Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan (Sipi 16)
Ang layunin ng mga tao sa pag-unawa at pagsasagawa ng katotohanan ay upang isabuhay nila ang katotohanan, upang isabuhay ang wangis ng tao, at upang gawin nilang buhay nila ang mga katotohanang nauunawaan at naisasagawa nila. Ano ang ibig sabihin ng gawin ang mga itong buhay ng isang tao? Ang ibig sabihin nito ay nagiging pundasyon at pinagmumulan ang mga ito ng kanyang mga kilos, buhay, asal, at pag-iral—binabago ng mga ito ang paraan ng pamumuhay ng isang tao. Ano ang naging batayan noon ng pamumuhay ng mga tao? May paninindigan man sila o wala, namuhay sila sa pamamagitan ng pagsandig sa mga satanikong disposisyon, at hindi sila namuhay ayon sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Sa ganoong paraan ba dapat mamuhay ang isang nilalang? (Hindi.) Ano ang hinihingi ng Diyos sa tao? (Ang mamuhay ang mga tao ayon sa Kanyang mga salita.) Namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos—hindi ba’t ito ang layuning dapat taglayin ng mga taong tunay na nananalig sa Kanya? (Oo.) Ang isang nilalang ay dapat na magkaroon ng uri ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagsandig sa mga salita ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang gayong mga tao ay mga tunay na nilalang. Kaya, kailangan mong regular na pagnilay-nilayan kung alin sa iyong mga salita, alin sa iyong mga kilos, at alin sa mga prinsipyo ng iyong pag-uugali, ang mga layunin ng iyong pag-iral, at ang mga paraan kung paano mo pinakikitunguhan ang mundo ang tugma sa mga katotohanang prinsipyo, tugma sa hinihiling ng Diyos sa tao, at alin sa mga ito ang walang kaugnayan sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Kung madalas mong pinagbubulay-bulayan ang mga bagay na ito, unti-unti mong maisasakatuparan ang pagpasok. Kung hindi mo pinagninilay-nilayan ang mga bagay na ito, walang saysay ang gumawa lamang ng mga paimbabaw na pagsisikap; wala kang mapapala sa huli sa paggawa nang wala sa loob, pagsunod sa mga patakaran, at pagsali sa seremonya. Kaya ano ba talaga ang pananampalataya sa Diyos? Ang pananampalataya sa Diyos sa totoo lang ay ang proseso ng pagkakamit ng kaligtasan ng Diyos at ito ang proseso ng pagbabago mula sa isang taong ginawang tiwali ni Satanas tungo sa pagiging isang tunay na nilalang sa paningin ng Diyos. Kung nananatiling sumasandig ang isang tao sa kanyang satanikong disposisyon at kalikasan para mabuhay, siya ba ay isang kuwalipikadong nilalang sa paningin ng Diyos? (Hindi.) Sinasabi mong nananalig ka sa Diyos, kinikilala mo ang Diyos, kinikilala mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at kinikilala na ibinibigay ng Diyos ang lahat sa iyo, ngunit isinasabuhay mo ba ang mga salita ng Diyos? Namumuhay ka ba alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos? Sinusundan mo ba ang daan ng Diyos? Nagagawa ba ng isang nilalang na katulad mo na humarap sa Diyos? Nagagawa mo bang mabuhay sa piling ng Diyos? Mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso? Katugma ba sa Diyos ang isinasabuhay mo at ang landas na tinatahak mo? (Hindi.) Kaya ano ngayon ang kahulugan ng iyong pananampalataya sa Diyos? Nakapasok ka na ba sa tamang landas? Ang iyong pananampalataya sa Diyos ay sa anyo at salita lamang. Nananalig ka at kinikilala mo ang pangalan ng Diyos, at kinikilala mo na ang Diyos ang iyong Lumikha at ang Kataas-taasang Kapangyarihan, subalit hindi mo pa tinatanggap sa diwa mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o ang mga pamamatnugot ng Diyos, at hindi mo kayang maging lubusang kaayon ng Diyos. Ibig sabihin, ang kahulugan ng iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi pa lubos na nagkakatotoo. Bagama’t nananalig ka sa Diyos, hindi mo pa naiwawaksi ang iyong katiwalian at hindi mo pa natatamo ang kaligtasan, at hindi ka pa nakakapasok sa katotohanang realidad na dapat mong pinasukan sa iyong pananampalataya sa Diyos. Ito ay isang pagkakamali. Sa pagtingin dito sa ganitong paraan, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang simpleng bagay.
Ngayon, nararamdaman ba ninyo sa inyong puso na mahalagang maunawaan ang salita ng Diyos at isagawa ang katotohanan? (Nararamdaman namin.) Alam ninyong lahat na mahalagang isagawa ang katotohanan, subalit hindi ito isang simpleng bagay na madaling gawin kundi puno ito ng paghihirap. Paano ito maaayos? Dapat kang lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin tuwing may mga paghihirap na dumarating sa iyo, at dapat mong hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, upang maayos mo ang iyong mga sariling paghihirap, upang maayos mo ang iyong mga sariling kahinaan at ang mga paghihirap sa iyong panlabas na kapaligiran, at upang maisakatuparan mo ang pagsasagawa ng katotohanan. Sa pagdanas nito, magkakaroon ka ng pag-asang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung higit mong naunawaan ang katotohanan at naisasagawa mo rin ang katotohanan, maaari kang maging isang taong sumusunod sa landas ng Diyos, at dahil dito, sasang-ayunan ng Diyos ang iyong pananampalataya. Kung sinasabi mong kinikilala mo ang pangalan ng Diyos, at naniniwala kang Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at Siya ang Lumikha, subalit walang anuman sa iyong buhay ang nauugnay sa katotohanan, sa mga hinihingi ng Diyos, o sa dapat gawin ng isang nilikha, hindi ba’t ang iyong kahihinatnan sa huli ay magiging mapanganib? Maaari bang lumapit sa Diyos ang isang taong walang kinalaman sa mga bagay na ito? Sinasabi mo na kaya mong lumapit sa Diyos, subalit sinasang-ayunan ba ng Diyos ang pananampalataya na gaya ng sa iyo? Hindi Niya ito sinasang-ayunan, at ano ang ibig sabihin niyan? Ibig sabihin ay hindi kinikilala ni kailangan ng Diyos ang isang nilikha na tulad mo. Kung hindi kinikilala at hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang iyong pananampalataya, maaari bang sang-ayunan ka Niya bilang tao? (Hindi Niya ito magagawa.) Ito ang wakas: Hindi ka ililigtas ng Diyos, at napagpasyahan na ang iyong kahihinatnan! Ito ba ang nais ninyong kahihinatnan para sa sarili ninyo? (Hindi ito.) Anong uri ng kahihinatnan ang nais ninyo? (Ang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos.) Upang sang-ayunan ka ng Diyos, ano ang dapat mong unang maunawaan? Ano ang dapat mong unang pasukin? Una sa lahat, dapat mong malaman kung ano ang nakalulugod sa Diyos na gawin ng mga tao at kung ano ang nakasusuklam sa Kanya na gawin ng mga tao. Ibuod mo muna ang mga bagay na ito, upang malinaw mong maunawaan ang mga ito; pagkatapos, kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, malalaman mo kung paano kumilos. Ganoon iyon kasimple. Madali bang ibuod ang gayong mga bagay? Napakadali nito. Sa mga gumawa ng masama at itiniwalag dati, ibuod mo ang mga bagay na kanilang ginawa na kinasusuklaman ng Diyos, ibuod mo ang mga aral na itinuro ng kanilang mga kabiguan, at huwag mong gawin ang alinman sa masasamang bagay na iyon. Pagkatapos, ibuod mo ang mabuting asal ng mga kinalugdan ng Diyos, at pag-ibayuhin mong gawin ang mga bagay na iyon. Sa ganitong paraan, makakamit mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kailangan mong alamin kung ano ang dapat gawin at isagawa upang lubos na makasunod sa mga layunin ng Diyos, at kailangan mong maunawaan sa iyong puso kung aling mga tao at bagay ang kinasusuklaman ng Diyos nang higit sa lahat, at aling mga tao at bagay ang kinalulugdan Niya nang higit sa lahat. Kailangan mong malaman kung paano makikita ang kaibahan sa pagitan ng mga ito, at pinakamabuti na uriin at ibuod mo ang mga ito upang magkaroon ka ng malinaw na pagkaunawa sa mga ito. Ang pinakamahalagang bagay ay ang magkaroon ka ng pamantayan at hangganang ito sa iyong puso. Sa pamamagitan ng prinsipyong ito, ng pamantayang ito, ng hangganang ito, magkakaroon ka ng mga prinsipyo sa pagsasagawa ng mga bagay-bagay, at magagawa mo ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo. Kung wala ka ng prinsipyo at pamantayang ito, hindi ka magkakaroon ng katiyakan kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, at hindi mo malalaman kung alin sa mga ginagawa mo ang masama, at alin ang mabuti. Maaaring sa pakiramdam mo ay hindi masama ang isang bagay, subalit sa paningin ng Diyos ay masama ito; o maaaring sa pakiramdam mo ay mabuti ang isang bagay, subalit sa paningin ng Diyos ay masama ito. Kung gagawin mo ang lahat ng bagay na ito, hindi ba’t mapanganib iyon? Kung sinasadya at walang tigil mong gagawin ang mga bagay na hindi sinasang-ayunan ng Diyos, at kaunting bagay lang na sinasang-ayunan ng Diyos ang ginagawa mo subalit iniisip mong napakarami na nang ginawa mo, hindi ba’t nalilito ka? Kung ang karamihan ng mga bagay na ginagawa mo ay itinuturing na masama sa paningin ng Diyos, maaari ka pa ba Niyang sang-ayunan? (Hindi na.) Kung alam mong hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang isang bagay, dapat mo ba itong gawin, o hindi na? (Hindi ko na dapat gawin.) Ang paggawa mo ba ng bagay na ito ay isang masamang gawa o isang mabuting gawa? (Isang masamang gawa.) Ano ang tawag kung kinikilala mo na ito ay isang masamang gawa at pagkatapos ay hindi mo na ito muling gagawin kailanman? Ang pagtalikod mo sa karahasan, na isang pagpapamalas ng tunay na pagsisisi. Kung alam mo na gumawa ka ng masama at tiyak ka na hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos, dapat kang magkaroon ng nagsisising puso. Kung hindi ka nagninilay-nilay sa sarili mo at sa halip ay ipinagtatanggol at binibigyan mo pa ng katwiran ang iyong kasamaan, nasa panganib ka: Tiyak na ititiwalag ka, at hindi ka na magiging karapat-dapat na gumawa ng iyong tungkulin. Kaya ano ang prinsipyo na dapat na matutunan at ang landas na dapat na tahakin, sa paggawa ng tungkulin ng isang tao? Sa anong mga layunin dapat na magpatuloy ang isang tao, upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos? (Hanapin ang katotohanan at unawain ang layunin ng Diyos sa lahat ng bagay.) Alam ito ng lahat, ngunit alam man ito, maisasagawa ba ito? Kapag naunawaan na ninyo ito, maisasagawa na ba ninyo ito? (Hindi namin maisasagawa.) Ano ang magagawa ninyo kung gayon? Kailangan ninyong manalangin at sumandal sa Diyos, kailangan ninyong magdusa para sa katotohanan at isantabi ang inyong mga ambisyon, pagnanasa, hangarin, at kaginhawahan ng laman. Kung hindi mo isinasantabi ang mga ito subalit nais mo pa ring makamit ang katotohanan, hindi ba’t nangangarap ka lang? Nais ng ilang tao na kapwa maunawaan at makamit ang katotohanan; nais nilang igugol ang kanilang sarili sa Diyos, ngunit hindi nila kayang bitiwan ang anumang bagay. Hindi nila kayang bitiwan ang kanilang mga kinabukasan, hindi nila kayang bitiwan ang mga kaginhawahan ng laman, hindi nila kayang bitiwan ang buklod ng kanilang pamilya, ang kanilang mga anak at ang kanilang mga magulang, hindi rin nila kayang bitiwan ang kanilang mga layunin, mga mithiin, o mga ninanasa. Anuman ang nangyayari sa kanila, lagi nilang inuuna ang kanilang sarili, ang kanilang kapakanan, at ang kanilang mga makasariling ninanasa, at inihuhuli nila ang katotohanan; nauuna ang pagbibigay-kasiyahan sa mga interes ng laman at sa kanilang mga sataniko at tiwaling disposisyon, at ang pagsasagawa ng salita ng Diyos at ang pagpapalugod sa Diyos ay pangalawa at nasa huli. Makukuha ba ng gayong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos? Maaari pa ba silang makapasok sa katotohanang realidad, o matugunan ang mga layunin ng Diyos? (Hindi nila iyon magagawa kailanman.) Pagsunod ba sa landas ng Diyos kung sa panlabas ay ginawa mo ang iyong tungkulin at hindi ka naging tamad, subalit ang iyong tiwaling disposisyon ay hindi naayos kahit kaunti? (Hindi.) Nauunawaan ninyong lahat ang mga bagay na ito, subalit pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan, ito ay mahirap na gawain. Ang iyong pagdurusa at pagbabayad ng halaga ay dapat gamitin sa pagsasagawa ng katotohanan, hindi sa pagsunod sa mga patakaran at proseso. Sulit ito kahit gaano ka pa nagdurusa para sa katotohanan, at ang paghihirap na dinaranas mo sa pagsasagawa ng katotohanan upang mapalugod ang mga layunin ng Diyos ay katanggap-tanggap sa Kanya at sinasang-ayunan Niya.
Ano ang mga suliranin na hinaharap ninyo ngayon? Ang isa ay hindi ninyo nauunawaan ang mga detalye ng maraming katotohanan, at wala kayong pamantayan sa inyong puso upang mapag-iba-iba ang mga ito; bukod pa rito, mahirap isakatuparan ang mga katotohanang nauunawaan ninyo. Ipagpalagay na ang pagsasagawa ng katotohanan ay mahirap sa simula, pero habang mas isinasagawa mo ito, nagiging mas madali ito; habang isinasagawa mo ito, mas hindi nananaig ang iyong tiwaling disposisyon; ang katotohanan ang mas lalong nangingibabaw, gayundin ang kalooban na isagawa ang katotohanan; ang kalagayan mo ay mas lalo pang nagiging normal; at ang mga makasariling pagnanais ng laman at ang iyong mga pantaong ideya ay unti-unting hindi na nananaig. Ito ay normal, at may pag-asa na makakamit mo ang pagtanggap ng Diyos. Ngunit paano kung matagal ka nang nagsasagawa ng katotohanan, subalit nangingibabaw pa rin ang iyong mga interes, mga makasariling pagnanasa, mga layunin, at tiwaling disposisyon sa bawat aspekto at detalye ng iyong buhay. Mahirap pa rin sa iyo ang pagsasagawa ng katotohanan, at kahit na ginagawa mo ang iyong tungkulin, karamihan sa iyong ginagawa ay walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ba ninyo naiisip na ito ay mapanganib? Tiyak na magiging gayon nga! Sa alinmang simbahan ka nabibilang o anuman ang kapaligiran mo, hindi importante ang mga bagay na ito. Ang mahalaga ay kung ang iyong kalagayan sa paghahangad ng katotohanan ay patuloy na bumubuti, kung ang iyong relasyon sa Diyos ay patuloy na nagiging normal, kung ang iyong konsensiya, katwiran, at pagkatao ay patuloy na nagiging normal, at kung ang iyong pagkamatapat at pagpapasakop sa Diyos ay patuloy na lumalago. Kung ang mga positibong bagay sa iyo ay patuloy na dumarami at nananaig, may pag-asa na makakamit mo ang katotohanan. Kung wala kang nakikitang anumang palatandaan ng mga positibong bagay na ito sa iyo, wala kang katiting na paglago, at wala kang kahit isang pagbabago sa iyong disposisyon. Paano ka magkakaroon ng buhay pagpasok kung hindi ka nagsasagawa ng katotohanan sa anumang paraan? May mga taong nagsasabi, “Isinagawa ko ito at nagsikap ako. Bakit wala akong nakikitang mga bunga?” Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng mga bunga? Ang ibig sabihin nito ay hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Kahit ilang beses mo itong sinubukang isagawa, ang huling kahihinatnan ay patuloy ka pa ring napapagtagumpayan ng iyong tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan, na nangangahulugan na hindi mo ginagamit ang katotohanang realidad at ang salita ng Diyos upang mapagtagumpayan ang iyong sataniko at tiwaling disposisyon. Maaari bang sabihin ito sa ganyang paraan? (Maaari.) Kaya ikaw ba ay isang mananagumpay o isang biguan? (Isang biguan.) Ito ay pagiging isang biguan, hindi pagiging isang mananagumpay. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, may labanan sa iyong puso. Hindi mo kayang isantabi ang iyong mga hangarin, subalit nauunawaan mo ang sinasabi ng katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos. Sa proseso ng paglalaban, isinasantabi mo ang katotohanan; hindi mo ito isinasagawa. Sa huli, binibigyan mo ng kasiyahan ang mga sarili mong sakim na pagnanasa, inihahayag mo ang iyong tiwaling disposisyon, at ang iyong ipinamumuhay ay ang iyong satanikong kalikasan nang hindi isinasagawa ang katotohanan. Kaya ano ang pangwakas na kahihinatnan? (Ang mabigo.) Paano kung hindi mapagwagian ang labanan sa huli, at nabubuhay ka ayon sa iyong satanikong disposisyon gaya ng dati: Pinili mong hindi magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, ang iyong mga personal na interes ang nauuna, binibigyan mo ng kasiyahan ang iyong mga pagnanasa at pagkamakasarili subalit hindi mo pinalulugod ang Diyos, at hindi ka pumapanig sa katotohanan. Ibig sabihin nito ay ikaw ay isang ganap na biguan, at ito ay isang uri ng resulta ng isang labanan. Ano ang iba pang uri ng resulta ng isang labanan? Kapag may mga pangyayaring dumarating sa kanila, ang mga tao ay may mga panloob na labanan din. Sila ay hindi mapalagay, nasasaktan, at mahina, kahit ang kanilang dangal at pagkatao ay nasusubok, at ang kanilang banidad ay hindi nabibigyan ng kasiyahan. Bukod pa rito, sila ay nahaharap sa pagpupungos, o sila ay hinahamak ng iba, o sila ay ipinapahiya, nawawala pareho ang kanilang dangal at pagkatao. Subalit kapag naharap sa ganitong uri ng sitwasyon, maaari silang manalangin sa Diyos, at matapos nilang gawin ito, ang kanilang puso ay napapalakas, at nakikita nila ang mga bagay na ito nang malinaw sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Isasagawa nila ang katotohanan nang may kahanga-hangang lakas, matatag sa kanilang paninindigan. “Hindi ko nais ang anumang reputasyon, katayuan, o banidad. Kahit na ako ay hinahamak at hindi nauunawaan ng iba, sa ngayon ay pinipili kong palugurin ang Diyos at pinipili kong isagawa ang katotohanan, upang ako ay tanggapin ng Diyos at malugod Siya sa akin sa usaping ito, at upang hindi ko saktan ang puso ng Diyos.” Sa wakas ay isasantabi nila ang kanilang reputasyon at banidad, ang kanilang mga layunin, ang kanilang mga ambisyon at pagkamakasarili, at pagkatapos ay titindig sa panig ng Diyos, sa katotohanan, at sa katarungan. Matapos isagawa ang katotohanan, ang kanilang mga puso ay nasisiyahan, mapayapa, at puno ng kagalakan. Nararamdaman nila ang pagpapala ng Diyos at nadarama nila na mabuti ang magsagawa ng katotohanan; sa pagsasagawa ng katotohanan, ang kanilang mga puso ay nakakakuha ng kasiyahan at kalinga, at nadarama nila na sila ay nabubuhay na parang mga tao, sa halip na kinokontrol at bihag ng kanilang mga sataniko at tiwaling disposisyon. Sa pagpapatotoo sa Diyos at sa pagtindig nang matatag sa patotoo at posisyon na nararapat sa isang nilikha, nadarama nila ang katiwasayan ng isip, kasiyahan, at kaligayahan sa kanilang puso. Ito ay isa pang uri ng kahihinatnan. Ano ang isang kahihinatnan na tulad nito? (Ito ay mabuti.) Subalit madali bang makamit ang “mabuti” na ito? (Hindi.) Ang “mabuti” na ito ay kailangang mapanalunan sa pamamagitan ng isang proseso ng labanan, at maaaring sa labanan, ang mga tao ay mabigo nang isa o dalawang beses. Subalit ang kabiguan ay may mga dala ring aral: Ipinaparamdam nito sa mga tao ang bigat sa kanilang konsensiya ng hindi pagsasagawa ng katotohanan, na sila ay may utang sa Diyos, at na ang kanilang puso ay nakararanas ng pagdurusa at kirot. Kapag naharap sa gayong mga pangyayari sa susunod, mas bubuti nang bubuti ang mga tao sa pagtatagumpay sa kanilang mga sataniko at tiwaling disposisyon nang hindi namamalayan; unti-unti, lubos nilang pipiliin na isagawa ang katotohanan upang mapalugod ang puso ng Diyos. Ito ang normal na proseso sa pagtatagumpay sa sataniko at tiwaling disposisyon at sa pagsasagawa ng katotohanan upang matugunan ang mga layunin ng Diyos.
Ngayon, nahihirapan ba kayo na isagawa ang katotohanan? O mahirap gawin ang ayon sa inyong kagustuhan, hindi ang pagsasagawa ng katotohanan? (Ang pagsasagawa ng katotohanan ay mahirap.) Paano naman ang paggawa ng ayon sa kagustuhan ninyo? (Madali iyon.) Inihahayag nito ang tunay na kalagayan ninyo: Walang kahit isa sa inyo ang nagbago, at hindi pa rin ninyo maisagawa ang katotohanan. Kahabag-habag ang gayong kalagayan! Nararamdaman ninyong lahat na ang pagsasagawa ng katotohanan ay mahirap at ang paggawa ng mga bagay ayon sa inyong kagustuhan ay madali, na nagpapatunay na hindi pa rin ninyo maisagawa ang katotohanan. Para sa inyo, naging likas na ang sundin ang mga nais ng laman; nakasanayan na ninyo ito na parang isa itong batas, at kaya naman pakiramdam ninyo na napakahirap ang pagsasagawa ng katotohanan: Lagi kayong takot na dumanas ng pinsala sa inyong respeto sa sarili at katayuan, kaya hindi ninyo isinasagawa ang katotohanan, bagkus ay kumikilos ayon sa inyong mga sariling ideya. Sa isang kaisipan, ang isang tao ay nagiging isang duwag, isang kabiguan na bihag ng kanyang sataniko at tiwaling disposisyon, at nawawala ang kanyang patotoo at ang pagsang-ayon ng Diyos. Ganyan ito kadali. Pero ganoon din ba kadali na maging isang tao na nagsasagawa ng katotohanan at nagbibigay ng patotoo sa Diyos? May kailangang proseso para rito. Kapag tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, palaging mayroong pakikibaka sa kanyang isipan, na ang mga bagay ay pumapanig sa ganitong landas sa isang pagkakataon, at sa ibang landas sa susunod. Mayroong tuloy-tuloy na panloob na labanan, at sa wakas, ang labanang ito ay humahantong sa isang konklusyon: Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay isinasagawa ito, nagpapatotoo, at nagiging mga mananagumpay; ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay may labis na katigasan ng ulo, labis na kulang sa pagkatao, mababa ang karakter at kasuklam-suklam—pinipili ng gayong mga tao na bigyan ng kasiyahan ang kanilang sariling kasakiman at mga pagnanasa, at lubos na kontrolado ng kanilang sataniko at tiwaling disposisyon. Kapag may mga nangyayaring bagay-bagay sa inyo sa mga pang-araw-araw na buhay ninyo, nagtatagumpay ba kayo laban sa inyong sataniko at tiwaling disposisyon? O kayo ba ay nagiging bihag at kinokontrol nito? Ano ang uri ng kalagayan ninyo, kadalasan? Batay dito, pwedeng masukat kung ikaw ba ay isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Kung kaya mong madalas na mapagtagumpayan ang sataniko at tiwaling disposisyon mo at maging isang taong nagbibigay ng patotoo, ikaw ay nagsasagawa at nagmamahal sa katotohanan. Kung kadalasan ay binibigyan mo ng kasiyahan ang iyong mga makasariling pagnanasa, at hindi mo magawang mapagtagumpayan ang iyong sataniko at tiwaling disposisyon at tumayo sa panig ng katotohanan, upang isagawa ang katotohanan at mapalugod ang Diyos, hindi mo isinasagawa ang katotohanan at wala sa iyo ang katotohanang realidad. Maliwanag na ang mga hindi nagtataglay ng katotohanang realidad ay ang mga nananalig sa Diyos ngunit walang buhay pagpasok. Kaya sukatin ninyo ang inyong sarili: Tumatayo ba kayo sa panig ng laman, kadalasan? O tumatayo kayo sa panig ng katotohanan? Ang maliliit na bagay na hindi kinapapalooban ng katotohanan ay hindi kabilang, ngunit kapag may malalaking pangyayari na nangangailangan ng iyong pagpili, tumatayo ka ba sa panig ng katotohanan, o tumatayo ka sa panig ng laman? (Sa simula, tumatayo kami sa panig ng laman; ngunit pagkatapos ng isang labanan, tumatayo kami sa panig ng katotohanan, kapag naintindihan na namin ang ilan sa katotohanan sa pamamagitan ng panalangin at paghahanap.) Tamang sabihin na maaaring tumayo sa panig ng katotohanan ang isang tao kapag naunawaan na niya ang katotohanan, ngunit ang magrebelde sa laman ay hindi nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan. Hindi mo isinasagawa ang katotohanan sa pamamagitan ng pagrerebelde sa laman at sa hindi mo paggawa sa gusto mo; bagkus, upang isagawa ang katotohanan, kailangan mong sundin at isagawa ang mga prinsipyo ng katotohanan. Kaya, ano ang mga karaniwan ninyong sitwasyon? (Ang tinatawag naming paglaban sa laman ay hindi tunay na pagsasagawa ng katotohanan; ito ay talagang pagsasanay sa pagpipigil sa sarili.) Tila ganito ang kaso para sa karamihan ng tao, hindi ba? (Ganito nga.) Ano ngayon ang kalagayan ninyo, sa kasalukuyan? Papasok pa lang ba kayo sa mga katotohanang realidad? (Oo.) Ang manalig sa Diyos nang walang buhay pagpasok ay nangangahulugang hindi pa kayo pumapasok sa katotohanang realidad; iyan ang kalagayan na inyong kinatatayuan, kaya maraming bagay na hindi ninyo makilala. Bakit hindi ninyo makilala ang mga ito? Ito ay dahil ilang salita at doktrina lamang ang inyong naunawaan, ngunit hindi pa ninyo naunawaan ang katotohanan at hindi pa kayo pumasok sa realidad, kaya wala kayong karanasan sa maraming kalagayan. Hindi pa ninyo napagdaanan ang mga ito, kaya hindi ninyo ito maipaliwanag nang malinaw. Ganyan iyan. Anuman ito, kailangan mo itong maranasan para sa sarili mo, at kapag naranasan mo na ito, malalaman mo kung ano ang mga detalye. Ang iyong mga damdamin, kaisipan, at ang proseso ng iyong karanasan ay magtataglay lahat ng mga detalye, at ang mga detalyeng ito ay mga bagay ng realidad. Kung wala ang mga ito, mababaw lamang ang iyong kaalaman, kaya inuulit mo ito gaya ng isang loro. Ang mababaw na kaalaman ay nangangahulugang huminto ka sa literal na pang-unawa, hindi mo ito ginawang sa iyo, at malayo ka pa sa pagpasok sa katotohanang realidad. Maaari ba itong sabihin sa ganitong paraan? (Maaari.) Dapat kayong magsagawa alinsunod sa pagbabahaginan ngayon, at kailangan ninyong matutong magnilay-nilay. Upang isagawa ang katotohanan, kailangan din ninyong magnilay-nilay, at sa pagninilay-nilay habang nagsasagawa at sa pagsasagawa habang nagninilay-nilay, higit ninyong mauunawaan ang mga detalye ng katotohanan, lalo pang magiging malalim ang iyong kaalaman sa katotohanan, at sa ganitong paraan, tunay mong mararanasan kung ano ang katotohanang realidad. Tanging kapag natutunan at naranasan mo ito na maaari mong taglayin ang katotohanang realidad.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.