Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1 (Ikatlong Bahagi)

Hindi isang madaling gawain ang kilalanin ang sarili. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan, pati na sa pagsasagawa at pagdanas sa mga salita ng Diyos, at makakamit lang ang tunay na pagkakilala sa sarili sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ang mga hindi nakaranas ng paghatol at pagkastigo ay, sa pinakamabuti, magagawang aminin ang mga kamaliang nagawa nila at mga bagay na hindi nila nagawa nang tama. Magiging napakahirap para sa kanila na makita nang malinaw ang kanilang kalikasan at diwa. Bakit ba kahit pa itinigil ng mga mananampalataya noong Kapanahunan ng Biyaya ang paggawa ng mga partikular na kasalanan at binago ang kanilang pag-uugali, kailanman ay hindi sila nagkaroon ng pagbabago sa kanilang mga disposisyon sa buhay? Bakit, kahit pa naniniwala sila sa Diyos, ay nilabanan nila Siya, at pinagtaksilan pa nga Siya? Mahirap para sa tiwaling sangkatauhan na kilalanin ang pinagmumulan ng problemang ito. Bakit ba may mga satanikong disposisyon ang lahat ng tao? Ito ay dahil ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at tinanggap na ng mga tao ang mga kasinungalingan at pilosopiya nito. Iyon ang nagsanhi sa mga tiwaling disposisyon, at ganyan kaya ang disposisyon ni Satanas ay naging pinagmumulan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ito ang bagay na pinakamahirap makilala ng tao. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw para iligtas ang sangkatauhan mula sa impluwensya ni Satanas, at para lutasin ang pinagmumulan ng kasalanan at paglaban ng sangkatauhan sa Diyos. Libu-libong taon nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at nag-ugat na ang kalikasan nito sa puso ng mga tao. Samakatuwid, walang uri ng tiwaling disposisyon ang malulutas at maiwawaksi sa pamamagitan lang ng isa o dalawang pagtatangka sa pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili. Ang mga tiwaling disposisyon ay palagi at paulit-ulit na naipakikita, kaya kailangan ng mga taong tanggapin ang katotohanan at makipaglaban nang mahabang panahon sa kanilang mga satanikong disposisyon hanggang sa madaig nila si Satanas. Saka lang nila lubusang maiwawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, kailangang walang tigil na magdasal ang mga tao sa Diyos, hanapin ang katotohanan, pagnilayan ang sarili, kilalanin ang sarili, at isagawa ang katotohanan, hanggang sa hindi na sila magpakita ng katiwalian, magbago ang mga disposisyon nila sa buhay, at magkaroon sila ng pagpapasakop sa Diyos. Saka lang nila makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Maaaring hindi agad makita ang mga resulta ng bawat pakikipaglaban, at maaari ka pa ring maghayag ng mga tiwaling disposisyon pagkatapos. Maaaring bahagya kang maging negatibo at panghinaan ng loob, pero ayaw mong sumuko, at maaari ka pa ring magpatuloy sa pagsisikap, tumingala sa Diyos at umasa sa Kanya. Kung magpupursigi ka nang ganoon sa loob ng dalawa o tatlong taon, tunay mong maisasagawa ang katotohanan, at mapapayapa at magagalak ang iyong puso. Pagkatapos ay malinaw mong makikita na ang bawat pagkabigo, bawat pagsisikap, at bawat tagumpay na nakamit mo ay isang magandang tanda na umuusad ka patungo sa pagbabago ng iyong disposisyon at sa panghihikayat sa Diyos na baguhin ang Kanyang isipan tungkol sa iyo. Kahit na ang bawat pagbabago ay hindi kapansin-pansin sa kamalayan ng tao, ang pagbabago ng disposisyon na kaakibat ng bawat pagkakataon ay hindi matatamo ng anupamang ibang kilos o bagay. Ito ang landas na kailangang tahakin ng isang tao upang baguhin ang kanyang disposisyon at pumasok sa buhay. Kailangan ay ganito isagawa ang paghahangad sa pagbabago ng disposisyon. Siyempre, dapat ay mayroong tumpak na pagkaunawa ang mga tao sa kung paano nagaganap ang pagbabago ng disposisyon: Hindi ito isang biglaang, nakayayanig-lupang pagbabago na nakabibigla at nakatutuwa, tulad ng iniisip nila. Hindi ito ganoon nangyayari. Isa itong pagbabago na hindi namamalayan, dahan-dahan, paunti-unti. Kapag naisasagawa ng isang tao ang katotohanan, makikita niya ang mga bunga ng kanyang pagpapagal. Kapag nagbalik-tanaw ka matapos mong tahakin ang landas na ito sa loob ng tatlo, lima, sampung taon, mabibigla ka na malamang malaki na ang ipinagbago ng iyong disposisyon sa sampung taong iyon, na ibang-iba ka na. Maari na hindi nagbago ang personalidad at pagtitimpi mo, o na ang iyong pamumuhay at iba pa ay hindi nagbago, ngunit ang mga disposisyon, kalagayan, at pag-uugali na ipinakikita mo ay ibang-iba na, na para bang naging ibang tao ka na talaga. Bakit magaganap ang gayong pagbabago? Dahil sa loob ng sampung taong iyon, nahatulan at nakastigo ka na, natabasan at naiwasto, nasubok at napino ng mga salita ng Diyos nang maraming beses, at maraming katotohanan na ang naunawaan mo. Magsisimula ito sa pagbabago sa iyong mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, sa pagbabago sa iyong pananaw sa buhay at sa iyong mga prinsipyo, na susundan ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, isang pagbabago sa saligan na inaasahan mo para mabuhay—at habang nagaganap ang mga pagbabagong ito, unti-unti kang magiging ibang tao, isang bagong tao. Kahit na maaaring hindi nagbago ang iyong personalidad, pagtitimpi, pamumuhay, at maging ang iyong pananalita at pagkilos, nabago mo naman ang iyong disposisyon sa buhay, at iyon pa lang ay isa nang pangunahin, mahalagang pagbabago. Ano ang mga tanda ng pagbabago ng disposisyon? Paano ito partikular na naipamamalas? Nagsisimula ito sa pagbabago sa mga pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay—ito ay kapag nagbabago ang maraming pananaw ng mga hindi mananampalataya tungkol sa mga bagay-bagay na taglay ng isang tao habang nagtatamo siya ng pagkaunawa sa katotohanan, at palapit nang palapit ang mga pananaw na iyon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos. Ito ang unang yugto ng pagbabago ng disposisyon. Higit pa roon, sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili, makatutuon ang mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan. Sa pagninilay sa iba’t ibang layunin, motibo, opinyon at ideya, kuru-kuro, pananaw, at saloobin na nasa kaibuturan nila, matutukoy nila ang kanilang mga problema, at magsisimula silang makadama ng pagsisisi dahil sa mga iyon. Pagkatapos, matatalikdan na nila ang laman at maisasagawa ang katotohanan. At habang ginagawa iyon, lalo pa nilang mamahalin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, at kikilalanin na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Lalo silang magiging handang sumunod kay Cristo at magpasakop sa Kanya, at madarama nila na ipinahahayag ng Diyos ang mga katotohanan para ilantad, hatulan, at kastiguhin ang tao, at para baguhin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at na sa paggawa niyon ay inililigtas at ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa isang tunay na praktikal na paraan. Madarama nila na kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos o ang panustos at patnubay ng Kanyang mga salita, magiging imposible para sa mga tao na magtamo ng kaligtasan, ni umani ng gayong mga gantimpala. Sisimulan nilang mahalin ang mga salita ng Diyos, at madarama nila na umaasa sila sa mga iyon sa kanilang tunay na buhay, na kailangan nila ang Kanyang mga salita para tustusan sila, para patnubayan sila, at para hawanin ang daan para sa kanila. Mapupuno ng kapayapaan ang mga puso nila, at kapag mayroong nangyari sa kanila, hindi mamamalayang hahanapin nila ang mga salita ng Diyos upang magsilbing basehan nila, at hahanapin ang mga prinsipyo at ang landas ng pagsasagawa sa loob ng mga iyon. Ito ay isang resultang matatamo sa pamamagitan ng pagkilala sa sarili. Mayroon pang isa: Hindi na haharapin ng mga tao ang pagpapakita nila ng mga tiwaling disposisyon tulad ng dati, nang may saloobin ng pagmamatigas. Sa halip, magagawa nilang patahimikin ang kanilang mga puso at pakinggan ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng katapatan, at matatanggap nila ang katotohanan at mga positibong bagay. Nangangahulugan ito na kapag nagpakita sila ng tiwaling disposisyon, hindi na sila magiging katulad ng dati—mapagmatigas, mahirap paamuin, masyadong agresibo, mapagmataas, walang-pakundangan, at malupit—sa halip, maagap nilang pagninilayan ang kanilang mga sarili at magtatamo ng kaalaman sa tunay nilang mga problema. Maaaring hindi nila alam kung ano ang diwa ng kanilang tiwaling disposisyon, ngunit magagawa nilang patahimikin ang kanilang sarili, magdasal sa Diyos, at hanapin ang katotohanan, pagkatapos niyon ay aaminin nila ang kanilang mga problema at ang kanilang tiwaling disposisyon, at magsisisi sila sa Diyos, at magpapasyang magbago ng kilos sa hinaharap. Lubos na saloobin iyon ng pagpapasakop. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng mga pusong nagpapasakop sa Diyos. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang Kanyang hinihingi sa kanila, anuman ang gawaing Kanyang ginagawa o ang mga kapaligirang Kanyang isinasaayos para sa kanila, magiging madali para sa mga tao na magpasakop dito. Ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay hindi magiging ganoon kalaking balakid para sa kanila, magiging madaling lutasin at mapagtagumpayan ang mga iyon. Sa puntong iyon, magiging walang kahirap-hirap para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan, at makapagtatamo sila ng pagpapasakop sa Diyos. Ang mga ito ang mga tanda ng pagbabago ng disposisyon. Kapag kaya ng isang tao na isagawa ang katotohanan at tunay na magpasakop sa Diyos, maaaring sabihin na nagkaroon na ng pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay—isang tunay na pagbabago, isang pagbabago na lubos na natamo sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. At ang lahat ng pag-uugali na lumalabas sa mga tao sa prosesong ito, mga positibong pag-uugali man ang mga ito o normal na pagkanegatibo at kahinaan, ay kinakailangan at hindi mapipigilan. Yamang mayroong mga positibong pag-uugali, kailangan ay mayroon ding mga pag-uugali ng pagkanegatibo at kahinaan—ngunit ang pagkanegatibo at kahinaan ay pansamantala lamang. Sa sandaling magtaglay ang isang tao ng partikular na tayog, mas mababawasan ang kanyang mga negatibo, mahinang kalagayan, at lalong madaragdagan ang mga positibong pag-uugali at pagpasok, at lalo pang magiging maprinsipyo ang kanyang mga kilos. Ang gayong tao ay isang taong sumusunod sa Diyos, at isang taong nagbago ang disposisyon sa buhay matapos maalis ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Maaaring masabi na ang mga ito ang mga resultang nakakamit ng mga naghahangad sa katotohanan sa pamamagitan ng pagdanas sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagtatabas at pagwawasto, pagsubok, at pagpipino sa kanila.

Yamang narinig at naunawaan na ngayon ng lahat ng tao ang mga partikular, normal na proseso ng paghahangad sa katotohanan, hindi na sila dapat gumawa ng iba’t ibang katwiran o dahilan kung bakit sila nayayamot sa katotohanan, o lumalaban dito, o hindi naghahangad dito. Matapos maunawaan ang mga katotohanang ito at makita nang malinaw ang problemang ito, may pagkilatis na ba kayo ngayon sa mga katwiran at dahilan na ibinibigay ng mga tao para sa hindi paghahangad sa katotohanan? Kapag sinabi ng isang nakatatanda na, “Matanda na ako. Hindi na ako pursigido o masigasig tulad ng isang bata. Sa pagtanda, nawawala na sa akin ang pagiging agresibo at ambisyon ng kabataan, at hindi na ako nagiging mapagmataas. Kaya kalokohan ang sinasabi mo na mapagmataas ako—hindi ako ganoon!” Tama ba siya? (Hindi.) Malinaw na hindi. May pagkilatis na kayong lahat ngayon sa gayong mga salita. Mailalantad ninyo ang taong iyon at masasabing, “Kahit na matanda ka na, mayroon ka pa ring mapagmataas na disposisyon. Buong buhay mo ay naging mapagmataas ka nang hindi ito kailanman nilulutas. Gusto mo bang patuloy na maging mapagmataas?” Sinasabi ng ilang nakababata, “Napakabata ko pa, hindi ko pa nararanasan ang magugulong bahagi ng lipunan o hindi pa ako naghirap at natangay ng iba’t ibang grupo. Wala ako ng mga karanasang taglay ng mga taong nakapaglakbay na sa mundo—at higit sa lahat, siyempre, hindi ako kasing tuso o taksil ng mauutak na matandang iyon. Bilang isang kabataan, normal na magkaroon ako ng bahagyang mapagmataas na disposisyon; kahit paano ay hindi ako kasing mapagpakana, mapanlinlang, at masama gaya ng isang matanda.” Nararapat bang sabihin ito? (Hindi.) Ang bawat tao ay may tiwaling disposisyon. Wala itong kinalaman sa edad o kasarian. Taglay mo ang taglay ng iba, at taglay nila ang taglay mo. Hindi na kailangang magturuan pa ng sinuman. Siyempre, hindi sapat na kilalanin lang na ang lahat ay may tiwaling disposisyon. Yamang tinanggap mo nang mayroon kang tiwaling disposisyon, kailangan mong hanapin ang katotohanan para lutasin ito—hindi mo maaabot ang layunin mo hangga’t hindi mo natatamo ang katotohanan at hindi nagbabago ang disposisyon mo. Sa huli, ang paglutas sa isang tiwaling disposisyon ay nakasalalay sa iyong pagtanggap sa katotohanan, pagbitiw sa mga katwiran at dahilan mo, at kakayahang harapin nang tama ang iyong tiwaling disposisyon. Kailangan ay hindi mo ito iwasan o takasan gamit ang mga pagpapalusot, at talagang kailangang hindi mo ito tanggihan. Madaling matamo ang mga bagay na ito. Ano ang pinakamahirap na gawin? May naiisip Ako. May mga taong nagsasabing, “Sabihin na natin na hinahangad ko ang katotohanan o na hindi ko ito hinahangad, sabihin na nating hindi ko minamahal ang katotohanan o nayayamot ako rito, ihayag mo na mayroon akong tiwaling disposisyon—babalewalain lang kita. Ginagawa ko ang anumang ipinagagawa sa akin ng sambahayan ng Diyos o anumang gawaing kailangang gawin. Nakikinig ako sa panahon ng mga sermon at pagtitipon, sumasabay ako sa pagbabasa kapag ang lahat ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, pinapanood ko nang mabuti ang mga video ng patotoo ng karanasan kasama ninyo, at kumakain ako kapag kumakain kayo. Kasabay ninyo ako. Sino sa inyo ang makapagsasabi na hindi ko hinahangad ang katotohanan? Ganito ako manampalataya, kaya pwede ninyong gawin o sabihin ang anumang gusto ninyo, wala akong pakialam!” Ang ganitong uri ng tao ay nagpapanggap na hindi siya nagdadahilan o nangangatwiran, ngunit wala rin siyang layunin na hangarin ang katotohanan. Para bang walang kinalaman sa kanya ang gawaing pagliligtas ng Diyos, para bang hindi niya ito kailangan. Hindi tahasang sinasabi ng ganitong uri ng mga tao na, “Mabuti ang pagkatao ko, tunay akong naniniwala sa Diyos, handa akong talikdan ang mga bagay, nagagawa kong magdusa at magbayad ng halaga. Bukod pa roon, kailangan ko pa bang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos?” Hindi nila ito tahasang sinasabi, wala silang malinaw na saloobin sa katotohanan, at hindi nila ipinakikitang kinokondena nila ang gawain ng Diyos. Gayunman, paano itinuturing ng Diyos ang gayong mga tao? Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, kung masyado silang walang pakialam sa mga salita ng Diyos at ipinagwawalang-bahala ang mga ito, malinaw na malinaw ang saloobin ng Diyos sa kanila. Tulad lang ito ng linya sa Bibliya, na nagsasabing, “Kaya naman sapagkat ikaw ay maligamgam, at hindi mainit ni malamig, isusuka kita sa Aking bibig” (Pahayag 3:16). Ayaw sa kanila ng Diyos, at gulo ang ibig sabihin niyon. May gayon bang mga tao sa iglesia? (Oo.) Kaya, paano sila dapat ikategorya? Saan sila dapat ikategorya? Hindi sila kailangang ikategorya. Sa madaling salita, hindi hinahangad ng gayong mga tao ang katotohanan. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan o pinagninilayan at kinikilala ang kanilang mga sarili, at wala silang mga pusong nagsisisi—sa halip ay magulo at malabo ang pananampalataya nila sa Diyos. Ginagawa nila ang anumang ipinagagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos, nang hindi nagdudulot ng anumang kaguluhan o pagkagambala. Tanungin ninyo sila, “Mayroon ka bang anumang kuru-kuro?” “Wala.” “Mayroon ka bang anumang tiwaling disposisyon?” “Wala.” “Nais mo bang magtamo ng kaligtasan?” “Hindi ko alam.” “Kinikilala mo ba na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan?” “Hindi ko alam.” Tanungin ninyo sila ng kahit na ano, at sasabihin nila na hindi nila alam. May problema ba sa gayong mga tao? (Oo.) Mayroon, subalit pakiramdam nila ay hindi ito problema, at na hindi ito kailangang lutasin. Sabi sa Bibliya, “Kaya naman sapagkat ikaw ay maligamgam, at hindi mainit ni malamig, isusuka kita sa Aking bibig.” Ang pariralang iyon—“isusuka kita sa Aking bibig”—ang prinsipyo sa pakikitungo sa gayong mga tao; ito ang resulta na sasapit sa kanila. Ang pagiging hindi mainit ni malamig ay nangangahulugan na walang anumang pananaw ang mga taong ito; nangangahulugan ito na paano man kayo magbahagi sa kanila tungkol sa mga usapin ng pagbabago ng disposisyon o kaligtasan, nanatili silang walang pakialam. Ano ba ang kahulugan ng “walang pakialam” dito? Nangangahulugan ito na hindi sila interesado sa gayong mga usapin at ayaw nilang marinig ang mga iyon. Maaaring sabihin ng ilan, “Ano ba ang napakasama sa kawalan ng mga pananaw o pagpapakita ng katiwalian?” Napakalaking kalokohan! Mga walang kaluluwa, patay na tao ang mga ito, hindi mainit ni malamig, at walang paraan ang Diyos para gumawa sa kanila. Pagdating sa mga taong hindi maililigtas, isinusuka lang sila ng Diyos at iniiwanan na sila. Hindi Siya gumagawa sa kanila, at hindi tayo gagawa ng anumang pagsusuri sa gayong mga tao, babalewalain lang natin sila. Kung may gayong mga tao sa iglesia, maaari silang manatili basta hindi sila nagdudulot ng anumang kaguluhan—kung manggugulo sila, sila ay aalisin. Madali itong lutasin. Ang mga salita Ko ay nakaukol sa mga kayang tumanggap sa katotohanan, na nagnanais na hangarin ito at may malinaw na saloobin tungkol dito, na kumikilala na may mga tiwaling disposisyon sila at maaaring maligtas; ang mga ito ay nakaukol sa mga nakauunawa sa mga salita ng Diyos at nakaririnig sa Kanyang tinig, nakaukol ito sa mga tupa ng Diyos—nakaukol sa kanila ang mga salita ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay hindi nakaukol sa mga hindi mainit ni malamig sa Kanya. Ang gayong mga tao ay hindi interesado sa katotohanan, at hindi mainit ni malamig sa mga salita at gawain ng Diyos. Ang paraan ng pakikitungo sa gayong mga tao ay ang sabihing, “Umalis ka. Walang kinalaman sa Akin kung bakit ka ganyan”—huwag silang pansinin at huwag magsayang ng anumang pagsisikap sa kanila.

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa ilang negatibong halimbawa sa paksa ng paghahangad sa katotohanan. Madalas na hindi namamalayan na nag-iisip ang mga tao ng iba’t ibang katwiran, dahilan, at pagkukunwari upang gamitin para itanggi ang mga pagpapakita nila ng mga tiwaling disposisyon—siyempre, madalas din nilang itinatago ang pag-iral ng kanilang mga tiwaling disposisyon, niloloko ang kanilang mga sarili at ang iba. Ang mga ito ang mga katawa-tawa at hangal na paraan ng tao. Sa isang banda, kinikilala ng mga tao na ang lahat ng salita ng Diyos na humahatol sa tao ay ang katotohanan; sa kabilang banda naman, itinatanggi nila ang pag-iral ng sarili nilang mga tiwaling disposisyon, maging ang kanilang mga maling pag-uugali na lumalabag sa katotohanan. Isa itong malinaw na tanda na hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Itinatanggi mo man o tinatanggap na mayroon kang tiwaling disposisyon, o nagbibigay ka man ng mga dahilan, katwiran, o maling argumento para sa mga pagpapakita mo ng tiwaling pag-uugali—sa madaling salita, kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, hindi mo matatamo ang pagliligtas ng Diyos. Hindi ito mapabubulaanan. Ang sinumang kahit kaunti ay hindi naghahangad sa katotohanan ay mailalantad at mapalalayas sa huli, gaano karaming taon man siyang naging mananampalataya. Kakila-kilabot ang kahihinatnang ito. Hindi na magtatagal bago maganap ang mga sakuna at ikaw ay malalantad, at pagdating ng mga sakuna, matatakot ka. Maaaring marami kang katwiran at dahilan, o maaaring mahusay ang pagpapanggap mo at tagong-tago ka, ngunit may isang katunayang hindi maitatanggi: hindi natinag ang iyong tiwaling disposisyon, hindi ito nagbago kahit kaunti. Hindi mo magawang tunay na kilalanin ang iyong sarili, hindi mo kayang tunay na magsisi, at sa huli, hindi ka tunay na makapagbabago ng sarili o makapagpapasakop sa Diyos, at hindi babaguhin ng Diyos ang isip Niya sa iyo. Hindi ba’t labis kang mapapahamak kung gayon? Manganganib kang mapalayas. Iyon ang dahilan kung bakit bibitiwan ng isang matalinong tao ang mga walang kabuluhang dahilan at hangal na mga katwirang ito at iwawaksi ang kanyang mga pagpapanggap at pagkukubli. Haharapin niya nang tama ang mga tiwaling disposisyong ipinakikita niya at gagamitin ang mga tamang pamamaraan para harapin at lutasin ang mga iyon, magsisikap siya na gawing mabubuting gawa ang lahat ng kanyang ginagawa at ikinikilos, upang baguhin ng Diyos ang Kanyang isipan tungkol sa kanya. Kung babaguhin ng Diyos ang Kanyang isipan tungkol sa iyo, patutunayan niyon na tunay ka na Niyang napawalang-sala sa iyong dating pagrerebelde at paglaban. Mapapayapa at magagalak ka, at hindi ka na mapipigilan, na para bang gumaan ang dalahin mo. Ang pakiramdam na ito ay ang pagpapatibay ng iyong espiritu; may pag-asa ka na ngayong maligtas. Ang pag-asang ito ang ipinagpalit mo sa mga halagang ibinayad mo sa iyong paghahangad sa katotohanan at sa mabubuti mong gawa. Ito ang resultang nakuha mo sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan at paghahanda ng mabubuting gawa. Sa kabaligtaran, maaaring isipin mo na matalino ka na, at maaaring makahanap ka ng maraming katwiran upang ipagtanggol at ipawalang-sala ang iyong sarili sa tuwing magpapakita ka ng katiwalian. Maaari mong pagtakpan at ikubli ang iyong tiwaling disposisyon, at sa gayon ay mautak na maiwasan ang pangangailangang pagnilayan at alamin iyon, na para bang hindi ka nagpakita ng anumang katiwalian. Maaaring isipin mo na napakatalino mo, sa pag-iwas, nang paulit-ulit, sa paglalantad ng iba’t ibang kapaligiran na isinaayos ng Diyos. Hindi mo mapagninilayan o makikilala ang iyong sarili, hindi mo makakamit ang katotohanan, at mapalalampas mo ang maraming pagkakataon para magawang perpekto ng Diyos. Ano ang mga magiging kahihinatnan nito? Isantabi muna natin kung kaya mong magsisi o magtamo ng kaligtasan, at sabihin na lang natin na kung paulit-ulit kang bibigyan ng Diyos ng mga pagkakataon para magsisi, at kailanman ay wala sa mga iyon ang magtulak sa iyo na magbago ang isip mo, malalagay ka sa matinding panganib. Ano ang saysay ng husay mong ipagtanggol ang iyong sarili, ng galing mong ipresenta ang iyong sarili, ng husay mong magpanggap, ng husay mong magdahilan at mangatwiran para sa iyong sarili? Kung paulit-ulit ka nang binigyan ng Diyos ng mga pagkakataon, at hindi ka man lang nito naitulak na baguhin ang iyong isipan, nasa panganib ka. Alam mo ba kung ano ang panganib na iyon? Nagpapatuloy ka sa matigas na pagdadahilan para sa iyong tiwaling disposisyon, sa pagdadahilan at pangangatwiran para sa hindi paghahangad sa katotohanan, at paglaban at pagtanggi sa paghatol ng Diyos at sa gawain Niya, subalit, sa palagay mo ay maayos ka naman at naniniwala ka na malinis ang iyong konsiyensiya. Ayaw mong tumanggap ng pangangasiwa, pagtatabas, at pagwawasto ng sambahayan ng Diyos, paminsan-minsan ay tumatakas sa paghatol, pagkastigo, at pagliligtas ng Diyos, nang may pusong puno ng pagrerebelde sa Kanya—kinamumuhian ka na ng Diyos at iniwanan ka na Niya, subalit, iniisip mo na maaari ka pa ring maligtas. Hindi mo ba alam na palayo na nang palayo ang tinatahak mong maling landas at na hindi ka na matutubos? Ang Diyos ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Sa palagay mo ba ay hindi ka na saklaw ng awtoridad ng Diyos kapag nilalabanan mo Siya at ginagawa mo ang sari-saring kasamaan mo? Hindi mo tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi mo natamo ang katotohanan at ang buhay, at wala kang kahit kaunting patotoo ng karanasan. Dahil dito, kinokondena ka ng Diyos. Nagdadala ka ng kapahamakan sa iyong sarili. Walang katalinuhan doon—kahangalan ito, matinding kahangalan! Napakalaking kapahamakan nito! Nailatag na natin ito rito—kung hindi mo ito paniniwalaan, maghintay ka lang at makikita mo. Huwag mong iisipin na kung marami kang katwiran para sa hindi paghahangad sa katotohanan, at mahusay kang magsalita at magpakana, na kung walang makatatalo sa pangangatwiran mo at hindi ka mailalantad ng mga kapatid, at kung walang katwiran ang iglesia para paalisin ka, ay walang anumang magagawa sa iyo ang sambahayan ng Diyos. Nagkakamali ka roon. Patuloy kang nakikipagkompetensiya sa Diyos; tingnan Ko kung gaano ka katagal makapagkokompetensiya sa Kanya! Magagawa mo bang makipagkompetensiya sa Kanya hanggang sa araw na gantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parusahan ang masasama pagkatapos ng Kanyang gawain? Masisiguro mo ba na hindi ka mamamatay sa mga sakuna—na makaliligtas ka sa mga iyon? Talaga bang mayroon kang kataas-taasang kapangyarihan sa sarili mong kapalaran? Maaari kang tulutan ng mga katwiran at dahilan mo na makatakas sa pagsisiyasat ng sambahayan ng Diyos sa loob ng ilang panahon; maaari kang mabigyang-daan ng mga iyon na mapahaba ang iyong hindi marangal na pag-iral sa loob ng ilang panahon. Maaari mong pansamantalang mabulag ang mga tao, at ipagpatuloy ang pagpapanggap at pandaraya sa iba sa iglesia at pag-okupa ng pwesto roon—ngunit hindi mo matatakasan ang pagsusuri at pagsisiyasat ng Diyos. Pinagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao batay sa kung taglay niya ang katotohanan o hindi; ginagawa Niya ang sarili Niyang gawain at paggigiik. Anong uri ka man ng tao o demonyo, hindi mo matatakasan ang paghatol at pagkokondena ng Diyos. Sa sandaling maunawaan ng mga hinirang ng Diyos ang katotohanan at magtamo ng pagkilatis, walang sinuman ang makatatakas, at saka ka mapaaalis sa iglesia. Maaaring hindi makumbinsi ang ilang tao at magreklamo na, “Labis akong naging abala para sa Diyos, napakarami kong nagawang gawain para sa Kanya, at nagbayad ako ng malaking halaga. Iniwanan ko ang aking pamilya at ang aking asawa; ibinigay ko ang kabataan ko para sa Diyos at sa Kanyang gawain. Iniwanan ko ang aking karera at iginugol ang kalahati ng lakas ng aking buhay, sa pag-iisip na tiyak na matatamo ko ang mga pagpapalang ipinagkakaloob Niya. Hinding-hindi ko naisip na mapaaalis ako dahil sa hindi paghahangad sa katotohanan at hindi kailanman pagsasagawa nito!” Hindi mo ba alam na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba malinaw sa iyo kung sino ang ginagantimpalaan ng Diyos at sino ang Kanyang pinagpapala? Kung ang iyong pagtatakwil at paggugol ay nagbigay-daan sa tunay na patotoo ng karanasan, at nagpapatotoo rin ang mga iyon sa gawain ng Diyos, gagantimpalaan at pagpapalain ka ng Diyos. Kung ang iyong pagtatakwil at paggugol ay hindi tunay na patotoo ng karanasan, at lalong hindi patotoo sa gawain ng Diyos, kung sa halip ay patotoo ang mga iyon sa iyong sarili, isang kahilingan sa Diyos na kilalanin ang iyong mga tagumpay, tinatahak mo ang landas na pareho kay Pablo. Ang ginagawa mo ay masama at paglaban sa Diyos, at sasabihin sa iyo ng Diyos, “Layuan mo Ako, masama kang tao!” At ano ang ibig sabihin nito? Magiging patunay ito na ikaw ay napinsala, nakatakdang masadlak sa mga sakuna at maparusahan. Mapapahamak ka. Nakatataas si Pablo sa pangkaraniwang tao noong panahon niya pagdating sa katayuan, sa gawaing ginagawa niya, sa husay niya, at sa mga kaloob niya—ngunit ano ang naging bunga niyon? Mula sa simula hanggang sa dulo ng pananampalataya niya sa Diyos, sinubukan ni Pablo na makipagtransaksyon sa Diyos, na magtakda ng mga kondisyon; naghangad siya ng gantimpala at korona mula sa Diyos. Sa huli, hindi siya tunay na nagsisi o naghanda ng maraming mabuting gawa—at natural, hindi talaga siya nagkaroon ng maraming tunay na patotoo ng karanasan. Matatamo kaya niya ang kapatawaran ng Diyos nang hindi tunay na nagsisisi? Mahihikayat kaya niya ang Diyos na magbago ng isip tungkol sa kanya? Magiging imposible iyon. Iginugol ni Pablo ang buong buhay niya para sa Panginoon, ngunit dahil tinahak niya ang landas ng isang anticristo at talagang tumangging magsisi, bukod sa hindi siya ginantimpalaan—naparusahan pa siya ng Diyos. Malinaw na napakalaking kapahamakan ng dinanas niyang bunga. Kaya, malinaw Kong sinasabi ngayon sa iyo na kung isa kang taong hindi naghahangad ng katotohanan, dapat na, kahit papaano, magkaroon ka ng kaunting katinuan at huwag makipagtalo sa Diyos o magtaya ng iyong kahihinatnan at hantungan, na para bang nagsusugal ka. Isa iyong pagtatangka na makipagtransaksyon sa Diyos, na isang paraan ng paglaban sa Kanya. May mabuting katapusan ba para sa mga sumasampalataya sa Diyos subalit lumalaban sa Kanya? Nagiging maganda ang asal ng mga tao sa harap ng kamatayan; ang mga hindi naaapektuhan ng katwiran ay hindi titigil sa kanilang mga gawi hanggang sa nasa bingit na sila ng kamatayan. Upang maligtas, ang pinakamainam, pinakasimple, at pinakamahusay na pamamaraan ay bitiwan ang lahat ng iyong mga dahilan, katwiran, at kondisyon, at praktikal na tanggapin at hangarin ang katotohanan, sa gayon ay nahihikayat ang Diyos na baguhin ang Kanyang isipan tungkol sa iyo. Kapag binago ng Diyos ang Kanyang isipan tungkol sa iyo, may pag-asa ka nang maligtas. Ang pag-asa ng tao sa kaligtasan ay ibinibigay ng Diyos, at ang paunang kondisyon para ibigay ng Diyos sa iyo ang pag-asang ito ay bitiwan mo ang lahat ng bagay na iyong itinatangi at talikdan ang lahat para sundin Siya at hangarin ang katotohanan, nang hindi sinusubukang makipagtransaksyon sa Kanya. Hindi mahalaga kung bata ka man o matanda, lalaki o babae, may pinag-aralan o walang pinag-aralan, ni hindi mahalaga kung saan ka ipinanganak. Hindi tinitingnan ng Diyos ang alinman sa mga bagay na ito. Maaaring sabihin mo, “Maganda ang ugali ko. Matiyaga ako, mapagpaubaya, at maawain. Kung ipagpapatuloy ko ang pagiging matiyaga hanggang sa huli, mahihikayat niyon ang Diyos na baguhin ang isipan Niya tungkol sa akin.” Walang saysay ang mga bagay na iyon. Hindi tinitingnan ng Diyos ang iyong ugali, o personalidad, o pinag-aralan, o edad, ni hindi mahalaga kung gaano ka katinding nagdusa o gaano karaming gawain ang iyong nagawa. Itatanong sa iyo ng Diyos, “Sa lahat ng mga taon mo ng pananampalataya, nagbago ba ang disposisyon mo? Ano ang isinasabuhay mo? Hinangad mo ba ang katotohanan? Tinanggap mo ba ang mga salita ng Diyos?” Maaaring sabihin mo, “Pinakinggan at tinanggap ko ang mga iyon.” Pagkatapos ay itatanong sa iyo ng Diyos, “Yamang pinakinggan mo ang mga iyon, at tinanggap ang mga iyon, nalutas ba ang iyong tiwaling disposisyon? Tunay ka bang nagsisi? Tunay ka bang nagpasakop sa mga salita ng Diyos at tinanggap ang mga iyon?” Sasabihin mo, “Nagdusa ako at nagbayad ng halaga; iginugol ko ang aking sarili at tinalikdan ang mga bagay-bagay, at nagbigay ako ng mga handog—inihandog ko rin ang aking mga anak sa Diyos.” Walang saysay ang lahat ng mga handog mo. Ang gayong mga bagay ay hindi maipagpapalit sa mga pagpapala ng kaharian ng langit o magagamit upang mahikayat ang Diyos na baguhin ang Kanyang isipan tungkol sa iyo. Ang tanging paraan para mahikayat ang Diyos na baguhin ang Kanyang isipan tungkol sa iyo ay ang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Wala nang ibang paraan. Kailangan ay hindi maging mapagsamantala o tuso ang tao pagdating sa kaligtasan, at walang madayang pamamaraan. Nauunawaan mo ba? Kailangan maging malinaw sa iyo ito. Huwag kang magulumihanan dito—kahit na magulumihanan ka, hindi magugulumihanan ang Diyos. Kaya, ano na ang dapat mong gawin mula ngayon? Baguhin mo ang saloobin mo at baguhin ang pananaw mo, at hayaan mong maging saligan mo ang mga salita ng Diyos, anuman ang ginagawa mo. Walang gawang-taong “kabutihan,” walang dahilan ng tao, walang pilosopiya, kaalaman, kagandahang-asal, etika, o kahit konsiyensiya ng tao, ni ang diumano ay integridad at dignidad ng tao, ang makapapalit sa katotohanan. Isantabi mo ang mga bagay na ito, patahimikin mo ang iyong puso, at hanapin mo ang saligan sa lahat ng iyong pag-uugali at kilos sa loob ng mga salita ng Diyos. At habang ginagawa mo iyon, hanapin mo ang paghahayag ng Diyos sa iba’t ibang aspeto ng tiwaling disposisyon ng tao sa loob ng Kanyang mga salita. Ihambing mo ang sarili mo sa mga iyon, at lutasin mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Magsikap ka na makilala ang iyong sarili sa lalong madaling panahon, iwaksi mo ang katiwalian, at magmadali kang magsisi at magbago ng iyong sarili. Bitiwan mo ang iyong kasamaan at hanapin mo ang mga prinsipyo ng katotohanan sa iyong pag-uugali at mga kilos, ibatay mo ang lahat ng iyon sa mga salita ng Diyos—kailangan ay talagang hindi mo ibatay ang mga bagay na ito sa mga kuru-kuro at guni-guni ng tao. Kailangan ay talagang hindi ka sumubok na makipagtransaksyon sa Diyos; kailangan ay hindi mo subukang ipagpalit ang iyong mga walang kabuluhang pagdurusa at sakripisyo para sa mga gantimpala at pagpapala ng Diyos. Itigil mo ang paggawa sa gayong mga hangal na bagay, upang maiwasang magalit sa iyo ang Diyos, at isumpa ka, at alisin ka. Malinaw ba iyon? Naunawaan ba ninyo ito? (Oo.) Kung gayon, pag-isipan ninyo itong mabuti magmula ngayon.

Ang lahat ng katatapos lang natin pagbahaginan ay may kinalaman sa paghahangad sa katotohanan, at kahit na hindi tayo nagbigay ng partikular na kasagutan sa konseptuwal na katanungang ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, nagkaroon naman tayo ng pagbabahaginan na nakatuon sa iba’t ibang maling pagkaunawa at maling kaalaman ng tao sa paghahangad sa katotohanan, pati na ang iba’t ibang paghihirap at problema na umiiral kapag hinahangad ng isang tao ang katotohanan. Bilang pagtatapos, nais kong ibuod ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, ang mga paraan ng pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan, at kung ano ba talaga ang landas ng pagsasagawa para sa paghahangad sa katotohanan. Kaya, ano ba ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Ang paghahangad sa katotohanan ay ang pagsisimulang isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay magtamo ng pagkaunawa sa katotohanan at pumasok sa realidad nito sa pamamagitan ng proseso ng pagdanas sa mga salita ng Diyos, at maging isang taong tunay na nakakikilala at sumusunod sa Diyos. Iyon ang pangwakas na resulta na natatamo sa paghahangad sa katotohanan. Siyempre, ang paghahangad sa katotohanan ay isang prosesong mayroong mga hakbang, at nahahati ito sa ilang yugto. Kapag nabasa mo na ang mga salita ng Diyos at nalaman na ang mga iyon ang katotohanan at realidad, magsisimula kang pagnilayan ang iyong sarili sa loob ng mga salita ng Diyos at magtatamo ng pagkakilala sa iyong sarili. Makikita mo na masyado kang rebelde at na napakarami mong ipinakikitang katiwalian. Nanaisin mong maisagawa ang katotohanan at magtamo ng pagpapasakop sa Diyos, at magsisimula kang magsikap tungo sa katotohanan. Iyon mismo ang resulta na ibinubunga ng pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili. Mula sa sandaling iyon, magsisimula ang karanasan mo sa buhay. Kapag sinimulan mong siyasatin at suriin ang mga kalagayan at problemang nagmumula sa iyong tiwaling disposisyon, pinatutunayan nito na nagsimula ka nang hangarin ang katotohanan. Maagap mo nang mapagninilayan at masusuri ang anumang problemang nagaganap o anumang katiwaliang ipinakikita mo. At kapag napagtanto mo na mga pagpapakita nga iyon ng katiwalian at ng isang tiwaling disposisyon, natural na hahanapin mo ang katotohanan at sisimulang lutasin ang mga problemang iyon. Ang pagpasok sa buhay ay nagsisimula sa pagninilay sa sarili; ito ang unang hakbang sa paghahangad sa katotohanan. Pagkatapos na pagkatapos niyon, sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili ay makikita mo na ang lahat ng salita ng Diyos na naglalantad ay naaayon sa mga katunayan. Pagkatapos ay makapagpapasakop ka na sa mga iyon nang mula sa iyong puso, at matatanggap mo ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Iyon ang ikalawang hakbang sa paghahangad sa katotohanan. Karamihan sa mga tao ay nagagawang tanggapin ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling pag-uugali ng tao, ngunit hindi nila kayang tanggapin agad ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tiwaling diwa ng tao. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, hindi nila kinikilala ang lubos na kalaliman ng sarili nilang katiwalian; kinikilala lang nila ang mga salita ng Diyos na naghahayag sa mga tiwaling pag-uugali ng tao. Dahil dito, hindi nila kayang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos nang mula sa kanilang mga puso. Sa halip, ipinagwawalang-bahala nila ito. Sinasabi ng ilan, “Ilan lang ang tiwaling pag-uugali ko, pero nakagagawa ako ng ilang mabubuting bagay. Mabuting tao ako, hindi ako kay Satanas. Sumasampalataya ako sa Diyos, kaya dapat ay sa Diyos ako.” Hindi ba’t kalokohan ito? Ipinanganak ka sa mundo ng tao, nabuhay ka sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, at nakatanggap ka ng edukasyon ng tradisyonal na kultura. Ang likas na minana mo at ang kaalamang natutuhan mo ay mula kay Satanas. Ang lahat ng dakila at tanyag na taong tinitingala mo ay kay Satanas. Sa pagsasabi ba na hindi ka kay Satanas ay matatakasan mo na ang katiwalian nito? Katulad lang ito ng kung paano nakapagsisinungaling at nakapang-iinsulto ng iba ang mga bata sa sandaling ibuka nila ang kanilang mga bibig. Sino ang nagtuturo sa kanilang gawin iyon? Wala. Ano pa nga ba iyon, maliban sa isang bunga ng katiwalian ni Satanas? Mga katunayan ang mga ito. Hindi nakikita ng mga tao si Satanas at ang masasamang espiritu ng espirituwal na mundo, ngunit ang mga buhay na demonyo at ang mga hari ng demonyo ay nasa lahat ng dako sa mundo ng tao. Silang lahat ay mga pagkakatawang-tao ni Satanas. Isa itong katunayan na kailangang kilalanin ng lahat ng tao. Ang mga nakauunawa sa katotohanan ay hindi malilinlang ng mga bagay na ito, at kaya nilang kilalanin na ang lahat ng salita ng Diyos ng paglalantad ay mga katunayan. Maaaring magsalita ang ilang tao tungkol sa pagkakilala sa kanilang mga sarili, ngunit hindi nila kailanman kinikilala na tunay ang mga katiwaliang inihahayag ng mga salita ng Diyos, o na ang Kanyang mga salita ang katotohanan. Katumbas ito ng kawalan ng kakayahang tanggapin ang katotohanan. Kung hindi kinikilala ng isang tao ang katunayan na nagtataglay siya ng tiwaling disposisyon, hindi siya tunay na makapagsisisi. Siyempre, kailangan munang maranasan ng isang tao nang ilang panahon ang gawain ng Diyos upang makilala at matanggap niya ang katunayan na ang lahat ng tao ay nagtataglay ng tiwaling disposisyon. Pagkatapos magpakita ng maraming tiwaling disposisyon, natural niyang iyuyuko ang kanyang ulo sa pagpapasakop sa harap ng katunayang iyon. Wala siyang magagawa kundi kilalanin na ang lahat ng salita ng Diyos na naghahayag, humahatol, at kumokondena sa tao ay mga katunayan at ang katotohanan, at lubos na tanggapin ang mga iyon. Iyon ang kahulugan ng malupig ng mga salita ng Diyos. Kapag nagagawang kilalanin ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon at tiwaling diwa batay sa mga salita ng Diyos, at aminin na nagtataglay sila ng satanikong disposisyon at na malalim ang kanilang katiwalian, magagawa na nilang lubos na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at magpasakop sa mga ito. Magiging handa na silang magpasakop sa mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa sangkatauhan, gaano man kalupit o kasakit ang mga iyon. Kapag naunawaan mo na at nagkaroon ka na ng kaunting kaalaman sa kung paano tinutukoy, inuuri, at kinokondena ng mga salita ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, pati na kung paano hinahatulan at inihahayag ng mga ito ang tiwaling sangkatauhan, kapag tunay mo nang tinanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at nasimulan mo nang kilalanin ang sarili mong tiwaling disposisyon at tiwaling diwa, kapag nasimulan mo nang kapootan ang iyong tiwaling disposisyon, si Satanas, at ang sarili mong laman—at kapag nais mo nang matamo ang katotohanan, mabuhay nang tulad ng nararapat sa tao, at maging isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos—saka ka magsisimulang tumuon sa paghahangad ng pagbabago sa iyong disposisyon. Ito ang ikatlong hakbang sa paghahangad sa katotohanan.

Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay nangangahulugan ng pagninilay at pagkilala sa tiwaling disposisyon ng isang tao batay sa mga salita ng Diyos, sa gayon ay nagtatamo ng kaalaman sa tiwaling diwa ng isang tao at sa katunayan ng katiwalian ng isang tao. Kapag ginawa ito ng isang tao, makikita niya nang napakalinaw ang napakalalim na katiwalian ng sangkatauhan—makikita niya na hindi nabubuhay ang sangkatauhan gaya ng nararapat sa mga tao, na nagsasabuhay lang ang sangkatauhan ng mga tiwaling disposisyon, at na walang ni katiting na konsiyensiya o katwiran ang sangkatauhan. Makikita niya na ang mga pananaw ng mga tao sa lahat ng bagay ay pawang kay Satanas, at na wala sa mga iyon ang tama o alinsunod sa katotohanan, at na ang mga kagustuhan, paghahangad, at ang mga landas na pinipili ng mga tao ay lahat may mga lason ni Satanas, at na lahat ng ito ay naglalaman ng maluluhong pagnanasa at layunin ng tao na magtamo ng mga pagpapala. Makikita niya na ang mga disposisyong ipinakikita ng tao ay ang mismong disposisyon, kalikasan at diwa ni Satanas. Hindi simpleng bagay ang makilala nang gayon kalalim ang sarili; matatamo lang ito batay sa mga salita ng Diyos. Kung ito ay ginagawa batay sa mga teorya ng moralidad, pahayag, at ideya ng tradisyonal na kultura, makapagtatamo ba ang isang tao ng tunay na pagkakilala sa sarili? Talagang hindi. Ang iyong tiwaling disposisyon ay nagmula sa loob ng mga satanikong pilosopiya at teoryang ito. Hindi ba’t magiging katawa-tawa, na ibatay ang iyong pagkakilala sa sarili sa mga bagay na ito na pagmamay-ari ni Satanas? Hindi ba’t walang-kaalam-alam na kalokohan ito? Samakatuwid, ang pagkakilala sa sarili ay kailangang nakabatay sa mga salita ng Diyos. Tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at tanging ang mga salita ng Diyos ang pamantayan kung saan lahat ng tao, usapin, at bagay ay nasusukat. Kung tunay mong nakikita na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at na ang mga iyon lamang ang tamang basehan kung saan masusukat ang lahat ng tao, usapin, at bagay, mayroon kang daan pasulong. Pagkatapos ay makapamumuhay ka na sa liwanag, na siyang pamumuhay sa harap ng Diyos. Kapag nagtatamo ang mga tao ng tunay na kaalaman sa sarili nilang tiwaling diwa sa loob ng mga salita ng Diyos, paano sila kikilos at magsasagawa pagkatapos? (Magsisisi sila.) Tama iyon. Kapag nagtamo na ng pagkakilala ang isang tao sa kanyang likas na pagkatao at diwa, natural na magkakaroon ng pagsisisi sa kanyang puso, at magsisimula na siyang magsisi. Nangangahulugan ito na maghahangad siyang alisin sa kanyang sarili ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at hindi na mamumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon. Sa halip, mamumuhay at kikilos siya ayon sa mga salita ng Diyos, at makakaya niyang magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ito ang tunay na pagsisisi. Ito ang ikaapat na hakbang sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Malinaw sa inyong lahat kung ano ang tunay na pagsisisi, ngayon, paano ninyo ito dapat isagawa? Baguhin ang inyong sarili. Nangangahulugan ito na pagtalikod sa mga bagay na kinakapitan ninyo at iniisip ninyong tama, hindi pamumuhay ayon sa satanikong disposisyon, at pagiging handang isagawa ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos. Iyan ang kahulugan ng baguhin ang inyong sarili. Partikular na, kailangan muna ninyong kalimutan ang inyong sarili at tukuyin, batay sa mga salita ng Diyos, kung ang inyo bang mga kaisipan, ideya, kilos at gawa, ay nakaayon sa katotohanan, at kung paano nagsimula ang mga iyon. Kung malaman ninyo na ang mga bagay na ito ay ayon sa tiwaling disposisyon at nagmula sa mga satanikong pilosopiya, dapat kang magtaglay ng saloobin ng pagkondena at pagsumpa sa mga ito. Ang paggawa niyon ay nakakatulong sa pagtalikod sa laman at kay Satanas. Anong uri ng pagkilos iyon? Hindi ba iyon pagtanggi, pagpapabaya, pagtatakwil, at pagtalikod sa inyong tiwaling disposisyon? Ang pagtanggi sa mga bagay na pinaniniwalaan ninyong tama, pagbitiw sa inyong mga interes, pagtalikod sa inyong mga maling layon, at makapagtamo ng pagbabago sa iyong takbo ay hindi ganoon kasimple, at maraming partikular na detalye rito. Kung handa kang magsisi, ngunit sinasabi mo lamang ito, at hindi mo itinatanggi, pinababayaan, itinatakwil, o tinatalikuran ang iyong tiwaling disposisyon, hindi iyon pagpapamalas ng pagsisisi, at halos hindi mo pa napasok ang pagsisisi. Paano namamalas ang tunay na pagsisisi? Una, itinatanggi mo ang mga bagay na pinaniniwalaan mong tama, halimbawa: ang iyong mga haka-haka at hinihingi sa Diyos, gayundin ang mga bagay tulad ng iyong mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, ang iyong mga pamamaraan at gawi sa pagharap sa mga problema, ang iyong karanasan bilang tao, at iba pa. Ang pagtanggi sa lahat ng bagay na ito ay isang malinaw na pagsasagawa ng pagiging isang taong taos-pusong nagsisisi at bumabaling sa Diyos. Maaari mo lamang pakawalan ang mga maling bagay kapag naunawaan at natanggihan mo na ang mga iyon. Kung hindi mo tatanggihan ang mga bagay na iyon, at naniniwala ka pa rin na mabuti at tama ang mga iyon, hindi mo mabibitiwan ang mga iyon, kahit na sabihin man sa iyo ng iba. Sasabihin mo pa, “Mataas ang pinag-aralan ko, at mayaman ako sa karanasan. Naniniwala ako na tama ang mga bagay na ito, bakit ko pakakawalan ang mga ito?” Kung kakapit ka sa iyong mga paraan at nagpupumilit kang gawin iyon, magagawa mo bang tanggapin ang katotohanan? Hindi talaga iyon magiging madali. Kung gusto mong matamo ang katotohanan, kailangan mo munang tanggihan ang mga bagay na inaakala mong tama at positibo, pagkatapos ay makikita mo nang malinaw na ang mga bagay na ito ay negatibo sa diwa, na nagmumula ang mga ito kay Satanas, na lahat ng ito ay mapanlinlang na mga kamalian—at na ang pagkapit sa mga satanikong bagay ay ihahantong ka lamang sa paggawa ng masama, paglaban sa Diyos, at sa huli, maparurusahan at mapupuksa ka. Kung nakikita mo nang malinaw na ang mga kaisipan at lason na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao ay may kakayahang magsanhi ng pagkawasak ng tao, magagawa mong pabayaan ang mga ito nang lubusan. Siyempre pa, ang pagtanggi, pagpapabaya, pagtatakwil, pagtalikod, at iba pa ay pawang mga saloobin at pamamaraang ginagamit ng isang tao laban sa mga pwersa at kalikasan ni Satanas, gayundin laban sa mga pilosopiya, lohika, kaisipan, at pananaw na ginagamit ni Satanas para iligaw ang mga tao. Halimbawa, ang pagbitiw sa mga interes ng laman; pagtalikod ng isang tao sa kanyang mga kagustuhan at paghahangad ng laman; pagtatakwil sa mga pilosopiya, kaisipan, maling paniniwala at kamalian ni Satanas; pagtalikod sa impluwensiya ni Satanas at sa masasamang pwersa nito. Ang buong serye ng mga pagsasagawang ito ay pawang mga pamamaraan at landas kung paano maisasagawa ng mga tao ang pagsisisi. Para makapasok sa tunay na pagsisisi, kailangang maunawaan ng isang tao ang maraming katotohanan, saka lamang niya lubos na matatanggihan ang kanyang sarili at matatalikuran ang kanyang laman. Halimbawa, sabihin nang naniniwala ka na maalam ka at mayaman sa karanasan, at na dapat kang maging mahalaga at may malaking silbi sa sambahayan ng Diyos. Subalit, dahil ilang taon mo nang naririnig ang mga sermon tungkol sa katotohanan at nauunawaan ang ilang katotohanan, pakiramdam mo ay walang halaga ang iyong mga natutuhan at wala ni katiting na silbi sa sambahayan ng Diyos. Natatanto mo na ang katotohanan at mga salita ng Diyos ang makapagliligtas sa mga tao, at na ang katotohanan ang maaaring maging buhay ng isang tao. Unti-unti mong nadarama na gaano man karami ang kaalaman at karanasan ng isang tao, hindi ito nangangahulugan na taglay niya ang katotohanan, at na gaano man nakaayon ang mga bagay ng tao sa mga haka-haka ng tao, hindi ang mga ito ang katotohanan. Natatanto mo na lahat ng ito ay nagmumula kay Satanas, at na ang lahat ng ito ay negatibong bagay na walang kaugnayan sa katotohanan. Gaano ka man kaedukado, gaano man karami ang iyong kaalaman at karanasan, kakaunti ang silbi nito kung hindi mo nauunawaan ang espirituwal na bagay at hindi mo maunawaan ang katotohanan. Kung maglilingkod ka bilang isang lider, hindi mapapasaiyo ang realidad ng katotohanan, at hindi mo makakayang lumutas ng mga problema. Kung susulat ka ng sanaysay ng patotoo tungkol sa iyong karanasan, hindi mo maiisip ang tamang mga salita. Kung magpapatotoo ka para sa Diyos, hindi ka magkakaroon ng kaalaman tungkol sa Kanya. Kung ipapalaganap mo ang ebanghelyo, hindi mo magagawang magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga haka-haka ng mga tao. Kung didiligan mo ang mga baguhan, hindi mo maililinaw ang tungkol sa katotohanan ng mga pangitain, at magagawa mo lamang ipangaral ang mga salita at parirala ng doktrina. Kung hindi mo malutas ang sarili mong mga haka-haka, paano mo malulutas ang mga haka-haka ng mga baguhan? Hindi mo magagawa ang anuman sa gawaing ito—kaya ano ang magagawa mo? Kung hihilingin sa iyo na magtrabaho nang mabigat, iisipin mo na pagsasayang iyon sa talento mo. Sabi mo may talento ka, subalit hindi mo kayang gawin ang anumang gawain ni gampanan ang anumang tungkulin nang maayos—kaya ano ba talaga ang magagawa mo? Hindi sa ayaw kang gamitin ng sambahayan ng Diyos, bagkus ay hindi mo pa naisasakatuparan ang tungkuling dapat mong gawin. Hindi mo masisisi ang iglesia dahil diyan. Magkagayunman, maaari mong isipin sa sarili mo, “Hindi ba napakalaki ng inaasahan ng Diyos sa tao? Hindi ko kakayanin ang mga hinihinging ito. Bakit napakalaki ng hinihingi sa akin?” Kung gayon kalaki ang maling pagkaunawa ng isang tao sa Diyos, pinapatunayan nito na wala siyang pagkakilala sa Diyos at na hindi niya nauunawaan ni katiting ang katotohanan. Kung nadarama mo na ang iyong mga pananaw ay tama at hindi kailangang baligtarin, at kung kinikilala mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan sa teorya, subalit hindi mo mabitiwan ang basurang kinakapitan mo, ipinapakita nito na hindi mo pa nauunawaan ang katotohanan. Dapat kang humarap sa Diyos at maghanap pa sa katotohanan, at na dapat mo pang basahin ang Kanyang mga salita at pakinggan ang iba pang mga sermon at pagbabahagi, pagkatapos ay unti-unti mong mauunawaan na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Bilang isang tao, ang unang paraan ng pagtrato mo dapat sa katotohanan at sa Diyos ay may pagsunod. Obligasyon ito ng tao. Kung mauunawaan mo ang mga bagay na ito, nangangahulugan ito na binabago mo ang iyong takbo. Ang pagbabago ng iyong takbo ay ang landas ng pagsasagawa para makapagsisi; ito ay pagtalikod nang lubusan sa mga bagay na minsan mong inakalang tama, na nagmumula kay Satanas, at pumili kang muli ng daan na iyong tatahakin. Ito ay pagsasagawa ng mga salita ng Diyos ayon sa Kanyang mga kinakailangan at mga prinsipyo ng katotohanan, at paglakad sa daan ng pagsisikap na matamo ang katotohanan. Ito ang kahulugan ng pagbaligtad ng landas ng buhay ng isang tao. Ito ay ang tunay na humarap sa Diyos, at makapasok sa realidad ng pagsisisi. Kapag naisasagawa ng isang tao ang katotohanan, masasabi na nagsimula na siyang pumasok sa realidad ng katotohanan, at tunay nang nakapagsisi. Kapag tunay nang nagsisi ang tao ay saka lang masasabi na nakapagsimula na siya sa daan tungo sa kaligtasan. Ang paggawa niyon ay paggawa sa ikaapat na hakbang sa paghahangad ng katotohanan.

Kapag tunay nang nagsisi ang isang tao, nagsimula na siya sa daan ng paghahangad sa katotohanan, pangunahin na hindi na siya magkikimkim ng anumang kuru-kuro o maling pagkaunawa tungkol sa gawain ng Diyos, magiging handa na siyang magpasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, at pormal na niyang mararanasan ang gawain ng Diyos. Mahabang panahon ang transisyon sa pagitan ng simula ng paniniwala ng isang tao sa Diyos at ng pormal niyang pagdanas sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ang panahon ng transisyon na ito ay ang yugto na mula sa pagsisimula ng isang taong sumampalataya sa Diyos hanggang sa tunay siyang magsisi. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, hindi niya tatanggapin ang kahit katiting na paghatol at pagkastigo ng Diyos, ni ang katiting na katotohanan, at hinding-hindi niya magagawang kilalanin ang kanyang sarili. Ang gayong mga tao ay mapalalayas. Kung minamahal nga ng isang tao ang katotohanan, sa gayon, kapwa sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikinig sa mga sermon, tunay siyang may matatamo, at malalaman niya na ang gawain ng Diyos ay tungkol sa pagliligtas sa tao, at mapagninilayan niya ang kanyang sarili at makikilala ang kanyang sarili sa mga katotohanang nauunawaan niya; lalo’t higit niyang kapopootan ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon at lalo’t higit siyang magiging interesado sa katotohanan, hindi niya mamamalayan na magtatamo siya ng tunay na pagkakilala sa sarili, at tunay siyang makokonsiyensiya at magsisisi. Kapag ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nakikinig sa mga sermon, natural silang nagtatamo ng gayong mga resulta. Unti-unti nilang nakikilala ang kanilang mga sarili at natatamo ang tunay na pagsisisi. Sa sandaling tunay na magsisi ang isang tao, paano siya dapat magsagawa? Dapat niyang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay; anuman ang mangyari sa kanya, dapat niyang mahanap ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa batay sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay magpatuloy hanggang sa masimulang isagawa ang katotohanan. Ito ang ikalimang hakbang sa paghahangad sa katotohanan. Ano ang layunin ng paghahanap sa katotohanan? Ang isagawa ang katotohanan at magtamo ng pagpapasakop sa Diyos. Ngunit upang maisagawa ang katotohanan, kailangan iyong gawin ng isang tao ayon sa mga prinsipyo nito. Iyon lamang ang tumpak na pagsasagawa ng katotohanan; iyon lamang ang nagbibigay-daan sa isang tao na magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Kaya, ang magawang kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan ang layong makamit ng paghahangad sa katotohanan. Nangangahulugan ang pagdating sa hakbang na ito na nakapasok na ang isang tao sa realidad ng pagsasagawa ng katotohanan. Ginagawa ang paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Kapag naisasagawa ng isang tao ang katotohanan, natural na unti-unting mababawasan ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at matatamo ng kanyang pagsasagawa ng katotohanan ang resultang hinihingi ng Diyos. Iyon ang proseso na nagsisimula sa tunay na pagsisisi patungo sa pagsasagawa ng katotohanan. Ang minsang mabuhay sa gitna ng mga tiwaling disposisyon ay ang mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, ang makondena at kamuhian ng Diyos ang lahat ng kilos at pag-uugali ng isang tao; ngayon, nang matanggap na ang katotohanan, tunay na makapagsisi, makapagsagawa ng katotohanan at makapagpasakop sa Diyos, at pagsasabuhay sa Kanyang mga salita—ito, siyempre, ay sinasang-ayunan ng Diyos. Ang mga naghahangad sa katotohanan ay dapat na madalas na pagnilayan ang kanilang mga sarili. Dapat nilang kilalanin ang kanilang mga tiwaling disposisyon at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, dapat silang magtamo ng tunay na pagkakilala sa kanilang tiwaling diwa at magkaroon ng pusong nagsisisi; dapat nilang simulang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay pagkatapos magsisi, magsagawa sila alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, at magtamo ng pagpapasakop sa Diyos. Ito ang maisasakatuparan ng paghahangad sa katotohanan at unti-unting pagpapalalim sa pagpasok sa buhay ng isang tao. Kung hindi tunay na nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili, imposible para sa kanya na magpasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos o tunay na magsisi. At kung hindi tunay na magsisisi ang isang tao, magpapatuloy ang taong iyon sa pamumuhay ng isang satanikong disposisyon. Hindi magkakaroon ng tunay na pagbabago sa kanya, gaano karaming taon man siyang sumampalataya sa Diyos. Magbabago nang kaunti ang kanyang pag-uugali; kaunti lamang. Imposible para sa mga hindi naghahangad sa katotohanan na tanggapin ang katotohanan bilang kanilang buhay, kaya tiyak na magiging mga pagpapakita pa rin ng tiwaling disposisyon ang kanilang mga kilos at pag-uugali, na ang mga ito ay magiging di-katugma ng katotohanan, at paglaban sa Diyos. Ang mga naghahangad sa katotohanan ay kayang tanggapin ang katotohanan bilang kanilang buhay, kaya nilang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, isagawa ang katotohanan, at magtamo ng tunay na pagpapasakop sa Diyos. Ang mga naghahangad sa katotohanan ay hahanapin ito kapag may nangyayaring mga bagay-bagay na hindi malinaw sa kanila. Hindi na sila magpapakana para sa sarili nilang kapakanan at iiwasan nila ang lahat ng kasamaan, nang may puso na kaayon ng Diyos. Ang mga naghahangad sa katotohanan ay lalo pang nagpapasakop sa Diyos, at kaya nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, lalo pang nabubuhay nang tulad ng nararapat sa tao. Imposible ang gayong mga pagbabago para sa mga hindi naghahangad sa katotohanan. Ano ba ang hinahangad ng mga hindi naghahangad sa katotohanan? Naghahangad sila ng katanyagan, pakinabang at katayuan; naghahangad sila ng mga pagpapala at gantimpala. Ang mga ambisyon at pagnanasa nila ay lalo pang lumalaki, at hindi tama ang layon nila sa buhay. Anuman ang nais nilang hangarin, hindi sila susuko kung hindi nila makakamit ang layon nila, at lalong hindi nila babaguhin ang kanilang mga isipan. Sa sandaling ipahintulot ng sitwasyon at tama ang kapaligiran, makakaya nilang gumawa ng kasamaan at lumaban sa Diyos, at maaari nilang subukang magtatag ng isang nagsasariling kaharian. Ito ay dahil ang mga puso nila ay hindi gumagalang sa Diyos o nagpapasakop sa Kanya, at sa huli, malilipol lang sila ng Diyos dahil sa paggawa ng sari-saring kasamaan at pagtataksil sa Kanya. Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay mga taong nayayamot sa katotohanan, at ang lahat ng nayayamot sa katotohanan ay mga nagmamahal sa kasamaan. Sa kanilang mga espiritu at dugo at buto-buto, ang tanging iginagalang nila ay katanyagan, pakinabang, katayuan, at impluwensiya; masaya silang mamuhay sa mga satanikong disposisyon, at makipaglaban sa Langit, lupa, at tao upang makamit ang kanilang mga layon. Iniisip nila na kagalak-galak ang gayong buhay; ninanais nilang mabuhay bilang pambihirang tao at mamatay na bayani. Malinaw na tinatahak nila ang satanikong daan ng pagkawasak. Habang mas nauunawaan ito ng mga naghahangad sa katotohanan, lalo nilang minamahal ang Diyos at nadarama kung gaano kahalaga ang katotohanan. Handa silang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at gaano man karaming paghihirap ang tiisin nila, determinado silang hangarin ang katotohanan at tamuhin ito. Ibig sabihin nito ay nagsimula na sila sa landas ng kaligtasan at pagiging perpekto, at na kaya na nilang maging kaayon ang Diyos. Higit sa lahat, nakapagpapasakop sila sa Diyos, nakabalik na sila sa orihinal nilang katayuan bilang mga nilikha, at may paggalang ang kanilang mga puso sa Diyos. Karapat-dapat nilang matamo ang pangunguna, patnubay, at mga pagpapala ng Diyos, at hindi na sila kinasusuklaman o tinatanggihan ng Diyos. Napakaganda naman! Hindi maiwawaksi ng mga hindi naghahangad sa katotohanan ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya lalo pang napalalayo ang kanilang mga puso sa Diyos, at nayayamot sila sa katotohanan at tinatanggihan ito. Bilang resulta, lalo pa silang nagiging mapanlaban sa Diyos at tumatahak sa daan na salungat sa Kanya. Katulad lang sila ni Pablo, lantarang nanghihingi sa Diyos ng gantimpala nila. Kung hindi nila ito matatanggap, susubukan nilang makipagtalo sa Diyos at lumaban sa Kanya, at sa huli, magiging mga anticristo sila, ganap na maihahayag ang kahindik-hindik na mukha ni Satanas, pagkatapos niyon ay isusumpa at wawasakin sila ng Diyos. Ang mga tumatahak sa daan ng paghahangad sa katotohanan, sa kabilang banda, ay kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito. Kaya nilang iwaksi ang tiwaling disposisyon ni Satanas, handa silang talikdan ang lahat para gampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin at suklian ang pagmamahal ng Diyos, at kaya nilang maging mga taong sumusunod at sumasamba sa Diyos. Ang isang taong handang magpasakop sa Diyos, at lubusang ginagawa iyon, ay ganap nang nakabalik sa orihinal na katayuan ng isang nilikha, at kaya niyang magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay. Ibig sabihin nito ay nagtataglay siya ng mahalagang wangis ng tao. Ano ba ang tinutukoy ng tunay na wangis ng tao? Ito ay kapag sinusunod at iginagalang ng isang tao ang Lumikha, tulad ng ginawa nina Job at Pedro. Gayon ang mga tunay na pinagpapala ng Diyos.

Ganoon lang kasimple ang mga pangunahing hakbang sa paghahangad sa katotohanan na pinagbahaginan natin ngayon. Ulitin ninyo sa Akin ang mga hakbang. (Una, pagnilayan ang inyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos; ikalawa, kilalanin at tanggapin ang mga katunayang inihahayag ng mga salita ng Diyos; ikatlo, kilalanin ang sarili ninyong tiwaling disposisyon at diwa, at simulang kapootan ang inyong disposisyon at si Satanas; ikaapat, isagawa ang pagsisisi, at iwaksi ang lahat ng inyong masamang gawa; ikalima, hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan, at isagawa ang katotohanan.) Ang mga iyon ang limang hakbang. Ang pagsasagawa sa bawat isa sa mga hakbang na iyon ay napakahirap para sa mga taong nabubuhay sa gitna ng mga tiwaling disposisyon, maraming hadlang at paghihirap na sangkot sa bawat isa, at ang lahat ay nangangailangan ng paggugol ng masusing pagsisikap para maisagawa at matamo, at siyempre, hindi maiiwasan ng isang tao na dumanas ng ilang pagkabigo at hadlang sa gitna ng daan—ngunit ito ang sasabihin Ko sa inyo: Huwag kayong panghihinaan ng loob. Kahit na maaaring kondenahin ka ng iba, sabihing, “Tapos ka na,” “Wala kang kuwenta,” “Ganito ka lang talaga—hindi mo ito mababago”—gaano man hindi kaaya-aya ang kanilang mga salita, kailangan mong maging malinaw sa iyong pagkilatis. Huwag kang panghinaan ng loob, at huwag kang susuko, dahil tanging ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tanging ang pagpasok at pagsasagawa sa mga hakbang na ito, ang tunay na magbibigay-kakayahan sa iyo na makaiwas sa iyong kapahamakan. Pipiliin ng matatalinong tao na isantabi ang lahat ng mga paghihirap nila; hindi nila iiwasan ang mga pagkabigo at hadlang, at magpupursigi sila, gaano man ito kahirap. Kahit na manatili ka sa hakbang ng pagsusuri at pagkilala sa iyong sarili sa loob ng tatlo o limang taon, o kung pagkatapos ng walo o sampung taon ay alam mo lang kung aling mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka, ngunit hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan at hindi mo naiwawaksi ang iyong tiwaling disposisyon, iyon pa rin ang sasabihin Ko sa iyo: Huwag kang panghihinaan ng loob. Kahit na hindi mo pa kayang magtamo ng tunay na pagbabago, nakapasok ka na sa unang tatlong hakbang, kaya bakit ka pa mag-aalala na hindi ka makapasok sa natitirang dalawa? Huwag kang mag-alala; mas magsikap ka, mas magpursigi ka, at makararating ka rin doon. Maaari ding may ilan na nakarating sa ikaapat na hakbang ng pagsisisi, ngunit kinulang sa paghahanap sa mga prinsipyo ng katotohanan at hindi makapasok sa hakbang na ito. Ano ang dapat gawin kung gayon? Kailangan ay hindi ka rin panghinaan ng loob. Basta’t mayroon kang determinasyong gawin iyon, dapat kang magpursigi sa iyong paghahangad ng paghahanap sa katotohanan sa lahat ng bagay, at mas magdasal sa Diyos—ang paggawa niyon ay madalas na kapaki-pakinabang. Maghangad ka sa abot ng iyong makakaya, batay sa iyong kakayahan at iyong sitwasyon, at magsikap ka upang matamo kung ano ang kaya mo. Basta’t ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo, malinis ang konsiyensiya mo, at tiyak na makapagtatamo ka ng mas malalaking pakinabang. Kahit ang pag-unawa sa isa pang katotohanan ay mabuti—magiging mas masaya at kagalak-galak nang bahagya ang iyong buhay dahil doon. Sa pagbubuod, ang paghahangad sa katotohanan ay hindi walang kabuluhan; may partikular na landas ng pagsasagawa sa bawat isa sa mga hakbang nito, at nangangailangan ito na magdanas ng sakit ang mga tao at magbayad ng partikular na halaga. Ang katotohanan ay hindi isang larangan ng akademikong pag-aaral, o isang teorya, o isang salawikain, o isang argumento; hindi ito walang kabuluhan. Bawat katotohanan ay nangangailangan na danasin at isagawa ito ng mga tao sa loob ng ilang taon bago nila ito maunawaan at malaman. Ngunit anumang halaga ang iyong ibayad o anumang pagsisikap ang iyong gawin, basta’t tama ang iyong pagharap, pamamaraan, landas, at direksiyon, hindi magtatagal, darating ang araw na aani ka ng malaking gantimpala, magtatamo ng katotohanan, at makikilala mo ang Diyos at makapagpapasakop ka sa Kanya—at doon, magiging kontentong-kontento ka.

Enero 8, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.