Ang Pagsaway ni Jesus sa mga Fariseo at ang Pagsaway ni Jesus sa mga Fariseo

Abril 20, 2018

Ang Panghuhusga ng mga Pariseo kay Jesus

Marcos 3:21–22 At nang mabalitaan yaon ng Kanyang mga kaibigan, ay nagsilabas sila upang Siya’y hulihin: sapagkat kanilang sinabi, “sira ang Kanyang bait.” At sinabi ng mga eskriba na nagsibaba mula sa Jerusalem, “nasa Kanya si Beelzebub, at sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo ay nagpapalayas Siya ng mga demonyo.”

Ang Pagsaway ni Jesus sa mga Pariseo

Mateo 12:31–32 Kaya’t sinasabi Ko sa inyo, “Ang bawat kasalanan at paglapastangan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwat ang paglapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao. At ang sinumang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kanya; datapuwat ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.”

Mateo 23:13–15 Datapuwat sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagkat kayo’y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. Sa aba ninyo, mga eskriba’t mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya’t magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa. Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghahanap ng isa ninyong mapagbabalik-loob; at kung siya’y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili.

Magkaiba ang nilalaman ng dalawang talatang nasa itaas. Tingnan muna natin ang naunang talata: Ang Paghusga ng mga Pariseo kay Jesus.

Sa Bibliya, ang pagsusuri ng mga Pariseo kay Jesus Mismo at sa mga bagay na Kanyang ginawa ay: “… kanilang sinabi, ‘sira ang Kanyang bait. … Nasa Kanya si Beelzebub, at, sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo ay nagpapalayas Siya ng mga demonyo’” (Marcos 3:21–22). Ang panghuhusga ng mga eskriba at mga Pariseo sa Panginoong Jesus ay hindi panggagaya nila sa mga salita ng ibang tao, at hindi rin walang basehang pala-palagay—ito ang konklusyon na binuo nila hinggil sa Panginoong Jesus mula sa kanilang nakita at narinig tungkol sa Kanyang mga pagkilos. Bagaman ang kanilang konklusyon sa wari ay ginawa sa ngalan ng katarungan at lumilitaw sa mga tao na parang may matibay na batayan, ang pagmamataas kung saan hinusgahan nila ang Panginoong Jesus ay mahirap maging para sa kanila na mapigilan. Ang nagngangalit na enerhiya ng kanilang pagkamuhi sa Panginoong Jesus ang nagbunyag sa kanilang sariling masidhing mga ambisyon at sa kanilang masasamang satanikong mga mukha, gayundin sa kanilang masamang kalikasan na sa pamamagitan nito ay lumaban sila sa Diyos. Ang mga bagay na ito na kanilang sinabi sa kanilang panghuhusga sa Panginoong Jesus ay udyok ng kanilang masidhing mga ambisyon, pagkainggit, at ng pangit at masamang kalikasan ng kanilang pagkapoot sa Diyos at sa katotohanan. Hindi nila siniyasat ang pinagmulan ng mga pagkilos ng Panginoong Jesus, ni siniyasat man nila ang diwa ng sinabi o ginawa Niya. Sa halip, nang basta-basta, sa isang kalagayan ng hibang na pagkaligalig, at nang may sadyang masamang hangarin, binatikos at siniraan nila ang nagawa Niya. Hanggang sa punto na sadya nilang siniraan ang Kanyang Espiritu, iyon ay, ang Banal na Espiritu na Siyang Espiritu ng Diyos. Ito ang ibig nilang sabihin nang kanilang sinabing, “Sira ang Kanyang bait,” “si Beelzebub,” at “prinsipe ng mga demonyo.” Ibig sabihin, sinabi nila na ang Espiritu ng Diyos ay si Beelzebub at ang prinsipe ng mga demonyo. Inilarawan nila bilang isang kabaliwan ang gawain ng Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao, na binihisan ang Kanyang sarili ng katawang-tao. Hindi lang nila nilapastangan ang Espiritu ng Diyos bilang si Beelzebub at ang prinsipe ng mga demonyo, bagkus ay hinatulan din nila ang gawain ng Diyos at hinatulan at nilapastangan ang Panginoong Jesucristo. Ang diwa ng kanilang paglaban at paglapastangan sa Diyos ay lubos na katulad ng diwa ng paglaban at paglapastangan sa Diyos na ginawa ni Satanas at ng mga demonyo. Hindi lang nila kinatawan ang mga taong tiwali, subalit lalong higit na sila ang pagsasakatawan ni Satanas. Sila ay daluyan para kay Satanas sa gitna ng sangkatauhan, at sila ang mga kasabwat at mga utusan ni Satanas. Ang diwa ng kanilang paglapastangan at ng kanilang paninirang-puri sa Panginoong Jesucristo ay ang kanilang pakikipaglaban sa Diyos para sa katayuan, ang kanilang pakikipagpaligsahan sa Diyos, at ang kanilang walang katapusang pagsubok sa Diyos. Ang diwa ng kanilang paglaban sa Diyos at ng kanilang saloobin ng pagkapoot sa Kanya, gayundin ang kanilang mga salita at ang kanilang mga kaisipan, ay tahasang nilapastangan at ginalit ang Espiritu ng Diyos. Kaya, tinukoy ng Diyos ang isang makatwirang paghatol batay sa sinabi at ginawa nila, at tinukoy ng Diyos ang kanilang mga gawa na kasalanan ng paglapastangan laban sa Banal na Espiritu. Ang pagkakasalang ito ay walang kapatawaran kapwa sa mundong ito at sa mundong darating, gaya ng pinatototohanan sa sumusunod na sipi ng kasulatan: “Ang paglapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao” at, “sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.” Sa araw na ito, pag-usapan natin ang tungkol sa tunay na kahulugan ng mga salitang ito mula sa Diyos: “hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.” Ibig sabihin, gawin nating mas malinaw at mas madaling unawain kung paano tinutupad ng Diyos ang mga salitang: “Hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.”

Ang lahat ng napag-usapan na natin ay may kaugnayan sa disposisyon ng Diyos, at sa Kanyang saloobin tungo sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay. Mangyari pa, hindi natatangi ang dalawang talata sa itaas. May napansin ba kayong anuman sa dalawang talatang ito ng kasulatan? Sinasabi ng ilang tao na nakikita nila ang galit ng Diyos sa mga ito. Sinasabi naman ng ilang tao na nakikita nila ang panig ng disposisyon ng Diyos na hindi nagpaparaya sa pagkakasala ng sangkatauhan, at na kapag gumawa ang mga tao ng isang bagay na lapastangan sa Diyos, hindi nila matatanggap ang Kanyang kapatawaran. Sa kabila ng katotohanan na nakikita at nauunawaan ng mga tao ang galit ng Diyos at ang di-pagpaparaya sa pagkakasala ng sangkatauhan sa dalawang talatang ito, hindi pa rin nila talaga nauunawaan ang Kanyang saloobin. Ipinahihiwatig ng dalawang talatang ito ang natatagong mga sanggunian sa tunay na saloobin ng Diyos at sa Kanyang pakikitungo sa mga lumalapastangan at nagpapagalit sa Kanya. Ipinapakita ng Kanyang saloobin at pakikitungo ang tunay na kahulugan ng sumusunod na talata: “Sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.” Kapag nilapastangan ng mga tao ang Diyos at kapag ginalit nila Siya, nagpapalabas Siya ng isang hatol, at ang hatol na ito ay ang kinahinatnan na ipinalabas Niya. Isinasalarawan ito sa ganitong paraan sa Bibliya: “Kaya’t sinasabi Ko sa inyo, ‘Ang bawat kasalanan at paglapastangan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwat ang paglapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao’” (Mateo 12:31), at “Datapuwat sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw!” (Mateo 23:13). Gayunpaman, nakatala ba sa Bibliya kung ano ang kinahinatnan ng mga eskriba at mga Pariseo na iyon, gayundin ng mga taong nagsabing baliw ang Panginoong Jesus matapos Niyang sabihin ang mga bagay na ito? Nakatala ba na dumanas sila ng kaparusahan? Hindi—tiyak na masasabi ito. Ang pagsasabi rito ng “Hindi” ay hindi nangangahulugan na walang gayong pagtatala, subalit sa katunayan lang ay walang kahihinatnan na makikita gamit ang mga mata ng tao. Nililinaw ng pagsasabi na “hindi ito naitala” ang usapin ng saloobin at mga prinsipyo ng Diyos sa pangangasiwa ng ilang bagay. Hindi nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan ang Diyos sa mga taong lumalapastangan o kumakalaban sa Kanya, o maging sa mga naninirang-puri sa Kanya—mga taong sadyang bumabatikos, naninira, at sumusumpa sa Kanya—subalit sa halip ay mayroon Siyang isang malinaw na saloobin tungo sa kanila. Kinasusuklaman Niya ang mga taong ito, at kinokondena Niya ang mga ito sa Kanyang puso. Lantaran pa Niyang ipinahahayag ang magiging kahihinatnan nila, upang malaman ng mga tao na mayroon Siyang malinaw na saloobin tungo sa mga lumalapastangan sa Kanya, at upang malaman nila kung paano Niya tutukuyin ang kanilang kahihinatnan. Gayunpaman, pagkatapos sabihin ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi halos makita ng mga tao ang katotohanan ng kung paano pakikitunguhan ng Diyos ang mga taong iyon, at hindi nila maunawaan ang mga prinsipyo sa likod ng kinahinatnan at ng hatol na ipinalabas ng Diyos sa kanila. Ibig sabihin, hindi nakikita ng mga tao ang partikular na pakikitungo at mga pamamaraang mayroon ang Diyos sa pagharap sa kanila. May kinalaman ito sa mga prinsipyo ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ginagamit ng Diyos ang paglitaw ng mga katunayan upang makitungo sa masamang pag-uugali ng ilang tao. Ibig sabihin, hindi Niya ipinahahayag ang kanilang kasalanan at hindi Niya tinutukoy ang kanilang kahihinatnan, subalit sa halip ay ginagamit nang tuwiran ang paglitaw ng mga katunayan upang ibigay ang kaparusahan at nararapat na kagantihan sa kanila. Kapag nangyari ang mga katunayang ito, ang laman ng mga tao ang magdaranas ng kaparusahan, nangangahulugan na ang kaparusahan ay isang bagay na makikita ng mga mata ng tao. Sa pakikitungo sa masamang pag-uugali ng ilang tao, sinusumpa lang sila ng Diyos gamit ang mga salita at ang galit ng Diyos ay dumarating din sa kanila, ngunit ang kaparusahan na kanilang natatanggap ay maaaring isang bagay na hindi nakikita ng mga tao. Magkagayunman, ang ganitong uri ng kalalabasan ay maaaring mas malala pa kaysa sa mga kalalabasan na nakikita ng mga tao, gaya ng pagpaparusa o pagpatay. Ito ay dahil sa ilalim ng mga kalagayan na tinukoy na ng Diyos na huwag iligtas ang ganitong uri ng tao, na huwag nang magpakita pa ng habag o magkaroon ng pagpaparaya para sa kanila at na huwag na silang pagkalooban pa ng mga pagkakataon, ang Kanyang saloobin tungo sa kanila ay isantabi sila. Ano ang kahulugan ng “isantabi”? Ang pangunahing kahulugan ng terminong ito ay na ilagay ang isang bagay sa isang tabi, na balewalain at huwag nang bigyang pansin ito. Subalit dito, kapag isinasantabi ng Diyos ang isang tao, may dalawang magkaibang pagpapaliwanag sa kahulugan nito: Ang unang pagpapaliwanag ay na ibinigay na Niya kay Satanas ang buhay ng taong iyon at ang lahat ng tungkol sa taong iyon upang pakitunguhan, at hindi na magiging pananagutan at hindi na pamamahalaan ng Diyos ang taong iyon. Maging ang taong iyon ay baliw o hangal man, o maging buhay o patay man ito, o kung siya man ay bumaba na sa impiyerno para sa kanilang kaparusahan, wala sa mga ito ang magkakaroon pa ng anumang kaugnayan sa Diyos. Mangangahulugan ito na wala nang kaugnayan sa Lumikha ang nilalang na iyon. Ang ikalawang pagpapaliwanag ay na tinukoy na ng Diyos na may nais Siya Mismong gawin sa taong ito, sa Kanyang sariling mga kamay. Posibleng gagamitin Niya ang serbisyo ng taong ito, o na gagamitin Niya ang mga ito bilang isang panghambing. Posibleng magkakaroon Siya ng isang natatanging paraan ng pakikitungo sa ganitong uri ng tao, isang natatanging paraan ng pagtrato sa kanila, gaya ng kay Pablo, halimbawa. Ito ang prinsipyo at saloobin sa puso ng Diyos kung saan tinukoy na Niya na makitungo sa ganitong uri ng tao. Kaya kapag kalabanin ng mga tao ang Diyos at siraan at lapastanganin Siya, kung galitin nila ang Kanyang disposisyon, o kung sagarin nila ang Diyos nang lampas sa hangganan ng Kanyang pagpaparaya, ang mga kahihinatnan ay hindi sukat akalain. Ang pinakamalalang kahihinatnan ay na ibibigay ng Diyos kay Satanas ang kanilang mga buhay at ang lahat ng tungkol sa kanila nang minsanan at magpakailanman. Hindi sila patatawarin magpakailanman. Nangangahulugan ito na ang taong ito ay naging pagkain na sa bibig ni Satanas, isang laruan sa kamay nito, at mula noon ay wala nang kinalaman ang Diyos sa kanila. Maiisip ba ninyo kung anong uri ng kahapisan ito nang tuksuhin ni Satanas si Job? Maging sa ilalim ng kondisyon na hindi maaaring saktan ni Satanas ang buhay ni Job, nagdusa pa rin si Job nang napakatindi. At hindi ba lalo pang mas mahirap isipin ang mga pinsalang idudulot ni Satanas sa isang taong ganap nang ibinigay kay Satanas, na ganap nang napasakamay ni Satanas, na lubusan nang nawalan ng pagmamalasakit at habag ng Diyos, na wala na sa ilalim ng pamumuno ng Lumikha, na inalisan na ng karapatan na sambahin Siya at ng karapatan na maging isang nilalang sa ilalim ng pamumuno ng Diyos, at na ang kaugnayan sa Panginoon ng paglikha ay lubusan nang pinutol? Ang pag-uusig ni Satanas kay Job ay isang bagay na makikita ng mga mata ng tao, subalit kapag ibinigay ng Diyos ang buhay ng isang tao kay Satanas, ang mga kahihinatnan ay hindi mawawari ng tao. Halimbawa, ang ilang tao ay maaaring ipanganak muli bilang isang baka, o isang asno, habang ang ilan ay maaaring panirahan at sapian ng marurumi, masasamang espiritu, at iba pa. Ito ang mga kalalabasan ng ilan sa mga taong ibinigay ng Diyos kay Satanas. Sa panlabas, tila hindi dumanas ng anumang mga kahihinatnan ang mga taong nanlibak, nanira, kumondena, at lumapastangan sa Panginoong Jesus. Gayunpaman, ang totoo ay may paraan ng pakikitungo ang Diyos sa lahat ng bagay. Maaaring hindi Siya gumamit ng malinaw na wika upang sabihin sa mga tao ang kalalabasan ng kung paano Siya nakikitungo sa bawat uri ng tao. May mga pagkakataon na hindi Siya tuwirang nagsasalita, subalit sa halip ay kumikilos Siya nang tuwiran. Ang hindi Niya pagsasalita ukol dito ay hindi nangangahulugan na walang kinalabasan—sa katunayan, sa gayong pagkakataon ay maaaring mas malala pa nga ang kinalabasan. Sa panlabas, tila may ilan na hindi hayagang sinasabihan ng Diyos ng tungkol sa Kanyang saloobin, subalit sa katunayan, matagal nang ayaw bigyang-pansin ng Diyos ang mga ito. Ayaw na Niyang makita sila kailanman. Dahil sa mga bagay na ginawa nila at sa kanilang pag-uugali, dahil sa kanilang kalikasang diwa, gusto na lang ng Diyos na maglaho sila sa Kanyang paningin, nais na ibigay sila nang tuluyan kay Satanas, na ibigay ang kanilang espiritu, kaluluwa, at katawan kay Satanas at na tulutan si Satanas na gawin ang anumang nais nito sa kanila. Malinaw kung hanggang saan namumuhi ang Diyos sa kanila, kung hanggang saan nasusuklam ang Diyos sa kanila. Kung ginagalit ng isang tao ang Diyos hanggang sa punto na ayaw man lang silang makitang muli ng Diyos at nakahanda nang lubusang sumuko sa kanila, hanggang sa puntong ayaw man lang Niya Mismo na makitungo sa kanila—kung dumating ito sa punto na ibibigay na Niya ang mga ito kay Satanas upang gawin ang nais nito, upang tulutan si Satanas na kontrolin, lamunin, at tratuhin sila sa anumang paraang nais nito—samakatuwid ang taong ito ay nagwakas na nang tuluyan. Permanente nang binawi ang kanilang karapatan na maging isang tao, at sumapit na sa kawakasan ang kanilang karapatan na maging nilalang na nilikha ng Diyos. Hindi ba ito ang pinakamalalang uri ng kaparusahan?

Ang lahat ng nasa itaas ay kumpletong pagpapaliwanag sa mga salitang: “hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating,” at nagsisilbi rin itong isang simpleng komentaryo sa mga talatang ito mula sa mga kasulatan. Naniniwala Ako na mayroon na kayo ngayong pagkaunawa rito.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman