Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi) Ikaapat na Seksiyon

Ano ang pangunahing pagpapamalas ng kabuktutan ng isang anticristo? Iyon ay iyong malinaw nilang alam kung ano ang tama at kung ano ang umaayon sa katotohanan, pero pagdating sa paggawa nila ng isang bagay, pipiliin lamang nila ang lumalabag sa mga prinsipyo at sumasalungat sa katotohanan, at ang tumutugon sa kanilang mga interes at katayuan—ito ang pangunahing pagpapamalas ng buktot na disposiyon ng isang anticristo. Gaano man karaming salita at doktrina ang nauunawaan nila, gaano man kagandang pakinggan ang lengguwaheng ginagamit nila sa mga sermon, o gaano man sila mukhang may espirituwal na pang-unawa sa tingin ng ibang tao, kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, pinipili lamang nila ang isang prinsipyo at isang paraan, at iyon ay ang sumalungat sa katotohanan, ang protektahan ang kanilang mga interes, at ang labanan ang katotohanan hanggang sa huli, nang sandaang porsiyento—ito ang prinsipyo at pamamaraang pinipili nilang gawin. Bukod dito, ano mismo ang diyos at ang katotohanan na iniisip nila sa kanilang puso? Ang saloobin nila sa katotohanan ay iyong gusto lang nilang matalakay at maipangaral ito, at ayaw nilang isagawa ito. Nagsasalita lang sila tungkol dito, dahil gusto nilang hangaan sila ng mga hinirang na tao ng Diyos at pagkatapos ay magamit nila ito upang makuha ang posisyon ng lider ng iglesia at makamit ang kanilang layon na matamo ang pagiging panginoon ng mga hinirang na tao ng Diyos. Ginagamit nila ang pangangaral ng doktrina para makamit ang kanilang mga layon—hindi ba’t pagpapakita nila ito ng paglapastangan sa katotohanan, paglalaro sa katotohanan, at pagyurak sa katotohanan? Hindi ba’t sinasalungat nila ang disposisyon ng Diyos sa pagtrato sa katotohanan sa ganitong paraan? Ginagamit lamang nila ang katotohanan. Sa puso nila, islogan ang katotohanan, ilang matataas na salita, matataas na salita na puwede nilang gamitin para iligaw ang mga tao at maakit ang mga ito, na makakapawi ng pagkauhaw ng mga tao sa mga kamangha-manghang bagay. Iniisip nila na walang sinuman sa mundong ito ang kayang makapagsagawa sa katotohanan o maisabuhay ang katotohanan, na hindi talaga ito uubra, na imposible ito, at na ang mga kinikilala ng lahat at ang gumagana lamang ang siyang katotohanan. Kahit na pinag-uusapan nila ang katotohanan, sa puso nila ay hindi nila kinikilala na ito ay ang katotohanan. Paano natin masusubok ang bagay na ito? (Hindi nila isinasagawa ang katotohanan.) Hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan; ito ay isang aspekto. At ano ang isa pang importanteng aspekto? Kapag nahaharap sila sa mga bagay sa tunay na buhay, ang doktrinang nauunawaan nila ay hindi kailanman gumagana. Mukha silang may tunay na espirituwal na pang-unawa, ipinangangaral nila ang mga doktrina, pero kapag naharap sila sa mga isyu, baluktot ang mga pamamaraan nila. Kahit na hindi nila maisagawa ang katotohanan, ang ginagawa nila ay dapat umaayon man lang sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, umaayon sa mga pamantayan at kagustuhan ng mga tao, at pumapasa man lang dapat sa panuntunan ng iba. Sa ganitong paraan, mananatiling matibay ang posisyon nila. Gayumpaman, sa tunay na buhay, ang mga ginagawa nila ay labis na baluktot, at sapat na ang isang tingin para masabing hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Bakit hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Sa puso nila, tutol sila sa katotohanan, hindi nila kinikilala ang katotohanan, nasisiyahan silang gawin ang mga bagay nang ayon sa mga satanikong pilosopiya, palagi nilang gustong pangasiwaan ang mga usapin gamit ang mga paraan ng tao, at kung kaya nilang makumbinsi ang iba at magkamit ng prestihiyo sa pamamagitan ng pangangasiwa nila sa mga bagay na ito, iyon ay sapat na sa kanila. Kapag naririnig ng anticristo ang isang tao na nangangaral ng hungkag na teorya kapag pumupunta sila sa isang lugar, masyado silang nasasabik, pero kapag may isang tao roon na nangangaral ng katotohanang realidad at nagdedetalye ng gaya ng iba’t ibang kalagayan ng mga tao, pakiramdam nila palagi ay pinupuna sila at pinatatamaan sila ng tagapagsalita, kaya nasusuklam sila at ayaw nilang makinig. Kapag hinilingan silang magbahagi tungkol sa kalagayan nila kamakailan, kung sumulong ba sila, at kung may nakaharap ba silang kahit anong paghihirap sa pagganap nila sa kanilang tungkulin, wala silang masabi. Kung magpapatuloy kang magbahagi sa aspektong ito ng katotohanan, nakakatulog sila; hindi sila nasisiyahang makinig dito. May ilan ding tao na lumalapit kapag nakikipagkuwentuhan ka sa kanila, pero kapag narinig nila ang isang tao na nagbabahagi tungkol sa katotohanan, nagtatago sila sa sulok at natutulog—wala silang kahit anong pagmamahal sa katotohanan. Hanggang sa anong antas sila walang pagmamahal sa katotohanan? Sa di-gaanong seryosong banda, wala silang interes dito at sapat na sa kanila na maging mga trabahador; sa seryosong banda, tutol sila sa katotohanan, partikular silang nasusuklam sa katotohanan, at hindi nila ito matanggap. Kung ang ganitong uri ng tao ay isang lider, siya ay isang anticristo; kung siya naman ay isang ordinaryong tagasunod, tinatahak pa rin niya ang landas ng mga anticristo at siya ang papalit sa mga anticristo. Sa panlabas, mukha siyang matalino at may kaloob, na may magandang potensyal, pero ang kanyang kalikasang diwa ay sa isang anticristo—ganoon iyon. Saan nakabatay ang mga paghatol na ito? Nakabatay itong lahat sa saloobin ng mga tao sa katotohanan at sa kanilang saloobin sa mga positibong bagay. Ito ang aspekto tungkol sa pagharap ng mga tao sa katotohanan. Ang isa pang aspekto ay, kadalasan, hindi diretsahang hinaharap ng mga tao ang katotohanan, may ilang bagay na hindi kinasasangkutan ng katotohanan, hindi maisip ng mga tao kung anong aspekto ng katotohanan ang may kinalaman, kaya, sino ang diretsahang hinaharap ng mga tao? Ang diretsahan nilang hinaharap ay ang Diyos. At paano tinatrato ng mga taong ito ang Diyos? Sa aling mga pagpapamalas nila ipinapakita ang kanilang mga buktot na disposisyon? Nakikibahagi ba sila sa totoong pananalangin at totoong pakikipag-ugnayan sa Diyos? May tapat ba silang saloobin? May tunay ba silang pananampalataya? (Wala.) Tunay ba silang umaasa sa Diyos at tunay ba nilang ipinagkakatiwala ang mga sarili nila sa Diyos? Tunay ba silang natatakot sa Diyos? (Hindi.) Lahat ng ito ay mga praktikal na bagay at hinding-hindi mga hungkag na pagbati o nakasanayan lang. Kung hindi mo nauunawaan na praktikal ang mga salitang ito, wala kang espirituwal na pang-unawa. Hayaan ninyong bigyan Ko kayo ng isang halimbawa ng mga pagpapamalas ng mga taong ganito. May ilang tao na ikinukuyom ang kanilang kamao at nanunumpa sa mga pagtitipon, sinasabing, “Hindi ako mag-aasawa hangga’t buhay ako, iiwan ko ang trabaho ko, at isusuko ko ang lahat ng bagay at susunod ako sa Diyos hanggang sa huli!” Kapag tapos na silang magngangawa at gugugulin na nila ang kanilang sarili para sa Diyos, iniisip nila, “Paano ako makakakuha ng mas maraming pagpapala sa Diyos? May kailangan akong gawin para makita ng Diyos.” Gayumpaman, naririnig nila na sinasabi ng Diyos na hindi Niya mahal ang mga taong gaya nila, at iniisip nila, “Ano na ang gagawin ko? Lalayo na lang ako sa Diyos para hindi ako makita ng Diyos.” Anong klaseng kalagayan ito? (Pagiging mapagbantay.) Iniiwasan nila ang Diyos para magbantay laban sa Kanya. At anong disposisyon ang nasa loob ng kanilang pagiging mapagbantay? Kabuktutan. Palagi silang mapagbantay laban sa Diyos kapag may ginagawa sila, natatakot silang mahahalata sila ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos—pananalig ba ito sa Diyos? Hindi ba’t paglaban nila ito sa Diyos? Ito ay isang napakanegatibong kalagayan, hindi ito normal. Bagama’t kaya pa rin nilang makisama sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa sandaling marinig nila na bumibigkas ang Diyos ng mga salita para hatulan at ilantad ang mga tao, tumatakas sila, o kung hindi ay nagmamadali silang magpakitang-tao at maghanap ng kung anong paraan bilang kompromiso para itago ang sarili nila. Matindi nilang sinusubukang itago ang sarili nila, at ginagawa nila ang lahat ng posibleng bagay para umiwas at mag-ingat, habang sa kanilang puso ay patuloy silang lumalaban sa Diyos. Hindi nila hinahanap ang mga layunin ng Diyos, ni hinahanap ang katotohanan, sa mga ginagawa nila. Sa halip, lalo pa nilang gustong ipakita na kaya nilang tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos nang walang pagrereklamo, sinusubukang makuha ang pagsang-ayon ng lahat sa pamamagitan ng pagpapanggap at kasinungalingan. Pagdating naman sa sinasabi ng Diyos, kung ano ang hinihingi Niya sa mga gayong tao, at kung paano Niya tinitimbang at tinutukoy ang mga gayong tao, hindi nila pinapansin ang mga iyon at ayaw nilang malaman. Hindi talaga malinaw sa puso nila kung sino ba mismo ang Diyos, sa halip ang lahat ay imahinasyon at paghusga. Kapag may ginawa ang Diyos na taliwas sa kanilang mga kuru-kuro, kinokondena nila ito sa kanilang puso. Bagama’t sinasabi nilang nananalig sila sa Diyos, puno ng alinlangan ang puso nila. Ito ang buktot na disposisyon ng mga tao.

Madalas tangkain ng ilang anticristo na subukin ang Diyos. Humahakbang sila, sinisiyasat ang sitwasyon, at pagkatapos ay humahakbang sila muli; sa madaling salita, masasabing may saloobin sila na “maghintay at tingnan ang mangyayari.” Ano ang ibig sabihin ng “maghintay at tingnan ang mangyayari”? Hayaan ninyong bigyan Ko kayo ng halimbawa. Halimbawa, may isang taong iniwan ang kanyang trabaho at pagkatapos ay nanalangin sa Diyos at sinabing, “O diyos, wala na akong trabaho. Umaasa akong susuportahan mo ako sa hinaharap. Ipinagkakatiwala ko ang lahat ng bagay sa iyong mga kamay. Inilalaan ko ang aking buhay sa iyo.” Kapag tapos na siyang manalangin, naghihintay siya para makita kung pagpapalain ba siya ng kahit ano ng Diyos, kung bibigyan Niya ba siya ng anumang kahima-himalang pahayag o mas malaking biyaya, kung mas marami man lang ba siyang makukuha at kung magkakaroon ba siya ng mas malaking kasiyahan kaysa noong nagtatrabaho pa siya sa mundo. Ito ang pagsubok niya sa Diyos. Ano itong panalangin at pagtatalagang ito? (Ito ay isang transaksyon.) Hindi ba’t may buktot na disposisyon sa transaksyong ito? (Mayroon.) Ang pamamaraan niya ay ang magsimula sa pamamagitan ng pag-aalok ng isang maliit na pang-akit para makakuha ng mas mahalagang kontribusyon, ng paghingi ng biyaya at mga pagpapala sa Diyos—ito ang kanyang layon. Sinasabi ng isang tao, “Napakalala ng sitwasyon sa Tsina. Palala nang palala ang sitwasyon sa pag-aresto ng malaking pulang dragon sa mga tao. Mapanganib kahit para sa dalawang tao na magtipon, mapanganib kahit para sa isang pamilya na may apat na miyembro na magtipon. Napakamapanganib na manalig sa diyos sa ganitong sitwasyon sa Tsina. Kung mayroon talagang mangyayaring masama, maliligtas pa rin kaya tayo? Hindi kaya magiging walang saysay ang pananalig natin?” Naiisip nila, “Kailangan kong makaisip ng paraan para iwan ang bansa. Noong maayos pa ang sitwasyon dati, gusto ko ng kagaanan at kaginhawahan at ayaw kong lisanin ang Tsina. Napakagandang makipagtipon kasama ng aking pamilya, at puwede rin akong manalig sa diyos at makatanggap ng mga pagpapala; isa itong sitwasyon na panalo ang lahat. Ngayon ay masama na ang mga bagay-bagay, dumating na ang mga sakuna, at kailangan kong magmadaling lisanin ang Tsina. Magagawa ko pa rin ang tungkulin ko kapag umalis na ako ng bansa, at sa paggawa ko ng aking tungkulin, magkakaroon ako ng pagkakataong magkamit ng mga pagpapala.” Sa huli, umaalis sila ng bansa. Ano ito? Ito ay oportunismo. Ang lahat ay maaaring maging mapagkalkula, at lahat ay may transaksyonal na mentalidad—hindi ba’t buktot ito? May mga ganito bang tao sa inyo? Sa puso nila ay sinasabi nila, “Kung aapihin ako sa mundo, kaya akong protektahan ng mga magulang at pamilya ko. Kung maaaresto ako dahil sa pananalig ko sa diyos, iingatan ba ako ng diyos? Mukhang mahirap matiyak iyon. Kung gayon ano ang dapat kong gawin, kung hindi ko iyon masisiguro? Siguradong hindi ako mapoprotektahan ng mga magulang ko. Kapag may isang taong naaresto dahil sa pananalig niya sa diyos, hindi siya maililigtas ng mga ordinaryong tao, at kung hindi ko kakayanin ang malulupit na pagpapahirap at pasakit sa kamay ng malaking pulang dragon at ako ay maging isang Hudas, hindi ba’t mawawasak ang maliit kong buhay? Pinakamagandang lisanin ko ang bansa at manalig ako sa diyos sa ibang bayan.” Mayroon bang nag-iisip nang ganito? Siguradong mayroon, tama? Kung gayon, may nagsasabi bang, “Sinisiraan mo kami, at hindi pa namin naisip iyon”? Siguradong ang mga taong gaya nito ay hindi kakaunti, at sa tamang oras ay makikita at mauunawaan mo ito.

Ano ang mga pangunahing katangian ng kabuktutan ng mga anticristo? Ang una ay iyong hindi nila kinikilala ang mga positibong bagay, hindi nila kinikilala na may bagay gaya ng katotohanan, at iniisip nila na katotohanan ang kanilang mga ereheng panlilinlang at ang kanilang mga buktot na negatibong bagay—ito ay isang pagpapamalas ng kabuktutan ng mga anticristo. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao, “Ang kasiyahan ng isang tao ay nasa kanyang mga kamay” at “Kapag may kapangyarihan lamang na makakamit ng isang tao ang lahat ng bagay”—ito ang lohika ng mga anticristo. Naniniwala sila na kapag may kapangyarihan sila ay magkakaroon ng mga taong sisipsip at mambobola sa kanila, ng mga taong magreregalo at manunuyo sa kanila, pati na rin ng lahat ng klase ng pakinabang ng katayuan at lahat ng klase ng kasiyahan; naniniwala sila na hindi na sila kailangang utus-utusan ninuman o pamunuan ng kahit sino, at na puwede na nilang pamunuan ang iba—ito ang pinakaprayoridad nila. Ano ang tingin ninyo sa pagkakalkula nila nang ganito? Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Ginagamit ng mga anticristo ang satanikong lohika at mga ereheng panlilinlang nila sa halip na ang katotohanan—ito ay isang aspekto ng kanilang kabuktutan. Una sa lahat, hindi nila kinikilala ang katotohanan, hindi nila tinatanggap na may mga positibong bagay, at hindi nila kinikilala ang pagiging wasto ng mga positibong bagay. Bukod dito, kahit pa kinikilala ng ilang tao na may mga positibo at negatibong bagay sa mundong ito, paano nila tinitingnan ang mga positibong bagay at ang pag-iral ng katotohanan? Hindi pa rin nila ito minamahal, ang buhay na pinipili nila at ang landas na tinatahak nila sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay nananatiling negatibo at taliwas sa katotohanan. Pinoprotektahan lamang nila ang mga sarili nilang interes. Positibo o negatibong bagay man ito, hangga’t mapoprotektahan nito ang mga sarili nilang interes, ayos lamang iyon, ito ang pinakamahalaga. Hindi ba’t buktot na disposisyon ito? May isa pang aspekto: Ang mga taong gaya nito na nagtataglay ng isang buktot na diwa ay likas na hinahamak ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos, ang katapatan at kabutihan ng Diyos; likas silang mapanghamak sa mga positibong bagay na ito. Halimbawa, tingnan ninyo Ako: Hindi ba’t napakaordinaryo Ko? Ordinaryo Ako, bakit hindi kayo naglalakas-loob na sabihin ito? Kinikilala Ko mismo na ordinaryo Ako. Hindi Ko kailanman naisip mismo na ekstraordinaryo o dakila Ako. Isa lamang Akong ordinaryong tao; palagi Kong kinikilala ang katunayang ito at lakas-loob Kong hinaharap ang katunayang ito. Ayaw Kong maging isang pambihirang tao o maging isang dakilang tao—sobrang nakakapagod iyon! Hinahamak ng ilang tao ang ordinaryong taong ito na katulad Ko at palagi silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Akin. Kapag lumalapit sa Akin ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos, lumalapit pa rin sila nang may pagkamaka-diyos, anuman ang hitsura Ko sa panlabas. Pagkatapos ay may ilan din na, sa kabila ng napakagalang na pakikipag-usap sa Akin, ay nagkikimkim sa kanilang puso ng isang mapanghamak na saloobin sa Akin, at masasabi Ko ito mula sa tono nila at sa paraan ng paggalaw ng kanilang katawan. Bagama’t minsan ay mukhang napakagalang nila, anumang sabihin Ko sa kanila ay palagi silang sumasagot ng “Hindi,” palagi nilang kinokontra ang sinasabi Ko. Halimbawa, sinabi Kong napakainit ng panahon ngayong araw, at sasabihin nila, “Hindi, hindi naman. Kahapon ang talagang mainit.” Kinokontra nila ang sinasabi Ko, hindi ba? Anuman ang sabihin mo sa kanila, palagi nilang kinokontra ito. Hindi ba’t may mga ganitong tao sa paligid? (Mayroon.) Sinabi Ko, “Maalat ang pagkain ngayon. Napakarami bang asin nito o napakaraming toyo?” At sasabihin nila, “Hindi. Napakaraming asukal diyan.” Anuman ang sabihin Ko, kinokontra nila ito, kaya wala na Akong sinasabing iba pa, magkaiba kami ng pananaw, at magkaiba kami ng lengguwahe. Pagkatapos may ilan na, kapag narinig nila Akong nagsasalita tungkol sa pananampalataya sa Diyos, sinasabi nila, “Eksperto ka sa pagsasalita tungkol dito, kaya makikinig ako.” Kung magsasalita Ako nang kaunti tungkol sa anumang panlabas na bagay, ayaw na nilang makinig, na para bang wala Akong anumang alam sa mga panlabas na bagay. Ayos lang naman na hindi nila Ako pansinin, gusto Kong manahimik. Hindi Ko kailangang pansinin Ako ng iba, ginagawa Ko lang ang dapat Kong gawin. May mga responsabilidad Ako, at may sarili Akong paraan ng pamumuhay. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang ipinakita ng mga saloobing ito ng mga tao? Nakikita nilang hindi Ako mukhang isang dakila o may kakayahang tao, at na nagsasalita at kumikilos Ako gaya ng isang ordinaryong tao, kaya iniisip nila, “Paanong hindi ka mukhang diyos? Tingnan mo ako. Kung ako ang diyos, magiging talagang kamukha niya ako.” Hindi ito usapin ng pagiging katulad o hindi katulad ng Diyos. Ikaw ang humihingi na maging katulad Ako ng Diyos, hindi Ko kailanman sinabi na katulad Niya Ako, at hindi Ko kailanman ginustong maging katulad Niya; ginagawa Ko lang ang dapat Kong gawin. Kung pumunta Ako sa kung saan at hindi Ako nakikilala ng ilang tao, mabuti iyon, dahil ligtas Ako sa gulo. Ganito kasi iyon, napakaraming sinabi at ginawa ang Panginoong Jesus sa Judea noon, at anupaman ang mga tiwaling disposisyon ng mga disipulong sumunod sa Kanya, ang saloobin nila sa Kanya ay gaya ng saloobin ng tao sa Diyos—ang relasyon nila ay isang normal na relasyon. Pero may ilan na nagsabi tungkol sa Panginoong Jesus, “Hindi ba’t anak siya ng isang karpintero?” at maging ang ilang sumunod sa Kanya nang mahabang panahon ay patuloy na nagkimkim ng ganitong saloobin. Ito ay isang bagay na madalas na nakakaharap ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagiging isang ordinaryo at normal na tao, at karaniwan itong nangyayari. Ang ilang tao ay masyadong masigasig kapag nakikita nila Ako sa unang pagkakataon, at pag-alis Ko ay dumadapa at tumatangis sila, pero hindi ito umuubra sa tunay na pakikipag-ugnayan, at kadalasan ay kailangan Ko itong tiisin. Bakit Ko ito kailangang tiisin? Dahil ang ilang tao ay hangal, ang ilan ay hindi maturuan, ang ilang tao ay kailangan bilang mga tagapagserbisyo, at ang ilan ay hindi nakikinig sa katwiran. Kaya kailangan Kong magtiis minsan, at minsan ay may ilang tao na hindi Ko puwedeng pahintulutang lumapit sa Akin; masyadong kasuklam-suklam ang mga taong ito at mayroon silang mapanlabang disposisyon. Gaano kamapanlaban? Halimbawa, nakakita Ako ng isang maliit na aso na labis na nakakatuwa at sinabi Kong, “Tawagin natin itong Huamao.” At ano ang saloobin ng maraming tao sa pangalang ito? Pangalan lang ito, at dahil nakita nilang Ako ang unang nakaisip nito, iyon na ang tawag sa asong ito; napakanormal lang na bagay ito. Ang ilang taong may mapanlaban na disposisyon ay hindi ito tatawagin sa ganoong pangalan, at sasabihin nila, “Anong klaseng pangalan ang Huamao? Hindi ko pa kailanman narinig dati na tinawag na Huamao ang isang aso. Huwag nating tawagin ito nang ganoon, dapat bigyan natin ito ng Ingles na pangalan.” Sinasabi Ko, “Hindi Ako magaling mag-isip ng mga pangalan na Ingles, kaya tawagin na lang ninyo ito ng kung ano ang gusto ninyo at susunod Ako sa desisyon ninyo.” Bakit Ako susunod sa desisyon nila? Ito ay isang maliit na usapin, kaya bakit kailangang makipagtalo rito? Ang ilang tao ay hindi sumusunod, sa halip ay kailangang makipagtalo tungkol sa gayong mga bagay. Dahil lang sumunod Ako, hindi ibig sabihin niyon na naniniwala Akong may nagawa Akong mali; ito ay prinsipyo lamang na sinusunod Ko sa pag-asal at pagkilos Ko. Dahil lamang sa hindi Ako nakikipagtalo sa iyo, hindi ibig sabihin na takot Ako sa iyo. Hindi Ako nakikipagtalo, pero alam Ko sa puso Ko na ikaw ay isang hindi mananampalataya, at mas gugustuhin Ko pang makitungo sa isang aso kaysa sa mga katulad mo. Bukod sa ilang taong kailangan Kong makaugnayan sa loob ng saklaw ng Aking pamumuhay, ang mga taong pakikitunguhan Ko ay ang mga kapatid, ang mga tao ng sambahayan ng Diyos—ito ang Aking prinsipyo. Hindi Ako nakikipag-ugnayan sa maski isang walang pananampalataya; hindi Ko ito kailangang gawin. Gayumpaman, kung may mga hindi mananampalataya sa sambahayan ng Diyos na kaibigan ang turing sa sambahayan ng Diyos, puwede silang maging mga kaibigan ng iglesia. Tinutulungan man nila ang iglesia o nagsisikap at pinangangasiwaan ang ilang bagay para sa iglesia, puwede silang tanggapin ng iglesia, pero hindi Ako magkakaroon ng mga pakikipag-ugnayan sa kanila gaya ng pakikipag-ugnayan Ko sa mga kapatid; napakaabala Ko sa Aking gawain at wala na Akong panahon para pakitunguhan ang mga gayong bagay. Ang ilang taong ilang taon nang nananampalataya sa Diyos ay dapat magkaroon ng kaunting konsepto sa gawain ng Diyos, sa Diyos na nagkatawang-tao, at sa pagliligtas ng Diyos sa mga tao, pero wala man lang silang may-takot-sa-Diyos na puso. Katulad lang sila ng mga walang pananampalataya at hindi man lang nagbago. Sabihin ninyo sa Akin, ano ba ang mga taong ito? Sila ay mga likas na demonyo, mga kaaway ng Diyos. Kapag lumalalim ang pakikisalamuha ng isang tao sa mga satanikong maladiyablong tao, ito ay nagiging kapahamakan at kaguluhan.

Makikita ninyong lahat sa inyong pang-araw-araw na buhay na, anumang grupo ng mga tao ang salihan mo, palaging may isang taong ayaw sa iyo, at kahit na hindi mo sila iniinis o pinipikon, magsasabi sila ng masasamang bagay tungkol sa iyo, huhusgahan ka nila, at sisiraan ka. Wala kang ideya kung ano ang nangyari, pero ayaw nila sa iyo, hindi ka nila makasundo at gusto ka nilang apihin—ano ang sitwasyon dito? Wala kang ideya kung ano ang nagawa mo para mapikon sila, pero sa hindi malamang kadahilanan ay inaapi ka nila. May masasamang tao bang gaya nito? (Oo.) Sila ay mga kalaban mo at maipapaliwanag lang iyon nang ganoon. Bago ka pa nga nakipag-ugnayan sa kanila, ayaw na nila agad sa iyo at iniisip na nila kung paano ka nila sasaktan—hindi ba’t matitinding kalaban mo sila? (Oo, ganoon nga.) Makakasundo mo ba ang isang matinding kalaban? Makakalakad ka ba sa parehong landas? Siguradong hindi. Kung gayon makikipagbanggaan at makikipagtalo ka ba sa gayong mga tao? (Hindi, hindi ako makikipagtalo sa kanila.) Bakit hindi? Dahil hindi sila nakikinig sa anumang katwiran. Ang ilang tao ay likas na tutol at nasusuklam sa mga positibong bagay, sa mga tamang bagay, sa mga bagay na mabubuti sa sangkatauhan, ibig sabihin, sa mga positibong bagay na inaasam at gusto ng mga tao; ang isang malinaw na disposisyon na taglay ng mga taong gaya nito ay ang kabuktutan—sila ay mga buktot na tao. Halimbawa, may isang lalaking naghahanap ng nobya at nag-iisip na, “Pangit man siya o maganda, basta’t marangal at mabuti siya, at marunong makisama sa buhay, sapat na iyon. Lalo na pagdating sa isang babaeng may pagkatao at pananampalataya, mayaman o mahirap man ako, pangit o guwapo, o magkasakit man ako, ganap siyang magiging tapat na makasama ako.” Karaniwang may ganitong pananaw ang mga disenteng tao. Anong klaseng tao ang ayaw o hindi sumasang-ayon sa ganitong uri ng pananaw? (Mga buktot na tao.) Kung gayon sabihin ninyo sa Akin, anong pananaw mayroon ang mga buktot na tao? Paano sila tumutugon kapag narinig nila ang mga salitang ito? Kukutyain ka nila, sasabihing, “Estupido. Nasaang panahon na ba tayo? At naghahanap ka ng isang taong ganyan? Maghanap ka dapat ng isang mayaman at magandang babae!” Nagpapakasal ang mga ordinaryong kalalakihan sa mga disente at marangal na kababaihan at magkasama silang namumuhay ng angkop at maayos na buhay na may nagkakasundo at masayang pamilya; umaasal sila sa buhay nang malinis. Ganito ba mag-isip ang mga buktot na tao? (Hindi.) Sinasabi nila, “Sa mundong ito ngayon, matatawag pa rin bang lalaki ang isang lalaki kung hindi siya nagkaroon ng 10 o higit pang mga nobya at ilang asawa? Kung hindi siya nagkaroon niyon, isang sayang na buhay iyon!” Silang lahat ay may ganitong pananaw. Sasabihin mo sa kanila, “Humanap ka ng isang disente, marangal, at mabuting babae, lalo na iyong may pagkatao at pananampalataya,” pero katanggap-tanggap ba ito sa kanila? (Hindi.) Kukutyain ka nila at sasabihin nilang, “Napakaestupido mo! Sa mundo ngayon ay wala nang nakikialam sa mga usapin ng iba, malaya at maginhawa nang nabubuhay ang lahat. Lalo na kapag nilisan mo ang Tsina at pumunta ka sa Kanluran, mas malaya pa nga dahil walang nagmamanman sa iyo. Bakit mo masyadong pinahihirapan ang sarili mo? Napakaestupido mo!” Ito ang pananaw na mayroon sila. Kaya, anong nararamdaman nila kapag sinasabi mo sa kanila ang tungkol sa mga positibong bagay, ang tungkol sa pinakakamangha-manghang mga positibong bagay ng tao na may kinalaman sa katotohanan at sa katarungan? Nasusuklam sila at isinusumpa ka nila sa puso nila. Kapag nalaman nilang ganitong uri ka ng tao, magiging maingat na ang puso nila sa iyo, at iiwasan ka na nila. Ang mga taong hindi magkapareho ay hindi sumusunod sa parehong landas. Alam nilang nasusuklam ka sa mga taong gaya nila, at hinahamak nila sa kanilang puso ang mga taong gaya mo. Ayaw nilang makipag-usap sa iyo tungkol sa kung gaano sila nagdadamit at nakikipaglokohan sa ibang tao. Natatakot silang magbabahagi ka sa kanila tungkol sa katotohanan at susubukan mo silang kumbinsihin na sumunod sa tamang landas, at ganap silang nasusuklam; sa ibang salita, sa pinakakaibuturan ng puso nila, hinahamak nila ang lahat ng positibong bagay. Kaya, kung makakaharap mo ang gayong mga tao kapag ipinangangaral mo ang ebanghelyo, hindi mo ito maipangangaral sa kanila. Kahit pa gawin mo iyon at manampalataya sila, mga anticristo pa rin sila at hindi maliligtas. Bakit kayo nakakaupo rito at nakakapakinig sa Aking sermon? Hindi ba’t ito ay dahil mayroon kayong katiting na pusong nagmamahal sa katotohanan? Basta’t gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu habang nagsasalita Ako sa inyo, madarama mong naantig at nahikayat ka sa iyong puso, at hihilingin mong ialay ang sarili mo, magdusa ka, at gugulin mo ang sarili mo sa paghahangad sa katarungan, katotohanan, at kaligtasan. Sa sandaling marinig ng mga buktot ang isang tao na nagsasalita tungkol sa paggugol ng sarili para sa katarungan, para sa katotohanan, at para sa Diyos, sa tingin nila ay hungkag ang mga salitang ito, na ang mga ito ay islogan, na hindi maaarok ang mga ito, at may pagkiling sila laban sa gayong mga tao. Kaya, kapag nakatagpo ninyo ang mga buktot na taong ito, huwag kayong magbahagi sa kanila tungkol sa anuman, hindi kayo magkaparehong uri, kaya lumayo na lang kayo. Kapag nakakatagpo Ko ang gayong mga tao at nakikita Kong may ganito silang saloobin sa Akin at nagsasalita sila sa ganitong tono ng boses, dapat Ko ba silang pungusan at pangaralan? (Hindi, hindi iyon kinakailangan.) Hindi ito kinakailangan, hindi kinakailangan na pansinin sila, hindi kailangang tumugon sa kanila. Mababago mo ba sila sa pamamagitan ng pagtugon sa kanila? Hindi mo sila mababago. Isantabi mo lang sila at hayaan mo lang na ganoon; ang mga taong ganito ay hindi magtatagal sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Una: hindi nila minamahal ang katotohanan; ikalawa: nasusuklam sila sa mga positibong bagay; ikatlo: kumikiling sila laban sa Diyos, itinuturing nila ang disposisyon ng Diyos at ang lahat ng bagay na kaibig-ibig sa Diyos bilang pinakamababa at pinakahamak—tinutukoy ng mga ito na hindi sila kailanman maliligtas ng Diyos. Nasaan man ang gayong mga tao, sila man ay taos-puso o taksil, ang pagkakaroon nila ng mga pagpapamalas na ito ay tumutukoy na siguradong may ilang kabuktutan sa mga disposisyon nila.

Saanman nangingibabaw ang isang anticristo, hindi magiging maayos ang buhay-iglesia at ang mga epektong nakakamit ng mga taong hinirang ng Diyos sa pagganap ng mga tungkulin ay hindi magiging mabuti, at mahahadlangan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya kung hindi ibubukod at patatalsikin ang mga anticristo, magdurusa ng malaking kawalan ang gawain ng iglesia at marami sa mga hinirang ng Diyos ang mapipinsala! Pangunahing hindi kaya ng mga huwad na lider na gumanap ng tunay na gawain, at kapag pinangangasiwaan nila ang ilang pangkalahatang gawain, mabagal ang pag-usad nila at hindi sila epektibo. Bukod dito, hindi nila alam kung paano linangin at gamitin ang mabubuting tao na may mahusay na kakayahan at naghahangad ng katotohanan. Paano naman ang mga anticristo? Kapag nangingibabaw ang isang anticristo, ginagawa niya ang mga bagay para lamang sa kapakanan ng kanyang kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi siya talaga gumagawa ng tunay na gawain, at tuwiran niyang ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia—partikular na kasali sa paninira ang mga anticristo at hindi talaga sila naiiba kay Satanas. Kapag nakikita ng isang anticristo ang ilang tao na minamahal at hinahangad ang katotohanan, naaasiwa ito. Saan nanggagaling ang pagkaasiwang ito? Nanggagaling ito sa kanyang buktot na disposisyon, ibig sabihin, sa loob ng kanyang kalikasan ay may buktot na disposisyon na namumuhi sa katarungan, namumuhi sa mga positibong bagay, namumuhi sa katotohanan, at sinasalungat ang Diyos. Kaya, kapag nakikita niya ang isang taong naghahangad ng katotohanan, sinasabi niya, “Hindi ka masyadong edukado at hindi ka kaaya-aya sa paningin, pero hinahangad mo pa rin talaga ang katotohanan.” Ano ang ipinapakita nitong saloobin? Ito ay paghamak. Halimbawa, ang ilang kapatid ay may kaloob o espesyal na kasanayan at gusto nilang gumanap ng isang tungkuling may kaugnayan dito. Sa katunayan, ito ay angkop pagdating sa iba’t iba nilang kondisyon, pero paano tinatrato ng mga anticristo ang gayong mga kapatid? Sa puso nila, iniisip nila, “Kung gusto mong gampanan ang tungkuling ito, kailangan mo munang magpalakas sa akin at maging bahagi ng grupo ko, at saka lamang kita papayagang gampanan ang tungkuling ito. Kung hindi, mangarap ka na lang!” Hindi ba’t ganito kumilos ang mga anticristo? Bakit masyadong nasusuklam ang mga anticristo sa mga sinserong nananampalataya sa Diyos, na may kaunting pagpapahalaga sa katarungan at may kaunting pagkatao, at na nagsisikap na hangarin ang katotohanan? Bakit palagi silang salungat sa gayong mga tao? Kapag nakakakita sila ng mga taong naghahangad sa katotohanan at kumikilos nang maayos, ng mga taong kailanman ay hindi negatibo at may mabubuting layunin, naaasiwa sila. Kapag nakakakita ang mga anticristo ng mga taong kumikilos nang walang pagkiling, ng mga taong kayang gampanan ang kanilang tungkulin nang ayon sa mga prinsipyo, na kayang isagawa ang katotohanan kapag naunawaan na nila ito, talagang nagagalit sila, pinipiga nila ang mga utak nila para makaisip ng paraan para pahirapan ang mga taong iyon, at sinusubukan nilang gawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa mga ito. Kapag may nakakakilatis sa kalikasang diwa ng isang anticristo, nakakakilatis sa katrayduran at kabuktutan ng anticristo at nais na ilantad at iulat siya, ano ang gagawin ng anticristo? Mag-iisip ang anticristo ng lahat ng paraan na magagawa nito para alisin ang puwing na ito sa kanyang mata at ang tinik na ito sa kanyang tagiliran at susulsulan nito ang mga kapatid na tanggihan ang taong ito. Ang isang ordinaryong kapatid ay walang katanyagan at katayuan sa iglesia; may kaunti lamang siyang pagkakilatis sa anticristong ito at hindi naman siya banta sa anticristong ito. Kung gayon, bakit palaging ayaw sa kanya ng anticristo at tinatrato siya na para bang puwing siya sa mata nito at tinik sa tagiliran nito? Paano ba nakasasagabal ang taong ito sa daan ng anticristo? Bakit hindi matanggap ng anticristo ang gayong mga tao? Ito ay dahil sa loob ng anticristo ay may isang buktot na disposisyon. Hindi matanggap ng mga anticristo ang mga taong naghahangad sa katotohanan o sumusunod sa tamang landas. Sinasalungat nila ang sinumang gustong sumunod sa tamang landas at sinasadya nilang pahirapan ka, at pipigain nila ang kanilang utak sa pag-iisip ng paraan para tanggalin ka, o kung hindi naman ay susupilin ka nila para maging negatibo at mahina ka, o kaya ay hahanapan ka nila ng butas at ipagkakalat ito para tanggihan ka ng iba, at pagkatapos ay magiging masaya sila. Kung hindi ka makikinig sa kanila o susunod sa sinasabi nila, at ipagpapatuloy mo ang paghahangad sa katotohanan, pagsunod sa tamang landas, at pagiging isang mabuting tao, maliligalig sila sa puso nila, at madidismaya at maaasiwa silang makita kang ginagampanan mo ang tungkulin mo. Bakit ganito? Ginalit mo ba sila? Hindi, hindi mo sila ginalit. Bakit ka nila tinatrato nang ganoon kahit wala ka namang ginawang anuman sa kanila o na nakapinsala sa mga interes nila sa anumang paraan? Ipinapakita lamang nito na ang kalikasan ng ganitong klase ng bagay—ang mga anticristo—ay buktot, at na sila ay likas na salungat sa katarungan, mga positibong bagay, at katotohanan. Kung tatanungin mo sila kung ano mismo ang nangyayari, ni hindi nila alam; basta sadya ka lang nilang pinahihirapan. Kung sasabihin mong gawin ang mga bagay sa isang paraan, kailangan nila itong gawin sa ibang paraan; kung sasabihin mong si ganito at ganoon ay hindi mahusay, sasabihin nilang ang taong ito ay magaling; kung sasabihin mong ito ang pinakamagandang paraan para ipalaganap ang ebanghelyo, sasabihin nilang hindi ito maganda; kung sasabihin mong ang isang sister na isa o dalawang taon pa lang na nananampalataya sa Diyos ay naging negatibo at mahina at dapat na suportahan, sasabihin nilang, “Hindi na kailangan, mas malakas pa nga siya sa iyo.” Sa madaling salita, palagi silang salungat sa iyo at sinasadya nilang kumilos nang salungat sa iyo. Ano ang prinsipyo nila sa pagiging salungat sa iyo? Ito ay na ang anumang sasabihin mong tama, ay sasabihin nilang mali, at anumang sasabihin mong mali, sasabihin nilang tama. May anuman bang mga katotohanang prinsipyo sa mga kilos nila? Walang kahit na ano. Gusto ka lang nilang mapahiya, magmukhang masama, mapabagsak, at matalo para mawalan ka ng kumpiyansa, para hindi mo na hangarin pa ang katotohanan, para maging mahina ka, at huwag ka nang manampalataya, at kapag nagkagayon ay nakamit na nila ang mithiin nila, at magagalak sila sa puso nila. Ano ang nangyayari dito? Ito ang buktot na diwa ng uri ng mga tao na mga anticristo. Kapag nakikita nila ang mga kapatid na nagpupuri sa Diyos at nagpapatotoo sa Diyos at hindi sila pinapansin, masaya ba sila? Hindi, hindi sila masaya. Ano ang nararamdaman nila? Nagseselos sila. Karaniwan, kapag naririnig ng mga tao na pinupuri ng isang tao ang ibang tao, ang normal nilang reaksyon ay, “Magaling din ako; bakit hindi mo rin ako purihin?” Mayroon sila nitong maliit na ideya, pero kapag narinig nila ang isang tao na nagpapatotoo tungkol sa Diyos, iniisip nila, “May gayon siyang karanasan at nagpapatotoo siya nang gayon, at sinasang-ayunan siya ng lahat. May ganito siyang pagkaunawa; bakit wala akong ganitong pagkaunawa?” Kinaiinggitan at hinahangaan nila ang taong ito. Ang mga anticristo ay may isang partikular na katangian: Kapag narinig nila ang isang tao na nagpapatotoo tungkol sa Diyos, na nagsasabing, “Ito ay ginawa ng Diyos, ito ay pagdidisiplina ng Diyos, ito ay mga gawa ng Diyos, mga pagsasaayos ng Diyos, at handa akong magpasakop,” nalulungkot ang mga anticristo at iniisip nilang, “Sinasabi mong ang lahat ay ginawa ng diyos. Nakita mo ba kung paano pinamumunuan ng diyos ang anumang bagay? Nadama mo ba kung paano isinasaayos ng diyos ang anumang bagay? Paanong wala akong alam dito?” Ang isang aspekto ay dahil katulad lang sila ni Satanas sa paraan ng pagtrato nito sa pag-apruba ng Diyos kay Job. May kaparehong mentalidad ang mga anticristo kay Satanas kapag nakakamit ng Diyos ang isang tao—may disposisyon sila ni Satanas. Ang isa pang aspekto ay iyong, kung may isang taong nauunawaan ang katotohanan at may pagkilatis sa mga anticristo, at hindi siya sumusunod sa mga anticristo kundi tinatanggihan ang mga ito, ang mga anticristo ay may hibang na mentalidad, at iniisip na, “Hindi ko talaga makamit ang taong ito, kaya lilipulin ko siya!” Kaya, noong naharap si Job sa mga pagsubok, sinabi ng Diyos kay Satanas, “Siya ay nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay.” Kung hindi ito sinabi ng Diyos, maaawa ba si Satanas? (Hindi.) Sigurado ito; siguradong hindi ito maaawa.

Ano ang saloobin ng mga anticristo sa mga kapatid na naghahangad at nagmamahal sa katotohanan, sa mga taong may kaunting pananampalataya at ginagampanan ang kanilang tungkulin nang may pagkamatapat? At ano ang saloobin nila sa ilang tao na nagsasalita tungkol sa mga karanasan sa buhay para magpatotoo tungkol sa Diyos at na madalas na nagbabahagi sa mga kapatid tungkol sa katotohanan? (Nagseselos at namumuhi sila.) Saan nakadepende ang saloobin nila? Nakadepende ito sa kanilang buktot na disposisyon. Kaya, kapag madalas mo silang nakikitang inaapi ang isang tao, kinagagalitan ang isang tao, at pinahihirapan ang ilang tao nang walang dahilan, alam mo nang walang makakapagbago sa buktot na disposisyon ng isang anticristo, at na ito ay malalim na nakaugat at ito ay likas. Mula sa puntong ito, makikita na ang mga taong ito na mga anticristo ay hindi posibleng magkamit ng kaligtasan. Hindi nila pinapayagan ang mga kapatid na magpatotoo sa Diyos, kaya magagawa ba nila mismong magpatotoo sa Diyos? (Hindi.) Sobrang namumuhi sila kapag nagpapatotoo sa Diyos ang ibang mga tao, na nagngangalit pa ang ngipin nila, kaya sabihin ninyo sa Akin, kaya ba nilang magpatotoo sa Diyos? Ganap silang walang kakayahang magpatotoo sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi tama iyan, ang ilang anticristo ay napakagaling magpatotoo sa Diyos, at tumatangis ang mga kapatid kapag naririnig ito.” Anong klaseng patotoo ito? Kailangan ninyong makinig sa ganitong uri ng “patotoo” para matukoy kung ito ba ay isang tunay na patotoo o hindi. Sabihin nating may isang taong may magandang trabaho at maayos na pamilya at, dahil naantig siya ng Diyos, binitawan niya ang kanyang magandang trabaho, at ang pamilya niya at itinuon niya ang kanyang katawan at isip sa paggugol para sa Diyos; kahit na nalulungkot siya sa kanyang puso, isinuko pa rin niya itong lahat. Sinabi ng mga kapatid sa kanya, “Hindi ka ba nakakaramdam ng kahit kaunting panghihina?” Sumagot siya, “Oo, kaunti, pero para magawa kong bitawan ang pamilya at trabaho ko, hindi ba’t ang diyos ang gumawa ng lahat ng iyon? Kumikita ako dati ng dalawa o tatlong libo kada araw, at libu-libo kada buwan, at marami akong pag-aari. Nang manampalataya ako sa diyos, para magawa ko ang tungkulin ko, ipinagkatiwala ko ang mga pag-aari ko sa isang tao para pamahalaan ito.” Tinanong ng iba, “Hindi mo na ba napangasiwaan ang mga pag-aari mo pagkatapos mo itong ipagkatiwala sa iba? Hindi mo na ba pag-aari ngayon ang alinman doon? Paano mo nabitawan ang mga pag-aari mo?” Sumagot siya, “Ang diyos ang may gawa noon.” Hindi ba’t masyado itong malabo? (Oo.) Mga hungkag na salita lamang ito. Bukod dito, hindi ba’t ang pagsasabi niya kung gaano kataas ang kita niya ay pagmamayabang lang niya? Bakit niya sinasabi ito? Nagpapatotoo siya sa kung gaano ang binitawan niya. Nagpapatotoo ba siya sa Diyos? Nagpapatotoo siya sa kanyang katiting na “maluwalhating” kasaysayan, sa halagang ibinayad niya at sa iginugol niya dati, sa kung gaano ang inialay niya, at sa hindi niya pagrereklamo tungkol sa Diyos. Mayroon bang bahagi rito na nagpapatotoo sa Diyos? Hindi pa ninyo nakita ang ginawa ng Diyos sa lahat ng ito, hindi ba? Hindi totoong nagpapatotoo siya sa Diyos; malinaw na nagpapatotoo siya sa sarili niya, pero sinasabi niyang nagpapatotoo siya sa Diyos! Hindi ba’t panlilinlang ito? Nagpapanggap siyang nagpapatotoo tungkol sa Diyos para magpatotoo sa sarili niya—hindi ba’t pagpapaimbabaw ito? Kung gayon bakit sobrang naaantig at patuloy na umiiyak ang ilang tao kapag naririnig nila ito? Maraming klase ng mga hangal sa paligid! Kapag may nagbanggit ng pagpapatotoo sa Diyos, kailangan ng mga anticristong magsalita tungkol sa ilang maliit na bagay na nagawa nila, sa maliliit na bagay na inihandog nila, at sa kaunting panahong inilaan nila sa paggugol ng sarili nila, at sa pagdaan ng panahon, tumitigil nang magbigay-pansin ang mga tao, kaya nag-iisip sila ng mga bagong sasabihin, at sa ganitong paraan ay nagpapatotoo sila sa kanilang sarili. Kapag may mas magaling sa kanila at mas magaling magbahagi kaysa sa kanila, na nagdadala ng kaunting liwanag ng katotohanan, naaasiwa sila. Naaasiwa ba sila dahil ang mga pagsisikap nila sa katotohanan ay mas mababa kaysa sa iba at sabik silang maging mahusay? Hindi, hindi nila hahayaan ang sinuman na maging mas magaling kaysa sa kanila, hindi nila matitiis na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, at masaya lang sila kapag sila ang mas magaling kaysa sa iba. Hindi ba’t buktot ito? Kung may ibang mas magaling sa iyo at mas nauunawaan ang katotohanan kaysa sa iyo, dapat kang matuto mula sa kanya—hindi ba’t mabuti ito? Ito ay isang bagay na dapat ikagalak ng lahat. Halimbawa, nariyan si Job, ang taong iyon ay isa sa mga tagasunod ng Diyos sa kasaysayan ng tao. Ito ba ay isang maluwalhating bagay na nangyari sa anim na libong taong gawain ng pamamahala ng Diyos, o isa ba itong kahihiyan? (Ito ay isang maluwalhating bagay.) Ito ay isang maluwalhating bagay. Anong saloobin ang dapat mayroon kayo pagdating sa bagay na ito? Anong perspektiba ang dapat mayroon kayo? Dapat maging masaya kayo para sa Diyos at ipagdiwang Siya, purihin ninyo ang kapangyarihan ng Diyos, magpuri kayo na nagkamit ng kaluwalhatian ang Diyos—isa itong mabuting bagay. Isa itong napakabuting bagay, pero may ilang taong nasusuklam pa nga rito at namumuhi rito. Hindi ba’t ito ay pagiging buktot nila? Sa diretsahang pananalita, ito ay pagiging buktot nila, at ito ay dala ng kanilang buktot na disposisyon.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.