Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 321

Disyembre 7, 2021

Inaasam ninyo na kalugdan kayo ng Diyos, subalit napakalayo ninyo sa Diyos. Ano ang problema rito? Tinatanggap ninyo ang mga salita lamang Niya, ngunit hindi ang pakikitungo at pagtatabas Niya, lalong hindi ninyo magawang tanggapin ang bawat pagsasaayos Niya, ang magkaroon ng ganap na pananampalataya sa Kanya. Ano, kung gayon, ang problema rito? Sa huling pagsusuri, ang inyong pananampalataya ay isang basyong balat ng itlog, yaong hindi kailanman makabubuo ng sisiw. Sapagkat hindi nakapagdala sa inyo ng katotohanan o nakapagbigay sa inyo ng buhay ang inyong pananampalataya, bagkus ay nakapagbigay sa inyo ng mapanlinlang na pakiramdam ng kandili at pag-asa. Itong pakiramdam ng kandili at pag-asa ang siyang layunin ng paniniwala ninyo sa Diyos, hindi ang katotohanan at ang buhay. Kaya’t sinasabi Ko na ang landas ng inyong pananampalataya sa Diyos ay walang iba kundi ang subukang magmapuri sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapaalipin at kawalanghiyaan, at sa kahit anong paraan ay hindi maipapalagay na totoong pananampalataya. Paanong isisilang ang isang sisiw sa pananampalatayang tulad nito? Sa madaling salita, anong magagawa ng pananampalatayang tulad nito? Ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos ay gamitin Siya upang makamit ang inyong mga layunin. Hindi ba ito, sa karagdagan, na isang katunayan na pinasasakitan ninyo ang disposisyon ng Diyos? Naniniwala kayo sa pag-iral ng Diyos na nasa langit at itinatatwa yaong sa Diyos na nasa lupa, subalit hindi Ko kinikilala ang mga pananaw ninyo; pinapupurihan Ko lamang yaong mga taong pinananatili ang mga paa nila sa lupa at naglilingkod sa Diyos na nasa lupa, ngunit hindi kailanman yaong mga hindi kumikilala sa Cristo na nasa lupa. Gaano man katapat sa Diyos na nasa langit ang ganitong mga tao, sa huli ay hindi pa rin nila matatakasan ang Aking kamay na nagpaparusa sa mga buktot. Buktot ang mga taong ito; sila ang mga masasamang sumasalungat sa Diyos at hindi kailanman masayang sumunod kay Cristo. Mangyari pa, kasama sa kanilang bilang lahat yaong mga hindi nababatid, at, dagdag pa, hindi kinikilala si Cristo. Naniniwala ka ba na makakikilos ka tungo kay Cristo ayon sa iyong kagustuhan hangga’t tapat ka sa Diyos na nasa langit? Mali! Kamangmangan sa Diyos na nasa langit ang kamangmangan mo kay Cristo. Gaano ka man katapat sa Diyos na nasa langit, ngawngaw at pagkukunwari lamang ito, dahil ang Diyos na nasa lupa ay hindi lamang nakatutulong sa pagtanggap ng tao sa katotohanan at mas malalim na karunungan, ngunit higit pa riyan ay nakatutulong sa kaparusahan ng tao at, pagkatapos, sa pagsunggab sa mga katunayan upang parusahan ang mga buktot. Naintindihan mo ba rito ang mga pakinabang at mga nakapipinsalang kalalabasan? Naranasan mo ba ang mga ito? Hiling Ko para sa inyo na maintindihan balang-araw ang katotohanang ito: Para makilala ang Diyos, kailangan ninyong makilala hindi lamang ang Diyos na nasa langit ngunit, higit pang mahalaga, ang Diyos na nasa lupa. Huwag kayong malito sa inyong mga prayoridad o hayaang mahalinhan ng pangalawa ang pangunahin. Tanging sa ganitong paraan ka lamang tunay na makapagtatayo ng magandang ugnayan sa Diyos, magiging higit na malapit sa Diyos, at higit na mapalalapit ang puso mo sa Kanya. Kung isa kang mananampalataya sa loob ng maraming taon at matagal nang nauugnay sa Akin, subalit nananatiling malayo sa Akin, kung gayon ay sinasabi Ko na iyan ay dahil madalas mong napasasakitan ang disposisyon ng Diyos, at magiging mahirap tuusin ang katapusan mo. Kung ang maraming taon ng kaugnayan mo sa Akin ay hindi lamang nabigong baguhin ka tungo sa isang taong nagtataglay ng pagkatao at ng katotohanan, ngunit, bukod dito, naitanim ang masama mong mga gawi sa iyong kalikasan, at hindi lamang may makadalawang ulit na pagmamataas ka kaysa dati, ngunit dumami rin ang mga maling pagkakaintindi mo sa Akin, kaya’t tinitingnan mo na Ako ngayon bilang abang alalay, kung gayon ay sinasabi Ko na hindi na lamang paimbabaw ang sakit mo ngunit tumagos na sa kaibuturan ng mga buto mo. Ang nalalabi na lamang ay hintayin mong matapos ang pagsasaayos ng iyong libing. Hindi mo na kailangang magsumamo sa Akin upang maging Diyos mo, dahil nakagawa ka ng kasalanang nararapat sa kamatayan, isang kasalanang walang kapatawaran. Magkaroon man Ako ng habag sa iyo, igigiit ng Diyos na nasa langit na kunin ang buhay mo, dahil hindi pangkaraniwang suliranin ang pagkakasala mo laban sa disposisyon ng Diyos, ngunit isang may napakalubhang kalikasan. Pagdating ng oras, huwag mo Akong sisisihin sa hindi karakang pagsasabi sa iyo. Bumabalik ang lahat dito: Kapag nakipag-ugnay ka kay Cristo—ang Diyos na nasa lupa—bilang pangkaraniwang tao, iyan ay, kung naniniwala kang walang iba kundi isang tao lamang ang Diyos na ito, ay saka lamang na mamamatay ka. Ito lamang ang babala Ko sa inyong lahat.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa

Tingnan ang iba pa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

I-share

Kanselahin