Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 2 (Ikatlong Bahagi)

Ang paghahangad sa katotohanan ay direktang nauugnay sa pagtatamo ng kaligtasan, kaya ang paksa ng paghahangad sa katotohanan ay hindi maliit na bagay. Bagamat maaaring karaniwang paksa ito, napakarami nitong tinatalakay na katotohanan. Sa katunayan, ang paksang ito ay malapit na nakatali sa mga inaasam at kapalaran ng tao, at kahit na madalas tayong nagbabahaginan tungkol dito, hindi pa rin masyadong malinaw sa mga tao ang iba’t ibang katotohanan at problemang kailangan nilang maunawaan tungkol sa paghahangad sa katotohanan. Sa halip, sa magulong paraan, tinatanggap lang nila ang iba’t ibang ugali at diskarte na itinuturing ng mga tao bilang mabuti, gayundin ang ilang saloobin at pananaw na itinuturing ng mga tao bilang medyo aktibo, optimista, at positibo, at hinahangad nila ang mga ito bilang katotohanan. Malaking pagkakamali ito. Maraming bagay na itinuturing ng mga tao na mabuti, tama, at wasto na, sa tumpak na pananalita, ay hindi ang katotohanan. Maaaring ang ilan sa mga ito ay umaayon sa katotohanan, ngunit hindi masasabing ang mga ito ang katotohanan. Karamihan sa mga tao ay may malalalim na maling pagkaunawa tungkol sa paghahangad sa katotohanan, at nagkikimkim sila ng marami-raming hindi tamang pagkaunawa at pagkiling laban dito. Kaya naman kinakailangan nating pagbahaginan ito nang malinaw, at ipaunawa sa mga tao ang mga katotohanan sa loob nito na dapat nilang maunawaan at ang mga problema na dapat nilang lutasin. Mayroon ba kayong anumang saloobin tungkol sa partikular na paksa na nauugnay sa paghahangad sa katotohanan na katatapos lang nating pagbahaginan? Mayroon ba kayong anumang plano o layunin? Ngayong nabigyan na natin ng mas partikular na depinisyon ang paghahangad sa katotohanan sa pamamagitan ng ating pagbabahaginan, maraming tao ang medyo naguguluhan tungkol sa mga bagay na dati nilang ginagawa at inilalabas, pati na rin sa kung ano ang balak nilang gawin sa hinaharap. Nababalisa sila, at nararamdaman pa nga ng ilan na wala silang pag-asa, at na nanganganib silang mapalayas. Kung malinaw na napagbahaginan ang katotohanan, subalit wala pa ring sigla ang mga tao, tama ba ang kanilang kalagayan? Normal ba ito? (Hindi, hindi ito normal.) Kung hinangad mo ang katotohanan noon at nakatanggap ka ng kumpirmasyon niyon sa pakikinig sa pagbabahagi na ito, hindi ba’t mas sisigla ang pakiramdam mo? (Oo.) Kaya bakit mawawalan ng sigla ang mga tao? Ano ang ugat ng kawalan ng sigla na iyon? Kapag mas klaro at malinaw na ibinabahagi ang katotohanan, mas magandang landas ang dapat na taglay ng mga tao—kaya kung ang mga tao ay nagtataglay ng mas magandang landas, bakit mas mawawalan sila ng sigla? Hindi ba’t may problema rito? (Mayroon nga.) Anong problema? (Kung alam ng isang tao na mainam na hangarin ang katotohanan pero ayaw niyang hangarin ito, ito ay dahil hindi niya mahal ang katotohanan.) Hindi mahal ng mga tao ang katotohanan o hindi nila balak na hangarin ito—iyon ang dahilan kaya wala silang sigla. At paano naman ang mga aksiyon nila dati? (Kinondena ang mga ito.) Medyo hindi tamang salita ang “kinondena”—sa tumpak na pananalita, hindi kinilala ang mga aksiyon nila dati. Anong uri ng kinahinatnan iyon, ang hindi kinilala ang mga aksiyon ng isang tao? Ano ang nangyayari, kapag hindi kinikilala ang mga aksiyon ng isang tao? Ano ang ibig sabihin niyon? Simple lang—kung hindi kinikilala ang mga aksiyon ng isang tao, ipinapakita nito na hindi niya hinahangad ang katotohanan, at sa halip ay hinahangad niya ang mga bagay na itinuturing ng tao na tama at mabuti, at na namumuhay pa rin siya ayon sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi ba’t ito ang nangyayari? (Ito nga.) Iyon ang nangyayari. Kapag hindi kinikilala ng Diyos ang mga aksiyon ng mga tao, sumasama ang loob nila. Sa gayong mga pagkakataon, wala ba silang positibo at wastong landas ng pagsasagawa? Tama bang ang isang tao ay maging negatibo, talikuran ang kanyang tungkulin, at sukuan ang sarili bilang walang pag-asa dahil lang hindi kinilala ang kanyang mga aksiyon? Iyon ba ang tamang landas ng pagsasagawa? (Hindi.) Hindi ito ang tamang landas ng pagsasagawa. Kapag may ganitong sumapit sa isang tao, at natuklasan niya ang sarili niyang mga problema, dapat ay kaagad niyang saliwain ang mga ito. Kung matuklasan mo, sa pamamagitan ng ating pagbabahaginan tungkol sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, na ang mga dati mong aksiyon at asal ay walang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan, masama man sa loob mo o hindi, ang unang bagay na dapat mong gawin ay baguhin ang iyong mga maling nakagawian at pamamaraan ng pagsasagawa, gayundin ang maling landas ng iyong paghahangad. Dapat mong baguhin kaagad ang mga bagay na iyon. Kapag binabalewala at hindi kinikilala ng Diyos ang kanilang mga dating aksiyon, kapag sinasabi ng Diyos na pagtatrabaho lang ang mga aksiyon na ito, at na walang kinalaman ang mga ito sa paghahangad sa katotohanan, iisipin ng ilang tao, “Ah, talagang hangal at bulag tayong mga tao. Hindi natin nauunawaan ang katotohanan at hindi nakikita ang mga bagay sa kung ano talaga ang mga ito—at sa buong panahong ito, naniwala tayong isinasagawa natin ang katotohanan, at hinahangad ang katotohanan, at pinapalugod ang Diyos. Ngayon lang natin nalalaman na ang mga bagay na ginawa natin sa ating tinatawag na ‘paghahangad sa katotohanan’ ay magagandang pag-uugali ng tao lamang—mga bagay lang ito na ginagawa ng mga tao batay sa iba’t ibang likas na abilidad, kakayahan, at talento ng kanilang katawan. Ibang-iba ang mga ito sa diwa, depinisyon, at mga kinakailangan ng paghahangad sa katotohanan; sadyang walang kinalaman dito ang mga ito. Ano ang dapat nating gawin tungkol dito?” Isa itong malaking problema, at dapat itong malutas. Ano ang paraan para malutas ito? Nasabi na ang tanong: Yamang pare-parehong nabalewala ang mga asal at pamamaraan na dating itinuturing ng mga tao na mabuti, at hindi naaalala ng Diyos ang mga ito, ni hindi Niya tinukoy ang mga ito bilang paghahangad sa katotohanan—ano kung gayon ang paghahangad sa katotohanan? Upang masagot ito, ang isang tao ay dapat na maingat na basahin nang padasal ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan, at dapat siyang maghanap ng landas ng pagsasagawa mula sa depinisyon na iyon, at gawin niya itong realidad ng kanyang buhay. Hindi isinagawa ng mga tao ang paghahangad sa katotohanan noon, kaya mula ngayon ay dapat nilang tratuhin ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan bilang kanilang batayan, at bilang pundasyon ng kanilang asal. Ano nga ulit ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan? Ito: Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Wala nang mas lilinaw o mas kaklaro pa rito. Ano ang mga dating naging aksiyon at kilos ng lahat ng tao? Alinsunod ba ang mga iyon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan? Magbalik-tanaw—alinsunod ba ang mga iyon? (Hindi.) Masasabi na ang gayong mga aksiyon at kilos ay bihirang-bihirang matagpuan, halos hindi nga matatagpuan ang mga iyon. Kung gayon, talaga bang wala man lang natamo ang tao sa napakaraming taong pananalig sa Diyos, at pagbabasa at pagbabahaginan ng Kanyang mga salita? Hindi ba nagsagawa ng kahit isang bagay ang mga tao nang ayon sa mga salita ng Diyos? Ano ang tinututukan ng depinisyong, “Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan,” na pinag-uusapan natin dito? Anong problema ang layon nitong lutasin? Alin sa mga problema ng tao at aling mga aspeto ng diwa ng disposisyon ng tao ang tinututukan nito? Maaaring nauunawaan na ngayon ng mga tao ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan, ngunit pagdating sa kung bakit hindi kinilala ang kanilang mga dating aksiyon, at kung bakit sila tinukoy na hindi naghahangad sa katotohanan, nananatiling malabo, hindi maunawaan, at lingid sa kanila ang mga bagay na ito. Sasabihin ng ilan, “Napakarami na naming isinuko mula nang tanggapin namin ang pangalan ng Diyos: Isinuko namin ang aming pamilya at trabaho, at tinalikuran namin ang aming mga inaasam. Ang ilan sa amin ay nagbitiw mula sa magagandang trabaho; ang ilan sa amin ay tinalikuran ang masasayang pamilya; ang ilan sa amin ay may magagandang karera na mataas ang sweldo at may walang katapusang posibilidad, at binitiwan namin ang lahat ng iyon. Ito ang mga bagay na tinalikuran namin. Mula nang manalig kami sa Diyos, natutunan naming maging mapagpakumbaba, mapagpasensya, at mapagpaubaya. Hindi kami nakikipagtalo sa iba kapag nakikipag-ugnayan kami sa kanila, ginagawa namin ang makakaya namin para asikasuhin ang anumang bagay na nangyayari sa iglesia, at ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin para tulungan nang may pagmamahal ang aming mga kapatid sa tuwing may mga suliranin sila. Iniiwasan naming magdulot ng pinsala sa iba at iniiwasan naming masira ang mga interes ng ibang tao hangga’t maaari. Talaga bang ang mga pamamaraan na ito ay walang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan?” Pag-isipang mabuti ngayon: Sa ano nauugnay ang mga pagtalikod, paggugol, pagpapagod, pagpapaubaya, pagpapasensya, at maging pagdurusa ng tao? Paano natatamo ang mga bagay na ito? Ano ang batayan ng mga ito? Anong nagtutulak na puwersa ang naghihimok sa mga tao na gawin ang mga bagay na ito? Pagnilayan ito. Hindi ba’t karapat-dapat na malalim na pag-isipan ang mga bagay na ito? (Karapat-dapat nga.) Dahil karapat-dapat na malalim na pag-isipan ang mga ito, siyasatin at suriin natin ang mga ito ngayon; tingnan natin kung may kinalaman ba o wala sa paghahangad sa katotohanan ang mga bagay na ito na noon pa man ay pinaniniwalaan na ng tao na mabuti, tama, at marangal.

Magsisimula tayo sa pagtingin sa mga pagtalikod, pagpapagod, at halagang ibinabayad ng tao. Anuman ang konteksto o sitwasyon ng mga pagtalikod, pagpapagod, at halaga, saan nanggagaling ang pangunahing nagtutulak na puwersa para sa mga bagay na ito? Sa Aking pagbubuod, may dalawang pinanggagalingan. Ang una ay kapag iniisip ng mga tao, sa kanilang mga ideya at kuru-kuro na, “Kung nananalig ka sa Diyos, dapat mong talikuran, at gugulin ang iyong sarili, at magbayad ka ng halaga para sa Kanya. Gusto ng Diyos kapag ginagawa iyon ng mga tao. Hindi Niya gusto kapag nagpapakasasa ang mga tao sa ginhawa at naghahangad sila ng mga makamundong bagay, o kapag nananatili silang walang pakialam at nagpapatuloy sa pamumuhay ng sarili nilang buhay pagkatapos nilang sabihing tinanggap nila ang Kanyang pangalan, at naging mga tagasunod Niya. Hindi gusto ng Diyos kapag ginagawa iyon ng mga tao.” Pagdating sa pansariling kagustuhan ng mga tao, ang isiping ito ay isang katiyakan. Anuman ang dahilan ng isang tao sa pagtanggap sa Diyos at sa Kanyang bagong gawain, sumasang-ayon ang kanyang pansariling kagustuhan na kumilos sa ganitong paraan, na naniniwala siyang gusto lang ng Diyos kapag kumikilos nang ganoon ang mga tao, at na matatanggap lang nila ang kagalakan at kasiyahan ng Diyos sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan. Iniisip niya na basta’t ang mga tao ay masigasig na nagpupunyagi at nagsisikap, at nagpapakapagod nang hindi humihingi ng anumang kapalit, at na basta’t ang mga tao ay binabalewala ang sarili nilang kasiyahan o kasawian para makapagbayad ng halaga, at patuloy na nagsisikap, at nagbabayad ng halaga, at ginugugol at inihahandog ang sarili sa Diyos, tiyak na magiging masaya ang Diyos. At kaya, sa sandaling paniwalaan ito ng isang tao, yumuyuko siya nang walang pagdadalawang-isip, at hindi alintana ang lahat ng iba pa, tinatalikuran niya ang lahat ng maaari niyang talikuran, at inihahandog ang lahat ng maaari niyang ihandog, at tinitiis niya ang anumang pagdurusa na kaya niyang tiisin. Isinasakatuparan ng mga tao ang mga pamamaraan na ito, ngunit mayroon ba sa kanilang nagtaas ng ulo upang tanungin ang Diyos, “Diyos ko, ang mga bagay ba na ginagawa ko ang kailangan Mo? Diyos ko, kinikilala Mo ba ang aking mga paggugol, pagpapagod, pagdurusa, at halagang ibinayad ko?” Hindi ito kailanman itinatanong ng mga tao sa Diyos, at nang hindi nalalaman kung ano ang reaksyon ng Diyos o ang Kanyang saloobin, nagpapatuloy silang mapang-asam na pinapagod, inihahandog, at ginugugol ang kanilang sarili, naniniwala silang magiging masaya at malulugod lang ang Diyos kung magdurusa sila sa ganitong paraan. Ang ilang tao ay umaabot pa nga sa puntong hindi na sila kumakain ng dumplings, sa takot na hindi matutuwa ang Diyos kung kakain sila niyon. Sa halip, kumakain sila ng steamed cornbread, sa paniniwalang ang pagkain ng dumplings ay pagpapakasasa sa ginhawa. Napapanatag lang sila kapag kumakain sila ng steamed cornbread, mga lumang flatbread, at mga binurong gulay, at kapag napapanatag sila, iniisip nila na tiyak na nalulugod ang Diyos. Napagkakamalan nila ang kanilang mga sariling nararamdaman, ang kanilang sariling galak, pighati, galit, at saya bilang mga nararamdaman ng Diyos, bilang Kanyang galak, pighati, galit, at saya. Hindi ba’t katawa-tawa iyon? Maraming tao ang itinuturing ang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao na tama bilang ang katotohanan, at ipinipilit nila ang mga ito sa Diyos, inilalarawan ang mga ito bilang mga hinihingi ng Diyos sa tao, dahil ang lahat ng iyon ang pinaniniwalaan ng mga tao. At hangga’t pinanghahawakan ng mga tao ang gayong paniniwala, malamang na malamang at natural na tutukuyin nila nang hindi namamalayan ang mga pahayag at kilos at pamamaraan na iyon bilang ang katotohanan. At dahil tinukoy ng mga tao na ang mga bagay na iyon ang katotohanan, iisipin nila na ang mga ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na kailangang sundin ng tao, at na kung ang isang tao ay nagsasagawa at sumusunod sa mga ito sa ganitong paraan, isinasagawa niya ang mga salita ng Diyos, hinahangad ang katotohanan, at siyempre pa, ginagawa ang kalooban ng Diyos. At dahil ang mga tao ay “ginagawa ang kalooban ng Diyos,” hindi ba sulit ang kanilang mga paghihirap? Hindi ba nila ibinabayad ang halagang ito nang tama? Hindi ba ito isang bagay na ikinalulugod at naaalala ng Diyos? Iisipin ng mga tao na tiyak na ikinalulugod at naaalala ito ng Diyos. Ito ang agwat at pagkakaiba sa pagitan ng kung ano ang pinaniniwalaan ng tao na ‘katotohanan’ at ng mga salita ng Diyos. Pare-parehong kinaklasipika ng mga tao bilang katotohanan ang lahat ng bagay na sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon ay umaayon sa moral na katangian ng tao at na mabuti, marangal, at tama. At pagkatapos ay kumikilos sila at nagsisikap na magsagawa sa direksyong iyon, habang lubos ang hinihingi sa sarili. Naniniwala sila na hinahangad nga nila ang katotohanan, na talagang mga tao silang naghahangad sa katotohanan, at na siyempre pa, sila rin ay talagang mga taong maliligtas. Ang totoo, walang kinalaman ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa mga bagay na iyon na sa mga kuru-kuro ng mga tao ay pinaniniwalaan nilang mabuti, tama, at positibo. Subalit kahit habang binabasa at hinahawakan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, itinuturing pa rin nilang katotohanan, at mga positibong bagay ang lahat ng sa kanilang mga kuru-kuro ay mabuti, tama, maganda, mabait, positibo, at itinataguyod ng tao, at walang kapaguran nilang hinahangad ang mga ito, hindi lamang hinihingi sa kanilang sarili na hangarin at tamuhin ang mga ito, kundi hinihingi rin sa iba na hangarin at tamuhin ang mga ito. Walang kapagurang napagkakamalan ng mga tao na katotohanan ang mga bagay na itinuturing ng tao na mabuti, at pagkatapos ay naghahangad sila ayon sa mga pamantayan at utos na hinihingi ng mga bagay na iyon, at kaya naniniwala sila na naghahangad na sila ng katotohanan at ipinapamuhay na ang realidad ng katotohanan. Isa itong aspeto ng mga maling pagkaunawa na taglay ng mga tao tungkol sa paghahangad sa katotohanan. Ang maling pagkaunawang ito ay pagturing ng mga tao sa mga pinaniniwalaan nila—sa kanilang mga kuru-kuro—na mabuti, tama, at positibo bilang kanilang mga pamantayan, na pinapalitan ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, at ang mga hinihingi at pamantayan ng Kanyang mga salita. Napagkakamalan ng mga tao na katotohanan ang mga bagay na ito na pinaniniwalaan nilang tama at mabuti sa kanilang mga kuru-kuro, at hindi lang iyon—sinusunod din nila ang mga bagay na ito at hinahangad ang mga ito. Hindi ba’t problema ito? (Problema nga.) Problema ito sa mga isipin at pananaw ng tao. Ano ang motibasyon ng mga tao, kapag ginagawa nila ang mga bagay na ito? Ano ang pinag-ugatan kaya humahantong sila sa pagkakaroon ng mga ideya at maling pagkaunawang ito? Ang pinag-ugatan ay na naniniwala ang mga tao na gusto ng Diyos ang mga bagay na ito, kaya ipinipilit nila ang mga ito sa Kanya. Halimbawa, sinasabi ng tradisyunal na kultura sa mga tao na maging masipag at matipid; mga merito ng tao ang kasipagan at katipiran. Isa pang gayong merito ang “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna,” gayundin ang, “Gawin kung ano ang utos ng iyong panginoon, kung hindi ay wala kang makakamit na kahit ano mula sa kahit na pinakamasigasig na pagsisikap,” at iba pang gayong ideya. Sa bawat lahi at grupo, naniniwala ang mga tao na ang lahat ng itinuturing nilang mabuti, tama, positibo, aktibo, at optimista ay ang katotohanan, at tinatrato nila ang mga bagay na ito bilang ang katotohanan, na pinapalitan ang lahat ng katotohanan na ipinahayag ng Diyos. Napagkakamalan nilang katotohanan at mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos ang mga bagay na matatag na pinaniniwalaan ng tao at mga kay Satanas. Itinututok nila ang kanilang paghahangad sa mga mithiin, direksyon, at layon na iniisip at pinaniniwalaan nilang tama. Isa itong matinding pagkakamali. Ang mga bagay na ito na nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay talagang hindi naaayon sa mga salita ng Diyos, at lubos na salungat ang mga ito sa katotohanan.

Magbibigay Ako ng ilang halimbawa ng mga taong napagkakamalang katotohanan ang mga bagay na sa kanilang mga kuru-kuro ay pinaniniwalaan nilang mabuti at tama, upang hindi masyadong mahirap unawain ang ideyang ito, at magawa ninyong maintindihan ito. Halimbawa: Ang ilang kababaihan ay tumitigil sa paggamit ng makeup at pagsusuot ng alahas matapos manalig sa Diyos. Isinasantabi nila ang kanilang makeup at alahas, na iniisip na ang mga mananampalataya sa Diyos ay dapat na maayos ang asal, at na hindi sila maaaring mag-makeup o magbihis nang maayos. Ang ilang tao ay nagmamay-ari ng mga sasakyan pero hindi minamaneho ang mga ito, sa halip ay nagbibisikleta sila. Iniisip nila na ang pagmamaneho ay pagpapakasasa sa ginhawa. Ang ilang tao ay may kapasidad na kumain ng karne, ngunit hindi nila ginagawa, na iniisip na kung palagi silang kakain ng karne, at dumating ang sandaling hindi na sila makakakain nito dahil sa kung anong sitwasyon, magiging negatibo at mahina sila, at ipagkakanulo nila ang Diyos. Kaya natuto silang magdusa nang wala ito bago pa man iyon mangyari. Iniisip ng iba na, bilang mananampalataya sa Diyos, dapat magmukhang maayos ang asal nila, kaya sinusuri nila ang kanilang mga kapintasan at masasamang gawi, at nagsisikap silang baguhin ang tono ng kanilang pananalita, pinipigilan nila ang init ng kanilang ulo, at ginagawa nila ang makakaya nila upang gawing pino ang kanilang sarili, at hindi magaslaw. Iniisip nila na kapag ang isang tao ay nanalig na sa Diyos, dapat niyang limitahan at pigilan ang sarili, na dapat siyang maging mabuting tao sa paningin ng iba at maayos ang asal niya. Iniisip nila na sa paggawa niyon, nagbabayad sila ng halaga, pinapalugod nila ang Diyos, at nagsasagawa sila ng katotohanan. Ang ilang tao ay nagbibihis nang maayos at lumalabas para mamili paminsan-minsan, at nakokonsiyensiya sila kapag ginagawa nila ito. Iniisip nila na ngayong nananalig na sila sa Diyos, hindi na sila maaaring mag-makeup at magbihis nang maayos, at na hindi sila maaaring magsuot ng magagandang damit. Naniniwala sila na kung magme-makeup sila, magbibihis nang maayos, at magsusuot ng magagandang damit, kasusuklaman at hindi ito magugustuhan ng Diyos. Naniniwala sila na gusto ng Diyos ang primitibong sangkatauhan, na hindi gusto ng Diyos ang industriya, o modernong agham, o anumang uso. Iniisip nila na hinahangad lang nila ang katotohanan kung binibitiwan nila ang paghahangad sa mga bagay na ito. Hindi ba’t isa itong baluktot na pang-unawa? (Ganoon nga.) Binasa bang mabuti ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos? Itinuring ba nila bilang katotohanan ang Kanyang mga salita? (Hindi.) At dahil hindi nila itinuring bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos, hinahangad ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Iyon ang dahilan kung bakit ang mga pamamaraan at pagpapamalas na ito ay ang mga tao lang na napagkakamalang katotohanan ang mga bagay na pinaniniwalaan nila sa kanilang mga kuru-kuro na tama at mabuti, at ginagamit nila ang mga bagay na iyon upang palitan ang katotohanan. Mapag-asam nilang isinasagawa ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay iniisip nila na hinahangad nila ang katotohanan, at na sila ay mga taong nagtataglay ng realidad ng katotohanan. Halimbawa, may mga tao na hindi na nanood ng palabas sa telebisyon, o nanood ng balita, o kahit na lumabas para mamili mula nang manampalataya sila sa Diyos. Maraming gabi silang natulog sa tambak ng dayami at gumugol nang maraming araw sa tabi ng kulungan ng aso dahil nagpapalaganap sila ng ebanghelyo at gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Maraming beses na sumakit ang tiyan nila dahil sa pagkain ng malamig na pagkain, pumayat sila nang sobra at nagdusa nang husto dahil sa kakulangan sa tulog at kakulangan sa pagkain. Alam na alam nila ang lahat ng bagay na ito, isa-isa nilang inililista ang mga ito. Bakit sila nagtatabi ng gayong malilinaw na talaan ng mga bagay na ito? Ang dahilan ay naniniwala silang ang mga pag-uugali at pamamaraan na ito ay pagsasagawa sa katotohanan at pagpapalugod sa Diyos, at na kung magagawa nila ang lahat ng magagandang pag-uugaling ito, sasang-ayunan sila ng Diyos. At kaya, hindi nagrereklamo ang mga tao, at isinasagawa nila ang mga bagay na ito nang walang pag-aatubili. Hindi sila kailanman napapagod na magsalita tungkol sa mga ito, at ulitin ang mga ito, at alalahanin ang mga ito, at punong-puno ang pakiramdam ng kanilang puso. Gayunpaman, kapag nahaharap sila sa mga pagsubok ng Diyos, kapag ang sitwasyong isinaayos Niya ay hindi katulad ng hinihiling nila, kapag ang hinihingi Niya sa kanila at ang Kanyang mga kilos ay hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, talagang walang silbi ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga taong ito na tama, gayundin ang mga halagang ibinayad nila at ang kanilang mga pagsasagawa. Hindi sila matutulungan ng mga bagay na ito, kahit sa maliit na paraan, na magpasakop sa Diyos o makilala Siya sa mga sitwasyong kinakaharap nila. Sa kabaligtaran, magiging katitisuran at balakid ang mga ito sa kanilang pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos at pagpapasakop sa Diyos. Ang dahilan nito ay hindi kailanman natutunan ng mga tao na ang mga bagay na pinaniniwalaan nilang tama ay hindi talaga katotohanan, at na ang isinasagawa nila ay hindi paghahangad sa katotohanan. Ano kung gayon ang matatamo ng mga tao mula sa mga bagay na ito? Isang uri lang ng mabuting pag-uugali. Hindi makakamit ng mga tao ang katotohanan at ang buhay mula sa mga ito. Gayunpaman, nagkakamali sila ng paniniwala na ang mabubuting pag-uugaling ito ay ang realidad ng katotohanan, at mas lalo nilang pinaninindigan ang kanilang pagpapasyang ang mga bagay na ito na pinaniniwalaan nilang tama sa kanilang mga kuru-kuro ay ang katotohanan at mga positibong bagay, at dahil dito, nag-uugat ang pagpapasyang iyon sa kanilang puso. Habang mas sinasamba at bulag na pinaniniwalaan ng mga tao ang mga bagay na ito na kanilang pinaniniwalaang tama sa kanilang mga kuru-kuro, mas lalo nilang itinatakwil ang katotohanan, at mas lumalayo sila sa mga hinihingi ng Diyos at sa Kanyang mga salita. At kasabay nito, habang mas maraming halagang ibinabayad ang mga tao, mas lalo nilang iniisip na may nakakamit silang kapital, at mas lalo silang naniniwala na kwalipikado silang iligtas at tumanggap ng pangako ng Diyos. Hindi ba’t isa itong marahas na siklo? (Ganoon nga.) Ano ang ugat ng problemang ito? Ano ang pangunahing salarin? (Napagkakamalan ng mga tao na mga positibong bagay ang kanilang mga kuru-kuro at ipinapalit ang mga ito sa mga salita ng Diyos.) Ipinapalit ng mga tao ang kanilang sariling mga kuru-kuro sa mga salita ng Diyos, isinasantabi nila ang mga salita ng Diyos, at talagang binabalewala nila ang mga ito. Sa madaling salita, hindi talaga nila itinuturing na katotohanan ang mga salita ng Diyos. Masasabi na ang mga tao, matapos manampalataya sa Diyos, ay maaaring nagbabasa ng mga salita ng Diyos, subalit ang kanilang hinahangad, pinipili, at isinasagawa ay batay pa rin sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at hindi pa nila tinatahak ang landas ng pananalig sa Diyos ayon sa Kanyang mga salita at hinihingi. Saan mismo nagmumula ang problema ng pananalig ng mga tao sa Diyos batay sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon? Saan nagmumula ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Saan nanggagaling ang mga ito? Masasabing pangunahing nagmumula ang mga ito sa tradisyunal na kultura, at sa minana ng tao, pati na rin sa pagkondisyon at impluwensya ng mundo ng relihiyon. Direktang nauugnay sa mga bagay na ito ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao.

Anong iba pang bagay na pinaniniwalaan ng mga tao, sa kanilang mga isipin at pananaw, na mabuti, tama, at positibo? Sige at magbigay kayo ng ilang halimbawa. Madalas sabihin ng mga tao, “Ang mabubuti ay may mapayapang buhay,” at “Ang mga tapat na tao ay laging mamamayani”—ilan ito sa mga halimbawa, hindi ba? (Ganoon nga.) At mayroon ding: “Ang kabutihan ay sinusuklian ng kabutihan, at ang kasamaan ng kasamaan; kung hindi ngayon, malapit na,” “Ang pagpupursige sa kasamaan ay magdudulot ng pagkawasak sa sarili,” “Ginagawa munang baliw ng Diyos ang taong wawasakin Niya,” “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna,” “Maliliit ang ibang paghahangad, ang mga libro ang nakahihigit sa lahat ng ito,” at iba pa. Nakasusuka ang lahat ng kahibangang ito. Nanggagalaiti Ako sa galit kapag naririnig Ko ang gayong mga salita, subalit napakadali sa mga taong sabihin ang mga ito. Bakit napakadali sa kanilang sabihin ang mga salitang ito? Bakit parang hindi Ko masabi ang mga ito? Hindi Ko gusto ang mga salitang ito, ang mga kasabihang ito. Ang katunayan na palagi kayong handang sabihin ang mga ito, na mabilis ninyong naibubulalas ang mga ito, at walang kahirap-hirap ninyong nabibigkas ang mga ito ay nagpapatunay na talagang kinagigiliwan at sinasamba ninyo ang mga bagay na ito. Sinasamba ninyo ang mga walang kabuluhan, mapanlinlang, hindi totoong bagay na ito, at kasabay nito, itinuturing ninyo ang mga ito bilang inyong mga kasabihan, at bilang mga prinsipyo, pamantayan, at batayan para sa inyong mga kilos. At pagkatapos, iniisip pa ninyo na naniniwala rin ang Diyos sa mga bagay na ito, at na ang Kanyang mga salita ay ibang pagpapaliwanag lang sa parehong mga ideyang ito, at na ang mga bagay na ito ang pangkalahatang kahulugan ng Kanyang mga salita: paghimok sa mga tao na maging mabuti. Tama ba ang pananaw na ito? Ang mga bagay na ito ba ang kahulugan ng mga salita ng Diyos at ng mga katotohanang ipinahahayag Niya? Hindi talaga; walang kinalaman sa mga bagay na ito ang nais sabihin ng Diyos. Samakatuwid, dapat baguhin ang saloobin ng mga tao sa katotohanan, at kailangang maitama ang kanilang pagkilala sa katotohanan—na nangangahulugang kailangang maitama at mabago ang pamantayan ng kung paano nila pinoposisyon ang katotohanan. Kung hindi, mahihirapan silang tanggapin ang katotohanan, at hindi sila magkakaroon ng paraan upang tahakin ang landas ng paghahangad dito. Ano ang katotohanan? Sa pangkalahatan, lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan. Kung gayon sa mas partikular—ano ang katotohanan? Sinabi Ko na sa inyo noon. Ano ang sinabi Ko? (“Ang katotohanan ang pamantayan para sa pag-asal, pagkilos, at pagsamba sa Diyos ng mga tao.” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikatlong Bahagi)).) Tama iyan. Ang katotohanan ang pamantayan para sa pag-asal, pagkilos, at pagsamba sa Diyos ng mga tao. Kung gayon, may anumang kinalaman ba ang katotohanan sa mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao, sa kanilang mga kuru-kuro, na tama at mabuti? (Wala.) Saan nagmumula ang mga bagay ng tao na iyon? (Mula sa pilosopiya para sa pamumuhay ni Satanas, at mula sa ilang isiping itinanim sa tao ng tradisyunal na kultura.) Tama iyan. Upang maging tumpak, nagmumula ang mga bagay na ito kay Satanas. At sino ang mga kilala at sikat na taong nagtanim ng mga bagay na ito sa tao? Hindi ba’t sila ay Satanas? (Ganoon nga.) Ang lahat ng patriyarka ninyong iyon ay Satanas—sila ay Satanas, na nabubuhay at humihinga. Tingnan na lang ang mga kasabihang iyon na itinataguyod ng mga Chinese: “Napakasaya, kapag dumarating mula sa malayo ang isang kaibigan,” “Kapag dumating ka na, mainam na manatili ka,” “Huwag maglakbay nang malayo habang nabubuhay pa ang iyong mga magulang,” “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” “Sa tatlong paglabag sa obligasyon sa magulang, ang kawalan ng anak ang pinakamalubha,” “Igalang ang patay,” “Kapag malapit nang mamatay ang isang tao, ang kanyang mga salita ay totoo at mabait.” Suriin nang mabuti ang mga salitang ito—may katotohanan ba sa anuman sa mga ito? (Wala.) Kahibangan at kabulaanan ang lahat ng ito. Sabihin ninyo sa Akin, gaano ba kahangal ang mga tao upang mapagkamalang katotohanan ang mga kabulaanan at kahibangang ito pagkatapos nilang tanggapin ang gawain ng Diyos? May kakayahan ba ang mga taong ito na maunawaan ang katotohanan? (Wala.) Mga kakatwang uri ang gayong mga tao at lubos silang walang kakayahang maunawaan ang katotohanan. At kayo—ngayong nakabasa na kayo ng napakaraming salita ng Diyos, hindi ba’t nagtataglay na kayo ng kaunting kaalaman tungkol sa katotohanan? (Oo.) Saan nagmumula ang katotohanan? (Nagmumula ito sa Diyos.) Nagmumula sa Diyos ang katotohanan. Huwag paniwalaan ang anumang salita na hindi sinabi ng Diyos. Ang mga satanikong pilosopiyang iyon para sa pamumuhay at ang mga ideyang iyon mula sa tradisyunal na kultura ay hindi ang katotohanan, at hindi dapat tingnan ng isang tao ang mga tao at bagay, o hindi siya dapat umasal at kumilos ayon sa mga ito, o na ang gayong mga bagay ang kanyang pamantayan, dahil hindi galing sa Diyos ang mga ito. Hangga’t ang isang bagay ay nagmumula sa tao, hindi mahalaga kung galing man ito sa tradisyunal na kultura o kung sinong sikat na tao, o kung produkto man ito ng pag-aaral o lipunan, o kung sa anong dinastiya o lahi ng mga tao ito nanggagaling—hindi ito ang katotohanan. Subalit ito mismo ang mga bagay na itinuturing ng mga tao na katotohanan, na kanilang hinahangad at isinasagawa sa halip na ang katotohanan. At sa buong pagkakataong iyon, iniisip nila na isinasagawa nila ang katotohanan at na malapit na nilang matupad ang kalooban ng Diyos, pero sa katunayan, kabaligtarang-kabaligtaran ito: Kapag naghahangad at nagsasagawa ka batay sa mga bagay na ito, lalo kang napapalayo sa mga hinihingi ng Diyos at lalong napapalayo sa katotohanan.

Likas na kakatwa para sa mga tao na mapagkamalang katotohanan ang mga bagay na itinuturing ng tao na mabuti at positibo, at na hangarin ang mga ito na para bang ang mga ito ay ang katotohanan. Paanong ang mga taong tinanggap na ang gawain ng Diyos at nabasa na ang marami sa mga salita Niya ay patuloy pa ring napagkakamalang katotohanan ang mga bagay na iyon na itinuturing ng tao na mabuti, at hinahangad ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan? Ano ang problema rito? Sapat na ito upang ipakita na hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan, at na wala silang totoong kaalaman tungkol sa katotohanan. Isa ito sa dahilan para sa tanong na katatanong Ko pa lang: “Dahil ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, paano nakapagpapatuloy ang mga tao sa pagsasagawa sa mga ito at pag-iisip na nagsasagawa sila ng katotohanan?” Magsasalita Ako tungkol sa isa pang dahilan, isang dahilan na tumatalakay sa tiwaling disposisyon ng tao. Naniniwala ang mga tao na ang mga bagay na pinaniniwalaan nilang mabuti, tama, at positibo sa kanilang mga kuru-kuro ay ang katotohanan, at sa pundasyon na ito, bumubuo sila ng plano, naniniwalang kapag napalugod nila ang Diyos at sumaya ang Diyos, ipagkakaloob Niya sa kanila ang mga pagpapala na ipinangako Niya sa tao. Hindi ba’t isang pagtatangkang makipagtawaran sa Diyos ang planong ito? (Ganoon nga.) Sa isang banda, itinataguyod at hinahangad ng mga tao ang mga bagay na ito habang nagkikimkim ng mali at kakatwang pagkaunawa, at kasabay nito, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos nang may sarili nilang mga pagnanasa at ambisyon. Hindi ba’t isa pa iyong dahilan? (Ganoon nga.) Madalas tayong magbahaginan tungkol sa dahilan na ito noon, kaya hindi na natin ito detalyadong pag-uusapan ngayon. Tatanungin Ko kayo: Kapag ang isang taong nananalig sa Diyos ay tumatalikod sa sarili, nagdurusa, gumugugol ng sarili, at nagbabayad ng mga halaga para sa Diyos, hindi ba’t mayroon siyang intensyon at mithiin sa paggawa niyon? (Mayroon nga.) Mayroon bang sinumang nagsasabing, “Wala akong ninanasa at wala akong anumang hinihingi. Tatalikuran ko, at gugugulin ko ang sarili ko, at magbabayad ako ng halaga, anuman ang mga sitwasyon. Iyon lang iyon. Wala akong anumang personal na mga pagnanasa at ambisyon. Paano man ako tratuhin ng Diyos ay ayos lang. Maaaring gantimpalaan Niya ako, maaaring hindi—ano’t anuman, kumilos ako alinsunod sa Kanyang mga hinihingi, inihandog ko ang sarili ko, tinalikuran ko ang lahat, nagbayad ako ng halaga at nagdusa”? May gayong mga tao ba? (Wala.) Hanggang ngayon, hindi pa ipinapanganak ang ganitong tao. Maaaring sabihin ng ilan, “Malamang na ang ganoong tao ay ganap na nakahiwalay sa iba.” Kahit pa ganap na nakahiwalay sa iba ang isang tao, hindi siya magiging ganito: Magkakaroon pa rin siya ng tiwaling disposisyon at mga ambisyon at pagnanasa, at susubukan pa rin niyang makipagtawaran sa Diyos. Kaya, ang pangalawang dahilan sa tanong na ito ay na sa sandaling tratuhin ng mga tao ang mga bagay na pinaniniwalaan nila sa kanilang mga kuru-kuro na tama bilang katotohanan, bumubuo sila ng plano. At ano ang planong iyon? Ang isagawa ang mga bagay na ito upang ipalit ang mga ito para sa mga pagpapala na ipinangako ng Diyos sa tao, at para sa isang magandang hantungan. Naniniwala sila na basta’t ang isang bagay ay itinuturing ng tao na positibo, tiyak na tama ito, kaya ginagawa at hinahangad nila ang anumang pinaniniwalaan nilang tama, at iniisip nila na sa pagsasagawa sa ganitong paraan, nakatakda silang pagpalain ng Diyos. Iyon ang plano ng tao. Ang pangalawang dahilan na ito ay pawang may kinalaman sa mga taong sinusubukang matugunan ang kanilang sariling mga ambisyon at pagnanasa at tinatangkang makipagtawaran sa Diyos. Kung hindi ka naniniwala rito, subukang pagbawalan ang mga tao na makipagtawaran, at alisan sila ng kanilang mga pagnanasa at ambisyon—ipabitiw sa kanila ang kanilang mga pagnanasa at ambisyon. Agad silang mawawalan ng lakas na magdusa at magbayad ng mga halaga. Bakit sila mawawalan ng lakas na gawin ang mga bagay na ito? Dahil mararamdaman nilang nawala ang kanilang mga inaasam at kapalaran, na wala nang anumang pag-asang mapagpapala sila, at na wala na silang anumang makakamit. Ang isinasagawa nila ay hindi ang katotohanan, at ang hinahangad nila ay hindi ang katotohanan, kundi mga bagay na iniisip nilang positibo, at gayunpaman, kapag nadurog ang kanilang mga pagnanasa at ambisyon, hindi na sila handang ibayad pa ang mga bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang mayroon ang mga tao? Mayroon ba silang tunay na pananampalataya? (Wala.) Dagdag pa rito, matapat ba ang mga tao? Maaaring sabihin ng ilan, “Anuman ang sabihin ng Diyos ngayon, sumusunod kami sa Kanya. Anuman ang sabihin Niya, hindi kami nagiging negatibo o pinanghihinaan ng loob, at hindi kami umaatras, lalong hindi kami sumusuko. Kahit na ayaw sa amin ng Diyos, at sinasabi Niya na mga tagapagserbisyo at trabahador kami, na hindi kami mga taong naghahangad sa katotohanan, at na wala kaming pag-asang maligtas, susunod pa rin kami sa Kanya nang walang pag-aatubili at patuloy na gagampanan ang aming mga tungkulin. Hindi ba iyon katapatan? Hindi ba iyon pagkakaroon ng pananampalataya? Ang pagiging matapat at pagkakaroon ng pananampalataya ay iba ba sa paghahangad sa katotohanan? Hindi ba ito nangangahulugan na naghahangad kami ng katotohanan kahit papaano?” Sabihin ninyo sa Akin, paghahangad ba iyon ng katotohanan? (Hindi.) Anong ibig sabihin kapag sinabing hindi ito paghahangad sa katotohanan? Nangangahulugan ito na lahat ng “kinakapitan sa buhay” ng tao ay naharangan, na wala man lang siyang anumang dayami na makakapitan. Ano ang dapat gawin kung gayon? Mayroon bang anumang maaaring gawin? Mayroon man silang anumang magagawa tungkol dito o wala, ano ang nararamdaman ng mga tao pagkatapos itong marinig? Lubos silang nadidismaya: “Ibig sabihin ba talaga nito ay wala akong pag-asang mapagpala? Ano ba ang nangyayari?” Ganap na nalilito ang mga tao sa mga sitwasyong ito. Ngayong ang Aking mga salita ay inalisan kayo ng lahat ng inyong “kinakapitan sa buhay,” makikita Ko kung ano ang susunod ninyong gagawin. Sinasabi ng ilan, “Hindi tamang magtrabaho, o subukang makipagtawaran, o magkaroon ng mga baluktot na pagkaunawa, o magdusa at magbayad ng halaga—kaya ano ang tamang gawin? Anuman ang sabihin ng Diyos, hindi namin Siya iiwan. Patuloy naming gagampanan ang aming mga tungkulin. Hindi ba iyon maituturing na pagsasagawa sa katotohanan?” Dapat na malinaw na maunawaan ang tanong na ito. Dahil ang mga tao ay hindi nauunawaan ang katotohanan at palaging nagkikimkim ng mga baluktot na pagkaunawa sa kung ano ang kahulugan ng pagsasagawa sa katotohanan, naniniwala sila na ang pagtalikod, paggugol, pagdurusa, at pagbabayad ng mga halaga ay pagsasagawa sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Isa itong matinding pagkakamali. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, ngunit dapat isagawa ang mga ito ng mga tao nang may mga prinsipyo—hinding-hindi nila dapat isagawa ang mga ito batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang gusto ng Diyos ay taos na puso, pusong nagmamahal sa Kanya, pusong nagpapalugod sa Kanya. Tanging ang pagsasagawa sa mga salita ng Diyos sa ganitong paraan ang pagsasagawa sa katotohanan. Kung ang isang tao ay palaging ninanais na makipagtawaran sa Diyos kapag ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos, at palaging ninanais na mapalugod ang sarili niyang mga ambisyon at pagnanasa, hindi siya nagsasagawa ng katotohanan, pinaglalaruan niya ito at inaapakan ito, at isa siyang mapagpaimbabaw. Kung gayon, kung ang isang tao ay nagagawang tanggapin ang mga salita ng paghatol ng Diyos, at hindi iniiwan ang Diyos at nagpapatuloy sa pagganap sa kanyang tungkulin sa kabila ng pagkadurog ng kanyang mga intensyon at pagnanasang magkamit ng mga pagpapala, at sa kabila ng kawalan ng anumang pinananabikan at kawalan ng anumang nagtutulak sa kanya, maituturing ba itong paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan? Sa nakikita Ko, kung susukatin natin ito batay sa depinisyon ng paghahangad sa katotohanan, hindi pa rin ito paghahangad sa katotohanan, at lubos itong hindi abot sa pamantayan ng paghahangad sa katotohanan. Ngayong mayroon na tayong tumpak na depinisyon ng paghahangad sa katotohanan, dapat tayong mahigpit na sumunod dito kapag sinusuri ang mga kilos, asal, at mga pagpapamalas ng mga tao. Anong pagsusuri ang magagawa batay sa kakayahan ng isang tao na manatili sa piling ng Diyos at magpatuloy sa pagganap sa kanyang tungkulin, kahit na wala siyang pinananabikang mga pagpapala? Na ang mga tao, bilang mga nilikha, ay isinilang nang may dalawang kapuri-puring bagay sa kanilang pagkatao, at na kung magagamit mo ang mga ito, titiyakin nito—sa pinakamababang antas—na susundin mo ang Diyos. Alam ba ninyo kung ano ang dalawang bagay na iyon? (Konsiyensiya at katwiran.) Tama. May dalawang bagay na pinakamahalaga sa pagkatao ng tao—kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kapag napakahina ng kanilang kakayahan, at wala silang anumang kaalaman o pagpasok tungkol sa mga hinihingi ng Diyos at sa katotohanan, at naninindigan pa rin sila sa kanilang kinalalagyan, ano ang paunang batayang kondisyon na nagtutulot sa kanilang matamo ito? Dapat ay mayroon silang konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Kung gayon, malinaw ang sagot. Dahil hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, at wala silang pagnanasa o ambisyong mapagpala, dahil inalisan sila ng kanilang pagnanasa na mapagpala, kung nakasusunod pa rin sila sa Diyos at natutupad ang kanilang mga tungkulin, ano ang batayan sa paggawa nila nito? Ano ang nagtutulak sa kanila? Walang batayan o motibasyon para sa kanilang mga kilos—basta’t taglay ng mga tao ang konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao, magagawa nila ang mga bagay na ito. Ganito ang kalagayan ngayon: Hindi mo nauunawaan ang katotohanan, isa iyang katunayan—at walang silbi ang pagkaunawa mo sa mga doktrina, hindi ito nangangahulugan na nakapasok ka na sa realidad ng katotohanan. Alam mong mali ang magtangkang makipagtawaran sa Diyos upang hangarin para sa iyong sarili ang mga inaasam at kapalaran, ngunit ang talagang magiging kahanga-hanga ay kung masaya ka pa ring sundin ang Diyos at gampanan ang iyong tungkulin pagkatapos makondena at maalis sa iyo ang paghahangad sa mga inaasam at kapalaran, at ang pagnanasang mapagpala. Kung nagawa mong sundin ang Diyos nang hindi nakakamit ang katotohanan, saan iyon nakadepende? Nakadepende ito sa iyong konsiyensiya at katwiran. Ang konsiyensiya at katwiran ng isang tao ay kayang mapanatili ang kanyang normal na pag-iral, buhay, at pagtrato sa mga tao at bagay. Kung gayon, ano ang agwat sa pagitan ng pagganap sa iyong tungkulin batay sa iyong konsiyensiya at katwiran at ng pagsasagawa sa katotohanan? Ang pagpapamalas ng isang taong naghahangad sa katotohanan ay tinitingnan niya ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos siya, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan, samantalang ang mga taong kumikilos lang batay sa kanilang konsiyensiya at katwiran ay maaaring hindi hinahangad ang katotohanan, ngunit kaya pa rin nilang magtrabaho, gumanap ng kanilang mga tungkulin, at manatili sa sambahayan ng Diyos, nang walang anumang masamang marka sa kanilang rekord. Saan iyon nakadepende? Tinitingnan nila ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos sila, batay sa pamantayan ng kanilang konsiyensiya at katwiran, sa halip na gawin ang mga iyon ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Sa ganitong kaisipan, kung ginagampanan mo lang ang iyong tungkulin batay sa iyong konsiyensiya at katwiran, hindi ba’t may agwat sa pagitan niyon at ng paghahangad sa katotohanan? (Mayroon nga.) Ang pagganap sa tungkulin batay sa konsiyensiya at katwiran ay pagiging kuntento sa pagtatrabaho lang; ito ay pagturing na mga pamantayan sa mga bagay na gaya ng pagtatrabaho nang mabuti, hindi pagdudulot ng mga pagkagambala o pagkakagulo, pagsunod at pagpapasakop, pagtataglay ng mabubuting pag-uugali at magagandang relasyon sa ibang mga tao, at hindi pagkakaroon ng masasamang marka sa rekord. Umaabot ba iyon sa antas ng paghahangad sa katotohanan? Hindi. Gaano man karaming magagandang pag-uugali ang taglay ng isang tao, kung wala man lang siyang anumang kaalaman tungkol sa kanyang mga tiwaling disposisyon, ni walang anumang kaalaman tungkol sa kanyang pagrerebelde, mga kuru-kuro, mga maling akala tungkol sa Diyos, at kanyang iba’t ibang negatibong kalagayan; at kung imposible para sa kanyang lutasin ang mga bagay na ito; kung imposible para sa kanyang maunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan; at kung wala ni isa sa kanyang mga pagbuhos ng mga tiwaling disposisyon ang nalutas; at kung mayabang at mapagmagaling pa rin siya, pabasta-basta at padalos-dalos, buktot at mapanlinlang, at may mga pagkakataong siya ay nagiging negatibo at mahina at nagdududa sa Diyos, at iba pa—kung umiiral pa rin sa loob niya ang mga bagay na ito, matatamo ba niya ang tunay na pagpapasakop sa Diyos? Kung mayroon pa ring mga tiwaling disposisyong ito sa loob niya, tunay ba niyang mararanasan ang gawain ng Diyos? Kung ang isang tao ay nagtataglay lang ng mabubuting pag-uugali, pagpapamalas ba iyon ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Ano ang pinakamagagandang bagay sa tao? Konsiyensiya at katwiran lamang ng tao; ang mga ito lang ang dalawang positibong bagay, at ang mga ito ang kapuri-puri sa tao. Gayunpaman, wala sa mga ito ang nauugnay sa katotohanan; ang mga ito ay tanging mga pinakabatayang paunang kondisyon para sa paghahangad ng tao sa katotohanan, na ang ibig sabihin ay kung taglay mo ang normal na konsiyensiya at katwiran ng sangkatauhan, at nauunawaan mo ang katotohanan, magagawa mong pumili nang tama kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay. Ang konsiyensiya at katwiran na taglay ng tao ay ito: Ang Diyos ang Panginoon ng paglikha, at ikaw ay isang nilikha; pinili ka ng Diyos, kaya tama lang na ilaan mo ang iyong sarili at gugulin mo ang iyong sarili para sa Diyos, at tama lang na makinig ka sa Kanyang mga salita. Ang “tama lang” na ito ay tinutukoy ng iyong konsiyensiya at katwiran—ngunit nakinig ka ba sa mga salita ng Diyos? Ano ang mga prinsipyo at pamamaraan sa likod ng iyong mga kilos? Mayroon kang tiwaling disposisyon—tinalikdan mo ba ito? Nilutas mo ba ito? Ang gayong mga bagay ay walang kinalaman sa kung ano ang “tama lang.” Kung hindi ka lalampas sa pundasyong ito ng kung ano ang tama lang na gawin at kung paano ang tama lang na pagkilos, at namumuhay ka sa gitna ng mga saklaw ng kung ano ang “tama lang,” hindi ba’t epekto iyon ng iyong konsiyensiya at katwiran? (Ganoon nga.) Sinasabi sa iyo ng konsiyensiya mo, “Iniligtas ako ng Diyos, kaya dapat kong gugulin ang sarili ko para sa Kanya. Iniligtas ng Diyos ang buhay ko at binigyan Niya ako ng pangalawang buhay, kaya tama lang na suklian ko ang Kanyang pagmamahal. Ang Diyos ang Panginoon ng paglikha, at isa akong nilikha, kaya dapat akong magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos.” Hindi ba’t epekto ito ng iyong konsiyensiya at katwiran? (Ganoon nga.) Ang iba’t ibang pag-uugali, paraan ng pagsasagawa, saloobin, at pananaw na nagmumula sa mga tao dahil sa epekto ng kanilang konsiyensiya at katwiran ay hindi lumalampas sa mga saklaw ng kung ano ang natural na kayang gawin ng kanilang konsiyensiya at katwiran, at hindi sapat ang mga ito para matawag na pagsasagawa sa katotohanan. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Halimbawa, maaaring sabihin ng ilang tao, “Itinaas ako ng sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa aking gumanap ng tungkulin, at pinapakain, dinadamitan, at binibigyan ako ng tirahan ng sambahayan ng Diyos. Inaasikaso ng sambahayan ng Diyos ang bawat aspeto ng aking buhay. Natamasa ko ang labis na biyaya ng Diyos, kaya dapat kong suklian ang Kanyang pagmamahal; hindi ko dapat linlangin ang Diyos sa pamamagitan ng pagiging pabasta-basta sa aking tungkulin, lalong hindi ako dapat gumawa ng anumang nakagagambala o nakaaabala. Handa akong magpasakop sa anumang isasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa akin. Anuman ang ipagagawa sa akin ng sambahayan ng Diyos, hindi ako magrereklamo.” Ayos lang ang ganitong klase ng deklarasyon; hindi ba’t napakadali para sa isang taong may konsiyensiya at katwiran na gawin ito? (Ganoon nga.) Maaari ba itong tumaas sa antas ng pagsasagawa sa katotohanan? (Hindi maaari.) Hindi ito sapat para matawag na pagsasagawa sa katotohanan. Samakatuwid, gaano man karangal ang konsiyensiya o kanormal ang katwiran ng isang tao, o kung nagagawa man niya ang lahat sa ilalim ng pamamahala ng kanyang konsiyensiya at katwiran, at gaano man kawasto at kadisente ang kanyang mga kilos, o gaano man hinahangaan ng iba ang mga kilos na ito, hindi lumalampas ang mga ito sa pagiging mabubuting pag-uugali ng tao. Mauuri lang ang mga ito sa saklaw ng mabubuting pag-uugali ng tao; talagang hindi sapat ang mga ito para maging pagsasagawa sa katotohanan. Kapag ibinabatay mo sa iyong katwiran ang mga pakikipag-ugnayan mo sa iba, magiging medyo mas malumanay ka sa pagsasalita, at hindi mo aatakihin ang iba, o hindi ka magagalit, o hindi mo susupilin, o kokontrolin, o aapihin, o hahanapan ng bentahe ang ibang mga tao, at iba pa—ito ang lahat ng bagay na maaaring matamo ng katwiran ng normal na pagkatao—subalit nauugnay ba ang mga ito sa pagsasagawa sa katotohanan? Hindi. Ito ay mga bagay na maaaring matamo ng katwiran ng tao, at may partikular na agwat sa pagitan ng mga ito at ng katotohanan.

Bakit Ko sinasabi na ang pagkilos batay sa konsiyensiya at katwiran ay hindi nauugnay sa pagsasagawa sa katotohanan? Magbibigay Ako ng halimbawa. Sabihin na naging mabait sa iyo ang isang tao, at kasundo mo siya, at tinanggap niya ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at pagkatapos ay ipinalaganap niya ang ebanghelyo sa iyo—na paggamit ng Diyos sa kanya para ipalaganap ang ebanghelyo sa iyo. Pagkatapos mong tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, lalo kang nagpapasalamat sa kanya, at palagi mong ninanais na suklian siya. Kaya, medyo hinahayaan mo siyang gawin ang gusto niya sa anumang ginagawa niya, at sa anumang sinasabi mo sa kanya, palagi kang partikular na magalang. Sadya kang marespeto, mapitagan, at mapagpaubaya sa kanya, at anumang masasamang bagay ang ginagawa niya, o anuman ang kanyang karakter, mapagpasensya at mapagparaya ka sa kanya, hanggang sa puntong sa tuwing humihingi siya ng tulong sa iyo kapag may kinakaharap siyang hamon, tinutulungan mo siya nang walang kondisyon. Bakit mo ito ginagawa? Ano ang nakakaapekto sa iyong mga kilos? (Ang aking konsiyensiya.) Ginagawa ito bilang epekto ng iyong konsiyensiya. Ang epektong ito ng konsiyensiya mo ay hindi matatawag na positibo o negatibo; ang masasabi lang ay mayroon kang konsiyensiya at kaunting pagkatao, at na kapag mabait sa iyo ang isang tao, nagpapasalamat ka at sinusuklian siya. Sa perspektibong iyon, ayos ka namang tao. Ngunit kung susukatin natin ito gamit ang katotohanan, maaaring magkaroon tayo ng ibang konklusyon. Ipagpalagay na isang araw, gumawa ng kasamaan ang taong iyon at paaalisin siya ng iglesia, at sinusukat mo pa rin siya gamit ang iyong konsiyensiya, at sinasabi mong, “Siya ang nagpalaganap ng ebanghelyo sa akin. Hindi ko kalilimutan ang kanyang kabaitan hangga’t nabubuhay ako; kung hindi dahil sa kanya, wala ako kung nasaan ako ngayon. Kahit na gumawa siya ng kasamaan ngayon, hindi ko siya puwedeng ilantad. Kahit na nakita kong mali ang ginawa niya, hindi ko puwedeng sabihing mali iyon, dahil natulungan niya ako nang husto. Maaaring hindi ko siya masusuklian, pero hindi ko siya puwedeng atakihin. Kung may ibang taong gustong mag-ulat sa kanya, maaaring sumige ang taong iyon, pero hindi ko gagawin. Hindi ko puwedeng palalain pa ang sitwasyon niya—kung gagawin ko iyon, anong klaseng tao naman ako? Hindi ba ako magiging isang taong walang konsiyensiya? Hindi ba’t ang isang taong walang konsiyensiya ay isa lamang hayop?” Ano sa tingin mo? Ano ang epekto ng konsiyensiya sa mga sitwasyong tulad niyon? Hindi ba’t paglabag sa katotohanan ang epekto ng konsiyensiya roon? (Ganoon nga.) Makikita natin mula rito na kung minsan, ang mga epekto ng konsiyensiya ng isang tao ay napipigilan at naiimpluwensiyahan ng kanyang mga damdamin, at kaya naman, ang kanyang mga desisyon ay sumasalungat sa mga prinsipyo ng katotohanan. Dahil dito, malinaw nating makikita ang isang katunayan: Ang epekto ng konsiyensiya ng isang tao ay mas mababa sa pamantayan ng katotohanan, at kung minsan ay nilalabag ng mga tao ang katotohanan habang kumikilos batay sa kanilang konsiyensiya. Kung nananalig ka sa Diyos, ngunit hindi ka namumuhay ayon sa katotohanan, at sa halip ay kumikilos batay sa iyong konsiyensiya, makagagawa ka ba ng masama at lalaban sa Diyos? Tunay kang makagagawa ng ilang masasamang bagay—talagang hindi masasabi na hindi kailanman mali ang kumilos batay sa konsiyensiya. Ipinapakita nito na kung nais ng isang tao na mapalugod ang Diyos at umayon sa Kanyang kalooban, ang pagkilos batay lamang sa konsiyensiya niya ay talagang hindi sasapat. Dapat kumilos ang isang tao batay sa katotohanan upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Kapag tinatrato mo bilang katotohanan ang iyong konsiyensiya at itinuturing itong nakahihigit sa lahat, saan mo inilagay ang katotohanan, kung gayon? Pinalitan mo ito ng iyong konsiyensiya; hindi ba iyon paglaban sa katotohanan? Hindi ba iyon pagsalungat sa katotohanan? Kung namumuhay ka ayon sa iyong konsiyensiya, malalabag mo ang katotohanan, at ang paglabag sa katotohanan ay paglaban sa Diyos. Pagkatapos manalig sa Diyos, maraming tao ang ginagamit ang kanilang konsiyensiya bilang pamantayan para sa kanilang pananalita at kilos, at umaasal din sila batay sa kanilang konsiyensiya. Pagsasagawa ba ng katotohanan ang pagkilos batay sa konsiyensiya, o hindi? Makakapalit ba sa katotohanan ang konsiyensiya ng isang tao? Sa anong paraan mismo naiiba ang pagkilos batay sa konsiyensiya mula sa pagkilos batay sa katotohanan? Palaging nagpupumilit ang ilang tao na kumilos batay sa kanilang konsiyensiya, at iniisip nilang sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan. Tama ba ang pananaw na iyon? (Hindi.) Makapapalit ba sa katotohanan ang mga pakiramdam ng konsiyensiya ng isang tao? (Hindi.) Anong pagkakamali ang ginagawa ng mga taong ito? (Nilalabag ang katotohanan, na paglaban sa Diyos.) Tama iyan. Itinutumbas nila ang mga pakiramdam ng kanilang konsiyensiya sa katotohanan, na dahilan kaya malamang na labagin nila ang katotohanan. Ang ganitong uri ng mga tao ay palaging tinitingnan ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos batay sa pamantayan ng kanilang konsiyensiya, na ang pamantayan nila ay ang kanilang konsiyensiya. Ginagapos at kinokontrol sila ng kanilang konsiyensiya, at kasabay nito, kinokontrol din nito ang kanilang katwiran. Kung ang isang tao ay kinokontrol ng kanyang konsiyensiya, magagawa pa rin ba niyang hanapin ang katotohanan at magsagawa ayon dito? Hindi niya magagawa. Kung gayon, makapapalit ba sa katotohanan ang konsiyensiya? Hindi. Maaaring itanong ng ilan, “Dahil hindi namin maaaring gamitin ang aming konsiyensiya para sukatin kung paano namin tinatrato ang ibang tao, at hindi namin maaaring ituring na katotohanan ang aming konsiyensiya, tama bang gamitin ang mga pamantayan ng aming konsiyensiya upang sukatin kung paano namin tinatrato ang Diyos?” Nararapat na pag-isipan ang tanong na ito. Ano’t anuman, hindi makapapalit sa katotohanan ang konsiyensiya ng isang tao. Kung hindi mo taglay ang katotohanan at tinatrato mo ang Diyos batay sa iyong konsiyensiya, maituturing iyong ayos lang ayon sa pamantayan ng tao, ngunit hindi mo matatamo ang pagmamahal o pagpapasakop sa Diyos sa pamamagitan ng pag-asa sa pamantayan na ito—sa pinakasukdulan, maiiwasan mong labagin ang katotohanan o labanan ang Diyos, na lubos nang mabuti. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi mo kailangang gamitin ang iyong konsiyensiya sa ibang tao, at hindi mo rin kailangang gamitin ang iyong konsiyensiya sa Diyos.” Tama ba iyon o hindi? Mula sa perspektibo ng mga doktrina at teorya, parang mali ito, hindi ba? Kung gayon, gamitin ang katotohanan upang sukatin ito—mukha ba itong tama sa iyo? Sinasabi ba ng Diyos sa mga tao na tratuhin Siya gamit ang kanilang konsiyensiya? Ano ang hinihingi ng Diyos sa tao? Paanong pagtrato sa Kanya ang hinihingi Niya sa tao? Maaaring may konsiyensiya ka, pero tapat ka ba? Kung may konsiyensiya ka pero hindi ka tapat, hindi maaari iyon. Ang hinihingi ng Diyos ay na tratuhin Siya ng tao nang may katapatan. Nakasulat ito sa Bibliya, “At iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo” (Marcos 12:30). Ano ang hinihingi ng Diyos? (Na mahalin ng mga tao ang Diyos nang buong puso nila, at nang buong pag-iisip nila, at nang buong kaluluwa nila.) Ano ang gusto ng Diyos mula sa mga tao? (Ang kanilang katapatan.) Tama. Sinabi ba ng Diyos na, “Dapat ninyo Akong mahalin gamit ang inyong konsiyensiya at katwiran, at inyong likas na gawi?” Sinabi ba iyon ng Diyos? (Hindi, hindi Niya sinabi.) Bakit hindi iyon sinasabi ng Diyos? (Dahil ang konsiyensiya ay hindi ang katotohanan.) Ano ang konsiyensiya? (Ang pinakamababang pamantayan ng pagkatao.) Tama iyan, ang konsiyensiya at katwiran ang mga pinakamababa at pinakabatayang pamantayan ng pagkatao. Paano ninyo masasabi kung ang isang tao ay mabuti, at kung mayroon siyang pagkatao? Paano ninyo ito masusukat? Ano ang ipangsusukat ninyo rito? Ang pinakamababa at pinakabatayang pamantayan ay kung may konsiyensiya at katwiran ang taong iyon. Iyon ang pamantayan na maaari ninyong ipangsukat kung may taglay na pagkatao ang isang tao. Kung gayon, ano ang pamantayan para sa pagsukat kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan? Masasabi ninyo kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan o hindi batay sa kung mayroon siyang konsiyensiya at katwiran—katotohanan ba ang mga salitang ito? Tama ba ang mga ito? (Hindi.) Ano kung gayon ang gusto ng Diyos mula sa tao? (Katapatan.) Gusto ng Diyos ang katapatan ng tao. Ano ang bumubuo sa katapatan na iyon? Ano ang dapat gawin ng isang tao upang magpakita ng katapatan? Kung ang isang tao ay sinasabi lang kapag nagdarasal siya na inihahandog niya ang kanyang katapatan sa Diyos, ngunit pagkatapos ay hindi niya tapat na ginugugol ang sarili para sa Diyos o matapat na ginagampanan ang kanyang tungkulin, katapatan ba iyon? Hindi iyon katapatan—panlilinlang iyon. Kung gayon, anong pag-uugali ang pagpapamalas ng katapatan? Ano ang partikular na pagsasagawa? Alam ba ninyo? Hindi ba isang saloobin ng pagpapasakop sa Diyos? (Iyon nga.) Tapat lang ang isang tao kung mayroon siyang saloobin ng pagpapasakop. Hindi ba’t mas nakahihigit ito sa konsiyensiya? Napakalayo sa katapatan ang konsiyensiya at katwiran ng tao, may agwat sa pagitan ng mga ito. Ang konsiyensiya at katwiran ng mga tao ay mga pinakabatayang kondisyon lang para sa pagpapanatili ng kanilang pag-iral, ng kanilang normal na buhay, at ng kanilang mga ugnayan sa ibang tao. Kung mawawalan ng konsiyensiya at katwiran ang mga tao, hindi nila magagawang umiral, o magkaroon ng normal na buhay o mga ugnayan sa ibang tao kahit sa pinakabatayang antas. Tingnan na lang ang mga taong iyon na walang konsiyensiya o katwiran, ang masasamang taong iyon—may kusa bang makikisalamuha sa kanila sa isang grupo? (Wala.) Walang kusang makikisalamuha sa kanila. Ano ang nararamdaman ng mga tao habang nakikisalamuha sa kanila? Pagkasuklam, pagkamuhi—maaari pa ngang matakot ang mga tao, makaramdam na napipigilan at ginagapos nila. Ang gayong mga tao ay ni hindi nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at walang kusang makikisalamuha sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, ililigtas ba ng Diyos ang mga taong ito? (Hindi.) Kung ang isang masamang tao ay sasagot sa sinumang nagpapasama sa loob niya sa pagsasabing: “Kung pahihintulutan ng sitwasyon, papatayin kita—wawasakin kita!” hindi alintana kung talagang may kakayahan siyang gawin ang mga bagay na iyon, ang katunayang kaya niyang sabihin ang gayong mga bagay ay ginagawa ba siyang masamang tao? (Oo.) Kung gayon, anong uri siya ng tao, na ang mga salita niya ay nagdudulot ng takot sa iba? Isa ba siyang taong may konsiyensiya at katwiran? (Hindi.) At may pagkatao ba ang mga walang konsiyensiya at katwiran? (Wala.) Sino ang maglalakas-loob na makisalamuha sa isang uri ng masamang tao na walang pagkatao? May mga normal bang ugnayan sa ibang tao ang masasamang taong iyon? (Wala.) Ano ang kondisyon ng kanilang mga ugnayan sa ibang tao? Kinatatakutan sila ng lahat, nalilimitahan at napipigilan nila ang lahat—nais nilang apihin ang bawat taong nakikilala nila, at nais nilang parusahan ang lahat. May normal na pagkatao ba ang gayong mga tao? Walang naglalakas-loob na makisalamuha sa ganitong uri ng tao, na hindi nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran. Ni hindi nila kayang mamuhay ng normal na buhay ng tao, kaya wala silang ipinagkaiba sa mga diyablo at hayop. Sa mga grupo, palagi nilang inaatake ang iba, pinarurusahan ang isang tao at pagkatapos ay isa pa. Sa huli, dumidistansya sa kanila ang lahat, iniiwasan sila ng lahat. Nakatatakot siguro talaga sila! Ni wala silang kakayahang magkaroon ng mga normal na ugnayan ng tao at hindi sila makatatamo ng mapanghahawakan sa isang grupo—ano silang uri? Ni hindi nagtataglay ng pagkatao ang gayong mga tao—magagawa ba nilang hangarin ang katotohanan? (Hindi.) Anong uri ng tao ang walang pagkatao? Mga hayop, mga diyablo. Ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang mga katotohanang Kanyang ipinahahayag, hindi sa mga hayop at diyablo. Tanging ang mga may konsiyensiya at katwiran ang nararapat na tawaging tao. Sabihin ninyo ulit sa Akin: Ang pagtataglay ba ng konsiyensiya at katwiran ang tanging kailangan upang ganap na maisabuhay ng isang tao ang normal na pagkatao? Maaaring sabihin na mayroon pa ring agwat, dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon. Kailangan nilang hangarin ang katotohanan bago nila maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at maisabuhay ang normal na pagkatao. Maaaring sabihin ng ilan, “May konsiyensiya at katwiran ako. Basta’t sinisiguro kong hindi ako gumagawa ng masama, tataglayin ko ang realidad ng katotohanan.” Tama ba iyon? Kung ang isang tao ay may konsiyensiya at katwiran, hindi iyon nangangahulugang hinahangad na niya ang katotohanan—at gayundin ang katunayang namumuhay siya ayon sa kanyang konsiyensiya at katwiran. Ano nga ba ang konsiyensiya at katwiran? Ang konsiyensiya at katwiran ng tao ay ang mga pinakabatayang palatandaan at katangian lang ng pagkatao na dapat taglayin ng mga tao upang hangarin ang katotohanan. Ang pamumuhay ayon sa dalawang bagay na ito ay hindi nangangahulugang hinahangad ng isang tao ang katotohanan, at lalong hindi nito pinatutunayan na nagtataglay siya ng realidad ng katotohanan. Mula sa halimbawa na kasasabi Ko lang, makikita na kapag ang isang tao ay tinitingnan ang mga tao at bagay, umaasal at kumikilos batay sa kanyang konsiyensiya at katwiran, malamang na malabag niya ang katotohanan at ang mga prinsipyo. Lubos na hindi umaabot ang mga ito sa pamantayan ng paggawa sa mga bagay na iyon ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Samakatuwid, gaano mang konsiyensiya ang taglay mo, at gaano man kanormal ang katwiran mo, kung hindi mo kayang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan, hindi mo hinahangad ang katotohanan. Gayundin, gaano ka man magdusa at magtrabaho sa saklaw ng mga likas na gawi ng iyong konsiyensiya at katwiran, hindi masasabing hinahangad mo ang katotohanan.

Katatapos lang nating suriin ang tatlong bagay, na lahat ay pagkiling at maling pagkaunawa na taglay ng mga tao tungkol sa paghahangad sa katotohanan. Sabihin sa Akin, ano ang tatlong bagay na iyon? (Ang una ay na napagkakamalan ng mga tao na katotohanan ang mga bagay na pinaniniwalaan nila sa kanilang mga kuru-kuro na mabuti, tama, at positibo, at ginagamit nila ang mga ito bilang mga pamantayan nila—pinapalitan ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, at ang mga hinihingi at pamantayan ng Kanyang mga salita—at pagkatapos ay hinahangad at isinasagawa nila ang mga bagay na iyon. Ang pangalawa ay na, sa pundasyon ng pagkapit ng mga tao sa mga maling pagkaunawa, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos habang nagkikimkim ng mga pagnanasa at ambisyon. Naniniwala ang mga tao na kapag napalugod na nila ang Diyos at masaya ang Diyos, ipagkakaloob Niya sa kanila ang ipinangako Niya. Ang pangatlo ay na naniniwala ang mga tao na sa pag-asal at pagkilos batay sa kanilang konsiyensiya at katwiran, nagsasagawa na sila ng katotohanan.) Isinasantabi ang tatlong bagay na iyon, ano ang mismong kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Balikan natin ang ating depinisyon ng paghahangad sa katotohanan: “Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.” Sapat na ang mga salitang ito upang ipaunawa sa mga tao ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan at kung paano ito gagawin. Napag-usapan na natin nang husto ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Kung gayon, paano ito hinahangad? Napagbahaginan na natin nang husto ang tungkol diyan, ngayon at noon: Tumitingin ka man sa mga tao at bagay, o umaasal at kumikilos, dapat ayon ito sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Iyon ang paghahangad sa katotohanan. Ang anupamang walang kinalaman sa mga salitang ito ay hindi paghahangad sa katotohanan. Siyempre pa, kung ang, “tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan,” ay hindi nakatuon sa mga tiwaling disposisyon ng tao, tinatalakay naman nito ang ilan sa mga kaisipan, pananaw, at kuru-kuro ng tao. At kung tinatalakay nito ang mga bagay na ito, at ito ay para matamo ang mithiing bigyang-kakayahan ang tao na magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, at magpasakop sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, natural na iyon ang magiging pinaka-epekto nito. Malinaw na malinaw at tahasan ang “tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.” Ang landas na ibinibigay nito sa mga tao sa huli ay nagbibigay-kakayahan sa kanilang iwaksi ang kanilang mga pagkiling sa mga pagsasagawa nila, at bitiwan ang mga pagnanasa at ambisyon nila. Kasabay nito, hindi dapat mamuhay ang mga tao na nagtatago sa likod ng paniniwalang nakahihigit sila, na nagtataglay sila ng pagkatao, at konsiyensiya at katwiran, at gamitin ito upang palitan ang prinsipyo ng pagsasagawa ng pagturing sa mga salita ng Diyos bilang batayan, at pagturing sa katotohanan bilang pamantayan. Anumang pangangatwiran ang mayroon ka, anumang kalakasan at bentahe ang taglay mo, hindi sapat ang mga ito upang palitan ang pagtingin sa mga tao at bagay, at pag-asal at pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Tiyak na tiyak iyan. Sa kabaligtaran, kung ang panimulang posisyon para sa pagtingin mo sa mga tao at bagay, at ang asal at kilos mo ay ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa mo ay ang katotohanan, nagsasagawa ka ng katotohanan. Kung hindi naman, hindi ka nagsasagawa ng katotohanan. Sa kabuuan, ang pamumuhay ng mga tao sa gitna ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, pagkilos nang may intensyong makipagtawaran, o palaging pagpapalit sa paghahangad sa katotohanan at pagsasagawa nito ng paniniwalang nagtataglay sila ng maraming mabubuting asal—ang gayong mga pamamaraan ay pawang kahangalan. Wala sa mga ito ang pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan, at sa huli, ang kahihinatnan ng mga hangal na pamamaraang ito ay na hindi mauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at hindi nila maiintindihan ang kalooban ng Diyos, at hindi sila makatatahak sa daan ng kaligtasan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Siyempre pa, sa mga hindi naghahangad sa katotohanan—bukod sa mga hindi maliligtas—may ilang handang maging tagapagserbisyo na makaliligtas. Ayos lang ito, maituturing itong magandang alternatibo sa hindi paghahangad sa katotohanan. Nasa inyo na kung aling landas ang partikular na pipiliin ninyo. Marahil ay sasabihin ng ilang tao, “Pagkatapos ng lahat ng pagbabahaginang iyon, hindi Mo pa rin sinabi sa amin kung paano tingnan ang mga tao at bagay, o kung paano umasal at kumilos.” Hindi Ko ba sinabi? (Sinabi Mo.) Ayon sa ano dapat tingnan ang mga tao at bagay, at ayon sa ano dapat umasal at kumilos? (Ayon sa mga salita ng Diyos.) At ano ang dapat na pamantayan? (Ang pamantayan ay ang katotohanan.) Ano ang mga salita ng Diyos? Nasaan ang katotohanan? (Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan.) May napakaraming salita ng Diyos, sinasabi ng mga ito sa mga tao ang tungkol sa bawat aspeto ng kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano umasal at kumilos, kaya hindi na natin idedetalye ang mga bagay na ito ngayon. Basahing muli ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. (Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.) Dapat ninyong iukit ang mga salitang ito sa inyong puso, at gamitin ang mga ito bilang kasabihan ninyo sa buhay. Palaging ilabas ang mga ito upang mapag-isipan at mapagmuni-munihan ninyo ang mga ito; ihambing ninyo sa mga ito ang inyong pag-uugali, saloobin sa buhay, pananaw sa mga bagay-bagay, at intensyon at mithiin. Pagkatapos ay malinaw mo nang mararamdaman kung ano ang tunay mong kalagayan, at kung ano ang diwa ng mga disposisyong inilalabas mo. Ihambing ang mga iyon sa mga salitang ito, at ituring ang mga salitang ito bilang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at bilang landas at direksyon para sa iyong pagsasagawa. Kapag naghahangad ka sa ganitong paraan, kapag ganap kang nakapapasok sa at naisasabuhay mo ang mga salitang ito, mauunawaan mo ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Natural na kapag pumasok ka sa realidad ng mga salitang ito, nakatahak ka na sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kapag tinahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, ano ang kalalabasan nito? Gagaan nang gagaan ang pagkabahala na dulot ng panggugulo, pagkontrol, at mga pagpigil ng iyong tiwaling disposisyon. Bakit ganoon? Dahil mararamdaman mo na mayroon kang landas para sa paglutas ng iyong tiwaling disposisyon, at na may pag-asa kang maligtas. Saka mo lang mararamdaman na ang buhay ng tunay na pananalig sa Diyos at pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita ay nakasisiya, mapayapa, at nakagagalak. Matapos ang maraming taon ng pananalig sa Diyos, ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay nararamdaman pa ring napakahungkag ng buhay, at na wala silang maaasahan. Madalas, nararamdaman pa nga nilang talagang masakit na mabuhay sa tiwaling disposisyon, at kahit na gusto nila itong iwaksi, hindi nila magawa. Nananatili silang napipigilan, nakagapos, at nakatali sa kanilang tiwaling disposisyon magpakailanman, na nagdudulot sa kanila ng matinding pagkabahala, subalit wala man lang silang landas na susundan. Walang katapusan ang kanilang mapapait na araw na ito. Kung magagawa nilang tanggapin ang katotohanan at matamo ang kaligtasan, lilipas ang mapapait na araw na ito. Gayunpaman, ang resulta ng lahat ng ito ay nakadepende sa inyong paghahangad at pagpasok sa hinaharap.

Enero 29, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.