Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok (Ikatlong Bahagi)

Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi isang madaling bagay. Dapat matutunan ng mga taong tingnan ang mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Dati, maraming maling pananaw ang mga tao. Kung hindi nila hahanapin ang katotohanan, hindi nila mapagtatanto ang mga iyon, at kikilos pa rin sila gaya ng dati, iniisip na tama sila, at nagiging mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, kung saan kahit na pungusan mo sila, hindi pa rin nila aaminin ang pagkakamali nila. Napakahirap baguhin ng perspektiba sa pagtingin sa mga bagay ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Halimbawa, kapag nakita ng ilang tao na may isang tao sa iglesia na dating namumuno ng kompanya, nakakaramdam sila ng paggalang at paghanga sa mga puso nila. Kinaiinggitan, hinahangaan, tinitingala, at iginagalang pa nga nila ang mga ganitong tao. May katayuan ang taong ito sa puso nila. Ano ang dapat gawin sa sitwasyong ito? Dapat mong kilatisin ang taong ito at tratuhin siya alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at tingnan mo kung isa siyang taong nagmamahal sa katotohanan at naghahangad sa katotohanan, at kung isa siyang taong karapat-dapat igalang. Kung, pagkatapos siyang makasalamuha at makilatis, matutuklasan mong hindi siya ganitong uri ng tao, hindi mo na titingalain ang taong ito sa puso mo, at hindi na magiging mataas ang tingin mo sa kanya. Dapat mo siyang tratuhin at pakitunguhan sa isang karaniwang paraan. Ano ang ibig sabihin ng pagtrato sa kanya sa isang karaniwang paraan? Ang ibig sabihin nito ay magawa mo siyang tratuhin nang tama. Ang puso ng mga tao ay puno ng sarili nilang mga kagustuhan, kahilingan, at paghahangad, at nabubunyag ang mga prinsipyo nila sa maraming munting pag-uugali. Kung may isang taong iginagalang nila, kapag nagsasalita sila tungkol sa taong ito, nagiging masyadong maingat at magalang ang mga salita nila, at tinutukoy nila ito sa isang masyadong marespetong paraan. Ano ang ipinahihiwatig nito? Na may katayuan ang taong ito sa puso nila, at tinitingala nila ang taong ito. Bukod pa rito, may iba pa silang sinasabi. Madalas nilang sabihin, “Dating opisyal ang taong ito. Kung pupunta siya sa sambahayan ng Diyos at ituturing siyang pangkaraniwang tao, hindi ito magiging angkop.” Sa utak nila, iniisip nilang hindi binibigyang-halaga ng sambahayan ng Diyos ang mga indibidwal na may talento. Nagawa ng ganoon kataas na tao na magpakumbaba at pumasok sa sambahayan ng Diyos, maging isang mananampalataya at gumampan ng tungkulin, pero walang sinumang tumingala sa kanya o nagtaas ng posisyon niya, at hindi nag-abala ang Itaas na ipakilala siya sa mga kapatid. Tinatanong mo sila kung kumusta ang mga tungkulin ng taong ito, at sinasabi nila, “Dating nagmamay-ari ng kompanya ang taong ito, at ilang libong tao ang nasa ilalim niya. Walang kahirap-hirap sa kanya ang paggawa ng kaunting gawaing ito. Walang sinuman sa sambahayan ng diyos ang may mas mataas na kakayahan sa kanya. Isa siyang mataas na tao. Walang matataas na tao sa sambahayan ng diyos.” Anong uri ng pananalita ito? Iniisip nilang may matataas na tao sa sekular na mundo, pero sa sambahayan ng Diyos ay wala. Taglay ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang katotohanan—taglay ba ng mga tao sa sekular na mundo ang katotohanan? Sinasabi mong may matataas na tao sa sekular na mundo, kaya bakit hindi ka sumampalataya sa matataas na tao? Bakit ka naparito para sumampalataya sa Diyos? May mga kuru-kuro ka tungkol sa Diyos, at dapat kang magmadali pabalik sa sekular na mundo. Hindi ba’t ang katunayan na nasasabi nila ang ganitong mga bagay ay nangangahulugang tinig ito ni Satanas? Tinig ito ni Satanas. Sumasampalataya sila sa Diyos at pumapasok sa sambahayan ng Diyos, pero dinadakila nila si Satanas. Halos sabihin na nila, “Kung sasampalataya sa diyos ang isang partikular na kilalang tao, siya ang magiging may pinakamataas na kakayahan. Kung hindi siya magagawang perpekto, wala na tayong pag-asa lahat. Sa mga mata niya, wala tayong halaga.” Sa puso nila at mga mata, ang mga taong sumasampalataya sa Diyos ay hindi kasinghusay ng mga kilalang tao, negosyante, at opisyal sa sekular na mundo. Tanging ang mga taong iyon ang matataas na tao, at mga taong matitimbang. Kapag tinukoy mo ang ipinahihiwatig ng sinasabi nila, mga tao ba silang naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan nila, hindi nagbabago ang mga pananaw at kaisipan nila, ang mga opinyon nila sa mundo, at ang mga opinyon at pananaw nila sa mga kilala at mataas na tao. Natamo na ba nila ang katotohanan? May buhay pagpasok ba sila? (Hindi. Wala.) Ano ang taong ito? (Isang hindi mananampalataya.) Mga hindi sila mananampalataya. Hudas at traydor sila! Sa isip nila, hindi ang Diyos ang kataas-taasan at hindi ang katotohanan ang kataas-taasan. Sa halip, ang makamundong kapangyarihan, katanyagan, kasikatan, at pakinabang ang kataas-taasan. Ang taong ito ay isang traydor. Mga kaisipan at pananaw ito ni Hudas. Mga kaisipan at lohika ito ni Satanas. Kahit na kayang unawain ng mga taong ito ang katotohanan, hindi magbabago ang mga kaisipan at pananaw nila. Reputasyon, katayuan, at kapangyarihan ang hinahangad nila. Kapag may kasama kang ganitong tao, hindi tama ang ekspresyon niya kapag nakikipag-usap sa iyo, at may partikular kang nararamdaman dahil dito: na mahirap maging malapit sa taong ito, at hindi niya nakikita ang karaniwang tao. Iyon ang dahilan kung bakit may kakayahan siyang magkaroon ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kahit gaano pa karaming katotohanan ang kayang ipahayag ng Diyos, palaging may hadlang sa pagitan ng puso niya at ng Diyos. Iniisip niyang pangkaraniwan ang normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, at hindi talaga ito dakila o makapangyarihan. Iyon ang dahilan kung bakit may kakayahan siyang magpahalaga sa kaalaman at mga kaloob, at idolohin ang mga dakilang tao. Kapag ang ganitong mga taong mapagmataas, labis na mapagpahalaga sa sarili, at palalo na puno ng satanikong disposisyon ang nakakita kay Cristo na may normal na pagkatao at puno ng katotohanan, paano sila makayuyukod at makasasamba sa Kanya? Sa loob-loob nila, iniisip nila, “Ikaw ang diyos. Ang katotohanan lang ang taglay mo. Wala kang kaalaman. May mga kaloob ako; mas mataas ang kaalaman ko kaysa sa kaalaman mo; mas mahusay ang mga talento ko kaysa sa mga talento mo; mas mahusay ang kakayahan kong mangasiwa ng mga bagay kaysa sa kakayahan mong mangasiwa ng mga bagay, at mas mahusay akong makipag-usap sa panlabas na mundo kaysa sa iyo.” Kapag sila ay gumagawa ng kaunting gawain sa iglesia, may kaunting kapital, o nagbibigay ng kung anong kontribusyon, lalo pang bumababa ang tingin nila sa Diyos. Isa ba itong taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay nagpapakita ng katakot-takot na hindi magandang pag-uugali, at wala silang kahit katiting na katwiran. Kaya madalas na nadadala ang mga taong ito sa panlabas na penomena ng mga tao, pangyayari, at bagay—sa isang sandali ay iniisip nilang tama ang Diyos, sa susunod naman ay iniisip nilang mali Siya; sa isang sandali ay iniisip nilang may Diyos, sa susunod naman ay iniisip nilang walang Diyos; sa isang sandali ay iniisip nilang ang Diyos ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa langit at lupa at lahat ng bagay, sa susunod naman ay nag-aalinlangan silang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa langit at lupa at lahat ng bagay. Palaging nagtatalo at naglalaban ang puso nila. Kahit na ang pangalawang uri ng tao ay may espirituwal na pang-unawa at nakauunawa ng katotohanan sa pinakamababaw na kahulugan nito—na kahulugan lang ng mga salita at doktrina, na maituturing pa ring pagkakaroon ng kaunting kakayahang makaarok—kahit na nagagawa nilang umunawa ng ilang katotohanan, hindi nila kailanman isinasagawa ang mga iyon. Ano ang mga pagpapamalas nila? Ang paghahangad sa trabaho, ang paghahangad sa pagpapala, ang paghahangad sa pagtupad sa sarili nilang malabong pananampalataya at espirituwal na panustos, at ang paghahangad sa reputasyon at katayuan. Ito ang pangalawang uri ng tao.

Ang pangatlong uri ay ang mga taong may espirituwal na pang-unawa at naghahangad sa katotohanan. Kayang unawain ng mga taong may espirituwal na pang-unawa ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, tinatanggap nila ang iba’t ibang kalagayang isinisiwalat sa mga salita ng Diyos at inihahambing ang mga ito sa sarili nila, at natutukoy nila kung ano ang problematiko sa kanilang kalagayan. Gayumpaman, hindi ibig sabihin na dahil kaya mong maghambing ay isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Kung, matapos ihambing ang sarili mo, nagsasagawa ka at pumapasok ka, saka ka lang nagiging isang taong naghahangad sa katotohanan. Kung kaya ng mga taong unawain ang mga salita ng Diyos, at gamitin ang mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos na nauunawaan nila bilang pundasyon para tunay na makapasok, paano nagpapamalas ang ganitong mga tao pagdating sa paghahangad sa katotohanan? Una, kaya nilang tanggapin ang atas ng Diyos, at gampanan nang maayos ang tungkulin nila. Pangalawa, kaya nilang hanapin ang katotohanan kapag hinaharap ang mga sitwasyong isinaayos ng Diyos, at magkaroon ng pagpapasakop. Ang isa pang aspekto ay binibigyang-halaga nila ang pagsusuri sa bawat aspekto ng mga kalagayan nila at mga pagbubunyag sa pang-araw-araw nilang buhay, at pagkatapos ay nagagawa nilang ihambing ang sarili nila alinsunod sa mga salita ng Diyos, lumutas ng mga problema, at nagagawang umabot sa punto kung saan may prinsipyo na sila sa paraan ng pagharap nila sa bawat uri ng bagay, at may landas sila na isasagawa sa bawat uri ng bagay. Halimbawa, noong huli Kong ibinahagi at hinimay ang pitong pangunahing kasalanan ni Pablo, nagawa dapat ninyong ihambing ang sarili ninyo, tunay itong unawain, at isagawa at pasukin. Lubhang magkaugnay ang paghahambing at ang buhay pagpasok. Ang magawang maghambing sa sarili mo ay ang daan patungo sa buhay pagpasok. Ang paraan ng pagpasok mo pagkatapos dumaan sa tarangkahan ay nakasalalay sa kung nauunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan. Kapag may nauunawaan kang isang aspekto ng katotohanan, makakapasok ka sa isang aspekto ng realidad, at kapag may nauunawaan kang dalawang aspekto ng katotohanan, makakapasok ka sa dalawang aspekto ng realidad. Kung nauunawaan mo lang ang doktrina at wala ka ng mga prinsipyo ng pagpasok, hindi ka makakapasok sa realidad. Samakatuwid, napakahalaga na makaunawa ka muna ng maraming katotohanan. Paano mo mauunawaan ang mga iyon? Dapat ay magbasa ka ng marami sa mga salita ng Diyos, pag-isipan mo ang Kanyang mga salita, ihambing mo ang mga iyon sa tunay na buhay mo at sa mga tungkuling ginagampanan mo, maghanap ka ng mga prinsipyo ng pagsasagawa, at maghanap ka ng landas na isasagawa. Pagkatapos, magiging madali nang pumasok sa realidad. Kung may ilang tunay na problemang iiral, dapat mong ihambing ang mga iyon sa mga nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos, at lutasin ang mga iyon. Kung may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ka tungkol sa Diyos, lalo mo pang kinakailangang maghambing sa mga salita ng Diyos, magawang kilatisin kung sa anong paraan talagang mali ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawang ito, at kung anong kalikasan ng mga problema ang mga ito. Dapat ay magawa mong himayin ang mga problemang ito, pagkatapos ay hanapin mo ang mga kaukulang katotohanan para ayusin ang mga ito. Ito ang landas tungo sa buhay pagpasok. Napakaraming isinakatuparang gawain si Pablo, pero nagkaroon ba siya ng landas tungo sa buhay pagpasok? Hindi talaga. Ano ang una sa pitong pangunahing kasalanan ni Pablo? Itinuring niya ang paghahangad sa isang korona at ang paghahangad sa mga pagpapala bilang mga angkop na layunin. Sa anong paraan mali ang pagturing sa paghahangad ng mga pagpapala bilang layunin? Ganap itong sumasalungat sa katotohanan, at hindi ito naaayon sa layunin ng Diyos na magligtas ng mga tao. Dahil ang mapagpala ay hindi isang naaangkop na layuning dapat hangarin ng mga tao, ano ang isang naaangkop na layunin? Ang paghahangad ng katotohanan, ang paghahangad ng mga pagbabago sa disposisyon, at ang magawang magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos: ito ang mga layuning dapat hangarin ng mga tao. Sabihin natin, halimbawa, na ang mapungusan ay nagdudulot sa iyong magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, at hindi mo na magawang magpasakop. Bakit hindi mo magawang magpasakop? Dahil pakiramdam mo ay nakuwestiyon ang iyong hantungan o ang iyong pangarap na mapagpala. Nagiging negatibo ka at sumasama ang loob mo, at sinisikap mong iwasang gawin ang iyong tungkulin. Ano ang dahilan nito? May problema sa iyong hangarin. Kaya paano ito dapat lutasin? Kinakailangan na agad mong talikuran ang mga maling ideyang ito, at na agad mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon. Dapat mong sabihin sa iyong sarili, “Hindi ako dapat sumuko, dapat ko pa ring magawa nang mabuti ang tungkuling dapat gawin ng isang nilikha, at isantabi ang aking pagnanasang mapagpala.” Kapag binitiwan mo ang pagnanasang mapagpala at tinahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, mawawala ang bigat na pasan mo. At magagawa mo pa rin bang maging negatibo? Kahit na may mga pagkakataon pa rin na negatibo ka, hindi mo ito hinahayaang limitahan ka, at sa puso mo, patuloy kang nagdarasal at nakikibaka, binabago ang layunin ng iyong paghahangad mula sa paghahangad na mapagpala at magkaroon ng hantungan, ay nagiging paghahangad sa katotohanan, at iniisip mo, “Ang paghahangad sa katotohanan ay ang tungkulin ng isang nilikha. Para maunawaan ang ilang partikular na katotohanan ngayon—wala nang mas dakilang pag-aani, ito ang pinakadakilang pagpapala sa lahat. Kahit na ayaw sa akin ng Diyos, at wala akong magandang hantungan, at mawasak ang aking mga pag-asa na mapagpala, gagawin ko pa rin ang aking tungkulin nang maayos, obligado akong gawin iyon. Anuman ang dahilan, hindi nito maaapektuhan ang pagganap ko sa aking tungkulin, hindi nito maaapektuhan ang pagsasakatuparan ko sa atas ng Diyos; ito ang prinsipyong sinusunod ko sa aking pagkilos.” At sa pamamagitan nito, hindi ba’t nadaig mo ang mga limitasyon ng laman? Maaaring sabihin ng ilan, “Paano kung negatibo pa rin ako?” Kung gayon ay hanapin ninyong muli ang katotohanan para lutasin ito. Ilang beses ka mang malugmok sa pagiging negatibo, kung patuloy mo lang hahanapin ang katotohanan para lutasin ito, at patuloy na magpupunyagi para sa katotohanan, unti-unti kang makaaahon sa iyong pagiging negatibo. At balang araw, madarama mo na wala ka nang pagnanasang magtamo ng mga pagpapala at hindi ka na nalilimitahan ng hantungan at kahihinatnan mo, at na mas madali at mas malaya kang mabubuhay nang wala ang mga bagay na ito. Madarama mo na ang dati mong buhay, kung saan sa bawat araw ay nabubuhay ka para sa pagtatamo ng mga pagpapala at ng iyong hantungan, ay nakapapagod. Bawat araw, nagsasalita, gumagawa, at pinipiga ang utak alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala—at ano ang mapapala mo rito, sa huli? Ano ang halaga ng gayong buhay? Hindi mo hinangad ang katotohanan, kundi sinayang ang lahat ng pinakamabubuting araw mo sa mga bagay na walang kabuluhan. Sa huli, wala kang natamong anumang katotohanan, at hindi mo nagawang magpahayag ng anumang patotoong batay sa karanasan. Nagpakahangal ka, lubos na napahiya at nabigo. At ano ba talaga ang dahilan nito? Ang dahilan ay sa sobrang tindi ng layunin mong magtamo ng mga pagpapala, inokupa na ng iyong kahihinatnan at hantungan ang iyong puso at iginapos ka nang masyadong mahigpit. Subalit kapag dumating ang araw na makaahon ka mula sa pagkaalipin sa iyong kinabukasan at tadhana, magagawa mong talikuran ang lahat at sundin ang Diyos. Kailan mo magagawang ganap na bitiwan ang mga bagay na iyon? Habang walang-humpay na lumalalim ang iyong pagpasok sa buhay, makakamtan mo ang isang pagbabago sa iyong disposisyon, at saka mo magagawang ganap na bitiwan ang mga iyon. Sinasabi ng ilan, “Kaya kong bitiwan ang mga bagay na iyon kung kailan ko gusto.” Naaayon ba ito sa batas ng kalikasan? (Hindi.) Sinasabi ng iba, “Nalutas ko ang lahat ng ito sa isang magdamag. Simpleng tao ako, hindi kumplikado o mahina na katulad ninyo. Masyadong mataas ang mga ambisyon at ninanais ninyo, na nagpapakitang mas malalim ang pagkatiwali ninyo kaysa sa akin.” Ganoon nga ba ang sitwasyon? Hindi. Ang buong sangkatauhan ay may pare-parehong tiwaling kalikasan, hindi nagkakaiba sa lalim. Ang tanging pagkakaiba nila ay sa kung may pagkatao sila o wala, at sa anong klase ng tao sila. Ang mga nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan ay may kakayahang magkaroon ng medyo malalim, malinaw na kaalaman sa kanilang sariling tiwaling disposisyon, at maling iniisip ng iba na malalim ang pagkatiwali ng ganoong mga tao. Ang mga hindi nagmamahal o tumatanggap sa katotohanan ay laging nag-iisip na wala silang katiwalian, na sa ilan pang mabubuting asal, magiging banal silang mga tao. Ang pananaw na ito ay malinaw na hindi wasto—sa katunayan, hindi naman sa mababaw ang kanilang katiwalian, kundi hindi nila nauunawaan ang katotohanan at wala silang malinaw na kaalaman sa diwa at katotohanan ng kanilang katiwalian. Sa madaling sabi, para manampalataya sa Diyos, kailangang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, pumasok sa realidad, at magtamo ng mga pagbabago sa buhay disposisyon bago niya mabago ang maling direksyon at landas ng kanyang paghahangad, at bago niya tuluyang malutas ang problema ng paghahangad ng mga pagpapala at pagtahak sa landas ng mga anticristo. Sa ganitong paraan, maaaring mailigtas at magawang perpekto ng Diyos ang isang tao. Lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos para hatulan at dalisayin ang tao ay para sa layuning ito.

Ngayon, mayroon ba sa inyong gusto pa ring maging Diyos? (Wala.) Kaya ba hindi ninyo ito gusto ay dahil hindi kayo nangangahas, o dahil wala kayong pag-asa o angkop na pinanggalingan at kapaligiran? Mahirap masabi. Una, tiyak na walang sinumang may gusto na aktibong hangarin na maging Diyos. Gayumpaman, kung, sa mga espesyal na sitwasyon ay may mga taong gagalang sa iyo, dadakila sa iyo, madalas na pupuri at babati sa iyo, may katayuan ka sa puso nila, at hindi nila namamalayang itinaguyod ka nila bilang isang medyo perpekto at makapangyarihang imahe—kahit na hindi sila nagpatotoong Diyos ka, at alam nilang tao ka, iginalang ka pa rin nila, sinunod ka, at itinuring ka na para bang Diyos ka—ano ang mararamdaman mo? Hindi ba’t makakaramdam ka ng pambihirang kasiyahan at kaluguran? (Oo.) Sapat na ito para patunayang may ganito ka pa ring pagnanais. Ang lahat ng tao na may tiwaling disposisyon ay may pagnanais na maging Diyos. Ang totoo, wala lang sinumang tumuturing sa iyo na Diyos, kaya pakiramdam mo ay hindi ka kwalipikado. Kapag pakiramdam mong kwalipikado ka, tama ang kapaligiran, at sapat ang mga kondisyon, itataas mo ang sarili mo sa posisyong iyon. O kaya, hindi mo siguro itataas ang sarili mo, pero kapag buong puso kang itinataas ng ibang tao, magiging mapagpakumbaba ka pa rin ba? Tatanggapin mo ang pagtataas “nang walang pag-aalinlangan.” Ano ang nangyayari dito? Malalim na nag-ugat sa loob ng mga tao ang kalikasan ni Satanas, at hindi pa rin ito nalulutas—hindi kailanman ginusto ng mga taong maging mga tao, palagi nilang gustong maging Diyos. Puwede bang maging Diyos ang isang tao sa pamamagitan lang ng paghiling nito? Noon pa man ay gusto na ni Satanas na maging Diyos, at ano ang nangyari dito? Inihagis ito mula sa langit papunta sa lupa. Ganoon ang naging kapalaran ni Satanas dahil sa kagustuhang maging Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang nararamdaman Ko sa sarili Kong pagkakakilanlan, katayuan, at diwa? Talagang hindi ninyo alam. Wala Akong anumang nararamdaman; napakanormal ng lahat ng bagay. Masyadong praktikal at normal ang Diyos na nagkatawang-tao. Walang anumang mahimala tungkol sa Kanya, wala Siyang mga partikular na damdamin. Alam mo kung ano ang iniisip mo; alam mo kung ano ang gusto mo; alam mo kung sa aling pamilya ka ipinanganak, kung ilang taon ka na, at kung gaano kataas ang edukasyong natanggap mo; alam mo kung ano ang hitsura mo. Pero normal bang malaman kung ano ang panloob mong diwa, o normal bang hindi malaman? (Normal na hindi malaman.) Normal na hindi magkaroon ng anumang damdamin tungkol dito. Magiging mahimala ang pagkakaroon ng mga damdamin tungkol dito. Hindi ito magiging mula sa laman, at hindi ito magiging normal na pagkatao. Hindi normal ang pagiging mahimala. Ang mga taong palaging umaasal sa mga paraang hindi normal at may mga hindi normal na damdamin ay masasamang espiritu, hindi mga mortal na nilalang. May ilang taong nagtatanong sa Akin kung alam Ko kung sino Ako. Sabihin ninyo sa Akin, malalaman Ko ba? Dapat Ko bang malaman? Nasa Akin ang lohika, at ang mga paraan ng pag-iisip ng normal na pagkatao. May mga normal Akong kaisipan, at normal na kinagawiang buhay ng laman. Taglay Ko ang konsensiya, pagkamakatwiran, at panghusga ng normal na pagkatao, at taglay Ko ang mga prinsipyo ng sariling pag-asal, pangangasiwa sa mga bagay, at pakikisalamuha sa ibang taong may normal na pagkatao. Malinaw ang lahat ng bagay na ito. Kung tungkol sa kung paano gawin ang mga bagay, kung paano tratuhin ang iba’t ibang tao, kung paano tulungan ang mga tao, at kung aling mga tao ang tutulungan, taglay Ko ang lahat ng prinsipyong ito. Ang pamumuhay sa normal na pagkatao at paggawa ng mga bagay na dapat Kong gawin ay normal na pagkatao. Walang anumang mahimala tungkol dito. Hindi gumagawa ang Diyos ng mahimalang mga bagay. Normal lang na hindi Ko ito alam. Kung alam Ko ito, magdudulot ito ng problema. Bakit ito magdudulot ng problema? Kung alam Ko ito, magkakaroon Ako ng pasanin, masyadong maraming bagay ang madadamay, at magiging magkakasalungat ang mga iyon, dahil ang bahaging nalalaman Ko ay hindi sa laman o sa materyal na mundo, ito ay magiging mahiwaga, at magiging salungat ito sa mga usapin ng mundong ito. Katulad na lang kung paanong may ilang taong nakakakita ng mga bagay na nangyayari sa espirituwal na mundo. Namumuhay sila sa laman at sa materyal na mundo, pero nakikita nila ang isang mundong hindi sa tao at hindi materyal. Dalawang mundo ang nakikita nila, at nakakapagsabi sila ng ilang kakatwang bagay. Hindi ito normal. Maiimpluwensiyahan nito ang mga kaisipan at gawain ng ibang tao. Maliban dito, para sa mga taong sumasampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, kinakailangan pa ring may malaman sila tungkol sa mga usapin ng espirituwal na mundo. Maraming bagay na imposibleng malaman ng mga tao, pero sa totoo, wala namang mawawala sa iyo kung hindi mo ito alam; ayos lang kung alam mo ito o hindi. Nilimitahan na ng Diyos ang saklaw ng mga bagay na maaaring maunawaan, malaman, at maramdaman ng mga mortal na nilalang. Hindi nagsasalita ang Diyos nang kulang ng isang pangungusap sa kung ano ang kailangan mong malaman—sinasabi Niya sa iyo ang lahat, at hindi Niya hinahayaang magkulang ang iyong kaalaman. Gayumpaman, lubusan Niyang isinasara ang hindi mo kailangang malaman. Hindi Niya ito sasabihin sa iyo, at hindi Niya guguluhin ang mga iniisip at ang utak mo. Ang isa pang aspekto ay na, sa mga mortal na nilalang, ang mga usapin ng espirituwal na mundo ay isang uri ng misteryo, kakatwang penomena, o mga usapin ng ibang mundo. Sa mga puso nila, gusto ng mga taong magkaroon ng kaunting kaalaman tungkol sa kanila, pero ano ang magagawa mo sa ganoong kaalaman? Makukumpirma mo ba ito? Puwede ka bang makibahagi rito? Maraming usapin sa espirituwal na mundo ang lihim at hindi puwedeng ibunyag bago ang panahon ng mga ito. Isa itong bagay na walang sinuman ang puwedeng makibahagi—sapat na ang pagkakaroon ng limitadong kaalaman dito. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mundong ito at sa sangkatauhang ito, at masyadong maraming misteryo. Ang dapat nating maunawaan ay ang mga salita at katotohanan ng Diyos, at ang Kanyang mga layunin; dapat tayong pumasok sa mga katotohanang realidad, magkaroon ng pagpapasakop sa lahat ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos na maaaring malaman, maunawaan at matukoy ng mga tao, at pagkatapos ay magawa nating matakot sa Diyos, kilalanin ang Diyos bilang ang Lumikha sa iyo, kilalanin ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, sa wakas ay nagagawang bigkasin ang mga salitang sinabi ni Job: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Ano ang dapat na maranasan ng mga tao para makamit ang resultang ito? Dapat nilang maranasan ang paghatol at pagkastigo, ang pagpupungos, pagsubok, at pagpipino, at maranasan ang bawat uri ng sitwasyong isinasaayos ng Diyos, at sa pamamagitan ng mga ito, malaman ang mga gawa ng Diyos, malaman ang disposisyon Niya, maunawaan ang diwa ng Lumikha, at magawang ihambing ang sarili nila sa mga nabasa nilang salita ng Diyos o sa mga napakinggan nilang sermon. Sa huli, kahit paano pa sila tratuhin ng Diyos, nag-aalis o nagbibigay man Siya, nagtatamo sila ng patas at tumpak na pagkaunawa sa mga gawa ng Diyos, at nagpapasakop sila at tinatanggap nila ang mga ito sa paraang angkop sa pagkamakatwiran ng mga nilikha. Ito ang nilalayong isakatuparan ng Diyos.

Balikan natin ang paksa ng pagbabahaginan natin sa araw na ito. Ang mga pagpapamalas ng mga taong naghahangad sa katotohanan, at ang mga pagpapamalas ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay pangunahing ang tatlong uri na ito. Detalyado Kong tinukoy ang pagkakaiba-iba ng tatlong uri ng mga taong ito: Ang unang uri ay ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa; ang pangalawang uri ay ang mga taong may espirituwal na pang-unawa pero hindi naghahangad sa katotohanan; at ang pangatlong uri ay ang mga taong may espirituwal na pang-unawa at naghahangad sa katotohanan. Sa tatlong uri ng mga taong ito, alin ang may pag-asang makapasok sa mga katotohanang realidad at makapagtamo ng kaligtasan? (Ang pangatlong uri.) Aling uri ng tao ang may pag-asang makapasok sa mga katotohanang realidad, ibig sabihin ay puwede silang bumuti at magbago na maging sa isang taong may mga katotohanang realidad? (Ang pangalawang uri.) Kung ganoon, epektibo na bang nahatulan ng kamatayan ang unang uri ng tao? Puwede bang maging mga taong may espirituwal na pang-unawa ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa o na may bahagyang pang-unawa? Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay may kaunting pag-asang maging mga taong may bahagyang pang-unawa; medyo mas mabuti na ito kaysa sa hindi talaga pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa. Sa tatlong uri ng mga taong ito, alin ang may mas malaking pag-asang maligtas? (Ang pangatlong uri.) Paano naman ang pangalawang uri ng tao? (Depende ito sa pansarili nilang paghahangad. Kung magagawa nilang tunay na baguhin ang mga bagay, magsisi, at hangarin ang katotohanan, puwede silang magkaroon ng pag-asang maligtas.) Tatapatin Ko kayo. Hindi pa rin ganap na malinaw sa inyo ang tungkol sa pangalawang uri ng tao. Kahit na ang pangalawang uri ng tao ay may espirituwal na pang-unawa, silang lahat ay mga taong hindi naghahangad sa katotohanan, at kritikal ito. May espirituwal na pang-unawa man sila o wala, basta’t hindi nila hinahangad ang katotohanan, talagang hindi sila makakapagtamo ng kaligtasan. Ang gusto Kong bigyang-diin dito ay ang unang uri ng mga tao, ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Sabihin nating wala silang espirituwal na pang-unawa pero may mabuti silang pagkatao, at bukal sa loob nilang iniaalay ang sarili nila para sa Diyos, sinusunod nila ang anumang sinasabi ng Diyos, at may mapagpasakop na puso—iyon nga lang ay wala silang kakayahang makaarok pagdating sa katotohanan—pero kaya nilang unawain ang ilan sa mga salita ng Diyos at ihambing ang sarili nila sa mga iyon, at pagkatapos ay isagawa at pasukin ang mga iyon. May pag-asang maligtas ang ganoong mga tao. Puwede silang unti-unting magkaroon ng espirituwal na pang-unawa sa pamamagitan ng pagdanas sa ganoong karanasan sa loob ng ilang panahon. Habang mas masinsinan nilang binabasa ang mga salita ng Diyos, lalo silang binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu; nagagawa nilang ihambing sa sarili nilang mga kalagayan ang anumang nauunawaan nila sa mga salita ng Diyos, tanggapin ang pagpupungos, paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, ibigay ang hinihinging kapalit nito, at sa huli, magkaroon ng ilang kaukulang pagbabago sa disposisyon nila. Maituturing din ang ganoong mga tao na mga taong naghahangad sa katotohanan. Dahil itinuturing silang mga taong naghahangad sa katotohanan, kung ganoon ba ay may pag-asa na silang maligtas? (Oo.) May pag-asa silang maligtas—kaya, ang ganoong mga tao ay hindi puwedeng matalaga sa kamatayan. Sa kabaligtaran, mahirap masabi kung ano ang kalalabasan para sa uri ng mga taong kayang umunawa ng katotohanan at maghambing ng sarili nila rito, pero hindi kailanman pumapasok dito. Ano ang ugat ng problemang ito? (Ang saloobin nila sa katotohanan.) Ito ay ang saloobin nila sa katotohanan, na isang saloobin ng kawalan ng galang at pagwawalang-bahala. Ano ang ibig sabihin ng “pagwawalang-bahala”? Ibig sabihin nito ay hindi pagtanggap sa katotohanan; ibig sabihin nito ay panghahamak sa katotohanan. Ibig sabihin nito ay hindi pagkilala sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, at hindi pagseryoso sa mga ito. Kahit gaano pa karami ang nauunawaan nila sa mga naririnig nila, hindi nila isinasagawa ang katotohanan; at, kahit hanggang saan pa nila inihahambing dito ang sarili nila, kahit na alam nila kung anong uri sila ng tao, hindi pa rin sila nagsisisi. Kahit na alam nila na ang pinakamahalagang aspekto ng pananampalataya sa Diyos ay ang pagsasagawa sa katotohanan, ang salitang “pagsasagawa” ay hindi mahalaga sa ganoong mga tao. Hindi madaling maligtas ang ganoong mga tao.

Ngayon, paano natin dapat bigyang-kahulugan ang paghahangad sa katotohanan? Ano ba talaga ang paghahangad sa katotohanan? Sino ang makapagsasabi sa Akin? (Ang magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos, gamitin ang mga salita ng Diyos para magnilay at maghambing sa sarili, at ang pagkakaroon din ng buhay pagpasok. Tanging ito ang maituturing na paghahangad sa katotohanan.) Tama iyan. Tanging sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan at pagsasagawa sa katotohanan nagiging isang taong naghahangad sa katotohanan ang isang tao. Kung hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos at hindi nila kayang pagnilayan ang sarili nila, hindi sila magkakaroon ng buhay pagpasok, at hindi sila taong naghahangad sa katotohanan. Samakatwid, may direktang kaugnayan ang paghahangad sa katotohanan at ang buhay pagpasok. Kung nagagawa ng isang taong magtalakay ng maraming salita at doktrina, pero hindi niya kailanman isinagawa ang katotohanan, wala siyang tunay na pananampalataya sa Diyos, at kahit na malinaw niyang nalalaman na ang isang bagay ay ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at nagmumula sa Diyos, hindi siya nagpapasakop, at lumalaban siya, nanghuhusga, at patuloy na naghihimagsik, at namumuhay pa rin siya alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, at ginagawa niya ang mga bagay ayon sa sarili niyang mga kagustuhan, kung ganoon ay hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. May ilang taong may espirituwal na pang-unawa at nakakaunawa ng mga salita ng Diyos, pero hindi nagmamahal sa katotohanan, kaya hindi nila isinasagawa ang katotohanan—ang ganoong mga tao ay hindi mga taong naghahangad sa katotohanan. May ilang taong handang maghangad sa katotohanan, pero masyadong mababa ang kakayahan nila, at hindi nila maabot ang katotohanan. Ang resulta, sumasampalataya sila sa Diyos sa loob ng maraming taon pero hindi nila naiintindihan ang katotohanan. Ang ganito bang mga tao ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Hindi. Ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan? Ang mga pangunahing pagpapamalas ay hindi sila nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at hindi sila handang magdasal sa Diyos, lalo pa ang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at ayaw pa nga nilang dumalo sa mga pagtitipon o makinig sa mga sermon. Kapag nakikinig sila sa mga sermon, pakiramdam nila, ang bawat salita ay patungkol sa kanila, at inilalantad sila, na nagdudulot sa kanilang masakal at mailang. Kaya, sa tuwing oras na para makinig ng sermon, gusto na lang nilang matulog o makibahagi sa walang katuturang pag-uusap. Maraming ganitong tao. Sumasampalataya lang sila sa Diyos para pagpalain, hindi para tanggapin ang katotohanan, matamo ang katotohanan, alisin ang katiwalian nila, magsabuhay ng wangis ng tao, o magtamo ng kaligtasan mula sa Diyos. Ang ugat ng problema ay pangunahin na hindi nila minamahal ang katotohanan at hindi sila interesado sa katotohanan. Sumasampalataya lang sila sa Diyos para magtamo ng mga pagpapala. Ito ang tanging pinagtutuunan ng pananabik nila. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala, kaya nilang magtrabaho at magsuko ng mga bagay, pero, hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan at hindi sila interesado sa katotohanan. Iniisip nilang sapat nang makaunawa ng mga doktrina, na ang paggawa ng mas kaunting masamang bagay ay nangangahulugang nagbago na sila, at na ang pagseserbisyo, pagsuko sa mga bagay, at pagdurusa bukod pa sa mga naunang nabanggit ay nagdudulot sa kanilang maging kwalipikado na pagpalain. Ito ang pananaw nila sa pananampalataya sa Diyos. Samakatwid, kahit gaano karaming taon na silang sumasampalataya, kahit gaano karaming doktrina na ang nauunawaan nila at kayang ipangaral, at kahit gaano na karaming salitang naaayon sa katotohanan ang lumalabas sa mga bibig nila, hindi nila kailanman naisasagawa ang katotohanan, nananatiling matigas, mapagpalayaw, at walang pagpipigil ang mga disposisyong ipinakikita nila, pinoprotektahan nila ang sarili nilang pride at mga interes sa bawat pagkakataon, napakamakasarili at napakababa nila, at kahit kapag pinagsasabihan o pinupungusan sila, hindi nila ito matanggap, at wala silang kahit kaunting pagpapasakop. Ginagawa ng ganoong mga tao kung ano ang gusto nila; hindi sila kumokonsulta sa iba bago kumilos, at kahit na kumonsulta nga sila sa iba, ginagawa lang nila ito kapag wala na silang ibang magagawa at alang-alang lang sa pormalidad—hindi sila tuwiran magsalita, paligoy-ligoy sila, at sa huli, hinihikayat pa rin nila ang iba na gawin ang sinasabi nila. Anong disposisyon ang nabubunyag sa ganitong paraan ng paggawa sa mga bagay? (Panlilinlang.) Hindi lang ito panlilinlang; may mas malubha pa tungkol dito. Kahit gaano pa kasarap pakinggan ng mga salita nila kapag pinapayuhan nila ang iba, ipinapaliwanag na mga pagsasaayos ito ng sambahayan ng Diyos at hinihikayat ang ibang taong magpasakop, pagdating sa sarili nila, hindi sila ganito gumanap. Sa halip, mapagmatigas at mapaghimagsik sila, hindi sila nagpapasakop, at wala silang kakayahang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Maliban dito, paano sila nagpapamalas kapag nakikisalamuha sa iba? Kumikilos sila alinsunod sa mga pilosopiya para sa makamundong pakikitungo, naghahanap sila ng pakinabang sa bawat pagkakataon at pinoprotektahan nila ang mga personal nilang ugnayan. Ang ganitong uri ng mga tao ay may masyadong mapanira at tusong disposisyon. Ano ba ang pinakaugat ng pagiging mapanira at tusong ito? Ang pinakaugat nito ay kabuktutan. Madalas na hindi madali para sa mga tao na makatukoy ng mga buktot na disposisyon. Kapag nakikipag-usap sa iba ang mga taong may mga buktot na disposisyon, palaging may elemento ng tukso at pang-uusisa para makakuha ng impormasyon. Hindi sila nagsasalita nang tuwiran, at kahit na magtapat sila, ang layunin lang nila ay hikayatin kang sabihin ang laman ng puso mo—wala sila kailanmang sinasabing totoo tungkol sa sarili nila. Sinasabi ng ilang tao, “Paano Mo nasasabing wala sila kailanmang sinasabing totoo tungkol sa sarili nila? Palagi silang nakikipagbahaginan sa mga tao tungkol sa tiwaling disposisyong ipinapakita nila.” Ano ba ang halaga ng kaunting pakikipagbahaginang iyon? Hindi nila sinasabi kaninuman kung ano ang tunay nilang iniisip. Isa pa, ginagamit nila ang lahat ng uri ng taktika at paraan, o ang lahat ng uri ng pananalita para puspusang pagtakpan at itago kung sino sila, nagpapakita ng isang huwad na imahe sa mga tao. Kung malalaman ng ilang tao ang tunay nilang ugali, at malalaman ang masasamang bagay na nagawa nila, magkukunwari lang sila at magsasabi ng ilang salita ng pagsisisi, gagamit sila ng mga nakaliligaw na paraan para paniwalain ang mga taong nagsisi at nagbago na sila. Kung gagawa ulit sila ng masama at malalantad ang masasama nilang gawa, maipapakita sa mga tao na masamang tao talaga sila, iisipin nila nang husto ang bawat paraan para pagtakpan ang katunayang ito at hikayatin ang mga taong ituring pa rin silang kapatid. Anong disposisyon ito? Isa itong buktot na disposisyon. Bukod sa hindi talaga tinatanggap ng mga taong may ganitong uri ng buktot na disposisyon ang katotohanan, bihasa pa sila sa pagkukunwari, at palagi silang nakakaisip ng mautak na pangdepensa o pangangatwiran para sa sarili nila. Mga mapagpaimbabaw na Pariseo sila. Ang pinakakinatatakutan ng ganitong uri ng tao ay ang pagbabahagi ng mga tao tungkol sa katotohanan, ang pagtatapat ng mga tao sa nilalaman ng puso nila para kilalanin at himayin ang sarili nila, o ang mga taong nagsisiwalat ng mga katunayan tungkol sa isang bagay at sa gayon ay nalalantad ito. Sa tuwing may nagbabahagi tungkol sa katotohanan, labis siyang nayayamot at ayaw niyang makinig; nilalabanan ito ng puso niya at naiinis siya rito. Ganap nitong inilalantad ang hindi magandang aspekto ng pagiging tutol niya sa katotohanan. Bukod sa pagkaunawa sa katotohanan pero hindi pagsasagawa nito, may isa pang problema ang ganitong uri ng tao, ito ay na may saloobin siya ng paglaban at panghahamak sa mga positibong bagay at mga tamang pananaw, lalo na sa mga salitang naaayon sa katotohanan. Pagdating sa anumang positibong bagay o anumang salitang naaayon sa katotohanan, basta’t hindi ito ang itinuturing niyang mabuti o hindi siya ang bumigkas nito kundi ibang tao, hindi niya ito tatanggapin. Anong disposisyon ito? Kamangmangan, pagiging mapagmatigas, at kahangalan. Paano mo dapat suriin kung hinahangad ba ng isang tao ang katotohanan? Ang pangunahing bagay na dapat tingnan ay kung ano ang ibinubunyag at ipinamamalas niya sa ordinaryo niyang pagganap ng mga tungkulin niya at sa mga kilos niya. Mula rito, makikita mo ang disposisyon ng isang tao. Mula sa kanyang disposisyon, makikita mo kung may natamo ba siyang anumang pagbabago o may nakamit na anumang buhay pagpasok. Kung walang ibang ibinubunyag ang isang tao kundi mga tiwaling disposisyon kapag kumikilos siya at wala man lang kahit anong katotohanang realidad, tiyak na hindi siya isang taong naghahangad ng katotohanan. May buhay pagpasok ba ang mga hindi naghahangad ng katotohanan? Wala, siguradong wala. Ang mga bagay na ginagawa nila araw-araw, ang pagpaparoo’t parito nila, paggugol, pagdurusa, ang halagang binabayaran nila—kahit ano pa ang ginagawa nila, pagtatrabaho lang ang lahat ng ito, at sila ay mga trabahador. Kahit ilang taon pang naniniwala sa Diyos ang isang tao, ang pinakamahalaga ay kung mahal ba niya ang katotohanan. Makikita kung ano ang minamahal at hinahangad ng isang tao mula sa kung ano ang pinakagusto niyang gawin. Kung karamihan sa mga bagay na ginagawa ng isang tao ay umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga hinihingi ng Diyos, isa siyang taong nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kung naisasagawa niya ang katotohanan, at ang mga bagay na ginagawa niya sa araw-araw ay para magampanan ang kanyang tungkulin, may buhay pagpasok siya, at nagtataglay ng mga katotohanang realidad. Maaaring hindi angkop ang kanyang mga kilos sa ilang partikular na bagay, o maaaring hindi niya tumpak na naiintindihan ang mga katotohanang prinsipyo o maaaring may mapagmatigas siyang mga kinikilingan kaugnay nito, o kung minsan ay maaaring mayabang siya at inaakalang mas matuwid siya kaysa sa iba, ipinagpipilitan ang sarili niyang mga paraan, at bigong tanggapin ang katotohanan, pero kung pagkatapos nito ay magagawa niyang magsisi at isagawa ang katotohanan, walang pagdududang pinatutunayan nito na may buhay pagpasok siya at hinahangad niya ang katotohanan. Kung ang ibinubunyag ng isang tao habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin ay pawang mga tiwaling disposisyon, isang bibig na puno ng kasinungalingan, pagiging mapagmalaki, malayaw, nag-uumapaw na kabulastugan, na siya ang nasusunod sa kanyang sarili, at ginagawa niya kung ano ang maibigan niya, at iba pa, at kung, kahit gaano man karaming taon siyang naniniwala sa Diyos o gaano man karaming sermon ang narinig niya, walang kahit bahagya mang pagbabago sa mga tiwaling disposisyong ito sa huli, tiyak na hindi ito isang taong naghahangad ng katotohanan. Maraming tao ang naniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, na sa panlabas ay hindi masasamang tao, at may ilan pa ngang mabubuting pag-uugali. Sadyang marubdob silang naniniwala sa Diyos, pero hindi man lang nagbabago ang kanilang mga disposisyon sa buhay, at wala sila ni kaunting maibabahaging patotoong batay sa karanasan. Hindi ba kaawa-awa ang gayong mga tao? Matapos ang napakaraming taon ng paniniwala sa Diyos, hindi man lang sila makapagbigay ng kahit bahagyang patotoong batay sa karanasan. Ito ay trabahador lang talaga. Tunay ngang kaawa-awa sila! Sa madaling salita, para masuri kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan at may buhay pagpasok, dapat mong tingnan ang disposisyon at diwa niya sa paraang ipinapakita at ipinapahayag niya, at tingnan mo kung may anumang pagbabago sa disposisyon niya. Ang palaging pagbigkas ng mga salita at doktrina, at pagpapanggap at panlilinlang, ay hindi maipagpapatuloy nang matagal. Sarili lang nila ang sinisira nila, hindi naman nila nalilinlang ang iba. Hindi magtatagal, ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahangad sa katotohanan ay mabubunyag at matitiwalag. Tanging ang mga taong tumatanggap at nagsasagawa ng katotohanan ang makakapagtamo ng buhay pagpasok at magkakaroon ng pagbabago sa disposisyon.

Natapos Ko na ang pagbabahagi tungkol sa kung ano ang buhay pagpasok, kung ano ang paghahangad sa katotohanan, at lahat ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong naghahangad sa katotohanan. Dapat na ihambing ng mga tao ang mga bagay na ito sa sarili nila, at kapag naunawaan na nila ang katotohanan, kailangan nila itong isagawa. Ano ang pinakamalaking problema para sa karamihan ng mga taong sumasampalataya sa Diyos? Ito ay na nauunawaan nila ang katotohanan, pero hindi nila ito isinasagawa. Kahit na kaya nilang ihambing ang sarili nila sa mga salita ng Diyos matapos basahin ang mga ito, at nakapagtatamo sila ng kaunting pagkakilala sa sarili nila, bakit hindi nila maisagawa ang katotohanan? Hindi mahanap ng karamihan sa mga tao ang dahilan. Halimbawa, ang lahat ng tao ay may mga mapagmataas na disposisyon—masyado silang mapagmataas lahat at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Karamihan sa mga tao ay may kakayahang matukoy ito, pero kaya ba nilang iwasang ipakita ang pagmamataas nila? Hindi ito madaling gawin. Kahit na naihahambing nila ang sarili nila sa mga salita ng Diyos kapag binabasa nila ang mga ito, kinikilala nilang may mapagmataas silang disposisyon, at may landas silang isasagawa, ang mahirap dito ay na sa tuwing may ginagawa sila, madalas silang may sariling mga kagustuhan, intensyon, at layon, at hindi nila nakikitang nauugnay ang lahat ng ito sa tiwaling disposisyon nila. Kailangan nilang matutunang maging mapagkilatis sa mga bagay na ito, at dapat nilang maunawaan ang katotohanan, ayusin ang dapat ayusin, at bitiwan ang dapat bitiwan. Ibig sabihin, hindi na dapat nila gawin ang mga bagay alang-alang sa mga layunin, pagnanais, pride, katayuan, at interes nila. Dapat nilang itigil ang paggawa nila ng masama, at iwasan ang pagsasabi ng isa pang pangungusap o paggawa ng isa pang bagay para sa sarili nilang mga interes. Kung gagawin mo ito, nakapagtamo ka na ng pusong nagsisisi, at nasimulan mo nang baguhin ang negatibong aspekto mo. Kung lalo ka pang magkukusa, at maliban sa hindi pagsasalita para sa sarili mong kapakanan ay magagawa mo ring himayin ang sarili mo, hahayaan ang mga kapatid na makita ang pagpapamalas ng mapagmataas mong disposisyon para matuto sila rito, makapulot ng ilang aral, makinabang dito, at makahanap ng landas ng pagsasagawa, magiging mas higit na mabuti iyon. Ano naman ang mahirap gawin? Ang mahirap gawin ay ang bitiwan ang lahat ng hangarin, layunin, ambisyon, kagustuhan, at interes mo, ang hindi gawin ang mga bagay para sa sarili mong kapakanan, at ang hindi magpakaabala o magmadali para sa sarili mong kapakanan. Sinabi ni Pablo na natapos na niya ang takbo niya. Para kanino ba siya tumatakbo? (Tinakbo niya ito para mapagpala siya at magkaroon ng korona.) Pero wala si Pablo ng pang-unawang ito. Malamang ay iniisip pa rin niyang tumatakbo siya para sa Diyos at para tapusin ang atas ng Diyos, siguradong hindi para sa sarili niyang kapakanan. Iyon ang dahilan kung bakit nangahas siyang magpasikat at magpatotoo tungkol sa sarili niya sa ganoon kayabang at kawalang-kahihiyang paraan. Malinaw na ipinagtatanggol at ipinapaliwanag niya ang sarili niya. Kasabay nito, ito rin ang pinakamatibay na patunay na pinapatotohanan niyang para sa kanya, ang mabuhay ay si cristo. Lantaran siyang nagpapatotoo tungkol sa sarili niya at nilalabanan niya ang katotohanan; nilalapastangan niya ang katotohanan. Maraming tao na ngayong gumagalang kay Pablo, na ang mga puso ay puno ng mga ambisyon at pagnanais, na gustong lahat na magpatotoo tungkol sa sarili nila: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Sa paggawa nito, hindi ba’t binibigyang-laya nila ang mga pagnanais at ambisyon nila, hinahayaang patuloy na lumaki ang mga iyon, ibinubunyag ang mga iyon sa bawat sitwasyon para matupad ang mga iyon? Kung hindi mo kayang pagtagumpayan ang mga pagnanais mo, talagang tapos ka na; hindi ka makakapasok sa mga katotohanang realidad. Ano ang pinakapunto ng usaping ito? (Dapat tayong maghimagsik laban sa mga hangarin natin.) Ang paghihimagsik laban sa mga hangarin mo ay isang negatibong paraan ng pagsasagawa. Dapat ay magawa mo ring aktibong ilantad ang mga iyon, katulad na lang ng paglalantad sa ibang tao. Kung may sinabi kang gaya ng, “Sasabihin ko sa inyo ang totoo tungkol sa akin: Labis-labis ang mga ambisyon ko, at gusto kong makuha ang loob ninyo. Nagtatapat na ako ngayon sa inyong lahat. Handa akong maghimagsik laban sa laman; hindi ako magiging kasabwat ni Satanas. Ang layunin ko sa paglalantad sa sarili ko sa ganitong paraan ay para malinaw na maipakita sa inyo ang tunay kong mukha, para hindi ninyo ako igalang”—ano ang magiging epekto ng ganitong paraan ng pagsasagawa? Paniguradong hahangaan ka ng lahat. Hindi ba’t magiging mas mabuti ito kaysa sa paggalang at mataas na pagtingin na makukuha mo kapalit ng paggamit ng lahat ng uri ng napakababang taktika? (Oo.) Kahit papaano ay positibo ito. Kahit na medyo hahangaan ka ng lahat, titingalain ka ba nila? Posibleng tingalain ka siguro ng iba, pero dapat kang humanap ng mga paraan para hikayatin silang talikuran ang pag-uugaling ito. Palagi mong ilantad ang sarili mo, sabihin mo, “Mapaghimagsik din ako, at mas malala ang paghihimagsik ko kaysa sa inyo. Mapanlinlang at buktot din ako. Noong nagsalita ako noong panahong iyon, may layunin akong iniisip, iyon ay ang hikayatin kayong tingalain ako at huwag akong hamakin.” Kapag narinig na ito ng lahat, bukod sa hindi ka na nila hahamakin sa mga puso nila, lalo ka pa nilang irerespeto. Isa itong deretsahang paraan ng pagsasagawa. Tanging ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ang gagawa nito; hindi ito kayang gawin ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan anuman ang mangyari. Kung, sa puso mo, iniisip mo na talagang mabuti at isang malaking karangalan ang gawin ito, na kalugod-lugod ito sa Diyos, at hinahangad mong kumilos sa ganitong paraan; kung matindi ang kagustuhan mo sa iyong puso, naniniwalang dapat mo itong gawin at na ganitong klase ng tao ang dapat mong tularan—isang taong malinis, matapat, at walang bahid ng kasinungalingan sa pananalita, isang taong lubusang naghihimagsik laban sa tiwali niyang disposisyon at kay Satanas—saka ka lang magiging klase ng taong tunay na namumuhay sa liwanag. At kung naaakit at nasisiyahan kang maging ganitong klase ng tao, magagawa mong mahalin ang katotohanan, pasukin ang katotohanan, at bitiwan ang mga bagay na pagmamay-ari ni Satanas. Pero kung interesado ka pa rin sa mga hangarin, layunin, ambisyon, kagustuhan, at interes mo, at may natitira ka pa ring pagmamahal sa paghahangad sa kaalaman, kasikatan, pakinabang, at katayuan, may puwang pa rin sa puso mo ang mga bagay na ito. Sinasabi mo, “Maghihinay-hinay muna ako hanggang sa magkaroon na ako ng angkop na tayog, pagkatapos ay tingnan natin.” Ang tawag dito ay pagpapalayaw sa iyong sarili, at kawalan ng kakayahang ganap na maghimagsik laban sa sarili. Sa pamamagitan ng pagpapalayaw sa sarili mo nang ganito, bumabagal ang buhay pagpasok mo, at bukod sa hindi na nalutas ang mga suliranin mo ng paghahangad sa mga kasiyahan ng laman at paghahangad sa mga pakinabang ng katayuan, lalo pang naging mahirap alisin ang mga iyon. Kaya, lubusan bang maaalis ang mga bagay na pagmamay-ari ni Satanas sa puso mo? Puwede pa rin bang lumalim ang karanasan mo sa buhay, at patuloy na umunlad ang buhay mo? Makakamit mo pa rin ba na magawang perpekto ng Diyos? Nahulog ka na sa mga kasiyahan ng laman, at mahigpit ka nang naigapos ng mga pakinabang ng katayuan—makakawala ka pa rin ba sa mga iyon? Ayaw mong kumawala; unti-unti, nagiging isa kang taong nanlilihis ng mga tao. Magiging mahirap iyon, at magiging malubha ang kasalanan mo. Bakit sa ganoong paraan nagwakas ang mga bagay-bagay para kay Pablo? Ito ay dahil hindi niya talaga hinangad ang katotohanan. Noon pa man ay hinangad na niya ang mga minimithi at pinananabikan niya, at ginusto niyang kontrolin ang mga taong hinirang ng Diyos para sundin siya ng lahat ng ito, at gawin ng mga ito ang ginagawa niya. Ginusto rin niyang gamitin ang puspusang pagtatrabaho at pagbibigay ng hinihinging kapalit bilang bagay na mapanghahawakan para makipagtawaran sa Diyos, at magtamo ng mga gantimpala at ng korona. Sa huli, naparusahan siya ng Diyos. Kung ang landas na sinusundan ng isang tao ay parehong-pareho sa landas ni Pablo, wala na siyang pag-asa at talagang tapos na siya. Ang sinumang tao na kaparehong uri ni Pablo ay isang anticristo na hindi magsisisi anuman ang mangyari. Kung ilan lang sa mga kalagayan ni Pablo ang taglay mo, pero medyo naiiba ang layong hinahangad mo sa mithiin ni Pablo, agad ka dapat na magsisi, at baka makaabot ka pa sa oras. Kung gagawin mo ang ginawa ni Pablo, igagalang mo si Pablo, at parehong-pareho ka ni Pablo, bukod sa hindi ka na mananampalataya, gusto mo pang maging Diyos at maging si Cristo. Hindi ba’t pagnanais itong maging kapantay ng Diyos? Sa puso mo, sinasamba mo ang malabong diyos sa langit; gusto mong maging kapantay ni Cristo, at itinuturing mo pa ngang buhay ang mga kaloob at kaalaman mo, at itinuturing mo ang mga hindi wastong paghahangad bilang mga wastong paghahangad. Ang mga layong hinahangad mo, at ang paraan ng paghahangad mo ay palapit na nang palapit sa mga paghahangad ni Pablo, at lalong perpektong napapantayan ang mga paghahangad ni Pablo. Magdudulot ito ng problema sa iyo; wala ka na talagang pag-asa, at hindi ka na maliligtas. Dapat mong gawin ang ginawa ni Pedro at sundan ang landas ng paghahangad sa katotohanan, lubusan kang maghimagsik laban sa laman, at maghimagsik ka laban sa mga bagay na mula kay Satanas, at saka ka lang magkakaroon ng pag-asang maligtas. May landas na ba kayo ngayon sa pagtanggap ng kaligtasan? (Ang palaging paglalantad sa sarili namin at pagbitiw sa aming sarili.) Una, dapat ninyong bitiwan ang mga pansarili ninyong hangarin, layunin, ambisyon, at pagnanais. Aktibo ka mang naghahangad, o naghahangad sa isang negatibo at pasibong paraan, dapat mong bitiwan ang mga bagay na ito at matutunang magpasakop. Ito ang pinakamahalaga. Kung magpapasya kang kumilos sa isang partikular na paraan kapag may nangyari sa iyo, dapat mo munang suriin kung bakit ka kumikilos nang ganito. Kung para ito sa pride at katayuan, itigil mo na iyan, at bagalan mo ang mga hakbang mo sa pagkilos. Dapat kang magdasal: “O Diyos, ayaw kong gawin ito. Gusto kong maghimagsik laban dito, pero wala akong lakas. Pakiusap, bigyan Mo ako ng lakas, protektahan Mo ako, at agad Mong pigilan ang paggawa ko ng masama.” Pagkatapos, hindi mo mamamalayan, magkakaroon ka ng lakas. Minsan, ang kakayahan ng mga taong pagtagumpayan ang kasalanan, maghimagsik laban sa laman, at maghimagsik laban sa tiwali nilang disposisyon ay nanggagaling sa pagnanais at determinasyon nila, at sa adhikain nilang mahalin ang katotohanan. Kung minsan, hinihingi nito ang pagkilos ng Diyos, at hinihingi ang pagdepende sa Diyos—hindi puwedeng iwanan ng mga tao ang Diyos. Minsan ay nauunawaan mo ang katotohanan, may landas kang sinusunod, at iniisip mong kaya mo nang mabuhay sa sarili mo, pero kapag nahaharap ka sa mga bagong sitwasyon, hindi mo alam kung paano magsagawa—dapat kang magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya. Ang buhay ng mga tao ay puno ng mga tagumpay at kabiguan. Masasabing hindi kailanman puwedeng mawala ang Diyos sa mga tao. Kahit gaano pa karaming katotohanan ang maunawaan nila, hindi nila puwedeng iwanan ang Diyos. Kahit gaano pa karaming sandali ng pagiging negatibo ang mayroon sila, o gaano karaming sandali ng pagiging pasibo, sa huli ay hindi nila puwedeng iwanan ang pangunguna at pamamatnubay ng Diyos. Habang mas madalas kang nagpapasakop sa Diyos, mas nadaragdagan ang mga katotohanang realidad mo. Habang nadaragdagan ang mga katotohanang realidad mo, ipinahihiwatig nito na palalim nang palalim ang buhay pagpasok mo. Habang lumalalim ang buhay pagpasok mo, nangangahulugan itong lalo pang nagbabago ang disposisyon mo. Kapag malaki na ang ipinagbago ng disposisyon mo, nangangahulugan itong nagtamo ka na ng tayog. Ang tayog mo ay representasyon ng iyong buhay pagpasok. Kapag may tayog ka, kaya mong pagtagumpayan ang kontrol at pang-aalipin sa iyo ng tiwaling disposisyon mo, magiging mas mahusay ang kakayahan mong pagtagumpayan ang kasalanan, at magkakaroon ng lakas ang puso mo. Hindi ka lang magkakaroon ng madamdaming pagnanais, pag-asa, at adhikain; hindi ka mananatili sa antas na ito. Sa halip, aakyat ka, at magiging isang taong nasa hustong gulang, magiging isang taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Ito ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at ito rin ang resulta ng paghahangad sa katotohanan. Nakikita ba ninyo ang direksyon? Nakakakita ba kayo ng pag-asa? (Oo.) Mabuti iyan.

Ang buhay pagpasok ay isang prosesong hindi natatapos. Dapat ay habambuhay kayong magdanas para may makamit dito at sumailalim sa pagbabago. Kahit na tahakin mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kung hahangarin mo pa rin ang mga kasiyahan ng laman at ang mga pakinabang ng katayuan, matitisod at mabibigo ka pa rin. Ngayon ay nasa tamang landas ka na, at natagpuan mo na ang direksyon mo. Malinaw mo nang nakilatis ang mga bagay na hindi tama, pasibo, taliwas, at negatibo. May harang na sa pagitan mo at ng mga bagay na ito. Tungkol naman sa mga positibong bagay, medyo marami ka na ring naunawaan at natamo mula sa mga iyon, at medyo marami ka nang kayang arukin at tanggapin sa mga iyon. Ang natitira na lang pagkatapos magkaroon ng pagkilatis sa mga mali, buktot, at negatibong bagay at kilos na ito, ay ang lubusang alisin ang mga bagay na ito mula sa puso mo, lubusang iwanan at maghimagsik laban sa mga ito, at pagkatapos ay magsagawa alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng buhay pagpasok. Sa totoo lang, hindi naman mahirap ang buhay pagpasok; depende na lang ito kung tunay mong minamahal ang katotohanan. Kung tunay mong minamahal ang katotohanan, hindi ka matatalo ng mga negatibong bagay na ito. Posibleng pasibo at mahina ka sa loob ng ilang panahon, pero patuloy ka pa ring makauusad. Kung hindi mo minamahal ang katotohanan, o hindi mo ganoon katinding minamahal ang katotohanan, tumutuon ka lang sa mga panlabas na pormalidad, gumugugol nang kaunti ng iyong sarili at ibinibigay ang kaunting bahagi ng sarili mo, nagagawang gumising nang maaga at matulog nang dis-oras ng gabi para gampanan ang tungkulin mo; kung nananatili ka lang sa yugto ng pagtatrabaho, hindi mo gustong magtamo ng pang-unawa sa katotohanan o pumasok sa realidad, kontento ka lang na gugulin ang sarili mo para sa Diyos at hindi ka gumawa ng malalaking pagsalangsang, at hindi ka gumagalaw at hindi umuusad, ano ang magiging kahihinatnan ng lahat ng ito? Talagang hindi mo matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung gusto mong maging matagumpay ang paghahangad mo sa katotohanan, at tunay mong ninanais na magtamo ng buhay, hindi ito isang simpleng bagay. Dapat mong bitiwan ang sarili mong mga interes at talikuran ang lahat ng hindi wastong paghahangad, tulad ng paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, paghahangad sa mga pagpapala, o paghahangad sa isang korona o mga gantimpala. Ang lahat ng ito ay dapat bitiwan. Kung tunay mong minamahal ang katotohanan at nasisiyahan kang pagnilayan ang mga salita ng Diyos, ang buhay pagpasok ay hindi magiging isang mahirap na bagay para sa iyo. Basta’t nauunawaan mo ang katotohanan, likas kang magkakaroon ng landas, at hindi ka masyadong mahihirapan.

Hunyo 21, 2018

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.