Sa Ikalawang Araw, Isinaayos ng Awtoridad ng Diyos ang mga Katubigan, at Ginawa ang Kalawakan, at Lumitaw ang Isang Puwang Para sa Pinakapayak na Pagpapatuloy ng Pamumuhay ng Tao

Abril 18, 2018

Basahin natin ang ikalawang talata ng Bibliya: “At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig.’ At ginawa ng Diyos ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan: at nagkagayon” (Genesis 1:6–7). Anong mga pagbabago ang nangyari matapos sabihin ng Diyos ang “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig”? Sa mga Kasulatan sinasabi na: “At ginawa ng Diyos ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan.” Ano ang resulta matapos itong sabihin at gawin ng Diyos? Ang kasagutan ay nakalagay sa huling bahagi ng talata: “at nagkagayon.”

Ang dalawang maiikling pangungusap na ito ay nagtatala ng isang kagila-gilalas na pangyayari, at naglalarawan ng isang kamangha-manghang tagpo—ang napakalaking gawain kung saan ay pinamahalaan ng Diyos ang mga katubigan, at nilikha ang espasyo kung saan ang tao ay maaaring umiral …

Sa larawang ito, ang mga katubigan at ang kalawakan ay lumilitaw sa harap ng Diyos sa isang iglap, at ang mga ito ay pinaghiwalay ng awtoridad ng mga salita ng Diyos, at pinaghiwalay sa “itaas” at sa “ibaba” sa paraang itinakda ng Diyos. Ibig sabihin, hindi lamang saklaw ng kalawakan na nilikha ng Diyos ang mga katubigan sa ibaba, ngunit hinahawakan din nito ang mga katubigan sa itaas…. Dito, walang magagawa ang tao kundi ang tumitig, matulala, at mamangha sa lakas ng Kanyang awtoridad at sa kaningningan ng tagpo kung saan inilipat at inutusan ng Lumikha ang mga katubigan, at nilikha ang kalawakan. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at ng kapangyarihan ng Diyos, at ng awtoridad ng Diyos, naisakatuparan ng Diyos ang isa pang dakilang gawain. Hindi ba ito ang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha? Gamitin natin ang mga kasulatan upang ipaliwanag ang mga gawa ng Diyos: Sinambit ng Diyos ang Kanyang mga salita, at dahil sa mga salitang ito ng Diyos ay nagkaroon ng kalawakan sa gitna ng mga katubigan. At kasabay nito, isang napakalaking pagbabago ang nangyari sa kalawakang ito dahil sa mga salitang ito ng Diyos, at hindi ito isang ordinaryong pagbabago, kundi isa itong uri ng paghalili kung saan mula sa wala ay nagkaroon ng isang bagay. Ito ay isinilang mula sa mga iniisip ng Lumikha, at naging isang bagay mula sa wala dahil sa mga salita na sinambit ng Lumikha, at, higit pa roon, mula sa puntong ito, ito ay iiral at di-matitinag para sa kapakanan ng Lumikha, at lilipat, magbabago, at mapapanibago alinsunod sa mga iniisip ng Lumikha. Inilalarawan ng talatang ito ang pangalawang kilos ng Lumikha sa Kanyang paglikha ng buong mundo. Ito ay isa pang pagpapahayag ng awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha, at isa pang kauna-unahang gawain ng Lumikha. Ang araw na ito ay ang ikalawang araw na pinalipas ng Lumikha simula sa pagtatatag ng mundo, at ito ay isa pang kahanga-hangang araw para sa Kanya: Siya ay naglakad sa gitna ng liwanag, dinala Niya ang kalawakan, inayos at pinamahalaan Niya ang mga katubigan, at ang Kanyang mga gawa, ang Kanyang awtoridad, at ang Kanyang kapangyarihan ay pinagana sa bagong araw …

May kalawakan na ba sa gitna ng mga katubigan bago binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita? Siyempre wala! At paano naman noong matapos sabihin ng Diyos na “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig”? Lumitaw ang mga bagay na nilayon ng Diyos; nagkaroon ng kalawakan sa gitna ng mga katubigan, at naghiwalay ang mga katubigan dahil sinabi ng Diyos na “Mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig.” Sa paraang ito, kasunod ng mga salita ng Diyos, dalawang bagong bagay, dalawang bagong silang na bagay ang lumitaw sa kalagitnaan ng lahat ng bagay bilang resulta ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Ano ang pakiramdam ninyo sa paglitaw ng dalawang bagong bagay na ito? Dama ba ninyo ang kadakilaan ng kapangyarihan ng Lumikha? Ramdam ba ninyo ang natatangi at pambihirang puwersa ng Lumikha? Ang kadakilaan ng naturang puwersa at kapangyarihan ay dahil sa awtoridad ng Diyos, at ang awtoridad na ito ay isang pagkatawan sa Diyos Mismo, at isang natatanging katangian ng Diyos Mismo.

Binigyan ba kayo ng talatang ito ng isa pang malalim na pakiramdam ng pagiging natatangi ng Diyos? Sa totoo lang, hinding-hindi pa ito sapat; ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay lampas na lampas pa rito. Ang Kanyang pagiging natatangi ay hindi lamang dahil mayroon Siyang diwa na hindi katulad ng anumang nilikha, kundi ito rin ay dahil ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan ay pambihira, walang limitasyon, kataas-taasan sa lahat, at tumatayo sa ibabaw ng lahat, at bukod dito, dahil ang Kanyang awtoridad at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay makakalikha ng buhay, makakagawa ng mga himala, at makakalikha ng lahat ng kagila-gilalas at pambihirang minuto at segundo. Kasabay nito, kaya Niyang pamahalaan ang buhay na Kanyang nililikha, at hinahawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa mga himala at sa bawat minuto at segundo na Kanyang nililikha.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply