Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga salita ng Diyos na ipinaabot ng mga propeta na sina Isaias, Ezequiel, at Daniel sa Kapanahunan ng Kautusan, at ng mga salita ng Diyos na ipinahayag ng nagkatawang-taong Diyos?

Enero 21, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Sa Kapanahunan ng Biyaya, sumambit din si Jesus ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain. Paano Siya naiba kay Isaias? Paano Siya naiba kay Daniel? Isa ba Siyang propeta? Bakit sinasabi na Siya si Cristo? Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan nila? Sila ay pawang mga taong sumambit ng mga salita, at ang kanilang mga salita humigit-kumulang ay mukhang magkakapareho sa tao. Lahat sila ay sumambit ng mga salita at gumawa ng gawain. Ang mga propeta ng Lumang Tipan ay sumambit ng mga propesiya, at gayundin, kaya iyon ni Jesus. Bakit ganito? Ang pagkakaiba rito ay batay sa likas na katangian ng gawain. Para mahiwatigan ang bagay na ito, huwag mong isaalang-alang ang likas na katangian ng laman, ni hindi mo dapat isaalang-alang ang kalaliman o kababawan ng kanilang mga salita. Kailangan mo palaging isaalang-alang muna ang kanilang gawain at ang mga epekto ng kanilang gawain sa tao. Ang mga propesiyang sinambit ng mga propeta sa panahong iyon ay hindi tinustusan ang buhay ng tao, at ang mga inspirasyong tinanggap ng mga katulad nina Isaias at Daniel ay mga propesiya lamang, at hindi ang daan ng buhay. Kung hindi dahil sa tuwirang paghahayag ni Jehova, walang sinumang makagagawa ng gawaing iyon, na hindi posible para sa mga mortal. Sumambit din si Jesus ng maraming salita, ngunit ang gayong mga salita ay ang daan ng buhay kung saan makasusumpong ang tao ng isang landas ng pagsasagawa. Ibig sabihin, una, maaari Niyang tustusan ang buhay ng tao, sapagkat si Jesus ang buhay; pangalawa, maaari Niyang baligtarin ang mga paglihis ng tao; pangatlo, ang Kanyang gawain ay maaaring sumunod sa gawain ni Jehova para ipagpatuloy ang kapanahunan; pang-apat, maaari Niyang maintindihan ang mga pangangailangan sa kalooban ng tao at maunawaan kung ano ang kulang sa tao; panlima, maaari Niyang pasimulan ang isang bagong kapanahunan at wakasan ang dati. Kaya nga Siya tinatawag na Diyos at Cristo; hindi lamang Siya iba kay Isaias kundi maging sa lahat ng iba pang mga propeta. Ikumpara natin si Isaias para sa gawain ng mga propeta. Una, hindi niya kayang tustusan ang buhay ng tao; pangalawa, hindi niya kayang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Gumagawa siya noon sa ilalim ng pamumuno ni Jehova at hindi para magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Pangatlo, ang mga salitang kanyang sinambit ay higit pa sa kaya niyang sambitin. Tuwiran siyang tumatanggap noon ng mga paghahayag mula sa Espiritu ng Diyos, at hindi ito mauunawaan ng iba, kahit napakinggan nila ang mga ito. Ang ilang bagay na ito lamang ay sapat na upang patunayan na ang kanyang mga salita ay mga propesiya lamang, isang aspeto lamang ng gawaing ginawa sa ngalan ni Jehova. Gayunman, hindi niya kayang lubos na katawanin si Jehova. Siya ay lingkod ni Jehova, isang kasangkapan sa gawain ni Jehova. Ginagawa lamang niya ang gawain sa loob ng Kapanahunan ng Kautusan at sa loob ng saklaw ng gawain ni Jehova; hindi siya gumawa nang lampas pa sa Kapanahunan ng Kautusan. Bagkus, iba ang gawain ni Jesus. Nilagpasan Niya ang saklaw ng gawain ni Jehova; gumawa Siya bilang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ibig sabihin, nagsagawa Siya ng bagong gawaing bukod sa gawaing ginawa ni Jehova. Ito ang pagpapasimula ng isang bagong kapanahunan. Dagdag pa rito, nagawa Niyang banggitin yaong hindi kayang makamtan ng tao. Ang Kanyang gawain ay gawain sa loob ng pamamahala ng Diyos at sakop ang buong sangkatauhan. Hindi Siya gumawa sa iilang tao lamang, ni hindi layon ng Kanyang gawain na pamunuan ang limitadong bilang ng mga tao. Hinggil sa kung paano nagkatawang-tao ang Diyos bilang isang tao, paano nagbigay ng mga paghahayag ang Espiritu sa panahong iyon, at paano bumaba ang Espiritu sa isang tao upang gumawa ng gawain—ito ay mga bagay na hindi nakikita o nahihipo ng tao. Lubos na imposibleng magsilbing patunay ang mga katotohanang ito na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa gayon, ang pagkakaiba ay makikita lamang sa mga salita at gawain ng Diyos, na nahihipo ng tao. Ito lamang ang totoo. Ito ay dahil ang mga bagay ng Espiritu ay hindi mo nakikita at malinaw lamang na nalalaman ng Diyos Mismo, at kahit ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay hindi alam ang lahat; mapapatunayan mo lamang kung Siya ang Diyos mula sa gawaing Kanyang nagawa. Mula sa Kanyang gawain, makikita na, una, nagagawa Niyang magbukas ng isang bagong kapanahunan; pangalawa, nagagawa Niyang tustusan ang buhay ng tao at ipakita sa tao ang daang susundan. Sapat na ito upang mapagtibay na Siya ang Diyos Mismo. Kahit paano, ang gawaing Kanyang ginagawa ay kayang lubos na katawanin ang Espiritu ng Diyos, at mula sa gawaing iyon ay makikita na ang Espiritu ng Diyos ay nasa loob Niya. Dahil ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao una sa lahat ay para magpasimula ng isang bagong kapanahunan, mamahala sa bagong gawain, at magbukas ng isang bagong kaharian, ang mga ito lamang ay sapat na upang magpatunay na Siya ang Diyos Mismo. Sa gayon ay ipinapakita nito ang kaibhan Niya kina Isaias, Daniel, at iba pang dakilang mga propeta.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Ang mga hula ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya ng mga katulad nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa tuwirang tagubilin ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay mga tagakita, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na tuwirang itinagubilin ni Jehova. At bakit kumilos si Jehova sa kanila? Sapagkat ang bayan ng Israel ang piniling bayan ng Diyos, at ang gawain ng mga propeta ay kinailangang gampanan sa gitna nila; iyon ang dahilan kung bakit nagawang tumanggap ng mga propeta ng gayong mga pahayag. Sa katunayan, hindi nila mismo naunawaan ang mga pahayag ng Diyos sa kanila. Sinabi ng Banal na Espiritu ang mga salitang iyon sa pamamagitan ng kanilang bibig upang maunawaan ng mga tao sa hinaharap ang mga bagay na iyon, at makita na ang mga iyon ay talagang gawa ng Espiritu ng Diyos, ng Banal na Espiritu, at hindi nagmula sa tao, at mabigyan sila ng pagpapatibay ng gawain ng Banal na Espiritu. Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus Mismo ang gumawa ng lahat ng gawaing ito kahalili nila, kaya nga hindi na nagsalita ng propesiya ang mga tao. Kaya propeta ba si Jesus? Si Jesus, siyempre, ay isang propeta, pero nagawa rin Niya ang gawain ng mga apostol—Kaya Niyang magsalita ng propesiya at mangaral at magturo sa mga tao sa buong kalupaan. Subalit ang gawaing isinakatuparan Niya at ang pagkakakilanlan na Kanyang kinakatawan ay hindi magkapareho. Pumarito Siya upang tubusin ang buong sangkatauhan, tubusin ang tao mula sa kasalanan; Siya ay isang propeta, at isang apostol, pero higit pa roon, Siya si Cristo. Ang isang propeta ay maaaring magsalita ng propesiya, ngunit hindi masasabi na siya si Cristo. Sa panahong iyon, maraming sinalitang propesiya si Jesus, kaya masasabi na isa Siyang propeta, pero hindi masasabi na isa Siyang propeta kaya hindi Siya si Cristo. Iyon ay dahil kinatawan Niya ang Diyos Mismo sa pagsasagawa ng isang yugto ng gawain, at iba ang pagkakakilanlan Niya kay Isaias: Pumarito Siya upang gawing ganap ang gawain ng pagtubos, at Siya rin ang nagbigay ng buhay sa tao, at tuwirang suma-Kanya ang Espiritu ng Diyos. Sa gawaing isinakatuparan Niya, walang mga inspirasyong nagmula sa Espiritu ng Diyos o mga tagubilin mula kay Jehova. Sa halip, tuwirang gumawa ang Espiritu—na sapat upang patunayan na si Jesus ay hindi kapareho ng isang propeta. Ang gawaing isinakatuparan Niya ay ang gawain ng pagtubos, na pinangalawahan ng pagsasalita ng propesiya. Siya ay isang propeta, isang apostol, ngunit higit pa riyan, Siya ang Manunubos. Samantala, ang mga manghuhula ay maaari lamang magsalita ng propesiya, at walang kakayahang kumatawan sa Espiritu ng Diyos sa pagganap ng anumang iba pang gawain. Dahil maraming ginawa si Jesus na hindi pa nagawa ng tao kailanman, at isinakatuparan ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, naiiba Siya sa mga katulad ni Isaias.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Sa huling yugtong ito ng gawain, ang mga resulta ay nakakamit sa pamamagitan ng salita. Sa pamamagitan ng salita, dumarating ang tao sa pagkaunawa sa maraming hiwaga at sa gawaing nagawa ng Diyos sa nakaraang mga henerasyon; sa pamamagitan ng salita, naliliwanagan ang tao ng Banal na Espiritu; sa pamamagitan ng salita, dumarating ang tao sa pagkaunawa sa mga hiwaga na kailanman ay hindi pa nailantad ng mga nagdaang henerasyon, pati na rin sa gawain ng mga propeta at mga apostol ng mga nakaraang panahon, at ang mga prinsipyo kung paano sila ay gumawa; sa pamamagitan ng salita, dumarating din ang tao sa pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos Mismo, pati na rin sa pagiging mapanghimagsik at paglaban ng tao, at dumarating sa pagkaalam ng kanyang sariling diwa. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ng gawain at lahat ng salitang winika, dumarating ang tao sa pagkakilala sa gawain ng Espiritu, sa gawain ng nagkatawang-taong Diyos, at lalo na, sa Kanyang buong disposisyon. Ang iyong kaalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos sa loob ng anim na libong taon ay nakamit din sa pamamagitan ng salita. Hindi ba’t ang iyong kaalaman tungkol sa iyong dating mga kuru-kuro at tagumpay sa pagsasantabi sa mga ito ay nakamit din sa pamamagitan ng salita? Sa naunang yugto, ginawa ni Jesus ang mga tanda at mga kababalaghan, ngunit walang mga tanda at mga kababalaghan sa yugtong ito. Hindi ba’t ang iyong pagkaunawa kung bakit hindi Niya ginagawa ang mga tanda at mga kababalaghan ay nakamit din sa pamamagitan ng salita? Samakatuwid, ang mga salita na ipinahayag sa yugtong ito ay lampas sa gawain na ginawa ng mga apostol at propeta ng mga henerasyong nagdaan. Kahit na ang mga propesiya na sinabi ng mga propeta ay hindi magagawang magkamit ng resultang ito. Ang mga propeta ay naghayag lamang ng mga propesiya, ng kung ano ang mangyayari sa hinaharap, ngunit hindi ng gawain na nais gawin ng Diyos sa panahong iyon. Hindi rin sila nagsalita upang gabayan ang tao sa kanilang mga buhay, o upang magkaloob ng mga katotohanan sa sangkatauhan o upang magbunyag sa tao ng mga hiwaga, at lalo nang hindi upang magkaloob ng buhay. Sa mga salitang winika sa yugtong ito, mayroong propesiya at katotohanan, ngunit ang mga ito ay pangunahing naglilingkod upang magkaloob ng buhay sa tao. Ang mga salita sa kasalukuyan ay hindi tulad ng mga propesiya ng mga propeta. Ito ay isang yugto ng gawain na hindi para sa pagpapahayag ng propesiya kundi para sa buhay ng tao, upang baguhin ang disposisyon ng tao sa buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply