Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 5

Agosto 27, 2021

Ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto, na nangangahulugang ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto. Hindi kabilang sa tatlong yugtong ito ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay ang tatlong yugto ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya, at Kapanahunan ng Kaharian. Ang gawain ng paglikha ng mundo ay ang gawain ng paglikha sa buong sangkatauhan. Hindi ito ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at walang kinalaman sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, sapagkat nang likhain ang mundo, hindi pa nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayo’y hindi kinailangang isagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nagsimula lamang noong magawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayo’y nagsimula rin ang pamamahala sa sangkatauhan noon lamang magawa nang tiwali ang sangkatauhan. Sa madaling salita, nagsimula ang pamamahala ng Diyos sa tao bilang resulta ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at hindi nagmula sa gawain ng paglikha ng mundo. Matapos magkaroon ng tiwaling disposisyon ang tao, saka lamang umiral ang gawain ng pamamahala, at sa gayo’y may tatlong bahagi ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, sa halip na apat na yugto, o apat na kapanahunan. Ito lamang ang wastong paraan ng pagtukoy sa pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Kapag natapos ang huling kapanahunan, ganap nang natapos ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan. Ang pagtatapos ng gawain ng pamamahala ay nangangahulugan na ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan ay ganap nang natapos, at na natapos na kung gayon ang yugtong ito para sa sangkatauhan. Kung wala ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan, ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay hindi iiral, ni hindi rin magkakaroon ng tatlong yugto ng gawain. Dahil ito mismo sa kasamaan ng sangkatauhan, at dahil kailangang-kailangan ng sangkatauhan ng kaligtasan, kaya winakasan ni Jehova ang paglikha ng mundo at sinimulan ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Noon lamang nagsimula ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, na nangangahulugan na noon lamang nagsimula ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang “pamamahala sa sangkatauhan” ay hindi nangangahulugan ng paggabay sa pamumuhay ng sangkatauhan, na bagong-likha, sa lupa (ibig sabihin, ang sangkatauhang hindi pa nagagawang tiwali). Sa halip, ito ang pagliligtas ng isang sangkatauhang nagawa nang tiwali ni Satanas, ibig sabihin, ito ang pagpapabago sa tiwaling sangkatauhang ito. Ito ang kahulugan ng “pamamahala sa sangkatauhan.” Hindi kabilang sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ang paglikha ng mundo, kaya nga hindi rin kasama sa gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay kabilang lamang dito ang tatlong yugto ng gawaing hiwalay sa paglikha ng mundo. Para maunawaan ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, kailangang malaman ang kasaysayan ng tatlong yugto ng gawain—ito ang kailangang malaman ng lahat upang maligtas. Bilang mga nilalang ng Diyos, dapat ninyong kilalanin na ang tao ay nilikha ng Diyos, at dapat ninyong kilalanin ang pinagmulan ng katiwalian ng tao, at, bukod pa roon, ang proseso ng pagliligtas sa tao. Kung ang alam lamang ninyo ay kung paano kumilos ayon sa doktrina sa pagtatangkang makamtan ang pabor ng Diyos, ngunit wala kayong ideya kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, o sa pinagmumulan ng katiwalian ng sangkatauhan, ito ang kulang sa inyo bilang isang nilalang ng Diyos. Hindi ka dapat makuntento sa pag-unawa lamang sa mga katotohanang maaaring isagawa, samantalang nananatili kang mangmang tungkol sa mas malawak na sakop ng gawaing pamamahala ng Diyos—kung magkagayon, masyado kang nakakapit sa doktrina. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang kuwento sa loob ng pamamahala ng Diyos sa tao, ang pagdating ng ebanghelyo ng buong mundo, ang pinakamalaking hiwaga sa gitna ng buong sangkatauhan, at ang mga ito rin ang pundasyon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kung magtutuon ka lamang sa pag-unawa sa mga simpleng katotohanang may kaugnayan sa buhay mo, at wala kang alam tungkol dito, ang pinakamalaki sa lahat ng hiwaga at pangitain, hindi ba katulad ng isang produktong may depekto ang buhay mo, walang silbi kundi ang pagmasdan lamang?

Kung pagsasagawa lamang ang pinagtutuunan ng tao, at pumapangalawa lamang sa kanya ang gawain ng Diyos at kung ano ang dapat malaman ng tao, hindi ba siya maingat sa maliliit na bagay pero pabaya sa malalaking bagay? Yaong kailangan mong malaman, kailangan mong malaman; yaong kailangan mong maisagawa, kailangan mong isagawa. Saka ka lamang magiging isang taong nakakaalam kung paano maghangad ng katotohanan. Pagdating ng araw na magpapalaganap ka ng ebanghelyo, kung ang tanging nasasabi mo ay na ang Diyos ay isang dakila at matuwid na Diyos, na Siya ang kataas-taasang Diyos, isang Diyos na hindi kayang pantayan ng sinumang dakilang tao, at na Siya ay isang Diyos na hindi mapapangibabawan ninuman…, kung ang tanging masasabi mo ay ang walang-katuturan at mababaw na mga salitang ito samantalang lubos kang walang kakayahang sumambit ng mga salitang napakahalaga at may katuturan; kung wala kang masabi tungkol sa pagkilala sa Diyos o sa gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, hindi mo maipaliwanag ang katotohanan, o maibigay ang kulang sa tao, ang isang tulad mo ay walang kakayahang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Ang pagpapatotoo sa Diyos at pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ay hindi simpleng bagay. Kailangan ka munang masangkapan ng katotohanan, at ng mga pangitaing kailangang maunawaan. Kapag malinaw sa iyo ang mga pangitain at katotohanan ng iba’t ibang mga aspeto ng gawain ng Diyos, at nalalaman mo sa iyong puso ang gawain ng Diyos, at anuman ang gawin ng Diyos—maging ito man ay matuwid na paghatol o pagpipino sa tao—taglay mo ang pinakadakilang pangitain bilang iyong pundasyon, at taglay mo ang tamang katotohanang isasagawa, magagawa mong sundin ang Diyos hanggang sa pinakahuli. Kailangan mong malaman na anuman ang gawaing Kanyang ginagawa, ang layunin ng gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, ang puso ng Kanyang gawain ay hindi nagbabago, at ang Kanyang kalooban sa tao ay hindi nagbabago. Gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, gaano man kasama ang sitwasyon, ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain ay hindi magbabago, at ang Kanyang layuning iligtas ang tao ay hindi magbabago. Basta’t hindi ito ang gawain ng pagbubunyag ng katapusan ng tao o ng hantungan ng tao, at hindi ito ang gawain ng huling yugto, o ang gawain ng pagwawakas sa buong plano ng pamamahala ng Diyos, at basta’t ito ay sa panahong ginagawaan Niya ang tao, ang puso ng Kanyang gawain ay hindi magbabago. Palagi itong ang pagliligtas sa sangkatauhan. Ito dapat ang pundasyon ng inyong paniniwala sa Diyos. Ang layunin ng tatlong yugto ng gawain ay ang kaligtasan ng buong sangkatauhan—nangangahulugan ito ng ganap na kaligtasan ng tao mula sa sakop ni Satanas. Bagama’t bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay may ibang layunin at kabuluhan, bawat isa ay bahagi ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat isa ay ibang gawain ng pagliligtas na isinasagawa ayon sa mga kinakailangan ng sangkatauhan. Kapag alam mo na ang layunin ng tatlong yugtong ito ng gawain, malalaman mo kung paano pahalagahan ang kabuluhan ng bawat yugto ng gawain, at malalaman mo kung paano kumilos upang bigyang-kasiyahan ang naisin ng Diyos. Kung makarating ka sa puntong ito, ito, na siyang pinakadakila sa lahat ng pangitain, ang magiging pundasyon ng iyong paniniwala sa Diyos. Hindi mo dapat hangarin lamang ang madadaling paraan ng pagsasagawa o malalalim na katotohanan, kundi dapat mong samahan ng pagsasagawa ang mga pangitain, upang magkaroon kapwa ng mga katotohanang maaaring isagawa at ng kaalamang batay sa mga pangitain. Saka ka lamang magiging isang taong malawak na naghahangad na matamo ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Tingnan ang iba pa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

I-share

Kanselahin