Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 2 (Ikalawang Bahagi)
Ang pananalig sa Diyos ay hindi tungkol sa pagtatamo ng biyaya o ng pagpapaubaya at awa ng Diyos. Tungkol saan ito, kung gayon? Tungkol ito sa pagkakaligtas. Kaya, ano ang tanda ng kaligtasan? Ano ang mga pamantayan na hinihingi ng Diyos? Ano ang kailangan para maligtas? Ang kalutasan ng tiwaling disposisyon ng isang tao. Ito ang pinakamahalagang punto ng usapin. Kaya sa huli, kapag naisaalang-alang na ang lahat, gaano ka man nagdusa o gaano man kalaking halaga ang ibinayad mo, o gaano ka man katunay na mananampalataya na gaya ng ipinahahayag mo—kung sa huli ay hindi man lang nalutas ang iyong tiwaling disposisyon, nangangahulugan ito na hindi ka isang taong naghahangad ng katotohanan. O maaaring sabihin na kaya hindi nalutas ang iyong tiwaling disposisyon ay dahil hindi mo hinahangad ang katotohanan. Nangangahulugan ito na hindi mo man lang tinahak ang landas ng kaligtasan; nangangahulugan ito na walang naging epekto sa iyo ang lahat ng sinasabi ng Diyos at lahat ng ginagawa Niya upang iligtas ang tao, at wala itong kinahantungang patotoo mula sa iyo, at hindi ito nagbunga sa loob mo. Sasabihin ng Diyos, “Dahil nagdusa ka at nagbayad ng halaga, binigyan kita ng biyaya, mga pagpapala, pangangalaga, at proteksyon na nararapat sa iyo sa buhay na ito at sa mundong ito. Ngunit wala kang parte sa kung ano ang nararapat sa tao pagkatapos na maligtas. Bakit ganoon? Dahil naipagkaloob Ko na sa iyo ang nararapat sa iyo sa buhay na ito at sa mundong ito; pagdating naman sa kung ano ang nararapat sa tao pagkatapos ng pagliligtas, walang nakalaan para sa iyo, dahil hindi mo tinahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan.” Hindi ka kabilang sa mga maliligtas, hindi ka naging tunay na nilikha, at ayaw sa iyo ng Diyos. Ayaw ng Diyos sa mga taong basta lamang nagtatrabaho, nagpaparoo’t parito, nagdurusa, at nagbabayad ng halaga para sa Kanya, na medyo tunay na nananalig at may kaunting pananampalataya, at wala nang iba pa. Matatagpuan ang gayong mga tao kahit saan sa mga grupo ng Kanyang mga mananampalataya. Sa madaling salita, sadyang napakarami nila, silang mga nagtatrabaho at nagseserbisyo para sa Diyos, hindi sila mabilang sa dami. Kung sila ay mga taong paunang itinalaga at pinili ng Diyos, na inakay ng Diyos pabalik sa sambahayan ng Diyos, walang sinuman sa kanila ang aayaw na magtrabaho at magserbisyo para sa Kanya. Bakit ganoon? Dahil sadyang napakadali nitong gawin. Ito ang dahilan kung bakit napakaraming tao ang nagseserbisyo at nagtatrabaho para sa Diyos. May mga anticristo at masasamang tao pa ngang nagagawa rin ito, tulad ni Pablo. Hindi ba’t napakaraming tao ang katulad ni Pablo? (Oo.) Kung pupunta ka sa isang simbahan at mangangaral sa ganitong paraan—“Basta’t handa kang magparoo’t parito, magdusa, at magbayad ng halaga para sa Diyos, maghihintay sa iyo ang korona ng katuwiran”—sa palagay mo ba ay maraming tao ang tutugon sa iyo? Napakaraming tutugon sa iyo. Ngunit sa kasamaang-palad, sa huli ay hindi sila ang mga taong ililigtas ng Diyos o na maaaring maligtas. Nananatili lang sa yugto ng pagseserbisyo ang gayong mga tao; handa lang silang magserbisyo sa Diyos. Sa madaling salita, handa lang ang mga taong ito na ipalit ang kanilang pagtatrabaho para sa magandang kapalarang maibibigay ng Diyos, para sa Kanyang biyaya at mga pagpapala. Hindi nila gustong baguhin ang kanilang mga pamamaraan para manatiling buhay, o ang kanilang mga paraan ng pamumuhay, o ang pundasyong inaasahan nila upang mabuhay; ayaw nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos upang mabago ang kanilang mga tiwaling disposisyon o hangarin ang katotohanan upang matamo ang kaligtasan. Natural na masasabi mo ring ang mga taong ito ay handa lang magdusa at magbayad ng halaga, na handa lang silang talikuran at ialay ang lahat ng mayroon sila, na ginugugol nila ang lahat ng kaya nila, anuman ang halaga, at na handa silang magtrabaho sa anumang posibleng paraan—subalit kung hihilingin mo sa kanilang kilalanin nila ang kanilang sarili, na tanggapin ang katotohanan, na lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na talikdan ang laman, na isagawa ang katotohanan, at na bitiwan ang kanilang kasamaan at muling bumaling sa Diyos, gaya ng ginawa ng mga taga-Ninive, at sundin ang Kanyang mga salita, at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, magiging napakahirap nito para sa kanila. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Hindi ba’t masyado itong nakababahala? Ang Diyos ay gumawa ng napakaraming gawain at nagsalita ng napakaraming salita, kaya bakit sa tingin ng mga tao ay napakahirap na hangarin ng katotohanan? Bakit palagi silang mapagwalang-bahala rito? Kahit na maraming taon na silang nakaririnig ng mga sermon, wala pa rin silang intensyong magbago. Hindi sila kailanman taos-pusong nagsisi sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, ni hindi nila kailanman tunay na kinilala o tinanggap ang katunayan na mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Kapwa sa kanilang mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay at sa kanilang mga kilos, hinding-hindi nila binibitiwan ang kanilang mga sariling opinyon at hinahanap ang katotohanan; hindi nila hinaharap ang bawat bagay nang may saloobing baguhin ang kanilang mga opinyon at magsisi sa Diyos. Kaya naman maraming tao na marami nang naranasan at marami nang nagawang gawain, na matagal-tagal na sa kanilang mga tungkulin, ngunit hindi pa rin makapagbigay ng anumang patotoo. Wala pa rin silang kaalaman o karanasan sa mga salita ng Diyos, at kapag nagsasalita sila tungkol sa kanilang karanasan at kaalaman sa mga salita ng Diyos, hiyang-hiya sila at walang magawa, at mukha silang lubusang walang alam. Ang dahilan nito ay wala silang kaalaman sa katotohanan o hindi sila interesado rito. Sa kabilang banda, ang pagtatrabaho ay napakasimple, napakadali. Kaya lahat ay handang magserbisyo sa Diyos, ngunit hindi nila pinipiling hangarin ang katotohanan.
Ngayong nasabi na iyan, ano ba talaga ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Marami na tayong nasabi; hindi ba’t dapat nating tukuyin ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Kaya ba ninyo itong bigyang-kahulugan? Napakadali lang naman dapat ng pagbibigay-kahulugan dito, hindi ba? Malalaman ba ninyo ito kung pagninilayan, pagmumunihan, at pag-iisipan lang ninyo ang mga salita? Maaaring may ilang magsasabi, “Malaking paksa ang paghahangad sa katotohanan. Hindi ito malinaw na maipapahayag sa kaunting pangungusap lang. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin tungkol dito. Anong mga salita ang makapaglalarawan dito? Malaking bagay ang paghahangad sa katotohanan, at pinakamatatayog na salita lang ang angkop na makapaglalarawan at makapagbibigay-kahulugan dito—iyon ang tanging paraan para talagang mapabilib ang lahat!” Sa tingin ba ninyo ay ganoon dapat iyon? (Hindi.) Kung gayon, sa pang-araw-araw na wika ay bigyang-kahulugan ninyo ang paghahangad sa katotohanan. (Ang paghahangad sa katotohanan ay nangangahulugan ng paggamit sa katotohanan upang lutasin ang ating tiwaling disposisyon.) Maituturing ba iyang isang depinisyon? Napagpasyahan na ba ninyo ito? Madali bang bigyang-kahulugan ang paghahangad sa katotohanan? Hindi madali ang pagbibigay-kahulugan dito; kailangan ninyong pagsikapang pag-isipan ito. Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Subukan natin itong bigyang-kahulugan. Ang pinakamaganda sa lahat ng wika ng tao ay iyong simple, palasak, at ginagamit sa tunay na buhay. Hindi tayo magsasalita sa wikang hindi naiintindihan o na gumagamit ng mabubulaklak na salita. Magsasalita tayo sa pang-araw-araw na wika ng mga ordinaryong tao, sa paraang matatas, palasak, at madaling maintindihan, upang mabilis na mauunawaan ng mga tao ang ating sinasabi. Bukod sa mga menor de edad, o iyong mga masyadong hangal o hindi maayos ang pag-iisip para maunawaan ito, sinumang nasa hustong gulang na normal ang pag-iisip ay mauunawaan ang wikang ginamit natin sa sandaling marinig nila ito. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging palasak ng wika; iyon ang tinatawag na pang-araw-araw na wika. Kaya, ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na batay sa mga salita ng Diyos, ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan—iyon ang ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan. Iyon ang tumpak na depinisyon ng paghahangad sa katotohanan. Tanong: Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Sagot: Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Iyon ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan. Simple lang, hindi ba? Maaaring sabihin ng ilan sa inyo, “Kanina Mo pa ibinabahagi ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, samantalang isang pangungusap lang pala ang depinisyon niyon. Ganoon lang iyon kasimple?” Oo, ganoon lang iyon kasimple. Ito ay napakasimpleng depinisyon, subalit napakaraming nauugnay na paksa ang natatalakay nito—at ang lahat ng nauugnay na paksa na iyon ay natatalakay ang paksa ng paghahangad sa katotohanan. Kabilang sa mga paksang ito ang mga suliranin ng tao, at ang mga ideya at pananaw ng tao, maging ang lahat ng napakaraming pagdadahilan, pangangatwiran, pamamaraan, at saloobing taglay ng tao patungkol sa paghahangad sa katotohanan. Nariyan din ang paksa ng pagtutol ng tao sa paghahangad sa katotohanan at ang pagtanggi niyang gawin ito, na dulot ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Siyempre pa, ang mga bagay na sinabi Ko sa inyo—ang ilang landas at hakbang para sa paghahangad sa katotohanan, ang paraan kung paano hinahangad ng isang tao ang katotohanan, ang mga resultang natatamo sa paghahangad sa katotohanan, at ang realidad ng katotohanan na makikita sa mga taong nagsasabuhay rito—tinatalakay din ng mga ito ang paksa ng paghahangad sa katotohanan. Ang pinakaresulta nito ay ang patotoo sa mga salita ng Diyos na batay sa karanasan at ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao na umuusbong kapag ang mga tao ay hinahangad ang katotohanan at isinasagawa at dinaranas ang Kanyang mga salita. Ito ang pinakamagandang resulta. Ang isang katangian ng gayong patotoo ay pinatototohanan nito ang mga resulta ng gawain ng Diyos; ang isa pang katangian ay pinatototohanan nito ang mga positibong epekto na makikita sa mga taong naghangad sa katotohanan, na ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay nalutas, sa iba’t ibang antas. Halimbawa, ang isang taong dating napakayabang, na pabasta-basta, walang-ingat, at sarili lang ang sinusunod sa kanyang mga pagkilos, ay nalaman na isa itong tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay tinanggap ito at kinilala ito. Unti-unti, nagawa niyang malaman ang pinsala na idinudulot ng tiwaling disposisyong ito sa iba at sa kanyang sarili: Sa mas makitid na pananaw, mapanganib ito sa mga tao, at sa mas malawak na pananaw, ginugulo, ginagambala, at pinipinsala nito ang gawain ng iglesia. Isang bahagi ito ng mga resulta; isa itong bagay na natututunan ng isang tao kapag nauunawaan niya ang mga salita ng Diyos. Dagdag pa rito, sa batayan ng paghahayag ng mga salita ng Diyos, kinikilala niya ang kanyang tiwaling disposisyon, at pagkatapos, sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos, unti-unti siyang nagsisisi, at binibitiwan niya ang mga paraan ng pamumuhay at mga pananaw tungkol sa kanyang asal at mga pagkilos na dati niyang pinanghahawakan. Nakakahanap siya ng mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at inaasikaso niya ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo ng pagsasagawa na ibinigay ng Diyos sa kanya. Ito ay tunay na pagsisisi at tunay na pagbabago ng sarili. Nagagawa niyang umasal at kumilos batay sa mga salita ng Diyos, at sa huli, nagagawa niyang hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan sa tuwing kumikilos siya, at isinasabuhay niya ang parte ng realidad ng pagturing sa mga salita ng Diyos bilang kanyang batayan. Isa itong halimbawa ng paglutas ng mapagmataas na disposisyon. Ang pinakaresulta na natatamo nito ay na hindi na ipinapamuhay ng taong ito ang kayabangan; sa halip ay mayroon na siyang konsiyensiya at katwiran, nagagawa na niyang hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan, at tunay na siyang nagpapasakop sa katotohanan; hindi na pinapangibabawan ng kanyang tiwaling disposisyon ang isinasagawa at ipinapamuhay niya, sa halip ay itinuturing niyang pamantayan niya ang katotohanan, at isinasabuhay niya ang realidad ng mga salita ng Diyos—iyon ang resulta. Hindi ba’t natatamo ang resultang ito sa paghahangad sa katotohanan? (Oo.) Ito ang uri ng resulta na nadudulot sa tao ng paghahangad sa katotohanan. At para sa Diyos, ang pamumuhay sa ganitong paraan ay tunay na patotoo sa Kanya at sa Kanyang gawain; isa itong resulta na natatamo kapag sumasailalim ang isang nilikha sa paghatol, pagkastigo, at paglalantad ng mga salita ng Diyos. Tunay itong patotoo, at isa iyong maluwalhating bagay para sa Diyos. Siyempre, para sa tao, hindi ito maluwalhating bagay; matatawag lang itong kapita-pitagan at kapuri-puring bagay, at siyang patotoong dapat taglayin at isabuhay ng isang nilikha matapos maranasan ang gawain ng Diyos. Isa itong positibong epektong natatamo sa isang taong naghahangad sa katotohanan. Itinuturing din ng Diyos ang gayong karanasan at kaalaman, at kung ano ang isinasabuhay ng mga taong ito, bilang mga resultang natamo ng Kanyang gawain. Para sa Kanya, isa itong patotoo na humahambalos nang malakas kay Satanas. Ito ang minamahal ng Diyos at ang Kanyang pinahahalagahan.
Katatapos lang nating bigyang-kahulugan ang paghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan ng depinisyon na ito, mas malapit na ba sa realidad ang pananaw ninyo tungkol sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? (Oo.) Ngayong nabigyang-kahulugan na natin ang paghahangad sa katotohanan sa paraang nauunawaan ninyo, paano ninyo dapat ituring ang inyong mga dating paghahangad? Posibleng karamihan sa inyo ay hindi mga taong naghahangad sa katotohanan. Maaaring para sa inyo ay medyo nakalulungkot na marinig ito, hindi ba? Basahing muli ang depinisyon. (Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Sagot: Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.) Masasabi na ninyo ito ngayon nang tumpak. Kung mas pag-iisipan pa, tama ba ito? (Tama ito.) Kung susukatin ninyo ang inyong mga dating paghahangad at pagsasagawa batay sa depinisyong ito, ano ang magiging resulta? Malalaman ninyo kung kasalukuyan ba ninyong tinataglay ang realidad ng katotohanan o hindi, at mabeberipika ninyo kung ang kasalukuyan ba ninyong asal ay ang paghahangad sa katotohanan o hindi. Hindi naman ito mahirap unawain, hindi ba? Napakapalasak na wika naman nito, hindi ba? (Oo.) Isa itong ordinaryong wika na mauunawaan ng sinumang ordinaryong tao. Bagamat tila napakadali nitong maunawaan, may problema ang mga tao. Anong problema iyon? Na sa sandaling maunawaan nila ang depinisyon, naiilang sila at sumasama ang loob nila. Bakit masama ang loob nila? Dahil pakiramdam nila ay nakondena ang kanilang mga dating pagdurusa at mga halagang ibinayad nila, na walang saysay nilang ibinigay ang mga ito, at nababalisa sila dahil dito. Pagkarinig nito, sasabihin ng ilang tao, “Ah—iyon pala ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan. Kung pagbabatayan namin ang depinisyon na iyon, hindi ba’t nasayang lang ang lahat ng halagang ibinayad namin at lahat ng aming mga dating ginugol? Kung hindi Mo binigyang-kahulugan ang paghahangad sa katotohanan, magpapatuloy sana kami sa pag-iisip na maganda ang ginagawa namin sa aming paghahangad; ngayong ibinigay Mo na rito ang depinisyong ito, hindi ba’t balewala na ang lahat ng aming paghahangad at halagang ibinayad namin? Hindi ba’t nasira na ang lahat ng pangarap naming makoronahan at magantimpalaan? Kapag naunawaan na namin ang katotohanan, dapat kaming pagpalain at dapat matupad ang aming mga pangarap, kaya bakit kami hinahatulan ngayong nauunawaan na namin ang katotohanan? Bakit kami namumuhay sa kadiliman nang walang pag-asa? Nakondena na ang aming mga nakaraan at kasalukuyan, at hindi masasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Para bang walang pag-asang mapagpapala kami.” Ganoon ba iyon? Tama bang isipin ito ng mga tao sa ganitong paraan? (Hindi.) Dapat bang isipin ito ng mga tao sa ganitong paraan? (Hindi.) Hindi dapat. Ngunit may isang magandang bagay tungkol dito: Maaari mong paulit-ulit na basahin nang padasal ang depinisyong ito ng paghahangad sa katotohanan, pagkatapos ay magbalik-tanaw sa iyong nakaraan, tingnan ang iyong kasalukuyan, at panabikan ang iyong hinaharap. Maaaring sumama ang loob mo, ngunit ang pakiramdam na iyon ay nangangahulugang hindi ka manhid. Alam mong dapat mong isaalang-alang ang iyong nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, at alam mong dapat kang gumawa ng mga plano para sa iyong mga inaasam, at isipin ang mga ito, mag-alala para sa mga ito, at mabagabag tungkol sa mga ito. Magandang bagay iyon. Pinatutunayan nito na buhay ka pa rin, na isa kang nabubuhay na tao, at na hindi pa patay ang iyong puso. Ang nakababahala ay kapag nananatiling mapagwalang-bahala ang isang tao anuman ang sabihin sa kanya o gaano man kalinaw na ibahagi sa kanya ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Iniisip niya, “Ito lang talaga ako; ano naman kung pagpapalain ako o sasapit sa akin ang sakuna? Hatulan Mo ako, kondenahin Mo ako—gawin Mo ang anumang gusto Mo!” Kahit ano pa ang sabihin sa kanya, manhid siya rito. Problema iyon. Ano ang ibig Kong sabihin sa problema? Nangangahulugan ito na paano ka man magbahagi sa kanya tungkol sa katotohanan, hindi niya ito mauunawaan; isa siyang patay na tao na walang espiritu. Wala siyang kaide-ideya tungkol sa mga bagay na tulad ng pananalig sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, pagkakaligtas, o gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao, at hindi niya nauunawaan ang gayong mga bagay. Para itong pagtatangkang turuang kumanta ang isang taong sintunado, o pagtuturo sa isang taong color-blind na maghalo ng mga kulay: Sadyang hindi ito posible. Walang anumang kabuluhan o halaga para sa kanya ang pagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito, dahil anuman ang sabihin mo, malalim man ito o mababaw, partikular man ito o pangkalahatan, wala itong magiging pagkakaiba—ano’t anuman ay wala siyang mararamdaman. Para siyang bulag na taong nakasalamin, suot man niya o hindi ang salamin na iyon ay walang epekto sa kanyang paningin. Madalas sabihin ng ilang tao, “Kapag narito na ang taglamig, gaano pa kalayo ang tagsibol?” at “Hindi ako takot mamatay, kaya bakit ako matatakot mabuhay?” at “Iwinawasiwas ko ang aking mga kamay, kahit manipis na ulap ay hindi ko maitataboy.” Ang lahat ng ito ay mga salita ng mga walang espiritung patay na tao na ang tingin sa kanilang sarili ay napakatalino. Kung gagamitan ng mga espirituwal na termino, wala silang espirituwal na pagkaunawa. Mga patay na tao ang mga walang espirituwal na pagkaunawa, kahit na sila ay buhay. Kaya bang maunawaan ng mga patay na tao ang mga salita ng mga nabubuhay? Iniisip nila, “Ang lahat ng pag-uusap na ito tungkol sa paghahangad sa katotohanan, at ang pagtingin sa mga tao at bagay, at ang asal at mga pagkilos ng isang tao—ano ang kinalaman nito sa akin? Hindi ako takot mamatay, kaya bakit ako matatakot mabuhay?” Katapusan na ng sinumang ganito mag-isip. Isa siya sa mga patay. Ganyan ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan. Anumang mga layunin o plano ang mayroon ka para sa iyong landas sa hinaharap pagkatapos mabasa ang depinisyong ito, o kung paano ka magbabago, nakadepende ang lahat sa iyong personal na paghahangad. Ito ang mga salitang kailangan Kong sabihin at ang gawaing kailangan Kong gawin. Nasabi Ko na ang lahat ng kailangan Kong sabihin, at nasabi Ko na ang lahat ng dapat Kong sabihin. Kung talagang mahal ninyo ang katotohanan at mayroon kayong kagustuhang hangarin ito, makabubuting gamitin ninyo ang ibinigay Kong depinisyon ng paghahangad sa katotohanan bilang mithiin at direksyon para sa inyong paghahangad pagdating sa kung paano ninyo karaniwang tinitingnan ang mga tao at bagay, at paano kayo umaasal at kumikilos, o gamitin ito bilang sanggunian, nang sa gayon ay maaari kayong unti-unting makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan. Kung gagawin mo ito, sa nalalapit na hinaharap, tiyak na may makakamit ka sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Maaaring sabihin ng ilan, “Kahit kailan ay hindi pa huli ang lahat para hangarin ang katotohanan.” Hindi ito tumpak—kung hindi mo hahangarin ang katotohanan hanggang sa matapos na ang gawain ng Diyos, talagang magiging huli na ang lahat. Paano ipaliliwanag ang ideyang iyon? Ang paghahangad sa katotohanan ay dapat na mangyari bago matapos ang gawain ng Diyos. Sa madaling salita, totoo ang pahayag na ito hangga’t hindi pa pinatutunog ng Diyos ang kampana upang ipaalam na tapos na ang Kanyang gawain. Ngunit kapag tapos na ang gawain ng Diyos, at sabihin Niyang, “Hindi Ko na gagawin ang gawain ng pagliligtas sa tao, at hindi na Ako mangungusap ng mga salita upang tulungan ang mga tao na matamo ang kaligtasan o mga salitang may kinalaman sa kaligtasan ng tao. Hindi na Ako mangungusap ng gayong mga bagay,” kung magkagayon ay tunay nang natapos ang Kanyang gawain. Kung maghihintay ka hanggang sa sandaling iyon bago hangarin ang katotohanan, talagang magiging huli na ang lahat. Anuman ang mangyari, kung magsisimula ka nang hangarin ang katotohanan ngayon, magkakaroon ka pa rin ng panahon—may pag-asa ka pang matamo ang kaligtasan. Mula ngayon, gawin mo ang pinakamakakaya mo para unti-unting tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan mo ay ang katotohanan. Sa loob ng maiksing panahon, magsikap na basahin at unawain ang lahat ng salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng tao, at isagawa ang pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili. Malaking pakinabang sa iyong pagpasok sa buhay ang paggawa nito. Halimbawa, sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, basahin iyong mga tumatalakay sa disposisyon ng mga anticristo. Hindi ba’t ang mga iyon ang pinakapangunahing mga salita? (Ganoon nga.) At ano ang dapat mong gawin batay sa mga salitang iyon? Kondenahin ang iyong sarili? Sumpain ang sarili? Ipagkait sa sarili ang iyong kinabukasan at kapalaran? Hindi—dapat mong gamitin ang mga ito upang malaman ang iyong tiwaling disposisyon. Huwag itong subukang takasan. Bawat tao ay kailangang pagdaanan ang yugtong ito. Ano ang ibig sabihin na ang bawat tao ay kailangang pagdaanan ito? Katulad lang ito ng kung paanong ang bawat tao ay ipinanganganak na may ina at ama, pagkatapos ay lumalaki, tumatanda, at namamatay. Mga yugto ito na kailangang isa-isang pagdaanan ng bawat tao. Gaano kahalaga ang paghahangad sa katotohanan? Kasinghalaga ito ng pang-araw-araw na pagkain at inumin ng tao. Kung titigil ka sa pagkain at pag-inom bawat araw, hindi makatatagal ang iyong katawan; hindi makapagpapatuloy ang iyong buhay. Ang ibig sabihin ng “ayon sa mga salita ng Diyos” ay dapat mong tingnan ang mga tao at bagay, at dapat kang umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na siya namang magpapausbong sa iyong mga pananaw, pamamaraan, at kagawian. Siyempre pa, katumbas ng “ayon sa mga salita ng Diyos” ang “na ang pamantayan ay ang katotohanan.” Kaya, sa depinisyon ng paghahangad sa katotohanan, sapat na ang “ayon sa mga salita ng Diyos.” Bakit kailangan pang idagdag ang “na ang pamantayan ay ang katotohanan?” Dahil may ilang partikular na problema na hindi tinatalakay sa mga salita ng Diyos. Sa gayong mga sitwasyon, dapat mong hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan, at tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, ayon sa mga prinsipyong iyon. Sa paggawa nito, tiyak na matatamo mo ang ganap na katumpakan. Bago matamo ang ganap na katumpakan, dapat malaman muna ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon at kilalanin ang kanyang mga tiwaling pagbubulalas at tiwaling diwa. Pagkatapos niyon, dapat siyang taos-pusong magsisi, at sa gayon ay tunay na mabago ang kanyang sarili. Kailangang-kailangan ang bawat isa sa mga proseso sa seryeng ito, tulad na lamang kapag kumakain ang isang tao: Dapat isubo ang pagkain, at pagkatapos ay dapat iyong dumaan sa kanyang lalamunan papunta sa kanyang sikmura, pagkatapos ay matutunaw ito at maaabsorb. Saka lang ito unti-unting hahalo sa kanyang dugo at magiging sustansya na kailangan ng kanyang katawan. Hinahangad ng mga tao ang katotohanan at ginagawa itong kanilang pamantayan, pagkatapos ay naisasagawa na nila ang katotohanan, at naipapamuhay ito, at napapasok nila ang realidad nito. Kailangang-kailangan ang bawat isa sa mga normal na proseso sa seryeng ito; mga kinakailangang hakbang ito na dapat pagdaanan ng bawat taong naghahangad sa katotohanan sa kanyang paghahangad sa anumang aspeto ng katotohanan. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ko kailangan ang mga hakbang at proseso na iyon para hangarin ang katotohanan. Hahanapin ko na lang nang direkta ang katotohanan at pagkatapos ay isasagawa ito at gagawin itong realidad ko.” Napakasimpleng pagkaunawa niyon, ngunit kung makapagbubunga ito ng mga resulta, siyempre mas magandang paraan ito. Ipinapakita nito na nakaipon ka na ng partikular na dami ng kaalaman at tagumpay habang regular na inaalam ang iyong tiwaling disposisyon, kaya puwede mo nang hindi gawin ang mga proseso ng pagsusuri, pag-alam, pagtanggap, pagsisisi, at iba pa, at dumeretso ka na sa paghahanap sa mga prinsipyo ng katotohanan. Para makaderetso ang isang tao sa paghahanap sa mga prinsipyo ng katotohanan, dapat nagtataglay siya ng isang partikular na tayog. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng gayong tayog? Nangangahulugan itong mayroon siyang tunay na kaalaman tungkol sa kanyang tiwaling disposisyon, at na kapag hindi niya nauunawaan ang mga katotohanan tungkol sa isang bagay na sumasapit sa kanya, hindi na niya kailangang kilalanin ang kanyang sarili, o magsisi, o baguhin ang kanyang landas. Ang kailangan na lang niyang gawin ay direktang makamit ang pagkaunawa sa mga prinsipyo ng katotohanan, at pagkatapos ay magsagawa ayon sa mga ito. Sapat na iyon. Hindi ito ang tayog ng isang ordinaryong tao. Ang isang taong may gayong tayog ay naranasan na kahit papaano ang proseso ng matinding paghatol, pagkastigo, pagdisiplina, at pagsubok ng Diyos. Nagpasakop na siya sa Diyos at nasa daan na tungo sa pagiging naperpekto. Hindi kailangan ng gayong mga tao ang mga prosesong gaya ng pag-alam sa kanilang katiwalian, pagkatapos ay pagkilala rito, pagsisisi, at pagbago sa kanilang sarili. Paano naman kayo? Kailangan ba ng karamihan sa inyo na magsimula sa pagkilala sa sarili? Kung hindi mo kilala ang iyong sarili, hindi ka makukumbinsi, at hindi magiging madali para sa iyo na tanggapin ang katotohanan, ni hindi mo magagawang tunay na magsisi. Kung hindi ka tunay na magsisisi, makapagpapasakop ka ba sa katotohanan? Makapagpapasakop ka ba sa Diyos? Hinding-hindi, at kung ganoon, hindi ka isang taong maliligtas.
Pagkatapos ng pagbabahaginang ito, medyo may landas na ba kayo ng paghahangad sa katotohanan? May kumpiyansa na ba kayong hangarin ito? (Mayroon na.) Maganda iyan; nakababahala kung wala kayong kumpiyansa. Maaaring may ilan sa inyo na negatibo ang pakiramdam pagkatapos ng sermon. “Naku—mahina ang kakayahan ko. Nakinig ako sa sermon, pero wala akong maintindihan; kaunting doktrina lang ang nauunawaan ko. Mukhang wala akong gaanong espirituwal na pagkaunawa. Wala akong sigla pagdating sa paghahangad sa katotohanan. Sa pagganap sa aking tungkulin, ang kaya ko lang gawin ay magtrabaho nang kaunti. Napakarami kong pagkukulang at puno ako ng mga tiwaling disposisyon. Palagay ko hindi na ito mababago. Ganito na lang talaga ito. Sapat na sa akin na maging tagapagserbisyo lang.” Matatahak ba ng isang taong may ganitong mga negatibong saloobin ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Tila medyo mapanganib ito, dahil ang mga negatibong saloobing ito ang nagiging malaking hadlang sa paghahangad ng isang tao sa katotohanan. Kung hindi niya lulutasin ang mga ito, gaano man kaganda ang landas na ito, hindi niya ito matatahak. Ang ilang tao ay maraming beses nang nabigo at nalugmok sa daan ng paghahangad sa katotohanan, at sila ay nasiraan ng loob sa huli: “Iyon na iyon—hindi ko na kailangang hangarin pa ang katotohanan. Hindi ko kapalaran na mapagpala. Hindi ba’t ang Diyos Mismo ang nagsabi: ‘Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala?’ Sa isang tingin lang sa salamin ay nakikita ko nang pangkaraniwan ang itsura ko, na walang sigla ang mga mata ko at hindi maganda ang proporsyon ng mukha ko, wala ni katiting na kapinuhan. Paano mo man ito tingnan, sadyang hindi ako isang taong mukhang pinagpapala. Kung hindi ito paunang itinalaga ng Diyos, maghangad man ang mga tao hangga’t gusto nila, wala itong magiging silbi!” Tingnan ang pag-iisip ng mga taong ito: Paano sila makatatahak sa daan ng paghahangad sa katotohanan kung napakaraming karima-rimarim na bagay sa kanilang puso ang hindi pa nalulutas? Ang paghahangad sa katotohanan ang pinakadakilang bagay sa buhay, at ang pinakamalalang maaari mong gawin ay ang palagi itong iugnay sa pagkakamit ng mga pagpapala. Dapat munang lutasin ng isang tao ang kanyang intensyong magkamit ng mga pagpapala. Pagkatapos niyon, medyo magiging mas maayos na ang paghahangad sa katotohanan. Pagdating sa paghahangad sa katotohanan, ang pinakamahalagang bagay ay hindi ang tingnan kung marami bang tao ang nasa landas na ito, at hindi ang sumunod sa pinipili ng nakararami, kundi ang tumuon lang sa pagsisikap na matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, sa pagtulad kay Pedro. Ang pinakaimportanteng bagay ay ang malinaw na makita ang kasalukuyan at mamuhay rito, ang malaman kung anong tiwaling disposisyon ang kasalukuyang lumalabas mula sa iyo, at ang agaran at mabilisang paghahanap sa katotohanan upang lutasin ito, na sa una ay suriin ito at alamin ito nang mabuti, at pagkatapos ay magsisi sa Diyos. Kapag nagsisisi ka, ang pagsasagawa sa katotohanan ang pinakamahalaga—ito ang tanging paraan upang magtamo ng mga totoong resulta. Kung sasabihin mo lang sa Diyos, “Diyos ko, handa akong magsisi. Patawad. Mali ako. Pakiusap, patawarin Mo ako!” at iisiping ito lang ang kailangan mong gawin upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, gagana ba iyon? (Hindi.) Kung palagi kang handang sabihin sa Diyos, “Diyos ko, patawad. Mali ako,” na umaasang kapag sinabi mo ito ay sasabihin ng Diyos, “Ayos lang. Magpatuloy ka lang”—kung palagi kang namumuhay sa ganitong klase ng kondisyon, hindi mo mapapasok ang katotohanan. Kung gayon, paano ka dapat magdasal at magsisi sa Diyos? May landas ba ito? Ang sinumang may karanasan na rito ay maaaring magsalita nang kaunti tungkol dito. Wala? Lumilitaw na karaniwan, hinding-hindi kayo nagdarasal para magsisi, ni hindi ninyo ipinagtatapat ang inyong mga kasalanan at hindi kayo nagsisisi sa Diyos. Kung gayon, paano ninyo dapat bitiwan ang inyong sariling mga kahilingan at intensyon? Paano ninyo dapat lutasin ang inyong katiwalian? Mayroon ba kayong landas ng pagsasagawa? Bilang halimbawa, kung wala kang landas para sa paglutas ng mapagmataas na disposisyon, dapat kang magdasal sa Diyos nang ganito: “Diyos ko, may mapagmataas na disposisyon ako. Sa tingin ko ay mas magaling ako kaysa sa iba, mas mahusay kaysa sa iba, mas matalino kaysa sa iba, at gusto kong gawin ng iba kung ano ang sinasabi ko. Sobrang hindi ito makatwiran. Bakit hindi ko ito mabitiwan, kahit na alam kong kayabangan ito? Nagsusumamo akong disiplinahin at pagalitan Mo po ako. Handa akong bitiwan ang aking kayabangan at ang sarili kong kalooban para hanapin ang Iyong kalooban. Handa akong makinig sa Iyong mga salita, at tanggapin ang mga ito bilang aking buhay at mga prinsipyo para sa aking pagkilos. Handa akong ipamuhay ang Iyong mga salita. Nagsusumamo akong gabayan Mo ako, nagsusumamo akong tulungan at akayin Mo ako.” May saloobin ba ng pagpapasakop sa mga salitang ito? May kagustuhan bang magpasakop? (Mayroon.) Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi epektibo ang isang beses lang na pagdarasal. Kapag may sumasapit sa akin, namumuhay pa rin ako ayon sa aking tiwaling disposisyon, at gusto ko pa ring ako ang masunod.” Kung gayon, magpatuloy sa pagdarasal: “Diyos ko, napakayabang ko, napakarebelde! Nagsusumamo akong disiplinahin Mo ako, patigilin ang aking paggawa ng masama, at pigilin ang aking mapagmataas na disposisyon. Nagsusumamo akong gabayan at akayin Mo ako, nang sa gayon ay maipamuhay ko ang Iyong mga salita, at makakilos at makapagsagawa ako ayon sa Iyong mga salita at hinihingi.” Dalasan ang paglapit sa Diyos sa panalangin at pagsamo, at hayaan Siyang gumawa. Kapag mas taos-puso ang iyong mga salita, at mas tapat ang iyong puso, mas titindi ang iyong kagustuhang talikdan ang laman at ang iyong sarili. Kapag napangibabawan nito ang iyong kagustuhang kumilos ayon sa sarili mong kalooban, unti-unting kusang magbabago ang iyong puso—at kapag nangyari iyon, magkakaroon ka ng pag-asang maisagawa ang katotohanan at makakilos ayon sa mga prinsipyo nito. Kapag nagdarasal ka, ang Diyos ay walang anumang sasabihin sa iyo, o ipahihiwatig sa iyo, o ipapangako sa iyo, ngunit susuriin Niya ang iyong puso at ang intensyon sa likod ng iyong mga salita; oobserbahan Niya kung taos-puso at totoo ba ang sinasabi mo, at kung nagsusumamo at nagdarasal ka ba sa Kanya nang may tapat na puso. Kapag nakikita ng Diyos na tapat ang iyong puso, aakayin at gagabayan ka Niya, gaya ng hiniling at ipinagdasal mong gawin Niya, at siyempre pa, pagagalitan at didisiplinahin ka rin Niya. Kapag tinutupad ng Diyos ang ipinagsusumamo mo, ang iyong puso ay mabibigyang-liwanag at medyo magbabago. Taliwas dito, kung hindi taos-puso ang iyong mga panalangin at pagsusumamo sa Diyos, at wala kang tunay na kagustuhang magsisi, bagkus ay sinusubukan mo lang na pabasta-bastang amuin ang Diyos at lokohin Siya gamit ang iyong mga salita, kapag sinuri ng Diyos ang iyong puso, wala Siyang anumang gagawin para sa iyo, at kasusuklaman at tatanggihan ka Niya. Sa mga sitwasyong ito, hindi mo rin mararamdaman na may anumang sinasabi ang Diyos sa iyo, o na may ginagawa Siyang anuman, o kumikilos man lang. Hindi gagawa ang Diyos ng kahit anong gawain sa iyo, dahil hindi tapat ang puso mo. At kapag hindi gumagawa ang Diyos, ano ang mangyayari? Gaya ng gusto mong mangyari, mawawalan ng pagnanais na magsisi ang iyong puso, at talagang hindi ito magbabago. Kaya naman, sa kapaligirang iyon at sa pangyayaring sumapit sa iyo, madidiktahan pa rin ng kagustuhan at mga tiwaling disposisyon ng tao ang ginagawa mo, sa halip na maging batay sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kikilos at magsasagawa ka pa rin ayon sa kung ano ang gusto at nais mo. Ang resulta ng mga panalangin mo sa Diyos ay magiging pareho sa resulta bago ka manalangin; walang magiging pagbabago. Gagawin mo pa rin ang anumang gusto mo, nang hindi man lang binabago ang iyong sarili. Ang ibig sabihin nito, sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, mahalaga ang mga pansariling pagsisikap ng mga tao, at mahalaga rin kung nauunawaan ba nila ang katotohanan. Kasabay nito, kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at nais itong isagawa, ngunit nahihirapang gawin ito, dapat silang umasa sa Diyos, at ihandog ang kanilang puso at mga taimtim na panalangin. Napakahalaga rin niyon; kailangang-kailangan ang lahat ng bagay na ito. Kung ang ginagawa mo lang ay magdasal sa Diyos sa pabasta-basta at paimbabaw na paraan, sinasabing: “Diyos ko, mali ako. Patawad,” at kung pabasta-basta ka sa Diyos sa puso mo gaya ng pagiging pabasta-basta mo sa mga salita sa iyong panalangin, hindi gagawa ng gawain ang Diyos, ni hindi ka Niya pagtutuunan ng pansin. Kung sasabihin mo, “Diyos ko, patawad. Mali ako,” tiyak na hindi sasabihin ng Diyos: “Ayos lang.” Dahil sa mga pabasta-basta at mababaw na salitang sinambit mo sa Kanya, tatanungin ka ng Diyos: “Sa paanong paraan ka nagkamali? Ano ang plano mong gawin? Magsisisi ka ba? Tatalikuran mo ba ang iyong kasamaan at babaguhin ang iyong sarili? Bibitiwan mo ba ang sarili mong kagustuhan, mga layunin, at mga interes, at magmamadali ka bang baguhin ang iyong sarili? Makapagdedesisyon ka bang baguhin ang sarili mo?” Maaaring hindi mo marinig na nagtatanong ng kahit ano sa iyo ang Diyos habang nangyayari ito, ngunit kung sasabihin mo sa Diyos, “Diyos ko, patawad. Mali ako,” sa perspektibo ng Diyos, magiging gaya sa sinabi Ko ang saloobin Niya: Tatanungin ka Niya gamit ang mga salitang ito. Paano ka Niya tatanungin? Pagmamasdan Niya kung ano ang ginagawa mo at ang mga desisyon mo matapos sabihing: “Diyos ko, patawad. Mali ako.” Titingnan Niya kung may tunay kang pagsisisi na nagmumula sa tunay na pagkilala at pagkapoot sa iyong sariling katiwalian. Titingnan ng Diyos kung ano ang saloobin mo sa Kanya, kung ano ang saloobin mo sa katotohanan, kung paano mo tinitingnan ang sarili mong tiwaling disposisyon at ano ang mga pananaw mo tungkol dito, at kung balak mong bitiwan ang mga mali mong pananaw at pamamaraan; Titingnan Niya ang iyong mga desisyon, kung pinipili mo bang tahakin ang daan ng paghahangad sa katotohanan, kung paano ka dapat kumilos at ang mga prinsipyo na dapat mong itaguyod mula ngayon, kung kaya mo bang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Kanya. Susuriin ng Diyos ang bawat kilos mo, ang bawat layunin at desisyon mo, at habang ginagawa Niya ito, titingnan Niya kung ang mga bagay ba na ginagawa mo pagkatapos gawin ang mga desisyon na iyon ay talagang mga kilos ng pagsisisi at pagbabago ng sarili. Iyon ang mahalagang isyu.
Kapag pinili na ng mga tao na magsisi, paano nila sisimulang baguhin ang kanilang sarili? Sa pamamagitan ng pagbitiw sa iyong mga kahilingan, saloobin at pananaw, at nakagawiang paggawa ng mga bagay-bagay upang isagawa ang katotohanan, at tunay na pagbabago. Iyon ang ibig sabihin ng tunay na pagbabago ng sarili. Kung sinasabi mo lang na handa kang baguhin ang sarili mo, pero sa puso mo ay kumakapit ka pa rin sa mga sarili mong kahilingan, tinatalikuran ang katotohanan, at ipinagpapatuloy ang iyong nakagawian, hindi mo tunay na binabago ang iyong sarili. Kung ang sinasabi mo lang sa Diyos kapag nagdarasal ka ay “Diyos ko, patawad. Mali ako,” subalit sa lahat ng kilos mo pagkatapos ay gumagawa ka pa rin ng mga desisyon, kumikilos, nagsasagawa, at namumuhay ayon sa sarili mong kagustuhan, na sinasalungat mo ang katotohanan sa paggawa ng lahat ng bagay na ito, kung gayon sa perspektibo ng Diyos, paano ka dapat tukuyin? Hindi mo binago ang iyong sarili. Kahit papaano, sasabihin Niyang wala kang intensiyong baguhin ang iyong sarili. Maaaring sabihin mo sa Diyos, “Diyos ko, patawad. Mali ako,” ngunit mga pabasta-bastang salita lang ang mga ito, hindi pagsisisi o pagtatapat na nagmumula sa kaibuturan ng iyong puso. Hindi sumasalamin ang mga ito sa saloobin ng pag-amin sa pagkakamali at pagsisisi; mga walang kabuluhang salita lang ang mga ito. Hindi nakikinig ang Diyos sa sinasabi mo—tinitingnan Niya kung ano ang iyong iniisip, pinaplano, at pinapakana. At kapag nakikita ng Diyos na ang batayan at mga prinsipyo para sa iyong mga kilos ay salungat pa rin sa katotohanan, papatawan ka Niya ng tunay, totoo, at tumpak na hatol. Sasabihin Niya, “Hindi mo binago ang iyong sarili, at hindi mo binabago ang iyong sarili.” At kapag sinasabi ito ng Diyos, kapag ipinapataw ng Diyos ang hatol na ito sa iyo, mawawalan na Siya ng pakialam sa iyo. At kapag wala nang pakialam ang Diyos sa iyo, magiging madilim ang iyong puso sa mga darating na araw, at mawawalan ka ng kaliwanagan at pagtanglaw sa lahat ng ginagawa mo, at hindi mo man lang mamamalayan kapag naglalabas ka ng tiwaling disposisyon, ni hindi ka madidisiplina dahil dito. Magpapatuloy ka, nang manhid at matamlay, at magiging hungkag ang pakiramdam mo, at mararamdaman mong wala kang anumang maaasahan. Ang pinakamalala pa, ipagpapatuloy mo ang iyong hindi makatwiran at walang pakundangang pagkilos, at patuloy mong hahayaang malayang lumobo at lumaki ang iyong tiwaling disposisyon. Iyon ang mangyayari. Ano ang pinakakahihinatnan ng isang taong kumikilos sa ganitong paraan? Kapag tinatalikdan ng isang tao ang katotohanan, ang kahihinatnan na idinudulot niya sa kanyang sarili ay ang mawalan ng pakialam ang Diyos sa kanya. Bagamat maaaring walang anumang sabihin o malinaw na ipahiwatig sa iyo ang Diyos, mararamdaman mo ito. Batay sa iyong mga saloobin at ideya, sa iyong mga totoong kalagayan, at sa iyong saloobin sa katotohanan, magiging malinaw na ang iyong kabuuang kondisyon ay pagiging manhid, matamlay, mapagmatigas, at iba pang gayong pagpapamalas. Nasasalamin ang mga bagay na ito sa mga tao. Kaya, pagkatapos ikumpara dito ang inyong tunay na buhay at ang mga bagay na inyong isinasagawa, maaaring gusto ninyong aralin o siyasatin ang mga sumusunod: Kapag hindi ka man lang bumaling sa Diyos, maaaring nagsasabi ka sa Kanya ng maraming magagandang pakinggan at matatamis na salita, ngunit nasa anong uri ng kalagayan at kondisyon ka kapag sinasabi mo ang mga ito? At kapag tunay mong nabago ang iyong sarili, bagamat maaaring hindi ka nagdarasal sa Diyos nang may matatamis at magagandang pakinggang salita, at nagsasalita lang nang kaunti mula sa puso mo, nasa anong uri ng kalagayan at kondisyon ka sa sitwasyong ito? Ganap na magkaiba ang dalawang kalagayang ito. Maaaring walang anumang malinaw na ipinahihiwatig ang Diyos sa mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay o hindi Siya nangungusap sa kanila sa malilinaw na salita, ngunit mararamdaman ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, at ang lahat ng ginagawa Niya, at bawat kalooban na nais Niyang ipahayag, sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Natural na mapapansin din ito ng mga tagamasid. Maaaring ang isang taong manhid at mahina ang isip ay biglang maging matalino, o ang isang taong karaniwang matalino ay biglang maging manhid, mahina ang isip, at walang silbi. Puwedeng mangyari nang sabay ang dalawang kondisyon o kalagayang ito sa iisang tao, o sa magkakaibang tao—madalas mangyari ang ganitong bagay. Mula rito, makikita ng isang tao na sa maraming pagkakataon, ang pagiging matalino o hangal ng isang tao ay hindi tungkol sa kanyang utak, mga iniisip, o kakayahan; itinatakda ito ng Diyos. Malinaw ba iyon? (Oo.) Hindi mo kailanman mauunawaan ang mga bagay na ito hangga’t hindi mo pa nararanasan ang mga ito. Kapag naranasan mo na ang mga ito, malalaman mo—kapag mas malalim ang karanasan mo sa mga ito, mas lubusan mo itong mauunawaan, at mas lalalim ang pagpapahalaga mo sa mga ito. Ang kalooban ng Diyos ay nasa Kanyang mga kilos; hindi ka Niya bibigyan ng malinaw na indikasyon nito, ni hindi Niya lantarang sasabihin sa iyo ang tungkol dito o tatalakayin ito sa iyo, ngunit hindi ito nangangahulugang wala Siyang saloobin tungkol sa iyo. Hindi ibig sabihin nito na ang Diyos ay walang pananaw sa anuman sa mga kaisipan, ideya, kalagayan, o saloobin na taglay mo. Kapag kinikimkim ng isang tao ang personal niyang mga layon at plano kapag may sumasapit sa kanya, kapag malinaw siyang nagpapakita ng tiwaling disposisyon—ito mismo ang mga sandali kung kailan kailangan niyang pagnilayan ang kanyang sarili at hanapin ang katotohanan, at ito rin ang mga kritikal na sandali kung kailan sinusuri ng Diyos ang taong iyon. Samakatuwid, kung nagagawa mo mang hanapin ang katotohanan, tanggapin ang katotohanan, at tunay na magsisi–ito ang mga sandali na lubos na naglalantad sa isang tao. Sa gayong mga pagkakataon, dapat mong kilalanin na mayroon kang tiwaling disposisyon at maging handa kang tunay na magsisi. Dapat kang gumawa ng taos-pusong deklarasyon sa Diyos, sa halip na maging mapagwalang-bahala sa Kanya sa pagsasabi na, “Diyos ko, patawad. Mali ako.” Ang kailangan sa iyo ng Diyos ay hindi ang iyong pagiging mapagwalang-bahala, kundi isang saloobin ng taos-pusong pagsisisi. Kung may mga suliranin ka, tutulungan ka, gagabayan ka, at aakayin ka ng Diyos sa bawat hakbang ng iyong pagbabago sa sarili, tungo sa landas ng pagtanggap at paghahangad sa katotohanan. Siyempre pa, kung sa mga salita lang umiiral ang pagsisisi mo, o kung balak mong magsisi at nais na bitiwan ang mga intensyon at pagnanasa mo, ngunit hindi ka taos-puso rito at wala kang kahandaang gawin ito, hindi ka pipilitin ng Diyos. Pagdating sa Diyos, walang ‘dapat’ sa Kanyang saloobin sa tao; binibigyan ka ng Diyos ng kalayaan at binibigyan ka ng Diyos ng pagpipilian, at naghihintay Siya. Ano ang hinihintay Niya? Hinihintay Niyang makita kung ano ang pipiliin mo sa huli at kung balak mong magsisi. Kung balak mong magsisi, kailan mo ito gagawin? Paano maipamamalas ang iyong pagsisisi? Kung balak mong magsisi at handa kang gawin ito, subalit sinusubukan mo pa ring protektahan ang mga sarili mong interes kapag kumikilos ka, at ayaw mo pa ring mawala ang iyong katayuan, malinaw na hindi ka totoong nagsisisi, na hindi ka sinsero dito. Medyo gusto mo lang magsisi, ngunit hindi ka tunay na nagsisisi. Gagawa ba sa iyo ang Diyos kung balak mo lang magsisi pero hindi ka tunay na nagsisisi? Hindi. Sasabihin Niya, “Kailan mo ba balak na magsisi?” Hindi mo malalaman kung kailan. Tatanungin ka ba ulit ng Diyos? Hindi—sasabihin Niya, “Kung gayon, hindi ka tunay na nagsisisi. Maghihintay na lang Ako.” Maaaring hindi mo balak na magsisi, maaaring hindi ka handang magsisi, o bitiwan ang iyong katayuan at mga interes. O sige. Binibigyan ka ng Diyos ng kalayaan, at puwede mong piliin ang anumang gusto mo. Hindi ka pipilitin ng Diyos. Ngunit may isang katunayan na dapat mong isaalang-alang, tulad ng mga taga-Ninive, kung hindi mo babaguhin ang iyong sarili at hindi ka magsisisi, ano ang magiging resulta nito? Mawawasak ka. Kung sa kasalukuyan ay binabalak mo lang magsisi, ngunit wala kang ginagawang anumang totoong aksiyon tungo sa pagsisisi, mawawalan ng pakialam sa iyo ang Diyos. Bakit Siya mawawalan ng pakialam sa iyo? Sinasabi ng Diyos, “Hindi ka tapat, hindi mo ipinahahayag ang opinyon mo, at urong-sulong pa rin ang puso mo.” Pagkatapos ng sandaling pag-iisip, maaaring sabihin mong handa ka nang magsisi, pero iniisip mo lang iyon, isang hungkag na pahayag, na walang anumang aksiyon o kongkretong plano. Kaya naman sinasabi ng Diyos, “Isasantabi Ko na lang ang mga taong katulad mo. Wala Akong pakialam sa iyo. Gawin mo kung ano ang gusto mo!” Kapag napagtanto mo isang araw, “Naku, kailangan kong magsisi,” paano mo ito dapat gawin? Ang Diyos ay hindi maloloko ng mga salita mong iyon at hindi Siya pikit-matang gagawa, magsasabing, “Balak niyang magsisi, kaya ngayon ay kailangan Ko siyang pagpalain, hindi ba?” Hindi iyon gagawin ng Diyos. Ano ang gagawin Niya? Susuriin ka Niya. Balak mong magsisi, nais mong magsisi, at mas hinihiling mo na ito kaysa dati, ngunit sino ang nakakaalam kung gaano katagal bago mo talaga ito gawin. Kung hindi ka pa nakagagawa ng mga kongkretong hakbang o wala kang kongkretong planong magsisi, hindi iyon totoong pagsisisi. Dapat umaksiyon ka nang totoo. Kapag nakakilos ka na talaga, susunod na ang gawain ng Diyos. Hindi ba’t may mga prinsipyo sa gawain ng Diyos at sa Kanyang pagtrato sa mga tao? Kapag gumagawa ang Diyos, nagkakamit ng kaliwanagan ang isang tao, kumikislap ang kanyang mga mata, nauunawaan niya ang katotohanan at napapasok ang realidad nito, at ang kanyang mga nakakamit ay dumarami ng isang daan, isang libong beses. Sa sandaling mangyari ito, tunay kang pinagpala. Kung gayon, anong pundasyon ang dapat pagbatayan ng mga tao upang matamo ang mga bagay na ito? (Ang kakayahang tunay na magsisi.) Tama iyan. Kapag tunay na binibitiwan ng mga tao ang kanilang sariling mga interes at pagnanasa, kapag tunay silang nagsisisi sa Diyos—ibig sabihin, itinitigil nila ang kanilang paggawa ng masama; at binibitiwan ang kanilang kasamaan, at ang kanilang mga pagnanasa at layunin; at nagtatapat sila sa Diyos; at tinatanggap nila ang mga hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga salita—magsisimula na silang pumasok sa realidad ng pagbabago ng kanilang sarili. Tanging ito ang tunay na pagsisisi.
Katatapos lang nating pagbahaginan ang mga problema na madalas matagpuan sa proseso ng paghahangad ng tao sa katotohanan, at ang mga problemang nakikilala at nalalaman ng mga taong naghahangad sa katotohanan. Ang mga ito ang mismong mga problemang dapat lutasin. Maaaring hindi natin masyadong ipinaliwanag o sinuri ang mga problemang ito noon, maaari pa ngang hindi tayo nakabuo ng malilinaw na konklusyon tungkol sa mga ito, ngunit patungkol sa bawat hakbang na nararanasan ng tao sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, at sa iba’t ibang pag-uugali at kalagayan na mayroon siya sa panahon ng prosesong ito, may kaukulang mga salita at gawain ang Diyos, at may mga nauugnay Siyang paraan at diskarte ng pagharap at paglutas sa mga ito. Maaaring maranasan at maunawaan ng mga tao ang ilan sa lahat ng bagay na ito; hindi sila dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos, o magkimkim ng anumang kuru-kuro o imahinasyon tungkol sa Diyos na hindi umaakma sa realidad. Dagdag pa rito, binibigyan ng Diyos ang mga tao ng sapat na kalayaan at karapatang pumili patungkol sa bawat hakbang, bawat paraan ng pagkilos, at bawat paraan ng pagsasagawa na nauugnay sa paghahangad sa katotohanan—hindi Niya pinipilit ang mga tao. At bagamat ang mga salita at kinakailangang ito ay nakalimbag sa teksto at sinasabi gamit ang malinaw at tumpak na wika, ang bawat tao pa rin ang bahalang malayang pumili kung paano nila tatratuhin ang mga katotohanang ito. Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao. Kung handa kang hangarin ang katotohanan, may pag-asa kang maligtas. Kung ayaw mong hangarin ang katotohanan, kung wala kang pakialam sa mga katotohanang ito at binabalewala mo ang mga ito, kung hindi ka man lang interesado sa mga paraang ito ng pagsasagawa ng paghahangad sa katotohanan—ayos lang din iyon. Hindi ka pipilitin ng Diyos. Ayos lang din kung handa ka lang magtrabaho para sa Diyos. Basta’t hindi mo nilalabag ang mga prinsipyo, hahayaan kang pumili ng sambahayan ng Diyos. Bagamat ang paghahangad sa katotohanan ay malapit na nauugnay sa pagtatamo ng kaligtasan at malapit na konektado rito, marami pa ring tao ang hindi interesado sa paghahangad sa katotohanan, na walang saloobin tungkol dito o intensyong gawin ito, ni walang planong gawin ito. Kinokondena ba ang mga taong ito? Hindi naman. Kung natutugunan ng mga taong ito ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, maaari silang magpatuloy na gampanan ang kanilang mga tungkulin doon. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi ka aalisan ng karapatang gumanap ng tungkulin nang dahil sa hindi mo hinahangad ang katotohanan. Ngunit hanggang sa araw na ito, ang pagganap sa tungkulin sa ganitong paraan ay nakaklasipika bilang “pagtatrabaho.” Ang “pagtatrabaho” ay isang magandang paraan ng pagtawag dito, ito ang terminong ginagamit ng sambahayan ng Diyos, pero ang totoo, maaari din itong simpleng tawaging “paghahanapbuhay.” Maaaring sinasabi ng ilan sa inyo, “Kapag naghahanapbuhay ka, sumusweldo ka.” Oo, puwede kang sumweldo kapag naghahanapbuhay ka. Kung gayon, ano ang sweldo mo? Lahat ng biyaya na ibinigay sa iyo ng Diyos—ang mga iyon ang sweldo mo. At pagdating naman sa paghahangad sa katotohanan, anuman ang balak mong gawin, o plano mong gawin, o nais mong gawin, malinaw Kong masasabi sa iyo ngayon na malaya ka. Maaari mong hangarin ang katotohanan, ayos iyon; kung hindi naman, ayos lang din iyon. Ngunit ang huling bagay na sasabihin Ko sa inyo ay maliligtas lang ang isang tao sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Kung hindi ninyo hahangarin ang katotohanan, wala kayong pag-asang maligtas. Iyan ang katunayan na sasabihin Ko sa inyo. Dapat sabihin sa inyo ang katunayan na ito, upang malinaw, tuwiran, eksakto, at tahasan itong tumagos sa inyong puso—nang sa gayon ay malinaw ninyong malaman sa inyong puso kung ano ang pundasyong pinagbabatayan ng pag-asang maligtas. Kung kuntento ka nang magtrabaho lang, iniisip na, “Ayos na kung magagampanan ko lang ang aking tungkulin at hindi ako matitiwalag sa sambahayan ng Diyos; hindi ko na kailangang abalahin ang sarili ko sa isang bagay na kasinghirap ng paghahangad sa katotohanan,” katanggap-tanggap ba ang pananaw mong ito? Bagamat nananalig ka pa rin sa Diyos ngayon, o gumaganap ng tungkulin, kumpiyansa ka bang makasusunod ka sa Diyos hanggang sa huli? Anuman ang mangyari, ang paghahangad sa katotohanan ay isang malaking bagay sa buhay, mas mahalaga ito kaysa sa pag-aasawa o pag-aanak, kaysa sa pagpapalaki ng iyong mga anak na lalaki at babae, kaysa sa pamumuhay ng iyong buhay at pagpapayaman. Mas mahalaga pa nga ito kaysa sa pagganap ng tungkulin at paghahangad ng kinabukasan sa sambahayan ng Diyos. Matapos isaalang-alang ang lahat, ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamakabuluhang bagay sa landas ng buhay ng isang tao. Kung hindi pa kayo interesado sa paghahangad sa katotohanan, walang manghuhusga sa inyo at magsasabing hindi ninyo hahangarin ang katotohanan sa hinaharap. Hindi Ko rin kayo huhusgahan at sasabihing kung hindi ninyo hahangarin ang katotohanan ngayon, hindi ninyo ito kailanman gagawin sa hinaharap. Hindi iyon ang nangyayari. Walang gayong lohikal na ugnayan; hindi ito ang katunayan. Anuman ang mangyari, umaasa Ako na sa nalalapit na hinaharap, o kahit sa mismong sandaling ito, magagawa ninyong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at maging mga taong naghahangad sa katotohanan, at mapabilang sa mga taong may pag-asang maligtas.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.