Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Ikatlong Bahagi

Paano Pinagpapasyahan ng Diyos ang Kahihinatnan ng mga Tao at ang mga Pamantayang Ginagamit Niya sa Paggawa Niyon

Bago ka mapanatag sa anumang mga pananaw o konklusyon, dapat mo munang maunawaan ang saloobin ng Diyos sa iyo, at ang Kanyang iniisip, at saka ka magpasya kung tama o hindi ang sarili mong iniisip. Hindi kailanman ginamit ng Diyos ang panahon bilang panukat sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao, ni hindi Niya kailanman ibinatay ang gayong pagpapasya sa kung gaano nagdusa ang isang tao. Ano, kung gayon, ang pamantayang ginagamit ng Diyos sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao? Ang pagpapasya roon batay sa panahon ang siyang pinakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Bukod pa riyan, may mga taong madalas ninyong makita na minsa’y lubhang naging tapat, gumugol nang malaki, nagsakripisyo nang husto, at nagdusa nang matindi. Sila, sa tingin ninyo, ang maaaring iligtas ng Diyos. Lahat ng ipinamamalas at isinasabuhay ng mga taong ito ay tiyak na nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa itinakdang mga pamantayan ng Diyos sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao. Anuman ang pinaniniwalaan ninyo, hindi Ko ililistang isa-isa ang mga halimbawang ito. Sa madaling salita, anumang hindi ayon sa pamantayang iniisip mismo ng Diyos ay nagmumula sa imahinasyon ng tao, at lahat ng gayong bagay ay mga kuru-kuro ng tao. Kung pikit-mata mong igigiit ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, ano ang magiging resulta? Medyo malinaw na ang ibubunga nito ay pagtanggi lamang ng Diyos sa iyo. Ito ay dahil lagi mong ipinagyayabang ang iyong mga kwalipikasyon sa harap ng Diyos, nakikipagpaligsahan ka sa Kanya, at nakikipagtalo sa Kanya, at hindi mo talaga sinisikap na unawain ang Kanyang iniisip, ni hindi mo sinisikap na unawain ang kalooban o Kanyang saloobin sa sangkatauhan. Ang pagpapatuloy sa ganitong paraan ay pagpaparangal sa iyong sarili higit sa lahat; hindi nito pinupuri ang Diyos. Naniniwala ka sa iyong sarili; hindi ka naniniwala sa Diyos. Ayaw ng Diyos ang gayong mga tao, ni hindi Niya sila ililigtas. Kung maaari mong kalimutan ang ganitong uri ng pananaw at, bukod pa riyan, maitatama mo ang mga maling pananaw mong iyon noong araw, kung maaari kang magpatuloy ayon sa mga hinihingi ng Diyos, kung maaari mong isagawa ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan mula ngayon, kung maaari mong parangalan ang Diyos bilang Isa na dakila sa lahat ng bagay at magpipigil kang gamitin ang sarili mong personal na mga kagustuhan, pananaw, o paniniwala upang ilarawan ang iyong sarili at ang Diyos, at sa halip ay hahanapin mo ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng aspeto, matatanto at mauunawaan mo ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan, at mapapalugod mo Siya sa pamamagitan ng pagtugon sa Kanyang mga pamantayan, kamangha-mangha iyan! Ipapakita niyan na magsisimula ka na sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

Kung hindi ginagamit ng Diyos ang iba-ibang iniisip, ideya, at pananaw ng mga tao bilang mga pamantayan sa pagpapasya sa kanilang kahihinatnan, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya upang ipasya ang kahihinatnan ng mga tao? Ginagamit Niya ang mga pagsubok upang ipasya ang kanilang kahihinatnan. May dalawang pamantayan sa paggamit ng Diyos ng mga pagsubok upang ipasya ang kahihinatnan ng mga tao: Ang una ay ang dami ng mga pagsubok na pinagdaraanan ng mga tao, at ang pangalawa ay ang mga resulta ng mga pagsubok na ito sa mga tao. Ang dalawang tagapagpahiwatig na ito ang nagtatakda ng kahihinatnan ng isang tao. Ngayon, ipaliwanag natin ang dalawang pamantayang ito.

Una sa lahat, kapag nahaharap ang isang tao sa isang pagsubok mula sa Diyos (tandaan: Posibleng sa tingin mo, hindi mabigat ang pagsubok na ito, hindi na kailangang banggitin), titiyakin ng Diyos na may kamalayan ka na ito ang Kanyang kamay sa iyo, at na Siya ang nagsaayos ng sitwasyong ito para sa iyo. Habang musmos pa ang iyong tayog, magsasaayos ng mga pagsubok ang Diyos upang subukin ka, at ang mga pagsubok na ito ay tutugma sa iyong tayog, kung ano ang kaya mong unawain, at ano ang kaya mong tiisin. Anong bahagi mo ang susubukin? Ang saloobin mo sa Diyos. Napakahalaga ba ng saloobing ito? Siyempre mahalaga iyon! Napakahalaga niyon! Ang saloobing ito ng mga tao ang resultang hangad ng Diyos, para sa Kanya, ito ang pinakamahalagang bagay sa lahat. Kung hindi, hindi gugugulin ng Diyos ang Kanyang mga pagsisikap sa mga tao sa pag-aabala sa gayong gawain. Sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito, nais ng Diyos na makita ang iyong saloobin sa Kanya; nais Niyang makita kung ikaw ay nasa tamang landas o hindi. Nais din Niyang makita kung may takot ka sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi. Samakatuwid, marami man o kaunti ang nauunawaan mong katotohanan sa anumang partikular na panahon, mahaharap ka pa rin sa mga pagsubok ng Diyos, at kasunod ng anumang pagdami ng katotohanang iyong nauunawaan, patuloy Siyang magsasaayos ng mga pagsubok na may kaugnayan sa iyo. Kapag minsan ka pang naharap sa isang pagsubok, nanaisin ng Diyos na makita kung ang iyong pananaw, mga ideya, at saloobin sa Kanya ay nagkaroon na ng anumang paglago sa pagitan ng panahong iyan. Iniisip ng ilang tao, “Bakit nais palaging makita ng Diyos ang saloobin ng mga tao? Hindi pa ba Niya nakita kung paano nila isinasagawa ang katotohanan? Bakit nanaisin pa rin Niyang makita ang kanilang saloobin?” Walang kabuluhang kalokohan iyan! Ipagpalagay nang ganito kung gumawa ang Diyos, tiyak na nakapaloob diyan ang Kanyang kalooban. Palaging inoobserbahan ng Diyos ang mga tao sa tabi, minamasdan ang bawat salita at kilos nila, ang bawat gawa at galaw nila; inoobserbahan pa nga Niya ang bawat iniisip at ideya nila. Itinatala ng Diyos ang lahat ng nangyayari sa mga tao—ang kanilang mabubuting gawa, kanilang mga pagkakamali, kanilang mga paglabag, at pati nga ang kanilang mga paghihimagsik at pagkakanulo—bilang katibayan sa pagpapasya sa kanilang kahihinatnan. Sa paisa-isang hakbang, habang lumalaki ang gawain ng Diyos, makakarinig ka ng mas marami pang katotohanan at tatanggap ka ng mas marami pang positibong bagay at impormasyon, at magtatamo ka ng mas marami pang realidad ng katotohanan. Sa buong prosesong ito, madaragdagan din ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo, at kasabay nito, magsasaayos Siya ng mas mabibigat na pagsubok para sa iyo. Samantala, ang Kanyang layon ay suriin kung umunlad na ang iyong saloobin sa Kanya. Siyempre pa, kapag nangyari ito, ang pananaw na hinihingi ng Diyos sa iyo ay aayon sa iyong pagkaunawa sa realidad ng katotohanan.

Habang unti-unting nadaragdagan ang iyong tayog, gayundin ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa iyo. Habang musmos ka pa, magtatakda Siya ng napakababang pamantayan para tugunan mo; kapag medyo mas mataas na ang iyong tayog, medyo tataasan Niya ang iyong pamantayan. Ngunit ano ang gagawin ng Diyos kapag naunawaan mo na ang buong katotohanan? Ihaharap ka Niya sa mas malalaking pagsubok. Sa gitna ng mga pagsubok na ito, ang nais na matamo ng Diyos sa iyo, ang nais Niyang makita sa iyo, ay ang mas malalim na kaalaman tungkol sa Kanya, isang tunay na pagpipitagan sa Kanya. Sa panahong ito, ang Kanyang mga hinihingi sa iyo ay magiging mas mataas at “mas malupit” kaysa noong mas musmos pa ang iyong tayog (tandaan: Maaaring ituring ng mga tao na malupit ang mga ito, ngunit itinuturing talaga ng Diyos na makatwiran ang mga ito). Kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, anong klaseng realidad ang nais Niyang likhain? Palagi Niyang hinihingi na ibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Kanya. Sasabihin ng ilang tao, “Paano ko maibibigay iyan? Nagawa ko na ang aking tungkulin; tinalikuran ko na ang aking tahanan at kabuhayan, at ginugol ko na ang sarili ko. Hindi ba mga halimbawa ang lahat ng ito ng pagbibigay ng aking puso sa Diyos? Maaari kayang hindi talaga mga paraan ito ng pagbibigay ng aking puso sa Kanya? Ano ang partikular na hinihingi ng Diyos?” Napakasimple ng hinihingi. Sa katunayan, may ilang taong nakapagbigay na ng kanilang puso sa Diyos sa iba-ibang antas sa panahon ng iba-ibang yugto ng kanilang mga pagsubok, ngunit hindi kailanman ibinigay ng karamihan sa mga tao ang kanilang puso sa Diyos. Kapag sinusubok ka ng Diyos, nakikita Niya kung ang puso mo ay nasa Kanya, nasa laman, o kay Satanas. Kapag sinusubok ka ng Diyos, nakikita Niya kung lumalaban ka sa Kanya o nakaayon ka sa Kanya, at nakikita rin Niya kung nasa panig Niya ang puso mo. Kapag musmos ka pa at nahaharap sa mga pagsubok, kakaunti ang iyong tiwala, at hindi mo malalaman talaga kung ano ang kailangan mong gawin upang matupad ang mga layunin ng Diyos, sapagkat limitado ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Gayunman, kung maaari ka pa ring manalangin sa Diyos nang tunay at taimtim, at kung handa kang ibigay ang iyong puso sa Kanya, gawin mo Siyang pinakamakapangyarihang pinuno mo, at maging handang ialay sa Kanya ang lahat ng bagay na pinaniniwalaan mong pinakamahalaga, sa gayon ay naibigay mo na ang puso mo sa Diyos. Habang nakikinig ka sa mas maraming sermon at mas nauunawaan mo ang katotohanan, unti-unti ring madaragdagan ang iyong tayog. Sa panahong ito, ang pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos ay hindi na katulad noong musmos ka pa; hihingin Niya ang mas mataas na pamantayan sa iyo. Habang unti-unting ibinibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Diyos, dahan-dahang mapapalapit ang kanilang puso sa Diyos; kapag tunay na napapalapit ang mga tao sa Diyos, mas magpipitagan ang kanilang puso sa Kanya. Gayong puso lamang ang nais ng Diyos.

Kapag nais ng Diyos na maangkin ang puso ng isang tao, isasailalim Niya ang taong iyon sa maraming pagsubok. Sa panahon ng mga pagsubok na ito, kung hindi maangkin ng Diyos ang puso ng taong iyon o makita na may anumang saloobin ang taong ito—ibig sabihin, kung hindi nakikita ng Diyos na nagsasagawa o kumikilos ang taong ito sa isang paraan na nagpapakita ng pagpipitagan sa Kanya, at kung hindi rin Niya nakikita sa taong ito ang isang saloobin at matibay na pagpapasya na umiwas sa kasamaan—pagkaraan ng maraming pagsubok, hindi na sila pagpapasensyahan ng Diyos, at hindi na Siya magpaparaya sa kanila. Hindi na Niya susubukin ang taong ito, at hindi na Siya gagawa pa sa kanila. Kaya, ano ang ipinahihiwatig nito sa kahihinatnan ng taong ito? Nangangahulugan ito na wala silang kahihinatnan. Marahil ay wala silang nagawang nakakagambala at hindi sila nagsanhi ng kaguluhan. Marahil ay hindi nila hayagang nilabanan ang Diyos. Gayunman, nananatiling tago ang puso ng taong ito sa Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng malinaw na saloobin at pananaw sa Diyos, at hindi makita nang malinaw ng Diyos kung naibigay nila ang kanilang puso sa Kanya o kung hinahangad nilang magkaroon ng takot sa Kanya at iwasan ang kasamaan. Nauubos ang pasensya ng Diyos sa gayong mga tao, at hindi na Siya magsasakripisyo para sa kanila, maaawa sa kanila, o gagawa sa kanila. Nagwakas na ang pamumuhay ng isang tao nang may pananampalataya sa Diyos. Ito ay dahil, sa lahat ng maraming pagsubok na naibigay ng Diyos sa kanila, hindi natamo ng Diyos ang resultang nais Niya. Sa gayon, may ilang tao na hindi Ko kailanman nakitaan ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Paano ito makikita? Ang mga taong ito ay maaaring naniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, at sa tingin, kumilos sila nang masigla; nakabasa ng maraming aklat, nangasiwa sa maraming gawain, nakapuno ng isang dosena o mas marami pang kuwaderno, at naging dalubhasa sa napakaraming salita at doktrina. Gayunman, kailanman ay walang anumang nakikitang paglago sa kanila, hindi pa rin makita ang kanilang mga pananaw sa Diyos, at malabo pa rin ang kanilang saloobin. Sa madaling salita, hindi makita ang nilalaman ng kanilang puso; laging balot at selyado ang kanilang puso—selyado ang mga ito sa Diyos. Dahil dito, hindi pa Niya nakita ang tunay na nilalaman ng kanilang puso, hindi pa Niya nakita sa mga taong ito ang anumang tunay na pagpipitagan sa Kanya, at, bukod pa riyan, hindi pa Niya nakita kung paano lumalakad ang mga taong ito sa Kanyang daan. Kung hindi pa rin natatamo ng Diyos ang gayong mga tao hanggang ngayon, matatamo ba Niya sila sa hinaharap? Hindi! Ipagpipilitan ba Niya ang mga bagay na hindi matatamo? Hindi! Ano, kung gayon, ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao? (Tinatanggihan Niya sila at binabalewala.) Binabalewala Niya sila! Hindi pinakikinggan ng Diyos ang gayong mga tao; tinatanggihan Niya sila. Nakabisado na ninyo ang mga salitang ito nang napakabilis, at napakatumpak. Mukhang naunawaan na ninyo ang inyong narinig!

Ang ilang tao, kapag nagsisimula silang sumunod sa Diyos, ay musmos at mangmang; hindi nila nauunawaan ang Kanyang kalooban, ni hindi nila alam kung ano ang paniniwala sa Kanya. Ginagamit nila ang naisip at maling paraan ng tao sa paniniwala at pagsunod sa Diyos. Kapag nahaharap ang gayong mga tao sa mga pagsubok, hindi nila namamalayan ito; nananatili silang manhid sa patnubay at kaliwanagan ng Diyos. Hindi nila alam ang ibig sabihin ng ibigay ang kanilang puso sa Diyos o ang ibig sabihin ng manindigan sa panahon ng isang pagsubok. Bibigyan ng Diyos ng limitadong oras ang gayong mga tao, at sa panahong ito, ipauunawa Niya sa kanila kung ano ang Kanyang mga pagsubok at kung ano ang Kanyang mga layunin. Pagkatapos, kailangang ipamalas ng mga taong ito ang kanilang pananaw. Para sa mga taong nasa yugtong ito, naghihintay pa rin ang Diyos. Tungkol naman sa mga taong may ilang pananaw subalit nag-aalinlangan pa rin, na nais ibigay ang kanilang puso sa Diyos ngunit hindi kayang gawin ito, at sinusubukan na magtago at sumuko kapag nahaharap sila sa malalaking pagsubok kahit naisagawa na nila ang ilang pangunahing katotohanan—ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Umaasa pa rin Siya nang kaunti sa kanila, at ang resulta ay nakasalalay sa kanilang saloobin at pagganap. Kung hindi aktibo sa pag-unlad ang mga tao, ano ang ginagawa ng Diyos? Isinusuko Niya sila. Ito ay dahil, bago sumuko ang Diyos sa iyo, sumuko ka na sa sarili mo. Kaya, hindi mo masisisi ang Diyos sa paggawa nito. Mali na nagkikimkim ka ng hinaing laban sa Diyos.

Ang Iba-ibang Kahihiyang Hatid ng Isang Praktikal na Tanong sa mga Tao

May isa pang uri ng tao na may lubhang nakalulungkot na kahihinatnan sa lahat; ito ang uri ng taong pinaka-ayaw Kong banggitin. Nakalulungkot sila hindi dahil natanggap nila ang kaparusahan ng Diyos, o dahil malupit ang Kanyang mga hinihingi sa kanila kaya nakalulungkot ang kanilang kinahihinatnan; sa halip, nakalulungkot sila dahil ginagawa nila ito mismo sa kanilang sarili. Tulad ng sabi sa karaniwang kasabihan, hinuhukay nila ang sarili nilang libingan. Anong uri ng tao ang gumagawa nito? Ang mga taong ito ay hindi tumatahak sa tamang landas, at inihayag nang maaga ang kanilang kahihinatnan. Sa mga mata ng Diyos, ang gayong mga tao ang pinakamalalaking pakay ng Kanyang pagkamuhi. Sabi nga ng mga tao, ang ganitong mga tao ang pinaka-nakakaawa sa lahat. Kapag nagsimulang sumunod sa Diyos ang gayong mga tao, napakasipag nila; marami silang isinasakripisyo, maganda ang opinyon nila sa mga inaasam ng gawain ng Diyos, at sagana sila sa imahinasyon pagdating sa sarili nilang hinaharap. Tiwala rin sila lalo na sa Diyos, na naniniwala na kaya Niyang gawing ganap ang mga tao at dalhin sila sa isang maluwalhating hantungan. Magkagayunman, anuman ang dahilan, ang taong ito ay tumatakas pagkatapos sa panahon ng gawain ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “tumatakas” dito? Ang ibig sabihin nito ay naglaho sila nang walang paalam, ni walang sabi-sabi; umaalis sila nang walang kibo. Bagamat sinasabi ng mga taong iyon na naniniwala sila sa Diyos, kailanman ay talagang hindi sila nagkaugat sa kanilang landas ng pananampalataya. Sa gayon, gaano man sila katagal na naniwala sa Kanya, kaya pa rin nilang tumalikod sa Diyos. Ang ilang tao ay umaalis para magnegosyo, ang ilan ay umaalis para mamuhay, ang ilan ay umaalis para magpayaman, at ang ilan ay umaalis para mag-asawa at magkaanak…. Sa mga umaalis, may ilan na kalaunan ay nakonsiyensya at nais bumalik, at may iba na nahihirapang makaraos at natatangay sa agos ng mundo sa loob ng maraming taon. Itong mga natatangay sa agos ay nagdaranas ng maraming pagdurusa, at naniniwala sila na ang pamamalagi sa mundo ay napakasakit at na hindi sila maaaring humiwalay sa Diyos. Nais nilang bumalik sa sambahayan ng Diyos para tumanggap ng ginhawa, kapayapaan, at galak, at nais nilang patuloy na maniwala sa Diyos upang matakasan ang kapahamakan, o upang maligtas at magkaroon ng magandang hantungan. Ito ay dahil naniniwala ang mga taong ito na ang pagmamahal ng Diyos ay walang hangganan, na ang Kanyang biyaya ay hindi nauubos. Iniisip nila na anuman ang nagawa ng sinuman, dapat silang patawarin ng Diyos at maging mapagparaya ang Diyos sa kanilang nakaraan. Paulit-ulit na sinasabi ng mga taong ito na nais nilang bumalik at gawin ang kanilang tungkulin. Mayroon pang mga nagbibigay ng ilan sa kanilang mga pag-aari sa iglesia, sa pag-asang magbubukas ito ng daan pabalik sa sambahayan ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao? Paano Niya dapat ipasya ang kanilang kahihinatnan? Huwag kayong mag-atubiling magsalita. (Akala ko tatanggapin ng Diyos ang ganitong uri ng tao, ngunit matapos marinig iyan ngayon lang, palagay ko ay maaaring hindi Niya sila tanggapin.) Sabihin mo ang katwiran mo. (Lumalapit lamang sa Diyos ang gayong mga tao upang hindi kamatayan ang kanilang kahihinatnan. Hindi sila naniniwala sa Diyos dahil sa tunay na katapatan; lumalapit sila dahil alam nila na malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, kaya mayroon silang maling akala na maaari silang lumapit at tumanggap ng mga pagpapala.) Sinasabi mo na hindi tapat na naniniwala ang mga taong ito sa Diyos, kaya hindi Niya sila maaaring tanggapin, tama ba? (Oo.) (Ang pagkaunawa ko ay na ang gayong mga tao ay mga mapagsamantala, at hindi sila tapat na naniniwala sa Diyos.) Hindi sila naniwala sa Diyos; mga mapagsamantala sila. Magaling ang pagkasabi mo! Ang mga mapagsamantalang ito ang uri ng tao na kinasusuklaman ng lahat. Naglalayag sila sa direksyon ng ihip ng hangin, at hindi sila nag-aabalang gumawa ng anuman maliban kung may mapapala sila roon, kaya siyempre pa, kasuklam-suklam sila! May iba pa bang kapatid na gustong magbahagi ng kanyang opinyon? (Hindi na sila tatanggapin ng Diyos, dahil malapit nang matapos ang Kanyang gawain, at ngayon ang panahon kung kailan itinatakda ang kahihinatnan ng mga tao. Sa panahong ito nais bumalik ng mga taong ito—hindi dahil talagang nais nilang hangarin ang katotohanan, kundi nakikita nila ang pagbaba ng mga kalamidad, o dahil naiimpluwensyahan sila ng mga panlabas na kadahilanan. Kung talagang layon nilang hangarin ang katotohanan, hindi sana sila tumakas kailanman sa gitna ng gawain ng Diyos.) May iba pa bang mga opinyon? (Hindi sila tatanggapin. Talagang nabigyan na sila ng Diyos ng mga pagkakataon, ngunit ipinagpilitan nilang huwag Siyang pakinggan. Anuman ang layon ng mga taong ito, at kahit talagang magsisi sila, hindi pa rin sila hahayaan ng Diyos na bumalik. Ito ay dahil binigyan na sila ng Diyos ng napakaraming pagkakataon, ngunit naipamalas na nila ang kanilang saloobin: Nais nilang talikuran ang Diyos. Dahil dito, kung susubukin nilang bumalik ngayon, hindi sila tatanggapin ng Diyos.) (Sang-ayon ako na hindi tatanggapin ng Diyos ang ganitong uri ng tao, dahil kung nakita na ng isang tao ang tunay na daan, naranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng napakahabang panahon, at nakakaya pa ring bumalik sa mundo at sa yakap ni Satanas, isang malaking pagkakanulo ito sa Diyos. Sa kabila ng katotohanan na ang diwa ng Diyos ay awa at pagmamahal, nakasalalay ito sa klase ng taong pinatutungkulan ng diwang iyan. Kung haharap ang taong ito sa Diyos na naghahanap ng ginhawa o naghahangad ng isang bagay na kanilang maaasahan, hindi talaga sila ang uri ng tao na tapat na naniniwala sa Diyos, at hanggang diyan lamang ang awa ng Diyos sa gayong mga tao.) Kung ang diwa ng Diyos ay awa, bakit hindi Niya binibigyan ng kaunti pa nito ang ganitong klaseng tao? Sa kaunti pang awa, hindi ba magkakaroon ng pagkakataon ang taong ito? Noong araw, madalas sabihin ng mga tao na nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman; kung may nawawalang isa sa isandaang tupa, iiwan ng Diyos ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang isang nawawala. Ngayon, pagdating sa mga taong ito, dapat ba silang tanggapin ng Diyos at bigyan sila ng pangalawang pagkakataon dahil sa kanilang tapat na pananampalataya? Hindi talaga ito isang mahirap na tanong; napakasimple nito! Kung tunay ninyong nauunawaan ang Diyos at may tunay na kaalaman kayo tungkol sa Kanya, hindi na kailangan pa ang maraming paliwanag—at hindi na kailangan ang maraming haka-haka, tama ba? Tama ang inyong mga sagot, ngunit napakalayo pa rin nito sa saloobin ng Diyos.

Ngayon lamang, nagpahayag ng katiyakan ang ilan sa inyo na hindi posibleng tanggapin ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Ang iba naman ay hindi gaanong malinaw, na iniisip na baka tanggapin sila ng Diyos o baka hindi—mas matimpi ang saloobing ito. Mayroon ding mga tao na ang pananaw ay na umaasa kayo na tatanggapin ng Diyos ang ganitong klaseng tao—mas malabo ang saloobing ito. Yaong mga nakatitiyak sa inyo sa inyong iniisip ay naniniwala na napakatagal nang gumagawa ng Diyos, at na tapos na ang Kanyang gawain, kaya hindi Niya kailangang maging mapagparaya sa mga taong ito; kung gayon, iniisip ninyo na hindi Niya sila muling tatanggapin. Naniniwala ang mga mas matimpi sa inyo na ang mga bagay na ito ay dapat na pangasiwaan ayon sa indibiduwal na mga sitwasyon; kung ang puso ng mga taong ito ay hindi maihiwalay sa Diyos, at tunay silang naniniwala sa Diyos at nagsisikap na matamo ang katotohanan, dapat kalimutan ng Diyos ang kanilang nakaraang mga kahinaan at kamalian—dapat Niyang patawarin ang mga taong ito, bigyan sila ng pangalawang pagkakataon, at hayaan silang bumalik sa Kanyang sambahayan at tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Gayunman, kung minsan pang tatakas ang mga taong ito, aayawan na sila ng Diyos, at ang pagtalikod sa mga taong ito ay hindi maituturing na kawalan ng katarungan. May isa pang grupong umaasa na matatanggap ng Diyos ang gayong tao. Medyo hindi nakatitiyak ang grupong ito kung talagang gagawin iyon ng Diyos o hindi. Kung naniniwala sila na dapat Niyang tanggapin ang ganitong klaseng tao, ngunit hindi Niya tinanggap, tila medyo hindi ito naaayon sa pananaw ng Diyos. Kung naniniwala sila na hindi dapat tanggapin ng Diyos ang gayong tao, at sinasabi ng Diyos na walang hangganan ang Kanyang pagmamahal sa mga tao at na handa Siyang bigyan ng isa pang pagkakataon ang ganitong klaseng tao, hindi ba isa itong halimbawa ng nalantad na kamangmangan ng tao? Ano’t anuman, lahat kayo ay may sariling pananaw. Ang mga pananaw na ito ay isang klase ng kaalaman na nasa sarili ninyong isipan; sumasalamin din ang mga ito sa lalim ng inyong pagkaunawa sa katotohanan at sa kalooban ng Diyos. Tamang sabihin ito, hindi ba? Kahanga-hanga na may mga opinyon kayo sa bagay na ito! Gayunman, nariyan pa rin ang tanong kung tama ba ang inyong mga opinyon. Medyo nag-aalala kayo, hindi ba? “Kung gayon ay ano ang tama? Hindi ko makita nang malinaw, at hindi ko alam talaga kung ano ang iniisip ng Diyos, at wala Siyang sinabing anuman sa akin. Paano ko malalaman kung ano ang Kanyang iniisip? Ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan ay pagmamahal. Batay sa saloobin Niya noong araw, dapat Niyang tanggapin ang gayong tao, ngunit hindi gaanong malinaw sa akin ang kasalukuyang saloobin ng Diyos; ang masasabi ko lamang ay siguro ay tatanggapin Niya ang taong ito, at siguro ay hindi.” Nakakatawa ito, hindi ba? Talagang hindi ninyo masagot ang tanong na ito. Kung wala kayong tamang pananaw tungkol sa bagay na ito, ano ang gagawin ninyo kapag naharap talaga ang inyong iglesia sa gayong tao? Kung hindi ninyo mapangasiwaan nang tama ang sitwasyon, maaari kayong magkasala sa Diyos. Hindi ba mapanganib na gawain ito?

Bakit nais Kong magtanong tungkol sa inyong mga pananaw hinggil sa bagay na binanggit Ko? Nais Kong suriin ang inyong mga pananaw, suriin kung gaano karami ang kaalaman ninyo tungkol sa Diyos, at kung gaano ang nauunawaan ninyo sa Kanyang mga layunin. Ano ang sagot? Ang sagot ay nasa inyong mga pananaw mismo. Ang ilan sa inyo ay napaka-konserbatibo, at ang ilan sa inyo ay gumagamit ng inyong mga imahinasyon para manghula. Ano ang “paghula”? Ang ibig sabihin nito ay kapag hindi ninyo mahiwatigan kung paano mag-isip ang Diyos, at sa gayon ay nagbubuo kayo ng walang-batayang sapantaha na dapat mag-isip ang Diyos sa ibang paraan; hindi ninyo talaga alam mismo kung tama kayo o mali, kaya nagsasabi kayo ng malabong pananaw. Nahaharap sa katunayang ito, ano ang nakita ninyo? Sa pagsunod sa Diyos, bihirang pansinin ng mga tao ang Kanyang kalooban, at bihira nilang pansinin ang Kanyang mga iniisip at Kanyang saloobin sa mga tao. Hindi nauunawaan ng mga tao ang mga iniisip ng Diyos, kaya, kapag tinatanong kayo tungkol sa Kanyang mga layunin at disposisyon, nalilito kayo; lubha kayong nawawalan ng katiyakan, at pagkatapos ay nanghuhula kayo o nakikipagsapalaran. Anong uri ng pag-iisip ito? Pinatutunayan nito ang isang katotohanan: na karamihan sa mga tao na naniniwala sa Diyos ay itinuturing Siyang walang halaga at isang bagay na tila umiiral nang isang minuto at nawawala sa susunod. Bakit Ko sinasabi ito nang ganito? Dahil tuwing nahaharap kayo sa isang problema, hindi ninyo alam ang kalooban ng Diyos. Bakit hindi ninyo alam ang Kanyang kalooban? Hindi lamang ngayon, kundi mula simula hanggang katapusan, hindi ninyo alam ang saloobin ng Diyos sa problemang ito. Hindi mo ito maarok at hindi mo alam kung ano ang saloobin ng Diyos, ngunit napag-isipan mo ba ito nang husto? Naghangad ka na bang malaman iyon? Nakapagbahaginan ka na ba tungkol doon? Hindi! Pinagtitibay nito ang isang katunayan: Ang Diyos na iyong pinaniniwalaan ay walang kaugnayan sa Diyos ng realidad. Sa iyong paniniwala sa Diyos, pinagninilayan mo lamang ang sarili mong mga layunin at ng iyong mga lider; iniisip mo lamang ang mabababaw at doktrinal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, nang hindi tunay na nagsisikap na alamin o hangarin man lamang ang kalooban ng Diyos. Hindi ba ganito iyon? Ang diwa ng bagay na ito ay medyo nakakakilabot! Makalipas ang napakaraming taon, nakita Ko na ang maraming tao na naniniwala sa Diyos. Ano ang nabago ng kanilang paniniwala sa Diyos sa kanilang isipan? Naniniwala ang ilang tao sa Diyos na para bang wala Siyang halaga. Walang sagot ang mga taong ito sa mga tanong tungkol sa pag-iral ng Diyos, dahil hindi nila nadarama ni nararamdaman ang Kanyang presensya o pagkawala, lalo nang hindi nila nakikita nang malinaw o nauunawaan ito. Hindi nila namamalayan, iniisip ng mga taong ito na hindi umiiral ang Diyos. Naniniwala ang iba pa sa Diyos na para bang Siya ay isang tao. Iniisip ng mga taong ito na hindi Niya kayang gawin ang lahat ng bagay na hindi rin nila kayang gawin, at na dapat Siyang mag-isip kung paano sila mag-isip. Ang pakahulugan nila sa Diyos ay “isang taong hindi nakikita at hindi nahahawakan.” Mayroon ding isang grupo ng mga tao na naniniwala sa Diyos na para bang Siya ay isang tau-tauhan; naniniwala ang mga taong ito na walang damdamin ang Diyos. Iniisip nila na ang Diyos ay isang rebultong gawa sa luwad, at na kapag naharap sa isang isyu, ang Diyos ay walang saloobin, pananaw, o mga ideya; naniniwala sila na Siya ay minamanipula ng sangkatauhan. Naniniwala lamang ang mga tao kung paano nila gustong maniwala. Kung ginagawa nila Siyang dakila, Siya ay dakila; kung ginagawa nila Siyang maliit, Siya ay maliit. Kapag nagkakasala ang mga tao at kailangan nila ang awa, pagpaparaya, at pagmamahal ng Diyos, ipinapalagay nila na dapat ipaabot ng Diyos ang Kanyang awa. Nag-iimbento ang mga taong ito ng isang “Diyos” sa sarili nilang isipan, at pagkatapos ay ginagawa ang “Diyos” na ito na tuparin ang kanilang mga kahilingan at palugurin ang lahat ng pagnanasa nila. Kailan man o saan man, at anuman ang ginagawa ng gayong mga tao, gagamitin nila ang kahibangang ito sa pagtrato nila sa Diyos at sa kanilang pananampalataya. Mayroon pa ngang mga tao, matapos galitin ang disposisyon ng Diyos, na naniniwala pa rin na maaari Niya silang iligtas, dahil ipinapalagay nila na ang pagmamahal ng Diyos ay walang hangganan at ang Kanyang disposisyon ay matuwid, at gaano man magkasala ang mga tao sa Diyos, hindi Niya aalalahanin ang anuman dito. Iniisip nila na yamang ang mga pagkakamali ng tao, mga pagkakasala ng tao, at mga pagsuway ng tao ay pansamantalang mga pagpapahayag ng disposisyon ng isang tao, bibigyan ng Diyos ng mga pagkakataon ang mga tao, at magpaparaya at magpapasensya sa kanila; naniniwala sila na mamahalin pa rin sila ng Diyos tulad ng dati. Sa gayon, nananatiling malaki ang kanilang pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Sa katunayan, paano man naniniwala ang mga tao sa Diyos, basta’t hindi nila sinisikap na matamo ang katotohanan, negatibo pa rin ang Kanyang saloobin sa kanila. Ito ay dahil habang sumasampalataya ka sa Diyos, bagamat nakuha at napahalagahan mo na ang aklat ng mga salita ng Diyos, at pinag-aaralan at binabasa mo ito araw-araw, isinasantabi mo ang tunay na Diyos. Itinuturing mo Siyang walang halaga, o isang tao lamang—at ang ilan sa inyo ay itinuturing Siyang isang tau-tauhan lamang. Bakit Ko ito sinasabi sa ganitong paraan? Ginagawa Ko iyon dahil ang tingin Ko rito, nahaharap ka man sa isang problema o sa isang sitwasyon, ang mga bagay na umiiral sa likod ng iyong isipan, ang mga bagay na nabubuo sa iyong kalooban, ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang kaugnayan sa mga salita ng Diyos o sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Alam mo lamang kung ano ang iniisip mo mismo, kung ano ang sarili mong pananaw, at pagkatapos ay ipinipilit mo ang sarili mong mga ideya at opinyon sa Diyos. Sa iyong isipan nagiging mga pananaw ng Diyos ang mga ito, at ginagawa mong mga pamantayan ang mga pananaw na ito na walang-sawa mong pinaninindigan. Sa paglipas ng panahon, ang pagpapatuloy nang ganito ay lalong maglalayo sa iyo sa Diyos.

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kontakin Kami Gamit ang Messenger