Matapos ang Paulit-ulit na Pagsalungat at Paglaban ng Sodoma sa Kanya, Nilipol na ito ng Diyos nang Lubusan

Abril 19, 2018

Ngayong mayroon na tayong pangkalahatang pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos, maibabalik natin ang ating pansin sa lungsod ng Sodoma—isang lugar na nakita ng Diyos bilang isang lungsod ng kasalanan. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa diwa ng lungsod na ito, maiintindihan natin kung bakit ninais ng Diyos na wasakin ito at kung bakit winasak Niya ito nang lubusan. Mula rito, maaari na nating malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos.

Mula sa pantaong pananaw, ang Sodoma ay isang lungsod na pinagbibigyang lubos ang nasa at kasamaan ng tao. Nakatutukso at nakabibighani, na may kasamang tugtugan at sayawan gabi-gabi, ang kasaganaan nito ang nanghalina at nagpahibang sa mga tao. Kinain ng kasamaan nito ang puso ng mga tao at inakit sila sa pagkabulok. Ito ang lungsod kung saan ang marurumi at masasamang espiritu ay naghuhuramentado; punong-puno ito ng kasalanan at pagpatay at umaalingasaw ang amoy ng dugo at pagkabulok dito. Isa itong lungsod na nakapangingilabot, isang lungsod na lalayuan ng isang tao sa takot. Wala ni isa sa lungsod na ito—mapalalaki man o babae, bata man o matanda—ang naghanap ng tunay na daan; walang naghangad sa liwanag o nag-asam na lumayo sa kasalanan. Namuhay sila sa ilalim ng kontrol ni Satanas, sa ilalim ng kanyang katiwalian at panlilinlang. Nawala nila ang kanilang pagiging tao; nawala nila ang kanilang katinuan, at nawala nila ang orihinal na layunin ng tao sa pag-iral. Nakagawa sila ng hindi mabilang na masasamang gawa ng paglaban sa Diyos; tinanggihan nila ang Kanyang paggabay at sinalungat ang Kanyang kalooban. Ang kanilang masasamang gawa ang unti-unting nagtulak sa mga taong ito, sa buong lungsod at sa bawat nabubuhay rito, sa landas ng pagkawasak.

Bagaman hindi nakatala sa dalawang siping ito ang mga detalye tungkol sa lawak ng katiwalian ng mga mamamayan ng Sodoma, at sa halip ay itinala ang kanilang pakikitungo sa dalawang lingkod ng Diyos matapos ng pagdating ng mga ito sa lungsod, may isang simpleng katunayan na nagbubunyag ng lawak ng pagkatiwali, kasamaan at paglaban sa Diyos ng mga taga-Sodoma. Dahil dito, ang tunay na mukha at diwa ng mga mamamayan ng lungsod ay nalantad din. Hindi lamang tumanggi ang mga taong ito na tanggapin ang mga babala ng Diyos, hindi rin sila natakot sa Kanyang kaparusahan. Sa kabaligtaran, hinamak nila ang galit ng Diyos. Walang taros na nilabanan nila ang Diyos. Anuman ang gawin Niya o kung paano man Niya iyon ginawa, lalo lamang lumala ang kanilang masamang kalikasan, at paulit-ulit nilang nilabanan ang Diyos. Ang mga taga-Sodoma ay galit sa pag-iral ng Diyos, sa Kanyang pagdating, sa Kanyang kaparusahan, at lalo na sa Kanyang mga babala. Masyado silang naging mapagmataas. Sinisila at pinipinsala nila ang lahat ng taong maaaring silain at pinsalain, at gayundin ang kanilang naging pagtrato sa mga lingkod ng Diyos. Tungkol naman sa lahat ng masasamang gawa na ginawa ng mga taga-Sodoma, ang pagpinsala sa mga lingkod ng Diyos ay maliit na bahagi lamang, at ang kanilang masamang kalikasan na nabunyag nito ay katumbas lamang ng isang maliit na patak sa malawak na dagat. Samakatuwid, pinili ng Diyos na wasakin sila sa pamamagitan ng apoy. Hindi gumamit ang Diyos ng baha, ni hindi Siya gumamit ng bagyo, lindol, tsunami, o iba pang paraan upang wasakin ang lungsod. Ano ang ipinahihiwatig ng paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod na ito? Ang ibig sabihin nito ay ang ganap na pagkawasak ng lungsod; ang ibig sabihin nito ay ganap na naglaho ang lungsod sa ibabaw ng lupa at mula sa pag-iral nito. Dito, ang “pagkawasak” ay hindi lamang tumutukoy sa paglalaho ng porma at istruktura o panlabas na anyo ng lungsod; nangangahulugan din ito na ang mga kaluluwa ng mga taong nasa loob ng lungsod ay tumigil sa pag-iral, at lubos nang nalipol. Sa madaling sabi, lahat ng tao, mga pangyayari at mga bagay na nakaugnay sa lungsod ay nawasak na. Wala nang kasunod na buhay o reinkarnasyon para sa kanila; nilipol na sila ng Diyos mula sa sangkatauhan ng Kanyang nilikha, magpakailanman. Ang paggamit ng apoy ay nagpapahiwatig ng wakas ng kasalanan sa lugar na ito, at na nasugpo na ang kasalanan doon; titigil na sa pag-iral at pagkalat ang kasalanang ito. Nangangahulugan ito na ang kasamaan ni Satanas ay nawalan na ng mataba nitong lupa gayundin ng libingan na nagkaloob dito ng lugar na mapamamalagian at mapananahanan. Sa digmaan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, ang paggamit ng Diyos ng apoy ay ang tatak ng Kanyang tagumpay kung saan namarkahan si Satanas. Ginawang tiwali at sinila ni Satanas ang mga tao para sa kanyang mithiin na kalabanin ang Diyos. Ang pagkawasak ng Sodoma ay isang malaking balakid sa mithiing ito. Isa rin itong nakahihiyang tanda ng panahon sa pag-unlad ng sangkatauhan nang tanggihan ng tao ang patnubay ng Diyos at pinabayaan ang sarili niya sa bisyo. Bukod pa rito, isa itong talaan ng tunay na pahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos.

Nang tinupok ng apoy na ipinadala ng Diyos mula sa langit ang Sodoma hanggang sa maging abo na lamang ito, nangahulugan ito na ang lungsod na tinatawag na “Sodoma” ay tumigil na sa pag-iral, gayundin ang lahat ng naroon sa loob ng lungsod. Winasak ito ng galit ng Diyos; naglaho ito sa poot at pagiging maharlika ng Diyos. Dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, tinanggap ng Sodoma ang makatarungang kaparusahan at makatwirang katapusan nito. Ang katapusan ng pag-iral ng Sodoma ay dahil sa kasamaan nito, at dahil din ito sa pagnanais ng Diyos na hindi na kailanman muling makita ang lungsod na ito, maging ang mga taong nabuhay rito o anumang may buhay na nabuhay sa loob ng lungsod. Ang “pagnanais ng Diyos na hindi na kailanman muling makita ang lungsod na ito” ay dahil sa Kanyang poot, gayundin sa Kanyang pagiging maharlika. Sinunog ng Diyos ang lungsod dahil ang kasamaan at kasalanan nito ay nakapagpagalit, nakapagpasuya at nakapagpasuklam sa Kanya rito; dahil din sa mga ito, ninais Niya na hindi na muling makita pa ito o maging ang sinuman sa mga tao o bagay na nabubuhay sa loob nito kahit kailan. Nang matupok ng apoy ang lungsod at mga abo na lamang ang naiwan, tumigil na nga ito sa pag-iral sa mga mata ng Diyos; maging ang alaala Niya nito ay nawala, nabura. Nangangahulugan ito na ang winasak ng ipinadalang apoy mula sa langit ay hindi lamang ang buong lungsod ng Sodoma, o ang mga tao sa loob nito na napupuno ng kasalanan lamang, ni hindi rin ang lahat ng bagay sa loob ng lungsod na nabahiran ng kasalanan; higit pa sa mga bagay na ito, winasak ng apoy na ito ang mga alaala ng kasamaan at paglaban sa Diyos ng sangkatauhan. Ito ang layunin ng Diyos sa pagsunog sa buong lungsod.

Ang sangkatauhan ay naging tiwali nang sukdulan. Hindi nila kilala kung sino ang Diyos o kung saan sila mismo nagmula. Kapag binanggit mo ang Diyos sa kanila, sila ay mang-aatake, maninirang puri, at manlalapastangan. Kahit na dumating ang mga lingkod ng Diyos upang ipalaganap ang Kanyang babala, hindi lamang nagpakita ng kawalan ng mga tanda ng pagsisisi ang mga tiwaling taong ito at hindi iniwan ang kanilang masamang asal, bagkus, walang pakundangan nilang sinaktan ang mga lingkod ng Diyos. Ang kanilang ipinahayag at ibinunyag ay ang kanilang kalikasang diwa ng masidhing pagkapoot sa Diyos. Makikita natin na ang paglaban ng mga tiwaling taong ito sa Diyos ay higit pa sa isang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon, gaya ng pagiging higit pa nito sa isang pagkakataon ng paninirang-puri o panunuya na umusbong lamang mula sa kakulangan ng pag-unawa sa katotohanan. Hindi ang kahangalan ni kamangmangan ang nagdulot ng kanilang masamang pag-uugali; hindi ito dahil sa sila ay nalinlang, at tiyak na hindi ito dahil sa sila ay napaniwala sa mali. Ang kanilang pag-uugali ay nakaabot na sa antas ng pagkagarapal at walang pakundangang paglaban, pagsalungat at pagtutol sa Diyos. Walang dudang ang ganitong uri ng pag-uugali ng tao ay makapagpapagalit sa Diyos, at makapagpapagalit sa Kanyang disposisyon—isang disposisyon na hindi dapat malabag. Samakatuwid, tuwiran at lantarang pinakawalan ng Diyos ang Kanyang poot at ang Kanyang pagiging maharlika; isa itong tunay na paghahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Nahaharap sa isang lungsod na nag-uumapaw sa kasalanan, naghangad ang Diyos na wasakin ito sa pinakamabilis na paraang maaari, upang lipulin ang mga mamamayan sa loob nito at ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa pinakaganap na paraan, upang mapatigil sa pag-iral ang mga mamamayan ng lungsod na ito at upang mapigilang lumaganap ang kasalanan sa lugar na ito. Ang pinakamabilis at pinakaganap na paraan ng pagsasagawa nito ay ang tupukin ito ng apoy. Ang ginawa ng Diyos sa mga taga-Sodoma ay hindi pagpapabaya o pagsasawalang-bahala; sa halip, ginamit Niya ang Kanyang poot, pagiging maharlika at awtoridad upang parusahan, pabagsakin at lubos na wasakin ang mga taong ito. Ang Kanyang naging pagtrato sa kanila ay hindi lamang pisikal na pagwasak kundi pagwasak din ng kaluluwa, isang walang hanggang pagkapuksa. Ito ang tunay na ipinahihiwatig ng pakahulugan ng Diyos sa “tumigil sa pag-iral.”

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply