Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 20 (Ikaapat na Bahagi)

Ano ang pangalawang prinsipyo ng paksang pagbitiw sa propesyon ng isang tao? Ang makontento sa pagkain at damit. Upang mabuhay sa lipunan, nagsasagawa ang mga tao ng iba’t ibang uri ng trabaho o hanapbuhay upang mapanatili ang kanilang mga kabuhayan, masigurong mayroon silang mapagkukunan at seguridad para sa kanilang pang-araw-araw na pagkain at panggastos. Dahil dito, kabilang man sila sa mas mabababang uri o sa bahagyang mas mataas na hanay, pinananatili ng mga tao ang kanilang mga kabuhayan sa pamamagitan ng iba’t ibang hanapbuhay. Yamang ang kanilang layon ay magpanatili ng kabuhayan, medyo simple lang ito: ang magkaroon ng lugar na matitirhan, makakain nang tatlong beses sa isang araw, makabili ng karne paminsan-minsan kung gusto nilang kumain ng karne, regular na makapasok sa trabaho, kumita, hindi magsuot ng sira-sirang damit o hindi kulangin sa pagkain—sapat na iyon. Ang mga iyon ang mga pangunahing pangangailangan ng mga tao sa buhay. Kapag nakukuha ng isang tao ang mga pangunahing pangangailangang ito, hindi ba’t medyo madali nang makuha ang pagkain at tirahan? Hindi ba’t nasa saklaw ito ng kanilang kakayahan? (Oo.) Kaya, kung ang kalikasan ng propesyon ng isang tao ay alang-alang lamang sa pagkain at tirahan, alang-alang sa kanilang kabuhayan, anumang propesyon ang kanilang kinabibilangan, basta’t legal ito, sa pangkalahatan ay aayon ito sa mga pamantayan ng pagkatao. Bakit Ko sinasabing umaayon ito sa mga pamantayan ng pagkatao? Dahil ang motibo, layunin, at hangarin mo sa likod ng pagsasagawa sa propesyong ito ay walang kinalaman sa anumang usapin o ideya maliban sa pagpapanatili ng mga kabuhayan—alang-alang lamang ito sa pagkakaroon ng sapat na makakain, pagkakaroon ng sapat na maayos na damit na masusuot, at pagsuporta sa iyong pamilya. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Ang mga ito ang mga pangunahing pangangailangan. Sa sandaling maibigay ang mga pangunahing pangangailangang ito, maaari nang magtamasa ang mga tao ng simpleng kalidad ng buhay. Kapag kaya nila itong makamit, kaya nilang magpanatili ng isang normal na pag-iral. Hindi ba’t sapat na para sa isang taong makapagpanatili ng isang normal na pag-iral? Hindi ba’t ito ang dapat makamit ng mga tao sa saklaw ng pagkatao? (Oo.) Ikaw ang responsable sa sarili mong buhay, pasan-pasan mo ito—isa itong kinakailangang pagpapamalas ng normal na pagkatao. Sapat at akma para sa iyong makamit ito. Gayunpaman, kung hindi ka kontento, habang ang isang normal na tao ay maaaring kumain ng karne nang isa o dalawang beses kada linggo, ipinagpipilitan mong kumain nito araw-araw, at maraming matira. Halimbawa, kung kumakain ka ng sangkapat o kalahating libra ng karne araw-araw gayong tatlong onsa lang ang kailangan mo upang magpanatili ng wastong pisikal na kalusugan, ang labis na nutrisyong ito ay maaaring humantong sa karamdaman. Ano ba ang nagdudulot ng mga karamdamang gaya ng matabang atay, altapresyon, at mataas na kolesterol? (Ang labis na pagkain ng karne.) Ano ang problema sa labis na pagkain ng karne? Hindi ba’t dala ito ng kawalan ng kontrol sa kinakain ng isang tao? Hindi ba’t dala ito ng katakawan? (Oo.) Saan ba nanggagaling ang katakawang ito? Hindi ba’t dahil ito sa labis-labis na ganang kumain ng isang tao? Naaayon ba ang labis-labis na ganang kumain at katakawan sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao? (Hindi.) Lumalabis ang mga iyon sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao. Kung palagi kang nagnanais na lumabis sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao, nangangahulugan itong kakailanganin mong mas magtrabaho, kumita ng mas maraming pera, at magtrabaho nang mas maraming beses kaysa sa mga normal na tao. Sa pamamagitan man ng pag-o-overtime o pagkuha ng maraming trabaho, kakailanganin mong kumita nang mas malaki para makayanan mong kumain ng karne nang tatlong beses sa isang araw at kahit kailan mo naisin. Hindi ba’t lagpas na ito sa saklaw ng normal na pagkatao? Mabuti bang lumagpas sa saklaw ng normal na pagkatao? (Hindi.) Bakit hindi ito mabuti? (Sa isang aspeto, madaling dapuan ng karamdaman ang mga katawan ng mga tao; sa isa pa, upang matugunan ang kanilang mga kagustuhan at ganang kumain, kailangan ng mga taong maglaan ng mas maraming panahon, lakas, at halaga sa kanilang trabaho. Kinakain nito ang panahon at lakas na puwede nilang gamitin upang hangarin ang katotohanan at tuparin ang kanilang mga tungkulin, naaapektuhan kung paano nila tinatahak ang landas ng pagsampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan.) Ang mga tao ay dapat nang makontento sa pagkakaroon ng mga pangunahing pangangailangan, sa hindi pagkagutom at pagkaginaw, at sa pagkakaroon ng pagkain at tirahang kinakailangan para sa normal na pagkatao. Dapat kang kumita ng sapat na pera upang manatiling nakaayon sa mga normal na kinakailangan ng katawan para sa nutrisyon. Sapat na iyon, iyon ang uri ng buhay na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Kung palagi mong hinahangad ang mga kasiyahan ng laman, binibigyang-kasiyahan ang ganang kumain ng iyong laman nang hindi isinasaalang-alang ang iyong pisikal na kalusugan, at binabalewala ang tamang landas; kung palagi kang nagnanais na kumain ng masarap na pagkain, magtamasa ng magagandang bagay, magkaroon ng magandang kapaligiran ng pamumuhay at ng mataas na kalidad ng buhay, kumain ng mga pambihirang pagkain, magsuot ng mga damit na may tatak at ng ginto at pilak na alahas, tumira sa mga mansyon, at magmaneho ng mga mamahaling sasakyan—kung palagi mong ninanais na hangarin ito, anong uri ng hanapbuhay ang kailangan mong magkaroon? Kung kukuha ka lang ng pangkaraniwang trabaho upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan mo at mapunan ang pagkain at tirahan, matutupad ba niyon ang lahat ng pagnanais na ito? (Hindi.) Hindi talaga. Halimbawa, kung gusto mong magnegosyo, at ang isang maliit na negosyong may isa lamang puwesto ay kikita nang sapat para sa pagkain at tirahan ng iyong buong pamilya, maaaring mas kaunti ang pag-aari mo kaysa sa mga taong nasa itaas mo, ngunit mas marami naman ang pag-aari mo kaysa sa mga taong nasa ibaba. Nakakakain ka ng karne paminsan-minsan, at nakapagbibihis nang maayos ang iyong buong pamilya. Magagamit mo ang natitirang oras para sumampalataya sa Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, at tumupad sa iyong mga tungkulin, at magkakaroon ka pa rin ng lakas na hangarin ang katotohanan. Sapat na ito. Dahil, batay sa pagkakaroon ng kasiguruhan ng iyong buhay, habang isinasagawa mo ang hanapbuhay na ito, magkakaroon ka ng libreng panahon at lakas upang hangarin ang pananampalataya sa Diyos at ang katotohanan. Naaayon ito sa kalooban ng Diyos. Gayunpaman, kung kahit kailan ay hindi ka makokontento, palagi mong maiisip na, “May potensyal ang negosyong ito. Kaya kong kumita ng ganito kalaking pera kada buwan sa isang puwesto lang. Nagagawa nitong tustusan ang pagkain at tirahan ng aking pamilya. Kung mayroon akong dalawang puwesto, puwede kong madoble ang kita ko. Bukod sa magkakaroon na ng pagkain at tirahan ang aking pamilya, makaiipon din kami ng kaunting pera. Makakain namin ang anumang naisin namin at makapaglalakbay pa kami at makabibili ng ilang mamahaling gamit. Makakakain at makapagtatamasa kami ng mga bagay na hindi nakakain at natatamasa ng karamihan ng mga tao. Magiging napakaganda niyon. Magdaragdag nga ako ng isa pang puwesto!” Pagkatapos magdagdag ng isa pang puwesto, lalo kang yayaman; matitikman mo ang mga benepisyo at iisiping, “Mukhang napakalaki ng pamilihang ito. Puwede akong magdagdag ng isa pang puwesto, palawakin ang aking negosyo, at magpasok ng iba’t ibang paninda upang mas palawakin pa ito. Bukod sa makaiipon na ako ng pera, makabibili pa ako ng sasakyan at makalilipat sa mas malaking bahay. Makapaglalakbay ang buong pamilya ko kapwa sa loob at labas ng bansa!” Habang mas iniisip mo ito, lalo itong nagiging kaakit-akit. Sa puntong ito, desidido ka nang magdagdag ng isa pang puwesto. Lumalago nang lumalago ang negosyo, at lumalaki nang lumalaki ang perang kinikita mo, nadaragdagan ang iyong kasiyahan, ngunit nababawasan nang nababawasan ang mga pagtitipong pinupuntahan mo, mula sa mga lingguhang pagtitipon hanggang sa tuwing kinsenas o buwanan, at kalaunan, isang beses na lang kada anim na buwan. Iniisip mo sa iyong puso, “Lumago ang negosyo ko, kumita na ako ng malaking pera, sinusuportahan ko ang gawain ng sambahayan ng Diyos at nagbibigay ako ng malaking handog.” Nagmamaneho ka ng convertible, ang iyong asawa at mga anak ay napapalamutian ng ginto at diyamanteng alahas, nakasuot mula ulo hanggang paa ng kasuotang may tatak, at nakapaglakbay pa nga kayo sa ibang bansa. Iniisip mo, “Nakatutuwang magkaroon ng pera! Kung alam ko lang na ganito pala kadaling kumita ng pera, bakit hindi pa ako nagsimula nang mas maaga? Nakatutuwang magkaroon ng pera! Ang mga araw ng isang mayamang tao ay ginugugol nang may matinding kaginhawahan at katiwasayan! Kapag kumakain ako ng masasarap na pagkain, walang katulad ang lasa. Kapag nagsusuot ako ng mga kilalang tatak, natutuwa ako, at saanman ako magpunta, tinitingnan ako ng iba nang may inggit at pagseselos. Nakuha ko na ang paggalang at paghanga ng mga tao, at iba na ang pakiramdam ko, pakiramdam ko ay medyo mas taas-noo na ako.” Natupad na ang mga pagnanais ng iyong laman, pati na ang iyong banidad. Ngunit pakapal naman nang pakapal ang alikabok sa pabalat ng mga salita ng Diyos, matagal mo nang hindi binabasa ang mga iyon, at mas umikli na ang mga panalangin mo sa Diyos. Inilipat na ang mga pagtitipon sa ibang lugar, at ni hindi ka sigurado kung saan na idinaraos ang mga iyon ngayon. Ni hindi ka na nga nagpapakita paminsan-minsan sa iglesia. Sabihin mo sa Akin, paglapit ba ito sa kaligtasan o paglayo? (Paglayo.) Tumataas ang kalidad ng iyong buhay, nabubusog ang iyong katawan, at naging mas metikuloso ka na. Dati, ni hindi ka nagpapatingin sa doktor nang isang beses kada walong taon o isang dekada, ngunit ngayong mayaman ka na, nagpapatingin ka sa doktor kada anim na buwan upang malaman kung mayroon kang altapresyon, mataas na asukal sa dugo, o mataas na kolesterol. Sinasabi mo, “Kailangang alagaan ng isang tao ang kanyang katawan. Gaya ng sinasabi sa kasabihan, ‘Kung may dapat kang maging, huwag kang magkasakit. Kung may dapat kang hindi maging, huwag kang maging mahirap.’” Nagbago na ang iyong mga kaisipan at perspektiba, hindi ba? Ngayong mayaman ka na at hindi ka na pangkaraniwang tao, pakiramdam mo ay mahalaga ka, na marangal ang iyong pagkakakilanlan, at lalo mo pang pinahahalagahan ang iyong katawan. Nagbago na rin ang saloobin mo sa buhay. Dati, hindi ka nag-aabalang magpatingin sa doktor, iniisip mong, “Kaming mahihirap na tao, hindi namin kailangang alalahanin ang tungkol doon. Bakit ako dapat magpatingin sa doktor? Kung may malubha man akong karamdaman, hindi ko rin naman kayang magpagamot. Titiisin ko na lang ito, at kung hindi ko kayanin, palagay ko ay mamamatay na lang ang lamang ito. Maliit na bagay.” Ngunit iba na ngayon. Sinasabi mo, “Hindi dapat mabuhay ang mga tao nang may karamdaman. Kung may sakit sila, sino ang gagastos sa perang kinita nila? Hindi sila makapagsasaya sa buhay. Maikli lang ang buhay!” Iba na, hindi ba? Nagbago nang lahat ang iyong mga saloobin sa pera, sa buhay ng laman, at sa kasiyahan. Sa gayunding paraan, masyado nang naging malamig ang iyong mga saloobin sa pagsampalataya sa Diyos, sa paghahangad sa katotohanan, at sa pagtanggap sa kaligtasan.

Sa sandaling tahakin ng isang tao ang landas ng hindi pagkakontento sa pagkain at damit, hahangarin niya ang isang mas mataas na kalidad ng buhay at ang pagtamasa ng mas magagandang bagay. Isa itong tanda ng panganib, pagkahulog ito sa tukso, magdudulot ito ng problema, at isa itong masamang signos. Sa sandaling matamasa at maranasan ng isang tao ang pakiramdam ng kayamanan, magsisimula siyang mag-alala na isang araw ay mawawala ang pera niya at maghihirap siya. Ang resulta, labis niyang pinahahalagahan ngayon ang mga araw ng pagkakaroon ng pera at pinahahalagahan ang posisyon at katayuan ng pagiging mayaman. Madalas mong naririnig na sinasabi ng mga hindi mananampalataya, “Ang paglipat sa tamis mula sa pait ay madali, ngunit ang paglipat sa pait mula sa tamis ay hindi.” Ibig sabihin nito, kapag walang-wala ka, ayos lang sa iyong bumitiw; kaya mong bumitiw bigla, dahil walang karapat-dapat na panghawakan. Ang mga salapi at materyal na pag-aaring ito ay hindi nagiging mga hadlang sa iyo, at madali para sa iyong bitiwan ang mga ito. Ngunit sa sandaling mapasaiyo ang mga bagay na ito, nagiging mahirap para sa iyong bitiwan ang mga ito, mas mahirap kaysa sa pag-akyat sa langit. Kung mahirap ka, kapag oras nang iwanan ang bahay mo at tuparin ang iyong mga tungkulin, kaya mong agad na umalis. Gayunpaman, kung isa kang mayamang VIP, napupuno ng mga ideya ang iyong isipan at nasasabi mo, “Ay, ang bahay ko ay nagkakahalaga ng dalawang milyong yuan, ang sasakyan ko, nagkakahalaga ng limandaang libong yuan. Tapos, may mga pangmatagalang pag-aari, ipon sa bangko, stocks, pondo, pamumuhunan, at iba pang bagay, na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang na sampung milyong yuan. Kung aalis ako, paano ko madadala ang lahat ng ito?” Hindi madali para sa iyong bitiwan ang mga materyal na pag-aaring ito. Iniisip mo, “Kung bibitiwan ko ang mga bagay na ito at iiwanan ang bahay na ito at ang kasalukuyan kong pamilya, magiging pareho ba ang kalagayan ng lugar na titirhan ko sa hinaharap? Matitiis ko bang tumira sa isang kubong yari sa putik o sa isang bahay na gawa sa dayami? Matitiis ko ba ang alingasaw ng kulungan ng baka? Sa ngayon, araw-araw akong nakaliligo sa mainit na tubig. Matitiis ko ba ang isang lugar kung saan ni hindi ako makapaligo sa mainit na tubig nang isang beses kada taon?” Dumarami ang mga iniisip mo, at hindi mo ito nakakayanan. Habang may pera ka, bumubunot ka ng dakot-dakot na pera upang bumili ng mga gamit, binibili mo ang anumang naisin mo nang walang pag-aatubili, masyado kang bukas-palad, at kailanman ay hindi ka natitisod sa pera. Ngunit kung isusuko mo ang lahat ng ito, mahihiya ka sa tuwing bubunot ka sa pitaka mo, iisipin mo kung ano ang mangyayari kung wala iyong laman. Kung gusto mong kumain ng isang mangkok ng mainit na mami, kakailanganin mong kuwentahin kung saang kainan ang pinakamura at kung ilang beses ka pang makakakain sa natitira mong pera. Kakailanganin mong sumunod sa isang mahigpit na budget, namumuhay gaya ng isang mahirap na tao. Matitiis mo ba iyon? Dati, kung dalawang beses mo nang nalabhan ang isang piraso ng kasuotan at nawala na ang korte nito, at mahihiya ka nang isuot ito sa labas, itatapon mo na ito at bibili ka na ng bago. Ngayon, paulit-ulit mong nilalabhan at isinusuot ang parehong kamiseta, at kahit pa mapunit ang kuwelyo nito, hindi mo ito maatim na itapon. Tatahiin mo ito at patuloy na susuotin. Matitiis mo ba iyon? Saan ka man magpunta, makikita ng mga tao na mahirap ka, at hindi nila nanaising makisalamuha sa iyo. Kapag namimili ka sa labas at itatanong mo ang presyo, walang papansin sa iyo. Matitiis mo ba iyon? Hindi ito isang madaling pakiramdam, hindi ba? Ngunit kung hindi ka nagkaroon ng mga salapi at materyal na pag-aaring ito, hindi mo kakailanganing bitiwan ang mga ito, at hindi mo kakailanganing harapin ang pagsubok na ito. Magiging mas madali pa para sa iyong talikuran ang lahat at hangarin ang katotohanan. Samakatuwid, matagal nang sinabi ng Diyos sa mga tao na dapat silang makontento sa pagkain at damit. Anumang hanapbuhay ang isagawa mo, huwag mo itong ituring na isang propesyon, at huwag mo itong tingnan bilang isang tuntungan o isang paraan upang maging prominente o magkamal ng kayamanan at mamuhay nang maginhawa. Anuman ang trabaho o propesyong iyong isagawa, sapat nang tingnan mo ito bilang isa lamang pamamaraan upang mapanatili ang iyong kabuhayan. Kung kaya nitong panatilihin ang iyong kabuhayan, dapat mong malaman kung kailan ka titigil at hindi na maghahangad ng mga kayamanan. Kung ang pagkita ng dalawang libong yuan kada buwan ay sapat na upang makabili ng pagkain mo nang tatlong beses sa isang araw at ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay, dapat ka nang tumigil doon at huwag nang sumubok na palawakin ang saklaw ng iyong trabaho. Kung mayroon kang anumang espesyal na pangangailangan, puwede kang tumanggap ng karagdagang part-time na trabaho o ng isang pansamantalang trabaho upang makaraos—katanggap-tanggap iyon. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao: Anumang propesyon ang iyong isagawa, kailangan man nito ng kaalaman o ng anumang teknikal na kasanayan, o kung kailangan nito ng anumang pisikal na trabaho, basta’t makatwiran at legal ito, kaya mo ito, at mapananatili ng propesyong ito ang iyong kabuhayan, sapat na iyon. Huwag mong gawing batong tuntungan ang propesyong iyong isinasagawa upang matupad ang sarili mong mga mithiin at hangarin alang-alang sa pagbibigay-kasiyahan sa iyong buhay sa laman, sa gayon ay hinahayaan ang iyong sariling mahulog sa tukso o sa alanganin, o dinadala ang iyong sarili sa landas na walang balikan. Kung ang pagkita ng dalawang libong yuan kada buwan ay sapat na upang mapanatili ang iyong personal na buhay o ang buhay ng iyong pamilya, dapat mong ipagpatuloy ang trabahong iyon at gamitin ang natitirang panahon upang magsagawa ng pananampalataya sa Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, tumupad sa iyong mga tungkulin at maghangad sa katotohanan. Ito ang iyong misyon, ang halaga at kabuluhan ng buhay ng isang mananampalataya. At ang anumang propesyong isasagawa mo ay para lamang sa pagpapanatili sa mga pangunahing pisikal na pangangailangan ng isang normal na buhay ng tao. Hindi hihilingin ng Diyos na maging prominente ka, maging mahusay ka, o makagawa ka ng pangalan sa propesyon mo. Kung ang iyong propesyon ay may kaugnayan sa siyentipikong pananaliksik, mangangailangan ito ng malaking bahagi ng iyong lakas, ngunit hindi pa rin nababago ang prinsipyo ng pagsasagawa—makontento sa pagkain at damit. Kung ang iyong propesyon ay mag-aalok sa iyo ng mga pagkakataong makakuha ng promosyon at ng malaking kita batay sa iyong mga abilidad, at lalagpas ang kitang ito sa saklaw ng pagkakontento sa pagkain at damit, ano ang dapat mong piliing gawin? (Tanggihan ang alok.) Ang prinsipyong dapat mong sundin ay ang ipinaalala ng Diyos—makontento sa pagkain at damit. Anumang propesyon ang iyong isinasagawa, kung lumalagpas ito sa saklaw ng pagkakontento sa pagkain at damit, tiyak na maglalaan ka ng lakas, panahon, o mga halagang hindi saklaw ng mga pangunahing pangangailangan upang makuha ang karagdagang kitang iyon. Halimbawa, maaaring kasalukuyan kang isang empleyadong mababa ang posisyon na kumikita nang sapat upang matustusan ang iyong mga pangunahing pangangailangan, ngunit dahil sa iyong magandang pagganap sa trabaho, gusto ng mga nakatataas sa iyo na itaas ang posisyon mo sa isang posisyon ng pamamahala o sa ganito at ganyang mataas na katungkulang ang kita ay ilang beses na mas mataas. Nakukuha ba ang kitang ito para sa wala? Kapag lumalaki ang kita mo, nadaragdagan din ang kaukulang dami ng trabahong iyong iginugugol. Hindi ba’t nangangailangan ng lakas at panahon ang paglalaan ng pagsisikap? Katumbas ito ng pagsasabing nakukuha ang perang iyong kinikita sa pamamagitan ng pakikipagpalit ng malaking bahagi ng iyong lakas at panahon. Upang kumita ng mas maraming pera, kailangan mong maglaan ng mas marami sa iyong panahon at lakas. Habang kumikita ka ng mas maraming pera, isang malaking bahagi ng iyong panahon at lakas ang nagagamit, at kasabay niyon, ang panahong inilalaan mo sa iyong pananampalataya sa Diyos, sa pagdalo sa mga pagtitipon, sa pagtupad sa mga tungkulin, at sa paghahangad sa katotohanan, ay proporsyonal na nababawasan. Isa itong simpleng katunayan. Kapag nakalaan ang iyong lakas at panahon sa pagkakamal ng kayamanan, hindi mo nakukuha ang mga gantimpala ng iyong pananampalataya sa Diyos. Hindi ka tatratuhin nang maganda ng Diyos, hindi rin pupunuan sa iyo ng Kanyang sambahayan ang mga bagay na hindi mo nalaman dahil lamang sa naitaas ang posisyon mo at nagagamit na ngayon ang isang malaking bahagi ng iyong panahon at lakas, na nagdudulot sa iyong mawalan ng panahong tumupad sa iyong mga tungkulin o dumalo sa mga pagtitipon sa sambahayan ng Diyos. Ito ba ang uri ng bagay na nangyayari? (Hindi.) Hindi ka pupunuan ng sambahayan ng Diyos o hahayaang magkaroon ng espesyal na pagtrato, at hindi ka tatratuhin nang maganda ng Diyos dahil dito. Sa madaling salita, kung nais mong magkaroon ng mga gantimpala para sa iyong pananampalataya sa Diyos, kung nais mong matamo ang katotohanan, nakasalalay ito sa sarili mong mga pagsisikap na magkaroon ng panahon at lakas. Isa itong usapin ng pagpapasya. Hindi ka pinagbabawalan ng Diyos na magpanatili ng normal na buhay. Sapat na ang iyong kita upang mabayaran ang pagkain at tirahan, pinananatili ang pag-iral ng iyong katawan at ang mga aktibidad ng iyong buhay. Sapat na ito upang matustusan ang patuloy mong pag-iral. Ngunit hindi ka kontento; palagi mong ninanais na kumita nang mas malaki. Pagkatapos ay maaagaw ng halaga ng salaping ito ang iyong lakas at panahon. Para saan inaagaw ang mga iyon? Upang mapataas ang kalidad ng iyong pisikal na buhay. Habang pinatataas mo ang kalidad ng iyong pisikal na buhay, nababawasan ang natatamo mo mula sa pagsampalataya sa Diyos, at nawawala ang panahon mo para sa pagtupad sa mga tungkulin, okupado na ito. Ano ang umookupa rito? Okupado ito sa paghahangad ng magandang pisikal na buhay, ng pisikal na kasiyahan. Sulit ba ito? (Hindi.) Kung mahusay kang magtimbang ng mga pakinabang at kalugihan, alam mong hindi ito sulit. Nagkakamit ka ng kasiyahan sa iyong pisikal na buhay, nakakakain ka ng mas masasarap na pagkain at napananatiling busog ang iyong tiyan; nagbibihis ka nang maayos, sunod sa uso at komportable. Nagkakaroon ka ng ilan pang gamit na kilala ang tatak at mamahaling bagay, ngunit ang iyong trabaho ay nakapapagod, mas mahirap, at nakauubos ng panahon at lakas mo. Bilang isang mananampalataya, wala ka nang oras na dumalo sa mga pagtitipon o makinig sa mga sermon. Wala ka na ring panahong pagnilayan ang katotohahan at ang mga salita ng Diyos. Marami ka pang katotohanang hindi nauunawaan at hindi nalalaman, ngunit wala kang panahon at lakas na pagnilayan at hanapin ang mga iyon. Gumaganda ang iyong pisikal na buhay, ngunit hindi lumalago ang iyong espirituwal na buhay, at nahaharap ito sa panghihina. Isa ba itong pakinabang o kalugihan? (Isang kalugihan.) Napakalaki ng kalugihang ito! Kailangan mong timbangin ang mga pakinabang at kalugihan! Kung isa kang mautak na taong tunay na nagmamahal sa katotohanan, dapat mong timbangin ang magkabilang panig at tingnan kung ano ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang bagay na makakamit mo. Kung darating ang promosyon, at may pagkakataon kang kumita ng mas maraming pera at magkaloob ng mas magandang pisikal na buhay para sa sarili mo, ano ang dapat mong piliin? Kung handa kang hangarin ang katotohanan at mayroon kang determinasyong hangarin ang katotohanan, dapat mong palampasin ang gayong mga pagkakataon. Halimbawa, ipagpalagay mong sasabihin ng isang tao sa iyong kompanya na, “Sampung taon mo nang ginagawa ang trabahong ito. Karamihan sa mga tao sa kompanya ay tumataas ang mga suweldo at nakatatanggap ng mga promosyon sa loob ng tatlo hanggang limang taon. Ngunit pareho pa rin sa dati ang sahod mo. Bakit hindi ka magtrabaho nang mabuti? Bakit hindi mo ginagalingan ang iyong pagganap? Tingnan mo si ganito at si ganyan, tatlong taon na siyang nandito, at ngayon ay nagmamaneho na siya ng convertible at nakatira na sa mas malaking bahay: Mula sa maliit na bahay ay lumipat na siya sa mas malaking bahay. Noong dumating siya, isa lamang siyang mahirap na estudyante. Ngayon, isa na siyang mayamang babae, na nagsusuot nang may tatak na mga damit mula ulo hanggang paa, tumutuloy sa mga mamahaling hotel, tumitira sa isang mansyon, at nagmamaneho ng isang mamahaling sasakyan.” Kapag nakita mo kung gaano siyang nakaririwasa, hindi ba’t magsisimula kang makaramdam ng paghahangad? Hindi ba’t sasama ang loob mo? Mapaglalabanan mo ba ang gayong mga tukso? Paninindigan mo pa rin ba ang orihinal mong layunin? Panghahawakan mo ba ang mga prinsipyo? Kung tunay mong minamahal ang katotohanan, handa kang hangarin ang katotohanan, at naniniwala kang ang pagkamit ng isang bagay sa katotohanan ay ang pinakamahalagang bagay, ang pinakamakabuluhang bagay sa iyong buhay, at na pinili mo ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang bagay sa iyong buhay, hindi mo ito pagsisisihan, at hindi ka maiimpluwensyahan ng mga bagay na tulad ng mga promosyon. Magpupursige ka, sasabihin mong, “Kontento na ako sa pagkain at damit; anumang hanapbuhay ang papasukin ko, alang-alang ito sa pagkain at tirahan, upang hayaan ang katawan kong patuloy na mabuhay, hindi para sa kasiyahan ng katawan, at talagang hindi para sa pagiging prominente. Hindi ko hinahangad ang mga promosyon o matataas na suweldo; gagamitin ko ang limitadong buhay ko upang hangarin ang katotohanan.” Kung taglay mo ang determinasyong ito, hindi ka matitinag, at hindi maghahangad ang iyong puso; kapag nakita mong tumataas ang posisyon ng iba, tumataas ang mga suweldo, o nagsusuot ng ginto at pilak na alahas at mga may tatak na damit, nagtatamasa ng mas mataas na kalidad ng buhay kaysa sa iyo, at nahihigitan ka sa porma, hindi ka maiinggit. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Gayunpaman, kung hindi mo minamahal at hinahangad ang katotohanan, hindi mo mapipigilan ang iyong sarili, at hindi ka makapagpupursige nang matagal. Sa gayong pagkakataon at sa gayong kapaligiran, kung hindi ang katotohanan ang buhay ng mga tao, kung wala silang kaunting determinasyon, kung wala silang tunay na kabatiran, madalas silang mag-uurong-sulong at manghihina. Pagkatapos magpursige sa loob ng ilang panahon, manlulumo pa nga sila at iisiping, “Kailan ba matatapos ang mga araw na ito? Kung hindi darating ang araw ng Diyos, hanggang kailan pa ba ako mananatiling utusan sa kompanya? Ang iba ay kumikita nang mas malaki kaysa sa akin. Bakit pagkain at tirahan lang ang napapanatili ko? Hindi sinasabi sa akin ng Diyos na kumita ng mas malaking pera.” Sino ang pumipigil sa iyong kumita ng mas malaking pera? Kung may abilidad ka, puwede kang kumita nang mas malaki. Kung pipiliin mong kumita ng mas maraming pera, magkaroon ng mayamang pamumuhay, at magtamasa ng pamumuhay nang marangya, ayos lang iyon; walang pumipigil sa iyo. Gayunpaman, kailangan mong maging responsable sa sarili mong mga pagpapasya. Sa huli, kung hindi mo matatamo ang katotohanan, kung ang mga salita ng Diyos ay hindi naging buhay sa loob mo, ikaw lang ang magsisisi dahil dito. Kailangan mong maging responsable para sa sarili mong mga kilos at pagpapasya. Walang sinumang magbabayad ng halaga o mananagot para sa iyo. Yamang pinili mong sumampalataya sa Diyos, tumahak sa landas ng kaligtasan, at maghangad sa katotohanan, huwag mo itong pagsisihan. Yamang ito ang pinili mo, hindi mo ito dapat tingnan bilang isang panuntunan o kautusang dapat sundin; bagkus, dapat mong maunawaang may kabuluhan at halaga ang iyong pagpupursige at mga pagpapasya. Sa huli, ang matatamo mo ay ang katotohanan at buhay, hindi lamang isang panuntunan. Kung ang iyong pagpupursige at mga pagpapasya ay magdudulot sa iyong labis na mahiya, maasiwa, o hindi makaharap sa mga tao sa paligid mo, huwag mo nang ipagpatuloy ang pagpupursige. Bakit mo pahihirapan ang sarili mo? Anuman ang nais mo sa iyong puso, anuman ang gusto mo, hangarin mo ang bagay na iyon—walang pumipigil sa iyo. Sa ngayon, ang pagbabahaginan natin nang ganito ay nagbibigay lamang sa iyo ng prinsipyo. Sa mundo, ang bawat propesyong isinasagawa ng mga tao ay nauugnay sa katanyagan, pakinabang, at pisikal na kasiyahan. Ang dahilan kung bakit kumikita ang mga tao ng mas maraming pera ay hindi upang makamit ang isang partikular na halaga, kundi upang mapabuti ang kanilang pisikal na kasiyahan sa pamamagitan ng pagkita ng perang iyon, at para rin maging mayayamang taong kilala ng publiko. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng katanyagan, pakinabang, at posisyon, na pawang lumalagpas sa saklaw ng mga pangunahing pangangailangan. Ang anumang halagang binabayaran ng mga tao ay para sa pisikal na kasiyahan, wala sa mga ito ang may kabuluhan; ang lahat ng ito ay walang saysay, tulad ng isang panaginip. Ang napapala nila sa huli ay pawang kahungkagan. Ngayong araw na ito ay maaaring dumpling ang kainin mo at masarapan ka rito, ngunit pagkatapos mag-isip-isip nang mabuti, malalaman mong wala kang nakamit. Kung araw-araw mo itong kakainin, maaari mo itong pagsawaan, itigil ang pagkain dito, at palitan ng iba, gaya ng mga bibingka, kanin, o pancake. Ganito mo ibinabagay ang iyong sarili, at nagiging mas malusog ang iyong pisikal na pangangatawan. Kung araw-araw kang kakain ng malilinamnam na pagkain, maaaring hindi maging malusog ang iyong katawan, hindi ba?

Ang pagkakontento sa pagkain at damit, ito ba ang tamang landas? (Tama ito.) Bakit ito tama? Ang halaga ba ng buhay ng isang tao ay tungkol sa pagkain at damit? (Hindi.) Kung ang halaga ng buhay ng isang tao ay hindi tungkol sa pagkain at damit o sa kasiyahan ng laman, dapat ay matugunan lamang ng propesyong isasagawa ng isang tao ang pangangailangan sa pagkain at damit; hindi dapat iyon lumagpas sa saklaw na ito. Ano ang layon sa likod ng pagkakaroon ng pagkain at damit? Ang masigurong iiral nang normal ang katawan. Ano ba ang layon ng pag-iral? Hindi ito alang-alang sa kasiyahan ng laman, ni alang-alang sa pagsasaya sa takbo ng buhay, at talagang hindi ito alang-alang sa pagtamasa sa lahat ng bagay na nararanasan ng mga tao sa buhay. Hindi mahalaga ang lahat ng ito. Kung gayon, ano ang pinakamahalaga? Ano ang pinakamakabuluhang bagay na dapat gawin ng isang tao? (Dapat na tahakin ng isang tao ang landas ng pagsampalataya sa Diyos at paghangad sa katotohanan, at pagkatapos ay tuparin ang sarili niyang mga tungkulin.) Anumang uri ka ng tao, isa kang nilikha. Dapat na gawin ng mga nilikha ang layon nilang gawin—ito ang may halaga. Kaya, ano ba ang ginagawa ng mga nilikha na may halaga? Ang bawat nilikha ay may misyong ipinagkatiwala sa kanya ng Lumikha, isang misyong layon niyang tuparin. Itinakda na ng Diyos ang tadhana ng buhay ng bawat tao. Anuman ang tadhana ng kanyang buhay, iyon ang dapat niyang gawin. Kung gagawin mo ito nang mabuti, kapag humarap ka sa Diyos upang magbigay-sulit, magbibigay ang Diyos ng kasiya-siyang sagot. Sasabihin Niyang iginugol mo nang makabuluhan at produktibo ang iyong buhay, na ginawa mong buhay mo ang mga salita ng Diyos, at na isa kang mahusay na nilikha. Gayunpaman, kung ang buhay mo ay tungkol lamang sa pamumuhay, pagsisikap, at paglalaan alang-alang sa pagkain, damit, kasiyahan, at kaligayahan, kapag sa wakas ay humarap ka na Diyos, itatanong Niya, “Gaano mo natupad ang gawain at misyon ng buhay na ito na ibinigay Ko sa iyo?” Susumahin mo iyong lahat at malalaman mong iginugol ang lakas at panahon ng buhay na ito sa pagkain, damit, at kasiyahan. Mukhang wala kang masyadong nagawa sa iyong pananampalataya sa Diyos, hindi mo natupad ang iyong tungkulin, hindi ka nakapagpursige hanggang sa huli, at hindi mo naisakatuparan ang iyong debosyon. Tungkol naman sa paghahangad sa katotohanan, bagaman nagkaroon ka ng kaunting kagustuhang hangarin ito, wala ka masyadong naisakripisyo, at wala kang anumang natamo. Sa huling pagsubok, hindi mo naging buhay ang mga salita ng Diyos, at ikaw pa rin ang dating Satanas. Ang mga pamamaraan mo ng pagtingin sa mga bagay-bagay at ng pagkilos ay nakabatay lahat sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Ganap ka pa ring laban sa Diyos, at di-kaayon sa Kanya. Kung gayon, mawawalan ka ng pakinabang, at hindi ka na gugustuhin ng Diyos. Magmula sa puntong ito, hindi ka na magiging nilikha ng Diyos. Kaawa-awang bagay iyon! Samakatuwid, anumang propesyon ang iyong isagawa, basta’t legal ito, isinaayos at itinadhana ito ng Diyos. Ngunit hindi iyon nangangahulugang sinusuportahan o hinihikayat ka ng Diyos na kumita ng mas malaking pera o maging prominente sa propesyong pinili mo. Hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos, at kailanman ay hindi Niya ito hiningi sa iyo. Isa pa, hinding-hindi gagamitin ng Diyos ang propesyong iyong isinasagawa upang itulak ka sa mundo, ibigay ka kay Satanas, o payagan kang mapagmatigas na maghangad ng katanyagan at kayamanan. Sa halip, sa pamamagitan ng propesyong isinasagawa mo, binibigyang-daan ka ng Diyos na matugunan mo ang iyong mga pangangailangan sa pagkain at tirahan—iyon lang. Dagdag pa rito, sa mga salita ng Diyos ay sinabi na Niya sa iyo ang mga bagay na tulad ng kung ano ang iyong tungkulin, ano ang iyong misyon, ano ang dapat mong hangarin, at ano ang dapat mong isabuhay. Ang mga ito ang mga ugaling dapat mong isabuhay at ang landas na dapat mong tahakin sa buong buhay mo. Matapos magsalita ng Diyos at iyong maunawaan ang Kanyang sinabi, ano ang dapat mong gawin? Kung sapat na ang pagtatrabaho nang tatlong araw sa isang linggo upang matugunan ang mga pangangailangan mo sa pagkain at tirahan, ngunit pinipili mo pa ring magtrabaho sa ibang mga araw, hindi mo matutupad ang iyong tungkulin. Kapag kinakailangan ang iyong pakikipagtulungan sa isang tungkulin, sinasabi mo, “Nasa trabaho ako, nandito ako sa opisina ko,” at kapag sinusubukang makipag-ugnayan sa iyo ng isang tao, palagi mong sinasabing wala kang oras. Kailan ka ba may oras? Pagkalipas lang ng ikawalo ng gabi, kapag patang-pata, pagod, at lupaypay ka na, may kagustuhan ka ngunit wala ka nang lakas. Nagtatrabaho ka sa anim na araw ng isang linggo, at sa tuwing may sumusubok na makipag-ugnayan sa iyo sa telepono, palagi mong sinasabing wala kang oras. Tuwing Linggo ka lang may panahon, at kahit doon ay kailangan mong gumugol ng panahon kasama ang iyong pamilya at mga anak, gumawa ng mga gawaing-bahay, at muling mag-ipon ng lakas at sandaliang magpahinga. May ilang tao pa ngang nagbabakasyon, gumugugol ng ilang panahon sa mga gawaing mapaglilibangan, at gumagastos ng pera at namimili ng mga gamit. May ilang taong nagpapatibay ng mga ugnayan nila sa mga katrabaho, at bumubuo ng mga koneksyon sa mga lider at nakatataas. Anong uri ng paniniwala ito? Isa talaga itong walang pananampalataya; ano ang punto ng pakikiisa sa pormalidad? Huwag mong sabihing sumasampalataya ka sa Diyos; wala kang ugnayan sa mga mananampalataya ng Diyos. Hindi ka nabibilang sa iglesia; sa pinakamaganda na, isa ka lamang kaibigan ng iglesia. Kailangan ng sambahayan ng Diyos ng isang taong mangangasiwa sa mga panlabas na aktibidad, at maaaring pumayag kang tumulong, ngunit iyon ay dahil lamang sa hindi ka tumatanggi. Kung kaya mo bang gampanan ang iyong posisyon, o kung kailan mo ito magagampanan ay hindi alam. At pagkatapos mong dumating sa iyong puwesto, kung maibibigay mo ba rito ang lahat ng oras mo, at ang buong puso mo, at lakas mo ay hindi tiyak—walang nakaaalam sa lahat ng ito. Sino ang nakaaalam kung kailan ka magiging labis na abala sa trabaho, o maglalakbay para sa trabaho, at maglalahong parang bula sa loob ng dalawang linggo o isang buwan—walang makahagilap sa iyo. Hindi na ito tunay na pananampalataya, isa na lamang itong pormalidad. Pagdating sa mga taong tulad nito, dapat na mabawi ang mga aklat nila ng mga salita ng Diyos, at dapat silang mapaalis at masabihang, “Kung hindi mo kayang bitiwan ang trabaho mo, kung wala kang panahon para sa mga pagtitipon, at hindi mo kayang tuparin ang iyong tungkulin, hindi ka pipilitin ng sambahayan ng Diyos. Maghiwalay na tayo rito. Kapag kaya mo nang makontento sa pagkakaroon lang ng pagkain at damit, kapag kaya mo nang isuko ang iyong mga kahilingan para sa mataas na kalidad ng buhay, at maglaan ng mas maraming oras sa pagtupad sa iyong tungkulin, pormal ka naming tatanggapin sa kawan at ituturing na miyembro ng iglesia. Kung hindi mo ito magagawa, at magpapakita ka lang, tutulong, at bubuo ng mabababaw na ugnayan sa mga kapatid sa iyong libreng oras, hindi iyon maituturing na pagtupad sa iyong tungkulin bilang isang nilikha, at talagang hindi iyon maituturing na pormal na pagsampalataya sa Diyos.” Ano ang tawag natin sa mga taong tulad nito? (Mga kaibigan ng iglesia.) Mga kaibigan ng iglesia, mabubuting kaibigan ng iglesia. “Sapagka’t ang hindi laban sa atin ay sumasa atin” (Marcos 9:40). Samakatuwid, ang mga ganitong uri ng tao ay tinatawag na mga kaibigan ng iglesia. Ang pagtawag sa isang tao bilang kaibigan ng iglesia ay nagpapahiwatig na nasa yugto pa rin ng pag-oobserba sa kanya, hindi pa siya pormal na mananampalataya ng Diyos, hindi siya itinuturing na kasama sa mga miyembro ng iglesia, ni itinuturing na taong tumutupad ng tungkulin; sa pinakamaganda na, kailangan pa rin siyang maobserbahan, dahil hindi pa rin malinaw kung kaya ba niyang tuparin ang kanyang tungkulin. Gayunpaman, may ilang tao na dahil sa mga limitasyong inilalagay sa kanila ng kapaligiran o mga kondisyon ng pamilya ay kailangang magtrabaho nang ilang araw sa isang linggo upang matugunan ang pagkakaroon ng kita at matustusan ang mga anak nila. Hindi tayo magdidikta sa kanila. Kung kaya nilang tuparin ang kanilang mga tungkulin sa nalalabi nilang oras, maituturing silang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, bilang pormal na sumasampalataya sa Diyos, dahil natupad na nila ang pangunahing kondisyon ng pagkakontento sa pagkain at damit. May mga obhetibong paghihirap sila, at kung hahadlangan mo silang magtrabaho, mawawalan ng paraang makakuha ng panustos ang kanilang buong pamilya, at daranas sila ng ginaw at gutom. Kung hindi mo sila hahayaang magtrabaho, sino ang susuporta sa kanilang pamilya? Susuportahan mo ba sila? Samakatuwid, hindi makatwirang hilingin sa kanila ng mga lider ng iglesia, superbisor, at sinumang may kaugnayan sa kanila na magbitiw sila sa kanilang mga trabaho at huwag nilang alalahanin ang kanilang mga pamilya. Hindi ito dapat na gawin. Paghiling ito ng imposible sa mga tao; dapat silang mabigyan ng paraang mabuhay. Hindi nabubuhay ang mga tao nang nakabukod sa iba, hindi sila mga makina. Kailangan nilang mabuhay, magpanatili ng kabuhayan. Gaya ng tinalakay natin dati, kung may mga anak at pamilya ka, bilang isang haligi o miyembro ng pamilya, dapat mong akuin ang responsabilidad ng pagsuporta sa iyong pamilya. Ang prinsipyo para sa pagtupad sa responsabilidad na ito ay ang makakuha ng pagkain at tirahan, iyon ang prinsipyo. Para sa ilang tao, ito ang kondisyong kinalalagyan nila, at wala silang magawa tungkol dito. Pagkatapos gampanan ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang pamilya, inaayos nila ang kanilang iskedyul upang tuparin ang kanilang tungkulin. Pinapayagan at pinahihintulutan ito sa sambahayan ng Diyos; hindi mo puwedeng hilingin ang imposible sa mga tao. Isa ba itong prinsipyo? (Oo.) Walang sinuman ang may katwirang mag-utos sa mga taong bago pa lamang sumasampalataya sa Diyos at hindi pa lumalalim ang ugnayan sa Kanya na magbitiw sa kanilang mga trabaho, tumalikod sa kanilang mga pamilya, makipagdiborsiyo, magpabaya sa kanilang mga anak, o tumanggi sa kanilang mga magulang. Hindi kinakailangan ang alinman sa mga ito. Ang hinihingi ng mga salita ng Diyos na sundin ng mga tao ay ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga prinsipyong ito ay may kalakip na iba’t ibang sitwasyon at kondisyon. Batay sa iba’t ibang sitwasyon at kondisyong ito, dapat na magawa ang mga kinakailangan at hakbang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo; ito lamang ang tumpak. Samakatuwid, sa mga usapin ng isang propesyon, napakahalagang makontento sa pagkain at damit. Kung hindi mo makita nang malinaw ang puntong ito, maaaring mawala sa iyo ang iyong tungkulin at malagay sa panganib ang mga pagkakataon mong maligtas.

Ang mga huling araw ay isa ring espesyal na panahon. Sa isang aspeto, maraming aktibidad ang iglesia at komplikado ang mga ito; sa isa pa, sa pagharap sa sandaling ito kung kailan lumalawak ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, mas maraming tao ang kinakailangang maglaan ng kanilang panahon at lakas, mag-ambag ng kanilang mga pagsisikap at tumupad sa kanilang mga tungkulin upang matugunan ang mga pangangailangan ng iba’t ibang proyekto sa loob ng sambahayan ng Diyos. Samakatuwid, anuman ang iyong hanapbuhay, kung maliban sa pagtugon sa iyong mga pangunahing pangangailangan sa pamumuhay, nakapaglalaan ka ng panahon at lakas upang tuparin ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nakikipagtulungan sa iba’t ibang proyekto, sa mga mata ng Diyos, bukod sa kalugod-lugod na ito, lubha rin itong makabuluhan. Karapat-dapat ito sa pag-alala ng Diyos, at siyempre, sulit din para sa mga tao na maglaan at gumugol nang ganito kalaki. Ito ay dahil bagaman isinakripisyo mo ang mga kasiyahan ng laman, ang matatamo mo naman ay ang hindi matutumbasang buhay sa mga salita ng Diyos, isang buhay na walang hanggan, isang hindi matutumbasang kayamanang hindi maipagpapalit sa anumang bagay sa mundo, sa pera o sa anupamang bagay. At ang napakahalagang kayamanang ito, ang bagay na iyong makakamit sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon at lakas, sa pamamagitan ng sarili mong mga pagsisikap at paghahangad: Isa itong espesyal na pabor at isang bagay na pinalad kang matanggap, hindi ba? Ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan na nagiging buhay ng isang tao: Isa itong hindi matutumbasang kayamanan na dapat na ialay ng mga tao ang lahat bilang kapalit. Kaya, batay sa pagbibigay-daan sa iyo ng iyong hanapbuhay na magkaroon ng pagkain at damit, kung nagagawa mong magsakripisyo at maglaan ng panahon at lakas sa paghahangad sa katotohanan—kung pipiliin mo ang landas na ito—isa itong mabuting bagay na karapat-dapat ipagbunyi. Hindi ka dapat panghinaan ng loob o malito tungkol dito; dapat ay sigurado kang tama ang naging pasya mo. Maaaring napalagpas mo ang mga pagkakataon para sa mga promosyon, sa pagtaas ng suweldo at mas mataas na kita, sa mas maraming kasiyahan sa buhay sa laman, o sa isang mayamang buhay, ngunit nasunggaban mo naman ang pagkakataon para sa kaligtasan. Ang katunayang nawala sa iyo o binitiwan mo ang mga bagay na iyon ay nangangahulugang nabigyan ka ng iyong pagpapasya ng pag-asa at sigla para sa kaligtasan. Walang nawala sa iyo. Sa kabaligtaran, kung, matapos magkaroon ng pagkain at damit, gumugol ka ng sobrang oras at lakas, kumita ng mas maraming pera, nagkaroon ng mas maraming materyal na kasiyahan, at nabigyang-kasiyahan ang iyong laman, subalit sa paggawa niyon, nasira mo naman ang pag-asa para sa sarili mong kaligtasan, walang dudang hindi ito isang mabuting bagay para sa iyo. Dapat kang mabahala at mabalisa rito; dapat mong baguhin ang iyong trabaho at saloobin sa buhay at mga kahilingan patungkol sa kalidad ng pisikal na buhay; dapat mong bitiwan ang mga partikular na pagnanais, plano, at balak para sa buhay sa laman na hindi naaayon sa realidad. Dapat kang magdasal sa Diyos, lumapit sa presensya Niya, at magpasyang tuparin ang sarili mong tungkulin, ibinubuhos ang iyong isipan at katawan sa iba’t ibang gawain sa sambahayan ng Diyos, nagsisikap upang sa hinaharap, sa araw na matapos na ang gawain ng Diyos, kapag siniyasat ng Diyos ang gawain ng bawat tao, at sinukat ang mga tayog ng lahat ng uri ng tao, magiging bahagi ka nila. Kapag natupad na ang dakilang gawain ng Diyos, kapag lumaganap na sa buong sansinukob ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, kapag nasiwalat na ang nakagagalak na tagpong ito, naroon ang iyong pagpapagal, paglalaan, at sakripisyo. Kapag tumanggap ang Diyos ng kaluwalhatian, kapag napalawak ang Kanyang gawain sa buong sansinukob, kapag ipinagbubunyi na ng lahat ang matagumpay na katuparan ng dakilang gawain ng Diyos, sa pagsisiwalat sa sandaling iyon ng kagalakan, magkakaroon ka ng kaugnayan sa kagalakang ito. Magiging kabahagi ka sa kagalakang ito, hindi ang taong tatangis at magngangalit ng kanilang mga ngipin, maghihinagpis at magsisisi habang ang lahat ay naghihiyawan at naglulundagan sa galak, hindi ang taong tumatanggap ng mabigat na kaparusahan, na lubusang kasusuklaman at palalayasin ng Diyos. Siyempre, lalong mabuti na kapag natupad na ang dakilang gawain ng Diyos, tataglayin mo ang mga salita ng Diyos bilang buhay. Magiging isa kang taong naligtas, hindi na nagrerebelde sa Diyos, hindi na lumalabag sa mga prinsipyo, kundi isang taong kaayon ng Diyos. Kasabay niyon, magagalak ka rin sa lahat ng bagay na isinuko mo noong una: ang mataas na suweldo, mga kasiyahan ng laman, magandang materyal na pagtrato, isang napakagandang kapaligiran ng pamumuhay, at ang pagpapahalaga, promosyon, at pagtataas na ibinibigay ng mga lider. Hindi mo pagsisisihan ang mga bagay na tulad ng hindi pagsuko sa mga pagkakataon para sa promosyon, hindi paghahangad sa mga pagkakataong pataasin ang iyong suweldo at magkamal ng kayamanan, o ang pagkakataong magpakasasa sa isang marangyang pamumuhay. Sa madaling salita, ang mga hinihingi at pamantayan para sa propesyong isinasagawa ng isang tao, na mga prinsipyo rin ng pagsasagawang dapat nilang sundin ay ibinuod lahat sa kasabihang: “Makontento sa pagkain at damit.” Ang paghahangad sa katotohanan upang magtamo ng buhay ay ang dapat na panghawakan ng mga tao. Hindi nila dapat talikdan ang katotohanan at ang tamang landas upang mabigyang-kasiyahan ang sarili nilang mga pagnanais at kasiyahan ng laman. Ito ang bumubuo sa pangalawang prinsipyong dapat na itaguyod ng mga tao hinggil sa isang propesyon.

Tungkol sa paksa ng pagbitiw sa propesyon ng isang tao, dalawang prinsipyo ang tinalakay natin ngayong araw. Naunawaan na ba ninyo ang dalawang prinsipyong ito? (Oo.) Dahil malinaw na ang mga prinsipyo, ang susunod na hakbang ay suriin, batay sa mga prinsipyong ito, kung paano isasagawa ang mga iyon. Sa huli, ang mga taong magagawang magtaguyod sa mga prinsipyong ito ay mga taong sumusunod sa daan ng Diyos, habang ang mga taong hindi magagawang magtaguyod sa mga prinsipyo ay lumilihis sa daan ng Diyos. Ganoon iyon kasimple. Kung magagawa mong itaguyod ang mga prinsipyo, makakamit mo ang katotohanan; kung hindi mo itataguyod ang mga prinsipyo, mawawala sa iyo ang katotohanan. Ang pagkakamit ng katotohanan ay nagbibigay ng pag-asa sa kaligtasan; ang pagkabigong makamit ang katotohanan ay hahantong sa pagkawala ng pag-asa sa kaligtasan—ganoon lang iyon. Sige, tapusin na natin dito ang pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!

Hunyo 10, 2023

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.