Ikalabindalawang Aytem: Gusto Nilang Umatras Kapag Wala Silang Katayuan o Pag-asang Magkamit ng mga Pagpapala (Unang Seksiyon)
Ang pagbabahaginan ngayon hinggil sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo ay tungkol sa ikalabindalawang aytem: Gusto nilang umatras kapag wala silang katayuan o pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Tinatalakay rin ng aytem na ito ang mga disposisyon ng mga anticristo at isa ito sa mga kongkretong pagpapamalas nila. Mula sa isang mababaw na perspektiba, gugustuhin ng isang anticristo na umatras kung wala siyang katayuan o pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Kapag wala na ang dalawang bagay na ito sa kanya, gugustuhin na niyang umatras. Mukhang napakadaling maunawaan ng mababaw na kahulugan—parang hindi ito kumplikado o abstrakto, pero ano ang mga espesipikong pagpapamalas dito? Sa madaling salita, anong uri ng mga sitwasyon ang nagiging sanhi para gustuhin ng isang anticristo na umatras dahil sa epekto nito sa kanyang katayuan o pag-asang magtamo ng mga pagpapala? Isa ba itong bagay na nararapat bigyan ng malalimang pagbabahaginan? Kung ipababahagi sa inyo ang tungkol dito, ano ang masasabi ninyo tungkol sa mga espesipikong detalye at pagpapamalas nito? Maaaring sabihin ng ilang tao, “Napakaraming beses na nating napagbahaginan ang tungkol dito. Mahilig sa katayuan at kapangyarihan ang mga anticristo, ikinasisiya nilang magkaroon ng mataas na karangalan, at ang layon nila sa pagkakaroon ng pananalig ay ang pagpalain, koronahan at gantimpalaan sila. Kung mabibigo at mawawala ang pag-asang ito, mawawalan sila ng ganang manampalataya sa Diyos at hindi na nila gugustuhin pang manalig.” Magiging ganoon lang ba kasimple gaya ng ilang salitang ito ang pagbabahaginan ninyo tungkol dito? (Oo.) Kung ganoon, kung makokongklusyunan ang pagbabahaginang ito sa pamamagitan ng ilang pahayag na ito, hindi kakailanganing magkaroon ng sarili nitong seksyon ang aspektong ito ng mga pagpapamalas ng mga anticristo sa ating serye ng pagbabahaginan patungkol sa mga pagpapamalas ng mga anticristo, ni hindi nito tatalakayin ang patungkol sa anumang partikular na kalikasang diwa. Pero, dahil may kaugnayan ang aytem na ito sa diwa at disposisyon ng mga anticristo, maging sa personal nilang mga paghahangad at perspektiba tungkol sa pag-iral, kung gayon, maaaring isa itong paksa na maraming aspekto. Kaya, ano ba mismo ang nakapaloob dito? Ibig sabihin, aling mga isyu na kinakaharap ng mga anticristo ang may kaugnayan sa kanilang katayuan at kanilang pag-asang magtamo ng mga pagpapala? Ano ang mga perspektiba, kaisipan, at saloobin nila patungkol sa mga bagay na ito? Siyempre, magkakaroon ng ilang pagkakapareho sa pagitan ng ating pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito at sa nakaraan nating mga pagbabahaginan tungkol sa mga perspektiba ng mga anticristo patungkol sa iba’t ibang isyu, pero ang pokus ng pagbabahaginan ngayon ay naiiba, at tinitingnan nito ang isyu mula sa ibang anggulo. Ngayong araw, espesipiko tayong magbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas na nahahayag kapag nawalan ng katayuan at ng pag-asang magtamo ng mga pagpapala ang mga anticristo, na maaaring magpatunay na may hindi tamang perspektiba ang mga anticristo sa paghahangad, at na hindi totoo ang pananalig nila sa Diyos; mabeberipika rin ng mga ito na taglay nga ng mga taong ito ang diwa ng isang anticristo.
I. Pagharap ng mga Anticristo sa Pagpupungos
Una, dapat muna nating tingnan ang mga pag-uugaling ipinapamalas ng mga anticristo kapag pinupungusan sila, kung paano nila hinaharap ang ganoong mga sitwasyon, kung ano ang mga saloobin, kaisipan, at perspektiba nila tungkol sa pagpupungos, at kung ano ang espesipiko nilang sinasabi at ginagawa—marapat lang na himayin at suriin natin ang mga bagay na ito. Medyo marami-rami na rin ang ibinahagi natin tungkol sa mga paksang may kaugnayan sa pagpupungos; isa itong karaniwang paksa kung saan pamilyar kayong lahat. Kapag napungusan na nang ilang beses saka lang makakaranas ng ilang pagbabago ang karamihan sa mga tao—kaya na nilang hanapin ang katotohanan at harapin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo kapag ginagampanan ang tungkulin nila, at saka lang magpapanibagong-sigla ang kanilang pananalig, at sasailalim ito sa ilang pagbabago para sa ikabubuti nito. Masasabi na nakatatak sa puso ng bawat tao ang bawat pagkakataon ng mahigpit na pagpupungos; at nag-iiwan ito ng alaalang hindi malilimutan. Siyempre, nag-iiwan din ng di-malilimutang alaala para sa mga anticristo ang bawat pagkakataon na mahigpit silang pinupungusan, pero ano ang pinagkaiba nito? Ang saloobin at ang iba’t ibang pagpapamalas ng isang anticristo hinggil sa pagpupungos, maging ang kanilang mga kaisipan, perspektiba, ideya, at mga bagay na katulad nito na lumilitaw mula sa sitwasyong ito ay ibang-iba kumpara sa isang karaniwang tao. Kapag ang isang anticristo ay pinupungusan, ang unang ginagawa niya ay labanan at tanggihan ito sa kaibuturan ng kanyang puso. Nilalabanan niya iyon. At bakit ganoon? Ito ay dahil ang mga anticristo, sa kanilang kalikasang diwa, ay tutol at namumuhi sa katotohanan, at hindi nila talaga tinatanggap ang katotohanan. Natural, ang diwa at disposisyon ng isang anticristo ay humahadlang sa kanya na kilalanin ang sarili niyang mga pagkakamali o kilalanin ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Batay sa dalawang katunayang ito, ang saloobin ng isang anticristo kapag pinupungusan ay ang tanggihan at salungatin ito, nang ganap at lubusan. Kinasusuklaman at nilalabanan niya iyon sa kaibuturan ng kanyang puso, at wala siya ni katiting na bahid ng pagtanggap o pagpapasakop, lalo nang walang anumang tunay na pagninilay o pagsisisi. Kapag ang isang anticristo ay pinupungusan, sinuman ang gumagawa niyon, tungkol saan man iyon, gaano man katindi ang dahilan kaya siya ang sinisisi sa bagay na iyon, gaano man kalantad ang pagkakamali niya, gaano kalaki ang kasamaang nagawa niya, o ano ang ibinubunga ng kanyang kasamaan para sa gawain ng iglesia—hindi isinasaalang-alang ng anticristo ang alinman dito. Para sa isang anticristo, pinupuntirya siya ng nagpupungos sa kanya, o hinahanapan siya ng mali para pahirapan siya. Maaari pa ngang isipin ng anticristo na inaapi siya at ipinapahiya, na hindi siya itinatrato bilang tao, at na hinahamak siya at kinukutya. Matapos pungusan ang isang anticristo, hindi niya pinagninilayan kailanman kung ano talaga ang nagawa niyang mali, anong uri ng tiwaling disposisyon ang naipakita niya, at kung hinanap niya ba ang mga prinsipyo kung saan siya dapat tumalima, kung kumilos ba siya alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, o tinupad ang kanyang mga responsabilidad hinggil sa usapin kung saan siya pinupungusan. Hindi niya sinusuri o pinagninilayan ang alinman dito, ni hindi niya isinasaalang-alang at pinag-iisipan ang mga isyung ito. Sa halip, hinaharap niya ang pagpupungos ayon sa sarili niyang kagustuhan at may init ng ulo. Sa tuwing pinupungusan ang isang anticristo, mapupuspos siya ng galit, pagsuway, at sama ng loob, at hindi makikinig sa payo ng sinuman. Hindi niya tinatanggap ang mapungusan, at hindi niya nagagawang bumalik sa harap ng Diyos para makilala at mapagnilayan ang kanyang sarili, para lutasin ang kanyang mga kilos na labag sa mga prinsipyo, tulad ng pagiging pabasta-basta o panggugulo sa kanyang tungkulin, ni hindi niya ginagamit ang pagkakataong ito para lutasin ang kanyang sariling tiwaling disposisyon. Sa halip, naghahanap siya ng mga dahilan para ipagtanggol ang kanyang sarili, para mapawalang-sala ang sarili niya, at magsasabi pa nga siya ng mga bagay na nagpapasimula ng alitan at nag-uudyok sa iba. Sa madaling salita, kapag pinupungusan ang mga anticristo, ang mga espesipiko nilang pagpapamalas ay pagsuway, pagkadismaya, paglaban, at pagsalungat, at nagkakaroon ng ilang reklamo sa puso nila: “Napakalaki ng kabayarang ibinigay ko at napakarami ko nang trinabaho. Kahit na hindi ko sinunod ang mga prinsipyo o hinanap ang katotohanan sa ilang bagay, hindi ko ginawa itong lahat para lang sa sarili ko! Kahit na nakapagdulot pa ako ng ilang pinsala sa gawain ng iglesia, hindi ko sinadyang gawin iyon! Sino ba ang hindi nagkakamali? Hindi ninyo puwedeng pagdiskitahan ang mga pagkakamali ko at walang-tigil akong pungusan nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahinaan ko, at nang walang pagmamalasakit sa nararamdaman ko o sa tiwala ko sa sarili ko. Walang pagmamahal ang sambahayan ng diyos para sa mga tao at sobra itong hindi makatarungan! Bukod pa roon, pinupungusan ninyo ako dahil sa isang napakaliit na pagkakamali—hindi ba’t nangangahulugan itong hindi maganda ang tingin ninyo sa akin at gusto ninyo akong itiwalag?” Kapag pinupungusan ang mga anticristo, ang unang nasa isip nila ay hindi ang pagnilayan kung ano ang nagawa nilang mali o ang tiwaling disposisyong ibinunyag nila, kundi ang makipagtalo, ipaliwanag at pangatwiranan ang sarili nila, habang bumubuo ng mga haka-haka. Anong mga haka-haka? “Napakalaki ng kabayarang ibinigay ko sa paggampan ng tungkulin ko sa sambahayan ng diyos para lang mapungusan. Mukhang walang natitirang pag-asa na magtamo ako ng mga pagpapala. Posible kayang ayaw ng diyos na gantimpalaan ang mga tao, kaya ginagamit niya ang pamamaraang ito para ibunyag ang mga tao at itiwalag sila? Bakit kailangan kong magsumikap kung wala namang pag-asang magtamo ng mga pagpapala? Bakit kailangan kong pagtiisan ang mga paghihirap? Bilang wala namang pag-asang magtamo ng mga pagpapala, hindi na lang siguro ako dapat manampalataya talaga! Hindi ba’t ang layunin ng pananampalataya sa diyos ay ang magtamo ng mga pagpapala? Kung wala namang pag-asa sa bagay na iyon, bakit kailangan ko pang gugulin ang sarili ko? Dapat siguro tumigil na lang ako sa pagsampalataya at tapusin na ito? Kung hindi ako mananampalataya, mapupungusan mo pa rin ba ako? Kung hindi ako mananampalataya, hindi mo ako mapupungusan.” Sadyang hindi kayang tanggapin ng mga anticristo na pungusan sila ng Diyos. Hindi nila kayang tumanggap at sumunod sa pamamagitan ng isang wastong pananaw at saloobin. Hindi nila kayang pagnilayan ang kanilang sarili sa pamamagitan nito at unawain ang mga tiwaling disposisyon nila nang sa gayon ay malinis ang mga tiwaling disposisyon nila. Sa halip, gamit ang isang malupit at makitid na isip, ipinapalagay at pinag-aaralan nila ang layunin ng pagkakapungos sa kanila. Pinapanood nilang mabuti ang takbo ng sitwasyon, pinapakinggan ang tono ng mga tao kapag nagsasalita ang mga ito, inoobserbahan kung paano sila tinitingnan ng mga tao sa paligid nila, kung paano magsalita ang mga ito sa kanila, at saloobin nila, at ginagamit ang mga bagay na ito para kumpirmahin kung may anumang pag-asa ba silang pagpalain o kung talaga bang nabunyag at natiwalag na sila. Ang isang simpleng pagkakataong pinungusan sila ay nagdudulot ng ganoon katinding gulo at matinding pagmumuni-muni sa puso ng mga anticristo. Sa tuwing pinupungusan sila, ang una nilang reaksyon ay pagkamuhi, at sa mga puso nila, tutol sila rito, tinatanggihan nila ito, at nilalabanan ito, bago pa man nila suriin ang wika at ekspresyon ng mukha ng mga tao, at sundan ng pakikisangkot sa mga haka-haka. Ginagamit nila ang mga utak nila, ang kaisipan nila, at ang hamak na katusuhan nila para panoorin ang takbo ng sitwasyon, obserbahan kung paano sila tingnan ng mga tao sa paligid nila, at pakiramdaman ang saloobin ng mga nakatatandang lider sa kanila. Mula sa mga bagay na ito, hinuhusgahan nila kung gaano pa kalaking pag-asa ang mayroon sila para pagpalain, kung may katiting ba silang pag-asang pagpalain, o kung nabunyag at natiwalag ba talaga sila. Kapag nasusukol sila, sinisimulan muli ng mga anticristo na saliksikin ang mga salita ng Diyos, sinusubukang makahanap sa mga salita ng Diyos ng tumpak na batayan, ng katiting na pag-asa, at ng makakapitan. Kung, matapos silang mapungusan, damayan at suportahan sila ng isang tao at tulungan sila nang may mapagmahal na puso, ipinararamdam ng mga bagay na ito na itinuturing pa rin silang miyembro ng sambahayan ng Diyos, naniniwala silang may pag-asa pa ring pagpalain sila, na matibay pa rin ang pag-asa nila, at itataboy nila ang anumang kaisipang umatras. Gayumpaman, sa sandaling mabaligtad na ang sitwasyon, kung saan makikita nila na lumiit at naglaho na ang pag-asa nilang pagpalain, ang unang reaksyon nila ay: “Kung hindi ako makakapagtamo ng mga pagpapala, hindi na ako mananampalataya sa diyos. Sinuman ang gustung-gustong manampalataya sa diyos ay maaaring manampalataya sa kanya, pero sa anu’t anupaman hindi ko matatanggap na pungusan mo ako, at mali ang lahat ng sinasabi mo kapag pinupungusan mo ako. Ayaw kong marinig ito, ayaw ko itong pakinggan, at hindi ko tatanggaping pungusan ako kahit na sabihin mo pang ito ang pinakakapaki-pakinabang na bagay para sa isang tao!” Kapag nakikita nilang naglalaho na ang pag-asa nilang pagpalain, kapag nakikita nilang mawawalan na ng saysay at mawawala na ang matagal na nilang hinahangad na katayuan at mga pangarap na makapasok sa kaharian ng langit, hindi nila iniisip na baguhin ang paraan ng paghahangad nila o baguhin ang mga layong hinahangad nila, kundi iniisip nilang umalis at umatras, ayaw na nilang manampalataya sa Diyos, at iniisip nilang wala na silang pag-asang pagpalain sa pananampalataya nila sa Diyos. Para sa mga anticristo, kung wala na ang kanilang mga pantasya at pag-asa sa mga gantimpala, pagpapala, at koronang gusto nilang matamo nang magsimula silang manampalataya sa Diyos, naglalaho ang motibasyon nilang manampalataya sa Diyos, gayundin ang kanilang motibasyong gugulin ang sarili nila para sa Diyos at gampanan ang tungkulin nila. Kapag wala na ang motibasyon nila, ayaw na nilang manatili sa iglesia, na magpatuloy pa nang ganito, at gusto na nilang abandonahin ang kanilang tungkulin at iwan ang iglesia. Ito ang pawang iniisip ng mga anticristo kapag pinupungusan sila, at ganap na nasisiwalat ang kalikasang diwa nila. Sa kabuuan, kapwa sa sinasabi nila at sa ginagawa nila, hindi kailanman tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan. Ano ang isang disposisyong hindi tumatanggap sa katotohanan? Hindi ba’t pagtutol ito sa katotohanan? Iyon nga mismo ito. Ang simpleng bagay na mapungusan, sa sarili nito, ay napakadaling tanggapin. Una, walang masamang hangarin sa parte ng taong pumupungos sa kanila; pangalawa, tiyak na, kung titingnan ang mga bagay kung saan pinupungusan ang mga anticristo, malamang na sinalungat nila ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at sinalungat ang mga katotohanang prinsipyo, na may kamalian o may nakalusot sa gawain nila na nakapagdulot ng pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Pinupungusan sila dahil sa karumihan ng kalooban nila bilang tao, dahil sa tiwaling disposisyon nila, at dahil kumikilos sila nang walang pakundangan dahil sa kawalan ng pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay isang napakanormal na bagay. Sa buong mundo, may mga panuntunan at regulasyon ang anumang malaking organisasyon, anumang grupo o kumpanya, at ang sinumang lalabag sa mga panuntunan at regulasyong ito ay dapat maparusahan at maituwid. Normal lang talaga ito, at tama lang. Gayumpaman, itinuturing ng isang anticristo ang tamang pagtutuwid bunga ng kanyang paglabag sa mga panuntunan at regulasyon bilang pagpapahirap sa kanya ng iba, di-patas na pagpaparusa sa kanya, paghahanap ng mali sa kanya, at pagdudulot ng problema sa kanya. Ganoon ba ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan? Napakalinaw namang hindi. Kung walang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan, posible ba para sa isang taong kagaya nito na maiwasang magkamali at magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa paggawa niya ng tungkulin niya? Tiyak na hindi. Nababagay bang gumampan ng isang tungkulin ang ganitong uri ng tao? Kung tutuusin, hindi. Malamang na hindi magiging mahusay ang ganitong klase ng tao sa anumang gawain.
Ang pagganap sa tungkulin ay isang oportunidad na ibinibigay ng Diyos sa hinirang na mga tao Niya nang sa gayon ay maturuan nila ang kanilang mga sarili, pero hindi alam ng mga tao kung paano ito pahalagahan. Sa halip, kapag pinupungusan sila, nagmamaktol sila; nilalabanan nila ito at nag-iingay laban dito; ayaw nilang sumunod at nagagalit sila. Na para bang mga santo sila na hindi kailanman nakagawa ng mga pagkakamali. Sino sa mga tiwaling tao ang hindi nagkakamali? Napakanormal na bagay ang magkamali. Pasalita ka lang pinupungusan ng sambahayan ng Diyos, hindi ka nito sinisisi o kinokondena dahil dito, lalo namang hindi ka nito sinusumpa. Minsan, posibleng medyo marahas ang pagpupungos na ito, maaaring matalas o di-kaaya-ayang pakinggan ang mga salita, at puwedeng masaktan ang damdamin mo. Iyong mga nakapagdulot ng pinsala sa mga pananalapi o kagamitan ng sambahayan ng Diyos ay didisiplinahin ng sambahayan ng Diyos gamit ang mga multa o sa pamamagitan ng paghingi ng bayad-pinsala—mabibilang ba iyon na marahas? O maituturing ba itong wasto? Hindi ka hinihingang magbayad nang doble, ni hindi ka kinikikilan, kailangan mo lang bayaran ang ganoon ding halaga. Hindi ba’t wasto lang naman talaga iyon? Mas magaan pa ito kaysa sa mga multang sinisingil sa ilang bansa sa mundo. Sa ilang lungsod, pagmumultahin ka nang mabigat dahil lang sa pagdura sa lupa o pagkakalat ng basurang papel. Masusuway mo ba ito, o makakatanggi ka bang bayaran ang multa? Kung tatanggi ka, malamang na makukulong ka, at magkakaroon pa ng lalong mabibigat na parusang naaayon sa batas. Ganoon talaga ang sistema. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at iniisip nilang masyadong marahas na pungusan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, at ang ituwid ang mga tao nang ganito ay masyadong asal-dragon. Kung pupungusan ang ganoong mga tao sa medyo mas marahas na paraan, at masugatan ang kanilang dangal at mabulabog ang sataniko nilang kalikasan, pakiramdam nila ay hindi ito mapagtitiisan, at hindi ito tumutugon sa kanilang mga kuru-kuro. Naniniwala silang, dahil sambahayan ito ng Diyos, hindi dapat tratuhin ang mga tao sa ganitong paraan, na dapat maging mapagparaya at mapagpasensya ang sambahayan ng Diyos sa bawat pagkakataon, at hayaan ang mga tao na kumilos nang walang pakundangan at gawin kung ano ang maibigan nila. Iniisip nila na ang lahat ng ginagawa ng mga tao ay mabuti, at dapat itong alalahanin ng Diyos. Makatwiran ba ito? (Hindi.) Anong kalikasang diwa ba ang taglay ng mga tao? Tunay bang tao sila? Sa mas eleganteng pananalita, sila ay mga Satanas at diyablo. Sa mas magaspang na pananalita, mga hayop sila. Hindi alam ng mga tao ang mga tuntunin kung paano umasal, lubha silang di kaaya-aya, at saka tamad, mahilig sa kalayawan at ayaw naman sa mabigat na trabaho, at gusto nilang nag-aamok at gumagawa ng masasamang bagay. Ang pinakamalala pa nito, laging nais ng karamihan sa mga gumaganap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos na bitbit-bitbit nila ang mga pilosopiya ng sekular na mundo para sa mga makamundong pakikitungo, pamamaraan, at masasamang kalakaran. Ibinubuhos pa nga nila ang kanilang enerhiya sa pananaliksik, pag-aaral, at panggagaya sa mga bagay na ito, at bunga nito, nakalilikha ang mga ito ng ligalig at kaguluhan sa ilang gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ito matitiis ng lahat, at sinasabi pa nga ng ilang kapatid na bago sa pananalig na hindi relihiyoso ang mga taong ito, na naaayon sa mga makamundong kalakaran ang mga kilos nila, at malayong-malayo ang mga ito sa mga kilos ng isang Kristiyano—hindi matanggap kahit ng mga bagong mananampalatayang ito ang mga kilos ng mga taong ito. Ang mga taong ito ay nagbibigay ng kaunting kabayaran, may kaunting sigla, at kakaunting motibasyon at kabutihang-loob, at dinadala nila sa loob ng sambahayan ng Diyos ang anumang walang katuturang bagay na natutunan nila, at ginagamit nila ito sa kanilang tungkulin at gawain, at bunga nito, nagdudulot sila ng mga paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, at napupungusan sila sa bandang huli. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao: “Hindi ba’t sinabi ng Diyos na aalalahanin Niya ang mabubuting gawa ng mga tao? Kung gayon, bakit ako pinupungusan dahil sa pagganap ko sa aking tungkulin? Bakit hindi ko ito maunawaan? Paano ba natutupad ang mga salita ng Diyos? Maaari nga kayang mga walang laman at matatayog-pakinggang salita lang ang lahat ng iyon?” Kung gayon, bakit hindi ka magnilay-nilay kung mabubuting gawa ba na nararapat alalahanin ang mga ginawa mo? Ano ba ang hiningi ng Diyos sa iyo? Nakakatugon ba sa wastong-asal ng mga santo ang tungkuling ginampanan mo, ang gawaing ginawa mo, at ang mga ideya at suhestiyong ibinigay mo? Umaayon ba ang mga ito sa mga hinihinging pamantayan ng sambahayan ng Diyos? Naisip mo ba ang tungkol sa patotoo ng Diyos, at pangalan ng Diyos? Isinaalang-alang mo ba ang reputasyon ng sambahayan ng Diyos? Isinaalang-alang mo ba ang wastong-asal ng mga santo? Tinatanggap mo bang isa kang Kristiyano? Hindi mo isinaalang-alang ang alinman dito, kaya ano ba talaga ang nagawa mo? Nararapat bang alalahanin ang mga ginawa mo? Ginulo mo ang gawain ng iglesia, at pinungusan ka lang ng sambahayan ng Diyos, nang hindi binabawi ang karapatan mong gumanap ng tungkulin. Ito ang pinakadakilang pag-ibig, ang pinakatotoong pagmamahal. Gayumpaman, naiinis ka. May kahit anong dahilan ka ba para mainis? Sobrang wala ka sa katwiran!
May ilang tao na dalawa o tatlong taon pa lang nananampalataya sa Diyos, at ang mga kilos nila, ang paraan kung paano sila magsalita at tumawa, at ang mga pananaw na ibinubunyag nila, maging ang mga ekspresyon ng mukha nila at galaw kapag nakikipag-usap sila sa iba ay hindi kaaya-aya, at ipinapakita ng mga ito na lubos silang walang pananampalataya at hindi mananampalataya. Dapat ituwid ang mga taong ito, dapat silang pungusan, at dapat silang latagan ng mga tuntunin, para malaman nila kung ano ba ang normal na pagkatao, kung ano ba ang malasantong asal, at kung paano dapat kumilos ang isang Kristiyano, at para matutunan nila kung paano maging isang tao, at maging katulad sila ng mga tao. May ilan na walo o 10 taon nang nananampalataya sa Diyos, o higit pa nga, pero kung titingnan ang mga kaisipan at perspektiba nila, mga salita at kilos, at ang paraan kung paano nila harapin ang mga bagay-bagay at ang mga ideyang naiisip nila kapag may mga nangyayari sa kanila, malinaw na sadyang wala silang pananampalataya at hindi sila mananampalataya. Marami-rami na ring sermon ang napakinggan ng mga taong ito, at may karanasan at pagkaunawa naman sila; medyo nakasalamuha na nila nang kaunti ang kanilang mga kapatid, at may sarili na dapat silang pang-araw-araw na wika, pero hindi magawa ng karamihan sa kanila na magbahagi ng patotoo, at kapag nagsasalita sila at ipinapahayag nila ang kanilang mga pananaw, lubos na napakasimple ng pananalita nila, at wala silang maipaliwanag nang malinaw. Tunay ngang mahirap, kaawa-awa, at bulag sila—malinaw na nakakaawa talaga ang hitsura nila. Kapag gumanap ng tungkulin at humawak ng kaunting responsabilidad ang ganoong tao, lagi itong mapupungusan. Hindi ito maiiwasan. Bakit siya pupungusan? Ito ay dahil masyadong nilalabag ng mga kilos niya ang mga katotohanang prinsipyo; ni hindi niya maabot ang konsensiya at katwiran ng mga normal na tao, at nagsasalita at kumikilos siya gaya ng mga walang pananampalataya, na para bang kinuha ang isang walang pananampalataya para gawin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, kumusta naman ang kalidad ng kinalabasang gawain ng mga taong ito sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin? Ano ang halaga nito? May anumang bahagi ba sila na mapagpasakop? Hindi ba’t masyado silang maraming problema at nagdudulot lang sila ng mga pagkagambala at kaguluhan? (Oo.) Kung gayon, hindi ba’t dapat pungusan ang mga taong ito? (Oo.) Nagsusulat ng mga script ang ilang tao tungkol sa buhay ng isang Kristiyano, tungkol sa kung paano dumaraan ang bida sa pag-uusig, kapighatian, at iba’t ibang sitwasyon, at kung paano nito pinapahalagahan at nararanasan ang mga salita ng Diyos. Pero, sa buong kuwento, napakadalang manalangin ng bida, at paminsan kapag nahaharap siya sa isang bagay, ni hindi nito alam kung ano ang dapat sabihin sa panalangin. Dati, iyon at iyon din ang isinusulat ng ilang tao para sa mga panalangin; kapag naharap ang bida sa isang bagay, ipapanalangin niya: “O Diyos, masamang-masama ang loob ko ngayon! Napakamiserable ko, sobrang napakamiserable! Pakigabayan nawa ako at bigyan ako ng kaliwanagan.” Nagsulat lang sila ng mga walang kuwentang salitang gaya ng mga ito, pero sa harap ng ibang pangyayari, ng ibang sitwasyon, ng ibang kalagayan, hindi alam ng bida kung paano mananalangin at wala siyang anumang masabi. Napapaisip tuloy Ako, kung inilalarawan ng mga taong ito ang bida nila na hindi nananalangin kapag nasusuong sa mga problema, sila ba mismo, ugali ba nilang manalangin? Kung hindi sila nananalangin kapag may kinakaharap sila, sa ano sila nakasalalay sa pang-araw-araw nilang mga buhay at sa pagganap ng kanilang tungkulin? Ano ang iniisip nila? Nasa puso ba nila ang Diyos? (Wala ang Diyos sa puso nila. Nakasalalay sila sa sarili nilang pag-iisip at mga kaloob sa mga bagay na ginagawa nila.) Napupungusan tuloy sila bunga nito. Sa palagay ninyo, paano Ko tatasahin ang bagay na ito? Dapat pungusan ang mga taong kagaya nito. Ang mga taong ito, na walang progreso, na may mga utak pero walang mga puso, ay ilang taon nang mga mananampalataya, pero wala silang ideya kung ano ang sasabihin nila sa mga panalangin kapag nahaharap sa isang isyu; wala silang masabi sa Diyos, ni hindi sila marunong magsabi ng saloobin nila sa Diyos, at wala silang puso-sa-pusong ugnayan sa Diyos. Ang Diyos ang Siyang pinakamalapit sa iyo, ang Siyang pinakakarapat-dapat sa pagtitiwala at pag-asa mo, pero wala kang kahit anong masabi sa Kanya—puwes, para kanino mo inilalaan ang pinakamalalalim mong saloobin? Kahit na para kanino pa ito, kung wala kang anumang masabi sa Diyos, kung gayon, anong klaseng tao ka? Hindi ba’t isa kang taong lubhang walang pagkatao? Kung walang nakalagay sa script tungkol sa pagkatao ng bida, sa buhay nito bilang isang mananampalataya, at kung paano nito nararanasan at pinahahalagahan ang mga salita ng Diyos, at iba pa, kung isa lang itong walang katuturang script, ano kung gayon ang gusto mong ipakita sa mga tao sa paggawa ng pelikulang ito? Ano ang kabuluhan ng script na iyan na sinusulat mo? Nagpapatotoo ka ba sa Diyos, o sa kaunting kaalaman at edukasyong mayroon ka? Ang pinakakongkretong ebidensiya para sa patotoo sa Diyos ay kung paano nananalangin at naghahanap ang isang tao, at kung paano nagbabago ang kanyang mga ideya, saloobin, perspektiba, at ang kanyang mga kaisipan tungkol sa Diyos, kapag may nangyayari sa kanya, o kapag nasusuong siya sa mga paghihirap. Sa kasamaang-palad, walang kahit anong pagkaunawa ang ilang tao tungkol dito. Hindi pa rin sila marunong manalangin matapos ang ilang taong pananalig—hindi nakapagtatakang wala pa rin silang progreso. Hindi umunlad ang mga propesyonal nilang kasanayan, at wala silang naging progreso sa buhay pagpasok nila. Hindi ba’t dapat pungusan ang ganoong mga tao? Kaya, may pangyayari na noon na nagiging dahilan kung bakit pinupungusan ang mga tao. Kung tatanggi kayong mapungusan, o hindi kayo mapupungusan, magiging mapanganib ang kahihinatnan nito at ang kalalabasan ninyo. Mapalad kayo na may mga taong pupungos at didisiplina sa inyo ngayon. Ang kamangha-mangha, at kapaki-pakinabang na bagay na ito ay isang bagay na hindi kayang tanggapin ng mga anticristo. Iniisip nila na kapag pinungusan sila, nangangahulugan itong tapos na sila, na wala na silang pag-asa, at nakikita na nila kung ano ang kalalabasan nila. Iniisip nila na ang mapungusan ay nagpapakita na hindi na sila pinapahalagahan, at hindi na sila paborito ng Itaas, at malamang na matiwalag na sila. Pagkatapos, nawawalan na sila ng motibasyon sa pananalig nila at nagsisimula silang magplanong lumabas sa mundo at kumita ng maraming pera, sumunod sa mga makamundong kalakaran, kumain, uminom, at magpakasaya, at nagsisimulang lumitaw ang masasamang balak nila. Nalalagay tuloy sila sa panganib, at ang susunod nilang hakbang ang magtutulak sa kanilang gawin ang hindi nararapat, at lisanin ang sambahayan ng Diyos.
Kapag may katayuan at kapangyarihan ang isang anticristo sa sambahayan ng Diyos, kapag kaya niyang manamantala at samantalahin ang bawat pagkakataon, kapag tinitingala at binobola siya ng mga tao, at kapag tila abot-kamay lang niya ang mga pagpapala at gantimpala, at ang isang magandang hantungan, kung gayon, sa panlabas ay mukhang nag-uumapaw siya sa pananalig sa Diyos, sa mga salita ng Diyos at Kanyang mga pangako sa sangkatauhan, at sa gawain at kinabukasan ng sambahayan ng Diyos. Subalit, pagkapungos na pagkapungos sa kanya, kapag nalagay sa alanganin ang pagnanais niyang pagpalain, saka siya nagkakaroon ng mga hinala at maling pagkaunawa patungkol sa Diyos. Sa isang kisapmata, naglalaho ang tila masagana niyang pananalig, at hindi na ito masumpungan. Ni hindi na siya makahugot ng lakas para lumakad o magsalita man lang, nawawalan na siya ng ganang gawin ang tungkulin niya, at nawawala na ang lahat ng kanyang sigla, pagmamahal at pananalig. Nawala na ang katiting na kabutihang-loob na mayroon siya, at hindi na siya nakikinig sa sinumang nakikipag-usap sa kanya. Bigla siyang nagbabago na para bang ibang tao na siya. Nabunyag na siya, hindi ba? Kapag pinanghahawakan ng ganoong tao ang pag-asa niyang pagpalain, mukha siyang hindi mauubusan ng lakas, at mukhang tapat siya sa Diyos. Kaya niyang bumangon nang maaga at magpuyat sa pagtatrabaho, at nagagawa niyang magdusa at magbayad ng halaga. Pero kapag nawalan na siya ng pag-asang pagpalain, para siyang isang umimpis na lobo. Gusto na niyang baguhin ang kanyang mga plano, maghanap ng ibang landas, at isuko ang pananalig niya sa Diyos. Nasisiraan siya ng loob at nadidismaya siya sa Diyos, at napupuno siya ng mga hinanakit. Ito ba ang pagpapahayag ng isang taong naghahangad at nagmamahal sa katotohanan, ng isang taong may pagkatao at integridad? (Hindi.) Nasa panganib siya. Kapag may nakaharap kayong ganitong uri ng tao, kung nagagawa naman niyang magserbisyo, maging banayad kayo kapag pinupungusan ninyo siya, at mag-isip kayo ng ilang masasarap-pakinggang salita na magagamit para purihin siya. Bolahin ninyo siya at palakasin ang loob niya, at pagkatapos ay magiging masaya at masigla siya. Puwede kang magsabi ng mga bagay tulad ng, “Lubos kang pinagpala, may ningning sa mga mata mo, at nakikita kong may lakas kang di-nauubos, at siguradong magiging sandigan ka sa sambahayan ng Diyos. Hindi puwedeng wala ka sa kaharian ng Diyos, at kung wala ka, isang kawalan iyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Pero may isa ka lang maliit na kapintasan. Mapagtatagumpayan mo ito sa pamamagitan ng kaunting tiyaga at kapag naayos mo na iyon, magiging ayos na ang lahat, at tiyak na mapapasaiyo ang pinakadakilang korona sa lahat.” Kapag may ginawang mali ang ganitong tao, puwede mo siyang pungusan nang harap-harapan. Paano mo iyon dapat gawin? Sabihin mo lang, “Napakatalino mo. Paano mo nagawang magkamali nang ganoon kasimple? Hindi dapat nangyari iyon! Ikaw ang may pinakamahusay na kakayahan at ikaw ang pinakaedukado sa team natin, at ikaw ang pinakaprestihiyoso sa atin. Hindi dapat ikaw ang siyang nakagawa ng ganitong pagkakamali—nakakahiya naman! Tiyakin mong hindi na mauulit ang ganitong pagkakamali, dahil kung hindi ay siguradong magiging masakit ito sa Diyos. Kapag inulit mo pa ito, sisirain nito ang reputasyon mo. Hindi ko ito sasabihin sa iyo sa harapan ng lahat—lihim ko itong ipinapaalam sa iyo para hindi magkaroon ng anumang ideya ang mga kapatid tungkol sa iyo. Gusto ko lang matiyak na hindi ka mapapahiya, at maisasaalang-alang ko ang damdamin mo, hindi ba? Tingnan mo nga, hindi ba’t mapagmahal ang sambahayan ng Diyos?” Pagkatapos ay sasabihin niyang, “Oo.” “Ano na ang kasunod?” At sasagot siya, “Pagbutihan pa ang trabaho!” Ano ang tingin ninyo sa pagtrato nang ganoon sa kanila? Gusto lang ng ganoong klase ng tao na magtamo ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pagtatrabaho, hindi niya kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa mga salita o kilos niya, at hindi niya tinatanggap ang katotohanan sa anupamang paraan. Hindi niya kailanman iniisip kung dapat ba niyang sabihin ang mga sinasabi niya o gawin ang mga ginagawa niya, ni hindi niya isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan ng mga ginagawa niya, ni hindi siya nananalangin, nagbubulay-bulay, naghahanap o nakikipagbahaginan. Ginagawa lang niya ang mga bagay ayon sa sarili niyang mga ideya, at ginagawa niya ang anumang maibigan niya. Kapag pinipinsala ng isang tao ang kanyang dangal o mga interes sa pamamagitan ng isang bagay na sinabi o ginawa nito, isinisiwalat ang mga kapintasan o problema niya, o nagbibigay ng makatwirang suhestiyon sa kanya, umuusok siya sa galit, nagtatanim ng sama ng loob, at gusto niyang maghiganti, at sa mas malalalang kaso, gusto na niyang talikuran ang kanyang pananalig at iulat ang iglesia sa malaking pulang dragon. May paraan tayo para harapin ang ganitong uri ng tao, at iyon ay ang iwasang pungusan siya, at sa halip ay pamihasain na lang siya.
Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa kung paanong kapag pinupungusan ang mga anticristo, lagi nila itong iniuugnay sa mga pag-asam nilang magtamo ng mga pagpapala. Ang saloobin at pananaw na ito ay mali, at mapanganib. Kapag may tumutukoy sa mga kapintasan o problema ng isang anticristo, pakiramdam nila ay nawalan na sila ng pag-asang magtamo ng mga pagpapala; at kapag pinupungusan sila, o dinidisiplina, o sinasaway, pakiramdam din nila ay nawalan na sila ng pag-asang makapagtamo ng mga pagpapala. Sa sandaling hindi umayon ang isang bagay sa gusto nila o sa kanilang mga kuru-kuro, sa sandaling mailantad sila at mapungusan, na sa pakiramdam nila ay nasaktan ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, iniisip nila kaagad kung wala na ba silang pag-asang makapagtamo ng mga pagpapala. Hindi ba’t napakasensitibo nila? Hindi ba’t sobra-sobra ang pagnanais nilang magtamo ng mga pagpapala? Sabihin mo sa Akin, hindi ba nakakaawa ang gayong mga tao? (Oo nga.) Talagang nakakaawa sila! At sa anong paraan sila nakakaawa? May kaugnayan ba ang pagtatamo ng mga pagpapala ng isang tao sa pagpupungos sa kanya? (Wala.) Walang kaugnayan ang mga iyon sa isa’t isa. Kung gayon, bakit kaya pakiramdam ng mga anticristo ay nawalan na sila ng pag-asang magtamo ng mga pagpapala kapag pinupungusan sila? Hindi ba’t may kinalaman ito sa kanilang hinahangad? Ano ang kanilang hinahangad? (Magtamo ng mga pagpapala.) Hindi nila binibitiwan ang kanilang pagnanais at intensiyong magtamo ng mga pagpapala. Layon na nilang magtamo ng pagpapala sa simula pa lang ng kanilang pananampalataya sa Diyos, at bagama’t maraming sermon na ang napakinggan nila, kailanman ay hindi nila tinanggap ang katotohanan. Hindi nila kailanman isinuko ang kanilang pagnanais at intensiyong magtamo ng mga pagpapala. Hindi pa nila naituwid o nabago ang kanilang mga pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at ang kanilang intensiyon sa paggawa sa kanilang tungkulin ay hindi pa nagagawang dalisay. Lagi nilang ginagawa ang lahat ng bagay habang mahigpit silang nakakapit sa kanilang pag-asa at intensiyong magtamo ng mga pagpapala, at sa huli, kapag malapit nang mawasak ang mga plano nilang magtamo ng mga pagpapala, sumisiklab ang galit nila, at buong pait na nagrereklamo, na sa wakas ay inilalantad ang pangit na kalagayan ng kanilang pagdududa sa Diyos at ang kanilang pagtanggi sa katotohanan. Hindi ba’t nililigawan nila ang kamatayan? Gayon ang di-maiiwasang kahihinatnan ng hindi man lang pagtanggap ng mga anticristo sa katotohanan, ni ng pagtanggap sa pagpupungos. Sa karanasan nila sa gawain ng Diyos, nalalaman ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos na ang paghatol ng Diyos, pagkastigo, at ang Kanyang pagpupungos ay Kanyang pagmamahal at mga pagpapala—subalit naniniwala ang mga anticristo na sinasabi lamang ito ng mga tao, at hindi sila naniniwala na ito ang katotohanan. Kaya, hindi nila itinuturing na mga aral na dapat matutuhan ang pagpupungos, ni hindi nila hinahanap ang katotohanan o pinagninilayan ang kanilang sarili. Bagkus, naniniwala sila na ang pagpupungos ay nagmumula sa kagustuhan ng tao, na iyon ay sadyang pagpapahirap, batbat ng mga intensiyon ng tao, at tiyak na hindi nagmumula sa Diyos. Pinipili nilang labanan at balewalain ito, at pinag-aaralan pa kung bakit sila tinatrato nang gayon ng isang tao. Hindi talaga sila nagpapasakop. Iniuugnay nila ang lahat ng nangyayari sa pagganap ng kanilang tungkulin sa pagtatamo ng mga pagpapala at gantimpala, at itinuturing nilang pinakamahalagang hangarin sa kanilang buhay ang pagtatamo ng mga pagpapala, gayundin ang huli at pinakamataas na layon ng pananampalataya nila sa Diyos. Nagsusumikap sila para sa kanilang intensiyong magtamo ng mga pagpapala, paano man nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan, at hindi ito binibitiwan, iniisip na ang pananampalataya sa Diyos na hindi alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala ay kahangalan at kalokohan, na isang malaking kawalan iyon. Iniisip nila na sinumang isinusuko ang hangarin nilang magtamo ng mga pagpapala ay nalinlang, na isang hangal lamang ang isusuko ang pag-asang makapagtamo ng mga pagpapala, at na ang pagtanggap sa pagpupungos ay pagpapakita ng kahangalan at kawalan ng kakayahan, isang bagay na hindi gagawin ng isang matalinong tao. Ito ang kaisipan at lohika ng isang anticristo. Kaya, kapag pinupungusan ang isang anticristo, sa puso niya ay napakamapanlaban niya, at sanay sa panlilinlang at pagkukunwari; hindi man lang niya tinatanggap ang katotohanan, ni hindi siya nagpapasakop. Sa halip, nag-uumapaw siya sa pagsuway at pagkontra. Malamang na humantong ito sa pagsalungat sa Diyos, paghusga sa Diyos, at paglaban sa Diyos, at sa huli, sa pagkakabunyag at pagtitiwalag.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.