Hinihikayat namin ang mga naghahanap ng katotohanan na kontakin kami.

Ang tunay na Diyos ba ang lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay na naroon?

1

1. Ang tunay na Diyos ba ang lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay na naroon?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako'y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa” (Juan 14:8-10).

Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang Diyos ang Siyang namamahala sa lahat ng mga bagay, at ang nangangasiwa sa lahat ng mga bagay. Nilikha Niya ang lahat ng mayroon, pinangangasiwaan Niya ang lahat ng mayroon, at pinamamahalaan din Niya ang lahat ng mayroon at nagkakaloob sa lahat ng mayroon. Ito ang kalagayan ng Diyos, at ang pagkakakilanlan ng Diyos. Para sa lahat ng mga bagay at sa lahat ng mayroon, ang tunay na pagkakakilanlan sa Diyos ay ang Lumikha, at ang Namumuno sa lahat ng mga bagay. Ang gayon ay ang pagkakakilanlan na taglay ng Diyos, at Siya ay natatangi sa gitna ng lahat ng mga bagay. Wala sa mga nilikha ng Diyos—maging sila man ay sa gitna ng sangkatauhan, o sa espirituwal na mundo—ay maaaring gumamit ng anumang mga pamamaraan o dahilan upang magpanggap o palitan ang pagkakakilanlan at kalagayan ng Diyos, sapagkat mayroon lamang isa sa gitna ng lahat ng mga bagay na taglay ang pagkakilanlang ito, kapangyarihan, awtoridad, at ang kakayahang mamahala sa lahat ng mga bagay: ang ating natatanging Diyos Mismo.

mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X” sa Pagpapatuloy ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

May isang Diyos lamang, isang persona lamang sa Diyos na ito, at isang Espiritu ng Diyos lamang, yamang ito ay nakasulat sa Biblia na “Mayroon lamang isang Banal na Espiritu at isa lamang ang Diyos.” ... Ang Diyos ay Espiritu, ngunit may kakayahan Siyang maging tao at mamuhay na kabilang sa mga tao, gayundin ay mangibabaw sa lahat ng mga bagay. Ang kanyang Espiritu ay sumasalahat at nasa lahat ng dako. Kaya Niyang mapunta sa laman nang sabay-sabay sa lahat ng dako ng mundo. Yamang ang lahat ng tao ay nagsasabing ang Diyos ay ang isa lamang tunay na Diyos, kung gayon ay mayroon nag-iisang Diyos lamang, na hindi kayang basta-basta na lamang baha-bahagiin ninuman! Ang Diyos ay isang Espiritu lamang, at isang persona lamang; at iyon ay ang Espiritu ng Diyos.

mula sa “Umiiral ba ang Trinidad?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kung sinuman sa gitna ninyo ang nagsasabi na talagang umiiral ang Trinidad, kung gayon ay ipaliwanag kung ano ba talaga itong isang Diyos sa tatlong persona. Ano ang Banal na Ama? Ano ang Anak? Ano ang Banal na Espiritu? Si Jehovah ba ang Banal na Ama? Si Jesus ba ang Anak? Kung gayon ano ang sa Banal na Espiritu? Hindi ba ang Ama ay isang Espiritu? Hindi ba ang sangkap ng Anak ay isa ring Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jesus ay gawain ng Banal na Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jehovah sa panahong iyon ay ipinatupad ng Espiritu kagaya ng kay Jesus? Ilang Espiritu ba ang maaaring taglayin ng Diyos? Ayon sa iyong paliwanag, ang tatlong persona ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu ay iisa; kung gayon, mayroong tatlong mga Espiritu, ngunit ang pagkakaroon ng tatlong mga Espiritu ay nangangahulugan na mayroong tatlong Diyos. Ito ay nangangahulugan na walang isang tunay na Diyos; papaanong ang ganitong uri ng Diyos ay nagtataglay pa rin ng likas na sangkap ng Diyos? Kung tinatanggap mo na may isang Diyos lamang, kung gayon ay paano Siya magkaroon ng isang anak at maging isang ama? Hindi ba’t mga paniwala mo lamang ang lahat ng mga ito? ... Kung ito ay kagaya ng iyong sinasabi, ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu, kung gayon hindi ba Sila tatlong mga Diyos? Ang Banal na Espiritu ay isang paksa, ang Anak ay iba pa, at ang Ama ay isa pa rin. Sila’y magkakaibang mga persona na may magkakaibang mga sangkap, kung gayon paanong ang bawat isa sa Kanila ay magiging bahagi ng nag-iisang Diyos? Ang Banal na Espiritu ay isang Espiritu; ito ay madali lamang maintindihan ng tao. Samakatwid, kung gayon ang Ama ay lalong higit pa na isang Espiritu. Hindi Siya kailanman bumaba sa lupa at hindi kailanman naging tao; Siya ang Diyos na si Jehovah sa puso ng tao, at tiyak na Siya ay isa ring Espiritu. Kung gayon ano ang relasyon sa pagitan Niya at ng Banal na Espiritu? Ito ba ang relasyon sa pagitan ng Ama at ng Anak? O ito ba ang relasyon sa pagitan ng Banal na Espiritu at ng Espiritu ng Ama? Ang sangkap ba ng bawat Espiritu ay magkapareho? O ang Banal na Espiritu ay isang kasangkapan ng Ama? Paano ito maipapaliwanag? At kung gayon ano ang relasyon sa pagitan ng Anak at ng Banal na Espiritu? Ito ba ay relasyon sa pagitan ng dalawang Espiritu o relasyon sa pagitan ng isang Espiritu at ng isang tao? Ito ang mga bagay na hindi magkakaroon ng paliwanag! Kung Silang lahat ay isang Espiritu, kung gayon ay hindi magkakaroon ng pag-uusap sa tatlong persona, sapagkat taglay Nila ang iisang Espiritu. Kung magkakaiba Silang mga persona, kung gayon ang Kanilang mga Espiritu ay magkakaiba ng lakas, at tunay na hindi Sila maaaring maging isang Espiritu. Ang konseptong ito ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu ay masyadong katawa-tawa! Pinagpira-piraso nito ang Diyos at pinagbaha-bahagi sa tatlong persona, bawat isa ay may kalagayan at Espiritu; paano kung gayon na Siya ay isang Diyos at isang Espiritu pa rin? Sabihin ninyo sa Akin, ang langit at lupa, at ang lahat ng mga bagay na nakapaloob dito ay nilikha ba ng Ama, ng Anak, o ng Banal na Espiritu? Sinasabi ng ilan na nilikha Nila ito nang magkakasama. Kung gayon sino ang tumubos sa sangkatauhan? Ito ba ang Banal na Espiritu, ang Anak, o ang Ama? Sinasabi ng ilan na ang Anak ang tumubos sa sangkatauhan. Kung gayon ay sino ang Anak sa kaanyuan? Hindi ba Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos? Tinatawag ng nagkatawang-tao ang Diyos sa langit sa pangalang Ama mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Hindi mo ba alam na si Jesus ay ipinanganak mula sa paglilihi ng Banal na Espiritu? Sa loob Niya ay ang Banal na Espiritu; anuman ang iyong sabihin, Siya ay kaisa ng Diyos sa langit, sapagkat Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos. Ang ideyang ito tungkol sa Anak ay tunay na hindi totoo. Ito ay ang isang Espiritu na ipinatutupad ang lahat ng gawain; tanging ang Diyos Mismo, iyon ay, ang Espiritu ng Diyos ang nagpapatupad ng Kanyang gawain. Sino ang Espiritu ng Diyos? Hindi ba ito ang Banal na Espiritu? Hindi ba ang Banal na Espiritu ang gumagawa kay Jesus? Kung ang gawain ay hindi tinupad ng Banal na Espiritu (iyon ay, ang Espiritu ng Diyos), kung gayon maaari bang ang Kanyang gawain ay kumatawan sa Diyos Mismo? Nang tinawag ni Jesus sa pangalang Ama ang Diyos sa langit habang Siya ay nananalangin, ito ay ginawa mula sa pananaw ng isang taong nilikha, ito ay dahil lamang sa dinamitan ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang Sarili bilang isang karaniwan at normal na tao at nagkaroon ng panlabas na panakip ng isang nilikhang pagkatao. Kahit na ang nasa loob Niya ay ang Espiritu ng Diyos, ang Kanyang panlabas na anyo ay nanatili pa ring sa karaniwang tao; sa ibang salita, Siya ay naging “Anak ng tao” na kung saan ang lahat ng tao, kabilang si Jesus Mismo, ay nagsabi. Sabihin mang Siya ay tinawag na Anak ng tao, Siya ay tao (maging lalaki man o babae, gayunma’y yaong may panlabas na pabalat ng isang tao) ipinanganak sa isang normal na sambahayan ng mga karaniwang tao. Samakatuwid, ang pagtawag ni Jesus sa Diyos sa langit sa pangalang Ama ay katulad lang ng kung paano ninyo Siya tinawag na Ama noong una; ito ay ginawa Niya mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Natatandaan pa ba ninyo ang Panalangin ng Panginoon na itinuro ni Jesus sa inyo na kabisaduhin? “Ama namin na nasa langit….” Hiniling Niya sa lahat ng tao na tawagin ang Diyos sa langit sa pangalang Ama. At yamang tinawag Niya rin Siyang Ama, ito ay Kanyang ginawa mula sa pananaw ng isang may kalagayan na kagaya ng sa inyong lahat. Yamang tinawag ninyo ang Diyos sa langit sa pangalang Ama, ipinakikita nito na nakita ni Jesus ang Kanyang sarili na kapantay ninyo, at bilang isang tao sa lupa na pinili ng Diyos (iyon ay, ang Anak ng Diyos). Kung tinatawag ninyong Diyos ang “Ama,” hindi ba ito dahil kayo ay taong nilikha? Gaano man kadakila ang kapangyarihan ni Jesus sa mundo, bago ang pagkakapako sa krus, Siya ay Anak lamang ng tao, pinamamahalaan ng Banal na Espiritu (iyon ay, ng Diyos), at isa sa mga nilikhang tao sa lupa, sapagkat hindi pa Niya nakukumpleto ang Kanyang gawain. Samakatuwid, ang pagtawag Niya ng Ama sa Diyos sa langit ay tanging Kanyang kababaang-loob at pagkamasunurin. Ang Kanyang pagtawag sa Diyos (iyon ay, ang Espiritu sa langit) sa gayong paraan, gayunman, hindi nagpapatunay na Siya ang Anak ng Espiritu ng Diyos sa langit. Sa halip, tunay na naiiba ang Kanyang pananaw, hindi sa Siya ay naiibang persona. Ang pag-iral ng magkakaibang mga persona ay kamalian! Bago pa sa Kanyang pagkakapako sa krus, si Jesus ay isang anak ng tao na nakatali sa mga limitasyon ng laman, at hindi Niya lubos na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu. Kung kaya hinahanap lamang Niya ang kalooban ng Diyos Ama mula sa pananaw ng isang nilikhang tao. Ito ay kagaya lamang nang tatlong beses Siyang manalangin sa Gethsemane: “Hindi ayon sa gusto ko, ngunit ayon sa gusto mo.” Bago pa Siya naitakda sa krus, Siya ang Hari ng mga Hudyo; Siya ay si Kristo, ang Anak ng tao, at hindi katawan ng kaluwalhatian. Kung kaya, mula sa pananaw ng isang taong nilikha, tinawag Niya ang Diyos na Ama. ... Pagkatapos umalis ni Jesus, ang ideyang ito ng Ama at ng Anak ay wala na. Ang ideyang ito ay angkop lamang sa mga taon nang si Jesus ay naging tao; sa ilalim ng iba pang mga pangyayari, ang relasyon ay yaong sa pagitan ng Panginoon ng paglikha at isang nilikhang tao kapag tinatawag ninyo ang Diyos Ama. Walang pagkakataon na kung saan ang ideya ng Trinidad ng Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay makapaninindigan; ito ay isang maling aral na madalang lang makita sa hinaba-haba ng panahon at hindi umiiral!

mula sa “Umiiral ba ang Trinidad?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mayroon pa yaong mga nagsasabi, hindi ba malinaw na sinabi ng Diyos na si Jesus ay ang Kanyang sinisintang Anak? “Si Jesus ang sinisintang Anak ng Diyos, na Kanyang kinalulugdan” ay tunay na sinalita ng Diyos Mismo. Iyon ang Diyos na nagpapatotoo sa Sarili Niya mismo, ngunit mula lamang sa magkaibang pananaw, na ang Espiritu sa langit ay sumasaksi sa Kanyang sariling pagkakatawang-tao. Si Jesus ay ang Kanyang pagkakatawang-tao, hindi ang Kanyang Anak sa langit. Naiintindihan mo ba? Hindi ba ang mga salita ni Jesus, “Ang Ama ay nasa Akin at Ako ay nasa Ama,” nagsasabing sila ay isang Espiritu? At hindi ba dahil sa pagkakatawang-tao na Sila ay nagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa? Sa katotohanan, Sila ay isa pa rin; kahit ano pa, ito ay para lamang ang Diyos ay sumasaksi sa Sarili Niya. Dahil sa pagbabago sa mga panahon, mga kinakailangan ng gawain, at ang iba't-ibang mga yugto ng Kanyang plano sa pamamahala, ang pangalan na kung saan ang itinatawag ng tao sa Kanya ay nagkakaiba rin. Nang Siya ay dumating upang isagawa ang unang yugto ng gawain, Siya ay maaari lamang tawaging Jehovah, pastol ng mga Israelita. Sa ikalawang yugto, ang nagkatawang-taong Diyos ay maaari lamang tawaging Panginoon, at Kristo. Ngunit sa panahong iyon, ang Espiritu sa langit ay nagsabi lamang na Siya ang sinisintang Anak ng Diyos, at hindi nabanggit ang Kanyang kalagayan bilang tanging Anak ng Diyos. Ito ay hindi talagang nangyari. Paano nagkaroon ng isang anak lang ang Diyos? Kung gayon ang Diyos ay hindi maaaring maging tao? Sapagkat Siya ang pagkakatawang-tao, Siya ay tinawag na sinisintang Anak ng Diyos, at, mula rito, dumating ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak. Ito ay dahil lamang sa paghihiwalay ng langit at lupa. Nanalangin si Hesus mula sa pananaw ng katawang-tao. Yamang nagsuot Siya ng katawang tao ng gayong normal na pagkatao, ito ay mula sa pananaw ng katawang-tao na Kanyang sinabi: Ang aking panlabas na balat ay sa nilikhang tao. Yamang Ako ay nagkatawang-tao upang makarating sa mundong ito, Ako ngayon ay malayo, malayung-malayo mula sa langit. Para sa kadahilanang ito, maaari lamang Siyang manalangin sa Diyos Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ang Kanyang tungkulin, at ito ang dapat maipagkaloob sa nagkatawang-taong Espiritu ng Diyos. Hindi maaaring sabihin na hindi Siya Diyos dahil lamang sa nananalangin Siya sa Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Bagamat tinatawag Siya na sinisintang Anak ng Diyos, Siya pa rin ay Diyos Mismo, sapagkat Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu, at ang Kanyang sangkap ay ang Espiritu pa rin.

mula sa “Umiiral ba ang Trinidad?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Maaari itong maging paalala para sa karamihan ng mga tao ang mga salita ng Diyos mula sa Genesis: “Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis”. Ipagpalagay na sinasabi ng Diyos na lalangin “natin” ang tao sa “ating” larawan, kung gayon ang “natin” ay nagpapakita ng dalawa o higit pa; yamang sinabi Niyang “natin,” kung gayon hindi lang iisa ang Diyos. Sa ganitong paraan, ang tao ay nagsimulang mag-isip nang pangkalahatan ukol sa magkakaibang mga persona, at mula sa mga salitang ito nagkaroon ng ideya ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Ano kung gayon ang hitsura ng Ama? Ano ang hitsura ng Anak? At ano ang hitsura ng Banal na Espiritu? Maaari kaya na ang tao sa kasalukuyan ay ginawa sa larawan ng isa na pinagsama-sama mula sa tatlo? Kung gayon ang larawan ba ng tao ay kagaya ng sa Ama, ng Anak, o ng Banal na Espiritu? Alin sa mga persona ng Diyos ang kalarawan ng tao? Ang ideyang ito ng tao ay totoong mali at walang kabuluhan! Mapaghihiwalay lang nito ang isang Diyos sa ilang mga Diyos. Sa panahong sinulat ni Moises ang Genesis, ito ay pagkatapos malikha ang sangkatauhan kasunod ng paglikha sa mundo. Noong pasimula, nang mag-umpisa ang mundo, si Moises ay wala pa. At nagtagal pa bago sulatin ni Moises ang Biblia, kaya paano niya posibleng nalaman kung ano ang sinabi ng Diyos sa langit? Siya ay walang malay sa kung paano nilikha ng Diyos ang mundo. Sa Lumang Tipan ng Biblia, walang banggit tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Banal na Espiritu, tanging tunay na Diyos lamang, si Jehovah, ang nagpapatupad ng Kanyang gawain sa Israel. Siya ay tinatawag sa iba’t-ibang pangalan sa pagbabago ng panahon, ngunit hindi nito mapatutunayan na ang bawat pangalan ay tumutukoy sa iba’t-ibang persona. Samakatuwid, kung gayon hindi ba magkakaroon ng di-mabilang na mga persona ng Diyos? Ang nakasulat sa Lumang Tipan ay ang gawain ni Jehovah, isang yugto ng gawain ng Diyos Mismo para sa pagsisimula sa Kapanahunan ng Kautusan. Ito ay gawain ng Diyos, kung saan ayon sa Kanyang sinalita, ito’y nangyari, at ayon sa Kanyang iniutos, ito’y nanatili. Walang pagkakataon na sinabi ni Jehovah na Siya ang Ama na darating upang ipatupad ang gawain, o hinulaan man lang Niya ang pagdating ng Anak upang tubusin ang sangkatauhan. Pagdating sa panahon ni Jesus, nabanggit lamang na ang Diyos ay naging tao upang tubusin ang lahat ng sangkatauhan, hindi sa ang Anak ang dumating. Sapagkat ang mga panahon ay hindi magkakatulad at ang gawain na isinasagawa ng Diyos Mismo ay naiiba rin, kailangan Niyang ipatupad ang Kanyang gawain sa loob ng iba’t-ibang mga kaharian. Sa ganitong paraan, ang pagkakakilanlan na Kanyang kinakatawan ay naiiba rin. Naniniwala ang tao na si Jehovah ang Ama ni Jesus, ngunit ito ay hindi totoong kinilala ni Jesus, na sinabing: “Hindi kami kailanman kinilala bilang Ama at Anak; Ako at ang Ama sa langit ay iisa. Ang Ama ay nasa Akin at Ako ay nasa Ama; kapag nakikita ng tao ang Anak, nakikita nila ang Ama na nasa langit.” Kapag ang lahat ay nasabi na, maging ito man ang Ama o ang Anak, Sila ay isang Espiritu, hindi nahahati sa magkahiwalay na persona. Sa oras na magtangka ang tao na magpaliwanag, ang mga usapin ay kumplikado sa ideya ukol sa magkakaibang mga persona, gayundin ang relasyon sa pagitan ng Ama, Anak, at Espiritu. Kapag ang tao ay nagsasalita tungkol sa magkakahiwalay na mga persona, di ba nito pinapakita ang Diyos? Inaantasan pa ng tao ang mga persona bilang una, ikalawa, at ikatlo; lahat ng ito ay mga pagkaintindi lamang ng tao, hindi karapat-dapat na sangguniin, at lubos na hindi makatotohanan! Kung tatanungin mo siya: “Ilan ba ang Diyos?” sasabihin niya na ang Diyos ay ang Trinidad ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu: ang isang tunay na Diyos. Kung tatanungin mo siya: “Sino ang Ama?” sasabihin niya: “Ang Ama ay ang Espiritu ng Diyos sa langit; Siya ang namumuno sa lahat, at Siya ang Panginoon ng langit.” “Kung gayon si Jehovah ba ang Espiritu?” Sasabihin niya: “Oo!” Kung tatanungin mo pa siya pagkatapos, “Sino ang Anak?” sasabihin niyang si Jesus ay ang Anak, mangyari pa. “Kung gayon ano ang kuwento ni Jesus? Mula kanino Siya nanggaling?” Sasabihin niya: “Si Jesus ay ipinanganak ni Maria sa pamamagitan ng paglilim ng Banal na Espiritu.” “Kung gayon ang Kanya bang sangkap ay hindi Espiritu rin naman? Ang Kanya bang gawain ay kumakatawan din sa Banal na Espiritu? Si Jehovah ay ang Espiritu, at sangkap din naman ni Jesus. Ngayon sa mga huling araw, hindi na kailangang sabihin na ang Espiritu pa rin ang gumagawa;[a] paano nangyaring magkaiba Sila ng mga persona? Hindi ba ipinatutupad lamang ng Espiritu ng Diyos ang gawain ng Espiritu mula sa magkakaibang mga pananaw?” Dahil dito, walang pagkakaiba sa pagitan ng mga persona. Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at walang alinlangan, ang Kanyang gawain ay tiyak na kagaya ng sa Banal na Espiritu. Sa unang yugto ng gawain na isinagawa ni Jehovah, hindi Siya naging tao o nagpakita man lang sa tao. Kaya hindi kailanman nakita ng tao ang Kanyang kaanyuan. Gaano man Siya kadakila at kataas noon, Siya pa rin ang Espiritu, ang Diyos Mismo na unang nilikha ang tao. Iyon ay, Siya ang Espiritu ng Diyos. Nang Siya ay makipag-usap sa tao mula sa gitna ng mga ulap, Siya ay isang Espiritu lamang. Walang nakasaksi sa Kanyang kaanyuan; sa Kapanahunan ng Biyaya nang ang Espiritu ng Diyos ay dumating na katawang-tao at nagkatawang-tao sa Judea saka lamang nakita ng tao sa unang pagkakataon ang larawan ng pagkakatawang-tao bilang isang Hudyo. Ang damdamin ni Jehovah ay hindi maaaring madama. Gayunman, Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, iyon ay, ipinaglihi sa pamamagitan ng Espiritu ni Jehovah Mismo, at si Jesus ay ipinanganak pa rin bilang mismong larawan ng Espiritu ng Diyos. Ang unang nakita ng tao ay ang Banal na Espiritu na bumababa gaya ng isang kalapati sa pamamagitan ni Jesus; hindi ito ang Espiritung tanging kay Kristo, ngunit sa halip ang Banal na Espiritu. Kung gayon maaari bang ihiwalay ang Espiritu ni Jesus mula sa Banal na Espiritu? Kung si Jesus ay si Jesus, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay ang Banal na Espiritu, kung gayon paano Sila naging isa? Ang gawain ay hindi maipatutupad kung sakali. Ang Espiritu sa loob ni Jesus, ang Espiritu sa langit, at ang Espiritu ni Jehovah ay iisang lahat. Maaari itong tawaging Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang makapitong pinatinding Espiritu, at ang sumasa-lahat na Espiritu. Ang Espiritu ng Diyos ay kayang mag-isang isagawa ang maraming gawain. Kaya Niyang likhain ang mundo at wasakin ito sa pamamagitan ng pagpapabaha sa lupa; kaya Niyang tubusin ang buong sangkatauhan, at higit pa rito, makakayang lupigin at wasakin ang buong sangkatauhan. Ang gawaing ito ay ipinatupad lahat ng Diyos Mismo at hindi makakayang gawin ng sinuman sa iba pang mga persona ng Diyos sa Kanyang lugar. Ang Kanyang Espiritu ay maaaring tawagin sa pangalang Jehovah at Jesus, maging sa pangalang Makapangyarihan. Siya ang Panginoon, at Kristo. Maaari din Siyang maging ang Anak ng tao. Siya ay nasa kalangitan at nasa lupa din; Siya ay nasa kaitaasan ng mga daigdig at nasa gitna ng karamihan. Siya ang tanging Panginoon ng langit at ng lupa! Mula sa panahon ng paglikha hanggang sa ngayon, ang gawaing ito ay ipinatutupad ng Diyos Mismo. Maging ito man ay gawain sa langit o sa laman, lahat ay ipinatutupad ng Kanyang sariling Espiritu. Lahat ng mga nilalang, maging sa langit o sa lupa, ay nasa pamamahala ng Kanyang makapangyarihang kamay; lahat ng ito ay gawain ng Diyos Mismo at hindi maaaring gawin ninuman sa Kanyang lugar. Sa mga kalangitan, Siya ang Espiritu subalit ang Diyos Mismo din; sa gitna ng mga tao, Siya ay katawang-tao ngunit nananatiling Diyos Mismo. Bagamat maaari Siyang tawagin sa daan-daang libong mga pangalan, Siya pa rin ay Siya Mismo, at ang lahat ng gawain[b] ay ang tuwirang pagpapahayag ng Kanyang Espiritu. Ang pagtubos sa lahat ng sangkatauhan sa pamamagitan ng pagkakapako Niya sa krus ay ang tuwirang gawain ng Kanyang Espiritu, at maging ang pagpapahayag sa lahat ng mga bansa at lahat ng mga bayan sa panahon ng mga huling araw. Sa lahat ng panahon, ang Diyos ay maaari lamang tawaging makapangyarihan at isang tunay na Diyos, ang sumasa-lahat na Diyos Mismo. Ang nagkakaibang mga persona ay hindi umiiral, lalong hindi ang ideya ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu! Mayroon lamang isang Diyos sa langit at sa lupa!

mula sa “Umiiral ba ang Trinidad?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mga Talababa:

a. Nilaktawan ng orihinal na teksto ang “nasa gawain.”

b. Nilaktawan ng orihinal na teksto ang “ang gawain.”