Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito (Ikalawang Bahagi)
May ilang tao na matagal nang nakikipag-ugnayan sa Akin at na mas kilala Ako, at kahit na hindi nila Ako itinuturing na tulad ng kanilang kaibigan, o isang tao na kapantay nila, hindi nila nararamdaman na sila ay pinipigilan sa anumang paraan, at habang lumilipas ang panahon, sila ay nagiging lalong matapang, at ang mga hangganan sa kanilang puso ay unti-unting naglalaho. Palagi nilang iniisip na nauunawaan nila ang lahat ng bagay at palagi nilang sinasabi sa Akin ang mga bagay na nauunawaan nila, sa pag-iisip na walang sinuman kundi sila ang nakauunawa ng kahit anuman. Anong disposisyon ito? (Kayabangan.) Ito ay kayabangan. Ang mga bagay na panlabas ay maaaring maunawaan sa isang tingin, ngunit iniisip ng mga taong ito na sila ay napakatalino, at ito ay kasuklam-suklam. Kung ang mayabang na disposisyon ng isang tao ay umabot sa isang punto na naglalaho na ang lahat ng kanyang katwiran, ito ay maaaring umakay sa kanya na gumawa ng masama, at pagkatapos, ang kanyang mayabang na disposisyon ay magiging isang mabangis na disposisyon. Kung matalino ang isang tao, kung palaging puno ng pagpapakana ang kanyang mga salita at kilos, kung siya ay nakatatakot na tao, at kapag kasama mo siya, lagi niyang gustong kontrolin at pangasiwaan ka, sa pakiramdam mo ba ay mabait o masama ang taong ito? (Masama.) Natatakot ka sa kanya, at iniisip na, “Gusto lagi ng taong ito na kontrolin ako. Kailangan kong makatakas sa kanya sa lalong madaling panahon. Kung hindi ko gagawin ang sinasabi niya, mag-iisip siya ng paraan para mapaghigantihan ako, at sino ang nakakaalam kung anong mga pamamaraan ang gagamitin niya para parusahan ako.” Nadarama mong masama ang disposisyon niya, hindi ba? (Oo.) Paano mo ito nadarama? (Lagi niyang napapagawa sa mga tao ang mga bagay ayon sa mga utos at mga idea niya.) Mali ba na igiit niya sa iba na gawin ang mga bagay-bagay sa isang partikular na paraan? Mali ba talaga kung may igigiit na ipagawa sa iyo ang ibang tao? Wasto ba ang lohikang ito? Alinsunod ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Ang mga pamamaraan ba o ang disposisyon ba niya ang nagpapaasiwa sa iyo? (Ang disposisyon niya.) Tama iyon, ang disposisyon niya ang nagpapaasiwa sa iyo. Napapadama nito sa iyo na ang disposisyong ito ay mula kay Satanas, na ito ay hindi umaayon sa katotohanan, at na ito ay nakagugulo, kumokontrol at gumagapos sa iyo. Hindi lang ito nakapagpapaasiwa sa iyo, bagkus nagdudulot pa ito ng takot sa iyo, at pinapaisip ka nito na kung hindi mo gagawin ang sinasabi niya, may posibilidad na baka parusahan ka niya. Ang disposisyon ng ganitong uri ng tao ay napakasama! Hindi lang niya kaswal na sinasabi ang isang bagay—gusto ka niyang kontrolin. Labis ang panggigiit niyang gawin mo ang bagay-bagay, at iginigiit na gawin mo ang mga iyon sa isang partikular na paraan, at nagtataglay ito ng isang partikular na uri ng disposisyon. Hindi lang niya iginigiit na gawin mo ang isang bagay, gusto ka rin niyang kontrolin. Kapag nakontrol ka niya, magiging papet ka niya, isang tau-tauhan na hawak niya. Kung ganap kang makikinig sa kanya sa anumang sinasabi mo, anumang ginagawa mo, at kung paano mo ito ginagawa, magiging masaya siya. Kapag nadama mo ang disposisyong ito, ano ang nadarama mo sa puso mo? (Nakadarama ako ng takot.) At kapag nakadarama ka ng takot, paano mo binibigyang-kahulugan ang disposisyon niyang ito? Responsable ba ito, mabait, o masama? Nadarama mong masama ito. Kapag nakita mong masama ang disposisyon ng isang tao, nakadarama ka ba ng kasiyahan, o nakadarama ka ng galit, pagkasuklam at takot? (Galit, pagkasuklam, at takot.) Umuusbong sa kalooban mo ang masasamang damdaming ito. Kapag nakadarama ka ng galit, pagkasuklam, at takot, nararamdaman mo bang malaya ka, o nararamdaman mong nakagapos ka? (Nakagapos.) Saan nagmumula ang ganitong mga uri ng mga sentimyento at damdamin? Nagmumula ang mga ito kay Satanas. At anong mga damdamin ang tinatamasa ng mga tao mula sa mga bagay na mula sa Diyos? (Kalayaan at kasarinlan.) Ang puso mo ay malayang-malaya at libre. Kahit pa ikaw ay iwasto, pungusan, sawayin, disiplinahin, o hatulan at kastiguhin, ano ang sentimiyento at damdamin na iyon? (Mayroong pagkaramdam ng pagkakautang at pagsisisi sa aking puso, at may pagkaramdam na may nagawa akong mali, at pagkatapos ay magagawa ko nang tunay na magsisi at magtungo sa tamang direksyon. Bagamat nakararamdam ako ng kaunting kirot sa aking puso, tinatamasa ng aking espiritu ang pag-ibig ng Diyos at ang kapayapaan at kagalakan.) Ang natamong resulta ay positibo at ito ay gawa ng Diyos. Ano ang mga bunga ng mga gawa ni Satanas? (Iginagapos nito ang mga tao, at hindi sila makalaya. Nagdurusa sila sa kanilang puso at hindi alam kung paano nila mapalalaya ang kanilang sarili.) Hinahadlangan nito ang mga tao, pinupuno sila nito ng isang hindi maipaliwanag at kakaibang takot, iginagapos at hinahadlangan nito ang kanilang puso. Sa oras na subukan nilang kumilos, iginagapos sila nito upang hindi makakilos nang malaya, at tinatakot sila nito nang labis. Iyan ay gawa ni Satanas, at ito ay nagmumula kay Satanas. Anong disposisyon ang nahahayag kapag kumikilos nang ganito si Satanas at ang mga anticristo? Ito ay isang mabangis na disposisyon.
Palaging nais ng mga taong mayroong mabangis na disposisyon na kontrolin ang iba. Ano ang ibig sabihin ng kontrolin ang mga tao? Ito ba ay nagbabawal lamang sa iyo na banggitin ang ilang salita? Ito ba ay nagbabawal lamang sa iyo na mag-isip sa isang partikular na paraan? Tiyak na hindi—ito ay hindi problema ng isang salita o isang kaisipan, kundi na ang kanilang disposisyon ay mabangis. Batay sa salitang “mabangis,” ano ang mga bagay na maaaring gawin ng isang tao kapag ang ganitong disposisyon ay bumuhos mula sa kanya? Una sa lahat, nanaisin niyang manipulahin ang mga tao. Ano ang ibig sabihin ng manipulahin? Ibig sabihin nito na anuman ang mangyari sa iglesia, nanaisin niyang pumagitan, makialam, at magsaayos. Magtatakda siya ng isang panuntunan para sa iyo, at pagkatapos ay dapat mo itong sundin. Kung hindi, magagalit siya. Nais niyang manipulahin ka: Kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa silangan, kailangan mong magtungo sa silangan, at kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa kanluran, kailangan mong magtungo sa kanluran. Taglay niya ang pagnanais na ito, at pagkatapos ay kumikilos siya sa ganitong paraan—ang tawag dito ay pagmamanipula. Nais ng mga taong ito na pamahalaan ang tadhana ng isang tao, na pamahalaan at kontrolin ang buhay, isipan, pag-uugali, at mga kagustuhan ng isang tao, nang sa gayon ang isip, mga ideya, kagustuhan, at kahilingan ng taong ito ay umayon sa kung ano ang sinasabi nila at kung ano ang gusto nila, sa halip na sa sinasabi ng Diyos—ang tawag dito ay pagmamanipula. Palagi nilang gusto na isaayos para sa mga tao na gawin ang ganito o ang ganyan alinsunod sa sarili nilang kalooban, hindi sila kumikilos batay sa mga prinsipyo, kundi batay sa mga sarili nilang layunin at kagustuhan. Wala silang pakialam kung ano ang nararamdaman mo, sapilitan ka nilang inuutusan, at kailangan mong gawin kung anuman ang sabihin nila sa iyo; kung hindi ka kikilos ayon sa sarili nilang kalooban, pangangasiwaan ka nila at ipararamdam nila sa iyo na wala ka talagang pagpipilian at walang anumang magagawa pa. Alam mo sa puso mo na ikaw ay niloloko at kinokontrol, ngunit hindi mo pa rin alam kung paano ito kikilatisin, lalong hindi ang maglakas-loob na lumaban. Hindi ba’t ang kanilang mga kilos ay pag-uugali ni Satanas? (Oo.) Ito ay pag-uugali ni Satanas. Niloloko ni Satanas ang mga ganitong tao at kinokontrol nito ang mga ganitong tao, kaya naipamamalas sa mga tao ang isang satanikong disposisyon bilang palaging pagtatangkang kontrolin at manipulahin ang iba. Matupad man nila o hindi ang layuning ito ng pagkokontrol at pagmamanipula ng iba, ang lahat ng tao ay mayroong ganitong uri ng disposisyon. Ano ang disposisyong ito? (Kabangisan.) Ito ay kabangisan. Bakit ito tinatawag na kabangisan? Ano ang mga malinaw na pagbuhos ng disposisyong ito? Ito ba ay may kalakip na pagkaramdam ng pamimilit? (Oo.) Ito ay may kalakip na pagkaramdam ng pamimilit, na nangangahulugan na kung ikaw man ay makinig o hindi, kung anuman ang nararamdaman mo, kung tinatamasa mo man ito o nauunawaan ito, sapilitan nilang hihingin na makinig ka sa kanila at gawin mo ang sinasabi nila, nang wala nang anumang usapan pa, nang hindi ka binibigyan ng pagkakataong magsalita, at nang hindi ka binibigyan ng anumang kalayaan—hindi ba’t mayroon itong ganitong uri ng kahulugan? (Oo.) Tinatawag itong “kabagsikan,” na isang aspeto ng kabangisan.[a] Ang isa pang aspeto ng kabangisan ay “kasamaan,”[b] ano ba ang tinutukoy ng “kasamaan”? Tumutukoy ito sa mga tao na gumagamit ng mga pamamaraan ng sapilitang pag-iindoktrina at paniniil upang matamo ang resulta na makontrol ka at maudyukan kang sundin ang kanilang pagmamanipula, at sa ganitong paraan ay mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang tawag dito ay “kasamaan.” Sa mga kilos nito, nais ni Satanas na pigilan kang magkaroon ng malayang kalooban, na matutong magmuni-muni at kumilatis, at na maunawaan ang katotohanan upang ang iyong buhay ay gumulang. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na gawin ang mga bagay na iyon, at nais nitong kontrolin ka. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na hanapin ang katotohanan at unawain ang kalooban ng Diyos, at hindi ka nito dinadala sa harap ng Diyos, sa halip ay dinadala ka nito sa harap nito at inuudyukan kang makinig dito, na animo’y ito ang katotohanan, at anumang sabihin nito ay tama, at animo’y ito ang sentro ng lahat ng bagay, kaya kailangan mong makinig dito at huwag subukang pag-aralan kung ang mga salita nito ay tama ba o mali. Ang disposiyon ng sapilitan at marahas na pagmamanipula at pagkokontrol sa pag-uugali at pag-iisip ng mga tao ay tinatawag na kabangisan. Hindi mo ba madalas na nakikita ang mga pagpapamalas na ito sa iyong pang-araw-araw na buhay? (Oo.) Kapag nakakasalamuha ninyo ang mga ito, napagtatanto ba ninyo na ang mga ito ay mga pagbuhos ng isang mabangis na disposisyon? (Hindi ko ito napagtanto dati, ngunit ngayon ay nauunawaan ko na.) Kung gagawin sa inyo ng ibang tao ang gayong mga bagay at maghahayag sila ng gayong disposisyon, mararamdaman at matutukoy ninyo ito, ngunit kung kayo mismo ay gumagawa ng gayong mga bagay at naghahayag ng gayong disposisyon, mapagtatanto ba ninyo na ito ay isang problema? Mapagtatanto ba ninyo na “Ang ganitong uri ng disposisyon ay mabangis! Ang kumilos sa ganitong paraan ay isang napakalaking bagay! Ang palaging pagkakaroon ng pagnanais at ambisyon na pangibabawan ang mga tao, na sapilitang kontrolin ang mga tao ay mali, ito ay kay Satanas, ito ay isang satanikong disposisyon. Hindi ako maaaring kumilos nang ganito, kailangan kong maghanap ng isang paraan upang makitungo at makipag-ugnayan sa mga tao na alinsunod sa katotohanan”? Mapagtatanto ba ninyo ito? (Hindi.) Kung wala kayong kakayahang mapagtanto ito, at madalas kayong naghahayag ng disposisyong ito, ano ang mga magiging bunga? Alam ba ninyo? (Hindi gugustuhin ng mga kapatid na gumugol ng oras kasama ako, at tatanggihan nila ako.) Iyan ang isa sa mga bunga. Hindi kaya ng isang tao na gaya nito na makasundo nang maayos ang iba, at labis siyang aayawan ng mga tao. Siya ay gaya ng isang salot; sa oras na siya ay dumating, kailangang umalis ang lahat, at bakit ito ganito? Walang sinuman ang may gustong makontrol niya. Ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos at handang sumunod sa Diyos, at ayaw nilang sumunod kay Satanas, ngunit ang ganitong uri ng tao ay palaging nagnanais na kontrolin ang iba, kaya paanong hindi siya tatanggihan ng mga tao? Una sa lahat, siya ay madalas na tatanggihan ng mga kapatid at kakayamutan ng mga tao. Kung hindi niya kayang magsisi, ni hindi magagawa ng gayong tao na tuparin ang kanyang tungkulin nang maayos, o sa mahabang panahon, dahil hindi niya kayang makipagtrabaho nang maayos sa iba. Kaya, kailangan siyang mapalayas. Bukod dito, ano ang iba pang mga bunga? (Ang buhay ng iglesia ay magugulo.) Ito ang isa pang bunga. Ang taong iyan ay magiging isang itim na tupa sa piling ng mga kapatid, at guguluhin niya ang buhay ng iglesia. Ano ang mawawala sa kanya nang personal dahil dito? (Hindi niya magagawang lumago sa buhay.) Tiyak na hindi niya magagawang lumago sa buhay, kaya ano ang magiging resulta sa huli? Tiyak na siya ay parurusahan at palalayasin. Ang isang tao na palaging tinatanggihan ng kanyang mga kapatid, na hindi kailanman lumalago sa buhay, at na palaging nagnanais na kontrolin ang mga tao, na udyukan ang mga tao na makinig sa kanya, na agawin ang lugar ng Diyos sa kanilang puso, at sa huli ay inihihiwalay, at na hindi pa rin nagsisisi at hindi kailanman nagbabago, paano siya haharapin ng Diyos? Sabihin ninyo sa Akin, ang mga tao ba o ang hindi mga tao ang inililigtas ng Diyos? (Ang mga tao.) Kung gayon, paano itinuturing ng Diyos ang isang tao na gaya nito? (Bilang isang hindi tao.) Itinuturing ng Diyos ang gayong tao bilang isang hindi tao, at hindi siya inililigtas ng Diyos. Kung gayon, hindi ba’t naitakda na ang kanyang wakas? Ang gayong tao ay walang pag-asa, walang halaga sa buhay. Ang maituring ng Diyos bilang isang hindi tao ay labis na kaawa-awa!
Ang paghahangad ng pagpasok sa buhay ay nangangailangan ng pagsisiyasat sa mga salita, gawa, kaisipan at ideya ng isang tao sa lahat ng usaping ukol sa pang-araw-araw na buhay, pag-intindi sa sariling kalagayan ng isang tao, at pagkatapos ay paghahambing nito sa salita ng Diyos, ng paghahanap sa katotohanan, at ng pagsasagawa nito hangga’t nauunawaan ng isang tao. Sa proseso ng pagsasagawa at pagdanas, kailangan din na patuloy na siyasatin ng isang tao ang sarili niyang kalagayan, at tingnan kung anong iba pang negatibong kalagayan at bagay na pumipigil sa kanya sa pagsasagawa ng katotohanan ang nananatili sa kanyang puso, at pagkatapos na maungkat ang mga ito, kailangan niyang manalangin at magsumamo sa Diyos upang malutas ang mga hindi normal na kalagayang ito—titiyakin nito na maisasagawa niya ang mga katotohanang nauunawaan niya. Ang patuloy na paglutas ng mga negatibong kalagayan, haka-haka, at imahinasyon ang tanging paraan para matiyak na maisasagawa ng isang tao ang katotohanan. Alinmang aspeto ng katotohanan ang isinasagawa, magkakaroon ng ilang paghihirap, at kapag nagbago ang kapaligiran at konteksto, lilitaw ang mga bagong paghihirap. Bukod pa roon, ang iba’t ibang haka-haka, imahinasyon, at hindi dalisay na mga intensyon ng mga tao ay maaaring makapigil sa kanila sa pagsasagawa ng katotohanan, kaya dapat silang magtapat at makipagbahaginan nang madalas sa mga nakauunawa ng katotohanan, at maghanap ng landas para makapasok sa katotohanang realidad, at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, upang matiyak na maisasagawa nila ang katotohanan alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo sa iba’t ibang kapaligiran at konteksto, at sa lahat ng uri ng usapin. Ang pagpasok sa katotohanang realidad ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng paghahanap at pagsasagawa ng pagpasok sa ganitong paraan. Kung hindi madalas na pagninilayan ng mga tao ang kanilang sarili, hindi nila maiintindihan ang sarili nilang mga kalagayan, at hindi nila malalaman kung saan naroroon ang mga paghihirap sa pagsasagawa ng katotohanan at kung gaano kalaki ang mga sagabal dito, kaya hindi nila matitiyak na maisasagawa nila ang katotohanan. Ang mga nakakikilala lamang sa kanilang sarili at nakaiintindi sa sarili nilang mga kalagayan ang makaaasa sa Diyos at makababaling sa Kanya, at madaling makapagsasagawa ng katotohanan. Ang mga hindi nakakikilala sa kanilang sarili ay palaging sumusunod sa mga panuntunan batay sa kanilang mga haka-haka at imahinasyon, kaya napakarami nilang hinaharap na hadlang at napakatindi ng kanilang mga paghihirap. Sa katunayan, ang pinakamatinding paghihirap na hinaharap ng mga tao ay nasa kanilang tiwaling disposisyon, sinusundan ng hindi pagkaunawa sa mga prinsipyo ng pagsasagawa. Sa sandaling ang dalawang problemang ito ay malutas, madali na para sa mga tao na isagawa ang katotohanan. Upang maging isang taong masunurin sa Diyos, at upang pumasok sa katotohanang realidad, kailangan munang pagsikapan ng isang tao ang pagsasagawa ng katotohanan; kung naisasagawa ng isang tao ang ilang aspekto ng pagsasagawa ng katotohanan sa iba’t ibang usapin na nakakatagpo niya bawat araw, nakapasok na siya sa katotohanang realidad. Kung patuloy kang nagsasanay sa ganitong paraan, at nagninilay-nilay sa iyong sarili at nakakatagpo ng isang landas ng pagsasagawa sa salita ng Diyos, unti-unti mong magagawang lutasin ang sarili mong tiwaling kalagayan, at magkakaroon ka ng isang landas para sa pagsasagawa at pagpasok sa katotohanan. Kasabay nito, magkakamit ka ng panimulang pagkaunawa ng mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng lahat ng aspekto ng katotohanan. Kapag ang isang tao ay mayroong tunay na pagkaunawa sa mga kalagayang ito at sa lahat ng aspekto ng katotohanan, nakokontento ang kanyang puso, at lalo siyang napagyayaman; hindi na siya nagmumukhang manhid at mabagal umunawa, o aba at kaawa-awa. Sa panahon ngayon, ang karamihan ng tao ay makapagsasalita nang kaunti tungkol sa mga panlabas na usapin, ngunit kapag pinagpahayag sila ng mga tamang pananaw sa mga bagay ukol sa tama at mali, at pinagsalita tungkol sa pagkaunawa nila sa mga usaping ito, pati na sa kanilang mga pamamaraan upang harapin ang mga ito, at mga landas ng pagsasagawa, ang karamihan ng tao ay walang malinaw na pagkaunawa at lubos na hungkag ang kalooban. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Mali ka, hindi lubos na hungkag ang aming kalooban. Alam namin na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa ulan, na isinasaayos ng Diyos na mamulaklak ang mga puno sa tagsibol, na itinatakda ng mga itinalagang kautusan ng Diyos kung kailan gagawin ng mga ibon ang kanilang mga pugad, at kung bakit ang iba’t ibang bulaklak ay magkakaiba at may napakaraming kulay, at kung bakit ang mga dahon ng mga puno ay luntian—ito ang mga alituntunin ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay, at ang mga ito ay itinalaga ng Diyos. Alam namin na dapat tayong mabuhay alinsunod sa mga itinalagang kautusan ng Diyos, bumabangon sa umaga, natutulog sa gabi, at kumakain nang tatlong beses sa isang araw, at alam din namin na mayroong mga alituntunin sa pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan para sa mga tao, at na walang sinuman ang makalalabag sa mga ito. Bukod pa riyan, hindi kami nagrereklamo tungkol sa Diyos—nagpapasalamat kami sa Diyos dahil nabubuhay kami ngayon, at magpapasalamat din kami sa Diyos kung kami ay mamamatay bukas. Hindi kami naghihikahos, manhid, at mabagal umunawa.” Ang maunawaan lamang ba ang mga doktrinang ito ay kapareho ng maunawaan ang katotohanan? Ito ba ay pagpasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Ang maunawaan ang mga bagay na ito ay ang unang hakbang lamang, at ang mga ito ay mga bagay na dapat ding maunawaan ng mga tao, ngunit ang kailangan nilang maunawaan higit sa lahat ay kung paano sila dapat mamuhay, ano ang dapat nilang ipamuhay, at anong mga tungkulin ang dapat nilang isakatuparan. Kung hindi mo kayang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, hindi ka magkakaroon ng pagpasok sa buhay, at hindi mo makakamit ang katotohanan at ang buhay, at hindi ba’t walang laman ang ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos? Nangangahulugan ito na ganap na hungkag ang iyong kalooban. Sinasabi ng iba, “Sa nakalipas, mababa ang aking tayog at hindi ko alam na ang lahat ng nangyayari sa akin ay pinangangasiwaan ng Diyos, at hindi ko alam kung paano titingnan o haharapin ang mga bagay na ito, at nang mangyari ang mga bagay na ito, naramdaman kong hindi ko alam kung ano ang gagawin ko at hinarap ko ang mga ito gamit ang mga pamamaraan ng tao. Ngayon ay nauunawaan ko na na ang mga bagay na nagaganap araw-araw, gaano man kaliit, ay pinangangasiwaang lahat ng Diyos, at na ang lahat ng bagay ay itinatalaga ng Diyos, at sasabihin ko, ‘Diyos ko, nagpapasalamat ako sa Iyo para sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan, at nakahanda akong ilagay ang aking kapalaran sa Iyong mga kamay at sa habag ng Iyong pangangasiwa; hindi ko nais na maghimagsik, nais kong makinig sa Iyong mga salita, at tiyak na tutuparin ko ang tungkulin ko nang maayos at ibibigay ko ang aking debosyon at ang lahat ng aking pagsisikap dito!’ Nauunawaan ko ang lahat ng ito, kaya paanong ako ay aba at kaawa-awa pa rin?” Sa katunayan, siya ay aba at kaawa-awa. Bakit Ko ito sinasabi? (Dahil wala siyang kaalaman ukol sa kanyang satanikong disposisyon at sa kanyang kalikasang diwa; kaya niyang magsalita tungkol sa napakaraming espirituwal na doktrina, ngunit kapag may nangyayari, namumuhay pa rin siya alinsunod sa kanyang satanikong disposisyon, at pagkalipas ng mga taon ng pananampalataya sa Diyos, ang kanyang buhay disposisyon ay hindi nagbago kahit bahagya.) Ang nauunawaan niya ay isa lamang huwad na espirituwal na balabal na kanyang isinusuot; siya ay para bang may wangis ng isang mananampalataya ng Diyos at kagandahang-asal ng isang banal, at tila ba naging dalubhasa na siya sa ilang malalim at espirituwal na teoryang teolohiko, ngunit ang nauunawaan niya ay hindi ang katotohanan, kundi isang uri lamang ng teoryang teolohiko. Hindi nito mababago ang direksyon ng buhay ng isang tao, o ang mga pananaw ng isang tao ukol sa mga bagay o mga prinsipyo para sa pagharap sa mundo, lalong hindi nito mababago ang tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang mga teoryang teolohiko na ito, ang mga espirituwal na doktrinang ito, ay tiyak na hindi kayang gawing normal ang relasyon ng isang tao sa Diyos, o bigyang kakayahan siya na kilalanin ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon, o na iwaksi niya ang mga tiwaling disposisyong ito, lalong hindi ang bigyang kakayahan siya, sa pamamagitan ng pagdanas ng gawain ng Diyos, na maabot ang punto ng pagkakila at pagsunod sa Diyos. Samakatuwid, itong tinatawag na mga espirituwal na salita at doktrina ay hindi naghahatid ng ni katiting na benepisyo sa mga tao, kundi ginagawa lamang sila nitong mapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili, at lalo pang maging suwail at lumalaban sa Diyos, dahil ang mga bulok na bagay na ito ay walang kinalaman sa katotohanan at lahat ay pagpapaimbabaw na dapat lubusang iwanan at talikuran.
Sa ngayon, anong napakahalagang bagay ang dapat na hangarin ng mga mananampalataya ng Diyos? (Isang pagbabago ng disposisyon.) Ang pagsasalita ba ng tungkol sa maraming doktrina ay makapagpapabago ng disposisyon ng isang tao? (Hindi.) Ano ba talaga ang pagbabago sa disposisyon? Ang pagbabago ba ng disposisyon ay nangangahulugan na ang pag-uugali ng isang tao ay nagbabago, at na siya ay labis na nagiging mapagwalang-bahala, madaling pakisamahan, at gusto ng lahat? Ang pagbabago ba sa disposisyon ay nangangahulugan na ang isang tao ay nagiging tahimik at atubiling magsalita o tumawa? Ang pagbabago ba sa disposisyon ay nangangahulugan na ang isang tao ay nagiging pinatibay ng panahon, batikan, at nasa gulang? (Hindi.) Kung gayon ano ang pagbabago sa disposisyon? Ano ang unang bagay na dapat maunawaan upang mabago ang disposisyon ng isang tao? Una sa lahat, dapat maunawaan ng isang tao kung ano ang batayan para sa pagsasakatuparan ng pagbabago sa disposisyon, ibig sabihin, dapat muna niyang kilalanin kung ano ang nangyari sa kalikasang diwa ng tao at kung ano ang nangyari sa disposisyon ng tao pagkatapos itong gawing tiwali ni Satanas. Bibigyang kakayahan siya nito na kilalanin ang katotohanan ukol sa sarili niyang katiwalian. Halimbawa, ang ilang tao ay sadyang mapanlinlang, at ang pagiging mapanlinlang na ito ang kanilang kalikasan at ang kanila ring disposisyon; ang ilang tao ay sadyang mapagmataas, at ang pagiging mapagmataas na ito ang kanilang kalikasan at ang kanila ring disposisyon. Magbibigay Ako ng halimbawa. Sabihin natin na kapag may nangyayari sa iyo, mayroon kang sarili mong mga intensyon. Kapag ang mga intensyon na ito ay lumitaw, ano ang may kontrol? Una, tiyak na hindi ang iyong personalidad ang may kontrol, ni hindi rin ang pinagmulan ng iyong pamilya, at lalong hindi ang iba pang tao. Ang iyong mga intensyon ay nasa ilalim ng kontrol ng iyong disposisyon. Kaya, una sa lahat ay dapat mong siyasatin ang sarili mo upang malaman mo kung aling disposisyon ito, kung ito ba ay pagmamataas, kabuktutan, kabangisan, o pagiging mapagmatigas. Kapag naunawaan mo na ito, saliksikin mo pang lalo ang sarili mo upang matuklasan mo kung anong mga kalagayan ang idudulot ng disposisyong ito. Sabihin natin, halimbawa, na ito ay pagiging mapanlinlang. Kapag nanlilinlang ang mga tao, sa anong mga intensyon ito nag-uugat? Anong mithiin ang sinusubukan nilang makamit? Ang lahat ng ito ay para magkaroon ng katanyagan, pakinabang at katayuan; sa madaling sabi, ito ay alang-alang sa sarili nilang mga interes. At ano ang pinakaugat ng paghahangad sa mga pansariling interes? Ito ay dahil nakikita ng mga tao ang mga pansarili nilang interes bilang mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pa. Nanlilinlang sila upang makinabang sila, at sa gayon ay nabubunyag ang kanilang mapanlinlang na disposisyon. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Kailangan mo munang tukuyin at alamin kung ano ba ang mga interes, kung ano ba mismo ang idinudulot ng mga ito sa mga tao, at kung ano ba ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa mga ito. Kung hindi mo ito malaman, madaling sabihin na tatalikuran mo ang mga ito pero mahirap itong gawin. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala nang iba pang mas mahirap talikuran para sa kanila kaysa sa sarili nilang mga interes. Iyon ay dahil ang mga pilosopiya nila sa buhay ay “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” at “Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain.” Malinaw na nabubuhay sila para sa sarili nilang mga interes. Iniisip ng mga tao na kung wala ang sarili nilang mga interes—na kung mawawala ang kanilang mga interes—hindi sila mabubuhay. Ito ay na para bang hindi maihihiwalay ang buhay nila sa sarili nilang mga interes, kaya nga karamihan sa mga tao ay bulag sa lahat maliban sa sarili nilang mga interes. Mas mataas ang tingin nila sa sarili nilang mga interes kaysa sa anumang ibang bagay, nabubuhay lang sila para sa sarili nilang mga interes, at kapag hinikayat mo silang isuko ang sarili nilang mga interes ay para mo na ring hiniling sa kanila na isuko nila ang buhay nila. Kaya, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanan. Makikita lamang ng mga tao ang diwa ng sarili nilang mga interes kapag naunawaan nila ang katotohanan; saka lamang sila makapagsisimulang bitiwan at talikuran ang mga ito, at magawang tiisin ang sakit na pakawalan ang mga bagay na labis nilang mahal. At kapag kaya mo nang gawin ito at talikuran ang mga sarili mong interes, mas mapapanatag ka at mas magiging payapa ang iyong puso, at kapag nagawa mo iyon ay nadaig mo na ang laman. Kung kumakapit ka sa iyong mga interes at tumatanggi kang isuko ang mga iyon, at kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, sa iyong puso ay maaari mong sabihin na, “Ano bang masama kung magsikap akong makinabang at umayaw akong mawalan? Hindi naman ako pinarusahan ng Diyos, at ano ba ang magagawa ng mga tao sa akin?” Walang sinumang makagagawa ng anumang bagay sa iyo, pero sa ganitong pananampalataya sa Diyos, mabibigo ka sa huli na matamo ang katotohanan at ang buhay. Magiging isang napakalaking kawalan ito para sa iyo—hindi ka makapagtatamo ng kaligtasan. May mas matindi pa bang panghihinayang? Ito ang kasasapitan sa huli ng pagsisikap mo para sa sarili mong mga interes. Kung katanyagan, pakinabang at katayuan lamang ang hahangarin ng mga tao—kung sariling mga interes lamang ang pagsisikapan nila—hindi nila kailanman matatamo ang katotohanan at ang buhay, at sila ang mawawalan sa huli. Inililigtas ng Diyos ang mga naghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, at kung wala kang kakayahang pagnilay-nilayan at alamin ang sarili mong tiwaling disposisyon, hindi ka tunay na magsisisi, at hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok. Ang pagtanggap sa katotohanan at pagkilala sa iyong sarili ang landas tungo sa pag-unlad sa buhay at pagtatamo ng kaligtasan, ito ang pagkakataon para sa iyo na lumapit sa harapan ng Diyos at matanggap ang Kanyang masusing pagsisiyasat, paghatol, at pagkastigo, at matamo ang katotohanan at ang buhay. Kung susukuan mo ang paghahangad sa katotohanan alang-alang sa paghahangad ng reputasyon at katayuan at sarili mong mga interes, katumbas lang ito ng pagsuko sa oportunidad na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at na matamo ang kaligtasan. Pinipili mo ang katanyagan, pakinabang, at katayuan at ang sarili mong mga interes, pero ang isinusuko mo naman ay ang katotohanan, at ang nawawala sa iyo ay ang buhay, at ang pagkakataong maligtas. Ano ang mas mahalaga? Kung pipiliin mo ang sarili mong mga interes at isusuko mo ang katotohanan, hindi ba ito kahangalan? Sa payak na pananalita, isa itong malaking kawalan para sa isang maliit na pakinabang. Ang katanyagan, pakinabang, katayuan, pera, at mga interes ay pawang pansamantala lamang, panandalian ang lahat ng ito, samantalang ang katotohanan at ang buhay ay walang hanggan at hindi nagbabago. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon na nagsasanhi na hangarin nila ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, may pag-asa silang magtamo ng kaligtasan. Bukod dito, ang mga katotohanang nakakamit ng mga tao ay walang hanggan; hindi makukuha ni Satanas mula sa mga tao ang mga katotohanang ito, o ng kahit sino pang iba. Tinatalikuran mo ang iyong mga interes ngunit ang nakakamit mo ay ang katotohanan at kaligtasan; ang mga resultang ito ay pagmamay-ari mo, at nakakamit mo ang mga ito para sa iyong sarili. Kung pipiliin ng mga tao na isagawa ang katotohanan, kahit na nawala na ang kanilang mga interes, natatamo nila ang pagliligtas ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. Ang mga taong iyon ang pinakamatatalino. Kung isusuko ng mga tao ang katotohanan alang-alang sa kanilang mga interes, mawawala sa kanila ang buhay at ang pagliligtas ng Diyos; ang mga taong iyon ang pinakahangal. Kung ano ang pipiliin ng isang tao—ang kanyang mga interes o ang katotohanan—ay labis na nagbubunyag. Yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay pipiliin ang katotohanan; pipiliin nilang magpasakop sa Diyos, at na sumunod sa Kanya. Mas gugustuhin nilang talikuran ang mga sarili nilang interes para mahangad ang katotohanan. Gaano man nila kailangang magdusa, determinado silang panindigan ang kanilang patotoo upang palugurin ang Diyos. Ito ang pangunahing daan sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad.
Ang mga tiwaling disposisyon ay nakaugat nang malalim sa lahat ng tao, at walang isang tao na mas tiwali kaysa iba pa. Ang mga pananaw ng mga tao sa mga bagay, haka-haka, imahinasyon, at antas ng pagsuway ay hindi masyadong nagkakaiba at halos pareho lang. Ang lahat ng tao ay nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at lahat sila ay nabubuhay nang ayon sa mga satanikong disposisyon. Ang patas ay na binibigyan ng Diyos ang bawat tao ng parehong pagkakataon, pareho ang saloobin ng Diyos para sa lahat, at ang pagtustos ng Diyos ng katotohanan at buhay ay pareho para sa lahat, kaya ang mga pamantayan at hinihingi ng Diyos sa bawat tao ay pareho rin. Kung iniisip mo na hindi ka na maaaring matubos, na mas tiwali ka kaysa sa iba, at na hindi ka ililigtas ng Diyos dahil naghayag ka ng ilang tiwaling disposisyon na nakita ng iba at kinayayamutan nila, at itinuturing mo ang sarili mo na wala nang pag-asa at hindi ka makaramdam ng anumang sigasig, at hindi mo kayang gumawa ng kahit anuman, at iniisip mo na wala nang dahilan pa para mabuhay, at na mas mabuti pang mamatay ka na lang, anong uri ito ng saloobin? Hindi ito pagpapamalas ng gulang at hindi ito ang nais na makita ng Diyos; hindi gusto ng Diyos ang ganitong uri ng tao o ang ganitong uri ng saloobin. Sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, kailangang baliktarin ng mga tao ang maraming maling kalagayan, at kailangan nilang patuloy na ituwid ang kanilang mga pananaw sa kanilang paghahangad, at patuloy na lumapit sa harap ng Diyos at hilingin sa Kanya na siyasatin sila, at hilingin sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan sila. Bibigyan sila ng Diyos ng tulong at biyaya, at gagabayan ng Diyos ang bawat tao nang may matinding pasensiya, kabaitan, habag, at kapatawaran. Kaya, hindi mo dapat pagdudahan ang mga tamang saloobin ng mga tao at pagnanais na hangarin ang katotohanan at asamin ang katarungan at liwanag, at hindi mo rin dapat na pagdudahan na ang diwa ng Diyos ay ang pagliligtas sa sangkatauhan at ang habag at kapatawaran para sa sangkatauhan. Dapat ninyong tandaan ang mga salitang ito! Ano ang kahulugan ng pagsasabi sa mga tao ng mga salitang ito? Ibig sabihin nito ay na hindi nila dapat na isuko ang paghahangad sa katotohanan sa anumang oras, na hindi nila dapat na ituring ang kanilang sarili bilang wala nang pag-asa, o na maging negatibo sila. Kapag nahulog ka sa pagiging negatibo, kailangan mong isipin: Bakit ipinahayag ng Diyos ang napakaraming katotohanan? Ito ay para tustusan ang mas marami pang tao sa pag-unawa sa katotohanan, at sa paglutas sa mga sarili nilang tunay na problema. Hindi ka lamang maraming direktang nakakamit sa mga salita ng Diyos, kundi marami ka ring nakakamit kapag nakikipagbahaginan ka sa mga kapatid mo tungkol sa katotohanan—hindi ba’t kapareho iyan ng pagtutustos sa iyo ng Diyos nang oras na iyon? Kung gayon ang iniisip mo, at nararamdaman mo ito, bakit gusto mong sumuko? Bakit umuusbong sa puso mo ang mga reklamo? Bakit mo pinagdududahan ang sinseridad ng Diyos sa pagliligtas sa iyo? Ang mga tao ay maaaring hangal, mababa ang tayog, at mahina, ngunit hindi sila maaaring mawalan ng pananampalataya pagdating sa kaligtasan. Umaasa Ako na isang araw kapag kinausap Ko kayo at nakipag-ugnayan Akong muli sa inyo ay makikita Ko na hindi kayo magmumukhang aba at kaawa-awa, o manhid at mabagal umunawa, kundi mayroon kayong natamo at nakamit na isang bagay. Marami na kayong narinig, marami na kayong nakita, marami na kayong naunawaan, ngunit kung nakamit ninyo ang katotohanan o hindi, at kung kayo ay magagawang perpekto o hindi, ay nakadepende sa inyong paghahangad. Isang katunayan na kung ito ay hahangarin ng isang tao, makakamit niya ito, ngunit kung hindi siya makikinig at hindi hahangarin ito, hindi niya ito kailanman matatanggap. Basta’t tunay ninyong hinahangad ang katotohanan, at hinahangad ang pagmamahal sa Diyos at ang pagbabago ng disposisyon gaya ng ginawa ni Pedro, makukuha ninyo ang papuri ng Diyos; iyan ay tiyak.
Pebrero 6, 2018
Mga talababa:
a. Hindi nilalaman ng orihinal na teksto ang pariralang “na isang aspekto ng kasamaan.”
b. Hindi nilalaman ng orihinal na teksto ang pariralang “Ang isa pang aspekto ng kabangisan ay ‘kasamaan.’”
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.