Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos (Ikalawang Bahagi)

Basahing muli ang pahayag na ito. (“Huwag kang mabalisang maghanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng masidhing paghahangad para sa Diyos, sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at pakana ni Satanas. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng humahadlang sa kalooban mo.”) Hayaan ninyong dalhin Ko ang atensiyon ninyo sa mahahalagang punto at ipaliwanag Ko sa inyo ang mga prinsipyo sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at kung paano maghahanap ng landas ng pagsasagawa sa mga ito. Basahing muli ang bawat linya ng sipi. (“Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan.”) Naglalaman ang linyang ito ng prinsipyo na dapat maunawaan ng mga tao. Ito ay ang: Huwag magmadali, huwag mataranta, huwag magmadali na makakita ng mga resulta. Isa itong saloobin. Nakasaad sa unang linyang ito ang tamang saloobin na dapat mayroon ang mga tao sa mga bagay-bagay. Nasa saklaw ng katwiran ng normal na pagkatao ang tamang saloobing ito; nasasaklaw ito ng katwiran at mga abilidad ng mga taong nagtataglay ng normal na pagkatao. Ngayon, basahin naman ninyo ang pangalawang linya. (“Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.”) Ano ang ibig sabihin nito? (Ito ang landas ng pagsasagawa na ibinibigay ng Diyos sa tao.) Tama, ganoon ito kasimple. Ito ang landas ng pagsasagawa. Ang “mas madalas” dito ay nangangahulugan na hindi mo ito dapat gawin kung kailan mo lang maibigan, at lalo namang hindi nang sobrang minsan lang; ibig sabihin nito ay sa sandaling sumagi sa isip mo ang mga bagay na ito, dapat mong dalhin ang mga iyon sa harapan ng Diyos para ikaw ay manalangin at maghanap. Kung nagdadala ka ng pasanin sa mga bagay na ito, kung may puso kang nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran, kung sabik kang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos sa mga usaping ito, pati na ang diwa ng mga problemang gusto mong makilatis, kung gayon ay dapat kang lumapit sa harapan ng Diyos nang mas madalas, ibig sabihin ay madalas na madalas. Depende sa kapaligirang kinalalagyan mo, kapag abala ka, maglaan ka ng libreng oras para isaalang-alang ang mga bagay na ito, na para bang pinag-iisipan mo ang tungkol sa mga ito, o nananalangin ka sa Diyos at naghahanap sa mga ito. Hindi ba’t malinaw na malinaw ang ganitong paraan ng pagsasagawa? (Malinaw nga.) Halimbawa, kapag nagpapahinga ka pagkatapos kumain, magbulay-bulay at manalangin ka, sabihin mo, “O Diyos, nakaranas ako ng kung ano-anong kapaligiran. Hindi ko maunawaan ang Iyong layunin, at hindi ko makilatis kung bakit nangyari ito sa akin. Ano nga ba talaga ang layunin ng taong ito? Paano ko ba dapat lutasin ang ganitong uri ng problema? Ano ang gusto Mong maunawaan ko mula sa usaping ito?” Sa ilang simpleng salitang ito, nananalangin ka at hinahanap mo sa Diyos ang tungkol sa mga usapin na nais mong hanapin at ang mga diwa ng mga problemang gusto mong maunawaan. Ano ang layon sa pananalangin nang ganito? Hindi mo lang basta inilalatag ang problema sa harapan ng Diyos, hinahanap mo ang katotohanan mula sa Diyos, sinusubukan mong hilingin sa Diyos na magbukas ng daan palabas para sa iyo at para sabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin tungkol sa bagay na ito, at hinihiling mo sa Diyos na bigyan ka ng kaliwanagan at na gabayan ka. Ano ang mga kondisyon na kinakailangan para magawa mo ito? (Hindi ako dapat maligalig na makahanap ng mga solusyon.) Ang hindi maligalig sa paghanap ng mga solusyon ay isa lamang saloobin—hindi naman sa hindi ka naliligalig na makahanap ng mga solusyon, kundi sa ilalim ng matinding paunang kondisyon sa iyo na hindi maligalig na makahanap ng mga solusyon, may puso kang nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, at nagdadala ka ng pasanin sa bagay na ito. Sa madaling salita, ang bagay na ito ay nagsisilbing isang uri ng pamemresyur sa iyo, at ang presyur na iyon ang naglalagay ng pasanin sa iyong mga balikat, nang sa gayon ay magkaroon ka ng problema na gusto mong maunawaan at malutas. Ito ang iyong landas ng pagsasagawa. Sa libre mong oras, sa mga oras ng regular na debosyonal, o kapag nakikipagkuwentuhan ka sa mga kapatid, maaari mong sabihin ang iyong mga paghihirap at problema, at makipagbahaginan at maghanap kasama ng mga kapatid. Kung hindi mo pa rin malutas ang mga problema, dalhin mo ang mga ito sa harapan ng Diyos para manalangin at hanapin ang katotohanan. Kapag ginagawa mo ito, sabihin mo, “O Diyos, hindi ko pa rin alam kung paano ko dapat maranasan ang kapaligirang isinaayos Mo para sa akin. Wala pa rin akong pagkaunawa tungkol dito, at hindi ko alam kung saan ako magsisimula o kung paano ako magsasagawa. Maliit ang tayog ko at maraming katotohanan ang hindi ko nauunawaan. Bigyan Mo nawa ako ng kaliwanagan at gabayan Mo nawa ako. Hindi ko alam kung ano ang gusto Mong makamit o maunawaan ko mula sa kapaligirang ito, o kung ano ang gusto Mong mabunyag tungkol sa akin sa pamamagitan ng kapaligirang ito. Bigyan Mo nawa ako ng kaliwanagan at pahintulutan akong maunawaan ang Iyong layunin.” Ito ang landas ng pagsasagawang matatagpuan sa linyang: “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas.” Magsagawa ka nang ganito, paminsan nag-iisip sa iyong puso, paminsan nananalangin sa Diyos nang tahimik at paminsan naman ay malakas, at paminsan ay nakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid. Kung mayroon ka ng mga pagpapamalas na ito, pinatutunayan nito na namumuhay ka na sa harapan ng Diyos. Kung madalas kang nakikipag-usap sa Diyos nang ganito sa iyong puso, kung gayon ay may normal kang ugnayan sa Diyos. Pagkalipas ng maraming taon ng gayong karanasan, likas kang makakapasok sa katotohanang realidad. May anumang suliranin ba sa pagsasagawang ito? (Wala.) Mabuti iyan. Halimbawa, minsan kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos, habang lalo kang nagbabasa, lalo namang lumiliwanag ang puso mo—ibig sabihin nito ay nakapagbasa ka ng mga salita na mayroon ka nang karanasan, at ang mga dati mong kuru-kuro at imahinasyon ay sabay-sabay na guguho. Sa pagkakataong ito, dapat kang manalangin sa Diyos at sabihing, “O Diyos, sa pagbabasa ko sa siping ito ay sumigla ang aking puso. Ang mga problema ko noon ay biglang naging malinaw na sa akin ngayon. Alam kong ito ang Iyong kaliwanagan, at nagpapasalamat ako sa Iyo sa pagpapahintulot sa akin na maunawaan ang siping ito ng Iyong mga salita.” Hindi ba’t muling pananalangin at paglapit ito sa harapan ng Diyos? (Oo.) Mahirap ba itong gawin? Maaari mo ba itong paglaanan ng panahon? (Oo.) Mula sa simula ng iyong paghahanap hanggang sa panalanging ito, hindi ba’t palagi mong maisasagawa ang prinsipyo ng mga salita ng Diyos na: “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas”? Kapag palagi kang namumuhay sa pagsasagawa ng mga salitang ito, at lagi kang kumakapit sa prinsipyo ng pagsasagawa na nakapaloob sa mga ito, at lagi kang namumuhay sa ganitong uri ng realidad, tinatawag ito na pagsunod sa isang prinsipyo ng pagsasagawa. Mahirap ba ito? (Hindi ito mahirap.) Hinihingi lamang nito na gamitin mo ang iyong puso, igalaw ang iyong bibig, maglaan ng ilang oras at kaunting pag-iisip, humahanap paminsan-minsan ng oras para makipag-usap sa Diyos at para ipagtapat at ibahagi ang mga salitang nasa puso mo. Ito ang paglapit sa harapan ng Diyos nang mas madalas. Ganoon ito kasimple, kawalang kahirap-hirap, at kadali. Walang mahirap sa bagay na ito. May bagay kang dinadala na itinuturing mong napakahalaga sa iyong puso, at itinuturing mo ito bilang isang pasanin, at hindi ito kailanman kinalilimutan o binibitiwan—may ganoong bagay ka sa iyong puso, at paminsan-minsan kang lumalapit sa harapan ng Diyos para manalangin sa Kanya, at para makipag-usap at makipagkuwentuhan sa Kanya tungkol dito. Anong uri ng puso ang dapat mayroon ka kapag nakikipag-usap ka sa Diyos? (Isang tapat na puso.) Tama iyan, dapat mayroon kang tapat na puso. Kung nagdadala ka ng pasanin, magiging tapat ang puso mo. Kapag nagkukuwentuhan ang iba, ikaw naman ay mananalangin at makikipagbahaginan sa Diyos sa iyong puso. Minsan, kapag pagod ka sa trabaho at nagpapahinga, maaalala mo ang naturang usapin, at sasabihin mo, “Hindi ito maganda, hindi ko pa rin nauunawaan ang usaping ito. Kailangan ko pa ring makipag-usap sa Diyos tungkol dito.” Bakit mo maaalala ang bagay na ito sa tuwing may oras ka? Dahil lubhang sineseryoso mo ito sa iyong puso, itinuturing mo ito bilang sarili mong pasanin at isang uri ng responsabilidad, at gusto mong maunawaan ito at lutasin ito. Kapag lumalapit ka sa Diyos at nakikipag-usap at nakikipagkuwentuhan sa Kanya nang taos-puso, likas na magiging tapat ang iyong puso. Kapag nakikipagbahaginan ka sa Diyos sa ganitong konteksto at sa ganitong mentalidad, mararamdaman mong hindi na kasinglamig at kasinglayo ng dati ang ugnayan mo sa Diyos, sa halip ay mararamdaman mo na lalo kang nagiging malapit sa Kanya. Ganito kaepektibo sa mga tao ang mga landas ng pagsasagawa na ibinibigay ng Diyos sa tao. Ano sa palagay mo, mahirap bang makipag-ugnayan sa Diyos nang ganito? Sineseryoso mo ang isang bagay, kinakausap mo paminsan-minsan ang Diyos tungkol dito, lumalapit ka sa Diyos at binabati siya paminsan-minsan, kinakausap mo ang Diyos tungkol sa kung ano ang laman ng puso mo at tungkol sa mga paghihirap mo, sinasabi mo kung anong mga bagay ang gusto mong maunawaan, ang mga bagay na iniisip mo, mga alinlangan mo, mga paghihirap mo, at mga responsabilidad mo—kung kinakausap mo ang Diyos tungkol sa lahat ng bagay na ito, hindi ba’t namumuhay ka sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng ganitong paraan ng pagsasagawa? Pagsasagawa ito ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kung magsasagawa ka nang ganito sa loob ng ilang panahon, hindi ba’t makakakita ka ng mga resulta at makakaani ng mga gantimpala nang napakabilis? (Oo.) Pero hindi ito ganoon kasimple, isa itong proseso. Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, lalong magiging malapit ang ugnayan mo sa Diyos, lalong bubuti ang mentalidad mo, lalong magiging normal ang kalagayan mo, at lalong titindi ang interes mo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ay pagkakaroon ng normal na ugnayan sa Diyos. Kung kaya mong unawain ang ilang katotohanan at isagawa ang mga ito, magsisimula ka nang makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Subalit hindi ito makakamit sa loob lamang ng maikling panahon. Maaaring tumagal ito nang anim na buwan, isang taon, o maaaring dalawa o tatlong taon pa nga bago ka makakita ng malilinaw na resulta. Mawawala ba ang katiwalian at paghihimagsik ng mga tao sa panahong ito? Hindi. Kahit makailang beses ka nang nanalangin sa Diyos, at nagsagawa sa ganitong paraan, ibig bang sabihin niyon ay tiyak nang makakakuha ka ng mga resulta? Dapat bang magpakita sa iyo ang Diyos ng resulta? Dapat ka ba Niyang bigyan ng kasagutan? Hindi kinakailangan. Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi siguradong makakakuha ako ng mga resulta at kung hindi garantisado ang mga resulta, bakit kumikilos pa rin ang Diyos nang ganito? Bakit pinagsasagawa Niya ang mga tao sa ganitong paraan?” Huwag kang mag-alala, tiyak na may ibubunga ang pagsasagawa sa ganitong paraan. Kahit magsagawa ka sa ganitong paraan sa loob ng isa o dalawang taon at hindi isiping nakakuha ka ng anumang resulta sa mabilis o maikling panahon, maaaring makalipas ang lima o sampung taon, kapag muling nagsasaayos ang Diyos ng isang kaparehong kapaligiran para sa iyo, mabilis mong matatanto ang isang aspekto ng katotohanan na hindi mo natanto noon. Subalit, ang katotohanang ito na napagtanto at naunawaan mo pagkalipas ng lima o sampung taon ay nangangailangan ng pundasyong itinayo ng kasalukuyan mong mga karanasan, kaalaman, at pagkaunawa. Ang pagkakatantong ito ay dapat na nakabatay sa pundasyong ito. Sa tingin mo ba ay madali para sa mga tao na maunawaan ang isang aspekto ng katotohanan? (Hindi ito madali.) Ito ang saysay at halaga ng pagbabayad ng halaga upang maisagawa ang katotohanan. Ito ang prinsipyo ng pagsasagawa na nakasaad sa pangalawang linya. “Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso”—nasusulat ang linyang ito sa wikang simple at madaling maunawaan, at napakadali nitong maintindihan. Ibig sabihin nito ay dapat manalangin ka nang mas madalas at magtaglay ng tapat na puso, dahil ang tapat na puso ang nagbibigay katuparan sa mga bagay-bagay. Ganoon ito kasimple. Gayumpaman, ang mga salitang ito ay isang katotohanang realidad na dapat pasukin ng bawat tao at ang tanging landas kung saan makalalapit sila sa harapan ng Diyos at makapagtatamo ng kaligtasan sa huli. Bagama’t sinabi ang linyang ito sa payak at simpleng mga salita, kailangang dumanas at pumasok ang lahat sa ganitong paraan. Katulad ito ng pagtatayo ng gusali. Kahit mayroon pa itong 30 palapag, 50 palapag, o kahit pa nga isandaang palapag, dapat mayroon itong pundasyon. Kung hindi matibay ang pundasyon ng gusali, kahit gaano pa kataas ang gusali, hindi ito tatagal nang mahabang panahon, guguho ito sa loob lamang ng ilang taon. Ibig sabihin, habang nabubuhay sa mundong ito, dapat magkaroon ng katotohanan ang mga tao bilang kanilang pundasyon. Ito lamang ang tanging paraan para makatayo sila nang matatag at makuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung gusto ng mga taong maunawaan ang mas malalim at mas matataas na antas ng katotohanan, dapat magkaroon sila ng mga pinakapangunahing bagay—ibig sabihin, ang mga bagay na bumubuo sa isang pundasyon. Ang pagkakaroon ng hindi matibay na pundasyon ang pinakadelikadong bagay. Huwag mong hamakin ang mga pinakapangunahing katotohanang ito, ang mga pinakapangunahing prinsipyo at landas na ito ng pagsasagawa. Hangga’t katotohanan ang mga ito, ito ang mga bagay na dapat taglayin at isagawa ng mga tao. Malaki man ito o maliit, mataas man ito o mababa, hindi ito mahalaga. Dapat magsimula ka sa mga saligan. Ito lamang ang tanging paraan para makapaglatag ng matibay na pundasyon.

Ngayon, basahin mo ang pangatlong linya. (“Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat.”) Ano ang tinutukoy ng “Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat”? Tumutukoy ito sa pananalig at pangitain. Kapag sinusuportahan at ginagabayan ka ng pangitaing ito, magkakaroon ka ng landas sa harapan mo. Magkakaroon ba ng epekto ang pagsasagawa sa ganitong paraan? Sinasabi ng ilang tao, “Nabagot na ako sa lahat ng pagsasagawang ito, at hindi pa rin ako binigyan ng Diyos ng kaliwanagan o wala pa rin Siyang sinabi sa akin. Hindi ko maramdaman ang presensiya ng Diyos? Mayroon ba talagang Diyos?” Hindi ka maaaring mag-isip nang ganito. Makapangyarihan ang Diyos sa lahat, kausapin ka man Niya o hindi. Kapag gusto ng Diyos na kausapin ka, at kinakausap ka Niya, Siya pa rin ang makapangyarihan sa lahat. Kapag ayaw ng Diyos na kausapin ka, at hindi ka Niya kinakausap, makapangyarihan pa rin Siya sa lahat. Makapangyarihan ang Diyos sa lahat itulot man Niya na maunawaan mo ang mga bagay-bagay o hindi. Hindi maaaring magbago ang diwa at pagkakakilanlan ng Diyos. Ito ang pangitain na dapat maunawaan ng mga tao. Ito ang pangatlong linya, at napakasimple nito. Bagama’t simple ito, dapat maranasan ito mismo ng mga tao. Kapag naranasan ito ng mga tao, kukumpirmahin nito sa kanila na ang mga salitang ito ay talagang ang katotohanan at hindi na nila pangangahasan pang pagdudahan ang mga ito sa anupamang paraan.

Ituloy ang pagbabasa sa pang-apat na linya. (“Dapat kang magkaroon ng masidhing paghahangad para sa Diyos.”) “Dapat kang magkaroon ng masidhing paghahangad para sa Diyos,” ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kailangang maunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng “masidhi.” Ang pagmamayabang at pagpapakitang-gilas ba, ang pagkakaroon ng pusong puno ng ambisyon, ang pagiging mapagmataas at mapagmagaling, ang pagiging dominante at diktatoryal, at ang hindi pagsunod sa kaninuman ay “masidhi”? Paano ba dapat unawain ang linyang “isang masidhing paghahangad para sa Diyos”? Paano ka ba magkakaroon ng “paghahangad para sa Diyos”? Gaya ito ng nakasaad sa naunang linya, dapat mong “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso”—dapat mayroon kang pagnanais at pag-aasam na hangaring maunawaan ang katotohanan, at hangarin ang kaligtasan, at dapat mayroon ka ring pagnanais na tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga pamamatnugot ng Diyos, para magtamo ng pagkaunawa tungkol sa mga layunin ng Diyos at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Tinatawag ito na masidhing paghahangad para sa Diyos. Bagama’t gumagamit ang Diyos ng wika ng mga tao para malinaw na mailarawan ang bagay na ito, dapat maarok ng mga tao ang kahulugan nito sa dalisay na paraan, at hindi ito bigyan ng interpretasyon sa sukdulang paraan. Hindi tumutukoy ang salitang “masidhi” rito sa artipisyal na paggamit ng malabis na puwersa para gawin ang mga bagay-bagay nang walang paghuhunos-dili. Hindi ito kinapapalooban ng karahasan, lalo naman ng kamangmangan o kawalan ng ingat. Ang “masidhi” ay pangunahing tumutukoy sa paghahangad ng isang tao. Para itong kapag labis na pinapahalagahan ng isang tao ang isang bagay hanggang sa puntong kailangang-kailangan niyang makuha ito, at kapag determinado siyang maging pag-aari ito at hindi siya susuko hangga’t hindi niya nakukuha ito. Ang “masidhing paghahangad para sa Diyos” ay isang ganap na positibong bagay at maaari lamang makapagkamit ng mga positibong resulta. Kaya, ano ang eksaktong kahulugan ng “masidhing paghahangad para sa Diyos”? (Ang ibig sabihin nito ay ang humarap sa Diyos nang mas madalas at ang magkaroon ng pagnanais at kapasyahan na maunawaan ang katotohanan at ang maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa mga bagay na nakakaharap ng isang tao.) Tama iyan, ganyan lang ito kasimple. Ang ibig sabihin lang nito ay ang talikuran ang mga interes at layaw ng iyong laman, at isakripisyo din ang iyong pribadong oras ng paglilibang, at gamitin ang panahong ito para sa mga positibong bagay, gaya ng paghahanap mula sa Diyos, pagdarasal sa Diyos, pagharap sa Diyos, at para hangaring maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Tungkol ito sa makatwirang pananalangin para sa isang bagay, at sa paghahanap, paggugol ng iyong oras at lakas, at pagbabayad ng partikular na halaga upang maunawaan ang isang aspekto ng katotohanan. Tinatawag ito na masidhing paghahangad para sa Diyos. Tumpak na paraan ba ito para ilarawan ito? Nakaayon ba ito sa katwiran ng normal na pagkatao? Madali bang maunawaan ang mga salitang ito? (Oo.) Kaya, ang mga pagpapamalas bang ito ay kinapapalooban ng pagiging agresibo at ng marahas na pagkuha sa mga bagay na gusto ng isang tao? Naipapamalas ba ito sa kawalan ng galang, ingat at karunungan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng “masidhi”? Ulitin nga ninyo ang mga bagay na kasasabi Ko lang sa inyo. (Ibig sabihin nito ay ang magawang humarap sa Diyos nang mas madalas, ang pagkakaroon ng paghahangad na maunawaan ang katotohanan, ang magawang talikuran ang ilan sa mga layaw ng laman, paggugol ng mas maraming panahon at lakas sa paghahanap ng katotohanan, at ang magawang gumugol ng lakas at magbayad ng halaga para dito.) Kaya paano ba ito kongkretong naisasagawa? Magbibigay Ako ng halimbawa. Minsan ay bigla mo na lang maiisip na matagal-tagal na palang panahon ang nakalipas mula nang makita mo ang paborito mong aktor at napapaisip ka tuloy kung saang mga pelikula siya kasama. Gugustuhin mong maghanap ng balita tungkol sa kanya sa kompyuter, pero magbubulay-bulay at mapag-iisip-isip mo, “Hindi iyon tama, ano naman ang kinalaman sa akin ng mga pelikula niya? Ang panonood lagi ng mga pelikula ay tinatawag na pagpapabaya sa nararapat na trabaho ng isang tao. Kailangan kong humarap sa Diyos at manalangin.” Pagkatapos nito, hihinahon ka at sa presensiya ng Diyos ay maaalala mo ang problemang hinahanapan mo ng kasagutan. Wala ka pa ring anumang kabatiran tungkol sa bagay na iyon at hindi mo talaga ito nauunawaan, kaya patatahimikin mo na lang ang iyong puso sa harapan ng Diyos, at mananalangin ka sa Kanya. “O Diyos, handa akong ialay ang puso ko sa harapan Mo. Lubha akong naapektuhan ng kapaligirang nararanasan ko nitong mga nakaraan. Gayumpaman, hindi pa rin ako makapagpasakop, at hindi ko pa rin makita nang malinaw na ito ang Iyong kataas-taasang kapangyarihan. Bigyan nawa ako ng kaliwanagan, gabayan nawa ako, at ibunyag ang aking katiwalian at paghihimagsik sa kapaligirang isinasaayos Mo para sa akin, nang sa gayon ay maunawaan ko ang Iyong layunin at makapagpasakop ako.” Pagkatapos mong manalangin, magbubulay-bulay ka at maiisip mo, “Hindi pa rin nalulutas ang problema ko. Kailangan ko pang magbasa ng mga salita ng Diyos para makahanap ng solusyon.” Pagkatapos, ipagpapatuloy mo kaagad ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos nang ilang oras. Pagtingin mo sa orasan, sasabihin mo, “Kalahating oras na pala ang nakalipas! Talagang mabuti ang mga salita ng Diyos, pero wala man lang kaugnayan ang pahayag na nabasa ko sa aking problema, kaya hindi pa rin naresolba ang aking isyu. Hindi ko alam kung ano ang gusto ng Diyos na maunawaan ko sa pamamagitan ng pagsasaayos ng kapaligirang ito para sa akin at hindi ko alam ang Kanyang layunin. Dapat asikasuhin ko na kaagad ang paggampan sa aking tungkulin at hindi ko dapat ipagpaliban ang mahahalagang bagay. Baka sakaling isang araw ay mabasa ko na ang mga angkop na salita ng Diyos at malutas ko na ang aking problema.” Paggugol ba ito ng oras at lakas? (Oo.) Ganoon lang ito kasimple. Habang naghihimagsik ka laban sa sarili mong mga kagustuhan at tinatalikdan ang iyong kasiyahan at oras sa paglilibang, magkakaroon ka ng gapatak na sinseridad at bahagya mong maisasagawa ang tungkol sa masidhing paghahangad para sa Diyos. Makakaramdam ka sa iyong puso ng matinding kapanatagan at kapayapaan. Sa pinakaunang pagkakataon sa buhay mo, personal mong mararanasan ang dakilang kapayapaan at pagpapalakas na dulot ng paghihimagsik laban sa laman at paglayo sa layaw ng sarili mong laman. Personal mo ring matitikman kung paanong nakapagbibigay sa iyo ng kapayapaan at kaligayahan ang pananahimik sa harapan ng Diyos, ang pagbabasa ng Kanyang mga salita, ang pagbubukas ng iyong puso sa Diyos, at ang pagsasabi ng nilalaman ng iyong puso sa Kanya—na hindi maibibigay ng pagpapahalaga sa mga bagay na nauuso at sa mga usaping panlipunan—at maaari ka ring may matamo mula rito, at mauunawaan mo ang katotohanan at malinaw na maiintindihan ang maraming bagay. Bunga nito, mararamdaman mo na talagang mabubuti ang mga salita ng Diyos, na tunay na mabuti ang Diyos, at na ang pagtatamo ng katotohanan ay talaga ngang pagtatamo ng kayamanan. Maliban sa malinaw mong mauunawaan ang maraming bagay nang hindi nalilito, magagawa mo ring makapamuhay sa harapan ng Diyos at makapamuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ang mga epektong maaaring makamit ng masidhing paghahangad para sa Diyos. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan, ang pagbuhos ng iyong panahon at lakas, at pagtalikod sa layaw ng iyong laman—isa ito sa mga pagpapamalas ng masidhing paghahangad para sa Diyos. Kaya, ano sa palagay ninyo? Hungkag ba ang pagpapamalas na ito? (Hindi ito hungkag.) Madali ba itong makamit? (Oo.) Napakadali nitong makamit. Isa itong bagay na maaaring makamit ng mga taong may normal na pagkatao.

Kapag may mga saloobin ang mga tao, may pagpipilian sila. Kung may mangyari sa kanila at magkamali sila ng desisyon, dapat silang magbago at magdesisyon nang tama; hinding-hindi nila dapat panindigan ang kanilang pagkakamali. Matalino ang ganitong mga tao. Pero kung alam nilang nagkamali sila ng desisyon at hindi sila nagbago, sila ay isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi talaga gusto ng gayong tao ang Diyos. Halimbawa, sabihin nang gusto mong maging pabasta-basta kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Sinusubukan mong magpakatamad, at sinusubukang iwasan ang masusing pagsisiyasat ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, magmadali kang lumapit sa Diyos para manalangin, at pagnilay-nilayan mo kung tama bang kumilos nang ganito. Tapos, pag-isipan mo ito: “Bakit ba ako nananampalataya sa Diyos? Maaaring makalusot sa mga tao ang gayong pagpapabasta-basta, pero makakalusot ba ito sa Diyos? Dagdag pa rito, nananampalataya ako sa Diyos hindi para magpakatamad—ito ay para maligtas. Ang pagkilos ko nang ganito ay hindi pagpapahayag ng normal na pagkatao, ni hindi ito kaibig-ibig sa Diyos. Hindi, maaaring magpakatamad ako at gawin ang gustuhin ko sa mundo sa labas, pero nasa sambahayan ng Diyos na ako ngayon, nasa ilalim na ako ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nasa ilalim ng masusing pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos. Isa akong tao, dapat akong kumilos ayon sa aking konsensiya, hindi ko maaaring gawin kung ano lang ang maibigan ko. Dapat akong kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ako dapat maging pabasta-basta, hindi ako maaaring magpakatamad. Kaya paano ako dapat kumilos para hindi maging tamad, para hindi maging pabasta-basta? Dapat magsikap ako. Ngayon-ngayon lang, pakiramdam ko ay napakamatrabaho nitong gawin nang ganito, gusto ko sanang umiwas sa paghihirap, pero ngayon nauunawaan ko na: Maaaring matrabaho itong gawin nang ganoon, pero epektibo ito, kaya naman ganoon ito dapat gawin.” Kapag gumagawa ka at natatakot ka pa ring mahirapan, sa mga pagkakataong iyon, dapat manalangin ka sa Diyos: “O Diyos! Tamad at tuso akong tao, nagsusumamo ako sa Iyo na disiplinahin ako, na pagalitan ako, upang makaramdam ang konsensiya ko, at makaramdam ako ng kahihiyan. Ayaw kong maging pabasta-basta. Nagsusumamo ako sa Iyo na gabayan Mo ako at bigyan ako ng kaliwanagan, na ipakita sa akin ang aking paghihimagsik at kapangitan.” Kapag nananalangin ka nang gayon, nagninilay-nilay at sinusubukang kilalanin ang iyong sarili, dahil dito ay uusbong ang pakiramdam ng pagsisisi, at magagawa mong kapootan ang iyong kapangitan, at ang maling kalagayan sa iyong puso ay magsisimulang magbago, at magagawa mong pagbulay-bulayan ito at sabihin sa iyong sarili, “Bakit ako pabasta-basta? Bakit lagi kong sinusubukang magpakatamad? Ang kumilos nang ganito ay walang kakonse-konsensiya o katwiran—isa pa rin ba akong taong nananampalataya sa Diyos? Bakit hindi ko sineseryoso ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t kailangan ko lang maglaan nang kaunti pang panahon at pagsisikap? Hindi naman ito mabigat na pasanin. Ito ang nararapat kong gawin; kung hindi ko man lang ito magagawa, karapat-dapat ba akong tawaging isang tao?” Bunga nito, magpapasya at mangangako ka: “O Diyos! Nabigo Kita, tunay ngang lubos akong nagawang tiwali, wala akong konsensiya o katwiran, wala akong pagkatao, gusto ko sanang magsisi. Nagsusumamo ako na patawarin Mo ako, talagang magbabago ako. Kung hindi ako magsisisi, parusahan Mo ako.” Pagkatapos nito, magbabago ang iyong pag-iisip, at magsisimula kang magbago. Kikilos at gaganap ka ng iyong mga tungkulin nang may katapatan, nang hindi na masyadong pabasta-basta, at magagawa mo nang magdusa at magbayad ng halaga. Mararamdaman mong napakasarap gawin ang iyong tungkulin sa ganitong paraan, at ang iyong puso ay magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan. Kapag kayang tanggapin ng mga tao ang pagsusuri ng Diyos, kapag kaya nilang manalangin sa Kanya at umasa sa Kanya, magbabago ang kanilang kalagayan sa madaling panahon. Kapag nabaligtad ang negatibong kalagayan ng puso mo, at naghimagsik ka laban sa sarili mong mga layunin at sa mga makasariling pagnanais ng laman, kapag nagagawa mong bitiwan ang kaginhawahan at layaw ng laman, at kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi ka na padalos-dalos at walang ingat, magkakaroon ka ng kapayapaan sa iyong puso at hindi ka uusigin ng iyong konsensiya. Madali bang maghimagsik laban sa laman at kumilos nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos sa ganitong paraan? Hangga’t may masidhing paghahangad para sa Diyos ang mga tao, maaari silang maghimagsik laban sa laman at maisasagawa nila ang katotohanan. At hangga’t nagagawa mong magsagawa sa ganitong paraan, magugulat ka na lang na nakakapasok ka na pala sa katotohanang realidad. Hinding-hindi ito magiging mahirap. Siyempre, kapag isinasagawa mo ang katotohanan, kailangan mong dumaan sa proseso ng tunggalian at sa proseso ng pagbabago sa iyong pag-iisip, at dapat malutas ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Kung isa kang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, mahihirapan kang lutasin ang negatibo mong kalagayan, at hindi mo magagawang maunawaan at isagawa ang katotohanan. Ang tindi ng hirap na kinakaharap ng isang tao sa proseso ng pagbabago sa kanyang pag-iisip ay nakadepende sa kung kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan. Kung hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan, masyadong magiging mahirap para sa kanya na baguhin ang kanyang pag-iisip. Sa kabilang banda naman, hindi man lang mahihirapan ang mga taong kayang tumanggap ng katotohanan. Likas silang makapagsasagawa at makapagpapasakop sa katotohanan. Makakaasa sa Diyos ang mga taong talagang nagmamahal sa katotohanan para mapagtagumpayan ang kahit anong klase ng paghihirap. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng patotoong batay sa karanasan, at isa itong pusong may masidhing pag-aasam para sa Diyos. Dahil ang puso mo ay may masidhing pag-aasam para sa Diyos, ibig bang sabihin nito ay hindi ka pinapahintulutang magkaroon ng katiwalian at paghihimagsik? Hindi. Dahil may puso kang may masidhing pag-aasam para sa Diyos, ibig sabihin nito ay makakakilos ka kahit papaano nang ayon sa iyong konsensiya at katwiran, at mahahanap mo ang katotohanan. Sa ganitong paraan, makapagdedesisyon ka nang tama sa anumang sitwasyon, at makapagsasagawa at makakapasok ka sa tamang direksyon. Tinatawag ito na pusong may masidhing pag-aasam para sa Diyos. Hungkag ba ang mga pagpapamalas na ito? (Hindi hungkag ang mga ito.) Hindi hungkag o malabo ang mga ito, napakapraktikal at napakakongkreto ng mga ito, at hindi abstrakto. Sinasabi ng ilang tao: “Maraming taon na akong naniniwala sa Diyos, pero lagi akong nahaharap sa mga paghihirap tuwing kailangan nang isagawa ang katotohanan. Pinagpapawisan ako nang husto sa sobrang pagkabalisa, pero wala pa rin akong landas. Gusto ko laging isagawa ang katotohanan nang hindi humaharap sa anumang pisikal na hirap o nang hindi nadedehado ang aking mga interes, at bunga nito, hindi ako makahanap ng landas. Ngayon ko lamang napagtatanto na napakasimple lang palang magkaroon ng pusong may masidhing pag-aasam para sa Diyos. Kung nalaman ko lang sana ito noong una pa lang at isinagawa ang mga salitang ito nang mas maaga!” Sino ang dapat mong sisihin sa hindi mo pagsasagawa ng mga salita ng Diyos? Sino ang pumilit sa iyo na huwag pahalagahan ang mga salita ng Diyos sa loob ng mahabang panahong ito, at sa halip ay kumilos nang walang direksyon? Ngayon, mabubuod na natin ang isang pangungusap: Kapag nananampalataya ka sa Diyos, kailangan mong isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos upang maunawaan ang katotohanan; kapag narating mo lamang ang punto kung saan hinaharap mo ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo ay saka mo lamang matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Hinding-hindi mo dapat gawin ang mga bagay ayon sa sarili mong kalooban, o hangarin ang kasikatan at kapakinabangan, at hindi ka dapat bumuo ng mga barkadahan o maghanap ng mga padrino sa loob ng iglesia. Walang magandang kahahantungan ang mga gumagawa nito. Ang mga hindi tumututok sa pagganap nang mabuti sa kanilang mga tungkulin, ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, ang mga laging tumitingala at umaasa sa ibang tao, at ang mga mahilig sumunod sa mga huwad na lider at anticristo sa paglikha ng mga walang katuturang kaguluhan, ay idinudulot ang sarili nilang pagkawasak sa pamamagitan ng pagkilos nang walang direksyon, at dahil dito ay nawawalan sila ng pagkakataong mailigtas. Ikinagugulat nila ito. Kung gusto mong pigilan ang iyong sarili na tumahak ng sarili mong daan, dapat mas madalas ka pang humarap sa Diyos, at manalangin sa Kanya at hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Sa ganitong paraan mo matatamo ang resulta ng pagkaunawa sa katotohanan, matatahak ang landas ng pagsasagawa sa katotohanan, at mapapasok ang realidad ng katotohanan. Ang mahalagang punto rito ay na hindi ka dapat sumunod o makiayon sa ibang tao kailanman, sumusunod sa taong ito isang araw dahil iniisip mong mahusay siya, at pagkatapos ay susunod naman sa ibang tao sa sumunod na araw dahil iniisip mong tama siya, gumugugol ng napakaraming oras sa pagkilos nang walang direksyon nang walang natatamong katotohanan. Kahit anong mga problema pa ang makaharap mo, dapat mong hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga iyon ayon sa mga salita ng Diyos. Kung bulag kang susunod sa ibang tao, sinusunod ang sinumang mahusay magsalita at gumagamit ng mga salitang maganda sa pandinig, malamang na malilinlang ka. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay dapat manampalataya lamang na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, dapat makinig lamang sila sa mga salita ng Diyos, at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag ginawa mo ito, maiiwasan mong sumunod sa ibang tao at sumama sa kanila sa maling landas.

Ituloy ang pagbabasa sa kasunod na linya. (“Sabik na sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas.”) Tungkol din ito sa pagsasagawa. Tumutukoy ang “Sabik na sabik na naghahanap” sa kagustuhang maisagawa ang katotohanan pero wala namang landas, at sa kagustuhang mapalugod ang Diyos pero hindi naman alam kung paano magsasagawa—kapag ganito ka kasabik, maghahanap ka at mananalangin. Palagi mong nararamdaman na masyadong maraming kulang sa iyo, lalo na kapag nakikita mo ang iyong sarili na walang landas kapag may mga nangyayari sa iyo, hindi nalalaman kung ano ang gagawin para mapalugod ang Diyos, laging nagrerebelde at ginagawa ang mga bagay-bagay sa paraang gusto mo, nang may maligalig na puso, nagnanais na isagawa ang katotohanan, pero hindi alam kung paano gagawin ito—ito ang pakiramdam ng pagiging sabik na sabik. Kung sabik na sabik ka, dapat kang maghanap. Kung hindi ka maghahanap, hindi ka magkakaroon ng landas. Kung hindi ka maghahanap, mahuhulog ka sa kadiliman. Kung hindi ka kailanman maghahanap, magiging katapusan mo na. Ikaw ay magiging isang hindi mananampalataya. Ano ang ibig sabihin ng “tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas”? Ang ibig sabihin nito ay kapag nahaharap ang mga tao sa mga sitwasyon, palagi silang may sariling kalooban, palagi nilang naiisip ang mga interes ng sarili nilang laman, at palagi silang naghahanap ng palusot para sa kanilang laman. Sa ganitong mga pagkakataon, uusigin ka ng iyong konsensiya, uudyukan kang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Sa gayong mga sitwasyon, magtatalo ang iyong kalooban, at dapat mong tanggihan ang mga pagdadahilan ni Satanas at tanggihan ang iba’t ibang dahilan ng laman. Ang ibig sabihin ng “pagtanggi” ay ang magawang makilatis at lubos na maunawaan ang iba’t ibang palusot at dahilan na mayroon ang mga tao kung bakit hindi nila isinasagawa ang katotohanan, na siyang mga intensyon at panloloko ni Satanas, at pagkatapos ay maghimagsik laban sa mga ito. Ito ang proseso ng pagtanggi. Minsan, lumilitaw sa mga tao ang ilang partikular na tiwaling ideya, intensyon, at mithiin, pati na ang ilang kaalaman ng tao, pilosopiya, teorya, at mga gawi, kaparaanan, panloloko, at pakana sa pakikisalamuha sa iba, at iba pa. Kapag nangyayari ito, dapat mabatid kaagad ng mga tao na ang mga ito ay mga tiwaling bagay na nabubunyag nila, at dapat nilang makontrol ang mga ito, hanapin ang katotohanan, suriin ang mga ito nang lubusan, makita ang realidad ng mga ito nang malinaw, at lubusang tanggihan at maghimagsik laban sa mga ito, nang sinusugpo ang mga ito kaagad. Kahit kailan pa ito mangyari, hangga’t lumilitaw sa isang tao ang mga tiwaling ideya, kaisipan, intensyon, o kuru-kuro, dapat niyang makontrol kaagad ang mga iyon, kilatisin at malinaw na maunawaan ang mga ito, maghimagsik laban sa mga ito, at pagkatapos ay magbagong-buhay. Ganoon ang proseso. Ganito dapat isagawa ang pagtanggi kay Satanas at ang paghihimagsik laban sa laman. Hindi ba’t napakasimple nito? Sa katunayan, natalakay na ang prosesong ito sa dalawang halimbawang kababanggit lang. Isa itong prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagharap sa mga hindi wastong kalagayan na lumilitaw sa mga tao kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila.

Ituloy ang pagbabasa. (“Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso.”) Ang ibig sabihin nito ay maghanap at maghintay nang buong puso at isip. Ang apat na simpleng pangungusap na ito na “Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso” ay may dalawang kahulugan. Ano ang dalawang kahulugang ito? (Ang una ay huwag mawalan ng pag-asa at huwag manghina. Ibig sabihin, huwag kang panghinaan ng loob o masiraan ng loob kapag nahaharap ka sa mga paghihirap o pansamantala mong hindi maunawaan ang mga bagay-bagay sa proseso ng iyong paghahanap. Ang pangalawa ay na dapat kang maghanap at maghintay nang buong puso. Ibig sabihin, dapat may tiyaga ka sa proseso ng iyong paghahanap, dapat patuloy kang maghanap at manalangin kapag hindi mo nauunawaan, at hintayin mong mahayag ang mga layunin ng Diyos. Ito ang pangalawang kahulugan.) Ang ibig sabihin ng “Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina.” ay dapat panatilihin ng mga tao ang tunay na pananalig sa Diyos, manampalataya na ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, at na maaari silang bigyan ng Diyos ng kaliwanagan at maipaunawa sa kanila ang katotohanan. Kaya bakit hindi mo maunawaan ang katotohanan ngayon? Bakit hindi ka binibigyan ng Diyos ng kaliwanagan ngayon? Tiyak na may dahilan ito. Ano ang isang pangunahing dahilan? Ito ay dahil sadyang hindi pa dumarating ang oras na itinakda ng Diyos. Sinusubok ng Diyos ang pananalig mo, at kasabay nito, gusto Niyang gamitin ang pamamaraang ito para palakasin ang iyong pananalig. Ito ang pangunahing bagay na dapat maunawaan at malaman ng mga tao. Ipagpalagay nang kumilos ka alinsunod sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos, nanalangin ka, naghanap ka, may puso kang may masidhing pag-aasam para sa Diyos, sinimulan mong pahalagahan ang mga salita ng Diyos, interesado ka sa mga salita ng Diyos, at madalas mong pinapaalalahanan ang iyong sarili na isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, na humarap sa Diyos, na huwag lumayo sa Kanya, at na maghanap kapag ginagawa ang mga bagay-bagay. Subalit iniisip mo, “Sa tingin ko, hindi ko pa malinaw na naramdaman na binigyan ako ng Diyos ng anumang espesyal na kaliwanagan, pagtanglaw, o patnubay, at hindi ko nga malinaw na nararamdamang binigyan ako ng Diyos ng anumang natatanging kaloob, talento, o mga espesyal na abilidad para sa tungkuling ginagampanan ko. Sa halip, pakiramdam ko ay mas nakakaunawa pa ang mga taong hindi ko naman kapantay, mas mahusay sila sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at mas mahusay magsalita sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Bakit hindi ako kasinghusay ng ibang tao? Bakit narito pa rin ako sa lugar na ito at hindi gaanong umuusad?” May dalawang dahilan ito: Ang isang dahilan ay dahil maraming problema ang mga tao, gaya ng kanilang mga indibidwal na pamamaraan, intensyon, at pakay sa paghahanap, pati na ang mga intensyon at motibo nila sa pananalangin sa Diyos at sa paghiling sa Diyos, at iba pa. Sa lahat ng bagay na ito, kailangan mong magnilay-nilay, magtamo ng kaalaman, tuklasin ang mga problema sa loob, at agarang baguhin ang tinatahak mong landas. Hindi na kailangan pang idetalye ang tungkol dito. Ang pangalawang dahilan ay na may sariling pamamaraan ang Diyos sa kung gaano karami ang ibinibigay ng Diyos sa iba’t ibang tao, at kung paano Niya ito ipinagkakaloob sa kanila. Sinabi ng Diyos ang mga salitang: “Ako ay magkakaloob ng biyaya sa kanino mang Aking ibig pagkalooban, at Ako ay magpapakita ng awa sa kanino mang Aking ibig kaawaan” (Exodo 33:19). Baka ikaw ang pakay ng pagiging mapagbigay ng Diyos, baka ikaw ang pakay ng Kanyang awa, o marahil hindi ka isa sa dalawang uri na ito ng mga tao na tinutukoy ng Diyos. Baka iniisip ng Diyos na mas malakas ka kaysa sa ibang tao, o na nangangailangan ng mas mahabang panahon kaysa sa iba ang pagsubok at pagpapatibay sa iyo. Maraming dahilan, pero kahit ano pa ang dahilan, anuman ang gawin ng Diyos ay tama. Hindi dapat humingi ng anumang magagarbong kahilingan ang mga tao sa Diyos. Ang tanging dapat mong gawin ay ang maghanap nang buong puso at maghintay nang buong puso. Bago ka pahintulutan ng Diyos na makaunawa at bigyan ng mga kasagutan, ang tanging dapat mong gawin ay maghanap, habang hinihintay ang panahon kung kailan may ibibigay sa iyo ang Diyos, ang panahon kung kailan bibiyayaan ka ng Diyos, at ang panahon kung kailan bibigyan ka ng kaliwanagan at patnubay ng Diyos. Taliwas sa mga kuru-kuro ng tao, hindi pantay-pantay na ipinamamahagi ng Diyos ang mga bagay sa mga tao, kaya hindi mo maaaring gamitin ang salitang “pantay-pantay” para humiling sa Diyos. Kapag may ibinibigay sa iyo ang Diyos, iyon ang oras kung kailan dapat mo itong tanggapin. Kapag hindi ibinibigay sa iyo ng Diyos ang isang bagay, tiyak namang hindi pa akma o tama ang panahon sa paningin ng Diyos, kaya naman hindi mo ito dapat tanggapin sa panahong iyon. Kapag sinasabi ng Diyos na hindi ka dapat tumanggap ng isang bagay at ayaw ng Diyos na ibigay ito sa iyo, ano ang dapat mong gawin? Sasabihin ng isang taong may katwiran, “Kung hindi ito ibibigay ng Diyos sa akin, magpapasakop ako at maghihintay. Hindi ako karapat-dapat na tanggapin ito sa kasalukuyan, baka dahil hindi ito makakaya ng aking tayog, pero kayang magpasakop ng puso ko sa Diyos nang walang reklamo o paghihinala, at nang tiyak na walang anumang pagdududa.” Sa pagkakataong ito, hindi dapat mawala ang katwiran ng mga tao. Paano ka man tratuhin ng Diyos, dapat mong piliin, nang may katwiran, na magpasakop sa Diyos. Isang saloobin lamang ang dapat mayroon ang mga nilikha hinggil sa Diyos—ang makinig at magpasakop, wala nang iba pang pamimilian. Subalit, maaaring magkaroon ng iba’t ibang saloobin ang Diyos patungkol sa iyo. May batayan ito. May sariling mga layunin ang Diyos. Siya ang gumagawa ng sarili Niyang mga pasya at may sarili Siyang mga pamamaraan pagdating sa kung paano gagawin ang mga bagay na ito at sa saloobing ginagamit Niya sa bawat tao. Siyempre, ang mga layon ng Diyos ang batayan ng mga kapasyahan at pamamaraang ito. Bago magkaroon ng pagkaunawa ang mga tao tungkol sa mga layong ito, ang tangi nilang dapat at maaaring gawin ay ang maghanap at ang maghintay, habang iniiwasang makagawa ng anumang bagay na pagrerebelde sa Diyos. Ang huling bagay na dapat gawin ng mga tao sa mga pagkakataong ito—ibig sabihin, kapag hindi nila nararamdaman ang kaliwanagan, patnubay, kagandahang-loob, at awa ng Diyos—ay ang lumayo sa Diyos at sabihing hindi Siya matuwid, o ang sigawan ang Diyos, o ang itatwa pa nga ang Diyos kapag hindi nila nararamdaman ang Kanyang kaliwanagan at patnubay. Ito ang bagay na pinaka-ayaw ng Diyos na makita. Siyempre, kung talagang umabot ka na sa puntong itinatatwa mo ang Diyos, itinatatwa ang Kanyang pagiging matuwid, itinatatwa ang Kanyang pagkakakilanlan at ang Kanyang diwa, at sinisigawan mo ang Diyos, kukumpirmahin nito na tama ang Diyos na magtaglay, sa una pa lang, ng saloobing huwag kang pakinggan. Kung hindi mo man lang makayanan ang maliit na pagsubok at pagsusulit na ito, kung gayon ay wala kang katiting man lang na pananalig sa Diyos at lubhang hungkag ang pananampalataya mo. Kapag hindi nararamdaman ng isang tao ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos, ang pinakamahalagang dapat niyang gawin ay ang maghanap at maghintay nang buong puso. Responsabilidad ng mga tao ang paghahanap at paghihintay, at ang mga ito rin ang katwiran, saloobin, at prinsipyo ng pagsasagawa na dapat magkaroon ang mga tao patungkol sa Diyos. Kapag naghahanap at naghihintay, huwag kang magkimkim ng mentalidad na nakabatay sa sapalaran. Huwag mong isipin lagi na, “Baka sakaling kung maghihintay ako, pagkakalooban ako ng Diyos ng malilinaw na salita. Kailangan ko lang maging tapat pa nang kaunti at titingnan ko kung bibigyan ba ako ng Diyos ng kaliwanagan o hindi. Marahil ay bigyan Niya ako ng kaliwanagan. Kung hindi, mag-iisip ako ng iba pang paraan.” Huwag magkimkim ng ganitong mentalidad na nakabatay sa sapalaran. Kinamumuhian ng Diyos ang ganitong uri ng saloobin sa mga tao. Anong uri ng saloobin ito? Isa itong saloobin ng sapalaran na may kasamang pagsubok. Ito ang pinakakinapopootan ng Diyos. Kung maghihintay ka, gawin mo ito nang taos-puso. Magtaglay ka ng pag-iisip na nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran habang nananalangin ka sa Diyos at hinahanap mo ang katotohanan, habang nilulutas mo ang mga praktikal mong problema, at habang nagsusumamo ka sa Diyos na bigyan ka ng kaliwanagan at patnubay. Paano ka man tratuhin ng Diyos o kung itulot man Niyang magtamo ka ng ganap na pagkaunawa sa huli, dapat mong sundin ang prinsipyo ng pagpapasakop nang walang anumang paglihis. Sa ganitong paraan, makakahawak ka nang mahigpit sa katayuan at tungkuling nararapat mayroon ang isang nilikha. Ikubli man ng Diyos ang Kanyang mukha sa iyo sa huli, kung likod lamang Niya ang ipakita Niya sa iyo, o kung magpakita man Siya sa iyo, hangga’t kumakapit ka nang mahigpit sa iyong tungkulin at sa orihinal mong posisyon bilang isang nilikha, makapagpapatotoo ka at magiging mananagumpay ka. “Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso.” Ang apat na maiikling pahayag na ito ay napakahalaga. Ang mga ito ang bumubuo sa katwiran na dapat taglayin ng tao, sa orihinal na posisyon kung saan dapat tumayo ang tao, at ang landas ng pagsasagawa na dapat sundin ng tao. Sinasabi ng ilang tao, “Lahat tayo ay naghahanap at naghihintay nang buong puso at isip, kaya bakit hindi tayo binibigyan ng kaliwanagan ng Diyos? Bakit hindi Niya ako binibigyan ng anumang inspirasyon?” May sariling mga layunin ang Diyos. Huwag kang gumiit ng anuman sa Diyos. Ito ang katwiran ng normal na pagkatao; ito ang katwiran na pinakanararapat taglayin ng mga nilikha. Ayon sa mga karunungan, isipan, at kuru-kuro ng tao, napakaraming bagay ang hindi nauunawaan ng mga tao, at dapat sabihin ng Diyos ang mga bagay na ito sa mga tao. Subalit sinasabi ng Diyos, “Hindi Ko responsabilidad o obligasyon na sabihin sa iyo ang mga bagay na iyon. Kung gusto Kong malaman mo ang isang bagay, may kaunti kang malalaman, at ito ay isang pabor Ko sa iyo. Kapag ayaw Kong malaman mo ang isang bagay, wala Akong sasabihing kahit isang salita tungkol dito, at huwag mo nang isipin pang magagawa mo itong maunawaan!” Sinasabi ng ilang tao: “Bakit Ka nakikipag-alitan sa amin sa bagay na ito?” Hindi nakikipag-alitan ang Diyos sa inyo. Ang Lumikha ay mananatiling ang Lumikha, at may sarili Siyang mga gawi at pamamaraan sa paggawa ng mga bagay-bagay. Bagama’t ang Kanyang mga paraan at diskarte ay hindi umaayon sa kagustuhan, o mga ideya at kuru-kuro ng tao, at tiyak na hindi umaayon sa tradisyonal na kultura ng tao, kahit sa ano pang mga aspekto ng tao hindi umaayon ang mga ito, sa madaling sabi, kahit hindi pa umaayon ang mga ito sa mga hinihingi at pamantayan ng mga tao—kahit ano pa ang gawin ng Lumikha, at kahit na maunawaan pa ito ng mga tao o hindi, hindi kailanman magbabago ang pagkakakilanlan at diwa ng Lumikha. Hindi dapat gamitin kailanman ng mga tao ang wika ng tao, mga kuru-kuro ng tao, o anumang pamamaraan ng tao para sukatin ang Lumikha. Ito ang katwirang nararapat taglayin ng mga tao. Kung wala ka man lang ng ganitong katiting na katwiran, kung gayon ay tatapatin na kita—wala kang kakayahang kumilos gaya ng isang nilikha. Balang araw, sa malao’t madali, may mangyayaring masama sa iyo. Kung wala ka ng kahit ganitong katiting na katwiran, isang araw, sa malao’t madali, sasambulat ang sataniko mong disposisyon. Sa pagkakataong iyon, pagdududahan mo ang Diyos, pagsasalitaan mo ng masama ang Diyos, itatatwa ang Diyos, at pagtataksilan ang Diyos. Kung magkagayon, katapusan mo na talaga, at dapat kang matiwalag. Samakatwid, napakahalaga ng katwirang dapat taglayin ng mga nilikha. “Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso.” Ang apat na pahayag na ito ay ang katwiran at mga prinsipyong nararapat magkaroon ang mga nilikha kapag hinaharap ang iba’t ibang kapaligirang madalas na kinakaharap ng mga tao sa totoo nilang buhay, at para paunlarin ang kanilang kaugnayan sa Diyos.

Sinasabi sa unang bahagi ng siping ito, “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan,” at sinasabi naman ng linya na pangalawa sa huli na, “Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso.” Sinasabi ng ilang tao: “Ang ipinapahiwatig ba ng mga salitang ‘Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon’ ay na hindi maiiwasan ang kalalabasan sa huli? Kung naghahangad at naghihintay kami nang buong puso, nagtataglay ng pusong may masidhing paghahangad para sa Diyos, at nananabik sa mga salita ng Diyos, kinakailangan bang ibigay sa amin ng Diyos ang kasagutan at tulutan Niya kaming maunawaan ang katotohanan sa naturang usapin?” Ito ang sagot Ko sa iyo: Hindi ito tiyak at hindi kinakailangang ganoon. Ang bawat salita sa siping ito ay isang hinihingi na ipinapanukala ng Diyos para sa mga tao, isang prinsipyo sa pagsasagawa na dapat sundin ng mga nilikha. Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng landas sa pagsasagawa, mga prinsipyong dapat isagawa at sundin sa mga sitwasyong kinakaharap nila sa pang-araw-araw na buhay. Subalit, hindi sinabi ng Diyos sa mga tao, “Kahit gaano pa ninyo nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hangga’t sinusunod ninyo ang mga prinsipyong ito, dapat Kong sabihin sa inyo ang mga katunayan, dapat Kong ibigay sa inyo ang kasagutan, at dapat Akong magpaliwanag sa inyo sa bandang huli.” Walang ganitong responsabilidad ang Diyos. Wala Siyang gayong “obligasyon.” Hindi dapat humingi sa Diyos ang mga tao ng gayong mga di-makatwirang bagay. Isa itong bagay na dapat maunawaan ng bawat isa sa inyo. Isang katunayan ang sinasabi sa mga tao ng “hindi kinakailangang ganoon” na ito: Hindi kailanman susunod ang Diyos sa mga tuntunin ng laro na inilatag ng mga tao ayon sa mga kuru-kuro ng tao, pilosopiya ng tao, at karanasan at mga aral ng tao, ni hindi Siya susunod sa batas ng tao. Sa halip, dapat sumunod ang mga tao sa mga prinsipyo ng mga hinihingi ng Diyos at pumasok sila sa realidad ng bawat katotohanan na ipinanukala ng Diyos. Naunawaan ba ninyo ito? (Oo.) Malinaw na ipinapaliwanag sa siping ito ang mga prinsipyong dapat sundin ng mga tao. Simulan sa unang linya. (“Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan.”) Isa itong prinsipyo na madaling isagawa at maunawaan. Hindi lumilikha ng anumang pasanin o anumang presyur sa iyo ang pagsasagawa nito. Sobrang dali nito. Paano naman ang pangalawang linya? (“Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Diyos ng tapat na puso.”) Isa kang normal na tao na nabubuhay sa mundo. Iyon lang ang kailangan mo para magawa ang “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.” Hangga’t mayroon kang puso, kaya mo itong gawin. May dalawampu’t apat na oras ka sa isang araw. Dagdag sa normal mong trabaho, oras ng pahinga, pagkain, at personal na mga espirituwal na debosyon, madali ba na “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso”? (Madali itong gawin.) Magagawa ito habang naglalakad, nakikipagkuwentuhan, o nagpapahinga, hindi ito makakaistorbo sa normal mong mga gawain, sa paggawa mo ng iyong tungkulin, o sa gawaing kasalukuyan mong ginagawa. Simpleng bagay lang talaga ito! Kahit ano pa ang kakayahan ng isang tao, hangga’t nag-aalay siya ng tapat na puso at pinagsisikapang matamo ang katotohanan, unti-unti niyang mauunawaan ang katotohanan at mapapasok ang realidad na ito nang walang kahirap-hirap.

Ano ang kasunod na linya? (“Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat.”) Ngayon, babaligtarin Ko ito at tatanungin Ko kayong lahat, sumasampalataya ba kayo na “Ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat”? Kailan mo sinimulang sampalatayanan ito? Sa anong mga bagay mo ito sinampalatayanan? Pinatotohanan mo ba ito? Nagkaroon ka na ba ng ganitong karanasan? Paano kung tanungin ka ng isang tao, “Sumasampalataya ka bang ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat?” Marahil sa teorya, walang pag-aalinlangang sasabihin mo na, “Ang Diyos ang aking Makapangyarihan sa lahat! Paanong hindi ko magiging Makapangyarihan sa lahat ang Diyos?” Paano kung tanungin ka niya ulit, “Ang Diyos ba ang iyong Makapangyarihan sa lahat? Sa anong mga bagay mo inasahan ang Diyos at nasaksihan ang mga gawa ng Diyos? Hanggang sa anong antas personal na nahayag sa iyo ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos? Kailan mo natuklasan na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat? Sa anong mga bagay mo nararamdaman na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat? Kung inaamin mong ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat at, kung kasama Siya, walang imposible, bakit may mga pagkakataong napakahina mo? Bakit negatibo ka pa rin? Bakit hindi ka makapaghimagsik laban sa laman at maisagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo? Bakit palagi kang namumuhay ayon sa satanikong pilosopiya sa pakikitungo mo sa iba? Bakit madalas ka pa ring nagsisinungaling nang hindi nararamdaman ang pananaway ng Diyos? Talaga nga bang ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat? Sa tingin mo, ano ba mismo ang tinutukoy ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos? Nakaayon ba ito sa diwa ng Diyos?” Kung itatanong sa iyo ang mga katanungang ito, mangangahas ka pa rin bang sumagot nang ganoon katiyak? Kapag nagtatanong Ako nang ganito, hindi makapagsalita ang mga tao. Wala kang gayong karanasan, wala ka pang nabuong ugnayan sa Diyos sa ganitong antas. Sa buong panahon na sinampalatayanan mo ang Diyos, hindi mo pa kailanman naranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi kailanman nakita ang kamay ng Diyos, hindi kailanman nakita ang kataas-taasang kapangyarihang hawak ng makapangyarihang kamay ng Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay. Hindi mo pa ito kailanman nakita, narinig, at lalo namang hindi mo pa naranasan o personal na naramdaman. Samakatwid, sa katanungang “Ang Diyos ba ang aking Makapangyarihan sa lahat?” Hindi mo alam at hindi ka nangangahas magsalita. Pinatutunayan nito na wala kang gayong pananalig. Para sa iyo, ang linyang ito ang dapat mong maging pangitain. Ito dapat ang pinakamakapangyarihang katibayan na sumasampalataya ka sa Diyos at na sinusunod mo Siya. Isa rin itong aspekto ng pangitain na sumusuporta sa iyo habang nagpapatuloy ka. Subalit hindi ka nangangahas na sumagot nang may katiyakan. Bakit? Dahil ang pananalig mo sa Diyos ay isa lamang paniniwala na mayroon ngang Diyos. Dahil hanggang ngayon, hindi mo pa tunay na sinusunod ang Diyos, hindi ka pa totoong nakabuo ng ugnayan sa Diyos, hindi ka pa nakapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, hindi ka pa nakabahagi sa karanasan ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi mo pa napagtanto mismo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi mo nakita o naranasan ang mga bagay na ito, lalong hindi mo nauunawaan ang mga ito. Kung tinanong ka lang, “Ang Diyos ba ang iyong Makapangyarihan sa lahat?” tiyak na sasagot ka ng “oo.” Kung tatanungin ka naman kung paano mo ito naranasan at kung paano ka nagkaroon ng ganitong pagkaunawa, tiyak na mapapayuko ka at hindi makakapagsalita, at hindi mangangahas na sumagot. Ano ang dahilan ng katunayang ito? (Wala kaming karanasan ukol dito.) Nagsasalita ka batay sa teoretikal na pananaw. Ang totoo, berbal mong idinedeklara ang iyong sarili bilang tagasunod ng Diyos at isang nilikha. Subalit, mula noong araw na magsimula kang sumunod sa Diyos, hindi mo kailanman tinupad ang mga responsabilidad ng isang nilikha. Ang tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon ng iyong pag-iral, ang kilalanin ang mga salita ng Diyos bilang prinsipyo at landas ng pagsasagawa sa paggawa ng iyong tungkulin, at ang pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos: Responsabilidad mo ito. Kung hindi ka pa nakakapasok sa mga katotohanang realidad na ito, ano ang ipinapahiwatig nito? Ito ay na kahit sinusunod mo ang Diyos, kahit inabandona mo ang pamilya, trabaho, at propesyon at nagagawa mong sumunod sa Diyos hanggang ngayon, hindi pa tinatanggap ng puso mo ang katotohanan at ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan, sa halip, hinahangad mo ang mga bagay na gusto mo mismo at hindi mo kailanman binitiwan ang mga ito. Maituturing ba itong pagsunod sa Diyos at pagpapasakop sa gawain ng Diyos? Kung sa puso mo, hindi mo tinatanggap ang mga layon sa buhay, direksyon, at ang batayan sa buhay at pamumuhay na itinakda ng Diyos para sa mga tao kundi inuulit mo lang mga salitang naririnig mo at nagsasalita ka lang ng ilang doktrina, maituturing ba itong pagtanggap sa katotohanan? Bagama’t sinusunod mo ang Diyos at mukhang magagampanan mo naman ang iyong tungkulin, hindi pa tinatanggap ng puso mo ang katotohanan. Bagama’t maraming taon ka nang sumasampalataya sa Diyos, ang mga prinsipyo at pamamaraang sinusunod mo, at ang landas na sinusunod ng iyong buhay ay mga kay Satanas pa rin. Katulad ka pa rin ng dati, namumuhay ka pa rin ayon sa sataniko mong disposisyon at paraan ng tiwaling tao, at hindi mo pa tinatanggap ang mga hinihingi at prinsipyong mula sa Diyos. Batay sa napakahalagang perspektibang ito, hindi tunay na pagsunod sa Diyos ang ginagawa mo. Inaamin mo lang na isa kang nilikha at ang Lumikha ang iyong Diyos. Sa teoretikal na pundasyong ito, gumagawa ka nang kaunti para sa Diyos at inaalayan Siya ng ilang munting handog. Batay rito, nang may pag-aatubili mong inaamin na ang Diyos ang iyong Diyos at ikaw ay tagasunod Niya, pero hindi kailanman tunay na tinanggap ng puso mo ang Diyos bilang iyong buhay, iyong Panginoon, at iyong Diyos. Babalik ulit tayo sa katatanong Ko lang, “Ang Diyos ba ang iyong Makapangyarihan sa lahat?” Dahil sa mga kadahilanang nabanggit sa itaas, hindi ka nangangahas na sumagot nang may katiyakan. Sa lahat ng bagay at sa buong sansinukob, ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, pero para sa iyo, maaamin mo, bilang isang teorya lamang, na ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, pero ang totoo, hindi mo ito naranasan o nakita. Sa usapin ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos, may malaking tanong sa puso mo. Kailan makukumpirma ng mga tao ang salitang “Ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat” at magagawang pundasyon ng kanilang pananalig sa Kanya ang pangitaing ito? Kapag tinanggap ng mga tao ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang diwa ng Diyos, at ang katayuan ng Diyos sa kanilang puso, kapag pumasok sila sa realidad ng mga salita ng Diyos, at ginawang pundasyon ng kanilang pag-iral ang mga salita ng Diyos, ay saka lamang nila tunay na kikilalanin na “Ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat.” Ang totoo, ang mga salitang ito ang pinakamahirap makamit, pero inihayag na ng Diyos ang mga ito. Ipinapakita nito na ang mga salitang ito ay napakahalaga para sa tao, at na kailangang gugulin ng mga tao ang buong buhay nila para maranasan at matanto ang mga salitang ito. Para makapagbigay ng isang totoo at tiyak na sagot sa katanungan ng mga salitang ito mula sa kaibuturan ng kanyang puso, kailangan niyang gugulin ang kanyang buong buhay para magkaroon ng isang normal na ugnayan sa pagitan niya at ng Diyos, ibig sabihin, ang ugnayan ng isang nilikha sa Lumikha sa kanya. Makakamit ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.” Madali lang talaga itong isagawa, pero hindi madali na tunay na makamit ang layong hinihingi ng Diyos. Dapat gumugol ang isang tao ng panahon at pagsisikap at magbayad ng halaga para dito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.