Ang mga kahihinatnan at kalalabasan ng pagtanggi sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw

Abril 15, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Hindi kailanman magkakamit ng buhay yaong mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan, ni hindi makakamit ang walang hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno yaong mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung sinusubukan mo lamang na hawakan ang nakaraan, sinusubukan lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka nila maaakay para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Napagyayaman lamang ng mga banal na kasulatang binabasa mo ang dila mo at hindi ng mga salita ng karunungang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi sa mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagmumuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba pinagtatanto ka nito sa mga hiwagang sumasaloob? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi kailanman makakamit ang buhay.

Hinango mula sa “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo yaong mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinabi ni Cristo, at mga ligaw sa guni-guni yaong mga hindi tinatanggap ang daan ng buhay na dinala ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na magpakailanmang kamumuhian ng Diyos yaong mga taong hindi tinatanggap si Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makalalampas sa Kanya. Walang sinuman ang maaaring gawing perpekto ng Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo lamang. Naniniwala ka sa Diyos, at sa gayon dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sundin ang Kanyang daan. Hindi mo maaaring isipin lamang ang magkamit ng mga pagpapala habang wala kang kakayahang tumanggap ng katotohanan at walang kakayahang tumanggap ng paglalaan ng buhay. Darating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan ng buhay lahat yaong mga tunay na naniniwala sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at ang pagpasok sa bago ang Kanyang gawain, at ito ang landas na dapat tahakin ng yaong lahat ng mga papasok sa bagong kapanahunan. Kung wala kang kakayahang kilalanin Siya, at sa halip pinarurusahan, nilalapastangan, o inuusig din Siya, kung gayon nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa. Kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo tatanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang ganting matatanggap ng yaong mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo na kapag nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tatanggihan mo nang may paghamak si Cristo ng mga huling araw, wala nang sinuman ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan alang-alang sa iyo. Higit pa rito, simula sa araw na ito at sa mga susunod pa hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukin mo pang tubusin ang sarili mo, hindi mo muling mapagmamasdan ang mukha ng Diyos. Sapagkat hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang mahinang nilalang ang tinatanggihan mo nang may paghamak, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang magagawa mo, kundi isang karumal-dumal na krimen. Kaya naman pinapayuhan Ko ang lahat na huwag ilabas ang mga pangil ninyo sa harap ng katotohanan, o gumawa ng bulagsak na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala kundi ang katotohanan ang makapagpapahintulot na muli kang isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos.

Hinango mula sa “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas nang pangmatagalan. Ang ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtam ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. Kung hindi mo pinag-uukulan ang mga katotohanang ito ng pagpapahalaga at palaging iniisip ang pag-iwas sa mga ito o paghahanap ng isang bagong paraan bukod sa mga ito, kung gayon sinasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung mayroon kang pananampalataya sa Diyos, nguni’t hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang kalooban ng Diyos, ni hindi mo iniibig ang daan na nagdadala sa iyo nang mas malapit sa Diyos, kung gayon sinasabi Kong ikaw ay isa na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang isa man sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng lalo pang mas mabigat na kaparusahan. Silang mga nagsilapit sa harap ng Diyos upang mahatulan, at higit pa ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Tiyak, ito ay bagay na mangyayari sa hinaharap.

Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Maraming may di-kasiya-siyang damdamin tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang paghatol. Gayunpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao at mahirap para sa mga isipan ng mga tao na tanggapin. Sapagka’t ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ay ang kataas-taasang Isa na pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad lamang ng isang balon ng maruming tubig na nagdudulot lamang ng mga uod, samantalang ang bawat yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay pagdadalisay ng karunungan ng Diyos. Palaging hinahangad ng tao na makipaglaban sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Ipinapayo Ko sa inyong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, kung gayon bakit hindi mo kaya? Gaano ka na ba kataas kaysa iba? Kung kaya ng iba na magyuko ng ulo sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay mayroong hindi-mahahadlangang bilis ng pagtakbo. Hindi na Niya uulitin ang gawain ng paghatol dahil lang sa “kontribusyon” na nagawa mo, at labis kang magsisisi dahil pinalagpas mo ang gayon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, kung gayon maghintay ka na lamang sa malaking puting luklukan sa langit na magpasa ng paghatol sa iyo! Kailangang malaman mo na lahat ng Israelita ay tinanggihan at itinatwa si Jesus, gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay umabot pa rin sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Hindi ba ito isang realidad na matagal nang ginawa ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin kay Jesus na dalhin ka paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi Ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy.[a] Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na tagasunod na kagaya mo na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga biyaya. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa paghahagis sa iyo sa lawa ng apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon.

Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naunawaan mo na, ipinapayo Ko na magpasakop ka nang masunurin na mahatulan, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na papurihan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Yaong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring mapadalisay, ibig sabihin, yaong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay kamumuhian at itatakwil ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas marami, at mas mabigat, kaysa roon sa mga Fariseo, sapagkat napagtaksilan nila ang Diyos at naghimagsik sila laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat na magsagawa ng paglilingkod ay tatanggap ng mas mabigat na parusa, isang parusang bukod diyan ay pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang ganitong mga tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito mismo ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao, at pagbubunyag sa kanya? Ipapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan ang masasamang espiritung ito na sirain ang kanilang katawang laman ayon sa gusto nila. Ang kanilang katawan ay mangangamoy-bangkay, at iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawat isa sa mga kasalanan niyaong mga nananalig na hindi-tapat at huwad, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; pagkatapos, sa tamang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hahayaan ang maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto nila, upang hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na makitang muli ang liwanag kailanman. Yaong mga ipokrito na minsang naglingkod ngunit hindi nanatiling tapat hanggang sa huli ay ibinibilang ng Diyos sa masasama, kaya nabubuhay sila sa payo ng masasama at nagiging bahagi ng kanilang magulong grupo; sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o naglaan ng anumang pagsisikap, at pupuksain silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos ngunit napilitan dahil sa kanilang kalagayan na humarap sa Kanya nang madalian ay ibinibilang sa mga yaon na naglilingkod para sa Kanyang bayan. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang karamihan ay mamamatay na kasama ng mga yaon na ni hindi nararapat na maglingkod. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na ang isipan ay kaayon ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Gayon ang bungang nakamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain. Patungkol sa mga yaong hindi kabilang sa anumang kategoryang inilatag ng Diyos, ibibilang sila sa mga di-mananampalataya. At tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasiya kung aling landas ang inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinuman na hindi nakakasabay sa bilis ng Kanyang paghakbang, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.

Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Hangga’t patuloy na umiiral ang lumang mundo, ipupukol Ko ang Aking galit sa mga bansa nito, hayagang ipapahayag ang Aking mga atas administratibo sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:

Kapag ibinabaling Ko ang Aking mukha sa sansinukob upang magsalita, naririnig ng buong sangkatauhan ang Aking tinig, at pagkatapos ay nakikita ang lahat ng Aking nagawa sa buong sansinukob. Yaong mga lumalaban sa Aking kalooban, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin sa mga gawa ng tao, ay sasailalim sa Aking pagkastigo. Kukunin Ko ang napakaraming bituin sa kalangitan at paninibaguhin ang mga ito, at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago—ang kalangitan ay hindi na magiging gaya ng dati at ang napakaraming bagay sa lupa ay mapapanibago. Lahat ay magiging ganap sa pamamagitan ng Aking mga salita. Ang maraming bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at papalitan ng Aking kaharian, kaya ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman at lahat ay magiging isang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, lahat ng nabibilang sa diyablo ay lilipulin, at lahat ng sumasamba kay Satanas ay isasadlak sa Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang maraming tao, yaong mga nasa relihiyosong mundo, sa iba’t ibang lawak, ay babalik sa Aking kaharian, na nalupig ng Aking mga gawa, dahil nakita na nila ang pagdating ng Banal na nakasakay sa isang puting ulap. Lahat ng tao ay paghihiwa-hiwalayin ayon sa sarili nilang uri, at tatanggap ng mga pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos. Lahat ng kumalaban sa Akin ay masasawi; yaon namang mga hindi Ako kasali sa kanilang mga gawa sa lupa, sila, dahil sa paraan ng pagpapawalang-sala nila sa kanilang sarili, ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming tao at sa napakaraming bansa, at sa sarili Kong tinig, maririnig Ako sa ibabaw ng lupa, na ipinapahayag ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain para makita ng buong sangkatauhan sa sarili nilang mga mata.

Hinango mula sa “Kabanata 26” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Hindi gusto ng Diyos na mas maraming tao ang maparusahan, bagkus ay umaasa na mas maraming tao ang maligtas, at mas maraming tao ang makasabay sa mga yapak Niya at makapasok sa kaharian Niya. Nguni’t kung tumatanggi ang mga tao na kilalanin ang mga pagkakamali nila, kung hindi nila matatanggap ang katotohanan nang may mapagpakumbabang puso, subali’t sa halip ay namumuna, naghahanap ng mali at nagkukunwaring nakakaunawa gayong hindi naman talaga, sa gayon sila ang mga mawawalan sa huli. Hindi naghihintay kaninuman ang gawain ng Diyos. Ang pagliligtas Niya ay hindi tulad ng ilang piraso ng basura, na basta-basta itinatapon kahit kanino lang. Bagkus ito ay tinutudla, na may layon at pagpili. Kung hindi mo alam na pahalagahan ito, kung gayon ang tanging naghihintay sa iyo ay ang matuwid na paghatol at kaparusahan ng Diyos. Trinatrato ng Diyos ang lahat ng tao nang may pagkamatuwid; anuman ang edad mo, gaano ka man katanda o kahit na gaano karaming pagdurusa ang napagdaanan mo na, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay di-nababago magpakailanman sa harap ng mga bagay na ito. Hindi trinatrato ng Diyos ang sinuman nang may mataas na pagkilala, ni pinapaboran Niya ang sinuman. Ang Kanyang saloobin tungo sa mga tao ay batay sa kung natatanggap nila ang katotohanan o hindi at tinatanggap ang Kanyang bagong gawain sa pamamagitan ng pagbitaw sa lahat ng mga bagay. Kung natatanggap mo ang Kanyang bagong gawain at tinatanggap ang katotohanan na Kanyang ipinapahayag, kung gayon makakaya mong kamtin ang pagliligtas ng Diyos. Kung ikaw ay mapagmataas sa iyong beteranong katayuan at ipinagmamalaki mo ang iyong katandaan, naglalatag ng mga kondisyon sa Diyos, kung gayon ikaw ay itatatwa mula sa pagliligtas ng Diyos. Katulad lamang ng mga Judio, na hindi matanggap si Jesucristo kundi naghintay lamang para sa Mesias, ang bumagsak sa kanila sa huli ay ang sumpa at ang galit ng Diyos; ito ay isang katunayan na nariyan para makita ng lahat. …

… Ang kaalaman at panlabas na mga pag-uugali ng mga Fariseo ay hindi nagligtas sa kanilang relasyon kay Jesucristo. Sa kabaligtaran, napinsala sila nito, at ang kanilang kaalaman at mga pagkaintindi, kasama ang larawan ng Diyos sa kanilang mga puso, ang nagbunsod sa kanila na kondenahin ang Panginoong Jesus. Ang kanilang mga imahinasyon at isipan ang nagligaw sa kanila, na nagtakip sa kanilang mga espirituwal na mata, nagsanhi na hindi nila makilala ang Mesias na nakarating na, na gawin ang lahat ng kaya nila para maghanap ng ebidensiya at makamtan ang isang panghahawakan upang kondenahin ang Panginoong Jesus. Ito ang kanilang pangit na mukha—ginagamit na dahilan ang pagtataguyod sa orihinal na gawain ng Diyos upang kondenahin ang makatotohanang gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Siyempre, ito ay isang kamalian na malamang magawa ng mga taong nabubuhay sa anumang kapanahunan—ang paggamit ng mga lumang doktrina at tuntunin upang sukatin at kondenahin ang mga katotohanan na hindi pa nila kailanman napakinggan, iniisip na sila ay nakakapit sa totoong daan at pinananatili ang kanilang kadalisayan sa harap ng Diyos, na sila ay nagiging tapat sa Diyos. Subali’t ano ang mga katunayan? Patuloy na ginagawa ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, ipinagpapatuloy ang Kanyang pamamahala, palaging bago at hindi luma kailanman. At paano naman ang mga tao? Lagi silang nakahawak nang mahigpit sa ilang makalumang bagay na iniisip nila na kabuuan ng mga pahayag ng Diyos, pinupuri ang kanilang mga sarili, namimintog sa pagmamataas, hinihintay ang Diyos na magkaloob sa kanila ng mga gantimpala na may saloobin na naniniwalang hindi sila kailanman itatapon ng Diyos, hindi sila kailanman tratratuhin nang hindi patas. At ano ang kinalabasan? Nagpapatuloy ang gawain ng Diyos na di-nahahadlangan, na may mas maraming tao ng bagong kapanahunan na sumusunod sa Kanya at tumatanggap sa Kanyang bagong gawain, habang ang mga naghihintay sa Diyos na magkaloob ng mga gantimpala sa kanila ay inaalis ng bagong gawain ng Diyos, at higit pang maraming tao ang nahuhulog sa kaparusahan ng Diyos. Sa sandaling nag-uumpisa ang kanilang kaparusahan, ang kanilang buhay na naniniwala sa Diyos ay tapos na, at ang kanilang katapusan, at kanilang hantungan, ay natapos na. Hindi ito isang bagay na nais ninuman na makita, nguni’t ito ay nangyayari na di-namamalayan sa harap ng ating mga mata. Kung gayon ito ba ay dahil sa pagiging walang-awa ng disposisyon ng Diyos, o ito ay dahil sa ang paghahanap ng mga tao ang may mali? Hindi ba talagang mahalaga na lubusang suriin ng sangkatauhan ang kanilang mga sarili?

Hinango mula sa Pagtatapos na Pananalita sa Mga Klasikong Halimbawa ng Kaparusahan sa Paglaban sa Makapangyarihang Diyos

Talababa:

a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, ibig sabihin “walang pag-asa.”

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman