Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 29

Agosto 26, 2020

Ang sangkatauhan, na napakalalim na ginawang tiwali ni Satanas, ay hindi nakakaalam na mayroong Diyos, at nahinto na sa pagsamba sa Diyos. Sa pasimula, nang sina Adan at Eva ay nilikha, ang kaluwalhatian at patotoo ni Jehova ay laging naroon. Nguni’t matapos magawang tiwali, ang tao ay nawalan ng kaluwalhatian at patotoo, sapagka’t ang lahat ay naghimagsik laban sa Diyos at tuluyang huminto sa paggalang sa Kanya. Ang gawaing panlulupig ngayon ay upang mabawi ang lahat ng patotoo at lahat ng kaluwalhatian, at ang lahat ng tao ay pasambahin sa Diyos, upang mayroong patotoo sa gitna ng mga nilikha; ito ang gawaing gagawin sa yugtong ito. Paano ba talaga lulupigin ang sangkatauhan? Sa pamamagitan ng paggamit ng gawain ng mga salita ng yugtong ito upang lubos na hikayatin ang tao; sa pamamagitan ng paggamit ng pagsisiwalat, paghatol, pagkastigo, at walang-awang sumpa upang siya ay dalhin sa lubos na pagpapasakop; sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng pagiging mapanghimagsik ng tao at paghatol sa kanyang paglaban upang malaman niya ang di-pagkamatuwid at karumihan ng sangkatauhan, at sa gayon ay gamitin ang mga bagay na ito bilang hambingan ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Pangunahing sa pamamagitan ng mga salitang ito na ang tao ay nalulupig at lubos na nahihikayat. Ang mga salita ang paraan tungo sa kahuli-hulihang panlulupig sa sangkatauhan, at silang lahat na tumatanggap sa paglupig ng Diyos ay dapat tumanggap sa hampas at paghatol ng mga salita. Ang proseso ng pagsasalita ngayon ay mismong ang proseso ng panlulupig. At paano ba dapat makipagtulungan ang mga tao? Sa pamamagitan ng pagkaalam kung paano kainin at inumin ang mga salitang ito, at pagkakamit ng pagkaunawa sa mga ito. Pagdating sa kung paano nilulupig ang mga tao, ito ay hindi isang bagay na magagawa nila nang mag-isa. Ang magagawa mo lamang ay, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salitang ito, malaman ang iyong katiwalian at karumihan, ang iyong pagkasuwail at iyong pagiging di-matuwid, at magpatirapa sa harap ng Diyos. Kung, pagkatapos tarukin ang kalooban ng Diyos, naisasagawa mo ito, at kung mayroon kang mga pangitain at kaya mong lubos na magpasakop sa mga salitang ito, at hindi ka gumagawa ng anumang pagpili nang mag-isa, nalupig ka na—at ito ay siyang naging resulta ng mga salitang ito. Bakit naiwala ng sangkatauhan ang patotoo? Dahil walang sinuman ang may pananampalataya sa Diyos, dahil ang Diyos ay walang puwang sa puso ng mga tao. Ang panlulupig sa sangkatauhan ay ang pagpapanumbalik ng pananampalataya ng sangkatauhan. Palaging gusto ng mga tao na tumakbo nang tumakbo sa sanlibutan, nagkakandili sila ng napakaraming inaasahan, nagnanasa nang sobra-sobra para sa kanilang kinabukasan, at may napakaraming maluhong hinihingi. Lagi nilang iniisip ang patungkol sa laman, nagpaplano para sa laman at walang interes sa paghahanap ng daan sa paniniwala sa Diyos. Ang kanilang mga puso ay naagaw na ni Satanas, naiwala na nila ang kanilang paggalang sa Diyos, at nakapirmi na sila kay Satanas. Nguni’t ang tao ay nilikha ng Diyos. Sa gayon, naiwala ng tao ang patotoo, ibig sabihin ay naiwala niya ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang layunin ng panlulupig sa tao ay upang bawiin ang kaluwalhatian ng paggalang ng tao sa Diyos. Maaari itong sabihin nang ganito: Maraming tao ang hindi naghahabol ng buhay; kung mayroon mang ilan na naghahabol talaga ng buhay, kakaunti lamang sila. Lubhang abala ang mga tao sa kanilang mga kinabukasan at hindi sila nag-uukol ng anumang pansin sa buhay. Ang ilan ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, hinahatulan Siya sa likod Niya, at hindi isinasagawa ang katotohanan. Hindi pinapansin ang mga taong ito sa ngayon; sa sandaling ito, walang ginagawa sa mga anak ng paghihimagsik na ito, nguni’t sa hinaharap ikaw ay mabubuhay sa kadiliman, tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin. Hindi mo nadarama ang kahalagahan ng liwanag kapag ikaw ay nabubuhay sa loob nito, nguni’t matatanto mo ang kahalagahan nito sa sandaling ikaw ay nabubuhay sa madilim na gabi, at magsisisi ka sa panahong iyon. Maayos ang pakiramdam mo ngayon, nguni’t darating ang araw na ikaw ay magsisisi. Kapag dumating ang araw na iyon at sumapit ang kadiliman at wala na kailanman ang liwanag, magiging huli na para magsisi. Dahil hindi mo pa rin nauunawaan ang gawain sa ngayon kaya nabibigo kang pahalagahan ang iyong panahon ngayon. Sa sandaling magsimula ang gawain ng buong sansinukob, na ang ibig sabihin ay kapag nagkatotoo na ang lahat ng Aking sinasabi sa kasalukuyan, maraming tao ang hahawak sa kanilang mga ulo at tatangis sa pagdadalamhati. At sa paggawa niyon, hindi ba nahulog na sila sa kadiliman nang tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin? Ang lahat ng tunay na naghahabol ng buhay at ginagawang ganap ay magagamit, samantalang ang lahat ng anak ng paghihimagsik na hindi angkop para magamit ay mahuhulog sa kadiliman. Mawawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi nila makakayang umunawa ng anumang bagay. Kaya naman sila ay hahagulgol, dahil nasadlak na sila sa kaparusahan. Kung maayos kang sinangkapan sa yugtong ito ng gawain at nakalago ka na sa iyong buhay, ikaw ay angkop na magamit. Kung hindi ka sinangkapan nang mabuti, kahit pa ikaw ay tawagin para sa susunod na yugto ng gawain, hindi ka magiging angkop na gamitin—sa puntong ito, hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataon kahit na inaasam mo pang sangkapan ang sarili mo. Ang Diyos ay nakaalis na; saan ka kaya maaaring pumunta upang hanapin ang uri ng pagkakataon na nasa harap mo ngayon? Saan ka kaya maaaring pumunta upang tanggapin ang pagsasanay na personal na ipinagkakaloob ng Diyos? Sa puntong iyon, hindi personal na magsasalita o magpapahayag ang Diyos; ang magagawa mo lamang ay basahin ang mga bagay-bagay na sinasabi ngayon—paano mo ito magagawang maunawaan nang madali? Paano magiging mas mabuti ang buhay sa hinaharap kaysa buhay sa ngayon? Sa puntong iyon, hindi ka ba magdurusa ng isang nabubuhay na kamatayan habang tumatangis ka at nagngangalit ang iyong mga ngipin? Ipinagkakaloob sa iyo ngayon ang mga pagpapala nguni’t hindi mo alam kung paano tatamasahin ang mga ito; ikaw ay nabubuhay na pinagpapala, nguni’t hindi mo ito namamalayan. Pinatutunayan nito na ikaw ay nakatakdang magdusa! Ngayon, ang ilang tao ay lumalaban, ang ilan ay naghihimagsik, ang ilan ay gumagawa ng ganito o ganoon. Binabalewala lamang Kita, nguni’t huwag mong isipin na hindi Ko namamalayan ang inyong ginagawa. Hindi Ko ba nauunawaan ang inyong esensya? Bakit patuloy kang bumabangga sa Akin? Hindi ka ba naniniwala sa Diyos para habulin ang buhay at mga pagpapala para sa iyong sariling kapakanan? Hindi ba para sa iyong sariling kapakanan kaya mayroon kang pananampalataya? Sa kasalukuyan, ginagampanan Ko ang gawaing panlulupig sa pamamagitan lamang ng pagsasalita, at sa sandaling matapos ang gawaing panlulupig na ito, mababanaag na ang iyong wakas. Kailangan Ko pa bang sabihin sa iyo nang deretsahan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1

Tingnan ang iba pa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

I-share

Kanselahin