Ang mga Pagsusuri ng Diyos kay Job at ang nasa Bibliya
Job 1:1 May isang lalaki sa lupain ng Uz, na ang pangalan ay Job; at ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan.
Job 1:5 At nangyari, nang makaraan ang mga araw ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagkat sinabi ni Job, “Marahil ang aking mga anak ay nangagkasala, at itinakwil ang Diyos sa kanilang mga puso.” Ganito ang patuloy na ginawa ni Job.
Job 1:8 At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan?”
Ano ang mahalagang punto na nakikita ninyo sa mga talatang ito? Ang tatlong maiikling talatang ito ng kasulatan ay may kaugnayan lahat kay Job. Kahit maiikli, malinaw na sinasaad nito kung anong uri siya ng tao. Sa pamamagitan ng paglalarawan ng mga ito ng araw-araw na pag-uugali at asal ni Job, sinasabi nito sa lahat, na sa halip na walang batayan, ang pagsusuri ng Diyos kay Job ay may matibay na basehan. Sinasabi nito sa atin na maging ito man ay pagsusuri ng tao kay Job (Job 1:1), o pagsusuri sa kanya ng Diyos (Job 1:8), ang mga ito ay parehong resulta ng mga gawa ni Job sa harap ng Diyos at ng tao (Job 1:5).
Una, basahin natin ang unang sipi: “May isang lalaki sa lupain ng Uz, na ang pangalan ay Job; at ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan.” Ito ang unang pagsusuri kay Job sa Bibliya, at ang pangungusap na ito ay ang pagsusuri ng may-akda kay Job. Natural lamang na ito rin ay kumakatawan sa pagsusuri ng tao kay Job, kung saan “ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan.” Susunod, basahin natin ang pagsusuri ng Diyos kay Job: “Walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan.” Sa dalawang ito, ang isa ay galing sa tao, at ang isa ay nagmula sa Diyos; ang mga ito ay dalawang pagsusuri na pareho ang nilalaman. Makikita natin na ang pag-uugali at asal ni Job ay alam ng tao, at pinuri rin ng Diyos. Sa madaling salita, ang asal ni Job sa harap ng tao at ang kanyang asal sa harap ng Diyos ay pareho; inilatag niya ang kanyang pag-uugali at motibasyon sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, upang ang mga ito ay masuri ng Diyos, at siya ay isang tao na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Dahil dito, sa mga mata ng Diyos, sa lahat ng tao sa lupa si Job lang ang perpekto at matuwid, at isang tao na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.
Partikular na mga Pagpapamalas ni Job ng Pagkatakot sa Diyos at Paglayo sa Kasamaan sa Kanyang Araw-araw na Pamumuhay
Susunod, tingnan natin ang partikular na mga pagpapamalas ni Job ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Bilang karagdagan sa mga sipi na nauna at sumunod dito, basahin din natin ang Job 1:5, na isa sa mga halimbawa ng pagpapamalas ni Job ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Ito ay may kinalaman sa kung paano siya natakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan sa kanyang araw-araw na pamumuhay; ang pinakaprominente, hindi lang niya ginawa ang mga dapat niyang gawin para sa sarili niyang takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, kundi regular ding nagsasakripisyo ng mga sinusunog na handog sa harap ng Diyos sa ngalan ng kanyang mga anak na lalaki. Ikinakatakot niya na sila ay madalas na “nangagkasala, at itinakwil ang Diyos sa kanilang mga puso” habang nagdiriwang. At paano ipinamalas ni Job ang takot na ito? Ang orihinal na teksto ay nagbibigay ng mga sumusunod na salaysay: “At nangyari, nang makaraan ang mga araw ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat.” Ipinapakita sa atin ng asal ni Job, na ang kanyang takot sa Diyos ay hindi naipapamalas sa kanyang panlabas na pag-uugali, kundi ay nagmula sa loob ng kanyang puso, at ang kanyang takot sa Diyos ay makikita sa bawat aspeto ng kanyang araw-araw na pamumuhay, sa lahat ng pagkakataon, dahil hindi lamang siya lumayo sa kasamaan, kundi madalas din siyang mag-alay ng mga sinunog na handog sa ngalan ng kanyang mga anak na lalaki. Sa madaling salita, hindi lamang malalim ang takot ni Job na magkasala laban sa Diyos at tumalikod sa Diyos sa kanyang sariling puso, kundi inaalala rin niya na baka ang kanyang mga anak na lalaki ay magkasala laban sa Diyos at talikuran Siya sa kanilang mga puso. Makikita natin dito na ang katotohanan ng takot ni Job sa Diyos ay nagtatagumpay laban sa masusing pagsisiyasat, at hindi pag-aalinlanganan ng sinumang tao. Ginawa ba niya ito nang paminsan-minsan, o nang madalas? Ang huling pangungusap ng teksto ay “Ganito ang patuloy na ginawa ni Job.” Ang mga salitang ito ay nangangahulugan na hindi pinupuntahan at binibisita ni Job ang kanyang mga anak nang paminsan-minsan, o kung nais niya lamang, at hindi rin siya nagtatapat sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Sa halip, regular niyang ipinapadala ang kanyang mga anak upang pabanalin, at nagsasakripisyo siya ng mga sinusunog na handog para sa kanila. Ang salitang “patuloy” dito ay hindi nangangahulugan na ginawa niya ang mga ito ng isa o dalawang araw, o sa loob ng ilang sandali. Sinasabi nito na ang pagpapamalas ni Job ng takot sa Diyos ay hindi pansamantala lamang, at hindi humihinto sa antas ng kaalaman, o sa mga binibigkas na salita; sa halip, ang daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan ang gumabay sa kanyang puso, ito ang nagdikta ng kanyang asal, at sa kanyang puso, ito ang ugat ng pananatili ng kanyang pag-iral. Ipinapakita ng patuloy niyang paggawa nito na, sa kanyang puso, madalas niyang ikinatakot na siya mismo ay magkakasala laban sa Diyos at ikinatakot din niya na ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay magkakasala laban sa Diyos. Kinakatawan nito kung gaano kabigat ang daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan na dala niya sa loob ng kanyang puso. Patuloy niya itong ginawa, dahil sa kanyang puso, natatakot at nangangamba siya—nangangamba na may ginawa siyang masama at nagkasala laban sa Diyos, at na siya ay lumihis mula sa daan ng Diyos kung kaya’t hindi niya nagawang magbigay ng kaluguran sa Diyos. At kasabay nito, nag-alala rin siya para sa kanyang mga anak na lalaki at babae, nangamba siya na nagkasala sila sa Diyos. Ganito ang karaniwang pag-uugali ni Job sa araw-araw. Ang karaniwang pag-uugali na ito mismo ang nagpapatunay na ang takot ni Job sa Diyos at ang paglayo sa kasamaan ay hindi salita lamang, na talagang isinabuhay ni Job ang realidad na ito. “Ganito ang patuloy na ginawa ni Job”: Ang mga salitang ito ang nagsasabi sa atin ng araw-araw na mga gawa ni Job sa harap ng Diyos. Sa patuloy niyang paggawa ng ganoon, naabot ba ng kanyang ugali at ng kanyang puso ang Diyos? Sa madaling salita, madalas bang nalugod ang Diyos sa kanyang puso at sa kanyang ugali? Kung gayon, sa anong kalagayan, at sa anong konteksto ito patuloy na ginawa ni Job? May ilang nagsasabi: “Ganito kumilos si Job dahil madalas magpakita sa kanya ang Diyos.” May ilang nagsasabi: “Patuloy niya itong ginawa dahil may kagustuhan siyang lumayo sa kasamaan.” At may ilang nagsasabi: “Marahil inisip niya na hindi naging madali ang pagkamit niya ng kanyang kayamanan, at alam niya na ipinagkaloob ito ng Diyos sa kanya, at dahil dito lubha siyang natatakot na mawala ang kanyang ari-arian bilang bunga ng pagkakasala laban sa Diyos.” May mga totoo ba sa mga pahayag na ito? Malinaw na wala. Dahil sa mga mata ng Diyos, ang lubos na itinangi at pinahalagahan ng Diyos kay Job ay hindi lamang ang patuloy niyang paggawa ng ganoon; higit pa roon, ay ang kanyang pag-uugali sa harapan ng Diyos, ng tao, at ni Satanas nang ipasa siya kay Satanas upang tuksuhin. Ibinibigay ng mga bahagi sa ibaba ang pinakakapani-paniwalang katibayan, ang katibayan na nagpapakita sa atin ng katotohanan ng pagsusuri ng Diyos kay Job.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.