Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 573

Nobyembre 12, 2020

Anuman ang ginagawa mo, dapat mo munang unawain kung bakit mo iyon ginagawa, ano ang intensyong nagtutulak sa iyo na gawin iyon, ano ang kabuluhan ng paggawa mo nito, ano ang kalikasan ng bagay na ito, at kung positibo o negatibong bagay ba ang ginagawa mo. Kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa lahat ng bagay na ito; lubhang kinakailangan ito para makakilos nang may prinsipyo. Kung may ginagawa ka para tuparin ang tungkulin mo, dapat mong pagnilayan ito: Paano ko ito dapat gawin? Paano ko dapat tuparin nang maayos ang tungkulin ko para hindi ko lang iyon ginagawa nang basta-basta? Dapat kang lumapit sa Diyos sa bagay na ito. Ang paglapit sa Diyos ay nangangahulugan ng paghahanap sa katotohanan sa bagay na ito, paghahanap ng paraan ng pagsasagawa, paghahangad sa kalooban ng Diyos, at pag-alam kung paano bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ganito ang paglapit sa Diyos sa lahat ng ginagawa mo. Hindi kasali rito ang pagsasagawa ng seremonyang pangrelihiyon o pagpapakita na kumikilos ka. Ginagawa ito para makapagsagawa alinsunod sa katotohanan matapos hangarin ang kalooban ng Diyos. Kung lagi mong sinasabing “Salamat sa Diyos” kahit na wala ka pa namang nagagawa, subalit kapag may ginagawa ka, patuloy mo iyong ginagawa sa paraang gusto mo, ang uring ito ng pasasalamat ay isa lamang pagpapakita na kumikilos ka. Kapag tinutupad mo ang tungkulin mo o may ginagawa ka, dapat mong isipin palagi: Paano ko dapat tuparin ang tungkuling ito? Ano ang kalooban ng Diyos? Ito ay ang mapalapit ka sa Diyos sa pamamagitan ng ginagawa mo, at, sa paggawa nito, hanapin ang mga prinsipyo at katotohanan sa likod ng iyong mga pagkilos gayon din ang kalooban ng Diyos, at huwag lumayo sa Diyos sa anumang ginagawa mo. Gayong tao lamang ang tunay na nananalig sa Diyos. Sa mga panahong ito, tuwing may mga bagay-bagay na nadaraanan ang mga tao, anuman ang aktuwal na sitwasyon, iniisip nila na magagawa nila ang ganito at ganoon, kaya wala ang Diyos sa puso nila, at ginagawa nila ito ayon sa sarili nilang kagustuhan. Angkop man o hindi ang kanilang ginagawa, o alinsunod man ito sa katotohanan o hindi, nagmamatigas lamang silang nagpapatuloy, at kumikilos ayon sa kanilang mga pansariling intensyon. Maaaring karaniwan ay waring nasa puso nila ang Diyos, ngunit kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, wala ang Diyos sa kanilang puso. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako mapapalapit sa Diyos sa mga bagay na ginagawa ko. Noong araw, nakasanayan kong magsagawa ng mga relihiyosong seremonya, at sinubukan kong mapalapít sa Diyos, ngunit hindi iyon nagkaroon ng epekto. Hindi ako mapalapit sa Kanya.” Wala ang Diyos sa puso ng ganitong mga tao; sarili lamang niya ang nasa puso nila, at hindi nila talaga maisagawa ang katotohanan sa anumang ginagawa nila. Ang hindi pagkilos alinsunod sa katotohanan ay nangangahulugan ng paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang kalooban, at ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang kalooban ay nangangahulugan ng pagtalikod sa Diyos; ibig sabihin, wala ang Diyos sa puso nila. Ang mga naiisip ng tao ay karaniwang maganda at matuwid sa tingin ng mga tao, at tila ang mga ito ay hindi gaanong lalabag sa katotohanan. Pakiramdam ng mga tao ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganoong paraan ay pagsasagawa ng katotohanan; sa palagay nila ang paggawa ng mga bagay-bagay sa paraang iyon ay magiging pagpapasakop sa Diyos. Sa totoo lang, hindi sila tunay na naghahanap sa Diyos o nananalangin sa Diyos tungkol dito, at hindi sila nagsusumikap na gawin ito nang mabuti alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, upang bigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos. Wala silang angking ganitong totoong kalagayan, ni wala silang ganoong hangarin. Ito ang pinakamalaking kamalian ng mga tao sa kanilang pagsasagawa. Naniniwala ka sa Diyos, nguni’t hindi mo iniingatan sa iyong puso ang Diyos. Paano ito hindi isang kasalanan? Hindi mo ba dinadaya ang iyong sarili? Anong uri ng mga bunga ang nakukuha mo kung patuloy kang naniniwala sa ganyang paraan? Bukod pa riyan, paano naipapamalas ang kabuluhan ng paniniwala sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Leave a Reply

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger