Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (2) Ikalawang Seksiyon
V. Mga Isyung May Kaugnayan sa Pag-iimbot sa mga Kaginhawahan ng Laman
Isa ring malubhang isyu ang pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman. Ano sa palagay ninyo ang ilang pagpapamalas ng pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman? Anong mga halimbawa ang maibibigay ninyo mula sa mga nakita ninyo sa sarili ninyong mga karanasan? Kasama ba rito ang pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Oo.) May iba pa ba? (Ang pagpili sa madadaling gampanin kaysa sa mahihirap na gampanin kapag ginagawa ang mga tungkulin ng isang tao, at palaging pagnanais na piliin ang magaan na gawain.) Kapag gumagawa ng isang tungkulin, palaging pinipili ng mga tao ang magaan na gawain, ang gawaing hindi nakakapagod, at na hindi nila kailangang suungin ang panahon sa labas. Pagpili ito sa madadaling trabaho at pag-iwas sa mahihirap ang tawag dito, at pagpapamalas ito ng pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman. Ano pa? (Palaging pagrereklamo kapag ang kanilang tungkulin ay medyo mahirap, medyo nakakapagod, kapag may kaakibat itong pagbabayad ng halaga.) (Pagkahumaling sa pagkain at pananamit, at sa mga kasiyahan ng laman.) Mga pagpapamalas lahat ito ng pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman. Kapag nakikita ng gayong tao na masyadong matrabaho o delikado ang isang gampanin, ipinapasa niya ito sa iba; magaan na gawain lang ang mismong ginagawa niya, at nagdadahilan siya, sinasabing mahina ang kakayahan niya at na wala siyang kapabilidad sa gawain, at hindi niya kayang akuin ang gampaning ito—pero ang totoo, ito ay dahil nag-iimbot siya ng mga kaginhawahan ng laman. Ayaw niyang magdusa, anumang gawain ang ginagawa niya o anumang tungkulin ang ginagampanan niya. Kung sasabihin sa kanya na sa sandaling matapos niya ang trabaho ay makakakain siya ng nilagang baboy, napakabilis at napakaepektibo niya itong ginagawa, at hindi mo na siya kailangang madaliin, pilitin, o bantayan; pero kung wala siyang makakain na nilagang baboy, at kailangan niyang mag-overtime sa paggawa ng tungkulin niya, nagpapaliban siya, at naghahanap ng kung ano-anong dahilan at palusot para ipagpaliban ito, at pagkatapos itong gawin sa loob ng ilang panahon, sasabihin niya, “Nahihilo ako, namamanhid ang binti ko, pagod na pagod ako! Masakit ang buong katawan ko, puwede ba akong magpahinga sandali?” Ano ang problema rito? Nag-iimbot siya sa mga kaginhawahan ng laman. Nariyan din kapag palaging nagrereklamo ang mga tao tungkol sa mga paghihirap habang ginagawa ang tungkulin nila, kapag ayaw nilang gumugol ng anumang pagsisikap, kapag, sa sandaling magkaroon sila ng kaunting libreng oras ay nagpapahinga sila, nakikipagdaldalan, o nakikisali sa paglilibang at pagsasaya. At kapag dumarami na ang gawain at nasisira nito ang takbo at nakagawian nila sa mga buhay nila, hindi sila nasisiyahan at nakokontento rito. Nagmamaktol at nagrereklamo sila, at nagiging pabasta-basta sila sa paggawa ng kanilang tungkulin. Pag-iimbot ito sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ba? Halimbawa, para mapanatili ang hubog ng katawan nila, may ilang babaeng araw-araw nag-eehersisyo at nagbu-beauty sleep sa mga takdang oras. Gayumpaman, sa sandaling maging abala na ang gawain at makompromiso ang mga nakagawiang ito, hindi sila nasisiyahan, sinasabi, “Hindi maganda ito; masyadong naaantala ng paggawa sa trabahong ito ang mga bagay-bagay. Hindi ko ito puwedeng hayaang makaapekto sa mga personal na gawain ko. Hindi ko papansinin ang sinumang nagtatangkang madaliin ako; ipagpapatuloy ko ang sarili kong bilis sa paggawa. Kapag oras na para sa yoga, mag-yoyoga ako. Kapag oras na para sa beauty sleep ko, matutulog ako. Patuloy kong gagawin ang mga bagay na ito gaya ng ginagawa ko dati. Hindi ako kasinghangal at kasingsipag ninyong lahat. Pagkalipas ng ilang taon, magiging matatanda, ordinaryong mga babae na kayong lahat, malolosyang ang katawan ninyo, at hindi na kayo magiging balingkinitan. Wala nang magkakagustong tumingin sa inyo, at mawawalan na kayo ng anumang kumpiyansa sa buhay.” Alang-alang sa pagtugon sa kasiyahan ng laman nila, alang-alang sa kagandahan, na magustuhan ng iba, at mamuhay nang mas may kumpiyansa, ayaw nilang isuko ang mga kasiyahan at kagustuhan ng laman nila, kahit gaano pa sila kaabala sa paggawa ng mga tungkulin. Ito ay pagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman. Sinasabi ng ilan, “Balisa ang Diyos, at dapat nating isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos.” Pero sinasabi ng mga babaeng ito, “Hindi ko nakita na balisa ang Diyos; ayos lang ako basta’t hindi ako balisa. Kung magpapakita ako ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, sino ang magpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ko?” May anumang pagkatao ba ang mga gayong babae? Hindi ba’t mga diyablo sila? May mga partikular na tao rin na, kahit gaano pa kaabala at kahalaga ang gawain nila, hindi nila ito hahayaang makaapekto sa pananamit at sa suot nila. Gumugugol sila ng ilang oras araw-araw sa kolorete, at naaalala nila nang singlinaw ng sikat ng araw kung anong mga damit ang isusuot nila sa bawat araw para bumagay sa mga partikular na pares ng sapatos, at kung kailan magpapa-beauty treatment at magpapamasahe, nang hindi talaga nalilito sa mga bagay na ito. Gayumpaman, pagdating sa kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan nila, kung anong mga katotohanan ang hindi pa rin nila nauunawaan o hindi pa napapasukan, kung anong mga bagay ang pinangangasiwaan pa rin nila nang pabasta-basta at nang walang katapatan, kung anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag nila, at iba pang gayong isyung nauugnay sa katotohanan na may kinalaman sa buhay pagpasok, wala talaga silang anumang nalalaman tungkol sa mga bagay na ito. Kapag tinanong sila tungkol sa mga iyon, wala silang kaalam-alam. Pero, pagdating sa mga paksang may kaugnayan sa mga kasiyahan ng laman—pagkain, pag-inom, at pagsasaya—kaya nilang dumakdak nang walang-tigil, imposible silang mapatigil. Gaano man kaabala ang gawain ng iglesia o gaano man sila kaabala sa kanilang mga tungkulin, ang karaniwang gawain at normal na kondisyon ng kanilang buhay ay hindi nagagambala kailanman. Kailanman ay hindi sila pabaya sa anumang maliliit na detalye ng buhay ng laman at lubos nilang nakokontrol ang mga iyon, nang napakahigpit at napakaseryoso. Pero, kapag hinaharap ang gawain ng sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang usapin at kahit sangkot dito ang kaligtasan ng mga kapatid, pabaya sila sa pagharap dito. Ni wala silang pakialam sa mga bagay na iyon na kinasasangkutan ng atas ng Diyos o ng tungkuling dapat nilang gawin. Wala silang inaakong pananagutan. Ito ay pagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ba? Angkop bang gumawa ng tungkulin ang mga taong nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman? Sa sandaling banggitin ng isang tao ang paksa ng paggawa sa kanyang tungkulin, o talakayin ang tungkol sa pagbabayad ng halaga at pagdanas ng paghihirap, iling nang iling ang ulo nila. Masyado silang maraming problema, ang dami nilang mga reklamo, at puno sila ng pagkanegatibo. Walang silbi ang mga gayong tao, hindi sila kalipikadong gumawa ng kanilang tungkulin, at dapat silang itiwalag. Pagdating sa pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman, hanggang dito na lamang tayo.
VI. Mga Paghihirap na May Kaugnayan sa Pagkilala sa Sarili
Ang pagkilala sa sarili ang pinakamahalagang aspekto ng buhay pagpasok. Pero para sa karamihan ng tao, dahil hindi nila minamahal ang katotohanan o hinahangad ito, nagiging pinakamalaking paghihirap nila ang pagkilala sa sarili nila. Samakatwid, tiyak na ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi kayang tunay na kumilala sa sarili nila. Ano ang mga aspekto ng pagkakilala sa sarili? Ang una ay ang malaman kung anong mga tiwaling disposisyon ang nabubunyag sa pananalita at mga kilos ng isang tao. Minsan, ito ay pagmamataas, kung minsan naman ito ay pagiging mapanlinlang, o marahil ay kabuktutan, katigasan ng kalooban, o pagkakanulo, at iba pa. Bukod pa roon, kapag may nangyayari sa isang tao, dapat niyang suriin ang kanyang sarili para makita kung mayroon siyang anumang intensyon o motibo na hindi naaayon sa katotohanan. Dapat din niyang suriin kung mayroong anuman sa kanyang pananalita o mga kilos na lumalaban o naghihimagsik laban sa Diyos. Sa partikular, dapat niyang suriin kung mayroon ba siyang pagpapahalaga sa pasanin at kung tapat ba siya sa tungkulin niya, kung sinsero niyang ginugugol ang kanyang sarili para sa Diyos, at kung nagiging transaksiyonal o pabasta-basta siya. Ang pagkakilala sa sarili ay nangangahulugan din ng pagkaalam kung ang isang tao ay may mga kuru-kuro at imahinasyon, mga labis-labis na kahilingan, o mga maling pagkaunawa at hinaing tungkol sa Diyos, at kung handa siyang magpasakop. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung kaya ng isang tao na hanapin ang katotohanan, tumanggap mula sa Diyos at magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos kapag humaharap sa mga sitwasyon, tao, pangyayari, at bagay na Kanyang pinamamatnugutan. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran at kung ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung ang isang tao ay nagpapasakop o sumusubok na makipagtalo kapag may mga bagay na nangyayari sa kanya, at kung ang isang tao ay umaasa sa mga kuru-kuro at imahinasyon o sa paghahanap sa katotohanan sa kanyang pagharap sa mga bagay na ito. Lahat ng ito ay ang saklaw ng pagkakilala sa sarili. Dapat pagnilayan ng isang tao kung minamahal ba niya ang katotohanan at kung mayroon ba siyang tunay na pananalig sa Diyos batay sa kanyang saloobin sa iba’t ibang sitwasyon at tao, pangyayari, at bagay. Kung malalaman ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon at makikita kung gaano katindi ang kanyang paghihimagsik laban sa Diyos, siya ay lumago na. Bukod diyan, pagdating sa mga usapin na may kinalaman sa pagtrato niya sa Diyos, dapat na pagnilayan ng isang tao kung mayroon siyang mga kuru-kuro, takot, o pagpapasakop sa pagtrato niya sa pangalan ng Diyos at sa pagkakatawang-tao, at lalo na sa kung ano ang kanyang saloobin tungkol sa katotohanan. Dapat ding malaman ng isang tao ang kanyang mga kakulangan, ang kanyang tayog, at kung taglay niya ang katotohanang realidad, pati na kung ang kanyang paghahangad at ang landas na kanyang tinatahak ay tama at alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat malaman ng mga tao. Sa pagbubuod, ang iba’t ibang aspekto ng pagkakilala sa sarili, sa esensiya, ay binubuo ng mga sumusunod: kaalaman sa kung mataas o mababa ang kakayahan ng isang tao, kaalaman sa karakter ng isang tao, kaalaman sa mga intensyon at motibo sa mga kilos ng isang tao, kaalaman sa tiwaling disposisyon at kalikasang diwa na ibinubunyag ng isang tao, kaalaman sa mga kagustuhan at paghahangad ng isang tao, kaalaman sa landas na tinatahak ng isang tao, kaalaman sa mga opinyon ng isang tao sa mga bagay-bagay, kaalaman sa pananaw ng isang tao sa buhay at mga pagpapahalaga, at kaalaman sa saloobin ng isang tao sa Diyos at sa katotohanan. Ang pagkakilala sa sarili ay pangunahing binubuo ng mga aspektong ito.
VII. Iba’t Ibang Pagpapamalas ng mga Tao sa Pagtrato Nila sa Diyos
Ang susunod na bahagi ng nilalaman tungkol sa buhay pagpasok ay tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga tao sa kanilang pagtrato sa Diyos. Halimbawa, nariyan ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, pagbuo ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Kanya at pagiging mapagbantay laban sa Kanya, pagkakaroon ng mga hindi makatwirang kahilingan sa Kanya, palaging pagnanais na umiwas sa Kanya, pag-ayaw sa mga salitang sinasabi Niya, at palaging paghahangad na siyasatin Siya. Nariyan din ang pagkabigong makilatis o makilala ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, pati na ang palaging pagkikimkim ng saloobin ng pagdududa sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at awtoridad ng Diyos, at ganap na kawalan ng kaalaman sa mga bagay na ito. Higit pa rito, bukod sa nariyan ang pagkabigong iwasan o itanggi ang paninirang-puri at paglapastangan sa Diyos ng mga walang pananampalataya at ng mundo, pero taliwas dito, nariyan pa ang kagustuhang tanungin kung totoo o tunay ba ito. Hindi ba’t pagdududa ito sa Diyos? Maliban sa mga pagpapamalas na ito, ano pa ang iba? (Ang pagiging mapaghinala sa Diyos at pagsubok sa Diyos.) (Ang pagtatangkang sumipsip sa Diyos.) (Ang hindi pagnanais na tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos.) Nariyan ang hindi pagnanais na tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos habang nagdududa kung kaya bang siyasatin ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. (Nariyan din ang pagkontra sa Diyos.) Isa rin itong pagpapamalas—ang pagkontra sa Diyos at pag-angal laban sa Kanya. Nariyan ang pagkakaroon ng mapangmata at mapanghamak na saloobin sa pagtrato sa Diyos, pakikipag-usap sa Kanya at pakikisalamuha sa Kanya. Mayroon pa ba? (Ang pagiging pabasta-basta sa Diyos at panlalansi sa Kanya.) (Ang pagrereklamo tungkol sa Diyos.) Nariyan ang hindi kailanman pagpapasakop o paghahanap sa katotohanan kapag nahaharap sa mga bagay, at palaging pakikipagtalo para sa sarili at pagrereklamo. (Nariyan din ang paghusga at paglapastangan sa Diyos.) (Ang pakikipagkompetensiya sa Diyos para sa katayuan.) (Ang pakikipagtawaran at pananamantala sa Diyos.) (Ang pagtatatwa sa Diyos, pagtanggi sa Diyos, at pagkakanulo sa Diyos.) Mahahalagang isyu ang lahat ng ito; ang mga ito ang iba’t ibang kalagayan at tiwaling disposisyong lumilitaw sa pagtrato ng mga tao sa Diyos. Sa esensiya ay ito ang iba’t ibang pagpapamalas ng pagtrato ng mga tao sa Diyos.
VIII. Ang mga Saloobin at Iba’t Ibang Pagpapamalas ng mga Tao sa Pagtrato Nila sa Katotohanan
Ang isa pang aspekto ng paksa tungkol sa buhay pagpasok ay ang paraan ng pagtrato ng mga tao sa katotohanan. Anong mga pagpapamalas ang nasa aspektong ito? Nariyan ang pagtrato sa katotohanan bilang isang teorya o isang islogan, bilang isang patakaran, o bilang kapital para maging palamunin ng iglesia at magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan. Magdagdag pa kayo rito. (Ang pagtrato sa katotohanan bilang isang espirituwal na panustos.) Nariyan ang pagtrato sa katotohanan bilang isang espirituwal na panustos para tugunan ang mga espirituwal na pangangailangan ng isang tao. (Ang hindi pagtanggap sa katotohanan at pagiging tutol dito.) Isa itong saloobin sa katotohanan. (Ang pag-iisip na ang mga salita ng Diyos ay naglalayong maglantad sa iba, na walang kaugnayan ang mga ito sa sarili, at pagturing sa sarili bilang dalubhasa ng katotohanan.) Angkop na angkop ang pagkakalarawan ninyo sa pagpapamalas na ito. Ang mga taong may ganitong pagpapamalas ay naniniwalang nauunawaan nila ang lahat ng katotohanang sinabi ng Diyos, at na ang mga inilalantad Niyang tiwaling disposisyon at diwa ng tao ay tumutukoy sa iba, at hindi sa kanila. Ang tingin nila sa sarili nila ay mga dalubhasa ng katotohanan, madalas nilang ginagamit ang mga salita ng Diyos para sermunan ang iba, na para bang sila mismo ay walang mga tiwaling disposisyon, na sila na ang pagsasakatawan ng katotohanan at mga tagapagsalita ng katotohanan. Anong uri ng basura ba sila? Gusto nilang maging ang pagsasakatawan ng katotohanan—hindi ba’t katulad lang sila ni Pablo? Itinanggi ni Pablo na ang Panginoong Jesus ay si Cristo at ang Diyos; siya mismo ay nagnais na maging Cristo at ang Anak ng Diyos. Ang mga taong ito ay katulad ni Pablo, kauri sila ni Pablo, mga anticristo sila. Mayroon pa ba? (Ang pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang mga salita ng isang karaniwang tao, hindi bilang ang katotohanang dapat isagawa, at ang pagkakaroon ng mapagwalang-bahala at mababaw na saloobin sa mga salita ng Diyos.) Ang hindi pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanang dapat tanggapin at isagawa, bagkus ay pagtrato sa mga ito bilang mga salita ng tao—isa ito. (Ang pag-uugnay ng mga salita ng Diyos sa mga pilosopiya at teorya ng mga walang pananampalataya.) Nariyan ang pag-uugnay ng mga salita ng Diyos sa mga pilosopiya, pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang mga palamuti o mga walang kabuluhang salita habang itinuturing ang mga tanyag na kasabihan ng mga sikat at dakilang tao bilang ang katotohanan, at pagtrato sa kaalaman, tradisyonal na kultura, at mga kaugalian bilang ang katotohanan at pagpapalit ng mga iyon sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong nagpapakita ng pagpapamalas na ito ay walang-tigil na nagsasalita tungkol sa kagustuhang isagawa ang katotohanan at patotohanan at ipakalat ang mga salita ng Diyos kapag nahaharap sa mga sitwasyon, pero sa puso nila, hinahangaan nila ang mga sikat at dakilang taong iyon mula sa sekular na mundo, at iniidolo pa nga nila si Bao Gong ng sinaunang Dinastiyang Song, sinasabi nila, “Isa talaga siyang istrikto at walang-kinikilingang hukom. Kailanman ay hindi siya nagpasya nang hindi makatarungan, kailanman ay hindi nagkaroon ng anumang hindi makatarungang hatol mula sa mga kamay niya, o ng anumang kaluluwang naagrabyado ng talim ng hustisya niya!” Hindi ba’t pag-iidolo at paghanga ito sa isang sikat na tao at isang pantas? Ang pagtatangka na palabasin ang mga salita at gawa ng mga sikat na tao bilang ang katotohanan ay paninirang-puri at paglapastangan sa katotohanan! Sa iglesia, madalas nagsasalita ang mga ganitong tao tungkol sa kagustuhang isagawa ang katotohanan at ipakalat ang mga salita ng Diyos, pero ang iniisip at karaniwang sinasabi nila ay mga tradisyonal na kasabihan at kawikaan lang, na ipinapahayag nila sa isang napakapraktisado at mahusay na paraan. Palagi nilang nasasambit at nababanggit ang mga bagay na ito. Kailanman ay wala silang nabanggit na salita ng kanilang pagkaunawang batay sa karanasan sa mga salita ng Diyos, at lalong hindi nila kailanman nasabi kung alin sa mga salita ng Diyos ang pamantayan o batayan ng mga kilos at asal nila. Mga maling paniniwala lang ang binibigkas nila, tulad ng, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo,” “Palaging may kasuklam-suklam tungkol sa mga kaawa-awang tao,” “Palagi mong iwanan ang sarili mo ng pagkakataong baguhin ang mga bagay,” “Maaaring hindi ako nakakuha ng anumang papuri, ngunit nagsikap at nagpakapagod pa rin ako,” “Huwag mong sunugin ang tulay pagkatapos tumawid sa ilog; huwag mong patayin ang asno pagkatapos ibaba ang gilingan,” “Parusahan nang matindi ang isang tao para magbigay ng halimbawa sa iba, gawin mo siyang babala sa iba,” at “Ang mga bagong opisyal ay sabik magpasikat,” at iba pa—wala sa mga sinasabi nila ang katotohanan. May ilang tao na magsasaulo sa mga salita ng mga kasalukuyang makata at mag-iiwan pa ng ganoong mga komento sa mga video ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Ang mga salitang iyon ba ang katotohanan? Nauugnay ba ang mga iyon sa katotohanan? May ilang tao na madalas magsabi ng mga bagay tulad ng “May diyos sa tatlong talampakan sa itaas mo,” at “Ang kabutihan at kasamaan ay masusuklian sa huli; hindi magtatagal.” Ang mga pahayag na ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Saan nanggagaling ang mga ito? Makikita ba ang mga ito sa mga salita ng Diyos? Nanggagaling ang mga ito sa kulturang Budista at walang anumang kinalaman sa pananampalataya sa Diyos. Sa kabila nito, madalas subukan ng mga tao na itaas ang mga ito sa antas ng katotohanan; isa itong pagpapamalas ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa. May ilang tao na may kaunting determinasyong gumugol ng sarili nila para sa Diyos, at sinasabi nila, “Iniangat ako ng sambahayan ng Diyos, itinaas ako ng Diyos, kaya dapat akong maging karapat-dapat sa kasabihang, ‘Ang isang ginoo ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga nakakaintindi sa kanya.’” Hindi ka isang ginoo, at hindi hiningi sa iyo ng Diyos na ialay mo ang buhay mo. Kinakailangan bang maging ganoon kagiting kapag gumagawa ng mga tungkulin? Ni hindi mo nga matupad ang mga tungkulin mo ngayong buhay ka, may anumang pag-asa ba na magagawa mo iyon kapag patay ka na? Paano mo pa gagawin ang mga tungkulin mo sa panahong iyon? Sinasabi ng iba, “Likas na tapat ako, isa akong matapang at masigasig na tao. Gusto kong itaya ang lahat para sa mga kaibigan ko. Ganoon din sa Diyos: Dahil ako ay hinirang, iniangat, at itinaas ng Diyos, dapat kong suklian ang biyaya ng Diyos. Talagang itataya ko ang lahat para sa Diyos, kahit hanggang sa kamatayan ko!” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Napakaraming sinabing salita ng Diyos, bakit wala silang ni isang natandaan sa mga iyon? Sa lahat ng oras, ang pinagbabahaginan lang nila ay: “Wala nang ibang kailangang sabihin. Ang isang ginoo ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga nakakaintindi sa kanya, at dapat itaya ng isang tao ang lahat para sa mga kaibigan niya at maging tapat.” Ni hindi nila mabigkas ang pariralang “suklian ang pagmamahal ng Diyos.” Pagkatapos makinig sa mga sermon at basahin ang mga salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, wala silang nalalamang ni isang katotohanan, at ni hindi sila makapagsabi ng ilang espirituwal na termino—ito ang panloob na pagkaunawa at depinisyon nila sa katotohanan. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kaawa-awa ito? Hindi ba’t katawa-tawa ito? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila alam kung ano ang katotohanan, pero garapal nilang ginagamit ang mga maladiyablo, walang kabuluhan, wala sa katwiran, at masyadong katawa-tawang salitang iyon para ipalit sa katotohanan. Bukod sa ganito ang panloob na pag-iisip at pagkaarok nila, palagi rin nila itong ipinapakalat at itinuturo sa iba, kaya nagiging katulad ng sa kanila ang pagkaarok ng iba. Hindi ba’t medyo naglalaman ito ng kalikasan ng pagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan? Tila mapanganib ang mga taong ito na hindi nakakaunawa sa katotohanan at walang espirituwal na pang-unawa, kaya nilang magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan at gumawa ng mga walang kabuluhan at katawa-tawang bagay sa anumang oras at saanmang lugar. Ano pa ang ibang pagpapamalas ng paraan ng pagtrato ng mga tao sa katotohanan? (Ang pagkamuhi sa katotohanan, pagtanggap lang sa kung ano ang umaayon sa sariling mga kuru-kuro ng isang tao, at pagtanggi at pagtutol na isagawa kung ano ang hindi.) Ang pagtanggap at pagsasagawa lang sa kung ano ang umaayon sa sariling mga kuru-kuro ng isang tao at sa parehong paraan ay pagtanggi at pagkondena sa hindi—isa itong saloobin. (Ang hindi paniniwala na kayang lutasin ng katotohanan ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao o baguhin ang sarili niya.) Ang hindi pagkilala o paniniwala sa katotohanan ay isa ring saloobin. Ang isa pang pagpapamalas ay na ang saloobin at pananaw ng isang tao sa katotohanan ay nagbabago ayon sa lagay ng loob, kapaligiran, at mga emosyon niya. Para sa mga taong ito, kapag maganda ang pakiramdam nila at masaya sila isang araw, iniisip nila, “Ang galing ng katotohanan! Ang katotohanan ang realidad ng lahat ng positibong bagay, ang pinakakarapat-dapat isagawa at ipakalat ng mga tao.” Kapag masama ang lagay ng loob nila, iniisip nila, “Ano ba ang katotohanan? Ano ba ang mga pakinabang ng pagsasagawa sa katotohanan? Kikita ka ba rito ng pera? Ano ba ang mababago ng katotohanan? Ano ang puwedeng mangyari kung isasagawa mo ang katotohanan? Hindi ko ito isasagawa—anong pagkakaiba ang magagawa nito?” Lumalabas ang malademonyo nilang kalikasan. Ang mga pagpapamalas na ito ang mga disposisyon at iba’t ibang kalagayang ibinubunyag ng mga tao sa paraan ng pagtrato nila sa katotohanan. Ano pa ang ibang mga partikular na pagpapamalas? (Ang hindi pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan o buhay bagkus ay pagsusuri at pagsisiyasat sa mga iyon.) Nariyan ang pagharap sa mga salita ng Diyos nang may akademikong saloobin, palaging pagsusuri at pagsisiyasat sa katotohanan batay sa kaalaman ng isang tao, nang walang anumang saloobin ng pagtanggap at pagpapasakop. Ang mga ito halos ang mga paghihirap sa pagtrato ng mga tao sa katotohanan na maaaring tukuyin at gawing mga buod na pamagat.
May walong aspekto sa kabuuan sa paksa natin tungkol sa mga paghihirap ng buhay pagpasok, at ang mga ito ang mga pangunahing paghihirap na may kinalaman sa buhay pagpasok at pagtatamo ng kaligtasan. Ang mga kalagayan at disposisyong ibinubunyag ng mga tao na nakapaloob sa walong aspektong ito ay pawang nalalantad sa mga salita ng Diyos; nagtakda ang Diyos ng mga hinihingi para sa mga tao at itinuro Niya sa kanila ang landas ng pagsasagawa. Kung kaya ng mga tao na pagsumikapan ang mga salita ng Diyos, magkaroon ng seryosong saloobin, ng saloobin ng pananabik, at magdala ng pasanin para sa sarili nilang buhay pagpasok, kung gayon, sa mga salita ng Diyos, makakahanap sila ng mga nauugnay na katotohanan para lutasin ang walong uri ng problemang ito, at may mga landas ng pagsasagawa para sa bawat isa sa mga iyon. Wala sa mga iyon ang mga di-malulutas na pagsubok o anumang uri ng misteryo. Gayumpaman, kung hindi ka talaga nagdadala ng pasanin para sa sarili mong buhay pagpasok, at hindi ka talaga interesado sa katotohanan o sa pagbabago sa disposisyon mo, kahit gaano pa kalinaw at katumpak ang mga salita ng Diyos, mananatili ang mga iyon na mga teksto at doktrina lang sa iyo. Kung hindi mo hinahangad o isinasagawa ang katotohanan, kahit ano pa ang mga isyung mayroon ka, hindi ka makakahanap ng solusyon, na masyadong magpapahirap sa iyong magtamo ng kaligtasan. Siguro ay habambuhay ka nang mananatili sa yugto ng pagiging isang trabahador; siguro ay habambuhay ka nang mananatili sa yugto ng hindi pagtatamo ng kaligtasan at pagtataboy at pagtitiwalag sa iyo ng Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.