Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 9 (Ikatlong Bahagi)

Kasasabi lamang natin na ang kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” ay isang kinakailangang inilalagay sa wastong asal ng sangkatauhan. Nasuri din natin ang ilan sa mga problema sa kasabihang ito at ilan sa mga naging epekto nito sa sangkatauhan. Nakapagdala ito ng ilang nakapipinsalang ideya at pananaw sa sangkatauhan, at nagkaroon ng ilang negatibong epekto sa mga paghahangad at sa pag-iral ng mga tao, na dapat ay malaman ng mga tao. Kaya, paano dapat maunawaan ng mga mananampalataya ang mga problemang may kinalaman sa kabutihang-loob at kalawakan ng pag-iisip sa sangkatauhan? Paano mauunawaan ng isang tao ang mga iyon mula sa perspektibo ng Diyos sa isang tama at positibong paraan? Hindi ba’t dapat din itong maunawaan? (Oo.) Sa totoo ay hindi naman mahirap maunawaan ang mga bagay na ito. Hindi mo na kailangang manghula, ni magsaliksik ng anumang impormasyon. Sa pamamagitan lamang ng pagkatuto mula sa mga bagay na sinabi ng Diyos at sa gawaing Kanyang ginawa sa gitna ng mga tao, at mula sa disposisyon ng Diyos na ipinakita sa iba’t ibang paraan ng Kanyang pagtrato sa lahat ng uri ng tao, malalaman natin kung ano mismo ang opinyon ng Diyos sa mga kasabihan at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura, at kung ano mismo ang Kanyang mga layunin. Sa pamamagitan ng pagtingin sa mga layunin at pananaw ng Diyos, magkakaroon na ang mga tao ng landas kung paano hahangarin ang katotohanan. Ang kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” na sinusunod ng mga tao ay nangangahulugang kapag napugot at bumagsak na sa lupa ang ulo ng isang tao, iyon na ang katapusan ng bagay na iyon at hindi na ito dapat pang higit na aksyunan. Hindi ba’t isa itong mababang uri ng perspektibo? Hindi ba’t isa itong perspektibong karaniwang pinaniniwalaan ng mga tao? Nangangahulugan itong sa sandaling humantong ang isang tao sa dulo ng kanyang pisikal na buhay, tapos na talaga ang buhay na iyon. Ang lahat ng masasamang bagay na nagawa ng taong iyon sa kanyang buhay, at ang lahat ng pagmamahal, pagkapoot, masidhing damdamin at alitang kanyang naranasan, ay ihahayag na natapos na noon din, at ituturing na tapos na ang buhay na iyon. Pinaniniwalaan ito ng mga tao, ngunit sa pagtingin sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng iba’t ibang tanda sa mga kilos ng Diyos, ito ba ang prinsipyo sa mga kilos ng Diyos? (Hindi.) Kaya, ano ang prinsipyo sa mga kilos ng Diyos? Ano ang batayan sa paggawa ng Diyos sa gayong mga bagay? Sinasabi ng ilang tao na ginagawa ng Diyos ang gayong mga bagay batay sa Kanyang mga atas administratibo, na tama, ngunit hindi ito ang buong pangyayari. Sa isang banda, alinsunod ito sa Kanyang mga atas administratibo, ngunit sa kabilang banda, tinatrato Niya ang lahat ng uri ng tao batay sa Kanyang disposisyon at diwa—ito ang buong pangyayari. Sa mga mata ng Diyos, kung mapapatay ang isang tao at babagsak sa lupa ang ulo nito, matatapos na ba ang buhay ng taong ito? (Hindi.) Kaya, sa anong paraan winawakasan ng Diyos ang buhay ng isang tao? Ganito ba ang paraan ng pakikitungo ng Diyos sa isang tao? (Hindi.) Ang paraan ng pakikitungo ng Diyos sa sinumang tao ay hindi lamang pagpatay rito sa pamamagitan ng pagpupugot sa ulo nito at matatapos na roon. Mayroong isang simula at isang katapusan, isang pagkakaugnay at isang hindi mababaling katangian sa paraan ng pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan. Mula sa oras na muling magkatawang-laman ang isang kaluluwa bilang isang tao, hanggang sa pagbabalik ng kaluluwa sa espirituwal na mundo pagkatapos ng pisikal na buhay ng taong iyon, anumang landas ang sundan nito, sa espirituwal na mundo man o sa materyal na mundo, kailangan itong sumailalim sa pangangasiwa ng Diyos. Sa huli, nakasalalay kung magagantimpalaan ito o maparurusahan sa mga atas administratibo ng Diyos, at mayroong mga panuntunan ng langit. Nangangahulugan itong ang paraan ng pagtrato ng Diyos sa isang tao ay nakabatay sa tadhana ng buong buhay na Kanyang inorden para sa bawat tao. Matapos magwakas ang tadhana ng isang tao, sasailalim siya sa pangangasiwa batay sa inorden na kautusan ng Diyos at sa mga panuntunan ng langit sa pagpaparusa sa kasamaan at paggagantimpala sa kabutihan. Kung nakagawa ang taong ito ng maraming kasamaan sa mundo, kailangan siyang sumailalim sa maraming kaparusahan; kung hindi masyadong maraming kasamaan ang nagawa ng taong ito at nakagawa pa nga ng ilang mabuting gawa, dapat siyang magantimpalaan. Kung makapagpapatuloy man siya sa muling pagkakatawang-laman at kung maipanganganak man siyang muli bilang isang tao o isang hayop ay nakasalalay sa kanyang pagganap sa buhay na ito. Bakit Ko ibinabahagi ang tungkol sa mga bagay na ito? Dahil kalakip ng kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo,” mayroon pang isang kataga, ang “maging mabait hangga’t maaari.” Walang gayong mga paraan ng pananalita o paggawa ang Diyos sa mga bagay-bagay na walang prinsipyong nagtatangkang ayusin ang lahat. Nahahayag ang mga kilos ng Diyos sa paraan ng Kanyang pakikitungo sa anumang nilikha mula sa simula hanggang sa katapusan, ang lahat ay nagbibigay-daan sa mga taong malinaw na makita na ang Diyos ang mayroong kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng mga tao, nangangasiwa at nagsasaayos dito, at pagkatapos ay nagpaparusa sa kasamaan at naggagantimpala sa kabutihan ayon sa pag-uugali ng isang tao, nagpapataw ng kaparusahan kung saan nararapat. Alinsunod sa itinakda ng Diyos, dapat na maparusahan ang isang tao nang gaano man karaming taon at gaano man karaming reinkarnasyon, batay sa kung gaano karaming kasamaan ang kanyang nagawa, at ipinatutupad ito ng espirituwal na mundo ayon sa mga nakatatag na panuntunan, nang wala ni katiting na paglihis. Walang makababago rito, at ang sinumang gagawa niyon ay lalabag sa mga panuntunan ng langit na inorden ng Diyos, at maparurusahan nang walang pinalalampas. Sa mga mata ng Diyos, hindi maaaring malabag ang mga panuntunang ito ng langit. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito ay ang sinumang tao, kahit ano pang kasamaang kanyang nagawa o kahit alin pang panuntunan at patakaran ng langit ang kanyang nalabag, sa huli ay haharapin siya nang walang kompromiso. Hindi tulad ng mga batas ng mundo—kung saan mayroong mga suspendidong sentensya, o isang taong makapamamagitan, o maaaring sundin ng hukom ang sarili niyang mga kagustuhan at magpakita ng kabutihan sa pamamagitan ng pagiging mabait kung maaari, upang hindi mahatulan ang taong iyon sa krimen at hindi maparusahan nang naaangkop—hindi ganito nangyayari ang mga bagay-bagay sa espirituwal na mundo. Mahigpit na tatratuhin ng Diyos ang nakaraan at kasalukuyang buhay ng bawat nilikha alinsunod sa mga kautusang Kanyang itinatag, na ang ibig sabihin, sa mga panuntunan ng langit. Hindi mahalaga kung gaano kalubha o kaliit ang mga paglabag ng isang tao, o kung gaano kadakila o kaliit ang kanyang mabubuting gawa, hindi rin mahalaga kung gaano katagal nang nangyayari ang mga paglabag o mabubuting gawa ng taong iyon, o kung gaano katagal nang naganap ang mga iyon. Wala sa mga ito ang makapagbabago sa paraan ng pagtrato ng Panginoon ng paglikha sa mga taong Kanyang nilikha. Na ang ibig sabihin, hindi kailanman magbabago ang mga panuntunan ng langit na ginawa ng Diyos. Ito ang prinsipyo sa likod ng mga kilos ng Diyos at ang paraan ng paggawa Niya sa mga bagay-bagay. Mula nang magsimulang umiral ang mga tao at magsimula ang Diyos sa paggawa sa gitna nila, ang mga atas administratibong Kanyang ginawa, ibig sabihin, ang mga panuntunan ng langit, ay hindi nagbago. Samakatuwid, sa huli ay magkakaroon ang Diyos ng mga paraan sa pagharap sa mga paglabag, mabubuting gawa, at lahat ng uri ng masasamang gawa ng sangkatauhan. Kailangang pagbayaran ng alinman at lahat ng nilikha ang nararapat na halaga para sa kanilang mga kilos at pag-uugali. Gayunpaman, ang bawat nilikha ay pinarurusahan ng Diyos dahil sa kanilang pagsuway sa Diyos, sa masasamang gawang kanilang nagawa, at sa mga paglabag na kanilang naiwanan, sa halip na dahil sa naging mapootin na ang Diyos sa mga tao. Ang Diyos ay hindi kabilang sa sangkatauhan. Ang Diyos ay Diyos, ang Panginoon ng paglikha. Ang alinman at lahat ng nilikha ay pinarurusahan hindi dahil sa kinapopootan ng Panginoon ng paglikha ang mga tao, kundi dahil nalabag nila ang mga panuntunan, patakaran, batas, at kautusan ng langit na itinatag ng Diyos, at ang katunayang ito ay hindi mababago ng sinuman. Mula sa perspektibong ito, sa mga mata ng Diyos kailanman ay hindi nagkaroon ng “pagiging mabait hangga’t maaari.” Maaaring hindi ninyo lubos na maunawaan ang sinasabi Ko, ngunit anu’t ano man, ang sukdulang layunin ay ipaalam sa inyo na walang pagkamuhi ang Diyos, bagkus ay tanging ang mga panuntunan ng langit, atas administratibo, kautusan, Kanyang disposisyon, at Kanyang poot at pagiging maharlika na hindi nagpapalagpas ng anumang paglabag. Samakatuwid, sa mga mata ng Diyos ay walang “pagiging mabait hangga’t maaari.” Hindi mo dapat sukatin ang Diyos gamit ang kahingiang maging mabait hangga’t maaari, ni iharap ang Diyos para siyasatin laban sa kahingiang ito. Ano ba ang ibig sabihin ng “iharap ang Diyos para sa pagsisiyasat?” Ibig sabihin nito ay minsan kapag nagpapakita ang Diyos ng awa at pagpaparaya sa mga tao, sasabihin ng ilan, “Tingnan ninyo, mabuti ang Diyos, minamahal ng Diyos ang mga tao, mabait Siya hangga’t maaari, Siya ay tunay na mapagparaya sa mga tao, ang Diyos ang mayroong pinakamalawak na pag-iisip, higit na malawak ito sa pag-iisip ng mga tao, at higit na malaki sa pag-iisip ng mga punong ministro!” Tama bang sabihin iyon? (Hindi.) Kung pupurihin mo ang Diyos nang ganito, naaangkop bang sabihin ito? (Hindi, hindi ito naaangkop.) Mali ang paraan ng pagsasalitang ito at hindi magagamit sa Diyos. Sinisikap ng mga taong maging mabait hangga’t maaari upang maipakita ang kanilang pagkabukas-palad at pagpaparaya, at upang ipangalandakang sila ay taong mapagparaya at mabuting-loob, at isang taong may marangal na katangian. Para naman sa Diyos, mayroong awa at pagpaparaya sa diwa ng Diyos. Ang awa at pagpaparaya ay ang diwa ng Diyos. Ngunit ang diwa ng Diyos ay hindi kapareho ng kabutihang-loob at pagpaparayang ipinakikita ng mga tao sa pamamagitan ng pagiging mabait hangga’t maaari. Dalawang magkaibang bagay ang mga ito. Sa pagiging mabait hangga’t maaari, ang mithiin ng mga tao ay mahikayat ang mga taong magsabi ng magagandang bagay tungkol sa kanila, na mayroon silang pagkabukas-palad at kagandahang-loob, at na mabuting tao sila. Bukod pa roon, dala rin ito ng panggigipit ng lipunan, para mabuhay. Nagpapakita lamang ang mga tao sa iba ng kaunting pagkabukas-palad at kaunting kalawakan ng pag-iisip upang makamit ang isang mithiin, hindi upang tumupad o sumunod sa pamantayan ng konsiyensiya, kundi upang mahikayat ang mga taong tingalain at sambahin sila, o dahil bahagi ito ng kung anong lihim na motibo o pandaraya. Walang kadalisayan sa kanilang mga kilos. Kaya, gumagawa ba ang Diyos ng mga bagay na tulad ng pagiging mabait hangga’t maaari? Hindi gumagawa ang Diyos ng gayong mga bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t nagpapakita rin ang Diyos ng kabaitan sa mga tao? Kaya kapag ginagawa Niya iyon, hindi ba’t nagiging mabait Siya hangga’t maaari?” Hindi, may pagkakaiba rito na dapat maunawaan ng mga tao. Ano ang dapat maunawaan ng mga tao? Ito ay na kapag ginagamit ng mga tao ang kasabihang “maging mabait hangga’t maaari,” ginagawa nila ito nang walang mga prinsipyo. Ginagawa nila ito dahil nagpapadaig sila sa mga panggigipit ng lipunan at sa opinyon ng madla, at upang magkunwaring mabubuti silang tao. Sa maruruming mithiing ito at habang nagpapakapaimbabaw upang ipangalandakang mabubuti silang tao, atubili itong ginagawa ng mga tao. O marahil ay napipilitan sila sa sitwasyon, at nais nilang maghiganti ngunit hindi nila magawa, at sa sitwasyong ito kung saan walang ibang magagawa, atubili silang sumusunod sa saligang ito. Hindi ito nanggagaling sa pagpapakita ng kanilang panloob na diwa. Ang mga taong nakagagawa nito ay hindi tunay na mabubuting tao, o mga taong tunay na nagmamahal sa mga positibong bagay. Kaya ano ang pagkakaiba ng pagiging mapagparaya at maawain ng Diyos sa mga tao, sa pagsasagawa ng mga tao sa kasabihang “maging mabait hangga’t maaari?” Sabihin ninyo sa Akin kung ano ang mga pagkakaiba. (Mayroong mga prinsipyo sa ginagawa ng Diyos. Halimbawa, natanggap ng mga mamamayan ng Ninive ang pagpaparaya ng Diyos pagkatapos nilang tunay na magsisi. Mula rito, makikita nating mayroong mga prinsipyo sa mga kilos ng Diyos, at makikita rin nating sa diwa ng Diyos ay mayroong awa at pagpaparaya para sa mga tao.) Magaling. May dalawang pangunahing pagkakaiba rito. Napakahalaga ng puntong kasasabi lamang ninyo, iyon ay na mayroong mga prinsipyo sa ginagawa ng Diyos. Mayroong malinaw na hangganan at saklaw ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at ang hangganan at saklaw na ito ay mga bagay na mauunawaan ng mga tao. Ang totoo ay may mga partikular na prinsipyo sa lahat ng ginagawa ng Diyos. Halimbawa, nagpakita ang Diyos ng kabaitan sa mga mamamayan ng Ninive para sa kanilang mga paglabag. Nang iwaksi ng mga mamamayan ng Ninive ang kanilang kasamaan at tunay na magsisi, pinatawad sila ng Diyos at nangako Siyang hindi na higit pang wawasakin ang lungsod. Ito ang prinsipyo sa likod ng mga kilos ng Diyos. Paano mauunawaan ang prinsipyong ito rito? Ito ang pamantayan. Ayon sa pagkaunawa at pananalita ng mga tao, masasabing ito ang pamantayan ng Diyos. Basta’t isusuko ng mga mamamayan ng Ninive ang kasamaan sa kanilang mga gawa at ititigil ang pamumuhay sa kasalanan at pagtatakwil sa Diyos gaya ng minsan nilang ginawa, at magawa nilang tunay na magsisi sa Diyos, ang tunay na pagsisising ito ang pamantayang ibinigay sa kanila ng Diyos. Kung makapagkakamit sila ng tunay na pagsisisi, magiging mabait sa kanila ang Diyos. Kung, sa kabaligtaran, mabibigo silang magkamit ng tunay na pagsisisi, muli ba iyong pag-iisipan ng Diyos? Magbabago ba ang naunang desisyon at plano ng Diyos na wasakin ang lungsod na ito? (Hindi.) Binigyan sila ng Diyos ng dalawang pagpipilian: Ang una ay ipagpatuloy ang kanilang masasamang gawi at humarap sa pagkawasak, na kung saan ay malilipol ang buong lungsod; ang pangalawa ay iwaksi ang kanilang kasamaan, tunay na magsisi sa Kanya suot ang kayong magaspang na may abo, at aminin sa Kanya ang kanilang mga kasalanan mula sa kaibuturan ng kanilang puso, sa gayon ay magiging mabait Siya sa kanila, at kahit ano pang kasamaan ang kanilang nagawa noon, o gaano pa katindi ang hangganan ng kanilang kasamaan, magpapasya Siyang hindi na wasakin ang lungsod dahil sa kanilang pagsisisi. Binigyan sila ng Diyos ng dalawang pagpipilian, at sa halip na piliin ang una, pinili nila ang pangalawa—na tunay na magsisi sa Diyos suot ang kayong magaspang na may abo. Ano ang panghuling resulta? Nahikayat nila ang Diyos na baguhin ang Kanyang pag-iisip, ibig sabihin, muli itong pag-isipan, baguhin ang Kanyang mga plano, pakitaan sila ng kabaitan, at hindi na wasakin ang lungsod. Hindi ba’t ito ang prinsipyo kung paano gumagawa ang Diyos? (Oo.) Ito ang prinsipyo kung paano gumagawa ang Diyos. Bukod pa roon, mayroon pang isang mahalagang punto, ito ay na may pagmamahal at awa sa diwa ng Diyos, ngunit siyempre, mayroon ding kawalang-pagpaparaya sa mga paglabag ng tao, at poot. Sa kaso ng pagwasak sa Ninive, nahayag ang parehong aspetong ito ng diwa ng Diyos. Nang makita ng Diyos ang masasamang gawa ng mga taong ito, nagpamalas at nahayag ang diwa ng poot ng Diyos. Mayroon bang prinsipyo sa galit ng Diyos? (Oo.) Sa simpleng salita, ang prinsipyong ito ay na mayroong batayan sa galit ng Diyos. Hindi ito pagkagalit o pagngingitngit nang basta-basta, lalong hindi ito isang uri ng damdamin. Sa halip, isa itong disposisyong lumilitaw at likas na nahahayag sa isang partikular na konteksto. Ang poot at pagiging maharlika ng Diyos ay hindi nagpapalagpas ng anumang paglabag. Sa wika ng tao, ibig sabihin nito ay nagalit at nagngitngit ang Diyos nang makita Niya ang masasamang gawa ng mga taga-Ninive. Sa eksaktong salita, galit ang Diyos dahil mayroon Siyang aspetong hindi nagpapalagpas ng mga paglabag ng mga tao, kaya pagkakita sa masasamang gawa ng mga tao at sa pangyayari at paglitaw ng mga negatibong bagay, likas na ihahayag ng Diyos ang Kanyang poot. Kaya, kung mahahayag ang poot ng Diyos, agad ba Niyang wawasakin ang lungsod? (Hindi.) Sa ganitong paraan ninyo makikita na may mga prinsipyo sa ginagawa ng Diyos. Hindi totoo na sa sandaling magalit ang Diyos, sasabihin na Niyang, “May awtoridad Ako, wawasakin kita! Anuman ang iyong suliranin, hindi kita bibigyan ng pagkakataon!” Hindi ganoon iyon. Anu-ano ang mga ginawa ng Diyos? Gumawa ang Diyos ng sunud-sunod na mga bagay. Paano dapat bigyang-kahulugan ng mga tao ang mga iyon? Ang sunud-sunod na mga bagay na ginawa ng Diyos ay nakabatay lahat sa disposisyon ng Diyos. Hindi lumitaw ang mga iyon batay lamang sa Kanyang poot. Na ang ibig sabihin, ang poot ng Diyos ay hindi pagiging padalos-dalos. Hindi ito katulad ng pagiging padalos-dalos ng mga tao, na pabigla-biglang nagsasabing, “May karapatan ako, papatayin kita, lagot ka sa akin,” o gaya ng sinasabi ng malaking pulang dragon, “Kung mahuhuli kita, lulumpuhin kita, at bubugbugin hanggang sa mamatay nang hindi ako maparurusahan.” Ganito ginagawa ni Satanas at ng mga diyablo ang mga bagay-bagay. Galing kay Satanas at sa mga diyablo ang pagiging padalos-dalos. Walang pagiging padalos-dalos sa poot ng Diyos. Sa anong paraan nagpamamalas ang kawalan Niya ng pagiging padalos-dalos? Nang makita ng Diyos kung gaano katiwali ang mga taga-Ninive, nagalit at nagngitngit Siya. Ngunit matapos magalit, hindi Niya sila winasak nang walang sabi-sabi dahil sa pag-iral ng diwa ng Kanyang poot. Sa halip, ipinadala Niya si Jonas upang ipagbigay-alam sa mga mamamayan ng Ninive kung ano ang susunod Niyang gagawin at kung bakit, upang malinawan at mabigyan sila ng kaunting pag-asa. Sinasabi ng katunayang ito sa sangkatauhan na nahahayag ang poot ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga negatibo at masamang bagay, ngunit na naiiba ang poot ng Diyos sa pagiging padalos-dalos ng sangkatauhan, at naiiba sa mga damdamin ng tao. Sinasabi ng ilang tao, “Naiiba ang poot ng Diyos sa pagiging padalos-dalos at sa mga damdamin ng tao. Makokontrol ba ang poot ng Diyos?” Hindi, hindi makokontrol ang tamang salita para gamitin dito, hindi naaangkop na sabihin ito. Sa eksaktong pananalita, mayroong mga prinsipyo sa poot ng Diyos. Sa Kanyang poot, gumawa ang Diyos ng sunud-sunod na mga bagay na higit na nagpapatunay na mayroong mga katotohanan at prinsipyo sa Kanyang mga kilos, at kasabay niyon ay ipinaaalam din sa sangkatauhan na bukod sa Kanyang poot, ang Diyos ay mayroon ding awa at pagmamahal. Kapag nakalaan ang awa at pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan, ano ang mga pakinabang na matatanggap ng sangkatauhan? Na ang ibig sabihin, kung aaminin ng mga tao ang kanilang mga kasalanan at magsisisi sa paraang itinuro ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon sa buhay na mula sa Diyos, at ng pag-asa at posibilidad na maligtas. Nangangahulugan itong makapagpapatuloy ang mga tao sa pamumuhay nang may pahintulot ng Diyos, sa kondisyong tunay na silang umamin at tunay nang nakapagsisisi, pagkatapos ay matatanggap na nila ang pangakong ibinibigay sa kanila ng Diyos. Hindi ba’t mayroong mga prinsipyo sa lahat ng sunud-sunod na pahayag na ito? Nakikita mo, sa likod ng lahat at ng bawat uri ng gawaing ginagawa ng Diyos ay mayroong, gamit ang wika ng tao, isang pangangatwiran at isang katumpakan, o, gamit ang mga salita ng Diyos, mayroong mga katotohanan at prinsipyo. Naiiba ito sa paraan ng sangkatauhan sa paggawa sa mga bagay-bagay, at lalong hindi ito kontaminado ng pagiging padalos-dalos ng sangkatauhan. Sinasabi ng ilang tao, “Ang disposisyon ng Diyos ay mahinahon at hindi padalos-dalos!” Tama ba ito? Hindi, hindi masasabing mahinahon, payapa, at hindi padalos-dalos ang disposisyon ng Diyos—paraan ito ng sangkatauhan sa pagsukat at paglalarawan dito. Mayroong mga katotohanan at prinsipyo sa ginagawa ng Diyos. Anuman ang Kanyang ginagawa, mayroon itong batayan, at ang batayang ito ay ang katotohanan at ang disposisyon ng Diyos.

Sa pakikitungo sa mga mamamayan ng Ninive, gumawa ang Diyos ng sunud-sunod na mga bagay. Una, ipinadala Niya si Jonas upang sabihin sa mga mamamayan ng Ninive ang, “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak!” (Jonas 3:4). Mahabang panahon ba ang apatnapung araw? Eksakto itong isang buwan at sampung araw, na medyo mahabang panahon, sapat na upang mag-isip at magnilay nang medyo matagal ang mga tao at magtamo ng tunay na pagsisisi. Kung naging apat na oras, o apat na araw iyon, hindi iyon magiging sapat na oras para magsisi. Ngunit apatnapung araw ang ibinigay ng Diyos, na napakahabang panahon at higit pa sa sapat. Gaano ba kalaki ang isang lungsod? Umikot si Jonas sa buong lungsod, mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo, at nagbigay-alam sa lahat sa loob lamang ng ilang araw, sa gayon ay natanggap ng bawat mamamayan at sambahayan ang mensahe. Higit pa sa sapat ang apatnapung araw na iyon upang maghanda ng kayong magaspang o mga abo, at gumawa ng anumang ibang paghahanda na kinakailangan. Ano ang nakikita mo mula sa mga bagay na ito? Binigyan ng Diyos ang mga mamamayan ng Ninive ng sapat na oras upang ipaalam sa kanila na wawasakin Niya ang kanilang lungsod, at upang hayaan silang maghanda, magnilay, at magsuri sa kanilang sarili. Sa wika ng tao, ginawa ng Diyos ang lahat ng makakaya at nararapat Niyang gawin. Sapat na ang apatnapung-araw na panahong iyon, sa puntong binigyan nito ang lahat—mula sa hari hanggang sa mga pangkaraniwang tao—ng sapat na panahon upang magnilay at maghanda. Sa isang banda, mula rito ay makikita na ang ginagawa ng Diyos para sa mga tao ay magpakita ng pagpaparaya, at sa kabilang banda, makikita na nagmamalasakit ang Diyos sa mga tao sa Kanyang puso at mayroon Siyang tunay na pagmamahal para sa kanila. Tunay ngang umiiral ang awa at pagmamahal ng Diyos, nang walang anumang pagkukunwari, at matapat ang Kanyang puso, nang walang anumang pagkukunwari. Upang mabigyan ang mga tao ng pagkakataong magsisi, binigyan Niya sila ng apatnapung araw. Ibinubuod ng apatnapung araw na iyon ang pagpaparaya at pagmamahal ng Diyos. Sapat na ang haba ng apatnapung araw na iyon upang magpatunay at lubos na magbigay-daan sa mga taong makita na mayroong tunay na malasakit at pagmamahal ang Diyos para sa mga tao, at na tunay ngang umiiral ang awa at pagmamahal ng Diyos, nang walang anumang pagkukunwari. Sasabihin ng ilan, “Hindi ba’t sinabi Mo kaninang hindi minamahal ng Diyos ang mga tao, na napopoot Siya sa mga tao? Hindi ba’t kontradiksiyon iyon sa sinabi Mo ngayon?” Kontradiksiyon ba ito? (Hindi, hindi ito kontradiksiyon.) Nagmamalasakit ang Diyos sa mga tao sa Kanyang puso, taglay Niya ang diwa ng pagmamahal. Naiiba ba ito sa pagsasabing minamahal ng Diyos ang mga tao? (Oo.) Paano ito naiiba? Talaga bang minamahal o kinapopootan ng Diyos ang mga tao? (Minamahal Niya ang mga tao.) Kung gayon ay bakit isinusumpa at kinakastigo at hinahatulan pa rin ng Diyos ang mga tao? Kung hindi pa rin malinaw sa inyo ang isang napakahalagang bagay, malamang ay mali ang pagkaunawa ninyo rito. Isa ba itong kontradiksiyon sa pagitan mo at ng Diyos? Kung isa itong bagay na hindi malinaw sa iyo, hindi ba’t malamang na magkaroon ng agwat sa pagitan mo at ng Diyos? Sabihin mo sa Akin, kung minamahal ng Diyos ang mga tao, kinapopootan din ba ng Diyos ang mga tao? May kaugnayan ba ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao sa pagkapoot Niya sa mga tao? May kaugnayan ba ang pagkapoot ng Diyos sa mga tao sa pagmamahal Niya sa mga tao? (Wala, wala itong kaugnayan.) Kung ganoon ay bakit minamahal ng Diyos ang mga tao? Naging tao ang Diyos upang iligtas ang mga tao—hindi ba’t ito ang pinakadakila Niyang pagmamahal? Labis namang kaawa-awa kung hindi ninyo alam iyon! Kung ni hindi ninyo alam kung bakit minamahal ng Diyos ang mga tao, katawa-tawa iyon. Sabihin ninyo sa Akin, saan nagmumula ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak? (Sa likas na damdamin.) Tama iyon. Ang pagmamahal ng isang ina ay nagmumula sa likas na damdamin. Kaya nakabatay ba ang pagmamahal na ito sa kung mabuti o masama ang anak? (Hindi, hindi ito nakabatay roon.) Halimbawa, kahit na napakasutil ng anak at kung minsan ay labis na ginagalit ang kanyang ina, pagkatapos ng lahat ay mahal pa rin siya ng kanyang ina. Bakit ganoon? Ang paraang ito ng pagtrato niya sa kanyang anak ay nagmumula sa likas na damdamin ng kanyang papel bilang isang ina. Dahil sa taglay niyang likas na pagmamahal ng isang ina, ang pagmamahal niya sa kanyang anak ay hindi nakabatay sa kung mabuti o masama ang bata. Sinasabi ng ilang tao, “Yamang likas na minamahal ng isang ina ang kanyang anak, bakit pinapalo pa rin niya ito? Bakit kinapopootan pa rin niya ito? Bakit kung minsan ay nagagalit siya rito at pinagagalitan pa rin niya ito? At bakit kung minsan sa labis na galit niya ay ayaw na niyang magkaroon ng kaugnayan dito? Hindi ba’t sinabi Mong ang isang ina ay mayroong pagmamahal, at na minamahal niya ang kanyang anak? Kaya paano niya nagagawang maging masyadong walang-puso?” Isa ba itong kontradiksiyon? Hindi, hindi ito isang kontradiksiyon. Ang paraan ng pagtrato ng isang ina sa kanyang anak ay nakabatay sa saloobin ng anak sa kanyang ina at sa pag-uugali ng anak. Ngunit kahit paano pa niya tratuhin ang kanyang anak, kahit pa paluin at kapootan niya ito, wala itong kaugnayan sa pag-iral ng pagmamahal ng isang ina. Gayundin, saan nagmumula ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao? (Taglay ng Diyos ang diwa ng pagmamahal.) Tama iyon. Sa wakas ay naging malinaw na sa inyo. Ang pinakapunto nito ay na taglay ng Diyos ang diwa ng pagmamahal. Ang dahilan kung bakit minamahal at pinagmamalasakitan ng Diyos ang mga tao ay dahil sa isang banda, taglay ng Diyos ang diwa ng pagmamahal. Sa pagmamahal na ito ay mayroong awa, mapagmahal na kabaitan, pagpaparaya, at pasensiya. Siyempre, mayroon ding mga pagpapamalas ng malasakit, at kung minsan ay pag-aalala at kalungkutan, at iba pa. Ang lahat ng ito ay tinutukoy ng diwa ng Diyos. Ito ay pagtingin dito mula sa isang pansariling perspektibo. Mula sa walang-pagkiling na perspektibo, ang mga tao ay nilikha ng Diyos, tulad lamang ng isang anak na isinilang ng kanyang ina, at likas na may malasakit ang ina sa kanyang anak at mayroong mga hindi mapapatid na kaugnayan sa dugo sa pagitan nila. Bagaman hindi taglay ng mga tao at ng Diyos ang mga kaugnayang ito sa dugo, gaya nga ng sinasabi ng mga tao, gayunpaman ay ang Diyos ang lumikha sa mga tao, at may malasakit Siya sa kanila at nakararamdam ng pagmamahal sa kanila. Nais ng Diyos na maging mabuti ang mga tao at tumahak sa tamang landas, ngunit kapag nakikita Niya silang nagagawang tiwali ni Satanas, tumatahak sa landas ng kasamaan, at nagdurusa ay nalulungkot at nagdadalamhati ang Diyos. Normal naman ito, hindi ba? Nagkakaroon ang Diyos ng mga reaksyon, damdamin, at pagpapamalas, ang lahat ng iyon ay lumalabas dahil sa diwa ng Diyos, at hindi maihihiwalay sa ugnayang nabuo sa paglikha ng Diyos sa tao. Ang lahat ng ito ay mga walang-pagkiling na katunayan. Sinasabi ng ilang tao: “Yamang taglay ng diwa ng Diyos ang pagmamahal, bakit napopoot pa rin ang Diyos sa mga tao? Wala bang pakialam ang Diyos sa mga tao? Bakit kinapopootan pa rin Niya sila?” Mayroon ding isang walang-pagkiling na katunayan dito, iyon ay na ang disposisyon, diwa, at ibang aspeto ng mga tao ay hindi akma sa Diyos at sa katotohanan, sa gayon, ang mga pinamamalas at inihahayag ng mga tao sa harap ng Diyos ay nakasusuklam sa Kanya at kamuhi-muhi sa Kanya. Sa paglipas ng panahon, palala nang palala ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, higit pang lumulubha ang kanilang mga kasalanan, at labis din silang mapagmatigas, labis na hindi nagsisisi, at hindi tumatanggap ng kahit kaunting katotohanan. Ganap silang salungat sa Diyos, kaya naman napupukaw ang Kanyang pagkapoot. Kaya, saan nagmumula ang pagkapoot ng Diyos? Bakit ito lumalabas? Lumalabas ito dahil ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at banal, at napupukaw ng diwa ng Diyos ang kanyang pagkamuhi. Namumuhi ang Diyos sa kasamaan, nasusuklam sa mga negatibong bagay, at namumuhi sa masasamang pwersa at masasamang bagay. Samakatuwid, kinamumuhian ng Diyos ang tiwaling sangkatauhang ito. Kaya, ang pagmamahal at pagkapoot na inihahayag ng Diyos para sa mga nilikha ay normal at tinutukoy ng Kanyang diwa. Walang anumang kontradiksiyon. Tinatanong ng ilang tao, “Kung ganoon ay talaga bang minamahal o kinapopootan ng Diyos ang mga tao?” Paano mo sasagutin iyon? (Depende iyon sa saloobin ng mga tao sa Diyos, o kung tunay nang nagsisi ang mga tao.) Pangunahing totoo ito, ngunit hindi masyadong tumpak. Bakit hindi ito tumpak? Sa palagay ba ninyo ay kinakailangang mahalin ng Diyos ang mga tao? (Hindi.) Ang mga salita ng Diyos sa sangkatauhan at ang lahat ng gawaing Kanyang ginagawa sa mga tao ang mga likas na pagpapamalas ng disposisyon at diwa ng Diyos. Mayroong mga prinsipyo ang Diyos, hindi Niya kinakailangang mahalin ang mga tao, ngunit hindi rin Niya kinakailangang kapootan ang mga tao. Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay hangarin nila ang katotohanan, sundan ang Kanyang daan, at umasal at kumilos alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kinakailangang mahalin ng Diyos ang mga tao, ngunit hindi rin Niya kinakailangang kamuhian ang mga tao. Isa itong katunayan, at kailangan itong maunawaan ng mga tao. Kasasabi lamang ninyo ngayon na minamahal at kinapopootan ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang pag-uugali. Bakit hindi tumpak na sabihin ito? Hindi ka kinakailangang mahalin ng Diyos, hindi ka rin talaga Niya kinakailangang kapootan. Maaari ka pa ngang balewalain ng Diyos. Hinahangad mo man ang katotohanan at umaasal at kumikilos ka man alinsunod sa mga salita ng Diyos, o hindi mo man tinatanggap ang katotohanan at sinusuway at nilalabanan mo pa nga ang Diyos, sa huli ay gagantihan Niya ang bawat tao ayon sa kanilang nagawa. Ang mga gumagawa ng kabutihan ay magagantimpalaan, samantalang ang mga gumagawa ng kasamaan ay maparurusahan. Ang tawag dito ay pagharap sa mga bagay-bagay nang patas at makatarungan. Na ang ibig sabihin, bilang isang nilikha, wala kang batayan para humiling kung paano ka dapat tratuhin ng Diyos. Kapag tinatrato mo ang Diyos at ang katotohanan nang may pananabik, at hinahangad mo ang katotohanan, iniisip mong tiyak na mahal ka Niya, ngunit kung babalewalain at hindi ka mamahalin ng Diyos, pakiramdam mo naman ay hindi Siya Diyos. O kapag sinusuway mo ang Diyos, iniisip mong tiyak na kinapopootan at parurusahan ka Niya, ngunit kung babalewalain ka Niya, pakiramdam mo naman ay hindi Siya Diyos. Tama bang mag-isip nang ganito? (Hindi, hindi tama.) Maaaring suriin nang ganito ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao, tulad ng ugnayan sa pagitan ng mga magulang at kanilang mga anak—na ang ibig sabihin, ang pagmamahal o pagkapoot ng mga magulang para sa kanilang mga anak ay nakabatay minsan sa pag-uugali ng mga anak—ngunit ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos ay hindi masusuri nang ganito. Ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos ay ugnayan sa pagitan ng nilikha at ng Lumikha, at walang anumang ugnayan sa dugo. Isa lamang itong ugnayan sa pagitan ng nilikha at ng Lumikha. Samakatuwid, hindi maaaring hilingin ng mga tao na mahalin sila ng Diyos, o sabihin kung saan Siya nakatayo sa kanila. Hindi makatuwiran ang mga kahilingang ito. Mali ang ganitong uri ng pananaw; hindi maaaring humiling nang gayon ang mga tao. Kaya sa pagtingin dito ngayon, talaga bang tumpak ang pagkaunawa ng mga tao sa pagmamahal ng Diyos? Hindi tumpak ang nauna nilang pagkaunawa, hindi ba? (Oo.) Mayroong mga prinsipyo sa kung mamahalin o kapopootan ng Diyos ang mga tao. Kung ang pag-uugali o paghahangad ng mga tao ay alinsunod sa katotohanan at sang-ayon sa kagustuhan ng Diyos, sasang-ayunan Niya ito. Gayunpaman, ang mga tao ay mayroong mga tiwaling diwa at makapaghahayag sila ng mga tiwaling disposisyon at makapaghahangad ng mga mithiin at kagustuhang sa palagay nila ay tama o ninanais nila. Isa iyong bagay na kinapopootan at hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Ngunit taliwas sa iniisip ng mga tao—na magbubuhos ang Diyos ng mga gantimpala sa mga tao sa tuwing sasang-ayunan Niya sila, o didisiplinahin at parurusahan ang mga tao sa tuwing hindi Siya sang-ayon—hindi ito totoo. Mayroong mga prinsipyo sa mga kilos ng Diyos. Inihahayag nito ang diwa ng Diyos, at kailangan itong maunawaan ng mga tao nang ganito.

Kanina lamang ay nagtanong at nagbahagi Ako tungkol sa mga prinsipyo sa mga kilos ng Diyos at tungkol sa diwa ng Diyos. Ano ang tinanong Ko kanina lamang? (Katatanong lamang ng Diyos tungkol sa pagkakaiba ng Kanyang pagpaparaya at awa para sa mga tao at sa kaugalian ng tao ng pagiging mabait hangga’t maaari. Pagkatapos, ibinahagi Mo na hindi kumikilos ang Diyos alinsunod sa pilosopiyang ito ng pamumuhay. Iwinawasto ng Diyos ang mga paglabag ng mga tao nang pangunahing batay sa dalawang aspeto: Sa isang banda, may mga prinsipyo sa ginagawa ng Diyos, at sa kabilang banda, sa diwa ng Diyos ay kapwa mayroong awa at poot.) Iyon nga ang tamang paraan ng pag-unawa rito. Ang mga prinsipyo ng Diyos sa paggawa sa mga bagay nang ganito ay batay sa Kanyang diwa at sa Kanyang disposisyon, at walang anumang kinalaman sa pagiging mabait hangga’t maaari, na isang pilosopiya sa pamumuhay na sinusunod ng sangkatauhan. Ang mga kilos ng tao ay nakabatay sa mga satanikong pilosopiya, at kontrolado ng mga satanikong disposisyon. Ang mga kilos ng Diyos ay pagpapamalas ng Kanyang disposisyon at diwa. Sa diwa ng Diyos, mayroong pagmamahal, awa, at siyempre pagkapoot. Kaya ngayon ba ay nauunawaan na ninyo kung ano ang saloobin ng Diyos ukol sa masasamang gawa ng tao at sa iba’t ibang klase ng pagsuway at pagtataksil nila? Ano ang batayan ng saloobin ng Diyos? Bunga ba ito ng Kanyang diwa? (Oo.) Sa diwa ng Diyos ay mayroong awa, pagmamahal, at poot. Ang diwa ng Diyos ay pagiging matuwid, at sa diwang ito nanggagaling ang mga prinsipyo sa mga kilos ng Diyos. Kaya ano ba mismo ang mga prinsipyo sa mga kilos ng Diyos? Ang saganang magkaloob ng awa at matinding maglabas ng poot. Talagang wala itong kinalaman sa pagiging mabait hangga’t maaari, na isinasagawa ng mga tao at mukhang isang napakadakilang saligan, ngunit sa mga mata ng Diyos ay wala itong halaga. Bilang isang mananampalataya, sa isang banda, hindi ninyo mahuhusgahan ang diwa, mga gawa ng Diyos, at ang mga prinsipyo sa Kanyang mga kilos batay sa saligang ito. Bukod pa rito, mula sa sarili nilang perspektibo, hindi dapat sundin ng mga tao ang pilosopiyang ito sa pamumuhay; dapat silang magkaroon ng isang prinsipyo para sa kung paano magpasya kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila at kung paano harapin ang mga bagay na ito. Ano ang prinsipyong ito? Hindi taglay ng mga tao ang diwa ng Diyos, at siyempre, hindi nila magagawa ang lahat nang may malinaw na mga prinsipyo na tulad ng Diyos, o tumindig sa kaitaasan at mamahagi ng mga pagkakataon at maging mabait sa lahat ng tao. Hindi ito magagawa ng mga tao. Kung gayon ay ano ang dapat mong gawin kapag kinahaharap mo ang mga bagay na nanggugulo sa iyo, nakasasakit sa iyo, o nakaiinsulto sa iyong dignidad, karakter, o nakasasakit pa nga sa iyong puso at kaluluwa? Kung susundin mo ang kasabihan tungkol sa wastong asal na, “maging mabait hangga’t maaari,” susubukan mong ayusin ang lahat nang hindi isinasaalang-alang ang mga prinsipyo, at magiging mahilig kang magpalugod ng mga tao, at madarama mong hindi madaling makaraos sa mundong ito, at na hindi ka maaaring magkaroon ng mga kaaway at kailangan mong subukang hindi masyado o hindi talaga makasama ng loob ng mga tao, at maging mabait hangga’t maaari, manatiling walang pinapanigan sa bawat pagkakataon, tumayo sa gitna ng dalawang panig, hindi ilagay ang iyong sarili sa mapapanganib na sitwasyon, at matutong protektahan ang iyong sarili. Hindi ba’t isa itong pilosopiya sa pamumuhay? (Oo.) Isa itong pilosopiya sa pamumuhay, sa halip na isang prinsipyong itinuturo ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya, ano ang prinsipyong itinuturo ng Diyos sa mga tao? Paano binibigyang-kahulugan ang paghahangad sa katotohanan? Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Kung may mangyayaring makapupukaw sa iyong pagkapoot, paano mo ito titingnan? Sa anong batayan mo iyon titingnan? (Batay sa mga salita ng Diyos.) Tama iyon. Kung hindi mo alam kung paano titingnan ang mga bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos, magagawa mo lamang na maging mabait hangga’t maaari, pigilan ang iyong pagkasuklam, magpaubaya at matiyagang maghintay habang naghahanap ng mga pagkakataong gumanti—ito ang landas na iyong tatahakin. Kung nais mong hangarin ang katotohanan, kailangan mong tingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos, itanong sa iyong sarili: “Bakit tinatrato ako nang ganito ng taong ito? Bakit nangyayari ito sa akin? Bakit kaya nagkakaroon ng ganitong resulta?” Ang gayong mga bagay ay dapat na tingnan ayon sa mga salita ng Diyos. Ang unang dapat gawin ay tanggapin ang bagay na ito mula sa Diyos, at aktibong tanggaping nagmumula ito sa Diyos, at na isa itong bagay na makatutulong at kapaki-pakinabang sa iyo. Para matanggap ang bagay na ito mula sa Diyos, kailangan mo muna itong tingnan bilang pangangasiwa at pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng bagay na nangyayari sa lupa, lahat ng iyong nadarama, lahat ng iyong nakikita, lahat ng iyong naririnig—ang lahat ay nangyayari nang may pahintulot ng Diyos. Pagkatapos mong tanggapin ang bagay na ito mula sa Diyos, sukatin mo ito batay sa mga salita ng Diyos, at alamin mo kung anong uri ng tao ang sinumang gumawa ng bagay na ito at kung ano ang diwa ng bagay na ito, nasaktan ka man o hindi ng anumang sinabi niya, nasaktan man ang iyong damdamin o nayurakan man ang iyong karakter. Tingnan mo muna kung ang taong iyon ay isang masamang tao o isang pangkaraniwang tiwaling tao, kinikilatis muna kung ano siya ayon sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay kinikilatis at tinatrato ang bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t ang mga ito ang mga tamang hakbang na dapat gawin? (Oo.) Una ay tanggapin ang bagay na ito mula sa Diyos, at tingnan ang mga taong sangkot sa bagay na ito ayon sa Kanyang mga salita, upang matukoy kung sila ay pangkaraniwang mga kapatid, masasamang tao, mga anticristo, walang pananampalataya, masasamang espiritu, kasuklam-suklam na mga demonyo, o espiya mula sa malaking pulang dragon, at kung ang ginawa nila ay isang pangkalahatang pagpapakita ng katiwalian, o isang masamang gawa na sadyang naglalayong manggulo at manggambala. Ang lahat ng ito ay dapat na matukoy sa pamamagitan ng paghahambing dito sa mga salita ng Diyos. Ang pagsukat sa mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos ang pinakatumpak at walang-pagkiling na paraan. Dapat na matukoy ang pagkakaiba ng mga tao at maharap ang mga bagay alinsunod sa mga salita ng Diyos. Dapat mong pag-isipan: “Labis na nasaktan ng pangyayaring ito ang aking damdamin at nag-iwan ng pagiging negatibo sa akin. Ngunit ano ang nagawa ng pangyayaring ito upang mapalakas ako para sa pagpasok sa buhay? Ano ang kalooban ng Diyos?” Dinadala ka nito sa pinakapunto ng usapin, na dapat mong malaman at maunawaan—ito ang pagsunod sa tamang landas. Kailangan mong hanapin ang kalooban ng Diyos, sa pamamagitan ng pag-iisip na: “Napinsala ng pangyayaring ito ang aking puso at kaluluwa. Nagdadalamhati at nasasaktan ako, ngunit hindi ako maaaring maging negatibo at mapanghamak. Ang pinakamahalagang bagay ay makilatis, matukoy ang pagkakaiba, at mapagpasyahan kung talagang kapaki-pakinabang sa akin ang pangyayaring ito o hindi, alinsunod sa mga salita ng Diyos. Kung nagmumula ito sa pagdidisiplina ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagpasok ko sa buhay at sa pagkaunawa ko sa aking sarili, dapat ko itong tanggapin at magpasakop dito; kung tukso ito mula kay Satanas, dapat akong magdasal sa Diyos at tratuhin ito nang may katalinuhan.” Positibong pagpasok ba ang paghahanap at pag-iisip nang ganito? Ito ba ay pagtingin sa mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos? (Oo.) Kasunod niyon, anumang bagay ang iyong hinaharap, o anumang dumarating na problema sa iyong pakikisalamuha sa mga tao, dapat kang maghanap ng mga nauugnay na salita ng Diyos upang malutas ang mga iyon. Ano ang layunin ng lahat ng sunud-sunod na kilos na ito? Ang layunin nito ay tingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos, upang lubos na maging iba ang iyong perspektibo at pananaw tungkol sa mga tao at bagay. Ang layunin nito ay hindi para magkaroon ng magandang reputasyon at makaiwas sa pagkapahiya upang maging mataas ang pagtingin sa iyo, o makapagdulot ng pagkakasundo sa bansa at sa lipunan at sa gayon ay mabigyang-lugod ang uring namumuno, kundi mabuhay ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, upang mabigyang-lugod ang Diyos at maluwalhati ang Lumikha. Magiging ganap ka lamang na nakaayon sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa nang ganito. Samakatuwid, hindi mo kailangang sundin ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura. Hindi mo kailangang pag-isipan, “Kapag nangyari sa akin ang gayong bagay, hindi ba dapat ay isagawa ko ang kasabihang, ‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari’? Kung hindi ko magagawa iyon, ano ang magiging tingin sa akin ng opinyon ng madla?” Hindi mo kailangang gamitin ang mga moral na saligang ito upang pigilan at kontrolin ang sarili mo. Sa halip, dapat mong gamitin ang perspektibo ng isang taong naghahangad sa katotohanan, at tratuhin ang mga tao at bagay alinsunod sa paraang sinasabi sa iyo ng Diyos para sa paghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t isa itong bagong-bagong paraan ng pag-iral? Hindi ba’t isa itong bagong-bagong pananaw at hangarin sa buhay? (Oo.) Kapag ginamit mo ang paraang ito ng pagtingin sa mga tao at bagay, hindi mo na kailangang sadyang sabihin sa iyong sariling, “Kailangan kong gawin ito-o-iyon kung nais kong maging mabuting-loob at magtamo ng pantay na katayuan sa mga tao,” hindi mo na kailangang maging masyadong malupit sa iyong sarili, hindi mo na kailangang mabuhay nang taliwas sa sarili mong kalooban, at hindi na kailangang maging masyadong baluktot ang iyong pagkatao. Sa halip, likas at maluwag-sa-loob mong tatanggapin ang mga kapaligiran, tao, usapin at bagay na ito na nagmumula sa Diyos. Hindi lamang iyon, kundi makapag-aani ka rin ng mga hindi inaasahang pakinabang mula sa mga iyon. Sa pagharap sa gayong mga bagay na nakapupukaw sa iyong poot, matututuhan mo nang kumilatis kung ano talaga ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, at kumilatis at humarap sa gayong mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Matapos sumailalim sa panahon ng karanasan, mga kinahaharap, at paghihirap, matatagpuan mo na ang mga prinsipyo ng katotohanan para sa pagharap sa gayong mga bagay, at matututuhan kung anong uri ng mga prinsipyo ng katotohanan ang dapat gamitin kapag humaharap sa gayong mga tao, usapin at bagay-bagay. Hindi ba’t pagsunod ito sa tamang landas? Sa ganitong paraan, uunlad na ang iyong pagkatao dahil sinusunod mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, ibig sabihin, hindi ka na lamang nabubuhay ayon sa iyong konsiyensiya at katwiran bilang tao, at kapag may mga nangyayari, hindi mo lamang tinitingnan ang mga iyon gamit ang pag-iisip at mga pananaw na batay sa konsiyensiya at katwiran, kundi sa halip, dahil nakabasa ka na ng marami sa mga salita ng Diyos at talagang nakaranas ng gawain ng Diyos, nakaunawa ka na ng ilang katotohanan, at nakapagtamo ng kaunting tunay na pagkaunawa sa Diyos—ang Lumikha. Tiyak na isa itong masaganang pag-aani, kung saan makapagtatamo ka na ng kapwa katotohanan at buhay. Batay sa iyong konsiyensiya at katwiran, matututuhan mo nang gamitin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan upang harapin at lutasin ang lahat ng problemang iyong kahaharapin, at unti-unting makapamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Ano ba ang mga katangian ng gayong mga tao? Nakaayon ba sila sa kalooban ng Diyos? Ang gayong mga tao ay palapit nang palapit sa pagiging mga naaangkop na nilikhang hinihingi ng Diyos, at sa paggawa niyon ay unti-unti nilang natatamo ang mga inaasahang resulta ng gawain ng Diyos ng pagliligtas. Kapag kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan at mabuhay ayon sa mga salita ng Diyos, napakadaling mabuhay nang ganito, nang walang ni katiting na pagdadalamhati. Ngunit para naman sa mga taong nakatanggap ng tradisyonal na kultural na pagtuturo, ang lahat ng ginagawa nila ay masyadong taliwas sa kanilang kalooban, masyadong mapagpaimbabaw, at ang mga bagay na inihahayag ng kanilang pagkatao ay masyadong baluktot at hindi normal. Bakit ganito? Dahil hindi nila sinasabi ang kanilang iniisip. Binibigkas ng kanilang mga labi ang, “Maging mabait hangga’t maaari,” ngunit ang sinasabi ng kanilang mga puso, “Hindi pa ako tapos sa iyo. Hindi pa huli ang lahat para maghiganti ang isang maginoo”—hindi ba’t taliwas ito sa sarili nilang kalooban? (Oo.) Ano ba ang ibig sabihin ng “baluktot”? Ibig sabihin nito, sa panlabas ay wala silang sinasabi kundi kabutihang-loob at moralidad, ngunit kapag nakatalikod ang mga tao ay gumagawa sila ng lahat ng uri ng masamang bagay, tulad ng pakikiapid at pagnanakaw. Ang lahat ng panlabas na pagsasalita tungkol sa kabutihang-loob at moralidad ay isa lamang balatkayo at puno ang kanilang puso ng lahat ng uri ng kasamaan, lahat ng uri ng kamuhi-muhing ideya at perspektibo; walang-katulad ang sama nito, lubhang kasuklam-suklam, magaspang, at kahiya-hiya ito. Ito ang ibig sabihin ng baluktot. Sa makabagong wika, ang kabaluktutan ay tinatawag na kahalayan. Silang lahat ay masyadong mahalay, ngunit nagkukunwari pa ring lubos na disente, sopistikado, maginoo, at marangal sa harap ng iba. Talagang wala silang kahihiyan, napakasama nila! Ang landas na ipinaalam ng Diyos sa mga tao ay hindi upang hikayatin kang mabuhay nang ganito, kundi upang bigyang-daan kang sumunod sa tamang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na ipinaalam ng Diyos sa mga tao sa anumang iyong ginagawa, sa harapan man ng Diyos o ng ibang tao. Kahit pa makaharap ka ng mga bagay na nakapipinsala sa iyong mga interes o na hindi sang-ayon sa iyong kagustuhan, o na nagkakaroon pa nga ng panghabambuhay na epekto sa iyo, kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo sa pagharap sa mga bagay na ito. Halimbawa, kailangan mong tratuhin ang tunay na mga kapatid nang may pagmamahal, at matutuhang maging mapagparaya, matulungin, at madamayin sa kanila. Kaya, ano ang dapat mong gawin sa mga kaaway ng Diyos, anticristo, masamang tao at walang pananampalataya, o mga ahente at espiyang palihim na pumapasok sa iglesia? Dapat mo silang tanggihan minsan at magpakailanman. Isa itong proseso ng pagtukoy at paglalantad, pagkapoot, at sa wakas ay pagtanggi. Ang sambahayan ng Diyos ay mayroong mga atas administratibo at patakaran. Pagdating sa mga anticristo, masamang tao, walang pananampalataya at mga kauri ng mga diyablo, ni Satanas, at ng masasamang espiritu, hindi sila handang magserbisyo, kaya ibukod ninyo sila sa sambahayan ng Diyos magpakailanman. Kung gayon ay paano sila dapat tratuhin ng mga hinirang ng Diyos? (Tanggihan sila.) Tama iyon, dapat ninyo silang tanggihan, tanggihan sila magpakailanman. Sinasabi ng ilang tao: “Ang pagtanggi ay salita lamang. Ipagpalagay nating teoretikal mo silang tinatanggihan, kung gayon ay paano mo iyon aktuwal na isasagawa sa tunay na buhay?” Ayos lang bang maging lubhang laban sa kanila? Hindi mo kailangang walang-saysay na pagurin nang ganoon ang iyong sarili. Hindi mo kailangang maging lubhang laban sa kanila, hindi mo kailangang makipaglaban sa kanila hanggang sa may mamatay sa inyo, at hindi mo sila kailangang sumpain kapag nakatalikod sila. Hindi mo kailangang gawin ang alinman sa mga bagay na ito. Humiwalay ka lang sa kanila mula sa kaibuturan ng iyong puso, at huwag kang makipag-ugnayan sa kanila sa mga normal na sitwasyon. Sa mga espesyal na sitwasyon at kapag wala kang ibang magagawa, maaari kang makipag-usap nang normal sa kanila, ngunit gayunman ay iwasan mo sila sa sandaling magkaroon ka ng pagkakataon, at huwag kang makibahagi sa alinman sa kanilang mga gawain. Ibig sabihin nito ay pagtanggi sa kanila mula sa kaibuturan ng iyong puso, hindi pagtrato sa kanila bilang mga kapatid o mga miyembro ng pamilya ng Diyos, at hindi pagtrato sa kanila bilang mga mananampalataya. Para doon sa mga napopoot sa Diyos at sa katotohanan, na sadyang nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng Diyos, o sumusubok na sirain ang gawain ng Diyos, kailangan ay bukod sa pagdarasal sa Diyos upang isumpa sila, igapos at pigilan mo rin sila magpakailanman, at tanggihan sila minsan at magpakailanman. Alinsunod ba sa kalooban ng Diyos ang paggawa nito? Ganap itong alinsunod sa kalooban ng Diyos. Sa pagwawasto sa mga taong ito, kinakailangang manindigan at magkaroon ng mga prinsipyo. Ano ba ang ibig sabihin ng paninindigan at pagkakaroon ng mga prinsipyo? Ang ibig sabihin nito ay makita nang malinaw ang kanilang diwa, kailanman ay hindi sila ituring na mga mananampalataya, at talagang hindi sila ituring bilang mga kapatid. Sila ay mga diyablo, sila ay si Satanas. Hindi ito usapin ng papapatawad o hindi pagpapatawad sa kanila, kundi ng paghihiwalay sa iyong sarili at pagtanggi sa kanila minsan at magpakailanman. Ito ay lubos na katanggap-tanggap at alinsunod sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t napakalupit naman para sa mga taong sumasampalataya sa Diyos na gawin ang ganitong mga bagay?” (Hindi.) Ito ang ibig sabihin ng paninindigan at pagkakaroon ng mga prinsipyo. Ginagawa natin ang anumang ipinagagawa sa atin ng Diyos. Mabait tayo sa sinumang sinasabi sa atin ng Diyos na maging mabait tayo, at kinasusuklaman natin ang anumang sinasabi sa atin ng Diyos na kasuklaman. Noong Kapanahunan ng Kautusan, ang mga lumalabag sa batas at kautusan ay binabato ng mga hinirang ng Diyos hanggang sa mamatay, ngunit ngayon, sa Kapanahunan ng Kaharian, ang Diyos ay mayroong mga atas administratibo, at pinaaalis at itinitiwalag lamang Niya ang mga taong kauri ng mga diyablo at ni Satanas. Kailangang isagawa at sundin ng mga hinirang ng Diyos ang mga salita ng Diyos at ang mga atas administratibong Kanyang ipinalalabas, nang hindi nilalabag ang mga iyon, nang hindi nakokontrol o naiimpluwensyahan ng mga kuru-kuro ng tao, at nang hindi natatakot na mahusgahan at makondena ng mga relihiyosong tao. Ang pagkilos alinsunod sa mga salita ng Diyos ay isang bagay na inorden ng Langit at kinilala ng lupa. Sa lahat ng pagkakataon, ang paniwalaan mo lamang ay na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at na ang mga salita ng tao ay hindi ang katotohanan, gaano man kasarap pakinggan ang mga iyon. Kailangang taglayin ng mga tao ang pananampalatayang ito. Dapat ay taglayin ng mga tao ang pananampalatayang ito sa Diyos, at dapat din nilang taglayin ang saloobing ito ng pagsunod. Isa itong usapin ng saloobin.

Humigit-kumulang na sapat na ang nasabi natin ukol sa kasabihan tungkol sa wastong asal na “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” at tungkol sa mga prinsipyo sa mga kilos ng Diyos. Pagdating sa mga bagay na tulad ng mga nakapipinsala sa mga tao, nauunawaan na ba ninyo ngayon ang prinsipyo sa pagharap sa mga iyon, na itinuturo ng Diyos sa mga tao? (Oo.) Iyon ay na hindi pinahihintulutan ng Diyos ang mga tao na maging padalos-dalos sa pagharap sa mga nangyayari sa kanila, lalong hindi na gumamit ng mga moral na tuntunin ng tao upang harapin ang anumang bagay. Ano ang prinsipyong sinasabi ng Diyos sa mga tao? Ano ang prinsipyong dapat sundin ng mga tao? (Tingnan ang mga tao at bagay at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos.) Tama iyon, tingnan ang mga tao at bagay at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Anuman ang mangyari, kailangan itong harapin alinsunod sa mga salita ng Diyos, dahil sa lahat ng usapin at sa lahat ng bagay ay mayroong pinakaugat na sanhi sa likod ng lahat ng nangyayari at sa sinumang tao o anumang bagay na dumarating, na pawang isinasaayos ng Diyos at mayroon Siyang kataas-taasang kapangyarihan dito. Ang lahat ng bagay na nangyayari ay maaaring magkaroon ng positibo o negatibong panghuling resulta, at ang pagkakaiba ng mga iyon ay nakasalalay sa mga paghahangad ng mga tao at sa landas na kanilang tinatahak. Kung pipiliin mong tratuhin ang mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos, magiging positibo ang panghuling resulta; kung pipilin mong tratuhin ang mga iyon ayon sa mga paraan ng laman at pagiging padalos-dalos, at lahat ng iba’t ibang kasabihan, ideya at pananaw na nagmumula sa mga tao, ang panghuling resulta ay tiyak na magiging resulta ng pagiging padalos-dalos at negatibo. Ang mga bagay na iyon na mula sa pagiging padalos-dalos at negatibo, kung kaakibat ng mga iyon ang pamiminsala sa dignidad, katawan, kaluluwa, mga interes ng mga tao, at iba pa, ay mag-iiwan sa huli ng pawang pagkapoot at pagiging negatibo sa mga tao na kailanman ay hindi nila maaalis. Tanging sa pagsunod sa mga salita ng Diyos magiging posibleng makita ang mga sanhi ng iba’t ibang tao, usapin at bagay na nakasasagupa ng isang tao, at tanging sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ng Diyos nagiging posibleng makita nang malinaw ang diwa ng gayong mga tao, usapin at bagay. Siyempre, tanging sa pagsunod sa mga salita ng Diyos mahaharap nang tama at malulutas ng mga tao ang mga problemang may kinalaman sa lahat ng iba’t ibang tao, usapin at bagay na kanilang nakahaharap sa realidad. Sa huli, mabibigyang-daan nito ang mga taong makinabang sa lahat ng kapaligirang nililikha ng Diyos, unti-unting uunlad ang kanilang mga buhay, mababago ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at kasabay niyon, matatagpuan nila roon ang tamang direksyon sa buhay, ang tamang pananaw sa buhay, ang tamang paraan ng pag-iral, at ang tamang layunin at landas na dapat hangarin. Halos natapos na natin ang ating pagbabahaginan ukol sa kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Ang kasabihang ito ay medyo mababaw, ngunit kapag sinuri alinsunod sa katotohanan, hindi na ganoon kasimple ang diwa nito. Tungkol naman sa kung ano ang dapat gawin ng mga tao ukol dito at kung paano dapat harapin ang gayong mga sitwasyon, lalong hindi ito simple. Nauugnay ito sa kung kaya ng mga taong hanapin at hangarin ang katotohanan, at siyempre, lalo rin itong nauugnay sa pagbabago ng disposisyon ng mga tao at sa kaligtasan ng mga tao. Samakatuwid, simple man o komplikado ang mga problemang ito, mababaw man o malalim, dapat tratuhin ang mga ito nang tama at seryoso. Walang anumang bagay na may kaugnayan sa mga pagbabago sa disposisyon ng mga tao o na may kinalaman sa kaligtasan ng mga tao ang maliit na bagay, ang lahat ay makabuluhan at mahalaga. Sana mula ngayon, sa inyong pang-araw-araw na buhay, ungkatin na ninyo ang lahat ng iba’t ibang kasabihan at pananaw tungkol sa moralidad sa tradisyonal na kultura mula sa sarili ninyong kaisipan at kamalayan, at suriin at kilatisin ninyo kung ano talaga ang mga iyon alinsunod sa mga salita ng Diyos, upang unti-unti ninyong maunawaan at malutas ang mga iyon, magkaroon kayo ng bagong-bagong direksyon at mithiin sa buhay, at ganap na mabago ang iyong paraan ng pag-iral. Sige, tapusin na natin dito ang pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!

Abril 23, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.