Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath (Ikalawang Bahagi)

Abril 18, 2018

Sunod, tingnan natin ang huling pangungusap sa talatang ito: “Sapagkat ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath.” Mayroon bang praktikal na panig sa pangungusap na ito? Nakikita ba ninyo ang praktikal na panig? Nanggagaling mula sa puso ng Diyos ang bawat isang bagay na Kanyang sinasabi, kaya bakit Niya sinabi ito? Paano ninyo inuunawa ito? Maaaring nauunawaan ninyo ang kahulugan ng pangungusap na ito ngayon, ngunit sa panahon kung kailan ito sinabi ay iilang tao ang nakaunawa sapagkat kalalabas pa lang ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Kautusan. Para sa kanila, isang bagay na napakahirap gawin ang paglabas mula sa Sabbath, lalo na ang pag-unawa kung ano ang totoong Sabbath.

Ang pangungusap na “ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath” ay nagsasabi sa mga tao na ang lahat ng tungkol sa Diyos ay hindi materyal, at bagaman kayang tustusan ng Diyos ang lahat ng iyong materyal na mga pangangailangan, sa sandaling matugunan na ang lahat ng iyong materyal na mga pangangailangan, mapapalitan ba ng kasiyahan mula sa mga bagay na ito ang iyong paghahangad sa katotohanan? Malinaw na hindi posible iyon! Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na atin nang ibinahagi, ay kapwa ang katotohanan. Hindi masusukat ang halaga nito sa pamamagitan ng anumang materyal na bagay, gaano man kahalaga, ni mabibilang ang halaga nito batay sa salapi, dahil hindi ito isang materyal na bagay, at tinutustusan nito ang mga pangangailangan ng puso ng bawat isang tao. Para sa bawat isang tao, ang halaga ng di-nahahawakang mga katotohanang ito ay dapat na higit kaysa sa halaga ng anumang materyal na mga bagay na maaaring pahalagahan mo, hindi ba? Ang pahayag na ito ay isang bagay na kailangan ninyong pag-isipang mabuti. Ang pangunahing punto ng Aking nasabi na ay na kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos at ang lahat ng tungkol sa Diyos ay ang pinakamahahalagang bagay para sa bawat isang tao at hindi mapapalitan ng anumang materyal na bagay. Bibigyan kita ng isang halimbawa: Kapag nagugutom ka, kailangan mo ng pagkain. Maaaring kahit paano ay masarap ang pagkaing ito, o halos hindi kasiya-siya, subalit hanggang nabusog ka, mawawala na ang hindi magandang pakiramdam na iyon ng pagiging gutom—mapapawi na ito. Makauupo ka na nang payapa, at magpapahinga ang iyong katawan. Malulutas ng pagkain ang gutom ng mga tao, subalit kapag sumusunod ka sa Diyos at nadarama na walang pagkaunawa sa Kanya, paano malulutas ang kahungkagan sa iyong puso? Malulutas ba ito ng pagkain? O kapag sumusunod ka sa Diyos at hindi nauunawaan ang Kanyang kalooban, ano ang magagamit mo upang punan ang gutom na yaon sa iyong puso? Sa proseso ng iyong karanasan ng kaligtasan sa pamamagitan ng Diyos, habang naghahangad ng pagbabago sa iyong disposisyon, kung hindi mo nauunawaan ang Kanyang kalooban o hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, hindi ka ba makadarama ng lubhang pagkabalisa? Hindi ka ba makadarama ng isang matinding pagkagutom at pagkauhaw sa iyong puso? Hindi ba mahahadlangan ng mga damdaming ito na madama mo ang kapahingahan sa iyong puso? Kaya paano mo mapupunan ang pagkagutom na yaon sa iyong puso—mayroon bang paraan upang malutas ito? Namimili ang ilang tao, hinahanap ng ilan ang kanilang mga kaibigan upang magtapat, nagpapakasasa sa mahabang pagtulog ang ilang tao, nagbabasa ng mas maraming salita ng Diyos ang iba, o mas lalo silang nagsusumikap at gumugugol ng mas maraming pagsisikap upang tuparin ang kanilang mga tungkulin. Malulutas ba ng mga bagay na ito ang tunay mong mga paghihirap? Ganap na nauunawaan ninyong lahat ang mga ganitong uri ng mga pagsasagawa. Kapag nakadarama ka ng kawalan ng lakas, kapag nakadarama ka ng isang matinding pagnanais na magkamit ng kaliwanagan mula sa Diyos upang tulutan kang malaman ang realidad ng katotohanan at ang Kanyang kalooban, ano ang pinakakailangan mo? Hindi isang kumpletong pagkain ang kailangan mo, at hindi ilang mabuting salita, lalo na ang panandaliang aliw at kasiyahan ng laman—ang kailangan mo ay ang sabihin ng Diyos sa iyo nang tuwiran at malinaw kung ano ang dapat mong gawin at kung paano mo gagawin ito, na sabihin sa iyo nang malinaw kung ano ang katotohanan. Pagkatapos mong maunawaan ito, kahit na kakatiting lang na pagkaunawa ang nakamit mo, hindi ba mas masisiyahan ka sa iyong puso kaysa sa nakakain ka ng isang kumpletong pagkain? Kapag nasisiyahan ang puso mo, hindi ba nagkakamit ng tunay na kapahingahan ang iyong puso at ang iyong buong pagkatao? Sa pamamagitan ng paghahambing at pagsusuring ito, nauunawaan na ba ninyo ngayon kung bakit nais Kong ibahagi sa inyo ang pangungusap na ito, “ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath”? Nangangahulugan ito na kung anong mula sa Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang lahat ng tungkol sa Kanya, ay higit na dakila kaysa sa anumang ibang bagay, kabilang ang bagay o ang tao na minsang pinaniwalaan mong pinakamahalaga sa iyo. Ibig sabihin, kung hindi nakapagkakamit ang isang tao ng mga salita mula sa bibig ng Diyos o hindi nila nauunawaan ang Kanyang kalooban, hindi sila makapagkakamit ng kapahingahan. Sa inyong mga karanasan sa hinaharap, mauunawaan ninyo kung bakit nais Kong makita ninyo ang talatang ito ngayong araw—napakahalaga nito. Ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay katotohanan at buhay. Ang katotohanan ay isang bagay na hindi maaaring mawala sa mga tao sa kanilang mga buhay, at isang bagay na hindi sila mabubuhay nang wala; maaari ring sabihin na ito ang pinakadakilang bagay. Bagaman hindi mo nakikita o nahahawakan ito, hindi maaaring balewalain ang kahalagahan nito sa iyo; ito ang tanging bagay na makapagbibigay ng kapahingahan sa iyong puso.

Kalakip ba ng sariling mga kalagayan ang inyong pagkaunawa sa katotohanan? Sa totoong buhay, dapat mo munang isipin kung aling mga katotohanan ang nauugnay sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong nakaharap na; matatagpuan mo sa mga katotohanang ito ang kalooban ng Diyos at maiuugnay kung ano ang iyong nakaharap na sa Kanyang kalooban. Kung hindi mo nalalaman kung aling mga aspeto ng katotohanan ang nauugnay sa mga bagay na iyong nakaharap na subalit sa halip ay dumiretso sa paghahanap sa kalooban ng Diyos, isang bulag na pamamaraan ito na hindi makapagkakamit ng mga resulta. Kung nais mong hanapin ang katotohanan at maunawaan ang kalooban ng Diyos, kailangan mo munang tingnan kung anong uri ng mga bagay ang nangyari na sa iyo, sa aling mga aspeto ng katotohanan nauugnay ang mga ito, at hanapin ang partikular na katotohanan sa salita ng Diyos na nauugnay sa kung anong naranasan mo na. At pagkatapos ay hanapin mo ang landas ng pagsasagawa na naaayon para sa iyo sa katotohanang iyon; sa ganitong paraan ay makakamit mo ang isang di-tuwirang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos. Ang paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan ay hindi pagsasabuhay ng isang doktrina nang wala sa loob o pagsunod sa isang pormula. Ang katotohanan ay hindi gaya ng isang pormula, hindi rin ito isang batas. Hindi ito patay—ito ay buhay mismo, ito ay isang buhay na bagay, at ito ang patakaran na dapat sundin ng isang nilikha habang nabubuhay at ang patakaran na dapat taglayin ng isang tao habang nabubuhay. Isang bagay ito na dapat mong, hangga’t maaari, ay maunawaan sa pamamagitan ng karanasan. Ano mang yugto ang narating mo na sa iyong karanasan, hindi ka maihihiwalay sa salita ng Diyos o sa katotohanan, at kung ano ang iyong pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang iyong nalalaman sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay ipinahahayag lahat sa mga salita ng Diyos; nauugnay ang mga ito nang hindi maihihiwalay sa katotohanan. Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay, mismong, ang katotohanan; ang katotohanan ay isang tunay na pagpapamalas ng disposisyon ng Diyos at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ginagawa nitong kongkreto ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at malinaw nitong ipinahahayag ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya; sinasabi nito sa iyo nang mas tuwiran kung ano ang gusto ng Diyos, kung ano ang hindi Niya gusto, kung ano ang nais Niyang gawin mo at kung ano ang hindi Niya pinahihintulutang gawin mo, kung anong mga tao ang kinamumuhian Niya at kung anong mga tao ang kinagigiliwan Niya. Sa likod ng mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, makikita ng tao ang Kanyang kaluguran, galit, kalungkutan, at kasiyahan, gayundin ang Kanyang diwa—ito ang paghahayag ng Kanyang disposisyon. Maliban sa pagkaalam sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at pagkaunawa sa Kanyang disposisyon mula sa Kanyang salita, ang pinakamahalaga ay ang pangangailangan na marating ang pagkaunawang ito sa pamamagitan ng praktikal na karanasan. Kung inaalis ng isang tao ang kanyang sarili mula sa tunay na buhay upang makilala ang Diyos, hindi nila magagawang makamtan iyon. Kahit na may mga tao na makapagkakamit ng kaunting pagkaunawa mula sa salita ng Diyos, limitado ang kanilang pagkaunawa sa mga teorya at mga salita, at doon nagbubuhat ang pagkakaiba-iba sa kung ano talaga ang Diyos Mismo.

Ang ating ipinagbibigay-alam ngayon ay nakapaloob lahat sa saklaw ng mga kuwentong naitala sa Bibliya. Sa pamamagitan ng mga kuwentong ito, at sa pagsusuri sa mga naganap na bagay na ito, mauunawaan ng mga tao ang Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon at kung ano Siya na Kanyang naipahayag na, tinutulutan sila na makilala ang bawat aspeto ng Diyos nang mas malawak, mas malalim, mas komprehensibo, at mas mabuti. Kung gayon, ang tanging paraan ba na makilala ang bawat aspeto ng Diyos ay sa pamamagitan ng mga kuwentong ito? Hindi, hindi ito ang tanging paraan! Sapagkat kung ano ang sinasabi ng Diyos at ang gawain na Kanyang ginagawa sa Kapanahunan ng Kaharian ay makatutulong nang mas maigi sa mga tao na makilala ang Kanyang disposisyon, at makilala ito nang mas lubusan. Gayunpaman, sa palagay Ko ay bahagyang mas madaling makilala ang disposisyon ng Diyos at maunawaan ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya sa pamamagitan ng ilang halimbawa o mga kuwentong naitala sa Bibliya na pamilyar sa mga tao. Kung gagamitin Ko ang mga salita ng paghatol at pagkastigo at ang mga katotohanan na inihahayag ng Diyos ngayon, salita-por-salita, upang magawa mong makilala Siya sa paraang ito, mararamdaman mo na masyado itong nakababagot at masyadong nakapapagod, at mararamdaman pa ng ilang tao na ang mga salita ng Diyos ay tila gaya ng isang pormula. Subalit kung gagamitin Kong mga halimbawa ang mga kuwentong ito sa Bibliya upang tulungan ang mga tao na makilala ang disposisyon ng Diyos, hindi sila maiinip dito. Masasabi na sa kalagitnaan ng pagpapaliwanag sa mga halimbawang ito, ang mga detalye ng kung ano ang nasa puso ng Diyos sa panahong iyon—ang Kanyang lagay ng loob o damdamin, o ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya—ay nasabi na sa mga tao sa wika ng tao, at ang mithiin ng lahat ng ito ay upang tulutan silang pahalagahan, upang maramdaman na kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay hindi gaya ng isang pormula. Hindi ito isang alamat, o isang bagay na hindi nakikita o nahahawakan ng mga tao. Isang bagay ito na talagang umiiral, na mararamdaman at mapahahalagahan ng mga tao. Ito ang sukdulang mithiin. Masasabi na pinagpala ang mga taong nabubuhay sa kapanahunang ito. Magagamit nila ang mga kuwento sa Bibliya upang makamit ang mas malawak na pagkaunawa sa nakaraang gawain ng Diyos; makikita nila ang Kanyang disposisyon sa pamamagitan ng mga gawain na Kanyang nagawa na; mauunawaan nila ang kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga disposisyong ito na Kanyang naipahayag na, at mauunawaan ang kongkretong mga pagpapamalas ng Kanyang kabanalan at ng Kanyang pagmamalasakit para sa mga tao, at sa paraang ito ay maaabot nila ang isang mas detalyado at mas malalim na kaalaman sa disposisyon ng Diyos. Naniniwala Ako na nararamdaman na ninyong lahat ito ngayon!

Sa loob ng saklaw ng gawain na natapos ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, makikita mo ang isa pang aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos. Ipinahayag ang aspetong ito sa pamamagitan ng Kanyang katawang-tao, at nagawang makita at pahalagahan ito ng mga tao dahil sa Kanyang pagkatao. Sa Anak ng tao, nakita ng mga tao kung paano isinabuhay ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang pagkatao, at nakita nila ang pagka-Diyos ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ng katawang-tao. Ang dalawang uri ng pagpapahayag na ito ay nagbigay-daan sa mga tao na makita ang isang talagang tunay na Diyos, at nagpahintulot sa kanila na makabuo ng isang naiibang konsepto ng Diyos. Gayunpaman, sa yugto ng panahon sa pagitan ng paglikha ng mundo at ng katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, ibig sabihin, bago ang Kapanahunan ng Biyaya, ang tanging mga aspeto ng Diyos na nakita, narinig, at naranasan ng mga tao ay ang pagka-Diyos ng Diyos, ang mga bagay na ginawa at sinabi ng Diyos sa isang hindi materyal na dako, at ang mga bagay na Kanyang ipinahayag mula sa Kanyang tunay na persona na hindi maaaring makita o mahawakan. Kadalasan, nagdudulot ang mga bagay na ito sa mga tao ng pakiramdam na napakatayog ng Diyos sa Kanyang kadakilaan na hindi sila makalalapit sa Kanya. Ang impresyon na madalas ibinigay ng Diyos sa mga tao ay na aandap-andap Siya sa kanilang kakayahan na maunawaan Siya, at naramdaman pa nga ng mga tao na ang bawat isa sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay masyadong misteryoso at masyadong mailap na walang paraan para maabot ang mga ito, lalo na ang kahit magtangka na maunawaan at pahalagahan ang mga ito. Para sa mga tao, napakalayo ng lahat ng tungkol sa Diyos—napakalayo na hindi na ito kayang makita, hindi na ito kayang mahawakan ng mga tao. Tila ba nasa kaitaasan Siya ng langit, at tila hindi talaga Siya umiiral. Kaya para sa mga tao, ang pagkaunawa sa puso at isip ng Diyos o sa anuman sa Kanyang iniisip ay hindi kayang makamit, at hindi rin nila maaabot. Kahit na nagsagawa ang Diyos ng ilang kongkretong gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, at nagpalabas din Siya ng ilang partikular na mga salita at nagpahayag ng ilang partikular na mga disposisyon upang tulutan ang mga tao na pahalagahan at makita ang ilang tunay na kaalaman tungkol sa Kanya, subalit sa huli, ang mga pagpapahayag na ito ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay nagmula sa isang hindi materyal na dako, at kung ano ang naunawaan ng mga tao, kung ano ang nalaman nila ay tungkol pa rin sa maka-Diyos na aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Hindi makapagkamit ang mga tao ng isang kongkretong konsepto mula sa pagpapahayag na ito ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang kanilang impresyon ukol sa Diyos ay nananatili pa rin sa loob ng saklaw ng “isang espirituwal na katawan na mahirap malapitan, na aandap-andap sa kanilang kaunawaan.” Sapagkat hindi gumamit ang Diyos ng isang partikular na bagay o imahe na kabilang sa materyal na dako upang magpakita sa harap ng mga tao, nanatili sila na hindi kayang isalarawan Siya gamit ang wika ng tao. Sa mga puso at mga isip ng mga tao, palagi nilang ninais na gamitin ang kanilang sariling wika upang makapagtatag ng isang pamantayan para sa Diyos, upang gawin Siyang nahahawakan at gawin Siyang tao, gaya ng kung gaano Siya katangkad, kung gaano Siya kalaki, kung ano ang Kanyang hitsura, kung ano talaga ang gusto Niya at kung ano ang Kanyang personalidad. Sa katunayan, alam ng Diyos sa Kanyang puso na ganito ang pag-iisip ng mga tao. Napakalinaw Niya sa mga pangangailangan ng mga tao, at mangyari pa ay alam din Niya kung ano ang Kanyang dapat gawin, kaya isinakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa naiibang pamamaraan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang ganitong paraan ay kapwa maka-Diyos at nagawang makatao. Sa yugto ng panahon na gumagawa ang Panginoong Jesus, nakikita ng mga tao na maraming pantaong mga pagpapahayag ang Diyos. Halimbawa, nakasasayaw Siya, nakadadalo Siya sa mga kasalan, nagagawa Niyang makipagniig sa mga tao, makipag-usap sa kanila, at magtalakay ng mga bagay kasama nila. Bukod pa riyan, natapos din ng Panginoong Jesus ang maraming gawain na kumakatawan sa Kanyang pagka-Diyos, at mangyari pa na ang lahat ng gawaing ito ay isang pagpapahayag at isang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Sa panahong ito, nang ang pagka-Diyos ng Diyos ay naisakatuparan sa isang karaniwang katawang-tao na maaaring makita at mahawakan ng mga tao, hindi na nila naramdaman na Siya ay aandap-andap sa kanilang kaunawaan o na hindi sila makalalapit sa Kanya. Sa kabaligtaran, masusubukan nilang maintindihan ang kalooban ng Diyos o maunawaan ang Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng bawat pagkilos, sa pamamagitan ng mga salita, at sa pamamagitan ng gawain ng Anak ng tao. Inihayag ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang pagka-Diyos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao at ipinarating ang kalooban ng Diyos sa sangkatauhan. At sa pamamagitan ng Kanyang pagpapahayag sa kalooban at disposisyon ng Diyos, ibinunyag din Niya sa mga tao ang Diyos na hindi nakikita o nahahawakan na nananahan sa espirituwal na dako. Ang nakita ng mga tao ay ang Diyos Mismo sa anyong nahahawakan, na gawa sa laman at dugo. Kaya ginawa ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang mga bagay tulad ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, katayuan, imahe, disposisyon ng Diyos, at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na kongkreto at nagawang makatao. Bagaman mayroong ilang limitasyon ang panlabas na kaanyuan ng Anak ng tao hinggil sa imahe ng Diyos, ang Kanyang diwa at ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay lubos na kayang kumatawan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo—mayroon lang ilang pagkakaiba sa anyo ng pagpapahayag. Hindi natin maitatanggi na kinatawan ng Anak ng tao ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo, kapwa sa anyo ng Kanyang pagkatao at sa Kanyang pagka-Diyos. Sa panahong ito, gayunpaman, gumawa ang Diyos sa pamamagitan ng katawang-tao, nagsalita mula sa pananaw ng katawang-tao, at tumayo sa harapan ng sangkatauhan nang may pagkakakilanlan at katayuan ng Anak ng tao, at ito ang nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na makaharap at maranasan ang tunay na mga salita at gawain ng Diyos sa sangkatauhan. Pinahintulutan din nito ang kabatiran ng mga tao sa Kanyang pagka-Diyos at sa Kanyang kadakilaan sa gitna ng pagpapakumbaba, gayundin ang magkamit ng isang paunang pagkaunawa at pakahulugan sa pagiging-tunay at realidad ng Diyos. Bagaman ang gawaing natapos ng Panginoong Jesus, ang Kanyang mga paraan ng paggawa, at ang pananaw kung saan Siya nagsasalita ay naiiba sa tunay na persona ng Diyos sa espirituwal na dako, ang lahat tungkol sa Kanya ay tunay na kumatawan sa Diyos Mismo, na hindi pa kailanman nakita ng sangkatauhan noon—hindi ito maitatanggi! Ibig sabihin, sa anumang anyo nagpapakita ang Diyos, sa alinmang pananaw Siya nagsasalita, o sa anumang imahe Niya hinaharap ang sangkatauhan, walang ibang kinakatawan ang Diyos kundi Siya Mismo. Hindi Siya maaaring kumatawan sa sinumang tao, ni sa sinuman sa tiwaling sangkatauhan. Ang Diyos ay ang Diyos Mismo, at hindi ito maitatanggi.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Gumawa si Jesus ng mga Himala

1. Pinakain ni Jesus ang Limang Libo Juan 6:8–13 Sinabi sa Kanya ng isa sa Kanyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, “May...