Paano Tumatawid ang Tao Patungo sa Bagong Kapanahunan (Unang Bahagi)

Ngayong araw, ang paksa natin para sa pagbabahaginan ay ang pagpasok ng tao sa bagong kapanahunan, ang Kapanahunan ng Kaharian, at kung paano dapat mamuhay ang mga tao sa Kapanahunan ng Kaharian, kung paano nila dapat danasin ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian at tunay na tumawid sa bagong kapanahunan. Ano ang pangunahing pinagtutuunan ng talakayang ito sa paksa ng kung paano tumatawid ang tao sa bagong kapanahunan? Nagpapahayag ang Diyos ng napakaraming salita sa Kapanahunan ng Kaharian at ginagawa Niya ang gawain ng paghatol at pagkastigo, dapat na eksaktong malaman ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos kung paano dapat manalig ang tao sa Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Karamihan sa mga tao noon ay nanalig sa Panginoon at nagtamasa ng napakalaking biyaya mula sa Diyos. Ngayon, nagsisimula na silang maranasan ang gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, kaya paano sila lilipat mula sa dati nilang pananaw sa pananampalataya sa Diyos tungo sa isang bagong pananaw na tumutugon sa mga hinihingi ng Diyos? Tama man o mali ang iyong dating pananaw sa pananampalataya sa Diyos, hindi ito isang usapin na dapat siyasatin, at dapat mong harapin ang realidad, at dapat kang matuto kung paano manalig at kung paano maghangad ngayon. Kung patuloy kang maghahangad batay sa kung paano ka nanampalataya noong Kapanahunan ng Biyaya, at patuloy kang nananampalataya sa Diyos batay sa iyong mga dating pananaw, hindi ka makapapasok sa bagong kapanahunan. Hayaan munang sabihin Ko ang isang pariralang nagpapatunay na siyang magpapaliwanag sa isyung ito. Ano ang pariralang iyon? Ang pariralang ito ay madalas na binibigkas sa Kapanahunan ng Biyaya: “Kapag nananalig ang isang tao sa Diyos, ang kanyang buong pamilya ay pinagpapala.” Ibig sabihin, kapag ang isang tao ay nananalig kay Jesus, ang kanyang buong pamilya, mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata, ay nakikinabang dahil sa kanilang kaugnayan sa kanya, at lahat sila ay nagtatamasa ng kapayapaan at kagalakan. Dahil isinagawa ni Jesus ang gawain ng pagtubos, walang katapusan ang Kanyang pagiging mapagparaya, matiyaga, mapagpatawad, at nagpapawalang-sala Siya sa tao. Ano man ang iyong pagpasok sa buhay noon, o kung ano ang iyong kakayahan noon, o gaano karaming kasalanan ang nagawa mo noon, ang kailangan mo lang gawin ay magtapat sa Panginoon at ang lahat ay mapapatawad, at ipagkakaloob sa iyo ang kapayapaan at kagalakan. Ang kinailangan mo lang gawin ay “manalig” at sapat na iyon—napakasimple nito. Ganito ba ang kaso ngayon na kapag nananalig sa Diyos ang isang tao, pinagpapala ang kanyang buong pamilya? Hindi. Bakit hindi ginagawa ang gawaing iyon ngayon? Dahil dumating na ang oras, at narito ang Diyos para gawin ang gawain ng paghatol at tuluyan nang iligtas ang sangkatauhan mula sa impluwensiya ni Satanas. Kaya ngayon, hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging tapat at sinsero sa Kanya, na sambahin Siya at sundin Siya, at na magkaroon ng may takot sa Diyos na puso—ito ang mga bagay na dapat gawin ng mga tao. Kung ang mga nananalig sa Diyos ay nakapagtatamo ng katotohanan, nakatatanggap sa katotohanan, nauunawaan ang katotohanan, at nakakakamit ng katotohanan, sila ay lubos na maliligtas. Subalit, yaong mga hindi tumatanggap sa katotohanan at nagnanasa lamang sa biyaya ng Diyos, sila ay mapapalayas. Kung iginigiit mo pa rin ngayon na gampanan ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, iniisip pa rin na kapag nanalig ka sa Diyos ay pagpapalain ang buong pamilya mo, iyon ay isang malaking kahangalan! Hindi na ginagawa ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Tapos na ang kapanahunang iyon. Naiintindihan mo naman ito, hindi ba?

Itong diumano’y “pagtawid sa bagong kapanahunan” ay nangangahulugan ng pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian sa kasalukuyan, at ang mga pananaw mo sa pananampalataya sa Diyos, ang iyong mga intensiyon, ang iyong pananalig, ang paraan mo ng pamumuhay, at kung paano mo danasin ang mga bagay-bagay ay dapat magbago lahat. Kung isang bagay lang ang babaguhin mo, kung dati kang nananalig kay Jesus ngunit ngayon ay nananalig ka sa Makapangyarihang Diyos, at tanging ang pangalan ng Diyos na pinaniniwalaan mo ang nagbago, kung gayon, sa realidad, ang pamamaraan mo ng pananalig, ang landas na tinatahak mo, at ang mga bagay na hinahangad mo ay hindi nagbago. Ibig sabihin, kailangang may ilang pagbabago sa hangarin mo, sa iyong pag-unawa, at sa iyong mga pananaw. Tanging kapag hinangad mo ang katotohanan sa batayang ito magiging dalisay at totoo ang pananalig mo. Bakit palaging negatibo ang ilang tao ngayon, iniisip na walang kabuluhan ang pananampalataya sa Diyos, at hindi nagpapasigla katulad ng dati? Ito ay dahil hindi pa nababago ang kanilang mga pananaw sa pananampalataya sa Diyos. Kumakapit pa rin sila sa mga dating pananaw nila noong nananalig pa sila kay Jesus, nakatuon lamang sa pagkakaroon ng kaunting biyaya o paggugol nang higit pa at pagpapakaabala nang higit pa; tumutuon sila sa mga kaloob, sa mababaw na gawain at mabababaw na sermon, at sa kasigasigan. Pero hindi sila nakikisabay sa kasalukuyang gawain ng Diyos, hindi sila tumutuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at hindi sila binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, kaya palagi silang negatibo. Ang ganitong mga tao ay parang nananalig sa Diyos kung titingnan, ngunit sa katunayan, hindi nila tinanggap ang katotohanan sa puso nila, at iyon ang dahilan kung bakit hindi nalulutas kailanman ang negatibong kalagayan nila. Wala silang anumang buhay pagpasok, kumakapit pa rin sila sa kanilang mga dating pananaw sa pananampalataya sa Diyos, nang walang anumang pagbabago. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? Nagbago na ang gawain ng Banal na Espiritu, at dapat magbago ang pananampalataya ng tao sa Diyos kasabay ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang paghahangad mo, ang paraan mo ng pamumuhay, ang paraan mo ng pagdanas, ang iyong saloobin sa pananampalataya sa Diyos, at ang iyong mga intensiyon at pananaw sa iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi nagbago, ipinapakita niyon na hindi ka nakasabay sa mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung nais ng mga tao na makasabay sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, na magbago tungo sa mga bagong pamamaraan, at magkamit ng mga bagong pagkaunawa, dapat nilang hanapin ang katotohanan, pumasok, at magbago ng maliliit na detalye tulad ng kanilang bawat kilos at galaw, kanilang mga kaisipan at ideya, ang bawat intensiyon at pananaw nila—saka lamang sila uusad. Kung ang mga tao ay magaling lang sa salita pero wala sa gawa, at binabago lang nang kaunti ang kanilang pag-uugali, hindi ito maituturing na pagbabago. Ang pinakamahalagang bagay ay na dapat kang sumailalim sa pagbabago sa iyong mga kaisipan at pananaw at sa paraan ng iyong pamumuhay. Kung maiwawaksi mo ang iyong mga dating kuru-kuro at imahinasyon, at magkakaroon ng pagkakilala at kaalaman sa iyong mga dating pananaw sa pananampalataya sa Diyos, magpapatunay ito na nagbago ka na. Suriin ang inyong sarili upang makita kung aling mga parte sa inyo ang hindi pa nababago, kung pinananatili pa rin ninyo ang mga lumang pamamaraan ng pagsasalita o pagsisiyasat sa mga bagay-bagay, at kung ano ang malalalim na nakabaong bagay ng nakaraan ang mayroon pa rin kayo na hindi pa natutuklasan. Kung hindi ka gagawa ng anumang paghuhukay, maaari mong isipin na wala namang naroon, pero kapag naghukay ka nang maigi, makikita mo na marami pang matutuklasan. Bakit ang ilang tao ngayon ay talagang hindi nakasasabay sa mga hakbang ng gawain ng Diyos? Ito ay dahil maraming bagay sa loob ng mga tao ang pumipigil sa kanila na gawin ito, dahil walang pagkaunawa ang mga tao sa mga bagong bagay at hindi nila kayang tanggapin ang mga ito. Bakit palaging nagkikimkim ng mga kuru-kuro ang mga tao tungkol sa Diyos? May mga kuru-kuro sila tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos, mayroon din silang mga kuru-kuro tungkol sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi nila kayang tanggapin kung sinong mga tao ang inililigtas ng Diyos at kung sinong mga tao ang pinapalayas Niya, at hindi nila matanggap ang katunayan na hindi nagpapakita ng mga palatandaan at kababalaghan ang Diyos. Ano nga ba ang dahilan nito? Ang isang dahilan ay na natutukoy ito ng mapagmataas at mapagmatuwid na kalikasan ng tao, ito ay dahil palaging may sariling mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa bawat bagay—ito ang ugat ng isyu; ang isa pang dahilan ay obhektibo, at ito ay na nagkikimkim ang mga tao ng maraming maling kuru-kuro tungkol sa pananampalataya sa Diyos na hindi pa nabago, ito ay dahil hindi pa rin nababago ang mga bagay na malalim na nakabaon. Ang mga lumang pamamaraan ng pagsasabi ng mga bagay-bagay mula sa kanilang pananalig kay Jesus o kay Jehova ay nakaugat pa rin sa kanilang mga puso, kaya kapag nakatagpo sila ng bagong gawain ng Diyos, tinatanggap nila ang tunay na daan, pero hindi nila kayang tanggapin ang mga bagong pamamaraan ng Diyos sa pagsasabi at paggawa ng mga bagay-bagay. Bakit hindi mo kayang tanggapin ang mga bagong bagay na ito? Ito ay dahil kumakapit ka pa rin sa mga lumang bagay na iyon ng nakaraan at hindi mo kayang bitiwan ang mga ito, na nagdudulot sa iyong labanan ang mga bagong bagay na ito. Kung wala sa loob mo ang mga bagay na iyon ng nakaraan, matatanggap mo kung ano ang ginagawa ng Diyos ngayon. Kung hindi mo kayang bitiwan ang mga bagay na iyon ng nakaraan, malamang na magkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at maghihimagsik laban sa Kanya, at magdurusa ng kawalan bilang resulta. Kung ilalagay mo ang iyong sarili laban sa Diyos, manganganib kang palayasin ng Diyos, at parurusahan ka ng Diyos.

Dapat kayong maghukay at magsuri upang makita kung anong mga lumang pamamaraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, mga lumang pamamaraan ng pag-unawa sa mga bagay-bagay, at mga lumang pananaw mula sa nakaraan ang malalim pa ring nakaugat sa loob ninyo. Hayaan Akong bigyan kayo ng isang simpleng halimbawa. Ang ilang tao ay hindi pa kailanman nakita si Cristo o narinig Siyang magsalita. Nabasa lamang nila ang mga salita na ipinahayag ni Cristo, at sinasabi nila na ang mga salitang ito ay mabuti at may awtoridad, at na ang mga ito ay mga salita ng paghatol, pero pagkatapos nilang makipag-ugnayan kay Cristo sa realidad, nagsisimulang lumitaw ang mga kuru-kuro sa loob nila, at iniisip nila, “Bakit napakahigpit magsalita ng Diyos? Bakit pinapangaralan nang husto ng Diyos ang mga tao? Bakit Siya nagsasalita nang napakaringal? Nakakatakot ang paraan ng Kanyang pagsasalita, palaging inilalantad at hinahatulan ang mga tao. Sino ang makakatanggap niyon? Iba ang pananampalataya natin kay Jesus. Ang bawat isa ay nagsasalita nang malumanay at nagkakasundo-sundo. Walang nagsasalita nang tulad Niya. Sadyang hindi ko matatanggap ang gayong uri ng Diyos at hindi ko matitiis ang isang Diyos na katulad Niya. Kung magsasalita Siya nang malumanay at kaaya-aya katulad ng Panginoong Jesus, kung mabait at magiliw Siya sa mga tao, matatanggap ko Siya. Ngunit hindi ko matatanggap ang ganitong uri ng Diyos. Ni hindi ko kayang makipag-ugnayan sa Kanya!” Kinikilala mo na ito ang tunay na daan, na ito ang mga salita ng pagkakatawang-tao, at buong puso kang kumbinsido, kaya bakit, kapag nakikipag-ugnayan ka kay Cristo, nagkikimkim ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanyang tono, sa mga salitang ginagamit Niya, at sa paraan ng Kanyang pagsasalita, na hindi mo kayang iwaksi? Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na ang mga lumang bagay na iyon sa puso mo ang may kontrol na at naging mga kuru-kuro at panuntunan na ang mga ito. Sa katunayan, nagmumula ang lahat ng bagay na ito sa tao, ang lahat ng ito ay mga hatol at imahinasyon ng tao, at hindi umaayon ang mga ito sa katotohanan. Kung susubukan ng isang tao na ipataw ang mga bagay na ito sa Diyos ng kasalukuyan, bukod sa hindi niya ito magagawa, malamang din na lalabanan niya ang Diyos. Magkakaiba ang gawain na ginagawa ng Diyos sa iba’t ibang kapanahunan, kaya magkakaiba ang disposisyon na Kanyang ipinapahayag, at kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya na Kanyang inihahayag ay magkakaiba rin. Hindi mo maaaring gamitan ng mga panuntunan ito; kapag ginawa mo ito, malamang na magkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at magagawa mong labanan ang Diyos. Kung hindi ka magninilay-nilay sa iyong sarili at lubusang tatangging magsisi, kokondenahin ka ng Diyos at parurusahan Niya. Ganito ang gawain ng Diyos sa bawat kapanahunan—palaging may ilang tao na tumatanggap at sumusunod sa Diyos, na pinagpapala Niya, at palaging mayroong mga lumalaban at kumokondena sa Diyos, na nililipol Niya. Ang Diyos ay nagsasalita ng napakaraming salita at nagpapahayag ng napakaraming katotohanan sa Kanyang gawain sa mga huling araw. Hindi Siya natatakot sa mga taong nagkikimkim ng mga kuru-kuro, natatakot Siya na hindi babasahin ng mga tao ang Kanyang mga salita, o hindi tatanggapin ang mga katotohanang ipinapahayag Niya—ito ang pinakanakatatakot na bagay. Kung hindi naaayon sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos ang iyong mga kuru-kuro at pananaw, kung gayon, salungat ang mga ito sa katotohanan, sumasalungat ang mga ito sa Diyos, at walang kapatawaran ang mga ito. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, sila ay mapanghimagsik at mapanlaban, at mayroon silang mga kaisipan—ano ang nangingibabaw sa kanilang mga iniisip? Sila ay pinangungunahan ng mga intensiyon ng mga tao, at ng anggulo at perspektibo ng mga tao sa pagtingin sa mga bagay-bagay, kaya ang mga iniisip mo ay hindi nagmumula sa Banal na Espiritu, ni nagmumula sa pundasyon ng katotohanan. Bakit Ko sinasabi na ang mga kuru-kuro at pananaw mo ay mga usapin ng tao at ng laman? Ito ay dahil ang mga iniisip mo ay hindi pinangingibabawan ng katotohanan, ni nanggagaling sa pagninilay-nilay na nakabatay sa katotohanan. Ang ilang iniisip ng mga tao ay nagmumula sa pagninilay-nilay na batay sa Bibliya, at mas lalong mali iyon. Hindi natin sinasabing mali ang Bibliya mismo, kaya lang ay hindi tamang ihambing ang gawaing isinagawa ng Diyos noong nakaraan sa Kanyang bagong gawain—hindi mo dapat ihambing ang gawain Niya sa ganitong paraan. Halimbawa, magiging angkop ba kung inihambing ng mga tao noong Kapanahunan ng Biyaya ang gawain ni Jehova sa gawain ng Panginoong Jesus? Naaangkop ba kung ihahambing mo ang gawain ng Panginoong Jesus sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan, sa Kapanahunan ng Kaharian? Siyempre hindi, hindi sila maihahambing. Ito ay dahil ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay higit na nakatataas kaysa sa huli, at hindi Niya inuulit ang Kanyang gawain. Bakit sa tuwing nagsasagawa ang Diyos ng bagong yugto ng gawain at nagsisimula ng bagong kapanahunan, palaging may grupo o mayorya ng mga tao na lumilitaw para kontrahin ang gawain ng Diyos at itinatakda ang kanilang sarili laban sa Kanya? Bakit nangyayari ito sa bawat kapanahunan? Ito ay dahil tanggapin man ng mga tao ang bagong gawain ng Diyos o hindi, ang kanilang mga dating interpretasyon sa Bibliya, pati na ang kanilang mga pananaw tungkol sa pangalan at imahe ng Diyos, at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at ang mga paraan ng pananampalataya nila sa Diyos ay nabuo na sa puso nila. Bukod dito, pinahahalagahan nila ang mga bagay na ito, at, sa paniniwalang may mga nakamit na sila, nagiging masyadong mayabang sila, at iniisip nilang kamangha-mangha sila at napakadakila, at kapag nakikita nila kung gaano kaiba ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon sa gawaing ginawa Niya sa nakaraan, hinuhusgahan nila ito. Palagi nilang kinokonsidera ang mga bagay mula sa Kapanahunan ng Biyaya at inihahambing ang mga ito sa Diyos ng kasalukuyan, sa gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, at sa mga katotohanan ng kasalukuyan—maihahambing ba ang mga ito? Huwag gamitan ng mga panuntunan ang mga bagay-bagay, sa halip ay dapat magkaroon ka ng ganitong kamalayan: “Tinanggap ko na ngayon ang bagong gawain ng Diyos pero may ilang bagay na hindi ko magagawang makamit. Dadanasin at unti-unti kong aalamin ang mga ito, unti-unti kong hahangarin ang mga ito, unti-unti kong aarukin ito katulad ng isang langgam na ngumangatngat ng buto, at sa paglipas ng panahon ay mauunawaan ko ang mga ito.” Walang katapusan ang hiwaga ng gawain ng Diyos, at hindi ito maaarok; hindi ito kailanman matutukoy ng tao. Pagkatapos itong maranasan sa loob ng isa o dalawang taon, maaaring magkaroon ng kaunting pagkaunawa ang mga tao; pagkatapos ng tatlo o apat na taon, maaaring magkaroon ng kaunti pang pagkaunawa ang mga tao, at unti-unti silang lalago at magbabago. Unti-unting magbabago ang kanilang mga pananaw sa mga lumang bagay na iyon at unti-unti nilang iwawaksi ang mga ito; saka lang mauunawaan ng mga tao ang mga bagong bagay kapag naitakwil na nila ang mga lumang bagay na iyon. Ang mga lumang bagay na iyon ay malalim pa ring nakabaon sa iyo, at hindi mo pa nga nasisimulang hukayin ang mga ito, gayunpaman, nangangahas kang ipalaganap ang iyong mga kuru-kuro at ipahayag ang sarili mong mga opinyon, at nagsasalita ka sa kahit anong paraang gusto mo—walang katuturan ito. Bakit Ko sinasabing nagiging masyadong mayabang ang mga tao? Ito ang dahilan. Ang mga bulok na bagay na iyon sa loob ng mga tao ay walang kuwenta, subalit nangangahas pa rin silang ipahayag at ipalaganap ang mga ito. Hindi ba’t ganap itong walang katuturan? Samakatuwid, tinanggap ng ilang tao ang yugtong ito ng gawain at nabasa ang mga salita ng Diyos, pero hindi talaga nila binitawan ang mga lumang bagay na dala-dala nila sa loob nila. Bakit ang mga lider at manggagawa sa ilang lugar ay nagagawa at naisasakatuparan ang gawaing naaayon sa kanilang mga kuru-kuro, pero kapag hindi naaayon sa kanilang mga kuru-kuro ang gawain at ayaw nilang gawin ito, hindi nila ito ipinatutupad? Paano nagkakaroon ng ganitong sitwasyon? Ito ay dahil hindi kayang bitiwan ng mga tao ang mga lumang bagay na dala-dala nila sa loob nila. Kapag mas nabubuo ang mga lumang bagay na iyon sa loob mo, mas matindi kang lumalaban. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? Bakit may ilang lider sa mundo ng relihiyon ngayon, na nagiging mas mayabang at lalong hindi kinakayang tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw habang mas tumataas ang posisyong hawak nila, at mas dumarami ang taong pinamumunuan nila? Ito ay dahil palaging kumakapit ang mga tao sa mga bagay ng nakaraan, hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at bilang buhay, at hindi nila kayang igalang ang Diyos bilang ang pinakadakila at pinakamataas sa lahat ng bagay. Sa halip, itinuturing nila ang sarili nilang mga kuru-kurong panrelihiyon at ang sarili nilang mga kaisipan at pananaw bilang ang katotohanan at ang tunay na daan—hindi ba’t isa itong malaking pagkakamali? Sa ganitong paraan, mahahanap mo ba ang katotohanan kahit saan? Kung naniniwala ka na ang mga bagay na iyon sa iyo ay ang katotohanan, makakamit mo pa rin ba ang katotohanan mula sa Diyos? Magagawa mo pa bang hanapin ang katotohanan at panabikan ito?

Sabi ng ilang tao, “Nabasa ko na ang maraming salita ng Diyos, narinig ko na ang tinig ng Diyos, tinatanggap ko ang tunay na daan at alam ko kung paano basahin ang mga salita ng Diyos. Nilulutas ko ang sarili kong mga problema, hindi ko kailangan ang tulong ng iba, at dahil dito ay tiyak na lalago ang buhay ko.” Nagiging eksaherado ka sa mga bagay-bagay kapag nagsasalita ka nang ganoon. Kung binabasa mo ang mga salita ng Diyos nang umaasa lamang sa iyong sarili at hindi ka binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, maiintindihan mo ba ang mga ito? Kung hindi ka inilantad ng mga salita ng Diyos at hindi sinuri ang katiwalian sa loob mo, hindi ka makakapagbago at makakaunawa—mahihirapan kang magkaroon ng anumang pagkaunawa. Kapag nagbabasa ang mga tao ng mga nobela, naiintindihan nila ito nang husto at naaalala ang maraming eksena, at kapag natapos na nilang basahin ang isa, kaya nilang agad sabihin sa iba ang tungkol dito. Pero walang katulad ang mga usapin sa buhay. Ang mga usapin sa buhay ay napakalalim, at dapat ka munang manalig nang maraming taon bago ka magkaroon ng kahit kaunting pagkaunawa. Maaari mong maranasan ang isang pagbigkas ng Diyos sa buong buhay mo at hindi mo pa rin ito mararanasan nang sapat. Ano man ang pagbigkas na gagawin ng Diyos, hindi mo ito kailanman mararanasan nang sapat habang ikaw ay nabubuhay; gaano man kahusay ang kakayahan mo, dapat ka pa ring umasa sa pagdanas at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos bago mo maunawaan ang katotohanan. Gamitin nating halimbawa ang pagiging isang matapat na tao. Ilang taon ang dapat mong maranasan bago mo malutas ang problema ng pagsasabi ng mga kasinungalingan? Hindi totoo na kailangan mo lang ng isa o dalawang taon na karanasan at pagkatapos ay iyon na iyon, hindi ka na magsisinungaling, hindi ka na manlilinlang, at isa ka na ngayong matapat na tao. Hindi ito posible. Dapat kang magkaroon ng ilang dekadang karanasan bago mo makita ang resultang ito. Ito ay dahil napakakomplikado ng mga tao, malalim na nakaugat sa loob nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon, pinipigilan sila ng kanilang mga kuru-kuro na makapasok sa katotohanan, na makilala ang Diyos, pinipigilan ng kanilang mga intensiyon ang kanilang mga disposisyon na magbago, pinipigilan sila sa pagsasagawa ng katotohanan, at ang mga pananaw at mga posisyon na ginagamit nila sa kanilang mga kilos at pananalita ay pinipigilan silang maunawaan ang katotohanan. Kung nakapagsasalita at nakakikilos ka sa panig ng katotohanan, sa panig ng katotohanan na hinihingi ng Diyos na matamo ng tao sa Kapanahunan ng Kaharian, kung gayon ay madali kang makapagpapasakop sa Kanyang gawain at makapapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Kung hindi ka pumapanig sa katotohanan, malalayo ka sa Diyos, o kung hindi, sasalungat ka sa Diyos. Huwag isipin na dahil lang nakapakinig ka na sa napakaraming sermon at nanalig sa Diyos nang mahabang panahon ay hindi na malaki ang kakulangan sa tayog mo! Ang paghahangad sa katotohanan ay isang usapin ng pagkamit ng buhay, ito ay upang magkamit ng buhay na walang hanggan. Ang katotohanan ay hindi nababago magpakailanman, ito ay naaangkop palagi, hindi kailanman maiwawaksi, hindi mapabubulaanan, hindi maikakaila—ito ang halaga at kabuluhan ng katotohanan. Ang katotohanan ang pinakamataas, pinakamalalim, at pinakamahalagang bagay. Natatangi ito, at may limitasyon sa kung ano ang kayang maunawaan at makamit ng isang tao pagkatapos ng isang buong buhay na karanasan.

Sinasabi ng isang tao, “Nananalig ako sa Makapangyarihang Diyos at isinasagawa ko ang aking pananampalataya nang mag-isa sa bahay, at umaawit din ako ng mga himno at nagdarasal sa Diyos. Sinusundan ko ang gawain kahit nasaang yugto pa ito, at sa pamamagitan ng pagpapanatili nitong pananampalataya hanggang sa huli, hindi ako aabandonahin ng Diyos.” Ano ang tingin mo rito? Paano mo mahahangad ang katotohanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa bahay? Paano mo mararanasan ang gawain ng Diyos nang hindi ginagampanan ang iyong tungkulin? Kung hindi mo gagampanan ang iyong tungkulin, hindi mabubunyag ang ilang tiwaling disposisyon, at paano mo pagninilay-nilayan ang iyong sarili kung gayon? Paano mo mararanasan ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos? Paano ka ilalantad at iwawasto ng mga salita ng Diyos? Hindi nararanasan ng mga tao ang mga bagay na ito sa bahay. Maaari mo bang talagang makilala ang iyong sarili nang walang praktikal na karanasan? Kaya mo ba talagang magbago? Imposible ang pagbabago. Upang maranasan ang gawain ng Diyos, dapat kang mamuhay ng buhay-iglesia, at sa pamamagitan lamang ng pagganap ng iyong tungkulin mo mararanasan nang tama ang mga bagay-bagay. Kung isasagawa mo ang iyong pananampalataya sa bahay mo sa loob ng sampung taon o higit pa, dalawampung taon o higit pa, at bumagsak na ang malaking pulang dragon at natapos na ang malalaking sakuna, makapagsasalita ka kaya ng tunay na patotoong batay sa karanasan? Magdurusa ka ba tulad ng pagdurusa ng Diyos? Ang mga tao ng Diyos, na magbibigay ng gayon kagandang patotoo, ay tunay na mababago, tunay na makapagpapasakop sa Diyos at magiging tunay na tapat sa Kanya—magagawa mo ba ang gayong patotoo? Natatakot Ako na, sa oras na iyon, lubos kang mapapahiya. Bakit sinabi ng Diyos na marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili? Ito ay dahil sa gitna ng tiwaling sangkatauhan, napakakaunti lang ng mga nagmamahal sa katotohanan. Karamihan sa mga tao ay hindi mahal ang katotohanan, lalong hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan. Bakit Ko ito sinasabi? Nananalig ang ilang tao sa Diyos, at habang maayos ang lahat sa tahanan, hindi sila nagrereklamo. Gayunpaman, kapag nagkakaproblema, kapag nagkasakit ang isang miyembro ng pamilya at na-admit sa ospital, o hindi nakapasok sa kolehiyo ang kanilang anak, o may nangyaring sakuna, hinahampas nila ang mesa at nagrereklamo sila sa Diyos, sinasabing, “Humph! Ano ang napala ko sa pananalig sa Diyos? Hindi ako pinagpala ng Diyos! Dapat Mo akong pagpalain, pagpalain ang lahat sa akin, kasama ang aking buong pamilya, ang mga anak ko, asawa ko, pati na rin ang aking ina at ama, lahat sila. Kung hindi ito nangyari sa pamilya ko, hindi ba’t taimtim kong hahangarin ang katotohanan?” Gumagawa sila ng gayong mga pagdadahilan sa hindi nila pagkakamit sa katotohanan! Mapapalitan ba ng kanilang mga pagdadahilan ang katotohanan? Naniniwala sila na ganap na sapat at matibay ang kanilang mga pagdadahilan, at na tama lang na magreklamo. Hindi nagrereklamo ang mga tao tungkol sa Diyos kapag hindi sila dumaranas ng mga pagsubok at kapighatian. Ipinagsisigawan nila kung gaano kadakila at kahanga-hanga ang Diyos. Ngunit sa sandaling sumapit ang mga pagsubok at kapighatian, maaaring umusbong anumang minuto ang kanilang pagnanais na magreklamo tungkol sa Diyos. Hindi nila pinagninilay-nilayan ang mga bagay-bagay at hindi nila ito pinag-iisipan; likas lang silang nagbubulalas ng kanilang damdamin. Para sa ilang tao, ito ay isang bagay na hindi nangyayari sa kanilang pamilya kundi sa kanilang mga alagang hayop lamang at nagrereklamo sila tungkol sa Diyos. Hindi ba’t napakawalang-saysay nito? Kung maaabot ng isang tao ang punto kung saan anumang mangyari sa kanyang pamilya o anumang sakuna na dumating sa kanya ay hindi siya nagrereklamo tungkol sa Diyos o masyadong naaapektuhan ng bagay na ito, kapag hindi siya nagdudulot ng mga pagkaantala sa kanyang tungkulin o ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos ano man ang mangyari, kapag hindi naaapektuhan ang kanyang pagsunod sa Diyos, at kapag hindi siya nahahadlangan ng bagay na nangyari sa pagpuri sa Diyos, nagpapatunay ito na dalisay ang kanyang pusong nananalig sa Diyos. Ang pananaw na “Kapag nananalig ang isang tao sa Diyos, ang kanyang buong pamilya ay pinagpapala” ay mali. Kung palagi kang kumakapit sa pananaw na ito sa iyong pananalig sa Diyos, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan. Tingnan mo ang iyong mga kapamilya at mga kamag-anak na hindi mananampalataya, abala sa pamumuhay araw-araw; kapag sumapit ang mga sakuna, makakatakas kaya sila sa mga ito? Hindi, hindi sila makakatakas. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan sa iyong pananalig sa Diyos at mananatili kang kagaya ng iyong mga kamag-anak, na hindi makatakas sa parusa ng mga sakuna, mamamatay ka kasama nila. Subalit, kung hahangarin mo ang katotohanan, at makikilala mo ang kanilang diwa, magagawa mong tanggihan si Satanas, at iisiping, “Hindi sila nananalig sa Diyos. Sila ay mga demonyo at dapat na malipol sa mga sakuna. Sinisikap nilang pigilan ako noon sa pananalig sa Diyos, at nagsabi sila ng mga bagay na sumusuway sa Diyos, na kalapastanganan sa Diyos. Nakuha nila ang nararapat na parusa sa kanila nang mamatay sila sa mga sakuna. Sa ganito, ang mga salita ng Diyos ay tunay na natupad.” Wala kang ganitong pananampalataya noon at hindi ka naglakas-loob na sumpain ang mga demonyo. Ngayon, nakikita mo ang tunay na mukha ng mga demonyo at namumuhi ang puso mo sa mga demonyong ito na lumalaban sa Diyos, at kapag namatay sila, ang kailangan mo lang gawin ay ilibing sila. Ang magawang harapin sila sa ganitong paraan ay nagpapakita na tunay nang bumaling sa Diyos ang puso mo. Kung nagtataglay ka pa rin sa puso mo ng mga kuru-kuro at imahinasyon, palaging pinaniniwalaan na “kapag nananalig ang isang tao sa Diyos, ang kanyang buong pamilya ay pinagpapala, na maging ang mga hayop na inaalagaan ng pamilya ay pinagpapala, na ang bahay ay pinagpapala, at ang mga pananim sa lupa ay pinagpapala,” kung gayon, hahadlangan ka ng mga bagay na ito sa paghahangad sa katotohanan at sa pagsunod sa Diyos at sa pagganap ng iyong tungkulin. Kung dalisay na babaling sa Diyos ang puso ng isang tao, tanging sa Diyos, magiging napakadalisay at napakasimple ng kanyang puso, at pagdating ng panahong iyon, kakaunti lang ang kanyang paghihirap. Bakit labis kang nagdurusa ngayon? Ito ay dahil ginugugol mo ang buong araw sa pagmamadali at pagiging abala para sa iyong pamilya, para sa iyong mga anak, gumugugol ng labis na pagsisikap para sa kanila. Kung ginugol mo ang sarili mo para lamang sa iglesia, sa palagay Ko ay magiging mas maluwag ka, hindi ba? Tiyak na dahil masyado kang abala ngayon sa mga bagay na pampamilya at hindi masyadong abala sa mga bagay pang-iglesia, at dahil masyadong nagiging mabigat ang mga gawain sa bahay na hindi ka na makatiis, kaya ka nagsisimulang magreklamo tungkol sa Diyos. Pero sa katunayan, gaano karami na ang naialay mo sa Diyos? Wala ka man lang naibigay na kapuri-puri! Nagmamadali at nagpapakaabala ka pa rin sa mga bagay-bagay sa bahay at para sa iyong sariling laman, kaya paanong nagrereklamo ka sa Diyos? Hindi ka na dapat magreklamo tungkol sa Diyos. Ang sinumang nananalig sa Diyos ay may kakayahang makamit ang katotohanan at may pagkakataong makilala ang Diyos—napakamahalaga nito, mas mahalaga kaysa anupaman, at direkta itong nauugnay sa isyu kung makakamit mo o hindi ang kaligtasan. Gayunpaman, unang-una ay kailangan mong tingnan ang iyong mga maling intensiyon, mga pananaw, at pagkaunawa mula sa nakaraan, gayundin iyong mga bagay na hinahangad mo sa loob ng iyong sarili, at himay-himayin at kilalanin ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag nakita mo na nang malinaw ang mga bagay na ito, maaari ka nang magsanay na bawasan ang mga ito at bitiwan ang mga ito. Kapag mas malinaw at matalas mong nakikita ang mga bagay na ito, mas maraming bagay ang mabibitiwan mo, hanggang sa magawa mong talikuran ang lahat ng luma at maling bagay na ito. Pagkatapos ay higit na mas magiging maluwag ang pakiramdam mo, at kapag isinagawa mo ang mga katotohanang nauunawaan mo at nakapagpatotoo ka sa mga ito, unti-unti kang magbabago. Dapat ka na ngayong magsimulang magsagawa at magsanay sa direksiyong ito, at unti-unti ay hindi ka na makokontrol at maaabala ng mga bagay na iyon—mapapasok mo na ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.