Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin? (Ikaapat na Bahagi)

Ano ang pamantayan sa pagtukoy kung natutupad ng isang tao ang kanyang tungkulin nang sapat? Kung tama ang landas sa pagtupad ng tungkulin ng isang tao, tama ang direksyon, at tama ang layunin; kung ang pinagmulan ay tama at ang mga prinsipyo ay tama—kung ang mga aspektong ito ay tama, ang tungkuling ginampanan ng isang tao ay sapat. Maraming tao ang nakakaunawa nito sa teorya, pero nalilito kapag aktuwal nang may nangyayari sa kanila. Para ibuod ito, sasabihin Ko sa inyo ang isang prinsipyo: Huwag kumilos nang padalos-dalos at nag-iisa kapag humaharap sa mga sitwasyon. Bakit hindi ka dapat kumilos nang padalos-dalos at nag-iisa? Una na riyan, ang pagkilos sa gayong paraan ay hindi naaayon sa mga prinsipyo ng pagganap ng tungkulin. Isa pa, ang tungkulin ay hindi mo sariling pribadong usapin; hindi mo ito ginagawa para sa iyong sarili, hindi ka gumagawa ng iyong sariling pamamahala, hindi mo ito sariling personal na negosyo. Sa sambahayan ng Diyos, kahit ano pa ang ginagawa mo, hindi mo ginagawa ang personal mong gawain; ito ay ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ito ay ang gawain ng Diyos. Dapat palagi mong ilagay sa isipan ang kaalaman at kamalayang ito at sabihin, “Hindi ko ito personal na gawain; ginagawa ko ang tungkulin ko at tinutupad ang responsabilidad ko. Ginagawa ko ang gawain ng iglesia. Ito ay isang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos at ginagawa ko ito para sa Kanya. Tungkulin ko ito, hindi ko ito personal na pribadong gawain.” Ito ang unang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kung itinuturing mo ang isang tungkulin bilang sarili mong personal na gawain, at hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos ka, at ginagawa mo ito alinsunod sa mga sarili mong motibo, pananaw, at plano, malamang na makagagawa ka ng mga pagkakamali. Kaya paano ka dapat kumilos kung nagagawa mong malinaw na makita ang pagkakaiba sa pagitan ng tungkulin mo at ng sarili mong personal na gawain, at alam mo na ito ay isang tungkulin? (Hanapin mo ang hinihingi ng Diyos, at hanapin ang mga prinsipyo.) Tama iyan. Kapag may nangyari sa iyo at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at mayroon kang kaunting ideya ngunit hindi pa rin malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, dapat kang maghanap ng mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan upang makipagbahaginan ka sa kanila; ito ang paghahanap sa katotohanan, at bago ang lahat, ito ang saloobin na dapat mong taglayin sa tungkulin mo. Hindi mo dapat pagpasyahan ang mga bagay-bagay batay sa kung ano ang sa palagay mo ay angkop, at pagkatapos ay gagawa ka na ng paghatol at sasabihin mong nalutas na ang usapin—madali itong hahantong sa mga problema. Ang tungkulin ay hindi mo sariling personal na usapin; malaki man o maliit, ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos ay hindi personal na usapin ninuman. Hangga’t may kinalaman ito sa tungkulin, hindi mo ito pribadong usapin, hindi mo ito personal na usapin—may kinalaman ito sa katotohanan, at may kinalaman ito sa prinsipyo. Kaya ano ang unang bagay na dapat mong gawin? Dapat mong hanapin ang katotohanan, at hanapin ang mga prinsipyo. At kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat mo munang hanapin ang mga prinsipyo; kung nauunawaan mo na ang katotohanan, magiging madali nang tukuyin ang mga prinsipyo. Ano ang dapat mong gawin kung hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo? May isang paraan: Puwede kang makipagbahaginan sa mga nakakaunawa. Huwag mong palaging ipagpalagay na nauunawaan mo ang lahat at palagi kang tama; madaling paraan ito para magkamali. Anong uri ito ng disposisyon kapag gusto mong palaging nasa iyo ang huling salita? Ito ay pagmamataas at pagmamagaling, pagkilos ito nang padalos-dalos at nag-iisa. Iniisip ng ilang tao, “Nakapag-kolehiyo ako, mas may kalinangan ako kaysa sa inyo, mayroon akong kakayahang makaarok, lahat kayo ay may mababang tayog, at hindi nakakaunawa sa katotohanan, kaya dapat ninyong pakinggan ang anumang sinasabi ko. Ako lang mag-isa ang puwedeng gumawa ng mga desisyon!” Ano ang masasabi mo sa pananaw na ito? Kung may ganitong uri ka ng pananaw, magkakaproblema ka; hindi mo kailanman magagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin. Paano mo magagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin kung gusto mong palaging nasa iyo ang huling salita, nang walang maayos na pakikipagtulungan? Ang pagganap ng iyong mga tungkulin sa ganitong paraan ay tiyak na hindi makakatugon sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Palagi mong gustong hadlangan ang iba at pilitin silang makinig sa iyo; hindi mo tinatanggap ang anumang sinasabi ng iba. Ito ay pagkakaroon ng pagkiling at pagiging matigas ng ulo, ito rin ay pagmamataas at pagmamagaling. Sa ganitong paraan, hindi ka lang mabibigong gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, mahahadlangan mo pa ang iba sa pagganap nang maayos ng kanilang mga tungkulin. Ito ang kahihinatnan ng isang mapagmataas na disposisyon. Bakit hinihingi ng Diyos ang maayos na pakikipagtulungan sa mga tao? Sa isang banda, kapaki-pakinabang ito sa pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, na nagpapahintulot sa kanilang makilala ang kanilang sarili at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon—makakatulong ito sa kanilang buhay pagpasok. Sa isa pang banda, ang maayos na pakikipagtulungan ay kapaki-pakinabang din para sa gawain ng iglesia. Dahil ang lahat ay walang pagkaunawa sa katotohanan at may mga tiwaling disposisyon, kung walang maayos na pakikipagtulungan, hindi nila makakayang gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na makakaapekto sa gawain ng iglesia. Malubha ang magiging kahihinatnan nito. Sa kabuuan, para maisakatuparan ang sapat na pagtupad ng tungkulin, dapat matutunan ng isang taong makipagtulungan nang maayos at, kapag nahaharap sa mga sitwasyon, ay makipagbahaginan ng katotohanan para mahanap ang mga solusyon. Mahalaga ito—makakatulong ito hindi lang sa gawain ng iglesia kundi maging sa buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos. May ilang taong hindi lang talaga ito maunawaan; palagi nilang iniisip na ang maayos na pakikipagtulungan ay masyadong abala, at na minsan, ang pagbabahaginan ng katotohanan ay hindi madaling nagbubunga ng mga resulta. Pagkatapos ay nag-aalinlangan ang mga taong ito, nagsasabi, “Kailangan ba talagang maayos na makipagtulungan para maisakatuparan ang sapat na pagtupad ng tungkulin? Kapag nahaharap sa ilang sitwasyon, ang pagbabahaginan ba nang magkakasama ay talagang magdudulot ng mga resulta? Sa tingin ko ay pagraraos lang ang lahat ng ito, walang katuturan ang pagsunod sa mga regulasyong ito.” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Anong problema ang inilalantad nito? (Problematiko ang kanilang saloobin sa pagtupad ng tungkulin.) May ilang tao na may mapagmataas at nagmamagaling na disposisyon; hindi nila gustong makipagbahaginan ng katotohanan at palaging gusto na nasa kanila ang huling salita. Kaya bang maayos na makipagtulungan sa iba ang isang taong labis na mapagmataas at mapagmagaling? Hinihingi ng Diyos sa mga tao na maayos na makipagtulungan sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin para malutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, para matulungan silang matutunan ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos sa pagganap nila ng kanilang mga tungkulin, at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, sa gayon ay maisasakatuparan nila ang sapat na pagganap ng tungkulin. Tumatangging makipagtulungan sa iba at ginugustong kumilos nang padalos-dalos at nag-iisa, pinipilit ang lahat na makinig sa iyo—ito ba ang saloobing dapat na mayroon ka sa iyong tungkulin? Ang iyong saloobin sa pagganap ng iyong tungkulin ay may kinalaman sa iyong buhay pagpasok. Walang pakialam ang Diyos sa kung ano ang nangyayari sa iyo sa bawat araw, o kung gaano karaming trabaho ang ginagawa mo, kung gaano ka nagsisikap dito—ang tinitingnan Niya ay kung ano ang saloobin mo patungkol sa mga bagay na ito. At sa ano nauugnay ang saloobin kapag ginagawa mo ang mga bagay na ito, at ang paraan kung paano mo ginagawa ang mga ito? May kaugnayan ito sa kung hinahangad mo ba ang katotohanan o hindi, at gayundin sa iyong buhay pagpasok. Tinitingnan ng Diyos ang iyong buhay pagpasok, at ang landas na tinatahak mo. Kung tumatahak ka sa landas ng paghahangad ng katotohanan, at mayroon kang buhay pagpasok, magagawa mong makipagtulungan nang maayos sa iba kapag ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, at madali mong magagampanan ang iyong mga tungkulin sa paraang nasasapat. Subalit kung lagi mong ipinagdiriinan na mayroon kang kapital habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, na nauunawaan mo ang linya ng gawain mo, na mayroon kang karanasan, at may pagsasaalang-alang ka sa mga layunin ng Diyos, at hinahanap ang katotohanan nang higit kaysa sa iba, at kung iniisip mo na dahil sa mga bagay na ito, kuwalipikado ka nang magkaroon ng huling salita, at hindi mo tinatalakay ang anumang bagay sa iba, at laging ikaw ang nasusunod sa sarili mo, at lumalahok ka sa sarili mong pamamahala, at laging gustong “ikaw lang ang bida,” tinatahak mo ba ang landas ng buhay pagpasok? Hindi—paghahangad ito ng katayuan, pagtahak ito sa landas ni Pablo, hindi ito ang landas ng buhay pagpasok. Ang paraan kung paano pinatatahak ng Diyos sa mga tao ang landas ng buhay pagpasok at ang landas ng paghahangad sa katotohanan ay hindi kinapapalooban ng gayong mga asal o nagpapakita ng ganitong mga pagpapamalas. Ano ang pamantayan para sa sapat na pagtupad ng tungkulin? (Paghahanap sa katotohanan sa lahat ng bagay, ang pagkakaroon ng kakayahang kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo.) Tama iyan. Upang matupad nang sapat ang iyong tungkulin, hindi mahalaga kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming tungkulin na ang nagampanan mo, o kung gaano man karaming ambag na ang naibigay mo sa sambahayan ng Diyos, lalo nang hindi mahalaga kung gaano na ang karanasan mo sa iyong tungkulin. Ang landas na tinatahak ng isang tao ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos. Sa madaling salita, tinitingnan Niya ang saloobin ng isang tao tungo sa katotohanan at sa mga prinsipyo, direksyon, pinagmulan at ang simula ng mga pagkilos ng isang tao. Nakatuon sa mga bagay na ito ang Diyos; ang mga ito ang tumutukoy sa landas na iyong tinatahak. Kung, sa proseso ng pagganap ng iyong tungkulin, hindi man lang makikita sa iyo ang mga positibong bagay na ito, at ang sarili mong mga kaisipan, mithiin, at pakana; ang mga prinsipyo, daan, at batayan ng iyong pagkilos, ang pinagsimulan mo ay ang pagprotekta sa sarili mong mga interes at pag-alaga sa iyong reputasyon at katayuan, ang iyong pamamaraan ng paggawa ay ang gumawa ng mga pagpapasya at kumilos nang mag-isa at ang gumawa ng pangwakas na desisyon, na hindi kailanman nakikipagtalakayan sa mga bagay-bagay kasama ng iba o nakikipagtulungan nang nagkakasundo, at hindi kailanman nakikinig sa payo kapag nagkakamali ka, lalo nang hindi naghahanap ng katotohanan, kung gayon ay paano ka makikita ng Diyos? Hindi ka pa umaabot sa pamantayan kung ganyan mo ginagawa ang iyong tungkulin, at hindi ka pa nakatapak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, dahil, habang ginagawa mo ang iyong gawain, hindi mo hinahanap ang katotohanang prinsipyo at palagi kang kumikilos kung paano mo gusto, ginagawa ang anumang nais mo. Ito ang dahilan kung bakit hindi ginagampanan nang sapat ng karamihan sa mga tao ang kanilang mga tungkulin. Kaya, paano dapat resolbahin ang problemang ito? Masasabi ba ninyo na mahirap tuparin nang sapat ang tungkulin ng isang tao? Sa totoo lang, hindi; kailangan lamang magawa ng mga tao na magpakumbaba, magtaglay ng kaunting katinuan, at tumanggap ng angkop na posisyon. Gaano ka man kaedukado, anumang mga gantimpala ang natamo mo, o anuman ang nakamtan mo, at gaano man kataas ang iyong katayuan at ranggo, dapat mong talikdan ang lahat ng bagay na ito, dapat kang bumaba sa mataas na kinalalagyan mo—lahat ng ito ay walang halaga. Sa sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang mga karangalang ito, hindi maaaring maging mas mataas ang mga ito kaysa sa katotohanan, sapagkat ang mga paimbabaw na bagay na ito ay hindi ang katotohanan, at hindi makakapalit sa lugar nito. Dapat maging malinaw sa iyo ang isyung ito. Kung sinasabi mong, “Napakatalino ko, napakatalas ng isip ko, mabilis akong kumilos, mabilis akong matuto, at napakagaling ng memorya ko, kaya karapat-dapat akong gumawa ng huling desisyon,” kung palagi mong gagamiting kapital ang mga bagay na ito, at ituturing na mahalaga ang mga ito, at positibo, problema ito. Kung puno ng mga bagay na ito ang puso mo, kung nag-ugat na ang mga ito sa puso mo, mahihirapan kang tanggapin ang katotohanan—at nakakatakot isipin ang mga kahihinatnan niyan. Sa gayon, dapat mo munang iwanan at tanggihan ang mga bagay na iyon na minamahal mo, na tila maganda, na mahalaga sa iyo. Ang mga bagay na iyon ay hindi ang katotohanan; bagkus, maaaring makahadlang ang mga ito sa pagpasok mo sa katotohanan. Ang pinakamahalaga ngayon ay na kailangan mong hanapin ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin, at magsagawa ayon sa katotohanan, upang ang pagsasagawa mo ng iyong tungkulin ay maging katanggap-tanggap, sapagkat ang katanggap-tanggap na pagsasagawa ng tungkulin ay ang unang hakbang lamang patungo sa landas ng buhay pagpasok. Ano ang ibig sabihin dito ng “unang hakbang”? Ang ibig sabihin nito ay magsimula ng isang paglalakbay. Sa lahat ng bagay, may isang bagay na magagamit para masimulan ang paglalakbay, isang bagay na pinakapangunahin, pinakamahalaga, at ang pagkakamit ng katanggap-tanggap na pagsasagawa ng tungkulin ay isang landas ng buhay pagpasok. Kung ang iyong pagsasagawa ng tungkulin ay tila naaangkop lamang sa kung paano iyon ginagawa, ngunit hindi nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon hindi mo maayos na ginagampanan ang iyong tungkulin. Kung gayon, paano ito dapat gawin ng isang tao? Kailangang sikaping matamo at hanapin ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo; ang masangkapan ng mga katotohanang prinsipyo ang mahalaga. Kung pagagandahin mo lamang ang iyong pag-uugali at pipigilan mo ang init ng iyong ulo, ngunit hindi ka nasasangkapan ng mga katotohanang prinsipyo, walang silbi iyan. Maaaring mayroon kang isang kaloob o espesyalidad. Magandang bagay iyan—ngunit magagamit mo lang ito nang wasto kung gagamitin mo ito sa pagsasagawa ng iyong tungkulin. Ang maayos na pagsasagawa ng iyong tungkulin ay hindi nangangailangan ng pagpapabuti ng iyong pagkatao o personalidad, ni nangangailangan na isantabi mo ang iyong kaloob o talento. Hindi iyan ang kailangan. Ang mahalaga ay na nauunawaan mo ang katotohanan at natututo kang magpasakop sa Diyos. Hindi maiiwasan na magbubunyag ka ng tiwaling disposisyon habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang dapat mong gawin sa gayong mga pagkakataon? Kailangan mong hanapin ang katotohanan para malutas ang problema at makakilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gawin mo ito, at hindi magiging problema para sa iyo ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Saanmang mundo ang iyong kaloob o kadalubhasaan, o saan ka man puwedeng mayroong anumang bokasyonal na karunungan, ang paggamit sa mga bagay na ito sa pagganap ng iyong tungkulin ay ang pinakanararapat—ito ang tanging paraan para magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Ang isang estratehiya ay umasa sa konsensiya at katwiran para gampanan ang iyong tungkulin, ang isa pa ay na dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong tiwaling disposisyon. Nagkakamit ang isang tao ng buhay pagpasok sa pamamagitan ng pagganap ng kanyang tungkulin sa ganitong paraan, at nakakaya niyang tuparin ang kanyang tungkulin nang sapat.

Tulad nang makikita ngayon, ang sapat na pagtupad ng tungkulin ay hindi maihihiwalay mula sa paghahanap ng katotohanan at pagkilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi kaya ng isang taong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema at abutin ang antas ng pagkilos ayon sa mga prinsipyo, hindi nila maisasakatuparan ang sapat na pagtupad ng mga tungkulin. Ang depinisyon ng sapat na pagtupad ng tungkulin ay tulad nang ipinaliwanag. Mataas ba ang mga hinihingi ng Diyos sa tao? Sa totoo lang, hindi mataas ang mga ito. Hinihingi Niya lang sa iyo na magkaroon ng tamang saloobin, layunin, at pananaw sa iyong mga pagkilos. Batay rito, makakamit mo ang gawain ng Banal na Espiritu at mapapalalim ang iyong kaalaman sa iyong sarili. Magagawa mong sumailalim sa mga pagsubok at pagpipino, na nagbibigay sa iyo ng kakayahang pumasok sa mas malalalim na katotohanan at sumailalim sa mga pagbabago sa disposisyon. Bago ka sumailalim sa mga pagsubok at pagpipino, bibigyan ka ng Diyos, batay sa iyong pagkaunawa ng katotohanan, ng ilang paghatol at pagkastigo. Pero ano ang pundasyon para sa paghatol at pagkastigo, gayundin sa mga pagsubok at pagpipino? Ito ay kung naabot mo na ang antas ng pagtupad ng iyong tungkulin nang sapat—sa madaling salita, kung nakamit mo na ang buhay pagpasok. Ang iyong buhay pagpasok ay hindi nakahiwalay sa iyong gawain at mga responsabilidad sa iglesia. Kung ginugugol mo ang iyong buong araw sa bahay sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at sa walang katuturang pagsasalita ng tungkol sa pagganap ng iyong tungkulin at buhay pagpasok, hindi ito makatotohanan at wala itong saysay. Para itong pagpaplanong militar na hindi sumasabak sa digmaan; buong araw kang nagsasalita ng tungkol sa sapat na pagtupad ng iyong tungkulin, tungkol sa pagtanggap ng atas ng Diyos, subalit wala kang anumang dedikasyon o paggugol, at tiyak na walang pagdurusa o pagdanas ng mga paghihirap. Kahit na minsan ay naluluha ka sa pag-awit ng mga himno o pagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi ito magdudulot ng anumang epekto. Mula sa perspektibang ito, may relasyon ba sa pagitan ng pag-abot sa antas ng sapat na pagganap ng iyong tungkulin at ng pagkakamit ng kaligtasan? O, may kaugnayan ba ito sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos? Magkaugnay ang mga ito. Para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, dapat maisakatuparan ng isang tao ang sapat na pagganap ng kanyang mga tungkulin. Bakit nagtatakda ang Diyos ng gayong pamantayan, hinihingi sa mga taong magsakatuparan ng sapat na pagganap ng kanilang mga tungkulin? Ito ay dahil ginagamit ng Diyos ang pagganap mo ng iyong tungkulin para sukatin ang antas ng iyong buhay pagpasok. Kung naisakatuparan mo na ang sapat na pagganap ng iyong mga tungkulin, ibig sabihin nito ay nakamit na ng iyong buhay pagpasok ang pamantayang nagkakwalipika sa iyong tumanggap ng hatol at pagkastigo, na ibig sabihin rin ay kwalipikado kang tumanggap ng pagpeperpekto ng Diyos sa iyo. Kaya anong mga kondisyon ang inilatag ng Diyos sa tao para makamit ito? Ang pagganap mo ng iyong tungkulin ay dapat na makita bilang sapat sa paningin ng Diyos, ibig sabihin, sa ibang salita, na may pundamental na landas at direksyon sa iyong buhay pagpasok na kinikilala at itinuturing na kwalipikado ng Diyos. Paano ito sinusubok ng Diyos? Pangunahin ay sa pamamagitan ng pagganap ng iyong tungkulin. Kapag natamo mo na ang pagpapatibay ng Diyos sa pamamagitan ng sapat na pagganap ng iyong mga tungkulin, nagsisimula agad ang susunod na hakbang: Sisimulan ng Diyos na isailalim ka sa paghatol at pagkastigo. Anumang pagkakamali ang iyong ginagawa, didisiplinahin ka; ito ay parang nagsimula na ang Diyos na masusi kang matyagan. Mabuting bagay ito—ibig sabihin nito ay napatunayan ka na ng Diyos, wala ka na sa panganib, at ikaw ay ang tamang uri ng tao na tiyak na hindi gagawa ng sobrang kasamaan. Sa isang banda, poprotektahan ka ng Diyos; sa isa pa, sa subhetibong pananalita, ang landas na iyong kinaroroonan, ang iyong mga layunin sa buhay at direksiyon, ay nakaugat sa tunay na daan. Hindi mo iiwan ang Diyos, ni hindi ka lilihis. Sumunod, siguradong peperpektuhin ka ng Diyos; ito ay pagpapala sa iyo. Kaya, kung gusto ng isang taong tanggapin ang pagpapalang ito at tahakin ang landas ng pagpeperpekto, ang unang hinihingi ay ang maisakatuparan ang sapat na pagganap ng mga tungkulin niya. Inoobserbahan ng Diyos ang iyong iba’t ibang pagganap sa sambahayan ng Diyos, gayundin ang mga gawain, atas, at misyong ibinibigay Niya sa iyo, para maunawaan ang iyong mga saloobin sa Diyos at sa katotohanan. Sa pamamagitan ng mga saloobing ito, eksaktong tinatasa ng Diyos kung aling landas ang iyong tinatahak. Kung ikaw ay nasa landas ng paghahangad ng katotohanan, maaabot ng pagganap mo ng iyong mga tungkulin ang pamantayan, at ikaw ay tiyak na magkakaroon ng buhay pagpasok at magkakaibang antas ng pagbabagong disposisyonal. Makakamit ang lahat ng ito sa proseso ng pagganap ng iyong mga tungkulin. Bago ka pormal na perpektuhin ng Diyos, ito ang pinakamalayo mong maaabot sa pagsandig sa pagsisikap ng tao. Kapag wala ang gawain ng Diyos, hanggang dito lang ang maaabot mong antas; magiging mahirap ang patuloy pang pagsisikap. Puwede ka lang sumandig sa iyong sarili para makamit kung ano ang iyong makakaya at nasa kakayahan ng tao, tulad ng pagpipigil sa iyong sarili gamit ang lakas ng loob, pagtitiis ng paghihirap, pagbabayad ng mga halaga, pagtalikod, pagpupungos ng mga damdamin, pag-abandona sa mundo, pagkilala sa masasamang kalakaran, pagrerebelde laban sa laman, tapat na pagganap ng tungkulin, pagkilatis, at hindi pagsunod sa tao. Kapag nakamit mo ang lahat ng ito, magiging kwalipikado kang perpektuhin ng Diyos. Hindi karaniwang nangingialam ang Diyos sa kung ano ang kayang maisakatuparan ng mga tao. Patuloy ka Niyang binibigyan ng katotohanan, patuloy kang dinidiligan, sinusuportahan ka para maunawaan ang katotohanan, sinasabihan ka kung paano arukin ang katotohanan sa iba’t ibang aspekto, at kung paano makapasok sa mga katotohanang realidad. Pagkatapos mong maunawaan at mapasok ang mga ito, bibigyan ka ng Diyos ng isang sertipiko ng kwalipikasyon, at ang iyong tsansang maligtas ay magiging 80 porsyento. Gayunpaman, bago maabot ang 80 porsyento, kailangan mong ipuhunan ang lahat ng iyong lakas at pagsisikap; hindi mo puwedeng ipamuhay ang buhay na ito nang walang kabuluhan. May ilang taong nagsasabi: “Dalawampung taon na akong nananalig sa Diyos ngayon; naipuhunan ko na ba ang lahat ng aking lakas?” Hindi ito nasusukat sa dami ng taon. Sinasabi ng ilan, “Limang taon na akong nananalig sa Diyos ngayon, at nagawa ko nang maunawaan ang ilang katotohanan. Alam ko kung paano gawin ang aking tungkulin nang sapat at nagsisikap ako sa direksyong ito; alam ko na ngayon ang ilang paraan at parang nakakaramdam ako ng medyo mapayapa at maginhawa sa aking puso.” Halos tumpak ang damdaming ito, pero ibig sabihin ba nito na may 80 porsyentong tsansa ka nang maligtas? Hindi; gaano na nga ba talaga ang iyong naabot? Sa pagitan ng 10 at 15 porsyento. Dahil sa proseso ng sapat na pagtupad mo ng iyong tungkulin, dapat mo pa ring maranasang mapungusan nang maraming beses; dapat mong maranasan ang maraming pangyayari. Sa mga pangyayaring ito, sa positibong banda, papagyamanin ng Diyos ang iyong karanasan nang mas marami-rami. Sa proseso ng paglalantad sa mga tao, pangyayari, at bagay na ito—ibig sabihin, sa mga praktikal na pangyayaring ito—hinahayaan ka ng Diyos na maunawaan ang ilang katotohanan. Bakit ka hinahayaan ng Diyos na maunawaan ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na ito? Kung hindi ka sasailalim sa mga karanasang ito, ang iyong pagkaunawa sa katotohanan ay panghabang-buhay na mananatili sa antas ng mga salita, doktrina, at islogan. Kapag naranasan mo na ang iba’t ibang pangyayari sa buhay, ang mga doktrinang dati mo nang naunawaan o nagawang arukin at tandaan ay magiging isang uri ng realidad. Ang realidad na ito ay ang praktikal na bahagi ng katotohanan, at ito ang dapat mong maunawaan at mapasok.

Ano ang posibilidad na ang isang tao ay maliligtas nang hindi pa niya naaabot ang pamantayan sa sapat na pagganap ng kanyang mga tungkulin? Sa sukdulan, ito ay nasa pagitan ng 10 at 15 porsyento, dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan at tiyak na walang kakayahan para sa tunay na pagpapasakop. Kaya ba ng isang taong hindi nakakaunawa sa katotohanan na kumilos ayon sa mga prinsipyo? Kaya ba niyang tanggapin ang kanyang tungkulin nang seryoso at responsable? Siguradong hindi. Ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay siguradong kumikilos lahat ayon sa kanilang kalooban, gumagawa sa pabasta-bastang paraan, naghahalo ng maraming makasariling motibo, at kumikilos batay sa mga sarili nilang kagustuhan. Kahit kaya mong magsalita ng maraming doktrina, at kayang bumigkas ng mga teorya at islogan, hindi ibig sabihin nito na mayroon kang katotohanang realidad, kaya ang mga tsansa mong maligtas ay hindi mataas. Para makamit ang tunay na kaligtasan, at para makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas at mabuhay sa salita ng Diyos, ang susunod na hakbang ay ang magsikap sa iba’t ibang katotohanan. Ano ang layunin ng pagsisikap na ito? Ito ay para mas tumpak at matatag na makapasok sa katotohanang realidad. Tanging kapag nakapasok ka sa katotohanan na matatahak mo ang tamang landas para sa iyong buhay. Kung alam mo lang kung paano bumigkas ng mga doktrina at islogan, pero hindi naaarok ang mga katotohanang prinsipyo ng pagganap ng iyong tungkulin, at kaya pa ngang kumilos nang walang ingat batay sa mga sarili mong kapritso, wala kang katotohanang realidad; at malayong-malayo ka pa rin. Pagkatapos maranasan ng sinuman ang maraming bagay sa pagganap ng kanyang mga tungkulin at mapagtantong hindi niya nauunawaan ang katotohanan, gayundin kung gaano kalaki ang kanyang pagkukulang, nagsisimula siyang magsikap para sa katotohanan. Unti-unti, nagbabago siya mula sa pagbigkas ng mga doktrina at islogan tungo sa pagkakaroon ng isang tunay na pagkaunawa, tungo sa tamang pagsasagawa ng katotohanan, at tungo sa tunay na pagpapasakop sa Diyos. Sa paraang ito, lumalaki ang kanyang pag-asang maligtas, at tumataas ang tsansa. Saan batay ang pagtaas na ito? (Batay ito sa antas ng kanyang pagkaunawa sa katotohanan.) Hindi pinakamahalagang salik ang antas ng pagkaunawa ng isang tao sa katotohanan; ang pinakamahalaga ay ang pagsasagawa at pagpasok sa realidad ng katotohanan. Tanging sa pagsasagawa ng katotohanan mo ito mauunawaan; hindi mo kailanman mauunawaan ang katotohanan kung hindi mo ito isinasagawa. Ang bastang pagkaunawa ng mga salita at doktrina ay hindi katulad sa pagkaunawa ng katotohanan. Habang mas isinasagawa mo ang katotohanan, magkakaroon ka ng mas maraming realidad, mas nagbabago ka, at mas mabuti mong mauunawaan ang katotohanan. Kaya, ang iyong pag-asang maligtas ay tataas din. Sa proseso ng pagganap mo ng iyong mga tungkulin, sa positibong banda, kung kaya mong tratuhin ang iyong mga tungkulin nang tama, hindi kailanman tinatalikuran ang mga ito anumang pangyayari ang iyong hinaharap, at kahit pa nawalan ng pananalig ang iba at tumigil na gampanan ang kanilang mga tungkulin, patuloy mong pinaninindigan ang sa iyo at hindi kailanman tinatalikuran ang mga ito mula simula hanggang sa huli, nananatiling matatag at tapat sa iyong mga tungkulin hanggang sa huli, tunay mong tinatrato ang iyong mga tungkulin bilang mga tungkulin at nagpapakita ng kumpletong katapatan. Kung kaya mong tugunan ang pamantayang ito, talagang naabot mo na ang pamantayan sa sapat na pagganap ng iyong mga tungkulin; ito ay sa positibong banda. Gayunpaman, bago maabot ang pamantayang ito, sa negatibong banda, dapat ay magagawa ng isang taong labanan ang iba’t ibang tukso. Anong uri ito ng problema kapag hindi kaya ng isang taong labanan ang mga tukso sa proseso ng pagtupad ng kanyang tungkulin, kaya tinatalikuran niya ang kanyang tungkulin at tumatakas, ipinagkakanulo ang kanyang tungkulin? Katumbas iyon ng pagkakanulo sa Diyos. Ang pagkakanulo sa atas ng Diyos ay pagkakanulo sa Diyos. Maliligtas pa rin ba ang isang taong nagkakanulo sa Diyos? Tapos na ang taong ito; lahat ng pag-asa ay nawala na, at ang mga tungkuling dati niyang ginampanan ay pawang pagtatrabaho lamang, na nauwi sa wala dahil sa kanyang pagkakanulo. Kaya, mahalagang mahigpit na panghawakan ang tungkulin ng isang tao; sa paggawa nito, may pag-asa. Sa pamamagitan ng tapat na pagtupad ng tungkulin ng isang tao, puwede siyang maligtas at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano para sa lahat ang pinakamahirap na bahagi ng paninindigan sa kanilang tungkulin? Ito ay kung kaya nilang maging matatag kapag nahaharap sa mga tukso. Ano ang kabilang sa mga tuksong ito? Salapi, katayuan, mga matalik na relasyon, mga damdamin. Ano pa? Kung may dalang panganib ang ilang tungkulin, maging mga panganib sa buhay ng isang tao, at ang pagganap sa gayong mga tungkulin ay maaaring magresulta sa pagka-aresto at pagkakakulong o maging pag-uusig hanggang sa kamatayan, kaya mo pa rin bang gampanan ang iyong tungkulin? Kaya mo pa rin bang magtiyaga? Ang kadaliang mapagtagumpayan ang mga tuksong ito ay nakabatay sa kung naghahangad ang isang tao ng katotohanan. Batay ito sa kakayahan ng isang tao na unti-unting kilatisin at kilalanin ang mga tuksong ito habang hinahangad ang katotohanan, para makilala ang diwa ng mga ito at ang mga satanikong panlilinlang sa likod ng mga ito. Hinihingi din nitong kilalanin ang mga sariling tiwaling disposisyon, sariling kalikasang diwa, at sariling kahinaan ng isang tao. Dapat ay patuloy ding hinihingi ng tao sa Diyos na protektahan siya para mapaglabanan niya ang mga tuksong ito. Kung kaya ng isang tao na paglabanan ang mga ito, at manindigan sa kanyang tungkulin nang walang pagkakanulo o pagtakas sa anumang pangyayari, ang posibilidad na maligtas ay umaabot sa 50 porsyento. Madali bang makamit ang 50 porsyento na ito? Ang bawat hakbang ay isang hamon, na puno ng panganib; hindi ito madaling makamit! May mga tao bang sobrang nahihirapan sa paghahangad ng katotohanan na nararamdaman nilang masyado itong nakapapagod at mas gugustuhin pang mamatay? Anong uri ng mga tao ang nakakaramdam nang ganito? Ganito ang pakiramdam ng mga hindi mananampalataya. Para lang manatiling buhay, kaya ng mga taong mag-isip nang matindi, magtiis ng anumang paghihirap, at mahigpit pa ring kumapit sa buhay sa mga sakuna, hindi sumusuko hanggang sa kanilang huling hininga—kung nanalig sila sa Diyos at naghangad ng katotohanan nang may ganitong uri ng sigla, tiyak na makakamit nila ang mga resulta. Kung hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan at hindi handang magsikap para rito, mga wala silang kwenta! Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi isang bagay na kayang makamit sa pamamagitan lang ng pagsisikap ng tao; kinakailangan nito ang pagsisikap ng tao kasama ng gawain ng Banal na Espiritu. Nangangailangan ito ng pamamatnugot ng Diyos ng iba’t ibang kapaligiran upang subukin at pinuhin ang mga tao, at ng Banal na Espiritu na kumikilos para bigyang-liwanag, tanglawan, at gabayan sila. Ang paghihirap na dinaranas ng isang tao para makamit ang katotohanan ay ganap na kinakailangan. Katulad ito ng mga umaakyat ng bundok na isinusugal ang kanilang buhay para maabot ang tuktok, hindi sila natatakot maghirap sa kanilang layuning hamunin ang kanilang mga limitasyon, maging sa punto ng pagsusugal sa kanilang buhay. Mas mahirap ba ang pananalig sa Diyos at pagkamit ng katotohanan kaysa sa pag-akyat sa isang bundok? Anong uri ng mga tao ang nagnanasa ng mga pagpapala pero hindi handang maghirap? Mga wala silang kwenta. Hindi mo puwedeng hangarin at kamtin ang katotohanan nang walang lakas ng loob; hindi mo ito magagawa nang walang kakayahang magdusa. Kailangan mong magbayad ng halaga para makamit ito.

Nauunawaan na ng mga tao ang depinisyon ng kasapatan, ang pamantayan para sa kasapatan, ang dahilan kung bakit itinakda ng Diyos ang pamantayang ito para sa kasapatan, ang relasyon sa pagitan ng pagganap ng isang tao sa tungkulin nang sapat at ang buhay pagpasok, at ang iba pang gayong salik na kaugnay sa katotohanan ng sapat na pagganap ng tungkulin. Kung makararating sila sa kung saan kaya nilang panindigan ang kanilang tungkulin anumang oras o lugar, nang hindi ito sinusukuan, at kayang labanan ang lahat ng paraan ng tukso, at pagkatapos ay maarok at makamit ang karunungan at pagpasok sa iba’t ibang katotohanan na hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang sitwasyong inilalatag Niya para sa kanila, sa paningin ng Diyos, nakamit na talaga nila ang pagiging sapat. May tatlong pundamental na sangkap sa pagkakamit ng kasapatan sa pagganap ng tungkulin ng isang tao: Una, ang pagkakaroon ng tamang saloobin sa kanilang tungkulin, at ang hindi pagtalikod sa kanilang tungkulin anumang oras; pangalawa, ang kakayahang labanan ang lahat ng uri ng tukso habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at hindi nagkakamali; pangatlo, ang kakayahang maunawaan ang bawat aspekto ng katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at pumapasok sa realidad. Kapag natupad ng mga tao ang tatlong bagay na ito at naabot ang pamantayan, ang unang paunang kondisyon para sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo at pagpeperpekto—ang pagganap ng isang tao ng tungkulin nang sapat—ay nakompleto.

Tungkol sa sapat na pagganap ng tungkulin, ang ilang nilalamang kaugnay ng terminong “sapat” ay tinalakay na dati. Paano karaniwang tinukoy ang “sapat” sa mga nakaraang talakayan? (Bilang pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo.) Ang “sapat” na tinalakay ngayon ay nakaabot sa mga layunin ng Diyos at sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao. Bakit hinihingi ng Diyos na gampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin sa isang sapat na pamantayan? Nauugnay ito sa layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao at sa Kanyang mga pamantayan para sa pagliligtas at pagpeperpekto sa mga tao. Kung hindi mo makakamit ang kasapatan sa pagganap ng iyong tungkulin, hindi ka peperpektuhin ng Diyos; ito ang pinakamahalagang kondisyon ng Diyos para perpektuhin ang mga tao. Samakatuwid, kung peperpektuhin ng Diyos ang isang tao ay mahalagang nakadepende sa kung ang pagganap niya ng kanyang tungkulin ay sapat. Kung ang pagganap mo ng iyong tungkulin ay hindi sapat, walang kinalaman sa iyo ang gawain ng Diyos na pagpeperpekto ng mga tao. Ngayon, may ilang tao na nasa tamang landas ng pagganap ng kanilang tungkulin, at tama rin ang kanilang direksiyon, pero hindi pa rin sila maituturing na gumaganap ng kanilang tungkulin nang sapat. Bakit? Dahil masyadong kaunti ang nauunawaan ng mga tao sa katotohanan. Ito ay tulad ng ilang batang gustong magbahagi ng ilang responsabilidad sa bahay sa kanilang mga magulang, subalit maaaring wala silang tayog para gawin ito. Sa anong punto sila magkakaroon ng tayog para tunay na magbahagi ng ilang responsabilidad sa bahay? Ito ay kapag kaya nilang gumawa ng ilang bagay nang hindi pinag-aalala ang mga nakatatanda; pagkatapos makababahagi sila sa mga tungkulin sa bahay—iyon ang panahong maaari nila itong gawin. Bagaman nakagagawa ka ng ilang bagay ngayon, nananatili ka pa rin sa yugto ng pagsisikap at pagtatrabaho dahil ang katotohanang nauunawaan mo ay masyadong mababaw, ang katotohanang kaya mong isagawa ay masyadong maliit, at ang mga prinsipyong kaya mong maarok ay masyadong kaunti. Madalas kang nasa proseso ng pangangapa, madalas na kumikilos sa isang kalagayan ng kalabuan, kaya napakahirap para sa iyong kumpirmahin kung ang iyong ginagawa ay naaayon sa mga layunin ng Diyos; palaging hindi malinaw ang iyong isipan. Maituturing bang sapat ang pagganap mo ng iyong tungkulin? Hindi pa rin, dahil masyadong kaunti ang nauunawaan mo sa katotohanan, at ang iyong buhay pagpasok ay wala pa sa antas na hinihingi ng Diyos; masyadong mababa ang iyong tayog. Ano ang ibig sabihin na masyadong mababa ang tayog ng isang tao? Sinasabi ng ilan na ito ay ang mababaw na pagkaunawa ng katotohanan, pero hindi lang ito talaga basta tungkol sa mababaw na pagkaunawa sa katotohanan. Ito ay direkta ring nauugnay sa musmos na pagkatao o mahinang kakayahan ng isang tao at pagkakaroon ng masyadong maraming negatibong bagay. Halimbawa, kung natanggap mo ngayon ang isang tungkulin at hindi mo alam kung paano ito gawin, maaaring maramdaman mong wala kang silbi at na hindi mo isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Humahantong ito para ikaw ay maging negatibo at mahina, nararamdamang hindi mabuti ang mga pagsasaayos ng Diyos at na wala kang anumang kayang gawin, at na tiyak na matitiwalag ka. Pagkatapos ay hindi mo na gustong gampanan ang iyong tungkulin. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng mababang tayog? Bukod pa rito, marami na ngayong batang kapatid na hindi pa kasal. Kapag nakatagpo sila ng isang gwapong lalaki o magandang babae, maaari silang mabighani, at ang ilang palitan nila ng sulyap ay maaaring makabuo ng mga damdamin; sa gayong mga matinding pagkagiliw na nabubuo, magagampanan pa rin ba nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin kapag nagsimula silang makipagtipan? Ito ay pagkahulog sa tukso. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito ng mababang tayog? Totoo nga. Bukod pa rito, may ilang tao na may ilang espesyal na kaloob, at gumaganap sila ng ilang espesyal na tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Nagbibigay ito sa kanila ng pakiramdam na may ilang kapital sila, kaya gusto nilang magpasikat, palaging gustong magpakitang-gilas. Sa sandaling magpakitang-gilas sila, nawawalan sila ng prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay. At kung pupurihin sila nang iba kahit kaunti, tiyak na mawawala ang kanilang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay, magiging kampante at makalilimot sa kanilang mga tungkulin. Ito rin ay pagkahulog sa tukso. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito ng isang mababang tayog? Maging ang maliliit na bagay ay makapagdudulot sa isang taong may mababang tayog na magkamali. Halimbawa, may ilang tao na nagtatrabaho bilang mga aktor sa sambahayan ng Diyos; sa kanilang itsura at karisma, lumalabas sila sa ilang pelikula at pagkatapos ay pakiramdam nilang nagkamit sila ng kaunting katanyagan. Iniisip nila na, “Nakagawa na ako ngayon ng kaunting pangalan para sa aking sarili; kung ito ay sa sekular na mundo, hindi ba’t hihingin ng mga tao ang aking pirma? Bakit walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang may gusto sa aking pirma? Tila kailangan ko pang umarte sa isa pang magandang pelikula.” Gayunpaman, kapag hindi nila nakuha ang papel ng bida sa sumunod na pelikula, pakiramdam nila ay gusto nilang isuko ang kanilang mga tungkulin, iniisip na walang silbi ang mga ito. Palagi nilang gustong gumanap bilang mga bida at maging sikat na aktor, at kapag hindi nila nakamit iyon, pinanghihinaan sila ng loob, nagiging sumpungin, at iniisip pang magbitiw. Pagkakaroon ito ng isang mababang tayog. Ang pagkakaroon ng isang mababang tayog ay nangangahulugang hindi ka karapat-dapat sa mahahalagang responsabilidad. Kahit pinagkalooban ka pa ng Diyos ng isang tungkulin, hindi mo pa rin makakamit ang Kanyang tiwala. Sa isang maling pag-iisip o sa isang bagay na labag sa iyong kagustuhan, maaaring bitiwan mo ang iyong mga tungkulin at labanan ang Diyos. Hindi ba’t nagpapahiwatig din ito ng isang mababang tayog? (Oo.) Ito ay isang napakababang tayog. Sa gayong mababang tayog at sa mga pag-uugaling ito, gaano kalayo ang isang tao sa pagganap ng kanyang mga tungkulin nang sapat? Nasaan ang puwang? Ito ay nasa kung gaano minamahal ng isang tao ang katotohanan. May ilang tao rin na, sa proseso ng pagganap ng kanilang mga tungkulin, ay nalalamang nagkasakit ang kanilang pinakamalapit na kapamilya. Pagkatapos ay tumitigil sila sa pagdalo sa mga pagtitipon at pinababayaan ang kanilang mga tungkulin, iniisip na hindi mahalaga ang paglaktaw nila sa kanilang mga tungkulin nang dalawang araw—kung tutuusin, kung mamamatay ang kanilang kapamilya, mawawala na ang mga ito magpakailanman. Subalit bigo nilang isaalang-alang na ang pagganap ng mga tungkulin ng isang tao ay isang mahalagang bagay na may kaugnayan sa pagtatamo ng buhay, na ito ang tanging tsansa para magkamit ng kaligtasan. Mas pinahahalagahan nila ang mga damdamin at pamilya kaysa sa mga tungkulin at pagkakamit ng kaligtasan. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito ng isang mababang tayog? Masyadong mababa ang kanilang tayog! Ipinakikita nitong hindi nila nauunawaan ang mga nararapat na usapin ng buhay, at hindi nila alam kung paano gawin ang mga nararapat na gawain. Nakadepende ba ang laki ng tayog ng isang tao sa kanyang edad? Hindi. Ang mga tiwaling tao, babae man o lalaki, at anuman ang edad, lugar ng kapanganakan, o nasyonalidad, ay lahat may magkakatulad na tiwaling disposisyon. Nagtataglay silang lahat ng kalikasan ni Satanas at kayang maghimagsik laban sa Diyos at labanan ang Diyos, gumagawa ng iba’t ibang uri ng kasamaan. Kung hindi hahangarin ng isang tao ang katotohanan, magkakaroon ba siya ng tunay na pagsisisi? Hindi kailanman; hindi siya magbabago. May ilang tao ang nagkakasakit at sumisigaw tungkol sa pagsandig sa Diyos at hindi pagkatakot sa kamatayan, subalit nararamdaman din nilang hindi sila dapat basta umupo lang at walang gawin. Iniisip nilang kung hindi nila gagampanan ang kanilang mga tungkulin, tiyak na mamamatay sila, kaya dali-dali nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Tinitingnan nila kung aling tungkulin ang pinakamatrabaho at pinakamahalaga, kung alin ang pinahahalagahan ng Diyos, at nagmamadaling magpalista para rito. Sa buong proseso ng pagganap ng kanilang tungkulin, patuloy nilang iniisip na, “Mapagagaling ba ang sakit na ito? Umaasa talaga akong oo. Inialay ko ang aking buhay; hindi ba’t dapat akong gumaling?” Sa aktuwalidad, terminal ang kanilang sakit; gampanan man nila o hindi ang kanilang tungkulin, mamamatay sila. Bagaman nagampanan nila ang kanilang tungkulin ngayon, inoobserbahan ng Diyos ang puso ng tao—sa gayon kababang tayog at gayong motibo, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin? Siguradong hindi. Ang mga ganitong uri ng tao ay hindi naghahangad sa katotohanan, at hindi mabuti ang kanilang pagkatao. Palagi silang may sarili nilang maliliit na pakana sa kanilang isipan. Sa oras na sumumpong ang sakit nila o sumama nang kaunti ang kanilang pakiramdam, nagsisimula silang mag-isip na, “Talaga bang pinagpala ako ng Diyos? Talaga bang inalagaan Niya ako at pinrotektahan? Tila hindi Niya ito ginawa, kaya hindi ko na gagampanan ang aking mga tungkulin.” Sa sandaling hindi sila naging kumportable nang kaunti, gusto na nilang sukuan ang kanilang mga tungkulin. May anumang tayog ba sila? (Wala.) Samakatuwid, huwag mong isiping dahil lang kaya ng iba’t ibang taong umupo rito at makinig sa mga sermon, o na kaya nilang talikuran ang kanilang mga pamilya at propesyon para gampanan ang kanilang mga tungkulin sa ilang posisyon sa sambahayan ng Diyos—gumagawa ng trabahong nauugnay sa kanilang mga propesyonal na kakayahan o mga larangan ng kadalubhasaan—na talagang nagagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Hindi rin ito nangangahulugang lahat ng gumaganap ng kanilang mga tungkulin ay ginagawa ito nang kusang-loob, lalong hindi na ang lahat ng mga gumaganap ng kanilang mga tungkulin ay nagtataglay ng isang partikular na tayog. Sa panlabas, mukhang abala ang mga tao at tila kusang-loob na ginagawa ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos batay sa tunay na pananalig sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanilang puso, madalas na mahina ang lahat. Madalas nilang iniisip na isuko ang kanilang mga tungkulin, madalas na may mga sarili silang plano, at lalo pang madalas na umaasa na matatapos agad ang gawain ng Diyos para mabilis nilang matanggap ang mga pagpapala. Iyon lang ang kanilang layunin. Ang nilalayon ng Diyos na lutasin ay ang mga kahinaan, paghihimagsik, at maliit na tayog na ito ng mga tao, gayundin ang mga mangmang na pag-iisip at pagkilos ng mga tao. Kapag nalutas na ang lahat ng mga isyung ito at hindi na mga problema, kapag wala nang lumilitaw na maaaring makaapekto sa iyong kakayahang gampanan ang iyong mga tungkulin, sapat na iyon, at ang iyong tayog ay lumago. Ang landas na tatahakin sa wakas ng isang tao, at ang lawig kung saan niya ito tatahakin, ay hindi natutukoy sa kung gaano kalakas ang kanyang pagsigaw ng mga islogan, o ang kanyang mga panandaliang emosyon o pagnanais. Sa halip, nakadepende ito sa kanyang paghahangad at sa antas ng kanyang pagmamahal sa katotohanan.

Sa anong mga sitwasyon ninyo isusuko ang inyong tungkulin? Ito ba ay kapag nahaharap kayo sa kamatayan? O kapag nakatatagpo kayo ng ilang maliit na kabiguan sa buhay? Maraming hinihingi ang ilang tao pagdating sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa isang banda, hindi sila dapat malantad sa hangin o araw, at dapat maging kumportable ang kanilang kapaligiran sa trabaho. Hindi nila kayang tiisin ang kahit kaunting karaingan. Dagdag pa rito, dapat na madalas nilang kasama ang kanilang asawa, mamuhay sa isang mundo na para sa dalawa, at magkaroon din ng sarili nilang pribadong buhay, tulad ng paglabas para sa paglilibang, pagbabakasyon, at iba pa, na lahat ay dapat na makapagpapasaya sa kanila. Kung hindi sila nasisiyahan kahit kaunti, sa kanilang puso ay hindi sila magiging kumportable at patuloy na maghihinanakit, at mang-aabala pa sila sa iba sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Nakikilatis ng ilang taong nakauunawa sa katotohanan na ang mga taong ito ay hindi mabuti, na hindi mananampalataya ang mga ito, at ilalayo nila ang kanilang sarili sa mga ito. Subalit may ilang taong hindi nakauunawa sa katotohanan; may mababa silang tayog at walang pagkilatis, at maaapektuhan sila ng mga panggugulo ng mga taong ito. Sabihin mo sa Akin, dapat bang paalisin sa iglesia ang mga gayong tao na gumagawa ng masama? (Oo.) Ang ganitong uri ng tao, na patuloy na nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng iglesia, ay dapat na paalisin para protektahan ang may mabababang tayog at mga mangmang. Sa anong mga pangyayari na maaari ninyong talikuran mismo ang inyong mga tungkulin at umalis nang walang abiso? Halimbawa, habang nagpapalaganap ng ebanghelyo, nakakita ka ng isang tao na napakaganda at nagsasalita nang may karisma, at habang mas tinitingnan mo siya ay mas lumalaki ang iyong paghanga, iniisip na, “Napakagandang hindi gampanan ang aking mga tungkulin at maghanap ng kaparehang tulad nito!” Kapag ganito ka mag-isip, nasa panganib ka; magiging madaling sumuko sa tukso. At kapag naisip mo ito nang sobra-sobra, nakahanda ka nang hangarin ang relasyong ito. Subalit kapag sa wakas ay nakuha mo na sila, mapagtatanto mong sila rin ay tiwaling tao at hindi talaga ganoon kabuti, subalit sa oras na iyon ay huli na para sa pagsisisi. Kapag nahulog ang isang tao sa tukso ng mga romantikong komplikasyon, hindi madaling makaalis. Hindi magiging madaling bumalik nang hindi gumugugol nang isa o dalawang taon, o tatlo hanggang limang taon. Sa loob ng tatlo hanggang limang taong isinuko mo, gaano karaming katotohanan ang iyong nakaligtaan? Gaano kalaki ang magiging kawalan sa iyong buhay? Gaano kalaki ang magiging pagkaantala sa iyong buhay paglago? May ibang taong nakakakita sa iba na kumikita ng maraming pera sa sekular na mundo, nagsusuot ng mga mamahaling damit, kumakain at umiinom nang maayos, at napupukaw ang kanilang puso; gusto rin nilang kumita ng pera. Ganyan lumilitaw ang tukso. Sinumang may pag-iisip na nagsisimulang maguluhan kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, iniisip na talikuran ang kanilang tungkulin, ay hindi makakayang labanan ang tukso; nasa panganib sila. Tanda ito ng isang mababang tayog. Nakararamdam ka ng sama ng loob at pagkadiskontento kapag nakakikita ka ng ibang taong kumakain ng ilang masarap na pagkain. Nakararamdam ka rin ng pagkadiskontento kapag nakakikita ka ng ibang taong may mabuting kapareha. At hindi ka nagiging masaya kapag nakakikita ka ng sinumang nasa iyong edad at may katulad na ganda, subalit mas magandang manamit kaysa sa iyo at sikat pa. Nagsisimula kang mag-isip, kung hindi mo tinalikuran ang iyong edukasyon at kung nakapagtapos ka at nakahanap ng isang propesyon, tiyak na mas magiging mabuti ang iyong buhay kaysa sa kanila. Sa tuwing nahaharap ka sa mga sitwasyong ito, nababagabag ka nang ilang araw. Ang mga tuksong ito ay isang uri ng pagpipigil, isang uri ng pangyayamot sa iyo, na nagpapakitang mababa ang iyong tayog. Kapag nagpapalaganap kayo ng ebanghelyo at nakatagpo kayo ng isang angkop na miyembro ng kasalungat na kasarian, isang uri na “matangkad, mayaman, at guwapo” o isang babae na maputi ang balat, mayaman, at maganda, maaaring hindi mo magagawang umiwas sa tukso. Ano ang ibig sabihin na maaaring hindi mo ito maiwasan? Nangangahulugan itong ang iyong tayog ay hindi pa umabot sa antas na maaari mong madaig ang iba’t ibang tukso; hindi mo maiiwasan ang mga ito, kaya naaangkin at naaakit palayo ang iyong puso. Kung ano ang iyong iniisip, kung ano ang pinagninilayan mo sa iyong isipan, maging kung ano ang iyong pinapangarap at tinatalakay sa iba ay lahat nagiging tungkol sa mga usaping ito. Naaapektuhan nito ang pagganap ng iyong mga tungkulin; habang nagbabahaginan ng katotohanan, maraming nasasabi ang iba habang paunti nang paunti ang iyong naiaambag, at nawawalan ka ng interes sa pananalig sa Diyos. Hindi ba’t ito ay pagkaakit? Ito ay pagkahulog sa tukso, at ito ay mapanganib. Iniisip ng ilang tao na nahulog ka lang sa tukso kapag nagsimula ka nang makipagtipan sa sinuman o sumama ka sa kanila, subalit sa oras na umabot ka na sa puntong iyon, tapos ka na. Maaari bang lumitaw ang mga sitwasyong tulad nito kung nakatagpo ninyo ang mga ganitong usapin? (Hindi ko alam.) Kung hindi ninyo alam, pinatutunayan nitong mababa ang inyong tayog. Bakit pinatutunayan nitong mababa ang inyong tayog? Sa isang banda, hindi ka pa kailanman naharap sa gayong mga usapin, kaya hindi mo alam kung ano ang iyong magiging reaksyon; wala kang kontrol sa iyong sarili. Sa isa pang banda, kapag nahaharap sa ganitong uri ng sitwasyon, wala kang tamang saloobin at paraan ng pagharap sa ganitong uri ng problema. Kung hindi mo kayang hanapin ang katotohanan para lutasin ang problema, nangangahulugan itong pasibo ka. Pinatutunayan ng pagiging pasibo na may mababa kang tayog, at mangmang ka. Bagaman maaaring hindi mo aktibong inaakit ang iba, tiyak na kaya kang akitin ng iba, na magdadala sa iyo ng tukso. Kung hindi mo ito kayang mapagtagumpayan, iyan ay isang problema. Halimbawa, paano kung may mag-alok sa iyo ng pera at katayuan, o paano kung may mas mabuting taong dumating at sinusubukan kang akitin? Madali bang mapagtagumpayan iyon? Ano ang posibilidad na mapagtatagumpayan mo iyon? Sinasabing ang ilang tao, kapag nakatanggap ng dalawang tsokolate lang mula sa sinumang nagkakagusto sa kanila, ay nahuhumaling at nag-iisip na pumasok sa isang relasyon sa tao na iyon—ganoon kaliit ang kanilang tayog. Isa ba itong usapin ng hindi pananalig sa Diyos sa sapat na haba ng panahon? Hindi sa ganoon. May ilang tao na naging mananampalataya sa loob ng higit na isang dekada at natutukso pa rin kapag nahaharap sa mga ganitong sitwasyon. Una, pangalawa, o pangatlong beses man nilang nakatatagpo ito, maaari pa rin silang maakit. Ano ang sanhi nito? Mababa ang kanilang tayog, at talagang wala silang pagkaunawa sa ilang katotohanan. Bakit wala silang pagkaunawa? Dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan; palaging magulo ang kanilang pag-iisip. Sa pananaw nila, hindi makabuluhan ang mga gayong usapin. Iniisip nila, “Kung may dumating talagang isang angkop na kapareha, bakit hindi ako maaaring magpakasal? Hindi ko pa lang nakikilala ang sinumang angkop, at hindi ako napapahanga ng sinuman, kaya iraraos ko lang.” Ang pagraraos na ito ay hindi isang saloobin ng paghahangad sa katotohanan; hindi ito pagtahak sa landas ng pagkakamit ng kaligtasan at pagpeperpekto—hindi ang kaisipang ito. Gusto lang nilang makaraos, nabubuhay sa bawat araw na dumarating, pumupunta saanman sila dalhin ng buhay. At kung darating talaga ang araw na hindi na sila makapagpapatuloy, ganoon na nga iyon. Hindi sila interesado sa layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao o sa gawain ng Diyos para sa kaligtasang ito. Bukod pa rito, hindi nila taimtim na hinahanap ang iba’t ibang katotohanang may kaugnayan sa pagliligtas ng Diyos sa tao, ni hindi nila ito isinasapuso. Maaaring sabihin ng ilan na: “Subalit palagi silang dumadalo sa mga sermon; paano Mo nasasabing hindi nila ito isinasapuso?” Subalit ang pagsunod lang sa ritwal ng pagdalo sa mga pagtitipon at pakikinig sa mga sermon ay iba sa pagtanggap sa katotohanan. Maraming tao ang nakikinig sa mga sermon, subalit iilan ba talaga ang nagsasagawa ng katotohanan? Mas kakaunti pa ang mga tumatahak sa landas ng paghahangad ng katotohanan. Maraming tao ang nakatuon lang sa pag-unawa sa mga doktrina at pagpapayaman sa mga sarili nilang kuru-kuro at imahinasyon kapag nakikinig sila sa mga sermon. Ang mga nagmamahal sa katotohanan ay nakikinig sa layuning hanapin at tanggapin ito. Nagagawa nilang makinig sa mga sermon at magnilay sa kanilang sarili, ikinukumpara ang kanilang narinig sa kanilang sariling kalagayan, at tumutuon sa paglutas ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kumakapit sila sa mga praktikal na aspekto ng katotohanan; binibigyang-diin nila ang pagsasagawa at pagdanas ng mga aspektong ito, at ang pagkakamit ng katotohanan. Samakatuwid, ang mga nagmamahal sa katotohanan ay nakikinig sa mga sermon para magtamo ng buhay, para maunawaan ang katotohanan, at baguhin ang kanilang sarili. Tinatanggap nila ang katotohanan sa kanilang puso, at kapag isinasagawa nila ito, ang katotohanang nauunawaan nila ay nagiging kapaki-pakinabang para sa kanila; ang pagkaunawa sa katotohanan ay nagbibigay ng isang landas. Para sa mga hindi naghahangad sa katotohanan, nakikinig sila sa mga sermon sa magulong paraan. Makikinig sila sa isang buong sermon mula simula hanggang huli, at kapag tinanong mo sila kung ano ang naunawaan nila pagkatapos, sasabihin nilang, “Naunawaan ko itong lahat. Itinala ko nang malinaw ang lahat.” Subalit kung tatanungin mo sila kung paano ito nakatutulong sa kanila, malabo lang nilang sasabihing medyo nakatutulong ito. Nakatutulong ba talaga ito? Hindi, dahil hindi nila nakuha ang mga katotohanan ng sermon. Bakit hindi nila ito nakuha? Dahil hindi nila ito tinanggap, paano nila ito makukuha? Sinasabi ng ilang tao na: “Paanong hindi nila ito nakuha? Paanong hindi nila ito tinanggap? Nakinig silang mabuti at nagtala pa nga.” May ilang taong nagtatala para lang sa pormalidad, hindi dahil sa pananabik nila sa katotohanan. May ilang nagbabahaginan ng katotohanan na maaaring hindi ito tinatanggap; depende ito sa kung ang kanilang puso ay tunay na nananabik para sa katotohanan. Ano kung gayon ang ibig sabihin ng tunay na tanggapin ang katotohanan? Nangangahulugan ito na pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, kayang iayon ng isang tao ang mga ito sa sarili niyang kalagayan, sa sarili niyang pag-uugali at mga gawa, sa mga prinsipyo ng pananalig sa Diyos, sa mga atas at responsabilidad na ibinigay ng Diyos, at sa landas na kanyang tinatahak. Kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili kaugnay ng lahat ng mga bagay na ito, kilatisin ang mga ito nang mabuti, kamtin ang pagkaunawa sa katotohanan, at pagkatapos ay isagawa at pumasok dito. Tanging ito ang isang tao na tumatanggap ng katotohanan; tanging ito ang isang tao na naghahangad sa katotohanan.

Ngayon lang, tinalakay ang mga pagpapamalas ng mga tao na may mababang tayog. Sa dahan-dahang proseso ng pag-unawa sa katotohanan, unti-unting malulutas ng mga tao ang mga isyu ng kanilang mababang tayog, tulad ng kahangalan, kamangmangan, karuwagan, at kahinaan. Ano ang tinutukoy ng kahinaan? Nangangahulugan ito na ang sangkap ng iyong pananalig sa Diyos ay partikular na maliit; ang iyong pananalig sa Diyos ay napakaliit. Sa doktrina, naniniwala kang kayang gawin ng Diyos ang lahat at na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, subalit kapag nahaharap sa aktuwal na mga sitwasyon, hindi ka nangangahas na magtiwala sa Diyos; hindi ka nangangahas na buong-pusong ibigay ang lahat sa Kanya at hindi mo kayang magpasakop—ito ay kahinaan. Ang kahangalan, kamangmangan, karuwagan, at paghihimagsik ng mga tao, ang mga negatibong bagay na ito, ay malulutas lang nang paunti-unti o mapagbubuti sa magkakaibang antas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan sa pagganap ng tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng pagpapabuti? Nangangahulugan itong ang mga negatibong bagay na ito ay unti-unting malulutas; ang mga resulta ng iyong pagganap ng tungkulin ay bubuti nang bubuti, at kapag nahaharap sa mga sitwasyon, mas kaya mong magtiis kaysa sa dati. Halimbawa, sa nakaraan, kapag nahaharap sa mga gayong sitwasyon, dala ng iyong mababang tayog, magiging mahina ka, magiging pasibo ka, at maaapektuhan nito maging ang iyong saloobin sa pagganap mo ng iyong mga tungkulin. Mag-aalboroto ka, isusuko ang mga tungkulin, magiging pabasta-basta, at hindi magpapakita ng katapatan. Ngayon, kapag nahaharap sa gayong mga sitwasyon, ang antas ng iyong katapatan sa pagganap ng iyong tungkulin ay hindi nababawasan; kung may mga paghihirap o kahinaan ka sa iyong puso, maaari mong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Ibig sabihin, ang isyu ng buhay pagpasok ay hindi na makaaapekto sa pagganap mo ng iyong tungkulin. Ang iyong mga emosyon, kalagayan, at iyong kahinaan ay hindi na makaaapekto sa iyong itinalagang gawain, ni hindi na makaaapekto ang mga ito sa iyong mga responsabilidad, tungkulin, at obligasyon. Hindi ba’t dagdag ito sa iyong kakayahang harapin ang mga usapin at kayanin ang mga panlabas na pangyayari? Paglago ito sa tayog. Ang ilang tao, kung hihinging gumanap sa papel ng bida, ay nagiging napakasaya, at naglalakad pa na parang lumulutang sa hangin; subalit kung hihinging gumanap bilang ekstra, nag-aatubili sila at nagiging sumpungin, at naglalakad nang nakayuko ang kanilang ulo. May ilang tao na palaging gustong mamukod-tangi kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, subalit hindi kayang makipagbahaginan ng katotohanan. Hindi sila nagsasanay pero gusto pa ring palaging tumatayo sa matataas na lugar at ipinakikita ang kanilang mga mukha. Tunay na pagpapasakop ba ito? Ito ba ang tamang saloobin sa pagganap ng tungkulin ng isang tao? Kapag mali ang kaisipan ng isang tao at mali ang kanyang kalagayan, dapat niyang hanapin ang katotohanan para sa kalutasan, at sa kalaunan ay magagawang hanapin at isagawa ang katotohanan anumang sitwasyon ang lumitaw; ito ay pagkakaroon ng buhay karanasan. Kapag nakikilatis mo ang lahat ng uri ng usapin, nagkaroon ka na ng imunidad. Anuman ang iyong makatagpo o kailanman ito mangyari, hindi ito makaaapekto sa pagganap mo ng iyong tungkulin; ni hindi maaapektuhan ang pagganap mo ng anumang maliit na isyu, anumang bahagyang emosyon, o mga pagbabago sa mga tao, pangyayari, bagay-bagay, at sitwasyon; ang iyong kapasidad na mapagtagumpayan ang kasalanan at mapagtagumpayan ang iba’t ibang pangyayari at emosyon ay magiging mas malakas—ibig sabihin nito ay lumago ang iyong tayog. Paano lumalago ang tayog? Ito ang nakakamit na resulta kapag unti-unting pumapasok ang mga tao sa katotohanang realidad sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga problema. Matapos mong maunawaan ang ilang katotohanan, at ang mga katotohanang ito ay naging iyong buhay, nagiging pundasyon ng iyong asal, nagiging pananaw mo sa pagmamatyag sa mga usapin, at nagiging iyong gabay na liwanag, ikaw ay matatag; hindi ka madalas na manghihina. Halimbawa, magiging napakasaya mo kung gagawin kang lider noon; kung papalitan ka, magiging negatibo ka sa loob ng isa o dalawang buwan, ayaw gumawa ng anumang bagay na hinihingi sa iyong gawin, gagampanan ang anumang gawain nang may negatibong saloobin, kumikilos nang pabasta-basta, hanggang sa puntong tuluyan pa ngang susuko. Ngayon, kung papalitan ka, sasabihin mong, “Kahit palitan ako, hindi ito makaaapekto sa akin. Hindi ako magiging negatibo sa loob ng isang araw. Kung papalitan ako ngayon, ipagpapatuloy ko kung ano ang dapat kong gawin bukas. Tinatanggap ko at nagpapasakop ako sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.” Ito ang pagiging matatag. Paano nangyayari ang pagiging matatag na ito? Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, at kapag nahaharap sa mga usapin ay hindi mo hinahanap ang katotohanan para sa kalutasan, at hindi tumutuon sa pagkilos nang may mga prinsipyo, magkakaroon ka ba ng ganitong tayog? Hindi ka kailanman magiging matatag kung nabubuhay ka sa mga pilosopiya ng mga walang pananampalataya para sa mga makamundong pakikitungo. Tanging kung nabubuhay ka sa katotohanan na makakaya mong unti-unting bitiwan ang pagmamataas, katayuan, at banidad, para sa huli, walang makakapagpabagsak sa iyo at walang makaaapekto sa pagganap mo nang maayos ng iyong mga tungkulin. Ito ang pagkakaroon ng tayog; ito ang pagiging matatag. Kapag matatag ka at lumago ang iyong tayog, hindi ba’t nagagampanan mo ang iyong mga tungkulin nang palapit nang palapit sa pamantayan? Kapag tinutupad mo nang sapat ang iyong mga tungkulin, hindi ba’t ibig sabihin nito na mayroon ka nang partikular na tayog? Ano ang kasama sa tayog na ito? Tunay na pananalig sa Diyos, tunay na pagpapasakop sa Diyos, at katapatan sa Diyos, gayundin ang kakayahang tratuhin nang tama ang iyong mga tungkulin; pagtanggap ng lahat mula sa Diyos, at ang kakayahang magpasakop sa Diyos, matakot sa Diyos, at umiwas sa kasamaan. Ito ang mga pagpapamalas ng paglago ng tayog.

Ngayon, naramdaman ninyo ba sa inyong kamalayan na kailangang ilagay sa adyenda ang pagkakaligtas, at na hindi na kayo dapat maguluhan tungkol dito? Ang pagkaunawa sa bawat katotohanan ay napakahalaga para mailigtas; hindi ka dapat maguluhan tungkol sa anumang isang katotohanan. Ang pananalig sa Diyos ay hindi lang basta kaunting pagsisikap, pagiging abala, pagtitiis ng ilang pagdurusa, at pagtitiyaga sa mga pagsubok nang hindi nagkakamali. Kung ang mga taong nananalig sa Diyos ay tunay na itinuturing ang pagkakaligtas bilang isang mahalagang usapin sa buhay at tinatrato ang pagkakamit ng katotohanan bilang isang mahalagang usapin sa buhay, kaya nilang bitiwan ang kahit ano; magiging madali sa kanila ang pagbitiw. Kung hindi pa nararamdaman ng isang tao kung gaano kahalaga ang mailigtas, iyon ay kahangalan at kamangmangan; napakaliit ng kanyang pananampalataya, at nabubuhay pa rin siya sa matinding kahirapan. Kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, magiging mahirap para sa kanyang makamit ang sapat na pagtupad ng tungkulin. Ito ay dahil para makamit ang sapat na pagtupad ng tungkulin, kailangan ng isang tao na maunawaan ang maraming katotohanan at pumasok din sa maraming katotohanan. Sa proseso ng pag-unawa at pagpasok sa katotohanan, unti-unting magiging sapat ang tungkuling ginagampanan ng isang tao; unti-unting magbabago ang iba’t ibang kahinaan at emosyon niya, at unti-unti ring bubuti ang iba’t ibang kalagayan niya. Sa proseso ng pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad, magiging mas malinaw sa kalooban ng isang tao ang tungkol sa pangitain kaugnay sa pananalig sa Diyos at pagkakaligtas, at kasabay nito, ang pagnanais at hinihingi ng isang tao para sa pagkakaligtas ay magiging lalong agaran. Ano ang ibig sabihin ng agaran? Ibig sabihin ay nararamdaman mong ang pagkakaligtas ay isang agarang bagay, isang napakahalagang usapin; at na kung hindi mo lulutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, maaari itong maging napakamapanganib at hindi mo magagawang makamit ang kaligtasan. Ito ang uri ng kaisipan na naghahatid ng pakiramdam ng pagiging agaran. Sa simula, wala kang konsepto ng pagkakaligtas o pagiging perpekto. Unti-unti, nauunawaan mong ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon at kailangan ang Diyos para iligtas sila. Natutuklasan mo na ang mga tao ay nabubuhay sa kasalanan, nakakulong sa isang tiwaling disposisyon na walang kalayaan, nabubuhay sa matinding pagdurusa, at sa malao’t madali ay matatangay sila ng masasamang kalakaran ni Satanas. Napagtatanto mo na hindi kaya ng mga tao na tumayo nang matatag sa kanilang sarili—gaano ka man katatag o kadeterminado, hindi mo magagarantiya na susunod ka sa Diyos hanggang sa huli—at na dapat mong hangarin ang katotohanan, dapat mong maranasan ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at mga pagpipino para maunawaan ang katotohanan at makilala ang iyong sarili, at saka pa lang na magkakaroon ka ng determinasyong sundin ang Diyos hanggang sa huli. Sa puntong ito ka nagsisimulang makaramdam ng kaunting pagmamadali tungkol sa pagkakaligtas. Napakahalaga ng pagkaunawa sa katotohanan para mailigtas. Ang paghahangad sa katotohanan ay isang mahalagang bagay na hindi dapat talikuran o kaligtaan ng isang tao. Kung hahangarin mo o hindi ang katotohanan ay may direktang kaugnayan sa pagkakaligtas, at ito ay hindi maihihiwalay na nakaugnay sa kung ikaw ay magagawang perpekto ng Diyos. Sa proseso ng pagganap ng iyong mga tungkulin, ang lahat ng problema at kahirapang iyong nararanasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan; ang iyong kahinaan, kamangmangan, at kahangalan ay unti-unti ring magbabago. Ano ang tinutukoy ng pagbabagong ito? Nangangahulugan ito na ang iyong kakayahang mapagtagumpayan ang kasalanan ay lumagong mas malakas, at ikaw ay nagiging mas sensitibo sa iyong mga tiwaling disposisyon at sa mga buktot na bagay. Nagkakamit ka ng higit na pagkilatis at damdamin sa mga usaping ito sa iyong puso. Sa kasalukuyan, ang ilang tao ay wala pa rin ng kamalayang ito, at wala silang nararamdaman kapag nakakikita sila ng kasalanan, kabuktutan, o mga satanikong bagay—hindi ito katanggap-tanggap at nagpapakita na malayo-layo pa rin ang kanilang tayog. Ang ilang iba pa ay walang damdamin, walang pagkilatis, at walang ni isang bakas ng tunay na pagkamuhi sa iba’t ibang makasalanang pag-uugali at sa iba’t ibang pangit na aspekto ni Satanas. Wala rin silang anumang kamalayan o pagkilatis, o kahit anumang pagkamuhi, para sa kanilang mga sariling pagkilos at katiwaliang inilalantad nila, gayundin ang mga tiwaling disposisyon at mga pangit na bagay sa kaibuturan ng kanilang puso—ang mga tao na ito ay malayo pa rin sa pagkakaroon ng tayog. Gayunpaman, gaano man kalayo ang agwat, gaano man kahina ang isang tao o gaano man kaliit ang kanyang tayog sa kasalukuyan, hindi ito problema, dahil binigyan ng Diyos ang mga tao ng isang landas at direksiyon para malutas ang mga isyung ito. Habang unti-unti mong naaabot ang pamantayan ng pagganap ng iyong mga tungkulin nang sapat, hinahangad mo rin ang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa mga katotohanang realidad. Habang hinahangad mo ang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa mga katotohanang realidad, lumalakas ang iyong kakayahang mapagtagumpayan ang kasalanan, at ang iyong kapasidad na kilatisin ang mga buktot na bagay ay tumataas din, sa gayon ay nalulutas ang iyong kahinaan at paghihimagsik sa iba’t ibang lawak. Halimbawa, kapag mababa ang iyong tayog at nakatagpo ka ng isang sitwasyon, kahit na alam mong hindi ito mabuti, maaari ka pa ring mapigilan at maitali nito, at makisali pa nga rito. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan at kayang magsagawa ng ilang katotohanan, bukod sa pagkasuklam sa mga gayong usapin sa iyong puso, tatanggihan mo rin at aayawang gawin ang mga ito; kasabay nito, tutulungan mo rin ang ibang makawala mula sa mga ito. Pag-unlad ito; paglago ito ng tayog. Ano ang mga palatandaan ng paglago ng tayog? Una sa lahat, ang isang tao ay may katapatan sa pagganap ng tungkulin, na wala nang mga pabasta-bastang pag-uugali. Dagdag pa rito, ang pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay nagiging mas tunay at mas praktikal, at may tunay na pagpapasakop sa Diyos. Higit pa rito, makikilatis at mapagtatagumpayan ng isang tao ang mga tukso at panggugulo ni Satanas; hindi na siya maililigaw o makokontrol ni Satanas, at makakawala siya sa impluwensiya ni Satanas. Sa pamamagitan nito, tunay na naabot ng isang tao ang pamantayan para sa pagkakaligtas.

Pagkatapos ng pagbabahaginan ngayon, alam na ba ninyo kung paano sukatin kung ang mga tungkulin na inyong ginagampanan ay naaayon sa pamantayan? Kung alam ninyo, pinatutunayan nitong kayo ay may kaunting pagkaunawa sa mga katotohanang ito at umunlad na; kung hindi, ito ay nagpapatunay na hindi ninyo naunawaan kung ano ang tinalakay, at nagkulang kayo. Kailangan ninyo ng kalinawan sa dalawang aspekto: Ang isa ay ang kakayahang suriin ang inyong sarili, at ang isa pa ay ang malaman kung paano gagampanan ang inyong tungkulin para maabot ang pamantayan at malaman ang landas. Sa nakalipas, nakapokus kadalasan ang ating mga talakayan sa pagganap ng tungkulin, na may kaunting pagbanggit sa pagganap nito nang sapat. Ngayon, ang pangunahing talakayan ay tungkol sa mga pamantayan para sa sapat na pagtupad ng tungkulin. Ang mga pamantayan para sa pagiging sapat at ang iba’t ibang katotohanang nakapaloob sa aspektong ito ay talagang napagbahaginan na nang malinaw. Bukod pa rito, kung anong mga isyu ang dapat iwasan at kung anong mga prinsipyo ang dapat panindigan sa proseso ng pagganap ng mga tungkulin, gayundin ang mga pagkakamali na hindi dapat gawin—napakahalaga ng lahat ng ito. Sa partikular, huwag magnakaw ng mga handog, huwag padalos-dalos na pumasok sa mga romantikong relasyon, at huwag salungatin ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung gagawin mo ang mga pagkakamaling ito, ganap ka nang tapos; wala nang pag-asang mailigtas. Kaya, huwag tahakin ang maling landas, huwag tahakin ang landas ng isang masamang tao. Sa sandaling tumuntong ka sa daang iyon, tunay na wala nang pag-asa; wala nang makapagliligtas sa iyo. Kung hindi ka ililigtas ng Diyos, tiyak na hindi mo rin maililigtas ang iyong sarili. Kung naabot ng isang tao ang puntong iyon, seryosong problema ito; hindi madaling bumalik. Iyon talaga ay isang daang patungo sa kawalan.

Nobyembre 28, 2018

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.