Paano Dumarating ang Pananampalataya

Enero 16, 2022

Ni Liu Yu, Tsina

Isang araw papalapit ang katapusan ng Agosto 2008, nalaman ko na si Brother Xiaowu, na isang lider ng iglesia, ay naaresto. Ako at si Brother Hong ay agarang nagsabi sa mga kapatid na umalis at inilipat namin ang pag-aari ng iglesia. Sa panahong iyon, nakipagkita rin kami sa dalawang lider ng iglesia na gusto naming makatambal para sa mga gawain sa iglesia. Noong gabing iyon matapos ang pagbabahagian, nag-uwian na sila, pero noong sumunod na araw, hindi na namin sila makontak dahil ang mga telepono nila ay naka-off. Ilang araw lang ang lumipas, nakatanggap kami ng balita na ang dalawang lider na ito kasama ang mahigit 20 mga kapatid, ay naaresto. Nag-isip ako na baka minamanmanan din ako, dahil madalas akong makipagtipon kay Brother Xiaowu. Parang nasa panganib din ako na maaresto anumang sandali. Natakot ako at madalas na nagdasal sa Diyos, humihiling na tulungan Niya akong maging matatag sa kagipitang ito. Habang nasa isang pagtitipon, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na kumokontra sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at matagal isakatuparan ang marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naintindihan ko kung papaanong dahil nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw para iligtas ang sangkatauhan at nagpakita para gawin ang Kanyang gawain sa bansa ng malaking pulang dragon, ang pinakalaban sa Diyos na bansa, kung saan Siya ay tinutugis at inuusig ng CCP, tayo rin ay nakatakdang magdusa ng pag-uusig bilang tagasunod ng Diyos. Pero sa pamamagitan ng pagdurusa natin, nararamdaman natin ang mga paghihirap na iniinda ng Diyos sa pagliligtas ng sanlibutan. Ginagamit ng Diyos ang pag-uusig at paghihirap na ito para patibayin ang pagpapasya ko at gawing perpekto ang pananampalataya ko. Ang sitwasyong ito ay paraan ng Diyos para gawin akong perpekto at pagpalain ako. Pauna nang tinutukoy ng Diyos kung gaano magdurusa ang bawat tao. Ako ay maaaresto lang kapag ang Diyos ang nagpahintulot nito. Handa akong tumayo bilang saksi para sa Diyos at ’di ako kailanman magtataksil sa Kanya tulad ni Judas!

Isang araw noong Enero 2009, medyo pasado alas-dos ng hapon, nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos sa bahay nang biglang nakarinig ako ng malakas na pagkatok sa aking pinto. May sumigaw ng: “Public Security Bureau. Buksan mo ang pinto ngayon din!” Kumakabog ang puso ko sa dibdib ko habang nagmamadali akong itago ang libro ko ng mga salita ng Diyos. Patuloy akong nagdasal sa Diyos, humihiling sa Kanya ng lakas ng loob at pananampalataya. Noong binuksan ko ang pinto, mahigit sa sampung opisyal ng pulisya ang nagsipasok habang sumisigaw ng, “Huwag kang gagalaw, tumayo kang nakasandal sa pader!” Nagsimula silang maghalungkat sa mga aparador at kahon, inihahagis ang mga damit ko kung saan-saan. Natagpuan nila ang laptop ko, cellphone at mga libro ng mga salita ng Diyos. Dinala ako sa banyo ng babaeng pulis para kapkapan ako. Naisip ko sa sarili ko: “Mukhang nagpunta sila nang preparado. Siguro isa ako sa mga mahahalagang pakay nila. Kung hindi, bakit sila magpapadala ng ganito karaming opisyal? Kung ganoon nga ang kaso, paniguradong ’di nila ako basta pakakawalan. Sino ang nakakaalam kung anong klaseng pagpapahirap ang gagamitin nila sa’kin.” Nagdasal lang ako nang tahimik sa Diyos at alam ko sa puso ko na ako’y naaresto lang dahil may permiso ng Diyos. Sinusubok lang ako ng Diyos—dapat akong umasa sa Diyos at tumayong saksi para sa Kanya. Pinosasan nila ako, tinalukbungan ang ulo ko at dinala ako sa County Public Security Bureau para makuha ang impormasyon ko. Noong gabing iyon, dinala nila ako sa detention center. Bukod sa pagkakaposas, nilagyan din nila ako ng labing-isang libra na mga kadena sa binti. Noong dinala nila ako sa aking selda, napakabigat ng mga kadena na kinailangan ko pang buhatin ang mga ito habang mabagal na naglalakad. Nakakapagod ang bawat hakbang.

Sa selda, kinandado ng mga opisyal ang posas ko sa kadena sa pagitan ng dalawang brace ko sa paa at pagkatapos ay kinandado ang kadena sa isang bakal na ring na nakakonekta sa ibabang bahagi ng pader. Naglagay sila ng arinola malapit sa pader, kaya kahit magbanyo ako ay nakakandado pa rin ako sa puwesto ko. Napakalamig noon, inalis ng bantay ang down jacket ko at wala akong kumot. Nagdusa ako nang buong gabing iyon na nanginginig at nakabaluktot sa sahig. Noong sumunod na hapon, dalawang opisyal mula sa County National Security Brigade ang nagposas at nagtalukbong sa’kin at dinala ako sa isang napakalayong lugar. Noon lang nakarating na kami at nasa loob na saka nila tinanggal ang talukbong. Tapos ay iginapos nila ako sa isang bakal na silya. Sa harap ng upuan mayroong bakal na dalawampung pulgada ang haba at labindalawang pulgada ang lapad, at sa paanan ko ay mayroong dalawang kalahating bilog na bakal na ring. Inilagay ang mga paa ko sa mga bakal na ring at ang mga kamay ko naman ay nakaposas sa harapan ko. Noong mga alas-siyete ng gabi, tatlong opisyal ang dumating. Ang isa sa kanila ay pinagtatanong ako tungkol sa iglesia at pinakitaan pa ako ng litrato at nagtanong kung kilala ko ang taong nasa larawan. Tiningnan ko at nakita ko na iyon ang katrabaho ko na si Brother Hong. Nagulat ako—hindi ko naisip na pati si Brother Hong ay maaaresto rin. Matagal na siguro kaming minamanmanan ng CCP. Sinagot ko sila na hindi ko siya kilala. Ang isa sa mga opisyal ay napuno na at sinabing: “Aksaya lang ito ng oras, gamitan mo na lang siya ng mga taktika ng pagpapahirap!” Nagbanta ang isa pang opisyal sa’kin, sinabing: “Binibigyan ka namin ng pagkakataon at nagtatanong kami nang magalang, pero kapag hindi ka nagsalita ngayon, papagsalitain ka namin!” Noong marinig ko siya na sinabi iyon, naisip ko kung paanong ang mga kapatid ay inaresto at pinahirapan noon, binugbog, nilumpo at pinatay pa, at natakot ako, iniisip na: “Kapag hindi ako nagsalita, anong klaseng pagpapahirap ang gagawin nila sa’kin? Malulumpo ba ako o mamamatay?” Nagdasal ako nang tahimik sa Diyos: “Mahal kong Diyos! Hindi ko alam kung anong klase ng pagpapahirap ang gagamitin nila sa’kin pero sana’y protektahan Mo ako. Handa akong tumayo bilang saksi para sa Iyo at mas gugustuhin kong mamatay kaysa maging isang Judas!” Matapos magdasal, ilang salita ng Panginoong Jesus ang pumasok sa isip ko: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siya na makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno(Mateo 10:28). Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa’kin ng pananampalataya at lakas. Naisip ko, “Gaano man kalupit ang mga opisyal, katawan ko lang ang kaya nilang sirain. Ang kaluluwa ko ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung magagawa kong tumayong saksi at mapapalugod ang Diyos, maaari akong mamatay, pero makukuha ko ang papuri ng Diyos. Pero kapag pinagtaksilan ko ang Diyos at kumilos na kahiya-hiya tulad ni Judas, ang katawan ko at kaluluwa ko ay sasailalim sa kaparusahan at mga sumpa ng Diyos.” Nang mapagtanto ko ito, nabawasan ang takot ko. Nang makitang hindi gumagana ang interogasyon, dinala ako ng mga opisyal sa ibang kwarto at sinimulan ang pagpapahirap. Puwersahan nilang inilagay ang mga braso ko sa likuran ko, ibinalot ang mga ito ng isang tuwalya at saka itinali nang mahigpit gamit ang lubid. Tapos ay naglagay sila ng kahoy na tungkod sa pagitan ng mga braso ko at ng likod ko. Isa sa mga opisyal ang bumuhat sa’kin, isinabit ang kahoy na tungkod sa bangkong anim na talampakan ang taas at pinakawalan ako, kung kaya’t ako ay nakabitin mula sa bangko gamit ang mga braso ko na pangsuporta sa buong bigat ko. Naiyak ako sa sakit. Tila ba ang dibdib ko ay mapupunit at ang hapdi ng mga braso at balikat ko. Napakahirap huminga at para akong sumisinghap. Dahil ang mga braso ko ay nakatali sa likuran ko, hindi ko maitaas ang aking ulo. Nagsimulang pagpawisan ang noo ko at ang mga braso at kamay ko ay namanhid na. Ang isa sa mga opisyal ay humalakhak nang nakakatakot at sinabing: “Hindi ka makakapagsalita ngayon kahit gustuhin mo pa. Mabuti pang simulan mo nang magdasal sa iyong Diyos!” ’Di nagtagal, tumulo sa sahig ang pawis mula sa noo ko at inakala ng opisyal na umiiyak ako. Itinabingi n’ya ang kanyang ulo at pakutyang sinabing: “Tingnan ko nga, tumutulo ba ang pawis mo o mga luha?” Patuloy akong nagdasal sa Diyos at sinabing: “Makapangyarihang Diyos! Hindi ko hinihiling na ilayo Mo ako mula sa pagpapahirap na ito, hinihiling ko lang na bigyan Mo ako ng lakas na magtiis para maging matatag ako.” Pagtapos magdasal, nasa matinding pasakit pa rin ang katawan ko pero hindi ko masyadong ramdam ang pagdurusa. Hinayaan nila akong nakasabit doon nang kalahating oras bago ako ibinaba. Ang mga braso ko ay tuluyang namanhid at hindi makagalaw.

Sunod, iniupo nila ako sa bakal na silya at hinatak ako sa mga braso at pulso ko, pinapalibot ang mga braso ko sa parisukat na bakal sa harapan ko, at pagkatapos ay magkasamang pinosasan ang mga kamay ko bago itinagilid ang upuan paharap. Ngayon walang sumusuporta sa likod ko, kaya ang mga braso ko ang bumubuhat sa buo kong katawan. Ang bakal ay bumabaon sa aking mga braso, na mabilis na nagsimulang sumakit. Matapos ang mahigit-kumulang kalahating oras, bumalik sila, itinayo ako at ginamit ang kahoy na tungkod para isabit ako uli. Ang buong katawan ko ay nasa matinding paghihirap, nahirapan akong huminga at naramdaman kong parang mauubusan ako ng hangin. Pero ang isang opisyal ay tumawa pa at sinabing: “Napakapayat n’ya, at malamang ay hindi nagdurusa masyado. Iyong si Hong ay mataba. Nang sandaling isabit natin siya, ang tungkod na kahoy ay nasira. Bumagsak siya nang matindi kaya sumigaw at sinabi sa’tin ang lahat.” Galit na galit ako noong narinig ko kung paano nila pinahirapan si Brother Hong. Pero nag-alala rin ako: “Pinagtaksilan ba talaga ni Brother Hong ang Diyos at isinumbong ako? Kung isinumbong niya ako, malalaman nila kung anong tungkulin ang ginagampanan ko sa iglesia, at pagkatapos ay paniguradong ’di nila ako pakakawalan kaagad. Sino ang nakakaalam kung anong klaseng pagpapahirap ang inihanda nila para sa’kin. Siguro kailangan ko lang magsiwalat sa kanila ng isang maliit na bagay?” Tapos noon, naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking bahay para sa Akin; … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na mapagtanto na ang sinabi ng opisyal na sinabi ni Brother Hong ang lahat ay tusong pakana ni Satanas. Gusto nitong magtanim ng alitan sa pagitan naming dalawa at linlangin ako para pagtaksilan ang Diyos. Si Satanas ay napakababa at napakasama! Salamat sa kaliwanagan at gabay ng Diyos, nagpasya ako: “Anumang pagpapahirap o panlilinlang ang gamitin ng mga opisyal sa’kin, hindi ko kailanman pagtataksilan ang Diyos at maging isang Judas.”

Nakita ng isang pulis na masama ang lagay ko at sinabing: “’Di ka maayos, ano? Kapag hindi ka pa nagsimulang magsalita, una ibibitin ka namin nang kalahating oras, tapos ay isang oras, patagal nang patagal.” Maya-maya pa, naramdaman ko na ang katawan ko ay malapit nang bumigay, kaya sinubukan kong umapak sa turnilyo na nakausli sa bangko nang magkaroon ako ng matatapakan at mabawasan ang sakit nang kaunti, pero nakita kaagad ng opisyal. Sinipa niya ang binti ko at pagalit na sumigaw na: “Sino ang nagsabi na puwede kang tumuntong diyan? Hindi iyan puwede!” Nagsimulang kusang umugoy ang katawan ko sa magkabilang gilid, na nagpasakit lalo sa mga braso ko. Napakasakit nito na pinagpawisan na ang buong katawan ko at wala na akong lakas pa para iangat ang ulo ko. Pakiramdam ko gumagapang ang mga segundo. Pagkatapos ng hindi ko alam kung gaano katagal, bigla kong naramdamang ang kanang balikat ko’y bumagsak pababa. Matapos iyon, ang kaliwang balikat ko ay bumagsak na rin at ang buong katawan ko ay nahulog pababa. Napagtanto ko na ang mga balikat ko ay nadislocate na. Sumigaw ako: “Ang mga balikat ko ay nadislocate!” Saka lang ako ibinaba ng mga opisyal. Noong inalis nila ang lubid, naninigas na bumagsak ang mga braso ko mula sa likod ko papaharap. Ganap na manhid at namamaga ang mga ito. Noong tumayo ako, bumaba ang mga ito sa’king gilid. Hindi makagalaw ang mga ito at hindi maibaluktot sa may siko. Pakiramdam ko ay parang mayroong dalawang pamalong kahoy na nakasabit sa mga balikat ko. Tapos ay ibinalik nila muli ang mga posas ko at sinimulang galawin ang mga braso ko. Marahas nilang hinatak ang mga braso ko papunta sa likod ng ulo ko, hinihila patalikod hangga’t kaya pa, tapos ay hinila nila nang malakas ang mga braso ko pakaliwa habang tinitingnan kung mapapangiwi ako o masasaktan. Ang mga braso ko ay ganap na manhid na, kaya matapos nila itong pisilin nang ilang saglit nang walang epekto, sumigaw sila na: “Huwag mo ’tong pekein!” Gusto ko talagang iangat ang mga braso ko, pero sadyang ’di ko maigalaw ang mga ito. Naisip ko: “Talaga bang nadislocate ang mga ito? Mababaldado na ba ako? Paano ako makakakain at magbabanyo man lang mula ngayon?” Noong gabing iyon, pinosasan uli nila ako at kinandado ang mga kadena ko sa paa sa harap ng higaan. Nakahiga ako sa kama, hindi makatulog. Ang mga braso ko ay sumasakit at namamanhid—ang hirap tiisin. Hindi ko napigilang isipin kung papahirapan ba uli ako bukas ng mga pulis. Ang pag-iisip ng lahat ng sakit at paghihirap na iyon ay ikinatakot ko. Hindi ko alam kung kaya ko pa. Sa gitna ng paghihirap, nagdasal ako sa Diyos: “Mahal kong Diyos! Pakiusap protektahan Mo ako at bigyan ako ng pananampalataya at lakas. Kahit gaano pa ako magdusa, hindi Kita pagtataksilan at hindi ko rin ibubunyag ang mga kapatid.” Matapos magdasal, naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Ang mga salita ng Diyos ay nagparamdam sa akin ng kanyang matuwid, maharlika at hindi nalalabag na disposisyon. Minamahal at pineperpekto ng Diyos ang mga tapat sa Kanya. Kahit ano pang mga paghihirap at pagdurusa ang kanilang maranasan, lagi pa rin silang nananatiling tapat at tumatayong saksi para sa Kanya. Ang mga ganitong tao lang ang maaaring manatili sa kaharian ng Diyos. Yun namang mga nagtaksil sa Diyos tulad ni Judas, hindi lang sila basta hindi magkakaroon ng magandang kahihinatnan, parurusahan at isusumpa ng Diyos ang kanilang mga espiritu, kaluluwa, at katawan. Kapag pinagtaksilan ko ang Diyos para lang makawala sa pansamantalang paghihirap ng katawan ko, magpakailanman kong mapapalampas ang pagkakataon na maligtas. Naisip ko rin kung paano noong sinubukan akong linlangin ng mga opisyal para pagtaksilan ang Diyos ay binigyan ako ng Diyos ng karunungan para makita ang panlilinlang ni Satanas. Noong pinahirapan ako ng mga opisyal, nagdusa nga ang katawan ko nang sobra, pero tahimik akong pinrotektahan ng Diyos at binigyang lakas nang sa gayon ay malampasan ko ang kahinaan ng aking laman. Naranasan ko ang pagmamahal ng Diyos para sa’kin at nasaksihan ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at kataas-taasang kapangyarihan. Hindi ko puwedeng pagtaksilan ang konsensya ko—Gaano man ako magdusa, kailangan ko pa ring tumayong saksi at mapalugod ang Diyos!

Noong ikatlong araw, mga alas-nuwebe ng umaga, dinala ako ng mga opisyal sa isang malaking kuwarto at pinaupo na naman sa bakal na silya. Ang isa sa mga opisyal ay binalot ng tuwalya ang ulo ko sa may bibig at saka puwersahang hinila ito paurong. Nakaramdam ako ng matinding sakit kung saan ang mga balikat ko ay nakadikit sa bakal na silya, at ang mga binti ko ay nagsimulang umangat mula sa sahig noong itinagilid patalikod ang silya. Dahil may tuwalya sa aking bibig, nagsimula akong mahirapang huminga. Nakakahinga lang ako gamit ang ilong ko, at napakasakit ng lalamunan ko na halos hindi ko na malunok ang sarili kong laway. Tapos, ang isang opisyal ay kumuha ng hiringgilya na mayroong langis ng mustasa sa loob at pinatalsik ang langis sa loob ng butas ng ilong ko. Pakiramdam ko ay nag-aapoy ang loob ng buong ilong ko, at kapag humihinga ako, tumutulo sa lalamunan ko ang langis. Napakahirap at teribleng subukang lunukin ang langis na iyon. Hindi ako nangahas huminga pero kapag hindi ako huminga alam ko na mauubusan ako ng hangin. Mahirap ilarawan kung gaano kasama ang pakiramdam na iyon. Nagpumiglas ako gamit ang buong lakas ko, pero hinawakan nila nang mahigpit ang tuwalya sa bibig ko at wala akong magawa roon. Napakaanghang ng langis ng mustasa na dumaloy ang luha mula sa mga mata ko. Tila nakahinto na lang ang oras—lumipas ang mga segundo nang napakabagal. Inalis lang nila ang pagkakakapit sa’kin noong nalunok ko na ang lahat ng langis. Natagalan bago bumuti ang leeg ko mula sa pagpapahirap na iyon. Nakaramdam ako ng pagkaduwal at yumuko ako sa upuan at suminga nang malakas sa abot ng makakaya ko. Humapdi ang buong mukha at ilong ko sa anghang. Isa iyong napakasakit at napakahapding pakiramdam. Isa sa mga opisyal ay nakita akong paduwal at galit na tumingin sa’kin habang sumisigaw ng: “Pigilan mo!” Kinasuklaman ko ang lupon na iyon ng mga diyablo! Ang sakit ay halos sobra na para indahin, at hindi ko na alam kung makakaya ko pa. Hindi ko alam kung gaano katagal pa nila ako planong pahirapan, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos, sinasabing: “Mahal kong Diyos, hindi ko alam kung ilang beses pa ako papahirapan ng mga opisyal, pero hindi ako magtataksil sa Iyo dahil sa kahinaan ng laman ko. Pakiusap, protektahan Mo ang puso ko, at bigyan Mo ako ng pananalig at lakas nang sa gayon ay magawa kong maging matatag sa buong pagsubok na ito.” Matapos magdasal, bumuti ang pakiramdam ko. Alam kong nakinig ang Diyos sa mga dasal ko at binawasan ang sakit. Pinasalamatan ko ang Diyos sa puso ko! Mahigit-kumulang sampung minuto ang nakalipas, nagpatalsik sila ng langis ng mustasa sa loob ng kabilang butas ng ilong ko. Sa kabuuan, nagpatalsik sila ng tatlong hiringgilya ng langis ng mustasa sa loob ng ilong ko noong umagang iyon. Bawat beses ay malaimpyernong paghihirap. Ang isa sa mga opisyal ay mabangis na nangutya: “Dapat patayin ka na lang namin. Puwede kaming maghukay nang malalim at ilibing ka sa loob. Walang sinuman ang makakaalam!” Naisip ko na dahil handa silang pahirapan ako nang sobrang lupit, malamang wala na silang hindi magagawa. Naguni-guni ko silang itinatapon ako sa isang malaking hukay at tinatabunan ako ng lupa. Nasa lubos na pagdurusa ako, at naisip ko sa sarili ko: “Mamamatay nga ba ako sa ganito kabatang edad?” Sa kalagitnaan ng pagdurusa ko, ang mga salita ng Diyos ay sumagi sa aking isipan: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Ang kaliwanagan at gabay ng mga salita ng Diyos ang tumulong sa aking mapagtanto na ang buhay ko ay nasa mga kamay ng Diyos, nasa sa Kanya ang lahat ng ito. Gaano man kalupit at kasama ng mga opisyal, kung walang permiso ng Diyos, hindi nila tatangkaing kunin ang buhay ko. Wala akong aktuwal na pagkakaunawa sa pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at ang pananampalataya ko sa Kanya ay mahina, kaya noong narinig ko ang opisyal na sabihing papatayin nila ako at ililibing, naduwag ako at natakot. Hindi ako nagpapatotoo ni paano man! Matapos mapagtanto ang lahat ng ito, hindi na ako naduwag at natakot, at nagpasya ako na tatayo akong saksi at ipahihiya si Satanas kahit pa ikamatay ko ito.

Noong alas-dos ng hapon, pumunta ang mga opisyal para pagtatanungin ulit ako. Isa sa mga opisyal ang tingin nang tingin sa akin; hindi siya naniniwala na ang mga braso ko ay paralisado, kaya sadya n’yang sinimulang tusukin ng toothpick ang ilalim ng aking mga kuko. Kahit nagdurugo na ako, kaunting kirot lang ang naramdaman ko sa dulo ng aking mga daliri. Habang tinutusok niya ako, binantayan niya ang aking ekspresyon. Noong makita niya na hindi ako apektado, sinabi niyang: “Di maganda ang lagay ng mga braso mo, ha? Bigyan kaya kita ng electrotherapy d’yan!” Pagkatapos, umalis ang mga opisyal at kumuha ng kurdon ng kuryente at ikinabit ang isang dulo sa taser at ang kabila naman sa’king dalawang malaking daliri sa paa at sinimulang i-taser ako. Nagsimulang kumabog ang puso ko, ang katawan ko ay nanigas, napaliyad ako at ang mga binti ko ay sumisipa sa harapan ko. Umiyak ako sa ’di ko na maindang sakit. Huminto sila saglit at nagsimula ulit manguryente habang walang tigil na tinatanong ako tungkol sa iglesia. Matagal-tagal nilang ginawa ito, tinaser ako nang mas maraming beses sa natatandaan ko. Ganap akong walang laban sa kanilang pagmamalupit. Ang sakit at matinding paghihirap ay halos imposible nang matiis. Talagang nag-alala ako na kung patuloy nila akong ite-taser, maaari silang magdulot ng permanenteng pinsala. Tinantanan lang nila ako noong oras na nilang kumain ng hapunan. Isa sa mga opisyal ay pinakawalan ako mula sa silya at hinayaan akong tumayo. Namangha akong malaman na noong tumayo ako, wala man lang akong naramdamang kakaunting sakit. Para bang hindi man lang ako nasaktan. Hindi rin ganoon kahina ang katawan ko. Malinaw kong nakita na ang proteksyon at pag-aalaga ng Diyos ang nagpagaan sa hirap ko. Dati, alam ko na sa teorya, kataas-taasang naghahari ang Diyos sa lahat ng bagay, pero ngayon personal ko nang naranasan at nakita mismo ang mapaghimalang gawain ng Diyos. Nakita ko ang pagmamahal at awa ng Diyos sa akin at ang puso ko ay puno ng pasasalamat at papuri para sa Kanya. Nakaramdam ako ng panibagong kumpiyansa para lampasan ang pagpapahirap ng mga opisyal. Tinaser nila ako mula alas-siyete hanggang alas-onse ng gabi noong gabing iyon. Noong ikaapat na araw, puwersahan na naman silang naglagay ng langis ng mustasa sa loob ng ilong ko. Muli, naramdaman ko iyong di-matiis na sakit at paghihirap. Noong umagang iyon, gumamit sila ng apat na buong hiringgilya sa akin. Noong tanghali habang nanananghalian, humingi ako ng isang basong tubig. Ang isa sa mga opisyal ay mabangis na nangutya: “Huwag mo siyang bigyan ng kahit kaunting tubig—kung hindi, kakailanganin niyang magbanyo.” Sinabi naman ng isa pang opisyal: “Ang tiyan at bituka niya ay posibleng nasira na ng dahil sa langis.” Matapos kong marinig iyon, naisip ko: “Tama iyon, nagpuwersa sila ng maraming langis ng mustasa sa lalamunan ko. Sa mga normal na pagkakataon, magdudulot ito ng maraming isyu, pero maliban sa kaunting uhaw, wala akong kahit anong hirap sa tiyan.” Nagkaroon ako ng masidhing pakiramdam na tahimik na pinoprotektahan ako ng Diyos, at ang puso ko ay puno ng pasasalamat sa Kanya.

Noong hapong iyon, nang hindi ko pa rin sinasagot ang mga katanungan nila, si Director Guo kasama ang mga Provincial Public Security Department, ay kumuha ng taser at tinaser ako sa likod. Kaagad akong bumagsak sa sahig. Tapos ay pinaupo niya ako sa bakal na silya at tinaser ang aking mga braso. Kada beses na tinitaser niya ako, ang mga braso ko ay tumataas at pagkatapos bumabagsak. Tinaser niya rin ako nang makailang beses sa palad ng mga kamay ko. Nagpatuloy ang pagtaser niya sa akin nang ganoon nang dalawang oras at huminto lang noong nawalan na ng baterya ang taser. Matapos noon, nagrolyo siya ng ilang diyaryo at inihampas niya sa mukha ko habang sumisigaw ng: “Magsasalita ka ba o hindi! Pagsasalitain kita!” Kumirot ang mukha ko nang napakasakit mula sa pagkakahampas. Matapos lang mapunit ang mga diyaryo at hindi pa rin ako nagsasalita saka siya malungkot na umalis. Pagbalik ko sa kuwarto ko, isang babaeng opisyal ang nakakita sa namamaga at namumula kong mukha at pakutyang sinabi: “Nasampal ka sa mukha, ano?” Tapos ay binantaan n’ya ako, sinasabing: “Kapag hindi ka pa nagsimulang magsalita, sa unang araw ay ibibitin ka nila, pangalawang araw ay gagamit sila ng taser, at sa pangatlong araw ay pagsasamantalahan ka ng isang lalaki!” Nasulasok ako at nasuklam sa mga salita niya. Ang grupo ng mga opisyal na ito ay talagang napakasama siguro na kaya nilang umisip ng nakakasuklam at walang kahihiyan na taktika sa pagpapahirap. Hindi ko napigilang makaramdam ng kaunting takot. Ano ang gagawin ko kung talagang gagamitan nila ako ng ganoon kasamang taktika? Noon din, bigla kong naisip ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Wala kang dapat katakutan. Ang mga Satanas ay nasa ilalim ng ating mga paa….(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Naisip ko na, “Tama iyon. Di ba’t lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos? Kung hindi pahihintulutan ng Diyos, walang mangyayaring katulad noon sa’kin. Pinagbabantaan lang nila ako para magtaksil ako sa Diyos, magsumbong tungkol sa’king mga kapatid at sabihan sila tungkol sa pondo ng iglesia. Anumang pagpapahirap ang gawin sa’kin ng mga opisyal, hindi ko puwedeng talikuran ang Diyos.” Matapos iyon, tinanong ako ng mga opisyal nang ilang beses pa, pero noong hindi pa rin ako nagsalita, dinala uli nila ako sa detention center.

Noong Pebrero 2009, sinentensyahan ako ng CCP ng isang taon at kalahati at dinala ako sa isang kampo ng puwersahang paggawa. Isang pinuno ng seksyon sa kampo ang nagtanong sa opisyal: “Makagagawa pa ba siya?” Sinabi ko, “Ang mga braso ko’y baldado, hindi ko sila maiangat.” Natakot ang opisyal na baka hindi ako tanggapin ng kampo ng paggawa kaya sinabi niyang: “Maayos naman ang mga braso niya, nagsisinungaling lang siya.” Noong oras ng pagkain sa kampo ng paggawa, hindi ko maigalaw ang mga braso o kamay ko at hindi ko madampot ang chopsticks ko, kaya ang isang sister ay tutulungan akong kumain, pero hindi iyon pinahintulutan ng bantay. Ang tanging nagawa ko lang ay umupo sa aking bangko, maglagay ng kutsara sa isang kamay, ipatong ang bisig ko sa mesa, at saka ibaba ang katawan ko para maitulak pataas ang bisig ko at ang kutsara at makasubo ako ng pagkain. Naiyak ang sister noong nakita niya kung gaano iyon kahirap sa akin. Bago pa man ako matapos kumain, pinababa na kami ng bantay at pinapila. Nakita ng sister na wala akong masyadong nakain, kaya pasikreto niya akong binigyan ng tinapay. Pagkatapos noon, umasa ako sa pagbibigay sa akin ng tinapay ng aking sister para makakain nang sapat. Dalawang sister ang palitang nagmamasahe sa mga braso ko kada gabi, at inalagaan nila ako. Sila rin ay tahimik na nagbahagi sa akin ng mga salita ng Diyos para palakasin ang loob ko. Alam kong ito’y mga pangangasiwa ng Diyos at isang tanda ng pagmamahal Niya sa akin at ako ay lubos na nagpapasalamat sa Diyos mula sa’king puso!

Noong panahong iyon, hindi ko pa rin maiangat ang mga braso ko. Isang beses, nagtanong ako sa doktor: “Mayroon bang gamot na maaari kong inumin para sa mga braso ko?” Sinabi ng doktor na: “Kung hindi nakakilos ang mga braso mo nang mahigit tatlong buwan, ang mga kalamnan mo ay mangunguluntoy at permanente ka nang mababaldado. Walang lunas—walang magagawa maski paggamit ng ineksyon. Ang pinakamagandang gawin mo ay magpraktis palakarin pataas ng pader ang mga braso mo gamit ang mga daliri mo.” Kaya noong panahong iyon masigasig kong sinanay ang “paggapang sa pader” na ehersisyo. Hindi ko maitaas ang sarili kong mga braso, kaya’t kinailangan ko silang iduyan pataas at abutin ang pader gamit ang mga daliri ko, tapos mabagal kong palalakarin pataas ang mga braso ko. Matapos palakarin nang mahigit isang talampakan, ang mga braso ko ay hindi na maiaangat pa nang mas mataas, kaya pinapabayaan ko na lang silang bumagsak at saka magsisimula uli. Noong una puno ako ng kumpiyansa at umaasang isang araw ay may himalang magaganap, at makakaya ko nang maiangat ang mga braso ko at mamuhay nang normal. Pero matapos ang tatlong buwan, hindi ko pa rin maiangat ang mga braso ko, at medyo nainis ako at nalungkot, iniisip na “Bubuti pa ba ang mga braso ko? Kapag hindi gumaling ang mga ito, paano na ako mabubuhay paglabas ko sa kampo? Mahigit tatlumpung taon lang ako—kakailanganin ko na lang ba talagang umasa sa pag-aalaga ng iba para sa nalalabing buhay ko?” Sa gitna ng paghihirap at kawalang pag-asa, nagdasal ako sa Diyos, humihiling na gabayan Niya ako at bigyang lakas at pag-asa. Noong gabing iyon, habang minamasahe ako ng aking sister, inilarawan ko ang kasalukuyang kalagayan ko sa kanya. Inalo ako ng aking sister, sinabing: “Mayroon tayong Diyos kaya hindi natin kailangang matakot. Ituloy mo lang ang ehersisyo mo at patuloy naming mamasahihin ang mga braso mo. Huwag kang mag-alala sa kahit ano.” Napaiyak ako sa mga salita ni sister. Kalaunan, naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang kalooban ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay sa buhay ng tao ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa lahat ng ito. Paano man siya sinubok, pinanatili niya ang pananampalatayang ito. Sa iyong karanasan, anumang pagpipino ang pinagdaraanan mo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, ang hinihiling ng Diyos sa sangkatauhan, sa madaling salita, ay ang kanilang pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananampalataya, pagmamahal, at mga hangarin ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nadarama; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at tumayong saksi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Ang mga salita ng Diyos ang nagpakita sa’kin na noong mahina si Job at nasa matinding paghihirap, hindi s’ya kailanman nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Gaano man s’ya sinubok ng Diyos, palagi niyang pinapurihan ang Diyos para sa Kanyang dakilang kapangyarihan, hindi kailanman sinisi ang Diyos at tumayong saksi para sa Kanya. Noong hindi gumaling ang mga braso ko matapos ang tatlong buwan, nawalan ako ng pananampalataya at nagsimulang isipin ang kinabukasan ko. Namuhay ako sa pagiging negatibo at pagdurusa. Nakita ko na ang pananampalataya ko sa Diyos ay kulang pa rin, na hindi iyon totoong pananampalataya. Ginagamit ng Diyos ang paghihirap at pagpipinong ito para dalisayin at baguhin ako, at gawing perpekto ang pananampalataya ko. Hindi ako dapat mamuhay sa pagiging negatibo at maling pagkakaunawa. Kalaunan, ang mga sister ay madalas na nagbabahagi at tumutulong sa akin, at nagawa kong magpasakop at maranasan ang sitwasyong ito. Noong ako’y nagpasakop, nasaksihan ko uli ang mapaghimalang mga gawa ng Diyos. ’Di nagtagal unti-unti ko nang naiaangat ang kanang braso ko. At matapos ang mga dalawang buwan, naiaangat ko na rin paunti-unti ang kaliwang braso ko. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos. Sinabi ng doktor na pagkatapos ng tatlong buwan na walang pagkilos, mababaldado ang mga braso ko, pero pinahintulutan ng Diyos na himalang mapagaling ako. Lahat ng ito ay dahil sa pagmamahal at proteksyon ng Diyos.

Noong Hunyo 2010, nakalaya ako. Matapos mapasailalim sa kalupitan at pag-uusig ng CCP, malinaw kong nakita ang lumalaban sa Diyos na makademonyong diwa nito, at iniwan at tinalikdan ko ito sa puso ko. Personal ko ring naranasan ang pagmamahal ng Diyos. Noong nasa pugad ng diyablo ako at sumasailalim sa pagmamalupit at pagpapahirap ng mga opisyal, ang mga salita ng Diyos ang pumuno sa’kin ng pag-asa at lakas, at tumulong na gabayan ako sa panahong iyon ng mga pagsubok. Matapos mapagdaanan ang lahat ng ito, naramdaman kong mas malapit ako sa Diyos. Nakita ko na lahat ng ginagawa ng Diyos para sa tao ay pagmamahal Niya at pagliligtas. Anumang pag-uusig o paghihirap ang harapin ko sa susunod, magiging masigasig ako lagi sa pananampalataya ko, susundan ang Diyos at gagampanan ang tungkulin ko para masuklian ang pagmamahal ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Hindi Mailarawang Sakit

Ni Zhang Lin, Tsina Isang hapon, noong Disyembre 2012, nasa bus ako sa labas ng bayan para tuparin ang aking tungkulin. Nakatulog na ako...

Para lang sa 300,000 Yuan

Ni Li Ming, TsinaBandang alas nuwebe ng gabi noong Oktubre 9, 2009, habang kami ay nagtitipon ng asawa ko at ng anak ko, bigla kaming...

Leave a Reply