Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Mga Hiwaga Tungkol sa Biblia | Sipi 271

Oktubre 4, 2020

Hindi lahat ng nasa Biblia ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Biblia ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga hula ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Marami sa nasa mga aklat ng Biblia ang mga pagkaintindi ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga kakatwang pag-unawa ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pagkaunawang iyon—pero hindi pa rin masasabi na sila ay tamang-tama na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang hango sa personal na karanasan, o ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga hula ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya ng mga katulad nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa direktang tagubilin ng Banal na Espiritu, ang mga taong ito ay mga propeta, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na direktang itinagubilin ni Jehova. At bakit kumilos si Jehova sa kanila? Sapagkat ang bayan ng Israel ay ang piniling bayan ng Diyos, at ang gawain ng mga propeta ay kinailangang gawin sa gitna nila; iyon ang dahilan kung bakit nagawang tumanggap ng mga propeta ng gayong mga pahayag. Sa katunayan, hindi nila mismo naunawaan ang mga pahayag ng Diyos sa kanila. Sinabi ng Banal na Espiritu ang mga salitang iyon sa pamamagitan ng kanilang bibig upang maunawaan ng mga tao sa hinaharap ang mga bagay na iyon, at makita na ang mga iyon ay talagang gawa ng Espiritu ng Diyos, ng Banal na Espiritu, at hindi nagmula sa tao, at mabigyan sila ng pagpapatibay ng gawain ng Banal na Espiritu. Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus Mismo ang gumawa ng lahat ng gawaing ito kahalili nila, kaya nga hindi na nagsalita ng propesiya ang mga tao. Kaya propeta ba si Jesus? Si Jesus, siyempre, ay isang propeta, pero nagawa rin Niya ang gawain ng mga apostol: Kaya Niyang magsalita ng propesiya at mangaral at magturo sa mga tao sa buong kalupaan. Subalit ang gawaing ginawa Niya at ang pagkakakilanlan na Kanyang kinakatawan ay hindi magkapareho. Pumarito Siya upang tubusin ang buong sangkatauhan, tubusin ang tao mula sa kasalanan; Siya ay isang propeta, at isang apostol, pero higit pa roon, Siya si Cristo. Ang isang propeta ay maaaring magsalita ng propesiya, ngunit hindi masasabi na siya si Cristo. Sa panahong iyon, maraming sinalitang propesiya si Jesus, kaya masasabi na isa Siyang propeta, pero hindi masasabi na isa Siyang propeta kaya hindi Siya si Cristo. Iyon ay dahil kinatawan Niya ang Diyos Mismo sa pagsasagawa ng isang yugto ng gawain, at iba ang pagkakakilanlan sa Kanya kaysa kay Isaias: Pumarito Siya upang gawing ganap ang gawain ng pagtubos, at Siya rin ang nagbigay ng buhay sa tao, at tuwirang suma-Kanya ang Espiritu ng Diyos. Sa gawaing ginawa Niya, walang mga inspirasyong nagmula sa Espiritu ng Diyos o mga tagubilin mula kay Jehova. Sa halip, direktang gumawa ang Espiritu—na sapat upang patunayan na si Jesus ay hindi kapareho ng isang propeta. Ang gawaing ginawa Niya ay ang gawain ng pagtubos, na pinangalawahan ng pagsasalita ng propesiya. Siya ay isang propeta, isang apostol, at higit pa riyan, Siya ang Manunubos. Samantala, ang mga manghuhula ay maaari lamang magsalita ng propesiya, at walang kakayahang kumatawan sa Espiritu ng Diyos sa paggawa ng anumang iba pang gawain. Dahil maraming ginawa si Jesus na hindi pa nagawa ng tao kailanman, at ginawa ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, naiiba Siya sa mga katulad ni Isaias.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Tingnan ang iba pa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

I-share

Kanselahin