Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 144

Hunyo 23, 2023

Ang Tukso ni Satanas

Mateo 4:1–4 Pagkatapos ay dinala ng Espiritu si Jesus sa disyerto upang tuksuhin ng diyablo. At nang Siya’y makapag-ayuno nang apatnapung araw at apatnapung gabi, sa wakas ay nagutom Siya. At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa Kanya, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” Datapuwat Siya’y sumagot, at sinabi, “Nasusulat, hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”

Ito ang mga salitang unang ginamit ng diyablo upang tuksuhin ang Panginoong Jesus. Ano ang nilalaman ng sinabi ng diyablo? (“Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.”) Ang mga salitang sinabi ng diyablo ay napakapayak, ngunit mayroon bang problema sa diwa ng mga ito? Sinabi ng diyablo, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos,” ngunit sa puso nito, alam ba nito na si Jesus ang Anak ng Diyos o hindi? Alam ba nito na Siya ang Cristo o hindi? (Alam nito.) Kung gayon, bakit nito sinabing “Kung Ikaw”? (Sinusubukan nitong tuksuhin ang Diyos.) Ngunit ano ang layunin nito sa paggawa nito? Sinabi nitong, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos.” Sa puso nito, alam nito na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, ito ay napakalinaw sa puso nito, ngunit sa kabila ng pagkakaalam tungkol dito, nagpasakop ba ito sa Kanya o sinamba ba Siya nito? (Hindi.) Ano ang nais nitong gawin? Nais nitong gamitin ang pamamaraang ito at ang mga salitang ito upang galitin ang Panginoong Jesus, at pagkatapos ay linlangin Siya na kumilos ayon sa mga layunin nito. Hindi ba ito ang kahulugan sa likod ng mga salita ng diyablo? Sa puso ni Satanas, malinaw na alam nito na Siya ang Panginoong Jesucristo, ngunit sinabi pa rin nito ang mga salitang ito. Hindi ba ito ang kalikasan ni Satanas? Ano ang kalikasan ni Satanas? (Ang maging tuso, masama, at walang paggalang sa Diyos.) Ano ang mga kahahantungan ng kawalan ng paggalang sa Diyos? Hindi ba’t gusto nitong salakayin ang Diyos? Gusto nitong gamitin ang pamamaraang ito upang salakayin ang Diyos, kaya’t sinabi nito: “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay”; hindi ba ito ang masamang intensyon ni Satanas? Ano ang talagang sinusubukan nitong gawin? Ang pakay nito ay napakalinaw: Sinusubukan nitong gamitin ang pamamaraang ito upang pasinungalingan ang posisyon at pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo. Ang ibig sabihin ni Satanas sa mga salitang iyon ay, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, gawin Mong tinapay ang mga batong ito. Kung hindi Mo gagawin, hindi Ikaw ang Anak ng Diyos at hindi Mo na dapat na isakatuparan pa ang Iyong gawain.” Tama ba? Gusto nitong gamitin ang pamamaraang ito upang salakayin ang Diyos, gusto nitong buwagin at sirain ang gawain ng Diyos; ito ang kasamaan ni Satanas. Ang kasamaan nito ay natural na pagpapahayag ng kalikasan nito. Kahit na alam nitong ang Panginoong Jesucristo ang Anak ng Diyos, ang mismong pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi nito kayang pigilin ang sarili na gawin ang ganitong uri ng bagay, na bumuntot-buntot sa Diyos at patuloy na salakayin Siya at magsikap na mabuti upang gambalain at wasakin ang gawain ng Diyos.

Ngayon, ating suriin ang katagang binigkas ni Satanas: “Ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” Gawing tinapay ang mga bato—mayroon ba itong ibig sabihin? Kung mayroong pagkain, bakit hindi mo ito kakainin? Bakit kinakailangan na ang mga bato ay gawing pagkain? Masasabi ba na walang ibig ipakahulugan dito? Kahit na Siya ay nag-aayuno noong mga oras na iyon, tiyak namang may pagkain na makakain ang Panginoong Jesus? (Mayroon.) Kung gayon, dito, nakikita natin ang kahibangan ng mga salita ni Satanas. Sa kabila ng pandaraya at malisya ni Satanas, nakikita pa rin natin ang pagiging hibang at kakatwa nito. Gumagawa si Satanas ng ilang bagay kung saan ay makikita mo ang malisyosong kalikasan nito; makikita mo itong gumagawa ng mga bagay na wumawasak sa gawain ng Diyos, at sa pagkakita nito ay nararamdaman mong nakakagalit at nakakayamot ito. Ngunit, sa kabilang banda, hindi mo ba nakikita ang isang parang bata at katawa-tawang kalikasan sa likod ng mga salita at gawa nito? Ito ay isang paghahayag tungkol sa kalikasan ni Satanas; dahil mayroon itong ganitong uri ng kalikasan, gagawin nito ang ganitong uri ng bagay. Sa mga tao ngayon, ang mga katagang ito ni Satanas ay kahibangan at katawa-tawa. Ngunit ang mga salitang iyon ay kaya talagang bigkasin ni Satanas. Masasabi ba natin na ito ay ignorante at kakatwa? Ang kasamaan ni Satanas ay nasa lahat ng dako at patuloy na nabubunyag. At paano ito sinagot ng Panginoong Jesus? (“Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”) Mayroon bang anumang kapangyarihan ang mga salitang ito? (Oo, mayroon.) Bakit natin sinasabi na may kapangyarihan ang mga ito? Ito ay dahil ang mga salitang ito ay katotohanan. Ngayon, sa tinapay lamang ba nabubuhay ang tao? Ang Panginoong Jesus ay nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at gabi. Namatay ba Siya sa gutom? Hindi Siya namatay sa gutom, kaya nilapitan Siya ni Satanas, inuudyukan Siya na gawing pagkain ang mga bato sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay na tulad ng: “Kung gagawin Mong pagkain ang mga bato, hindi ba’t magkakaroon Ka na ng makakain? Hindi ba’t hindi Mo na kailangang mag-ayuno, hindi na kailangang magutom?” Ngunit sinabi ng Panginoong Jesus, “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao,” na nangangahulugang, kahit na ang tao ay naninirahan sa pisikal na katawan, ang nagpapahintulot sa pisikal na katawan na mabuhay at huminga ay hindi pagkain, kundi ang bawat isa sa mga salitang binigkas ng bibig ng Diyos. Sa isang banda, ang mga salitang ito ay katotohanan; binibigyan nila ng pananampalataya ang mga tao, ipinadarama sa kanila na maaari silang dumepende sa Diyos, at na Siya ay katotohanan. Sa kabilang banda, mayroon bang praktikal na aspeto sa mga salitang ito? Hindi ba’t ang Panginoong Jesus ay nakatayo pa rin doon at buhay pa rin pagkatapos mag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at gabi? Hindi ba ito isang tunay na halimbawa? Hindi Siya kumain ng kahit anumang pagkain sa loob ng apatnapung araw at gabi, ngunit buhay pa rin Siya. Ito ang makapangyarihang ebidensya na nagpapatunay sa katotohanan ng Kanyang mga salita. Ang mga salitang ito ay simple, ngunit para sa Panginoong Jesus, binigkas Niya ba ito noon lamang tinukso Siya ni Satanas, o dati nang natural na bahagi Niya ang mga ito? Sa ibang pananalita, ang Diyos ay katotohanan, at ang Diyos ay buhay, ngunit ang katotohanan at buhay ba ng Diyos ay huling pandagdag lamang? Ang mga ito ba ay mula sa bagong karanasan? Hindi—sila ay likas sa Diyos. Ibig sabihin, ang katotohanan at buhay ang diwa ng Diyos. Anuman ang sapitin Niya, ang tangi Niyang ibinubunyag ay katotohanan. Ang katotohanang ito, ang mga salitang ito—ang nilalaman man ng Kanyang pananalita ay mahaba o maikli—ay kayang bigyang-kakayanan ang tao na mabuhay at bigyan ang tao ng buhay; mabibigyang-kakayanan ng mga ito ang tao na makamit ang katotohanan at kalinawan tungkol sa landas ng buhay ng tao, at tulungan silang magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Sa madaling salita, ang pinagmumulan ng paggamit ng Diyos ng mga salitang ito ay positibo. Kaya masasabi ba natin na ang positibong bagay na ito ay banal? (Oo.) Ang mga salitang ito ni Satanas ay nanggagaling sa kalikasan ni Satanas. Ibinubunyag ni Satanas ang kanyang masama at malisyosong kalikasan kahit saan, sa lahat ng oras. Ngayon, ginagawa ba ni Satanas ang mga pagbubunyag na ito nang natural? Mayroon bang gumagabay rito para gawin ito? Tinutulungan ba ito ng sinuman? Pinupuwersa ba ito ng sinuman? Hindi. Ang lahat ng mga paghahayag na ito ay ginagawa nito sa sarili nitong pag-iisip. Ito ang masamang kalikasan ni Satanas. Anuman ang ginagawa ng Diyos at kahit paano man Niya ginagawa ito, sinusundan ito nang husto ni Satanas. Ang diwa at tunay na kalikasan ng mga bagay na ito na sinasabi at ginagawa ni Satanas ay siyang diwa ni Satanas—diwang masama at malisyoso.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger