Dahil sa Mapagmatigas na Paglaban sa Diyos, ang Tao ay Winasak ng Poot ng Diyos

Abril 18, 2018

Una, tingnan natin ang ilang sipi sa kasulatan na naglalarawan sa pagwasak ng Diyos sa Sodoma.

Genesis 19:1–11 At nagsidating ang dalawang anghel sa Sodoma, nang nagtatakip silim; at si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma: at sila’y nakita ni Lot, at tumindig siya upang salubungin sila; at iniyukod ang mukha paharap sa lupa; At sinabi niya, “Ngayon nga mga panginoon ko, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo’y magsipasok sa bahay ng inyong lingkod, at kayo’y manatili sa buong magdamag, at maghugas ng inyong mga paa, at magsipagbangon kayo nang madaling-araw at magpatuloy sa inyong lakad.” At kanilang sinabi, “Hindi; sa lansangan na lamang kami mananahan sa buong magdamag.” At kanyang pinakapilit sila; at sila’y nagsipayag, at nagsipasok sa kanyang bahay; at sila’y kanyang ipinaghanda ng piging, at ipinagluto ng mga tinapay na walang lebadura, at nagsikain. Datapuwat bago sila nagsihiga, ang bahay ay pinalibutan ng mga tao sa bayan, maging ng mga tao sa Sodoma, kapwa bata at matanda, at lahat ng tao sa buong palibot: At kanilang tinawagan si Lot, at sinabi sa kanya, “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila.” At nilabas sila ni Lot sa pintuan, at isinara ang pinto sa likuran niya. At sinabi niya, “Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid ko, na huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan. Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila’y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang mabuti sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito; yamang sila’y nasa silong ng aking bubungan.” At sinabi nila, “Umurong ka!” At sinabi pa nila, “Ang taong ito’y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga’y gagawan ka namin ng lalong masama kaysa kanila.” At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan. Datapuwat iniunat ng mga lalake ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan. At ang mga taong nangasa pintuan ng bahay ay mga pinagbulag nila, ang munti’t malaki: ano pa’t sila’y nangayamot sa paghahanap ng pintuan.

Genesis 19:24–25 Nang magkagayo’y nagpaulan si Jehova sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy mula kay Jehova na buhat sa langit; at ginunaw Niya ang mga bayang yaon, at ang buong kapatagan at ang lahat ng nananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.

Mula sa mga siping ito, hindi mahirap makita na ang kasamaan at katiwalian ng Sodoma ay umabot na sa antas na kamuhi-muhi kapwa sa tao at sa Diyos, at na sa mga mata ng Diyos, nararapat lamang na wasakin ang lungsod. Ngunit ano ang nangyari sa loob ng lungsod, bago ito nawasak? Anong inspirasyon ang maaaring makuha ng mga tao mula sa mga pangyayaring ito? Anong tungkol sa disposisyon ng Diyos ang ipinapakita sa mga tao ng Kanyang saloobin sa mga pangyayaring ito? Upang maunawaan ang buong kuwento, basahin nating mabuti ang nakatala sa Kasulatan …

Katiwalian ng Sodoma: Ikinagagalit ng Tao, Ikinapopoot ng Diyos

Nang gabing iyon, tinanggap ni Lot ang dalawang sugo mula sa Diyos at ipinaghanda sila ng maraming makakain. Pagkatapos maghapunan, bago sila mahiga, pinalibutan ng mga tao mula sa buong lungsod ang tirahan ni Lot at tinawag nang pasigaw si Lot. Nakatala sa Kasulatan na sinabi nilang, “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila.” Sino ang nagsabi ng mga salitang ito? Kanino nila sinabi ang mga ito? Ito ang sinabi ng mga mamamayan ng Sodoma, na isinigaw sa labas ng bahay ni Lot, upang marinig ni Lot. Ano kaya ang pakiramdam kapag naririnig ang ganitong mga salita? Nagagalit ka ba? Nakasusuya ba ang mga salitang ito para sa iyo? Nag-iinit ba ang dugo mo sa poot? Hindi ba umaalingasaw si Satanas sa mga salitang ito? Sa pamamagitan ng mga ito, nararamdaman mo ba ang kasamaan at kadiliman sa lungsod na ito? Sa kanilang mga salita, nararamdaman mo ba ang kalupitan at kabangisan sa pag-uugali ng mga taong ito? Nararamdaman mo ba sa kanilang ikinikilos ang lalim ng kanilang katiwalian? Sa pamamagitan ng nilalaman ng kanilang pananalita, hindi mahirap makita na ang kanilang masamang kalikasan at malupit na disposisyon ay nakaabot na sa antas na wala na sa kanilang kontrol. Maliban kay Lot, lahat ng tao sa lungsod na ito ay walang pinagkaiba kay Satanas; ang makita lamang ang isa pang tao ay nag-uudyok na sa kanila na saktan at lipulin ito…. Hindi lamang ipinararamdam ng mga bagay na ito sa isang tao ang malagim at nakakikilabot na kalikasan ng lungsod, at pati na rin ang anino ng kamatayan sa paligid nito, ipinadarama rin ng mga ito sa isang tao ang kasamaan at kalupitan nito.

Nang matagpuan niya ang kanyang sarili na kaharap ang isang grupo ng mga walang awang masasamang-loob, mga taong punong-puno ng mabangis na pagnanasang lipulin ang mga kaluluwa ng tao, paano tumugon si Lot? Ayon sa Kasulatan: “Ipinamamanhik ko sa inyo, huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan. Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila’y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang mabuti sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito; yamang sila’y nasa silong ng aking bubungan.” Ito ang ibig sabihin ni Lot sa kanyang mga salitang binitiwan: Handa siyang ibigay ang kanyang dalawang anak na babae sa mga tao upang pangalagaan ang mga sugo. Batay sa anumang makatwirang kalkulasyon, dapat sana’y pumayag na ang mga taong ito sa mga kundisyon ni Lot at nilubayan na ang dalawang sugo, lalo pa nga’t hindi naman nila kilala ang mga ito, mga taong walang kinalaman sa kanila at hindi kailanman nakasira ng kanilang interes. Ngunit dahil sa udyok ng kanilang masamang kalikasan, hindi nila nilubayan ang bagay na ito. Sa halip, mas nagpunyagi pa sila. Dito, ang isa pa sa kanilang mga pagpapalitan ay tiyak na higit na makapagbibigay-linaw sa mga tao tungkol sa tunay at malupit na kalikasan ng mga taong ito, habang tinutulutan din nito ang mga tao na maunawaan at maintindihan ang dahilan kung bakit ninais ng Diyos na wasakin ang lungsod na ito.

Kaya ano ang sumunod nilang sinabi? Ang sabi sa Bibliya: “‘Umurong ka!’ At sinabi pa nila, ‘Ang taong ito’y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga’y gagawan ka namin ng lalong masama kaysa kanila.’ At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.” Bakit ninais nilang sirain ang pinto ni Lot? Ang dahilan ay nasasabik na silang saktan ang dalawang sugong iyon. Ano ang nagdala sa mga sugong ito sa Sodoma? Ang layunin nila sa pagpunta roon ay sagipin si Lot at ang kanyang pamilya, ngunit nagkamali ang mga taga-lungsod sa pag-aakalang dumating ang mga ito upang gumanap ng mga opisyal na tungkulin. Nang hindi tinatanong ang pakay ng mga sugo, ibinatay ng mga tao ang kanilang pagnanasang pagmalupitan ang dalawang sugong ito sa haka-haka lamang; ninais nilang saktan ang dalawang tao na wala namang kinalaman sa kanila. Maliwanag na nawala na nang lubusan ng mga mamamayan ng lungsod na ito ang kanilang pagkatao at katwiran. Ang antas ng kanilang kabaliwan at kabangisan ay wala nang ipinagkaiba sa malupit na kalikasan ni Satanas na nananakit at lumilipol sa mga tao.

Nang igiit nila kay Lot na ibigay ang mga taong ito, ano ang ginawa ni Lot? Mula sa mga teksto, alam nating hindi sila ibinigay ni Lot. Kilala ba ni Lot ang dalawang sugong ito ng Diyos? Siyempre hindi! Ngunit bakit niya nagawang iligtas ang dalawang taong ito? Alam ba niya kung ano ang kanilang gagawin sa kanilang pagdating? Bagama’t hindi niya alam ang dahilan ng kanilang pagdating, alam niya na sila ay mga lingkod ng Diyos, kaya tinanggap niya sila sa kanyang tahanan. Ang kanyang pagtawag sa mga lingkod ng Diyos gamit ang titulong “panginoon” ay nagpapakita na si Lot ay isa talagang tagasunod ng Diyos, hindi katulad ng ibang mga mamamayan ng Sodoma. Samakatuwid, nang dumating sa kanya ang mga sugo ng Diyos, inilagay niya sa panganib ang kanyang sariling buhay upang tanggapin ang dalawang lingkod na ito sa kanyang bahay; at bilang karagdagan, inialok din niya ang kanyang dalawang anak na babae bilang kapalit upang pangalagaan ang dalawang lingkod na ito. Ito ang matuwid na gawa ni Lot; isa itong konkretong pagpapahayag ng kalikasang diwa ni Lot, at ito rin ang dahilan kung kaya’t isinugo ng Diyos ang Kanyang mga lingkod upang iligtas si Lot. Nang maharap sa panganib, iningatan ni Lot ang dalawang lingkod na ito nang walang pagsasaalang-alang sa anupaman; tinangka pa niyang ipagpalit ang kanyang dalawang anak na babae para sa kaligtasan ng mga lingkod. Bukod kay Lot, mayroon pa kayang ibang tao sa lungsod na gagawa ng ganito? Tulad ng pinatunayan ng mga pangyayari—wala na! Samakatuwid, hindi na kailangang sabihin pa na ang bawat isa sa loob ng Sodoma, maliban kay Lot, ay puntirya ng pagkawasak at tama naman—dapat lang sa kanila iyon.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman