Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat (Unang Bahagi)
Ano ang personal ninyong karanasan sa pagiging matapat na tao? (Mahirap talaga ang pagiging matapat na tao.) Bakit mahirap ito? (Gusto ko talagang maging matapat na tao. Ngunit, kapag sinusuri ko ang sarili ko sa bawat araw, natutuklasan kong hindi ako matapat at maraming karumihan sa aking pananalita. Kung minsan ay hinahaluan ko ng emosyon ang aking mga salita, o mayroon akong mga partikular na motibo kapag nagsasalita ako. Minsan ay medyo nanlilinlang ako, o nagpapaliguy-ligoy, o nagsasabi ng mga bagay na taliwas sa realidad—mga mapanlinlang na bagay, mga bagay na bahagyang totoo lamang, at iba pang uri ng kasinungalingan, lahat ng ito ay upang matupad ang isang layunin.) Ang lahat ng pag-uugaling ito ay nagmumula sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao; nabibilang ang mga ito sa bahagi ng mga tao na buktot at mapanlinlang. Bakit ba nagiging mapanlinlang ang mga tao? Ito ay upang maisakatuparan ang sarili nilang mga mithiin, upang makamit ang sarili nilang mga layunin, kung kaya’t gumagamit sila ng mga pailalim na pamamaraan. Sa paggawa nito ay hindi sila bukas at tuwiran, at hindi sila matatapat na tao. Sa ganitong mga pagkakataon ay inihahayag ng mga tao ang pagiging mapaminsala at tuso nila, o ang kasamaan at pagiging kasuklam-suklam nila. Ito ang mahirap sa pagiging matapat: Dahil nasa puso ng isang tao ang mga tiwaling disposisyong ito, magmumukha ngang napakahirap na maging matapat na tao. Ngunit kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, at nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, hindi masyadong magiging mahirap ang pagiging matapat na tao. Madarama mo na higit na madali ito. Alam na alam ng mga mayroong personal na karanasan na ang pinakamalalaking balakid sa pagiging matapat na tao ay ang pagiging mapaminsala ng mga tao, ang kanilang pagiging mapanlinlang, kanilang kabuktutan, at kanilang mga kasuklam-suklam na hangarin. Hangga’t nananatili ang mga tiwaling disposisyong ito, magiging napakahirap ng pagiging matapat na tao. Kayong lahat ay nagsasanay na maging matatapat na tao, kaya’t may kaunti kayong karanasan dito. Kumusta ang naging mga karanasan ninyo? (Araw-araw ay isinusulat ko ang lahat ng basura at kasinungalingang nasabi ko. Pagkatapos, sinisiyasat at sinusuri ko ang aking sarili. Natuklasan kong may partikular na hangarin sa likod ng karamihan sa mga kasinungalingang ito, at na sinabi ko ang mga ito alang-alang sa banidad at pag-iwas sa kahihiyan. Kahit na alam kong hindi naaayon sa katotohanan ang sinasabi ko, hindi ko pa rin mapigilang magsinungaling at magpanggap.) Ito ang napakahirap sa pagiging matapat na tao. Hindi mahalaga kung may kamalayan ka man dito o wala; ang susing usapin ay nagmamatigas ka pa ring ipagpatuloy ang pagsisinungaling, kahit na nalalaman mong mali ang ginagawa mo, upang maisakatuparan ang iyong mga layunin, upang mapanatili ang sarili mong imahe at reputasyon, at anumang pahayag ng kawalan ng kaalaman ay isang kasinungalingan. Ang susi sa pagiging matapat na tao ay ang paglutas sa iyong mga motibo, iyong mga hangarin, at iyong mga tiwaling disposisyon. Ito ang tanging paraan upang malutas ang ugat ng problema ng pagsisinungaling. Ang makamit ang mga personal na layunin ng isang tao, o ang personal na makinabang, masamantala ang isang sitwasyon, mapaganda ang imahe niya, o makuha ang pagsang-ayon ng iba—ito ang mga hangarin at layunin ng mga tao kapag nagsisinungaling sila. Ang ganitong uri ng pagsisinungaling ay naghahayag ng isang tiwaling disposisyon, at ito ang pagkilatis na kailangan mo tungkol sa pagsisinungaling. Kaya, paano dapat lutasin ang tiwaling disposisyong ito? Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung minamahal mo ang katotohanan o hindi. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at magsalita nang hindi isinusulong ang iyong sarili; kung kaya mong itigil ang pagsasaalang-alang sa sarili mong mga interes at sa halip ay isaalang-alang ang gawain ng iglesia, ang kalooban ng Diyos, at ang mga interes ng mga hinirang ng Diyos, ititigil mo na ang pagsisinungaling. Magagawa mong magsalita nang makatotohanan, at tuwiran. Kung wala ang tayog na ito, hindi mo magagawang magsalita nang makatotohanan, patutunayan nito na kulang ang tayog mo at na hindi mo kayang isagawa ang katotohanan. Kung kaya, ang pagiging matapat na tao ay nangangailangan ng isang proseso ng pag-unawa sa katotohanan, isang proseso ng pagtaas ng tayog. Kapag tiningnan natin ito nang ganito, imposibleng maging matapat na tao nang walang walo hanggang sampung taon ng karanasan. Ito ang panahon na kailangang maigugol sa proseso ng paglago sa buhay ng isang tao, sa proseso ng pag-unawa at pagtatamo sa katotohanan. Maaaring itanong ng ilang tao: “Talaga bang ganoon kahirap ang paglutas sa problema ng pagsisinungaling at ang pagiging matapat na tao?” Depende iyon sa kung sino ang tinutukoy mo. Kung isa itong taong nagmamahal sa katotohanan, magagawa niyang itigil ang pagsisinungaling pagdating sa mga partikular na bagay. Ngunit kung isa itong taong hindi nagmamahal sa katotohanan, ang pagtigil sa pagsisinungaling ay lalo pang magiging mahirap.
Ang pagsasanay sa sarili na maging isang matapat na tao ay pangunahing isang usapin ng paglutas sa problema ng pagsisinungaling, pati na ng paglutas sa tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang paggawa rito ay nangangailangan ng isang mahalagang gawain: Kapag napagtanto mong ikaw ay nakapagsinungaling sa isang tao at nalinlang mo siya, dapat kang magtapat sa kanya, maglantad ng iyong sarili, at manghingi ng tawad. Malaki ang pakinabang ng pagsasagawang ito sa kalutasan ng pagsisinungaling. Halimbawa, kung nalinlang mo ang isang tao o kung may karumihan o personal na hangarin sa mga salitang iyong sinabi sa kanya, dapat mo siyang lapitan at suriin ang iyong sarili. Dapat mong sabihin sa kanya: “Ang sinabi ko sa iyo ay isang kasinungalingan, nakadisenyo ito upang protektahan ang sarili kong pride. Nabalisa ako matapos ko itong sabihin, kaya nanghihingi ako sa iyo ng tawad ngayon. Pakiusap, patawarin mo ako.” Magiging masaya ang pakiramdam ng taong iyon. Mapapaisip siya kung paanong mayroong isang tao na, matapos magsinungaling, ay manghihingi ng tawad dahil dito. Ang gayong lakas ng loob ay isang bagay na talagang hinahangaan niya. Ano ang mga pakinabang na natatamo ng isang tao sa pagsasagawa niyon? Ang layunin nito ay hindi ang matamo ang paghanga ng iba, kundi ang mas epektibong mapigilan at mahadlangan ang sarili sa pagsisinungaling. Kaya, pagkatapos magsinungaling, kailangan mong isagawa ang paghingi ng tawad sa paggawa niyon. Habang mas sinasanay mo ang iyong sarili na isagawa ang pagsusuri, paglalantad sa iyong sarili, at paghingi ng tawad sa mga tao nang ganito, lalong gaganda ang mga resulta—at mababawasan nang mababawasan ang pagsisinungaling mo. Ang pagsasagawa ng pagsusuri at paglalantad sa iyong sarili upang maging matapat na tao at mapigilan ang iyong sarili na magsinungaling ay nangangailangan ng lakas ng loob, at ang paghingi ng tawad sa isang tao matapos magsinungaling sa kanya ay nangangailangan ng mas higit pang lakas ng loob. Kung isasagawa mo ito sa loob ng isa o dalawang taon—o marahil sa loob ng tatlo hanggang limang taon—garantisadong makakikita ka ng malilinaw na resulta, at hindi ka mahihirapang maiwaksi ang mga kasinungalingan. Ang pagwawaksi ng mga kasinungalingan sa iyong sarili ang unang hakbang tungo sa pagiging matapat na tao, at hindi ito magagawa nang walang tatlo o limang taon ng pagsisikap. Matapos malutas ang problema ng pagsisinungaling, ang ikalawang hakbang ay lutasin ang problema ng panlilinlang at panlalansi. Minsan, hindi kinakailangan ng isang taong magsinungaling para manlansi at manlinlang—maisasakatuparan ang mga bagay na ito sa pamamagitan lamang ng pagkilos. Maaaring mukhang hindi nagsisinungaling ang isang tao, ngunit nagkikimkim pa rin siya ng panlilinlang at panlalansi sa kanyang puso. Siya ang pinakanakaaalam nito, dahil napag-isipan na niya ito nang lubusan at naisaalang-alang nang mabuti. Magiging madali para sa kanya na makilala ito matapos magnilay-nilay kalaunan. Sa sandaling malutas na ang problema ng pagsisinungaling, kung ihahambing ay bahagyang mas magiging madali nang lutasin ang mga problema ng panlilinlang at panlalansi. Ngunit kailangang magtaglay ang isang tao ng pusong may takot sa Diyos, dahil ang tao ay pinangingibabawan ng intensiyon kapag siya ay nanlilinlang at nanlalansi. Hindi ito makikita ng iba mula sa labas, ni hindi nila makikilatis ito. Tanging ang Diyos ang makasisiyasat nito, at tanging Siya ang nakaaalam nito. Samakatuwid, malulutas lamang ng isang tao ang mga problema ng panlilinlang at panlalansi sa pamamagitan ng pag-asa sa pagdarasal sa Diyos at pagtanggap sa Kanyang pagsisiyasat. Kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan o natatakot sa Diyos sa kanyang puso, hindi malulutas ang kanyang panlilinlang at panlalansi. Maaari kang magdasal sa harap ng Diyos at umamin sa iyong mga pagkakamali, maaari kang magtapat at magsisi, o maaari mong suriin ang iyong tiwaling disposisyon—sabihin nang matapat kung ano ang iyong iniisip noong panahong iyon, kung ano ang iyong sinabi, kung ano ang iyong layunin noon, at kung paano ka nanlinlang. Kung tutuusin ay madaling gawin ang lahat ng ito. Gayunpaman, kung hihingin sa iyo na ilantad ang iyong sarili sa isa pang tao, maaaring mawala ang lakas ng loob at determinasyon mo dahil gusto mong makaiwas sa kahihiyan. Kung ganoon ay labis kang mahihirapang magtapat at maglantad ng iyong sarili. Marahil ay kaya mong aminin, nang pangkalahatan, na paminsan-minsan ay namamalayan mong nagsasalita o kumikilos ka batay sa mga personal mong layunin at hangarin; na mayroong antas ng panlilinlang, karumihan, mga kasinungalingan o panlalansi sa mga bagay na iyong ginagawa o sinasabi. Subalit, kapag may nangyari at kakailanganin mong suriin ang iyong sarili, ilantad kung paano nangyari ang mga bagay-bagay mula sa umpisa hanggang sa huli, ipaliwanag kung alin sa mga salitang iyong sinabi ang mapanlinlang, kung ano ang hangarin sa likod ng mga iyon, kung ano ang iniisip mo, at kung nagiging mapaminsala o masama ka man o hindi, ayaw mong maging partikular o magbigay ng mga detalye. Pagtatakpan pa nga ng ilang tao ang mga bagay-bagay, sasabihing: “Ganoon lang talaga ang mga bagay-bagay. Medyo mapanlinlang, mapaminsala, at hindi maaasahang tao lang talaga ako.” Ipinakikita nito ang kawalan nila ng kakayahang harapin nang tama ang kanilang tiwaling diwa, o kung gaano sila kamapanlinlang at kamapaminsala. Ang mga taong ito ay laging nasa kondisyon at kalagayan ng pag-iwas. Palagi nilang pinatatawad at pinagbibigyan ang kanilang sarili, at hindi nila magawang magdusa o magbayad ng halaga upang maisagawa ang katotohanan ng pagiging matapat na tao. Maraming taong ilang taon nang nangangaral ng mga salita ng doktrina, palaging sinasabing: “Masyado akong mapanlinlang at mapaminsala, palaging may panlalansi sa aking mga kilos, at hindi ko talaga tinatrato nang taos-puso ang mga tao.” Ngunit matapos iyong isigaw sa loob ng napakaraming taon, nananatili silang kasing mapanlinlang ng dati, dahil kailanman ay hindi sila mariringgan ng tunay na pagsusuri o pagsisisi kapag inilalantad nila ang mapanlinlang na kalagayang ito. Hinding-hindi sila naglalantad ng kanilang sarili sa iba o nanghihingi ng tawad matapos magsinungaling o manlansi ng mga tao, lalong hindi sila nagbabahagi tungkol sa kanilang karanasan at patotoo sa pagsusuri at pagkakilala sa sarili sa mga pagtitipon. Hindi rin nila kailanman sinasabi kung paano nila nakilala ang kanilang sarili o kung paano sila nagsisi tungkol sa gayong mga usapin. Hindi nila ginagawa ang mga bagay na ito, na nagpapatunay na hindi nila kilala ang kanilang sarili at hindi sila tunay na nagsisi. Kapag sinasabi nilang sila ay mapanlinlang at gusto nilang maging matapat na tao, nagsisigaw lang sila ng mga salawikain at nangangaral ng doktrina, wala nang iba. Maaaring ginagawa nila ang mga bagay na ito dahil sinusubukan nilang umayon sa nangingibabaw na opinyon at sumunod sa nakararami. O, maaaring itinutulak sila ng kapaligiran ng buhay iglesia na gumawa nang wala sa loob at magpanggap. Alinman doon, ang gayong mga nagsisigaw ng salawikain at nangangaral ng doktrina ay hinding-hindi magsisisi nang tunay, at talagang hindi nila matatamo ang pagliligtas ng Diyos.
Ang bawat katotohanang hinihingi ng Diyos na isagawa ng mga tao ay nagtatakda sa kanilang magbayad ng halaga, na talagang isagawa at danasin ang mga iyon sa kanilang mga tunay na buhay. Hindi hinihingi ng Diyos sa mga tao na sumunod sa salita lamang sa pamamagitan ng pagbigkas lang ng doktrina, pagsasalita tungkol sa pagkakilala sa sarili, pagkilala na sila ay mapanlinlang, na sila ay mga sinungaling, na sila ay tuso, buktot at madaya, o na sabihin nila ang mga bagay na ito nang malakas at nang ilang beses at pagkatapos ay tumigil na. Kung aaminin ng isang tao ang lahat ng ito subalit pagkatapos gawin iyon ay hindi magbabago kahit kaunti; kung magpapatuloy siya sa pagsisinungaling, pandaraya, at pagiging mapanlinlang; kung gagamitin niya ang parehong mga satanikong panlalansi, ang parehong mga satanikong pamamaraan kapag may kinakaharap siya; kung ang kanyang mga gawi at pamamaraan ay hindi kailanman nagbabago, kaya ba ng taong itong pumasok sa katotohanang realidad? Magagawa ba niya kailanman na baguhin ang kanyang disposisyon? Hindi—hindi kailanman! Dapat magawa mong magnilay at makilala ang iyong sarili. Dapat kang magkaroon ng tapang na magtapat at maglantad ng iyong sarili sa presensya ng mga kapatid, at magbahagi ng iyong tunay na kalagayan. Kung hindi ka maglalakas-loob na ilantad o suriin ang iyong tiwaling disposisyon; kung hindi ka maglalakas loob na aminin ang iyong mga pagkakamali, hindi mo hinahangad ang katotohanan, lalo nang hindi ka isang tao na kilala ang kanyang sarili. Kung ang lahat ay katulad ng mga relihiyosong tao na nagpapasikat upang makuha ang paghanga ng iba, na nagpapatotoo sa kung gaano nila kamahal ang Diyos, kung gaano sila nagpapasakop sa Kanya, kung gaano sila katapat sa Kanya at kung gaano sila kamahal ng Diyos, para lamang makuha ang paggalang at paghanga ng iba; at kung ang lahat ay nagkikimkim ng mga pansarili nilang plano at nagpapanatili ng pribadong puwang sa kaibuturan ng kanilang puso, paano makapagsasalita ang sinuman tungkol sa mga tunay na karanasan? Paano magkakaroon ang sinuman ng mga tunay na karanasan na maipararating sa isa’t isa? Ang ibig sabihin ng pagbabahagi at pagpaparating ng iyong mga karanasan ay pakikipagbahaginan ng iyong karanasan at kaalaman sa mga salita ng Diyos. Ito ay tungkol sa pagpapahayag sa bawat kaisipang nasa iyong puso, sa iyong kalagayan, at sa tiwaling disposisyong nahahayag sa iyo. Tungkol ito sa pagpapahintulot sa ibang makilatis ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay lutasin ang problema sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan. Kapag ang mga karanasan ay ipinagbahaginan sa ganitong paraan, saka lamang makikinabang ang lahat at maaani ang mga gantimpala. Ito lamang ang tunay na buhay-iglesia. Kung walang kabuluhang pagsasalita lamang ito tungkol sa iyong mga kabatiran sa mga salita ng Diyos o sa isang himno, at pagkatapos ay makikipagniig ka kung paano mo naisin nang hanggang doon na lang, nang hindi isinasama ang iyong mga aktuwal na kalagayan o problema, ang gayong uri ng pagbabahaginan ay walang pakinabang. Kung ang lahat ay nagsasalita tungkol sa kaalaman sa doktrina o teorya, ngunit walang sinasabi tungkol sa kaalamang natamo nila mula sa aktwal na mga karanasan; at kung, kapag nagbabahagi ng katotohanan, iniiwasan nilang pag-usapan ang mga personal nilang buhay, ang mga problema nila sa tunay na buhay, at ang mga sarili nilang panloob na mundo, paano magkakaroon ng tunay na pag-uusap? Paano magkakaroon ng tunay na pagtitiwala? Hindi magkakaroon! Kung hindi kailanman sinasabi ng isang babae sa kanyang asawa ang mga salitang nasa puso niya, mabibilang ba iyong intimasiya? Malalaman kaya nila ang nasa isip ng isa’t isa? (Hindi, hindi nila malalaman.) Ipagpalagay natin, kung ganoon, na palagi nilang sinasabing, “Mahal kita.” Ito lang ang sinasabi nila, ngunit hindi nila kailanman inilalantad o sinasabi sa isa’t isa ang talagang iniisip nila sa kaibuturan nila, kung ano ang inaasahan nila sa asawa nila, o kung ano ang mga problema nila. Kailanman ay hindi nila ipinagtatapat ang mga bagay-bagay sa isa’t isa, at kapag magkasama sila, mabababaw na usapan lang ang mayroon sila para sa isa’t isa. Kung ganoon ay talaga bang mag-asawa sila? Siguradong hindi! Gayundin, kung nakakaya ng mga kapatid na magsabi ng niloloob sa isa’t isa, tulungan ang isa’t isa, at tustusan ang isa’t isa, ang bawat tao ay kailangang magsalita tungkol sa kanya-kanya nilang tunay na karanasan. Kung wala kang sinasabi tungkol sa mga sarili mong tunay na karanasan—kung ipinangangaral mo lamang ang mga salita at titik ng doktrina na nauunawaan ng tao, kung ipinangangaral mo lamang ang kaunting doktrina tungkol sa pananampalataya sa Diyos at nagsasabi ng gasgas na mga bukambibig, at hindi ipinagtatapat kung ano ang nasa iyong puso—kung gayon ikaw ay hindi isang taong tapat, at hindi mo kayang maging matapat. Gamit ang parehong halimbawa: habang magkasamang namumuhay sa loob ng ilang taon, sinusubukan ng mag-asawang lalaki at babae na masanay sa isa’t isa, nag-aaway paminsan-minsan. Ngunit kung pareho kayong may normal na pagkatao, at palagi kang nakikipag-usap sa kanya nang mula sa puso, at ganoon din naman siya sa iyo, tungkol sa anumang paghihirap na nasasagupa mo sa buhay o sa trabaho, anuman ang iniisip mo sa kaibuturan mo at paano mo man ipinaplanong isaayos ang mga bagay-bagay, o ano ang mga ideya o plano mo para sa kinabukasan ng inyong mga anak, at sinasabi mo sa iyong asawa ang lahat ng bagay na ito, hindi ba’t mararamdaman ninyong dalawa na matalik na matalik kayo sa isa’t isa? Ngunit kung kailanman ay hindi niya sinasabi ang kanyang pinakatatagong mga kaisipan, at nag-uuwi lang ng suweldo; kung hindi mo kailanman sinasabi sa kanya ang iyong sariling mga saloobin at hindi kayo kailanman nagtatapat sa isa’t isa, hindi ba’t magkakaroon ng emosyonal na distansiya sa pagitan ninyong dalawa? Tiyak na magkakaroon, dahil hindi ninyo nauunawaan ang mga saloobin o plano ng isa’t isa. Sa huli, hindi mo matutukoy kung anong uri ng tao ang iyong asawa, at hindi rin niya matutukoy kung anong uri ka ng tao. Hindi mo mauunawaan ang kanyang mga pangangailangan, at hindi rin niya mauunawaan ang sa iyo. Kung walang pasalita o espirituwal na pakikipag-usap, kung gayon ay walang anumang posibilidad na maging matalik sila sa isa’t isa, at hindi nila magagawang tustusan ang isa’t isa o tulungan ang isa’t isa. Naranasan na ninyo ito noon, hindi ba? Kung ipinagtatapat ng iyong kaibigan ang lahat ng bagay sa iyo, sinasabi ang lahat ng kanyang iniisip at anumang pagdurusa o kaligayahan na kinikimkim niya, hindi ba’t mararamdaman mong malapit na malapit ka sa kanya? Ang dahilan kung bakit handa siyang sabihin sa iyo ang mga bagay na ito ay dahil ipinagtapat mo rin ang mga pinakatatago mong saloobin sa kanya. Malapit na malapit kayo sa isa’t isa, at dahil dito ay labis kayong nagkakasundo at nakapagtutulungan. Kung wala ang ganitong uri ng pag-uusap at palitan sa pagitan ng mga kapatid sa iglesia, hindi sila magkakasundo, at magiging imposible para sa kanila na magtulungan nang maayos habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Iyon ang dahilan kung bakit kinakailangan ng espirituwal na pag-uusap, at ng kakayahang magsalita nang mula sa puso sa pagbabahaginan ng katotohanan. Isa ito sa mga prinsipyong kailangang taglayin ng isang tao upang maging matapat na tao.
Kapag naririnig ng ibang tao na, para maging isang tapat na tao, kailangang magsabi ang isang tao ng totoo at magsalita mula sa puso, at kung magsisinungaling o manlilinlang siya ay kailangan niyang magtapat at ilantad ang sarili niya, sinasabi nila; “Mahirap maging tapat. Kailangan ko bang sabihin ang lahat ng iniisip ko sa iba? Hindi pa ba sapat na magbahagi ng mga positibong bagay? Hindi ko kailangang sabihin sa iba ang aking madilim o tiwaling bahagi, hindi ba?” Kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili sa iba, at hindi sinusuri ang iyong sarili, sa gayon hindi mo kailanman makikilala ang iyong sarili. Hindi mo kailanman makikilala kung anong uri ka ng bagay, at hindi magagawa kailanman ng ibang tao na magtiwala sa iyo. Ito ay isang katunayan. Kung gusto mo na magtiwala sa iyo ang iba, dapat munang ikaw ay maging tapat. Upang maging isang tapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong tunay na mukha. Kailangan ay hindi mo subukang magpanggap, o pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang iba sa iyo at ituturing kang isang matapat na tao. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at isang pang-unang kailangan sa pagiging isang matapat na tao. Kung palagi kang nagpapanggap, palaging nagkukunwaring banal, marangal, dakila, at mataas ang pagkatao; kung hindi mo hinahayaang makita ng mga tao ang iyong katiwalian at iyong mga kapintasan; kung inihaharap mo ang isang huwad na imahe sa mga tao upang maniwala sila na ikaw ay may integridad, na ikaw ay dakila, mapagsakripisyo sa sarili, makatarungan, at di-makasarili, hindi ba’t panlilinlang at kabulaanan ito? Hindi ba makikita ng mga tao ang tunay mong pagkatao, pagtagal-tagal? Kaya, huwag kang magpanggap o magtakip sa iyong sarili. Sa halip, ilantad ang sarili mo at ang puso mo para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang puso mo para makita ng iba, at mailalantad mo ang lahat ng iniisip mo at mga balak—kapwa positibo at negatibo—hindi ba’t katapatan iyon? Kung nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, kung gayon makikita ka rin ng Diyos. Sasabihin Niya: “Kung nailantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, tiyak na tapat ka sa harapan Ko.” Ngunit kung inilalantad mo lamang ang sarili mo sa Diyos kapag hindi nakikita ng ibang tao, at palaging nagpapanggap na dakila at marangal o di-makasarili kapag kasama sila, ano ang iisipin sa iyo ng Diyos? Ano ang sasabihin Niya? Sasabihin Niya: “Isa kang napakamapanlinlang na tao. Ikaw ay napakamapagpaimbabaw at kasuklam-suklam, at hindi ka isang matapat na tao.” Sa gayon ay kokondenahin ka ng Diyos. Kung nais mo na maging isang matapat na tao, nasa harapan ka man ng Diyos o ng ibang tao, dapat magawa mong magbigay ng isang dalisay at tapat na salaysay tungkol sa panloob mong kalagayan at mga salita sa puso mo. Madali ba itong makamtan? Nangangailangan ito ng panahon ng pagsasanay, pati na ng madalas na pagdarasal sa Diyos at pag-asa sa Diyos. Kailangan mong sanayin ang iyong sarili na sabihin nang simple at hayagan ang mga salitang nasa iyong puso tungkol sa lahat ng bagay. Sa ganitong uri ng pagsasanay, magagawa mong umunlad. Kung makaranas ka ng matinding paghihirap, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan; kailangan mong makipaglaban sa puso mo at madaig ang laman, hanggang sa maisagawa mo na ang katotohanan. Sa pagsasanay sa sarili mo nang ganito, paunti-unti, magbubukas nang dahan-dahan ang puso mo. Lalo ka pang magiging dalisay, at iba na ang magiging epekto ng mga salita at kilos mo sa dati. Mababawasan nang mababawasan ang iyong mga kasinungalingan at pandaraya, at magagawa mong mamuhay sa harap ng Diyos. Sa gayon, sa totoo, ay magiging matapat na tao ka na.
Matapos magawang tiwali ni Satanas, ang buong sangkatauhan ay namumuhay sa isang satanikong disposisyon. Tulad ni Satanas, nagpapanggap at nagkukunwari ang mga tao sa bawat aspeto, at gumagamit sila ng panlilinlang at pandaraya sa lahat ng bagay. Wala silang hindi ginagamitan ng panlilinlang at pandaraya. Gumagamit pa nga ang ilang tao ng mga mapanlinlang na pandaraya sa mga gawaing kasing karaniwan ng pamimili. Halimbawa, maaaring bumili sila ng usong-usong kasuotan, ngunit—kahit na gustong-gustong nila ito—hindi sila nangangahas na isuot ito sa iglesia, sa takot na pag-uusapan sila ng mga kapatid at tatawaging mababaw. Kaya, isinusuot na lang nila ito kapag hindi nakikita ng iba. Anong uri ng pag-uugali ito? Ito ang kahayagan ng isang mapanlinlang at tusong disposisyon. Bakit ba bibili ang isang tao ng nauusong kasuotan, subalit hindi naman maglalakas-loob na isuot ito sa harap ng kanyang mga kapatid? Sa kanyang puso, gusto niya ang mga nauusong bagay, at sumusunod siya sa mga kalakaran ng mundo gaya ng ginagawa ng mga hindi mananampalataya. Natatakot siya na makita ng mga kapatid ang tunay niyang pagkatao, makita kung gaano siya kababaw, makita na hindi siya kagalang-galang at marangal na tao. Sa kanyang puso, naghahangad siya ng mga nauusong bagay at nahihirapang isuko ang mga iyon, kaya maisusuot lang niya ang mga iyon sa bahay at natatakot siyang makita iyon ng mga kapatid. Kung hindi maaaring ipaalam sa iba ang mga bagay na gusto niya, bakit hindi niya iyon maisuko? Hindi ba’t mayroong satanikong disposisyong kumokontrol sa kanya? Palagi siyang nagbabanggit ng mga salita ng doktrina, at mukhang nauunawaan niya ang katotohanan, subalit hindi niya maisagawa ang katotohanan. Isa itong taong namumuhay sa isang satanikong disposisyon. Kung ang isang tao ay palaging nandaraya sa salita at sa gawa, kung hindi niya pinahihintulutang makita ng iba ang tunay niyang pagkatao, at kung palagi siyang nagpapanggap na isang banal na tao sa harap ng iba, ano ang kaibahan niya sa isang Pariseo? Gusto niyang mamuhay na parang isang bayaran, ngunit mapatayuan din ng isang bantayog para sa kanyang kalinisan. Alam na alam niyang hindi niya maisusuot sa labas ang kakaiba niyang kasuotan, kaya bakit niya binili iyon? Hindi ba’t pagsasayang ito ng pera? Gusto lang talaga niya ang ganoong uri ng bagay at desidido na ang puso niya sa kasuotang iyon, kaya pakiramdam niya ay kailangan niya itong bilhin. Ngunit sa sandaling mabili na niya ito, hindi niya ito maisuot sa labas. Pagkalipas ng ilang taon, pinagsisisihan niyang binili niya ito, at biglang napagtatantong: “Bakit naging napakahangal ko, napakakasuklam-suklam para gawin iyon?” Maging siya ay nasusuklam sa kanyang nagawa. Ngunit hindi niya kayang kontrolin ang kanyang mga kilos, dahil hindi niya magawang isuko ang mga bagay na ninanais at hinahangad niya. Kaya gumagamit siya ng mapagkunwaring mga taktika at pandaraya upang mapagbigyan ang kanyang sarili. Kung naghahayag siya ng isang mapanlinlang na disposisyon sa gayon kaliit na bagay, maisasagawa ba niya ang katotohanan pagdating sa mas malaking bagay? Magiging imposible iyon. Malinaw na, likas sa kanya ang maging mapanlinlang, at panlilinlang ang kanyang kahinaan. Mayroong isang anim o pitong taong gulang na bata, na minsang kumain ng masarap kasama ang kanyang pamilya. Nang tanungin ng ibang bata kung ano iyon, kumurap ang bata at sinabing, “Nakalimutan ko na,” gayong sa katunayan ay ayaw lang niyang sabihin sa mga ito. Nakalimutan kaya talaga niya ang kinain niya? May kakayahan na ang batang anim o pitong taong gulang na magsinungaling. Itinuro ba iyon ng matatanda sa kanya? Epekto ba iyon ng kapaligiran sa kanyang tahanan? Hindi—kalikasan ito ng tao, minana nito; ipinanganak ang tao na may mapanlinlang na disposisyon. Sa katunayan, anumang masarap ang kinain ng bata, normal itong gawin. Iniluto iyon para sa kanya ng kanyang mga magulang; hindi siya nagnakaw ng pagkain ng iba. Kung kayang magsinungaling ng batang ito sa gayong sitwasyon, gayong hindi naman talaga iyon kinakailangan, hindi ba’t mas malamang pa na magsisinungaling siya sa ibang mga usapin? Ano ang suliraning inilalarawan nito? Hindi ba’t isa itong problema sa kanyang kalikasan? Nasa hustong gulang na ang batang iyon ngayon, at naging likas na sa kanya ang pagsisinungaling. Isa na talaga siyang mapanlinlang na tao; makikita iyon sa kanya ng tao mula sa napakamurang edad. Hindi mapigilan ng mga mapanlinlang na tao na magsinungaling at mandaya ng iba, at lilitaw ang kanilang mga kasinungalingan at pandaraya sa anumang oras at lugar. Hindi nila kailangang matutuhan kung paano gawin ang mga bagay na ito, o maudyukan na gawin ang mga iyon—ipinanganak silang may kakayahang gawin iyon. Kung kaya ng batang iyon na mag-imbento ng mga kasinungalingan upang mandaya ng mga tao sa gayon kamurang edad, maari kaya talagang minsanang paglabag ang kanyang pagsisinungaling? Hindi talaga. Ipinakikita nito na siya, sa kalikasang diwa, ay isang mapanlinlang na tao. Hindi ba’t madaling makilatis ang gayon kasimpleng bagay? Kung ang isang tao ay nagsisinungaling na mula pa pagkabata, madalas na nagsisinungaling, nagsisinungaling at nandaraya pa ng mga tao tungkol sa mga simpleng bagay na hindi niya kinakailangang gawin, at kung naging likas na sa kanya ang pagsisinungaling, hindi magiging madali para sa kanyang magbago. Isa siyang tunay na mapanlinlang na tao. Bakit sinasabing hindi maliligtas ang mga mapanlinlang na tao? Dahil malayong tanggapin nila ang katotohanan, kaya imposible silang madalisay at mabago. Ang mga taong makatatanggap ng pagliligtas ng Diyos ay naiiba. Medyo wala silang muwang mula pa sa simula at kung magsisinungaling sila nang kaunti ay malamang na mamumula sila at mababalisa. Mas madali para sa isang taong tulad niyon na maging matapat na tao: Kung sasabihan mo silang magsinungaling o mandaya, mahihirapan sila. Kapag nagsisinungaling naman sila ay hindi nila mabigkas ang lahat ng salita, at mahahalata agad sila ng lahat. Medyo simple ang mga taong ito, at mas malamang na magtamo sila ng kaligtasan kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan. Ang ganitong uri ng tao ay nagsisinungaling lang sa mga natatanging sitwasyon, kapag sila ay nasusukol. Sa pangkalahatan, palagi nilang nagagawang magsabi ng totoo. Basta’t hinahangad nila ang katotohanan, maiwawaksi nila ang aspetong ito ng katiwalian sa loob ng ilang taon ng pagsisikap, at pagkatapos ay hindi na sila mahihirapang maging matapat na tao.
Ano ang pamantayan ng Diyos na Kanyang hinihingi sa matatapat na tao? Paano ibinigay ang mga hinihingi ng Diyos sa Tatlong Paalaala, sa kabanatang ito ng mga salita ng Diyos? (“Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga totoong impormasyon, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang magpalakas sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. … Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong kinasusuklamang isagawa ang katotohanan. Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaalis sa kadiliman” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos).) May isang napakahalagang pangungusap dito. Nakikita ba ninyo kung ano ito? (Sabi ng Diyos, “Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaalis sa kadiliman.”) Tama, iyon nga. Sabi ng Diyos, “Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi.” Marami nang nagawang bagay ang mga tao na hindi sila naglalakas-loob na sabihin, at masyado silang maraming masamang aspeto. Wala sa mga pang-araw-araw nilang kilos ang alinsunod sa salita ng Diyos, at hindi sila nagrerebelde sa laman. Ginagawa nila ang anumang naisin nila, at kahit pagkatapos sumampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, hindi sila nakapasok sa katotohanang realidad. “Kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaalis sa kadiliman.” Dito, itinuro na ng Diyos ang mga tao patungo sa isang landas ng pagsasagawa. Kung hindi ka nagsasagawa sa ganitong paraan, at humihiyaw ka lang ng mga sawikain at doktrina, hindi ka madaling tatanggap ng kaligtasan. Nakaugnay nga ito sa kaligtasan. Para sa bawat isang tao, napakahalaga ng maligtas. Binanggit ba ng Diyos ang “hindi madaling pagtatamo ng kaligtasan” sa iba pang bahagi? Sa ibang bahagi, bihira Niyang tukuyin kung gaano kahirap ang maligtas, ngunit sinasabi Niya ito kapag nagsasalita tungkol sa pagiging matapat. Kung hindi ka matapat na tao, kung gayon ay isa kang taong napakahirap iligtas. Ang “Hindi madaling pagtatamo ng kaligtasan” ay nangangahulugang kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, mahihirapan kang maligtas. Hindi ka magkakaroon ng kakayahang tahakin ang tamang landas tungo sa kaligtasan, kung kaya’t magiging imposible para sa iyo na maligtas. Ginagamit ng Diyos ang mga katagang ito upang mabigyan ang mga tao ng kaunting palugit. Ibig sabihin, hindi ka madaling iligtas, ngunit kung isasagawa mo ang mga salita ng Diyos, may pag-asa kang magtamo ng kaligtasan. Iyon ang katumbas na kahulugan niyon. Kung hindi ka nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at kailanman ay hindi mo sinusuri ang iyong mga lihim at iyong mga hamon, at hindi ka kailanman nagiging bukas sa pagbabahaginan sa iba, hindi ibinabahagi ni sinisiyasat ni nilalantad ang iyong katiwalian at matinding kapintasan sa kanila, ikaw ay hindi maliligtas. At bakit ganyan? Kung hindi mo inilalantad ang sarili mo o sinusuri ang iyong sarili sa ganitong paraan, hindi mo kapopootan ang sarili mong tiwaling disposisyon, kung kaya’t hindi kailanman magbabago ang iyong tiwaling disposisyon. At kung hindi mo kayang magbago, paano mo pa nagagawang isipin ang maligtas? Malinaw itong ipinakikita ng mga salita ng Diyos, at ipinakikita ng mga salitang ito ang kalooban ng Diyos. Bakit ba laging binibigyang-diin ng Diyos na dapat maging matapat ang mga tao? Dahil napakahalaga ng pagiging matapat—may direktang kaugnayan ito sa kung makapagpapasakop ang isang tao sa Diyos o hindi at kung makapagtatamo siya ng kaligtasan o hindi. Sinasabi ng ilang tao: “Mapagmataas ako at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at madalas akong magalit at maghayag ng katiwalian.” Sinasabi ng iba: “Masyado akong mababaw, at hambog, at gustong-gusto ko kapag binobola ako ng mga tao.” Ang lahat ng bagay na ito ay nakikita ng mga tao mula sa panlabas, at hindi malalaking problema ang mga ito. Hindi mo dapat ipagpatuloy ang pagsasalita tungkol sa mga iyon. Anuman ang iyong disposisyon o pagkatao, basta’t nagagawa mong maging matapat na tao gaya ng hinihingi ng Diyos, maaari kang maligtas. Kaya, ano sa palagay ninyo? Mahalaga bang maging matapat? Ito ang pinakamahalagang bagay, iyon ang dahilan kung bakit tinatalakay ng Diyos ang tungkol sa pagiging matapat sa kabanata ng Kanyang mga salitang, Tatlong Paalaala. Sa ibang mga kabanata, madalas Niyang banggitin na dapat magkaroon ang mga mananampalataya ng normal na espirituwal na buhay at wastong buhay-iglesia, at inilalarawan Niya kung paano nila dapat isabuhay ang isang normal na pagkatao. Ang Kanyang mga salita tungkol sa mga usaping ito ay panlahat; hindi masyadong partikular o masyadong detalyadong tinatalakay ang mga iyon. Gayunpaman, kapag nangungusap ang Diyos tungkol sa pagiging matapat, ipinaaalam Niya ang landas na dapat sundin ng mga tao. Sinasabi Niya sa mga tao kung paano dapat magsagawa, at nagsasalita Siya nang detalyado at malinaw. Sabi ng Diyos, “Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaalis sa kadiliman.” Ang pagiging matapat ay may kaugnayan sa pagtatamo ng kaligtasan. Kaya, ano sa palagay ninyo, bakit hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao? Binabanggit nito ang tungkol sa katotohanan ng pag-asal ng tao. Inililigtas ng Diyos ang matatapat na tao, at ang mga gusto Niya para sa Kanyang kaharian ay matatapat na tao. Kung may kakayahan kang magsinungaling at mandaya, isa kang mapanlinlang, buktot, at mapaminsalang tao; hindi ka matapat na tao. Kung hindi ka matapat na tao, imposibleng iligtas ka ng Diyos, imposible ka ring maligtas. Sinasabi mong napakabanal mo na ngayon, na hindi ka mapagmataas o nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, na nagagawa mong magbayad ng halaga kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, o na kaya mong magpalaganap ng ebanghelyo at makapagpabalik-loob ng maraming tao. Ngunit hindi ka matapat, mapanlinlang ka pa rin, at hindi ka talaga nagbago, kaya maliligtas ka ba? Talagang hindi. Kung kaya’t ipinaaalala ng mga salitang ito ng Diyos sa lahat na, upang maligtas, kailangan muna nilang maging matapat alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Kailangan nilang magtapat, ilantad ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang mga hangarin at lihim, at hanapin ang daan ng liwanag. Ano ang ibig sabihin ng “paghahanap sa daan ng liwanag”? Ibig sabihin nito ay pahahanap sa katotohanan upang malutas ang iyong tiwaling disposisyon. Kapag inilantad mo ang iyong katiwalian, ang mga layunin at hangarin na nasa likod ng iyong mga kilos, sinusuri mo rin ang iyong sarili, pagkatapos niyon ay hinahanap mo: “Bakit ko ginawa ang bagay na iyon? Mayroon ba ritong batayan ng mga salita ng Diyos? Naaayon ba ito sa katotohanan? Sa paggawa nito, sinasadya ko bang gumawa ng masama? Nililinlang ko ba ang Diyos? Kung nililinlang ko ang Diyos, hindi ko ito dapat gawin; dapat kong tingnan kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung ano ang sinasabi ng Diyos, at alamin kung anu-ano ang mga katotohanang prinsipyo.” Ito ang kahulugan ng paghahanap sa katotohanan; ito ang kahulugan ng paglalakad sa liwanag. Kapag nagagawa ng mga taong isagawa ito nang regular, tunay silang nakapagbabago, at sa gayon ay nakapagtatamo sila ng kaligtasan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.