Sa pagbabasa ng Aklat ni Job, nalaman ko na si Job ay may takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Nagtagumpay siya sa mga tukso at pag-atake ni Satanas, nanindigan siya sa kanyang patotoo, at sa gayon ay natanggap niya ang mga pagpapala ng Diyos. Gusto kong malaman: Paano ako dapat magpursige upang matamo ang takot sa Diyos at maiwaksi ang kasamaan?

Enero 27, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang isang tunay na nilalang ay kailangang malaman kung sino ang Lumikha, para saan nilikha ang tao, paano isagawa ang mga responsibilidad ng isang nilalang, at paano sambahin ang Panginoon ng lahat ng nilikha, kailangang maunawaan, maintindihan, malaman, at pagmalasakitan ang mga layon, naisin, at hinihiling ng Lumikha, at kailangang kumilos alinsunod sa daan ng Lumikha—ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.

Ano ang magkaroon ng takot sa Diyos? At paano maiiwasan ng isang tao ang kasamaan?

Ang “magkaroon ng takot sa Diyos” ay hindi nangangahulugan ng di-maipaliwanag na sindak at takot, ni hindi ng paglayo, ni hindi ng pagpapalayo, ni hindi rin ito pag-iidolo o pamahiin. Sa halip, ito ay paghanga, paggalang, pagtitiwala, pag-unawa, pagmamalasakit, pagsunod, pagtatalaga, pagmamahal, at walang-kundisyon at walang-reklamong pagsamba, pagbabayad-utang, at pagpapasakop. Kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na paghanga, tunay na pagtitiwala, tunay na pag-unawa, tunay na pagmamalasakit o pagsunod ang sangkatauhan, kundi ng takot lamang at pagkabalisa, pagdududa, di-pagkakaunawaan, paglayo, at pag-iwas; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi tunay na makakapagtalaga at makakapagbayad-utang ang sangkatauhan; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na pagsamba at pagpapasakop ang sangkatauhan, kundi ng bulag na pag-iidolo at pamahiin lamang; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi posibleng makakilos ang sangkatauhan alinsunod sa daan ng Diyos, o magkakaroon ng takot sa Diyos, o iiwas sa kasamaan. Bagkus, bawat aktibidad at pag-uugali ng tao ay mapupuno ng paghihimagsik at pagsuway, ng mapanirang mga pahiwatig at mapanirang-puring mga paghusga tungkol sa Kanya, at ng masamang asal na taliwas sa katotohanan at sa tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos.

Kapag nagkaroon na ng tunay na pagtitiwala sa Diyos ang sangkatauhan, magiging tunay na ang kanilang pagsunod sa Kanya at pag-asa sa Kanya; sa tunay na pagtitiwala at pag-asa sa Diyos lamang maaaring magkaroon ng tunay na pagkaunawa at pagkaintindi ang sangkatauhan; kasama ng tunay na pagkaintindi sa Diyos ang tunay na pagmamalasakit sa Kanya; sa tunay na pagmamalasakit lamang sa Diyos maaaring tunay na sumunod ang sangkatauhan; sa tunay na pagsunod lamang sa Diyos magkakaroon ng tunay na pagtatalaga ang sangkatauhan; sa tunay na pagtatalaga lamang sa Diyos maaaring magbayad-utang ang sangkatauhan nang walang kundisyon at walang reklamo; sa tunay na pagtitiwala at pag-asa, tunay na pag-unawa at pagmamalasakit, tunay na pagsunod, tunay na pagtatalaga at pagbabayad-utang lamang tunay na malalaman ng sangkatauhan ang disposisyon at diwa ng Diyos, at malalaman ang identidad ng Lumikha; kapag tunay na nilang nakilala ang Lumikha, saka lamang magigising sa kalooban ng sangkatauhan ang tunay na pagsamba at pagpapasakop; kapag may tunay na silang pagsamba at pagpapasakop sa Lumikha, saka lamang magagawang isantabi ng sangkatauhan ang kanilang masasamang gawi, ibig sabihin, maiwasan ang kasamaan.

Ito ang buong proseso ng “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan,” at ito rin ang buong nilalaman ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ito ang daan na kailangang bagtasin upang magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

Una sa lahat, alam natin na ang disposisyon ng Diyos ay kamahalan at poot; hindi Siya isang tupa na kakatayin ninuman, lalong hindi Siya isang tau-tauhang kokontrolin ng mga tao kahit paano nila gusto. Hindi rin Siya isang hungkag na uutus-utusan. Kung talagang naniniwala ka na mayroong Diyos, dapat ay mayroon kang pusong may takot sa Diyos, at dapat mong malaman na ang Kanyang diwa ay hindi maaaring galitin. Ang galit na ito ay maaaring idulot ng isang salita, o marahil ay ng isang ideya, o marahil ay ng isang uri ng nakasusuklam na ugali, o marahil ay kahit ng banayad na ugali—ugaling uubra sa mga mata at moralidad ng mga tao; o, marahil ay inudyok ito ng isang doktrina o isang teorya. Gayunman, kapag napagalit mo na ang Diyos, nawawala ang iyong pagkakataon, at dumating na ang katapusan ng mga araw mo. Grabeng bagay ito! Kung hindi mo maunawaan na hindi dapat magkasala sa Diyos, hindi ka siguro takot sa Kanya, at marahil ay palagi kang nagkakasala sa Kanya. Kung hindi mo alam kung paano matakot sa Diyos, hindi ka natatakot sa Diyos, at hindi mo malalaman kung paano tumahak sa landas ng paglakad sa daan ng Diyos—na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kapag nagkaroon ka na ng kamalayan, at alam mo na hindi dapat magkasala sa Diyos, malalaman mo kung ano ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Bagama’t may elemento ng pagmamahal ang diwa ng Diyos, at maawain Siya sa bawat isang tao, nakaligtaan at nalimutan ng mga tao ang katotohanan na may dignidad din ang Kanyang diwa. Hindi komo may pagmamahal Siya ay maaari na Siyang saktan nang buong laya ng mga tao, nang walang pinupukaw na damdamin o reaksyon sa Kanya, ni hindi nangangahulugan na komo may awa Siya ay wala na Siyang mga prinsipyo sa pagtrato Niya sa mga tao. Ang Diyos ay buhay; Siya ay tunay na umiiral. Hindi Siya isang kathang-isip na tau-tauhan ni anupamang ibang bagay. Dahil Siya ay umiiral, dapat tayong makinig na mabuti sa tinig ng Kanyang puso sa lahat ng oras, pansinin nating mabuti ang Kanyang saloobin, at unawain natin ang Kanyang damdamin. Hindi natin dapat gamitin ang mga imahinasyon ng tao para tukuyin ang Diyos, ni hindi natin dapat igiit ang mga iniisip o ninanasa ng tao sa Kanya, na nagiging sanhi upang tratuhin ng Diyos ang mga tao sa paraan ng tao batay sa mga imahinasyon ng tao. Kung gagawin mo ito, gagalitin mo ang Diyos, bubuyuhin mo Siyang mapoot, at hahamunin mo ang Kanyang dignidad! Sa gayon, kapag naunawaan na ninyo ang katindihan ng bagay na ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na maging maingat at mahinahon sa inyong mga kilos. Maging maingat at mahinahon din sa inyong pananalita—patungkol sa pagtrato ninyo sa Diyos, mas maingat at mahinahon kayo, mas magaling! Kapag hindi mo nauunawaan ang saloobin ng Diyos, iwasang magsalita nang walang-ingat, huwag magpadalus-dalos sa iyong mga kilos, at huwag basta-basta magbansag. Ang mas mahalaga pa, huwag magsalita nang patapos na walang batayan. Sa halip, dapat kang maghintay at maghanap; ang mga kilos na ito ay pagpapahayag din ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Higit sa lahat, kung magagawa mo ito, at higit sa lahat, kung angkin mo ang saloobing ito, hindi ka sisisihin ng Diyos sa iyong katangahan, kamangmangan, at kawalan ng pang-unawa sa mga dahilan sa likod ng mga bagay-bagay. Sa halip, dahil sa iyong saloobing takot na magkasala sa Diyos, paggalang sa Kanyang mga layon, at kahandaang sundin Siya, aalalahanin ka ng Diyos, gagabayan at liliwanagan ka, o magpaparaya Siya sa iyong kakulangan sa gulang at kamangmangan. Sa kabilang dako, kapag nawalan ka ng pitagan sa Kanya—na hinuhusgahan Siya ayon sa gusto mo o hinuhulaan at tinutukoy mo nang di-makatwiran ang Kanyang mga ideya—isusumpa ka ng Diyos, didisiplinahin ka, at parurusahan ka pa; o, maaari Siyang magkomento sa iyo. Marahil ay kasama ang iyong kahihinatnan sa komentong ito. Samakatuwid, nais Kong minsan pang bigyang-diin: Dapat maging maingat at mahinahon ang bawat isa sa inyo tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang walang ingat, at huwag magpadalus-dalos sa inyong mga kilos. Bago ka magsalita ng anuman, dapat kang tumigil at mag-isip: Magagalit ba ang Diyos sa kilos kong ito? Sa paggawa nito, nagpipitagan ba ako sa Diyos? Kahit sa mga simpleng bagay, dapat mo pa ring subuking unawain ang mga tanong na ito, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip tungkol sa mga ito. Kung talagang makapagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng aspeto, sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at magkaroon ka ng gayong saloobin lalo na kapag mayroon kang hindi nauunawaan, lagi kang gagabayan ng Diyos at bibigyan ka ng isang landas na susundan.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Ang Diyos ay isang buhay na Diyos, at tulad ng mga tao na magkakaiba ang kilos sa iba’t ibang sitwasyon, nag-iiba ang Kanyang saloobin sa mga pag-uugaling ito dahil hindi Siya isang tau-tauhan ni hindi Siya hungkag. Ang pag-alam sa saloobin ng Diyos ay isang mahalagang hangarin para sa sangkatauhan. Dapat malaman ng mga tao, sa pamamagitan ng pag-alam sa saloobin ng Diyos, kung paano sila unti-unting magtatamo ng kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos at mauunawaan ang Kanyang puso. Kapag unti-unti mong naunawaan ang puso ng Diyos, hindi mo madarama na mahirap magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, kapag nauunawaan mo ang Diyos, malamang ay hindi ka gagawa ng mga konklusyon tungkol sa Kanya. Kapag tumigil ka na sa paggawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos, mas malamang na hindi ka magkasala sa Kanya, at hindi mo mamamalayan, gagabayan ka ng Diyos na magtamo ng kaalaman tungkol sa Kanya; pupuspusin nito ang puso mo ng pagpipitagan sa Kanya. Sa gayon ay titigil ka sa pagtukoy sa Diyos sa pamamagitan ng mga doktrina, titik, at teoryang saulado mo na. Sa halip, sa pamamagitan ng palaging paghahanap sa mga layon ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi mo mamamalayan na nagiging isa kang tao na kaayon ng puso ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Sa bawat kapanahunan, habang gumagawa sa mga tao, ipinagkakaloob ng Diyos ang ilang salita sa kanila at sinasabi sa kanila ang ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat sundan ng mga tao, ang daan na dapat nilang lakaran, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan, at ang daan na dapat isagawa at sundan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang mga dahilan kaya ipinapahayag ng Diyos ang mga pagbigkas na ito sa sangkatauhan. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat sundin ng mga tao, at ang pagsunod sa mga ito ay pagtanggap ng buhay. Kung hindi susundin ng isang tao ang mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. Bukod pa riyan, kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at hindi nila iniiwasan ang kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Ang mga taong hindi kayang palugurin ang Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang papuri, at walang kahihinatnan ang gayong mga tao.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Ang paglalakad sa daan ng Diyos ay hindi tungkol sa pagsunod sa mabababaw na panuntunan; sa halip, nangangahulugan ito na kapag nahaharap ka sa isang problema, ituring mo muna ito una sa lahat bilang isang sitwasyon na naiplano ng Diyos, isang responsibilidad na naipagkaloob Niya sa iyo, o isang gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag nahaharap ka sa problemang ito, dapat mo ngang ituring ito bilang isang pagsubok ng Diyos sa iyo. Kapag nahaharap ka sa problemang ito, kailangan ay mayroon kang pamantayan sa puso mo, kailangan mong isipin na ang bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Kailangan mong pag-isipan kung paano mo haharapin ito sa isang paraan na matutupad mo ang iyong responsibilidad habang nananatili kang tapat sa Diyos, gayundin kung paano ito gawin nang hindi Siya ginagalit o hindi ka nagkakasala sa Kanyang disposisyon. … para makalakad sa daan ng Diyos, hindi natin maaaring hayaan ang anumang nangyayari sa atin o sa paligid natin, kahit ang maliliit na bagay; iniisip man natin na dapat itong bigyang-pansin o hindi, basta’t may anumang bagay tayong nakakaharap, hindi natin ito dapat hayaan. Lahat ng bagay na nangyayari ay dapat ituring na mga pagsubok na bigay sa atin ng Diyos. Ano sa palagay mo ang ganitong paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay? Kung mayroon kang ganitong klaseng saloobin, nagpapatibay ito sa isang katunayan: Sa iyong kalooban, may takot ka sa Diyos at handa kang umiwas sa kasamaan. Kung may hangarin kang palugurin ang Diyos, hindi malayong matugunan ng isinasagawa mo ang pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

Madalas ay may mga taong naniniwala na ang mga bagay na hindi gaanong pinapansin ng mga tao at hindi karaniwang binabanggit ay maliliit na bagay lamang na walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag naharap sa ganitong isyu, hindi ito gaanong pinag-iisipan ng mga tao, at hinahayaan lamang nila ito. Gayunman, sa katunayan, ang bagay na ito ay isang aral na dapat mong pag-aralan—isang aral kung paano magkaroon ng takot sa Diyos at paano umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, ang dapat mong higit na alalahanin ay ang pag-alam kung ano ang ginagawa ng Diyos kapag dumarating ang bagay na ito sa iyong harapan. Nasa tabi mo lamang ang Diyos, inoobserbahan ang bawat salita at kilos mo, at minamatyagan ang lahat ng ginagawa mo at ang mga pagbabagong nagaganap sa iyong isipan—ito ay gawain ng Diyos. Nagtatanong ang ilang tao, “Kung totoo iyan, bakit hindi ko iyon naramdaman?” Hindi mo iyon naramdaman dahil hindi ka sumunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang pangunahin mong daan; kaya hindi mo maramdaman ang banayad na gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, na nagpapakita mismo ayon sa iba-ibang saloobin at kilos ng mga tao. Isa kang hangal! Ano ang malaking bagay? Ano ang maliit na bagay? Ang mga bagay na nauugnay sa paglakad sa daan ng Diyos ay hindi nahahati sa pagitan ng malalaki o maliliit na bagay, ngunit matatanggap ba ninyo iyon? (Matatanggap namin iyon.) Pagdating sa pang-araw-araw na mga bagay, may ilan na itinuturing ng mga tao na napakalaki at makabuluhan, at ang iba pa na itinuturing nilang maliliit na bagay. Madalas ituring ng mga tao ang malalaking bagay na ito na napakahalaga, at itinuturing nila ang mga ito na nagmula sa Diyos. Gayunman, habang lumalabas ang malalaking bagay na ito, dahil sa kamusmusan ng isip ng tao at dahil sa kanilang mahinang kakayahan, madalas ay hindi natutupad ng mga tao ang kalooban ng Diyos, hindi sila makatanggap ng anumang mga paghahayag, at hindi sila makakuha ng anumang aktuwal na kaalaman na may halaga. Pagdating sa maliliit na bagay, hindi talaga napapansin ng mga tao ang mga ito at hinahayaan lamang na unti-unting mawala. Sa gayon, nawala sa mga tao ang maraming pagkakataong masuri sa harap ng Diyos at masubok Niya. Kung lagi mong kinaliligtaan ang mga tao, mga kaganapan, at mga bagay, at mga sitwasyong naiplano ng Diyos para sa iyo, ano ang ibig sabihin niyan? Ang ibig sabihin niyan ay na bawat araw, at kahit bawat sandali, palagi mong tinatalikuran ang pagpeperpekto ng Diyos sa iyo, pati na ang Kanyang pamumuno. Tuwing nagpaplano ang Diyos ng isang sitwasyon para sa iyo, lihim Siyang nakamasid, nakatingin sa iyong puso, inoobserbahan Niya ang iyong mga iniisip at pagwawari, minamasdan kung paano ka mag-isip, at hinihintay na makita kung paano ka kikilos. Kung isa kang pabayang tao—isang taong hindi kailanman naging seryoso tungkol sa daan ng Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa katotohanan—hindi ka magiging maingat o hindi mo papansinin ang nais ng Diyos na tapusin o ang mga kahilingang inasahan Niyang tugunan mo kapag nagplano Siya ng isang sitwasyon para sa iyo. Hindi mo rin malalaman kung paano nauugnay ang mga tao, mga kaganapan, at mga bagay na nakakatagpo mo sa katotohanan o sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos mong harapin ang paulit-ulit na mga sitwasyon at pagsubok na tulad nito, nang walang nakikita ang Diyos na anumang resulta sa iyo, paano Siya magpapatuloy? Pagkatapos ng paulit-ulit na pagharap sa mga pagsubok, hindi mo naipakita ang Diyos sa puso mo, ni hindi mo nakita kung ano ang mga sitwasyong ipinlano ng Diyos para sa iyo: mga pagsubok at pagsusuri mula sa Diyos. Sa halip, sunud-sunod mo nang tinanggihan ang mga pagkakataong ibinigay ng Diyos sa iyo, at hinayaang makalampas ang mga ito nang paulit-ulit. Hindi ba sukdulang pagsuway ang ipinapakitang ito ng mga tao? (Oo.) Masasaktan ba ang Diyos dahil dito? (Oo.) Hindi masasaktan ang Diyos! Minsan pa kayong nagulat na marinig Akong sabihin ang gayong bagay. Iniisip siguro ninyo: “Hindi ba sinabi kanina na palaging nasasaktan ang Diyos? Kung gayon ba ay hindi nasasaktan ang Diyos? Kung gayon, kailan nasasaktan ang Diyos?” Sa madaling salita, hindi masasaktan ang Diyos sa sitwasyong ito. Kaya, ano, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa uri ng pag-uugaling nakabalangkas sa itaas? Kapag tinatanggihan ng mga tao ang mga pagsubok at pagsusuring ipinadadala sa kanila ng Diyos, at kapag iniiwasan nila ang mga ito, iisa lamang ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao. Anong saloobin ito? Tinatanggihan ng Diyos ang ganitong klaseng tao, sa kaibuturan ng Kanyang puso. May dalawang antas ng kahulugan para sa salitang “tanggihan.” Paano Ko dapat ipaliwanag ito mula sa Aking pananaw? Sa Aking kaibuturan, ang salitang “tanggihan” ay nangangahulugan ding kasuklaman at kamuhian. Ano naman ang isa pang antas ng kahulugan nito? Iyan ang bahaging nagpapahiwatig ng pagsuko sa isang bagay. Alam ninyong lahat ang kahulugan ng “pagsuko,” hindi ba? Sa madaling sabi, ang “tanggihan” ay isang salitang kumakatawan sa huling reaksyon at saloobin ng Diyos sa mga taong kumikilos sa ganitong paraan; iyon ay sukdulang pagkamuhi sa kanila, at pagkayamot, at, sa gayon, nagreresulta ito sa desisyon na pabayaan sila. Ito ang panghuling desisyon ng Diyos sa isang taong hindi kailanman lumakad sa daan ng Diyos at hindi kailanman nagkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Sisimulan natin sa pamamagitan ng pagtingin sa buhay ni Job sa tahanan, kung ano ang kanyang karaniwang asal sa kanyang buhay. Sasabihin nito sa atin ang tungkol sa kanyang mga prinsipyo at layunin sa buhay, pati na rin ang tungkol sa kanyang personalidad at hangarin. … Kapag inilalarawan ng Biblia ang pagpipista ng mga anak na lalaki at babae ni Job, hindi nababanggit si Job; sinasabi lamang na ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay madalas na kumain at uminom nang magkakasama. Sa madaling salita, hindi siya nagdaraos ng mga kapistahan, at hindi rin siya sumasama sa kanyang mga anak na lalaki at babae sa pagkain nang marangya. Kahit mayaman, at nagtataglay ng maraming ari-arian at mga tagapaglingkod, ang buhay ni Job ay hindi maluho. Siya ay hindi nalinlang ng kanyang marangyang kapaligiran, at hindi niya inabuso ang mga kasiyahan sa laman o kinalimutan na mag-alay ng mga sinusunog na handog dahil sa kanyang kayamanan, at lalong hindi ito naging sanhi nang unti-unting paglayo ng kanyang puso sa Diyos. Kung gayon, maliwanag na disiplinado si Job sa kanyang uri ng pamumuhay, hindi sakim o nakatuon sa kasiyahan bilang bunga ng mga pagpapala sa kanya ng Diyos, at hindi rin nakatuon ang kanyang pansin sa kalidad ng buhay. Sa halip, siya ay mapagpakumbaba at may mababang-loob, hindi siya mahilig magpasikat, at siya ay mapagmasid at maingat sa harap ng Diyos. Madalas niyang inisip ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos, at patuloy na may takot sa Diyos. Sa kanyang araw-araw na buhay, madalas ay maagang bumabangon si Job upang mag-alay ng mga handog na susunugin para sa kanyang mga anak na lalaki at babae. Sa madaling salita, si Job ay hindi lamang may takot sa Diyos, umasa rin siya na ang kanyang mga anak ay magkakaroon din ng takot sa Diyos at hindi magkakasala laban sa Diyos. Walang lugar sa puso ni Job ang materyal na kayamanan, at hindi nito napalitan ang posisyon na hawak ng Diyos; maging para sa kapakanan ng kanyang sarili o ng kanyang mga anak, ang lahat ng ikinikilos ni Job araw-araw ay may kinalaman sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Ang kanyang takot sa Diyos na si Jehova ay hindi tumigil sa kanyang bibig, kundi isinakatuparan niya ito, at ipinakita sa bawat bahagi ng kanyang araw-araw na pamumuhay. Ang tunay na asal na ito ni Job ay nagpapakita sa atin na siya ay tapat, at nagtaglay ng diwa na may pagmamahal sa katarungan at mga bagay na positibo. Ang madalas na pagsugo at pagpapabanal ni Job sa kanyang mga anak na lalaki at babae ay nangangahulugan na hindi niya pinahintulutan o sinang-ayunan ang asal ng kanyang mga anak; sa halip, sa kanyang puso siya ay pagod na sa kanilang pag-uugali, at hinatulan niya sila. Napagpasyahan niya na ang pag-uugali ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay hindi kalugud-lugod sa Diyos na si Jehova, at kaya naman madalas niya silang pagsabihan na pumunta sa harap ng Diyos na si Jehova at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan. Ipinapakita sa atin ng mga kilos ni Job ang isa pang bahagi ng kanyang pagkatao, kung saan siya ay hindi kailanman sumama sa mga taong madalas na nagkakasala at sumusuway sa Diyos, at sa halip ay nilayuan at iniwasan ang mga ito. Bagama’t ang mga taong ito ay ang kanyang mga anak na lalaki at babae, hindi niya tinalikuran ang kanyang sariling mga prinsipyo dahil sa sila ay sarili niyang pamilya, at hindi niya pinagbigyan ang kanilang mga kasalanan dahil sa sarili niyang damdamin. Sa halip, hinimok niya silang mangumpisal at makamit ang kapatawaran ng Diyos na si Jehova, at binigyan niya sila ng babala na huwag talikuran ang Diyos para sa kapakanan ng kanilang mga sariling sakim na kasiyahan. Ang mga prinsipyo kung paano pinakitunguhan ni Job ang iba ay hindi maihihiwalay mula sa mga prinsipyo ng kanyang takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Minahal niya ang mga tinanggap ng Diyos, at kinasuklaman ang mga itinaboy ng Diyos; minahal niya ang mga taong may takot sa Diyos sa kanilang mga puso, at kinasuklaman niya ang mga gumagawa ng kasamaan o nagkakasala laban sa Diyos. Ang ganitong pagmamahal at pagkasuklam ay makikita sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay, at ito ang tunay na pagkamatuwid ni Job na nakita ng mga mata ng Diyos. Natural lamang na ito rin ang pagpapahayag at pagsasabuhay ng tunay na pagkatao ni Job sa kanyang mga ugnayan sa iba sa kanyang araw-araw na pamumuhay na dapat nating matutuhan.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Ang takot at pagkamasunurin ni Job sa Diyos ay isang halimbawa sa sangkatauhan, at ang kanyang pagka-perpekto at ang pagkamatuwid ay ang rurok ng pagkatao na dapat taglayin ng tao. Kahit hindi niya nakita ang Diyos, naintindihan niya na tunay na umiiral ang Diyos, at dahil sa pagkaintinding ito ay nagkaroon siya ng takot sa Diyos—at dahil sa takot niya sa Diyos, nagawa niyang sumunod sa Diyos. Binigyan niya ang Diyos ng kalayaan na kunin ang lahat ng kanyang pag-aari, subalit hindi siya nagreklamo, at nagpakumbaba siya sa harap ng Diyos at sinabi sa Kanya, sa oras na ito, na kahit na kunin ng Diyos ang kanyang laman, masaya niyang hahayaan na gawin ito ng Diyos, nang walang reklamo. Ang kanyang buong asal ay dahil sa kanyang perpekto at matuwid na pagkatao. Ibig sabihin nito, bunga ng kanyang kawalang-sala, katapatan, at kabaitan, si Job ay naging matatag sa kanyang naintindihan at karanasan na tungkol sa pag-iral ng Diyos, at mula sa saligang ito inatasan niya ang kanyang sarili at gumawa ng pamantayan sa kanyang pag-iisip, pag-uugali, asal, at mga prinsipyo sa pagkilos sa harap ng Diyos na naayon sa patnubay ng Diyos sa kanya at sa mga gawa ng Diyos na nakita niya sa lahat ng bagay. Sa paglipas ng panahon, ang kanyang mga karanasan ay nagdulot ng tunay at totoong takot sa Diyos at nagawa niyang layuan ang kasamaan. Ito ang pinagmulan ng katapatan na mahigpit na pinanghawakan ni Job. Si Job ay may isang matapat, walang sala, at mabait na pagkatao, at siya ay mayroong tunay na karanasan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, pagsunod sa Diyos, at paglayo sa kasamaan, pati na rin ang kaalaman na “si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis.” Dahil sa mga bagay na ito lamang niya nagawang tumayo nang matatag sa kanyang patotoo sa gitna ng mapaminsalang pag-atake ni Satanas, at dahil sa mga ito lamang niya nagawang hindi biguin ang Diyos at magbigay ng kasiya-siyang sagot sa Diyos nang dumating ang Kanyang mga pagsubok.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Hindi nakita ni Job ang mukha ng Diyos, o narinig ang mga salita na sinabi ng Diyos, at lalong hindi niya personal na naranasan ang gawain ng Diyos, ngunit ang kanyang takot sa Diyos at patotoo sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay nasaksihan ng lahat, at ang mga ito ay minahal, kinalugdan, at pinuri ng Diyos, at ang mga tao ay naiinggit at humahanga sa mga ito, at, higit pa rito, umaawit ng kanilang mga papuri. Walang katangi-tangi o di-pangkaraniwan sa kanyang buhay: Tulad ng karaniwang tao, pangkaraniwan lamang ang buhay niya, umaalis upang magtrabaho sa pagsikat ng araw at umuuwi upang magpahinga sa paglubog ng araw. Ang pagkakaiba ay noong panahon ng mga ilang pangkaraniwang dekada sa kanyang buhay, siya ay nagkamit ng isang kabatiran sa daan ng Diyos, at naunawaan at naintindihan niya ang malaking kakayahan at dakilang kapangyarihan ng Diyos, na hindi nagawa ng ibang tao. Hindi siya mas matalino kaysa sa ibang pangkaraniwang tao, ang kanyang buhay ay lalo nang hindi matatag, at, bukod dito, wala siyang nakatagong natatanging kakayahan. Subalit, ang taglay niya, ay personalidad na tapat, mabait, matuwid, isang personalidad na nagmahal sa katarungan at pagkamatuwid, at nagmahal ng mga positibong bagay—na hindi taglay ng karamihan sa mga karaniwang tao. Nakilala niya ang pagkakaiba ng pag-ibig at poot, may pagkaunawa sa katarungan, matibay at matiyaga, at maingat sa pagpansin ng mga detalye sa kanyang pag-iisip. Dahil dito, sa kanyang pangkaraniwang panahon sa lupa, nakita niya ang lahat ng hindi pangkaraniwang mga bagay na ginawa ng Diyos, at nakita ang kadakilaan, kabanalan, at ang pagkamatuwid ng Diyos, nakita niya ang pagmamalasakit ng Diyos, kagandahang-loob, at pag-iingat para sa tao, at nakita niya ang kadakilaan at awtoridad ng kataas-taasang Diyos. Ang unang dahilan kung bakit nagawang ni Job na makuha ang mga bagay na ito, na higit pa sa kayang isipin ng pangkaraniwang tao, ay dahil nagkaroon siya ng isang dalisay na puso, at ang kanyang puso ay pag-aari ng Diyos, at pinangungunahan ng Lumikha. Ang ikalawang dahilan ay ang kanyang gawain: ang kanyang gawain na walang pagkakamali, at perpekto, at ang pagiging isang tao na sumunod sa kalooban ng Langit, na mahal ng Diyos, at na lumayo sa kasamaan. Si Job ay nagtaglay at naghanap ng mga bagay na ito kahit nang hindi nakikita ang Diyos o naririnig ang mga salita ng Diyos; bagaman hindi niya kailanman nakita ang Diyos, naintindihan niya kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay, at naintindihan din niya ang karunungan na pinapairal ng Diyos. Kahit hindi niya kailanman narinig ang mga salita na sinabi ng Diyos, alam ni Job na ang mga gawa ng paggantimpala sa tao at pagbawi mula sa tao ay nanggagaling lahat sa Diyos. Bagama’t ang mga taon ng kanyang buhay ay hindi naiiba sa buhay ng mga pangkaraniwang tao, hindi niya hinayaan ang pagiging pangkaraniwan ng kanyang buhay na maapektuhan ang kanyang kaalaman sa dakilang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, o maapektuhan ang kanyang pagsunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Sa kanyang mga mata, ang mga batas ng lahat ng bagay ay puno ng mga gawa ng Diyos, at ang dakilang kapangyarihan ng Diyos ay maaaring makita sa anumang bahagi ng buhay ng isang tao. Hindi niya nakita ang Diyos, ngunit nagawa niyang maunawaan na ang mga gawa ng Diyos ay nasa lahat ng dako, at sa kanyang pangkaraniwang panahon sa lupa, sa bawat sulok ng kanyang buhay, nagawa niyang makita at maunawaan ang pambihira at kahanga-hangang mga gawa ng Diyos, at nagawa niyang makita ang nakamamanghang mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagkakatago at katahimikan ng Diyos ay hindi humadlang sa pagkaunawa ni Job sa mga gawa ng Diyos, at hindi rin nito naapektuhan ang kanyang kaalaman sa dakilang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang kanyang buong buhay ang naging katuparan ng dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, na nakatago sa gitna ng lahat ng bagay. Sa kanyang araw-araw na buhay narinig din niya at naintindihan ang tinig ng puso ng Diyos, at ang mga salita ng Diyos, na tahimik sa gitna ng lahat ng bagay, subalit nagpapahayag ng tinig ng Kanyang puso at ng Kanyang mga salita sa pamamagitan ng pamamahala sa mga kautusan sa lahat ng bagay. Kung gayon, nakikita mo na kung ang mga tao ay may pagkatao at paghahangad na katulad ng kay Job, maaari nilang makamit ang pagkaunawa at kaalaman na tulad ng kay Job, at maaari nilang makuha ang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa dakilang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, gaya ng nakuha ni Job. Ang Diyos ay hindi nagpakita kay Job o nagsalita sa kanya, ngunit nagawa ni Job na maging perpekto, at matuwid, at magkaroon ng takot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Sa madaling salita, kahit na hindi nagpakita o nangusap sa mga tao ang Diyos, ang mga gawa ng Diyos sa gitna ng lahat ng bagay at ang Kanyang dakilang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay sapat na upang ang tao ay magkaroon ng kamalayan sa pag-iral, kapangyarihan, at awtoridad ng Diyos, at ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay sapat na upang ang taong ito ay sumunod sa daan ng pagkakakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Ang “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” at pagkilala sa Diyos ay matibay na pinagkonekta ng napakaraming sinulid, at ang koneksyon sa pagitan ng mga ito ay malinaw. Kung nais ng sinuman na makaiwas sa kasamaan, kailangan muna siyang magkaroon ng tunay na takot sa Diyos; kung nais ng sinuman na magkaroon ng tunay na takot sa Diyos, kailangan muna siyang magtamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos; kung nais ng sinuman na magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos, kailangan muna niyang maranasan ang mga salita ng Diyos, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, maranasan ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo at paghatol; kung nais ng sinuman na maranasan ang mga salita ng Diyos, kailangan muna niyang makaharap ang mga salita ng Diyos, makaharap ang Diyos, at humiling sa Diyos na magbigay ng mga pagkakataong maranasan ang mga salita ng Diyos sa anyo ng lahat ng uri ng sitwasyong sangkot ang mga tao, kaganapan, at bagay; kung nais ng sinuman na makaharap ang Diyos at ang mga salita ng Diyos, kailangan muna siyang magtaglay ng simple at matapat na puso, kahandaang tanggapin ang katotohanan, kagustuhang tiisin ang pagdurusa, matibay na determinasyon at tapang na iwasan ang kasamaan, at ang hangaring maging isang tunay na nilalang…. Sa ganitong paraan, sa unti-unting pagsulong, lalo kang mapapalapit sa Diyos, lalong magiging dalisay ang puso mo, at lalo pang magiging makabuluhan at mas maningning ang iyong buhay at ang kahalagahan ng pagiging buhay, sa iyong pagkakilala sa Diyos. Hanggang, isang araw, madarama mo na hindi na isang palaisipan ang Lumikha, na hindi kailanman nakatago ang Lumikha mula sa iyo, na hindi kailanman nagkubli ng Kanyang mukha ang Lumikha mula sa iyo, na hindi pala malayo ang Lumikha sa iyo, na hindi na ang Lumikha ang lagi mong pinananabikan sa iyong mga iniisip kundi hindi mo Siya maabot sa iyong damdamin, na talaga at totoong nakabantay Siya sa iyong kaliwa at kanan, tinutustusan ang iyong buhay, at kinokontrol ang iyong tadhana. Hindi Siya natatanaw sa malayo, ni hindi Niya itinago ang Sarili Niya sa mga ulap sa itaas. Siya ay nasa tabi mo mismo, nangangasiwa sa iyong kabuuan, Siya ang lahat ng mayroon ka, at Siya ang tanging mayroon ka. Ang gayong Diyos ay tinutulutan kang mahalin Siya nang taos-puso, kapitan Siya, hawakan Siya nang mahigpit, hangaan Siya, matakot na mawala Siya, at aayawan mong talikuran pa Siya, suwayin pa Siya, o layuan o palayuin pa Siya. Ang tanging gusto mo ay pagmalasakitan Siya, sundin Siya, bayaran ang lahat ng ibinibigay Niya sa iyo, at magpasakop sa Kanyang kapangyarihan. Hindi ka na tumatangging magabayan, matustusan, mabantayan, at maingatan Niya, hindi ka na tumatanggi sa Kanyang idinidikta at itinatakda para sa iyo. Ang tanging nais mo ay sundan Siya, ang makasama Niya; ang tanging nais mo ay tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang buhay, tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang Panginoon, iyong kaisa-isang Diyos.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Kontakin Kami Gamit ang Messenger