Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan (Ikatlong Bahagi)

Madali para sa mga tao na magpasakop kapag wala silang anumang problema. Pero kapag lumitaw ang mga problema hindi na sila makapagpasakop. Ano ang maaaring gawin sa kasong ito? Kinakailangang manalangin at hanapin ang katotohanan para lutasin ang problemang ito. Mula sa isang tao na ang pakiramdam ay isa siyang marangal na tao na itinaas ng Diyos, tungo sa parehong tao na ang pakiramdam ay isang hamak siyang laruan na walang merito sa paningin ng Diyos, walang kahit ano, isang walang kuwentang sawing-palad, at nagagawang masayang magpasakop sa Diyos at walang hinihinging anuman sa Kanya—gaano katagal ang kinakailangan para maabot ang ganoong antas ng karanasan? (Sa kanyang huling pitong taon, dumaan si Pedro sa daan-daang pagsubok. Kung hindi hahangarin ng isang tao ang katotohanan, hindi niya makakamit iyon kahit maraming taon na siyang nananampalataya.) Hindi ito tungkol sa dami ng taon ng pananampalataya—sa halip, depende ito sa kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, at kung nagagawa niyang gamitin ang katotohanan para lutasin ang problema ng isang tiwaling disposisyon. Depende ang lahat ng ito sa kung ano ang paghahangad mo. Walang hinahangad ang ilang tao kundi ang reputasyon at katayuan, palaging gustong ibandera ang kanilang sarili at mamukod-tangi sa karamihan. Bumabagsak sila kapag nakakaharap ang pinakamaliit na hadlang o kabiguan, nagiging negatibo at paralisado. Gusto ng ilang tao na makalamang, pero hindi nila minamahal ang katotohanan; masaya sila kapag nakinabang sila sa kapinsalaan ng iba, at hindi sila nalulungkot o nababahala kung hindi nila nakamit ang katotohanan. Walang sigla sa kanilang pananampalataya ang ilan kung wala silang anumang katayuan, at mas masigla pa kaysa sa sino pa man kapag mayroon sila ng katayuang ito; hindi sila kailanman nagiging negatibo, at masaya silang labis na magpapakahirap. Hindi lang talaga nila iniintindi ang pagsasagawa sa katotohanan o paggawa ng mga bagay-bagay nang naaayon sa mga prinsipyo, at bilang resulta, wala pa rin silang patotoong batay sa karanasan matapos ang maraming taon ng pananampalataya. Naiinggit at nanghihinayang sila kapag nakikita nila ang iba na ilang taon pa lang nagiging mga mananampalataya at may kahanga-hangang patotoong batay sa karanasan, pero paglipas ng pakiramdam na iyon hindi pa rin nila hinahangad ang katotohanan. Kung hindi tututukan ng isang tao ang pagpupursigi sa katotohanan, kung hindi niya gagamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, kahit gaano karaming taon ng pananampalataya ang taglay niya, wala itong silbi. Hindi kailanman mapeperpekto ng Diyos ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Naperpekto si Pedro sa pagdaan niya sa daan-daang pagsubok—hindi ba’t kailangan din ninyong dumaan sa daan-daang pagsubok? Ilang pagsubok na ang napagdaanan ninyo sa puntong ito? Kung hindi daan-daan, may isang daan man lang ba? (Wala. Wala pa.) Naperpekto si Pedro sa pamamagitan ng daan-daang pagsubok, kaya kung wala pa kayong napagdaanan kahit isa, o isang daan pa lang ang napagdaan ninyo, walang sinabi ang karanasan ninyo kung ikukumpara sa karanasan niya. Kulang ang tayog mo. Hindi ba’t kailangan mong pagsikapang hangarin ang katotohanan? At paano mo dapat gawin iyon? Kailangan mong pagsikapang maunawaan at maisagawa ang katotohanan. Huwag kang maging pabaya at magulo ang isip, hindi seryosong pinag-iisipan ang anumang bagay, namumuhay nang walang iniintindi at nagpapakaabala na lang sa mga gawain buong araw. Hindi ito para sabihing problema ang maging abala—kung marami kang kailangang gawin, kailangan mong maging abala; hindi palaging isang opsyon ang hindi pagiging abala. Pero habang nagpapakaabala ka sa pag-aasikaso ng lahat, dapat pagpursigihan mo pa rin ang katotohanan at ang mga prinsipyo; dapat mo pa ring subukang maintindihan ang mga bagay-bagay at hilingin sa Diyos ang anumang kulang sa iyo. Paano mo hihilingin sa Diyos ang isang bagay? Araw-araw, tahimik kang manalangin sa Diyos sa iyong puso para sa bagay na iyon. Ipinapakita nitong nasasabik ka sa katotohanan sa iyong puso, at may kalooban kang hayaan ang Diyos na tuparin ang mga minimithi mo. Kung tapat ang puso mo, pakikinggan ng Diyos ang mga panalangin mo; isasaayos at ihahanda niya ang mga angkop na sitwasyon para sa iyo para matuto ka ng mga leksyon. Maaaring sabihin mo, “Kulang talaga ang tayog ko. Bibigyan ba ako ng Diyos ng malaking pagsubok na dudurog sa akin?” Hindi, imposible iyon. Tiyak na hindi gagawin ng Diyos ang ganoong bagay. Alam ng Diyos nang higit kung gaano kalaki ang pananampalataya ng isang tao at kung ano ang totoong tayog niya. Kailangan mo itong sampalatayanan. Hindi kailanman ipapapasan ng Diyos sa isang tatlong taong gulang na bata ang pasanin ng isang matanda—hindi kailanman! Dapat matiyak mo ito sa iyong puso. Pero kailangan mo itong hilingin sa Diyos. Dapat magkaroon ka ng ganoong pagnanais at ganoong paninindigan, at saka pa lamang kikilos ang Diyos sa iyong kahilingan. Kung palagi kang nangangamba at nagtatago, natatakot na masubok, kung palagi mong gustong magkaroon ng mga araw na mapayapa at walang iniintindi, hindi gagawa ang Diyos sa iyo. Samakatuwid, kailangan mo lang na malaya at matapang na makiusap sa Diyos, tunay na ialay ang iyong sarili, at ilagak ang lahat ng bagay sa Diyos, at saka pa lamang gagawa ang Diyos sa iyo. Tiyak na hindi gagawa ang Diyos para walang pakundangang pahirapan ang mga tao, kundi para makamit ang mga resulta at layunin. Hindi gagawa ang Diyos ng mga walang kabuluhang gawain o ipapapasan sa iyo ang isang bagay na hindi mo kayang pasanin—dapat mo itong sampalatayanan. Para maghangad ng pagkaperpekto, para maghangad na mapalugod ang Diyos at maging isang katanggap-tanggap na nilikha, dapat magkaroon ng paninindigan ang isang tao. Anong paninindigan iyon? Ang paninindigan na maghangad ng pagkaperpekto, ang maghangad na maging isang taong taglay ang katotohanan at pagkatao, maging isang taong nagmamahal at nagpapatotoo sa Diyos. Iyon ang ikinalulugod ng Diyos sa lahat. Kung wala ka ng ganoong paninindigan, kundi kuntento na lang na sabihin: “Abala ako sa aking tungkulin. May dinadala akong pasanin, nagtatrabaho, at nakikinig sa mga sermon. Hindi ako napag-iiwanan ng sino pa man,” wala kang anumang pagkakataon. Puwede ka lang maging trabahador, pero hindi ka magiging isa sa mga hinirang ng Diyos. Hindi ba’t nakukuntento ka na lamang sa takbo ng mga bagay-bagay, na walang anumang pagnanais para sa pag-unlad? Hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi mo ibinabahagi ang katotohanan sa mga pagtitipon, at nakakatulog ka sa sandaling nakapakinig ka ng mga sermon. Pero kapag mga makamundong bagay ang pinag-uusapan walang tigil ang pag-iingay mo, at nagniningning ang iyong mga mata—mga ugali ito ng isang trabahador. May ilang tao na nagniningning ang mga mata sa sandaling mabanggit ang katotohanan; pakiramdam nila ay masyado silang nagkukulang, at kapag may narinig silang mabuti at praktikal nagmamadali sila para itala ito. Pakiramdam nila ay napakalayo nila sa kung ano ang hinihingi ng Diyos at walang sapat na mga positibong bagay sa kanilang puso. Pakiramdam nila ay masyadong marami ang lason ni Satanas, at masyado silang mapaghimagsik sa Diyos. Iniisip nila sa kanilang sarili: “Hindi nakakapagtaka na hindi nalulugod ang Diyos sa akin. Napakalayo ko sa kung ano ang gusto Niya, hindi ako kaayon ng Diyos sa anumang paraan, at labis ko Siyang hindi nauunawaan. Kailan ko magagawang tugunan ang mga layunin ng Diyos?” Sa tungkulin nila, hindi nila ipinagpapaliban ang pagsubok na alamin ang mga bagay na ito, at madalas silang lumapit sa harapan ng Diyos sa tahimik na panalangin: “O Diyos, pakiusap, isailalim Mo ako sa mga pagsubok. Hinihiling ko sa Iyo na ibunyag ako, na hayaan akong maunawaan ang katotohanan, makamit ang katotohanang realidad, at makilala Ka. Pakiusap, disiplinahin, hatulan at kastiguhin Mo ako.” Kapag tumanggap sila ng pasanin kasama nito, palagi nila itong iniisip. Palagi silang nauuhaw sa katotohanan, kaya nagsisimulang gumawa ang Diyos sa kanila. Nagsasaayos Siya ng ilang tao, pangyayari, at bagay, lahat ng uri ng sitwasyon, nang sa gayon ay may matutunan sila sa mga ito araw-araw. Hindi ba sila pinapaboran kapag ganoon? Bakit nagawa ni Pedro na magkaroon ng daan-daang pagsubok? Dahil hinangad niya ang katotohanan, hindi siya natakot sa mga pagsubok ng Diyos, at nanalig siyang naroon ang mga pagsubok ng Diyos para dalisayin ang mga tao. Nanalig siya na ang landas na ito ay makakapagperpekto sa mga tao, at na ito ang tanging tunay na landas. Nanalangin siya para rito, ginugol at inilaan ang kanyang sarili para rito; iyon ang dahilan kung bakit gumawa ang Diyos sa kanya. Maaari kayang ibig sabihin niyon ay pinili siya ng Diyos, na desidido Siyang subukin at perpektuhin si Pedro? Iyan ay eksaktong tama. Kapag pinipili ng Diyos ang isang tao, may layunin Siya at may mga prinsipyo Siya sa isipan—ito ay tiyak. Bakit hindi nagagawang makamit ng mas nakararaming tao ang ganitong uri ng gawain mula sa Diyos? Dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan at wala silang ganitong paninindigan, at iyon ang dahilan kung bakit hindi gumagawa ang Diyos sa kanila. Walang pinipilit ang Diyos. Kapag gusto ng Diyos na perpektuhin ang isang tao, iyon ay isang kamangha-manghang bagay, at sulit ang anumang tindi ng pagdurusa. Pero walang ganitong paninindigan ang karamihan ng tao, at tumatakbo lang sila palayo at nagsisipagtago kapag nahaharap sa mga pagsubok at paghihirap. Pipilitin ba ng Diyos ang isang taong gaya niyon? Hindi hinahangad ng ilang tao ang katotohanan, at wala man lang lakas ng loob na makita si Cristo nang mukhaan. Sinasabi nila: “Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kapag nakita ko si Cristo. Wala akong alam na kahit anong katotohanan, o kung paano makipagbahaginan. Hindi ba’t nakakahiya kung makita ni Cristo kung ano ang mali sa akin? Hindi ko makakaya ito kung pupungusan ako. Dapat akong umiwas sa Diyos at dumistansya nang nararapat sa Kanya. Kung palagi akong nakikipag-ugnayan sa Diyos at namumuhay sa harapan Niya, tunay Niya akong makikilala at mamumuhi Siya sa akin. Matitiwalag ako at hindi na ako magkakaroon pa ng magandang hantungan.” Ganoon ba ang lagay ng mga bagay-bagay? (Hindi.) Kinikimkim ng ilang tao ang mga ganitong uri ng ideya. May anumang bagay bang hihingin ang Diyos sa isang taong tulad niyon? (Wala, wala Siyang hihingin.) Kaya anuman ang hinahangad mo, gaano man kalayo ang marating ng iyong paninindigan, gagawin kang perpekto ng Diyos hanggang sa puntong iyon. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan bagkus ay palagi mong pinagtataguan ang Diyos at idinidistansiya ang iyong sarili sa Kanya, palaging inililingid sa Diyos ang mga kaisipan mo, ano ang masasabi ng Diyos tungkol sa mga taong katulad mo? (“Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy” (Mateo 7:6).) Hindi mo minamahal ang katotohanan at pinagtataguan mo ang Diyos, pero iniisip mong ipagpipilitan Niyang subukin at perpektuhin ka? Nagkakamali ka. Kung hindi ikaw ang tamang uri ng tao, walang mga pagsusumamo at panalangin ang magdudulot ng anumang mabuti. Hindi iyon gagawin ng Diyos; hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao. Isang aspekto iyon ng Kanyang disposisyon. Pero ang gusto Niya, sa mga taong naghahangad ng katotohanan, ay na maaari silang maging kagaya ni Pedro, o ni Job, o ni Abraham; para tahakin nila ang tamang landas sa buhay ayon sa hinihingi ng Diyos; para tahakin nila ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at sa huli ay makamit nila ang katotohanan at maperpekto. Umaasa ang Diyos na makakamit ang ganitong uri ng tao, pero pipilitin ka ba ng Diyos kung hindi mo mismo ito hinahanap? Hindi. Hindi kailanman pinilit ng Diyos ang sinuman. Hindi ka tuloy-tuloy na aantigin ng Banal na Espiritu, na hinahawakan ka at hindi binibitiwan, determinadong perpektuhin ka at hindi titigil bago iyon. Para sabihin sa iyo ang totoo, hinding-hindi gagawin ng Diyos ang anumang gaya niyon. Iyon ang saloobin Niya. Umaasa lang ang Diyos na sa huli, kapag nakumpleto na ang Kanyang gawain, nakamit na Niya ang mas maraming taong tulad nina Job, Pedro, at Abraham. Pero kung ilang tao ang talagang naghahangad sa katotohanan at nakamit ng Diyos sa huli ay isang bagay na hindi Niya pipilitin. Hahayaan niyang likas na mangyari ang mga bagay-bagay—isang panig ito ng praktikal na gawain ng Diyos. Walang tinukoy ang Diyos na partikular na bilang—na dapat ito ay 10, 20, 1,000 o 2,000, o kaya ay 10,000. Wala Siyang anumang itinakda tungkol dito. Nagpapatuloy lang ang Diyos sa daang ito, tinatapos ang tunay na gawain, at talagang lumalakad kasama ng mga tao. Ganito Siya gumagawa at nagsasalita, isinasakatuparan ang bawat aspekto ng gawaing kinapapalooban ng katotohanan, gawaing pinakikinabangan ng sangkatauhan. Ito ang gawaing patuloy Niyang ginagawa sa mga tamang uri ng mga tao, sa mga taong nananabik sa katotohanan. Sa huli, ang mga may paninindigan at naghahangad sa katotohanan ay mapeperpekto. Sila ang mga pinakapinagpala at sila ang mga magkakamit ng buhay na walang hanggan. Sapat na ito para patunayan na matuwid ang Diyos sa lahat ng tao, at walang tinatrato na sinuman nang hindi makatarungan. Hindi nagkataon lamang na nakakasunod kayong lahat sa Diyos ngayon—ito ay paunang itinakda ng Diyos noon pa. Paunang itinatakda ng Diyos ang mga pamilya ng mga tao, kung kailan sila ipanganganak, ang kapaligirang kalalakihan nila, ang kanilang kakayahan, mga kaloob, abilidad, at ang mga nasa paligid—ang lahat ng bagay na ito. Ano ang makikita ng mga tao na katuwiran ng Diyos sa huli? Sa huli, nakasalalay sa mga sariling paghahangad ng mga tao at sa halagang binabayaran nila ang kakayahang makaligtas at magkamit ng isang magandang hantungan. Ang paunang pagtatakda ng Diyos ng mga bagay na ito ay isang aspekto, pero kailangan din ang pakikipagtulungan ng mga tao. Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa landas na kanilang tinatahak at kung nagtataglay ba sila o hindi ng katotohanan. Ito ang Kanyang katwiran.

Nakita na ng lahat ang praktikal na panig ng Diyos na nagkatawang-tao. Tinatrato ng Diyos ang bawat isang tao nang patas at makatwiran. Nakita mo na iyon; nakita na iyon ng iba; nakita na ninyong lahat iyon. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isang karaniwang tao. May mga kuru-kuro ang ilang tao kapag nakikita nila si Cristo, iniisip na, “Napakanormal naman Niyang tingnan, at lubhang hindi kapansin-pansin. Ito nga kaya ang pagkakatawang-tao? Hindi ako sumasampalataya sa Kanya—hindi ko talaga magagawang sumampalataya sa Kanya.” O sumusunod lang sila sa Kanya nang atubili, sumasampalataya sa Kanya nang may mga reserbasyon, dinadala ang kanilang mga kuru-kuro kasama nila. Ang ibang tao na nakakakita kay Cristo ay may kaunting katwiran, at iniisip: “Ang nagkatawang-tao ay isang karaniwang tao, pero kaya Niyang ipahayag ang katotohanan at magkaloob ng buhay sa mga tao, kaya dapat ko siyang ituring tulad ng Diyos. Tinatanggap at isinasagawa ko ang Kanyang mga salita bilang ang katotohanan, bilang ang mga salita ng Lumikha. Susunod ako sa Kanya.” Napeperpekto ang mga taong ito at nagkakamit ng katotohanan. Anong uri ng mga tao ang nagkakamit ng katotohanan sa huli? Ang mga naghahangad sa katotohanan. Ang Diyos ang nagdidilig, tumutustos, nagpapastol, at gumagawa sa Kanyang mga hinirang araw-araw. Nagbibigay Ako ng mga sermon at nagbabahagi, gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga hinirang ng Diyos, at ang lahat ay tumatanggap ng pagdidilig at pagsustena. Walang tumatanggap ng espesyal na pagtrato, at ang lahat ng nakikibahagi sa buhay-iglesia at gumagawa ng kanilang tungkulin ay nagtatamasa ng gawain ng Diyos araw-araw sa ganitong paraan. Pantay-pantay ang trato Ko sa bawat isang tao. Nagbibigay Ako ng mga kasagutan kahit sino pa ang nagtatanong, hindi Ako nagbibigay ng dagdag na pangangalaga, nag-aayos ng mga espesyal na sitwasyon, o sumusubok na udyukan o himukin ang kahit sino, nagbibigay ng dagdag na kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu, o nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan. Hindi ginagawa ng Diyos ang anumang gaya niyan. Nagpakita ang Diyos ng maraming tanda at kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya, upang patawarin ang mga kasalanan ng mga tao at tahakin nila ang landas ng pagsisisi, at nang sa gayon ay manalig sila sa Diyos at hindi Siya pagdudahan. Ang kasalukuyang hakbang ng gawain ay lubos na binubuo ng pagbibigay ng katotohanan, nang sa gayon ay maunawaan ng mga tao ang katotohanan at magkaroon ng tunay na pananampalataya. Kahit gaano ka pa nagdusa, kung nakamit mo sa huli ang katotohanan, isa kang taong naperpekto at pananatilihin. Kung hindi mo nakakamit ang katotohanan, walang kabuluhan ang anumang dahilang nakikita mo. Maaaring sabihin mo: “Hindi gumawa ng anumang himala ang Diyos, kaya hindi ako makapanampalataya,” “Palaging nagpapahayag ang Diyos ng mga katotohanang hindi ko kayang maintindihan, kaya hindi ako makapanampalataya,” o “Ang Diyos ay masyadong praktikal, masyadong normal, kaya hindi ako makapanampalataya.” Ang lahat ng ito ay problema mo. Pinagkalooban ka ng katotohanan gaya rin ng iba—kaya bakit sila ay naperpekto, samantalang ikaw ay naitiwalag? Bakit hindi mo nakamit ang katotohanan? Ito ang hatol mo: Ito ay dahil hindi mo hinangad ang katotohanan. Sa huling yugtong ito, ang gawain ng mga salita lang ang ginagawa ng Diyos. Gumagamit talaga Siya ng mga salita para hatulan at linisin ang sangkatauhan; hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan. Kung gusto mong makita ang mga himala ng Diyos, bumalik ka sa 2,000 taon sa nakaraan para makita mo ang mga himala ng Panginoong Jesus sa kapanahunang iyon. Huwag kang maging mananampalataya sa kapanahunang ito. Tinanggap mo ang gawain ng paghatol ng Diyos, kaya huwag kang maghanap ng mga himala. Hindi gagawin ng Diyos ang mga iyon. Makatwiran ba iyon? (Oo.) Patas ito at makatwiran. Kung hahangarin mo ang katotohanan, hindi ka tatratuhin ng Diyos nang di-makatarungan. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, pero hahangarin mo lang ang pagtatrabaho, palaging tapat na nagtatrabaho hanggang sa wakas, papayagan ka ng Diyos na manatili at pagkakalooban ka ng biyaya. Pero kung hindi mo magagawang magtrabaho hanggang sa wakas, ititiwalag ka. Ano ang ibig sabihin ng pagtitiwalag? Ang ibig sabihin nito ay pagwasak! Patas ito at makatwiran, at walang di-makatarungang pagtrato ng tao rito. Nakabatay ang lahat ng ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Dahil sa mga ito, hindi ba’t ang landas na tinatahak ng mga tao ang pinakamahalaga? Kung ano ang landas na hinahangad mo, kung anong uri ng tao ang hinahangad mong maging, kung anong uri ng paghahangad ang pinapasok mo, kung ano ang inaasahan mo, kung ano ang hinihiling mo sa Diyos, kung ano ang saloobin mo sa Diyos at kung ano ang saloobin mo sa mga salita ng Diyos kapag nasa harapan ka Niya: napakahalaga ng lahat ng bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin—mapeperpekto ba ang mga tao ng pagpapakita ng mga tanda at kababalaghan? Halimbawa, kung masasangkot ka sa isang aksidente at ililigtas ka ng Diyos, mapeperpekto ka ba niyon? Kung namatay ka nang minsan at binuhay muli, mapeperpekto ka ba niyon? O kung, sa mga panaginip mo, umakyat ka sa kaharian ng langit at nakita mo ang Diyos, mapeperpekto ka ba niyon? (Hindi.) Hindi mapapalitan ng mga bagay na ito ang katotohanan. Kaya, sa huling yugtong ito ng gawain, na yugto ng gawain kung saan nagtatapos ang pamamahala ng Diyos, gumagamit Siya ng mga salita para gawing perpekto ang mga tao, para ibunyag ang mga tao. Ito ang katuwiran ng Diyos. Kung naperpekto ka sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, walang makakapagreklamo na pinanatili ka Niya, at hindi ka maaaring paratangan ni Satanas dahil sa pagkakapanatili sa iyo. Ganito ang uri ng tao na gusto ng Diyos. Napakaraming salita ang ipinagkaloob ng Diyos, kaya kung wala kang anumang makakamit sa huli, kaninong kasalanan iyan? (Sa amin.) Sariling kasalanan ninyo ito dahil pinili ninyo ang maling landas. Mahalaga talaga kung anong landas ang tinatahak ng mga tao. Paano? Dahil ito ang tutukoy sa kanilang hantungan. Iyon ang dahilan kung bakit hindi mo dapat laging sinusubukang alamin kung natupad na ang mga propesiya, kung nagpakita ang Diyos ng anumang tanda at kababalaghan, kung kailan talaga lilisanin ng Diyos ang mundo, at kung masasaksihan mo ito kapag nilisan na nga Niya ang mundo. Walang anumang mabuting idudulot sa iyo ang alamin iyon; wala itong epekto sa iyong hantungan o sa pagpeperpekto sa iyo. Kaya ano ang mahalaga para sa iyo? (Ang landas na tinatahak ko sa pananampalataya.) Ang landas na tinatahak mo ang nakakaapekto kung magagawa ka bang perpekto o hindi. Ano ang katotohanan na dapat mong pinakapapasukin sa paghahangad mo na magawang perpekto? Ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos. Ang pagpapasakop sa Diyos ang pinakamataas, ang pinakamahalaga sa mga katotohanan, at sa diwa, ang paghahangad sa katotohanan ay katumbas ng paghahangad na magpasakop sa Diyos. Kailangan mong hangarin ang pagpapasakop sa Diyos sa buong buhay mo, at ang landas na ito ng paghahangad ng pagpapasakop sa Diyos ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Bakit kailangan mong hangarin ang pagpapasakop sa Diyos sa buong buhay mo? Dahil ang proseso ng paghahangad ng pagpapasakop sa Diyos ay ang proseso ng paglutas sa isang tiwaling disposisyon. Bakit kailangan mong lutasin ang isang tiwaling disposisyon? Dahil salungat sa Diyos ang isang tiwaling disposisyon. Kung namumuhay ka ayon sa isang satanikong disposisyon, ang diwa mo ay kay Satanas, sa mga diyablo, at ang paghahangad ng pagpapasakop sa Diyos ay nangangailangang lutasin mo ang problema ng iyong tiwaling disposisyon. Napakahalaga nito! Hangga’t may tiwaling disposisyon ka at hangga’t may natitirang katiting na hindi pa nalulutas, magiging salungat ka sa Diyos, magiging kaaway ka ng Diyos, at hindi mo magagawang magpasakop sa Kanya. Ang antas ng kung hanggang saan mo nalutas ang iyong tiwaling disposisyon ay ang antas ng kung hanggang saan ka nagpapasakop sa Diyos; ang porsyento ng kung hanggang saan mo nalutas ang iyong tiwaling disposisyon ay ang porsyento ng kung hanggang saan ka nagpapasakop sa Diyos.

Sa pagtitipong ito, hindi natin napag-usapan ang tungkol sa pagkilala sa Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay unti-unting nakakamit sa pamamagitan ng proseso ng paglutas sa iyong tiwaling disposisyon at ng paghahangad na maperpekto upang maabot ang pagpapasakop sa Diyos. Ang paghahangad ng kaalaman sa Diyos sa sarili nito ay magiging isang napakalalim na leksyon, kung kaya hindi pa natin ito pinag-uusapan. Ngayon mismo, pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga paksang may malapit na kaugnayan sa mga pagsasagawa ng mga tao, buhay, paghahangad at ang mga landas na kanilang tinatahak. Sa proseso ng paghahangad na malutas ang iyong mga tiwaling disposisyon, unti-unti mong nauunawaan ang Diyos at nakikilala ang Kanyang mga layunin. Hindi ba’t mas marami kang kaalaman sa Diyos kapag nagagawa mong maunawaan ang Kanyang mga layunin? (Oo.) Kaya may ilan kang totoong kaalaman sa Diyos. Bakit mo nagagawang isakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos habang sumusunod ka sa Kanya? Dahil kilala mo ang Kanyang puso at nauunawaan mo ang Kanyang mga layunin; nauunawaan mo kung anong mga pamantayan at prinsipyo ang hinihingi sa iyo ng Diyos, at kung ano ang mga layunin Niya. Hindi ba’t naglalaman ng kaunting kaalaman sa Diyos ang pang-unawang ito? (Oo.) Unti-unti itong natatamo, at magkakaugnay ang lahat ng ito. Mahihirapan ka kung kaalaman lang sa Diyos ang hahangarin mo. Maaaring sabihin mo: “Wala akong ibang gagawin liban sa hangarin ang kaalaman sa Diyos, araw at gabi. Aalamin ko kung saan nanggagaling ang mga bulaklak, kung bakit lumuluhod ang mga tupa para sa kanilang gatas samantalang ang mga guya ay hindi. Pag-aaralan ko itong lahat, at sa ganoong paraan ko makikilala ang Diyos.” Makakamit mo ba ang kaalaman sa Diyos sa pamamagitan lang ng pagsasaliksik sa lahat ng iyon? Tiyak na hindi. Ang katotohanan ay hindi bunga ng pananaliksik, kundi tunay lang itong nalalaman sa pamamagitan ng karanasan. Wala talagang silbi ang pananaliksik. Alam mong nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, at kamangha-mangha iyon, at kaya mayroon ka nang kaunting kaalaman sa Diyos. Pero ano ang dapat mong pinagtutuunan? Kailangan mong hangarin ang katotohanan, lutasin ang tiwali mong disposisyon, at isakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos. Sa proseso ng paghahangad na ito, unti-unti mong masasagot ang maraming kaugnay na tanong, at makasusumpong ka ng landas para sa iyong pagsasagawa at sa iyong pagpasok. Habang mas lubusang nalulutas ang iyong tiwaling disposisyon, magiging mas madali para sa iyo na isagawa ang katotohanan at isakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos. Kapag ang mga tao ay hindi na napipigilan ng kanilang tiwaling disposisyon, tunay nilang nakakamit ang kalayaan at mapakawalan, at ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi nakakapagod, kundi napakadali. Hindi ba’t iyon ay ang katotohanan na nagiging buhay ng mga tao?

Oktubre 1, 2017

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.