Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 162

Hulyo 21, 2020

Pag-unawa sa Kabanalan ng Diyos sa Pamamagitan ng Kung Ano ang Ginagawa Niya sa Tao (Piling sipi)

Pinadama sa bawat tao ng katatalakay lamang natin ngayon tungkol sa kasamaan ni Satanas na ang tao ay tila ba namumuhay nang napakalungkot at ang buhay ng tao ay puno ng kasawian. Ngunit ano ang pakiramdam ninyo ngayong tinatalakay Ko ang tungkol sa kabanalan ng Diyos at ang gawain na Kanyang isinasagawa sa tao? (Napakasaya.) Nakikita natin ngayon na ang lahat ng ginagawa ng Diyos, lahat ng Kanyang pinaghihirapang isaayos para sa tao ay busilak. Walang mali sa lahat ng ginagawa ng Diyos, nangangahulugang ito ay walang depekto, hindi nangangailangang iwasto, bigyang payo o gawan ng anumang pagbabago. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos para sa bawat isang tao ay hindi mapag-aalinlanganan; inaakay Niya ang bawat isa, sinusubaybayan ka sa bawat sandali at kailanma’y hindi umalis sa iyong tabi. Habang ang mga tao ay lumalaki sa ganitong uri ng kapaligiran at sa ganitong uri ng karanasan, masasabi ba natin na ang mga tao sa katunayan ay lumalaki sa palad ng kamay ng Diyos? (Oo.) Kaya ngayon nakakadama pa ba kayo ng kawalan? Mayroon bang sinumang nakakaramdam pa ng panlulumo? Nadarama ba ng sinuman na tinalikdan ng Diyos ang sangkatauhan? (Hindi.) Kaya ano ba talaga kung gayon ang nagawa ng Diyos? (Binantayan Niya ang sangkatauhan.) Ang matinding paglingap at pangangalaga na nasa likod ng lahat ng ginagawa ng Diyos ay hindi mapagdududahan. Idagdag pa rito, habang isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain, kailanman wala Siyang inilatag na anumang kondisyon. Hindi Niya kailanman hiningi sa sinuman sa inyo na malaman ang Kanyang isinasakripisyo para sa inyo, upang kayo ay makaramdam ng taos-pusong pasasalamat sa Kanya. Hiningi na ba ng Diyos ito sa inyo kailanman? (Hindi.) Sa mahabang kabuuan ng buhay ng tao, halos bawat isang tao ay nakasagupa na ng maraming mapanganib na sitwasyon at sumailalim na sa maraming tukso. Ito’y dahil si Satanas ay nandoon mismo sa tabi mo, ang mga mata nito ay palaging nakatuon sa iyo. Kapag ang kapahamakan ay dumarating sa iyo, nagagalak si Satanas dito, kapag sumasapit sa iyo ang mga kalamidad, kapag walang mabuting nangyayari sa iyo, kapag ikaw ay napupulupot sa sapot ni Satanas, tuwang-tuwa si Satanas sa mga bagay na ito. Tungkol naman sa ginagawa ng Diyos, palagi ka Niyang pinapangalagaan, inilalayo ka Niya sa sunud-sunod na kasawian at sa sunud-sunod na kapahamakan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na ang lahat ng mayroon ang tao—ang kapayapaan at kasiyahan, mga pagpapala at personal na kaligtasan—sa totoo lang ay nasa ilalim lahat ng kontrol ng Diyos; ginagabayan Niya at pinagpapasyahan ang kapalaran ng bawat isang tao. Subalit ang Diyos ba ay may napalaking palagay sa Kanyang posisyon, gaya ng sinasabi ng ilang tao? Sinasabi ba Niya sa iyo, “Ako ang pinakadakila sa lahat. Ako ang namamahala sa inyo. Kayong lahat ay dapat magmakaawa sa Akin, at ang pagsuway ay paparusahan ng kamatayan”? Tinakot na ba kailanman ng Diyos ang sangkatauhan sa ganitong paraan? (Hindi.) Kailanman ba’y sinabi Niya, “Ang sangkatauhan ay tiwali kaya hindi mahalaga kung paano Ko man sila tratuhin, anumang pagtrato ay maaari; hindi Ko kinakailangang isaayos nang maigi ang mga bagay para sa kanila”? Ganito ba mag-isip ang Diyos? Kumilos na ba ang Diyos sa ganitong paraan? (Hindi.) Bagkus, ang pagtrato ng Diyos sa bawat isang tao ay marubdob at responsable. Mas responsable pa kaysa sa pagtrato mo sa iyong sarili ang Kanyang pagtrato sa iyo. Hindi nga ba? Ang Diyos ay hindi basta na lang nagsasalita, ni hindi rin Niya ipinagmamalaki ang Kanyang mataas na kalagayan o pabirong nanloloko sa mga tao. Sa halip ginagawa Niya nang tapat at tahimik ang mga bagay na kinakailangan Niya Mismong gawin. Ang mga bagay na ito ay nagdudulot ng mga pagpapala, kapayapaan at kagalakan sa tao. Dinadala ng mga ito ang tao nang mapayapa at matiwasay sa paningin ng Diyos at sa Kanyang pamilya; pagkatapos ay nabubuhay sila sa harap ng Diyos at tinatanggap ang pagliligtas ng Diyos nang may normal na pangangatwiran at pag-iisip. Kaya ang Diyos ba kailanman ay naging mapanlinlang na sa tao sa Kanyang gawain? Nagpakita na ba Siya kailanman ng huwad na pagpapakita ng kabaitan, niloloko muna ang tao gamit ang ilang pagbati, pagkatapos ay tatalikuran Niya ito? (Hindi.) Kailanman ba’y nagsabi ang Diyos ng isang bagay at pagkatapos ay iba ang ginawa? Ang Diyos ba ay nagbigay kailanman ng hungkag na mga pangako at nagyabang, na sinasabi sa mga taong maaari Niyang gawin ito para sa kanila o tutulungan silang gawin iyon, at pagkatapos ay biglang nawala? (Hindi.) Walang panlilinlang sa Diyos, walang kasinungalingan. Ang Diyos ay tapat at ang lahat ng Kanyang ginagawa ay totoo. Siya lamang ang Isa na maaasahan ng tao; Siya ang Diyos na maaaring pagkatiwalaan ng mga tao ng kanilang mga buhay at ng lahat sa kanila. Dahil walang panlilinlang sa Diyos, masasabi ba natin na ang Diyos ang pinakadalisay? (Oo.) Mangyari pa! Bagaman ang salitang “dalisay” ay labis na mahina, labis na pantao kapag ginamit sa Diyos, ano pa ang ibang salita na maaari nating gamitin? Ganyan talaga ang mga limitasyon ng wika ng tao. Bagama’t hindi gaanong angkop na tawaging “dalisay” ang Diyos, pansamantala pa rin nating gagamitin ang salitang ito. Ang Diyos ay tapat at dalisay. Kaya ano ang ibig nating sabihin sa pagtalakay tungkol sa mga aspetong ito? Tinutukoy ba natin ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng tao at ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ni Satanas? Oo, masasabi natin iyan. Ito ay sapagkat hindi makikita ng tao sa Diyos kahit ang isa mang bakas ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Tama ba Ako sa pagsasabi nito? Amen? (Amen!) Wala tayong nakikitang anumang kasamaan ni Satanas na naibunyag sa Diyos. Lahat ng ginagawa at ibinubunyag ng Diyos ay lubos na kapaki-pakinabang at makakatulong sa tao, ganap na ginagawa upang maglaan para sa tao, puno ng buhay at nagbibigay sa tao ng isang daan na susundan at isang direksyon na tatahakin. Ang Diyos ay hindi tiwali at, bukod pa rito, kung titingnan ngayon ang lahat ng ginagawa ng Diyos, masasabi ba natin na ang Diyos ay banal? (Oo.) Dahil ang Diyos ay walang taglay na katiwalian ng sangkatauhan ni anumang katulad na tiwaling disposisyon ng tao o ng diwa ni Satanas, at wala sa Diyos ni anumang pagkakahawig sa mga bagay na ito, mula sa pananaw na ito masasabi natin na ang Diyos ay banal. Ang Diyos ay walang ipinapakitang anumang katiwalian, at ang pahayag ng Kanyang sariling diwa sa Kanyang gawain ay siyang tanging pagpapatibay na ang Diyos Mismo ay banal. Nakikita ba ninyo ito? Upang makilala ang banal na diwa ng Diyos, tingnan natin ang dalawang aspetong ito sa ngayon: 1) Wala ni bahid ng tiwaling disposisyon sa Diyos; 2) tinutulutan ng diwa ng gawain ng Diyos sa tao na makita ng tao ang sariling diwa ng Diyos at ang diwang ito ay lubos na positibo. Sapagkat ang mga bagay na idinudulot sa tao ng bawat bahagi ng gawain ng Diyos ay pawang positibo. Una, hinihingi ng Diyos sa tao na maging tapat—hindi ba ito positibong bagay? Binibigyan ng Diyos ang tao ng karunungan—hindi ba ito positibo? Ipinauunawa ng Diyos sa tao ang pagkakaiba ng kabutihan sa kasamaan—hindi ba ito positibo? Binibigyang-daan Niya na maunawaan ng tao ang kahulugan at kahalagahan ng buhay ng tao—hindi ba ito positibo? Binibigyang-daan Niya ang tao na makita ang diwa ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay ayon sa katotohanan—hindi ba ito positibo? (Oo, ito ay positibo.) At ang resulta ng lahat ng ito ay na hindi na nalilinlang ni Satanas ang tao, hindi na maipagpapatuloy pa na mapinsala o makontrol ni Satanas. Sa madaling salita, binibigyang-daan ng mga ito ang mga tao na ganap na palayain ang kanilang mga sarili mula sa pagtitiwali ni Satanas, at sa gayon ay unti-unting lumakad sa daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger