Hindi kinakailangan na ibigay ka ng Diyos sa masasamang espiritu. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi ka poprotektahan, at hindi mo makakasama ang Diyos. Hindi ka pagmamalasakitan ng Diyos kung hindi ka Niya makakamit, at sasamantalahin ng masasamang espiritu ang pagkakataong ito upang makapasok at masaniban ka. Ito ang kalalabasan, hindi ba? Ang lahat ng nayayamot sa katotohanan at na palaging kinokondena ang gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at na sumusunod sa mga makamundong kalakaran, na hayagang binibigyan ng maling pakahulugan ang mga salita ng Diyos at ang Bibliya, na nagpapakalat ng mga maling pananampalataya at maling paniniwala—ang lahat ng ginagawa nilang ito ay nagmumula sa mga buktot na disposisyon. Hinahangad ng ilang tao na maging espirituwal, at dahil baliko ang kanilang pagkaunawa, gumagawa sila ng maraming maling paniniwala para iligaw ang mga tao, at sila ay nagiging mga utopian at teorista, na paggawa rin ng kasamaan. Sila ay mga buktot na tao. Gaya ng mga Pariseo, ang lahat ng ginawa nila ay mapagpaimbabaw, hindi nila isinagawa ang katotohanan at iniligaw nila ang mga tao para tingalain sila at sambahin sila. Nang magpakita ang Panginoong Jesus para gumawa, ipinapako pa nga nila Siya sa krus. Ito ay kasamaan at sa huli, isinumpa sila ng Diyos. Sa kasalukuyan, hindi lamang hinuhusgahan at kinokondena ng mundo ng relihiyon ang pagpapakita at gawain ng Diyos, kundi ang pinakakasuklam-suklam ay na pumapanig din ito sa malaking pulang dragon, umaanib sa mga puwersa ng kasamaan sa pag-usig sa mga hinirang ng Diyos at tumatayo kasama nito bilang kaaway ng Diyos. Ito ay buktot. Ang komunidad ng relihiyon ay hindi kailanman kinamuhian ang mga buktot na puwersa ni Satanas, hindi nito kinamumuhian ang kabuktutan ng bansa ng malaking pulang dragon, kundi sa halip ay ipinagdarasal at pinagpapala ang mga ito. Ito ay buktot. Ang anumang pag-uugali na may kaugnayan o na nakikipagtulungan kay Satanas at sa masasamang espiritu ay matatawag na buktot sa kabuuan. Ang mga paraan ng pagsasagawa na talagang lihis, masama, sukdulan, at walang habas—buktot din ang mga ito. Palaging mali ang pagkaunawa ng ilang tao sa Diyos, at ang mga maling pagkaunawang ito ay hindi maaayos paano man ibahagi sa kanila ang katotohanan. Palagi nilang ipinangangaral ang sarili nilang pangangatwiran, ipinipilit ang sarili nilang mga maling paniniwala. At hindi ba’t mayroon ding kaunting kabuktutan dito? Ang ilang tao ay may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos; matapos na maraming beses na maibahagi sa kanila ang katotohanan, sinasabi nilang nauunawaan nila ito, at na naayos na ang kanilang mga kuru-kuro, pero pagkatapos ay pinanghahawakan pa rin nila ang kanilang mga kuru-kuro, palagi silang negatibo, at mahigpit silang kumakapit sa sarili nilang mga palusot. Ito ay buktot, hindi ba? Ito ay isang uri din ng kabuktutan. Bilang pagbubuod, ang sinumang nakagawa ng isang bagay na hindi makatwiran at tumatangging tanggapin ito paano man ibahagi sa kanya ang katotohanan, ay masama, at medyo buktot. Hindi madali para sa mga taong ito na may buktot na mga disposisyon na mailigtas ng Diyos, dahil hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan at tumatanggi silang pakawalan ang mga buktot nilang maling paniniwala; wala na talagang magagawa pa para sa kanila.
Katatapos lang natin pagbahaginan ang anim na disposisyon: ang pagiging mapagmatigas, mapagmataas, mapanlinlang, nayayamot sa katotohanan, masama, at buktot. Sa pagsusuri sa anim na disposisyong ito, nabigyan ba kayo ng bagong kaalaman at pagkaunawa sa mga pagbabago sa disposisyon? Ano nga ba ang mga pagbabago sa disposisyon? Nangangahulugan ba ito ng pag-aalis ng isang kapintasan, pagtutuwid ng isang pag-uugali, o pagbabago ng isang katangian ng pagkatao? Hinding-hindi. Kaya, mas malinaw na ba nang kaunti sa inyo kung ano ba talaga ang tinutukoy ng disposisyon? Mailalarawan ba ang anim na disposisyong ito bilang ang mga tiwaling disposisyon ng tao, bilang ang kalikasang diwa ng tao? (Oo.) Mga positibong bagay ba o mga negatibong bagay ang anim na disposisyong ito? (Mga negatibong bagay.) Sa payak na pananalita, ang mga ito ang mga tiwaling disposisyon ng tao, ang mga ito ang mga pangunahing aspekto ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Wala ni isa sa mga tiwaling disposisyong ito ang hindi lumalaban sa Diyos at sa katotohanan, at wala ni isa sa mga ito ang positibo. Kaya, ang anim na disposisyong ito ay anim na aspekto, na sa kabuuan ay tinatawag na tiwaling disposisyon. Ang mga tiwaling disposisyon ang kalikasang diwa ng tao. Paano maipaliliwanag ang “diwa”? Ang diwa ay tumutukoy sa kalikasan ng tao. Ang ibig sabihin ng kalikasan ng tao ay ang mga bagay na inaasahan ng tao para sa pag-iral niya, ang mga bagay na namamahala sa kung paano siya namumuhay. Namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang mga kalikasan. Ano man ang isinasabuhay mo, ang mga mithiin at direksiyon mo, ang mga patakarang ipinamumuhay mo, hindi nagbabago ang iyong kalikasang diwa—hindi ito mapag-aalinlanganan. Kaya, kapag hindi mo taglay ang katotohanan, at nabubuhay ka sa pamamagitan ng pag-asa sa mga tiwaling disposisyong ito, ang lahat ng ipinamumuhay mo ay laban sa Diyos, salungat sa katotohanan, at taliwas sa kalooban ng Diyos. Dapat mo itong maunawaan ngayon: Matatamo ba ng mga tao ang kaligtasan kung hindi magbabago ang kanilang mga disposisyon? (Hindi.) Magiging imposible iyon. Kaya, kung hindi magbabago ang mga disposisyon ng mga tao, magiging kaayon ba sila ng Diyos? (Hindi.) Magiging napakahirap nito. Pagdating sa anim na disposisyong ito, kahit alinman dito, at kahit gaano pa karami ang naipamamalas o naihahayag sa iyo, kung hindi mo kayang makawala sa pagkakagapos ng mga tiwaling disposisyong ito, ano man ang mga motibo at mithiin ng iyong mga kilos, at kung sadya ka bang kumikilos o hindi, ang kalikasan ng lahat ng iyong ginagawa ay tiyak na magiging laban sa Diyos, at tiyak na isusumpa ng Diyos—na isang napakalubhang kalalabasan. Ang isumpa ba ng Diyos ang hinihiling sa huli ng lahat ng nananalig sa Diyos? (Hindi.) At dahil hindi ito ang kalalabasan na hinihiling ng mga tao, ano ang pinakamahalagang gawin nila? Dapat nilang malaman ang sarili nilang tiwaling disposisyon at tiwaling diwa, maunawaan ang katotohanan, at pagkatapos ay dapat nilang tanggapin ang katotohanan—dahan-dahan at paunti-unting napakakawalan ang kanilang sarili mula sa mga tiwaling disposisyong ito sa kapaligirang nilikha ng Diyos para sa kanila, at natatamo na maging kaayon ng Diyos at ng katotohanan. Ito ang landas sa mga pagbabago ng disposisyon ng isang tao.
Noong nakaraan, mayroong mga taong nag-akala na napakadali at simple lang na baguhin ang kanilang mga disposisyon. Naniwala sila na “Basta’t pipilitin ko ang sarili ko na hindi magsabi ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos o gumawa ng anumang gagambala o sasagabal sa gawain ng iglesia, at basta’t tama ang perspektibo ko, tama ang puso ko, at nauunawaan ko ang kaunti pang katotohanan, mas nagsisikap ako, mas nagdurusa, at mas nagbabayad ng halaga, pagkaraan ng ilang taon ay tiyak na magagawa kong magtamo ng pagbabago sa aking disposisyon.” Makatwiran ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Saan sila nagkamali? (Wala silang kaalaman sa tiwali nilang disposisyon.) Ano ang layunin ng pag-alam sa iyong tiwaling disposisyon? (Ang magbago.) At ano ang kalalabasan ng pagbabagong ito? Ang makamit ang katotohanan. Para masukat kung mayroon na bang pagbabago sa iyong disposisyon, kailangan mong tingnan kung ang iyong mga kilos ay katugma ba ng katotohanan o lumalabag sa katotohanan, kung ang mga ito ba ay nagmumula sa kalooban ng tao o sa pagtupad sa kalooban ng Diyos. Para makita kung gaano kalaki na ang nagbago sa iyong disposisyon, tingnan mo kung kaya mong pagnilayan ang iyong sarili, at talikdan ang iyong laman, mga motibo, matataas na ambisyon, at mga ninanasa, kapag naghahayag ka ng isang tiwaling disposisyon, at kung kaya mong magsagawa nang ayon sa katotohanan kapag naghahayag ka nito. Ang antas ng iyong kakayahang magsagawa nang ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos at kung ganap na umaayon ang iyong pagsasagawa sa mga pamantayan ng katotohanan ay nagpapatunay kung gaano kalaki na ang naging pagbabago sa iyong disposisyon. Ito ay proporsiyonal. Gamitin nating halimbawa ang mapagmatigas na disposisyon: Sa simula, kapag wala pang nagiging anumang pagbabago sa iyong disposisyon, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at wala ka ring kamalayan na mayroon kang mapagmatigas na disposisyon, at nang marinig mo ang katotohanan, naisip mo, “Paanong laging inilalantad ng katotohanan ang mga peklat ng mga tao?” Matapos mo itong marinig, nadama mo na tama ang mga salita ng Diyos, pero kung makaraan ang isa o dalawang taon ay hindi mo pa rin isinasapuso ang alinman sa mga ito, kung hindi mo pa tinatanggap ang alinman sa mga ito, ito ay pagiging mapagmatigas, hindi ba? Kung makaraan ang dalawa o tatlong taon ay walang naging pagtanggap, kung walang naging pagbabago sa kalagayang nasa loob mo, at kahit na hindi ka napag-iwanan sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at labis ka nang nagdusa, ay hindi pa nalutas ni kaunti o nabawasan man lang ang iyong mapagmatigas na kalagayan, kung gayon ay nagkaroon na ba ng anumang pagbabago sa aspektong ito ng iyong disposisyon? (Hindi.) Kung gayon, bakit ka nagpapakaabala at nagtatrabaho? Anuman ang dahilan mo sa paggawa nito, pikit-mata kang nagpapakaabala at nagtatrabaho, dahil ganito katagal ka nang nagpakaabala at nagtrabaho, pero wala pa rin ni katiting na pagbabago sa iyong disposisyon. Hanggang sa dumating ang araw na bigla mong maiisip, “Paanong hindi ako makapagsabi ng ni isang salita ng patotoo? Hindi pa nagbago ni kaunti ang disposisyon ko sa buhay.” Sa panahong ito ay madarama mo kung gaano kalubha ang problemang ito, at iisipin mo, “Tunay na mapagrebelde at mapagmatigas ako! Hindi ako isang taong naghahangad ng katotohanan! Walang puwang sa puso ko ang Diyos! Paano ito matatawag na pananampalataya sa Diyos? Ilang taon na akong nananalig sa Diyos pero hindi ko pa rin ipinamumuhay ang wangis ng tao, at hindi rin malapit sa Diyos ang puso ko! Hindi ko rin isinapuso ang mga salita ng Diyos; at hindi ako nakadarama ng pagsisisi o kagustuhang magsisi kapag may ginagawa akong mali—hindi ba’t pagiging mapagmatigas ito? Hindi ba’t anak ako ng pagrerebelde?” Nababagabag ka. At ano ang kahulugan ng nababagabag ka? Ang ibig sabihin nito ay na nais mong magsisi. May kamalayan ka sa iyong pagiging mapagmatigas at mapagrebelde. At sa panahong ito, nagsisimulang magbago ang iyong disposisyon. Nang hindi mo namamalayan, may ilang kaisipan at ninanais sa iyong kamalayan na nais mong baguhin, at wala ka nang hindi pagkakasundo sa Diyos. Makikita mo ang sarili mo na gustong mapaganda ang iyong ugnayan sa Diyos, hindi na maging mapagmatigas, maisagawa ang mga salita ng Diyos sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay, maisagawa ang mga ito bilang ang mga katotohanang prinsipyo—taglay mo ang kamalayang ito. Mabuti na may kamalayan ka sa mga bagay na ito, pero nangangahulugan ba ito na magagawa mong magbago agad-agad? (Hindi.) Kailangan mong pagdaanan ang ilang taon ng karanasan, kung kailan magkakaroon ka ng lalong malinaw na kamalayan sa iyong puso, at magkakaroon ka ng matinding pangangailangan, at sa puso mo ay iisipin mong, “Hindi ito tama—kailangan ko nang itigil ang pagsasayang ng oras ko. Kailangan kong hangarin ang katotohanan, kailangan may gawin ako nang wasto. Noon, pinababayaan ko ang aking mga wastong tungkulin, iniisip ko lang ang mga materyal na bagay gaya ng pagkain at kasuotan, at naghahangad lang ako ng karangalan at mga pakinabang. Bilang resulta, wala akong natamong anumang katotohanan. Pinanghihinayangan ko ito at kailangan kong magsisi!” Sa puntong ito, tumatahak ka na sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Basta’t sinisimulang pagtuunan ng mga tao ang pagsasagawa sa katotohanan, hindi ba’t dinadala sila nito nang isang hakbang papalapit sa mga pagbabago sa kanilang disposisyon? Gaano katagal ka man nang nananalig sa Diyos, kung kaya mong madama ang sarili mong kalabuan—na noon pa man ay tinatangay ka lang ng agos, at na pagkatapos ng ilang taon ng pagpapatangay, ay wala kang natamo, at hungkag pa rin ang iyong pakiramdam—at kung hindi ka komportable dahil dito, at nagsisimula kang magnilay sa iyong sarili, at nadarama mong pagsasayang ng oras ang hindi paghahangad sa katotohanan, sa panahong iyon ay mapagtatanto mo nang ang mga salita ng Diyos ng paghikayat ay ang Kanyang pagmamahal sa tao, at kamumuhian mo ang iyong sarili dahil sa hindi mo pakikinig sa mga salita ng Diyos at dahil sa labis na kawalan mo ng konsiyensiya at katwiran. Magsisisi ka, at pagkatapos ay gugustuhin mong baguhin ang iyong asal, at tunay na mamuhay sa harapan ng Diyos, at sasabihin mo sa iyong sarili, “Hindi ko na puwedeng saktan pa ang Diyos. Napakarami na Niyang sinabi, at ang bawat salita ay para sa kapakinabangan ng tao, at para ituro ang tao sa tamang daan. Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig, at lubhang karapat-dapat sa pagmamahal ng tao!” Ito ang simula ng pagbabago ng mga tao. Isang napakabuting bagay ang magkaroon ng ganitong pagpapahalaga! Kung masyado kang manhid na hindi mo man lang alam ang mga bagay na ito, nasa panganib ka, hindi ba? Sa kasalukuyan, napagtatanto ng mga tao na ang susi sa pananampalataya sa Diyos ay ang mas magbasa pa ng mga salita ng Diyos, na ang pagkaunawa sa katotohanan ang pinakamahalaga sa lahat, na napakahalagang maunawaan ang katotohanan at makilala ang sarili, at na tanging ang kakayahang maisagawa ang katotohanan at magawa ang katotohanan na kanilang realidad ang pagpasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Kung gayon, ilang taon ng karanasan ang sa tingin ninyo ay kailangan ninyo para magkaroon ng ganitong kaalaman at pakiramdam sa inyong puso? Ang mga taong matalas ang isip, na may kabatiran, na may matinding pagnanais para sa Diyos—ang mga ganitong tao ay maaaring mabago ang kanilang sarili sa loob ng isa o dalawang taon at magsimulang makapasok. Pero ang mga taong malabo ang isip, na manhid at mapurol ang utak, na walang kabatiran—ay magiging tulala nang tatlo o limang taon, walang kamalayan na wala pa silang anumang natatamo. Kung masigasig nilang gagampanan ang kanilang mga tungkulin, maaari silang maging tulala nang mahigit sampung taon at hindi pa rin magkaroon ng malinaw na mga pakinabang o magawang magsalita tungkol sa kanilang mga patotoong batay sa karanasan. Kapag pinaalis o pinalayas na sila ay saka lamang sila magigising sa wakas at maiisip na, “Talagang wala akong anumang katotohanang realidad. Talagang hindi ako naging isang taong naghahangad ng katotohanan!” Hindi ba’t medyo huli na ang paggising nila sa puntong ito? Ang ilang tao ay tulalang tinatangay ng agos, palaging inaasam ang araw ng pagparito ng Diyos pero hindi man lang hinahangad ang katotohanan. Bilang resulta, lumilipas ang mahigit sampung taon nang wala silang nagiging pakinabang o nang hindi nila nagagawang magbahagi ng anumang patotoo. Kapag marahas na silang napungusan, naiwasto, at nabalaan ay saka lamang nila madarama sa wakas na tumagos sa puso nila ang mga salita ng Diyos. Napakamapagmatigas ng puso nila! Paanong naging ayos lang sa kanila na hindi sila maiwasto, mapungusan, at maparusahan? Paanong naging ayos lang sa kanila na hindi sila matinding madisiplina? Ano ang kailangang gawin para magkaroon sila ng kamalayan, para magkaroon sila ng reaksiyon? Hindi luluha ang mga taong hindi naghahangad ng katotohanan hangga’t hindi nila nakikita ang kabaong. Pagkatapos nilang makagawa ng napakaraming makademonyo at masasamang bagay ay saka lamang sila makapagtatanto at sasabihin nila sa kanilang sarili, “Tapos na ba ang pananampalataya ko sa Diyos? Ayaw na ba sa akin ng Diyos? Naisumpa na ba ako?” Nagsisimula silang magnilay. Kapag negatibo sila, nadarama nilang naging sayang lang ang lahat ng taong ito ng pananalig sa Diyos, at puno sila ng hinanakit, at malamang na sumuko sila at isiping wala nang pag-asa. Pero kapag nahimasmasan na sila, napagtatanto nilang, “Hindi ba’t sinasaktan ko lang ang aking sarili? Kailangan kong makabangon. Sinabihan akong hindi ko minamahal ang katotohanan. Bakit iyon sinabi sa akin? Paanong hindi ko minamahal ang katotohanan? Naku! Hindi ko lang hindi minamahal ang katotohanan, pero ni hindi ko maisagawa ang mga katotohanang nauunawaan ko! Isa itong pagpapamalas ng pagkayamot sa katotohanan!” Matapos maisip ito, medyo nagsisisi sila, at medyo natatakot din: “Kung magpapatuloy ako nang ganito, tiyak na parurusahan ako. Hindi, kailangan kong agad na magsisi—kailangang hindi malabag ang disposisyon ng Diyos.” Sa panahong ito, nabawasan na ba ang antas ng kanilang pagiging mapagmatigas? Para bang tinusok ng karayom ang kanilang puso; may nadarama sila. At kapag nadarama mo ito, napupukaw ang iyong puso, at nagsisimula kang maging interesado sa katotohanan. Bakit may ganito kang interes? Dahil kailangan mo ang katotohanan. Kung wala ang katotohanan, kapag pinungusan at iwinasto ka, hindi ka makapagpapasakop dito at hindi mo matatanggap ang katotohanan, at hindi ka makapaninindigan kapag sinubok ka. Kung magiging lider ka, magagawa mo bang iwasan na maging isang huwad na lider at iwasang matahak ang landas ng isang anticristo? Hindi mo ito magagawa. Mapagtatagumpayan mo ba ang pagkakaroon ng katayuan at pagpupuri ng iba? Mapagtatagumpayan mo ba ang mga sitwasyong kinalalagyan mo, at ang mga ibinibigay sa iyong pagsubok? Lubos mong kilala at nauunawaan ang iyong sarili, at sasabihin mo, “Kung hindi ko nauunawaan ang katotohanan, hindi ko mapagtatagumpayan ang lahat ng ito—isa akong basura, wala akong kayang gawin.” Anong uri ng mentalidad ito? Ito ay ang pangangailangan sa katotohanan. Kapag nangangailangan ka, kapag wala ka na talagang magawa, gugustuhin mo lang na umasa sa katotohanan. Madarama mo na wala nang iba pang maaasahan, at na ang umasa lang sa katotohanan ang makalulutas sa iyong mga problema, at ang makapagbibigay-daan sa iyo na makayanan ang pagpupungos at pagwawasto, at ang mga pagsubok, at mga tukso, at ito ang makatutulong sa iyo na malampasan ang anumang sitwasyon. At habang lalo kang umaasa sa katotohanan, lalo mong madarama na ang katotohanan ay mabuti, kapaki-pakinabang, at ang pinakamakatutulong sa iyo, at na kaya nitong lutasin ang lahat ng iyong paghihirap. Sa gayong mga pagkakataon, magsisimula kang asamin ang katotohanan. Kapag umabot na sa puntong ito ang mga tao, nagsisimula na bang mabawasan o magbago nang paunti-unti ang kanilang tiwaling disposisyon? Mula sa panahong maunawaan at matanggap nila ang katotohanan, nagsisimula nang magbago ang pagtingin ng mga tao sa mga bagay-bagay, at pagkatapos nito ay nagsisimula na ring magbago ang kanilang mga disposisyon. Isa itong mabagal na proseso. Sa mga unang yugto, hindi mapapansin ng mga tao ang maliliit na pagbabagong ito; pero kapag tunay na nilang nauunawaan at naisasagawa ang katotohanan, nagsisimula na ang mahahalagang pagbabago, at nadarama nila ang gayong mga pagbabago. Mula sa punto ng pagsisimula ng mga tao na asamin at maging gutom sa katotohanan, at naising hanapin ang katotohanan, hanggang sa puntong may nangyayari sa kanila, at batay sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ay naisasagawa nila ang katotohanan at natutupad ang kalooban ng Diyos, at hindi sila kumikilos nang ayon sa sarili nilang kalooban, at napagtatagumpayan nila ang kanilang mga motibo, at napagtatagumpayan nila ang kanilang pagiging mapagmataas, rebelde, mapagmatigas, at ang kanilang mapanlinlang na puso, hindi ba’t paunti-unting nagiging buhay na nila ang katotohanan? At kapag naging buhay mo na ang katotohanan, ang mapagmataas, mapagrebelde, mapagmatigas, at mapanlinlang na mga disposisyong nasa iyong kalooban ay hindi mo na magiging buhay, at hindi ka na makokontrol ng mga ito. At ano ang gumagabay sa asal mo sa panahong ito? Ang mga salita ng Diyos. Kapag naging buhay mo na ang mga salita ng Diyos, nagkaroon na ba ng pagbabago? (Oo.) At pagkatapos, habang lalo kang nagbabago, lalong bumubuti ang mga bagay-bagay. Ito ang proseso ng pagbabago ng mga disposisyon ng mga tao, at matagal bago makamit ang epektong ito.
Kung gaano katagal inaabot ang pagbabago sa disposisyon ay depende sa tao; walang nakatakdang haba ng panahon para dito. Kung siya ay isang taong nagmamahal at naghahangad sa katotohanan, makikita ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon sa loob ng pito, walo, o sampung taon. Kung siya ay katamtaman ang kakayahan, at handa ring hangarin ang katotohanan, baka abutin ng mga labinlima o dalawampung taon bago makita ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon. Ang susi ay ang determinasyon ng taong iyon na hangarin ang katotohanan at kung gaano kalalim ang kanyang pagkaunawa, ito ang mga bagay na makapagsasabi. Ang bawat uri ng tiwaling disposisyon ay umiiral sa bawat tao sa magkakaibang antas, lahat ng ito ay kalikasan ng tao, at lahat ng ito ay malalim na nakaugat. Subalit, sa pamamagitan ng paghahangad at pagsasagawa ng katotohanan, at ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, ng pagwawasto at pagpupungos, at ng pagtanggap sa mga pagsubok at pagpipino ng Diyos, maaaring matamo ang magkakaibang antas ng pagbabago sa bawat disposisyon. Sinasabi ng ilang tao, “Kung ganoon, hindi ba’t kailangan lang ng haba ng panahon para magkaroon ng mga pagbabago sa disposisyon? Pagdating ng panahon, malalaman ko kung ano ang mga pagbabago sa disposisyon, at magagawa kong pumasok.” Ganito nga ba ang kaso? (Hindi.) Talagang hindi. Kung panahon lang ang kailangan para magtamo ng mga pagbabago sa disposisyon, dapat sana ay tiyak nang nagkaroon ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon ang lahat ng taong buong buhay nang nananalig sa Diyos. Pero ganito nga ba talaga ang lagay ng mga bagay-bagay? Nakamit na ba ng mga taong ito ang katotohanan? Nagtamo na ba sila ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon? Hindi pa. Kasingdami ng balahibo ng isang toro ang mga taong nananalig sa Diyos, pero kasingbihira ng mga unicorn ang mga taong nagbago na ang disposisyon. Para tunay na magbago ang mga disposisyon ng mga tao, kailangan nilang umasa sa paghahangad sa katotohanan para makamit ito; ginagawa silang perpekto sa pamamagitan ng pag-asa sa gawain ng Banal na Espiritu. Natatamo ang mga pagbabago sa disposisyon sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Sa isang banda, kailangang magbayad ng halaga ang mga tao, kailangan nilang magbayad ng halaga pagdating sa paghahangad sa katotohanan, at sulit ang bawat paghihirap kung ito ay para sa pagkakamit ng katotohanan. Bukod pa riyan, kailangang pagtibayin ng Diyos na tama nga silang uri ng tao, isang taong mabait, at isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos, para gumawa ang Banal na Espiritu at gawin silang perpekto. Kailangang-kailangan ang pakikipagtulungan ng mga tao pero mas lalong mahalaga na makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung hindi hinahangad o minamahal ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila kailanman alam kung paano sundin ang kalooban ng Diyos, at lalong hindi nila alam kung paano mahalin ang Diyos, kung hindi sila nagdadala ng pasanin para sa gawain ng iglesia, at wala silang pagmamahal sa iba—at kung sa partikular ay wala silang katapatan kapag gumaganap ng kanilang tungkulin—hindi sila minamahal ng Diyos, hindi sila kailanman magagawang perpekto ng Diyos. Kaya kailangang hindi magtangkang pikit-matang manindigan ang mga tao, kundi kailangan nilang maunawaan ang kalooban ng Diyos. Anuman ang sabihin o gawin ng Diyos, kailangan ay kaya nilang sumunod, at protektahan ang gawain ng iglesia, kailangang tama ang kanilang puso, at saka lamang makagagawa ang Banal na Espiritu. Kung nais ng mga tao na hangaring maperpekto ng Diyos, kailangan nilang magkaroon ng pusong nagmamahal sa Diyos, isang pusong sumusunod sa Diyos, isang pusong may takot sa Diyos, at kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin ay kailangan nilang maging tapat sa Diyos, at mapalugod ang Diyos. Saka lamang nila maaaring makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag taglay ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabibigyang-liwanag kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, mayroon silang landas ng pagsasagawa ng katotohanan at mga prinsipyo sa pagganap nila ng kanilang tungkulin, ginagabayan sila ng Diyos kapag may problema sila, at masaya at payapa ang kanilang puso gaano man sila magdusa. Habang sumasailalim sila sa paggabay ng Banal ng Espiritu sa ganitong paraan sa loob ng sampu o dalawampung taon, magbabago sila nang hindi man lang nila namamalayan. Kapag mas maaga ang pagbabago, mas maaga ang kapayapaan; kapag mas maaga ang pagbabago, mas maaga silang magiging masaya. Kapag nagbago na ang mga disposisyon ng mga tao ay saka lamang nila mahahanap ang tunay na kapayapaan at kasiyahan, saka lamang sila magkakaroon ng tunay na masayang buhay. Ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay walang espirituwal na kapayapaan o kasiyahan, lalong nagiging hungkag ang kanilang mga araw, at lalong nagiging mahirap tiisin. Iyon namang mga nananalig sa Diyos pero hindi hinahangad ang katotohanan, puno ng pasakit at pagdurusa ang kanilang mga araw. Kaya, kapag nananalig sa Diyos ang mga tao, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa makamit ang katotohanan. Ang makamit ang katotohanan ay ang makamit ang buhay, at kapag mas maagang nakakamit ang katotohanan, mas maganda. Kung wala ang katotohanan, hungkag ang buhay ng mga tao. Ang makamit ang katotohanan ay ang mahanap ang kapayapaan at kasiyahan, ang makapamuhay sa harapan ng Diyos, ang mabigyang-liwanag, magabayan, at maakay ng gawain ng Banal na Espiritu, lalong magliliwanag ang kanilang puso, at lalong lalaki ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Kaya ngayon, mas maliwanag na ba sa inyo ang katotohanan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon? (Oo, nauunawaan na namin ngayon.) Kung talagang malinaw na ito sa inyo, mayroon na kayong landas, at alam na ninyo kung paano maging epektibo sa paghahangad sa katotohanan.
Abril 28, 2017
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.