Pinatototohanan mo na ang Diyos ng mga huling araw ay nagkatawang-tao bilang isang babae. Hindi namin matatanggap iyon. Nakasulat sa Biblia na tinawag ni Jesus ang Diyos sa langit na Ama, at ang Diyos sa langit ay tinawag si Jesus bilang minamahal na Anak. Hindi ba’t lalaki ang mga ama at anak na lalaki? Sinasabi rin ng Biblia na “ang pangulo ng babae ay ang lalake” (1 Corinto 11:3). Samakatuwid ang mga kababaihan ay walang awtoridad, kaya bakit mo nasasabi na ang Diyos ng mga huling araw ay nagkatawang-tao bilang isang babae?

Enero 21, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Bawat yugto ng gawaing ginawa ng Diyos ay may sariling praktikal na kabuluhan. Noon, nang pumarito si Jesus, dumating Siya sa anyong lalaki, at nang dumating ang Diyos sa pagkakataong ito, ang anyo Niya ay babae. Mula rito, makikita mo na ang paglikha ng Diyos sa kapwa lalaki at babae ay makapaglilingkod sa Kanyang gawain, at para sa Kanya ay walang pagkakaiba ng kasarian. Kapag dumarating ang Kanyang Espiritu, maaari Siyang magbihis ng anumang katawang-taong gusto Niya, at maaari Siyang katawanin ng katawang-taong iyon; lalaki man o babae, maaari nitong katawanin ang Diyos basta’t ito ang Kanyang nagkatawang-taong laman. Kung nagpakita si Jesus bilang isang babae nang Siya ay dumating, sa madaling salita, kung isang sanggol na babae, at hindi isang sanggol na lalaki, ang ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa kabila niyon ay makukumpleto pa rin ang yugtong iyon ng gawain. Kung nagkagayon, kakailanganin na lalaki, sa halip, ang gumawa ng kasalukuyang yugto ng gawain, ngunit makukumpleto pa rin ang gawain sa kabila niyon. Ang gawaing ginawa sa bawat yugto ay mayroong sarili nitong kabuluhan; hindi inuulit ng alinmang yugto ng gawain ang ibang yugto, at hindi rin magkasalungat sa isa’t isa ang mga ito. Sa panahong iyon, si Jesus, sa paggawa ng Kanyang gawain, ay tinawag na bugtong na Anak, at ang “Anak” ay nagpapahiwatig ng kasariang lalaki. Bakit hindi binanggit ang bugtong na Anak sa kasalukuyang yugtong ito? Dahil ang mga kinakailangan ng gawain ay nangailangan ng pagbabago ng kasarian na naiiba kay Jesus. Para sa Diyos walang pagkakaiba ang kasarian. Ginagawa Niya ang Kanyang gawain ayon sa Kanyang kagustuhan, at sa paggawa ng Kanyang gawain ay hindi Siya sumasailalim sa anumang mga paglilimita, kundi malayang-malaya. Subalit bawat yugto ng gawain ay may sariling praktikal na kabuluhan. Dalawang beses na naging tao ang Diyos, at maliwanag na ang Kanyang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang huling pagkakataon. Naparito Siya upang ibunyag ang lahat ng Kanyang gawa. Kung hindi Siya naging tao sa yugtong ito at personal na gumawa para masaksihan ng tao, kakapit ang tao magpakailanman sa kuru-kuro na ang Diyos ay lalaki lamang, hindi babae. Bago ito, naniwala ang buong sangkatauhan na maaari lamang maging lalaki ang Diyos at hindi maaaring tawaging Diyos ang isang babae, sapagkat itinuring ng buong sangkatauhan na may awtoridad ang mga lalaki sa mga babae. Naniwala sila na walang babaeng maaaring magkaroon ng awtoridad, mga lalaki lamang. Bukod pa rito, sinabi pa nila na ang lalaki ang ulo ng babae at na kailangang sundin ng babae ang lalaki at hindi niya maaaring higitan ito. Noong araw, nang sabihin na ang lalaki ang ulo ng babae, patungkol ito kina Adan at Eba, na nalinlang ng ahas—hindi sa lalaki at babae ayon sa pagkalikha sa kanila ni Jehova sa simula. Siyempre pa, kailangang sundin at mahalin ng isang babae ang kanyang asawa, at kailangang matutuhan ng asawang lalaki na pakainin at suportahan ang kanyang pamilya. Ito ang mga kautusan at estatuto na itinakda ni Jehova na kailangang sundin ng sangkatauhan sa kanilang buhay sa lupa. Sinabi ni Jehova sa babae, “Ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo.” Sinabi lamang Niya iyon upang ang sangkatauhan (ibig sabihin, kapwa ang lalaki at ang babae) ay mabuhay nang normal sa ilalim ng kapamahalaan ni Jehova, at upang ang buhay ng sangkatauhan ay magkaroon ng isang kaayusan, at hindi mawala sa tama nitong pagkakaayos. Samakatwid, gumawa si Jehova ng angkop na mga panuntunan tungkol sa nararapat na pagkilos ng lalaki at babae, bagama’t patungkol lamang ito sa lahat ng nilikhang nabubuhay sa lupa, at walang kaugnayan sa nagkatawang-taong laman ng Diyos. Paano magiging kapareho ng Kanyang mga nilikha ang Diyos? Ang Kanyang mga salita ay patungkol lamang sa sangkatauhan na Kanyang nilikha; para mabuhay nang normal ang sangkatauhan, itinakda Niya ang mga panuntunan para sa lalaki at babae. Sa simula, nang likhain ni Jehova ang sangkatauhan, gumawa Siya ng dalawang klase ng tao, kapwa lalaki at babae; kaya naman mayroong pagkakaiba ng lalaki at babae sa Kanyang mga nagkatawang-taong laman. Hindi Niya itinakda ang Kanyang gawain batay sa mga salitang sinabi Niya kina Adan at Eba. Ang dalawang beses na naging tao Siya ay naitakda nang lubusan ayon sa Kanyang iniisip noong una Niyang likhain ang sangkatauhan; ibig sabihin, nakumpleto Niya ang gawain ng Kanyang dalawang pagkakatawang-tao batay sa lalaki at babae bago sila nagawang tiwali. Kung nagbatay ang sangkatauhan sa mga salitang sinambit ni Jehova kina Adan at Eba na nalinlang ng ahas, at inangkop ang mga ito sa gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi ba dapat ding mahalin ni Jesus ang Kanyang asawa tulad ng nararapat Niyang gawin? Sa ganitong paraan, magiging Diyos pa rin ba ang Diyos? At dahil dito, makakaya pa rin kaya Niyang kumpletuhin ang Kanyang gawain? Kung mali na maging babae ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, hindi kaya isang napakalaking kamalian din na nilikha ng Diyos ang babae? Kung naniniwala pa rin ang mga tao na maling magkatawang-tao ang Diyos bilang babae, hindi kaya si Jesus, na hindi nag-asawa o nagmahal sa Kanyang asawa, ay nasa mali rin na tulad ng kasalukuyang pagkakatawang-tao? Yamang ginagamit mo ang mga salitang sinambit ni Jehova kay Eba upang sukatin ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa kasalukuyang araw, kailangan mong gamitin ang mga salita ni Jehova kay Adan upang husgahan ang Panginoong Jesus na naging tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Hindi ba magkapareho ang mga ito? Yamang sinusukat mo ang Panginoong Jesus ayon sa lalaking hindi nalinlang ng ahas, hindi mo maaaring husgahan ang katunayan ng pagkakatawang-tao ngayon ayon sa babaeng nalinlang ng ahas. Hindi magiging patas ito! Ang pagsukat sa Diyos sa ganitong paraan ay nagpapatunay na wala kang katwiran. Nang maging tao si Jehova nang dalawang beses, ang kasarian ng Kanyang katawang-tao ay may kaugnayan sa lalaki at sa babaeng hindi nalinlang ng ahas; alinsunod ito sa lalaki at babaeng hindi nalinlang ng ahas na dalawang beses Siyang naging tao. Huwag isipin na ang pagkalalaki ni Jesus ay kapareho ng kay Adan, na nalinlang ng ahas. Ganap na walang kaugnayan ang dalawa, sila ay mga lalaki na may dalawang magkaibang kalikasan. Tiyak namang hindi maaaring ang pagkalalaki ni Jesus ay nagpapatunay na Siya ang ulo ng lahat ng babae ngunit hindi ng lahat ng lalaki, hindi ba? Hindi ba Siya ang Hari ng lahat ng Hudyo (kasama na kapwa ang mga lalaki at mga babae)? Siya ang Diyos Mismo, hindi lamang ang ulo ng babae kundi ang ulo rin ng lalaki. Siya ang Panginoon ng lahat ng nilikha at ang ulo ng lahat ng nilikha. Paano mo nagawang tukuyin ang pagkalalaki ni Jesus bilang ang sagisag ng ulo ng babae? Hindi ba ito kalapastanganan? Si Jesus ay isang lalaking hindi nagawang tiwali. Siya ang Diyos; Siya ang Cristo; Siya ang Panginoon. Paano Siya magiging isang lalaki na tulad ni Adan na nagawang tiwali? Si Jesus ang katawang-taong ibinihis ng pinakabanal na Espiritu ng Diyos. Paano mo masasabi na Siya ay isang Diyos na nagtataglay ng pagkalalaki ni Adan? Kung magkagayon, hindi ba’t mali ang buong gawain ng Diyos? Isinama kaya ni Jehova sa loob ni Jesus ang pagkalalaki ni Adan na nalinlang ng ahas? Hindi ba ang pagkakatawang-tao ng kasalukuyang panahon ay isa pang kaganapan ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, na iba ang kasarian kay Jesus ngunit katulad Niya sa kalikasan? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na hindi maaaring maging babae ang Diyos na nagkatawang-tao, dahil babae ang unang nalinlang ng ahas? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na, dahil ang babae ang pinakamarumi at ang pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan, hindi posibleng maging tao ang Diyos bilang isang babae? Nangangahas ka bang magpumilit sa pagsasabi na “ang babae ay dapat palaging sumunod sa lalaki at hindi maaaring magpamalas o direktang kumatawan sa Diyos kailanman”?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kinokompleto ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Kung ang Diyos ay pumarito sa katawang-tao bilang isang lalaki lamang, ituturing Siya ng mga tao bilang isang lalaki, bilang Diyos ng mga kalalakihan, at hindi Siya kailanman paniniwalaan bilang Diyos ng mga kababaihan. Kung gayon, paniniwalaan ng mga kalalakihan na ang kasarian ng Diyos ay katulad ng kanilang kasarian, na ang Diyos ay ang pinuno ng mga kalalakihan—subalit paano naman ang mga kababaihan? Ito ay hindi makatarungan; hindi ba ito pagtratong may pagtatangi? Kung gayon, lahat silang ililigtas ng Diyos ay mga lalaki na kagaya Niya, at wala ni isang babae ang maliligtas. Noong nilalang ng Diyos ang sangkatauhan, nilikha Niya si Adan at nilikha Niya si Eba. Hindi lamang Niya nilikha si Adan, kundi kapwa ginawa ang lalaki at babae sa Kanyang wangis. Ang Diyos ay hindi lamang Diyos ng mga kalalakihan—Siya ay Diyos din ng mga kababaihan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)

Kung nagawa lamang ang gawain ni Jesus, at hindi kinompleto ng gawain sa yugtong ito ng mga huling araw, kakapit magpakailanman ang tao sa kuru-kuro na si Jesus lamang ang bugtong na Anak ng Diyos, ibig sabihin, na iisa lamang ang anak ng Diyos, at na sinumang kasunod Niya na iba ang pangalan ay hindi magiging bugtong na Anak ng Diyos, lalo nang hindi ang Diyos Mismo. May kuru-kuro ang tao na sinumang nagsisilbi bilang handog para sa kasalanan o humahawak ng kapangyarihan sa ngalan ng Diyos at tumutubos sa buong sangkatauhan, ay ang bugtong na Anak ng Diyos. May ilang naniniwala na basta’t lalaki Yaong dumarating, maaari Siyang ituring na bugtong na Anak ng Diyos at kinatawan ng Diyos. May mga nagsasabi pa nga na si Jesus ang Anak ni Jehova, ang Kanyang bugtong na Anak. Hindi ba’t napakalulubhang kuru-kuro ng tao ang mga ito? Kung hindi pumarito ang Diyos para gawin ang yugtong ito ng gawain sa huling kapanahunan, ang buong sangkatauhan ay malalambungan ng madilim na anino pagdating sa Diyos. Kung nagkagayon, iisipin ng lalaki na mas mataas siya kaysa sa babae, at hindi makapagtataas-noo ang mga babae kailanman, at pagkatapos ay wala ni isang babaeng maliligtas. Palaging naniniwala ang mga tao na lalaki ang Diyos, at bukod pa riyan ay lagi Niyang kinasusuklaman ang babae at hindi siya pinagkakalooban ng kaligtasan. Kung nagkagayon, hindi ba magiging totoo na lahat ng babae, na nilikha ni Jehova at nagawa ring tiwali, ay hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataong maligtas? Kung gayon ay hindi ba mawawalan ng kabuluhan na nilikha ni Jehova ang babae, ibig sabihin, na nilikha si Eba? At hindi ba’t masasawi ang babae magpasawalang-hanggan? Dahil dito, isinasakatuparan ang yugto ng gawain sa mga huling araw upang mailigtas ang buong sangkatauhan, hindi lamang ang babae. Kung iisipin ninuman na ang pagkakatawang-tao ng Diyos bilang babae ay para lamang sa kapakanan ng pagliligtas ng babae, kung gayon ay lalong hangal ang taong iyon!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kinokompleto ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Kami ni Jesus ay nagmumula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming katawang-tao, iisa ang Aming Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng Aming ginagawa at ang gawaing Aming inaako ay hindi magkapareho, ang Aming diwa ay iisa; ang Aming katawang-tao ay magkaiba ang anyo, ngunit dahil ito sa pagbabago sa kapanahunan at sa magkakaibang mga kinakailangan ng Aming gawain; hindi magkapareho ang Aming ministeryo, kaya magkaiba rin ang gawaing hatid Namin at ang disposisyong ibinubunyag Namin sa tao. Kaya nga ang nakikita at nauunawaan ng tao sa araw na ito ay hindi katulad noong araw, na dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Kahit na magkaiba Sila sa kasarian at sa anyo ng Kanilang katawang-tao, at hindi Sila isinilang sa iisang pamilya, at lalo nang hindi sa iisang panahon, magkagayunman ay iisa ang Kanilang Espiritu. Kahit na ang Kanilang mga katawang-tao ay hindi magkapareho ang dugo ni ang anumang uri ng pisikal na pagiging magkamag-anak, hindi maikakaila na Sila ay mga nagkatawang-taong laman ng Diyos sa dalawang magkaibang panahon. Hindi mapabubulaanan ang katunayan na Sila ang mga nagkatawang-taong laman ng Diyos. Subalit, hindi Sila magkadugo at magkaiba ang Kanilang wika. (Ang isa ay lalaki na nagsasalita ng wika ng mga Hudyo at ang isa naman ay babae na nagsasalita lamang ng Tsino.) Ito ang mga dahilan kaya Sila namuhay sa magkaibang bansa upang gawin ang gawaing kinakailangang gawin ng bawat isa, at sa magkaibang panahon din. Sa kabila ng katunayan na Sila ay may iisang Espiritu—na ibig sabihin, may magkaparehong diwa—walang ganap na mga pagkakatulad sa pagitan ng mga panlabas na anyo ng Kanilang katawang-tao. Magkatulad lamang Sila sa pagkatao, ngunit pagdating sa panlabas na hitsura ng Kanilang mga katawang-tao at ng sitwasyon ng Kanilang kapanganakan, hindi Sila magkatulad. Walang epekto ang mga bagay na ito sa kanya-kanyang gawain Nila o sa pagkakilala ng tao tungkol sa Kanila, sapagkat, sa huli, may iisa Silang Espiritu at walang makapaghihiwalay sa Kanila. Bagama’t hindi Sila magkadugo, ang Kanilang buong katauhan ay nasa pamamahala ng Kanilang Espiritu, na nagbibigay-kakayahan sa Kanila na magpasan ng magkaibang gawain sa magkaibang panahon, at ang Kanilang mga katawang-tao ay sa magkaibang mga angkan. Halimbawa, ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi ang anak ng Espiritu ni Jehova: Sila ay iisang Espiritu. Gayundin, ang Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon at si Jesus ay hindi magkadugo, pero iisa Sila—ito ay dahil iisa ang Kanilang Espiritu. Magagawa ng Diyos ang gawain ng awa at mapagmahal na kabaitan, gayundin ang matuwid na paghatol at pagkastigo sa tao, at ang gawain ng pagsumpa sa tao; at sa huli, magagawa Niya ang gawain ng pagwasak sa mundo at pagpaparusa sa masama. Hindi ba ginagawa Niya Mismo ang lahat ng ito? Hindi ba’t ito ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kinokompleto ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Ang Diyos ay hindi lamang ang Banal na Espiritu, ang Espiritu, ang pitong beses na pinatinding Espiritu, o ang Espiritung sumasaklaw sa lahat, kundi isang tao rin—isang ordinaryong tao, isang lubhang karaniwang tao. Hindi lamang Siya lalaki, kundi babae rin. Magkatulad Sila sa aspektong kapwa Sila isinilang sa mga tao, at magkaiba Sila sa aspektong ipinaglihi ang isa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ang isa naman ay isinilang sa isang tao, bagama’t direktang nagmula sa Espiritu. Magkatulad Sila dahil pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao na umako sa gawain ng Diyos Ama, at magkaiba dahil ginawa ng isa ang gawain ng pagtubos samantalang ang isa naman ay gumagawa ng gawain ng paglupig. Parehong kumakatawan sa Diyos Ama, ngunit ang isa ay ang Manunubos, na puno ng mapagmahal na kabaitan at awa, at ang isa naman ay ang Diyos ng katuwiran, na puno ng poot at paghatol. Ang isa ay ang Kataas-taasang Pinuno na naglunsad ng gawain ng pagtubos, samantalang ang isa naman ay ang matuwid na Diyos na nagsasakatuparan ng gawain ng paglupig. Ang isa ay ang Simula, at ang isa naman ay ang Wakas. Ang isa ay walang-kasalanang katawang-tao, samantalang ang isa naman ay katawang-tao na tumatapos sa pagtubos, nagpapatuloy ng gawain, at di-nagkakasala kailanman. Pareho Silang iisang Espiritu, ngunit nananahan Sila sa magkaibang katawang-tao at isinilang sa magkaibang lugar, at magkahiwalay Sila nang ilang libong taon. Gayunman, lahat ng Kanilang gawain ay nagpupuno sa isa’t isa, hindi kailanman nagkakasalungat, at maaaring banggitin nang sabay. Pareho Silang tao, ngunit ang isa ay isang sanggol na lalaki at ang isa naman ay isang sanggol na babae. Sa loob ng maraming taon na ito, ang nakita ng mga tao ay hindi lamang ang Espiritu at hindi lamang isang tao, isang lalaki, kundi maraming bagay pa na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao; sa gayon, hindi Ako kailanman lubos na naaarok ng mga tao, at patuloy silang kalahating naniniwala at kalahating nagdududa sa Akin—na para bang umiiral nga Ako, subalit isa rin Akong di-makatotohanang panaginip—kaya nga, hanggang sa araw na ito, hindi pa rin alam ng mga tao kung ano ang Diyos. Talaga bang maibubuod mo Ako sa isang simpleng pangungusap? Talaga bang nangangahas kang sabihing, “Si Jesus ay walang iba kundi ang Diyos, at ang Diyos ay walang iba kundi si Jesus”? Napakatapang mo ba talaga para sabihing, “Ang Diyos ay walang iba kundi ang Espiritu, at ang Espiritu ay walang iba kundi ang Diyos”? Nangangahas ka bang sabihing, “Ang Diyos ay isang tao lamang na dinamitan ng laman”? May tapang ka ba talagang igiit, “Ang wangis ni Jesus ay ang dakilang wangis ng Diyos”? Nagagawa mo bang gamitin ang iyong kahusayan sa panitikan para ipaliwanag nang lubusan ang disposisyon at wangis ng Diyos? Nangangahas ka ba talagang sabihing, “Mga lalaki lamang ang nilikha ng Diyos, hindi mga babae, ayon sa Kanyang sariling wangis”? Kung sasabihin mo ito, walang babaeng mapapabilang sa Aking mga pinili, lalo nang hindi magiging isang klase ng sangkatauhan ang mga babae. Ngayon talaga bang alam mo kung ano ang Diyos? Tao ba ang Diyos? Espiritu ba ang Diyos? Lalaki ba talaga ang Diyos? Si Jesus lamang ba ang kayang kumompleto sa gawaing gagawin Ko? Kung isa lamang sa mga nabanggit ang pipiliin mo para ibuod ang Aking diwa, isa kang debotong mananampalataya na labis na mangmang. Kung minsan Ko lang ginawa ang gawain ng pagkakatawang-tao, lilimitahan ba ninyo Ako? Mauunawaan mo ba talaga Ako nang lubusan sa isang sulyap lamang? Maibubuod mo ba talaga Ako nang ganap batay sa kung ano ang nakaharap mo sa buong buhay mo? Kung pareho ang gawaing ginawa Ko sa Aking dalawang pagkakatawang-tao, ano ang magiging tingin ninyo sa Akin? Hahayaan ba ninyong manatili Akong nakapako sa krus magpakailanman? Maaari bang ang Diyos ay maging kasingsimple ng sinasabi mo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkakilala Mo sa Diyos?

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply