Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi) Ikapitong Seksiyon
Ang isang tunay na tao ay minamahal at hinahangad ang mga bagay na umaayon sa pagkatao, konsensiya, normal na pag-iisip ng tao, at tunay na buhay, na normal at praktikal, walang pagkabaluktot at hindi kakaiba, hindi abstrak, hindi hungkag, at hindi supernatural. Pagdating sa mga bagay na ito, magagawang pahalagahan, wastong pangasiwaan, at tanggapin ng isang normal na tao ang mga bagay na ito nang ayon sa nakagawian, na tratuhin ang mga iyon bilang mga positibong bagay. Sa kabaligtaran, ang ilang tao, kapag nakompronta gamit ang mga katotohanang ito na may malapit na kinalaman sa iba’t ibang aspekto ng tunay na buhay, tulad ng pagkain, pananamit, tirahan, transportasyon, pag-uugali, at personal na pag-asal, ay minamaliit, binabalewala, at winawalang-bahala ang mga iyon. Anong isyu rito? Problema ito sa mga gusto nila at sa kalikasang diwa nila. Habang mas positibo ang isang bagay, mas lalo itong isang bagay na minamahal ng Diyos, isang bagay na gusto Niya, at isang bagay na ginagawa Niya, at mas lalo itong tumutugma sa inaasahan ng Diyos sa mga layunin Niya na makakamit at tatanggapin ng mga tao, mas lalo itong kinukuwestiyon, pinag-aaralan, sinasalungat, at kinokondena ng mga taong ito—hindi ba’t buktot ito? Napakabuktot nito! Ang mga anticristo ay popular sa mga walang pananampalataya. Kung kasama Ako ng mga walang pananampalataya, sa pagitan ng mga anticristo at ng nagkatawang-taong Diyos, sino ang mas handang tanggapin ng mga walang pananampalataya? (Ang mga anticristo.) Bakit? Sino ang mas gusto ng mga walang pananampalataya, ang matutuwid na tao ba o ang mga buktot na tao? (Ang mga buktot na tao.) Mas gusto ba nila ang mga nambobola at nang-uuto, o ang matatapat? (Ang mga nambobola at nang-uuto.) Mismo, pinapaboran nila ang mga gayong tao. Kung hindi mo alam kung paano gumamit ng mga taktika para pamahalaan ang iba’t ibang interpersonal na ugnayan sa isang grupo, at hindi mo alam kung paano magmanipula o kumontrol ng iba’t ibang tao sa pamamagitan ng mga estratehiya, matatanggap ka ba ng grupong iyon? Kung masyado kang matuwid, palaging nagsasabi ng katotohanan, kung kaya mong makilatis ang diwa ng maraming isyu, at pagkatapos ay masabi ang mga katotohanang nakikilatis at nauunawaan mo, matatanggap ba ito ng sinuman? Hindi, walang sinuman sa mundong ito ang makakatanggap dito. Sa mundong ito, huwag kang umasang magsalita ng katotohanan—ang paggawa nito ay maghahatid ng gulo o magdudulot ng sakuna. Huwag kang umasang maging isang matapat na tao; walang kinabukasan sa pagiging ganoon. Paano naman ang mga anticristo? Mahusay sila sa pagsasabi ng mga kasinungalingan, bihasang nagpapanggap at pinagaganda ang kanilang sarili, pinagmumukhang maganda, marangal, at may kabutihan ang kanilang mga sarili, pinasasamba ang mga tao sa kanila. Mahusay sila sa mga ganitong bagay, at ang kinasisiyahan nila ay kapareho nito—nasisiyahan sila sa pagtatalakay ng hungkag na kaalaman at pinag-aralan, pati na rin sa paghahambing ng mga kaloob at estratehiya. Halimbawa, sa isang kompanya o grupo ng mga tao, ang pagkakaroon ng pinakamataas na kaalaman at pinag-aralan ay hindi ang pangunahing bagay, ni ang pangunahing bagay sa pagtukoy ng posisyon ng isang tao sa kompanyang iyon. Ano ang pangunahing bagay? (Ang mga estratehiya at talento.) Mismo, ito ay ang mga estratehiya at talento. Kung wala ang mga ito, ang pagtataglay ng malawak na kaalaman ay walang silbi. Halimbawa, ipagpalagay nang bumalik ka mula sa ibayong-dagat, at talagang wala kang alam sa mga patakaran sa grupong ito rito. Kung gagamitin mo ang mga panuntunan, patakaran, at prinsipyo para sa pag-asal ng mga kompanya sa ibayong-dagat, hindi ka makakapagpatuloy. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Ganoon iyon. Dapat magkaroon ka ng mga estratehiya, at kailangan mong maging masama at buktot para umangat sa mas mataas na posisyon. Katulad lang ito ng ilang babae: Kahit na may asawa silang susustento sa kanila, hindi sila kontento. Para maging angat sa iba at magtamo ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, ginagawa nila ang anumang paraang kinakailangan. Nambobola pa nga sila, at kung kinakailangan, nagseserbisyo bilang escort, nang walang anumang bakas ng kahihiyan kalaunan o pagkakonsensiya o pagkaramdam ng pagkakautang sa kanilang mga asawa o pamilya. Kaya mo bang gawin iyon? Kamuhi-muhi iyon sa iyo, at hindi mo iyon magawa. Kung gayon, paano ka aangat sa mas mataas na posisyon kasama nila? Walang paraan. Ang lahat ng iyon ay magagawa sa pamamagitan ng pagbebenta ng kaluluwa at paggamit ng iba’t ibang buktot na pamamaraan. Gusto mo ba ang paraang iyon ng paggawa sa mga bagay-bagay? (Hindi.) Ngayon ay sinasabi mong ayaw mo ito, pero kapag nagipit ka balang araw, magugustuhan mo na ito. Kung buong araw kang inaapi at pinagdurusa ng mga tao, pinahihirapan ka, hinahanapan ka ng mali, at gusto kang paalisin, maaaring kailangan mong ibenta ang katawan mo para hindi ka matanggal sa trabaho. Kakailanganin mong matutuhan ang anumang buktot na panlalansing ginagamit nila, at sa huli, magiging katulad ka lang din nila. Ngayon, mariin mong ipinapahayag na, “Hindi ko gusto ang ganoong uri ng mga taktika. Ayaw kong maging ganoong klaseng tao. Hindi ako ganoon kabuktot. Ayaw kong ipagbili ang katawan ko. Ayaw ko ng pera; sapat na ang may makain at masuot.” Anong klaseng tao ka? Wala kang kuwenta. Kung ano ka ay kung paano ka ginawang tiwali ni Satanas. Sa tingin mo ba ay kaya mong maging ang sarili mong panginoon? Nagbabago ang mga tao ayon sa kapaligiran, may tiwali silang disposisyon, at sadyang hindi mo mapagtatagumpayan ang katanyagan, pakinabang, katayuan, pera, at lahat ng klase ng tukso. Kung nasa ganoon kang kapaligiran, hindi mo rin magagawang kontrolin ang sarili mo. Ang entablado ay parang gilingan ngayon para sa mga walang pananampalataya. Kapag nagiling na ang isang tao, wala nang paraan para makaligtas. Ngayon, sa pamamagitan ng paggawa mo sa tungkulin mo sa sambahayan ng Diyos, nang may proteksiyon ng Diyos, at nang walang sinumang nang-aapi sa iyo, kaya mong mamuhay nang payapa sa presensiya ng Diyos. Lubos kang pinagpala, kaya tahimik mo itong tamasahin! Kung hindi mo gagawin nang wasto ang tungkulin mo at mahaharap ka sa kaunting pagpupungos, hindi mo dapat madamang naagrabyado ka. Nakapagtamo ka ng malalaking pagpapala; hindi ba’t alam mo iyon? (Oo.) Sabihin mo sa Akin, ano ang pakiramdam ng mga walang pananampalataya kapag nasa “gilingan” sila? Mas mabuti pang mamatay na sila. Ang kaunting pagdurusang tinitiis mo sa sambahayan ng Diyos ay ang dapat tiisin ng mga tao; hindi naman ito masyadong napakasakit. Gayumpaman, hindi kontento ang mga tao, at ayaw nilang magsisi gaano man sila pungusan. Pero kapag pinauwi sila, ayaw nilang bumalik sa mga walang pananampalataya dahil pakiramdam nila ay napakasama at napakamali nila. Kapag talagang nahaharap sila sa kamatayan, ayaw ng mga taong mamatay; pinahahalagahan ng lahat ang buhay at sinusunod nila ang prinsipyo na “ang isang masamang buhay ay mas mainam kaysa sa isang mabuting kamatayan.” Kapag nakita na nila ang kanilang kabaong, umiiyak sila. Alam na ng mga tao ngayon na hindi madaling mabuhay kasama ng mga walang pananampalataya. Kung gusto mong mabuhay nang may dignidad at kumita ng ikabubuhay mo batay sa mga abilidad mo, walang paraan para magawa ito. Hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng mga abilidad; kailangan mo ring maging buktot, masama, at mapanira para magtagumpay. Anong mayroon ka? Sinasabi ng ilang tao, “May taglay akong kaunting kabuktutan ngayon, pero hindi sapat na kasamaan.” Madali lang iyon. Ilagay mo ang sarili mo sa “gilingan,” at wala pang isang buwan, magiging masama ka na. Kung mabuting tao ka, gusto nilang patayin ka; pinatatawad mo sila, pero hindi ka nila patatawarin, kaya kailangan mo silang labanan para mabuhay. Kapag naging masama ka na, wala nang atrasan, at magiging diyablo ka na rin. Ganito nabubuo ang kabuktutan. Ang mundo ng mga walang pananampalataya ay napakadilim at buktot. Paano makakalaya sa satanikong impluwensiya ng kadiliman at kabuktutan ang mga tao? Kailangan nilang maunawaan ang katotohanan para makamit ang kaligtasan. Ngayong nananampalataya ka na sa Diyos, kung gusto mong maligtas at mapalaya sa impluwensiya ni Satanas, hindi ito simpleng bagay. Dapat mong matutuhang magpasakop sa Diyos, magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, makilatis ang maraming bagay, at bukod pa roon, ang mga prinsipyo mo ng pag-asal ay dapat na sa isang banda ay may karunungan at sa kabilang banda ay hindi sinasalungat ang Diyos. Gayundin, huwag ka palaging magsikap para sa katanyagan at pakinabang, o palaging maghangad na matamasa ang mga kapakinabangan ng katayuan. Ang makakain lang nang sapat at hindi mamatay sa gutom ay sapat na. Kailangan mong magdasal sa Diyos, humingi na ipagkaloob ang biyaya sa ganitong paraan, para mapagkalooban ng proteksiyon. Kung palagi kang nagkikimkim ng magagarbong pagnanais, hindi iyon makatwiran, at hindi diringgin ng Diyos ang mga panalangin mo.
Pagdating sa buktot na kalikasan ng mga anticristo, pangunahin nating pagbabahaginan ngayon ang ikatlong pagpapamalas, na siyang ang sinasamba ng mga anticristo. Ano ang sinasamba ng mga anticristo? (Ang kaalaman at pagkatuto.) Ang kaalaman at pagkatuto, at ang isa pang bagay—ang mga kaloob. Ano ang kasama sa kaalaman at pagkatuto? Kasama sa mga iyon ang kung ano ang makikita sa mga aklat na pinag-aaralan sa mundo, ang karanasang nakakamit sa pakikilahok sa mga industriyang may kinalaman sa kaalaman, pati na rin ang iba’t ibang paglilimita, panuntunan, at patakarang ipinangangaral sa lipunan tungkol sa moralidad, pagkatao, pag-uugali, at iba pa. Bukod pa rito, kasama rin sa mga iyon ang kaalaman mula sa iba’t ibang larangan ng siyensiya. Halimbawa, hindi naniniwala ang ilang tao sa reinkarnasyong binanggit sa mga salita ng Diyos. Pero kung isang araw ay matuklasan sa siyentipikong pananaliksik na may kaluluwa ang mga tao dahil, pagkamatay nila, ay may umaalis sa katawan nila, at bumababa nang ilang sukat ang timbang ng isang tao, na posibleng timbang ng kaluluwa, maaari na silang maniwala rito. Paano man magsalita ang Diyos, hindi sila naniniwala, pero sa sandaling sukatin ng mga siyentipiko ang isang bagay batay sa timbang, naniniwala na sila rito. Nagtitiwala lamang sila sa siyensiya. Naniniwala lamang ang ilang tao sa bansa, gobyerno, at mga pagpapakahulugan ng nauugnay na impormasyon, mga teorya, at mga kilalang tao. Ang mga ito lamang ang pinagkakatiwalaan nila. Hindi nila sineseryoso ang mga salita, pagtuturo, paggabay, o mga pagbigkas ng Diyos. Pero sa sandaling marinig nilang nagsasalita ang isang sikat na tao, tinatanggap nila agad ang mga iyon at sinasamba pa nga nila at ipinapalaganap ang mga salita ng mga taong iyon. Halimbawa, sinabi ng Diyos na ang manna na Kanyang ipinadala sa mga tao sa bawat araw ay hindi puwedeng itago at kainin kinabukasan dahil hindi na ito sariwa, pero hindi sila naniwala sa mga salita ng Diyos. Inakala nila, “Paano kung hindi na magpadala ng manna ang diyos, at magutom tayo?” Kaya, humanap sila ng paraan para makolekta at maiimbak iyon. Kinabukasan ay nagpadala ng manna ang Diyos, at nagpatuloy silang kolektahin ito. Nang ikatlong araw ay nagpadala ang Diyos ng manna, at nangolekta pa rin sila. Pare-parehong mga salita ang sinabi ng Diyos bawat araw, at patuloy silang kumilos sa paraang salungat sa itinagubilin sa kanila ng Diyos. Hindi sila kailanman naniwala o nakinig sa mga salita ng Diyos. Isang araw, may isang siyentipikong nagsaliksik at nagsabing, “Kung hindi kakainin ang manna sa araw ring iyon at itatabi iyon para sa susunod na araw, kahit na mukhang bago ito sa panlabas, may mga mikrobyo ito na puwedeng magdulot ng sakit sa tiyan kapag kinain.” Magmula noon, tumigil na sila sa pangongolekta. Para sa kanila, mas matimbang ang isang pahayag mula sa isang siyentipiko kaysa sa sampung pahayag na mula sa Diyos. Hindi ba’t buktot ito? (Oo, buktot ito.) Sa salita lang nila kinikilala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at kinikilala nila ang Diyos, sumusunod sila sa Diyos, at hinihiling nila na makatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos. Kasabay nito, tinatamasa nila ang biyaya at mga pagpapalang ibinigay ng Diyos, nilalasap ang pag-aalaga at proteksiyon ng Diyos, pero maliban doon, hindi sila nakikinig sa kahit isang pangungusap na sinabi ng Diyos, sa itinagubilin, iniutos, o iniatas Niya na gawin nila. Kapag ang isang maalam at nakapag-aral na tao na may awtoridad at posisyon ang nagsabi ng isang bagay o nagbigkas ng isang panlilinlang, tinatanggap nila ito agad, tama man ito o mali. Anong nangyayari rito? Buktot ito, napakabuktot! Halimbawa, sinabi Ko sa ilang tao na huwag kumain ng kamote kasabay ng mga itlog, dahil puwede itong magdulot ng pagkalason sa pagkain. Saan nakabatay ang pahayag Ko? Hindi Ko ito gawa-gawa lamang; may ilang kaso na ng pagkalason sa pagkain ang mga tao dahil sa pinagsabay itong kainin. Pagkatapos itong marinig, anong magiging reaksiyon ng isang normal na tao? Iisipin niya, “Sa hinaharap, hindi na ako kakain ng mga itlog kapag may mga kamote ako, hindi magkasabay sa susunod na dalawa hanggang tatlong oras.” Seseryosohin nila ito at babaguhin nila ang nakasanayan nilang paraan ng pagkain. Gayumpaman, hindi ito paniniwalaan ng ilang tao. Sasabihin nilang, “Nalason dahil magkasabay kinain ang itlog at kamote? Imposible iyon. Kakainin ko nang sabay ang mga iyon, at tingnan mo kung malalason ako o hindi!” Anong klaseng tao ito? (Buktot ito.) Sa tingin Ko ay ubod ng sama ang taong ito! Sinasabi Ko ang bagay na ito, pero iginigiit nilang kainin ang mga iyon nang sabay; hindi ba’t ubod ng sama ito? Partikular nilang sinasalungat, kinokontra, at nilalabanan kung ano ang tama, wasto, at positibo—buktot ito. Pinahahalagahan ng tiwaling sangkatauhan ang kabuktutan at kapangyarihan. Anumang panlilinlang ang ilabas ng mga diyablo at Satanas, walang pag-aatubili itong matatanggap ng mga tao, samantalang nagpapahayag ng maraming katotohanan ang Diyos, pero ayaw ng mga taong tanggapin ang mga iyon at bumubuo pa nga sila ng maraming kuru-kuro. Narito pa ang isang halimbawa. Sa maraming liblib na lugar sa Estados Unidos, may mga primitibong kagubatan kung saan madalas gumagala ang mababangis na hayop. Ipinapayo na magkaroon ng kasama kapag lalabas, at pinakamabuting huwag nang lumabas sa gabi maliban na lang kung kinakailangan. Kung kailangan mong lumabas, kailangan mong mag-ingat, lumabas kang may kasama, o magdala ng sandatang pamprotekta sa sarili—mas mabuti nang ligtas kaysa magsisi. Sinasabi ng ilang tao, “Walang mangyayari; poprotektahan ako ng Diyos.” Hindi ba’t pagsubok ito sa Diyos? Ang dapat gawin ng mga tao ay ang mag-ingat. May ulo, puso, at espiritu ka, kaya bakit mo iginigiit ang pagpoprotekta ng Diyos? Huwag mong subukin ang Diyos. Gawin mo ang dapat mong gawin. Kung magkataong may makaharap kang mabangis na hayop na hindi kayang harapin maski ng isang grupo ng apat o limang katao pa, puwede ka pa ring makaligtas—pagpoprotekta iyon ng Diyos. May ilang tao na talagang nakakita ng mga lobo at nakarinig nang umatungal ang mga lobo at oso, na nagpapatunay na may nabubuhay na ganitong mababangis na hayop. Kaya, kapag sinabi Kong huwag nang lumabas sa gabi dahil madali lang makatagpo ng mababangis na hayop, gawa-gawa Ko lang ba ang mga ito? (Hindi.) Hindi Ko sinusubukang takutin ang mga tao. Pagkatapos itong marinig ng ilang tao, sinasabi nilang, “Dapat akong mas mag-ingat. Hahanap ako ng makakasama kapag lalabas, o magdadala ako ng sandatang pananggalang, para lang kung sakaling may makaharap akong mababangis na hayop.” Pagkarinig dito ng ilang tao, sineseryoso nila ito, pinaniniwalaan at tinatanggap nila ito, at pagkatapos ay isinasagawa nila ang sinabi Ko. Ito ay simpleng pagtanggap; wala nang mas dadali pa rito. Gayumpaman, may isang klase ng taong tumatangging makinig. Sinasabi niya, “Bakit hindi pa ako kailanman nakakita ng isang mabangis na hayop? Nasaan ang mga iyon? Hayaan mong lumabas kahit isa; haharapin ko iyon at tingnan natin kung sino ang mas mabangis. Ano bang nakakatakot sa mababangis na hayop? Mga kimi lang kayong lahat at may maliit na pananalig. Tingnan ninyo ang pananalig ko; hindi ako takot sa mga oso!” Sinasadya nilang lumabas nang sila lang, palakad-lakad lang nang walang dahilan. Pagkatapos kumain, kailangan nilang lumakad sa labas at iginigiit nilang lumabas mag-isa. Kapag iminungkahi ng iba na humanap sila ng makakasama nila, isinasagot nila na, “Hindi na, bakit ko kailangan ng kasama? Pagmumukhain akong walang saysay ng kasama ko! Ako na lang mag-isa ang lalabas!” Kailangan nila itong subukan. Anong klaseng tao ito? Ni huwag na nating pag-usapan pa kung may makakaharap ba silang mababangis na hayop o wala; hindi ba’t may problema sa kanilang saloobin pagdating sa mga usaping ito? (Oo, mayroon.) Anong problema? (Buktot ang disposisyon ng gayong tao.) Subukan mong makipag-usap sa kanila tungkol sa mga seryosong usapin, at tatratuhin nila itong katatawanan. May dahilan pa ba na makipag-usap sa ganitong tao? Mas malala pa sa mga hayop ang ganitong mga tao; hindi na kailangang pag-aksayahan pa sila ng panahon.
Katatalakay lang natin ngayon sa katunayan na ang mga taong may buktot na disposisyon ng mga anticristo ay masyadong sensitibo sa kaalaman, pagkatuto, mga kaloob, at ilang espesyal na talento; partikular nilang hinahangaan at pinahahalagahan ang mga may espesyal na talento; at talagang hangang-hanga at sumusunod sila sa sinasabi ng mga gayong tao. Ano ang saloobin nila sa karaniwang kaalaman, mga kabatiran, at tunay na pagkatuto na kapaki-pakinabang sa mga tao at na kailangang taglayin ng mga may normal na pagkatao, o sa mga praktikal at positibong bagay na naaarok ng normal na kaisipan ng tao? Hinahamak nila ang mga iyon, hindi binibigyang-pansin. Tuwing pinagbabahaginan sa mga pagtitipon ang mga salita at katotohanang ito, anong ginagawa nila? Nagkakamot sila ng ulo, ang ilan sa kanila ay medyo nakapikit ang mga mata, mukhang manhid at mapupurol ang utak, at ang iba ay mukhang lumilipad ang isip. Habang mas lalong tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang mga seryosong usapin, mas lalo silang hindi nagiging interesado. Habang mas lalo itong nagbabahagi tungkol sa katotohanan, mas lalo silang inaantok at nakakatulog. Kitang-kita na wala man lang interes ang mga taong ito sa katotohanan. Hindi ba’t hindi na matutubos pa ang mga hindi mananampalatayang ito? Nang nasa relihiyon sila, may ilang tao na nasiyahan lang sa pakikinig sa iba na magsalita sa iba’t ibang wika o makasaksi sa mga kakaibang bagay, at sumisigla agad ang espiritu nila kapag nakakakita ng mga kamangha-manghang bagay. Kapag nakikita Ako ng ilang tao, gustong-gusto nilang sabihin na, “Nagtapos ako ng bachelor’s degree at nag-major sa pilosopiya. Anong pinag-aralan mo?” Sinasabi Ko na, “Wala Akong pinag-aralang kahit anong partikular na paksang-aralin; kaya Ko lang makaunawa ng ilang karakter at magbasa ng mga aklat.” Sinasabi nila, “Kung ganoon, hindi ka nakaabot sa pamantayan.” Sumasagot Ako na, “Walang silbi ang paghahambing dito, pero magbahaginan tayo nang saglit—may mga pinagdadaanan ka bang hirap ngayon?” Paano sila sumasagot? “Hmmp, ano bang pinagdadaanan kong hirap? Wala akong pinagdadaanang hirap. Napakaayos kong nagagawa ang mga tungkulin ko!” Kapag nakikipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, nawawalan sila ng interes, humihikab at naluluha sila, na para bang sinasapian ng multo. Kung magpapatuloy Ako para ilantad ang kanilang tiwaling disposisyon, nagmamadali sila at basta na lang umaalis, ayaw nang makinig. Habang mas sinusubukan Ko silang makasundo at makausap bilang kapantay, mas hinahamak nila Ako. Hindi ba’t kabiguan itong pahalagahan ang kabutihang-loob? May isang taong marunong magmaneho. Tinanong Ko siya, “Ilang taon ka nang nagmamaneho?” Sinabi niya, “Bumili ako ng kotse pagkatapos kong magtrabaho sa loob ng dalawang taon pagkatapos sa kolehiyo.” Sinabi Ko, “Kung ganoon, ilang taon ka na ring nagmamaneho. Hindi Ko pa rin alam kung paano magmaneho.” Hindi ba’t pakikitungo nang pantay ang pagsasabi nito? Hindi ba’t pag-uusap ito ng mga taong may normal na pagkatao? (Oo, ganoon nga.) Pagkarinig dito, sinabi niya, “Ha? Hindi ka pa rin marunong magmaneho? Kung ganoon anong kaya mong gawin?” Sinabi Ko, “Wala Akong masyadong kayang gawin. Ang pagsakay lang sa kotse ang alam Ko.” Tinanong Ko siya, “Anong tungkulin ang ginagawa mo ngayon?” Sinabi niyang, “Nagtatrabaho ako sa finance at accounting. Puno ng numero ang utak ko. Noong nasa kolehiyo ako, napakahusay ko sa matematika at pinakamagaling ako sa mga siyensiya. Puwede akong makapasok sa Unibersidad ng Tsinghua o Peking.” Sinabi Ko, “Mapurol Ako sa matematika. Sumasakit ang ulo Ko sa numero. Mas gusto Kong mag-aral ng mga salita, matuto ng mga bokabolaryo, mga ganoong bagay.” Sinabi niya, “Walang saysay na matutuhan iyan. Sa pangkalahatan, ang mga taong nag-aaral ng liberal arts ay walang kinabukasan.” Tingnan ninyo ang sinabi niya. May normal na katwiran ba ng tao rito? (Wala.) Nang makipag-usap at makisalamuha Ako sa kanya sa mahinahon at magiliw na paraan, nabigo siyang gawin nang tama ang bagay na ito. Sa halip, hinamak at minaliit niya Ako. Kung nakaharap niya ang isang taong may katayuan o kaalaman, maaaring iba ang nangyari. Pagkatapos magkasama nang kaunting panahon, mararamdaman na niyang, “Naging pamilyar na ako sa diyos, nakakuwentuhan ko na siya, at nakaugnayan ko na siya.” Aakalain niyang may kaunting kapital na siya ngayon. Kasunod nito, magbabago na ang tono niya. Minsan, tinanong Ko siya, “Narinig Kong may isang ayaw nang gawin ang mga tungkulin niya at gusto nang umuwi. Umuwi na ba ang taong iyon?” Sumagot siya na, “Ah, ang taong iyon? Hindi niya kailanman binalak na umuwi!” Anong klaseng tono ito? Nagbago na ba ito? Noong una Ko siyang makilala, pakiramdam niya ay hindi niya Ako matimbang: magalang siya at umaasal nang maayos, nagpapakumbaba. Ngayong mas pamilyar na siya, may kumpiyansa na siya. Anong klaseng tono ito? Sa kanyang pakikipag-usap sa Akin, mayroon na siyang kaunting paglaban, kawalan ng pakialam, pagbabalewala, at saloobin ng pangmamaliit at pagmamataas. Anong klaseng disposisyon ito? Kabuktutan ito. Isa ba siyang taong may normal na pagkatao? (Hindi.) Kaya ng isang ordinaryo at normal na taong makipag-usap at makipagkuwentuhan sa iyo nang normal—ito ang pinakanormal na bagay. Kung aapihin, sisiilin, o mamaliitin ka niya, anong pakiramdam mo? Ang pagtrato ba sa iyo nang ganito ay nagpapakita ng anumang normal na pagkatao sa kanya? Sabihin ninyo sa Akin, kung ang isang taong gaya nito ay nakaharap ang isang taong kilala sa mundo, isang taong may katayuan at reputasyon, o ang kanyang boss o nakatataas, maglalakas-loob ba siyang harapin ang taong iyon nang ganito? Hindi siya maglalakas-loob. Masigasig siyang dadapa, gagamit ng mga titulo gaya ng nakabababa, pinangangasiwaan, tagapaglingkod, simpleng tao, karaniwang tao, o mababang tao para tukuyin ang sarili niya at makipag-usap sa mga taong ito. Sa mga walang pananampalataya, sinusupil ng matataas na opisyal ang mga taong nakabababa sa kanila, at dahil hindi ka kilala, sinong makikipag-usap sa iyo nang mahinahon at magiliw? Kahit pa makipag-usap sila sa iyo paminsan-minsan kapag masaya sila, wala silang pagpapahalaga sa iyo; itinuturing ka nilang mas mababa sa tao, binabalewala ka nang walang dahilan. Kapag nagsasalita at nakikipagkuwentuhan Ako sa taong ito sa isang mahinahon at magiliw na paraan, bukod sa hindi Ako nakakatanggap ng positibong tugon, hinahamak, minamaliit, minamata, at kinukutya pa Ako. Iyon ba ay dahil may mali sa paraan ng pakikisalamuha Ko sa taong iyon o dahil may problema sa disposisyon niya? (Iyon ay dahil masyadong mapagmataas ang disposisyon ng taong ito.) Tama, iyon nga ang iniisip Ko. Pareho ang trato Ko sa lahat, kaya bakit tumutugon ang iba nang tama, samantalang ang iba ay hindi? Sa pangkalahatan, puwedeng hatiin ang mga tao sa dalawang kategorya: Ang mga may pagkatao na alam kung paano respetuhin ang iba, maunawaan ang kanilang relasyon sa Diyos, at malaman kung sino sila, at ang mga buktot at mapagmataas, na walang kaalaman sa sarili. Sabihin ninyo sa Akin, anong tawag sa isang bagay na nakasuot ng balat ng tao pero hindi naman alam kung sino siya? Iyon ay isang hayop na walang pagkamakatwiran. Sa isa pang pagkakataon, tinanong Ko siya, “Anong nangyari sa bagay na ibinilin Kong asikasuhin mo ilang araw na ang nakakalipas? Inasikaso mo ba ang mga iyon?” Sumagot siya na, “Anong sinasabi mo?” Sinabi Ko, “Iyong ilang bagay na iyon, inasikaso mo ba ang mga iyon? Naasikaso ba ang mga iyon?” Dalawang beses Ko siyang pinaalalahanan, at sa wakas ay naalala niya, “Ah, ang mga iyon ba ang sinasabi mo? Matagal nang naasikaso ang mga iyon.” Anong klaseng tono ang ipinahihiwatig ng unang salita na, “Ah”? Muli, tono ito ng pagkasuklam, lumalabas na naman ang kanyang maladiyablong kalikasan. Hindi pa rin nagbabago ang kalikasan niya; ganoong uri lang siya ng kaawa-awang tao. Patuloy Ko siyang tinanong kung paano niya ito inasikaso, at sumagot siya na, “May ilang tao na tiningnan ito at inasikaso ito nang ganoon,” nang wala nang higit pang detalye. Kung sinubukan Kong magtanong pa ng detalye, kahit na abalahin Ko pa sila, wala Akong mapapala. Inutusan Ko siyang asikasuhin ang isang gampanin; hindi ba’t may karapatan Akong makaalam ng detalye? (Oo.) Kung gayon, ano ang responsabilidad niya? Pagkatapos niyang tanggapin ang gampanin mula sa Akin, hindi ba’t kailangan niyang mag-ulat kung paano niya ito inasikaso? (Oo.) Pero hindi siya nag-ulat, at wala Akong nakuhang balita mula simula hanggang wakas. Nakapagpadala lang ako ng isang tao para magtanong kung paano inasikaso ang bagay na ito, pero ganoon pa rin, wala pa ring tugon. Sa puso Ko, inisip Ko, “Sige, tatandaan kita. Hindi ka mapagkakatiwalaan. Hindi Ko maipagkakatiwala ang kahit na ano sa iyo. Masyado kang walang kredibilidad!” Anong klaseng diyablo ito? Ano ang disposisyon ng gayong tao? Kabuktutan. Kapag tinatrato mo siya bilang kapantay, kapag magalang mong tinatalakay sa kanya ang mga bagay-bagay, at sinusubukan mong maging palakaibigan, ano ang tingin niya roon? Nakikita niya iyon bilang kawalang kakayahan at kahinaan mo, bilang pagiging sunud-sunuran mo. Hindi ba’t kabuktutan ito? (Oo, ganoon nga.) Ito ay lubos na kabuktutan. Bagama’t hindi laganap ang ganitong buktot na tao, umiiral sila sa bawat iglesia. Matigas, mapagmataas, at tutol sa katotohanan ang puso nila, at mababagsik ang disposisyon nila. Ang mga mismong disposisyon at pag-uugaling ito ang nagpapatunay na buktot ang mga ganitong tao. Bukod sa ayaw nila ang mga positibong aspekto ng normal na pagkatao, gaya ng kabaitan, pagpaparaya, pasensiya, at pag-ibig, sa kabaligtaran ay nagkikimkim sila ng diskriminasyon at pang-aalipusta sa puso nila. Ano ang nasa kaibuturan ng puso ng mga gayong tao? Kabuktutan. Labis silang buktot. Ito ang isa pang pagpapamalas ng kabuktutan ng mga anticristo.
Ngayon, ang nilalaman ng ating pagbabahaginan tungkol sa mga buktot na pagpapamalas ng mga anticristo ay medyo naiiba mula sa naunang dalawang pagbabahaginan, at binibigyang-diin ng bawat isa ang isang aspekto. Sabihin ninyo sa Akin, sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, pinapahalagahan nila ang kaalaman, pagkatuto, mga kaloob, at mga espesyal na talento—nakararamdam sila ng malalim na pagpapahalaga sa mga bagay na ito—kaya, may tunay ba silang pananalig sa Diyos? (Wala.) Maaaring sabihin ng ilan na paglipas ng panahon ay maaaring magbago sila. Magbabago ba sila? Hindi, hindi sila magbabago, hindi nila kaya. Nasa kalikasan nila ang hamakin ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos, ang Kanyang tunay na pagmamahal, ang Kanyang katapatan, at ang Kanyang awa at malasakit para sa sangkatauhan. Ano pa? Hinahamak nila ang pagiging normal at praktikal ng pamumuhay ng Diyos kasama ng mga tao at, bukod pa rito, kinasusuklaman nila ang lahat ng katotohanang walang kinalaman sa kaalaman, pagkatuto, siyensiya, at mga kaloob. Puwede bang maligtas ang mga gayong tao? (Hindi, hindi puwede.) Bakit hindi sila puwedeng maligtas? Dahil hindi ito panandaliang pagpapakita ng ilang tiwaling disposisyon; pagpapakita ito ng kanilang kalikasang diwa. Gaano man sila payuhan ng iba o gaano mang katotohanan ang ibahagi sa kanila, wala sa mga ito ang makakapagbago sa kanila. Hindi ito isang pansamantalang libangan, kundi isang malalim na pangangailangan sa loob nila para sa mga ito. Dahil mismo sa kailangan nila ng kaalaman, pagkatuto, mga kaloob, at mga espesyal na talento, tinutulutan sila nitong pahalagahan ang mga ito. Anong ibig sabihin ng pagpapahalaga? Nangangahulugan ito ng pagiging handang sumunod at kamtin ang mga ito anuman ang kabayaran, iyon ang ipinahihiwatig ng pagpapahalaga. Alang-alang sa pagkamit sa mga ito, handa silang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng anumang halaga upang kamtin ang mga iyon, dahil iyon ang mga pinahahalagahan nila. Sinasabi pa nga ng ilan, “Anumang ipagawa sa akin ng diyos ay ayos lang. Kaya kong mapalugod ang diyos, basta’t hindi niya hihinging hangarin ko ang katotohanan.” Inaasam nila ito. Hindi kailanman tatanggapin ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan; kahit pa mahinahon silang umupo roon at makinig sa mga sermon at magbasa ng mga salita ng Diyos, ang nakakamit nila sa mga ito ay hindi ang katotohanan. Ito ay dahil palagi nilang ikinukumpara ang mga salita ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, pinag-aaralan ang mga salita ng Diyos gamit ang mga teolohikal na kaalaman, kaya nagiging imposibleng matamo nila ang katotohanan. Umaasa silang magkamit ng kaalaman, pagkatuto, at ilang uri ng impormasyon o hiwaga mula sa mga salita ng Diyos—isang klase ng pagkatutong inaasam at hinahanap nila, na hindi alam ng mga tao. Pagkatapos matamo ang pagkatutong ito na hindi alam ng mga tao, lumilibot sila at nagpapakitang-gilas, walang saysay silang umaasa na mapalakas at mapaganda nila ang sarili nila gamit ang pagkatuto at kaalamang ito para makapamuhay sila nang mas kagalang-galang at mas kasiya-siyang buhay, magkaroon ng higit pang prestihiyo at mas mataas na katayuan sa mga tao, at para mas mapapaniwala at mas mapasamba pa nila sa kanila ang mga tao. Kaya, walang kapaguran nilang ipinagmamalaki ang ilang makabuluhang bagay na kanilang nagawa, ang mga bagay na itinuturing nilang maluwalhati, pati na rin ang mga bagay na sa paniwala nila ay kahanga-hanga, na maipagyayabang nila at magagamit para maipangalandakan ang kanilang sariling kakayahan at pagiging natatangi. Saanman sila pumunta, ipinangangaral nila ang mga pare-parehong teorya. Gaano man magbasa ng mga salita ng Diyos o dumalo sa mga pagtitipon at makinig sa mga sermon ang mga taong ito, hindi nila mauunawaan ang katotohanan. Kahit na makaarok pa sila ng kaunting katotohanan, hinding-hindi nila ito isasagawa. Ito ang diwa ng mga gayong tao, at ito ay isang bagay na hindi kayang baguhin ninuman. Ito ay dahil likas na pinagkalooban sila ng isang bagay na wala sa iba, at ang minamahal nila ay may kinalaman sa kanilang buktot na diwa—ito ang kanilang nakamamatay na kahinaan. Nakatakda silang huwag tanggapin ang katotohanan, nakatakda silang sumunod sa landas ni Pablo, at nakatakda silang salungatin ang katotohanan at ang Diyos hanggang sa wakas. Bakit ganoon? Dahil hindi nila minamahal ang katotohanan; hindi nila ito kailanman tatanggapin.
Naranasan na ba ninyo ang kabuktutan ng mga anticristo? May ganito bang mga tao na nakapaligid sa inyo? Nakaugnayan na ba ninyo ang mga gayong tao? Bakit ba tayo gumugol ng oras sa ilang pagtitipon na tinatalakay ang paksang ito? Kadalasan, kapag pinag-uusapan ng mga tao ang pagkilala sa kanilang sarili, madalas Kong naririnig na binabanggit nila ang mga disposisyon ng pagmamataas, pagmamagaling, at panlilinlang. Gayumpaman, madalang na marinig ang mga taong pinag-uusapan ang kabuktutan. Ngayon, habang pinagbabahaginan natin ang buktot na disposisyon, madalas Kong marinig na sinasabi ng mga tao na ang disposisyon ng isang tao ay buktot. Para bang may kaunti na kayong nauunawaan. Dati, kapag pinag-uusapan ng mga tao ang pagkilala sa sarili, palagi nilang sinasabi ang pagmamataas. Kung titingnan ito ngayon, aling disposisyon ang mas matindi, pagmamataas o kabuktutan? (Ang kabuktutan.) Tama. Dati, hindi nababatid ng mga tao ang tindi ng problema sa kabuktutan. Sa katunayan, ang disposisyon at diwa ng kabuktutan ay mas matindi kaysa sa pagmamataas. Kung ang disposisyon at kalikasang diwa ng isang tao ay lubhang buktot, sasabihin Ko sa iyo, kailangan mong iwasang makipag-ugnayan sa kanya—lumayo ka sa kanya. Hindi tatahakin ng mga gayong tao ang tamang landas. Anong mga pakinabang ang makakamit mo sa pakikihalubilo at pagpapanatili ng ugnayan sa mga taong buktot? Kung walang mga pakinabang, pero may “antibodies” ka para labanan ang kabuktutan nila, maaari kang makisalamuha sa kanila. Nakakasigurado ka ba rito? (Hindi.) Bakit mo kailangang iwasang makisalamuha sa mga gayong tao kung hindi ka nakakasiguro? Dahil sa likod ng kabuktutan, may dalawa pang ibang bagay—ang pagkamapaminsala at panlilinlang. Karamihan sa mga taong walang pagkaunawa sa katotohanan at walang karanasan at kabatiran ay madaling mailigaw. Magagapi ka lang nila, at sa huli, magiging bihag ka nila. Puwedeng mangyari ang pagbihag nila sa dalawang paraan: Puwedeng hindi mo sila matalo, at hindi ka kumbinsido sa puso mo, pero dahil sa pangangailangan, kailangan mong magpasakop sa kanila sa salita; o, may isa pang paraan kung saan ikaw ay ganap nilang nagapi. Ito ay dahil sa may isang bagay na hindi alam ng mga tao sa buktot na kalikasan ng mga anticristo: Kaya ng mga anticristo na gumamit ng iba’t ibang pamamaraan, pananalita, teknika, estratehiya, paraan, at panlilinlang para kumbinsihin kang makinig sa kanila, para paniwalain kang tama, wasto, at positibo sila, at kahit pa sila ay gumagawa ng kasamaan, lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at nagpapakita ng mga tiwaling disposisyon, sa huli ay babaligtarin nila ang mga bagay-bagay at papaniwalain ang mga taong tama sila. May ganito silang abilidad. Ano itong abilidad na ito? Ito ay ang pagiging labis na mapanlihis. Ito ang kabuktutan nila, na masyado silang mapanlihis. Sa puso nila, ang mga bagay na gusto nila, ayaw nila, tinututulan nila, at pinapahalagahan at sinasamba nila ay nabubuo dahil sa ilang baluktot na pananaw. May mga teorya sa mga pananaw na ito, na lahat ay panlilinlang na tila ba makatwiran, na mahirap pabulaanan ng mga ordinaryong tao dahil hindi man lang nila tinatanggap ang katotohanan at kaya pa nga nilang maglahad ng mga komplikadong argumento para sa mga sarili nilang pagkakamali. Kung walang katotohanang realidad, hindi mo sila makukumbinsi sa pamamagitan ng pagbabahagi ng katotohanan sa kanila. Ang pinakaresulta nito ay gagamitin nila ang kanilang mga hungkag na teorya para pabulaanan ka, na wala kang maisagot, hanggang sa unti-unti kang susuko sa kanila. Ang kabuktutan ng gayong mga tao ay matatagpuan sa katunayang masyado silang mapanlihis. Malinaw na wala silang saysay at na ginugulo nila ang lahat ng tungkuling ginagawa nila; pero, sa huli, kaya pa rin nilang mailigaw ang ilang tao na sambahin sila, na “lumuhod” sa kanilang paanan, at pinasusunod nila ang mga tao sa kanila. Ang ganitong klaseng tao ay kayang gawing tama ang mali, na maging puti ang itim. Kaya nilang pagbaligtarin ang katotohanan at kasinungalingan, isisi sa iba ang mga pagkakamaling ginawa nila, at kunin ang papuri para sa mabubuting gawa ng iba na para bang sila ang gumawa ng mga iyon. Sa paglipas ng panahon, nalilito ka na, hindi mo alam kung sino ba talaga sila. Kung huhusgahan batay sa kanilang mga salita, kilos, at anyo, maaaring isipin mo, “Ekstraordinaryo ang taong ito; hindi natin siya mapapantayan!” Hindi ba’t ito ay pagkalihis? Ang araw na malilihis ka ay ang araw na manganganib ka. Hindi ba’t masyadong buktot ang ganitong klase ng tao na inililigaw ang iba? Sinumang nakikinig sa mga salita nila ay puwedeng iligaw at guluhin, at mahihirapang makabangon muli nang ilang panahon. Kaya ng ilang kapatid na kilatisin at makitang mga nangliligaw ang mga taong ito, kaya nilang ilantad at tanggihan ang mga ito, pero ang mga nailigaw na ay maaaring ipagtanggol pa nga ang mga ito, at sabihing, “Hindi, hindi patas ang sambahayan ng diyos sa kanya; dapat akong manindigan para sa taong ito.” Anong problema rito? Malinaw na nailigaw na sila, pero ipinagtatanggol at binibigyang-katwiran nila ang nagligaw sa kanila. Hindi ba’t ang mga taong ito ay nananampalataya sa Diyos pero sumusunod sa isang tao? Sinasabi nilang nananampalataya sila sa Diyos, pero bakit nila sinasamba nang ganoon ang taong ito at talagang ipinagtatanggol ito? Kung hindi nila matukoy ang gayong halatang bagay, hindi ba’t nailigaw na sila hanggang sa isang antas? Nailigaw na ng anticristo ang mga tao hanggang sa puntong hindi na sila mukhang tao o nagtataglay ng kaisipang sumusunod sa Diyos; sa halip, sumasamba at sumusunod sila sa anticristo. Hindi ba’t ipinagkakanulo ng mga taong ito ang Diyos? Kung nananampalataya ka sa Diyos, pero hindi ka pa Niya nakakamit, at nakamit na ng anticristo ang puso mo, at buong puso kang sumusunod dito, pinatutunayan nitong naagaw ka na nito mula sa sambahayan ng Diyos. Sa sandaling umalis ka sa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos, mula sa sambahayan ng Diyos, puwede kang manipulahin at paglaruan ng anticristo ayon sa gusto niya. Pagkatapos ka niyang paglaruan, ayaw na niya sa iyo, at ibang tao naman ang ililigaw niya. Kung patuloy kang makikinig sa mga salita niya at mapapakinabangan ka pa niya, maaaring hayaan ka niyang sumunod nang kaunti pa. Gayumpaman, kung wala na siyang nakikitang mapapakinabangan sa iyo, hindi ka na niya pahahalagahan, pagkatapos ay itatapon ka na niya. Makakabalik ka pa rin ba sa pananampalataya sa Diyos? (Hindi na.) Bakit hindi ka na puwedeng manampalataya pa? Dahil nawala na ang panimulang pananalig mo; naglaho na ito. Ganito inililigaw at pinipinsala ng mga anticristo ang mga tao. Ginagamit nila ang kaalaman at pagkatuto na sinasamba ng mga tao, kasama na ang kanilang mga kaloob, para iligaw at kontrolin ang mga tao, gaya ni Satanas na iniligaw sina Adan at Eba. Anuman ang kalikasang diwa ng mga anticristo, anuman ang gusto, kinamumuhian, at pinapahalagahan niya sa kanyang kalikasang diwa, iisa lang ang sigurado: Ang gusto niya at ang ginagamit niya para iligaw ang mga tao ay salungat sa katotohanan, walang kinalaman sa katotohanan, at kontra sa Diyos—ito ang sigurado. Tandaan ninyo ito: Hindi kailanman magiging kaayon ng Diyos ang mga anticristo.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.