Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 2 (Unang Bahagi)
Sa ating huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Magsimula tayo sa isang pagbabalik-aral: Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Mayroon ba kayong sagot sa tanong na ito? Pinagnilayan ba ninyo ito pagkatapos ng ating nakaraang pagbabahaginan? Pagkatapos nating magbahaginan tungkol sa ilang partikular na paksa, kakailanganin ninyong pagnilayan ang mga ito, at pagkatapos ay praktikal na danasin at pagdaanan ang mga ito sa inyong mga tunay na buhay. Saka lang kayo magkakamit ng tunay na kaalaman; saka lang ninyo tunay na mauunawaan at mapahahalagahan ang mga paksang iyon na pinagninilayan ninyo; saka lang kayo makapagbibigay ng tunay na karanasan at kaalaman. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Kung gayon, pinagnilayan ba ninyo ang tanong? Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Anong mga salik ang may kinalaman sa paghahangad sa katotohanan? Ano ang mga pangunahing bagay na kaakibat nito? Naibuod ba ninyo ang mga bagay na ito? (Noong huli, nagsimula ang Diyos sa pagbabahagi tungkol sa iba’t ibang maling ideya, pananaw, at saloobin na mayroon ang tao patungkol sa paghahangad sa katotohanan, pagkatapos ay detalyadong nagbahagi ang Diyos tungkol sa limang hakbang ng paghahangad sa katotohanan.) May dalawang pangunahing bahagi sa ating huling pagbabahaginan: ilang negatibong kalagayan o maling pananaw na mayroon ang maraming tao na may kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan, mga maling pagkaunawa ng tao tungkol sa paghahangad sa katotohanan, pati na rin ang mga pagdadahilan at pangangatwiran ng mga tao sa hindi paghahangad sa katotohanan—iyon ang unang pangunahing bahagi. Ang pangalawa ay pagbabahagi tungkol sa kung paano hangarin ang katotohanan, na binubuo ng limang hakbang. Bagamat may dalawang bahagi lamang ang ating pagbabahaginan, marami tayong natalakay na detalye at mga partikular na bagay sa bawat isa sa mga ito. Inihayag Ko ang ilan sa mga maling kaalaman at pagkakaintindi ng tao tungkol sa paghahangad sa katotohanan, at inilantad Ko rin ang ilang paghihirap na mayroon ang tao sa paghahangad sa katotohanan, pati na rin ang ilang pagdadahilan, pangangatwiran, at pagpapalusot ng mga taong nayayamot sa katotohanan sa hindi nila paghahangad nito. Ang mga negatibo at pasibong saloobin at pagkaunawa na ipinapakita ng mga tao pagdating sa paghahangad sa katotohanan ay tumutugma sa mga paraan ng pamumuhay at paghahangad na pinanghahawakan nila sa kanilang mga tunay na buhay, pati na rin ang mga saloobin na kinikimkim nila hinggil sa katotohanan—may kaugnayan ang lahat ng ito sa mga partikular na pag-uugali at pagbubulalas ng damdamin ng mga tao. Pagkatapos, batay sa iba’t ibang pag-uugali ng tao, nagbigay Ako ng ilang partikular na pamamaraan at hakbang ng pagsasagawa hinggil sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Malinaw ba sa inyo ang lahat ng iyon? (Oo.) Talaga ba? Bakit wala kayong sinasabi, kung gayon? Mukhang hindi pa rin ito masyadong malinaw sa inyo; marami pa tayong kailangang pagbahaginan.
Ang pinakamahalagang bagay sa pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa katotohanan. Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Pagdating sa usapin ng paghahangad sa katotohanan, ibinubunyag ng lahat ng pagpapamalas ng mga tao ang marami sa kanilang mga problema at paghihirap, at taglay ng mga tao ang lahat ng uri ng pangangatwiran at pagdadahilan sa hindi paghahangad sa katotohanan—sadyang napakalaki ng mga hadlang. Dahil sa iba’t ibang paghihirap ng mga tao, tila lubha silang nahihirapan at naiilang pagdating sa paghahangad sa katotohanan, at sa tingin nila ay napakahirap nito. Sa katunayan, ang mismong tanong na—“Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan?”—ay madaling sagutin, kaya bakit hindi magawa ng mga tao na hangarin ang katotohanan? Ano ang dahilan? Ipinagmamalaki ng lahat na mayroon silang konsiyensiya at pag-unawa, na tunay silang nananalig sa Diyos, na kaya nilang tuparin ang kanilang tungkulin, na handa silang magdusa at magbayad ng halaga. Bakit kahit may pundasyon na sila ng mabubuting pag-uugaling ito ay hindi pa rin nila magawang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Mayroon silang napakagandang pagkatao, integridad, at reputasyon; taglay nila ang kanilang kagustuhan, mga mithiin, at mga kahilingan tungkol sa kanilang paghahangad; taglay nila ang kanilang mga pansariling pagsisikap, ang kanilang kahandaang tiisin ang mga paghihirap, at isang saloobin ng pagbabayad ng halaga; taglay nila ang kanilang aktibo, positibo, at optimistang saloobin ng pananabik na tanggapin ang katotohanan. Bakit kahit may pundasyon na sila ng mga bagay na ito ay hindi pa rin maituturing ang mga itong paghahangad sa katotohanan? Bakit kaya hindi nila makamit ang paghahangad sa katotohanan? Nasaan ang ugat ng problema? (Ang tao ay hindi minamahal ang katotohanan at likas na nayayamot dito.) Tumpak na sagot iyan. Ang pinakapangunahing dahilan ay na mayroong mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Kay Satanas ang tiwaling disposisyon ng tao, at anumang kay Satanas ay laban sa Diyos at sa katotohanan. Samakatuwid, ang paghiling sa mga tao na hangarin ang katotohanan ay katumbas ng pag-utos sa kanila na talikdan ang kanilang likas na buhay at mga katangian, at ang kanilang likas na paraan ng paghahangad at pananaw sa buhay. Ang bitiwan ang mga maling bagay na ito, talikdan ang mga kagustuhan ng kanilang laman, at sa halip ay hangarin at isagawa ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, na ayaw ng kanilang laman, na hindi nila tinataglay, at na kanilang hinahamak, kinasusuklaman, at tinatanggihan—ito ang mahirap para sa kanila. Ang hilingin sa iyo na hangarin ang katotohanan ay katumbas ng paghiling sa iyo na bitiwan ang iyong likas na buhay. Hindi ba’t katulad iyon ng pag-aalay mo ng iyong buhay? (Ganoon nga.) Ikaw mismo ang mag-aalay ng sarili mong buhay. Kusa bang iniaalay ng mga tao ang kanilang buhay para sa mga bagay-bagay? (Hindi.) Sa kaibuturan ng kanilang puso, sinasabi nila, “Hindi ko gagawin”—nang isang daang beses, isang libong beses, sampung libong beses: “Hindi ko gagawin.” Anuman ang mangyari, mahirap para sa mga tao na bitiwan ang mga likas at satanikong bagay na taglay nila. Isa itong katunayan, isang katunayan na lubos at tunay ninyong naranasan. Sa kaibuturan ng kanilang puso, ayaw ng mga taong talikdan ang laman; o talikdan ang kanilang buhay, na ang kalikasan at diwa ay kay Satanas; o talikdan ang kanilang mga likas at satanikong katangian o ang kanilang satanikong kalikasan, upang hangarin ang katotohanan. Kaya, para sa mga taong may mga satanikong kalikasan, na namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon, ang pagmamahal at paghahangad sa katotohanan ay salungat sa kanilang kagustuhan, at atubili silang gawin ito. Ano ang ugat nito? Na ang mga katangian sa loob-loob ng tao ay kay Satanas, at likas na laban sa Diyos ang mga ito. Kaya, matapos marinig at maunawaan ng mga tao ang katotohanan, tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan, na handang magsikap tungo rito at magbayad ng halaga, na taglay ang kagustuhan, mithiin, at kahilingang ito, ang nagagawang isagawa ang katotohanan sa sandaling maunawaan nila ito. Sila lamang ang may kakayahang mamuhay ayon sa katotohanan at ipamuhay ang realidad nito. Maraming tao ang handang isagawa ang katotohanan, ngunit nahahadlangan sila ng kanilang mga satanikong kalikasan at disposisyon; hindi nila maisagawa ang katotohanan, kahit na naisin nila. Ang totoo ay na sa tunay na buhay, ang pagsasagawa ng katotohanan ay isang bagay na napakahirap gawin. Kung ihahambing, madali ang hilingin sa iyo na bitiwan ang iyong mga paboritong damit at alahas, o ang mga bagay na ikinasisiya mo, o ang trabaho at karera na gusto mo, o ang iyong mga kalakasan at libangan, o anumang gayong bagay. Kaya mong talikdan ang anuman sa mga ito; madaling bitiwan ang mga ito. Ngunit ang himukin kang talikdan ang iyong laman at ang iyong satanikong disposisyon, ang himukin kang magsagawa ng katotohanan at magpasakop sa Diyos—lubos na mas mahirap iyon. Para ilarawan ito gamit ang isang hindi tumpak na parirala, ito ay parang pagpilit sa pato na pumatong sa dapuan, o pagpapaakyat ng toro sa puno—masyadong nakapapagod ang mga bagay na ito para sa mga ito. Ngayon, magiging madaling paakyatin ang isang pusa sa puno; natural iyon para dito. Ngunit lubhang imposibleng mapakain ito ng dayami kaysa karne. Kung hihilingin mo sa isang tao na magdusa nang kaunti, magbayad ng kaunting halaga, at mamuhay nang may kababaang-loob buong buhay niya, isa iyong bagay na kayang makamit ng sinumang may kagustuhang gawin ito. Sa katunayan, walang pisikal na paghihirap ang nagdudulot ng malaking problema para sa isang taong tunay na nananalig sa Diyos at nananabik sa katotohanan. Halimbawa, ang hindi pagpapakasasa sa mga ginhawa ng katawan; o pagbabawas sa oras ng tulog niya kada araw; o pamumuhay nang hindi madali sa loob ng sunod-sunod na sampung taon; o pagtitiyaga sa lubhang hindi maayos na pagkain, damit, tirahan, at transportasyon—kayang tanggapin ng sinuman ang gayong mga paghihirap at sakripisyo, basta’t mayroon siyang kagustuhang gawin ito, at handa siyang hangarin ang katotohanan, at may kaunting pagpipigil sa sarili. Ngunit kung hihilingin mo sa isang tao na talikdan ang laman at si Satanas, na kumilos nang lubos na alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at batay sa Kanyang mga salita, na magsagawa ayon sa katotohanan at sa gayon ay matamo ang pagpapasakop sa Diyos, kahit sino ay mahihirapan doon. Doon nakaugat ang mga paghihirap ng tao. Kaya, sa paghahangad sa katotohanan, hindi iyon na basta na lang nakapagpasya ang mga tao at gawin ito, o magpigil sila at sumunod sa mga tuntunin, at pagkatapos ay magagawa na nilang isagawa ang katotohanan at magtataglay na sila ng katotohanan. Ang paghahangad sa katotohanan ay ang pinakamahirap gawin para sa tiwaling sangkatauhan. Saan nagmumula ang ugat ng problemang ito? (Nagmumula ito sa disposisyon ni Satanas.) Tama iyan. Ang disposisyon ni Satanas ang pinakamatinding hamon sa tao. Ang isang tao ay maaaring may mahinang kakayahan, o masamang ugali at personalidad, maaaring wala siyang anumang masasabing kalakasan, talento, o kaloob—wala sa mga bagay na ito ang magiging malaking hamon sa kanya. Sa huli, nagmumula ang problema sa tiwaling disposisyon ng tao. Ang isang tiwaling disposisyon ay mahigpit na kinokontrol ang mga kamay at paa ng mga tao, ang kanilang isip at mga ideya, ang kanilang mga saloobin, ang kanilang paraan ng pag-iisip, at ang kaibuturan ng kanilang kaluluwa, kaya naman bawat pulgada sa daan ng paghahangad sa katotohanan ay mahirap tahakin para sa kanila. Maaaring nananalig sa Diyos ang isang tao sa loob ng tatlo o limang taon nang walang anumang nakakamit; may ilang tao pa ngang nananalig sa loob ng sampu, dalawampu, o tatlumpung taon, ngunit kakaunti lamang ang nakamit mula rito. At ang ilan sa kanila ay wala man lang nakamit—kay saklap at kahabag-habag ng mga taong iyon na walang napala! Nananalig na sila sa Diyos sa loob ng tatlumpung taon ngunit nananatiling naghihikahos at bulag, nang walang napapakinabangan dito. Kapag nasasadlak sila sa pagkanegatibo, hindi nila alam kung paano aahon mula rito; kapag nagkakamali sila ng pagkaunawa sa Diyos, hindi nila alam kung paano ito papawiin; kapag sumasapit sa kanila ang kagipitan, hindi nila alam kung paano ito haharapin, ni hindi nila alam kung paano lulutasin ang gayong uri ng paghihirap. Malulutas ba ang mga problema sa paggamit lang ng pansariling tibay ng loob para pigilan ang sarili o ng pag-asa sa pasensiya ng isang tao na magsikap nang walang-habas? Maaaring mabagal na paisa-isang hakbang ang pag-usad ng mga tao sa mga sitwasyon hanggang sa lumipas na ang mga ito, ngunit nananatili pa rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi pa nalulutas ang mga ito. Gaano karaming beses man silang nakaranas ng pagkanegatibo, o ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, o nagkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, o nabigo, at nalugmok, at naging mahina, hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makapagbigay ng kahit katiting na patotoong batay sa karanasan, ni wala silang kahit isang bagay na masasabi tungkol sa kanilang kaalaman, pinagdaanan, o karanasan sa mga salita ng Diyos. Hungkag ang kanilang puso; hungkag ang kaibuturan ng kanilang kaluluwa. Wala silang pagkaunawa sa katotohanan na batay sa karanasan, at wala silang tunay na pagkakilala sa mga salita ng Diyos, at mas lalong wala silang pagkakilala sa Kanyang gawain at disposisyon. Hindi ba’t sila ay naghihikahos, bulag, at kahabag-habag? (Ganoon nga sila.) Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, ilang taon man siyang nananalig sa Diyos, wala itong saysay. Kung gayon, bakit hahayaan ng isang tao ang kanyang sarili na umabot sa puntong ito? Saan galing ang dahilan nito? Dito rin, ang problema ay nagmumula sa tiwaling disposisyon ng tao. Ito ang obhetibong dahilan.
Nalinaw na natin kung ano ang obhetibong dahilan ng hindi paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Pag-uusapan na natin ngayon nang kaunti ang tungkol sa pansariling dahilan. Ang pansariling dahilan ay na bagamat maaaring nalaman ng mga tao na mayroon silang tiwaling disposisyon mula sa gawain ng Diyos at sa lahat ng Kanyang salita, o mula sa kanilang tunay na buhay, hindi nila kailanman inihahambing ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, hindi sila kailanman nagkakamit ng pagkakilala sa kanilang mga tiwaling disposisyon at hindi nila kailanman tinatalikdan ang mga ito, at hindi sila kailanman nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Bagamat maaaring nagsusumikap at gumugugol nang husto ang mga tao sa daan ng pananalig sa Diyos, bagamat maaaring nagtatrabaho sila nang husto, nagdurusa nang matindi, at nagbabayad ng maraming halaga rito, lahat ng ito ay panlabas na pag-uugali lamang. Hindi pinatutunayan ng mga ito na tinahak na ng isang tao ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang mga taong pinakanagdusa ay iyong mga nagsimulang sumunod sa Diyos noong simula pa lang, na tumanggap ng kanilang mga tungkulin noong ang edad nila ay nasa mga dalawampung taong gulang. Nasa limampung taong gulang na ngayon ang mga taong ito, at wala pa ring asawa. Masasabi mong inilaan nila ang kanilang kabataan sa kanilang pananampalataya sa Diyos, at binitiwan ang pamilya at pag-aasawa. Malaking sakripisyo ba iyon? (Oo.) Ibinigay nila ang kanilang kabataan at inialay ang kanilang buong buhay, at ano ang resulta nito? Malaki ang isinakripisyo nila, ngunit ang nakamit nila sa huli ay hindi katumbas o kaayon ng kanilang ginugol. Ano ang problema rito? Batay sa saloobin at determinasyong ipinangsasakripisyo nila, at sa tagal, dami, at antas ng kanilang paggugol, tila dapat ay nauunawaan nila ang katotohanan at naisasagawa ito. Iisipin mo na dapat mayroon silang patotoo at mapitagang puso para sa Diyos; na dapat mayroon silang pagkakilala sa Diyos; na dapat humayo na sila tungo sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan; na dapat napasok na nila ang realidad ng katotohanan. Pero ang totoo, hinuha lamang iyon—ang dalawang bagay na ito ay may lohikal na kaugnayan lamang, hindi ito umaayon sa mga katunayan o sa kung ano ang isinasabuhay ng mga taong ito. Ano ang problema rito? Hindi ba’t dapat natin itong isailalim sa imbestigasyon at talakayan? Hindi ba’t isa itong problema na nararapat na malalim na pag-isipan? (Ganoon nga.) Sa mga tao na dalawa o tatlong taon nang tinanggap ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, walang kakulangan ng mga taong may karanasan at patotoo. Pinatototohanan nila kung paano sila nabago at nagawang matatapat na tao ng mga salita ng Diyos; pinatototohanan nila kung paano sila tinulutan ng mga salita ng Diyos na maunawaan ang katotohanan habang hinahangad ito; pinatototohanan nila kung paano nalutas ng mga salita ng Diyos ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kayabangan at pagiging mapanlinlang, pagrerebelde, pagnanais ng katayuan, mga ambisyon at pagnanasa, at iba pa. Ang mga taong ito ay may kakayahang magkaroon ng karanasan at patotoo pagkatapos lamang ng dalawa o tatlong taong pananalig sa Diyos; mayroon silang malalim na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos na batay sa karanasan, at nadarama nila ang pagiging totoo ng Kanyang mga salita. Kung gayon, bakit ang ilang taong nananalig sa Diyos sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon at napakaraming isinasakripisyo, nagdurusa nang husto, at labis na nagpaparoo’t parito, ay nananatiling walang kabuluhan at hungkag ang kaibuturan ng kanilang puso at ang kanilang espirituwal na mundo? Maraming tao na nasa ganitong uri ng kalagayan ang madalas na hindi alam ang gagawin. Palagi nilang sinasabi, “Hindi ko alam ang gagawin.” Sinasabi Ko, “Dalawampu o tatlumpung taon ka nang nananalig sa Diyos. Paanong hindi mo pa rin alam ang gagawin? Malinaw na wala kang nakamit.” Hanggang ngayon, may ilang taong negatibo at mahina pa rin. Sinasabi nila, “Napakaraming taon na akong nananalig sa Diyos, at ano ang nakamit ko?” Madalas, kapag negatibo at mahina sila, o kapag pinagkakaitan sila ng kanilang katayuan at mga pakinabang, o kapag hindi natutugunan ang kanilang banidad, sinisisi nila ang Diyos at nagsisisi sila na nanalig sila sa Kanya sa loob ng napakaraming taon. Nagsisisi sila na naniwala sila sa Kanyang mga salita sa una pa lang, nagsisisi sila na determinado nilang binitiwan ang kanilang trabaho, ang pag-aasawa at pamilya, ang kanilang pagkakataong magkolehiyo, upang sumunod sa Diyos. Iniisip pa nga ng ilan sa kanila na lisanin ang iglesia. Punong-puno na sila ngayon ng pagsisisi tungkol sa kanilang pananampalataya—bakit ba kasi nag-abala pa sila rito noong una? Dalawampu o tatlumpung taon na silang nananalig sa Diyos, napakarami na nilang narinig na katotohanan at napakarami na nilang naranasang gawain ng Diyos, subalit hungkag pa rin ang kaibuturan ng kanilang puso, at madalas silang malugmok sa mga kalagayan ng kaguluhan, kalituhan, pagsisisi, pag-aalinlangan, at maging kawalang-katiyakan tungkol sa kanilang kinabukasan—ano ang nagsasanhi nito? Karapat-dapat bang kaawaan ang gayong mga tao? (Hindi.) Sa tuwing nakikita Ko ang mga taong ito, sa tuwing may nababalitaan Ako tungkol sa kanila at nalalaman Ko ang kamakailang nangyayari sa kanila, nagkakaroon Ako ng pangitain tungkol sa kanila. May sumasaging ideya sa Akin tungkol sa kanila. Paanong tila napakapamilyar sa Akin ang kanilang kalagayan at kaloob-looban? Hanggang ngayon ay nananatili sila sa sambahayan ng Diyos, gumaganap ng mga tungkulin—saan ba sila umaasa? Sa isa bang kaisipan ng kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya? Sa isa bang kaisipan na kung susunod sa Diyos ang isang tao hanggang sa huli, tiyak na hahantong ito sa kaligtasan? O sa isa bang mentalidad batay sa suwerte at tsansa? Wala sa mga ito ang sagot. Kung gayon ay ano? Katulad lang ito ng sinabi ni Pablo: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Upang suriin at pasimplehin ang talatang ito, ang mga salitang ito ay may transakyunal na kalidad, sa loob ng mga ito ay may saloobin, ideya, at plano na makipagtawaran, at ang dahilan ng mga ito ay pagnanasa at ambisyon. Anong katunayan ang nakikita ninyo sa mga salitang ito? Ano ang hinahangad ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos? (Korona at mga pagpapala.) Oo. Hinahangad nila ang mga pagpapala at isang magandang hantungan. At ano ang ipapalit nila para sa magandang hantungan at mga pagpapalang iyon? (Ang kanilang pagpapagod at pagtatrabaho, mga sakripisyo at paggugol, pagdurusa at pagbabayad ng halaga.) Sa mga salita nga ni Pablo, nakipagbaka na sila ng kanilang pakikipagbaka, nakatakbo na sila. Naniniwala silang nagawa na nila ang lahat ng dapat nilang gawin, at kung kaya’t dapat nilang makamit ang magandang hantungan at mga pagpapala na inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Iniisip nila na halata namang ito ang dapat gawin ng Diyos—ang kailangan Niyang gawin—at kung hindi Niya gagawin ito, hindi Siya magiging Diyos. Malinaw na walang pagsunod sa Diyos dito, walang saloobin ng paghahangad sa katotohanan, walang saloobin o planong tuparin ang tungkulin ng isang nilalang. Isa lang itong pagnanais na ipagpalit ang ilang bagay na kaya nilang gawin para sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya ang mga taong pinag-uusapan natin ay madalas na nararamdamang may kahungkagan sa kanilang kaloob-looban at na sa kaibuturan ng kanilang puso ay wala silang maaasahan, subalit nagpapatuloy pa rin sila na gaya ng dati, nagbabayad ng mga gayong halaga at nagdurusa nang husto, nagpupursige na ilaban ang kanilang mga laban at itakbo ang kanilang mga takbo. Saan sila umaasa? Ang nagpapatibay sa kanilang “pananampalataya” ay iyong mga sinabi ni Pablo na pinanghahawakan nila at bulag na pinaniniwalaan. Umaasa sila sa kanilang mga ambisyon at pagnanasang magantimpalaan at makoronahan. Umaasa sila sa kanilang mga pangarap na gumamit ng transaksyunal na palitan upang makatanggap ng malalaking pagpapala. Hindi sila umaasa sa pag-unawa sa gawain ng Diyos o sa karanasan at kaalamang nakakamit sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan habang ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos. Hindi sila roon umaasa.
Kung titingnan ang katatapos pa lang nating pagbahaginan, makikita na bagamat maraming praktikal na hamon sa landas ng paghahangad sa katotohanan, pati na mga gapos at pagpigil ng mga tiwaling disposisyon, at napakaraming paghihirap at balakid, dapat maniwala ang isang tao na hangga’t may tunay siyang pananampalataya, sa pamamagitan ng pag-asa sa patnubay ng mga salita ng Diyos at sa gawain ng Banal na Espiritu, ganap niyang magagawang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Isang halimbawa nito si Pedro. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maraming tao ang nakatuon lamang sa paggawa para sa Diyos, at kontento na sa pagdurusa at pagbabayad ng halaga, ngunit hindi man lang nila hinahangad ang katotohanan. Bilang resulta, wala silang pagkakilala sa gawain ng Diyos matapos manalig sa Kanya sa loob ng sampung taon, dalawampung taon, tatlumpung taon, at hindi sila makapagsabi ng anumang mga karanasan o kaalaman tungkol sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos. Sa mga pagtitipon, kapag sinusubukan nilang magbigay ng kaunting patotoo, wala silang masabi; hindi talaga nila alam kung maililigtas ba sila o hindi. Ano ang problema rito? Ganito ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan. Ilang taon man silang naging mananampalataya, hindi nila kayang unawain ang katotohanan, lalong hindi nila ito maisagawa. Paano makapapasok sa realidad ng katotohanan ang isang taong hindi man lang tumatanggap dito? May mga tao na hindi nauunawaan ang problemang ito. Naniniwala sila na kung isinasagawa ng mga nag-uulit lang sa mga salita at parirala ng mga doktrina ang katotohanan, makapapasok din sila sa realidad nito. Tama ba ito? Ang mga taong nag-uulit lang sa mga salita ng mga doktrina ay likas na walang kakayahang unawain ang katotohanan—kaya paano nila maisasagawa ito? Ang kanilang isinasagawa ay mukhang hindi lumalabag sa katotohanan, at mabubuting gawa, at mabubuting pag-uugali, ngunit paano matatawag na realidad ng katotohanan ang gayong mabubuting gawa at mabubuting pag-uugali? Ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan ay hindi nauunawaan kung ano ang realidad ng katotohanan; itinuturing nila ang mabubuting gawa at mabubuting pag-uugali ng mga tao na pagsasagawa ng katotohanan. Kakatwa ito, hindi ba? May pagkakaiba pa ba ito sa mga kaisipan at pananaw ng mga taong relihiyoso? At paano malulutas ang gayong mga problema ng maling pagkaunawa? Dapat munang maunawaan ng mga tao ang kalooban ng Diyos mula sa Kanyang mga salita, dapat nilang malaman kung ano ang pag-unawa sa katotohanan, at kung ano ang pagsasagawa sa katotohanan, para magawang tingnan ang mga tao at makilatis ang tunay nilang pagkatao, at matukoy kung taglay ba nila o hindi ang realidad ng katotohanan. Ang gawain at pagliligtas ng Diyos ay may layuning ipaunawa at ipasagawa sa mga tao ang katotohanan; saka lamang maiwawaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magagawang kumilos ayon sa mga prinsipyo, at pumasok sa realidad ng katotohanan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, at kontento ka na sa paggugol, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga para sa Diyos ayon sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, kakatawan ba ang lahat ng ginagawa mo sa pagsasagawa mo ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos? Mapapatunayan ba nito na nabago mo na ang iyong disposisyon sa buhay? Ipapakita ba nito na taglay mo na ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos? Hindi. Kung gayon ano ang kakatawanin ng lahat ng ginagawa mo? Maaari lang nitong katawanin ang iyong sariling personal na mga kagustuhan, pag-unawa, at pangangarap nang gising. Puro lang ito mga bagay na gusto mong gawin at handa kang gawin; lahat ng ginagawa mo ay tinutugunan lamang ang iyong sariling mga pagnanasa, kagustuhan, at minimithi. Malinaw na hindi iyan paghahangad sa katotohanan. Wala sa mga kinikilos o inaasal mo ang anumang may kaugnayan sa katotohanan, o sa mga hinihingi ng Diyos. Lahat ng kilos at asal mo ay para sa iyong sarili; nagtatrabaho ka lang, nakikibaka, at nagpaparoo’t parito para sa kapakanan ng sarili mong mga mithiin, reputasyon, at katayuan—dahil dito ay wala kang ipinagkaiba kay Pablo, na nagpakapagod at nagtrabaho buong buhay niya para lang magantimpalaan, makoronahan, at makapasok sa kaharian ng langit—ipinapakita nito na malinaw na tinatahak mo ang landas ni Pablo. Sinasabi ng ilan, “Kusang-loob akong nagpapakapagod at nagtatrabaho. Hindi ko sinubukang makipagtawaran sa Diyos.” Hindi mahalaga kung sinubukan mo man o hindi na makipagtawaran sa Diyos, kung mayroon o wala ka mang tahasang layon na makipagtawaran sa Diyos sa iyong isip o saloobin—kung mayroon o wala ka mang gayong plano at mithiin—sinusubukan mong ipalit ang iyong pagpapakapagod at pagtatrabaho, ang iyong mga paghihirap, at ang mga halagang ibinayad mo para sa mga gantimpala at korona ng kaharian ng langit. Ang diwa ng problemang ito ay na sinusubukan mong makipagnegosasyon sa Diyos—hindi mo lang namamalayan na ginagawa mo ito. Ano’t anuman, hangga’t dumaranas ng mga paghihirap at nagbabayad ng mga halaga ang isang tao upang magkamit ng mga pagpapala, ang diwa ng kanyang paghahangad ay pareho ng kay Pablo. Sa anong paraan pareho ang mga ito? Ang mga ito ay parehong pagtatangkang ipalit ang magagandang pag-uugali ng isang tao—ang kanyang pagtatrabaho, ang mga paghihirap na pinagdadaanan niya, ang mga halagang ibinabayad niya, at iba pa—para sa mga pagpapala ng Diyos, para sa mga pagpapalang ipinapangako Niya sa sangkatauhan. Hindi ba’t sa diwa ay pareho ang mga bagay na ito? (Pareho nga.) Sa diwa ay pareho ang mga ito; wala talagang pagkakaiba. Kung ayaw mong tahakin ang landas ni Pablo, bagkus ay ang kay Pedro, at gusto mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, paano ka dapat magsagawa? Walang pag-aalinlangan: Kailangan mong matutunang hangarin ang katotohanan. Dapat mong magawang tanggapin ang katotohanan, gayundin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at ang matabasan at maiwasto; kailangan mong pagtuunan na kilalanin ang iyong sarili, at magdulot ng pagbabago sa iyong disposisyon, at hangarin mong isagawang mahalin ang Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagtungo sa landas ni Pedro. Upang tahakin ang landas ni Pedro, dapat mo munang maunawaan kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao at kung ano ang landas na itinuro ng Diyos sa tao. Dapat mong matukoy ang landas ng pananalig sa Diyos na hahantong sa kaligtasan mula sa landas na hahantong sa kapahamakan at pagkawasak. Kailangan mong tunay na pagnilayan kung bakit nagawa mong tahakin ang landas ni Pablo, at tiyakin kung ano ba ang disposisyon na nagtutulak sa iyong tahakin ang landas na iyon. Dapat mong kilatisin ang mga pinakalantad at pinakahalatang bagay na nasa iyong mga tiwaling disposisyon, tulad ng pagiging mayabang, o mapanlinlang, o masama. Simula sa mga tiwaling disposisyong ito, magnilay-nilay, magsuri, at magkamit ng pagkakilala sa iyong sarili. Kung matatamo mo ang tunay na pagkakilala sa sarili at pagkapoot sa sarili, magiging madali para sa iyo na iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, at magiging madali para sa iyo na isagawa ang katotohanan. Paano ito partikular na isasagawa? Magbahaginan tayo tungkol dito sa simpleng paraan, gamit ang halimbawa ng isang mapagmataas na disposisyon. Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kapag ikaw ay nagsasalita, kumikilos at nag-aasikaso ng mga bagay-bagay, gumaganap ng iyong tungkulin, nakikipagbahaginan sa iba, at kung anu-ano pa, anuman ang kasalukuyang inaasikaso mo, o kung nasaan ka man, o kung ano ang mga sitwasyon, dapat mong pagtuunan sa lahat ng oras ang pagsusuri sa kung anong uri ng mapagmataas na disposisyon ang naipakita mo. Dapat mong halukayin ang lahat ng pagbubulalas, saloobin, at ideya na nagmumula sa iyong mapagmataas na disposisyon na alam mo at nawawari mo, gayundin ang iyong mga layon at mithiin—lalo na ang kagustuhang palaging sermunan ang iba mula sa mataas na posisyon; hindi pagsunod sa kahit sino; pagturing sa iyong sarili na mas mahusay kaysa sa iba; hindi pagtanggap sa sinasabi ng iba, gaano man sila katama; pagpilit sa iba na tanggapin at sundin ang sinasabi mo, kahit na mali ka; palagiang pagkahilig na pamunuan ang iba; pagiging hindi masunurin at pangangatwiran kapag tinatabasan at iwinawasto ka ng mga lider at manggagawa, pagkondena sa kanila bilang mga huwad; palaging pagkondena sa iba at pagtataas sa iyong sarili; palaging pag-iisip na mas magaling ka kaysa sa lahat; palaging pagnanais na maging isang taong tanyag at sikat; palaging gustong-gustong magpakitang-gilas, upang lubos kang pahalagahan at sambahin ng iba…. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagninilay-nilay at pagsusuri sa mga pagbuhos na ito ng katiwalian, malalaman mo kung gaano kapangit ang iyong mapagmataas na disposisyon, at magagawa mong kamuhian at kasuklaman ang iyong sarili, at mas lalong kapootan ang iyong mapagmataas na disposisyon. Sa gayon ay magiging handa kang pagnilayan kung nagpakita ka ba o hindi ng mapagmataas na disposisyon sa lahat ng bagay. Ang isang bahagi nito ay pagninilay-nilay sa kung anong mga mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ang lumalabas sa iyong pananalita—anong mga mapagmalaki, mayabang, at walang katuturang bagay ang sinasabi mo. Ang isa pang bahagi ay pagninilay-nilay sa kung anong mga kakatwa at walang katuturang bagay ang ginagawa mo habang kumikilos ka ayon sa iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, ambisyon, at pagnanasa. Tanging ang ganitong uri ng pagninilay sa sarili ang magdudulot ng pagkakilala sa sarili. Kapag nagkamit ka na ng tunay na pagkakilala sa iyong sarili, dapat mong hanapin ang mga landas at prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagiging isang matapat na tao sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay magsagawa, gumanap ng iyong tungkulin, at humarap at makipag-ugnayan sa iba ayon sa mga landas at prinsipyo na nakasaad sa mga salita ng Diyos. Kapag nakapagsagawa ka na sa ganitong paraan nang ilang panahon, marahil nang isa o dalawang buwan, makararamdam ka ng kasiglahan ng puso tungkol dito, at may makakamit ka mula rito at makatitikim ka ng tagumpay. Mararamdaman mo na mayroon kang landas para maging isang matapat at matinong tao, at mas lalo kang makararamdam ng katahimikan ng kalooban. Bagamat hindi ka pa makapagsasalita tungkol sa partikular na malalim na kaalaman tungkol sa katotohanan, magkakamit ka naman ng ilang perseptuwal na kaalaman tungkol dito, gayundin ng isang landas ng pagsasagawa. Bagamat hindi mo ito maipapahayag nang malinaw gamit ang mga salita, magkakaroon ka naman ng kaunting pagkakilala sa pinsalang nagagawa ng isang mapagmataas na disposisyon sa mga tao at kung paano nito binabaluktot ang kanilang pagkatao. Halimbawa, ang mga taong mayabang at may labis na pagtingin sa sarili ay madalas na nagsasabi ng mga mapagmalaki at imposibleng bagay, at nagsisinungaling para dayain ang iba; nagsasabi sila ng mga salitang matayog pakinggan, sumisigaw ng mga salawikain, at nagbubulalas ng matatayog na pambabatikos. Hindi ba’t ang mga ito ay iba’t ibang pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyon? Hindi ba’t lubhang walang katuturan na magpakita ng mga mapagmataas na disposisyong ito? Kung tunay mong nauunawaan na malamang ay nawalan ka na ng normal na katwiran ng tao kaya ka naglalabas ng mga gayong mapagmataas na disposisyon, at na ang pamumuhay sa loob ng isang mapagmataas na disposisyon ay nangangahulugang nagsasabuhay ka ng pagkadiyablo sa halip na pagkatao, tunay mong makikilala na ang isang tiwaling disposisyon ay isang satanikong disposisyon, at mula sa iyong puso ay magagawa mong kapootan si Satanas at ang mga tiwaling disposisyon. Sa anim na buwan o isang taon ng gayong karanasan, magkakaroon ka ng tunay na pagkakilala sa sarili, at kung maglalabas ka ulit ng isang mapagmataas na disposisyon, mamamalayan mo ito kaagad, at magagawa mong talikdan at talikuran ito. Magsisimula ka nang magbago, at unti-unti mong mawawaksi ang iyong mapagmataas na disposisyon, at normal mo nang makakasundo ang iba. Magagawa mo nang magsalita nang tapat at mula sa puso; hindi ka na magsisinungaling o magsasabi ng kayabangan. Kung magkagayon, hindi ba’t magtataglay ka na ng kaunting katwiran at kaunting wangis ng isang matapat na tao? Hindi ba’t makakamit mo na ang pagpasok na iyon? Ito ang panahon kung kailan magsisimula kang may makamit. Kapag nagsagawa kang maging matapat sa ganitong paraan, magagawa mong hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang iyong sarili anumang uri ng mapagmataas na disposisyon ang inilalabas mo, at matapos maranasan ang pagiging isang matapat na tao sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, walang kamalay-malay at unti-unti mong mauunawaan ang mga katotohanan at nauugnay na salita ng Diyos tungkol sa pagiging isang matapat na tao. At kapag ginamit mo ang mga katotohanang iyon para suriin ang iyong mapagmataas na disposisyon, sa kaibuturan ng iyong puso ay magkakaroon ng kaliwanagan at pagtanglaw ng mga salita ng Diyos, at magsisimulang sumigla ang iyong puso. Malinaw mong makikita ang katiwalian na idinudulot ng isang mapagmataas na disposisyon sa mga tao at ang kapangitan na ipinapasabuhay nito sa kanila, at magagawa mong tukuyin ang bawat isa sa mga tiwaling kalagayan na kinahahantungan ng mga tao kapag nagpapakita sila ng mapagmataas na disposisyon. Sa higit pang pagsusuri, mas malinaw mong makikita ang kapangitan ni Satanas, at mas lalo mong kapopootan si Satanas. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na iwaksi ang iyong mapagmataas na disposisyon. Kapag umabot sa puntong ito ang iyong kaalaman, malinaw mong mauunawaan ang nauugnay na mga salita ng Diyos at katotohanan, at malalaman mo na ang tanging hinihingi ng Diyos sa tao ay iyong dapat taglayin at isabuhay ng mga taong may normal na pagkatao. Sa pamamagitan niyon, hindi na magiging mahirap sa iyo ang pagsasagawa sa katotohanan. Sa halip, maniniwala kang ang pagsasagawa sa katotohanan ay inorden ng Langit at kinilala ng lupa, na ganito dapat mamuhay ang tao. Sa puntong iyon, ang pagsasagawa mo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ay ganap na magiging kusa, positibo, at aktibo, at kasabay niyon ay mas lalo mong mamahalin ang katotohanan. Darami ang mga positibong bagay sa iyong puso, at unti-unting uusbong sa puso mo ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Iyan ang ibig sabihin ng totoong maunawaan ang katotohanan. Magkakaroon ka ng tamang pananaw at perspektibo sa lahat ng bagay, at ang tunay na kaalamang ito at ang mga tamang pananaw na ito ay unti-unting mag-uugat sa iyong puso. Iyan ang ibig sabihin ng makapasok sa realidad ng katotohanan—isa itong bagay na walang sinumang makapagkakait o makapagnanakaw sa iyo. Matapos mong paunti-unting maipon ang mga positibong bagay na ito, madarama mo sa kaibuturan ng iyong puso na labis kang natustusan. Hindi mo na madaramang walang silbi ang manalig sa Diyos, at mawawala na ang hungkag na pakiramdam sa iyong puso. Kapag naramdaman mo na kung gaano kakamangha-manghang maunawaan ang katotohanan at nakita mo na ang liwanag ng buhay ng tao, uusbong sa iyo ang tunay na pananampalataya. At kapag may pananalig ka nang danasin ang gawain ng Diyos, at nakikita mo na kung gaano katotoo at kapraktikal ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan, positibo at aktibo mo nang isasagawa at dadanasin ang mga salita ng Diyos. Magbabahagi ka tungkol sa iyong tunay na karanasan at kaalaman, sa gayon ay patototohanan mo ang Diyos at tutulungan ang mas maraming tao na malaman ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos at ang mga pakinabang na idinudulot ng katotohanan sa tao. Pagkatapos ay magkakaroon ka ng higit pang pananalig na isagawa ang katotohanan at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin—at sa ganoon, tunay ka nang magpapasakop sa Diyos. Kapag nagsasalita ka tungkol sa iyong tunay na patotoong batay sa karanasan, mas lalong sisigla ang puso mo. Madarama mo na mayroon kang higit pang landas sa pagsasagawa ng katotohanan, at kasabay nito, makikita mo na napakarami mong kakulangan, na napakaraming katotohanan ang dapat mong isagawa. Ang gayong patotoong batay sa karanasan ay hindi lang kapaki-pakinabang at nakapagpapatibay para sa iba—maging ikaw ay makadarama na may nakamit ka sa iyong paghahangad sa katotohanan, at na tunay mong natanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Kapag nararanasan ng isang tao ang gawain ng Diyos sa ganitong paraan hanggang sa nakakapagpatotoo na siya para sa Diyos, hindi lang nito maaakay ang mas maraming tao na malaman ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na maalis ang mga gapos, pagpigil, at kasawian ng mga disposisyong iyon, at mabigyan sila ng kakayahang makaahon mula sa kapangyarihan ni Satanas—mabibigyan din nito ang taong iyon ng higit pang pananalig na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at na magawang perpekto. Hindi ba’t nagiging tunay na patotoo ang gayong karanasan? Gayon ang tunay na patotoo. Madarama ba ng isang taong nakapagbibigay ng gayong patotoo para sa Diyos na ang pananalig sa Kanya ay nakababagot, o walang patutunguhan, o walang kabuluhan? Talagang hindi. Kapag nakapagpapatotoo para sa Diyos ang isang tao at kapag mayroon siyang tunay na pagkakilala sa Diyos, ang kaibuturan ng kanyang puso ay napupuno ng kapayapaan at kagalakan, at pakiramdam niya ay natustusan siya at lubos na panatag ang kalooban niya. Kapag namumuhay sa gayong kondisyon at mundo ang isang tao, natural na hindi niya pipilitin ang sarili na magdusa, magbayad ng halaga, at mapigilan. Hindi niya basta pipilitin ang sarili na disiplinahin ang kanyang katawan at talikdan ang laman. Ang mas gagawin niya ay positibong magkamit ng kaalaman tungkol sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Hahangarin din niya ang kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos, sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at mauunawaan niya kung ano ang dapat gawin ng isang tao upang magpasakop sa Diyos at mapalugod ang Diyos. Dahil doon ay maiintindihan niya ang kalooban ng Diyos sa mga salita ng Diyos, at matatagpuan niya ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan, sa halip na ituon ang pansin sa mga panandaliang damdamin sa loob niya. Halimbawa, ang hindi magawang pigilan ang sarili kapag may mga nangyayari, pagiging mainitin ng ulo, pagiging masama ang timpla, ang magalit uli sa araw na iyon, hindi na naman maganda o hindi kasingperpekto ng inaasahan ang pagkakagawa sa isang bagay sa araw na iyon, o anumang gayong hindi mahalagang bagay. Basta’t hindi humahadlang ang mga bagay na ito sa pagsasagawa mo sa katotohanan, hindi kailangang mag-alala tungkol sa mga ito. Dapat kang manatiling nakatuon sa paglutas sa iyong mga tiwaling disposisyon at paghahanap kung paano magsagawa sa paraang nakalulugod sa Diyos at naaayon sa Kanyang kalooban. Isagawa ang katotohanan nang ganito, at mabilis kang uusad sa buhay, at matatahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan at na magawang perpekto. Hindi na magiging hungkag ang iyong puso; magkakaroon ka ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at mas lalo kang magiging interesado sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at mas lalo mong pahahalagahan ang mga ito. Higit lalo mo pang mauunawaan ang kalooban ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi. Kapag umabot sa ganitong antas ang isang tao, ganap na niyang napasok ang mga salita ng Diyos at ang realidad ng katotohanan.
Ang isinasagawa at pinapasok ngayon ng maraming tao ay hindi ang realidad ng katotohanan, kundi pumapasok sila sa isang uri ng kondisyon, kung saan nagpapakita sila ng panlabas na magagandang pag-uugali, at bukal sa loob nilang magbayad ng halaga, at handa silang magdusa, at handang gugulin ang lahat. Gayunpaman, nananatiling hungkag ang kaibuturan ng kanilang puso, at walang suporta sa kaloob-looban nila. Bakit wala silang suporta? Dahil wala silang landas kapag may anumang sumasapit sa kanila; umaasa sila sa pangangarap nang gising, at hindi nila taglay ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan. Kapag may lumalabas na tiwaling disposisyon sa kanila, pagpipigil lang sa sarili ang naisasagawa nila, hindi nila nagagawang hanapin ang katotohanan upang lutasin ito. Mapalad ang mga tao na ang kanilang sinaunang laman ay may likas na abilidad: Kaya nitong magdusa. May kasabihan ang mga hindi mananampalataya na nagsasabing, “Walang pagdurusa na hindi kayang tiisin, tanging mga pagpapala na hindi kayang tamasahin.” Ang laman ng tao ay may likas na abilidad na taglay nito mula kapanganakan: Hindi nito kayang magtamasa ng napakaraming pagpapala, ngunit nagagawa nitong magdusa ng kahit ano, at tiisin ito, at pigilan ang sarili. Isa ba itong magandang bagay? Isa ba itong kalakasan o kapintasan, isang kakulangan? Ang kasabihan ba nilang iyon ang katotohanan? (Hindi.) Hindi iyon ang katotohanan, at kung ang isang bagay ay hindi ang katotohanan, wala itong katuturan. Mga walang kabuluhang salita lang ang kasabihang iyon, hindi niyon malulutas ang kahit ano sa iyong mga problema, ni hindi niyon malulutas ang iyong mga praktikal na paghihirap. Sa tumpak na pananalita, hindi niyon malulutas ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kaya walang silbing sabihin iyon. Kahit na maaaring may kaunting kaalaman ka tungkol dito, alam mo ito, at lubos na itong naranasan, wala pa rin itong silbi. May iba pang kasabihan ang mga hindi mananampalataya, tulad ng, “Hindi ako takot mamatay, kaya bakit ako matatakot mabuhay?” at “Kapag narito na ang taglamig, gaano pa kalayo ang tagsibol?” Magagarbong pahayag ang mga ito, hindi ba? Lubos na inspirasyonal at pilosopikal, hindi ba? Tinatawag ng mga hindi mananampalataya ang mga kasabihang ito na “panghilom ng kaluluwa.” Gusto mo ba ang mga ganitong uri ng kasabihan? (Hindi.) Bakit hindi? Maaaring sabihin ng ilan, “Ayaw lang talaga namin sa mga ito. Mga hindi mananampalataya ang nagsasabi ng mga ito; mga salita ng Diyos ang gusto namin.” Aling bahagi ng mga salita ng Diyos ang gusto mo kung gayon? Aling parirala ang itinuturing mong katotohanan? Aling parirala ang iyong naranasan, naisagawa at napasok, at nakamit? Walang silbi na ayawan lang ang mga kasabihang ito ng mga hindi mananampalataya; maaaring hindi mo gusto ang mga ito, ngunit hindi mo matukoy nang malinaw ang diwa ng mga ito. Tama ba ang mga kasabihang ito? (Hindi.) Tama o hindi, walang kinalaman sa katotohanan ang mga salita ng mga hindi mananampalataya. Kahit na ituring ng mga tao na mabuti at tama ang mga ito, hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan, at hindi maaaring umangat ang mga ito sa antas ng katotohanan. Lahat ng ito ay labag at salungat sa katotohanan. Hindi tinatanggap ng mga hindi mananampalataya ang katotohanan, kaya hindi na kailangang makipagtalo sa kanila tungkol sa kung ano ang tama at mali. Ang tanging magagawa natin ay ituring ang kanilang mga salita bilang nakalilitong kahibangan, at hayaan na sila. Ano ang ibig sabihin ng “kahibangan”? Ang ibig sabihin nito ay mga salita na talagang hindi nakapagpapatibay o walang halaga sa mga tao, sa kanilang buhay, sa mga landas na kanilang tinatahak, o sa kanilang kaligtasan. Kahibangan ang lahat ng gayong pananalita; maaari din itong tawaging mga walang kabuluhang salita. Wala itong kinalaman sa buhay at kamatayan ng mga tao, o sa mga landas na tinatahak nila, at isa itong kahibangan na wala talagang positibong silbi. Naririnig ng mga tao ang gayong parirala at namumuhay sila kung paano nila gusto, gaya ng dati; hindi mababago ng gayong parirala ang anumang katunayan, dahil hindi ito ang katotohanan. Tanging ang katotohanan ang nakapagpapatibay sa tao; hindi masusukat ang halaga nito. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil kayang baguhin ng katotohanan ang kapalaran ng mga tao, at ang kanilang mga saloobin at pananaw, at ang kanilang kaloob-looban. Higit sa lahat, kayang pawiin ng katotohanan ang mga tiwaling disposisyon ng tao; kaya nitong baguhin ang mga katangian ng isang tao, gawing mga katangian ng katotohanan ang kanyang mga satanikong katangian—kaya nitong baguhin ang isang taong namumuhay ayon sa kanyang mga tiwaling disposisyon at gawin siyang isang taong namumuhay ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Kapag isinasabuhay ng isang tao ang realidad ng katotohanan, gamit ang mga salita ng Diyos bilang kanyang batayan, hindi ba’t nagbabago ang kanyang buhay? Kapag nagbabago ang buhay ng isang tao, ibig sabihin ay nagbago na ang kanyang mga iniisip at pananaw; ibig sabihin ay nagbago na ang kanyang paniniwala, mga saloobin, at mga pananaw tungkol sa mga tao at bagay-bagay; ibig sabihin ay iba na kaysa dati ang kanyang opinyon at mga pananaw patungkol sa mga pangyayari at bagay-bagay. Ang mga kasabihang iyon na mula sa mga hindi mananampalataya ay pawang mga walang kabuluhang salita at kahibangan. Hindi malulutas ng mga ito ang anumang problema. Iyong isang kasasabi Ko pa lang—“Walang pagdurusa na hindi kayang tiisin, tanging mga pagpapala na hindi kayang tamasahin”—hindi ba’t mga walang kuwenta at walang kabuluhang salita ito? (Ganoon nga.) Kaya mong magdusa—ano naman ngayon? Hindi ka nagdurusa upang makamit ang katotohanan; nagdurusa ka upang matamasa ang katanyagan at katayuan. Wala talagang halaga o kabuluhan ang iyong pagdurusa. Tingnan mo ang mga katunayan: Nagdusa ka na nang husto at nagbayad ng napakalaking halaga, subalit hindi mo pa rin kilala ang iyong sarili, at hindi mo man lang maunawaan ang mga saloobin at ideyang nagmumula sa iyong tiwaling disposisyon, ni hindi mo malutas ang mga ito. Sa tingin mo ba ay makapapasok ka sa buhay kung gayon? May halaga ba ang iyong pagdurusa? Wala talaga itong halaga. Ang pagdurusa ng ilang tao ay may halaga. Halimbawa, ang pagdurusang dinaranas ng mga tao upang makamit ang katotohanan ay may halaga: Kapag nakamit na ng isang tao ang katotohanan, kaya niyang pagtibayin at tustusan ang iba. Maraming tao ang nagdurusa at nagbabayad ng halaga upang maipalaganap ang ebanghelyo, na tumutulong na mapalawig ang gawain ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos, at maipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit. Mula rito, makikita natin na sinumang nagdurusa at nagbabayad ng halaga upang makamit ang katotohanan at mapalugod ang Diyos ay may matatamo mula rito. Makukuha ng mga taong ito ang pagsang-ayon ng Diyos. Ngunit may ilan na hindi hinahangad ang katotohanan, at bagamat maaaring ginugugol nila ang sarili at nagdurusa sila para sa Diyos, at natatanggap nila ang Kanyang kabaitan, ang kabaitang iyon ay awa at pagpapaubaya ng Diyos at sumasalamin sa kagandahang-loob na ipinapakita Niya sa tao, pati na sa biyaya na iniaabot Niya sa tao. Anong uri ng biyaya? Kaunting materyal na biyaya—hindi na hihigit pa roon. Iyon ba ang gusto mo? Iyon ba ang pinakalayunin mo sa pananalig sa Diyos? Sa tingin Ko ay hindi. Simula noong araw na nanalig ka sa Diyos, ninais mo lang ba ang Kanyang kabaitan, ang Kanyang proteksyon, at ang ilan sa mga materyal na pagpapalang ipinagkakaloob Niya? Iyon ba ang mga bagay na gusto mo? Iyon ba ang mga hinahangad mo sa iyong pananalig? (Hindi.) Malulutas ba ng mga bagay na ito ang usapin ng iyong kaligtasan? (Hindi.) Mukhang malinaw na malinaw naman ang isip ninyo. Nauunawaan ninyo kung ano ang mahalaga at kung ano ang importante. Hindi kayo nalilito. Alam ninyo kung ano ang matimbang at kung ano ang hindi. Gayunpaman, hindi pa rin sigurado kung magagawa ba ninyong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.