Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili (Ikalawang Seksiyon)
Mayroon pa bang ibang mga pagpapamalas ng pagtataas at pagpapatotoo ng sarili? Dapat na pagnilayan ninyong lahat ang inyong sarili hinggil sa usaping ito. Gagawin ba ninyo ang gayong bagay na pagpapatotoo sa inyong sarili? Mapipigilan ka ba ng iyong konsensiya at katwiran at mahahadlangan mo ba ang iyong sarili sa paggawa ng gayong kahiya-hiyang bagay? Kung mapipigilan mo ang iyong sarili, pinatutunayan nitong may pagkamakatwiran ka, na iba ka sa mga anticristo. Kung hindi ka nagtataglay ng pagkamakatwirang ito, at mayroon ka ng ganitong mga uri ng ambisyon at pagnanais, at may kakayahan ding gawin ang gayong bagay na pagpapatotoo sa iyong sarili, kapareho ka ng isang anticristo. Kaya, ano ang kaso para sa inyo? Kumikilos ka ba nang may pagpipigil? Kung mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, pakiramdam ng kahihiyan, at pagkamakatwiran, kung gayon, bagaman ibig mong gawin ang mga bagay na ito, iisipin mong sasalungatin ng mga ito ang Diyos at kamumuhian ka Niya, at pagkatapos ay magagawa mong pigilan ang iyong sarili at hindi mangangahas na patotohanan ang iyong sarili. Kung pipigilan mo ang iyong sarili nang isang beses at pagkatapos ay dalawang beses, sa kalaunan, ang mga ideyang ito, ang mga layunin at kaisipang ito, ay dahan-dahang magsisimulang mabawasan, unti-unti. Magkakaroon ka ng pagkilatis sa mga ideyang ito at mararamdamang kalait-lait at nakasusulasok ang mga ito, ang mga simbuyo at pagnanais mong gawin ang gayong mga bagay ay mababawasan, at unti-unti ay magagawa mong rendahan at kontrolin ang iyong sarili, hanggang sa paunti nang paunti ang dalas ng pag-usbong ng mga ideyang ito. Kung nababatid mo ang mga ito ngunit hindi kayang pigilin ang iyong sarili, at nagkikimkim ka ng matinding mga layon, nagnanais lang na pasambahin ang mga tao sa iyo, at hindi ka nasisiyahan kung walang sumasamba o sumusunod sa iyo, at napupuno ka ng pagkamuhi, at nais na gumawa ng isang bagay, at nagagawang patotohanan ang iyong sarili nang hindi nakokonsensiya at nagpapasikat—isa kang anticristo. Ano ang kaso sa inyo? (Kapag nababatid ko ang mga ito, nagagawa kong pigilin ang aking sarili.) Anong inaasahan mo para pigilan ang iyong sarili? (Inaasahan ko ang pagkakaroon ng kaunting kaalaman sa Diyos at ang pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso.) Kung ang isang tao ay mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, magagawa niyang magpigil. Hindi naisasakatuparan ang pagpipigil sa pamamagitan ng pagtitimpi o paghadlang sa sarili, kundi isang resultang nakamit sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan at takot sa Diyos. Pinipigilan ng isang tao ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagkamakatwiran at katalusan, at kasabay nito, ginagawa ng isang tao ang pagpipigil dahil mayroon siyang bahagyang may-takot-sa-Diyos na puso at natatakot na salungatin ang Diyos. Kung hindi ka kayang pigilan ng iyong pagkamakatwiran, at wala ka ring may-takot-sa-Diyos na puso, at kung hindi ka nakadarama ng kahihiyan kapag pinatototohanan mo ang iyong sarili at nais na ipagpatuloy ito, hindi sumusuko hanggang makamit mo ang iyong layon, ang kalikasan nito ay naiiba—isa kang anticristo.
Ang mga pamamaraan at pagpapamalas na tinataglay ng mga anticristo para sa pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay sari-sari. May kinalaman ang ilan sa mga anticristong direktang itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili, at nagsasalita ng tungkol sa lahat ng kanilang natatanging katangian, habang ang iba naman ay may kinalaman sa paghahanap nila ng mga paraan na gamitin ang di-direktang pananalita o kaparaanan para palihim na gawing mataas ang tingin sa kanila ng mga tao at makamit ang kanilang layon na patingalain, pasambahin, at pasunurin ang mga tao sa kanila, at okupahin pa ang isang puwang sa puso ng mga tao—ito ang kalikasan ng gayong pag-uugali. Ang disposisyon ng mga anticristo na pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay naiiba sa mga pangkaraniwang tao pagdating sa kalikasan nito, sa mga nagiging resulta nito, pati na rin sa mga paraan ng pagpapamalas nito, at ang pinagbabatayan nitong mga layunin at mithiin. Higit pa rito, ang mga tao bang itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili ay bastang nagsasalita lang tungkol sa lahat ng kanilang natatanging katangian? Minsan, nagsasalita rin sila tungkol sa kanilang mga kapintasan, ngunit totoo bang hinihimay at sinisikap nilang makilala ang kanilang sarili kapag ginagawa nila ito? (Hindi.) Kung gayon, paano matutuklasan ng isang tao na hindi totoo ang kanyang kaalaman sa sarili, at na sa halip ito ay di-dalisay at may layon sa likod nito? Paano lubusang mauunawaan ng isang tao ang usaping ito? Ang tinutumbok dito ay na kaalinsabay ng kanilang pagsisikap na makilala nila ang kanilang sarili at isiwalat ang kanilang mga kahinaan, kapintasan, kakulangan, at tiwaling disposisyon, naghahanap din sila ng mga palusot at dahilan upang ipawalang-sala nila ang kanilang sarili sa pagkakasala. Palihim nilang sinasabi sa mga tao, “Nagkakamali ang lahat, hindi lang ako. Nagkakamali rin kayong lahat. Mapapatawad ang pagkakamaling nagawa ko; isa itong maliit na pagkakamali. Kung nagawa ninyo ang kaparehong pagkakamaling ito, magiging labis na mas malubhang kaso ito kaysa sa akin, dahil hindi ninyo pinagninilayan o hinihimay ang inyong sarili. Bagaman nagkakamali ako, mas magaling ako kaysa sa inyo at mas may pagkamakatwiran at integridad.” Kapag narinig ito ng lahat, iniisip nila, “Tama ka. Labis-labis mong nauunawaan ang katotohanan, at talagang nagtataglay ka ng tayog. Kapag nagkakamali ka, nagagawa mong pagnilayan at himayin ang iyong sarili; labis kang mas magaling kaysa sa amin. Kung nagkakamali kami, hindi kami nagninilay o nagsisikap na makilala ang aming sarili, at dahil sa takot na mapahiya, hindi kami nangangahas na himayin ang aming sarili. Mayroon kang mas malaking tayog at tapang kaysa sa amin.” Nagkamali ang mga tao na ito subalit nakuha pa rin nila ang tiwala ng iba at pinapupurihan sila—anong disposisyon ito? Labis na bihasa ang ilang anticristo sa pagpapanggap, pandaraya sa mga tao, at pagkukunwari. Kapag nakakatagpo nila ang mga tao na nakauunawa ng katotohanan, nagsisimula silang magsalita tungkol sa kanilang kaalaman sa sarili, at sinasabi rin nilang isa silang diyablo at isang Satanas, na masama ang kanilang pagkatao, at na nararapat silang isumpa. Ipagpalagay na itatanong mo sa kanila, “Yamang sinasabi mong isa kang diyablo at isang Satanas, anong masasamang gawa ang ginawa mo?” Sasabihin nilang: “Wala akong ginawa, ngunit isa akong diyablo. At hindi lang ako diyablo, isa rin akong Satanas!” Pagkatapos tatanungin mo sila, “Yamang sinasabi mong isa kang diyablo at isang Satanas, aling masasamang gawa ng isang diyablo at isang Satanas ang ginawa mo, at paano mo nilabanan ang Diyos? Masasabi mo ba ang katotohanan tungkol sa masasamang bagay na ginawa mo?” Sasabihin nilang: “Wala akong ginawang anumang masama!” Pagkatapos ay higit mo pang ididiin at itatanong, “Kung wala kang ginawang anumang masama, bakit mo sinasabing isa kang diyablo at isang Satanas? Ano ang sinisikap mong makamit sa pagsasabi nito?” Kapag naging seryoso ka sa kanila nang tulad nito, wala silang masasabi. Sa totoo lang, nakagawa sila ng maraming masasamang bagay, ngunit hindi nila lubos na ibabahagi sa iyo ang mga katotohanan tungkol dito. Magsasalita lang sila ng ilang kabulastugan at maglilitanya ng ilang doktrina para mangusap ng kanilang kaalaman sa sarili sa isang hungkag na paraan. Pagdating sa kung paano nila partikular na nahikayat ang mga tao, dinaya ang mga tao, ginamit ang mga tao base sa kanilang damdamin, nabigong seryosohin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, lumaban sa mga pagsasaayos ng gawain, dinaya ang Itaas, inilihim ang mga bagay-bagay sa mga kapatid, at kung gaano nila napinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi sila magsasabi ng kahit isang salita tungkol sa mga katotohanang ito. Isa ba itong tunay na kaalaman sa sarili? (Hindi.) Sa pagsasabing sila ay isang diyablo at isang Satanas, hindi ba sila nagkukunwaring sila ay may kaalaman sa sarili para itaas at patotohanan ang kanilang sarili? Hindi ba ito isang kaparaanan na ginagamit nila? (Oo.) Hindi mauunawaan ng isang pangkaraniwang tao ang kaparaanang ito. Kapag tinanggal ang ilang lider, sila ay muling nahahalal kaagad pagkatapos, at kapag tinanong mo ang dahilan para rito, sinasabi ng ilang tao: “Mahusay ang kakayahan ng lider na iyon. Alam niyang isa siyang diyablo at isang Satanas. Sino pa ba ang may gayong antas ng kaalaman? Ang mga tao lang na talagang naghahangad ng katotohanan ang nagtataglay ng kaalamang iyon. Walang sinuman sa atin ang magagawang makamit ang kaalamang iyon tungkol sa ating sarili; walang ganoong tayog ang pangkaraniwang tao. Dahil dito, muli siyang pinili ng lahat.” Ano ang nangyayari rito? Inilihis ang mga taong ito. Alam ng lider na ito na isa siyang diyablo at isang Satanas ngunit pinili pa rin siya ng lahat, kaya anong epekto at kahihinatnan nito sa mga tao sa kanyang pagsasabing siya ay isang diyablo at isang Satanas? (Nagagawa nitong pataasin ang tingin ng mga tao sa kanya.) Tama iyon, nagagawa nitong mas pataasin ang tingin ng mga tao sa kanya. Tinatawag ng mga walang pananampalataya ang kaparaanang ito na “aatras para sumulong.” Nangangahulugan ito na para maging mas mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, nagsasabi muna siya ng masasamang bagay tungkol sa kanyang sarili upang maniwala ang iba na kaya niyang buksan at kilalanin ang kanyang sarili, na mayroon siyang lalim at kabatiran, at isang malalim na pang-unawa, at dahil dito, mas sinasamba siya ng lahat. At ano ang resulta ng mas sinasamba siya ng lahat? Kapag oras na muli na pumili ng mga lider, itinuturing pa rin siyang perpektong tao para sa papel na ito. Hindi ba’t sadyang magaling ang kaparaanang ito? Kung hindi siya nagsalita tungkol sa kanyang kaalaman sa sarili nang tulad nito at hindi niya sinabing isa siyang diyablo at isang Satanas, at sa halip ay negatibo lang, nang makita ito ng iba, sasabihin nila, “Sa sandaling tinanggal ka at nawalan ka ng katayuan, naging negatibo ka na. Tinuturuan mo kami dati na huwag maging negatibo, at ngayon ang pagiging negatibo mo ay mas malubha pa kaysa sa amin. Hindi ka namin pipiliin.” Walang sinumang magiging mataas ang tingin sa lider na ito. Bagaman wala pa ring pagkilatis sa kanya ang lahat, kahit paano ay hindi nila pipiliin siyang maging lider muli, at hindi makakamit ng taong ito ang kanyang pakay na gawing mataas ang tingin ng iba sa kanya. Ngunit pinangunahan na ng lider na ito, sinasabing: “Isa akong diyablo at isang Satanas; maaaring isumpa ako ng diyos at ipadala ako sa ikalabing-walong antas ng impiyerno at hindi ako pahintulutang muling magkatawang-tao sa buong kawalang-hanggan!” Naaawa ang ilang tao sa kanya kapag naririnig ito at sasabihing: “Labis na nagdusa ang aming lider. O, inagrabyado siya! Kung hindi siya pahihintulutan ng Diyos na maging isang lider, ihahalal namin siya.” Sinusuportahan ng lahat nang labis ang lider na ito, kaya hindi ba sila inilihis? Ang orihinal na layon ng kanyang mga salita ay nakumpirma na, pinatutunayang tunay ngang inililihis niya ang mga tao sa ganitong paraan. Paminsan-minsang inililihis ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili nito, at paminsan-minsan ay kaya nitong aminin ang mga pagkakamali nito sa pasikot-sikot na paraan kapag wala na itong ibang pagpipilian, ngunit pagkukunwari ang lahat ng ito, at ang layon nito ay makamit ang simpatya at pang-unawa ng mga tao. Sasabihin pa nga nito, “Walang sinumang perpekto. May mga tiwaling disposisyon ang lahat at nagkakamali ang lahat. Hangga’t kayang itama ng isang tao ang kanyang mga pagkakamali, mabuting tao siya.” Kapag naririnig ito ng mga tao, pakiramdam nila ay tama ito, at patuloy na sumasamba at sumusunod kay Satanas. Ang kaparaanan ni Satanas ay ang maagap na pagkilala sa mga pagkakamali nito, at palihim na pinupuri ang sarili nito at itinataas ang posisyon nito sa puso ng mga tao, para tanggapin ng mga tao ang lahat tungkol dito—kahit ang mga kamalian nito—at pagkatapos ay patawarin ang mga kamaliang ito, unti-unting kalimutan ang mga ito, at sa kalaunan ay ganap na tanggapin si Satanas, nagiging tapat dito hanggang kamatayan, hinding-hindi iiwan o tatalikuran ito, at sinusundan ito hanggang sa dulo. Hindi ba’t ito ang kaparaanan ni Satanas sa paggawa ng mga bagay-bagay? Ganito kumikilos si Satanas, at ginagamit din ng mga anticristo ang ganitong uri ng kaparaanan kapag kumikilos sila para tuparin ang kanilang mga ambisyon at layon na pasambahin at pasunurin sa kanila ang mga tao. Ang mga kahihinatnan nito ay magkapareho, at hindi masyadong naiiba sa kahihinatnan ng paglilihis at pagtitiwali ni Satanas sa mga tao.
Kapag nagsasalita ang ilang tao sa kanilang kaalaman sa sarili, inilalarawan nila ang kanilang sarili bilang gulung-gulo at walang silbi, sinasabi pa na sila ay isang diyablo at isang Satanas, na marapat sa kanila ang isumpa, at na hindi sila magrereklamo kung ititiwalag sila ng Diyos. Gayunman, walang tunay na pang-unawa sa kanilang kalikasang diwa o sa kanilang mga tiwaling disposisyon ang mga taong ito, at hindi nila maibabahagi ang anumang tungkol sa kanilang tunay na kalagayan. Sa halip, sinisikap nilang gumamit ng pagkukunwari para ilihis ang iba, at gamitin ang kaparaanan at teknik ng maagap na kinikilala ang kanilang mga kamalian at “aatras para sumulong” upang bulagin at dayain ang mga tao, at pagkatapos ay gawing maganda ang opinyon sa kanila ng mga tao. Ito ang pagsasagawa ng mga anticristo. Sa susunod na makatatagpo kayo ng isang taong tulad nito, paano ninyo siya itatrato? (Usisain ang mga detalye.) Tama iyon, dapat mong matutuhang imbestigahan ang isyu at usisain ang mga detalye. At gaano kalalim ka dapat mag-imbestiga? Gawin mo ito hanggang magmakaawa sila at sasabihing, “Hindi ko na kayo kailanman muling ililihis. Kahit pa piliin ninyo ako na maging inyong lider, hindi ko kukunin ang papel na iyon.” Sabihin mo sa kanila, “Hinding-hindi mo na kami muling maililihis o pipiliin kang maging aming lider, kaya itigil mo ang pangangarap!” Ano sa palagay mo? Ang lahat ng mga nagsasalita sa isang labis-labis na paraan tungkol sa kanilang kaalaman sa sarili, at isinusumpa pa ang kanilang sarili, nang walang alinman dito ang tila totoo, ay mga huwad ang pagka-espirituwal at mapagpaimbabaw na tao, at mapanlihis ang lahat ng kanilang mga salita. May isang katangian at kaunting detalye sa pananalita ang gayong mga tao na dapat mong makilatis. Halimbawa, sabihin mo sa Akin, kung hiniling sa isang tao na sumulat ng isang panunumpa para sa pag-iingat ng mga handog, ano ang dapat sabihin sa unang pangungusap ng panunumpa? Ano ang isusulat ng isang tao na may pagkamakatwiran at pagkatao? Anong tono at pananalita ang gagamitin niya para tumayo sa kanyang wastong posisyon at maipaalam ang kanyang saloobin? Kapag nagsasalita ang mga ordinaryong tao, nararamdaman ng lahat na normal silang nagsasalita, ngunit ang ambisyosong uri ng masasamang tao o mga anticristo ay may partikular na tono kapag nagsasalita sila na kakaiba kaysa sa karaniwang tao. Halimbawa, sinasabi nilang: “Kung ako, si Kuwan, ay nagdispalko ng isang sentimo ng mga handog sa diyos, hayaan akong mamatay ng isang miserableng kamatayan—hayaan akong masagasaan ng sasakyan!” Anong uri ng tono ito? Nagsisimula sila sa salitang “Ako,” ginagamit ang pinakamataas na tono—ang motibasyon sa likod ng kanilang tono at paraan ng pagsasalita ay mapagmamasdan sa mga literal na salitang kanilang ginagamit. “Ako” ang unang salita—ginagamit nila ang pinakamataas na tono, at napakatinis—hindi ba’t isa itong mapagmataas na panunumpa? Anong tawag sa ganitong uri ng panunumpa? Tinatawag itong mapagmataas at mapagpaimbabaw. Ang pagsusulat ng isang panunumpa nang may gayong pagkaagresibo—anong uri ng disposisyon ito? Isa itong panunumpa, kaya kanino ka manunumpa? Manunumpa ka sa Diyos, kaya paano dapat magsalita ang isang normal na tao sa kasong ito? Dapat siyang magsalita sa isang mapagpakumbabang paraan, tumayo sa kanyang wastong posisyon, magdasal sa Diyos, at magsalita mula sa puso. Hindi siya dapat gumamit ng mapagmataas na salita o maging agresibo. Masyadong agresibo ang gayong mga tao kahit pa kapag gumagawa ng isang panunumpa—masyadong malubha ang kanilang mga satanikong disposisyon! Mahirap sabihin kung tama man o mali ang kanilang panunumpa. Ang ibig nilang sabihin ay: “Wala kang tiwala sa akin? Natatakot kang pinagsasamantalahan ko ang sambahayan ng diyos, na nagnanakaw ako ng mga handog? Ginagamit mo ako ngunit wala kang tiwala sa akin, at hinihiling mo sa akin na manumpa—manunumpa ako, manood ka at tingnan kung mangangahas akong manumpa! Hindi ako naniniwalang magagawa ko ang isang bagay na tulad niyon.” Anong uri ng saloobin ito? Ito ay pagkaagresibo at pagkawalang konsensiya. Mayroon pa silang kapangahasan na mag-ingay laban sa Diyos, at gamitin ang isang panunumpa para ipawalang-sala ang kanilang sarili at ilihis ang mga tao. Ito ba ang may takot sa Diyos? Walang pagkamaka-Diyos sa ganito. Ang ganitong uri ng tao ay isang Satanas at isang anticristo; ganito magsalita ang mga anticristo. Nanunumpa na may mga nakatagong tono ng pag-iingay—anong uri ng disposisyon ito? Maililigtas pa ba ang ganitong uri ng tao? May nakilala na ba kayong ganitong uri ng tao dati? Hindi ninyo alam kung paano kikilatisin ang mga pagpapamalas, pagbubunyag, o disposisyong ito na ipinakikita nila, hindi ba? Naniniwala pa nga ang ilang tao na ang ganitong uri ng tao ay matino, nagtataglay ng espirituwal na pang-unawa, matapat, at tapat sa Diyos. Hindi ba ito kahangalan? Hindi ba ito kawalan ng pagkilatis? Ang napakasamang pag-uugali at disposisyong ito ay makikita sa literal na mga salita at sa pananalita ng kanilang panunumpa, ngunit iniisip pa rin ng mga tao na sadyang mabuti ang anticristong ito. Nauunawaan ba ng mga tao na ito ang katotohanan? Tila mga doktrina lang ang nauunawaan ninyo, na kaya lang ninyo pag-usapan ang tungkol sa mga doktrina at magsalita ng mga hungkag na salita, at na kayo ay hindi nakakikilatis pagdating sa mga tiyak na usapin at isyu. Sa hinaharap, kung makatatagpo kayo ng ganitong mga uri ng usapin, magiging mapagkilatis ba kayo? (Oo, gagawin namin.) Mga hayop ang mga taong sumusulat ng gayong mga panunumpa at lahat sila ay walang pagkatao. Nakita na ba ninyo ang ganitong uri ng panunumpa dati? Nakapagsulat na ba kayo ng panunumpang tulad nito dati? (Oo.) May kaparehong tono at kaparehong pambungad ba ito tulad nito? (Hindi ito kasing-direkta.) Pareho ba ang kalikasan nito? (Oo.) Magkapareho ang kalikasan nito. Ang panunumpa ay hindi tulad ng pagpasok sa isang pook ng labanan, na nangangailangan ng isang espiritu ng magiting na pagsasakripisyo ng sarili. Hindi nito kinakailangan ang ganoong uri ng espiritu. Kapag nanumpa ka sa Diyos, dapat na lubusan mo itong pag-isipan, at unawain kung bakit mo kailangang isulat ang panunumpang ito, at kung kanino ka nanunumpa at gumagawa ng pangakong ito. Ang nais ng Diyos ay ang saloobin ng isang tao, hindi isang uri ng espiritu. Agresibo ang espiritu mong iyan at maingay ito; pagpapamalas ito ng mayabang na disposisyon ni Satanas. Hindi ito maka-Diyos at hindi isang pagpapamalas na dapat mayroon ang mga nilikha, lalong hindi ito isang posisyon na dapat akuin ng mga nilikha. Hindi ba naimpluwensiyahan ng pambansang kabayanihan ang mga tao na nagpapakita ng pagpapamalas na ito? Nauugnay ba ito rito? Nalason na ang mga tao nang masyadong malalim—sa sandaling isulat nila ang isang panunumpa o pangako, iniisip nila ang lahat ng mga sikat na tao sa paglipas ng panahon na naging tapat sa kanilang mga bansa at mga kababayan. Bahagi ng barkadahan ni Satanas ang mga sikat na tao na iyon, at kumilos sila sa walang konsensiyang paraan para itangi ang kanilang sarili at magpatotoo sa kanilang sarili, at para okupahin ang isang lugar sa mga puso ng mga tao at mag-iwan ng isang mabuting reputasyon para sa kanilang sarili upang maalala sila sa kasaysayan at magkaroon ng mabuting pangalan na magtatagal sa kawalang-hanggan. Pagkakaroon ng bulag na debosyon sa kanilang mga bansa ang tingin dito ng mga sumunod na henerasyon; sa tingin mo ba ay tunay silang bulag? Ano ba talaga ang pagiging bulag na ito? Ito ang pinakataksil at buktot na pagsasagawa, at may personal na layon sa loob nito. Hindi ito pagiging bulag, at tiyak na hindi ito debosyon—kabuktutan ito.
Nakapagpatupad na tayo ng maraming pagbabahaginan sa paksa ng mga anticristo na pinatototohanan ang kanilang sarili. May iba pa bang mga isyung nauukol sa paksang ito na hindi pa rin ninyo lubusang nauunawaan? Pinatototohanan ng ilang tao ang kanilang sarili gamit ang wika, at nangungusap ng ilang salita na nagpapasikat sa kanila, habang ang ibang tao naman ay gumagamit ng mga pag-uugali. Ano ang mga pagpapamalas ng isang tao na gumagamit ng mga pag-uugali para patotohanan ang kanyang sarili? Sa panlabas, nakikibahagi siya sa ilang pag-uugaling naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, na tumatawag sa pansin ng mga tao, at na nakikita ng mga tao bilang sadyang marangal at medyo naaayon sa mga moral na pamantayan. Ang mga pag-uugaling ito ang nagpapaisip sa mga tao na marangal sila, na mayroon silang integridad, na talagang mahal nila ang Diyos, na napakamaka-Diyos nila, at talagang nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at na sila ay mga tao na naghahangad sa katotohanan. Madalas silang nagpapakita ng ilang mabubuting pag-uugali sa panlabas para ilihis ang mga tao—hindi ba’t nangangamoy din ito ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Kadalasan, itinataas at pinatototohanan ng mga tao ang kanilang sarili gamit ang mga salita, gumagamit ng malinaw na pananalita para ipahayag kung paano sila naiiba mula sa mga masa at kung paanong may mas matatalinong opinyon sila kaysa sa iba, upang gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanila at tingalain sila. Gayunman, may ilang kaparaanan na hindi kinapapalooban ng tahasang pananalita, kung saan ang mga tao sa halip ay gumagamit ng mga panlabas na pagsasagawa para patotohanang mas magaling sila kaysa sa iba. Pinag-isipang mabuti ang ganitong mga uri ng pagsasagawa, dinadala ng mga ito ang isang motibo at isang tiyak na layon, at sadya ang mga ito. Nabalot at naproseso ang mga ito para ang makikita ng mga tao ay ilang pag-uugali at pagsasagawa na nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, na marangal, maka-Diyos, at umaayon sa malasantong pagiging disente, at na nagmamahal pa nga sa Diyos, may takot sa Diyos, at nakaayon sa katotohanan. Nakakamtan nito ang kaparehong layon ng itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili at nagagawang mataas ang tingin ng mga tao sa kanila at sinasamba sila. Nakatagpo o nakakita na ba kayo ng gayong bagay? Nagtataglay ba kayo ng ganitong mga pagpapamalas? Hiwalay ba sa totoong buhay ang mga bagay na ito at ang paksang ito na tinatalakay Ko? Sa totoo lang, hindi hiwalay ang mga ito. Magbibigay Ako ng isang napakasimpleng halimbawa. Kapag ginagawa ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin, tila ba lubhang abala sila sa panlabas; sadya silang nagpapatuloy sa paggawa sa mga oras na kumakain o natutulog ang iba, at kapag nagsimula nang gawin ng iba ang kanilang mga tungkulin, kakain o matutulog naman sila. Anong layon nila sa paggawa nito? Nais nilang makatawag ng pansin at ipakita sa lahat na masyado silang abala sa paggawa ng kanilang mga tungkulin na wala na silang panahong kumain o matulog. Iniisip nilang: “Wala talaga kayong dinadalang pasanin. Bakit napakaagap ninyo sa pagkain at pagtulog? Kayong mga walang silbi! Tingnan ninyo ako, nagtatrabaho ako habang lahat kayo ay kumakain, at nagtatrabaho pa rin ako sa gabi kapag tulog na kayo. Makakayanan ba ninyong magdusa nang tulad nito? Kaya kong pagtiisan ang pagdurusang ito; gumagawa ako ng halimbawa sa pag-uugali ko.” Anong tingin ninyo sa ganitong uri ng pag-uugali at pagpapamalas? Hindi ba sinasadyang gawin ito ng mga tao na ito? Sinasadyang gawin ng ilang tao ang mga bagay na ito, at anong uri ng pag-uugali ito? Nais ng mga tao na ito na maging mga di-umaayon; nais nilang maging iba kaysa sa mga masa at ipakita sa mga tao na abala silang ginagawa ang kanilang mga tungkulin buong gabi, na lubos nilang napagtitiisan ang pagdurusa. Sa ganitong paraan, labis na maaawa sa kanila ang lahat at magpapakita ng partikular na simpatya sa kanila, iniisip na mayroon silang mabigat na pasanin sa kanilang mga balikat, na umaabot hanggang sa leeg na nila ang trabaho at masyadong abala para kumain o matulog. At kung hindi sila maililigtas, magsusumamo sa Diyos ang lahat para sa kanila, makikiusap sa Diyos para sa kanila, at magdarasal para sa kanila. Sa paggawa nito, ginagamit ng mga tao na ito ang mabubuting pag-uugali at pagsasagawa na naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, tulad ng pagtitiis sa hirap at pagbabayad sa halaga, para dayain ang ibang tao at mapanlinlang na makuha ang kanilang simpatya at papuri. At ano ang pangwakas na resulta nito? Ang lahat ng nagkaroon ng ugnayan sa kanila at nakita silang nagbabayad ng halaga ay magsasabing lahat sa iisang boses: “Ang aming lider ang pinaka-may kakayahan, ang pinakakayang pagtiisan ang pagdurusa at ang pagbabayad ng halaga!” Hindi ba nila nakamtan ang kanilang layon ng panlilihis sa mga tao? Pagkatapos, isang araw, sabi ng sambahayan ng Diyos, “Hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang lider ninyo. Ginagawa niyang abala ang kanyang sarili at gumagawa nang walang layon; kumikilos siya nang walang-ingat at siya ay di-makatwiran at mapagdikta. Nagulo niya ang gawain ng iglesia, hindi niya nagawa ang anuman sa mga gawaing dapat niyang gawin, hindi niya nagampanan ang gawain ng ebanghelyo o ang gawain ng paggawa ng pelikula, at nasa kaguluhan din ang buhay iglesia. Hindi nauunawaan ng mga kapatid ang katotohanan, wala silang buhay pagpasok, at hindi sila makasulat ng mga artikulo ng patotoo. Ang pinakakaawa-awang bagay ay na hindi man lang nila makilatis ang mga huwad na lider at anticristo. Masyadong walang kakayahan ang ganitong uri ng lider; isa siyang huwad na lider na dapat tanggalin!” Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, magiging madali ba na tanggalin siya? Maaaring mahirap gawin ito. Yamang sinasang-ayunan at sinusuportahan siya ng lahat ng mga kapatid, kung may sinumang susubukang tanggalin ang lider na ito, magpoprotesta ang mga kapatid at makikiusap sa Itaas para mapanatili siya. Bakit magkakaroon ng gayong kalalabasan? Dahil gumagamit ng mabubuting pag-uugali sa panlabas ang huwad na lider at anticristong ito gaya ng pagtitiis sa hirap at pagbabayad sa halaga, pati na rin ang magagandang salita, para maantig, mabili, at mailihis ang mga tao. Sa sandaling nagamit na niya ang mga huwad na kaanyuang ito para ilihis ang mga tao, magsasalita ang lahat para sa kanya at hindi magagawang iwan siya. Malinaw na alam nilang hindi masyadong nakagawa ng aktuwal na gawain ang lider na ito, at na hindi nila nagabayan ang mga taong hinirang ng Diyos na maunawaan ang katotohanan at makamit ang buhay pagpasok, ngunit sinusuportahan pa rin siya ng mga tao na ito, sinasang-ayunan siya, at sumusunod sa kanya, ni wala man lang pakialam kung ang ibig sabihin nito ay hindi nila makakamit ang katotohanan at buhay. Higit pa rito, dahil nailihis sila ng lider na ito, sumasamba sa kanya ang lahat ng mga tao na ito, hindi tinatanggap ang sinumang lider maliban sa kanya, at ayaw na sa Diyos. Hindi ba nila tinatrato bilang Diyos ang lider na ito? Kung sasabihin ng sambahayan ng Diyos na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang tao na ito at na isa siyang huwad na lider at anticristo, magpoprotesta at maghihimagsik ang mga tao sa kanilang iglesia. Sabihin mo sa Akin, hanggang saan nailihis ng anticristong ito ang mga tao na iyon? Kung gawain ito ng Banal na Espiritu, bubuti lang ang kalagayan ng mga tao, at higit nilang mauunawaan ang katotohanan, magiging higit pang mapagpasakop sa Diyos, magkakaroon ng higit pang lugar para sa Diyos sa mga puso nila, at mas gagaling pa sa pagkilatis ng mga huwad na lider at anticristo. Mula sa pananaw na ito, ang sitwasyong kakatalakay lang natin ay tiyak na hindi gawain ng Banal na Espiritu—tanging ang mga anticristo at masasamang espiritu lang ang makapaglilihis sa mga tao nang gayon pagkatapos gumawa sa loob ng ilang panahon. Maraming tao ang nailihis at nakontrol ng mga anticristong ito, at sa mga puso nila, mayroon lang silang lugar para sa mga anticristo at walang lugar para sa Diyos. Ito ang huling resultang nakamtam ng mga anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng panlabas na mabubuting pag-uugali. Ginagamit nila ang panlabas na mabubuting pag-uugali na pagtitiis sa hirap at pagbabayad ng halaga para itaas at patotohanan ang kanilang sarili, na isa sa mga paraan na ginagamit ng mga anticristo para ilihis at kontrolin ang mga tao. Nakikita na ninyo ngayon nang malinaw ang usaping ito, hindi ba? Ginagamit ba ng anticristo ang panlabas na mabubuting pag-uugali ng pagtitiyaga sa hirap at pagbabayad sa halaga para ilihis ang mga taong hindi masyadong tuso at mapaglalang? At hindi ba ginagawa rin ninyo ito paminsan-minsan? Umiinom ng kape ang ilang tao para sumigla sa gabi bilang paghahanda sa pagpupuyat sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Nag-aalala ang mga kapatid sa kanilang kalusugan at nagluluto ng sabaw ng manok para sa kanila. Kapag naubos na nila ang sabaw, sinasabi ng mga tao na ito, “Salamat sa diyos! Natamasa ko ang biyaya ng diyos. Hindi ito marapat sa akin. Ngayong naubos ko na ang sabaw ng manok na ito, dapat akong maging mas mahusay sa paggawa ng aking mga tungkulin!” Sa realidad, ipinagpapatuloy nilang gawin ang kanilang mga tungkulin sa kaparehong paraan na kadalasan nilang ginagawa, nang hindi man lang itinataas ang kanilang kahusayan. Hindi ba’t sila ay nagpapanggap? Nagpapanggap sila, at ang uri ng pag-uugali na ito ay palihim ding itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili; ang kalalabasang nakakamtan nito ay para sang-ayunan sila ng mga tao, tumaas ang tingin sa kanila, at maging masugid na tagasunod nila. Kung may ganitong uri ng pag-iisip ang mga tao, hindi ba’t nakalimutan nila ang Diyos? Wala na sa mga puso nila ang Diyos, kaya sino ang iniisip nila gabi’t araw? Ito ay ang kanilang “mabuting lider,” ang kanilang “sinisinta.” Napakamapagmahal ng ilang anticristo sa karamihan ng mga tao sa panlabas, at gumagamit sila ng mga pamamaraan kapag nagsasalita sila, para makita ng mga tao na mapagmahal sila, at gugustuhing mapalapit sa kanila. Ngumingiti sila sa sinumang mapalapit sa kanila at nakikipag-ugnayan sa kanila, at nakikipag-usap sila sa gayong mga tao nang may napakabanayad na tono. Kahit na nakikita pa nila ang ilang mga kapatid na naging di-maprinsipyo sa kanilang mga kilos, at dahil doon ay napinsala ang mga interes ng iglesia, hindi nila pinupungusan ang mga kapatid na ito kahit katiting, hinihimok lang sila at inaaliw sila, at sinusuyo sila habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin—sinusuyo nila nang sinusuyo ang mga tao hanggang sa nadala na nila ang lahat sa harap nila. Unti-unting naaantig ang mga tao ng mga anticristong ito; sobrang sinasang-ayunan ng lahat ang kanilang mga mapagmahal na puso at tinatawag silang mga tao na nagmamahal sa Diyos. Sa kalaunan, sinasamba sila ng lahat at hinahangad ang kanilang pagbabahaginan sa bawat usapin, sinasabi nila sa mga anticristong ito ang lahat ng kanilang mga pinakakaibuturan na saloobin at damdamin, hanggang sa puntong hindi na man lang sila nagdarasal sa Diyos o naghahangad ng katotohanan sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t nailihis ang mga taong ito ng mga anticristong ito? Isa pa ito sa ibang paraang ginagamit ng mga anticristo para ilihis ang mga tao. Kapag nakikibahagi kayo sa mga pag-uugali at pagsasagawang ito, o nagkikimkim ng mga intensiyong ito, nababatid ba ninyong may problema rito? At kapag nababatid mo na ito, mababago mo ba ang takbo ng iyong mga kilos? Kung mapagninilayan mo ang iyong sarili at makararamdam ng tunay na pagsisisi kapag nabatid mo at nasuri na may problema ang iyong pag-uugali, mga pagsasagawa, o mga layunin, pinatutunayan nitong naibaligtad mo na ang iyong takbo. Kung nababatid mo ang iyong mga problema ngunit hinahayaan lang ang mga ito at kumikilos ayon sa iyong sariling mga layon, nahuhulog ng palalim nang palalim hanggang sa makarating ka sa puntong hindi mo na magagawang palayain ang iyong sarili, kung gayon ay hindi mo binaligtad ang iyong daan at sinasadya mong itakda ang iyong sarili laban sa Diyos, itinataas at pinatototohanan ang iyong sarili, at naliligaw mula sa tunay na daan. Anong disposisyon ito? Disposisyon ito ng isang anticristo. Seryoso ba ito? (Oo.) Gaano kaseryoso ito? Ang kalalabasan ng isang tao na gumagamit ng higit pang mapaglalang at mapanlinlang na paraan, gumagamit ng pagtitiis sa hirap at pagbabayad sa halaga para ilihis ang mga tao, sinusubukang pasambahin at pasunurin ang mga tao sa kanya, ay kapareho ng isang tao na hayagang itinataas at pinatototohanan ang kanyang sarili—ito ay magkapareho ng kalikasan. Anumang paraan ang gamitin mo para itaas at patotohanan ang iyong sarili, malinaw man itong pananalita o ilang halatang mabubuting pag-uugali, magkakapareho ng kalikasan ang lahat ng ito. May kalidad ng anticristo ito, at isang kalidad ng pakikipag-away sa Diyos tungkol sa kanyang mga taong hinirang. Anuman ang maging anyo ng iyong pagpapamalas o aling paraan ang iyong gamitin, hangga’t hindi nagbabago ang layon mo at magkapareho ang mga kahihinatnan, magkakapareho lahat ang kalikasan nito. Malinaw sa gayon na sobrang tuso ang mga anticristo at hindi minamahal o hinahangad ang katotohanan. Gayunman, sila ay may kakayahang gamitin ang pagtitiis sa hirap at pagbabayad ng halaga bilang isang paraan para ilihis ang mga tao—ito ang kabuktutan ng mga anticristo.
Nagsasalita ang ilang tao tungkol sa ilang mga kakatwang teorya at simbolikong argumento para isipin ng mga tao na sila ay intelektuwal at maraming kaalaman, at na napakalalim ng kanilang mga kilos, at nang sa gayon ay makamtan ang kanilang layon na pasambahin sa kanila ang mga tao. Ibig sabihin, palagi nilang nais na lumahok at magbigay ng kanilang opinyon sa lahat ng usapin, at kahit pa nakagawa na ng huling desisyon ang lahat, kung hindi sila nasisiyahan dito, maghuhumiyaw sila ng magagarbong ideya para magpasikat. Hindi ba ito isang paraan ng pagpupuri sa sarili at pagpapatotoo ng sarili? Sa ilang usapin, talagang napag-usapan na ng lahat ang mga bagay-bagay, sumangguni sa isa’t isa, natagpuan ang mga prinsipyo, at nagdesisyon sa planong pagkilos, ngunit hindi nila tinatanggap ang desisyon at hinahadlangan ang mga bagay-bagay sa isang hindi makatwirang paraan, sinasabing, “Hindi puwede iyan. Hindi pa ninyo ito komprehensibong isinaalang-alang. Bukod sa iilang aspektong napag-usapan natin, may naisip din akong isa pa.” Sa katunayan, isa lang kakatwang teorya ang naisip nilang aspekto; nagbubusisi lang sila nang walang kabuluhan. Lubos nilang nababatid na nagbubusisi lang sila nang walang kabuluhan at pinahihirap ang mga bagay-bagay para sa ibang tao, ngunit ginagawa pa rin nila ito. Ano ang layon nila rito? Ito ay para ipakita sa mga tao na naiiba sila, na mas matalino sila kaysa sa iba. Ang ibig nilang sabihin ay, “Ito ba ang antas ninyong lahat? Dapat kong ipakita sa inyo na nasa mas mataas na antas ako.” Kadalasang hindi nila pinapansin ang anumang sinasabi ng iba, ngunit sa sandaling may dumating na isang importanteng bagay, nagsisimula silang guluhin ang mga bagay-bagay. Anong tawag sa ganitong uri ng tao? Sa pangkaraniwan, tinatawag siyang mapamintas at isang itlog na bugok. Ano ang mga karaniwang pamamaraan ng isang mapamintas? Nasisiyahan siya sa paghuhumiyaw ng magagarbong ideya at pagsali sa ilang napakasama at balikong pagsasagawa. Kung hihilingin mo sa kanya na magpresenta ng tamang plano ng pagkilos, hindi niya magagawang makabuo nito, at kung hihilingin mo sa kanya na pangasiwaan ang isang seryosong bagay, hindi niya ito magagawa. Napakasasamang bagay lang ang ginagawa niya, at palagi niyang nais bigyan ng “sorpresa” ang mga tao at magpasikat ng kanyang mga abilidad. Ano na nga ba ang kasabihang iyon? “Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para bigyan ka ng isang bagay na titingnan.” Nangangahulugan ito na palagi niyang nais magpakitang-gilas ng kanyang mga abilidad, at hindi alintana kung makapagpapakitang-gilas man siya nang maayos o hindi, nais niyang malaman ng mga tao na, “Mas natatangi ako kaysa sa inyo. Lahat kayo ay hindi mahusay, mga mortal lang kayo, mga ordinaryong tao. Ako ay pambihira at hindi pangkaraniwan. Ibabahagi ko ang aking mga ideya para isorpresa kayo at pagkatapos ay makikita ninyo kung nakahihigit man ako o hindi.” Hindi ba’t ginugulo nito ang mga bagay-bagay? Sinasadya niyang guluhin ang mga bagay-bagay. Anong uri ng pag-uugali ito? Nagdudulot siya ng mga pagkagambala at panggugulo. Ito ang ibig niyang sabihin: Hindi ko pa naipakikita kung gaano ako katalino sa usaping ito, kaya kahit pa kaninong mga interes ang napinsala at kahit pa kaninong mga pagsisikap ang nasayang, isasabotahe ko ito hanggang maniwala ang lahat na ako ay nakahihigit, may kakayahan, at mahusay. Saka ko lang hahayaang magpatuloy ang usaping ito nang walang hadlang. Umiiral ba ang masasamang taong tulad nito? Ginawa mo na ba ang mga ganitong uri ng bagay dati? (Oo. Minsan natapos nang talakayin ng iba ang isang usapin at nakakita ng angkop na plano, ngunit yamang hindi nila ipinagbigay-alam sa akin habang nasa proseso ng paggawa ng desisyon, sinadya kong maghanap ng mga kapintasan dito.) Noong ginawa mo ito, alam mo ba sa iyong puso kung tama o mali ito? Alam mo bang seryoso ang kalikasan ng problemang ito, na nagdudulot ito ng pagkagambala at panggugulo? (Hindi ko ito nabatid noong panahong iyon, ngunit sa pamamagitan ng malubhang pagpungos ng aking mga kapatid, at sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, nakita kong seryoso ang kalikasan ng problemang ito, na ginagambala at ginugulo nito ang gawain ng iglesia, at isang uri ng satanikong pag-uugali.) Yamang nakilala mo kung gaano ito kaseryoso, kapag may nangyaring mga kagayang bagay sa iyo pagkatapos nito, nagawa mo bang magbago ng bahagya at magkaroon ng ilang pagpasok pagdating sa iyong pamamaraan? (Oo. Noong ibinunyag ko ang gayong mga kaisipan at ideya, batid ko na isa itong satanikong disposisyon, na hindi ko magagawa ang mga bagay sa ganoong paraan, at nagawa kong may kamalayang magdasal sa Diyos at maghimagsik laban sa mga di-tamang kaisipan at ideyang iyon.) Nagawa mong medyo magbago. Kapag mayroon kang gayong mga problema ng katiwalian, dapat mong hanapin ang katotohanan para resolbahin ang mga ito, pigilan ang iyong sarili, at magdasal sa Diyos. Kapag iniisip mong tinitingnan ka ng iba nang may paghamak, na hindi mataas ang tingin nila sa iyo o hindi ka sineseryoso, at kaya nais mong magdulot ng panggugulo, kapag may ganito kang saloobin, dapat nababatid mong hindi ito nagmumula sa normal na pagkatao kundi mula sa isang satanikong disposisyon, at na, kung magpapatuloy kang ganito, magkakaroon ng gulo, at malamang ay sasalungatin mo ang disposisyon ng Diyos. Dapat mo munang malaman kung paano pigilan ang iyong sarili, at pagkatapos ay pumunta sa harap ng Diyos para magdasal sa Kanya at baligtarin ang iyong takbo. Kapag namumuhay ang mga tao sa loob ng sarili nilang mga pag-iisip, sa loob ng kanilang mga tiwaling disposisyon, walang anuman sa ginagawa nila ang nakaayon sa katotohanan o magagawang matugunan ang Diyos; laban sa Diyos ang lahat ng ginagawa nila. Makikilala mo na ngayon ang katunayang ito, hindi ba? Palaging nagnanais na makipaglaban para sa kasikatan at kapakinabangan, at hindi nag-aalinlangang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia para magkamit ng reputasyon at katayuan, ay ang mga pinakahalatang pagpapamalas ng mga anticristo. Sa totoo lang, nagtataglay ng mga pagpapamalas na ito ang lahat ng tao, ngunit kung makikilala at kikilalanin mo ito, at pagkatapos ay babaligtarin ang iyong takbo, magkakaroon ng saloobin ng tunay na pagsisisi sa harap ng Diyos, at babaguhin ang iyong pamamaraan, mga pag-uugali, at mga disposisyon, isa kang tao na naghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo kikilalanin ang mga totoong problema na ito, tiyak na wala kang pag-uugali ng pagsisisi, at hindi ka isang tao na naghahangad sa katotohanan. Kung magpupumilit kang tahakin ang landas ng isang anticristo, at sumunod sa landas na ito hanggang wakas, at iniisip mo pa ring hindi ito isang problema at ayaw magsisi, nagpupumilit na kumilos sa ganitong paraan at nakikipagpaligsahan sa mga manggagawa at lider para sa kasikatan at kapakinabangan, iginigiit na higit pang mapansin kaysa sa iba, nangingibabaw mula sa karamihan ng tao, at pagiging mas mahusay kaysa sa iba alinmang grupo ka naroroon, nasa gusot ka! Kung patuloy kang maghahangad ng reputasyon at katayuan at matigas ang ulong tumatangging magsisi, isa kang anticristo at nakatakdang parusahan sa huli. Walang epekto sa iyo ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, at konsensiya at katwiran, at tiyak na makahaharap mo ang katapusan ng mga anticristo. Hindi ka maililigtas, at ikaw ay hinding-hindi matutubos! Kung matatamo man o hindi ng mga tao ang kaligtasan at makatatahak sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan ay nakasalalay sa kung nagpapakita sila ng mga pagpapamalas ng tunay na pagsisisi pagkatapos makilala ang kanilang sarili, at ang saloobin nila sa kanilang pagharap sa katotohanan, pati na rin ang landas na kanilang pinipili. Kung hindi mo aabandonahin ang landas ng isang anticristo, at sa halip ay pinipili mong matugunan ang iyong sariling mga ambisyon at pagnanais, walang pakundangang lumalaban sa katotohanan, at itinatakda ang iyong sarili laban sa Diyos, ikaw ay hinding-hindi matutubos. Kung hindi alam ng isang tao kung paano matakot gaano pa man ang laki ng mga pagkakamali niya o kung gaano karaming masasamang gawa ang ginagawa niya, at hindi siya nakokonsensiya, at patuloy na nagdadahilan para sa sarili niya, nang hindi nakararamdam ng kahit kaunting pagsisisi, kung gayon ay tunay siyang anticristo at isang diyablo. Kung tinataglay lang ng isang tao ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, ngunit kaya niyang aminin ang kanyang mga pagkakamali, bumalik, at magkaroon ng pusong may pagsisisi, iba ang kalikasan nito kaysa sa mga anticristo at ganap na ibang usapin. Kaya, ang susi sa kung matatamo man o hindi ng isang tao ang kaligtasan ay nakasalalay sa kung kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili, kung mayroon siyang pusong may pagsisisi, at kung kaya niyang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.