Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 19 (Unang Bahagi)
Karaniwan ba ninyong iniuugnay ang mga himnong pinapakinggan ninyo sa inyong sariling mga kalagayan at karanasan? Pinakikinggan at pinagninilayan mo bang mabuti ang ilang salita at paksa na may kaugnayan sa iyong mga karanasan at pagkaunawa, o sa kaya mong makamit? (Diyos ko, minsan, kapag may ilan akong pinagdaraanan, iniuugnay ko ang mga himnong naririnig ko sa sarili kong sitwasyon, samantalang sa iba namang pagkakataon, nakikinig lang ako nang wala sa loob ko.) Madalas, nakikinig ka lang nang wala sa loob mo, hindi ba? Kung 95 porsyento ng oras ay nakikinig lang kayo sa mga himno nang wala sa loob ninyo, mayroon bang anumang kabuluhan ang pakikinig na iyon? Ano ang layon ng pakikinig sa mga himno? Kahit papaano man lang, pinakakalma nito ang mga tao, inilalayo ang kanilang puso mula sa iba’t ibang komplikadong usapin at kaisipan, at pinatatahimik sila sa harap ng Diyos, inihaharap sila sa mga salita ng Diyos para makinig nang mabuti at magnilay sa bawat pangungusap at talata. Masyado ba kayong abala ngayon sa mga gampanin na wala na kayong oras na makinig at wala nang enerhiya na magnilay, o sadya bang hindi ninyo lang alam kung paano magdasal-magbasa ng mga salita ng Diyos, magnilay sa katotohanan, at magpatahimik sa inyong sarili sa harap ng Diyos? Nagpapakaabala lang kayo na gawin ang inyong tungkulin araw-araw; bagamat maaaring mahirap at nakakapagod ito, naniniwala kayo na ang bawat araw ay masagana, at hindi ninyo nadaramang hungkag kayo o hirap ang inyong espiritu. Pakiramdam ninyo ay hindi nasasayang ang araw; may halaga ito. Ang mamuhay araw-araw nang walang layon ay tinatawag na pagraraos lang ng mga bagay-bagay. Tama ba? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, kung magpapatuloy ito, sa loob ng tatlo, lima, walo, o sampu pang taon, magkakaroon ba kayo ng anumang makabuluhang bagay na maipapakita? (Wala.) Kung hindi kayo makakaranas ng anumang mga espesyal na pangyayari o sitwasyon na isinaayos ng Diyos, kung walang personal na patnubay at pamumuno mula sa Itaas, para magbigay sa inyo ng mga pagtitipon at pagbabahaginan, at para suriin ang diwa ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, nang inaakay at tinuturuan kayo, kung gayon, sa totoo lang ay kadalasang inaaksaya ninyo ang bawat araw, mabagal ang inyong pag-usad, at halos wala kayong nakakamit sa inyong buhay pagpasok. Kaya, sa tuwing may nangyayari, hindi humuhusay ang inyong abilidad na makakilatis, hindi umuusad ang inyong karanasan at pagkaunawa sa katotohanan, at nabibigo rin kayong makaranas at makausad sa inyong pananalig at pagpapasakop sa Diyos. Kapag naharap kayong muli sa isang bagay, hindi pa rin ninyo alam kung paano ito pangasiwaan ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa proseso ng paggawa ng inyong tungkulin at pagdanas ninyo ng iba’t ibang bagay, hindi pa rin ninyo kayang aktibong hanapin ang mga prinsipyo at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay pagsasayang ng oras. Ano ang mga panghuling kahihinatnan ng pagsasayang ng oras? Nasasayang ang iyong oras at lakas, at ang iyong masusing pagsusumikap ay nawawalan ng saysay. Ang landas na iyong tinahak sa lahat ng taong ito ay inilalarawan bilang ang landas ni Pablo. Kung maraming taon ka nang naging isang lider o manggagawa, ngunit mababaw ang iyong buhay pagpasok, mababa ang iyong tayog, at hindi mo nauunawaan ang anumang katotohanang prinsipyo, hindi ka angkop sa posisyon at hindi mo kayang tumapos ng isang gampanin nang ikaw lang. Ang mga lider at manggagawa ay hindi angkop sa kanilang mga posisyon, at hindi makapamuhay ng buhay-iglesia ang mga ordinaryong kapatid nang sila lang, hindi sila makakain at makainom ng mga salita ng Diyos nang sila lang, hindi nila alam kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at wala silang buhay pagpasok. Kung walang mangangasiwa o gagabay sa kanila, maaari silang maligaw; kung ang mga lider at manggagawa ay hindi pinangangasiwaan o pinapatnubayan sa kanilang gawain, maaari silang lumihis, magtatag ng isang nagsasariling kaharian, malihis ng mga anticristo, at sumunod pa nga sa mga anticristo nang hindi ito namamalayan, iniisip pa rin na iginugugol nila ang kanilang sarili para sa Diyos. Hindi ba’t kahabag-habag ito? (Oo.) Ang kasalukuyan ninyong sitwasyon ay ganito mismo: parehong hindi mabuti at kahabag-habag. Kapag nahaharap kayo sa mga sitwasyon, wala kayong magawa at walang mapuntahan. Pagdating sa mga aktuwal na problema at aktuwal na nilalaman ng gawain, hindi ninyo alam kung paano kumilos o kung ano ang gagawin; magulo ang lahat at wala kayong ideya kung paano ito aayusin. Talagang masaya kayo sa pagiging abala araw-araw, hapong-hapo ang katawan ninyo, at nakararamdam kayo ng matinding tensyon sa inyong isipan, ngunit hindi gaanong maganda ang mga resulta ng inyong gawain. Ang mga prinsipyo ng bawat katotohanan at ang mga landas ng pagsasagawa ay malinaw nang naipaalam sa inyo sa pamamagitan ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ngunit wala kayong landas sa inyong gawain, hindi ninyo mahanap ang mga prinsipyo, naguguluhan kayo kapag nahaharap kayo sa mga sitwasyon, hindi ninyo alam kung paano kikilos, at ang lahat ng gawain ninyo ay magulo. Hindi ba’t ito ay kahabag-habag na kondisyon? (Oo.) Ito ay kahabag-habag ngang kondisyon.
Sinasabi ng ilang tao na, “Mahigit sampung taon na akong nananampalataya sa Diyos; marami na akong karanasan bilang mananampalataya.” May mga nagsasabi na, “Dalawang dekada na akong nananampalataya sa Diyos.” Sinasabi naman ng iba na, “Ano ba ang dalawang dekada ng pananampalataya? Mahigit tatlong dekada na akong nananampalataya sa Diyos.” Matagal-tagal na kayong nananampalataya sa Diyos, at ang ilan pa nga sa inyo ay nakapaglingkod na bilang lider o manggagawa sa loob ng maraming taon at marami nang karanasan. Ngunit kumusta ang inyong buhay pagpasok? Gaano kahusay kayong makaunawa sa mga katotohanang prinsipyo? Nakapaglingkod kayo bilang lider o manggagawa sa loob ng maraming taon at nakapagkamit kayo ng karanasan sa inyong gawain, ngunit kapag naharap kayo sa iba’t ibang gampanin, tao, at bagay, ibabatay mo ba ang iyong pagsasagawa sa mga katotohanang prinsipyo? Itataguyod mo ba ang pangalan ng Diyos? Poprotektahan mo ba ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Pangangalagaan mo ba ang gawain ng Diyos? Makakapanindigan ka ba sa iyong patotoo? Kapag nahaharap ka sa mga panggagambala at panggugulo ng mga anticristo at masasamang tao sa gawain ng iglesia, magkakaroon ka ba ng kumpiyansa at lakas para labanan sila? Mapoprotektahan mo ba ang mga hinirang ng Diyos at maitataguyod mo ba ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ipagtatanggol mo ba ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang Kanyang pangalan mula sa pagkapahiya? Magagawa mo ba ito? Sa Aking nakikita, hindi ninyo ito magagawa, at hindi rin pa ninyo ito nagawa. Araw-araw kayong masyadong abala—ano ba ang pinagkakaabalahan ninyo? Sa lahat ng taong ito, isinakripisyo ninyo ang inyong pamilya at propesyon, nagtiis kayo ng hirap, nagbayad ng halaga, at naglaan ng matinding pagsusumikap, ngunit kaunti lamang ang inyong nakamit. May mga lider at manggagawa pa nga na naharap sa kaparehong mga pangyayari, tao, at sitwasyon nang maraming beses, ngunit patuloy pa rin silang gumagawa ng parehong mga pagkakamali, gumagawa ng parehong mga pagsalangsang. Hindi ba’t ipinapakita nito na wala silang paglago sa kanilang buhay? Hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi nila nakamit ang katotohanan? (Oo.) Hindi ba’t ipinapakita nito na kinokontrol pa rin sila ni Satanas sa ilalim ng madilim na kapangyarihan nito at hindi pa nila natatamo ang kaligtasan? (Oo.) Kapag umuusbong at nagaganap ang lahat ng uri ng iba’t ibang pangyayari sa paligid mo sa iglesia sa iba’t ibang pagkakataon, wala kang magagawa. Lalo na kapag nahaharap kayo sa mga anticristo at masasamang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi ninyo alam kung paano ito pangasiwaan. Hinahayaan na lang ninyo ang mga bagay-bagay, o ang nagagawa na lang ninyo ay magalit at pungusan ang mga nagdudulot ng kaguluhan, ngunit nananatiling hindi nalulutas ang problema, at wala kayong alternatibong plano ng aksyon. Iniisip pa nga ng ilang tao na, “Ibinuhos ko rito ang buong lakas at puso ko—hindi ba’t sinabi ng Diyos na dapat pareho natin itong ibigay? Ibinigay ko na ang lahat ko; kung wala pa ring mga resulta, hindi ko na kasalanan iyon. Sadyang napakasama ng mga tao: Kahit bahaginan mo sila ng katotohanan, hindi sila nakikinig.” Sinasabi mo na ibinuhos mo ang iyong buong lakas at puso, ngunit hindi nagtamo ng anumang resulta ang gawain. Hindi mo itinaguyod ang gawain ng iglesia o pinrotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hinayaan mong kontrolin ng masasamang tao ang iglesia. Hinayaan mo si Satanas na magwala at magdala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos, habang nanonood ka lang sa tabi, walang magawa, hindi kayang pangasiwaan ang anuman kahit pa may taglay kang awtoridad. Hindi mo kayang manindigan sa iyong patotoo sa Diyos, subalit iniisip mo na naunawaan mo ang katotohanan at na ibinuhos mo ang iyong buong puso at lakas. Ito ba ang ibig sabihin ng pagiging mabuting tagapangasiwa? (Hindi.) Kapag nagsisilabasan at gumaganap ng iba’t ibang papel bilang mga diyablo at Satanas ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga hindi mananampalataya, lumalabag sa mga pagsasaayos ng gawain at gumagawa ng isang bagay na ganap na naiiba, nagsisinungaling at nanlilinlang sa sambahayan ng Diyos; kapag ginugulo at ginagambala nila ang gawain ng Diyos, gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos at dumudungis sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, wala kang ginagawa kundi magalit kapag nakikita mo ito, subalit hindi mo kayang tumindig para itaguyod ang katarungan, ilantad ang masasamang tao, itaguyod ang gawain ng iglesia, harapin at pangasiwaan ang masasamang taong ito, at pigilan sila sa panggugulo sa gawain ng iglesia at pagdungis sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia. Sa hindi pagsasagawa ng mga bagay na ito, nabigo kang magpatotoo. May mga taong nagsasabi na, “Hindi ako nangangahas na gawin ang mga bagay na ito, natatakot ako na kung napakarami ng taong haharapin ko, baka magalit sila sa akin, at kung pagtutulungan nila akong atakihin para parusahan ako at alisin sa puwesto, ano ang gagawin ko?” Sabihin mo sa Akin, duwag at mahiyain ba sila, wala ba sa kanila ang katotohanan at hindi ba nila matukoy ang mga tao o makita ang panggugulo ni Satanas, o hindi ba sila tapat sa kanilang pagganap sa tungkulin, sinusubukan lang na protektahan ang kanilang sarili? Ano ba ang tunay na isyu rito? Napag-isipan mo na ba ito? Kung likas kang mahiyain, marupok, duwag, at matatakutin; subalit, pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, batay sa pagkaunawa sa ilang katotohanan, ay nagkaroon ka ng tunay na pananalig sa Diyos, hindi ba’t mapagtatagumpayan mo na ang ilan sa iyong mga kahinaan bilang tao, ang iyong pagkamahiyain, at pagkamarupok, at hindi ka na matatakot sa masasamang tao? (Oo.) Kung gayon, ano nga ba ang ugat ng inyong kawalan ng kakayahang mangasiwa at humarap sa masasamang tao? Ito ba ay dahil likas na duwag, mahiyain, at matatakutin ang inyong pagkatao? Hindi ito ang ugat o ang diwa ng problema. Ang diwa ng problema ay na ang mga tao ay hindi tapat sa Diyos; pinoprotektahan nila ang kanilang sarili, ang kanilang personal na seguridad, reputasyon, katayuan, at ang kanilang malalabasan. Ang kanilang kawalan ng katapatan ay naipapamalas sa kanilang palagiang pagprotekta sa kanilang sarili, pag-atras tulad ng isang pagong papasok sa bahay nito kapag nahaharap sila sa anumang bagay, at paghihintay nilang lumipas muna ito bago nila muling ilabas ang kanilang ulo. Anuman ang kanilang nakakatagpo, palagi silang nag-iingat nang husto, sobrang nababalisa, nag-aalala, at nangangamba, at hindi nila kayang tumayo at ipagtanggol ang gawain ng iglesia. Ano ang problema rito? Hindi ba’t ito ay kawalan ng pananalig? Wala kang tunay na pananalig sa Diyos, hindi ka naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at hindi ka naniniwala na ang buhay mo, ang lahat ng sa iyo ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ka naniniwala sa sinasabi ng Diyos na, “Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangangahas si Satanas na galawin ni isang buhok sa iyong katawan.” Umaasa ka sa sarili mong mga mata at hinuhusgahan mo ang mga katunayan, hinuhusgahan mo ang mga bagay-bagay batay sa sarili mong mga pagtataya, palaging pinoprotektahan ang iyong sarili. Hindi ka naniniwala na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos; natatakot ka kay Satanas, natatakot ka sa masasamang puwersa at masasamang tao. Hindi ba’t ito ay kawalan ng tunay na pananalig sa Diyos? (Oo.) Bakit walang tunay na pananalig sa Diyos? Ito ba ay dahil masyadong mababaw ang mga karanasan ng mga tao at hindi nila maunawaang mabuti ang mga bagay na ito, o ito ba ay dahil sa napakakaunti ng kanilang pagkaunawa sa katotohanan? Ano ang dahilan? May kinalaman ba ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Ito ba ay dahil masyadong tuso ang mga tao? (Oo.) Gaano man karami ang nararanasan nila, gaano man karaming katunayan ang inilalatag sa harap nila, hindi sila naniniwala na ito ay gawain ng Diyos, o na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Isang aspekto ito. Ang isa pang malubhang isyu ay ang sobrang pag-aalala ng mga tao sa kanilang sarili. Hindi sila handang magbayad ng anumang halaga o magsakripisyo para sa Diyos, para sa Kanyang gawain, para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, para sa Kanyang pangalan, o para sa Kanyang kaluwalhatian. Hindi sila handang gawin ang anumang bagay na may kalakip na kahit pinakakatiting na panganib. Masyadong nag-aalala ang mga tao sa kanilang sarili! Dahil sa kanilang takot na mamatay, na mapahiya, na mabitag ng masasamang tao, at na masadlak sa anumang uri ng suliranin, ginagawa ng mga tao ang lahat para mapangalagaan ang kanilang sariling laman, sinisikap na hindi sila mapasok sa anumang delikadong sitwasyon. Sa isang aspekto, ipinapakita ng ganitong pag-uugali na masyadong tuso ang lahat ng tao, habang sa isa pang aspekto, ibinubunyag nito ang kanilang pangangalaga sa sarili at kasakiman. Hindi ka handang ialay ang iyong sarili sa Diyos, at kapag sinasabi mo na handa kang igugol ang iyong sarili para sa Diyos, ito ay hangarin lamang. Pagdating sa tunay na pagsulong at pagpapatotoo sa Diyos, paglaban kay Satanas, at pagharap sa panganib, kamatayan, at iba’t ibang suliranin at paghihirap, ayaw mo na. Gumuguho ang iyong munting hangarin, at ginagawa mo ang lahat ng posibleng paraan para protektahan muna ang iyong sarili, at pagkatapos ay gumagawa ka ng mababaw na gawain na kinakailangan mong gawin, isang gawain na nakikita ng lahat. Ang isipan ng tao ay mas mabilis pa rin kaysa sa isang makina: Alam ng mga tao kung paano makiangkop, alam nila kung aling mga kilos ang nakakatulong sa kanilang mga pansariling interes at kung alin ang hindi kapag nakakatagpo sila ng mga sitwasyon, at mabilis nilang nagagamit ang bawat pamamaraan na abot-kamay nila. Bilang resulta, sa tuwing kinakaharap mo ang mga bagay-bagay, hindi nakakapanindigan ang iyong maliit na tiwala sa Diyos. Kumikilos ka nang tuso sa Diyos, gumagamit ka ng mga taktika laban sa Kanya, at nanlalansi ka, at ibinubunyag nito na wala kang tunay na pananalig sa Diyos. Iniisip mo na hindi mapagkakatiwalaan ang Diyos, na maaaring hindi ka Niya kayang protektahan o masigurong ligtas ka, at na maaaring hayaan ka pa nga ng Diyos na mamatay. Pakiramdam mo ay hindi maaasahan ang Diyos, at na makakasiguro ka lang kung aasa ka sa iyong sarili. Ano ang nangyayari sa huli? Anumang mga sitwasyon o usapin ang kinakaharap mo, pinangangasiwaan mo ang mga ito gamit ang mga pamamaraan, taktika, at estratehiyang ito, at hindi ka nakakapanindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Anuman ang mga sitwasyon, hindi mo magawang maging isang kwalipikadong lider o manggagawa, hindi ka makapagpakita ng mga katangian o kilos ng isang tagapangasiwa, at hindi ka makapagpakita ng ganap na katapatan, kaya’t nawawalan ka ng patotoo. Gaano man karaming usapin ang kinakaharap mo, hindi mo magawang umasa sa iyong pananalig sa Diyos upang makapagpakita ka ng katapatan at pananagutan. Kaya’t ang pinakaresulta, wala kang nakakamit. Sa bawat sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos para sa iyo, at kapag nakikipaglaban ka kay Satanas, palagi mong pinipiling umatras at tumakas. Hindi mo nagawang sundan ang landas na itinuro o isinaayos ng Diyos na danasin mo. Kaya, sa gitna ng labang ito, napapalagpas mo ang katotohanan, pagkaunawa, at mga karanasang dapat sana ay nakamit mo. Sa bawat pagkakataong nalalagay ka sa mga sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos, ganoon mo pa rin hinaharap ang mga ito, at ganoon mo pa rin tinatapos ang lahat ng ito. Sa huli, pareho lang ang doktrina at mga aral na natututunan mo. Wala kang anumang tunay na pagkaunawa, ilang karanasan at aral lamang ang iyong napulot, tulad ng: “Hindi ko na ito dapat gawin sa hinaharap. Kapag naharap ako sa mga ganitong sitwasyon, dapat akong mag-ingat, dapat kong paalalahanan ang sarili ko tungkol dito, dapat akong mag-ingat sa ganoong klase ng tao, iwasan ang ganitong klase, at maging mapagbantay sa ganoong tao.” Iyon lang. Ano ba ang nakamit mo? Iyon ba ay kagalingan at kabatiran, o karanasan at mga aral? Kung ang iyong nakakamit ay walang kinalaman sa katotohanan, wala kang nakamit, wala ni isa man sa dapat mong nakamit. Kaya, sa mga sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos, binigo mo Siya; hindi mo natamo ang nilayon Niya para sa iyo, kaya’t tiyak na nabigo mo ang Diyos. Sa pagsubok o sitwasyong ito na pinamatnugutan ng Diyos, hindi mo natamo ang katotohanang nais Niyang taglayin mo. Hindi lumago ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso, nananatiling malabo ang mga katotohanang dapat mong maunawaan, wala ka pa ring pagkaunawa sa mga aspektong kinakailangan mo ng pagkaunawa tungkol sa iyong sarili, ang mga aral na dapat mo sanang napulot ay hindi pa natatamo, at ang mga katotohanang prinsipyo na dapat mong sundin ay lumayo sa iyo. Kasabay nito, hindi rin lumago ang iyong pananalig sa Diyos; kagaya pa rin ito noong una kang magsimula. Naiipit ka sa parehong sitwasyon. Kung gayon, ano ang nadagdag? Marahil ngayon ay nauunawaan mo na ang ilang doktrina na hindi mo alam noon, o nakita mo na ang masamang bahagi ng isang partikular na uri ng tao na hindi mo naunawaan noon. Pero ang pinakamaliit na bahagi na may kaugnayan sa katotohanan ay hindi mo pa rin nakikita, naiintindihan, nakikilala, at nararanasan. Habang nagpapatuloy ka sa iyong gawain o sa paggampan sa tungkulin, hindi mo pa rin nauunawaan o natututunan ang mga prinsipyong dapat mong sundin. Labis itong nakakadismaya sa Diyos. Sa pinakamababa, sa partikular na sitwasyong ito, hindi nadagdagan ang iyong katapatan sa Diyos o ang pananalig na dapat sana ay lumalago sa loob mo. Hindi mo natamo ang alinman sa dalawa, na talagang kahabag-habag! Maaaring sabihin ng ilan na, “Sinasabi mong wala akong nakamit na kahit ano, pero hindi tama iyan. Kahit papaano, nagkaroon ako ng pagkakilala sa sarili ko at pagkaunawa sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid ko. Mayroon na akong mas malinaw na pagkaunawa sa pagkatao at sa sarili ko.” Maituturing bang tunay na pag-usad ang pagkaunawa sa mga bagay na ito? Kahit pa hindi ka nananampalataya sa Diyos, kapag umabot ka na sa edad na kuwarenta o singkuwenta, medyo magiging pamilyar ka na sa mga ganitong bagay. Ang mga taong may maliit o katamtamang kakayahan ay kayang makamit ito; kaya nilang maunawaan ang kanilang sarili, ang mabubuti at masasamang maidudulot, ang mga kalakasan at kahinaan ng kanilang pagkatao, pati na rin kung saan sila magaling at hindi. Kapag nasa edad kuwarenta o singkuwenta na sila, dapat ay mayroon na silang kaunting pagkaunawa sa pagkatao ng iba’t ibang klase ng tao na madalas nilang nakakasalamuha. Dapat ay alam na nila kung anong klase ng mga tao ang angkop na makasalamuha at anong klase ang hindi, kung sino ang angkop na pakisamahan at sino ang hindi, kung kanino sila dapat dumistansiya at kanino dapat makipaglapit—kahit papaano ay naiintindihan na nila ang lahat ng ito. Kung ang isang tao ay magulo ang isip, napakahina ang kakayahan, hangal, o may problema sa pag-iisip, wala siyang ganitong pagkaunawa. Kung maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, kung narinig mo na ang napakaraming katotohanan, at naranasan mo na ang napakaraming iba’t ibang sitwasyon, at ang tanging nakamit mo ay nasa larangan ng pagkatao ng mga tao, sa pagkilatis sa mga tao o pag-unawa sa ilang simpleng usapin, maituturing ba itong isang bagay na tunay na nakamit? (Hindi.) Kung gayon, ano nga ba ang maituturing na isang bagay na tunay na nakamit? Ito ay may kaugnayan sa iyong tayog. Kung may nakakamit ka, umuusad ka, at lumalago ang tayog mo; kung wala ka talagang nakakamit na kahit ano, hindi lumalago ang iyong tayog. Kaya, ano ang tinutukoy ng nakamit na ito? Sa pinakamababa, ito ay may kaugnayan sa katotohanan; sa mas partikular, sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag nauunawaan, nasusunod, at naisasagawa mo ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin habang pinangangasiwaan mo ang iba’t ibang usapin at tao, at ang mga ito ay nagiging mga prinsipyo at pamantayan mo sa iyong pag-asal, isa itong tunay na nakamit. Kapag ang mga katotohanang prinsipyong ito ay naging mga prinsipyo at batayan na dapat mong sundin sa iyong pag-asal, nagiging parte ang mga ito ng buhay mo. Kapag ang aspektong ito ng katotohanan ay naikintal sa iyo, nagiging buhay mo ito, at saka lang lalago ang buhay mo. Kung hindi mo pa nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyong nauugnay sa mga ganitong usapin, at hindi mo pa alam kung paano pangasiwaan ang mga ito kapag nakaharap mo, pagdating sa bagay na ito ay hindi mo pa nakakamit ang katotohanan. Malinaw na ang aspektong ito ng katotohanan ay hindi ang buhay mo, at hindi pa lumalago ang buhay mo. Ang maging mahusay sa pagsasalita ay walang silbi—pawang doktrina lang naman ito. Masusukat mo ba ito? (Oo.) Nagkaroon ka ba ng pag-usad sa panahong ito? (Hindi.) Ginamit mo lang ang iyong kalooban at katalinuhan ng tao upang ibuod ang ilang karanasan, gaya ng pagsasabing, “Sa pagkakataong ito, natutunan ko kung anong mga bagay ang hindi ko na sasabihin o gagawin, kung anong mga bagay ang mas higit kong gagawin o ang babawasan ko, at kung ano ang hinding-hindi ko gagawin.” Ito ba ay tanda ng paglago sa buhay mo? (Hindi.) Ito ay tanda na wala ka talagang espirituwal na pagkaunawa. Ang kaya mo lang gawin ay magbuod ng mga panuntunan, salita, at sawikain, na wala namang kinalaman sa katotohanan. Hindi ba’t ganyan ang ginagawa ninyo? (Oo.) Sa tuwing may nararanasan kayo, pagkatapos ng bawat mahalagang pangyayari, pinaaalalahanan ninyo ang inyong sarili, sinasabing, “Naku, dapat ko itong gawin nang ganito o ganyan sa hinaharap.” Subalit sa susunod na mangyari ang parehong sitwasyon, humahantong pa rin ito sa kabiguan, at nadidismaya kayo, napapatanong, “Bakit ako ganito?” Nagagalit ka sa iyong sarili, iniisip na nabigo kang makamit ang iyong mga ekspektasyon. Makakatulong ba ito? Hindi naman ito dahil sa nabigo kang makamit ang iyong mga ekspektasyon, o dahil sa hangal ka, o na dahil mali ang mga sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos, at lalo namang hindi ito dahil sa hindi patas ang pagtrato ng Diyos sa mga tao. Ito ay dahil hindi mo hinahangad o hinahanap ang katotohanan, hindi ka kumikilos ayon sa mga salita ng Diyos, at hindi mo pinakikinggan ang mga salita ng Diyos. Palagi mong dinadala rito ang kalooban ng tao; ikaw ang sarili mong panginoon, at hindi mo hinahayaang mamuno ang mga salita ng Diyos. Mas gugustuhin mo pang makinig sa ibang tao kaysa sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo, ganito nga.) Sa tingin mo ba, sa pamamagitan ng pag-iipon ng ilang karanasan at aral mula sa iisang pangyayari o partikular na sitwasyon ay nakausad ka na? Kung tunay kang nakausad, sa susunod na subukin ka ng Diyos, magagawa mo nang ipagtanggol ang pangalan ng Diyos, protektahan ang mga interes at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at tiyakin na tumatakbo nang maayos ang lahat ng gawain, at na hindi ito nagugulo at nahahadlangan. Titiyakin mo na mananatiling malinis at walang dungis ang pangalan ng Diyos, na hindi magdurusa ng mga kawalan ang paglago ng buhay ng iyong mga kapatid, at na mapoprotektahan ang mga handog sa Diyos. Nangangahulugan ito na nakausad ka na, na angkop kang gamitin, at na mayroon kang buhay pagpasok. Sa ngayon, hindi pa ninyo nararating iyon; bagamat maliit ang utak ninyo, puno ito ng maraming bagay, at hindi mahina ang isip ninyo. Bagamat maaaring mayroon kang sinseridad na gugulin ang iyong sarili para sa Diyos at hangarin na bitiwan at talikuran ang lahat para sa Kanya, kapag nahaharap ka sa mga isyu, hindi mo magawang maghimagsik laban sa iyong iba’t ibang pagnanais, layunin, at plano. Habang mas dumaranas ng iba’t ibang paghihirap ang sambahayan at gawain ng Diyos, mas lalo kang umaatras, mas lalo kang hindi nakikita sa paligid, at mas malamang na hindi ka titindig at mangangasiwa sa gawaing iyon, na pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng Diyos. Kung gayon, ano ang nangyari sa iyong sinseridad na gugulin ang iyong sarili para sa Diyos? Bakit ba sobrang madaling masira at marupok ang kakaunting sinseridad na iyon? Ano na ang nangyari sa iyong kaunting pagnanais na ialay at talikuran ang lahat para sa Diyos? Bakit hindi ito makapanindigan? Ano ang sanhi ng pagkamarupok nito? Ano ang napapatunayan dito? Napapatunayan dito na wala kang tunay na tayog, na sobrang baba ng tayog mo, at na madali kang lituhin ng isang munting demonyo: Gambalain ka lang nito nang kaunti ay tatalima ka na para sundin ang munting demonyong iyon. Kahit pa mayroon kang kaunting tayog, ito ay limitado sa karanasan mo sa ilang mabababaw na bagay na walang kaugnayan sa sarili mong mga interes, at halos hindi mo pa rin maprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at magawa ang ilang maliliit na bagay na sa tingin mo ay kaya mong gawin o nasa saklaw ng iyong mga abilidad. Pagdating talaga sa paninindigan sa iyong patotoo, kapag naharap ang iglesia sa malawakang pagsupil at panggugulo ng masasamang tao at ng mga anticristo, nasaan ka? Ano ang ginagawa mo? Ano ang iniisip mo? Malinaw nitong inilalarawan ang problema, hindi ba? Kung ang isang anticristo, habang gumaganap sa kanyang tungkulin, ay nanlilinlang sa mga nakatataas at nasa ibaba niya at kumikilos nang walang ingat, ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, nilulustay ang mga handog, at nililihis ang mga kapatid na sumunod sa kanya, at bukod sa nabibigo kang kilatisin siya, pigilan ang kanyang mga pagtatangka, o iulat siya, ay sinasamahan at tinutulungan mo pa nga ang anticristo na magtamo ng mga resultang nais niya sa paggawa ng lahat ng ito, sabihin mo sa Akin, ano ang nagiging epekto ng iyong kaunting determinasyon na talagang gugulin ang iyong sarili para sa Diyos? Hindi ba’t ito ang tunay mong tayog? Kapag dumarating ang mga anticristo, masasamang tao, at lahat ng uri ng hindi mananampalataya para guluhin at sirain ang gawain ng sambahayan ng Diyos, lalo na kapag dinudungisan nila ang iglesia at nagdadala sila ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos, ano ang ginagawa mo? Tumindig ka na ba para magsalita upang ipagtanggol ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Tumindig ka na ba para sugpuin ang kanilang mga pagtatangka o pigilan sila? Bukod sa nabigo kang tumindig at pigilan sila, sinasamahan mo pa ang mga anticristo sa paggawa ng kasamaan, tinutulungan at sinusulsulan mo sila, at umaakto ka bilang kanilang kasangkapan at alipores. Higit pa rito, kapag may sumusulat para ipaalam ang isang problema tungkol sa mga anticristo, isinasantabi mo ang sulat at pinipili mong hindi ito asikasuhin. Kaya, sa ganitong napakahalagang sandali, mayroon bang anumang epekto ang iyong determinasyon at hangarin na talikuran ang lahat upang taimtim na maigugol ang iyong sarili para sa Diyos? Kung wala itong epekto, talagang malinaw na ang diumano’y hangarin at determinasyong ito ay hindi mo tunay na tayog, hindi ang mga ito ang nakamit mo sa maraming taon na pananampalataya sa Diyos. Hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan; ang mga ito ay hindi katotohanan o buhay pagpasok. Ang mga ito ay hindi sumisimbolo na may buhay ang isang tao, kundi isang uri lang ito ng pangangarap nang gising, isang pag-asam at pananabik na mayroon ang mga tao para sa isang magandang bagay—walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Kaya, kailangan ninyong magising at makita nang malinaw ang inyong tunay na tayog. Huwag ninyong isipin na dahil lang mayroon kayong kaunting kakayahan, at natalikuran na ninyo ang maraming bagay tulad ng edukasyon, propesyon, pamilya, pag-aasawa, at mga pag-asam ng laman, ay medyo mataas na ang tayog ninyo. May ilang tao pa nga na naging lider o manggagawa mula nang maglatag sila ng pundasyon sa kanilang panimulang pananalig sa Diyos. Sa mga taon na lumipas, nakaipon sila ng ilang karanasan at aral, at nakakapangaral sila ng ilang salita at doktrina. Dahil dito, pakiramdam nila ay mas mataas ang kanilang tayog kaysa sa iba, na mayroon silang buhay pagpasok, at na sila ang mga sandigan at haligi sa sambahayan ng Diyos at ang mga pineperpekto ng Diyos. Mali ito. Huwag ninyong isipin na mabuti ang inyong sarili—malayo pa kayo roon! Ni hindi nga ninyo makilatis ang mga anticristo; wala kayong tunay na tayog. Bagamat maraming taon ka nang naglilingkod bilang lider o manggagawa, wala pa ring isang larangan kung saan maaari kang maging angkop, hindi ka gaanong nakakagawa ng tunay na gawain, at nag-aatubili ang iba na gamitin kayo. Hindi ka isang taong may mahusay na talento. Kung mayroon man sa inyo na nagpapahalaga sa pagsusumikap at pagtitiis ng hirap, sa pinakamainam, kayo ay masipag na manggagawa lamang. Hindi kayo angkop. Ang ilang tao ay nagiging lider o manggagawa dahil lamang sa sila ay masigasig, may pundasyon sa edukasyon, at nagtataglay ng isang kakayahan. Bukod dito, hindi makahanap ang ibang iglesia ng taong nababagay na mangasiwa, kaya’t itinataas ang ranggo ng mga taong ito taliwas sa panuntunan at isinasailalim sila sa pagsasanay. Sa mga indibidwal na ito, may ilan na unti-unti nang napalitan at naitiwalag habang inilalantad ang iba’t ibang klase ng mga tao. Bagamat nananatili pa rin ang ilan na patuloy na sumusunod hanggang ngayon, hindi pa rin sila makakilatis ng anuman. Nagawa lamang nilang manatili dahil hindi sila nakagawa ng anumang kasamaan. Higit pa rito, ganap na dahil sa mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, kasama na ang direktang paggabay, pangangasiwa, pagtatanong, pag-aasikaso, pagsusubaybay, at pagpupungos, na sila ay nakakagawa ng ilang gawain—ngunit hindi ito nangangahulugang sila ay mga angkop na indibidwal. Ito ay dahil madalas kayong sumasamba sa iba, sumusunod sa kanila, naliligaw, gumagawa ng mga maling bagay, at nalilito nang husto ng ilang maling pananampalataya at paniniwala, nawawalan kayo ng direksiyon at hindi ninyo alam kung sino talaga ang inyong pinaniniwalaan sa huli. Ito ang tunay ninyong tayog. Kung sasabihin Kong wala talaga kayong buhay pagpasok, hindi iyon makatarungan sa inyo. Maaari Ko lang sabihin na napakalimitado ng inyong mga karanasan. Mayroon lamang kayong kaunting pagpasok matapos kayong pungusan at seryosong disiplinahin, ngunit pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa mahahalagang prinsipyo, lalo na kapag nakakaharap kayo ng mga anticristo, ng mga huwad na lider na nanlilihis at nanggugulo, wala kayong napapatunayan sa inyong sarili, at wala kayong anumang patotoo. Pagdating sa mga karanasan sa buhay at sa buhay pagpasok, masyadong mababaw ang mga karanasan ninyo, at wala kayong tunay na pagkaunawa sa Diyos. Wala pa rin kayong napapatunayan sa aspektong ito. Pagdating sa aktuwal na gawain ng iglesia, hindi ninyo alam kung paano magbahagi tungkol sa katotohanan at lumutas ng mga problema; wala rin kayong mapatunayan sa bagay na ito. Sa mga aspektong ito, wala kayong mapatunayan sa inyong sarili. Kaya, hindi kayo angkop na maging lider at manggagawa. Gayunpaman, bilang mga ordinaryong mananampalataya, karamihan sa inyo ay may kaunting buhay pagpasok, bagaman ito ay napakaliit at walang katotohanang realidad. Kung makakayanan ba ninyo ang mga pagsubok ay kailangan pang obserbahan. Kapag aktuwal na lumitaw ang malalaking pagsubok, ang mga di-pangkaraniwang tukso, o ang matindi at direktang pagkastigo at paghatol mula sa Diyos, saka lang masusubok kung mayroon kang tunay na tayog at katotohanang realidad, kung kaya mo bang manindigan sa iyong patotoo, kung ano ang magiging mga sagot mo sa iyong pagsusulit, at kung matutugunan mo ba ang mga hinihingi ng Diyos—doon lang makikita ang tunay mong tayog. Sa ngayon, masyado pang maaga para sabihing mayroon kang tayog. Tungkol naman sa pagiging lider at manggagawa, wala kayong tunay na tayog. Kapag may nangyayari sa inyo, naguguluhan kayo, at kapag nahaharap kayo sa mga panggugulo ng masasamang tao o mga anticristo, kayo ay nagagapi. Hindi ninyo matapos ang anumang importanteng gampanin nang kayo lang; palagi kayong nangangailangan ng isang tao para mangasiwa, gumabay, at makipagtulungan sa inyo upang matapos ang gawain. Sa madaling salita, hindi ninyo kayang mamahala. Ginagampanan man ninyo ang papel ng pinuno o tagasuporta, hindi ninyo kayang akuin o tapusin nang mag-isa ang isang gampanin; lubhang wala kayong kakayahan na tapusin nang maayos ang isang gampanin kung walang pangangasiwa at pagmamalasakit mula sa Itaas. Kung, sa huli, ay ipinapakita ng isang pagsusuri sa inyong gawain na gumawa kayo nang maayos sa lahat ng aspekto, na ibinuhos ninyo ang inyong puso sa bawat parte ng inyong gawain, na nagawa ninyo nang maayos ang lahat at napangasiwaan ninyo ang lahat ng ito nang tama at alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at na gumawa kayo batay sa malinaw na pagkaunawa sa katotohanan at paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo, upang malutas ninyo ang mga isyu at magawa ninyo nang maayos ang inyong gawain, kung magkagayon, kayo ay angkop. Gayunpaman, hanggang sa puntong ito, kung huhusgahan ang lahat ng naranasan ninyo, hindi kayo angkop. Ang pangunahing isyu sa pagiging angkop ninyo ay na hindi ninyo matapos ang mga itinalagang gampanin sa inyo nang kayo lang—ito ay isang aspekto. Sa isa pang aspekto, kung walang pangangasiwa mula sa Itaas, maaaring maligaw ang mga tao o tumalikod sila sa tamang landas dahil sa inyo. Hindi ninyo sila maakay sa harap ng Diyos o madala ang mga kapatid sa iglesia tungo sa katotohanang realidad o sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, upang magampanan ng lahat ng hinirang ng Diyos ang kanilang tungkulin. Hindi ninyo makamit ang alinman sa mga ito. Kapag may panahon na walang pagtatanong mula sa Itaas, palaging maraming paglihis at kapintasan sa loob ng saklaw ng gawaing responsabilidad ninyo, pati na rin iba’t ibang uri at kalubhaan ng mga problema; at kung hindi itinutuwid, pinangangasiwaan, o personal na inaasikaso ng Itaas ang mga ito, hindi natin alam kung hanggang saan aabot o kung kailan titigil ang mga paglihis na ito. Ito ang tunay ninyong tayog. Kaya nga sinasabi Ko na hindi talaga kayo angkop. Gusto ba ninyong marinig ito? Hindi ba kayo nakakaramdam ng pagkanegatibo matapos ninyong marinig ito? (Diyos ko, medyo hindi kami komportable tungkol dito sa puso namin, pero ang ibinabahagi ng Diyos ay isa ngang katunayan. Wala kaming kahit katiting na tayog o katotohanang realidad. Kapag lumitaw ang mga anticristo, hindi namin sila makikilatis.) Kailangan Kong ipaalam sa inyo ang mga bagay na ito; kung hindi, palagi ninyong mararamdaman na kayo ay inagrabyado at inapi. Hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan; ang alam lang ninyo ay mangusap tungkol sa ilang salita at doktrina. Sa mga pagtitipon, kadalasan nga ay hindi na kayo naghahanda ng draft para magsalita ng doktrina, at hindi na kayo kinakabahang magsalita, kaya inaakala ninyo na mayroon na kayong tayog. Kung mayroon kang tayog, bakit hindi ka angkop? Bakit hindi mo kayang magbahagi tungkol sa katotohanan at tumugon sa mga isyu? Ang alam mo lang ay ang mangusap tungkol sa mga salita at doktrina para mapasang-ayon mo ang iyong mga kapatid. Hindi nito napapalugod ang Diyos, at hindi ka nito ginagawang angkop. Ang abilidad mong mangusap tungkol sa mga salita at doktrinang ito ay hindi makakalutas ng anumang aktuwal na problema. Nagsasaayos ang Diyos ng isang maliit na sitwasyon na naglalantad sa iyo, at nagiging malinaw kung gaano kababa ang tayog mo, na talagang hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at na hindi mo makilatis ang anumang bagay; at inilalantad nito na ikaw ay dukha, kahabag-habag, bulag, at mangmang. Hindi ba’t ito ang nangyayari? (Oo.) Kung kaya ninyong tanggapin ang mga bagay na ito, mabuti; kung hindi, huwag kayong magmadali at pag-isipan ninyo ito. Isaalang-alang ninyo ang sinasabi Ko: May katuturan ba ito, batay ba ito sa realidad? Totoo ba ito sa kaso ninyo? Kahit pa totoo ito sa kaso ninyo, huwag kayong maging negatibo. Hindi makakatulong ang pagiging negatibo sa paglutas ninyo sa anumang problema. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, kung nais mong gampanan ang iyong tungkulin at maging isang lider o manggagawa, hindi ka maaaring sumuko kapag naharap ka sa mga dagok at kabiguan. Kailangan mong bumangong muli at magpatuloy sa pagsulong. Kailangan mong tumuon sa pagsangkap sa iyong sarili ng ilang aspekto ng katotohanan kung saan wala o kulang ka nito, at kung saan mayroon kang malulubhang problema. Ang pagiging negatibo o hindi makakilos ay hindi makakatulong sa paglutas ng anumang bagay. Kapag nahaharap ka sa mga isyu, itigil mo na ang pagbanggit ng mga salita at doktrina, pati na rin ng iba’t ibang uri ng obhetibong pangangatwiran—hindi makakatulong ang mga ito. Kapag sinubok ka ng Diyos, at sinabi mong, “Noong panahong iyon, hindi gaanong maganda ang kalusugan ko, bata pa ako, at hindi gaanong mapayapa ang kapaligiran ko,” makikinig ba ang Diyos dito? Itatanong Niya, “Narinig mo ba ang katotohanan nang ibinahagi ito sa iyo?” Kung sasabihin mong, “Oo, narinig ko,” itatanong Niya, “Nasa iyo ba ang ibinigay na mga pagsasaayos ng gawain?” Pagkatapos, sasabihin mo na, “Oo, nasa akin ang mga iyon,” at magpapatuloy Siya: “Kung gayon, bakit hindi mo sinunod ang mga iyon? Bakit lubha kang nabigo? Bakit hindi ka makapanindigan sa iyong patotoo?” Walang katuturan ang anumang obhetibong katwiran na bibigyang-diin mo. Hindi interesado ang Diyos sa iyong mga dahilan o katwiran. Hindi Siya tumitingin sa dami ng doktrinang kaya mong sabihin o kung gaano ka kagaling sa pagtatanggol sa iyong sarili. Ang nais ng Diyos ay ang tunay mong tayog at na lumago ang buhay mo. Kahit kailan, maging anumang antas ka man ng lider, o gaano man kataas ang iyong katayuan, huwag mong kalimutan kung sino ka at kung ano ka sa harap ng Diyos. Gaano man karaming doktrina ang kaya mong sabihin, gaano ka man kahusay sa pagsasalita ng doktrina, anuman ang nagawa mo o anuman ang mga naiambag mo sa sambahayan ng Diyos, wala sa mga ito ang nagpapakita na mayroon kang tunay na tayog, at hindi rin palatandaan ang mga ito ng pagkakaroon ng buhay. Kapag pumapasok ka sa katotohanang realidad, kapag nauunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, kapag nakakapanindigan ka sa iyong patotoo kapag nahaharap ka sa mga bagay-bagay, kapag nagagawa mong tapusin ang mga gampanin nang ikaw lang, at angkop kang gamitin, magkakaroon ka na ng tunay na tayog. Buweno, tapusin na natin dito ang talakayang ito at pag-usapan na natin ang pangunahing paksa ng ating pagbabahaginan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.