Paano nabuo ang Biblia? Anong ba talaga ang Biblia?

Agosto 14, 2020

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Matapos gawin ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, ginawa ang Lumang Tipan, at noon nagsimulang magbasa ng Biblia ang mga tao. Matapos dumating si Jesus, ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at isinulat ng Kanyang mga apostol ang Bagong Tipan. Sa gayon ay nagawa ang Luma at Bagong Tipan ng Biblia, at kahit hanggang ngayon, lahat ng naniniwala sa Diyos ay nagbabasa na ng Biblia. Ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan. Siyempre, ito rin ay naglalaman ng ilan sa mga hula ng mga propeta, at siyempre, ang mga hulang ito ay hindi nangangahulugan na kasaysayan. Napapaloob sa Biblia ang ilang bahagi—hindi lamang panghuhula, o gawa lang ni Jehova, ni mayroon lamang mga sulat ni Pablo. Kailangan mong malaman kung gaano karaming mga bahagi ang napapaloob sa Biblia; ang Lumang Tipan ay naglalaman ng Genesis, Exodo…, at mayroon ding mga aklat ng hula na isinulat ng mga propeta. Sa katapusan, ang Lumang Tipan ay nagtatapos sa Aklat ni Malakias. Itinatala nito ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, na siyang pinamunuan ni Jehova; mula sa Genesis hanggang Aklat ni Malakias, ito ay komprehensibong tala ng lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Na ibig sabihin ay, ang Lumang Tipan ay tala ng lahat ng karanasan ng tao na ginabayan ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na inalagaan ni Jehova ay nagsalita ng hula para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at inihula ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang mga taong ito na itinindig ay lahat nabigyan ng Espiritu ng propesiya ni Jehova: Kanilang nakita ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig ang Kanyang boses, at kaya sila’y nabigyang-inspirasyon Niya at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay ang pahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon ay basta lamang gabayan ang mga tao gamit ang Espiritu; hindi Siya naging katawang-tao, at walang nakita ang mga tao sa Kanyang mukha. Kaya, itinindig Niya ang maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at lahi ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila’y isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang maipakita sa iba. Itinindig ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang hulaan ang gawain ng hinaharap o ang gawain na dapat pang matapos sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagkanakakamangha at karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay sadyang naiiba sa ibang mga aklat ng Biblia; ang mga ito ay mga salita na binigkas o isinulat ng mga nabigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nagkamit ng mga pangitain o boses mula kay Jehova. Bukod sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay mga talaan na gawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi panghalili sa mga hulang sinabi ng mga propeta na itinindig ni Jehova, katulad ng Genesis at Exodo na hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago naisagawa ang gawain; ang ibang aklat, samantala, ay isinulat pagkatapos nito, na siya namang kaya ng mga tao. Ang mga propeta nang panahong iyon ay nabigyang-inspirasyon ni Jehova at nagwika ng ilang propesiya, maraming salita ang winika, at hinulaan nila ang mga bagay ng Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin ang pagkawasak ng mundo sa huling mga araw—ang gawain na binalak gawin ni Jehova. Itinala ng lahat ng mga natitirang libro ang ginawa ni Jehova sa Israel. Kaya, kapag binasa mo ang Biblia, pangunahin mong binabasa kung ano ang ginawa ni Jehova sa Israel; ang Lumang Tipan ng Biblia ay pangunahing nagtala ng gawain ni Jehova sa paggabay sa Israel, ang paggamit Niya kay Moises upang gabayan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, na nag-alis sa kanila ng mga kadena ng Faraon, at dinala sila sa ilang, matapos noon ay pumasok sila sa Canaan at ang lahat ng sumusunod dito ay ang kanilang buhay sa Canaan. Ang lahat bukod dito ay mga tala ng gawain ni Jehova sa buong Israel. Lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, ito’y gawain ni Jehova sa lupa kung saan nilikha Niya sina Adan at Eba. Mula nang opisyal na sinimulan ng Diyos na pamunuan ang mga tao sa daigdig pagkaraan ni Noe, ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain sa Israel. At bakit walang nakatala na kahit anong gawaing lampas sa Israel? Dahil ang lupain ng Israel ay ang duyan ng sangkatauhan. Sa pasimula, walang ibang bansa maliban sa Israel, at si Jehova ay di gumawa sa iba pang lugar. Sa paraang ito, kung ano ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Biblia ay pulos gawain ng Diyos sa Israel nang panahong iyon. Ang mga salitang winika ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … hinuhulaan ng kanilang mga salita ang Kanyang ibang gawain sa daigdig, hinuhulaan nila ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, lahat ng iba ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova nang panahong iyon.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Anong uri ng libro ang Biblia? Ang Lumang Tipan ay ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Lumang Tipan ng Biblia ay nagtatala ng lahat ng gawain ni Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan at ang Kanyang gawain ng paglikha. Ang lahat ng ito ay nagtatala ng gawain na tinapos ni Jehova, at ito ay tinatapos sa bandang huli ang mga salaysay ng gawain ni Jehova sa Aklat ni Malakias. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng dalawang bahagi ng gawain na tinapos ng Diyos: Ang isa ay ang gawain ng paglikha, at ang isa ay pag-aatas ng mga kautusan. Ito ay parehong gawain na ginawa ni Jehova. Ang Kapanahunan ng Kautusan ay kumakatawan sa gawain sa ilalim ng pangalan ng Diyos na si Jehova; ito ay kabuuan ng mga gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jehova. Kaya, ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jehova, at ang Bagong Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jesus, gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jesus. Ang kabuluhan ng pangalan ni Jesus at gawain na Kanyang ginawa ay karamihang nakatala sa Bagong Tipan. Sa panahon ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan, binuo ni Jehova ang templo at altar sa Israel, ginabayan Niya ang buhay ng mga Israelita sa daigdig, pinatutunayan na sila ang Kanyang bayang pinili, ang unang grupo ng mga tao na Kanyang pinili sa daigdig at ayon sa Kanyang sariling puso, ang unang grupo na personal Niyang pinamunuan. Ang labindalawang lipi ni Israel ay ang mga unang pinili ni Jehova, at sa gayon Siya ay palaging gumawa sa kanila, hanggang sa katapusan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang ikalawang yugto ng gawain ay ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ng Bagong Tipan, at ito ay isinagawa sa mga taong Judio, sa isa sa labindalawang tribo ng Israel. Na ang saklaw ng gawain ay mas maliit ay dahil si Jesus ay Diyos na naging katawang-tao. Si Jesus ay gumawa lamang sa buong lupain ng Judea, at gumawa lamang ng tatlo-at-kalahating taong gawain; sa gayon, ang nakatala sa Bagong Tipan ay malayong malagpasan ang bilang ng gawain na nakatala sa Lumang Tipan.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Ang Biblia ay tinatawag din na Luma at Bagong Tipan. Alam ba ninyo kung ano ang tinutukoy ng “tipan”? Ang “tipan” sa “Lumang Tipan” ay mula sa kasunduan ni Jehova sa bayan ng Israel nang patayin Niya ang mga taga-Ehipto at iniligtas ang mga Israelita mula sa Faraon. Siyempre pa, ang patunay ng kasunduang ito ay ang dugo ng tupa na ipinahid sa mga biga, kung saan nagtatag ang Diyos ng kasunduan sa tao, isa na kung saan sinabi na ang lahat ng may dugo ng tupa sa itaas at mga gilid ng hamba ng pintuan ay mga Israelita, sila ang hinirang na bayan ng Diyos, at silang lahat ay maliligtas ni Jehova (sapagkat papatayin na ni Jehova noon ang lahat ng panganay na lalaki ng Ehipto at panganay na mga tupa at baka). Ang kasunduang ito ay may dalawang antas ng kahulugan. Wala sa mga tao o mga alagang hayop ng Ehipto ang maililigtas ni Jehova; papatayin Niya ang lahat ng kanilang panganay na lalaki at panganay na mga tupa at baka. Kaya, sa maraming libro ng propesiya hinulaan na ang mga taga-Egipto ay matinding kakastiguhin bilang resulta ng kasunduan ni Jehova. Ito ang unang antas ng kahulugan ng kasunduan. Pinatay ni Jehova ang mga panganay na anak na lalaki ng Ehipto at ang lahat ng panganay na alagang hayop, at iniligtas Niya ang lahat ng Israelita, na nangangahulugang ang lahat ng tao sa lupain ng Israel ay itinangi ni Jehova, at ang lahat ay maliligtas; ninanais Niyang gumawa ng pangmatagalang gawain sa kanila, at itinatag ang kasunduan sa kanila gamit ang dugo ng tupa. Pasimula sa panahong iyon, hindi papatayin ni Jehova ang mga Israelita, at sinabi na sila ang Kanyang mga hinirang magpakailanman. Sa gitna ng labindalawang angkan ng Israel, sisimulan Niya ang Kanyang gawain sa buong Kapanahunan ng Kautusan, bubuksan Niya ang lahat ng Kanyang mga batas sa mga Israelita, at pipili mula sa kanila ng mga propeta at mga hukom, at sila ang magiging sentro ng Kanyang gawain. Gumawa si Jehova ng isang kasunduan sa kanila: Maliban kung magbago ang kapanahunan, Siya ay gagawa lamang sa gitna ng mga hinirang. Ang kasunduan ni Jehova ay hindi nababago, dahil ito ay isinakatuparan sa dugo, at itinatag sa pamamagitan ng Kanyang hinirang na bayan. Mas mahalaga, Siya ay pumili ng naaangkop na saklaw at layon na dapat pagmulan ng Kanyang gawain para sa buong kapanahunan, at sa gayon nakita ng mga tao ang kasunduan bilang lalong mahalaga. Ito ang ikalawang antas ng kahulugan ng kasunduan. Maliban sa Genesis, na naroon na bago pa ang pagtatatag ng kasunduan, ang lahat ng iba pang mga libro sa Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ng Diyos sa gitna ng mga Israelita pagkatapos ng pagtatatag ng kasunduan. Siyempre, may mga paminsan-minsang salaysay ang mga Gentil, ngunit sa pangkalahatan, ang Lumang Tipan ay nagsasaad ng gawain ng Diyos sa Israel. Dahil sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita, ang mga aklat na isinulat sa Kapanahunan ng Kautusan ay tinawag na ang “Lumang Tipan.” Ang mga ito ay ipinangalan sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita.

Ang Bagong Tipan ay ipinangalan sa pagdanak ng dugo ni Jesus sa krus at ang Kanyang kasunduan sa lahat ng naniniwala sa Kanya. Ang kasunduan ni Jesus ay ito: Ang mga tao ay dapat lamang maniwala sa Kanya upang ang kanilang mga kasalanan ay mapatawad sa pagdanak ng Kanyang dugo, at sa gayon ang mga ito ay maliligtas, at isisilang muli sa pamamagitan Niya, at hindi na magiging mga makasalanan; ang mga tao ay dapat lamang maniwala sa Kanya upang matanggap ang Kanyang biyaya, at hindi magdurusa sa impiyerno pagkatapos nilang mamatay. Ang lahat ng aklat na isinulat sa Kapanahunan ng Biyaya ay dumating pagkatapos ng kasunduang ito, at lahat ng ito ay isinasaad ang gawain at mga pagbibigkas na nakapaloob dito. Ang mga ito ay hindi lalagpas sa pagliligtas ng pagpako sa krus ng Panginoong Jesus o sa kasunduan; itong lahat ay mga aklat na isinulat ng mga kapatid sa Panginoon na nagkaroon ng mga karanasan. Kaya, ang mga librong ito ay ipinangalan din sa isang kasunduan: Ang mga ito ay tinawag na ang Bagong Tipan. Ang dalawang tipan na ito ay sinasaklaw lamang ang Kapanahunan ng Biyaya at ang Kapanahunan ng Kautusan, at walang kaugnayan sa huling kapanahunan.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 2

Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Biblia: na ito’y walang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang testamento sa sinundang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at hindi nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga minimithi ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Biblia na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at gawain ni Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo; hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na nakalipas ay gumagawa sa mga ito na kasaysayan, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi magpapatungkol sa kasalukuyan. Sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! At kaya, kung iyo lamang nauunawaan ang Biblia, at walang naiintindihan sa gawain na nilalayong gawin ngayon ng Diyos, at kung naniniwala ka sa Diyos nguni’t hindi hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Biblia upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa lahat ng kalangitan at kalupaan, kung gayon ay hindi ka naniniwala sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil naniniwala ka sa Diyos, at hinahabol ang buhay, dahil hinahabol mo ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahabol ang mga walang-buhay na titik at doktrina, o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos ngayon, at dapat hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Biblia—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga yaon na naniniwala sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang kalooban ng Diyos sa ngayon.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4

Ang Biblia ay isang tala ng kasaysayan ng gawain ng Diyos sa Israel, at nakasulat dito ang marami sa mga panghuhula ng mga sinaunang propeta gayundin ang ilan sa mga pagbigkas ni Jehova sa Kanyang gawain sa panahong iyon. Kaya, tinitingnan ng lahat ng tao ang librong ito na banal (sapagkat ang Diyos ay banal at dakila). Mangyari pa, ang lahat ng ito ay resulta ng kanilang paggalang kay Jehova at ng kanilang pagsamba sa Diyos. Ang mga tao ay sumasangguni sa aklat na ito sa ganitong paraan dahil lamang sa ang mga nilalang ng Diyos ay napakamapitagan at mapagmahal sa kanilang Lumikha, at mayroon pa nga yaong mga tumatawag sa aklat na ito na isang makalangit na aklat. Sa katunayan, ito ay isa lamang tala ng tao. Ito ay hindi personal na pinangalanan ni Jehova, ni hindi rin personal na ginabayan ni Jehova ang paglikha nito. Sa ibang salita, ang may-akda ng aklat na ito ay hindi ang Diyos, kundi mga tao. Ang Banal na Biblia ay ang kagalang-galang na pamagat lamang na ibinigay dito ng tao. Ang pamagat na ito ay hindi pinagpasiyahan ni Jehova at ni Jesus matapos Silang magtalakayan; ito ay isa lamang ideya ng tao. Sapagkat ang aklat na ito ay hindi sinulat ni Jehova, lalong hindi ni Jesus. Sa halip, ito ay mga salaysay ng maraming sinaunang propeta, mga apostol, at mga nakakakita ng pangitain, na tinipon ng mga sumunod na henerasyon bilang isang libro ng sinaunang mga kasulatan na, para sa mga tao, ay tila lubhang banal, isang libro na sa tingin nila ay naglalaman ng maraming hindi-maarok at malalalim na misteryo na naghihintay matuklasan ng susunod na mga henerasyon. Dahil dito, ang mga tao ay naging mas lalong nakaayong maniwala na ang aklat na ito ay isang makalangit na aklat. Dahil sa karagdagan ng Apat na Ebanghelyo at ng Aklat ng Pahayag, ang saloobin ng mga tao hinggil dito ay partikular na naiiba mula sa anumang iba pang libro, at kaya walang sinumang naglalakas-loob na himay-himayin itong “makalangit na aklat”—dahil ito ay masyadong “sagrado.”

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4

Ngayon, hinihimay-himay Ko ang Biblia sa ganitong paraan at hindi ito nangangahulugan na kinasusuklaman Ko ito, o itinatanggi ang halaga nito bilang sanggunian. Ipinaliliwanag Ko at nililinaw ang likas na halaga at mga pinagmulan ng Biblia sa iyo upang pigilan ka sa pananatiling walang alam. Dahil ang mga tao ay napakaraming pananaw tungkol sa Biblia, at karamihan sa mga iyon ay mali; ang pagbabasa ng Biblia sa paraang ito ay hindi lamang humahadlang sa kanila mula sa pagkakaroon ng kung ano ang nararapat, ngunit, mas mahalaga, pinipigilan nito ang gawain na Aking nilalayong gawin. Napakalaking hadlang nito sa gawain ng hinaharap, at nagbibigay lamang ng mga balakid, hindi kapakinabangan. Kaya, ang itinuturo Ko lamang sa iyo ay ang substansya at ang kuwentong napapaloob sa Biblia. Hindi Ko sinasabi na huwag mong basahin ang Biblia, o ipangalandakan mo na ito ay lubusang walang halaga, kundi magkaroon ka ng wastong kaalaman at pananaw sa Biblia. Huwag maging masyadong nakatuon sa isang panig lamang! Kahit na ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan na isinulat ng mga tao, itinatala rin nito ang karamihan ng mga prinsipyo ng sinaunang mga banal at propeta sa paglilingkod sa Diyos, gayundin ang mga kamakailang karanasan ng mga apostol sa paglilingkod sa Diyos—lahat ng ito ay talagang nakita at nalaman ng mga taong ito, at maaaring magsilbi bilang sanggunian para sa mga tao ng kapanahunang ito sa paghahabol sa totoong landas. Kaya, sa pagbabasa ng Biblia ang mga tao ay makakatamo rin ng maraming paraan ng pamumuhay na hindi natatagpuan sa iba pang mga libro. Ang mga paraang ito ang mga daan ng buhay ng gawain ng Banal na Espiritu na naranasan ng mga propeta at apostol sa mga nagdaang kapanahunan, at karamihan sa mga salita ay mahalaga, at nakakapagbigay ng mga pangangailangan ng mga tao. Kaya, ibig ng lahat ng tao na magbasa ng Biblia. Dahil sa napakarami ang nakatago sa Biblia, ang mga pananaw ng tao hinggil dito ay hindi tulad sa mga kasulatan ng dakilang espirituwal na mga tao. Ang Biblia ay isang talaan at tinipong mga karanasan at kaalaman ng mga taong naglingkod kina Jehova at Jesus sa luma at bagong kapanahunan, at sa gayon nakakayanang magtamo ng mga sumunod na henerasyon ng maraming kaliwanagan, pagpapalinaw, at mga landas ng pagsasagawa mula rito. Ang dahilan kung bakit ang Biblia ay mas mataas kaysa sa mga kasulatan ng sinumang dakilang espirituwal na tao ay sapagkat ang lahat ng kanilang mga kasulatan ay hinango mula sa Biblia, ang kanilang mga karanasan ay nagmula lahat sa Biblia, at lahat sila ay nagpapaliwanag ng Biblia. At sa gayon, bagaman ang mga tao ay makakakuha ng panustos mula sa mga libro ng sinumang dakilang espirituwal na tao, sinasamba pa rin nila ang Biblia, dahil ito ay tila napakataas at napakalalim para sa kanila! Kahit na pinagsasama-sama ng Biblia ang ilang aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham ni Pablo at mga liham ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay matutustusan at matutulungan ng mga librong ito, hindi na rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang tumitigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. At kaya, ang mga librong ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay magkakaloob lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at hindi mahalaga kung gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay kapareho ng gawain ni Jehova ng paglikha o ng Kanyang gawain sa Israel: Hindi mahalaga kung gaano kadakila ang gawaing ito, ito pa rin ay wala na sa panahon, at ang oras ay darating pa rin kung kailan ito ay tapos na. Ang gawain ng Diyos ay kapareho rin: Ito ay dakila, ngunit darating ang panahon kung kailan natatapos ito; hindi ito palagiang mananatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni sa gitna ng pagpapako sa krus. Kung gaano man kapani-paniwala ang gawain ng pagpapako sa krus, kung gaano man kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain ay, kung tutuusin, gawain pa rin, at ang mga kapanahunan, kung tutuusin, ay mga kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi palaging mananatili sa parehong pundasyon, ni ang mga panahon ay hindi nagbabago kailanman, dahil mayroong paglikha at dapat mayroong mga huling araw. Ito ay hindi maiiwasan! Kaya, ngayon ang mga salita ng buhay sa Bagong Tipan—ang mga liham ng mga apostol, at ang Apat na Ebanghelyo—ay naging mga libro ng kasaysayan, ang mga ito ay naging lumang mga almanak, at paanong madadala ng lumang mga almanak ang mga tao sa bagong kapanahunan? Kung gaano man ang kakayahan ng mga almanak na ito sa pagbibigay ng buhay sa mga tao, kung gaano man ang kakayahan ng mga ito na akayin ang mga tao sa krus, hindi ba ang mga ito ay lipas na? Hindi ba nawalan na ang mga ito ng halaga? Kaya, sinasabi Ko na hindi ka dapat pikit-matang naniniwala sa mga almanak na ito. Ang mga ito ay napakaluma, hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at maaaring pabigat lamang ang mga ito sa iyo. Hindi lamang sa hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at tungo sa bagong pagpasok, kundi dinadala ka ng mga ito tungo sa lumang mga relihiyosong simbahan—at kung gayon, hindi ka ba paurong sa paniniwala mo sa Diyos?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Leave a Reply