Naniniwala tayo na ang pagbalik ng Panginoon ay nangangahulugan na ang mga nananalig ay direktang itataas sa kaharian ng langit, dahil nakasulat sa Biblia: “Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man” (1 Tesalonica 4:17). Pinatototohanan mo na nagbalik na ang Panginoong Jesus, kaya bakit narito tayo ngayon sa lupa at hindi pa tayo nadadala?
Sagot:
Asamin natin ang pagbalik ng Panginoon batay sa mga propesiyang Siya Mismo ang nagsabi. Iyon ang pinaka-karaniwang paraan ng paghihintay sa pagbalik ng Panginoon. Sino ba ang talagang nagsabi niyan? Mga salita ba iyan ng Panginoon o mga salita ng mga tao? “Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin,” sino ang nagsabi noon? Mga salita ba iyon ng Panginoong Jesus? Walang sinabing gayon ang Panginoong Jesus. Hindi rin iyon sinabi ng Banal na Espiritu. Ang mga salitang sinasabi at inuulit mo ay mga salita ni Pablo. Kinakatawan ba ng mga salita ni Pablo ang mga salita ng Panginoong Jesus? Pwede ba siyang maging kinatawan ng Diyos? Diyos lamang ang may alam sa sagot sa misteryong ito. Kung susubukan nating mga tiwaling tao na gumawa ng mga bulag na pakahulugan at paghatol gaya nito, isa iyong malaking problema. Hindi si Cristo si Pablo. Isa lang siyang karaniwang tiwaling tao. Puno ng maruruming ideya at imahinasyon ng tao ang mga sinulat niya. Hindi ang mga salita niya ang katotohanan, kaya hindi natin iyon magagamit na pruweba. Lahat ng pruweba ay dapat ibatay sa mga salita ng Diyos sa Biblia. Alinsunod iyon sa katotohanan. Maling imbestigahan ang pagdadala at pagpasok sa kaharian ng langit batay sa mga salita ng mga tao sa Biblia, lalo na kay Pablo, at hindi ayon sa mga salita ng Panginoong Jesus dahil tanging ang mga salita ng Panginoong Jesus ang katotohanan; tanging ang mga salita Niya ang may awtoridad. Tanging ang Panginoong Jesus ang Cristo, ang Hari ng kaharian ng langit. Bakit hindi ninyo hanapin ang katotohanan at kalooban ng Diyos sa mga salita ng Panginoong Jesus? Bakit sa halip ay ginagamit ninyo ang mga salita ng tao na batayan ng inyong paghahanap? Alinsunod ba iyon sa nais ng Panginoon? Madali kayong napapasunod ng tao at tumatahak sa sarili ninyong landas dahil doon. Nilikha ng Diyos ang tao mula sa lupa. Inatasan Niya sila na gawin ang mga tungkulin nila sa lupa, at pamahalaan ang iba pa Niyang mga nilikha. Hiniling Niya na sumunod sila, sumamba, at parangalan Siya at itinalaga na ang lugar nila ay sa lupa, hindi sa langit. Maliban doon, matagal nang sinabi sa atin ng Diyos na itatatag Niya ang kaharian Niya sa lupa. Bukod dito, maninirahan siya sa lupa kasama nating mga tao at ang mga kaharian ng mundo ay dapat maging kahariang pinamamahalaan ni Cristo. Samakatuwid, sa lupa itatatag ang kaharian ng Diyos sa huli, hindi sa langit. Maraming tao ang laging naghahangad na maiakyat sa langit. Iyon ang sarili nilang pagkaintindi at imahinasyon, ang sarili nilang kathang hangarin. Hindi iyon alinsunod sa katotohanan o sa katotohanan ng gawain ng Diyos.
Tingnan natin ang sabi ng Panginoong Jesus: “Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa” (Mateo 6:9–10). Malinaw na sinabi sa atin ng Panginoong Jesus na nasa lupa ang kaharian ng Diyos, hindi sa langit. Matutupad ang kalooban ng Diyos sa lupa gaya ng sa langit. Basahin natin ang Pahayag 21:2–3: “At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios…. Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila.” Dumako tayo sa Pahayag 11:15: “Ang kaharian ng sanglibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa kaniyang Cristo: at siya’y maghahari magpakailan kailan man.” Binanggit sa mga propesiyang ito “ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao,” “… bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios,” “Ang kaharian ng sanglibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa kaniyang Cristo.” Pinatutunayan nito na itatayo ng Diyos ang Kanyang kaharian sa lupa, at mananahan Siya sa lupa kasama ang sangkatauhan. Ang mga kaharian ng mundo ay magiging mga kaharian ni Cristo, at magtatagal iyon magpakailanman. Kung naniniwala tayong nasa langit ang kaharian ng Diyos ayon sa ating sariling pagkaintindi at imahinasyon, naniniwalang kapag dumating ang Panginoon, iaakyat Niya tayo sa langit, hindi ba mawawalan ng kabuluhan ang mga dati Niyang sinabi? Sa katotohanan, ang panghuling resulta ng plano sa pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan ay ang pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa. Ang Makapangyarihang Diyos—ang Cristo ng mga huling araw—ay gumagawa ng Kanyang paghatol at paglilinis sa sangkatauhan para makabuo ng isang grupo ng mga mananagumpay sa lupa. Ang mga nagkakamit ng pagliligtas ng Diyos, ginagawang perpekto at nagiging mga mananagumpay, ang siyang makapagsasabuhay ng mga salita ng Diyos at makasusunod sa Kanyang landas sa lupa. Sila ang mga tao ng Kanyang kaharian. Matapos mabuo ang mga mananagumpay na ito, matutupad ang kalooban ng Diyos sa lupa. Pagkatapos ay itatatag sa lupa ang kaharian ni Cristo, at makakamit ng Diyos ang buong kaluwalhatian. Sa huli, tutuparin niya ang mga propesiya sa Aklat ng Pahayag. Hindi pa rin ba malinaw sa atin ang mga katotohanang ito? Anong lugar ang inihanda ng Panginoong Jesus para sa atin? Itinakda Niya na ipanganak tayo sa mga huling araw, salubungin Siya sa lupa sa pagbabalik Niya, tanggapin ang paglilinis ng Diyos at maging perpekto, at maging mga mananagumpay para maisagawa natin ang kalooban ng Diyos, at lahat ng kaharian sa lupa ay magiging mga kaharian ni Cristo. Iyon ang kalooban ng Diyos. Dumarating sa lupa ang Diyos pero sinusubukan nating umakyat sa langit. Sa paggawa nito, hindi ba tayo sumasalungat sa gawain ng Diyos at sa Kanyang kalooban? Kung iaangat Niya tayo sa ere, wala namang pagkain at lugar doon na matitirhan, paano tayo mabubuhay? Hindi ba sariling pagkaintindi at imahinasyon lang natin ang lahat ng iyon? Gagawa ba ang Panginoon ng gayong bagay? Ang katotohanan na nakakapag-isip tayo nang gayon, nagpapakita lang na para talaga tayong bata. Para bang nasa mga ulap ang isip natin!
Itatayo sa lupa ang kaharian ng Diyos sa mga huling araw. Ang huling hantungan ng sangkatuhan ay sa lupa, hindi sa langit. Itinakda na iyan ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kapag ang Diyos at ang tao ay magkasamang pumasok sa kapahingahan, ito ay mangangahulugan na ang sangkatauhan ay nailigtas na at si Satanas ay nawasak na, ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao ay lubusang natapos na. Hindi na magpapatuloy sa paggawa ang Diyos sa gitna ng tao, at ang tao ay hindi na mamumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas. Kaya, ang Diyos ay hindi na magiging abala, at ang tao ay hindi na magmamadali; ang Diyos at ang tao ay sabay na papasok sa kapahingahan. Ang Diyos ay babalik sa Kanyang orihinal na posisyon, at ang bawat tao ay babalik sa kani-kanyang lugar. Ito ang mga hantungan na kani-kanyang tatahanan ng Diyos at ng tao sa katapusan ng buong pamamahala ng Diyos. Ang Diyos ay may hantungan ng Diyos, at ang tao ay may hantungan ng tao. Habang nagpapahinga, ang Diyos ay patuloy na gagabay sa buong sangkatauhan sa kanilang buhay sa lupa. Habang nasa liwanag ng Diyos, ang tao ay sasamba sa isang tunay na Diyos sa langit. Ang Diyos ay hindi na mamumuhay kasama ng sangkatauhan, at ang tao ay hindi rin magagawang mamuhay kasama ng Diyos sa hantungan ng Diyos. Ang Diyos at tao ay hindi maaaring mamuhay sa loob ng parehong dako; sa halip, kapwa sila may sariling mga kaukulang mga paraan ng pamumuhay. Ang Diyos ay ang Isa na siyang gumagabay sa buong sangkatauhan, habang ang buong sangkatauhan ay ang pagbubuu-buo ng gawaing pamamahala ng Diyos. Ang sangkatauhan ay siyang inaakay; ukol sa kakanyahan, ang sangkatauhan ay hindi tulad ng Diyos. Ang ibig sabihin ng pagpapahinga ay ang pagbalik sa orihinal na lugar ng isa. Samakatuwid, kapag pumasok ang Diyos sa kapahingahan, nangangahulugan ito na ang Diyos ay bumabalik sa Kanyang orihinal na lugar. Ang Diyos ay hindi na mamumuhay sa ibabaw ng lupa o makikibahagi sa kagalakan at paghihirap ng sangkatauhan habang kasama ng sangkatauhan. Kapag ang sangkatauhan ay pumasok tungo sa kapahingahan, ito ay nangangahulugang naging isang tunay na likha ang tao; ang sangkatauhan ay sasamba sa Diyos mula sa ibabaw ng lupa at magkakaroon ng normal na buhay. Ang mga tao ay hindi na susuway o lalaban sa Diyos; sila ay babalik sa orihinal na buhay nina Adan at Eva. Ito ang kani-kanyang buhay at hantungan ng Diyos at ng sangkatauhan pagkatapos nilang pumasok sa kapahingahan. Ang pagkatalo ni Satanas ay isang di-maiiwasang pangyayari sa digmaan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas. Sa ganitong paraan, ang pagpasok ng Diyos sa kapahingahan pagkatapos na gawing ganap ang Kanyang gawaing pamamahala at ganap na kaligtasan at pagpasok sa kapahingahan ng tao ay hindi rin maiiwasang mga pangyayari. Ang lugar ng kapahingahan ng tao ay nasa lupa, at ang lugar ng kapahingahan ng Diyos ay nasa langit. Habang sumasamba ang tao sa Diyos sa kapahingahan, mamumuhay siya sa lupa, at habang inaakay ng Diyos ang natitirang bahagi ng sangkatauhang nasa kapahingahan; aakayin Niya sila mula sa langit, hindi mula sa lupa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Malinaw nang sinabi sa atin ng Makapangyarihang Diyos na kapag natapos na ang Kanyang pamamahala, parehong mamamahinga ang Diyos at ang tao. Ang pahingahan ng Diyos ay sa langit, samantalang ang pahingahan nating mga tao ay sa lupa pa rin. Ito ang magandang hantungang naihanda ng Diyos para sa ating mga tao. Ito rin ang katuparan ng kaharian ng Diyos sa lupa. Kung nananalig tayo sa Diyos sa loob ng maraming taon, pero hindi pa rin natin ito nakikita, hindi ba nangangahulugan iyan na hindi natin nauunawaan ang katotohanan o ang mga salita ng Panginoon?
Ano ba talaga ang pagdadala? Hindi pa malinaw sa karamihan ng mga tao ang tungkol doon. Ang hiwaga ng pagdadala sa mga banal ay nabunyag lang nang dumating ang Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang ‘madagit paitaas’ ay hindi ang madala mula sa isang mababang lugar patungo sa isang mataas na lugar gaya ng iniisip ng mga tao. Malaking pagkakamali iyan. Ang madagit paitaas ay tumutukoy sa Aking pagtatalaga at pagpili noon pa man. Nakatutok ito sa lahat ng Aking naitalaga at napili noon pa man. Yaong mga nagkamit ng katayuan ng pagiging mga panganay na anak, ang katayuan ng Aking mga anak, o Aking bayan, ay ang lahat ng tao na nadagit. Lubha itong hindi tugma sa mga paniwala ng mga tao. Yaong mga may bahagi sa Aking bahay sa hinaharap ay pawang mga tao na nadala sa Aking harapan. Totoo talaga ito, hindi nagbabago kailanman, at hindi maaaring pabulaanan ng kahit sino. Ito ang Aking ganting-atake laban kay Satanas. Sinumang Aking itinalaga noon pa man ay madadagit sa harap Ko” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 104). Napakalinaw ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Ang “madagit paitaas” ay hindi gaya ng iniisip natin—ang maiangat sa ere mula sa lupa at masalubong ang Panginoon sa mga ulap. Hindi rin iyon pag-akyat sa langit. Ang ibig sabihin niyon ay kapag bumalik ang Diyos sa lupa para sambitin ang Kanyang mga salita at gawin ang Kanyang gawain, maririnig natin ang tinig ng Diyos at masusundan natin Siya at masusunod ang Kanyang gawain sa mga huling araw. Ito ang tunay na kahulugan ng madagit paitaas sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng nakakakilala sa tinig ng Panginoon, nakakahanap sa katotohanan sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, tumatanggap sa katotohanan, at nagbabalik sa Makapangyarihang Diyos ay matatalinong dalaga. Sila ang ginto, pilak at mamahaling mga batong “nanakaw” ng Panginoon at naibalik sa Kanyang tahanan dahil silang lahat ay may mahusay na kakayahan at kayang umunawa at tumanggap sa katotohanan. Nauunawaan nila ang tinig ng Diyos. Sila ang mga tunay na nakatanggap ng pagdadala. Sila ang mga mananagumpay, na gagawin kapag ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain habang palihim Siyang bumababa sa lupa sa mga huling araw. Magmula nang simulan ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang gawain sa mga huling araw, marami sa mga taong tunay na nauuhaw sa pagpapakita ng Diyos ang nakakilala sa tinig Niya sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sunud-sunod nilang natanggap ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Nadagit na sila paitaas sa harap ng luklukan ng Diyos para makita Siya nang harapan at natanggap nila ang pagdidilig at pag-aaruga ng Kanyang mga salita. Nakamit nila ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Nalinis ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nagawa nilang isabuhay ang realidad ng katotohanan sa mga salita ng Diyos. Nakamit na nila ang saganang pagliligtas ng Diyos. Ang mga taong ito ay nagawa nang mga mananagumpay bago sumapit ang malalaking sakuna. Nakuha na sila ng Diyos bilang mga unang bunga. Yaong mga nanghahawakan sa sarili nilang pagkaintindi at imahinasyon at pikit-matang naghihintay na dumating ang Panginoon at iakyat sila sa langit, sila na tumatanggi sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ang mga hangal na dalaga. Sila ang mga pababayaan ng Diyos. Nakatakda silang magdusa sa mga sakuna; iiyak sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. Totoo ito.
—mula sa Mga Klasikong Tanong at Sagot Tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian
Paano ba natin dapat unawain ang pagdadala? Ginagamit natin ang pagdadala para ipaliwanag kung paano inililigtas ng Diyos ang tao mula sa lupaing ito at sa ilalim ng dominyon na ito. Gayunman, tuwing iniisip ng mga tao ang pagdadala, iniinsip nila na pag-aangat sa ere. Hindi ba mali ito? Halimbawa, kung isinilang ka sa isang di-maunlad at liblib na nayon at pagkatapos ay inatasan kang magtrabaho sa isang malaking lungsod, ilalarawan natin ito sa pananalita ng sangkatauhan bilang pagtaas mula sa isang liblib na nayon para magtrabaho at mamuhay sa isang malaking lungsod. Hindi ba ito ang ibig sabihin ng maitaas? Iba ba ang pagtaas na iyon sa pag-angat sa ere gaya tulad ng iniisip ng tao? Alin sa mga ito ang realidad? Ang pagdadala ay tumutukoy sa pag-angat mula sa isang lupain patungo sa isa pang lupain—ito ang pagtaas! Ang pagtaas na ito ay hindi pag-angat nang mataas mula sa lupa, o maiangat mula sa lupa patungo sa kalawakan, hindi iyon ang ibig sabihin nito. Sa halip, tumutukoy ito sa pag-angat sa mas mataas pang lebel, sa mas mataas pang posisyon, isang mas mataas pang klase ng lugar. Ito ang pagtaas. Halimbawa, dati tayong mga magsasaka at trabahador mula sa pinakamababang lebel ng naging tiwaling sangkatauhan, walang katayuan sa lipunan, hinahamak ng iba, nagdurusa ng panunupil at pananamantala, walang karapatang magsalita, at ngayon sa isang kumpas ay inangat tayo bilang mga tao ng Kapanahunan ng Kaharian—hindi pa ba naitaas ang posisyon natin? Dati-rati, tayo ay mga naging tiwaling sangkatauhan, ang pinakamababang lebel ng sangkatauhan sa madilim at masamang mundo, at ngayo’y bigla tayong inangat sa pagdadala para maging mga tao ng kaharian ng Diyos, mga taong mamamayan ng Kapanahunan ng Kaharian. Kung inangat tayo para maging mga tao ng Kapanahunan ng Kaharian, hindi ba pagdadala ito? Ito ang tunay na pagdadala. Sabi ng ilan: “Hindi ba nakatira pa rin ako roon? Hindi ba ginagawa ko pa rin ang gawaing iyon? Ni hindi man lang ba nagbago ang kinakain at isinusuot ko? Bakit hindi ko maramdaman na nakaangat ako?” Nadala ka man o hindi ay hindi matutukoy sa kung gaano kataas o kababa ang nadarama mo. Kapag dumating ang araw na ihahayag ang katotohanang, yaong mga pinaniniwalaan mong nasa itaas ay lilipulin, at kahit iniisip mo na wala kang napala, ikaw ang mananatili; paano mo ito ipapaliwanag? Ang kahulugang ito ng mga tao ng kaharian ay totoo. Darating ang araw na mapapagtibay ang katotohanang ito. At sa oras na iyon, masasabi mong: “O, talagang nadala ako, pero hindi ko ito namalayan, kahanga-hanga ang gawain ng Diyos.” Kung wala sa kanila ang katotohanan, hindi mamamalayan ng mga tao ang pagdadalang ito, mabubuhay sila sa mga biyaya nang hindi nalalaman kung gaano sila kapalad. Kapag dumarating ang malalaking sakuna, pinoprotektahan ka ng Diyos at walang sasapit na mga sakuna sa iyo; hindi ba nito ipinapaliwanag na naiangat ka na sa pagdadala, na kayo ay ang mga taong hinirang ng Diyos, mga tao ng Kapanahunan ng Kaharian? Hindi ba nito ipinaliliwanag ang isyung ito? Isang araw kikilalanin mo na “Totoo ito, siguradong kakaiba ang aking katayuan. Kahit itinuturing ako ng mga tao sa mundo na isa pa ring trabahador o magsasaka, sa mga mata ng Diyos ako ay isang tao ng Kapanahunan ng Kaharian; Samakatuwid ay talagang nadala na ako at natatamasa ko na ang biyaya ng pagdadala.” Ito ang praktikal na kahulugan ng pagdadala. Kung hindi mo naiintindihan ang tinatawag na pagdadala at, umaasa sa sarili mong imahinasyon, naniniwala ka na ang pagdadala ay para iangat sa ere, maghihintay ka na lang palang maiangat sa ere.
—mula sa Ang Pagbabahagi mula sa Itaas
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.