Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 18 (Unang Bahagi)
Naganap ang isang malubhang insidente ilang araw na ang nakalilipas, kung saan ginugulo ng mga anticristo ang gawain ng pagpapalawig ng ebanghelyo. Alam ba ninyong lahat ang tungkol dito? (Oo.) Matapos mangyari ang insidenteng ito, nagsimula ang muling pagsasaayos ng gawain ng ebanghelyo sa sambahayan ng Diyos, at ang ilang tao ay naitalaga sa ibang gawain o nailipat, at ang ilang bagay na may kaugnayan sa gawain ay inayos din, tama ba? (Oo.) Ang ganitong uri ng malaking pangyayari ay naganap sa sambahayan ng Diyos at lumitaw ang mga anticristo sa paligid ninyo—natuto na ba kayo ng ilang aral mula sa pagharap sa ganito kahalagang pangyayari? Hinanap ba ninyo ang katotohanan? Nakita ba ninyo ang diwa ng ilang problema, at nakakuha ba kayo ng ilang aral mula sa ganito kalaking pangyayari? Kapag may nangyayari, hindi ba’t karamihan sa mga tao ay nakakakuha lamang ng kaunting aral mula rito, at nakakaunawa ng kaunting doktrina, nang hindi sinisiyasat ang diwa nito, at hindi natututo kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa katotohanan? May ilang tao na nagninilay-nilay lamang ayon sa sarili nilang pag-iisip at mga pagsusuri kahit ano man ang mangyari sa kanila. Lubos silang kulang sa mga katotohanang prinsipyo, at kulang din sila sa katalinuhan at karunungan. Nagbubuod lang sila ng ilang aral, at pagkatapos, gumagawa sila ng isang pagpapasya: “Kapag nangyaring muli ang mga bagay na ito sa hinaharap, kailangan kong mag-ingat at bigyang-pansin ang mga bagay na hindi ko maaaring sabihin, ang mga bagay na hindi ko maaaring gawin, pati na rin sa kung anong uri ng mga tao ako dapat na maging mapagbantay, at kung anong uri ng mga tao ang dapat kong panatilihing malapit sa akin.” Maituturing ba ito na pagkatuto ng aral at pagkakaroon ng karanasan? (Hindi.) Kaya, kapag nangyari ang mga bagay na tulad nito, malaki o maliit man na mga pangyayari ang mga ito, paano dapat danasin, harapin, at malalim na pasukin ng mga tao ang mga ito upang matuto sila ng mga aral, at maunawaan ang ilang katotohanan at lumago sa tayog habang nahaharap sa mga kapaligirang ito? Karamihan sa mga tao ay hindi nagninilay-nilay sa mga bagay na ito, tama ba? (Tama.) Kung hindi nila pinagninilayan ang mga bagay na ito, sila ba ay mga taong naghahanap sa katotohanan? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Sa tingin ba ninyo, kayo ay isang taong naghahangad sa katotohanan? Sa batayan ng aling mga bagay ninyo pinaniniwalaan na hindi kayo isang taong naghahangad sa katotohanan? At batay sa aling mga bagay ninyo paminsan-minsang iniisip na kayo ay isang taong naghahangad sa katotohanan? Kapag nagtitiis kayo ng kaunting paghihirap at nagbabayad ng kaunting halaga sa inyong tungkulin, at paminsan-minsan ay mas seryoso sa inyong gawain, o nag-aambag ng kaunting pera, o tinatalikuran ang inyong pamilya, nagbibitiw sa inyong trabaho, isinusuko ang inyong pag-aaral, at itinatakwil ang pag-aasawa upang gugulin ang inyong sarili para sa Diyos, o umiiwas sa pagsunod sa mga makamundong kalakaran, o umiiwas sa masasamang taong nakakatagpo ninyo, at iba pa—kapag nagagawa ninyo ang mga bagay na ito, nararamdaman ba ninyo na kayo ay isang taong naghahangad sa katotohanan at isang tunay na mananampalataya? Hindi ba’t iyon ang iniisip ninyo? (Oo.) Ngayon, sa anong batayan ninyo iniisip ito? Nakabatay ba ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? (Hindi.) Ito ay isang ilusyon lang; sariling opinyon lamang ninyo ito. Kapag paminsan-minsan ninyong sinusunod ang ilang panuntunan at ginagawa ang mga bagay nang naaayon sa mga nakasanayang proseso, at nagtataglay kayo ng ilang pagpapamalas ng mabuting pagkatao, kapag nagagawa ninyong maging matiisin at mapagparaya, kapag sa panlabas kayo ay mapagpakumbaba, mababang-loob, hindi mapagpanggap, at hindi mayabang, at kapag mayroon kayong kaunting responsableng pagpapasya o pag-iisip sa gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip ninyo na talagang hinangad ninyo ang katotohanan at kayo ay tunay na isang taong naghahangad sa katotohanan. Kaya, ang mga pagpapamalas ba na ito ang bumubuo sa paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Upang maging malinaw, ang mga panlabas na kilos, pag-uugali, at pagpapamalas na ito ay hindi ang paghahangad sa katotohanan. Kaya, bakit palaging iniisip ng mga tao na ang mga pagpapamalas na ito ang paghahangad sa katotohanan? Bakit palagi nilang iniisip na sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan? (Sa kanilang mga kuru-kuro, iniisip ng mga tao na kung magsisikap at gugugol sila nang kaunti, ang mga ito ay mga pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan. Kaya, kapag nagbabayad sila ng kaunting halaga o nagdurusa nang kaunti sa kanilang mga tungkulin, iniisip nila na sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan, ngunit hindi nila kailanman hinanap dati kung ano ang sinasabi ng salita ng Diyos tungkol sa usaping ito, o kung paano hinuhusgahan ng Diyos kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan. Dahil dito, palagi silang namumuhay sa gitna ng kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, iniisip na sila ay dakila.) Hindi kailanman binibitiwan ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro, at pagdating sa mahalagang usapin ng pagtukoy kung sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan, palagi silang umaasa sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kanilang ilusyon. Bakit sila kumikilos nang ganito? Hindi ba’t ito ay dahil panatag sila kapag nag-iisip at kumikilos sila sa ganitong paraan, naniniwalang hindi talaga nila kailangang magbayad ng halaga para hangarin ang katotohanan, at na maaari pa rin silang makatanggap ng mga pakinabang at pagpapala sa huli? May isa pang dahilan, na ang diumano’y mabubuting pag-uugali ng mga tao, tulad ng kanilang mga pagtalikod, pagdurusa, pagbabayad ng mga halaga, at iba pa, ay mga bagay na maaari nilang maisakatuparan at makamtan, tama ba? (Tama.) Madali para sa mga tao na talikuran ang kanilang mga pamilya at trabaho, ngunit hindi madali para sa kanila na tunay na hangarin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, o kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi madali para sa kanila na makamit ang mga bagay na ito. Kahit na nauunawaan mo ang kaunting katotohanan, magiging napakahirap para sa iyo na maghimagsik laban sa sarili mong mga ideya, kuru-kuro, o tiwaling disposisyon, at magiging napakahirap para sa iyo na panghawakan ang mga katotohanang prinsipyo. Kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan, bakit parang wala kang anumang pag-usad kaugnay sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan sa loob ng ilang taon na nananampalataya ka sa Diyos? Nagbayad ka man ng halaga, o ano man ang iyong tinalikuran o inabandona, ang mga panghuling resultang nakamit mo ay ang mga nakamit ba sa pamamagitan ng paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan? Gaano man karaming halaga ang binayaran mo, gaano ka man nagdusa, o gaano man karaming bagay ng laman ang tinalikuran mo, ano ang iyong natamo sa huli? Natamo mo ba ang katotohanan? Mayroon ka bang anumang nakamit kaugnay sa katotohanan? Umusad ka ba sa iyong buhay pagpasok? Nabago mo ba ang iyong mga tiwaling disposisyon? Nagtataglay ka ba ng tunay na pagpapasakop sa Diyos? Hindi natin pag-uusapan ang napakalalim na aral o pagsasagawa na gaya ng pagpapasakop sa Diyos, sa halip, pag-uusapan lang natin ang pinakasimpleng bagay. Tinalikuran mo ang lahat, nagdusa ka at nagbayad ng mga halaga sa loob ng napakaraming taon—mapapangalagaan mo ba ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Lalo na kapag ang mga anticristo at masamang tao ay gumagawa ng masasamang bagay para guluhin ang gawain ng iglesia, nagbubulag-bulagan ka ba, pinananatili ang mga interes ng masasamang taong iyon, at pinoprotektahan ang iyong sarili, o pumapanig ka ba sa Diyos, pinananatili ang mga interes ng Kanyang sambahayan? Nagsagawa ka ba ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Kung hindi, walang ipinagkaiba kay Pablo ang iyong pagdurusa at ang mga halagang binayaran mo. Ginawa lamang ang mga ito para magkamit ng mga pagpapala, at ang lahat ng ito ay walang saysay. Pareho ang mga ito sa sinabi ni Pablo tungkol sa pagharap sa mga laban at pagtapos ng mga takbuhing dapat niyang tapusin, at sa huli ay nagtatamo ng mga pagpapala at ng isang gantimpala—wala talagang ipinagkaiba ang mga ito. Tinatahak mo ang landas ni Pablo; hindi mo hinahangad ang katotohanan. Iniisip mo na ang iyong mga pagtalikod, paggugol, pagdurusa, at mga halagang binayaran mo ay ang pagsasagawa sa katotohanan, kaya ilang katotohanan ang naunawaan mo sa mga nakalipas na taon? Ilang katotohanang realidad ang taglay mo? Sa ilang usapin mo napangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Sa ilang usapin ka pumanig sa katotohanan at sa Diyos? Sa iyong mga kilos, ilan doon ang umiwas ka sa paggawa ng masama o pagsunod sa sarili mong kagustuhan dahil mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso? Ito ang lahat ng bagay na dapat maunawaan at suriin ng mga tao. Kung hindi nila susuriin ang mga bagay na ito, habang tumatagal na sila ay nananampalataya sa Diyos, at lalo na, habang tumatagal ang pagganap nila sa isang tungkulin, mas lalo nilang iisipin na nakagawa sila ng isang kontribusyon na karapat-dapat gantimpalaan, na sila ay tiyak na maliligtas, at na sila ay sa Diyos. Kung isang araw sila ay matatanggal, malalantad, at mapapalayas, sasabihin nila: “Kahit hindi ako nakapagbigay ng isang kontribusyon na karapat-dapat gantimpalaan, kahit papaano ay nagsumikap naman ako, at kahit na hindi ako nagsumikap, kahit papaano ay nagpakapagod naman ako. Sa batayan ng pagdurusa at pagbabayad ko ng mga halaga sa loob ng napakaraming taon, hindi ako dapat tanggalin o tratuhin nang ganito ng sambahayan ng Diyos. Hindi ako dapat basta na lang na itapon ng sambahayan ng Diyos pagkatapos ko itong pagsilbihan!” Kung tunay na ikaw ay isang tao na naghahangad sa katotohanan, hindi mo dapat sabihin ang mga bagay na ito. Kung ikaw ay isang tao na naghahangad sa katotohanan, ilang beses mong naipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos nang lubusan at tiyak? Ilan sa mga ito ang naipatupad mo? Ilang aytem sa gawain ang tiningnan mong muli? Ilan sa mga ito ang nasuri mo na? Sa saklaw ng iyong mga responsabilidad at ng iyong tungkulin, at sa abot ng kung ano ang kayang kamtin ng iyong kakayahan, kakayahang makaarok, at pag-unawa sa katotohanan, gaano na karami ang iyong nagawa sa abot ng iyong makakaya? Aling mga tungkulin ang nagawa mo nang maayos? Ilang mabuting gawa ang naihanda mo? Ito ang mga pamantayan sa pagsubok kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo nagawa nang maayos ang lahat ng bagay na ito, at walang nakuhang anumang resulta, iyan ay nagpapatunay na nagdurusa at nagbabayad ka ng mga halaga sa mga taong ito nang umaasa na makatatanggap ka ng mga pagpapala, at na hindi mo isinasagawa ang katotohanan at hindi ka nagpapasakop sa Diyos; ang lahat ng iyong ginawa ay para sa iyong sarili, para sa katayuan at mga pagpapala, at hindi ito pagsunod sa daan ng Diyos. Kaya, ano ang lahat ng iyong ginawa? Hindi ba’t ang panghuling kalalabasan para sa mga taong ganito ay katulad ng kay Pablo? (Oo.) Tinatahak lahat ng mga taong ito ang landas ni Pablo, kaya natural, magiging katulad ng kay Pablo ang kalalabasan nila. Huwag mong isipin na nakagawa ka ng isang kontribusyon na karapat-dapat gantimpalaan dahil lang sa nananampalataya ka sa Diyos, at dahil tinalikuran mo ang iyong trabaho, pamilya, o sa ilang kaso ay maging ang iyong maliliit na anak. Wala kang nagawang anumang kontribusyon na karapat-dapat gantimpalaan, isang nilikha ka lamang, ang lahat ng ginagawa mo ay para sa iyong sarili, at mga bagay na dapat mong gawin. Magagawa mo bang magdusa at magbayad ng mga halaga kung hindi ito para makatanggap ng mga pagpapala? Magagawa mo bang talikuran ang iyong pamilya at bitiwan ang iyong trabaho? Huwag ituring ang pagtalikod sa iyong pamilya, pagbitiw sa iyong trabaho, pagdurusa, at pagbabayad ng mga halaga bilang katumbas ng paghahangad sa katotohanan at paggugol ng iyong sarili sa Diyos. Iyan ay panloloko lang sa sarili mo.
Iyong mga hindi man lang tumatanggap sa katotohanan o sa pagpupungos, ay isa-isang inilalantad at inaalis sa tuwing nagsasagawa ng malakihang pag-aalis ang sambahayan ng Diyos. Ang ilang tao, na may mga problemang hindi gaanong malubha, ay pinahihintulutang manatili habang sila ay inoobserbahan, at binibigyan sila ng pagkakataong magsisi pagkatapos nilang malantad. Para sa iba, masyadong matindi ang mga problema nila, hindi pa rin sila nagbabago sa kabila ng paulit-ulit na pagpuna, ginagawa pa rin nila ang dati nilang ginawa at paulit-ulit nilang ginagawa ang parehong mga pagkakamali, at ginugulo, ginagambala, at winawasak nila ang gawain ng iglesia, kaya sa huli, sila ay inaalis at itinitiwalag ayon sa mga prinsipyo, at hindi na binibigyan ng dagdag na mga pagkakataon. Sinasabi ng ilang tao: “Nalulungkot ako para sa kanila na hindi na sila binibigyan ng pagkakataon.” Hindi ba’t binigyan sila ng sapat na pagkakataon? Hindi sila nananampalataya sa Diyos para makinig sa Kanyang mga salita, para tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Kanyang mga salita, o para tanggapin ang Kanyang paglilinis at kaligtasan, inaasikaso lang nila ang sarili nilang mga usapin. Pagkatapos nilang simulan ang gawain ng iglesia o gampanan ang iba’t ibang tungkulin, nagsisimula silang makilahok sa maraming maling gawain, nanggugulo at nanggagambala, nagdudulot ng malubhang pinsala sa gawain ng iglesia, pati rin ng matitinding kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Matapos silang paulit-ulit na bigyan ng mga pagkakataon, at unti-unting itiwalag sa iba’t ibang grupo ng pagganap sa tungkulin, isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na gampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa pangkat ng ebanghelyo, pero kapag naroroon na sila, hindi sila nagsisikap sa kanilang mga tungkulin, at nakikilahok pa rin sila sa iba’t ibang uri ng maling gawain, nang hindi nagsisisi o nagbabago man lang. Gaano man magbahagi sa katotohanan ang sambahayan ng Diyos, o anumang pagsasaayos sa gawain ang ginagawa nito, at kahit na binibigyan nito ang mga taong ito ng mga pagkakataon, babala, at pinupungusan pa nga sila, walang saysay ang lahat ng ito. Hindi naman sila masyadong manhid, masyado lang talaga silang mapagmatigas. Siyempre, ang pagmamatigas na ito ay nagmumula sa perspektiba ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa kanilang diwa, hindi sila tao, sila ay mga diyablo. Sa pagpasok sa iglesia, bukod sa pagkilos bilang mga Satanas, wala silang ginagawa na makakabuti sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa gawain ng iglesia. Gumagawa lang sila ng masasamang bagay; pumupunta lang sila para guluhin at wasakin ang gawain ng iglesia. Matapos makapagpabalik-loob ng ilang tao habang nangangaral ng ebanghelyo, pakiramdam nila ay mayroon na silang kapital at na nakagawa sila ng isang kontribusyon na karapat-dapat purihin, at nakokontento na sila sa kanilang mga tagumpay, iniisip na maaari silang mamuno bilang hari sa sambahayan ng Diyos, na pwede silang mag-utos at magdesisyon sa anumang aspekto ng gawain, at na pwede nilang pilitin ang mga tao na isagawa at ipatupad ang mga ito. Paano man magbahagi ang Itaas sa katotohanan o magsaayos sa gawain, hindi ito sineseryoso ng mga taong ito. Sa harap mo, nagsasabi sila ng mga bagay na labis na kaaya-ayang pakinggan: “Maganda ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng diyos, ang mga iyon mismo ang kailangan natin, naituwid ng mga ito ang mga bagay-bagay sa tamang panahon, kung hindi, hindi natin malalaman kung gaano na tayo kalayo.” Kapag ibinaling nila ang kanilang ulo, nagbabago sila, at nagsisimulang magpakalat ng kanilang sariling mga ideya. Sabihin mo sa Akin, tao ba talaga ang mga taong ganito? (Hindi.) Kung hindi sila tao, ano sila? Sa panlabas, nakasuot sila ng balat ng tao, ngunit sa diwa, hindi sila gumagawa ng mga bagay na pantao—sila ay mga demonyo! Ang papel na ginagampanan nila sa iglesia ay ang partikular na guluhin ang iba’t ibang bagay sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ginugulo nila ang anumang gawaing ginagawa nila, at hindi sila kailanman naghanap sa katotohanan o sa mga prinsipyo, tumingin sa mga pagsasaayos ng gawain, o kumilos ayon sa mga ito. Sa sandaling magkaroon sila ng kaunting kapangyarihan, ipinangangalandakan nila ito at ipinagmamalaki ang kanilang sarili sa harap ng mga hinirang ng Diyos. Lahat sila ay may mukha ng mga demonyo, at wala silang wangis ng tao. Hindi nila kailanman itinaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pinangangalagaan lamang nila ang kanilang sariling mga interes at katayuan. Nasaang antas man sila ng pamumuno, o anumang aytem sa gawain ang kanilang pinangangasiwaan, sa sandaling ipinagkatiwala sa kanila ang gawain, ito ay nagiging sa kanila na, sila ang may huling pasya, at hindi na ito dapat pang suriin, pangasiwaan, o subaybayan ng iba, at lalong hindi na sila dapat makialam. Hindi ba’t ang mga ito ay tunay na mga anticristo? (Oo.) At gusto pa rin ng mga taong ito na magtamo ng mga pagpapala! Mayroon Akong dalawang salita para sa mga taong ito: di-makatwiran at di-matutubos. Ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay maaaring matisod sa anumang hadlang, at hindi sila makakausad nang husto. Noon, palagi Kong sinasabi sa inyo: “Kung kaya ninyong magserbisyo hanggang sa katapusan, at maging isang tapat na tagapagserbisyo, mabuti rin iyon.” Ang ilang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi sila handang hangarin ito. Ano ang dapat gawin tungkol dito? Sila ay dapat na maging mga tagapagserbisyo. Kung kaya mong magsumikap sa pagseserbisyo, at hindi magdulot ng anumang panggagambala o kaguluhan, o gumawa ng anumang kasamaan na magtutulak sa iyo na mapaalis, at magagarantiya mo na hindi ka gagawa ng kasamaan, at maipagpapatuloy mo ang pagseserbisyo hanggang sa huli, kung gayon, mananatili kang buhay. Bagamat hindi ka makakatanggap ng napakaraming pagpapala, kahit papaano ay makapagseserbisyo ka sa panahon ng gawain ng Diyos, magiging isa kang tapat na tagapagserbisyo, at sa huli, hindi ka tatratuhin nang di-makatarungan ng Diyos. Ngunit sa ngayon, may ilang tagapagserbisyo na talagang hindi makakapaglingkod hanggang sa huli. Bakit ganoon? Dahil wala silang mga espiritu ng tao. Hindi natin susuriin kung anong uri ng espiritu ang namamalagi sa loob nila, pero sa pinakamababa, kung titingnan ang kanilang pag-uugali mula sa simula hanggang wakas, ang diwa nila ay iyong sa diyablo, hindi sa isang tao. Hindi man lang nila tinatanggap ang katotohanan, at mas lalong hindi nila hinahangad ito.
Sampung taon na ang nakalilipas, noong hindi pa napagbahaginan nang detalyado ang bawat aspekto ng katotohanan, hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan o ang pangangasiwa sa mga bagay batay sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ilang tao ay kumilos batay sa mga sarili nilang kagustuhan, imahinasyon, at kuru-kuro, o sumunod sa mga panuntunan. Kauna-unawa naman ito, dahil hindi pa sila nakakaintindi. Ngunit ngayon, 10 taon na ang lumipas, bagamat hindi pa natatapos ang ating pagbabahaginan sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, ang iba’t ibang pangunahing katotohanan na nauugnay sa mga taong gumagampan at gumagawa ng mga tungkulin, sa pinakamababa, ay naipaliwanag na nang malinaw patungkol sa mga prinsipyo. Anumang uri ng tungkulin ang ginagampanan nila, ang mga taong nagtataglay ng puso at espiritu, na nagmamahal sa katotohanan at kayang hangarin ito, ay dapat na maisagawa ang ilang bahagi ng mga katotohanang prinsipyo sa pamamagitan ng pag-asa sa kanilang konsensiya at katwiran. Ang mga tao ay nagkukulang at nabibigo sa pag-abot ng mga mas mataas at mas malalim na katotohanan, at hindi nila makilala ang diwa ng ilang problema, o ang mga diwa na nauugnay sa katotohanan, ngunit dapat nilang maisagawa ang mga katotohanan na kaya nilang maabot, at na mga malinaw nang naipahayag. Sa pinakamababa, dapat nilang mapanghawakan, maipatupad, at maipamahagi ang mga pagsasaayos ng gawain na malinaw na ipinahayag ng sambahayan ng Diyos. Gayunpaman, iyong mga sa demonyo ay hindi man lang kayang gawin ang mga bagay na ito. Sila ang mga uri ng tao na hindi man lang makapagtrabaho hanggang sa huli. Kapag hindi man lang makapagtrabaho hanggang sa katapusan ang mga tao, nangangahulugan ito na itutulak sila palabas ng bagon sa kalagitnaan ng paglalakbay. Bakit sila itutulak palabas ng bagon? Kung tahimik silang nakaupo sa bagon, natutulog, hindi kumikilos, o nililibang pa nga ang kanilang sarili, hangga’t hindi nila ginugulo ang lahat o ang takbo ng buong tren, sino ba ang makakaatim na itulak sila palabas ng bagon? Walang gagawa niyon. Kung talagang makakapagtrabaho sila, hindi rin sila itutulak ng Diyos palabas ng bagon. Ngunit ang paggamit sa mga taong ito para magtrabaho ngayon ay magdudulot ng mas maraming kawalan kaysa mga pakinabang. Ang iba’t ibang aspekto ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay dumanas ng mga napakalaking kawalan dahil sa mga panggugulo ng mga taong ito. Sila ang dahilan ng labis na pag-aalala! Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kahit paano pa ito ibinahagi, at pagkatapos, gumagawa pa rin sila ng masasamang bagay. Ang pakikisalamuha sa mga taong ito ay tunay na nangangahulugan ng walang-katapusang pakikipag-usap, at pagdanas ng walang-katapusang galit. Ang napakahalagang punto ay na ang mga taong ito ay nakagawa ng labis na kasamaan, at nagdulot ng mga napakalaking kawalan sa pagpapalawig ng ebanghelyo ng sambahayan ng Diyos. Sa mga kaunting tungkuling ginagampanan nila, nagdudulot lang sila ng mga panggagambala at kaguluhan, at ang mga kawalang idinudulot nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi na mababawi. Gumagawa ng maraming masamang bagay ang mga taong ito. Habang kasama ang mga ordinaryong miyembro ng iglesia, ginagawa nila ang anumang gusto nila, nilulustay nila ang mga handog, pinalalaki nila ang bilang ng mga taong napagpabalik-loob nila habang ipinalalaganap ang ebanghelyo, at ginagamit nila ang ibang tao nang hindi nararapat. Eksklusibo nilang ginagamit ang ilang masamang tao, mga taong naguguluhan, at mga taong nanggugulo habang gumagawa ng masasamang bagay. Hindi sila nakikinig sa mga mungkahi ng sinuman, at sinusupil at pinarurusahan nila ang sinumang nagpapahayag ng opinyon. Sa ilalim ng kanilang saklaw, hindi ipinapatupad ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang mga hinihingi at mga pagsasaayos ng gawain, sa halip ay isinasantabi ang mga ito. Ang mga taong ito ay nagiging mga lokal na maton at despotiko; nagiging diktador sila. Sabihin mo sa Akin, maaari bang panatilihin ang mga ganitong tao? (Hindi.) Sa kasalukuyan, tinanggal na ang ilang tao, at pagkatapos matanggal ay pinag-uusapan nila ang tungkol sa “pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng diyos,” para ipakita na sila ay napakarangal, napakamapagpasakop, at sadyang mga naghahangad sa katotohanan. Sa pagsasabi nito, ang ibig nilang sabihin ay wala silang komento tungkol sa anumang ginagawa ng sambahayan ng Diyos, at handa silang magpasakop sa mga pagsasaayos nito. Sinasabi nila na handa silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos—kung gayon ay bakit sila gumawa ng napakalaking kasamaan, na naging dahilan para tanggalin sila ng iglesia? Bakit hindi nila ito naiintindihan? Bakit hindi nila ito ipinaliwanag? Nagdulot sila ng iba’t ibang uri ng problema at kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos habang gumagampan sila—hindi ba’t kailangan nilang magtapat at magbukas tungkol dito? Tapos na ba ang usapin kung basta lang nila itong hindi babanggitin? Sinasabi nila na gusto nilang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, ipinapakita kung gaano sila karangal at kadakila—ito ay ganap na pagkukunwari at panlalansi! Kung natututo na silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, bakit hindi sila nagpasakop sa mga naunang pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Bakit hindi nila ipinatupad ang mga ito? Ano ang ginagawa nila noon? Sino ba talaga ang sinusunod nila? Bakit hindi sila nagpaliwanag tungkol dito? Sino ang kanilang amo? Isinakatuparan ba nila ang bawat aspekto ng gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos? Nagtamo ba sila ng mga resulta? Papasa ba ang kanilang gawain kung ito ay sasailalim sa maingat na pagsusuri? Paano nila mababawi ang mga kawalan na idinulot ng kanilang panggugulo habang gumagawa ng kasamaan sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t karapat-dapat na pag-usapan ang bagay na ito? Maaari bang sabihin na lang nila na magpapasakop sila sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at iyon na iyon? Sabihin mo sa Akin, may pagkatao ba ang mga ganitong tao? (Wala.) Wala silang pagkatao, katwiran, at konsensiya, at wala silang kahihiyan! Hindi nila nararamdaman na nakagawa sila ng napakaraming kasamaan, at nagdulot ng mga napakalaking kawalan sa sambahayan ng Diyos. Nagdulot sila ng napakaraming panggagambala at kaguluhan nang hindi nakararamdam ng pagsisisi, ng anumang pakiramdam ng pagkakautang, o anumang pagkilala sa bagay na ito. Kung susubukan mo silang papanagutin, sasabihin nila, “Hindi lang ako ang gumawa niyon”—may mga dahilan sila. Ang ibig nilang sabihin ay na hindi pwedeng ipatupad ang mga parusa kung lahat naman ay nagkakasala, at na dahil gumagawa ng kasamaan ang lahat, bilang indibidwal ay hindi sila dapat managot. Mali ito. Dapat nilang ipaliwanag ang kasamaang ginawa nila—ang bawat indibidwal ay dapat magpaliwanag sa anumang kasamaang ginawa nila. Dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at harapin nang tama ang kanilang sariling mga problema. Kung taglay nila ang saloobing ito, maaari silang magkaroon ng isa pang pagkakataon at manatili, subalit hindi sila pwedeng palaging gumawa ng kasamaan! Kung walang kamalayan sa kanilang konsensiya, kung hindi nila maramdaman na may pagkakautang sila sa Diyos sa anumang paraan, at hindi man lang sila nagsisisi, mula sa perspektiba ng tao, maaari silang bigyan ng pagkakataon, pahintulutang patuloy na gawin ang kanilang mga tungkulin, at hindi managot, ngunit paano ito nakikita ng Diyos? Kung hindi sila papanagutin ng mga tao, hindi rin ba sila papanagutin ng Diyos? (Papanagutin sila ng Diyos.) Tinatrato ng Diyos ang lahat ng tao at bagay nang may mga prinsipyo. Hindi makikipagkompromiso sa iyo ang Diyos at hindi Niya aayusin ang mga bagay, hindi Siya magiging mapagpalugod ng tao na katulad mo. Ang Diyos ay may mga prinsipyo, Siya ay may matuwid na disposisyon. Kung lumalabag ka sa mga prinsipyo at atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, dapat kang iwasto ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga prinsipyo at sa mga itinakda ng mga atas administratibo. Tungkol naman sa mga ibubunga ng iyong pagkakasala sa Diyos, sa katunayan, sa puso mo ay alam mo kung paano ka tinitingnan o tinatrato ng Diyos. Kung talagang tinatrato mo ang Diyos bilang Diyos, dapat kang humarap sa Kanya para magtapat, aminin ang iyong mga kasalanan, at magsisi. Kung wala kang ganitong saloobin, kung gayon, isa kang walang pananampalataya, isa kang diyablo, ikaw ay isang kaaway ng Diyos, at dapat kang isumpa! Ano ang silbi ng iyong pakikinig sa mga sermon kung gayon? Dapat kang umalis; hindi ka karapat-dapat na makinig sa mga sermon! Ang mga katotohanan ay sinasalita para marinig ng mga normal na tiwaling tao; bagamat mayroong mga tiwaling disposisyon ang gayong mga tao, mayroon silang determinasyon at kagustuhang tanggapin ang katotohanan, kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili sa tuwing may nangyayari sa kanila, at kaya nilang magtapat, magsisi, at magbago kapag may mali silang ginawa. Ang gayong mga tao ay maaaring maligtas, at para sa kanila sinasalita ang mga katotohanan. Ang mga taong walang saloobin ng pagsisisi kahit ano pa ang nangyayari sa kanila ay hindi mga ordinaryong tiwaling tao, sila ay ganap na naiiba; ang diwa nila ay sa diyablo, hindi sa isang tao. Bagamat maaaring hindi rin nila hinahangad ang katotohanan, ang mga ordinaryong tiwaling tao ay kadalasang kayang umiwas sa paggawa ng masasamang bagay batay sa kanilang konsensiya, sa kaunting kahihiyang taglay ng kanilang normal na pagkatao, at sa kaunting katwiran na mayroon sila, at wala silang intensiyon na sadyang magdulot ng mga panggagambala at gulo. Sa mga normal na sitwasyon, ang gayong mga tao ay kayang magserbisyo at sumunod hanggang sa huli, at nagagawa nilang manatiling buhay. Gayunpaman, mayroong isang uri ng mga tao, na walang konsensiya o katwiran, na wala man lang dangal o kahihiyan, na walang mga pusong nagsisisi kahit gaano pa karaming kasamaan ang ginagawa nila, at na walang kahihiyang nagtatago sa loob ng sambahayan ng Diyos, umaasa pa rin na makatanggap ng mga pagpapala, at hindi marunong magsisi. Kapag may nagsasabi, “Nagdulot ka ng panggagambala at kaguluhan sa paggawa niyan,” sinasabi niya, “Talaga ba? Kung gayon, nagkamali ako, pagbubutihin ko na lang sa susunod.” Sasagot ang ibang taong iyon, “Kung gayon, dapat mong makilala ang iyong mga tiwaling disposisyon,” at sasabihin niya, “Kilalanin ang anong mga tiwaling disposisyon? Naging ignorante at hangal lang ako. Pagbubutihin ko na lang sa susunod.” Wala siyang malalim na pag-unawa, at nililinlang lang niya ang mga tao gamit ang kanyang mga salita. Kaya bang magsisi ng mga taong may ganitong saloobin? Ni wala silang kahihiyan—hindi sila tao! Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi sila tao, mga hayop ba sila?” Sila ay mga hayop, ngunit mas mababa pa sila kaysa sa mga aso. Pag-isipan ito, kapag ang isang aso ay gumawa ng masamang bagay o nagpapasaway, kung sasawayin mo ito nang isang beses, agad itong malulungkot, at magiging mabait na ito sa iyo, na ang ibig sabihin nito ay: “Pakiusap, huwag kang mamuhi sa akin, hindi ko na iyon uulitin.” Kapag muling nangyari ang ganoong bagay, sadyang titingin sa iyo ang aso para sabihin sa iyo: “Hindi ko gagawin ito, huwag kang mag-alala.” Natatakot man ang aso na mapalo, o sinusubukan man nitong makuha ang pagsang-ayon ng amo nito, paano mo man ito tingnan, kapag alam ng aso na ayaw o hindi pumapayag ang amo nito sa isang bagay, hindi ito gagawin ng aso. Kaya nitong pigilan ang sarili; may kahihiyan ito. Maging ang mga hayop ay may pakiramdam ng kahihiyan, ngunit ang mga taong ito ay wala. Kung gayon, tao pa rin ba sila? Mas mababa pa sila kaysa sa mga hayop, kaya sila ay hindi tao at mga bagay na walang buhay, sila ay tunay na mga diyablo. Hindi sila kailanman nagninilay-nilay sa kanilang sarili o nagtatapat kahit gaano pa kalaki ang kasamaang ginagawa nila, at lalong hindi nila alam kung paano magsisi. May ilang tao na nahihiyang humarap sa kanilang mga kapatid dahil nakagawa sila ng kaunting kasamaan, at kung pipiliin sila ng mga kapatid sa panahon ng halalan, sasabihin nila: “Hindi ko tatanggapin ang tungkuling ito, hindi ako kwalipikado. Noon, gumawa ako ng ilang kahangalan na nagdulot ng ilang kawalan sa gawain ng iglesia. Hindi ako karapat-dapat sa posisyong ito.” Ang ganitong mga tao ay may kahihiyan, at mayroon silang konsensiya at katwiran. Ngunit ang masasamang taong iyon ay walang kahihiyan. Kung hihilingin mo sa kanila na maging lider sila, agad silang tatayo at sasabihin: “Kita mo na! Ano ang tingin mo rito? Hindi kaya ng sambahayan ng Diyos kung wala ako. Mahalaga ako, napakahusay ko!” Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mahirap na iparamdam sa mga taong ito ang kahihiyan? Gaano kahirap ito? Mas mahirap pa ito kaysa sa pag-akyat sa mga pader ng Shanhai Pass ng China—wala silang kahihiyan! Gaano man karaming kasamaan ang ginagawa nila, nagpapakatamad pa rin sila sa iglesia nang walang-kahihiyan. Kailanman ay hindi sila naging mapagpakumbaba sa kanilang mga pakikipag-ugnayan sa mga kapatid, namumuhay pa rin sila gaya ng dati, at paminsan-minsan ay ipinagmamayabang pa nga nila ang kanilang “mga dakilang tagumpay,” tungkol sa kanilang mga dating pagtalikod, paggugol, pagdurusa, at mga halagang binayad nila, at ang tungkol sa kanilang dating “kaluwalhatian at kadakilaan.” Sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, agad silang tumatayo para ipangalandakan at ipagmalaki ang kanilang sarili, ikinukwento ang tungkol sa kanilang kapital at ipinangangalandakan ang kanilang mga kwalipikasyon, ngunit hindi nila kailanman ikinukwento kung gaano karaming kasamaan ang nagawa nila, kung gaano karaming handog ng Diyos ang nilustay nila, o kung gaano karaming kawalan ang naidulot nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi man lang sila nagtatapat kapag pribado silang nagdarasal sa Diyos, at hindi sila kailanman lumuluha nang dahil sa mga pagkakamaling nagawa nila o sa mga kawalang naidulot nila sa sambahayan ng Diyos. Ganoon sila katigas at kawalang-kahihiyan. Hindi ba’t ganap silang hindi makatwiran at hindi matutubos? (Oo.) Sila ay hindi matutubos, at hindi maliligtas. Paano mo man sila bigyan ng pagkakataon, para lang itong pakikipag-usap sa isang pader, o pamimilit sa isang tao na gawin ang isang bagay na hindi nito kaya, o paghiling sa mga diyablo at kay Satanas na sambahin ang Diyos. Kaya, pagdating sa mga taong ito, sa huli, ang saloobin ng sambahayan ng Diyos ay ang sukuan sila. Kung handa silang gumampan ng mga tungkulin, maaari nilang gawin iyon, bibigyan sila ng kaunting pagkakataon ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi sila handang gumampan ng mga tungkulin, at sasabihin nila: “Magtatrabaho ako, kikita ng pera, at magpapalipas ng mga araw; aasikasuhin ko ang sarili kong usapin,” maaari silang umalis, bukas ang pintuan ng sambahayan ng Diyos, maaari silang umalis agad! Ayaw Ko nang makitang muli ang pagmumukha nila, labis silang nakasusuklam! Bakit pa ba sila nagpapanggap? Ang kaunting pagdurusang tiniis nila, ang maliliit na halagang binayad nila, ang kanilang mga kaunting pagtalikod at paggugol, ay mga paunang kondisyon lamang na inihanda nila upang makagawa sila ng masama. Kung mananatili sila sa sambahayan ng Diyos, anong uri ng serbisyo ang maibibigay nila para dito? Anong mga pakinabang ang maidudulot nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos? May ideya ka ba kung gaano kalaking pagkagambala at kaguluhan ang maidudulot sa gawain ng iglesia ng masasamang gawa at masasamang bagay na ginawa ng isang masamang tao, isang anticristo, sa loob ng anim na buwan? Sabihin mo sa Akin, ilang kapatid ang mangangailangang gumawa para makabawi sa pagkagambala at kaguluhang ito? Hindi ba’t hindi sulit ang paggamit sa masamang taong iyon, sa anticristong iyon, para sa kaunting serbisyo? (Oo.) Hindi natin pag-uusapan ang laki ng mga kawalan na maaaring maidulot ng isang grupo ng mga anticristo na nagsasama-sama para gumawa ng masasamang bagay, ngunit gaano kalaking pinsala ang maaaring maidulot sa gawain ng iglesia ng isang maling paniniwala at maladiyablong pahayag na sinalita ng isang anticristo, o ng isang kakatwang utos na ipinapatupad ng isang anticristo? Sabihin mo sa Akin, gaano karaming tao ang kailangang gumawa, at gaano katagal sila gagawa, para makabawi rito? Sino ang mananagot sa kawalang ito? Walang may kaya! Mababawi kaya ang kawalang ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao: “Kung kukuha tayo ng dagdag pang tao na tutulong, at magtitiis ng kaunti pang paghihirap ang mga kapatid, maaari tayong makabawi rito.” Bagamat maaaring makabawi ka sa ilan sa mga ito, gaano karaming tao at materyal na rekurso ang kakailanganing igugol ng sambahayan ng Diyos? Sa partikular, sino ang makakabawi sa nawalang oras, at sa mga kawalang dinanas ng mga hinirang ng Diyos sa kanilang buhay pagpasok? Walang makakagawa niyon. Samakatuwid, ang mga pinsalang ginawa ng mga anticristo ay hindi mapapatawad! Sinasabi ng ilang tao: “Sinabi ng mga anticristo, ‘Babayaran namin ang perang nawala.’” Siyempre kailangan nilang bayaran iyon! “Sinabi ng mga anticristo, ‘Magdadala kami ng mas maraming tao, para makabawi sa mga naiwala namin.’” Iyon ang pinakamaliit na bagay na magagawa nila. Dapat silang bumawi sa kasamaang ginawa nila! Ngunit sino ang makakabawi sa oras na nawala? Kaya ba nilang gawin iyon? Imposibleng mabawi pa ito. Kaya, ang mga pinsalang ginawa ng mga taong ito ang pinakakasuklam-suklam sa mga kasalanan! Hindi mapapatawad ang mga ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t totoo iyon? (Totoo nga.)
Kapag nakikita ng ilang tao na medyo mahigpit na pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang mga anticristo—hindi binibigyan ng pagkakataon at direktang pinaaalis ang mga anticristo—naiisip nila ito: “Hindi ba’t sinabi ng sambahayan ng Diyos na binibigyan nito ng mga pagkakataon ang mga tao? Kapag nakagawa ng isang maliit na pagkakamali ang isang tao, ayaw na ba sa kanya ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba siya binibigyan ng pagkakataon nito? Dapat bigyan siya nito ng pagkakataon, masyado namang hindi mapagmahal ang sambahayan ng Diyos!” Sabihin mo sa Akin, ilang pagkakataon na ba ang naibigay sa mga taong iyon? Ilang sermon na ba ang napakinggan nila? Masyado bang kaunti ang pagkakataong ibinigay sa kanila? Kapag gumagawa sila, hindi ba nila alam na gumagampan sila ng mga tungkulin? Hindi ba nila alam na ipinalalaganap nila ang ebanghelyo at ginagawa ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba nila alam ang mga bagay na ito? Nagpapatakbo ba sila ng isang negosyo, kompanya, o pabrika? Namamahala ba sila ng kanilang sariling mga negosyo? Ilang pagkakataon na ba ang naibigay ng sambahayan ng Diyos sa mga taong ito? Ang bawat isa sa kanila ay nagtamasa na ng maraming pagkakataon. Para sa mga inilipat mula sa iba’t ibang grupo tungo sa pangkat ng ebanghelyo, mayroon ba sa kanila ang natanggal pagkatapos na mapabilang sa pangkat ng ebanghelyo sa loob lamang ng ilang araw? Wala sa kanila ang natanggal nang ganoon, maliban na lang kung ang kasamaang nagawa nila ay masyadong malubha, kung gayon ay tinanggal na sila. Ang bawat isa sa kanila ay nabigyan ng sapat na pagkakataon, sadyang hindi lang nila alam kung paano pahalagahan ang mga ito o kung paano magsisi. Sinusunod nila ang sarili nilang kagustuhan, palaging tinatahak ang landas ni Pablo. Napakagandang pakinggan at malinaw ang mga salita nila, ngunit hindi sila kumikilos na parang tao. Dapat pa rin bang bigyan ng pagkakataon ang mga ganitong tao? (Hindi.) Noong nabigyan sila ng pagkakataon, tinatrato sila na parang tao, pero hindi sila tao. Hindi nila ginagawa ang mga bagay na ginagawa ng mga tao, kaya pasensya na, bukas ang pintuan ng sambahayan ng Diyos—maaari na silang umalis. Hindi na sila gagamitin ng sambahayan ng Diyos. Ang sambahayan ng Diyos ay may kalayaan pagdating sa paggamit ng mga tao, may karapatan ito. Ayos lang ba kung hindi sila ginagamit ng sambahayan ng Diyos? Kung gusto nilang manampalataya, magagawa nila ito sa labas ng sambahayan ng Diyos. Ano’t anuman, hindi sila gagamitin ng sambahayan ng Diyos—hindi nito pwedeng gawin iyon, nagsasanhi sila ng labis na pag-aalala! Nagdulot sila ng napakalaking kawalan sa sambahayan ng Diyos, at walang sinuman ang makakabayad para dito—hindi nila ito kayang bayaran! Hindi sa dahil malas sila, hindi sa dahil hindi sila binigyan ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos, hindi sa dahil hindi mapagmahal ang sambahayan ng Diyos, at pinahirapan sila nito nang husto, at lalong hindi sa dahil itinatapon sila ng sambahayan ng Diyos pagkatapos nilang makompleto ang kanilang gawain. Ito ay dahil sumosobra na ang mga taong ito, hindi na sila matitiis, at hindi nila maipaliwanag ang mga bagay na nagawa nila. Para sa bawat aytem ng gawain, nagbigay ng mga prinsipyo sa paggawa ang sambahayan ng Diyos, at ang Itaas ay personal na nagbigay ng patnubay, pagsusuri, at pagtutuwid. Hindi ito isang usapin lang ng pagdaraos ng ilang pagtitipon, o pagsasabi ng ilang salita ng sambahayan ng Diyos at ng Itaas; nakapagsalita na sila ng maraming salita at nakapagdaos na ng maraming pagtitipon, taimtim na nagpapayo sa mga tao, at sa huli, ang nakuha nilang kapalit ay panlalansi, at nagambala at nagulo ang gawain ng iglesia sa huli, at tuluyan nang nagkaroon ng malaking problema. Sabihin mo sa Akin, sino ang magiging handa pa ring magbigay ng pagkakataon sa mga taong iyon? Sino ang magiging handang panatilihin sila? Maaari silang manggulo habang gumagawa ng kasamaan, ngunit hindi naman siguro nila pinagbabawalan ang sambahayan ng Diyos na pangasiwaan sila nang ayon sa mga prinsipyo? Ang pangangasiwa sa kanila sa ganitong paraan ay hindi dapat tawaging hindi mapagmahal, dapat itong tawaging pagtataglay ng mga prinsipyo. Ang pagmamahal ay ibinibigay sa mga taong maaaring mahalin, sa mga taong mangmang na maaaring patawarin; hindi ito ibinibigay sa masasamang tao, sa mga diyablo, o sa mga sadyang nanggagambala at nanggugulo, hindi ito ibinibigay sa mga anticristo. Nararapat lamang na sumpain ang mga anticristo! Bakit nararapat lamang silang sumpain? Dahil, gaano man kalaki ang ginagawa nilang kasamaan, hindi sila nagsisisi, nagtatapat, o nagbabago, nakikipagkumpitensiya sila sa Diyos hanggang sa pinakahuli. Humaharap sila sa Diyos na nagsasabing, “Kapag namatay ako, mamamatay akong nakatayo. Hindi ako susuko. Kapag humarap ako sa iyo, hindi ako luluhod o yuyuko. Hindi ako tatanggap ng pagkatalo!” Anong klase ito? Kahit na malapit na silang mamatay, sasabihin pa rin nila, “Patuloy kong lalabanan ang sambahayan ng diyos hanggang sa huli. Hindi ko ipagtatapat ang aking mga kasalanan—wala akong ginawang mali!” Sige, kung wala silang ginawang mali, maaari na silang umalis. Hindi sila gagamitin ng sambahayan ng Diyos. Ayos lang ba kung hindi sila gagamitin ng sambahayan ng Diyos? Ayos lang talaga ito! Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi ako gagamitin ng sambahayan ng diyos, wala itong sinumang magagamit.” Dapat tingnan ng mga taong ito kung talaga bang walang sinumang nagagamit—mayroon bang anumang gawain sa sambahayan ng Diyos ang umaasa sa mga tao? Kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu at ang proteksiyon ng Diyos, sino ba ang makakarating sa kung nasaan na sila ngayon? Anong aytem sa gawain ang mapapanatili hanggang ngayon? Iniisip ba ng mga taong ito na sila ay nasa sekular na mundo? Kung ang alinmang grupo sa sekular na mundo ay mawawalan ng pangangalaga ng isang pangkat ng mga indibidwal na may talento at kahusayan, hindi nito makokompleto ang alinman sa mga proyekto nito. Ang gawain sa sambahayan ng Diyos ay naiiba. Ang Diyos ang nangangalaga, namumuno, at gumagabay sa gawain sa sambahayan ng Diyos. Huwag isipin na ang gawain sa sambahayan ng Diyos ay nakasalalay sa suporta ng sinumang tao. Hindi ito ang lagay, at ito ang pananaw ng isang hindi mananampalataya. Sa palagay ba ninyo ay naaangkop na abandonahin ng sambahayan ng Diyos ang masasamang tao tulad ng mga anticristo at ng mga hindi mananampalataya? (Oo.) Bakit ito naaangkop? Dahil napakalaki ng mga kawalang naidulot ng paggamit sa mga taong iyon para magsagawa ng gawain, walang pigil na nilulustay ng mga taong iyon ang lakas-tao at mga pinansiyal na mapagkukunan, at wala silang anumang prinsipyo. Hindi sila nakikinig sa salita ng Diyos, at ganap silang kumikilos batay sa sarili nilang mga ambisyon at hangarin. Hinding-hindi nila nirerespeto ang mga salita ng Diyos o ang mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, ngunit kapag may sinasabi ang isang anticristo, lubos nila itong nirerespeto, at nagsasagawa sila alinsunod dito. Nabalitaan Ko na mayroong isang hangal na nakatira sa Europa, ngunit gumagawa ng mga gampaning nakabase sa Asya. Sinabi ng sambahayan ng Diyos na ililipat siya nito para gumawa ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa Europa, upang hindi na siya maabala sa pagkakaiba ng oras sa Asya, pero hindi siya pumayag, at ayaw na niyang bumalik sa paggawa ng mga gampanin sa Europa, kahit na isinaayos ito ng sambahayan ng Diyos, sapagkat ang anticristong sinasamba niya ay nasa Asya, at ayaw niyang humiwalay sa kanyang amo. Hindi ba’t isa siyang hangal? (Oo.) Sabihin mo sa Akin, karapat-dapat ba siyang gumampan sa kanyang tungkulin? Kailangan ba natin siya? Ang mga pagsasaayos ng gawain na ginawa ng sambahayan ng Diyos ay angkop. Kung ikaw ay nasa Europa, dapat kang gumawa ng mga gampaning nakabase sa Europa at hindi sa Asya. Saanmang kontinente ka naroroon, dapat mong gawin ang mga gampanin doon, at sa gayon ay hindi ka na maaabala ng mga pagkakaiba ng oras—magandang bagay iyon! Gayunpaman, hindi pumayag ang taong ito. Hindi gumana sa kanya ang mga salita ng sambahayan ng Diyos; hindi siya magawang ilipat ng sambahayan ng Diyos, kinailangan niya na ang kanyang amo ang magdesisyon. Kung sasabihin ng kanyang amo, “Bumalik ka para gawin ang mga gampanin sa Europa,” babalik siya para gawin ang mga gampaning iyon. Kung sasabihin naman ng kanyang amo na, “Hindi ka pwedeng bumalik para gawin ang mga gampanin sa Europa, kailangan kita para mag-asikaso sa mga bagay-bagay rito,” sasabihin niya, “Kung gayon, hindi ako pwedeng bumalik.” Para kanino siya nagserbisyo? (Para sa kanyang amo.) Nagserbisyo siya para sa kanyang amo—isang anticristo. Kung gayon, hindi ba’t dapat siyang alisin kasama ang kanyang amo? Hindi ba’t dapat siyang mapatalsik? (Oo.) Bakit galit na galit Ako sa mga taong ganito? Dahil gumagawa sila ng labis na kasamaan; kahit sino ay magagalit kapag nalaman ito. Sinusubukan ng mga taong ito na sadyang lansihin ang Diyos—iyon ay masyadong mapaminsala! Sabihin mo sa Akin, bakit Ako galit na galit sa mga taong ganito? (Sinasabi nila na nananampalataya sila sa Diyos, pero ang totoo, nakikinig sila sa kanilang mga amo. Hindi sila tunay na sumusunod at nagpapasakop sa Diyos.) Ganap nilang inilaan ang kanilang sarili sa pagsunod sa mga diyablo at kay Satanas. Ang sinasabi nilang sumusunod sila sa Diyos ay isang panakip lamang. Sinusundan at pinaglilingkuran nila ang mga Satanas habang nagkukunwari na sumusunod sa Diyos at ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at sa huli, gusto pa rin nilang makakuha ng mga gantimpala at pagpapala mula sa Diyos. Hindi ba’t ganap na walang kahihiyan iyon? Hindi ba’t iyon ay ganap na hindi makatwiran at hindi na matutubos? (Oo.) Sabihin mo sa Akin, papanatilihin ba ng sambahayan ng Diyos ang mga ganitong tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang angkop na paraan ng pangangasiwa sa kanila? (Ang alisin sila, kasama ang kanilang mga amo.) Gusto nilang sundan ang kanilang amo, at masyado silang determinadong gumawa hanggang sa mamatay sila para lang sa kanilang amo; hindi nila pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, hindi nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin habang namumuhay sa harap ng Diyos, pinaglilingkuran nila ang kanilang mga amo sa loob ng isang grupo ng mga anticristo—ito ang diwa ng kanilang gawain. Kaya naman, kahit anong gawin nila, hindi ito gugunitain. Ang mga taong ganito ay dapat alisin, ni hindi sila karapat-dapat na magserbisyo! Kung gayon, sa palagay ba ninyo ay nagiging ganito lamang ang mga taong katulad nila dahil sa nakakatagpo sila ng masasamang tao o dahil sa ginagawa nila ang ganitong uri ng gawain? Naiimpluwensiyahan ba sila ng kanilang mga kapaligiran, o nililigaw ba sila ng masasamang tao? (Wala sa dalawang ito.) Kung gayon, bakit sila nagkakaganito? (Sila ay ganitong uri ng tao sa kanilang kalikasang diwa.) Ang kalikasang diwa ng mga taong ito ay pareho sa kanilang mga among anticristo. Magkauri sila. Mayroon silang parehong mga hilig, kaisipan, at pananaw, pati na rin mga diskarte at pamamaraan sa paggawa ng mga bagay-bagay; mayroon silang parehong wika at landas ng paghahangad, at pareho ang kanilang mga hangarin, motibo, at pamamaraan sa pagkakanulo sa Diyos at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Isipin ninyo, pareho sila ng saloobin tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, kung saan nagsisinungaling sila sa kanilang mga nakatataas at naglilihim ng mga bagay-bagay sa mga nasa ibaba nila. Mayroon silang mga patakaran para sa mga nasa itaas nila at mga estratehiya para sa mga nasa ibaba nila. Sa mga mas nakatataas sa kanila, ganap silang masunurin sa panlabas, at sa mga mas nakabababa sa kanila, nanggugulo sila habang gumagawa ng masama. Mayroon silang parehong mga diskarte at pamamaraan. Kapag pinupungusan sila ng Itaas, sinasabi nila, “Nagkamali ako, mali ako, masama ako, mapaghimagsik ako, isa akong diyablo!” At pagkatapos ay tatalikod sila at sasabihing: “Huwag nating ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng itaas!” Pagkatapos nito, ginagawa lang nila ang kung anong gusto nila. Ganap na iniraraos lang nila ang pangangaral ng ebanghelyo, pinalalaki nila ang mga numerong inuulat nila, at nilalansi ang sambahayan ng Diyos. Ito ang mga pamamaraan ng mga grupong ito ng mga anticristo. Palagi nilang pinangangasiwaan ang mga pagsasaayos ng gawain gamit ang kanilang sariling mga estratehiya at pamamaraan—hindi ba’t nabunyag na ang kanilang mga demonyong mukha? Tao ba sila? Hindi, hindi sila tao, sila ay mga demonyo! Hindi tayo nakikipag-ugnayan sa mga demonyo, kaya magmadali tayong paalisin sila rito. Ayaw Kong makita ang kanilang malademonyong mukha; dapat silang umalis! Ang mga handang magserbisyo ay maaaring ipadala sa pangkat B, ang mga ayaw magserbisyo ay maaaring itiwalag. Tama ba ang hakbang na ito? (Oo.) Ito ang pinakaangkop na hakbang! Pare-pareho ang kanilang diwa, kaya kapag nag-uusap at kumikilos sila nang magkakasama, maayos at madali nila itong nagagawa, at kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang magkakasama, mayroong matibay na pagkakaisa at lihim na pagkakaunawaan sa pagitan nila. Sa sandaling ibuka ng mga among iyon ang kanilang bibig, anumang malademonyong bagay ang sabihin nila, agad na tatalima ang kanilang mga tagasunod, at sa puso ng mga tagasunod na ito, magiging masaya pa nga ang mga ito, iisipin na, “Tama ka, ganoon ang gawin natin! Masyadong maselan ang mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, hindi natin magagawa ang mga bagay-bagay nang ganoon.” Gaano man kahusay o kadetalyado ang pagkakabigkas sa mga pagsasaayos ng gawain ng itaas, hindi ipapatupad ng mga taong ito ang mga pagsasaayos na iyon, at gaano man kabaluktot o kakakatwa ang mga bagay na sinasabi ng mga diyablo at ni Satanas, makikinig sila sa mga ito. Kung gayon, para kanino sila nagseserbisyo? Makakapagserbisyo ba ang mga ganitong tao sa sambahayan ng Diyos hanggang sa pinakahuli? (Hindi.) Hindi sila makakapagserbisyo hanggang sa pinakahuli. Nagpapakita man ng pagpapasensiya ang Diyos sa isang tao, o sa mga kilos ng isang diyablo, may hangganan lagi ang mga ito. Nagpapakita Siya ng pagtitimpi sa mga tao hangga’t maaari, ngunit kapag umabot na ito sa isang partikular na antas, ilalantad Niya ang mga dapat ilantad, at palalayasin ang mga dapat palayasin. Kapag umabot na sa puntong ito, wala nang magagawa ang mga taong iyon. Ito ay hindi lamang sa dahil hindi nila hinahangad o minamahal ang katotohanan, ito ay dahil salungat sa katotohanan ang kanilang kalikasang diwa. Isipin mo ito, sa tuwing nagsasalita ka tungkol sa mga positibong bagay, dalisay na pagkaunawa, o mga prinsipyo na naaayon sa katotohanan, hindi sila nakikinig. Kung mas dalisay ang iyong mga salita, mas sumasama ang loob nila. Sa sandaling magsimula kang magsalita tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sila mapakali, at naghahanap sila ng mga paraan upang maiba ang usapan, upang mailipat ang atensiyon, o kaya ay pasimple silang nagsasalin ng inuming tubig. Sa sandaling magbahagi ka sa katotohanan o magsalita tungkol sa pagkilala sa iyong sarili, naiinis sila, at ayaw nilang makinig. Kung hindi man sila magbabanyo, nauuhaw o nagugutom naman sila, o kaya ay inaantok, o kailangan daw nilang sagutin ang isang tawag o asikasuhin ang isang bagay. Palagi silang may palusot, at hindi sila mapakali. Kung gagamitin mo ang kanilang mga pamamaraan, at babanggitin ang kanilang mga pahayag at diskarte na tanging nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, magiging masigasig sila, at magagawa nilang magsalita nang magsalita. Kung hindi kayo magkapareho ng wika, magiging tutol sila sa iyo at iiwasan ka nila. Ito ay mga tipikal na diyablo! May ilang tao na, hanggang ngayon, hindi pa rin makakilatis sa ganitong uri ng diyablo, at iniisip nila na sadyang hindi lang hinahangad ng mga taong ito ang katotohanan. Bakit napakahina ng pag-iisip nila? Bakit nila nasasabi ang mga ganitong kamangmangan? Hindi lang ba talaga hinahangad ng mga taong iyon ang katotohanan? Hindi, sila ay masasamang demonyo, at tutol na tutol sila sa katotohanan. Ang mga taong iyon ay kumikilos nang maayos sa mga pagtitipon, pero pagkukunwari lang ang lahat ng iyon. Sa totoo lang, nakikinig ba talaga sila sa nilalaman na ibinabahagi o sa mga salita ng Diyos na binabasa sa mga pagtitipon? Ilang salita ang talagang pinakikinggan nila? Ilan ang tinatanggap nila? Sa ilan sila magpapasakop? Hindi man lang sila makapagsalita tungkol sa mga pinakasimple at pinakapangkaraniwang sinasalitang doktrina. Pagdating sa mga taong ganoon, gaano man sila katagal nang gumagawa, o kung ano man ang antas nila bilang lider o superbisor, hindi nila kayang mangaral ng mga sermon, o magsalita tungkol sa kanilang sariling mga karanasan. Kung may magsasabi, “Magsalita ka nang kaunti tungkol sa kaalaman mo sa isang bagay. Hindi mo kailangang magkaroon ng karanasan tungkol dito, magsalita ka lang tungkol sa mga kaalaman at pag-unawang mayroon ka tungkol dito,” hindi nila maibubuka ang kanilang bibig, parang sinelyuhan ang mga ito, at hindi man lang sila makapagsasalita tungkol sa ilang doktrina. Kung mapipilitan man silang magsalita tungkol dito, magiging nakakaasiwa at kakaiba ito pakinggan. Sinasabi ng ilang kapatid: “Kapag nangangaral ang ilang lider ng mga sermon, bakit kaya katunog nila ang mga guro na nagbabasa ng teksto sa mga bata? Bakit kaya nakakaasiwa at kakaiba ang dating nito?” Ito ay tinatawag na hindi marunong mangaral ng mga sermon. At bakit hindi sila marunong mangaral ng mga sermon? Ito ay dahil wala silang katotohanang realidad. Bakit wala silang katotohanang realidad? Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, tutol sila rito sa kanilang puso, at lumalaban sila sa anumang prinsipyo o pahayag ng katotohanan. Kung sinasabing lumalaban sila, posibleng hindi mo ito makikita mula sa panlabas, kaya paano mo masasabing lumalaban sila? Gaano man magbahagi sa katotohanan ang sambahayan ng Diyos, itatatwa at tatanggihan nila ito sa puso nila, at lubos silang masusuklam dito. Gaano man magbahagi ang ibang tao sa kaalaman ng mga ito sa katotohanan, iisipin nila, “Maaaring pinaniniwalaan mo iyan, pero ako hindi.” Paano ba nila sinusukat kung ang isang bagay ang katotohanan? Hangga’t ito ay isang bagay na pinaniniwalaan nilang mabuti at tama, iisipin nila na ito ang katotohanan. Kung hindi nila gusto ang isang pahayag, kung gayon, kahit gaano pa ito katama, hindi nila ito ituturing bilang ang katotohanan. Kaya naman, kung titingnan natin ang ugat ng usaping ito, sa kaibuturan ng kanilang puso, lumalaban sila sa katotohanan, tutol sila sa katotohanan, at napopoot sila sa katotohanan. Ang katotohanan ay walang puwang sa puso nila—kinamumuhian nila ito. Maaaring hindi ito makita ng ilang tao, at sasabihing, “Hindi ko sila karaniwang nakikitang nagsasabi ng anumang bagay na nakakainsulto sa Diyos, lumalapastangan sa katotohanan, o lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo.” Pagkatapos, mayroong isang katunayan na nakikita nila: Ang bawat partikular na detalyeng itinakda ng mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos ay kinakailangan, at ipinanukala upang maprotektahan ang mga interes ng gawain ng Diyos, ang pag-usad ng buhay ng mga hinirang ng Diyos, ang normal na kaayusan ng buhay-iglesia, at ang normal na pagpapalawig ng gawain ng ebanghelyo. Ang punto ng mga pagsasaayos ng gawain sa bawat yugto ng panahon, at ang partikular na pagtatakda, pag-oorganisa, at pagbabago sa bawat aspekto ng gawain, ay upang protektahan ang normal na pag-unlad ng gawain sa sambahayan ng Diyos, at higit pa rito, upang tulungan ang mga kapatid na makaunawa at makapasok sa mga katotohanang prinsipyo. Upang maging mas tumpak, masasabi na dinadala ng mga bagay na ito sa harap ng Diyos ang mga kapatid at tinutulungan silang makapasok sa mga katotohanang realidad, na inaakay at hinihila ng mga bagay na ito ang bawat tao pasulong, hinahawakan ang kanilang mga kamay habang nagtuturo, sumusuporta, at nagtutustos sa kanila. Pagdating sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, ito man ay partikular na pagbabahagi tungkol dito sa mga pagtitipon, o pagpapalaganap nito sa pamamagitan ng berbal na salita, ang layon ay bigyang-daan ang mga hinirang ng Diyos na danasin ang gawain ng Diyos, at makamtan ang tunay na buhay pagpasok, at ito ay palaging kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Walang ni isang pagsasaayos ang nakapipinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos o sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos, at walang pagsasaayos ang lumilikha ng mga kaguluhan o pagkawasak. Gayunpaman, hindi kailanman nirerespeto o ipinapatupad ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng gawain na ito. Sa halip, kinamumuhian nila ang mga ito, iniisip na ang mga ito ay masyadong simple at hindi kapansin-pansin, na ang mga ito ay hindi kasinghusay ng kanilang mismong paggawa, at na hindi sila makatatanggap ng mas higit na pakinabang sa kanilang katanyagan, katayuan, at reputasyon habang ginagawa ang gawaing ito. Bilang resulta, hindi nila kailanman pinakikinggan o tinatanggap ang mga pagsasaayos ng gawain, at lalong hindi nila ipinapatupad ang mga ito. Sa halip, ginagawa nila ang gusto nila. Batay rito, sabihin mo sa Akin, sadya lang bang hindi hinahangad ng mga anticristo ang katotohanan? Mula sa puntong ito, malinaw mong makikita na napopoot sila sa katotohanan. Kung sinasabing napopoot sila sa katotohanan, hindi mo ito mahahalata, ngunit sa pagtingin sa kung paano pinangangasiwaan ng mga anticristong iyon ang pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, mababatid mo ito. Napakalinaw na pagdating sa kung paano pinangangasiwaan ng mga huwad na lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain, sa pinakamainam, iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay, tinatalakay ang mga pagsasaayos ng gawain nang isang beses, at iyon lang. Matapos iyon ay hindi na nila isinasagawa nang tama ang pangungumusta at pagsusubaybay, o ang partikular na gawain. Ito ay mga huwad na lider. Ang mga huwad na lider, kahit papaano, ay kaya pa ring ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, iraos ang mga bagay-bagay, at panatilihin ang mga ito. Samantala, hindi man lang mapanatili ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng gawain, sadyang tumatanggi silang tanggapin o ipatupad ang mga ito, at sa halip ay ginagawa nila ang gusto nila. Ano ang isinasaalang-alang nila? Ang kanilang sariling katayuan, kasikatan, at katanyagan. Isinasaalang-alang nila kung pinahahalagahan ba sila ng Itaas, kung ilang kapatid ang sumusuporta sa kanila, kung ilang puso ng mga tao ang may puwang sila, kung ilang puso ng mga tao ang pinamumunuan nila, kinokontrol ang mga taong iyon, at kung ilang tao ang pinaghaharian nila. May pakialam sila sa mga bagay na iyon. Hindi nila kailanman iniisip kung paano didiligan o tutustusan ang mga kapatid sa paglatag ng pundasyon sa tunay na daan, at lalong hindi nila iniisip kung kumusta ang buhay pagpasok ng mga kapatid, kung paano ginagampanan ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin, ito man ay pagpapalaganap ng ebanghelyo o iba pang uri ng tungkulin, o kung kaya ba ng mga kapatid na kumilos ayon sa mga prinsipyo, at kailanman ay wala silang pakialam kung paano dalhin ang mga kapatid sa harap ng Diyos. Wala silang pakialam sa mga bagay na iyon. Hindi ba’t nakalatag ang lahat ng katunayang ito sa harap ng iyong mga mata? Hindi ba’t ang mga ito ay mga pagpapamalas na madalas mong nakikita sa mga anticristo? Hindi ba’t sapat na patunay ang mga katunayang ito na ang mga taong ito ay napopoot sa katotohanan? (Oo.) Sa lahat ng panahon, ang tanging mga bagay na pinahahalagahan ng isang anticristo ay katayuan, kasikatan, at katanyagan. Sabihin nang itinakda mo ang isang anticristo na mamahala sa buhay-iglesia, upang magkaroon ng maayos na buhay-iglesia ang mga kapatid, at tulungan silang maunawaan ang katotohanan at mailatag ang kanilang mga pundasyon habang namumuhay ng buhay-iglesia, upang magtaglay ng tunay na pananampalataya sa Diyos, humarap sa Diyos, at magkaroon ng kakayahang mamuhay nang nakapag-iisa, at magkaroon ng pananalig na magampanan ang kanilang mga tungkulin. Sa ganoong paraan, ang gawain ng pagpapalawig ng ebanghelyo sa sambahayan ng Diyos ay magkakaroon ng ilang reserbang puwersa, at mas maraming mahuhusay na manggagawa ng ebanghelyo ang patuloy na matutustusan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin sa pagpapalawig ng ebanghelyo. Ganoon ba ang iisipin ng anticristo? Talagang hindi ganoon ang iisipin niya. Sasabihin niya: “Ano ba ang halaga ng buhay-iglesia? Kung buong-pusong namumuhay ang lahat sa buhay-iglesia, at nagbabasa ng mga salita ng diyos, at kung nauunawaan nilang lahat ang katotohanan, sino ang makikinig sa mga utos ko? Sinong magmamalasakit sa akin? Sino ang magbibigay-pansin sa akin? Hindi ko pwedeng hayaan ang lahat na tumuon sa buhay-iglesia sa lahat ng oras o na mahumaling sila rito. Kung ang lahat ay palaging nagbabasa ng mga salita ng diyos, at kung ang lahat ay humarap na sa diyos, sino ang maiiwan sa tabi ko?” Hindi ba’t ganito ang saloobin ng isang anticristo? (Oo.) Iniisip niya na kung tutuon siya sa pagtutustos sa mga kapatid sa pagkamit sa katotohanan at buhay, makasasama ito sa kanyang paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan. Iniisip niya: “Kung igugugol ko ang lahat ng oras ko sa paggawa ng mga bagay para sa mga kapatid, magkakaroon pa ba ako ng panahon para hangarin ang katanyagan, pakinabang, at katayuan? Kung pupurihin ng lahat ng kapatid ang pangalan ng diyos at susundin ang diyos, wala nang matitira upang sumunod sa mga utos ko. Masyadong kahiya-hiya iyon para sa akin!” Ito ang mukha ng isang anticristo. Ang mga anticristo ay hindi lamang bastang nabibigong hangarin ang katotohanan; labis silang tutol sa katotohanan. Sa kanilang pansariling kamalayan, hindi nila sinasabing: “Napopoot ako sa katotohanan, napopoot ako sa diyos, at napopoot ako sa lahat ng pagsasaayos ng gawain, sa mga pahayag, at sa mga pagsasagawa na kapaki-pakinabang sa mga kapatid.” Hindi nila ito sasabihin. Gumagamit lamang sila ng ilang paraan at pag-uugali para labanan ang mga pagsasagawa ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Kaya, ang diwa ng mga paraan at pag-uugaling ito ay na ginagawa nila ang gusto nila, at hinihimok ang ibang tao na sumunod at sumunod sa kanila. Dahil dito, anuman ang gawin ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito rerespetuhin. Hindi ba’t ganito ang lagay? (Oo.) Maraming beses na tayong nagbahaginan noon tungkol sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo. Maliit ang tayog ninyo, at mababaw ang inyong pagkaunawa sa katotohanan; napakaraming kasamaan ang ginawa ng mga anticristo sa harap mismo ng inyong mga mata, subalit nabigo kayong makilatis ito. Kayo ay hangal at kahabag-habag, manhid at mahina ang isip, hikahos at bulag. Ito ang inyong tunay na mga pagpapamalas at ang inyong tunay na tayog. Ang mga anticristo ay nagdudulot ng napakaraming gulo at ng napakalaking kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at mayroon pa ring mga tao na nagsasabing dapat silang gamitin para magserbisyo. Ang paggamit sa kanila ay nagdudulot ng mas maraming pinsala kaysa sa kabutihan, ngunit hindi ninyo alam kung paano sila tanggalin o pangasiwaan—ilang taon pa ba ang aabutin para magbago ang tayog at mga ideya ninyong ito? Ang ilang tao ay palaging nagmamayabang, “Ako ay isang taong naghahangad sa katotohanan,” ngunit hindi nila makilatis ang mga anticristo kapag nakakatagpo nila ang mga ito, at maaaring sumusunod pa nga sila sa mga anticristong iyon—nasaan ang mga pagpapamalas ng kanilang paghahangad sa katotohanan? Narinig na nila ang napakaraming sermon, ngunit wala pa rin silang pagkilatis. Sige na, tatapusin Ko na rito ang pagbabahaginan natin tungkol sa paksang ito, at sa susunod ay pag-uusapan natin ang tungkol sa ating pangunahing paksa.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.