Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Disposisyon ng Diyos at Kung Ano ang Mayroon Siya at Ano Siya | Sipi 255
Hulyo 15, 2020
Kung tunay na nais mong makamit ang daan ng buhay na walang hanggan, at kung masugid ka sa paghahanap mo nito, kung gayon sagutin mo muna ang tanong na ito: Nasaan ang Diyos ngayon? Marahil sasagot ka, “Siyempre, nakatira ang Diyos sa langit—hindi Siya titira sa tahanan mo, hindi ba?” Marahil masasabi mo na maliwanag na naninirahan ang Diyos sa lahat ng bagay. O maaaring masabi mo na naninirahan sa puso ng bawat tao ang Diyos, o na nasa espirituwal na daigdig ang Diyos. Hindi Ko ipinagkakaila ang alinman dito, ngunit dapat Kong linawin ang usapin. Hindi lubos na tamang sabihing naninirahan ang Diyos sa puso ng tao, ngunit hindi rin ito lubos na mali. Ito ay sapagkat, sa mga nananalig sa Diyos, mayroong yaong mga totoo ang paniniwala at yaong mga huwad ang paniniwala, mayroong yaong mga sinasang-ayunan ng Diyos at yaong mga hindi Niya sinasang-ayunan, mayroong yaong mga nagbibigay-lugod sa Kanya at yaong mga kinamumuhian Niya, at mayroong yaong mga ginagawa Niyang perpekto at yaong mga inaalis Niya. Kaya naman sinasabi Ko na naninirahan ang Diyos sa mga puso ng kakaunting tao, at walang-alinlangang yaong mga taong ito ang tunay na naniniwala sa Diyos, yaong mga sinasang-ayunan ng Diyos, yaong mga nakalulugod sa Kanya, at yaong mga ginagawa Niyang perpekto. Sila ang mga pinamumunuan ng Diyos. Dahil pinamumunuan sila ng Diyos, sila ang mga taong narinig at nakita na ang daan ng Diyos sa buhay na walang hanggan. Yaong mga huwad ang paniniwala sa Diyos, yaong mga hindi sinasang-ayunan ng Diyos, yaong mga kinamumuhian ng Diyos, yaong mga inaalis ng Diyos—tatanggihan sila ng Diyos, mananatiling walang daan ng buhay, at mananatiling mangmang sa kung nasaan ang Diyos. Sa kabaligtaran, yaong mga naninirahan ang Diyos sa kanilang mga puso ay alam kung nasaan Siya. Sila ang mga taong ipinagkakaloob ng Diyos ang daan ng buhay na walang hanggan, at sila ang mga sumusunod sa Diyos. Alam mo na ba ngayon kung nasaan ang Diyos? Kapwa nasa puso ng tao at nasa tabi niya ang Diyos. Hindi lamang Siya nasa espirituwal na daigdig, at nangingibabaw sa lahat, ngunit mas higit pa sa lupa kung saan umiiral ang tao. Sa gayon dinala ng pagdating ng mga huling araw ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa panibagong teritoryo. Hawak ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay sa sansinukob, at Siya ang pangunang sandigan ng tao sa kanyang puso, at bukod dito, umiiral Siya kasama ng tao. Sa pamamagitan lamang nito maihahatid Niya ang daan ng buhay sa sangkatauhan, at maihahatid ang sangkatauhan sa daan ng buhay. Pumarito sa lupa ang Diyos, at namumuhay kasama ng mga tao, upang maaaring makamtan ng tao ang daan ng buhay, at sa gayon upang umiral ang tao. Kasabay nito, pinamumunuan din ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa sansinukob, upang makipagtulungan sila sa Kanyang pamamahala kasama ng tao. Kaya naman, kung kinikilala mo lamang ang doktrinang nasa langit at nasa puso ng tao ang Diyos, subalit hindi kinikilala ang katotohanan ng pag-iral ng Diyos kasama ng mga tao, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang buhay, at hindi kailanman makakamit ang daan ng katotohanan.
Ang Diyos Mismo ay buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Yaong mga walang kakayahang makamit ang katotohanan ay hindi kailanman makakamit ang buhay. Kung wala ang patnubay, pag-alalay, at paglaan ng katotohanan, ang tanging makakamit mo lamang ay mga titik, mga doktrina, at, higit sa lahat, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, kung gayon hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, kung gayon tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at sa gayon bukod sa mga guni-guni at mga pagkaintindi, magiging walang iba ang kabuuan ng katawan mo kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Alamin mong hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring ipagdiwang na katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga salitang sinasabi ng Diyos sa kasalukuyan ang mga tuntunin ng mga nakalipas na panahon. Tanging ang mga inihahayag lamang ng Diyos kapag pumarito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ay ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kapag ginamit mo ang mga talaan ng mga salitang sinabi ng Diyos noong mga nagdaang panahon hanggang ngayon, sa gayon isa kang arkeologo, at isang dalubhasa sa mga minanang kasaysayan ang pinakamainam na paraan ng paglalarawan sa iyo. Iyon ay sapagkat palagi kang naniniwala sa mga bakas ng gawaing ginawa ng Diyos noong mga nagdaang panahon, tanging naniniwala lamang sa anino ng Diyos na naiwan mula noong dati Siyang gumawa kasama ng mga tao, at tanging naniniwala lamang sa daang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong mga dating panahon. Hindi ka naniniwala sa direksiyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi naniniwala sa maluwalhating anyo ng Diyos ngayon, at hindi naniniwala sa daan ng katotohanan na kasalukuyang inihahayag ng Diyos. Sa gayon hindi maipagkakailang isa kang nangangarap nang gising na ganap na walang ugnayan sa realidad. Kung ngayon nananatili ka pa ring nakakapit sa mga salitang walang kakayahang magbigay ng buhay sa mga tao, kung gayon isa kang walang pag-asang piraso ng tuyong kahoy, dahil masyado kang makaluma, masyadong suwail, masyadong hindi naaapektuhan ng katwiran!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video