Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 6

Mayo 24, 2020

Hindi Mapapalitan ng mga Paniniwala ng mga Tao ang Katotohanan

Nagagawa ng ilang tao na magtiis ng mga paghihirap, magsakripisyo, magpakita ng mabuting asal, maging medyo kagalang-galang, at magalak sa paghanga ng iba. Masasabi ba ninyo na maituturing na pagsasagawa ng katotohanan ang ganitong klase ng ipinapakitang pag-uugali? Matutukoy kaya ng isang tao na napapalugod ng gayong mga tao ang kalooban ng Diyos? Bakit paulit-ulit na nakakakita ang mga tao ng gayong mga indibiduwal at iniisip nila na napapalugod nila ang Diyos, na tumatahak sila sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, at sinusundan ang daan ng Diyos? Bakit ganito ang iniisip ng ilang tao? Isa lamang ang paliwanag para dito. Ano ang paliwanag na iyon? Na para sa napakaraming tao, ang ilang katanungan—tulad ng ano ang ibig sabihin ng isagawa ang katotohanan, ano ang ibig sabihin ng palugurin ang Diyos, at ano ang ibig sabihin ng tunay na taglayin ang realidad ng katotohanan—ay hindi gaanong malinaw. Sa gayon, may ilang tao na madalas malinlang ng mga tao na sa tingin ay mukhang espirituwal, marangal, matayog, at dakila. Tungkol naman sa mga taong mahusay magsalita tungkol sa mga titik at doktrina, at ang pananalita at mga kilos ay tila karapat-dapat sa paghanga, yaong mga nalilinlang ng mga ito ay hindi natingnan kailanman ang diwa ng kanilang mga kilos, ang mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga gawa, o kung ano ang kanilang mga mithiin. Bukod pa riyan, hindi nila natingnan kailanman kung tunay na nagpapasakop sa Diyos ang mga taong ito, ni hindi nila natukoy kailanman kung tunay na may takot sa Diyos ang mga taong ito o wala at umiiwas sila sa kasamaan o hindi. Hindi nila nahiwatigan kailanman ang diwa ng pagkatao ng mga taong ito. Sa halip, simula sa unang hakbang ng pagkilala sa kanila, unti-unti na nilang hinangaan at iginalang ang mga taong ito, at sa huli, naging mga idolo nila ang mga taong ito. Bukod pa riyan, sa isipan ng ilang tao, ang mga idolong sinasamba nila—at pinaniniwalaan nila na kayang iwan ang kanilang pamilya at trabaho, at tila paimbabaw na nagagawang magsakripisyo—ang mga tunay na nagpapalugod sa Diyos at talagang magtatamo ng magagandang kahihinatnan at hantungan. Sa kanilang isipan, ang mga idolong ito ang mga taong pinupuri ng Diyos. Ano ang nagiging dahilan para maniwala sila sa gayong bagay? Ano ang diwa ng isyung ito? Ano ang mga bungang kahahantungan nito? Talakayin muna natin ang diwa nito.

Ang mahalaga, ang mga isyung ito tungkol sa mga pananaw ng mga tao, ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa, aling mga prinsipyo ng pagsasagawa ang pinipili nilang gamitin, at ano ang gusto nilang pagtuunan ay walang kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Nakatutok man ang mga tao sa mabababaw na usapin o malalalim na isyu, o sa mga titik at doktrina o realidad, hindi sila sumusunod doon sa pinaka-nararapat nilang sundin, ni hindi nila alam yaong bagay na pinaka-nararapat nilang malaman. Ito ay dahil sa ni ayaw man lamang ng mga tao sa katotohanan; sa gayon, ayaw nilang gumugol ng panahon at pagsisikap sa paghahanap at pagsasagawa ng mga prinsipyo ng pagsasagawa na matatagpuan sa mga pagbigkas ng Diyos. Sa halip, mas gusto nilang gumamit ng mas madaling paraan, na ibinubuod ang nauunawaan at nalalaman nilang mahusay na pagsasagawa at mabuting pag-uugali; ang buod na ito kung gayon ang nagiging sarili nilang mithiing pagsisikapang matupad, na itinuturing nilang katotohanang isasagawa. Ang tuwirang resulta nito ay na gumagamit ang mga tao ng mabuting pag-uugali bilang kapalit ng pagsasagawa ng katotohanan, na tumutupad din sa hangarin nilang makahingi ng pabor sa Diyos. Binibigyan sila nito ng puhunang magagamit para labanan ang katotohanan, na ginagamit din nila para mangatwiran at makipaglaban sa Diyos. Kasabay nito, walang-takot na isinasantabi rin ng mga tao ang Diyos, at ipinapalit sa lugar Niya ang mga idolong hinahangaan nila. Iisa lamang ang ugat na dahilan kaya nagiging gayon kamangmang ang mga kilos at pananaw ng mga tao, o isang panig lamang ang mga opinyon at gawi nila—at ngayon ay sasabihin Ko sa inyo ang tungkol dito: Ang dahilan nito ay na, bagama’t maaaring sinusunod ng mga tao ang Diyos, nagdarasal sila sa Kanya araw-araw, at binabasa nila ang Kanyang mga pagbigkas araw-araw, hindi nila talaga nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Narito ang ugat ng problema. Kung may nakaunawa sa puso ng Diyos, at nakaalam kung ano ang gusto Niya, ano ang kinasusuklaman Niya, ano ang nais Niya, ano ang inaayawan Niya, anong klaseng tao ang minamahal Niya, anong klaseng tao ang inaayawan Niya, anong klaseng pamantayan ang ginagamit Niya kapag may hinihingi Siya sa mga tao, at anong klaseng pamamaraan ang ginagamit Niya para gawin silang perpekto, maaari pa rin kayang magkaroon ang taong iyon ng sarili nilang mga opinyon? Maaari kayang basta humayo ang mga tao at sambahin nila ang ibang tao? Maaari kayang maging idolo nila ang isang ordinaryong tao? Ang mga taong nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay magtataglay ng medyo mas makatwirang pananaw kaysa riyan. Hindi nila basta iidolohin ang isang taong natiwali, ni hindi sila maniniwala, habang tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, na ang pikit-matang pagsunod sa isang simpleng panuntunan o mga prinsipyo ay katumbas ng pagsasagawa ng katotohanan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Tingnan ang iba pa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

I-share

Kanselahin