Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 318

Hunyo 26, 2020

Ang iyong paniniwala sa Diyos, ang iyong paghahangad sa katotohanan, at maging ang iyong asal ay dapat nakabatay lahat sa katotohanan: Dapat maging praktikal ang anumang ginagawa mo, at hindi ka dapat maghangad ng mga hindi tunay at imahinatibong bagay. Walang halaga ang umasal nang ganito, at, bukod pa rito, walang kabuluhan sa gayong buhay. Dahil ang iyong paghahangad at buhay ay ginugugol sa gitna ng kasinungalingan at panlilinlang lamang, at dahil hindi ka naghahangad ng mga bagay na may halaga at kabuluhan, ang tanging nakakamit mo ay mga katawa-tawang pangangatuwiran at doktrinang lihis sa katotohanan. Walang kaugnayan ang gayong mga bagay sa kabuluhan at halaga ng iyong pag-iral, at maaari lamang magdala sa iyo sa hungkag na lupain. Sa ganitong paraan, ang buong buhay mo ay mawawalan ng anumang halaga o kabuluhan—at kung hindi ka naghahangad ng isang makabuluhang buhay, maaari kang mabuhay nang isang daang taon at ang lahat ng ito ay mawawalan ng silbi. Paano iyan matatawag na buhay ng tao? Kung tutuusin, hindi ba’t iyan ay buhay ng isang hayop? Gayundin, kung sinusubukan ninyong sundan ang landas ng paniniwala sa Diyos, ngunit walang pagtatangkang maghangad sa Diyos na nakikita at sa halip ay sumasamba sa isang hindi nakikita at hindi nahahawakang Diyos, hindi ba’t ang gayong paghahangad ay lalo pang walang-saysay? Sa huli, ang iyong paghahangad ay magiging isang bunton ng mga guho. Ano ang pakinabang sa iyo ng gayong paghahangad? Ang pinakamalaking suliranin sa tao ay minamahal lamang niya ang mga bagay na hindi nakikita o nahahawakan, mga bagay na labis na mahiwaga at kamangha-mangha at hindi lubos na mawari ng tao at hindi kayang maabot ng mga mortal lamang. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga bagay na ito, lalong susuriin ang mga ito ng mga tao, at hinahangad pa ang mga iyon ng mga tao na walang pakialam sa ibang mga bagay, at tatangkaing makamtan ang mga iyon. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga iyon, lalong malapitang bubusisiin at sisiyasatin ng mga tao ang mga iyon, na aabot pa nga sa paggawa ng mga sarili nilang puspusang kaisipan tungkol sa mga ito. Taliwas dito, habang higit na makatotohanan ang mga bagay, higit na hindi ito binibigyang-pansin ng mga tao; minamaliit lamang at hinahamak pa nga nila ang mga ito. Hindi ba’t ito ang inyong tunay na saloobin sa makatotohanang gawain Ko ngayon? Habang higit na makatotohanan ang gayong mga bagay, higit na kumikiling kayo laban sa mga ito. Hindi kayo nagbibigay ng panahon para suriin ang mga iyon, sa halip ay hindi na lamang ninyo pinapansin ang mga iyon; hinahamak ninyo ang mga ganitong pangangailangan na makatotohanan at may mababang pamantayan, at nag-iingat pa nga kayo ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa Diyos na pinakatunay, at basta walang kakayahang tanggapin ang Kanyang pagiging tunay at karaniwan. Sa ganitong paraan, hindi ba’t isang malabong paniniwala ang inyong pinanghahawakan? Mayroon kayong hindi natitinag na paniniwala sa hindi malinaw na Diyos ng nakalipas na panahon, at walang pagkawili sa tunay na Diyos ng kasalukuyan. Hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kahapon at ang Diyos ng kasalukuyan ay mula sa dalawang magkaibang panahon? Hindi rin ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kahapon ay ang mabunying Diyos ng kalangitan, samantalang ang Diyos ng kasalukuyan ay isa lamang maliit na tao sa lupa? Dagdag pa, hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos na sinasamba ng tao ay ang siyang kinatha ng kanyang mga kuru-kuro, samantalang ang Diyos ng kasalukuyan ay totoong katawang-tao na iniluwal sa lupa? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kasalukuyan ay totoong-totoo kaya’t hindi Siya hinahangad ng mga tao? Sapagka’t ang hinihingi sa mga tao ng Diyos ng kasalukuyan ay yaong sadyang pinakaayaw gawin ng mga tao, at yaong nakapagpaparamdam sa kanila ng kahihiyan. Hindi ba’t ginagawa lamang nitong mahirap para sa mga tao ang mga bagay? Hindi ba nito inilalantad ang mga pilat ng mga tao? Sa ganitong paraan, marami sa mga hindi naghahangad sa realidad ay nagiging mga kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao, nagiging mga anticristo. Hindi ba’t ito ay isang malinaw na katunayan? Sa nakalipas, noong hindi pa nagkakatawang-tao ang Diyos, ikaw marahil ay naging isang relihiyosong tao o isang debotong mananampalataya. Pagkaraang magkatawang-tao ang Diyos, marami sa mga gayong debotong mananampalataya ang naging mga anticristo nang hindi nila namamalayan. Alam mo ba kung ano ang nangyayari dito? Sa iyong paniniwala sa Diyos, hindi ka nagtutuon ng pansin sa realidad o naghahangad sa katotohanan, bagkus ay nahuhumaling sa mga kabulaanan—hindi ba’t ito ang pinakamalinaw na pinagmumulan ng iyong pakikipag-alitan sa Diyos na nagkatawang-tao? Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, kaya hindi ba’t anticristo ang lahat ng hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao? Kaya tunay ba na ang iyong pinaniniwalaan at minamahal ay ang Diyos na nagkatawang-tao? Ito nga ba ang buhay, humihingang Diyos na pinakatotoo at bukod-tanging karaniwan? Ano ba ang talagang layunin ng iyong paghahangad? Ito ba ay nasa langit o nasa lupa? Ito ba ay isang kuru-kuro o ito ang katotohanan? Ito ba ay ang Diyos o isang nilalang na supernatural? Sa katunayan, ang katotohanan ang pinakatunay na talinghaga ng buhay, at ang pinakamataas sa gayong mga talinghaga sa buong sangkatauhan. Sapagkat ito ang kinakailangan ng Diyos sa tao, at ang gawaing personal na ginagampanan ng Diyos, kaya’t tinatawag itong “talinghaga ng buhay.” Hindi ito isang talinghagang binuo mula sa kung anong bagay, o hindi rin ito isang tanyag na panipi mula sa isang dakilang tao. Sa halip, ito ang pagbigkas sa sangkatauhan mula sa Panginoon ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay; hindi ito ilang salita na nilagom ng tao, kundi ang likas na buhay ng Diyos. Kaya nga ito ang tinatawag na “pinakamataas sa lahat ng talinghaga ng buhay.” Ang paghahangad ng mga tao na isagawa ang katotohanan ay pagganap sa kanilang tungkulin—ibig sabihin, ito ay ang paghahangad na tugunan ang hinihingi ng Diyos. Ang diwa ng hinihinging ito ang pinakatunay sa lahat ng katotohanan, at hindi doktrinang walang katuturan na hindi makakamtan ng sinuman. Kung ang iyong paghahangad ay doktrina lamang at walang nilalamang realidad, hindi ba’t naghihimagsik ka laban sa katotohanan? Hindi ka ba isang tao na sumasalakay sa katotohanan? Paano mangyayari na ang gayong tao ay maging isang may pagnanais na mahalin ang Diyos? Ang mga taong walang realidad ay yaong mga nagkakanulo sa katotohanan, at lahat sila ay likas na mapanghimagsik!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos

Tingnan ang iba pa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

I-share

Kanselahin