Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasampung Bahagi) Ikatlong Seksiyon

b. Nang may Pagpapanggap

Ngayon, magbabahaginan tayo sa ikalawang aspekto. Madalas gumagamit ng pagpapaimbabaw ang mga anticristo para magtamo ng katayuan; nagsasabi sila ng mga bagay na gustong marinig ng mga tao at na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at gumagawa sila ng mga bagay sa panlabas na nagiging dahilan para sang-ayunan at hangaan sila ng mga tao, kaya mas lalo silang nagiging sikat—ito ay isa pang paraan ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao. Mayroon bang kaibahan sa pagitan ng pagpapanggap at pagkukunwari? Sa panlabas na pag-uugali, ang pagkukunwari at pagpapanggap ay kadalasang iisang kalagayan; magkakaugnay ang mga ito. Pagbabahaginan natin ang mga ito nang hiwalay para maging mas malinaw para sa mga tao, at nang mas lubos itong maintindihan ng mga tao. Ang pangunahing kahulugan ng “pagpapanggap” ay hindi pekeng pagkilos, kundi ang panggagaya. Bakit nagpapanggap ang mga anticristo? Likas na mayroon silang mga partikular na pakay: Nagpapanggap ang mga anticristo para magtamo ng katayuan at katanyagan; kung hindi, hindi sila kailanman magpapanggap, hindi sila gagawa ng gayong kahangalan. Malinaw itong nakikita ng mga mapagkilatis na mata. Kung madalas na nagpapanggap ang mga tao, natural na makakatanggap sila ng pagkasuklam, pagkamuhi, at pagtuligsa ng iba—kaya, bakit ginagawa pa rin ito ng mga anticristo? Sadyang ito ang kalikasan nila: Hindi nila iniintindi kung ano ang kailangan para magkamit ng reputasyon at katayuan, wala na silang pakiramdam ng kahihiyan. Para magkamit ng katayuan sa isipan ng mga tao, ang unang ginagawa ng mga anticristo ay ang himukin ang mga tao na magtiwala sa kanila, tingalain sila, at sambahin sila. Kaya, paano nila natatamo ang layong ito? Bukod sa pagpepeke ng mabuting pag-uugali at mga pagpapamalas na tumutugma sa mga kuru-kuro ng mga tao, ginagaya rin nila ang mga tanyag na tao, kinokopya ang paraan ng pagsasalita ng mga ito, para pahalagahan at tingalain sila ng mga tao. Sa ganitong paraan, hindi namamalayang sinisimulan na silang sambahin, bolahin, at suportahan ng ilang tao sa iglesia, tinitingnan nila ang mga anticristo na parang mga espirituwal na nilalang o mga tanyag na tao, na nangangahulugang ang mga anticristo ay hinahangaan at iginagalang bilang mga espirituwal na nilalang sa iglesia at sa puso ng ilang tao. Ito ay dahil karamihan sa mga tao ay lubusang walang pagkilatis, at sinasamba at iginagalang nila ang sinumang gusto at hinahangaan ng puso nila. Sa iglesia, anong klaseng tao ang pangunahing ginagaya ng mga anticristo? Ginagaya nila ang mga espirituwal na nilalang, dahil karamihan sa mga tao ay sumasamba sa mga espirituwal na nilalang. Sa Hudaismo, ang mga Pariseo ay mga espirituwal na nilalang na sinasamba ng mga tao, sinasamba sila ng mga tao dahil sa kaalaman nila, huwad na kabanalan, at pakitang-taong mabuting asal; at kaya, sa Hudaismo, napakasikat ng mga Pariseo, sila ay lubos na hinahangaan. Ngayon, may ilan sa iglesia na mahilig ding sumamba sa mga espirituwal na nilalang. Una, sinasamba nila ang mga nasa iglesia na matagal nang nananampalataya sa Diyos, mga taong may diumano’y mga espirituwal na karanasan at patotoo, na nakatanggap ng mga biyaya at pagpapala ng Diyos, na nakakita ng mga dakilang pangitain, at nagkaroon ng mga ekstraordinaryong karanasan. Dagdag pa rito, may mga tao ring mayayabang at matatamis magsalita kapag kasama ng ibang tao, na nag-uudyok sa iba na sila ay sambahin at hangaan. May iba na may mga pamamaraan, gawi, at prinsipyo sa pagkilos nila na naaayon sa mga panuntunan ng iglesia, na parang maka-diyos ang panlabas na pag-uugali. Mayroon ding mga tao na parang may malaking pananalig sa Diyos. Ang mga taong ito ay pawang tinatawag na mga espirituwal na tao. Kung gayon, paano ginagaya ng mga anticristo ang mga espirituwal na tao? Simple lang ang ginagawa nila, sinasabi nila ang mga sinasabi ng mga espirituwal na tao, at ginagawa ang mga ginagawa ng mga espirituwal na tao, para ituring sila ng mga tao bilang isang espirituwal na tao. Pero ginagawa ba nila ito nang taos-puso? Hindi: Ito ay panggagaya lamang, pagsunod sa isang regulasyon, ginagawa lang nila ito para makita ng iba. Halimbawa, kapag may nangyayari sa kanila, agad silang nagdarasal—pero hindi naman talaga sila tunay na naghahanap o nagdarasal, pabasta-basta lang nila itong ginagawa para magpakitang-tao, para sabihin ng mga tao na mahal na mahal nila ang Diyos at may matinding takot sila sa Diyos. Bukod pa rito, kapag nagkasakit sila at nangangailangan ng gamutan, hindi sila nagpapagamot o umiinom ng nararapat na gamot. Sinasabi ng mga tao, “Kung hindi ka iinom ng gamot, puwedeng lumala ang sakit mo. May oras para sa gamot, at may oras para sa panalangin. Kailangan mo lang sumunod sa pananalig mo at huwag pabayaan ang tungkulin mo.” Sumasagot sila, “Ayos lang—kasama ko ang diyos, hindi ako natatakot.” Sa panlabas, nagkukunwari silang kalmado, walang takot, at puno ng pananalig, pero sa loob-loob nila, takot na takot sila, at palihim na pumupunta sa doktor sa sandaling sumasama ang pakiramdam nila. At kapag may nakaalam na nagpunta sila sa doktor at uminom ng gamot, naghahanap sila ng mga dahilan o palusot para itago ito. Madalas din nilang sinasabi, “Ang sakit ay isang pagsubok mula sa diyos. Kapag namumuhay ka sa sakit, magkakasakit ka; kapag namumuhay ka sa mga salita ng diyos, mawawala ang sakit na ito. Hindi tayo dapat mamuhay sa sakit—kung mamumuhay tayo sa mga salita ng diyos, mawawala ang sakit na ito.” Kung titingnan, ito ang madalas nilang itinuturo sa mga tao, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para tulungan ang mga tao; pero palihim nilang nilulutas ang sakit nila gamit ang mga pamamaraan ng tao. Sa harap ng ibang tao, sinasabi nila na sumasandal sila sa Diyos at na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, sinasabi nila na hindi sila natatakot sa karamdaman o kamatayan; pero sa puso nila, mas takot pa sila kaysa sa sinuman, takot silang magkasakit at pumunta sa ospital, at mas lalong takot na takot sila sa kamatayan. Wala silang tunay na pananalig. Sa harap ng ibang tao, nagdarasal sila at nagsasabing: “Malugod akong nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng diyos. Ang lahat ng bagay ay nagmumula sa diyos, at hindi dapat magreklamo ang mga tao.” Sa puso nila, iniisip nila: “Lubos na tapat kong nagampanan ang tungkulin ko, bakit dumapo sa akin ang sakit na ito? At bakit walang ibang nagkasakit nang ganito? Ginagamit ba ito ng diyos para ibunyag ako, para pigilan akong gawin ang tungkuling ito? Kinasusuklaman ba ako ng diyos? At kung kinasusuklaman niya ako, isa ba akong tagapagserbisyo? Ginagamit ba ako ng diyos para magserbisyo? May kahahantungan ba ako sa hinaharap?” Hindi sila nangangahas na magreklamo nang malakas, pero sa puso nila, lumitaw ang mga pagdududa tungkol sa Diyos, iniisip nila na hindi lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Sa panlabas, gayumpaman, nagpapanggap sila na walang mali, ipinapalabas nila na kahit magkasakit sila, hindi ito makakapigil sa kanila, at kaya pa rin nilang gawin ang tungkulin nila, at maging mapagpasakop at tapat, na kaya pa rin nilang gumugol para sa Diyos. Hindi ba’t ito ay pagkukunwari at pagpapanggap? Ang kanilang pananalig at pagpapasakop ay peke; peke rin ang katapatan nila. Walang tunay na pagpapasakop dito, walang tunay na pananalig, at lalong wala ring tunay na pagsandig at pagsuko sa Diyos. Hindi nila hinahanap ang mga layunin ng Diyos, hindi nila sinusuri ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, hindi rin nila hinahanap ang katotohanan para malutas ang sarili nilang mga problema. Ang iniisip lang nila sa kanilang puso ay ang kanilang mga interes ng laman, kalalabasan, at hantungan; ang puso nila ay puno ng mga reklamo, mga maling pagkaunawa, at mga paghihinala tungkol sa Diyos—at gayumpaman, sa panlabas, nagpapakita sila na parang isang espirituwal na nilalang, at anuman ang mangyari sa kanila, sinasabi nila na, “May mabuting kalooban ang diyos, hindi ako dapat magreklamo.” Hindi nagrereklamo ang kanilang bibig, pero lubhang naguguluhan ang puso nila: Ang kanilang mga reklamo, maling pagkaunawa, at mga pagdududa tungkol sa Diyos ay patuloy na bumabalot sa puso nila. Batay sa lahat ng nakikita, madalas nilang binabasa ang mga salita ng Diyos at hindi nagpapaliban sa paggawa ng tungkulin nila, pero sa puso nila, sumuko na sila sa kanilang tungkulin. Hindi ba’t ito ang kahulugan ng pagpapanggap? Ito ay pagpapanggap.

Palaging magpapanggap ang mga anticristo, anuman ang sitwasyon; wala silang pinipiling okasyon. Halimbawa, kapag dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabatian ang ilang magkakapatid. Paano ito hinaharap ng mga anticristo? Sinasabi nila, “Tama na ang kuwentuhan, nasa pagtitipon tayo! Saan ba sa tingin ninyo dapat makipagkuwentuhan ng mga ganitong bagay? Wala kayong may-takot-sa-diyos na puso. Magseryoso kayo!” May ilang tao na nagpapahinga habang ginagawa ang kanilang tungkulin, at kapag nakikita ito ng isang anticristo, sinasabi niya, “Nagiging pabaya na naman, ha? Dapat mong basahin kaagad ang mga salita ng diyos at humarap sa kanya para manalangin.” Kapag nagpapalitan ng mga pananaw ang mga kapatid para matuto ng mga propesyonal na kasanayan mula sa isa’t isa, sinasabi nila, “Dapat muna kayong magbahagi tungkol sa mga salita ng diyos at magdasal, at pagkatapos ay magpalitan ng mga pananaw at ideya.” Kung may isang tao na hindi pa nagdadasal bago magsimula ang pagtitipon, sasawayin siya ng anticristo, tutukuyin siya bilang isang partikular na uri ng tao, at may masasabi tungkol sa kanya. Sa bawat aspekto, ipinapakita nila sa iba na sila ay napaka-espirituwal, napakataimtim, na napakatapat nila sa katotohanan at nagsusumikap na hangarin ito, na napakaresponsable nila sa kanilang tungkulin, na kaya nilang regular na basahin ang mga salita ng Diyos araw-araw, na mayroon silang normal na espirituwal na buhay, na regular silang dumadalo sa mga pagtitipon, na kapag dumadalo sila sa mga pagtitipon ay nagdarasal sila, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nagbabahaginan ayon sa itinakdang paraan, at na hindi sila nakikipagkuwentuhan o nag-uusap tungkol sa mga isyung pambahay. Kapag may nagsasabi sa kanila ng, “Humahaba na ang buhok mo. Dapat magpagupit ka na. Mainit ang panahon ngayon, kaya magiging mas maaliwalas ang pakiramdam mo kung magpapagupit ka,” sumasagot sila, “Hindi mahalaga kung medyo humahaba na ang buhok ko. Mahalaga ang trabaho. Hindi magiging problema sa akin ang init kahit hayaan kong tumubo pa ng ilang araw ang buhok ko.” May isang nagsasabi na, “Nagkakahimulmol na ang mga damit mo. Kung lagi mo pang isusuot ang mga ito, pagtatawanan ka lang ng mga tao.” Sasabihin ng anticristo, “Hindi mahalaga iyon. Nag-aalala ba tayong mga mananampalataya sa diyos na pagtawanan tayo ng iba? Lahat tayo ay nagdusa na nang husto, at tiniis natin ang pang-uusig ng malaking pulang dragon sa lahat ng panahong ito. Tinahak natin ang landas ng pagtatakwil ng mga makamundong tao. Kaya, ano ngayon kung pagtatawanan ako ng mga tao dahil sa mga nagkakahimulmol kong damit? Hangga’t tanggap ako ng diyos, iyon lang ang mahalaga.” Mabuting bagay ba na sabihin ito? (Nagpapanggap sila na espirituwal.) May ilang tao na nakakakita na nagtatanong Ako at naghihikayat sa lahat na magbahagi sa kanila pagkatapos ng isang sermon, pero hindi sila masagot ng mga tao sa pagbabahaginan, kaya nagbibigay sila ng ganitong buod: “Nakahanap ako ng bagong liwanag dito. Hindi kailanman kumakain ang diyos nang walang kabuluhan, pero tayo, kahit ang pagkain natin ng repolyo ay nasasayang lang.” Narinig mo na ba na nasabi ito noon? (Hindi.) Sinasabi nila na hindi kailanman kumakain ang Diyos nang walang kabuluhan, ibig sabihin, nangangaral ng sermon ang Diyos sa mga tao at kaya nararapat lang na kumain Siya. Hindi tayo nakakapagbahagi ng anuman, kaya pati pagkain natin ng repolyo ay nasasayang lang. Itinuturing ito ng ilang tao na walang pagkilatis bilang ang katotohanan at ipinagsasabi nila ito kahit saan. Hindi sila naniniwala na maituturing na espirituwal, matayog, o bilang bagong liwanag ang pagbabahaginan tungkol sa pagkilala sa sarili, paghahangad na magpasakop at magmahal sa Diyos, at ang iba pang karaniwang paksa na madalas talakayin ng mga tao. Para sa kanila, ang sinabi lang ng taong iyon ang bagong liwanag at ang matayog! Parang tamang pakinggan ang sinabi ng taong iyon, pero kapag pinag-isipang mabuti, kasuklam-suklam ito at isang walang katuturang bagay na sasabihin. Ito ay isang bagay na inimbento ng mga walang espirituwal na pagkaunawa, pero gusto pa ring magpanggap na espirituwal, magpanggap na may kaalaman sa katotohanan, at magpanggap na nauunawaan nila ang katotohanan—hindi ba’t wala itong katuturan? (Oo.) Eksperto sila sa pag-aaral ng pagsasabi ng mga mapagmataas at walang lamang mga salita at doktrina, at hindi sila nagbibigay ng kahalagahan sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa realidad. Kaya magaling sila sa pagsasalita ng espirituwal na doktrina at hindi nila hinihimay-himay ang sarili nila kung mayroon ba silang katotohanang realidad o wala—hindi ba’t mga mapagpaimbabaw ang mga taong ito? Mga ganitong tao ang pinakakinasusuklaman ng Diyos.

Kapag nagtitipon-tipon ang kung tawagin ay mga espirituwal na taong ito, namimilosopo sila, tinatalakay ang mga misteryo, at pinag-uusapan ang tungkol sa pagkilala sa sarili at sa Diyos. Ang mga bagay na pinag-uusapan nila ay napakatayog na tila hindi usapin sa mundo. Nag-uusap sila nang nag-uusap, lumilihis at nag-uusap ng mga bagay na malayo sa paksa. Ano ang ibig sabihin ng “nag-uusap ng mga bagay na malayo sa paksa”? Nag-uusap sila nang nag-uusap hanggang sa puro kalokohan na ang sinasabi nila, nagkokompetensiya sila sa kung sino ang mas maraming nabasang salita ng Diyos at gaano karaming kabanata ng mga salita ng Diyos ang natatandaan nila at kayang ipangaral, at kung sino ang nakakapangaral nang mas matayog at mas malalim kaysa sa iba, at kung sino ang nakakapangaral sa paraang nakakapagbigay ng higit na liwanag kaysa sa iba. Nagkokompetensiya sila sa mga bagay na ito, at ito ang tinatawag na “pakikipagkompetensiya sa espirituwalidad.” Minsan, nagkukuwentuhan ang mga tao, nag-uusap tungkol sa kung kumusta na sila kamakailan o tungkol sa ilang panlabas na bagay. Tapos, may darating na isang “espirituwal na tao” at, kapag naririnig niyang nag-uusap ang lahat tungkol sa mga bagay na ito, kinukuha niya ang kanyang aklat ng mga salita ng Diyos at pumupunta siya sa isang sulok para basahin ito. Hindi ba’t mukhang hindi palakaibigan at kakaiba ang ganitong tao? Kapag nakikipagbahaginan Ako sa ilang tao tungkol sa isang pangunahing paksa, nagpapahinga kami sa kalagitnaan ng pagbabahagi at nag-uusap tungkol sa mga panlabas na bagay—hindi ba’t normal lang iyon? Habang nag-uusap kami, may mga tao na hindi umiimik. Ang ibig nilang sabihin dito ay, “Makikinig ako kapag nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan, pero kung magsisimula kang makipagkuwentuhan, hindi na muna ako makikinig. Kung patuloy kang makikipagkuwentuhan nang mahabang oras, aalis na ako.” Saan sila pumupunta? Pumupunta sila sa isang lugar para magdasal, at buong kumpiyansa nilang sinasabi, “O diyos, pakiusap, bawiin mo po ang puso ko. Hayaan mo po akong maging tahimik sa harap mo, huwag mo po akong hayaang madala at matangay ng mga bagay ng mga walang pananampalataya, at huwag mo po akong hayaang matangay ng mga makamundong kalakaran.” Napaka-espirituwal ba talaga iyon? Naniniwala sila na ganoon. Kapag nag-uusap kayo tungkol sa mga bagay sa bahay at kung kumusta ang kalagayan ninyo kamakailan, sa tingin nila, hindi ito pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, na hindi man lang binanggit ang mga salita ng Diyos, at kaya, umaalis sila at lalapit sa Diyos para magdasal. Hindi ba’t medyo kakaiba iyon? Ito ang pagpapanggap ng mga taong naghahangad na maging espirituwal—napakahusay nilang magpanggap! Ang pakay nila sa pagpapanggap ay ang ipakita sa iba na sila ay espirituwal, na seryoso sila sa paghahangad nila, na palagi silang namumuhay sa presensiya ng Diyos, na may liwanag sa mga salita nila, na hinahangad nila ang katotohanan, na hindi sila naaapektuhan ng makamundong mga bagay o ng mga pagmamahal ng pamilya, na wala silang ganitong mga pangangailangan ng laman, na iba sila sa mga normal na tao, na iwinaksi na nila ang makamundong bagay at ang mga ganitong bulgar na interes. Kapag may ilang tao na nakikipag-usap nang kaunti sa mga hindi mananampalataya, sinasabi nila, “Hindi iyan tama. Masasama ang mga taong ito na walang pananampalataya. Sa sandaling kausapin mo sila at masangkot ka sa kanilang mga gawain, makakaramdam ka ng pagkabalisa sa loob mo at kailangan mong magmadaling lumapit sa diyos para magtapat at magdasal. Kailangan mong magmadaling basahin ang mga salita ng diyos, hayaan mong sakupin at punuin ka ng kanyang mga salita.” Kaya, kapag nakakakita sila ng mga walang pananampalataya, mga taong hindi nananampalataya sa Diyos, iniiwasan nila ang mga taong ito at hindi nila kinakausap. Ni hindi sila nakikisalamuha nang normal, at iniisip ng mga tao na kakaiba ang mga nagpapanggap na espirituwal. Ang batayan nila sa pagkilos nang ganito ay, “Ang mga walang pananampalataya ay mga diyablo lahat at hindi natin sila dapat kausapin. Kinamumuhian ng diyos ang mga diyablo, kaya kung makikisama tayo sa mga diyablo at makikipaglapit sa kanila, kamumuhian din ito ng diyos. Dapat nating kamuhian ang kinamumuhian ng diyos, at dapat nating itakwil ang itinatakwil ng diyos.” Kung nakikita nila ang isang kapatid na nakikipag-usap, nagkakaroon ng masinsinang pag-uusap, o nakikipagkuwentuhan tungkol sa mga bagay na pambahay kasama ang isang miyembro ng pamilya o kaibigan na walang pananampalataya, hinuhusgahan nila ang kapatid na ito, iniisip nila, “Siya ay mananampalatayang may karanasan at matagal na siyang nananampalataya sa diyos. Hindi niya sinusubukang iwasan ang mga walang pananampalataya, bagkus ay lalo pa siyang nakikipaglapit sa mga ito. Pagkakanulo ito sa diyos, at kapag nakakaranas siya ng problema, tiyak na magiging Hudas siya.” Binabansagan nila ang mga ganitong tao. May ibang tao na may mga magulang na hindi nananampalataya sa Diyos, pero hindi rin naman sila tumututol sa pananampalataya sa Diyos ng anak nila. Paminsan-minsan, tinatawagan nila ang kanilang mga magulang para kumustahin, o kapag may sakit ang mga ito, umuuwi sila para alagaan ang mga magulang—ito ay ganap na normal at hindi ito kinokondena ng Diyos. At ano ang ginagawa ng mga espirituwal na taong ito—ang mga anticristong ito? Ganito ba ang tingin nila sa mga bagay-bagay? Ginagawa nila itong malaking isyu, sinasabi na, “Karaniwang napakagaling mong magsalita at nagagawa mong pabitawan sa iba ang mga damdamin nila at hindi mapigilan ng mga ito. Pero nakikita ko na mas malakas ang damdamin mo. Hindi nananampalataya sa diyos ang mga magulang mo, kaya dapat mo na silang itakwil.” May isang tao na sumasagot, “Hindi nananampalataya sa Diyos ang mga magulang ko pero hindi rin naman nila ako hinahadlangan. Suportadong-suportado nila ako.” Sagot ng anticristo, “Kahit na sinusuportahan ka nila, hindi ito katanggap-tanggap at mga diyablo pa rin sila. Paanong nagagawa mo pa rin silang ipagluto?” Sabi naman ng isa pa, “Hindi ba’t normal na damdamin ito ng tao? Hindi ba’t normal lang na magluto ng ilang pagkain para sa mga magulang at magpakita ng pagmamahal ng isang anak sa kanila? Hindi ito kinokondena ng Diyos, kaya bakit mo ito kinokondena?” Sumagot ang anticristo, “Hindi poproblemahin ng diyos ang ganito kaliit na bagay! Dahil hindi ito poproblemahin ng diyos, dapat tayong pumili at manindigan sa ating patotoo. Ang tagal mo nang nananampalataya sa diyos pero wala ka pa ring pagkilatis o tayog, at nagagawa mo pa ring tratuhin nang maayos ang mga diyablo—masyadong malakas ang damdamin mo!” Pati ito ay kinokondena niya! Kinokondena niya ang mga tao at binabansagan ang mga ito sa kahit anong ginagawa, para lang ipakita na may tayog siya, na seryoso siya sa kanyang paghahangad, na mayroon siyang pananalig, pero sa huli, kapag may namatay na miyembro ng sarili nilang pamilya, umiiyak siya sa loob ng maraming araw at hindi siya makabangon sa kama at gusto pa ngang talikuran ang pananalig niya. May nagsasabi sa kanya, “Hindi ba’t isa kang espirituwal na tao?” Sagot naman niya, “Hindi ba puwedeng maging mahina rin ang mga espirituwal na tao? Hindi ba ako puwedeng maging mahina sandali?” Hindi ba ito katusuhan? Ang mga huwad na espirituwal na tao ay kayang magkunwari, at ito ang tinatawag na pagpapanggap. Nagkukunwari sila na wala silang kahinaan, na mapagpasakop sila, na mayroon silang pananalig sa Diyos at tapat sa Diyos, na kaya nilang panindigan ang mga panunumpa nila, kayang tiisin ang paghihirap at igugol ang sarili nila, hindi umaasal sa kahit anong paraan na maaaring isipin ng mga tao na hindi angkop o hindi ideyal. Batay sa panlabas nilang pag-uugali, sinasang-ayunan sila ng mga tao at hindi mahanapan ng anumang pagkakamali, mukhang umaayon sila sa Kristiyanong kagandahang-asal, at hindi pa nga sila mukhang negatibo o mahina. Kapag may nakikita silang isang taong nanghihina o nagiging negatibo, madalas nila itong mahigpit na sinasaway, sinasabing, “Nagiging mahina ka dahil lang sa isang maliit na bagay—hindi ba’t lubos itong nakakasakit sa diyos? Alam mo ba kung anong oras na ngayon? Napakaraming salita na ang binigkas ng diyos sa atin, kaya paanong nagiging mahina ka pa rin? Bakit napakakaunti ng pagkakaintindi mo sa puso ng diyos? Anuman ang isyung kinakaharap mo, dapat palagi kang lumapit sa diyos para magdasal, matutong mahalin ang diyos at maging tapat sa kanya, at dapat kang magpasakop at huwag manghina. Kung palagi mong isinasaalang-alang ang laman mo, hindi ba’t naghihimagsik ka laban sa diyos?” Tila walang problema sa sinasabi nilang ito, pero walang kabuluhan ang lahat ng ito at hindi nito kayang lutasin ang mga problema ng mga tao. Sinasabi nila, “Alam mo ba kung anong oras na ngayon?”—may kinalaman ba iyon sa nararamdamang kahinaan ng mga tao? May kinalaman ba ito sa paghihimagsik? May mga tiwaling disposisyon ang mga tao at namumuhay sa laman nila, at ang mga tao ay palaging maaaring manghina at maghimagsik.

Gustong gampanan ng mga anticristo ang papel ng mga espirituwal na tao, bilang pinakamagagaling sa mga kapatid, at bilang mga taong nakakaunawa ng katotohanan at kayang tumulong sa mga mahina at kulang pa sa gulang. Ano ang pakay nila sa pagganap sa papel na ito? Una, naniniwala sila na nalampasan na nila ang laman at ang sekular na mundo, na naiwaksi na nila ang kahinaan at mga pangangailangan ng laman ng normal na pagkatao. Naniniwala sila na sila ang mga tao sa sambahayan ng Diyos na kayang umako ng mahahalagang gampanin, na kayang magsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at na sila ang may pusong puno ng mga salita ng Diyos. Pinupuri nila ang kanilang sarili dahil natugunan na nila ang mga hinihingi ng Diyos at napalugod ang Diyos, dahil nagagawa nilang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at nakakamit ang magandang hantungang ipinangako ng Diyos. Kaya, madalas silang nakakaramdam ng kahambugan at na mas magaling sila kaysa sa iba. Ginagamit nila ang mga salitang natatandaan at nauunawaan nila sa kanilang isipan para sermonan ang iba, at para kondenahin at hatulan ang iba. Madalas din silang gumagamit ng mga partikular na pamamaraan at kasabihan na naiisip nila sa mga kuru-kuro nila para limitahan at tagubilinan ang iba, na nagiging dahilan para sundin ng ibang tao ang mga patakaran at sundin sila ng mga ito, nang sa gayon ay mapangalagaan nila ang kanilang katayuan sa iglesia. Naniniwala sila na hangga’t kaya nilang mangaral ng isang hanay ng mga espirituwal na doktrina, bumigkas ng mga nauusong islogan, manguna, maging handang sumulong at umako ng gawain, at mapanatili ang normal na kaayusan ng iglesia, magiging mga espirituwal na tao sila, at magiging matatag ang katayuan nila. Kaya, ipinapalabas nila na mga espirituwal na tao sila at pinupuri nila ang sarili nila bilang ganito, habang kasabay nito ay ipinapalabas din nila na makapangyarihan sila sa lahat, lubos na may kakayahan, at mga perpektong tao. Halimbawa, kapag tinatanong mo sila kung marunong silang mag-type, sinasabi nila, “Oo, hindi mahirap para sa akin na mag-type.” Tatanungin mo sila, “Kaya mo bang magkumpuni ng mga makina?” Sasabihin nila, “Pare-pareho lang ang mga prinsipyo ng lahat ng makina. Oo, kaya kong ayusin ang mga ito.” Magtatanong ka, “Kaya mo bang ayusin ang mga traktora?” Sasabihin nila, “Maituturing ba na pag-aayos ng makina ang pag-aayos ng napakasimpleng makinang iyon?” Tatanungin mo sila, “Marunong ka bang magluto?” Sasabihin nila, “Kumakain ako, siyempre marunong akong magluto!” Magtatanong ka, “Kaya mo bang magpalipad ng eroplano?” Sasabihin nila, “Hindi ko pa ito natututuhan, pero kung pag-aaralan ko ito, kaya kong gawin iyon. Kaya kong maging kapitan ng eroplano, walang problema.” Iniisip nila na kaya nilang gawin ang lahat, na mahusay sila sa lahat ng bagay. May nasirang computer ang isang tao at hinihiling niya sa kanila na ayusin ito. Sasabihin nila na madali lang itong ayusin, pero ang totoo, wala silang alam at hindi nila alam kung paano ito ayusin, at sa huli, matapos subukang ayusin ito nang paulit-ulit, nabubura nila ang lahat ng impormasyon sa computer. Tinatanong sila ng may-ari ng computer, “Kaya mo bang ayusin ito o hindi?” At sasagot sila, “Nakapag-ayos na ako ng mga computer noon, pero ngayon, medyo nakalimutan ko na kung paano ito gawin. Mas mabuti pang maghanap ka na lang ng ibang mag-aayos nito.” Napakahusay nilang magkunwari, hindi ba? Ang mga tao na gaya nila ay may disposisyon ng arkanghel; hindi nila kailanman kayang sabihin na, “Hindi ko alam kung paano ito gawin,” o “Hindi ko ito kayang gawin,” o “Hindi ako magaling dito,” o “Hindi ko pa ito nakita dati,” o “Hindi ko alam”—hindi nila kailanman kayang sabihin ang mga ganitong bagay. Anumang bagay, kung tatanungin mo sila tungkol dito, kahit hindi nila alam kung paano ito gawin at hindi pa nila ito nakita dati, kailangan pa rin nilang makaisip ng mga dahilan at palusot para mapaniwala ka na magaling sila sa lahat ng bagay, na marunong silang gawin ang lahat, na kaya nilang gawin ang lahat, at na puwedeng gawin ang lahat ng bagay. Anong klaseng tao ang gusto nilang maging? (Mga superman, mga tao na may lubos na kakayahan.) Gusto nilang maging mga tao na may lubos na kakayahan, na ipalabas na sila ay mga anghel ng liwanag—hindi ba’t ganitong klase sila ng tao? Dahil palaging gustong magkunwari ng mga anticristo na magaling sila sa lahat ng bagay, kapag hinihiling mo sa kanila na makipagtulungan sa iba, na makipagpalitan ng mga pananaw, makipagtalakayan, makipagbahaginan, at makipag-usap sa iba tungkol sa mga isyu, hindi nila ito magawa. Sinasabi nila, “Hindi ko kailangan ng sinuman para makipagtulungan sa akin. Hindi ko kailangan ng alalay. Hindi ko kailangan ang tulong ng kahit sino sa paggawa ng anumang bagay. Kaya ko itong gawin nang mag-isa, alam ko kung paano gawin ang lahat, lubos akong may kakayahan, at walang bagay na hindi ko kayang gawin, walang bagay na hindi ko makakamit, at walang bagay na hindi ko matatapos. Sino ako? Hindi kayo marunong gumawa ng kahit ano, at kahit na marunong kayong gumawa ng isang bagay, hindi kayo mahusay rito. Kahit isang bagay lang ang natutuhan kong gawin, alam ko kung paano gawin ang lahat. Kung mahusay ako sa isang bagay, mahusay ako sa lahat. Marunong akong magsulat ng mga artikulo at nakakapagsalita ako ng mga banyagang wika. Kahit na hindi pa ako marunong ngayon na magsalita ng banyagang wika, kung mag-aaral ako, hindi ko magiging problema na matuto ng limang banyagang wika.” May nagtatanong sa kanila kung kaya ba nilang umarte sa mga pelikula, kumanta at sumayaw, at sinasabi nila na kaya nilang gawin ang lahat ng iyon. Ang galing nilang magyabang, hindi ba? Nagkukunwari silang kaya nilang gawin ang lahat ng bagay at marunong gumawa ng lahat—talagang taglay nila ang kalikasan ng arkanghel! May nagtatanong sa kanila kung naging mahina na ba sila sa mga taon ng pananampalataya nila sa Diyos, at sumasagot sila, “Ano ba ang dapat kong ikapanghina? Napakalinaw na sinalita ang mga salita ng diyos. Hindi tayo dapat manghina. Kung manghihina tayo, binibigo lang natin ang diyos. Dapat tayong magbigay ng 120 porsiyentong pagsisikap para suklian ang pagmamahal ng diyos!” Magtatanong ang isa pang tao, “Ni minsan ba ay nangulila ka sa tahanan mo mula nang lisanin mo ito ilang taon na ang nakalipas? Umiiyak ka ba kapag nangungulila ka sa tahanan mo?” Sumasagot sila, “Ano ba ang dapat kong iyakan? Nasa puso ko ang diyos. Kapag iniisip ko ang diyos, hindi ko na pinangungulilaan ang tahanan. Ang lahat ng kapamilya ko na walang pananampalataya ay mga diyablo at Satanas. Ipinagdarasal ko na sana masumpa sila.” Tinatanong sila ng isa pang tao, “Ni minsan ba ay nalihis ka na sa mga taon ng iyong pananalig?” Sumasagot sila, “Napakalinaw ng mga salita ng diyos, paanong maliligaw ang isang tao? Ang mga naliligaw ay mga taong hangal at walang espirituwal na pagkaunawa. Maliligaw ba ang isang tao na may kakayahan na katulad ko? Maaari kayang matahak ko ang maling landas? Hindi maaari.” Naniniwala silang magaling sila sa lahat ng bagay, na mas mahusay sila kaysa sa lahat. Ano ang tingin nila sa mga taong nagiging negatibo at mahina? Sinasabi nila, “Ang mga taong nagiging negatibo at mahina ay wala lang ibang magawa.” Totoo ba ito? Ang ilang pagiging negatibo at mahina ay normal lang, samantalang may dahilan naman sa ilang pagiging negatibo at mahina, kaya paano nila masasabing ang mga taong ito ay “wala lang ibang magawa”? Nagkukunwaring espirituwal sa ganitong paraan ang mga anticristo, nagkukunwari silang kaya nilang gawin ang lahat ng bagay, nagkukunwaring wala silang kakulangan o kahinaan, at higit pa rito, nagkukunwari sila na hindi sila mapaghimagsik at na hindi sila kailanman sumalangsang.

Kahit ano pa ang konteksto, anuman ang tungkuling ginagawa niya, susubukan ng isang anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng pananalig, at hindi kailanman negatibo, nang sa gayon ay hindi kailanman makikita ng mga tao ang kanyang tunay na tayog o totoong saloobin sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o mga pagpapakita ng katiwalian? Tiyak na hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang bahagi ng kanyang pagkatao na malakas at kahanga-hanga; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at totoo. Halata naman ang kanyang layon: Simple lang naman, ito ay upang mapanatili ang kanyang banidad at pagpapahalaga sa sarili, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, kung ibubunyag niya ang bahagi ng kanyang pagkatao na mapaghimagsik at tiwali, magiging matinding pinsala ito sa kanyang katayuan at reputasyon—mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa aminin na may mga oras na siya ay mahina, mapaghimagsik, at negatibo. At kung dumating man ang araw na makita ng lahat ang bahagi ng pagkatao niya na mahina at mapaghimagsik, kapag nakita nila na siya ay tiwali, at hindi talaga nagbago, magpapatuloy siya sa pagkukunwari. Iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak na tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, mawawala sa kanya ang pagsamba at pagtangi ng lahat, at kung kaya lubos na mabibigo. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya magtatapat sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya ibibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan sa kaninuman; sa halip, pilit siyang makikipagkompetensiya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko. Sa tuwing nakakaharap siya ng isang isyu, nagkukusa siyang magpapansin at magpakitang-gilas at magbandera ng sarili niya. Sa sandaling lumilitaw ang isang problema at nagkaroon ng mga kahihinatnan, mabilis siyang nagtatago, o kaya ay ipinapasa ang responsabilidad sa iba. Kung nahaharap siya sa isang isyung naiintindihan niya, agad niyang ipinangangalandakan ang kakayahan niya at sinasamantala ang pagkakataon para magpakilala sa iba, para makita ng iba na mayroon siyang mga kaloob at espesyal na kasanayan, at para tingalain at sambahin siya ng mga tao. Kung may mangyaring mahalaga, at may magtanong sa kanya tungkol sa pagkaunawa niya sa pangyayari, nag-aalangan siyang ihayag ang pananaw niya, sa halip ay hinahayaan niya ang iba na maunang magsalita. May mga dahilan ang kanyang pag-aalangan: Hindi sa dahil wala siyang pananaw, kundi natatakot siya na mali ang pananaw niya, na kung sasabihin niya ito, papabulaanan ito ng iba, na mapapahiya lang siya, at kaya mas pinipili niyang manahimik tungkol dito; o kaya ay wala talaga siyang pananaw at hindi niya malinaw na nauunawaan ang usapin, hindi siya naglalakas-loob na magsalita nang padalos-dalos, dahil sa takot na baka pagtawanan ng mga tao ang kamalian niya—kaya wala siyang magawa kundi manahimik. Sa madaling salita, hindi siya agad nagsasalita ng mga pananaw niya dahil natatakot siyang mabunyag ang sarili niya kung ano talaga siya, na makita ng iba na siya ay naghihikahos at kahabag-habag, na nakakaapekto sa imaheng mayroon ang iba tungkol sa kanya. Kaya, pagkatapos magbahagi ng lahat ng kani-kanilang pananaw, kaisipan, at kaalaman, ginagamit niya ang ilang mas matayog, mas kapani-paniwalang pahayag, na ipinapalabas niya bilang sarili niyang pananaw at pag-unawa. Ibinubuod niya ang mga ito at ibinabahagi ang mga ito sa lahat, kaya, tumataas ang katayuan niya sa puso ng iba. Ang mga anticristo ay lubhang tuso: Kapag oras na para magpahayag ng pananaw, hindi sila kailanman nagtatapat at nagpapakita sa iba ng tunay nilang kalagayan, hindi rin nila hinahayaang malaman ng mga tao kung ano talaga ang iniisip nila, kung ano ang kakayahan nila, kung anong klaseng pagkatao mayroon sila, kung anong klaseng kapangyarihan ng pag-unawa mayroon sila, at kung mayroon ba silang tunay na kaalaman sa katotohanan. Kaya, kasabay ng pagyayabang at pagpapanggap bilang isang espirituwal at perpektong tao, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para maitago ang totoo nilang mukha at tunay na tayog. Hindi nila inilalantad kailanman ang kanilang mga kahinaan sa mga kapatid, hindi rin nila sinusubukan kahit minsan na kilalanin ang kanilang sariling mga kakulangan at kapintasan; sa halip, ginagawa nila ang lahat para pagtakpan ang mga iyon. Tinatanong sila ng mga tao, “Napakaraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, nagkaroon ka na ba kahit kailan ng anumang mga pagdududa tungkol sa Diyos?” Ang sagot nila, “Hindi.” Tinatanong sila, “Ni minsan ba ay pinagsisihan mong tinalikuran mo ang lahat ng bagay sa paggugol para sa Diyos?” Ang sagot nila, “Hindi.” “Noong may karamdaman ka, nabalisa ka ba, nangulila ka ba sa pamilya mo?” At ang sagot nila, “Hindi kailanman.” Nakita mo na, ipinapakita ng mga anticristo na sila ay matatag, malakas ang loob, may kakayahang tumalikod at magdusa, mga taong walang kapintasan at walang anumang mga kamalian o problema. Kapag ipinapaalam ng isang tao ang kanilang katiwalian at mga pagkukulang, tinatrato sila nang pantay, bilang isang normal na kapatid, at nagtatapat at nakikipagbahaginan sa kanila, paano nila tinatrato ang bagay na ito? Ginagawa nila ang lahat para ipagtanggol at pangatwiranan ang kanilang sarili, para patunayan na tama sila, at sa huli ay ipakita sa mga tao na wala silang mga problema, at na sila ay perpekto at espirituwal na tao. Hindi ba’t puro pagpapanggap ito? Sinumang nag-iisip na ang sarili nila ay walang kapintasan at banal ay mga impostor lahat. Bakit Ko sinasabi na lahat sila ay mga impostor? Sabihin mo sa Akin, mayroon bang sinumang walang kapintasan sa gitna ng tiwaling sangkatauhan? Mayroon bang sinuman na tunay na banal? (Wala.) Tiyak na wala. Paano mawawalan ng kapintasan ang tao samantalang labis siyang nagawang tiwali ni Satanas at, maliban pa riyan, hindi niya likas na taglay ang katotohanan? Diyos lang ang banal; lahat ng tiwaling sangkatauhan ay may dungis. Kung gagayahin ng isang tao ang isang banal na tao, sasabihin na wala siyang kapintasan, ano ang taong iyon? Siya ay isang diyablo, isang Satanas, isang arkanghel—siya ay magiging tunay na anticristo. Isang anticristo lang ang magsasabing siya ay walang kapintasan at banal na tao. Kilala ba ng mga anticristo ang sarili nila? (Hindi.) At dahil hindi nila kilala ang sarili nila, magbabahagi ba sila ng pagkakilala nila sa sarili? (Hindi.) Mayroon bang mga anticristo na magbabahagi sa pagkakilala nila sa sarili? (Oo.) Anong klaseng mga tao ang gumagawa nito? (Mga mapagpaimbabaw.) Tama. Nagkukunwari ang mga taong ito na kilala nila ang sarili nila, at pinapalaki nila ang maliliit na bagay at binibigyan ng ilang mahalagang pangalan ang kanilang sarili, sinasabing sila ay mga Satanas at mga demonyo, nagkukunwaring mayroon silang malalim na pagkakilala sa sarili nila. Sila ay mga huwad na espirituwal na tao, hindi ba? Hindi ba’t mga mapagpaimbabaw sila? Kapag nagbabahagi sila tungkol sa pagkakilala nila sa sarili, talaga bang kilala nila ang sarili nila? (Hindi.) Kung gayon, ano ang sinasabi nila tungkol sa pagkakilala nila sa sarili? (Kapag nagsasalita ang mga anticristo tungkol sa pagkakilala nila sa sarili, hindi sila nagsasalita tungkol sa aktuwal nilang sitwasyon, nagsasalita lang sila ng mga walang kabuluhang salita ng doktrina, na hindi talaga praktikal; parang mayroon silang malalim na pagkakilala, pero walang tanda ng pagsisisi.) Ito ba ay tunay na pagkakilala sa sarili? Walang tunay na pagsisisi, kaya, humantong na ba sila sa pagkamuhi sa sarili nila? Kapag walang pagsisisi at walang pagkamuhi sa sarili nila, hindi talaga nila kilala ang kanilang sarili. Ang pagkakilala sa sarili na sinasabi ng mga anticristo ay naglalaman lang ng mga bagay na alam na ng lahat tungkol sa kanila, na nakikita ng lahat. Gumagamit din sila ng nakalilinlang na argumento at pagbibigay-katwiran sa sarili para iparamdam sa lahat na wala silang nagawang mali, at kaya pa rin nilang magsalita tungkol sa pagkakilala nila sa sarili, para mas hangaan sila ng mga tao. Kapag nakitang wala silang nagawang anumang mali pero nagninilay-nilay pa rin sa sarili nila at nagsisikap na makilala ang sarili nila, ang iniisip ng mga tao ay, “Kung talagang gumagawa siya ng mali, mas malamang na makikilala niya ang sarili niya. Lubos siyang maka-diyos!” Ano ang resulta ng ginagawang ito ng anticristo? Inililigaw nila ang mga tao. Hindi nila tunay na hinihimay-himay o inuunawa ang sarili nilang tiwaling disposisyon para may matutuhang aral ang ibang tao mula rito; sa halip, ginagamit nila ang pagbabahagi tungkol sa pagkakilala nila sa sarili para hangaan sila ng mga tao. Ano ang kalikasan ng kilos na ito? (Pagpapatotoo sa sarili para ilihis ang mga tao.) Tama. Inililihis nila ang mga tao. Paanong itinuturing ito na pagkakilala sa sarili? Ito ay panlilinlang, wala nang iba. Ginagamit nila ang pagsasalita tungkol sa pagkakilala sa sarili nila para ilihis ang mga tao, para isipin ng mga tao na sila ay espirituwal, at na kilala nila ang sarili nila, para hangaan at sambahin sila ng mga tao. Ito ay isang kasuklam-suklam at maruming pagsasagawa—at ito ang kabuktutan ng mga anticristo.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.