Ang Kahalagahan ng Paghahangad sa Katotohanan at ang Landas ng Paghahangad Nito (Ikalawang Bahagi)

Para makilala mo ang iyong sarili, kailangan mong malaman ang iyong sariling mga pagbubunyag ng katiwalian, ang iyong tiwaling disposisyon, ang mga mapanganib na kahinaan ng iyong sarili, ang disposisyon mo, at ang kalikasang diwa mo. Kailangan mo ring malaman, hanggang sa pinakahuling detalye, yaong mga bagay na nahahayag sa iyong pang-araw-araw na buhay—ang iyong mga motibo, mga pananaw, at saloobin sa bawat bagay—nasa bahay ka man o nasa labas, kapag nasa mga pagtitipon ka, kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, o sa bawat isyung kinakaharap mo. Sa pamamagitan ng mga aspekto na ito dapat mong makilala ang iyong sarili. Siyempre, para makilala mo nang mas malalim ang iyong sarili, kailangan mong sangkapan ang sarili mo ng mga salita ng Diyos; magkakamit ka lamang ng mga resulta kapag nakilala mo ang iyong sarili batay sa Kanyang mga salita. Kapag tumatanggap ng paghatol ng mga salita ng Diyos, huwag matakot na magdusa o masaktan, at bukod pa riyan, huwag matakot na tatagos ang mga salita ng Diyos sa puso ninyo at ilalantad ang mga pangit ninyong kalagayan. Kapaki-pakinabang na pagdusahan ang mga bagay na ito. Kung naniniwala kayo sa Diyos, dapat ninyong basahin ang higit pa sa mga salita ng Diyos na humahatol at kumakastigo sa mga tao, lalo na iyong mga naglalantad sa diwa ng katiwalian ng sangkatauhan. Dapat ninyong higit na ihambing ang mga iyon sa inyong praktikal na kalagayan, at dapat ninyong higit na iugnay ang mga iyon sa inyong sarili at hindi gaanong iangkop ang iba. Ang mga uri ng kalagayang inilalantad ng Diyos ay umiiral sa bawat tao, at maaaring matagpuan ang lahat ng iyon sa inyo. Kung hindi ka naniniwala rito, subukan mong danasin iyon. Habang lalo kang dumaranas, lalo mong makikilala ang iyong sarili, at lalo mong madarama na tumpak na tumpak ang mga salita ng Diyos. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, walang kakayahan ang ilang tao na iugnay ang mga iyon sa kanilang sarili; akala nila ay hindi tungkol sa kanila ang mga bahagi ng mga salitang ito, kundi sa halip ay tungkol sa ibang mga tao. Halimbawa, kapag inilalantad ng Diyos ang mga tao bilang masasamang babae at mga kalapating mababa ang lipad, nadarama ng ilang kapatirang babae na dahil naging tapat na tapat sila sa kanilang asawa, malamang na hindi tumutukoy sa kanila ang gayong mga salita; nadarama ng ilang kapatid na babae na dahil wala silang asawa at hindi pa nakipagtalik kailanman, malamang na hindi rin tungkol sa kanila ang gayong mga salita. Nadarama ng ilang kapatid na lalaki na para lamang sa mga babae ang mga salitang ito, at walang kinalaman sa kanila; naniniwala ang ilang tao na masyadong matindi ang mga salita ng paglalantad ng Diyos, na hindi umaayon ang mga iyon sa realidad, kaya ayaw nilang tanggapin ang mga iyon. Mayroon pang mga taong nagsasabi na sa ilang pagkakataon, hindi tumpak ang mga salita ng Diyos. Ito ba ang tamang saloobin sa mga salita ng Diyos? Malinaw na mali ito. Tinitingnan ng lahat ng tao ang kanilang sarili batay sa kanilang panlabas na mga pag-uugali. Wala silang kakayahang pagnilayan ang kanilang mga sarili, at makilala ang kanilang tiwaling diwa, sa gitna ng mga salita ng Diyos. Dito, ang “masasamang babae” at “mga bayarang babae” ay tumutukoy sa diwa ng katiwalian, sa karumihan, at kawalan ng delikadesa ng sangkatauhan. Lalaki man o babae, may-asawa o wala, lahat ay mayroong mga tiwaling saloobin ng kawalan ng delikadesa—kaya paano ito mawawalan ng kinalaman sa iyo? Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; lalaki man o babae, pareho ang antas ng katiwalian ng tao. Hindi ba totoo ito? Dapat muna nating mapagtanto na ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay katotohanan, at nakaayon sa mga totoong pangyayari, at na kahit gaano pa katindi ang Kanyang mga salita na humahatol at naglalantad sa mga tao, o gaano man kamalumanay ang Kanyang mga salita ng pagbabahagi ng katotohanan o pag-uudyok sa mga tao, paghatol man o mga pagpapala ang Kanyang mga salita, mga pagkondena man o mga pagsumpa ang mga ito, nasasaktan man nito ang mga tao o nabibigyang-kasiyahan, dapat tanggapin ng mga tao ang lahat ng ito. Iyon ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng saloobin ito? Ito ba ay isang saloobing makadiyos, isang taos na saloobin, isang saloobing mapagpasensiya, o isang saloobing tumatanggap ng pagdurusa? Medyo nalilito kayo. Sinasabi Ko sa inyo na hindi ito anuman sa mga ito. Sa kanilang pananampalataya, dapat matatag na panindigan ng mga tao na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Dahil ang mga ito nga ang katotohanan, dapat tanggapin ng mga tao ang mga ito nang makatwiran. Kinikilala o inaamin man nila ito o hindi, ang una nilang saloobin sa mga salita ng Diyos ay dapat lubos na pagtanggap. Kung hindi inilalantad ng salita ng Diyos ang isang tao o ang lahat sa inyo, sino ang inilalantad niyon? At kung hindi iyon para ilantad ka, bakit ka sinasabihang tanggapin iyon? Hindi ba ito isang kontradiksyon? Nangungusap ang Diyos sa buong sangkatauhan, bawat pangungusap na binigkas ng Diyos ay naglalantad sa tiwaling sangkatauhan, at walang hindi kasali rito—kaya natural na kasama ka rin. Wala ni isa sa mga linya ng mga binigkas ng Diyos ang tungkol sa mga panlabas na hitsura, o uri ng kalagayan, lalo na tungkol sa mga patakarang panlabas o sa isang simpleng klase ng pag-uugali sa mga tao. Hindi ganoon ang mga iyon. Kung sa tingin mo ay paglalantad lang ng isang simpleng uri ng pag-uugali ng tao o panlabas na pagpapakita ang bawat linyang binigkas ng Diyos, wala kang espirituwal na pang-unawa at hindi mo nauunawaan kung ano ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Nadarama ng mga tao ang kalaliman ng mga salita ng Diyos. Paano naging malalim ang mga ito? Inilalantad ng bawat salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mga bagay na mahalaga at malalim na nakaugat sa kanilang buhay. Mahalaga ang mga bagay na ito, hindi mga panlabas na hitsura, at lalo nang hindi mga pag-uugali sa labas. Sa pagtingin sa mga tao mula sa kanilang mga panlabas na anyo, maaaring mukhang mabubuting tao silang lahat. Ngunit bakit sinasabi ng Diyos na ang ilang tao ay masasamang espiritu at ang ilan ay maruruming espiritu? Ito ay isang bagay na hindi mo nakikita. Kaya, kailangan ay hindi tratuhin ng isang tao ang mga salita ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro o imahinasyon ng tao, o ayon sa sabi-sabi ng tao, at lalong hindi ayon sa mga pahayag ng naghaharing partido. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan; lahat ng salita ng tao ay mali. Matapos mabahaginan nang gayon, nakaranas na ba kayo ng pagbabago sa inyong saloobin sa mga salita ng Diyos? Gaano man kalaki o kaliit ang pagbabago, sa susunod na mabasa ninyo ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa mga tao, kahit paano ay hindi ninyo dapat subukang mangatwiran sa Diyos. Dapat kayong tumigil sa pagrereklamo tungkol sa Diyos, sinasabing, “Talagang matindi ang mga salita ng paglalantad at paghahatol ng Diyos sa mga tao; hindi ko babasahin ang pahinang ito. Lalaktawan ko na lang ito. Maghahanap ako ng mababasa tungkol sa mga pagpapala at pangako, para maginhawahan ako nang kaunti.” Dapat ay hindi na ninyo basahin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpiling mabuti ayon sa inyong sariling mga hilig. Dapat ninyong tanggapin ang katotohanan at ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; saka lamang malilinis ang inyong tiwaling disposisyon, at saka lang kayo magtatamo ng kaligtasan.

Bagama’t alam na ninyo ngayon na katotohanang lahat ang mga salita ng Diyos, at handa na kayong hangarin ang katotohanan, may kanya-kanya pa rin kayong mga kagustuhan at pasya sa pagharap sa mga salita ng Diyos, at kikilos pa rin kayo ayon sa sarili ninyong kalooban. Gustong-gusto ninyong basahin ang mga salita ng Diyos ng pangako at pagpapala, at partikular ninyong maaalala ang mga salita ng pangako ng Diyos. Makakaramdam kayo ng ginhawa sa pagbabasa ng mga salitang gaya nito, o makakaramdam kayo ng kaunting pag-asa at malalaman ninyong wala pa rin kayong lakas at gana na manalig sa Diyos. Pero ayaw ninyong basahin ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa mga tao, dahil kung palaging binabasa ng isang tao ang mga salita ng Diyos ng paglalantad sa mga tao at paghahatol at pagkakastigo sa mga tao, nakakaramdam ng pagkabagabag ang isang tao, at mapapawi ang lakas para manalig sa Diyos, kaya paano makasusulong ang isang tao? Sa panahon ngayon, hindi maunawaan ng nakararaming tao ang mga salita ng Diyos na naglalantad ng mga hiwaga. Pakiramdam nila ay masyadong malalalim ang mga ito, at hindi nila abot-kamay ang mga salita ng pagpapala. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos na inilalantad ang mga tiwaling disposisyon ng tao, kaya nilang unawain ang ilan sa mga ito, at kahit na maiugnay pa nila ang mga salitang ito sa kanilang sarili at aminin sa kanilang puso na ang mga salitang iyon ay mga katunayan, ayaw pa rin nilang tanggapin ang mga ito. Nakita mo na, kung gaano kalaking sakit ng ulo ang mga tao! Alam naman nila na ang salita ng Diyos ang katotohanan, pero ayaw pa rin nilang tanggapin ito; gusto nilang magtamo ng mga pagpapala, pero hindi pa rin nila ito matatamo. Kaya paano ba dapat kainin at inumin ng isang tao ang salita ng Diyos nang tama? Una sa lahat, dapat mas magbasa pa ang isang tao ng mga salita ng Diyos na nagsisiwalat ng mga misteryo. Kapag nagbabasa ng gayong mga salita, nararamdaman ng isang tao na nasa ikatlong langit at matayog ang Diyos, at na dapat magkaroon ang isang tao ng may-takot-sa-Diyos na puso. Pagkatapos ay mananalangin siya, “O Diyos, napakadakila Mo! Makapangyarihan Ka sa lahat! May kataas-taasang kapangyarihan Ka sa lahat ng bagay, at kaya Mong tukuyin ang tadhana ko; handa akong magpasakop sa lahat ng bagay na isinaayos Mong mangyari sa paligid ko.” Sa pananalangin ng ganitong paraan, magkakaroon ang mga tao ng kaunting takot sa Diyos. Handang manalig ang mga tao sa Diyos na matayog, kaya bago kumain at uminom ng salita ng Diyos, ang unang hakbang ay ang tiyakin na nagsasalita ang Diyos sa mga tao mula sa langit, at magiging handa ang mga tao na basahin ang salita ng Diyos at hindi sila madaling magkakaroon ng mga kuru-kuro. Ang pangalawang hakbang ay ang humanap ng ilang salita ng mga pangako at pagpapala ng Diyos para kainin at inumin. Kapag nakitang pinagpapala ng mga salita ng Diyos ang tao, nagiging sabik na sabik ang mga tao na nagsisimula silang tumangis, sinasabing, “O Diyos, masyado Kang kaibig-ibig! Nararapat Ka naming sambahin! Handa kaming tanggapin ang mga pagpapalang inilalaan Mo para sa amin, at mas lalo pa kaming handang tanggapin ang mga pangakong ibinibigay Mo sa amin. Iyon nga lang, sa ngayon ay maliit ang tayog namin at hindi pa lumalaki, kulang pa kami sa mga kwalipikasyon para tanggapin ang Iyong mga pangako at pagpapala, at nakikiusap kami sa Iyo na pagkalooban Mo pa kami!” Napakagandang basahin ang mga salita ng pagpapala ng Diyos! Pagkatapos ay nagninilay-nilay sila, “Anong uri ng mga pagpapala ang mayroon, kung gayon? Sinabi ng Diyos na pagdating ng panahon, walang mga kalamidad ang mangyayari sa tao, at na makakalaya ang tao mula sa nakayayamot na pagkain nang tatlong beses sa isang araw at sa paghuhugas at paglilinis—may mga ganitong pangakong sinabi ang Diyos.” Habang lalong nagbabasa ang isang tao, lalo naman siyang nasasabik. Pero kahit gaano ka pa kasigla, huwag mong kalilimutang hangarin ang katotohanan. Ang pangatlong hakbang ay ang basahin ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tiwaling disposisyon at diwa ng sangkatauhan. Pagdating sa bagay na ito, hindi kinakailangang kumain at uminom masyado sa bawat pagkakataon; sapat nang kumain at uminom ng isa o dalawang aytem sa bawat pagkakataon. Pagkatapos kumain at uminom, isantabi mo muna ang mga bagay na hindi mo nauunawaan, ang mga bagay na hindi maaaring maiugnay sa iyo, at pagnilay-nilayang mabuti ang mga bagay na maiuugnay sa iyo, at unti-unti mong malalaman ang sarili mong kalagayan. Kapag tunay mo nang nakilala ang tiwali mong disposisyon, at naunawaan ang mas marami pang katotohanan, magagawa mong makita nang husto ang sarili mong kalikasang diwa nang hindi mo namamalayan. Sa tingin ba ninyo ay mabuti ito? (Oo.) Parang kapag binibigyan ng gamot ang isang bata: Binibigyan mo muna siya ng bagay na malasa para mapapayag siya, kapag wala na ang atensyon niya, saka mo isusubo ang gamot; kung napapaitan siya, binibigyan mo siya ng dalawa pang piraso ng kendi para mapapayag siya, at iinumin na niya ang kanyang gamot. Pero kapag lumaki na siya, hindi na ito kinakailangan: Kusa na niyang iniinom ang gamot, kahit alam na alam niya kung gaano ito kapait. Ito ay tungkol sa tayog. Kung kulang ka sa tayog, at sinabihan kang hanapin sa salita ng Diyos ang mga salitang naglalantad sa tiwaling kalikasan ng tao at mga nauugnay na katotohanan at ikumpara ang sarili mo sa mga ito, at kung pinakain at pinainom ka ng mga salitang ito buong maghapon, pagtagal ay kasasawaan mo ito, dahil hindi pa abot ng karanasan mo ang mga ito at hindi pa ito handa para rito. Kaya naman, kailangan mong magdagdag ng isang bagay na kagaya ng pampatamis sa gitna nito, at ang mga maliliit ang tayog ay dapat kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa ganitong paraan. Kung madalas kang mahina at negatibo at wala kang totoong pananampalataya o pag-asa, dapat magmadali kang kumain at uminom ng ilang salitang tungkol sa mga pagpapala at pangako ng Diyos, at maghanap ng mga salitang tungkol sa pagsisiwalat ng Diyos ng mga misteryo para kainin at inumin. Kung nararamdaman mong lumalakas ka at lalong nagiging malapit ang ugnayan mo sa Diyos, kung gayon, kailangan mong kumilos agad at maghanap ng mga salitang makakain at maiinom mo tungkol sa pagkastigo at paghatol, at sa ganitong paraan, mas madaling magkakaroon ng epekto ang pagkain at pag-inom, at hindi mo maaantala ang paglago ng buhay. Kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos nang maliit ang tayog mo, kailangan marunong kang gumawa ng pagbabago: ang pagkain at pag-inom sa paraang ilalagay mo ang iyong sarili sa mabuting lagay ng pag-iisip at lalaki nang mabilis; ang pagkain at pag-inom ng bagay na abot-kaya mo at ang pagsasantabi sa mga bagay na hindi; at ang subukang isagawa at maranasan kung ano ang naunawaan mo mula sa pagkain at pag-inom. Hangga’t alam mo kung paano isasagawa at mararanasan ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang nauunawaan mo, makakapasok ka sa tamang landas ng pananalig sa Diyos.

Naaalala Ko ang isang taong minsang nagsabi nang ganito: May isang tao na nagsikap nang husto na pag-aralan kung kailan iiwan ng Diyos ang mundo. Ang matinding pagsisikap na ito ay hindi ang pag-isipan ang tungkol dito araw at gabi; kundi, naging isipin ito sa kanya mula nang magsimula siyang manalig sa Diyos. Para makakuha ng tumpak na kasagutan, tinipon niya ang lahat ng salita tungkol sa pag-alis ng Diyos, gaya ng kung kailan iiwan ng Diyos ang mundo, kung ano ang magiging mga palatandaan, at kung ano ang magiging reaksyon ng mga tao sa iglesia. Pagkatapos ay pinagnilay-nilayan niya ang tungkol sa mga ito nang buong sigla, gumagawa ng komprehensibong pagsusuri at ikinukumpara ang mga ito sa isa’t isa, paisa-isa at mula harapan hanggang likod, na para bang sumasangguni sa isang sangguniang Bibliya. Hindi ba’t matinding pagsisikap ito? Gaano “nagmalasakit” ang taong ito sa Diyos, at gaanong “pagmamahal” ang mayroon siya para sa Diyos! Isang napakahalagang pangyayari sa gawain ng Diyos ang pag-alis ng Diyos mula sa mundo, at nang matuklasan niya ito, itinuring niya itong pinakamahalagang bagay—mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad niya ng katotohanan para magkamit ng kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa paghahanap ng anumang butil ng katotohanan sa mga salita ng Diyos. Kaya, sama-sama niyang tinipon ang lahat ng salitang iyon at sa wakas ay nakahanap siya ng “kasagutan.” Isantabi na muna ang katumpakan ng mga resulta ng kanyang pananaliksik, ano sa tingin ninyo ang mga pananaw ng ganitong uri ng tao tungkol sa paghahangad ng pananampalataya sa Diyos at sa paraan kung paano niya ito hinangad? Kinakailangan ba talaga ang pagsisikap na ginawa niya? Walang saysay na magpakahirap nang ganoon! Ano naman ang kinalaman sa iyo ng paglisan ng Diyos mula sa mundo? Hindi ipinagbigay-alam sa iyo ng Diyos ang tungkol sa Kanyang pagparito, kaya hindi Niya ipapaalam sa iyo kung kailan Siya aalis. Maraming bagay ang hindi hinahayaan ng Diyos na malaman ng mga tao, at ano ang dahilan niyon? Ang dahilan ay na hindi kailangan ng mga tao na malaman, at kung alam man nila, wala itong mabuting magagawa para sa kanila at wala itong gagampanang papel sa magiging hantungan nila sa hinaharap, kaya hindi na ito kailangan pang malaman ng mga tao. Ngayong nagkatawang-tao na ang Diyos, alam Niya ang lahat ng mga misteryo at ang lahat ng aspekto ng katotohanan at ang lahat ng bagay, at maaari Niyang sabihin ang mga ito sa mga tao, pero may mga bagay na hindi na kailangang malaman ng mga tao, ni hindi kailangang sabihin sa kanila. Kapag nilisan ng Diyos ang mundo, at kapag tatapusin na Niya ang Kanyang gawain—may anumang kaugnayan ba sa tao ang mga bagay na ito? Maaaring sabihin ng isang tao: Wala itong anumang kabuluhan! Sinasabi ng ilang tao na, “Bakit hindi ito mahalaga? Ano ang gagawin ko kung masyado nang huli para hangarin ko ang katotohanan? Kailangan kong alamin kung gaanong oras pa ang natitira sa araw ng Diyos, at kailangan kong matiyak kung kailan ang araw na iyon bago ko hangarin ang katotohanan.” Hangal ba ang gayong tao? Isa ba siyang taong naghahangad ng katotohanan? Hindi! Kung tunay na naghahangad ng katotohanan ang isang tao, wala siyang pakialam dito, ni hindi niya gugustuhing intindihin ang mga bagay na ito; sa tingin niya ay hindi nakakatulong sa paghahangad ng katotohanan ang intindihin ang tungkol sa mga bagay na ito at wala itong kabuluhan, kaya ayaw na niyang pag-isipan at pagtiyagaan ang mga nakakabagot na paksang ito. Palaging iniintindi ng ilang tao ang tungkol sa kung kailan darating ang araw ng Diyos, pero hindi ba’t ito ay isang personal na agenda? Pinatutunayan ba ng palagi mong pag-iintindi sa kung kailan darating ang araw ng Diyos na mahal mo ang Diyos? Mapatutunayan ba nito na isa kang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos? Mapatutunayan ba nito na nagpapatotoo ka sa Diyos? Mapatutunayan ba nito na nakapag-ambag ka sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Kumusta naman ang paghahanda mong gumawa ng mabubuting gawa? Gaano karaming katotohanan na ang naunawaan mo? Anong mga katotohanang realidad ang napasok mo? Ito ang mga bagay na dapat na pinakainiintindi mo. Palagi kang nagtatanong tungkol sa balita tungkol sa Diyos, palaging gustong makaalam ng kaunting tsismis, palaging gustong makaarok ng kaunting misteryo. Pero isa lang itong pusong mausisa, at hindi isang pusong naghahangad sa katotohanan o isang pusong maalalahanin sa Diyos, at lalong hindi isang pusong may takot sa Diyos. Ang paghahangad mong makaunawa ng mga misteryo ay walang ni bahagyang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan. Paano ba dapat tratuhin ang ganitong uri ng mga tao? Nirerespeto mo ba sila? Hinahangaan mo ba sila? Naiinggit ka ba sa kanila? Tutulungan mo ba silang hanapin ang gayong mga misteryo? Hindi, siguradong titingnan mo sila nang mababa, na sinasabing, “Hindi pa rin kami mahusay sa paghahangad sa katotohanan, sa pagkilala sa aming sarili, at sa pagkilala sa Diyos—wala pa kaming natatamong anuman—at may mga katotohanan sa bawat aspekto na naghihintay na mahanap, na maunawaan, at na maisagawa, kaya hindi na namin kailangang pag-aralan nang mabuti ang gayong mga misteryo.” Sa katunayan, hangga’t nasa puso mo ang Diyos at ang pagnanais na hangarin ang katotohanan, pagdating ng araw, hindi ka iiwanan ng Diyos sa kamangmangan; hindi ka Niya aabandonahin. Ito ang pananampalataya at ang pagkaunawang dapat magkaroon ka. Kung mayroon kang ganitong pananampalataya at pagkaunawa, hindi ka gagawa ng anumang kahangalan. Kung intensyon ng Diyos na sabihin sa iyo, hindi ba’t sasabihin Niya ito nang direkta? Mangangailangan pa bang magpaligoy-ligoy? Mangangailangan pa bang itago ang mga salita sa loob ng mga salita? Mangangailangan pa bang maging malihim? Hindi na. Ang intensyon ng Diyos na ipaalam sa mga tao ay ang katotohanan; ang lahat ng Kanyang gawain, mga salita, at layunin ay nagpapahayag ng katotohanan, at hinding-hindi Niya itatago ang mga ito sa mga tao. Samakatuwid, hindi mo kailangang magtanong tungkol sa mga bagay na ayaw ng Diyos na malaman ng mga tao, ni hindi mo kailangang pag-isipan ang mga ito nang mabuti, dahil mawawalan ng kabuluhan ang ginawa mong pagsisikap para sa mga bagay na iyon, at mawawalan ito ng anumang halaga, bagkus magiging kapoot-poot ito sa Diyos. Bakit ito magiging kapoot-poot sa Diyos? Una sa lahat, dapat mong maunawaan na nagpahayag ang Diyos ng maraming katotohanan, at ipinahayag ang mga katotohanan sa lahat ng aspekto. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan para ayusin ang mga totoo mong pansariling problema kapag may nangyayari sa iyo, hindi ka isang nagmamahal sa katotohanan: Isa kang taong sobrang mausyoso; isang taong mapamintas; isang taong tinatrato ang mga salita ng Diyos nang walang tamang respeto at nang palaging pabasta-basta. Walang puwang ang Diyos sa puso mo. Ang mayroon ka lang sa puso mo ay ang ilang bagay na ayaw ng Diyos na malaman mo, gaya ng kung ano kaya ang tahanan Niya—ang ikatlong langit—at kung nasaan talaga ito, kung ano kaya ang magiging kaharian pagdating ng araw, at kung kailan lilisanin ng Diyos na nagkatawang-tao ang mundo. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na kinapopootan ka ng Diyos. May anumang dahilan ba para kapootan ka ng Diyos? (Mayroon.) Ipagpalagay nang hindi nag-aral nang mabuti ang mga anak mo sa buong maghapon at hindi ginawa ang takdang-aralin na dapat nilang gawin, sa halip ay pinag-isipan ang mga katanungang gaya ng: “Paano nagkakilala ang tatay at nanay ko? Paano ako ipinanganak? Pagkatapos akong maipanganak, nagustuhan ba nila ako? Kumusta ang magiging lagay ng pamilya ko sa hinaharap? Yayaman kaya kami?” Kung palagi nilang pinag-aaralan ang mga katanungang ito, aayawan mo ba ang gayong anak? Kapopootan mo ba ang iyong mga anak dahil ginagawa nila ito? Ano ba ang gusto mong gawin ng mga anak mo? Ang matutong magbasa at magsulat nang maayos at mag-aral nang mabuti. Ito ang layunin mo para sa iyong mga anak, kaya ano naman ang layunin ng Diyos para sa tao? Paanong hindi mas gugustuhin ng Diyos na sumunod ang tao sa tamang landas at gumawa ng wastong gawain? Ayaw ng Diyos na pag-aralan Siya ng mga tao, o ang palaging palihim na obserbahan ang Kanyang bawat salita at kilos, ang gumugol ng walang kabuluhang panahon at pagsisikap sa Kanya. Marami ang mga palaging pinag-aaralan kung kailan darating ang araw ng Diyos. Hindi ba nila pinagdududahan at nilalabanan ang Diyos sa kanilang puso? Ano ba ang problema ng taong hindi pinapahalagahan ni hinahangad ang maraming katotohanang ipinapahayag ng Diyos? Hinahanap ng isang matapat na tao ang katotohanan at sinusubukang maarok ang mga intensiyon ng Diyos sa lahat ng bagay, at pagkatapos magbasa ng mga salita ng Diyos, nakatitiyak siyang ang mga salitang ito ay katotohanan, at na dapat isagawa at magpasakop ang mga tao sa mga ito. Tanging ang mga hindi nananalig na ang salita ng Diyos ang katotohanan ang siyang pag-aaralan ang Diyos. Walang ni katiting na pakialam ang mga taong ito tungkol sa kanilang mga responsabilidad at sa sarili nilang mga tungkulin; hindi man lang nila binibigyang pansin ang mga ito at hindi sila gumagawa ng anumang pagsisikap o nagbabayad ng anumang halaga para sa mga ito. Sa halip, palagi nilang iniintindi ang mga bagay gaya ng kung kailan lilisanin ng Diyos ang mundo, kung kailan ibabagsak ng Diyos ang sakuna, at kung gaano pa ang itatagal bago dumating ang araw ng Diyos, at mga kakaibang katanungang gaya ng: “Makikipagkita pa rin kaya sa atin ang Diyos pagkatapos Niyang iwan ang mundo? Ganito kaya ang magiging gawain ng Diyos pagkatapos na iwan Niya ang mundo? Pagkatapos lisanin ng Diyos ang mundo, gaano Siya katagal mananatili sa ikatlong langit? Babalik kaya Siya? May mga anghel kaya sa Kapanahunan ng Kaharian sa hinaharap? Nakikisalamuha ba ang mga anghel sa mga tao?” Kinapopootan ng Diyos ang mga taong palaging pinag-aaralan ang mga ganitong uri ng mga paksa. Kung gayon, ano ang dapat pagtuunan ng pansin ng tao? Kung paano makikilala ang Diyos na nagkatawang-tao, kung paano makikilala ang gawain ng Diyos, at kung paano aarukin ang bawat salita na sinabi ng Diyos: Ito ang mga responsabilidad ng tao, at ito ang mga unang bagay na dapat hangaring maunawaan at mapasok ng tao. Kung hindi mo hahangaring maunawaan at mapasok ang mga katotohanang ito, walang saysay ang pananalig mo sa Diyos—isang hungkag na kasabihan na walang totoong laman. Kung lagi mong palihim na pinagninilay-nilayan ang mga bagay na may kaugnayan sa mga misteryo at sa kung kailan lilisanin ng Diyos ang mundo, o kung palagi kayong nag-uusap-usap tungkol sa kung saan ipinanganak ang katawang-laman ng Diyos, kung anong uri ng pamilya ang Kanyang kinalakhan, kung anong uri ng pamilya ang mayroon Siya, kung anong uri ng buhay ang mayroon Siya, kung gaano Siya katanda, kung anong uri ng edukasyon ang nakamit Niya, kung nanalig ba Siya kahit minsan sa Diyos, kung binasa ba Niya ang Bibliya kahit minsan, at kung gaano katagal na Siyang nananalig kay Jesus, at iba pa—kung palagi ninyong pinag-aaralan ang mga bagay na ito, kung gayon ay hinuhusgahan ninyo ang Diyos at nilalapastangan ang katawang-laman ng Diyos! Gusto ng Diyos na malaman mo ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang diwa, para maunawaan mo ang Kanyang mga intensiyon, magawa mong magpasakop sa Kanya, at magawa mong maisagawa ang katotohanan para mapalugod Siya; hindi ka Niya hinahayaang pag-aralan mo Siya at pag-usapan ang tungkol sa Kanya habang nakatalikod Siya. Samakatuwid, dahil tinanggap natin ang pagkakatawang-tao ng Diyos at ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, at tinanggap natin si Cristo bilang ang ating buhay at ating Diyos, dapat tayong magkaroon ng may-takot-sa Diyos na puso at dapat nating tratuhin nang may taimtim na saloobin ang Kanyang mga pag-aari, ang Kanyang pagiging Diyos at katawang-laman ng Diyos kung saan nagkatawang-tao Siya; ito ang katwiran at pagkatao na dapat mayroon ka. Kung pakiramdam mo ay wala kang anumang kaalaman ngayon tungkol sa Diyos, kung gayon ay huwag kang magsalita tungkol dito. Sa halip, magsalita ka tungkol sa pagkakilala mo sa iyong sarili, kung paano mo hahangarin ang katotohanan, at kung paano mo gagampanang mabuti ang iyong mga tungkulin, at sasangkapan ang iyong sarili ng mga aspektong ito ng katotohanan. Balang araw, kapag pakiramdam mo ay para bang may kaunting totoong kaalaman ka na tungkol sa Diyos, puwede na kayong magkakasamang magbahaginan. Pero huwag mong tangkaing pag-usapan ang tungkol sa impormasyong may kinalaman sa laman ng Diyos na nagkatawang-tao o sa ilang di-nalalamang misteryo, dahil baka mas madali ninyong masalungat ang disposisyon ng Diyos, makondena kayo ng Diyos, at maging isang mapanglapastangan, at itatakwil ka ng Banal na Espiritu. Isang bagay ito na dapat mong makita nang malinaw. Mapapalitan ba ng laging pag-aaral tungkol sa Diyos at pagtatanong ng tsismis ang paghahangad sa katotohanan? Makikilala mo ba ang Diyos dahil dito? Kung hindi mo nakikita ang mga bagay na ito nang malinaw, hindi ba’t napakahangal at napakamangmang mo namang tao?

Dapat maunawaan mismo ng mga tao kung ano ba ang paghahangad sa katotohanan. Bakit ba nagpapahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan para iligtas ang mga tao? Bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na maunawaan ang napakaraming katotohanan? Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang mga katotohanang ito, maaayos ba ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon? Makikilala ba ng isang tao ang Diyos nang hindi nauunawaan ang mga katotohanang ito? Kung hindi nakikilala ng isang tao ang Diyos, makakamit ba ng isang tao ang pagpapasakop sa Diyos? Makasasamba ba ang isang tao sa Diyos? Magkakaugnay lahat ang mga katotohanang ito. Paano makakamit ng isang tao ang kaligtasan nang hindi niya nauunawaan ang mga katotohanang ito? Madali bang maunawaan ang mga katotohanang ito? Makakamit ba ng isang tao ang pagkaunawa sa katotohanan nang hindi nararanasan ang paghatol at pagkastigo? Makikilala ba ng isang tao ang kanyang sarili nang hindi niya nararanasang mapungusan? Maaari bang magkaroon ng tunay na pagsisisi ang isang tao nang hindi niya nakikilala ang kanyang sarili? Makakamit ba ng isang tao ang kaligtasan nang walang tunay na pagsisisi? Ang lahat ng katotohanang ito ay mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga nananalig sa Diyos, at mga katotohanan ito na dapat maunawaan para makamit ang kaligtasan. Kung dati nang magulo ang paniniwala mo sa Diyos at hindi mo hinahangad ang katotohanan, kung gayon mawawala sa iyo ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos.

Taglagas, 2007

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.